Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging-Magkaayon kay Cristo

Nagawa Ko ang maraming gawain sa tao, at sa panahong ito nagpahayag din Ako ng maraming mga salita. Ang lahat ng mga salitang ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao at ipinahayag upang ang tao ay maging kaayon sa Akin. Gayunman, iilang mga tao lamang sa lupa na nakamit Ko ang kaayon sa Akin, at kaya sinasabi Kong hindi pinahahalagahan ng tao ang mga salita Ko—ito ay sapagkat hindi kaayon ang tao sa Akin. Sa ganitong pamamaraan, ang gawaing ginagawa Ko ay hindi lamang upang sumamba sa Akin ang tao; mas mahalaga, ito ay upang maging kaayon sa Akin ang tao. Naging tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng mga tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at walang ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong yaong mga nagsasabing kaayon sila sa Akin, ngunit ang ganitong mga tao ay sumasamba lahat sa mga malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, laban silang lahat sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Biblia at nakahahanap nang walang pili ng “angkop” na mga siping kanilang walang katapusang binabasa at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin ni ang kahulugan ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Biblia, ipinipilit nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakikita, at walang kakayahang makita, at inilalabas upang tingnan sa kanilang pagliliwaliw. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Biblia, at ipinapantay nila Ako sa Biblia; kung wala Ako wala ang Biblia, at kung wala ang Biblia wala Ako. Hindi sila nagbibigay ng pansin sa pag-iral o mga kilos Ko, ngunit sa halip ay nag-uukol ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Marami pa ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan ng Banal na Kasulatan. Nagbibigay sila ng sobrang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa ginagamit nila ang mga bersikulo mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging-magkaayon sa Akin o ang daan ng pagiging-magkaayon sa katotohanan, ngunit ang daan ng pagiging-magkaayon sa mga salita ng Biblia, at naniniwala silang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagbubukod, hindi Ko gawain. Hindi ba ang ganitong mga tao ay ang masusunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, upang mapanatili ang dangal ng Biblia, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Biblia, humantong sila sa pagpako nila sa krus sa mahabaging Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Biblia, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan, sa kamatayan. Hindi ba sila mga manghihibo sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?

At ano naman ang mga tao ngayon? Dumating si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makamit nila ang pagpasok sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagdating ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paanong matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung mapaghangad ng masama ang puso niya at laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinagniningning Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, ikinakaila niya ang pag-iral Ko nang may mas higit pang kalakasan. Naghahanap ang tao ng pagiging-magkaayon sa mga salita at pagiging-magkaayon sa Biblia, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sobrang walang halaga. Yaong mga tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa mga salita sa Biblia at tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng hindi mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na inilalagay ang sarili Niya sa awa ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik tungo sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?

Yaong mga laban sa Akin ay yaong mga hindi kaayon sa Akin. Ganito rin ang kaso ng yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Yaong mga naghihimagsik laban sa Akin ay lalo pang laban sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Iniaabot Ko sa mga kamay ng masama lahat yaong mga hindi kaayon sa Akin, at ipinauubaya Ko sila sa katiwalian ng masama, bibigyang kalayaan silang ibunyag ang kasamaan nila, at sa huli ay ibibigay sila sa masama upang lamunin. Hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang sumasamba sa Akin, na ang ibig sabihin, hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang naniniwala sa Akin. Ang iniintindi Ko lamang ay kung gaano karami ang kaayon sa Akin. Iyon ay dahil ang lahat yaong mga hindi kaayon sa Akin ay mga masasamang ipinagkakanulo Ako; mga kaaway Ko sila, at hindi ko “isasadambana” ang mga kaaway Ko sa tahanan Ko. Yaong mga kaayon sa Akin ay magpakailanmang maglilingkod sa Akin sa tahanan Ko, at yaong mga lumalaban sa Akin ay magpakailanmang magdurusa sa kaparusahan Ko. Yaong mga may pakialam lamang sa mga salita ng Biblia at hindi nababahala sa katotohanan o sa paghahangad sa mga yapak Ko—laban sila sa Akin, dahil nililimitahan nila Ako ayon sa Biblia, at ipinipilit nila Ako sa loob ng Biblia, at sukdulang napakalapastangan tungo sa Akin. Paanong nangangahas pumunta sa harap Ko ang ganitong mga tao? Hindi sila nagbibigay pansin sa mga gawa Ko, o sa kalooban Ko, o sa katotohanan, ngunit sa halip ay nahuhumaling sila sa mga salita—mga salitang pumapatay. Paanong magiging kaayon sa Akin ang ganitong mga tao?

Nakapagpahayag na Ako ng napakaraming mga salita, at naipahayag Ko na rin ang kalooban at disposisyon Ko, ngunit kahit na, walang kakayahan pa rin ang mga tao na mabatid Ako at maniwala sa Akin. O, maaaring sabihin, walang kakayahan pa rin ang mga tao na sumunod sa Akin. Yaong mga nabubuhay sa loob ng Biblia, yaong mga nabubuhay sa loob ng batas, yaong mga nabubuhay sa krus, yaong mga nabubuhay ayon sa doktrina, yaong mga nabubuhay sa gitna ng mga gawaing ginagawa Ko ngayong araw—sino sa kanila ang kaayon sa Akin? Iniisip ninyo lamang ang tumanggap ng mga biyaya at mga gantimpala, ngunit hindi pa kailanman nagbigay ng pag-iisip sa kung paano magiging kaayon sa Akin, o kung paano mapipigilan ang mga sarili ninyo mula sa pagiging laban sa Akin. Sobra Akong nadismaya sa inyo, dahil nakapagbigay na Ako sa inyo ng napakarami, gayon pa man napakaliit ng nakamit Ko mula sa inyo. Ang panlilinlang ninyo, ang kayabangan ninyo, ang kasakiman ninyo, ang labis-labis na mga paghahangad ninyo, ang pagkakanulo ninyo, ang pagsuway ninyo—alin sa mga ito ang makatatakas sa pansin Ko? Bulagsak kayo sa Akin, niloloko ninyo Ako, nilalait ninyo Ako, hinihimok ninyo Ako, hinihingan ninyo Ako at kinikikilan ninyo Ako para sa mga sakripisyo—paano makaiiwas sa kaparusahan Ko ang gayong kalubhang kasamaan? Ang lahat ng paggawa ng masama na ito ay isang patunay ng pagkapoot ninyo laban sa Akin at patunay ng inyong hindi pagkakatugma sa Akin. Ang bawat isa sa inyo ay naniniwalang ang mga sarili ninyo ay sobrang kaayon sa Akin, ngunit kung iyon ang kalagayan, kanino mailalapat ang gayong hindi mapabubulaanang patunay? Naniniwala kayong tinataglay ng mga sarili ninyo ang sukdulang kataimtiman at pagkamatapat tungo sa Akin. Iniisip ninyong kayo ay napakabait, napakamahabagin, at naglaan na nang sobra para sa Akin. Iniisip ninyong may sapat na kayong nagawa na para sa Akin. Ngunit pinanghawakan na ba ninyo ito laban sa sarili ninyong mga kilos? Sinasabi Kong kayo ay napakamapagmataas, napakasakim, napakawalang interes; ang mga panlalansing kung saan niloloko ninyo Ako ay napakatalino, at marami kayong mga kasuklam-suklam na balak at mga kasuklam-suklam na kaparaanan. Masyadong kakaunti ang pagkamatapat ninyo, masyadong hamak ang pagkamasigasig ninyo, at ang budhi ninyo ay higit pang mas salat. Mayroong labis na mapaghangad ng masama sa mga puso ninyo, at walang sinumang maliligtas mula sa masamang kalooban ninyo, kahit Ako. Pinagsarahan ninyo Ako para sa kapakanan ng mga anak ninyo, o ng asawang lalaki ninyo, o ng sarili ninyong pangangalaga sa sarili. Sa halip na magmalasakit sa Akin, nagmamalasakit kayo sa pamilya ninyo, sa mga anak ninyo, sa katayuan ninyo, sa kinabukasan ninyo, at sa sarili ninyong pagbibigay-kasiyahan. Kailan pa ninyo Ako naisip habang nagsasalita o kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang mga pag-iisip ninyo sa mga anak ninyo, sa asawang babae ninyo, o sa mga magulang ninyo. Sa nakapapaltos na mga araw, wala rin Akong lugar sa mga pag-iisip ninyo. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang mga sarili mong interes, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nailaan na ang sarili mo, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa gawain Ko? Nasaan ang patunay ng pagiging kaayon mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagkamatapat mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagsunod mo sa Akin? Kailan ba na ang mga layunin mo ay hindi naging para alang-alang sa pagkamit mo ng mga biyaya Ko? Niloloko at nililinlang ninyo Ako, pinaglalaruan ninyo ang katotohanan, itinatago ninyo ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap sa paglaban sa Akin sa ganitong paraan? Naghahangad lamang kayong maging kaayon sa malabong Diyos, at naghahangad lamang ng isang malabong paniniwala, gayon pa man hindi kayo kaayon kay Cristo. Hindi ba ang malubhang kasamaan ninyo ay mag-aanak ng kaparehong ganti na kagaya ng marapat sa mga masasama? Sa oras na iyon, mapagtatanto ninyo na walang sinumang di-kaayon kay Cristo ang makatatakas sa araw ng galit, at matutuklasan ninyo kung anong uring ganti ang papandayin sa yaong mga laban kay Cristo. Sa pagdating ng araw na iyon, ang mga pangarap ninyo ng pagiging pinagpala dahil sa paniniwala ninyo sa Diyos at ang pagkakamit ng pagpasok sa langit ay babasagin lahat. Hindi ito magiging ganoon, gayunman, para sa yaong mga kaayon kay Cristo. Bagaman nawalan sila ng napakarami, bagaman nagdusa sila ng maraming paghihirap, tatanggapin nila ang lahat ng pamana na iiwan Ko sa sangkatauhan. Sa huli, maiintindihan ninyong Ako lamang mag-isa ang matuwid na Diyos, at na Ako lamang mag-isa ang may kakayahang dalhin ang sangkatauhan sa kanilang magandang hantungan.

Sinundan: Marami ang Tinatawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahihirang

Sumunod: Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito