Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa
Ang bawat ginagawa at ikinikilos ninyo sa buhay ay nagpapakita na kailangan ninyong matustusan ng sipi ng Aking salita araw-araw upang muli kayong mapunan, dahil kayo ay masyadong nagkukulang, at ang inyong kaalaman at kakayahang umunawa ay masyadong maliit. Sa inyong araw-araw na pamumuhay, nakatira kayo sa isang kapaligiran at kalagayan na walang katotohanan o mabuting katinuan. Kulang kayo sa puhunan para mabuhay at walang batayan upang makilala Ako o ang katotohanan. Ang inyong pananampalataya ay itinayo lamang sa isang di-malinaw at mahirap unawain na pananampalataya o sa mga ritwal ng relihiyon at kaalamang lubos na batay sa doktrina. Araw-araw Kong minamasdan ang inyong mga pagkilos, sinusuri ang inyong mga intensyon at masamang bunga, at hindi Ako kailanman nakatagpo ni isang tao na totoong inilagay ang kanyang puso at espiritu sa Aking altar, na hindi kailanman matitinag. Samakatuwid, hindi Ko nais na sayangin ang oras sa pagbuhos ng lahat ng salita na nais Kong ipahayag sa ganitong uri ng sangkatauhan; ang tanging plano sa Aking puso ay para sa hindi Ko pa natatapos na gawain at para sa bahagi ng sangkatauhan na hindi Ko pa naliligtas. Gayon pa man, nais Ko para sa lahat ng sumusunod sa Akin na makatanggap ng Aking pagliligtas at ng mga katotohanan na ipinagkakaloob sa tao ng Aking salita. Umaasa Ako na isang araw, kapag isinara mo ang iyong mga mata, makikita mo ang isang lupain kung saan pinupuno ng samyo ang hangin at ang mga batis ng buhay na tubig ay dumadaloy—hindi isang mundong walang sigla at malamig, kung saan dinudungisan ng madidilim na ulap ang kalangitan at ang mga alulong ay hindi kailanman nagwawakas.
Sa bawat araw, ang mga gawa at saloobin ng bawat isang tao ay nakikita ng mga mata Niya, kasabay nito, sila ay naghahanda para sa kanilang sariling kinabukasan. Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng nabubuhay at ito ang Aking itinalaga para sa lahat. Walang sinumang makatatakas dito at walang palalagpasin. Walang bilang ang mga salitang Aking binanggit, at ang gawaing Aking ginagawa ay hindi masusukat. Araw-araw, Ako ay nagmamatyag habang ang bawat tao ay natural na tinutupad ang lahat ng dapat niyang gawin alinsunod sa kanyang angking kalikasan at sa paglago ng kanyang kalikasan. Nang hindi namamalayan, marami nang tumahak sa “tamang landas,” na Aking itinalaga para sa paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao. Nailagay Ko na ang bawat uri ng tao sa iba’t ibang mga kapaligiran, at sa kani-kanilang mga lugar, ang bawat isa ay naghahayag ng kanyang mga likas na katangian. Walang sinuman ang gumagapos sa kanila, wala ni isa mang umaakit sa kanila. Sila ay malaya sa kanilang kabuuan at ang kanilang ipinapahayag ay natural na nagaganap. Mayroon lamang isang bagay na nagpapanatili sa kanila, at iyon ang Aking mga salita. Sa gayon, ang ilang tao ay binabasa ang Aking mga salita nang may sama ng loob, hindi kailanman isinasagawa ang mga ito, ginagawa lamang upang maiwasan ang kamatayan. Samantalang ang iba ay nahihirapang tiisin ang mga araw na wala ang Aking mga salita para gabayan at matustusan sila, kaya natural nilang pinanghahawakan ang Aking mga salita sa lahat ng oras. Sa paglipas ng panahon, natutuklasan nila ang lihim ng buhay ng tao, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang halaga ng pagiging tao. Ganito talaga ang sangkatauhan sa presensiya ng Aking mga salita, at hinahayaan Ko lang ang mga pangyayari na tahakin ang natural nitong landas. Wala Akong ginagawang anumang gawain upang pilitin ang tao na gawing pundasyon ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Kung kaya’t ang mga taong hindi kailanman nagkaroon ng konsensya o iyong ang pag-iral ay hindi kailanman nagkaroon ng halaga, ay buong tapang na isinasantabi ang Aking mga salita at gumagawa ng anumang naisin nila matapos ang tahimik na pagmamasid sa mga nangyayari. Nagsisimula silang kapootan ang katotohanan at ang lahat ng nagmumula sa Akin. Bukod dito, kinapopootan nila ang pamamalagi sa Aking tahanan. Ang mga taong ito ay pansamantalang nanunuluyan sa loob ng Aking tahanan para sa kapakanan ng kanilang hantungan at upang makatakas sa kaparusahan, kahit na sila ay naglilingkod. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang kanilang mga layunin, maging ang kanilang mga pagkilos. Higit pa nitong hinihikayat ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at pinalalakas ang kanilang pagnanais na makapasok sa Aking kaharian nang isang beses at manatili rito nang walang hanggan—kahit na ang makapasok sa langit na walang hanggan. Habang lalo pa nilang hinahangad na mas mapabilis ang pagdating ng Aking araw, mas lalo nilang nararamdaman na naging isang balakid ang katotohanan, isang sagabal sa kanilang daan. Hindi na sila makapaghintay na tumapak sa kaharian upang maranasan magpakailanman ang mga biyaya ng kaharian ng langit, nang hindi nangangailangang hanapin ang katotohanan o tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at higit sa lahat, nang hindi nangangailangang gumapang sa loob ng Aking tahanan at sumunod sa Aking mga utos. Ang mga taong ito ay pumapasok sa Aking bahay hindi upang tuparin ang pagnanais ng kanilang puso na hanapin ang katotohanan o kaya ay makipagtulungan sa Aking pamamahala. Naglalayon lamang silang maging isa sa mga taong hindi wawasakin sa susunod na kapanahunan. Kung kaya’t hindi kailanman nalaman ng kanilang mga puso kung ano ang katotohanan o kung paano tanggapin ang katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman isinagawa ang katotohanan o nakaunawa sa matinding lalim ng kanilang katiwalian, at sa kabila nito ay nakatira sa Aking tahanan bilang “tagapaglingkod” hanggang sa wakas. Sila ay “matiyagang” naghihintay sa pagdating ng Aking araw, at walang kapaguran kahit nalilito na sila sa paraan ng Aking gawain. Subalit gaano man kadakila ang kanilang naging pagsisikap o anuman ang halaga na kanilang ibinayad, walang sinumang nakakita na sila ay nagdusa para sa katotohanan o nagsakripisyo para sa Akin. Sa kanilang mga puso, hindi nila kayang hintayin na makita ang araw na wawakasan Ko ang lumang kapanahunan, at bukod pa rito, hindi sila makapaghintay na malaman kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan at awtoridad. Ang hindi nila minadaling gawin ay ang baguhin ang kanilang sarili at hangarin ang katotohanan. Mahal nila ang kinaaayawan Ko, at kinaaayawan nila ang minamahal Ko. Kinasasabikan nila ang bagay na kinapopootan Ko, ngunit natatakot silang mawala ang mga bagay na Aking kinasusuklaman. Nakatira sila sa masamang mundong ito nang hindi kailanman nasuklam dito, gayunman ay natatakot nang masidhi na ito ay Aking wawasakin. Sa kabila ng kanilang nagsasalungat na intensiyon, mahal nila ang mundong ito na Aking kinapopootan, ngunit hinahangad din nila na wasakin Ko ito sa lalong madaling panahon, upang sila ay makaiwas sa paghihirap na dala ng pagkawasak at maging mga panginoon sa susunod na kapanahunan, bago pa sila malihis mula sa tunay na daan. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at nagsasawa na sa lahat ng nanggagaling sa Akin. Marahil sila ay magiging “masunuring tao” sa maikling panahon para lamang hindi mawalan ng mga pagpapala, ngunit ang kanilang pagkabahala na makatanggap ng pagpapala at ang kanilang takot na mapahamak at papasukin sa lawa ng nagniningas na apoy ay hindi kailanman maitatago. Habang papalapit ang Aking araw, lalong lumalakas ang kanilang pagnanais. At habang lumalaki ang kalamidad, mas lalo silang walang magawa, hindi alam kung saan magsisimula upang mapasaya Ako at upang maiwasang mawalan ng mga pagpapala na matagal nilang inasam-asam. Kapag nag-umpisang kumilos ang Aking kamay, ang mga taong ito ay sabik gumawa ng pagkilos upang maglingkod bilang pamunuan. Ang iniisip lamang nila ay ang lumusob sa pinakaunahang linya ng mga hukbo, sa labis na takot na hindi Ko sila makikita. Ginagawa at sinasabi nila ang sa palagay nila ay tama, nang hindi kailanman nalalaman na ang kanilang mga gawa at kilos ay hindi kailanman nauugnay sa katotohanan, at ang kanilang ginagawa ay sumisira at gumugulo lamang sa Aking mga plano. Bagama’t gumawa sila ng malaking pagsisikap at maaaring naging totoo sa kanilang kagustuhan at layuning tiisin ang mga paghihirap, ngunit wala sa ginagawa nila ang may kinalaman sa Akin, dahil hindi Ko kailanman nakitang nagmula sa mabuting layunin ang kanilang mga gawa, at mas lalo Ko silang hindi nakitang naglagay ng anumang bagay sa Aking altar. Ganyan ang kanilang mga gawa sa Aking harapan sa loob ng maraming taon.
Sa simula, ninais Kong bigyan kayo ng mas marami pang katotohanan, ngunit kinailangan Ko itong ihinto dahil ang inyong saloobin sa katotohanan ay masyadong malamig at walang pagpapahalaga; hindi Ko nais na masayang ang Aking mga pagsisikap, at hindi Ko rin nais makita na pinanghahawakan ng mga tao ang Aking mga salita ngunit sa lahat ng bagay ay ginagawa nila kung ano ang lumalaban sa Akin, sumisira sa Aking pangalan, at lumalapastangan sa Akin. Dahil sa inyong mga saloobin at katauhan, binibigyan Ko lamang kayo ng maliit na bahagi, na para sa inyo ay napakahalagang bahagi ng Aking mga salita, na nagsisilbing pagsubok Ko sa sangkatauhan. Ngayon Ko lamang tunay na nakumpirma na ang mga desisyon at planong ginawa Ko ay akma sa inyong mga pangangailangan, at bukod dito, ang Aking saloobin sa sangkatauhan ay tama. Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at sa tunay na Diyos?” Ang mga pagsisikap na ibinuhos Ko sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang lahat ng ginawa ng tao sa Aking presensiya ay nagpapatunay ng kanyang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at pagsalungat sa Akin. Sa lahat ng panahon, Ako ay nag-aalala sa lahat ng sumusunod sa Akin, ngunit walang panahon na ang mga taong sumunod sa Akin ay nakayanang tumanggap ng Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila natatanggap. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinuman ang kayang makaunawa sa Akin at, higit pa rito, walang sinumang nakatanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay matapat at ang Aking mga salita ay malumanay. Sinusubukan ng bawat isa na gawin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanila alinsunod sa kanilang sariling mga ideya; hindi nila inaalam ang Aking mga layunin, at lalong hindi nila itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanila. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang silang lahat ay naghihimagsik laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na pinasisinungalingan at isinasaisang-tabi. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala din sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang tagapagbigay ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda ng pagkilala o pagtanggap ng sangkatauhan, kundi ng mismong diwa ng mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang makatatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapabulaan, o lubos na nanglalait sa Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaan ang panahon at katunayan na maging saksi Ko at magpakita na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at iyon ang dapat na maipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layunin sa Aking mga salita, at ang mga hindi tumanggap ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nakondena ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod sa kanila.
Abril 16, 2003