Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas

Paano dumarating ang isang tao sa pagkaunawa sa mga detalye ng espiritu? Paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa tao? Paano gumagawa si Satanas sa tao? Paano gumagawa ang masasamang espiritu sa tao? Anu-ano ang mga pagpapamalas? Kapag may nangyayari sa iyo, ito ba ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at dapat mo ba itong sundin o tanggihan? Sa aktwal na pagsasagawa ng mga tao, maraming lumilitaw mula sa kalooban ng tao na palaging pinaniniwalaan ng mga tao na nagmumula sa Banal na Espiritu. Ang ilang bagay ay mula sa masasamang espiritu, ngunit iniisip pa rin ng mga tao na ang mga ito ay nagmula sa Banal na Espiritu, at may mga pagkakataon na ginagabayan ang mga tao ng Banal na Espiritu mula sa loob, ngunit natatakot ang mga tao na ang gayong paggabay ay nagmumula kay Satanas, kaya’t hindi sila nangangahas na sumunod, samantalang sa realidad ang paggabay na iyon ay ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Kaya, maliban na lang kung titingnan ng isang tao ang pagkakaiba, walang paraan na makaranas sa kanyang praktikal na karanasan; kung hindi titingnan ang pagkakaiba, walang paraan ng pagkakamit ng buhay. Paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Paano gumagawa ang masasamang espiritu? Ano ang galing sa kalooban ng tao? At ano ang galing sa paggabay at kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Kung nauunawaan mo ang mga pagpaparisan ng paggawa ng Banal na Espiritu sa loob ng tao, magagawa mong palaguin ang iyong kaalaman at makikita ang mga pagkakaiba sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa panahon ng iyong praktikal na mga karanasan; makikilala mo ang Diyos, magagawa mong maunawaan at mahiwatigan si Satanas; hindi ka malilito sa iyong pagsunod o paghahabol, at ikaw ay magiging isang tao na ang mga iniisip ay malinaw, at siyang sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu.

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isang uri ng maagap na paggabay at positibong kaliwanagan. Hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na maging pasibo. Sila ay dinudulutan nito ng kaaliwan, binibigyan sila ng pananampalataya at katatagan, at binibigyang-kakayahan sila na hangaring na gawing perpekto ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu, nagagawa ng mga tao na aktibong pumasok; hindi sila pasibo o napipilitan, kundi kumikilos nang may sariling pagkukusa. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa, ang mga tao ay nagagalak at handa, nakahandang sumunod at masaya sa pagpapakumbaba. Bagama’t sila ay nasasaktan at marupok sa loob, mayroon silang katatagan na makipagtulungan, nagdurusa sila nang may kagalakan, nagagawa nilang sumunod, at sila ay walang bahid ng kalooban ng tao, walang bahid ng pag-iisip ng tao, at tiyak na walang bahid ng mga pagnanasa at mga motibasyon ng tao. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, sila ay lalo nang banal sa loob. Isinasabuhay niyaong mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu ang pag-ibig ng Diyos at ang pag-ibig ng kanilang mga kapatid; nagagalak sila sa mga bagay na ikinagagalak ng Diyos, at kinasusuklaman ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang mga taong inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ay iyong mayroong normal na pagkatao, patuloy na naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pagkatao. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob ng mga tao, ang kanilang kalagayan ay pabuti nang pabuti, at ang kanilang pagkatao ay lalong nagiging normal, at bagama’t ang ilan sa kanilang pakikipagtulungan ay maaaring hangal, ang kanilang mga motibasyon ay tama, ang kanilang pagpasok ay positibo, hindi nila tinatangkang makagambala, at walang masamang pag-iisip sa loob nila. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay normal at tunay, ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa tao alinsunod sa mga tuntunin ng normal na buhay ng tao, at nagsasakatuparan Siya ng kaliwanagan at paggabay sa loob ng mga tao alinsunod sa aktwal na paghahangad ng normal na mga tao. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa mga tao, ginagabayan at nililiwanagan Niya sila alinsunod sa mga pangangailangan ng normal na mga tao. Nagkakaloob Siya para sa kanila ayon sa kanilang mga pangangailangan, at positibo Niyang ginagabayan at nililiwanagan sila ayon sa kung ano ang wala sa kanila, at ayon sa kanilang mga kakulangan. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang liwanagan at gabayan ang mga tao sa tunay na buhay; kapag nararanasan lamang nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang aktwal na buhay saka nila nagagawang makita ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung, sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay, ang mga tao ay nasa isang positibong kalagayan at mayroong normal na espirituwal na buhay, tinataglay nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa gayong kalagayan, kapag kinakain nila at iniinom ang mga salita ng Diyos, mayroon silang pananampalataya; kapag sila ay nananalangin, sila ay inspirado; kapag mayroong nangyayari sa kanila, sila ay hindi pasibo; at habang nangyayari ang mga bagay-bagay, nagagawa nilang makita ang mga aral sa mga bagay na iyon na hinihingi sa kanila ng Diyos na matutuhan. Sila ay hindi pasibo o mahina, at bagama’t mayroon silang mga tunay na paghihirap, nakahanda silang sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos.

Anong mga epekto ang nakakamit ng gawain ng Banal na Espiritu? Maaaring ikaw ay hangal, at maaaring hindi ka nakakahiwatig, ngunit kailangan lamang gumawa ang Banal na Espiritu para magkaroon ka ng pananampalataya, at palagi mong madarama na hindi mo maiibig nang sapat ang Diyos. Magiging handa kang makipagtulungan, gaano man katindi ang mga paghihirap na darating. Ang mga bagay-bagay ay mangyayari sa iyo at hindi magiging malinaw sa iyo kung ang mga ito ay galing sa Diyos o mula kay Satanas, ngunit magagawa mong maghintay, at hindi ka magiging pasibo o walang-ingat. Ito ang normal na gawain ng Banal na Espiritu. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob mo, nakakaranas ka pa rin ng mga tunay na paghihirap: May mga pagkakataon na mapapaluha ka, at may mga pagkakataon na magkakaroon ng mga bagay na hindi mo kayang mapagtagumpayan, ngunit lahat ng ito ay isang yugto lamang ng karaniwang gawain ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi mo napagtagumpayan ang mga paghihirap na iyon, at bagama’t, sa panahong iyon, ikaw ay mahina at puno ng reklamo, nagawa mo pa rin pagkatapos na ibigin ang Diyos nang may lubos na pananampalataya. Hindi ka mapipigilan ng iyong pagiging pasibo na magkaroon ng mga normal na karanasan, at anuman ang sinasabi ng ibang tao, at kung paano ka nila inaatake, nagagawa mo pa ring ibigin ang Diyos. Sa panahon ng pananalangin, palagi mong nadarama na sa nakalipas ay masyadong malaki ang pagkakautang mo sa Diyos, at ikaw ay nagpapasya na palugurin ang Diyos at talikdan ang laman tuwing nahaharap kang muli sa gayong mga bagay. Ipinakikita ng kalakasang ito na naroroon ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob mo. Ito ang normal na kalagayan ng gawain ng Banal na Espiritu.

Anong gawain ang nagmumula kay Satanas? Sa gawain na nagmumula kay Satanas, ang mga pangitain sa loob ng mga tao ay malabo; ang mga tao ay walang normal na pagkatao, ang mga motibasyon sa likod ng kanilang mga pagkilos ay mali, at bagama’t nais nilang ibigin ang Diyos, palaging mayroong mga pagbibintang sa loob nila, at ang mga pagbibintang at mga saloobing ito ay nagsasanhi ng patuloy na panggugulo sa loob nila, pinipigilan ang paglago ng kanilang buhay at pinahihinto sila sa pagharap sa Diyos sa normal na kalagayan. Na ang ibig sabihin, sa sandaling ang gawain ni Satanas ay nasa loob ng mga tao, ang kanilang mga puso ay hindi kayang maging panatag sa harap ng Diyos. Hindi alam ng gayong mga tao kung ano ang gagawin sa kanilang mga sarili—kapag nakakakita sila ng mga taong sama-samang nagtitipon, nais nilang tumakbo palayo, at hindi nila nagagawang ipikit ang kanilang mga mata kapag nananalangin ang iba. Sinisira ng gawain ng masasamang espiritu ang normal na ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at ginugulo ang dating mga pangitain ng mga tao o ang kanilang dating landas ng pagpasok sa buhay; sa kanilang mga puso hindi nila kailanman kayang mapalapit sa Diyos, at palaging nangyayari ang mga bagay-bagay na nagdudulot ng panggugulo sa kanila at gumagapos sa kanila. Ang kanilang mga puso ay hindi kayang makasumpong ng kapayapaan at sila’y iniiwan na walang lakas na ibigin ang Diyos at ang kanilang mga espiritu’y lumulubog. Ganoon ang mga pagpapamalas ng gawain ni Satanas. Ang mga pagpapamalas ng gawain ni Satanas ay ang mga sumusunod: hindi kayang manindigan at tumayong saksi, na nagiging sanhi upang ikaw ay maging isang tao na may mali sa harap ng Diyos at yaong walang katapatan sa Diyos. Kapag ginugulo ka ni Satanas, naiwawala mo ang pag-ibig at katapatan sa Diyos sa loob mo, ikaw ay tinatanggalan ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, hindi mo hinahangad ang katotohanan o ang pag-unlad ng sarili mo; ikaw ay umuurong at nagiging pasibo, nagpapasasa ka, hinahayaan mo ang malayang paglaganap ng kasalanan at hindi namumuhi sa kasalanan; higit pa roon, ginagawa kang napakasama ng panghihimasok ni Satanas; nagiging sanhi ito upang ang pag-antig ng Diyos ay maglaho sa loob mo at itinutulak ka nitong magreklamo tungkol sa Diyos at kalabanin Siya, na umaakay sa iyong mag-alinlangan sa Diyos; mayroon pang panganib na tatalikuran mo ang Diyos. Ang lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas.

Kapag mayroong nangyayari sa iyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, paano mo dapat alamin kung ito ay mula sa gawain ng Banal na Espiritu o mula sa gawain ni Satanas? Kapag ang mga kalagayan ng mga tao ay normal, ang kanilang mga espirituwal na buhay at ang kanilang mga buhay sa laman ay normal, at ang kanilang katwiran ay normal at maayos. Kapag sila ay nasa ganitong kalagayan, ang kanilang nararanasan at nalalaman sa loob ng kanilang mga sarili ay masasabi sa pangkalahatan na nagmumula sa pagiging naantig ng Banal na Espiritu (ang pagkakaroon ng mga kabatiran o pagtataglay ng mababaw na kaalaman kapag kinakain at iniinom nila ang mga salita ng Diyos, o pagiging tapat sa ilang bagay, o pagkakaroon ng lakas upang ibigin ang Diyos sa ilang bagay—ang lahat ng ito ay nagmumula sa Banal na Espiritu). Ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay natatanging normal; ang tao ay walang kakayahan na madama ito, at tila nakikita sa pamamagitan ng tao mismo, bagaman ito sa katunayan ay gawain ng Banal na Espiritu. Sa pang-araw-araw na buhay, ang Banal na Espiritu ay gumagawa kapwa ng malaki at ng maliit na gawain sa bawat isa, at ang lawak lamang ng gawaing ito ang nagkakaiba. Ang ilang tao ay may mahusay na kakayahan, at nauunawaan nila ang mga bagay-bagay nang mabilis, at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay talagang matindi sa loob nila. Samantala, ang ilang tao ay may mahinang kakayahan, at mas matagal bago nila maunawaan ang mga bagay-bagay, ngunit inaantig sila ng Banal na Espiritu sa loob at nagagawa rin nila na maging tapat sa Diyos—ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa lahat ng taong naghahangad sa Diyos. Kapag, sa pang-araw-araw na buhay, hindi kinakalaban ng mga tao ang Diyos o naghihimagsik laban sa Diyos, hindi gumagawa ng mga bagay na gumagambala sa pamamahala ng Diyos at hindi gumugulo sa gawain ng Diyos, sa bawat isa sa kanila ang Espiritu ng Diyos ay gumagawa sa mas malaki o mas maliit na saklaw; inaantig Niya sila, nililiwanagan sila, binibigyan sila ng pananampalataya, binibigyan sila ng lakas, at pinakikilos sila upang mas maagap na pumasok, hindi maging tamad o mag-imbot sa mga kasiyahan ng laman, maging handang magsagawa ng katotohanan, at nananabik para sa mga salita ng Diyos. Lahat ng ito ay gawain na nagmumula sa Banal na Espiritu.

Kapag ang kalagayan ng mga tao ay hindi normal, sila ay tinatalikdan ng Banal na Espiritu; sa kanilang mga isipan sila ay malamang na magreklamo, ang kanilang mga motibasyon ay mali, sila ay tamad, nagpapasasa sila sa laman, at ang kanilang mga puso ay naghihimagsik laban sa katotohanan. Lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas. Kapag ang mga kalagayan ng mga tao ay hindi normal, kapag sila ay madilim sa loob at naiwala na ang kanilang normal na katwiran, napabayaan na ng Banal na Espiritu, at hindi nararamdaman ang Diyos sa loob ng kanilang mga sarili, ito ay kung kailan gumagawa si Satanas sa loob nila. Kung ang mga tao ay palaging mayroong lakas sa loob nila at palaging minamahal ang Diyos, sa pangkalahatan, kapag may mga nangyayari sa kanila, ang mga iyon ay mula sa Banal na Espiritu, at sinumang makatagpo nila, ang pagtatagpo ay ang resulta ng pagsasaayos ng Diyos. Na ang ibig sabihin, kapag ikaw ay nasa isang normal na kalagayan, kapag ikaw ay nasa loob ng dakilang gawain ng Banal na Espiritu, imposible para kay Satanas na gawin kang nag-aalinlangan. Sa saligang ito, masasabi na ang lahat ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at bagama’t maaaring mayroon kang hindi tamang mga iniisip, nagagawa mong itakwil ang mga ito at hindi mo sinusunod ang mga ito. Lahat ng ito ay nagmumula sa gawain ng Banal na Espiritu. Sa anong mga sitwasyon nanghihimasok si Satanas? Madali para kay Satanas na gumawa sa loob mo kapag ang iyong mga kalagayan ay hindi normal, kapag ikaw ay hindi pa naaantig ng Diyos at walang paggawa ng Diyos, kapag ikaw ay tuyo at tigang sa loob, kapag ikaw ay nananalangin sa Diyos ngunit walang natatarok na anuman, at kapag kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos ngunit hindi naliliwanagan o napapalinaw. Sa ibang pananalita, kapag ikaw ay iniwan na ng Banal na Espiritu at hindi mo nararamdaman ang Diyos, nangyayari sa iyo ang maraming bagay na nagmumula sa tukso ni Satanas. Habang gumagawa ang Banal na Espiritu, si Satanas ay kasabay ring gumagawa. Inaantig ng Banal na Espiritu ang loob ng tao, habang kasabay na ginugulo ni Satanas ang tao. Gayunpaman, ang gawain ng Banal na Espiritu ang nangunguna, at ang mga tao na normal ang mga kalagayan ay nakapagtatagumpay; ito ang tagumpay ng gawain ng Banal na Espiritu laban sa gawain ni Satanas. Habang gumagawa ang Banal na Espiritu, naroon pa rin ang tiwaling disposisyon sa loob ng mga tao; gayunpaman, sa panahon ng gawain ng Banal na Espiritu, madali para sa mga tao na tuklasin at kilalanin ang kanilang pagkamapanghimagsik, mga motibasyon, at mga karumihan. Saka pa lamang nakakaramdam ang mga tao ng pagsisisi at nagiging handang magsisi. Sa gayon, ang kanilang mapanghimagsik at tiwaling mga disposisyon ay unti-unting naitatakwil sa loob ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatanging normal; habang Siya ay gumagawa sa mga tao, mayroon pa rin silang mga suliranin, lumuluha pa rin sila, nagdurusa pa rin sila, mahihina pa rin sila, at marami pa rin ang hindi malinaw sa kanila, ngunit sa ganitong kalagayan nagagawa nilang pigilan ang kanilang mga sarili na dumausdos pabalik, at naiibig nila ang Diyos, at bagama’t lumuluha sila at nababalisa sa loob, nagagawa pa rin nilang purihin ang Diyos; ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatanging normal, at kahit katiting ay hindi higit sa natural. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na, sa sandaling magsimulang gumawa ang Banal na Espiritu, ang mga pagbabago ay mangyayari sa kalagayan ng mga tao at ang mahahalagang bagay sa kanila ay tinatanggal. Ang gayong mga paniniwala ay may kamalian. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob ng tao, ang mga pasibong bagay ng tao ay naroroon pa rin at ang kanyang tayog ay nananatiling gaya nang dati, ngunit nakakamit niya ang pagpapalinaw at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kaya ang kanyang kalagayan ay nagiging mas maagap, ang mga kalagayan sa loob niya ay nagiging normal, at nagbabago siya nang mabilis. Sa mga tunay na karanasan ng mga tao, pangunahin nilang nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu o ni Satanas, at kung hindi nila kayang tarukin ang mga kalagayang ito at hindi inaalam ang pagkakaiba, ang pagpasok sa mga tunay na karanasan ay hindi maaari, lalo pa ang mga pagbabago sa disposisyon. Kaya, ang susi sa pagdanas sa gawain ng Diyos ay ang magawang makilatis ang gayong mga bagay; sa ganitong paraan, mas magiging madali para sa kanila na danasin ito.

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay pinahihintulutan ang mga tao na makagawa ng positibong pagsulong, samantalang ang gawain ni Satanas ay ginagawa silang negatibo at umuurong, naghihimagsik sa Diyos at nilalabanan Siya, nawawalan ng pananampalataya sa Kanya, at nagiging mahina sa pagganap sa kanilang tungkulin. Lahat ng nagmumula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay talagang likas; hindi ito ipinipilit sa iyo. Kung magpapasakop ka rito, magkakaroon ka ng kapayapaan; kung hindi, pupunahin ka pagkatapos. Kapag mayroong kaliwanagan ng Banal na Espiritu, walang anuman sa ginagawa mo ang magugulo o mapipigilan; ikaw ay palalayain, magkakaroon ng isang landas sa pagsasagawa sa iyong mga pagkilos, at hindi ka mapapasailalim sa anumang mga pagbabawal, kundi magagawang kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Ang gawain ni Satanas ay nagsasanhi sa iyo ng kaguluhan sa maraming bagay; inaalisan ka nito ng ganang manalangin, ginagawa kang masyadong tamad para kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at walang kagustuhang isabuhay ang buhay ng iglesia, at ihinihiwalay ka nito mula sa espirituwal na buhay. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nanghihimasok sa iyong pang-araw-araw na buhay at hindi nanghihimasok sa iyong pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay. Hindi mo kayang mahiwatigan ang maraming bagay sa mismong sandaling nangyayari ang mga ito, gayunman, pagkalipas ng ilang araw, mas lumiliwanag ang puso mo at mas lumilinaw ang isipan mo. Nagkakaroon ka ng kaunting pagkaunawa sa mga bagay tungkol sa espiritu, at unti-unti ay nakakaya mong mahiwatigan kung ang isang kaisipan ay nagmumula sa Diyos o mula kay Satanas. Ang ilang bagay ay malinaw na gumagawa sa iyo na tutulan ang Diyos at maghimagsik laban sa Diyos, o pigilin ka mula sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos; ang mga bagay na ito ay mula lahat kay Satanas. Ang ilang bagay ay hindi kitang-kita, at hindi mo masasabi kung ano ang mga ito sa sandaling iyon; pagkatapos, makikita mo ang kanilang mga palatandaan at pagkatapos ay magsasagawa ng paghiwatig. Kung nahihiwatigan mo nang malinaw kung alin ang mga bagay na mula kay Satanas at alin ang pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ka kaagad-agad maililigaw sa iyong mga karanasan. May mga pagkakataon, kapag hindi mabuti ang iyong kalagayan, na mayroon kang partikular na mga iniisip na nag-aalis sa iyo sa iyong pasibong kalagayan. Ipinakikita nito na kahit na ang iyong kalagayan ay hindi kaaya-aya, ang ilan sa iyong mga iniisip ay maaari pa ring manggaling sa Banal na Espiritu. Hindi ito ang kaso na kapag ikaw ay pasibo, ang lahat ng iyong mga iniisip ay ipinadadala ni Satanas; kung iyan ay totoo, kailan mo magagawang lumipat sa isang positibong kalagayan? Dahil pasibo ka sa loob ng ilang panahon, binibigyan ka ng pagkakataon ng Banal na Espiritu na magawang perpekto; inaantig ka Niya, inaalis ka sa iyong pasibong kalagayan, at pumapasok ka sa isang normal na kalagayan.

Dahil nalalaman mo kung ano ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang gawain ni Satanas, kaya mong ihambing ang mga ito sa iyong sariling kalagayan sa panahon ng iyong mga karanasan, at sa iyong sariling mga karanasan, at sa ganitong paraan magkakaroon ng higit na marami pang katotohanan na may kaugnayan sa prinsipyo sa iyong mga karanasan. Dahil naunawaan mo na ang mga katotohanang ito tungkol sa prinsipyo, magagawa mong mapamahalaan ang iyong aktwal na kalagayan, magagawa mong makita ang pagkakaiba ng mga tao at ng mga pangyayari, at hindi mo kakailanganing gumugol ng napakatinding pagsisikap para makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, iyon ay hangga’t ang iyong mga motibasyon ay tama, at hangga’t ikaw ay nakahandang maghanap at magsagawa. Ang wika na gaya nito—wika na nauugnay sa mga prinsipyo—ay dapat maitampok sa iyong mga karanasan. Kung wala ito, ang iyong mga karanasan ay mapupuno ng panggugulo ni Satanas at ng hangal na kaalaman. Kung hindi mo nauunawaan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, hindi mo nauunawaan kung paano magdasal sa Diyos o kung paano ka dapat pumasok, at kung hindi mo nauunawaan kung paano kumikilos si Satanas para linlangin at guluhin ang mga tao, hindi mo nalalaman kung paano tatanggihan si Satanas at maninindigan sa iyong patotoo. Kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu at kung paano kumikilos si Satanas ay mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao, at mga bagay ito na dapat maranasan sa pananalig ng mga tao sa Diyos.

Sinundan: Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Sumunod: Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito