A. Tungkol sa Paghahayag ng Diyos sa Kanyang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

21. Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang isakatuparan ang gawain Niya sa buong mundo, na Israel ang nasa sentro at unti-unting lumaganap sa mga bayan ng Hentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa loob ng sansinukob—nagsisimula sa isang tiyak na punto upang mapakilos ang kabuuan, at pagkatapos ay pinalalawak ang Kanyang gawain hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay tumanggap ng ebanghelyo Niya. Ang mga unang Israelita ay mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at alam nila kung paano asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang mga layunin Niya para sa tao, lalo na kung paano sila dapat matakot sa Lumikha. Patungkol naman sa kung mayroon bang mga regulasyon at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may tungkulin bang dapat gawin ang mga nilikha para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magsikap at magtrabaho ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na nagtaglay lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi alam kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano mapalugod ang Lumikha. Lubhang napakakaunti ang naunawaan nila. Kaya bagama’t walang anumang baliko o mapanlinlang sa puso nila, at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, wala silang pagkakilala o pagkaunawa kay Jehova, ang Lumikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at magtamasa ng mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano matakot kay Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilikha Niya? Kung magkagayon, hindi ba’t ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Lumikha” at “Nilikha Niya ang tao upang maipamalas, luwalhatiin, at katawanin Siya ng tao” ay nasabi nang walang kabuluhan? Paanong ang mga taong walang pusong may takot kay Jehova ay maaaring maging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila maaaring maging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba’t kung magkagayon, ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao sa wangis Ko” ay susunggaban ni Satanas, ang masama? Hindi ba’t kung magkagayon ay magiging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa tao ang mga salitang ito? Upang tapusin ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, hindi sila tinagubilinan o ginabayan ni Jehova mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig, saka lang Niya pormal na sinimulang gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng gabay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, at sa gayon ay ipinapakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon ito ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi kaya rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Gayundin, nakita nila na kayang gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay para lamang mabatid ng mga nilikha Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayumpaman ay nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay magawang matakot kay Jehova at dakilain Siya. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, kundi sa halip, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, ay hinayaan na lamang silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, kung nagkagayon, kung iisipin ang pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay na hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na nangangahulugang hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng lahat ng bagay. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay ito sa daigdig, at pinagpag lang ang mga kamay Niya at umalis na, sa halip na manatili sa gitna ng sangkatauhan para bigyan sila ng gabay sa loob ng ilang panahon, kung gayon, ang buong sangkatauhan ay nauwi na sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at lahat ng bagay, na nilikha Niya, at ang buong sangkatauhan, ay nauwi na sana sa kawalan at bukod dito ay nayurakan na sana ni Satanas. Kung nagkagayon, ang ninanais ni Jehova na “Sa lupa, na ibig sabihin, sa gitna ng Kanyang nilikha, maaari Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira sana. At kaya, pagkatapos likhain ang sangkatauhan, nanatili Siya kasama nila upang gabayan sila sa kanilang buhay, at kinausap Niya sila habang kasama Niya sila—ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan ang pagnanais Niya, at maisakatuparan ang plano Niya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na dapat sundin.”


22. Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming utos upang ipasa ni Moises sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ipinagkaloob ni Jehova sa mga Israelita at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahingian sa kanila. Kung sinunod ba nila ang Sabbath, kung iginalang ba nila ang kanilang mga magulang, kung sumamba ba sila sa mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang sa mamatay sila, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito batay sa kung sinunod ba nila o hindi ang mga utos na ito. Binato hanggang sa mamatay iyong mga hindi sumunod sa Sabbath. Ang mga saserdoteng hindi sumunod sa Sabbath ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang sa mamatay iyong mga hindi gumalang sa mga magulang nila. Sinang-ayunan ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga utos at kautusan upang, habang pinangungunahan Niya sila sa pamumuhay nila, ang mga tao ay makikinig at magpapasakop sa salita Niya at hindi maghihimagsik laban sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng kontrol ang bagong silang na lahi ng tao, upang mailatag ang sandigan para sa gawain Niya sa hinaharap. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

23. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, gumamit ng kautusan upang gabayan ang bayan ng Israel, at gumawa sa gitna ng bayan ng Israel. Sa pamamagitan ng paggabay sa bayan ng Israel, Siya ay nagtatag ng base para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa baseng ito, ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilikha. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng bayan ng Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang nagsagawa ang Diyos ng gawain sa lupa. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

24. Nang nagsimula ang Diyos sa opisyal na gawain ng Kanyang plano ng pamamahala, naglatag Siya ng maraming ordenansa na dapat sundin ng tao. Ang mga ordenansa na ito ay hinayaan ang tao na magkaroon ng normal na buhay sa mundo, isang pangkaraniwang buhay ng tao na hindi maihihiwalay sa Diyos at sa Kanyang patnubay. Unang sinabi ng Diyos sa tao kung paano gumawa ng mga dambana, paano ilagay ang mga dambana. Pagkatapos, sinabi Niya sa tao kung paano gumawa ng mga handog, at itinakda kung paano dapat mabuhay ang tao—kung ano ang dapat niyang bigyang-pansin sa buhay, kung ano ang dapat niyang sundin, kung ano ang dapat at hindi niya dapat gawin. Ang itinakda ng Diyos para sa tao ay sumasakop sa lahat, at sa mga regulasyon, ordenansa, at mga prinsipyo na ito ay nagbigay Siya ng mga pamantayan para sa pag-uugali ng mga tao, ginabayan Niya ang kanilang mga buhay, ginabayan ang kanilang pagtanggap sa mga kautusan ng Diyos, ginabayan sila sa paglapit sa harap ng dambana ng Diyos, pinatnubayan sila sa pagkakaroon ng buhay sa gitna ng lahat ng bagay na ginawa ng Diyos para sa tao nang may kaayusan, regularidad, at pagka-katamtaman. Unang ginamit ng Diyos ang mga simpleng ordenansa at mga prinsipyo upang magtakda ng mga hangganan para sa tao, upang sa lupa ay magkaroon ang tao ng isang normal na buhay na sumasamba sa Diyos, magkaroon ng normal na buhay ng tao; ito ang tiyak na nilalaman ng panimula ng Kanyang anim-na-libong-taon na plano ng pamamahala. Ang mga ordenansa at mga pagtatakda ay sumasakop sa napakalawak na nilalaman, ang mga ito ay mga detalye ng paggabay ng Diyos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Kautusan, sila ay kailangang tanggapin at sundin ng mga tao na dumating bago pa man ang Kapanahunan ng Kautusan, ang mga ito ay isang talaan ng mga gawain na ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan, at ang mga ito ay tunay na katibayan ng pamumuno at patnubay ng Diyos sa lahat ng sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

25. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, hindi ganap na kompleto. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, pero hindi ipinagkaloob sa tao ang sapat na determinasyon na katakutan Siya. Sa pasimula, hindi taglay ng tao ang pusong may takot o kilabot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. Kung kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang proyektong inabot ng pitong araw, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang panlabas na anyo, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang ideya ang tao kung paano sumunod sa mga salita o sa mga estatuto ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay hindi kompleto. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at katakutan Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga atas at mga estatuto, at makibahagi sa lahat ng normal na mga aktibidad ng tao sa lupa. Saka lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

26. Bago ang dalawang libong taon kung kailan ginawa ni Jehova ang gawain Niya, walang alam ang tao, at nahulog sa kabuktutan ang halos buong sangkatauhan, hanggang, bago ang pagkawasak ng mundo sa pamamagitan ng baha, umabot sila sa isang kasukdulan ng kahalayan at katiwalian, at hinding-hindi tinaglay si Jehova sa kanilang puso, lalo na ang daan Niya. Hindi nila kailanman naunawaan ang gawaing gagawin ni Jehova; wala silang katwiran, lalo nang walang kaalaman, at, katulad ng mga makinang humihinga, lubos silang mangmang sa tao, sa Diyos, sa lahat ng bagay, sa buhay, at iba pa. Sa lupa, gumawa sila ng maraming pang-aakit, katulad ng ahas, at nagsalita ng maraming bagay na mga paglapastangan laban kay Jehova, ngunit sapagkat mangmang sila, hindi sila kinastigo o dinisiplina ni Jehova. Pagkatapos lamang ng baha, noong si Noe ay 601 taong gulang, pormal na nagpakita si Jehova kay Noe at ginabayan siya at ang pamilya niya, inakay ang mga ibon at mga hayop na nakaligtas sa baha kasama si Noe at ang mga inapo niya, hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, na tumagal ng kabuuang 2,500 taon. Gumawa Siya sa Israel, na ibig sabihin, pormal Siyang gumawa, sa loob ng 2,000 taon sa kabuuan, at sabay Siyang gumawa sa Israel at sa labas nito nang 500 taon, na kapag pinagsama ay 2,500 taon. Sa panahong ito, tinagubilinan Niya ang mga Israelita na upang paglingkuran si Jehova, dapat silang magtayo ng isang templo, magsuot ng kasuotan ng mga saserdote, at pumasok nang nakayapak sa templo sa bukang-liwayway, sa takot na madungisan ng mga sapatos nila ang templo ni Jehova at padadalhan sila ng apoy mula sa tuktok ng templo at susunugin sila hanggang sa mamatay sila. Ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin at nagpasakop sila sa mga pagsasaayos ni Jehova. Nagdasal sila kay Jehova sa templo, at pagkatapos tumanggap ng paghahayag ni Jehova, na ibig sabihin, pagkatapos magsalita ni Jehova, pinangunahan nila ang maraming tao at tinuruan sila na dapat silang magkaroon ng takot kay Jehova—ang Diyos nila. At sinabihan sila ni Jehova na dapat silang magtayo ng templo at ng dambana, at sa panahon ni Jehova, na ibig sabihin, sa Paskuwa, dapat silang maghanda ng mga panganay na guya at kordero upang ilagay sa dambana bilang mga alay upang paglingkuran si Jehova, upang pigilan sila at magkintal ng takot kay Jehova sa puso nila. Ang pagsunod nila sa kautusang ito ang naging sukatan ng katapatan nila kay Jehova. Inorden din ni Jehova ang araw ng Sabbath para sa kanila, ang ikapitong araw ng paglikha Niya. Ang araw pagkatapos ng Sabbath, ginawa Niyang unang araw, isang araw para purihin nila si Jehova, para mag-alay sa Kanya ng mga handog, at lumikha ng musika para sa Kanya. Sa araw na ito, tinipon ni Jehova ang lahat ng saserdote upang hatiin ang mga handog na nasa dambana para kainin ng mga tao, upang matamasa nila ang mga handog sa dambana ni Jehova. At sinabi ni Jehova na pinagpala sila, na may bahagi sila sa Kanya, at na sila ang hinirang na mga tao Niya (na siyang kasunduan ni Jehova sa mga Israelita). Ito ang dahilan kaya hanggang sa araw na ito, sinasabi pa rin ng mga tao ng Israel na si Jehova ay Diyos lamang nila, at hindi Diyos ng mga Hentil.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

27. Bagama’t maraming ginawang pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano umasal, kung paano mamuhay, at kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa pangkalahatan, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sumunod sa mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi ito umabot sa punto ng pagbabago sa kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Pinigilan at kinontrol lamang Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapasunod sa kanila sa mga kautusan. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa langit. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang hinihingi lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga kautusan at utos—maaari pa ngang sabihin na mga regulasyon—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para pagkalooban sila ng mas maraming bagay na dapat mayroon ang tao, at para personal na ibigay sa kanila ang mga ito, sapagkat pagkaraang malikha, wala sa tao ang anumang dapat niyang taglayin. At kaya, ipinagkaloob ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang taglayin para sa pamumuhay nila sa lupa, upang malampasan ng mga taong Kanyang pinangunahan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ipinagkaloob ni Jehova sa kanila ay higit sa ipinagkaloob Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay para lamang gabayan ang sangkatauhan at magdulot sa sangkatauhan na kilalanin ang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang tunay na kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagkontrol ng kamay ni Jehova. Mula rito ay nagkaroon pa ng mas maraming gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan

Sinundan: I. Mga Salita tungkol sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos sa Pagliligtas sa Sangkatauhan

Sumunod: B. Tungkol sa Paghahayag ng Diyos sa Kanyang Gawain sa Kapanahunan ng Biyaya

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito