Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda

Naisagawa Ko na ang napakaraming gawain sa mundo at nakapamuhay na sa piling ng sangkatauhan nang napakaraming taon, subalit bihirang magkaroon ng kaalaman ang mga tao tungkol sa Aking larawan at Aking disposisyon, at kakaunting tao lang ang lubos na nakapagpapaliwanag sa gawaing Aking ginagawa. Napakaraming kulang sa mga tao, lagi silang kulang sa pag-unawa sa Aking ginagawa, at laging alerto ang kanilang puso na para bang matindi ang takot nila na baka ilagay Ko sila sa isa pang sitwasyon at pagkatapos ay pabayaan Ko na sila. Sa gayon, lagi silang walang sigla at masyadong maingat sa pakikitungo nila sa Akin. Ito ay dahil napunta sa kasalukuyan ang mga tao nang hindi nauunawaan ang gawaing ginagawa Ko, at lalo na, nalilito sila sa mga salitang sinasambit Ko sa kanila. Hawak nila ang Aking mga salita sa kanilang mga kamay, na hindi alam kung dapat ba silang mangakong magiging tapat sa paniniwala sa mga ito o kung dapat ba nilang piliing huwag magpasya at kalimutan ang mga ito. Hindi nila alam kung dapat ba nilang isagawa ang mga ito, o kung hihintayin nila kung ano ang mangyayari, kung dapat ba nilang isantabi ang lahat at matapang na sumunod, o patuloy na kaibiganin ang mundo tulad ng dati. Napakakumplikado ng mga takbo ng isip ng mga tao, at napakatuso nila. Dahil hindi malinaw o lubos na maunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, marami sa kanila ang nahihirapang isagawa ang mga iyon at nahihirapang ialay ang kanilang puso sa Aking harapan. Lubos Kong nauunawaan ang inyong mga paghihirap. Maraming kahinaan ang hindi maiiwasan kapag nabubuhay sa laman, at maraming bagay na walang kinikilingan ang lumilikha ng mga paghihirap para sa inyo. Pinapakain niyo ang inyong pamilya, maghapon kayong nagpapakasipag, at lumilipas ang mga buwan at taon sa paghihirap. Maraming paghihirap sa pamumuhay sa laman—hindi Ko ito ikinakaila, at siyempre ang mga ipinagagawa Ko sa inyo ay alinsunod sa inyong mga paghihirap. Ang mga kinakailangan Ko sa gawaing Aking ginagawa ay pawang nakabatay sa inyong aktuwal na tayog. Marahil dati, ang mga kinakailangan sa inyo ng mga tao sa kanilang gawain ay may halong mga elemento ng kalabisan, ngunit dapat ninyong malaman na hindi Ko kayo kailanman pinagawa nang sobra-sobra sa Aking sinasabi at ginagawa. Lahat ng kinakailangan ay batay sa kalikasan, laman, at pangangailangan ng mga tao. Dapat ninyong malaman, at masasabi Ko sa inyo nang napakalinaw, na hindi Ko sinasalungat ang ilang makatwirang paraan ng pag-iisip ng mga tao, at hindi Ko sinasalungat ang angking kalikasan ng sangkatauhan. Dahil lamang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano talaga ang mga pamantayang itinakda Ko sa kanila, ni hindi nila nauunawaan ang orihinal na kahulugan ng Aking mga salita, na hindi pa rin gaanong pinaniniwalaan ng mga tao ang Aking mga salita hanggang ngayon, at wala pa sa kalahati ng mga tao ang naniniwala sa Aking mga salita. Ang nalalabi ay mga walang pananampalataya, at lalo na yaong mga gustong marinig Akong “magkuwento.” Bukod dito, maraming natutuwang panoorin ito. Binabalaan Ko kayo: Marami sa Aking mga salita ang nabuksan na sa mga naniniwala sa Akin, at yaong mga nagtatamasang tingnan ang magandang tanawin ng kaharian ngunit napagsarhan ng tarangkahan nito ay inalis Ko na. Hindi ba masasamang damo lamang kayo na kinasuklaman at tinanggihan Ko? Paano ninyo naatim na masdan ang pag-alis Ko at pagkatapos ay masayang salubungin ang Aking pagbalik? Sinasabi Ko sa inyo, matapos marinig ng mga tao sa Ninive ang galit na mga salita ni Jehova, agad silang nagsisi na nakadamit ng kayong magaspang na may mga abo. Dahil naniwala sila sa Kanyang mga salita kung kaya sila puno ng kilabot at pangamba at sa gayon ay nagsisi suot ang kayong magaspang na may mga abo. Patungkol sa mga tao sa panahong ito, bagama’t naniniwala rin kayo sa Aking mga salita at higit pa riyan, naniniwala kayo na muling naparito si Jehova sa gitna ninyo ngayon, puro kawalang-pitagan ang inyong pag-uugali, na para bang inoobserbahan lang ninyo si Jesus na isinilang sa Judea libu-libong taon na ang nakalilipas at bumaba na ngayon sa gitna ninyo. Lubos Kong nauunawaan ang panlilinlang na umiiral sa inyong puso; sumusunod sa Akin ang karamihan sa inyo para mag-usisa at naparito upang hanapin Ako dahil sa kahungkagan. Kapag hindi ninyo natamo ang inyong ikatlong kahilingan—ang kahilingan ninyo para sa isang mapayapa at masayang buhay—napapawi rin ang inyong pag-uusisa. Nalalantad ang panlilinlang na umiiral sa puso ng bawat isa sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa. Sa deretsahang pagsasalita, nag-uusisa lamang kayo tungkol sa Akin, ngunit hindi kayo natatakot sa Akin; hindi kayo nag-iingat sa inyong pananalita, at lalo nang hindi niyo kinokontrol ang inyong pag-uugali. Kung gayon ay anong klase ba talaga ang inyong pananampalataya? Tunay ba iyon? Ginagamit lamang ninyo ang Aking mga salita para mawala ang inyong mga pag-aalala at mabawasan ang inyong pagkabagot, para punan ang natitirang kahungkagan sa buhay mo. Sino sa inyo ang nagsagawa na ng Aking mga salita? Sino ang may tunay na pananampalataya? Patuloy ninyong isinisigaw na ang Diyos ay isang Diyos na nakikita ang kaibuturan ng puso ng mga tao, ngunit paano naging tugma sa Akin ang Diyos na inyong ipinagsisigawan sa puso ninyo? Dahil sumisigaw kayo nang ganito, bakit ganyan kayong kumilos? Maaari kayang ito ang pagmamahal na nais ninyong isukli sa Akin? Hindi kakatiting ang dedikasyon sa inyong mga labi, ngunit nasaan ang inyong mga sakripisyo, at ang inyong mabubuting gawa? Kung hindi dahil sa inyong mga salita na nakararating sa Aking mga tainga, paano Ko kayo labis na kamumuhian? Kung tunay kayong naniwala sa Akin, paano kayo naging ganyan kabalisa? May lumbay sa inyong mukha na para bang kayo ay nililitis sa Hades. Wala kayo ni katiting na sigla, at mahina kayong magsalita tungkol sa tinig sa inyong kalooban; puno pa nga kayo ng mga reklamo at sumpa. Matagal na kayong nawalan ng pananampalataya sa Aking ginagawa at naglaho na maging ang inyong orihinal na pananampalataya, kaya paano kayo posibleng makakasunod hanggang sa huli? Dahil dito, paano kayo maliligtas?

Bagama’t malaking tulong sa inyo ang Aking gawain, ang Aking mga salita ay laging hindi ninyo napapansin at balewala sa inyo. Mahirap makahanap ng mga bagay na gagawin Kong perpekto, at ngayon ay muntik na Akong mawalan ng pag-asa sa inyo. Ilang taon na Akong naghanap sa gitna ninyo, ngunit mahirap makahanap ng isang maaari Kong pagtapatan. Pakiramdam Ko parang wala Akong tiwala na patuloy na gumawa sa inyo, at wala na Akong pagmamahal na magagamit para patuloy pa kayong mahalin. Dahil ito sa matagal na Akong nasusuklam sa inyong “mga nakamit,” na napakaliit at kahabag-habag; para bang hindi pa Ako kailanman nakapangusap at nakagawa sa inyo. Masyadong nakakasuka ang inyong mga nakamit. Lagi ninyong sinisira at pinahihiya ang inyong sarili, at halos wala kayong halaga. Nahihirapan Akong makahanap ng wangis ng isang tao sa inyo, ni hindi Ko maamoy ang samyo ng isang tao. Nasaan ang inyong sariwang amoy? Nasaan ang halagang ibinayad ninyo sa loob ng maraming taon, at nasaan ang mga resulta? Wala pa ba kayong nakitang anuman kailanman? Ang Aking gawain ngayon ay may bagong panimula, isang bagong simula. Isasagawa Ko ang Aking mga dakilang plano at nais Kong magsakatuparan ng mas dakila pang gawain, subalit nakalublob pa rin kayo sa putik gaya ng dati, nabubuhay sa maruruming tubig ng nakaraan, at halos hindi ninyo mapalaya ang inyong sarili mula sa inyong orihinal na masamang kalagayan. Kung gayon, wala pa rin kayong natamong anuman mula sa Aking mga salita. Hindi pa rin ninyo napapalaya ang inyong sarili mula sa orihinal na lugar ninyo na putikan at maruming tubig, at ang alam lamang ninyo ay ang Aking mga salita, ngunit sa katunayan hindi pa kayo nakapasok sa daigdig ng kalayaan ng Aking mga salita, kaya hindi pa kailanman nabuksan ang Aking mga salita sa inyo; para silang isang aklat ng propesiya na libu-libong taon nang selyado. Nagpapakita Ako sa inyo sa inyong buhay ngunit palaging hindi ninyo iyon namamalayan. Ni hindi ninyo Ako nakikilala. Halos kalahati ng mga salitang Aking sinasabi ay para hatulan kayo, at kalahati lamang ng nararapat ang nagiging epekto nito, na magkintal ng labis na takot sa inyong kalooban. Ang natitirang kalahati ay binubuo ng mga salita upang turuan kayo tungkol sa buhay at kung paano kayo kikilos. Gayunman, mukhang pagdating sa inyo ay hindi man lang umiiral ang mga salitang ito, o parang nakikinig kayo sa mga salita ng mga bata, mga salitang lagi ninyong pinakikitaan ng tagong ngiti, ngunit hindi ninyo ginagawa kailanman. Hindi kayo nag-alala kailanman tungkol sa mga bagay na ito; palaging dahil lang talaga gusto ninyong mag-usisa kaya ninyo inobserbahan ang Aking mga kilos, kaya ngayon ay nasadlak na kayo sa kadiliman at hindi ninyo makita ang liwanag, kaya nga nakakaawa ang iyak ninyo sa dilim. Ang nais Ko ay ang inyong pagsunod, ang inyong walang-kundisyong pagsunod, at higit pa riyan, hinihingi Kong ganap kayong maging tiyak sa lahat ng sinasabi Ko. Hindi kayo dapat magpabaya at lalo nang hindi kayo dapat mamili sa mga bagay na sinasabi Ko, ni ipagwalang-bahala ang Aking mga salita at Aking gawain, gayundin ang inyong ugali. Isinasagawa ang Aking gawain sa gitna ninyo at napakarami sa Aking mga salita ang naipagkaloob Ko na sa inyo, ngunit kung tatratuhin ninyo Ako nang ganito, maibibigay Ko na lamang sa mga pamilyang Hentil yaong hindi ninyo natamo o naisagawa. Sino sa lahat ng nilikha ang hindi Ko hawak sa Aking mga kamay? Karamihan sa inyo ay “matatanda na,” at wala kayong lakas na tanggapin ang klaseng ito ng Aking gawain. Para kayong isang ibong Hanhao,[a] na bahagya lamang nakakaraos sa buhay, at hindi ninyo sineryoso kailanman ang Aking mga salita. Ang mga kabataan ay masyadong hambog at mapagmalabis at lalong hindi inaalintana ang Aking gawain. Wala silang interes na magpakabusog sa masasarap na pagkain sa Aking piging; para silang isang munting ibon na nakalipad palabas ng kulungan nito upang makipagsapalaran sa malayo. Paano makakatulong sa Akin ang ganitong klaseng mga kabataan at matatanda? Yaong matatanda na ay handang gamitin ang Aking mga salita bilang isang sustento hanggang sa mailibing sila, para pagkamatay nila ay makakaakyat ang kanilang kaluluwa sa langit, at sapat na ito para sa kanila. Palaging may “mga dakilang hangarin” at “matatag na tiwala” ang matatandang ito. Kahit malaki ang pagtitiyaga nila para sa Aking gawain at taglay nila ang kalidad ng matatanda na pagiging matuwid at matigas, na ayaw makaladkad palayo o matalo ng sinuman o ng anuman—tunay ngang sila ay parang mga kutang hindi mapapasok—ngunit hindi ba nababalot ng masasamang pamahiin ang pananampalataya ng mga taong ito? Nasaan ang kanilang landas? Para sa kanila, hindi ba napakahaba at napakalayo ng kanilang landas? Paano nila malalaman ang Aking kalooban? Kahit kapuri-puri ang kanilang tiwala, ilan sa matatandang ito ang hindi sumusunod nang nalilito, ngunit talagang naghahangad ng buhay? Ilan ang tunay na nakauunawa sa tunay na kabuluhan ng Aking gawain? Kaninong mithiin ang huwag Akong sundan sa mundong ito ngayon para hindi sila bumaba sa Hades sa nalalapit na hinaharap kundi madala Ko sa isa pang lupain? Palagay ba ninyo napakasimpleng bagay ang inyong hantungan? Bagama’t parang mga batang leon kayong lahat na kabataan, bihira kayong magkaroon ng tunay na daan sa inyong puso. Ang inyong kabataan ay hindi kayo binibigyan ng karapatan na makamtan ang iba pa sa Aking gawain; bagkus, lagi ninyong pinupukaw ang Aking pagkasuklam sa inyo. Kahit bata pa kayo, wala kayong sigla o kaya nama’y wala kayong ambisyon, at lagi kayong umiiwas tungkol sa inyong kinabukasan; parang balewala iyon sa inyo at nabubugnot kayo. Masasabi na ang sigla, mga mithiin, at paninindigang dapat matagpuan sa mga kabataan, ay talagang hindi matagpuan sa inyo; kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay walang paninindigan at walang kakayahang tukuyin kung alin ang tama at mali, mabuti at masama, maganda at pangit. Imposibleng makahanap ng anumang mga elemento ninyo na sariwa. Halos makaluma kayong lahat, at kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay natuto ring sumunod sa agos, na maging di-makatwiran. Hindi ninyo malinaw na natutukoy kailanman ang tama sa mali, hindi ninyo nakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay at huwad, hindi kayo nagsusumikap kailanman na maging mahusay, ni hindi ninyo kayang masabi kung ano ang tama at ano ang mali, ano ang katotohanan at ano ang pagpapaimbabaw. Mas mabigat at mas matindi ang amoy ng relihiyon sa inyo kaysa sa matatanda. Mayayabang pa kayo at wala sa katwiran, nakikipagpaligsahan kayo, at napakatindi ng hilig ninyong mang-away—paano magtataglay ng katotohanan ang ganitong klaseng kabataan? Paano maaaring tumayong saksi ang isang taong hindi kayang manindigan? Paano matatawag na kabataan ang isang taong walang kakayahang matukoy ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali? Paano matatawag na tagasunod Ko ang isang taong walang sigla, lakas, kasariwaan, kahinahunan, at katatagan ng isang kabataan? Paano magiging karapat-dapat na maging saksi Ko ang isang taong walang taglay na katotohanan, walang pagkaunawa sa katarungan, ngunit mahilig makipaglaro at makipaglaban? Ang mga matang puno ng panlilinlang at pagkiling sa iba ay mga bagay na hindi dapat taglayin ng mga kabataan, at hindi dapat magsagawa ang mga kabataan ng mapanira at kasuklam-suklam na mga gawain. Hindi sila dapat mawalan ng mithiin, hangarin, at masigasig na pagnanasang pagbutihin ang sarili nila; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga pag-asam, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magtiyagang magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat maging mapagpaimbabaw at makasalanan—dapat silang maging matatag sa wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay na lamang, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat isuko ng mga kabataan ang kanilang sarili sa paghihirap, kundi dapat silang maging bukas at prangka, at mapagpatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na gamitin ang pagkakilala sa mga isyu at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at huwag ninyong maliitin ito. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihira Akong makatagpo, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao? At bakit kayo kumikilos na katulad ng matatandang iyon na nakikisali sa ginagawa ng masasama? Bakit ninyo ginagaya ang mga lumang paraan ng mga lumang bagay? Dapat mapuno ng katarungan, katotohanan, at kabanalan ang inyong buhay; hindi dapat maging ubod ng sama ang inyong buhay sa napakamurang edad, na maghahantong sa inyo na masadlak sa Hades. Hindi ba ninyo nadarama na ito ay magiging isang kakila-kilabot na kasawian? Hindi ba ninyo nadarama na magiging lubha itong hindi makatarungan para sa inyo?

Dapat ninyong gawing lahat ang lubos na perpektong gawain ninyo at isakripisyo ito sa Aking altar, at gawin itong talagang natatanging sakripisyo, na ibinibigay ninyo sa Akin. Dapat kayong maging matatag na lahat sa inyong sariling paninindigan at huwag patangay sa bawat nagdaraang ihip ng hangin na gaya ng mga ulap sa himpapawid. Nagtatrabaho kayo nang husto sa kalahati ng inyong buhay, kaya bakit hindi ninyo hahanapin ang hantungang nararapat sa inyo? Nagpapakahirap kayo sa kalahati ng inyong buong buhay, subalit hinahayaan ninyo ang inyong parang baboy at asong mga magulang na tangayin sa libingan ang katotohanan at kabuluhan ng inyong personal na pag-iral. Palagay mo ba hindi ito malaking kawalan ng katarungan laban sa iyo? Hindi mo ba nadarama na lubos na walang kahulugan ang ganitong klaseng pamumuhay? Ang paghahanap sa katotohanan at sa tamang landas sa ganitong paraan ay maghahatid ng mga problema kaya nababalisa ang mga kapitbahay at nalulungkot ang buong pamilya, at hahantong ito sa nakamamatay na mga sakuna. Kung ganito ang iyong pamumuhay, hindi ba katumbas ito ng isang buhay na napakawalang-kahulugan? Kaninong buhay ang maaaring mas masuwerte kaysa sa iyo, at kaninong buhay ang maaaring mas katawa-tawa kaysa sa iyo? Hindi mo ba Ako hinahanap para matamo ang Aking kagalakan at mga salita ng kaginhawahan para sa iyo? Ngunit matapos kang magpaikut-ikot nang halos kalahati ng iyong buong buhay, ginagalit mo Ako hanggang sa mapuno na Ako ng galit at hindi na kita iniisip o pinupuri—hindi ba ito nangangahulugan na nawalan ng kabuluhan ang iyong buong buhay? Paano mo naatim na tingnan ang mga kaluluwa ng mga banal na iyon sa nagdaang mga kapanahunan na napalaya na mula sa purgatoryo? Binabalewala mo Ako at sa huli ay pinupukaw mo ang isang nakamamatay na sakuna—mas mabuti pang samantalahin ang oportunidad na ito at masayang maglayag patawid ng malawak na karagatan at pagkatapos ay sundin ang Aking “ipinagagawa.” Sinabi Ko na sa inyo noon pa na ikaw ngayon, na nagwawalang-bahala subalit ayaw umalis, ay pasasailalim at lalamunin sa huli ng mga alon na nilikha Ko. Kaya ba ninyo talagang protektahan ang inyong sarili? May tiwala ka ba talaga na matitiyak ng iyong kasalukuyang pamamaraan ng pagsisikap na magagawa kang perpekto? Hindi ba napakatigas ng puso mo? Ang ganitong klaseng pagsunod, ganitong klaseng pagsisikap, ganitong klaseng buhay, at ganitong klaseng pagkatao—paano nito matatamo ang Aking papuri?

Talababa:

a. Ang kuwento ng ibong Hanhao ay labis na kapareho ng pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Pinili ng ibong Hanhao na matulog sa halip na gumawa ng isang pugad habang ang panahon ay mainit, sa kabila ng paulit-ulit na mga babala mula sa kanyang kapitbahay, na isang magpie. Nang dumating ang taglamig, ang ibon ay nanigas sa lamig hanggang mamatay.

Sinundan: Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Sumunod: Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito