Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa
Nais mo bang makita si Jesus? Nais mo bang mamuhay kasama si Jesus? Nais mo bang marinig ang mga salitang sinasambit ni Jesus? Kung gayon, paano mo sasalubungin ang pagbalik ni Jesus? Handang-handa ka na ba? Sa anong paraan mo sasalubungin ang pagbalik ni Jesus? Sa palagay Ko, bawat kapatid na lalaki at babae na sumusunod kay Jesus ay gugustuhing bigyan Siya ng malugod na pagsalubong. Ngunit naisip na ba ninyo ito: Talaga bang makikilala mo si Jesus kapag nagbalik Siya? Talaga bang maiintindihan ninyo ang lahat ng sinasabi Niya? Talaga bang tatanggapin ninyo, nang walang-pasubali, ang lahat ng gawaing ginagawa Niya? Alam ng lahat ng nakabasa na ng Bibliya ang pagbabalik ni Jesus, at taimtim na naghihintay sa Kanyang pagdating. Nakatutok kayong lahat sa pagdating ng sandaling iyon, at kapuri-puri ang inyong sinseridad, talagang nakakainggit ang inyong pananalig, ngunit natatanto ba ninyo na nakagawa kayo ng malaking pagkakamali? Sa anong paraan babalik si Jesus? Naniniwala kayo na si Jesus ay babalik na sakay ng puting ulap, ngunit ito ang tanong Ko sa inyo: Ano ang tinutukoy ng puting ulap na ito? Sa napakaraming tagasunod ni Jesus na naghihintay sa Kanyang pagbalik, sa gitna ng sinong mga tao Siya bababa? Kung sa inyo unang bababa si Jesus, hindi ba’t labis itong hindi patas sa ibang mga tao? Alam Ko na napakataimtim at napakatapat ninyo kay Jesus, ngunit nakaharap na ba ninyo si Jesus? Alam ba ninyo ang Kanyang disposisyon? Nakasama na ba ninyo Siya sa pamumuhay? Gaano ba talaga ang inyong nauunawaan tungkol sa Kanya? Sasabihin ng ilan na nilalagay sila ng mga salitang ito sa isang mahirap na sitwasyon. Sasabihin nilang, “Napakaraming beses ko nang nabasa ang Bibliya mula simula hanggang wakas. Paanong hindi ko mauunawaan si Jesus? Ni hindi na kailangan pang pag-usapan ang disposisyon ni Jesus—alam ko pa nga ang kulay ng mga damit na gusto Niyang isuot. Hindi Mo ba ako hinahamak kapag sinasabi Mo na hindi ko Siya nauunawaan?” Iminumungkahi Ko na huwag kang makipagtalo sa mga isyung ito; kumalma tayo at magbahaginan tungkol sa sumusunod na mga tanong: Una, alam mo ba kung ano ang realidad, at kung ano ang teorya? Pangalawa, alam mo ba kung ano ang mga kuru-kuro, at kung ano ang katotohanan? Pangatlo, alam mo ba kung ano ang imahinasyon, at kung ano ang totoo?
Ikinakaila ng ilang tao ang katunayan na hindi nila nauunawaan si Jesus. Subalit sinasabi Ko na hindi ninyo Siya nauunawaan kahit katiting, at hindi ninyo nauunawaan ni isang salita ni Jesus. Iyan ay dahil bawat isa sa inyo ay sumusunod sa Kanya dahil sa mga salaysay sa Bibliya, dahil sa narinig ninyo mula sa ibang mga tao. Hindi pa ninyo nakita si Jesus kailanman, ni nakasama Siya sa pamumuhay, at hindi pa nga ninyo Siya nakasalamuha kahit sandali. Hindi ba’t teorya lamang ang pagkaunawa ninyo tungkol kay Jesus? Hindi ba’t wala itong realidad? Marahil ay nakita na ng ilang tao ang larawan ni Jesus, o personal nang nabisita ng ilan ang tahanan ni Jesus. Nahawakan na siguro ng ilan ang damit ni Jesus. Subalit ang pagkaunawa mo sa Kanya ay teoretikal pa rin at hindi praktikal, kahit personal mo nang natikman ang pagkaing kinain ni Jesus. Anuman ang sitwasyon, hindi mo pa nakita si Jesus kailanman, hindi mo pa Siya nakasalamuha kailanman sa anyo ng katawang-tao, kaya nga ang pagkaunawa mo kay Jesus ay laging hungkag na teorya na walang realidad. Marahil ay hindi ka gaanong interesado sa Aking mga salita, ngunit ito ang tanong Ko sa iyo: Bagama’t maaaring marami ka nang nabasang akda ng manunulat na pinakahinahangaan mo, lubos mo ba siyang mauunawaan kahit hindi mo pa siya nakasama kailanman? Alam mo ba ang kanyang personalidad? Alam mo ba ang uri ng kanyang pamumuhay? May alam ka ba tungkol sa kanyang nadarama? Ni hindi mo nga lubos na maunawaan ang isang taong hinahangaan mo, paano mo pa kaya posibleng mauunawaan si Jesucristo? Lahat ng nauunawaan mo tungkol kay Jesus ay puno ng mga imahinasyon at kuru-kuro at walang katotohanan o realidad. Nangangamoy ito at puno ng laman. Paano ka magiging karapat-dapat na sumalubong sa pagbabalik ni Jesus kung ganyan ang pagkaunawa mo? Hindi tatanggapin ni Jesus ang mga taong puno ng mga pantasya at kuru-kuro ng laman. Paano nagiging kalipikadong mananampalataya kay Jesus ang mga taong hindi nakakaunawa sa Kanya?
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga Pariseo ng panahon na iyon, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilatis ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Magagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay pawang may kakayahang gumawa ng mga kilos ng paglaban kay Jesus, pagtanggi kay Jesus, at paninira kay Jesus. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Higit pa riyan, kaya nilang ituring na panlilihis ni Satanas ang pagbabalik ni Jesus, at karamihan ng taong ito ang kokondena kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagpunit sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtaboy sa lahat ng salitang ipinapahayag ni Jesus. Ano ang makakamit ninyo kay Jesus kung gulong-gulo ang inyong pag-iisip? Paano ninyo mauunawaan ang gawaing ginagawa ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag mamulat? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng mga puting ulap, ay tiyak na yaong lumalapastangan sa Banal na Espiritu, at tiyak na sila ang kategoryang wawasakin. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa ninyo kailanman nasunod ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo kailanman natanggap ang katotohanang ipinahayag ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao. Ano ang gagamitin ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang sinseridad ba sa inyong paulit-ulit na pagkakasala, at pagkatapos ay sa paulit-ulit ding pagtatapat? Ano ang iaalay ninyo bilang sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang kapital ba ng maraming taon ng paggawa kung saan itinataas ninyo ang inyong sarili? Ano ang gagamitin ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang mayabang na kalikasan, na hindi nagpapasakop sa anumang katotohanan?
Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay nasa pag-iisip at mga kuru-kuro, ang inyong mga pagsusumikap ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, at kung gayon, ano kaya ang katangian ng inyong pananalig? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano matakot kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilihis ng tao. Ang alam mo lamang ay kondenahin ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kababaang-loob? Nasaan ang iyong pagpapasakop? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong saloobin na hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na ang kategoryang wawasakin. Yaong mga walang kakayahang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang wawasakin magpakailanman. Maraming tao ang maaaring walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat diumano’y banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata na bumababa si Jesus mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging panahon ng pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding kasabikan para sa iyo. Gayumpaman, dapat mong malaman na sa sandaling masaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit, iyon din ang sandali ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan, ang panahon kung kailan ang katapusan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay naproklama na, at kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat nagwakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nadala na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagkakaloob ng buhay at ng tunay na daan. Kaya nga maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan na Siyang nagbalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang mga gayong basura? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong arbitraryong gumawa ng agarang kongklusyon; higit pa riyan, huwag kayong maging kaswal at pabasta-basta sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na gumagawa ng agarang kongklusyon o kinokondena ito ay mayayabang na tao. Walang sinumang nananampalataya kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging mga taong may katwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at mabasa ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong pagkaunawa at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa isa sa 10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan din kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag maging labis na mapagpahalaga sa sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, pagkatapos basahin ang ilang pangungusap, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay masyadong mangmang! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kitang magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil lilitaw ang mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang nakakapanghinayang? Kung, matapos ang paulit-ulit na pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at wala kang mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang gayong katotohanan na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba’t hindi ka karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t isa kang taong walang pagpapala ng pagbabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalos-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang pananampalataya sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong kinabukasan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?