Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7

Kamakailan, nagbahagi Ako tungkol sa lahat ng uri ng kasabihan mula sa tradisyonal na kultura ukol sa wastong asal. Tungkol sa ilang partikular na kasabihan, marami na Akong naibahagi. Ngayon, may anumang kinalaman ba ang paksa at usaping ito sa katotohanan? (Mayroon.) May nag-iisip ba na tila walang kaugnayan ang paksa at usaping ito sa katotohanan? Kung may nag-iisip ng gayon, mahina talaga ang kakayahan niya at wala siyang ni katiting na pagkilatis. Naging madali bang unawain ang pagbabahagi Ko tungkol sa paksang ito? (Oo.) Kung hindi Ako nagbahagi at nagsuri sa ganitong paraan, mapagkakamalan ba ninyong katotohanan at patuloy na itataguyod ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na itinuturing ng mga tao na medyo positibo? Una, nakatitiyak Akong ang mga kasabihang ito ay itinuturing ng karamihan sa mga tao na mga positibong bagay, na mga bagay na naaayon sa pagkatao at nararapat na sundin, at na alinsunod sa konsensiya, katwiran, mga hinihingi, mga kuru-kuro, at iba pang gayong bagay na may kaugnayan sa pagkatao. Masasabing bago ang Aking pagbabahagi tungkol sa paksang ito, itinuturing ng halos lahat na positibo at alinsunod sa katotohanan ang iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal. Matapos marinig ang Aking pagbabahagi at pagsusuri, ngayon ba ay kaya na ninyong tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal at ng katotohanan? Taglay ba ninyo ang ganitong uri ng pagkilatis? Sasabihin ng ilan: “Hindi ko matukoy ang pagkakaiba ng mga iyon, ngunit ano’t ano man, pagkarinig sa pagbabahagi ng Diyos, nakikita ko na ngayon na may pagkakaiba ang mga bagay na ito sa katotohanan. Hindi mapapalitan ng mga iyon ang katotohanan, lalong hindi masasabing positibo o ang katotohanan ang mga iyon. Siyempre, imposibleng maituring ang mga iyon na alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos o sa mga pamantayan ng katotohanan. Walang anumang kaugnayan ang mga iyon sa mga salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos o sa mga pamantayan ng katotohanan. Sa kabuuan, naaayon man ang mga iyon sa konsensiya at katwiran ng pagkatao, hindi ko na sinasamba ang mga bagay na iyon sa aking puso at hindi ko na itinuturing ang mga iyon bilang ang katotohanan.” Ipinakikita nitong ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura ay hindi na nagsisilbing gabay sa puso ng mga tao. Kapag naririnig ng mga tao ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, hindi mamamalayan na tutukuyin nila ang pagkakaiba ng mga ito sa katotohanan at, sa pinakamalubhang kaso, tatanggapin nila ang mga ito bilang bagay na sinasang-ayunan ng konsensiya ng mga tao. Gayunpaman, alam nilang iba pa rin ang mga kasabihang ito sa katotohanan at na talagang hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Sa sandaling maintindihan ng mga tao ang diwa ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, ititigil na nila ang pagturing sa mga ito bilang katotohanan at ang pagsunod, pagsamba, o paghahangad sa mga ito bilang gayon—ito ang nakakamit na batayang epekto. Ngayon, anu-ano ang positibong epekto ng pagkaunawa sa lahat ng ito sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan? Tiyak na magkakaroon ito ng positibong epekto, ngunit nakasalalay ang tindi ng epektong iyon sa antas ng pagkaunawa mo sa katotohanan o sa kung gaano karaming katotohanan ang nalalaman mo. Sa pagsasaalang-alang sa mga puntong ito, malinaw na talagang kinakailangang suriin ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na itinataguyod ng mga tao at na naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Kahit papaano man lang, ang magiging epekto ng pagsusuring ito ay matutulungan ang mga taong magtamo ng dalisay na pagkaarok sa katotohanan at mapipigilan na mawalan ng saysay ang kanilang mga pagsisikap o na tumahak sila sa maling landas sa kanilang paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang magiging epekto.

Noong nakaraan ay pinagbahaginan at sinuri natin ang apat na kasabihan tungkol sa wastong asal, tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” at “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.” Ngayon, patuloy tayong magbabahaginan tungkol sa ibang kasabihan. Maraming detalyadong pahayag na ipinanukala ang tradisyonal na kulturang Tsino tungkol sa wastong asal—sa alin mang panahon o yugto ng kasaysayan orihinal na ipinanukala ang mga pahayag na ito, ang lahat ng ito ay naipasa-pasa na hanggang sa kasalukuyan at matibay nang nag-ugat sa puso ng mga tao. Sa paglipas ng panahon at sa unti-unting paglitaw ng mga bagong bagay, maraming bago at iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal ang ipinanukala ng tao. Ang mga pahayag na ito ay pangunahing mga kahilingan para sa moral na karakter at pag-uugali ng mga tao. Medyo malinaw na ba sa inyong lahat ang apat na kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin noong nakaraan? (Oo.) Ngayon, ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa susunod na kasabihan: “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Ang ideya na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian ay isa sa mga klasikong pamantayan sa tradisyonal na kultura ng Tsino para husgahan kung ang isang tao ba ay moral o imoral. Kapag kinikilatis kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti o masama, at kung gaano katuwid ang moralidad ng kanyang asal, isa sa mga pinagbabatayan ay kung sinusuklian ba niya ang mga pabor o tulong na natatanggap niya—kung siya ba ay isang tao na buong-pasasalamat na sinusuklian ang kabutihang natanggap o hindi. Sa tradisyonal na kultura ng Tsina, at sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, itinuturing ito ng mga tao bilang mahalagang pamantayan ng moralidad. Kung hindi nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian, at siya ay walang utang na loob, kung gayon, siya ay itinuturing na walang konsensiya at hindi nararapat na makaugnayan, at dapat siyang kasuklaman, itaboy, at tanggihan ng lahat. Sa kabilang banda, kung nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—kung siya ay tumatanaw ng utang na loob at sinusuklian ang mga pabor at tulong na natatanggap niya sa abot ng kanyang makakaya—itinuturing siya na isang taong may konsensiya at pagkatao. Kung ang isang tao ay nakatatanggap ng mga pakinabang o tulong mula sa ibang tao, pero hindi niya ito sinusuklian, o nagpapahayag lang siya ng kaunting pasasalamat dito sa simpleng “salamat” at wala nang iba pa, ano ang iisipin ng ibang taong iyon? Mababahala kaya siya tungkol dito? Iisipin ba niya, “Ang taong iyon ay hindi nararapat na tulungan, hindi siya mabuting tao. Kung ganoon ang reaksiyon niya kahit labis ko siyang tinulungan, wala siyang konsensiya o pagkatao, at hindi nararapat na makaugnayan”? Kung muli niyang makasasalamuha ang ganitong uri ng tao, tutulungan pa rin ba niya ito? Hindi niya ito gugustuhin man lang. Sa katulad na mga sitwasyon, hindi ba ninyo pag-iisipan kung dapat ba kayong tumulong o hindi? Ang aral na matututuhan ninyo mula sa dati ninyong karanasan ay, “Hindi ko pwedeng tulungan ang kung sino lang—kailangan nilang maunawaan na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung sila ang tipong walang utang na loob na hindi ako susuklian sa tulong na ibinigay ko sa kanila, mas mabuti pang huwag na akong tumulong.” Hindi ba’t iyon ang magiging pananaw ninyo sa usaping ito? (Oo.) Sa pangkalahatan, kapag tumutulong ang mga tao sa iba, ano ba mismo ang iniisip nila tungkol sa kanilang naging pagtulong? May mga partikular ba silang ekspektasyon o hinihingi sa taong kanilang tinutulungan? May nagsasabi bang, “Tinutulungan kita nang walang inaasahang kapalit. Hindi ko ninanais na may anumang matamo mula sa iyo. Nararapat lang kitang tulungan kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, at tungkulin ko ito. May kaunting kaugnayan man tayo sa isa’t isa at mababayaran mo man ako sa hinaharap o hindi, ginagawa ko lang ang pangunahin kong tungkulin bilang isang karaniwang tao at hindi ako hihingi ng anumang kabayaran. Hindi mahalaga sa akin kung babayaran mo ako o hindi”? May mga tao bang nagsasabi ng gayong mga bagay? Kahit pa may gayong mga tao, gawa-gawa lang ang mga iyon at hindi tumutugma sa mga katunayan. Napakaraming gawa-gawang magiting na tauhan sa mga nobelang pangkasaysayan ng Tsina at mas kathang isip pa ang mga bayaning inimbento ng bansa ng malaking pulang dragon sa makabagong lipunan. Bagaman umiral nga ang mga taong iyon, ang mga kwentong tungkol sa kanila ay inimbento lamang. Sa pagtingin dito batay sa mga katunayang ito, ngayon ba ay malinaw na sa inyo ang pinagmulan ng kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” ang pamantayang ito para sa paghatol sa wastong asal ng mga tao, at kung kanino ito hinango? Marahil ay hindi pa rin ito masyadong malinaw sa ilang tao. Sa tiwaling sangkatauhang ito, ang lahat ng tao ay may kung anong mithiin at partikular na ekspektasyon sa lipunan ng tao. Ano ang kanilang ekspektasyon? “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo.” Dagdag pa sa ekspektasyong ito, umaasa rin ang mga taong masusuklian at mababayaran sila para sa mga mapagmahal nilang puso at sa halagang kanilang binabayaran. Sa isang banda, maaaring ito ay isang materyal na kabayaran, gaya ng regalong pera o ng isang materyal na gantimpala. Sa kabilang banda, maaaring ito ay isang espirituwal na kabayaran—ibig sabihin, pagdadala ng espirituwal na katuparan sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng gantimpala upang mapatibay ang kanilang reputasyon na nagkakaloob ng titulong gaya ng “huwarang trabahador,” “huwaran sa kabutihan,” o “huwaran sa moralidad.” Sa lipunan ng tao, halos lahat ay may ganitong uri ng ekspektasyon sa lipunan at sa mundo—lahat sila ay umaasang maging mabuting tao, tumahak sa tamang landas, at tumulong sa mga nangangailangan, nagbibigay-daan sa mga taong makamit ang kanilang tulong at makakuha ng mga partikular na pakinabang. Umaasa silang maaalala ng mga taong nakatatanggap sa tulong nila kung sino ang nagbigay nito, at kung paano nakinabang ang mga ito rito. Siyempre, umaasa rin silang kapag sila na mismo ang nangailangan, mayroon ding tutulong sa kanila. Sa isang banda, kapag may nangangailangan ng tulong, umaasa siyang may ilang taong magpapakita ng mga mapagmahal na puso sa mga ito; sa kabilang banda, umaasa siyang kapag nalagay sa kagipitan ang mga taong nagpakita ng mga mapagmahal na puso, makukuha rin ng mga ito ang tulong na kinakailangan ng mga ito. May ganitong uri ng ekspektasyon ang mga tao sa lipunan at sa mundo—ang totoo, ang pinakalayon nila ay ang mamuhay ang sangkatauhan sa isang nagkakasundo, payapa, at matatag na lipunan. Paano ba nabuo ang ekspektasyong ito? Ang ekspektasyong ito at ang kaugnay na pahayag ay[a] natural na nabuo dahil hindi ligtas at masaya ang pakiramdam ng mga tao sa ganitong uri ng kapaligiran ng lipunan. Sa gayon, sinimulan ng mga taong suriin ang wastong asal ng isang tao at ang karangalan ng kanyang karakter batay sa kung sinusuklian niya ang kabutihan ng iba o hindi, at ang kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” na isang pamantayan sa pagsusuri sa wastong asal ng mga tao, ay nagmula sa sitwasyong ito. Hindi ba’t medyo kakatwa kung paano nabuo ang kasabihang ito? (Oo.) Sa kasalukuyang panahon, hindi hinahanap at tinatanggap ng tao ang katotohanan, at naging tutol siya sa katotohanan. Ang mga tao ay nasa magulong kalagayan at, sa kabila ng pamumuhay sa piling ng isa’t isa, hindi malinaw sa kanilang lahat kung anong mga responsabilidad ang dapat nilang isakatuparan, kung anong mga tungkulin ang nararapat nilang gampanan, at kung ano ang posisyong dapat nilang akuin at kung ano ang dapat nilang maging pananaw kapag tinitingnan ang mga tao at bagay. Dagdag pa rito, hindi malinaw sa mga tao kung ano ang mga responsabilidad at tungkulin nila sa lipunan at hindi sila tiyak kung mula sa anong paninindigan o perspektiba nila dapat tingnan at harapin ang lipunan. Wala silang tumpak na paliwanag at kongklusyon sa lahat ng bagay na nagaganap sa mundo at hindi nila nahahanap ang tamang landas ng pagsasagawa na magdidikta kung paano sila aasal at kikilos. Dahil nahaharap sa isang lalong nagiging mapanglaw, nakatatakot na mundong puno ng pag-aaway, ganting pagpatay, digmaan at ng lahat ng uri ng hindi patas na pagtrato, sabik at puno ng pag-asang hinihintay ng mga tao ang pagparito ng Tagapagligtas. Gayunpaman, wala silang interes sa katotohanan at walang aktibong naghahanap sa Diyos o sa Kanyang gawain. Kahit pa marinig nila ang mga pagbigkas ng Diyos, hindi nila hinahanap, lalong hindi nila tinatanggap ang mga iyon. Ang mga tao ay pawang namumuhay sa kalagayang walang magawa at nadarama na lubhang hindi makatarungan at ni hindi ligtas ang lipunan. Ang lahat ng tao ay lubhang nasusuklam sa lipunang ito at sa mundong ito at puno ng poot sa mga iyon, ngunit sa kabila ng pagiging puno ng poot, umaasa pa rin silang isang araw ay bubuti ang lipunan. Ano ba ang itsura ng isang bumuting lipunan para sa kanila? Nakikita nila sa kanilang isipan ang isang lipunang walang pag-aaway at ganting pagpatay, kung saan ang lahat ng tao ay maayos na nakikisalamuha sa isa’t isa, walang sinumang sumasailaim sa panunupil, sa pagdurusa o sa mga gapos ng buhay, ang lahat ay nakapamumuhay nang maalwan, hindi napipigilan, komportable at masaya, normal na nakikisalamuha sa iba, tinatrato ang mga ito nang patas at, siyempre, tinatrato nang patas ng iba. Dahil sa mundong ito at sa sangkatauhan, kailanman ay hindi nagkaroon ng pagiging patas. Mayroon lamang mga pag-aaway at ganting pagpatay, ngunit kailanman ay hindi nagkaroon ng pagkakasundo sa mga tao. Noon pa man ay ganito na ang sitwasyon, sa alinmang yugto ng kasaysayan. Habang nahaharap sa malupit na konteksto at mga kondisyong ito ng lipunan, wala ni isang taong nakaaalam kung paano lulutasin ang mga isyung ito, kung paano lulutasin ang mga pag-aaway at ganting pagpatay sa pagitan ng mga tao, o ang anuman sa mga hindi patas at hindi makatarungang sitwasyong nagaganap sa lipunan. Dahil mismo sa katunayan na umiiral ang mga isyung ito at hindi alam ng mga tao kung paano lutasin ang mga ito, kung mula sa anong perspektiba o pananaw nila dapat harapin ang mga isyung ito, o kung ano ang pamamaraang dapat nilang gamitin upang lutasin ang mga ito, kaya nagkakaroon sila ng ganitong pangitain ng perpektong mundo sa kanilang mga isipan. Sa pangitain ng perpektong mundong ito, nakapamumuhay nang sama-sama at nang magkakasundo ang mga tao, at ang lahat ng tao ay tinatrato nang patas ng lipunan at ng mga tao sa paligid nila. Ang lahat ng tao ay umaasang “ang respeto ng mga tao sa iba ay ibabalik sa kanila nang sampung ulit; kung tutulungan mo ako, susuklian kita; at kapag kailangan mo ng tulong, maraming tao sa lipunan ang makapagbibigay ng tulong at makatutupad sa kanilang mga tungkulin sa lipunan; at kapag kailangan ko ng tulong, sasaklolohan ako ng mga taong dating nakinabang sa tulong ko. Dapat ay maging isa itong lipunan kung saan nagtutulungan ang mga tao.” Naniniwala ang mga tao na sa ganitong paraan lang makapamumuhay ang mga tao nang masaya, magkakasundo at nang nasa isang matatag at mapayapang lipunan. Naniniwala silang sa ganitong paraan lang lubusang mawawakasan at malulutas ang mga paglalabanan ng mga tao. Iniisip nilang sa sandaling malutas ang mga isyung ito, matutupad na ang mga ekspektasyon at mithiin nila para sa lipunan ng tao sa kaibuturan ng kanilang puso.

Sa lipunan ng mga walang pananampalataya, may isang sikat na awiting pinamagatang “Magiging Mas Maganda ang Bukas.” Palaging umaasa ang mga taong bubuti ang mga bagay-bagay sa hinaharap—wala namang mali roon—ngunit, sa realidad, bubuti ba talaga ang mga bagay-bagay bukas? Hindi, imposible ito; maaari lamang lumala ang mga bagay-bagay, dahil lalong nagiging masama ang sangkatauhan at lalong nagiging mapanglaw ang mundo. Sa sangkatauhan, bukod sa paunti nang paunti ang mga taong buong-pasasalamat na nagsusukli sa kabutihang kanilang natatanggap, parami rin nang parami ang mga taong hindi mapagpasalamat at hindi tumatanaw ng utang na loob sa tumulong sa kanila. Ito na nga ang realidad ng sitwasyon ngayon. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Paano naging ganito ang mga bagay-bagay? Bakit hindi napigilan ang mga tao sa pamantayan ng wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” na isinusulong ng mga moralista, edukador, at sosyologo? (Dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Ngunit alam ba iyon ng mga moralista, edukador, at sosyologong iyon? (Hindi.) Hindi nila alam na ang pinakaugat ng mga ganting pagpatay at labanan sa pagitan ng mga tao ay hindi dahil sa problema sa kanilang wastong asal, kundi sa halip, dahil ito sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga tao ay walang pagkaunawa sa mga pamantayan kung paano sila nararapat na umasal. Ibig sabihin, hindi nila alam kung paano aasal nang tama, at hindi nila alam kung anu-ano mismo ang mga prinsipyo at landas ng pag-asal. Dagdag pa rito, ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan, namumuhay alang-alang sa kapakinabangan, at inuuna ang sarili nilang mga interes bago ang lahat. Ang resulta, lalong lumulubha ang problema ng mga ganting pagpatay at labanan sa pagitan ng mga tao. Makasusunod ba ang gayong mga tiwaling tao sa mga pamantayan ng wastong asal na tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? Yamang nawalan na ang mga tao ng kahit na pinakapangunahing katwiran at konsensiya, paano nila buong-pasasalamat na masusuklian ang kabutihang kanilang natatanggap? Noon pa man ay pinapatnubayan na ng Diyos ang mga tao, inihahanda ang lahat ng kanilang kailangan upang mabuhay, tinutustusan sila ng sikat ng araw, hangin, pagkain, tubig, at iba pa, subalit ilan sa kanila ang mapagpasalamat sa Kanya? Ilan sa kanila ang nakakikita sa tunay na pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan? Maraming mananampalataya, sa kabila ng pagtamasa sa napakaraming biyaya ng Diyos, ang nagwawala, kinagagalitan ang Diyos, at nagrereklamo tungkol sa kawalan ng katarungan ng Langit sa sandaling hindi tuparin ng Diyos ang mga ninanais nila nang isa o dalawang beses. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Kahit na may ilang taong buong-pasasalamat na nakapagsusukli sa kabutihang kanilang natatanggap mula sa ilang tao, ano ang mga problemang malulutas niyon? Siyempre, maganda naman ang mga layunin ng mga taong nagpanukala sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal—ang naging motibasyon lamang nila ay ang pag-asang malulutas ng mga tao ang kanilang pagtatalo-talo, maiiwasan ang alitan, na sila ay magtutulungan, mamumuhay nang magkakasundo, iimpluwensiyahan ang isa’t isa na maging matuwid, magpapakita ng kabutihan sa isa’t isa, at magsasama-sama upang magtulungan sa mga oras ng pangangailangan. Magiging napakagandang lipunan niyon kung makapapasok ang sangkatuhan sa gayong kalagayan, ngunit sa kasamaang-palad, hinding-hindi iiral ang gayong lipunan, dahil ang lipunan ay ang kabuuan lamang ng lahat ng tiwaling tao sa loob nito. Dahil sa katiwalian ng tao, lalong nagiging mapanglaw at masama ang lipunan, at ang mithiin ng tao sa isang nagkakasundong lipunan ay hinding-hindi makakamit. Bakit ba hinding-hindi makakamit ang ideyal na lipunang ito? Mula sa isang pundamental at teoretikal na perspektiba, ang gayong lipunan ay hindi makakamit dahil sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Sa realidad, ang mga panandaliang mabuting pag-uugali, mga minsanang paggawa ng wastong asal, at mga pansamantalang pagpapakita ng pagmamahal, pagtulong, pagsuporta sa iba, at iba pa ay sadyang hindi makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre, mas mahalaga pa, hindi malulutas ng mga bagay na ito ang mga katanungan sa kung paano dapat umasal ang mga tao at kung paano nila dapat tahakin ang tamang landas sa buhay. Yamang hindi malulutas ang mga isyung ito, magiging posible bang makamit ng lipunang ito ang nagkakasundong kalagayang itinuturing na ideyal at inaasam ng mga tao? Sa diwa ay isa lamang itong walang kabuluhang pangarap, at maliit ang posibilidad na mangyari ito. Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga moral na kasulatan at pag-eeduka sa mga tao, sinusubukan ng mga moralistang ito na hikayatin silang gumamit ng wastong asal upang tumulong sa iba at impluwensiyahan ang iba na maging matuwid, na ang layon ay maimpluwensiyahan at mapabuti ang lipunan. Pero tama ba o mali ang ideya, ang adhikain nilang ito? Talagang mali ito at hindi maisasakatuparan. Bakit Ko nasasabi iyon? Dahil nauunawaan lang nila ang mga pag-uugali, kaisipan at pananaw, at wastong asal ng mga tao, ngunit wala silang kahit kaunting pagkaunawa pagdating sa mas malalalim na usaping tulad ng diwa ng tao, mga tiwaling disposisyon ng tao, pinagmumulan ng katiwalian ng tao at kung paano lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Ang resulta, nagpapanukala sila ng mga katawa-tawang pamantayan ng wastong asal na tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Pagkatapos, umaasa silang magagamit nila ang ganitong uri ng kasabihan, ang ganitong uri ng pamantayan para sa wastong asal, upang maimpluwensiyahan ang sangkatauhan, maimpluwensiyahan ang sunud-sunod na henerasyon, mabago ang mga pamantayan sa pag-uugali ng tao, at mabago ang direksyon at mga mithiin para sa mga pag-uugali ng tao, habang kasabay niyon ay unti-unti nilang nababago ang kalagayan ng lipunan, at nababago ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao at mga ugnayan sa pagitan ng mga tagapamahala at mga pinamamahalaan. Naniniwala silang sa sandaling mabago ang mga ugnayang ito, hindi na magiging masyadong di-makatarungan at puno ng pag-aaway, pagkapoot, at pagpapatayan ang lipunan. Medyo magiging kapaki-pakinabang ito sa mga karaniwang tao, sila ay magkakaroon ng makatarungang kapaligirang panlipunan sa pamumuhay, at magiging mas kontento sa kanilang pamumuhay. Ngunit ang pinakamakikinabang dito ay hindi ang mga karaniwang tao, kundi ang mga tagapamahala, ang naghaharing uri, at ang mga aristokrata ng bawat kapanahunan. Ang diumano’y mga prominenteng tao at pantas na ito na nagsusulong sa mga moral na doktrina ay patuloy na ginagamit ang mga moral na doktrinang ito, na nakikita ng sangkatauhan bilang medyo marangal at alinsunod sa pagkatao at sa kanilang konsensiya, upang turuan at impluwensiyahan ang mga tao, at upang baguhin ang mga moral na pananaw ng mga ito, nang sa gayon ay kusang-loob ang mga itong mamuhay sa isang kapaligiran ng lipunan na sibilisado o may mga partikular na moral na pamantayan. Nagbibigay-pakinabang ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga karaniwang tao sa isang aspekto, dahil ginagawa nitong mas nagkakasundo, payapa, at sibilisado ang kapaligiran ng lipunan kung saan sila naninirahan. Sa isa pang aspekto, lumilikha rin ito ng mas paborableng mga kondisyon upang mapangasiwaan ng mga tagapamahala ang mga tao. Ang mga kasabihang ito na nagsasaad ng mga pamantayan para sa wastong asal ay alinsunod sa mga ideya at kuru-kuro ng karamihan sa mga tao, at naaayon din ang mga ito sa mga pangitain ng mga tao sa isang perpektong mundo na may maluwalhating kinabukasan. Siyempre, ang pangunahing layunin nila sa pagsusulong sa mga kasabihang ito ay ang lumikha ng mas paborableng mga kondisyon upang pangasiwaan ng mga tagapamahala. Sa ilalim ng gayong mga kondisyon, ang mga karaniwang tao ay hindi magdudulot ng problema, mamumuhay sila nang magkakasundo at walang alitan, at ang lahat ay bukal sa loob na makasusunod sa mga moral na pamantayang kumokontrol sa kilos ng lipunan. Sa madaling salita, ang layunin ng pagtataguyod sa mga kasabihang ito ay upang ang mga pinamamahalaang nasasakupan ng estado, ang karaniwang masa, ay kumilos nang masunurin at maayos sa ilalim ng mga paghihigpit ng mga moral na pamantayan ng lipunan, matutong sumunod sa mga panuntunan, at maging maaamong mamamayan. Kung gayon ay hindi ba’t magiging medyo palagay at panatag ang mga tagapamahala? Kung hindi na kailangang alalahanin ng mga tagapamahala ang paghihimagsik ng masa at pang-aagaw ng mga ito sa kanilang awtoridad, hindi ba’t magdudulot ito ng isang diumano’y nagkakasundong lipunan? Hindi ba’t mapatitibay nito ang politikal na kapangyarihan ng mga tagapamahala? Sa esensya ay ito ang pinagmulan ng mga moral na kasulatan at ang konteksto ng pagkakabuo ng mga iyon. Sa magandang pananalita, upang makontrol ang mga pag-uugali at wastong asal ng masa kung kaya’t binalangkas ang ilang pangunahing pamantayan ng moralidad ng lipunan para sa kanila. Ibig sabihin, ang mga kasabihang ito ay para sa kapakanan ng mga tao; sa diwa, ang totoo ay itinataguyod ang mga ito alang-alang sa katatagan ng lipunan at ng bansa, at upang mabigyang-daan ang mga tagapamahala na mamahala nang matagal, nang panghabang-panahon. Ito ang tunay na layon ng mga diumano’y moralista sa pagtataguyod ng tradisyonal na kultura. Wala naman talagang pakialam ang mga tagapamahala sa kapakanan ng masa, at kahit pa mukha ngang may pakialam sila, ginagawa lang nila iyon upang panatilihin ang katatagan ng kanilang politikal na kapangyarihan. Interesado lang sila sa sarili nilang kaligayahan, sa katatagan ng kanilang kapangyarihan at katayuan, sa kakayahan nilang mamahala sa masa nang panghabang-panahon at sa posibilidad na mamahala sa mas marami pang bansa, na ang mithiin sa huli ay ang maghari sa buong mundo. Ang mga ito ang mga motibo at layunin ng mga haring diyablo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Nagmula kami sa angkan ng mga magsasaka, na nagpakahirap bilang mga pangmatagalang upahang manggagawang bukid na nagtatrabaho para sa mga asendero at kailanman ay hindi kami nagkaroon ng lupang sariling amin. Matapos maitatag ang PRC, pinabagsak ng Partido Komunista ang mga asendero at kapitalista, binigyan kami nito ng sarili naming lupain, at mula sa pagiging mga magsasaka ay naging mga may-ari na kami ng lupa. Utang namin ang lahat sa Partido Komunista, sila ang mga tagapagligtas ng mga Tsino, at dapat ay buong-pasasalamat naming suklian ang kanilang kabutihan at hindi kami dapat maging walang utang na loob. May ilang taong gustong maghimagsik laban sa Partido Komunista—wala man lang silang pasasalamat! Hindi ba’t hindi sila tumatanaw ng utang na loob sa tumulong sa kanila? Hindi dapat maging labis na walang konsensiya ang mga tao at malilimutin sa kanilang mga pinanggalingan!” Ang ipinahihiwatig sa pahayag na ito ay na anumang uri ng kapaligiran ng pamumuhay ang kasalukuyan mong kinalalagyan, anumang uri ng pagtrato ang iyong dinanas, at garantisado man o hindi ang iyong mga karapatang pantao, o nanganganib man o inalis ang iyong karapatang umiral, dapat ay lagi mong alalahaning buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang iyong natanggap at huwag mong kalimutan ang iyong pinanggalingan. Hindi ka dapat kumilos na parang isang kasuklam-suklam, walang utang na loob na tao at dapat ay patuloy at habambuhay mong suklian ang kanilang kabutihan nang walang inaasahang kabayaran. Hindi ba’t namumuhay pa rin bilang mga alipin ang gayong mga tao? Iniisip nilang dati silang mga alipin ng mga asendero at kapitalista, ngunit talaga bang pinagsamantalahan ng mga kapitalista at asendero ang mga karaniwang tao? Talaga bang mas masahol pa ang kalagayan ng mga magsasaka noon kumpara sa mga tao ngayon? Hindi, isa itong kasinungalingang inimbento ng Partido Komunista. Ang mga katunayan at realidad ng sitwasyon ay nahahayag na ngayon, nang paunti-unti. Ang sinasabi nila na sinamantala ng mga kapitalista ang pawis at pagpapagal ng napakaraming karaniwang tao at ang kwento ng “Babaeng Puti ang Buhok” ay pawang gawa-gawa at kasinungalingan—walang totoo rito. Ano ang layon ng mga gawa-gawang kwento at kasinungalingang ito? Ang hikayatin ang mga taong kapootan ang mga asendero at kapitalistang iyon at habang-panahong purihin ang Partido Komunista at magpasakop sa Partido habambuhay. Dati, maraming tao ang kumakanta ng awiting “Kung Wala ang Partido Komunista, Hindi Magkakaroon ng Bagong Tsina.” Kinakanta ang awiting ito sa bawat sulok ng Tsina sa loob ng ilang dekada, ngunit ngayon ay wala nang kumakanta nito. Napakarami talagang halimbawa ng mga gawa-gawang kwento at kasinungalingan ng Partido Komunista, na pawang taliwas sa mga obhetibong katunayan. Ngayon, inilalantad na ng ilang tao ang katotohanan sa publiko upang ipakita sa lahat ng tao ang realidad ng sitwasyon. Sa lipunan ng tao, sa anumang panahon, noon pa man, ang pamantayan ng wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay may antas na ng pagiging epektibo sa paghihigpit sa mga pag-uugali ng mga tao at sa pagsisilbi bilang sukatan ng pagkatao ng mga tao. Siyempre, ang isang mas mahalagang epekto ng gayong kasabihan ay na ginamit ito upang tulungan ang mga tagapamahalang patibayin ang kanilang paghahari sa masa. Sa isang partikular na paraan, masasabing ang kasabihang ito ay nagsisilbing isang paraan ng paghihigpit sa mga pag-uugali at wastong asal ng mga tao, nanghihikayat sa mga tao na isipin at tingnan ang mga problema sa balangkas ng pamantayang ito ng wastong asal at pagkatapos ay humatol at magpasya batay sa pamantayang ito. Hindi nito hinihikayat ang mga taong tuparin ang lahat ng responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao, kapwa sa kanilang pamilya at sa buong lipunan, bagkus, sa matinding paglabag sa mga kalakaran at kagustuhan ng normal na pagkatao, puwersahan nitong sinasabi sa mga tao kung ano ang iisipin at kung paano mag-iisip, kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin. Nagsisilbi ang kasabihang ito bilang isang uri ng hindi kapansin-pansing pamamaraan at hindi nakikitang balangkas upang gumabay, maghigpit, at gumapos sa mga tao at ipaalam sa kanila kung ano ang dapat at hindi nila dapat na gawin. Ang mithiin nito ay gamitin ang ganitong uri ng opinyon ng madla at pamantayan para sa moralidad ng lipunan upang impluwensiyahan ang mga kaisipan, pananaw ng mga tao, at ang mga paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos.

Ang mga pahayag sa wastong asal gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay hindi eksaktong sinasabi sa mga tao kung ano ang mga responsabilidad nila sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa halip, paraan ang mga ito upang igapos at pwersahin ang mga tao na kumilos at mag-isip sa partikular na paraan, gusto man nila o hindi, at kahit ano pa ang sitwasyon o konteksto ng pagsapit sa kanila ng mga kabutihang ito. Maraming halimbawa ng pagsukli sa kabutihan mula sa sinaunang Tsina. Halimbawa, ang isang nagugutom na pulubing batang lalaki ay inampon ng isang pamilya na nagpakain, nagbihis, nagsanay sa kanya sa martial arts, at nagturo sa kanya ng lahat ng uri ng kaalaman. Naghintay ang pamilya na lumaki siya, at pagkatapos ay sinimulang gamitin siya bilang mapagkakakitaan, pinalalabas siya para gumawa ng masama, pumatay ng mga tao, at gumawa ng mga bagay na ayaw niyang gawin. Kung titingnan mo ang kwento niya batay sa lahat ng pabor na natanggap niya, iisipin mong mabuting bagay ang pagkakaligtas sa kanya. Pero kung iisipin mo ang mga napilitan siyang gawin kalaunan, mabuti ba talaga ito o masama? (Masama ito.) Pero sa ilalim ng pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” hindi nakikita ng mga tao ang pagkakaiba nito. Sa panlabas, mukhang walang pagpipilian ang batang lalaki kundi gumawa ng masasamang bagay at manakit ng mga tao, maging mamamatay-tao—mga bagay na hindi gugustuhing gawin ng karamihan. Ngunit hindi ba’t ang katunayang ginawa niya ang masasamang bagay na ito at pumatay siya ayon sa utos ng kanyang amo, sa kaibuturan, ay nagmumula sa kanyang pagnanais na suklian ang kanyang amo para sa kabutihan nito? Partikular na dahil sa pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura ng Tsina gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” hindi mapigilan ng mga taong maimpluwensiyahan at makontrol ng mga ideyang ito. Ang paraan ng kanilang pagkilos, at ang mga layunin at motibasyon sa likod ng mga pagkilos na ito ay tiyak na napipigilan ng mga ito. Nang malagay sa ganoong sitwasyon ang batang lalaki, ano kaya ang unang naisip niya? “Iniligtas ako ng pamilyang ito, at naging mabuti sila sa akin. Hindi pwedeng hindi ako tumanaw ng utang na loob, dapat kong suklian ang kanilang kabutihan. Utang ko ang buhay ko sa kanila, kaya dapat ko itong ilaan sa kanila. Dapat kong gawin ang anumang hinihingi nila sa akin, kahit pa nangangahulugan iyon ng paggawa ng masama at pagpatay ng mga tao. Hindi ko pwedeng isaalang-alang kung tama ba ito o mali, dapat ko lang suklian ang kabutihan nila. Karapat-dapat pa ba akong matawag na tao kung hindi ko gagawin ito?” Dahil dito, kahit kailan naisin ng pamilya na pumatay siya ng isang tao o gumawa ng masama, ginagawa niya ito nang walang pag-aatubili o pasubali. Kaya, hindi ba’t ang kanyang asal, mga ikinikilos, at ang kanyang walang pag-aalinlangang pagsunod ay pawang dinidiktahan ng ideya at pananaw na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? Hindi ba’t isinasakatuparan niya ang pamantayang iyon ng moralidad? (Oo.) Ano ang nakikita mo mula sa halimbawang ito? Mabuti ba o hindi ang kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? (Hindi, walang prinsipyo rito.) Ang totoo, ang isang taong nagsusukli sa kabutihan ay mayroon namang prinsipyo. Ito ay ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung may gumagawa sa iyo ng kabutihan, dapat mo itong suklian. Kung hindi mo ito magagawa, hindi ka tao at wala kang masasabi kung ikaw ay kokondenahin dahil dito. Ayon sa kasabihan: “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” pero sa sitwasyong ito, ang natanggap ng batang lalaki ay hindi munting kabutihan bagkus ay isang kabutihang nagligtas ng buhay niya, kaya mas higit ang dahilan niyang suklian din ito ng buhay. Hindi niya alam kung ano ang mga limitasyon o mga prinsipyo ng pagsusukli sa kabutihan. Naniniwala siya na ang kanyang buhay ay ibinigay sa kanya ng pamilyang iyon, kaya dapat niya itong ilaan sa kanila bilang kapalit, at gawin ang anumang hinihingi nila sa kanya, kasama na ang pagpatay o iba pang paggawa ng kasamaan. Ang ganitong paraan ng pagsusukli sa kabutihan ay walang mga prinsipyo o limitasyon. Naging kasabwat siya ng masasama at sa paggawa nito ay sinira niya ang kanyang sarili. Tama bang suklian niya ang kabutihan sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Kahangalan ang ganitong pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Totoong iniligtas siya ng pamilyang ito at hinayaan siyang patuloy na mabuhay, ngunit dapat na may mga prinsipyo, limitasyon, at moderasyon sa pagsusukli ng isang tao sa kabutihan. Iniligtas nila ang buhay niya, ngunit ang layon ng buhay niya ay hindi ang gumawa ng kasamaan. Ang kabuluhan at halaga ng buhay, pati na ang misyon ng tao, ay hindi ang gumawa ng kasamaan at pumatay, at hindi siya dapat mabuhay para lamang sa layuning suklian ang kabutihan. Maling pinaniwalaan ng batang lalaki na ang kabuluhan at halaga ng buhay ay ang buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap. Maling-mali ang pagkaunawang ito. Hindi ba’t resulta ito ng pagkakaimpluwensiya ng pamantayang ito ng wastong asal na, “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? (Oo.) Nailigaw ba siya ng impluwensiya ng kasabihang ito tungkol sa pagsusukli sa kabutihan, o natagpuan ba niya ang tamang landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa? Napakalinaw naman na siya ay nailigaw—mas malinaw pa ito sa sikat ng araw. Kung wala ang pamantayang ito ng wastong asal, makahahatol ba ang mga tao sa mga simpleng kaso ng tama at mali? (Oo.) Maaaring maisip ng bata: “Maaaring sinagip nga ako ng pamilyang ito, ngunit mukhang ginawa lang nila iyon alang-alang sa kanilang negosyo at kinabukasan. Isa lang akong kasangkapang magagamit nila upang manakit o pumatay ng sinumang gagambala o hahadlang sa kanilang mga negosyo. Ito ang tunay na dahilan kung bakit nila ako iniligtas. Iniahon nila ako mula sa bingit ng kamatayan para lang pilitin akong gumawa ng kasamaan at pumatay—hindi ba’t inihahatid lang nila ako sa impiyerno? Hindi ba’t lalo pa akong magdurusa dahil dito? Kung gayon, mas mabuti pa sana kung hinayaan na lang nila akong mamatay. Hindi naman talaga nila ako sinagip!” Hindi sinagip ng pamilyang ito ang batang pulubi dahil nais nilang magkawanggawa at upang bigyang-daan siyang mamuhay nang mas maayos, ginawa nila iyon para lamang magkaroon ng kontrol sa kanya at upang pilitin siyang manakit, maminsala, at pumatay ng iba. Kaya talaga bang gumagawa sila ng kabutihan o ng kasamaan? Napakalinaw na gumagawa sila ng kasamaan, hindi ng kabutihan—naging masasamang tao na ang mga tagapangalagang ito. Karapat-dapat bang masuklian ang masasamang tao? Dapat ba silang suklian? Hindi sila dapat na suklian. Kaya, sa sandaling matuklasan mong masama sila, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang dumistansiya sa kanila, umiwas sa kanila, at maghanap ng paraang makatakas sa kanila. Karunungan ito. Maaaring sabihin ng ilan: “May kontrol na sa akin ang masasamang taong ito, kaya hindi madaling makatakas sa kanila. Imposible ang pagtakas!” Kadalasan, ito ang mga kahihinatnan ng buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihang natanggap. Dahil kaunting-kaunti na talaga ang mabuting tao at napakaraming masamang tao, kung makatagpo ka ng mabuting tao ay ayos lang na suklian ang kanyang kabutihan, ngunit kung mapapasakamay ka ng isang masamang tao, katumbas iyon ng pagkahulog sa mga kamay ng isang demonyo, ni Satanas. Magpapakana siya laban sa iyo at paglalaruan ka, at walang mabuting ibubunga ang pagkahulog sa mga kamay niya. Napakarami talagang halimbawa nito sa kasaysayan. Ngayong alam mo nang ang buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihang natanggap ay hindi isang lehitimong pamantayan kung paano ka aasal at kikilos, paano ka dapat kumilos kapag may isang taong nagkaloob sa iyo ng kabutihan? Ano ang mga pananaw ninyo rito? (Kahit sino pa ang tumulong sa amin, dapat kaming magpasya kung tatanggapin ba namin o hindi ang kanyang tulong batay sa sitwasyon. Sa ilang pagkakataon, ayos lang na tumanggap ng tulong, ngunit sa ibang pagkakataon, dapat ay hindi namin pikit-matang tanggapin ang kanyang tulong. Kung tatanggap nga kami ng tulong, kailangan pa rin naming maging maprinsipyo at magtakda ng mga limitasyon sa kung paano namin susuklian ang kanyang kabutihan, upang maiwasang malinlang o masamantala ng masasamang tao.) Isa itong maprinsipyong paraan ng pagharap sa sitwasyon. Dagdag pa, kung hindi mo nakikita nang malinaw ang sitwasyon o hindi ka na makausad, kailangan mong magdasal sa Diyos at hilingin sa Kanyang magbukas ng landas para sa iyo. Bibigyang-daan ka nitong makaiwas sa tukso at makatakas mula sa mga kuko ni Satanas. Kung minsan, gagamitin ng Diyos ang mga serbisyo ni Satanas upang tulungan ang mga tao, ngunit kailangan nating siguraduhing sa Diyos tayo magpapasalamat sa gayong mga pagkakataon at hindi tayo magsusukli ng kabutihan kay Satanas—ito ay usapin ng prinsipyo. Kapag dumarating ang tukso sa anyo ng isang masamang taong nagkakaloob ng kabutihan, kailangan munang maging malinaw sa iyo kung sino talaga ang tumutulong at umaalalay sa iyo, kung ano ang sarili mong sitwasyon, at kung may ibang landas na puwede mong tahakin. Dapat maging handa kang umangkop sa pagharap sa gayong mga sitwasyon. Kung gusto kang iligtas ng Diyos, kahit kaninong serbisyo pa ang gamitin Niya upang maisakatuparan ito, dapat mo munang pasalamatan ang Diyos at tanggapin ito na mula sa Diyos. Hindi mo dapat idirekta lang sa mga tao ang iyong pasasalamat, lalong huwag mong ialay ang iyong buhay sa isang tao bilang pasasalamat. Isa itong malaking pagkakamali. Ang mahalaga ay mapagpasalamat ang iyong puso sa Diyos, at tinatanggap mo ito mula sa Kanya. Kung ang taong nagkakaloob ng kabutihan sa iyo, tumutulong sa iyo, o sumasaklolo sa iyo ay isang mabuting tao, dapat mong suklian ang kanyang kabutihan, ngunit dapat mo lang gawin ang magagawa mo ayon sa iyong kakayahan. Kung ang taong tumulong sa iyo ay may mga maling layunin at nagpaplanong magpakana laban sa iyo at gamitin ka upang makamit ang sarili niyang mga mithiin, hindi mo siya kinakailangang suklian anuman ang mangyari. Sa madaling salita, sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao, kaya basta’t hindi ka nakokonsensiya at tama ang mga motibasyon mo, hindi ito problema. Ibig sabihin, bago mo maunawaan ang katotohanan, kahit papaano, kailangang maging alinsunod sa konsensiya at katwiran ng tao ang iyong mga kilos. Dapat ay magawa mong harapin nang makatwiran ang sitwasyong ito upang hinding-hindi mo pagsisihan ang iyong mga kilos, sa anumang pagkakataon sa hinaharap. Kayong lahat ay nasa hustong gulang na at marami nang napagdaanan sa bansa ng malaking pulang dragon—wala bang anumang paniniil, pang-uusig, pang-aabuso, o pamamahiya sa inyong buhay? Nakikita ninyong lahat nang malinaw kung gaano na kalubhang naging tiwali ang sangkatauhan, kaya anumang tukso ang inyong kaharapin, kailangan ninyo itong harapin nang may karunungan at huwag kayong mahulog sa mapanganib na mga pakana ni Satanas. Anumang sitwasyon ang inyong kaharapin, kailangan ninyong hanapin ang katotohanan at magpasya lamang kayo matapos ninyong maunawaan ang mga prinsipyo sa pamamagitan ng pagdarasal at pagbabahaginan. Sa nakaraang ilang taong ito, isinasakatuparan na ng iglesia ang gawain ng paglilinis at maraming masamang tao, hindi mananampalataya, at anticristo ang nalantad at napaalis o natiwalag. Karamihan sa mga tao ay hindi kailanman inakalang mangyayari ito. Yamang kahit sa loob ng iglesia ay napakarami pa ring taong magulo ang isipan, masama, at hindi mananampalataya, ipinapalagay Kong malinaw na sa inyo kung gaano katiwali at kasama ang mga walang pananampalataya. Kung wala ang katotohanan at karunungan, walang anumang makikita nang malinaw ang mga tao at malilinlang at maloloko lang sila, at mapaglalaruan ng masasamang tao at ni Satanas. Sa gayon, nagiging mga alagad sila ni Satanas. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan at walang mga prinsipyo ay mga kalokohan lamang ang ginagawa.

Kapag nasa kagipitan o panganib ang ilang tao at nagkataong nakatanggap sila ng tulong mula sa isang masamang tao na nagbibigay-daan sa kanilang makaalis sa kanilang suliranin, naniniwala silang ang masamang taong iyon ay isang mabuting tao at handa silang gumawa ng bagay para sa kanya upang ipakita ang kanilang pasasalamat. Gayunpaman, sa gayong mga pagkakataon, susubukan ng masamang taong isangkot sila sa mga kasuklam-suklam nitong gawain at gamitin sila upang magsakatuparan ng masasamang gawain. Kung hindi sila makatatanggi, maaari itong maging mapanganib. Magtatalo ang kalooban ng ilang gayong tao sa mga sitwasyong ito, dahil iisipin nilang kung hindi nila tutulungan ang masama nilang kaibigan sa paggawa ng ilang masamang gawa, magmumukhang hindi sila nagsusukli nang sapat sa pagkakaibigang ito, subalit makalalabag naman sa kanilang konsensiya at katwiran ang paggawa ng mali. Dahil doon, hindi nila malaman ang gagawin. Isa itong resulta ng pagkaimpluwensiya sa ideyang ito ng tradisyonal na kultura ng pagsusukli sa kabutihan—naigagapos, naitatali, at nakokontrol sila ng ideyang ito. Sa maraming pagkakataon, pinapalitan ng mga kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ang katwiran ng konsensiya ng tao at ang normal niyang paghatol; natural, naiimpluwensiyahan din ng mga iyon ang normal na paraan ng pag-iisip at tamang pagpapasya ng tao. Ang mga ideya ng tradisyonal na kultura ay hindi tama at direktang nakaaapekto sa mga pananaw ng tao ukol sa mga bagay-bagay, na nagdudulot sa kanyang gumawa ng masasamang desisyon. Mula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, napakaraming tao na ang naimpluwensiyahan ng ideya, pananaw, at pamantayang ito ng wastong asal tungkol sa pagsukli sa kabutihan. Kahit pa ang taong nagpakita ng kabutihan sa kanila ay isang masama o tiwaling tao at itinutulak sila nitong gumawa ng mga kasuklam-suklam at masamang gawa, nilalabag pa rin nila ang sarili nilang konsensiya at katwiran, pikit-mata silang sumusunod upang suklian ang kabutihan nito, na nagdudulot ng maraming nakapipinsalang kahihinatnan. Masasabing maraming taong, matapos maimpluwensiyahan, malimitahan, mapigilan, at maigapos ng pamantayang ito ng wastong asal, ay pikit-mata at maling nagtataguyod sa pananaw na ito ng pagsukli sa kabutihan, at malamang na tulungan at suportahan pa nila ang masasamang tao. Ngayong narinig na ninyo ang Aking pagbabahagi, malinaw na sa inyo ang sitwasyong ito at matutukoy na ninyo na hangal na katapatan ito, at na maituturing ang pag-uugaling ito na pag-asal nang hindi nagtatakda ng anumang limitasyon, at walang-ingat na pagsukli sa kabutihan nang walang anumang pagkilatis, at na wala itong kabuluhan at halaga. Dahil natatakot ang mga taong makastigo sila ng opinyon ng madla o makondena ng iba, napipilitan silang ilaan ang kanilang mga buhay sa pagsukli sa kabutihan ng iba, isinasakripisyo pa nga nila ang kanilang buhay sa prosesong ito, na isang nakalilinlang at hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Bukod sa naigapos ng kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng mga tao, naglagay rin ito ng hindi kinakailangang bigat at abala sa kanilang buhay at nagbigay sa kanilang mga pamilya ng karagdagang pagdurusa at mga pasanin. Maraming tao na ang nagbayad ng malalaking halaga upang masuklian ang kabutihang natanggap—ang tingin nila sa pagsukli sa kabutihan ay isang responsabilidad sa lipunan o sarili nilang tungkulin at maaari pa nga nilang igugol ang buong buhay nila sa pagsukli sa kabutihan ng iba. Naniniwala silang ganap na likas at makatwiran na gawin ang bagay na ito, isang hindi matatakasang tungkulin. Hindi ba’t hangal at katawa-tawa ang perspektiba at paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay? Ganap nitong inihahayag kung gaano ka-ignorante at kawalang-kaliwanagan ang mga tao. Ano’t anuman, maaaring ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal—ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—ay naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito katugma ng mga salita ng Diyos at isa itong maling pananaw at paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay.

Yamang ang pagsusukli sa kabutihan ay walang kaugnayan sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at naging paksa ng ating pamumuna, paano ba talaga tinitingnan ng Diyos ang kasabihang ito? Anu-anong uri ng pananaw at kilos ang dapat na taglayin ng mga normal na tao bilang tugon sa kasabihang ito? Malinaw ba ito sa inyo? Kung dati ay may taong nagkaloob sa iyo ng kabutihang labis mong pinakinabangan o ginawan ka ng malaking pabor, dapat mo ba siyang suklian? Paano mo ba dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Hindi ba’t isa itong usapin ng mga pananaw ng mga tao? Isa itong usapin ng mga pananaw ng mga tao pati na ng kanilang mga landas ng pagsasagawa. Sabihin ninyo sa Akin ang pananaw ninyo tungkol sa usaping ito—kung mabuti sa iyo ang isang tao, dapat mo ba siyang suklian? Magkakaroon ng problema kung hindi pa rin ninyo maintindihan ang usaping ito. Dati, hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at isinasagawa ninyo ang pagsusukli sa kabutihan na para bang ito ang katotohanan. Ngayon, pagkatapos makinig sa Aking pagsusuri at pamumuna, nakita na ninyo kung nasaan ang problema, ngunit hindi pa rin ninyo alam kung paano magsagawa o haharap sa isyung ito—hindi pa rin ba ninyo maintindihan ang isyung ito? Bago mo naunawaan ang katotohanan, namuhay ka ayon sa iyong konsensiya at kahit sino pa ang nagkaloob ng kabutihan sa iyo o tumulong sa iyo, kahit pa masasamang tao o mga sanggano sila, talagang susuklian mo sila, at pakiramdam mo ay kailangan mong humarap sa panganib para sa iyong mga kaibigan at isapanganib pa ang iyong buhay para sa kanila. Ang mga lalaki ay dapat na magpaalipin sa kanilang mga tagapangalaga bilang kabayaran, habang ang mga babae ay dapat na magpakasal at mag-anak para sa kanila—ito ang ideyang itinatanim ng tradisyonal na kultura sa mga tao, inuutusan silang buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap. Ang resulta, iniisip ng mga tao na, “Tanging ang mga taong nagsusukli sa kabutihan ang may konsensiya, at kung hindi sila nagsusukli sa kabutihan, tiyak na wala silang konsensiya at hindi sila makatao.” Matibay na nakatanim ang ideyang ito sa puso ng mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, marunong bang magsukli ng kabutihan ang mga hayop? (Oo.) Kung gayon, talaga bang maituturing na matalino ang mga tao dahil lamang sa marunong silang magsukli ng kabutihan? Maituturing bang isang tanda ng pagkatao ang pagsasagawa ng tao ng pagsusukli sa kabutihan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat na maging pananaw ng mga tao sa bagay na ito? Paano ba dapat maunawaan ang ganitong uri ng bagay? Pagkatapos itong maunawaan, ano ang dapat na maging pagharap dito ng isang tao? Ito ang mga katanungang dapat hangarin ninyong lahat na malutas sa sandaling ito. Pakiusap, ibahagi ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa usaping ito. (Kung talagang tinulungan ako ng isang taong lutasin ang isang isyu o problema, taos-puso muna akong magpapasalamat sa kanya, ngunit hindi ako mapipigilan o makokontrol ng sitwasyong ito. Kung mahaharap siya sa mga paghihirap, gagawin ko ang makakaya ko para sa kanya sa abot ng aking abilidad. Tutulungan ko siya kung kaya ko, ngunit hindi ko pipilitin ang sarili ko nang higit sa aking kakayahan.) Ito ang tamang pananaw at katanggap-tanggap ang ganitong paraan ng pagkilos. May iba pa bang gustong magbahagi ng kanilang pananaw tungkol dito? (Dati, ang pananaw ko ay kung tinulungan ako ng isang tao, dapat ko siyang tulungan bilang ganti kapag naharap siya sa problema. Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri ng Diyos sa mga pananaw na “Maging masaya sa pagtulong sa iba” at “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” napagtanto kong kailangang sundin ng isang tao ang mga prinsipyo kapag tumutulong sa iba. Kung naging mabait sa akin o tinulungan ako ng isang tao, dinidikta ng konsensiya kong dapat ko rin siyang tulungan, ngunit ang tulong na ibibigay ko ay dapat na maging batay sa aking kalagayan at sa kung ano ang kaya kong ibigay. Isa pa, dapat ko lang siyang tulungang lutasin ang kanyang mga paghihirap at asikasuhin ang mga pangangailangan niya sa buhay; hindi ko siya dapat na tulungang gumawa ng kasamaan o magsakatuparan ng masasamang gawa. Kung makikita kong nahihirapan ang isang kapatid, tutulungan ko siya hindi dahil sa minsan niya akong tinulungan, kundi dahil sa tungkulin ko ito, responsabilidad ko ito.) May iba pa ba? (Natatandaan ko ang mga salita ng Diyos na nagsabing, “Kung may magiging mabait sa atin, dapat natin itong tanggapin na mula sa Diyos.” Ibig sabihin, sa tuwing pakikitunguhan tayo nang mabuti ng sinuman, dapat natin itong tanggapin na mula sa Diyos at mapangasiwaan ito nang tama. Sa gayong paraan, mauunawaan natin nang tama ang pananaw na ito tungkol sa pagsusukli sa kabutihan. Isa pa, sinasabi ng Diyos na dapat nating mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos. Kapag tumutulong sa ibang tao, kailangan nating kilatisin kung isa itong taong minamahal o kinapopootan ng Diyos. Dapat tayong kumilos batay sa prinsipyong ito.) May kaugnayan ito sa katotohanan—isa itong tamang prinsipyo at may batayan ito. Huwag nating pag-usapan ngayon ang bagay na may kaugnayan sa katotohanan, bagkus ay talakayin natin kung paano dapat harapin ng mga tao ang usaping ito mula sa perspektiba ng pagkatao. Sa realidad, ang mga sitwasyong maaari ninyong makaharap ay hindi palaging ganoon kasimple—hindi palaging nagaganap ang mga iyon sa loob ng iglesia at sa gitna ng mga kapatid. Kadalasan, nagaganap ang mga iyon sa labas ng saklaw ng iglesia. Halimbawa, maaaring magpakita sa iyo ng kabutihan o tumulong sa iyo ang isang walang pananampalatayang kamag-anak, kaibigan, kakilala, o kasamahan. Kung magagawa mong harapin ang usaping ito at pakitunguhan ang taong tumulong sa iyo sa tamang paraan, partikular na, sa paraang kapwa naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at tila angkop naman sa iba, magiging medyo tumpak ang iyong saloobin sa usaping ito at ang iyong mga ideya tungkol dito. Ang tradisyonal na pangkultural na konsepto na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay kailangang kilatisin. Ang pinakamahalagang bahagi ay ang salitang “kabutihan”—paano mo dapat tingnan ang kabutihang ito? Anong aspekto at kalikasan ng kabutihan ang pinatutungkulan nito? Ano ang kabuluhan ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? Dapat alamin ng mga tao ang mga sagot sa mga tanong na ito, at sa anumang pagkakataon ay hindi sila dapat mapigilan ng ideyang ito ng pagsusukli ng kabutihan—para sa sinumang naghahangad sa katotohanan, ito ay lubos na mahalaga. Ano ang “kabutihan” ayon sa mga kuru-kuro ng tao? Sa mas mababang antas, ang kabutihan ay ang pagtulong sa iyo ng isang tao kapag may problema ka. Halimbawa, ang pagbibigay sa iyo ng isang tao ng isang mangkok ng kanin kapag gutom na gutom ka, o isang bote ng tubig kapag uhaw na uhaw ka, o pag-alalay sa iyong makatayo kapag nadapa ka at hindi makabangon. Lahat ito ay paggawa ng kabutihan. Ang dakilang paggawa ng kabutihan ay ang pagliligtas sa iyo ng isang tao kapag nasa desperado kang kalagayan—iyon ay kabutihan na nakapagliligtas ng buhay. Kapag nasa mortal kang panganib at may tumutulong sa iyong makaiwas sa kamatayan, sa esensya ay sinasagip niya ang iyong buhay. Ang mga ito ay ilan sa mga bagay na sa tingin ng mga tao ay “kabutihan.” Ang ganitong uri ng kabutihan ay higit na nalalagpasan ang anumang maliliit at materyal na pabor—ito ay dakilang kabutihan na hindi masusukat sa pera o materyal na mga bagay. Ang mga nakatatanggap nito ay nakararamdam ng pasasalamat na imposibleng maipahayag sa iilang salita lamang ng pagpapasalamat. Ngunit tumpak ba na sukatin ng mga tao ang kabutihan sa ganitong paraan? (Hindi.) Bakit sinasabi mong hindi ito tumpak? (Dahil ang panukat na ito ay nakabatay sa mga pamantayan ng tradisyonal na kultura.) Ito ay isang sagot na batay sa teorya at doktrina, at bagamat mukhang tama ito, hindi nito natutukoy ang diwa ng usapin. Kaya, paano ito maipapaliwanag ng isang tao sa mga praktikal na termino? Pag-isipan itong mabuti. Kamakailan, nabalitaan Ko ang tungkol sa isang video online ng isang lalaking nakalaglag ng pitaka nang hindi niya namamalayan. Isang maliit na aso ang nakapulot sa pitaka at hinabol ang lalaki, at nang makita ito ng lalaki, binugbog niya ang aso dahil inakala niyang ninakaw nito ang pitaka niya. Kakatwa, hindi ba? Mas wala pang moralidad ang lalaking iyon kaysa sa aso! Ang ikinilos ng aso ay ganap na alinsunod sa mga pamantayang pangmoralidad ng tao. Ang isang tao ay makasisigaw sana ng “Nalaglag ang pitaka mo!” Ngunit dahil hindi nakapagsasalita ang aso, tahimik lang nitong pinulot ang pitaka at sumunod sa lalaki. Kaya, kung ang isang aso ay kayang isakatuparan ang ilan sa mabubuting asal na hinihikayat ng tradisyonal na kultura, ano ang sinasabi nito tungkol sa mga tao? Ang mga tao ay ipinanganak na may konsensiya at katwiran, kaya mas may kakayahan silang gawin ang mga bagay na ito. Hangga’t may konsensiya ang isang tao, maisasakatuparan niya ang mga ganitong uri ng responsabilidad at obligasyon. Hindi na kailangang magsumikap o magbayad ng halaga, kaunting pagsisikap lang ang kinakailangan nito at paggawa lang ito ng isang bagay na nakatutulong, isang bagay na kapaki-pakinabang sa iba. Ngunit ang kalikasan ba ng ganitong kilos ay talagang maituturing na “kabutihan”? Umaabot ba ito sa antas ng paggawa ng kabutihan? (Hindi.) Dahil hindi, kailangan pa bang pag-usapan ng mga tao ang pagsukli rito? Hindi na ito kakailanganin.

Ngayon naman ay ibaling na natin ang ating atensyon sa usapin ng diumano’y kabutihan ng tao. Halimbawa, tingnan ninyo ang kaso ng isang mabuting taong sumagip sa isang pulubing natumba dahil sa gutom habang umuulan ng niyebe sa labas. Dinala niya ang pulubi sa bahay niya, pinakain at binihisan ito, at hinayaan itong tumira kasama ng kanyang pamilya at magtrabaho sa kanila. Kusang-loob mang nagboluntaryong magtrabaho ang pulubi, o ginawa man niya ito upang masuklian ang utang na kabutihan, isa bang kabutihan ang pagsagip sa kanya? (Hindi.) Kahit ang maliliit na hayop ay nagagawang tulungan at sagipin ang isa’t isa. Kaunting pagsisikap lang ang kinakailangan para magawa ng mga tao ang gayong mga bagay, at ang sinumang may pagkatao ay nagagawa ang gayong mga bagay at nakakayanan ang mga iyon. Maaaring sabihing ang gayong mga gawa ay responsabilidad at obligasyon sa lipunan na nararapat tuparin ng sinumang may pagkatao. Hindi ba’t kalabisan naman na ilarawan ng mga tao ang mga iyon bilang kabutihan? Isa ba itong angkop na paglalarawan? Halimbawa, sa panahon ng taggutom kung kailan maraming tao ang maaaring magutom, kung mamamahagi ang isang mayaman ng mga supot ng bigas sa mahihirap na pamilya upang matulungan silang makaraos sa mahirap na panahong ito, hindi ba’t isa lamang itong halimbawa ng uri ng batayang moral na tulong at suportang dapat na gawin ng mga tao? Binigyan lang niya sila ng kaunting bigas—hindi naman niya ipinamigay ang lahat ng pagkain niya sa iba at siya mismo ay nagutom. Maituturing ba talaga itong kabutihan? (Hindi.) Ang mga responsabilidad at obligasyon sa lipunan na kayang tuparin ng tao, ang mga gawang dapat na likas na kayang gawin at nararapat na gawin ng tao, at ang mga simpleng pagseserbisyo na nakatutulong at kapaki-pakinabang sa iba—sa anumang paraan ay hindi maituturing na kabutihan ang mga bagay na ito, dahil ang lahat ng ito ay mga sitwasyon kung saan tumutulong lamang ang tao. Ang pagbibigay ng tulong sa isang taong nagkataong nangangailangan nito, sa isang angkop na oras at lugar, ay isang lubhang normal na pangyayari. Responsabilidad din ito ng bawat miyembro ng sangkatauhan. Isa lamang itong uri ng responsabilidad at obligasyon. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang mga likas na ugaling ito nang likhain Niya sila. Anu-ano bang likas na gawi ang tinutukoy Ko rito? Ang tinutukoy Ko ay ang konsensiya at katwiran ng tao. Kapag nakita mong natumba sa sahig ang isang tao, ang likas mong reaksyon ay “Dapat ko siyang tulungang tumayo.” Kung nakita mo siyang natumba ngunit nagkunwari kang hindi mo nakita, at hindi ka lumapit upang tulungan siyang makatayo, makokonsensiya at magsisisi ka na ganito ang ikinilos mo. Ang isang taong tunay na may pagkatao ay agad na mag-iisip na tulungan ang isang taong nakita niyang natumba. Wala siyang pakialam kung mapagpasalamat sa kanya ang taong iyon, dahil naniniwala siyang nararapat niya itong gawin, at makikita niyang hindi na kailangang pag-isipan pa ang bagay na iyon. Bakit ganoon? Ang mga ito ang mga likas na gawing ibinigay ng Diyos sa mga tao, at ang sinumang may konsensiya at katwiran ay makaiisip na gawin ito at makakikilos sa ganitong paraan. Binigyan ng Diyos ang tao ng konsensiya at puso ng tao—dahil may puso ng tao ang tao, siya ay nagtataglay ng mga kaisipan ng tao, pati na ng mga pananaw at pamamaraang dapat niyang taglayin tungkol sa ilang bagay, kaya natural at madali niyang nagagawa ang mga bagay na ito. Hindi niya kailangan ng anumang tulong o ideolohikal na gabay mula sa anumang panlabas na puwersa, at ni hindi niya kailangan ng edukasyon o ng positibong pamumuno—hindi niya kailangan ang alinman doon. Katulad lang ito kung paanong maghahanap ang mga tao ng pagkain kapag sila ay nagugutom o maghahanap ng tubig kapag sila ay nauuhaw—isa itong likas na gawi at hindi na kailangang ituro ng mga magulang o guro—natural itong lumalabas, dahil ang tao ay may pag-iisip ng normal na pagkatao. Gayundin, kayang gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at responsabilidad sa sambahayan ng Diyos at ito ang nararapat gawin ng sinumang may konsensiya at katwiran. Kaya, ang pagtulong sa mga tao at pagiging mabuti sa kanila ay napakadali para sa mga tao, ito ay nasa saklaw ng likas na gawi ng tao, at isang bagay na kayang-kayang gawin ng mga tao. Hindi na kailangang iranggo ito nang kasingtaas ng kabutihan. Gayunpaman, maraming tao ang itinutumbas ang pagtulong sa iba sa kabutihan, at palaging pinag-uusapan ito at patuloy na sinusuklian ito, iniisip na kung hindi, wala silang konsensiya. Mababa ang tingin nila sa kanilang sarili at hinahamak ang sarili, at nag-aalala pa na masusumbatan sila ng opinyong publiko. Kailangan bang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito? (Hindi.) Maraming tao ang hindi ito makilatis, at patuloy na napipigilan ng isyung ito. Ganito ang hindi maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Halimbawa, kung pumunta ka sa disyerto kasama ang isang kaibigan at naubusan siya ng tubig, tiyak na papainumin mo siya sa tubig mo, hindi mo siya basta pababayaang mamatay sa uhaw. Kahit na alam mong mababawasan ng kalahati ang itatagal ng isang bote ng tubig mo kapag dalawang tao ang umiinom dito, ibabahagi mo pa rin ang tubig sa kaibigan mo. Bakit mo naman gagawin iyon? Dahil hindi mo matitiis na inumin ang tubig mo habang nakatayo sa tabi ang kaibigan mong nagdurusa sa pagkauhaw—hindi mo talaga matitiis na makita iyon. Ano ang magdudulot sa iyong hindi matiis na makita ang kaibigan mong nagdurusa sa pagkauhaw? Ang katwiran ng iyong konsensiya ang nagdudulot sa pakiramdam na ito. Kahit na ayaw mong tuparin ang ganitong uri ng responsabilidad at obligasyon, idudulot ng konsensiya mong hindi mo matiis na hindi ito gawin, dahil dito ay bibigat ang kalooban mo. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay resulta ng mga likas na gawi ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay ipinapasya ng konsensiya at katwiran ng tao? Kung sasabihin ng kaibigan na, “May utang na loob ako sa iyo sa pagpapainom mo sa akin sa iyong tubig sa sitwasyong iyon!” hindi ba’t mali ring sabihin ito? Wala itong kinalaman sa kabutihan. Kung nabaligtad ang mga pangyayari, at may pagkatao, konsensiya at katwiran ang kaibigang iyon, ibabahagi niya rin sa iyo ang tubig niya. Isa lang itong pangunahing responsabilidad sa lipunan o ugnayan sa pagitan ng mga tao. Ang mga pinakapangunahing ugnayan sa lipunan o responsabilidad o obligasyon ay pawang nabubuo dahil sa katwiran ng konsensiya ng tao, sa kanyang pagkatao at sa mga likas na gawing ipinagkaloob ng Diyos sa tao sa panahon ng paglikha sa tao. Sa mga normal na kalagayan, hindi na kinakailangang ituro ng mga magulang o itanim ng lipunan ang mga bagay na ito sa isip ng tao, at lalong hindi na kinakailangan ang paulit-ulit na pagpapaalala mula sa iba na nagsasabi sa iyong gawin ang mga iyon. Kakailanganin lang ang pag-eeduka para sa mga taong walang konsensiya at katwiran, para sa mga taong walang normal na kakayahang makaunawa—halimbawa, sa mga taong may kapansanan sa pag-iisip o sa mga mahina ang pang-unawa—o para sa mga taong mahina ang kakayahan, at ignorante at matigas ang ulo. Hindi na kailangang ituro ang mga bagay na ito sa mga taong may normal na pagkatao—taglay ang mga iyon ng lahat ng taong may konsensiya at katwiran. Kaya, hindi angkop na masyadong eksaherado na sabihing isang anyo ng kabutihan ang ilang pag-uugali o pagkilos gayong dala lang ito ng likas na gawi at naaayon ito sa konsensiya at katwiran. Bakit hindi ito naaangkop? Sa pagtataas sa gayong mga pag-uugali sa saklaw na ito, inaatangan mo ang bawat tao ng mabigat na dalahin at pasanin, at siyempre, naitatali nito ang mga tao. Halimbawa, kung dati, may taong nagbigay sa iyo ng pera, tumulong sa iyo sa isang mahirap na sitwasyon, tumulong sa iyong makahanap ng trabaho, o sumaklolo sa iyo, iisipin mo: “Hindi ako maaaring maging walang utang na loob, kailangan kong maging matuwid at suklian ang kanyang kabutihan. Kung hindi ko susuklian ang kabutihan, tao pa ba ako?” Sa totoo lang, suklian mo man siya o hindi, tao ka pa rin at namumuhay pa rin sa balangkas ng normal na pagkatao—walang anumang mababago ang gayong pagsusukli. Hindi sasailalim sa pagbabago ang iyong pagkatao at hindi masusupil ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang sa sinuklian mo siya nang maayos. Gayundin, hindi lalala ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang sa hindi mo siya sinuklian nang maayos. Ang katunayan kung nagsusukli o nagkakaloob ka ng kabutihan o hindi ay wala talagang kaugnayan sa iyong tiwaling disposisyon. Siyempre, may kaugnayan man o wala, para sa Akin, wala talagang ganitong uri ng “kabutihan,” at sana ay ganoon din para sa inyo. Kung gayon ay paano ninyo ito dapat ituring? Ituring lang ninyo itong isang obligasyon at isang responsabilidad, at isang bagay na dapat gawin ng isang taong may mga likas na gawi ng tao. Dapat ninyo itong ituring bilang inyong responsabilidad at obligasyon bilang isang tao, at gawin ninyo ito sa abot ng inyong makakaya. Iyon lang. Maaaring sabihin ng ilang tao: “Alam kong responsabilidad ko ito, ngunit ayaw ko itong isakatuparan.” Ayos lang din iyon. Maaari kang pumili para sa sarili mo batay sa iyong sitwasyon at mga kalagayan. Maaari ka ring magpasya nang mas malaya batay sa lagay ng iyong loob sa sandaling iyon. Kung nag-aalala kang pagkatapos isakatuparan ang iyong responsabilidad, patuloy kang susubukang suklian ng nakatanggap, at kukumustahin ka, at sa sobrang dalas ng pagpapasalamat sa iyo ay makaaabala at makagugulo na ito, at dahil dito ay ayaw mo nang isakatuparan ang responsabilidad na iyon, ayos lang din iyon—nasa sa iyo ito. Magtatanong ang ilan: “Mababa ba ang pagkatao ng mga taong hindi nagnanais na tumupad sa ganitong uri ng responsabilidad sa lipunan?” Ito ba ang tamang paraan ng paghatol sa pagkatao ng isang tao? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Sa masamang lipunang ito, ang tao ay dapat na sukatin sa kanyang pag-uugali at pang-unawa sa kung ano ang katanggap-tanggap sa lahat ng kanyang ginagawa. Siyempre, mas lalo niyang kailangan na matukoy ang kapaligiran at konteksto sa sandaling iyon. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, sa magulong mundong ito, dapat na maging mautak, matalino, at marunong ang mga tao sa anumang kanilang gagawin—hindi sila dapat maging ignorante, at talagang hindi sila dapat magsakatuparan ng mga kalokohan. Halimbawa, sa mga pampublikong lugar sa ilang bansa, nagkakasa ang mga tao ng mga partikular na panloloko kung saan nagpapalabas sila ng pekeng aksidente upang makakuha sila ng kabayaran. Kung hindi mo mahahalata ang panloloko ng masasamang taong ito, at pikit-mata kang kikilos ayon sa iyong konsensiya, malamang na maloloko at mapapahamak ka. Halimbawa, kung makakakita ka ng isang matandang babaeng natumba sa kalsada, maaari mong isipin: “Kailangan kong isakatuparan ang aking mga responsabilidad sa lipunan, hindi ko kailangan na suklian niya ako. Dahil mayroon akong pagkatao at katwiran ng aking konsensiya, nararapat ko siyang tulungan, kaya tutulungan ko siyang makatayo.” Subalit, nang lumapit ka na upang itayo siya, kikikilan ka niya at mauuwi ka sa pagdadala sa kanya sa ospital at pagbabayad sa mga bayarin niya sa pagpapagamot, sa danyos para sa mga emosyonal na pinsala, at gastusin sa pagreretiro. Kung hindi ka magbabayad, maipatatawag ka sa presinto. Mukhang naipahamak mo ang sarili mo, hindi ba? Paano ba nangyari ang sitwasyong ito? (Sa pamamagitan ng pagsunod sa mabuting hangarin ng isang tao at kawalan ng karunungan.) Naging bulag ka, walang pagkilatis, hindi mo natukoy ang mga kasalukuyang kalakaran, at hindi mo nakilatis ang konteksto ng sitwasyon. Sa isang masamang lipunang tulad nito, kailangang magbayad ng halaga ng isang tao para lang sa kaswal na pagtulong sa isang matandang natumba. Kung talagang natumba siya at kailangan niya ng tulong mo, hindi ka dapat makondena dahil sa pagsasakatuparan mo sa mga responsabilidad mo sa lipunan, dapat kang purihin, dahil ang pag-uugali mo ay alinsunod sa pagkatao at sa katwiran ng konsensiya ng tao. Subalit may lihim na motibo ang matandang babaeng ito—hindi naman talaga niya kailangan ng tulong mo, niloloko ka lang niya, at hindi mo nahalata ang tuso niyang pakana. Sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa responsabilidad mo sa kanya bilang isang kapwa tao, nahulog ka sa pakana niya, at ngayon ay hindi ka na niya bibitiwan, kikikilan ka ng mas malaki pang pera. Ang pagsasakatuparan sa mga responsabilidad sa lipunan ay dapat na maging tungkol sa pagtulong sa mga taong nangangailangan at sa pagtupad sa sariling mga responsabilidad ng isang tao. Hindi ito dapat humantong sa pagkakalinlang o pagkakahulog sa isang patibong. Marami nang tao ang nabiktima ng mga panlolokong ito at malinaw nang nakakita kung gaano na kasama ang mga tao ngayon, at kung gaano kabihasa ang mga ito sa pandaraya sa iba. Dadayain ng mga ito ang kahit sino, mga estranghero man ang mga iyon o mga kaibigan at kamag-anak. Kasuklam-suklam naman ang kalagayang iyon! Sino ba ang nagdulot ng katiwaliang ito? Ang malaking pulang dragon. Lubos at malupit na ginawang tiwali ng malaking pulang dragon ang sangkatauhan! Gagawin ng malaking pulang dragon ang lahat ng uri ng mga imoral na bagay upang isulong ang sarili nitong mga interes, at nailigaw na ng masamang halimbawa nito ang mga tao. Ang resulta, marami nang mga manloloko at magnanakaw ngayon. Batay sa mga katunayang ito, makikita ng isang tao na maraming tao ang walang ipinagkaiba sa mga aso. Marahil ay hindi gugustuhin ng ilang taong makinig sa ganitong uri ng usapan, maiilang sila rito at mag-iisip na: “Talaga bang wala kaming ipinagkaiba sa mga aso? Binabastos at minamaliit Mo kami sa palaging paghahambing Mo sa amin sa mga aso. Wala Kang pagpapahalaga para sa amin bilang mga tao!” Gustong-gusto Ko kayong tingnan bilang mga tao, ngunit anong uri na ba ng pag-uugali ang ipinakita ng mga tao? Sa totoo lang, may ilang tao na talagang kasingsahol ng mga aso. Iyon lang ang masasabi Ko tungkol sa bagay na ito sa ngayon.

Katatapos Ko lang ibahagi kung paanong hindi maituturing na kabutihan ang kaunting pagtulong ng mga tao sa iba at isa lamang itong responsabilidad sa lipunan. Siyempre, maaaring piliin ng mga tao kung aling responsabilidad sa lipunan ang kaya nilang tuparin sa abot ng kanilang makakaya. Maaari nilang tuparin ang mga responsabilidad na naaangkop nilang tuparin at piliing hindi tuparin ang mga responsabilidad na sa palagay nila ay hindi naaangkop. Isa itong kalayaan at kapasyahang mayroon ang tao. Maaari mong piliin kung aling mga responsabilidad at obligasyon sa lipunan ang nararapat mong tuparin batay sa iyong mga kalagayan, abilidad, at, siyempre, sa konteksto at mga sitwasyon sa sandaling iyon. Karapatan mo ito. Sa anong konteksto ba nabuo ang karapatang ito? Masyadong mapanglaw na lugar ang mundo, masyadong masama ang sangkatauhan, at walang hustisya sa lipunan. Sa ilalim ng mga kalagayang ito, kailangan mo munang protektahan ang sarili mo, umiwas sa pagkilos nang may kahangalan at kamangmangan, at gumamit ng karunungan. Siyempre, sa pagpoprotekta sa iyong sarili, ang ibig Kong sabihin ay hindi ang pagpoprotektang huwag manakaw ang iyong pitaka at ari-arian, bagkus ay pagpoprotekta sa iyong sarili mula sa kapahamakan—ito ang pinakamahalaga. Dapat mong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa abot ng iyong makakaya habang tinitiyak din na ligtas ka. Huwag mong bigyang-pansin ang pagkakamit ng respeto mula sa iba, at huwag kang magpaimpluwensiya o magpapigil sa opinyon ng madla. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad at obligasyon. Dapat kang magpasya kung paano mo tutuparin ang iyong mga responsabilidad at obligasyon batay sa sarili mong sitwasyon; huwag kang umako ng higit sa kaya mo batay sa iyong mga kalagayan at abilidad. Hindi mo dapat subukang mapabilib ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapanggap na may mga kakayahan kang hindi mo naman taglay at hindi mo dapat katakutan ang kawalan ng galang, ang panghuhusga, o pagkondena ng iba. Maling gumawa ng mga bagay alang-alang sa pagtupad sa sarili mong banidad. Gawin mo lang kung gaano karami ang kaya mo, akuin mo kung gaano karami ang dinidikta ng pagpapahalaga mo sa responsabilidad, at tuparin mo kung gaano karaming obligasyon ang kaya mong tuparin. Karapatan mo ito. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mong gumawa ng mga bagay na hindi hiningi sa iyo ng Diyos. Walang kabuluhan ang pagsunod sa iyong konsensiya na gumawa ng mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Kahit gaano pa karami ang gawin mo, hindi ka pupurihin ng Diyos para dito, at hindi nito ipahihiwatig na nagbigay ka ng tunay na patotoo, lalong hindi na sinangkapan mo na ang iyong sarili ng mabubuting gawa. Para sa mga bagay na hindi tumutukoy sa mga hinihingi ng Diyos, ngunit ipinagagawa sa iyo ng mga tao, dapat kang magkaroon ng sarili mong pasya at mga prinsipyo. Huwag kang magpapigil sa mga tao. Sapat na kung wala kang anumang ginagawa na nakalalabag sa iyong konsensiya, katwiran, at sa katotohanan. Kung tutulungan mo ang isang tao sa pamamagitan ng paglutas ng isang panandaliang suliranin para sa kanya, aasa na siya sa iyo, at maniniwalang dapat at kailangan mong lutasin ang kanyang mga problema. Ganap na siyang aasa sa iyo at aatakihin ka niya kung hindi mo malulutas ang mga suliranin niya nang kahit isang beses lang. Nakapagdulot ito ng problema sa iyo at hindi ito ang uri ng resultang gusto mong makita. Kung nakikini-kinita mo na ang ganitong uri ng kalalabasan, maaari mong marapating hindi siya tulungan. Sa madaling salita, hindi magiging mali sa ganitong sitwasyon na hindi isakatuparan ang responsabilidad o obligasyong iyon. Ito ang uri ng pananaw at saloobing dapat mong taglayin sa lipunan, sangkatauhan, at, mas partikular na, sa pamayanang tinitirhan mo. Ibig sabihin, ibigay mo lang sa isang tao ang pagmamahal na kaya mong ibigay, at gawin mo kung gaano karami ang kaya mo. Huwag mong labagin ang iyong mga paniniwala para lamang magpasikat, huwag mong subukang gumawa ng mga bagay na hindi mo kayang gawin. Hindi mo rin kailangang pilitin ang sarili mong magbayad ng halagang hindi kayang bayaran ng isang karaniwang tao. Sa madaling salita, huwag kang humiling nang sobra-sobra sa iyong sarili. Gawin mo lang ang kaya mong gawin. Ano ang palagay mo sa prinsipyong ito? (Mukhang maganda ito.) Halimbawa, hinihiram ng kaibigan mo ang sasakyan mo at pinag-iisipan mo ito: “Pinahiram na niya ako ng mga gamit noon, kaya para patas, dapat kong ipahiram sa kanya ang sasakyan ko. Ngunit hindi siya maingat sa mga gamit at sinasagad niya ang paggamit sa mga iyon. Baka sa huli ay masira pa niya ang sasakyan ko. Mas mabuti pang hindi ko ito ipahiram sa kanya.” Kaya nagpapasya kang hindi ipahiram sa kanya ang sasakyan mo. Ito ba ang tamang gawin? Hindi malaking isyu kung ipahihiram mo ang sasakyan o hindi—basta’t tumpak at may kabatiran ang pagkaunawa mo sa bagay na iyon, dapat mo lang tanggapin kung anuman ang sa palagay mo ang pinakaangkop na hakbang, at magiging nasa tama ka. Gayunpaman, paano kung iisipin mong, “Sige na nga, ipahihiram ko ito sa kanya. Kahit kailan naman ay hindi niya ako tinanggihan kapag nanghihiram ako ng mga gamit sa kanya noon. Hindi siya masyadong matipid o maingat gumamit ng mga bagay, pero ayos lang iyon. Kung masisira ang sasakyan ko, gagastos na lang ako nang kaunti para ipagawa ito,” at pagkatapos ay papayag kang ipahiram sa kanya ang sasakyan mo at hindi mo siya tatanggihan—ito ba ang tamang gawin? Wala rin namang mali rito. Halimbawa, kung lalapitan ka ng isang taong dating tumulong sa iyo nang naharap ang pamilya niya sa ilang problema, dapat mo ba siyang tulungan o hindi? Depende ito sa sarili mong sitwasyon, at ang desisyon mong tumulong o hindi ay hindi magiging usapin ng prinsipyo. Ang kailangan mo lang gawin ay kumilos batay sa sinseridad at likas na gawi at tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa abot ng iyong makakaya. Sa paggawa nito, kikilos ka sa saklaw ng iyong pagkatao at sa katwiran ng iyong konsensiya. Lubos mo mang tinutupad ang responsabilidad na ito o ginagawa ito nang maayos o hindi ay hindi mahalaga. May karapatan kang pumayag o tumanggi—hindi masasabing wala kang konsensiya kung tatanggi ka, at hindi masasabing nagpakita ng kabutihan ang kaibigan mo sa pagtulong sa iyo. Hindi umaabot sa antas na iyon ang mga kilos na ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Isa itong talakayan tungkol sa kabutihan, partikular na, kung paano mo dapat tingnan ang kabutihan, kung paano mo dapat harapin ang usapin ng pagtulong sa iba, at kung paano mo dapat tuparin ang mga responsabilidad mo sa lipunan. Sa mga usaping ito, kailangang hanapin ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo—hindi mo malulutas ang mga usaping ito sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa iyong konsensiya at katwiran. Maaaring medyo maging komplikado ang ilang espesyal na sitwasyon, at kung hindi mo pangangasiwaan ang mga iyon alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, malamang na makapagdulot ka ng problema at ng mga negatibong kahihinatnan. Kaya, sa mga usaping ito, kailangang maunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang Kanyang mga layunin at kumilos nang may pagkatao, katwiran, karunungan, at mga katotohanang prinsipyo. Ito ang magiging pinakaangkop na pamamaraan.

Tungkol sa kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” ang isa pang sitwasyong maaaring lumitaw ay na ang tulong na iyong natatanggap ay hindi isang maliit na bagay na gaya ng isang bote ng tubig, isang bungkos ng gulay, o isang sako ng bigas, kundi isang uri ng pagtulong na nakaaapekto sa kabuhayan mo at ng iyong pamilya, at na may mga implikasyon pa nga sa iyong tadhana at mga oportunidad sa hinaharap. Halimbawa, maaaring turuan ka nang kaunti ng isang tao o bigyan ka nito ng pinansyal na tulong na nagbibigay-daan sa iyong makapag-aral sa magandang unibersidad, makahanap ng magandang trabaho, makapag-asawa ng disenteng tao, at nagbibigay-daan na mangyari ang sunud-sunod na mabubuting bagay sa iyong buhay. Hindi lang ito isang maliit na pabor o maliit na tulong—ang ganitong uri ng bagay ay tinitingnan ng maraming tao bilang isang malaking kabutihan. Paano ninyo dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Ang gayong mga uri ng tulong ay may kaugnayan sa responsabilidad sa lipunan at sa mga obligasyong isinasakatuparan ng tao na katatapos lang nating talakayin, ngunit dahil may mga implikasyon ang mga iyon sa pananatiling buhay, sa kapalaran, at mga oportunidad sa hinaharap ng tao, higit pang mahalaga ang mga iyon kaysa sa isang simpleng bote ng tubig o isang sako ng bigas—may higit na malaking epekto ang mga iyon sa buhay ng mga tao, sa kanilang mga kabuhayan, at sa kanilang oras sa mundong ito. Sa gayon, higit na malaki ang halaga ng mga iyon. Ngayon, dapat bang itaas ang mga uri ng pagtulong na ito sa antas ng kabutihan? Ano’t anuman, hindi Ko inirerekomendang tingnan ang ganitong mga uri ng pagtulong bilang kabutihan. Yamang hindi dapat ituring na kabutihan ang ganitong mga uri ng pagtulong, kung gayon, ano ang angkop at wastong paraan ng pagharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Hindi ba’t isa itong problemang kinahaharap ng mga tao? Halimbawa, marahil ay may isang taong naglayo sa iyo mula sa isang buhay na puno ng krimen, nagtuwid sa iyo, at nagbigay sa iyo ng trabaho sa isang lehitimong larangan, na nagbibigay-daan sa iyong magkaroon ng magandang buhay, makapag-asawa at lumagay sa tahimik, at mabago ang iyong kapalaran para sa mas ikabubuti nito. O, marahil, noong nasa mahirap kang sitwasyon at ikaw ay naghihikahos, binigyan ka ng kaunting tulong at paggabay ng isang mabuting tao, na positibong nagbago sa mga oportunidad mo sa hinaharap, nagbibigay-daan sa iyong maging mas mabuti kaysa sa iba at magkaroon ng magandang buhay. Paano mo dapat harapin ang gayong mga sitwasyon? Dapat mo bang alalahanin ang kanyang kabutihan at suklian siya? Dapat ka bang maghanap ng mga paraan upang mabayaran at masuklian siya? Sa ganitong kaso, dapat ay hayaan mong mga prinsipyo ang gumabay sa iyong mga desisyon, hindi ba? Dapat mong tukuyin kung anong uri ng tao ang tumulong sa iyo. Kung isa siyang mabuti, positibong tao, bukod sa pagsasabi ng “salamat” sa kanya, maaari mong ipagpatuloy ang pakikisalamuha nang normal sa kanya, makipagkaibigan ka sa kanya at pagkatapos, kapag kailangan niya ng tulong, maaari mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa abot ng iyong makakaya. Gayunpaman, ang pagtupad ng responsabilidad at obligasyong ito ay hindi dapat isang uri ng pagbibigay nang walang kondisyon, bagkus ay dapat na maging limitado sa kung ano ang kaya mong gawin batay sa iyong kalagayan. Ito ang angkop na paraan ng pagtrato sa gayong mga tao sa ganitong mga sitwasyon. Walang pagkakaiba ang antas ninyong dalawa—bagama’t tinulungan ka niya at pinagkalooban ka niya ng kabutihan, hindi pa rin siya matatawag na iyong tagapagligtas, dahil tanging ang Diyos ang makapagliligtas sa sangkatauhan. Ang ginawa lamang niya ay kumilos sa pamamagitan ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos upang tulungan ka—talagang hindi ito nangangahulugang nakatataas siya sa iyo, lalong hindi ito nangangahulugang pagmamay-ari ka na niya at maaari ka na niyang manipulahin at kontrolin. Wala siyang karapatang impluwensiyahan ang iyong kapalaran at hindi siya dapat mamuna o magkomento sa buhay mo; magkapantay pa rin kayo. Yamang magkapantay kayo, maaari kayong makisalamuha sa isa’t isa bilang magkaibigan at, kapag naaangkop, maaari mo siyang tulungan sa abot ng iyong makakaya. Pagtupad pa rin ito sa iyong responsabilidad at obligasyon sa lipunan sa saklaw ng pagkatao at paggawa sa nararapat mong gawin batay at sa saklaw ng pagkatao—isinasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad at obligasyon nang may partikular na layunin. Bakit dapat mo itong gawin? Tinulungan ka niya noon at tinulutan ka niyang mag-ani ng mga pakinabang at makakuha ng malalaking tagumpay, kaya’t idinidikta ng katwiran ng konsensiyang nagmumula sa iyong pagkatao na dapat mo siyang tratuhin bilang isang kaibigan. Itatanong ng ilang tao: “Maaari ko ba siyang ituring bilang isang matalik na katapatang-loob?” Nakasalalay ito sa kung paano kayo nagkakasundo, at kung magkatulad ang inyong pagkatao at mga kagustuhan, pati na rin ang inyong hinahanap at kung paano ninyo tinitingnan ang mundo. Nakasalalay ang kasagutan sa iyong sarili. Ngayon, sa ganitong natatanging uri ng ugnayan, dapat mo bang suklian ang iyong tagapangalaga gamit ang iyong buhay? Yamang napakalaki ng itinulong niya sa iyo at nagkaroon siya ng napakalaking impluwensiya sa iyo, dapat mo ba siyang suklian gamit ang iyong buhay? Hindi ito kinakailangan. Ikaw ang walang-hanggang may-ari ng iyong buhay—ibinigay sa iyo ng Diyos ang iyong buhay, at ikaw at wala nang iba ang mangangasiwa rito. Hindi kinakailangang walang-ingat na tulutan ang ibang tao na mangasiwa sa iyong buhay dahil sa konteksto at sitwasyong ito. Isa itong lubhang hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay at, siyempre, hindi rin ito makatwiran. Gaano man kayo kalapit na magkaibigan o gaano man katibay ang inyong ugnayan, maaari lamang na isakatuparan mo ang iyong responsabilidad bilang isang tao, na makisalamuha ka nang normal at tulungan ninyo ang isa’t isa sa saklaw ng pagkatao at katwiran. Ang ganitong antas ng ugnayan ay mas makatwiran at patas. Ang pinakadahilan kung bakit naging magkaibigan kayo ay pangunahing dahil sa minsan kang tinulungan ng taong iyon, kung kaya’t pakiramdam mo ay karapat-dapat siyang maging kaibigan at naaabot niya ang pamantayang hinihingi mo sa iyong mga kaibigan. Dahil lamang dito kaya handa kang makipagkaibigan sa kanya. Isaalang-alang mo rin ang sitwasyong ito: Dati ay may tumulong sa iyo, naging mabait sa iyo sa mga partikular na paraan at nakaapekto sa iyong buhay o sa kung anong malaking pangyayari, ngunit ang kanyang pagkatao at ang landas na kanyang tinatahak ay hindi naaayon sa sarili mong landas at sa kung ano ang iyong hinahangad. Hindi pareho ang wikang sinasalita ninyo, hindi mo gusto ang taong ito at, marahil, sa isang antas ay masasabi mong magkaibang-magkaiba ang inyong mga hilig at ang inyong mga hinahangad. Ang inyong mga landas sa buhay, ang inyong mga pananaw sa mundo, at ang inyong mga pananaw sa buhay ay pawang magkakaiba—kayong dalawa ay ganap na magkaibang uri ng tao. Kaya, paano mo dapat harapin at paano ka dapat tumugon sa tulong na dati niyang ibinigay sa iyo? Isa ba itong makatotohanang sitwasyong maaaring maganap? (Oo.) Kaya, ano ang dapat mong gawin? Madali ring harapin ang sitwasyong ito. Yamang magkaibang landas ang tinatahak ninyong dalawa, pagkatapos mo siyang bigyan ng anumang materyal na kabayaran sa abot ng iyong makakaya, natutuklasan mong masyado talagang magkaiba ang inyong mga paniniwala, hindi kayo maaaring tumahak sa iisang landas, ni hindi kayo maaaring maging magkaibigan at hindi na kayo maaaring makisalamuha sa isa’t isa. Paano ka dapat magpatuloy, yamang hindi na kayo maaaring makisalamuha sa isa’t isa? Layuan mo siya. Maaaring naging mabuti siya sa iyo dati, ngunit nanggagantso at nandaraya siya sa lipunan, gumagawa siya ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na bagay at hindi mo gusto ang taong ito, kaya lubos na makatwirang lumayo ka sa kanya. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba’t kawalan ng konsensiyang kumilos sa ganoong paraan?” Hindi ito kawalan ng konsensiya—kung talagang mahaharap siya sa ilang paghihirap sa kanyang buhay, pwede mo pa rin siyang tulungan, ngunit hindi ka maaaring magpapigil sa kanya o umayon sa kanya sa paggawa ng mga masama at imoral na gawa. Hindi rin kinakailangang magpaalipin sa kanya dahil lamang sa tinulungan ka niya o ginawan ka niya ng malaking pabor dati—hindi mo obligasyon iyon at hindi siya karapat-dapat sa ganoong uri ng pakikitungo. May karapatan kang magpasyang makihalubilo, gumugol ng panahon, at makipagkaibigan pa nga sa mga taong gusto mo at kasundo mo, sa mga taong tama. Maaari mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa taong ito, karapatan mo ito. Siyempre, maaari ka ring tumangging makipagkaibigan at makipagtransaksyon sa mga taong hindi mo gusto, at hindi mo kailangang tumupad ng anumang obligasyon o responsabilidad sa kanya—karapatan mo rin ito. Kahit magpasya ka pang talikuran ang taong ito at tumangging makihalubilo sa kanya o tumupad ng anumang responsabilidad o obligasyon sa kanya, hindi ito magiging mali. Kailangan mong magtakda ng mga partikular na limitasyon sa paraan ng iyong pag-asal, at tratuhin mo ang iba’t ibang tao sa iba’t ibang paraan. Hindi ka dapat makisama sa masasamang tao o sumunod sa masama nilang halimbawa, ito ang matalinong pasya. Huwag kang magpaimpluwensiya sa iba’t ibang salik tulad ng pasasalamat, mga damdamin, at ng opinyon ng madla—ito ay paninindigan at pagkakaroon ng mga prinsipyo, at ito ang nararapat mong gawin. Matatanggap ba ninyo ang mga pamamaraan at pahayag na ito? (Oo.) Kahit na ang mga pananaw, landas ng pagsasagawa, at prinsipyong tinatalakay Ko ay pinupuna sa mga tradisyonal na kuru-kuro at kultura, puspusang poprotektahan ng mga pananaw at prinsipyong ito ang mga karapatan at dignidad ng bawat taong may pagkatao at may katwiran ng kanyang konsensiya. Bibigyang-daan ng mga ito ang mga taong hindi mapigilan at maigapos ng mga diumano’y pamantayan ng wastong pag-asal ng tradisyonal na kultura, at makaalpas mula sa panlilinlang at panlilihis ng mga huwad na banal at mapanlihis na bagay na ito. Bibigyang-daan din sila ng mga pananaw at prinsipyong ito na maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, hindi maimpluwensiyahan ng mga opinyong ito ng madla tungkol sa moralidad, at makalaya mula sa mga pagpipigil at gapos ng mga diumano’y makamundong gawi, upang magawa nilang tratuhin ang mga tao at lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos at gamit ang tamang mga pananaw, at lubusang maiwaksi ang mga gapos at panglilihis ng mga makamundong bagay, tradisyon, at moralidad ng lipunan. Sa gayon, makapamumuhay sila sa liwanag, makapagsasabuhay ng normal na pagkatao, makaiiral nang may dignidad, at makapagtatamo ng papuri ng Diyos.

Anong uri ng pagbabago ang talagang maidudulot sa mga tao ng mga kasabihan tungkol sa panlipunang moralidad na tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba”? Mababago ba ng mga ito ang satanikong disposisyon ng tao na mapang-agaw ng katayuan at pakinabang? Mababago ba ng mga ito ang ambisyon at pagnanais ng tao? Malulutas ba ng mga ito ang alitan at pagpapatayan ng mga tao? Matutulutan ba nito ang mga tao na tumahak sa tamang landas sa buhay at mamuhay nang masaya? (Hindi.) Kung gayon ay ano ba talaga ang epekto ng mga pamantayang ito ng panlipunang moralidad? Sa pinakamataas, hinihikayat lamang ba ng mga ito ang ilang mabuting tao na gumawa ng mabubuting bagay at tumulong sa kaligtasan at seguridad ng lipunan? (Oo.) Iyon lang ang ginagawa ng mga ito, at walang nilulutas ang mga ito na kahit isang isyu. Kahit na, sa ilalim ng pagkokondisyon ng mga diumano’y pamantayang ito ng wastong asal, sa huli ay nasusunod at naisasabuhay naman ng mga tao ang mga ito, hindi ito nangangahulugang makaaalpas sila mula sa mga tiwali nilang disposisyon at makapagsasabuhay ng wangis ng tao. Halimbawa, sabihin nang ginawan ka ng pabor ng isang tao, kaya ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang suklian siya—kapag binibigyan ka niya ng isang sako ng bigas, sinusuklian mo siya ng isang malaking supot ng harina, at kapag binibigyan ka niya ng mahigit dalawang kilo ng karne ng baboy, sinusuklian mo siya ng mahigit dalawang kilo ng baka. Ano ang magiging resulta ng patuloy ninyong pagsusuklian? Kapag mag-isa kayo, pareho ninyong kukwentahin kung sino ang mas nakinabang at kung sino ang nalugi, at hahantong ito sa mga hindi pagkakaunawaan, pag-aaway at pagpapakana sa pagitan ninyong dalawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, bukod sa pinipigilan at inililigaw ng hinihingi sa wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ang paraan ng pag-iisip ng mga tao, inaatangan pa nito ang buhay ng mga tao ng maraming abala, pasanin at maging ng pagkabagabag. At kung magiging kaaway ka ng isang tao dahil dito, mahaharap ka sa mas marami pang problema, at kakila-kilabot na pagdurusa! Ang pagpasok sa mga ugnayang ito na nakabatay sa pagbibigayan ay hindi ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Palaging namumuhay ang mga tao ayon sa gayong mga damdamin at makamundong gawi, na sa huli ay magdudulot lamang ng maraming hindi kinakailangang problema. Ito ay pagpapahirap lamang sa sarili at walang saysay na paghihirap. Ganito naitatanim sa isipan ng mga tao ang tradisyonal na kultura at ang mga pahayag tungkol sa wastong asal at ganito sila nalilihis ng mga ito. Dahil sa kanilang lubos na kawalan ng pagkilatis, nagkakamali ang mga tao sa paniniwala na tama ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura at ginagamit nila ang mga ito bilang kanilang mga pamantayan at gabay, mahigpit na sinusunod ang mga kasabihang ito at namumuhay sa ilalim ng pagsusubaybay ng opinyon ng madla. Unti-unti at nang hindi namamalayan, sila ay nakokondisyon, naiimpluwensiyahan, at nakokontrol ng mga bagay na ito at pakiramdam nila ay wala silang magawa at naghihinagpis sila, subalit wala silang lakas na kumawala. Kapag nagsasalita ang Diyos upang ilantad at hatulan ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na nasa loob ng mga tao, sumasama pa ang loob ng maraming tao dahil dito. Kapag lubusang naaalis ang mga bagay na ito sa utak, isipan, at mga kuru-kuro ng mga tao, bigla silang nakararamdam ng kawalan ng kabuluhan na para bang wala na silang mapanghahawakan, at magtatanong sila, “Ano ang dapat kong gawin sa hinaharap? Paano ako dapat na mamuhay? Kung wala ang mga bagay na ito, wala akong landas o direksyon sa aking buhay. Bakit ba labis na walang kabuluhan at walang layunin ang pakiramdam ko ngayong naalis na ang mga bagay na ito sa aking isipan? Kung hindi mamumuhay ang mga tao batay sa mga kasabihang ito, maituturing pa rin ba silang tao? Magkakaroon pa rin ba sila ng pagkatao?” Mali ang ganitong paraan ng pag-iisip. Sa realidad, sa sandaling maalis na sa iyo ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura, nadadalisay ang iyong puso, hindi ka na napipigilan at naigagapos ng mga bagay na ito, nagkakaroon ka ng kalayaan at kaginhawahan at wala na sa iyo ang mga alalahaning ito—paanong hindi mo nanaising maalis ang mga ito sa iyo? Sa pinakamababa, kapag tinalikuran mo ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na hindi ang katotohanan, sasailalim ka sa mas kaunting pagdurusa at pagdadalamhati at mawawala na sa iyo ang marami sa mga walang saysay na pagpipigil at alalahanin. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, makatatahak ka sa tamang landas sa buhay at makapamumuhay sa liwanag. Maaaring tila ganap na makatwirang itaguyod ang mga pamantayan ng wastong asal ng tradisyonal na kultura, ngunit nagsasabuhay ka ba ng isang wangis ng tao? Nakatahak ka na ba sa tamang landas sa buhay? Wala talagang anumang mababago ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura. Hindi mababago ng mga ito ang tiwaling pag-iisip ng mga tao, ni ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at lalong hindi mababago ng mga ito ang tiwaling diwa ng mga tao. Walang anumang positibong epekto ang mga ito at, sa halip, nagdudulot ang mga ito na maging buktot at masama ang pagkatao ng tao sa pamamagitan ng mga pagtuturo, pagkokondisyon at pang-iimpluwensiya ng mga ito. Malinaw na natutukoy ng mga tao na ang taong nagkaloob sa kanila ng kabutihan ay hindi isang mabuting tao, ngunit nilalabag pa rin nila ang sarili nilang mga paniniwala at sinusuklian ito, dahil lamang sa ginawan sila nito ng pabor dati. Ano ba ang nagdudulot sa mga taong suklian ang iba sa kabila ng sarili nilang mga paniniwala? Ginagawa nila ito dahil naitanim na sa kanilang puso ang ideyang ito na mula sa tradisyonal na kultura na buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihan. Nangangamba silang kung hindi nila lalabagin ang mga paniniwala nila at hindi susuklian ang mga taong tumulong sa kanila, makakastigo sila ng opinyon ng madla, at maituturing bilang walang utang na loob na hindi nagsukli sa kabutihang natanggap, at bilang malulupit, masasamang karakter, at bilang mga taong walang konsensiya o pagkatao. Dahil mismo sa pinangangambahan nila ang lahat ng ito at inaalalang wala nang sinumang tutulong sa kanila sa hinaharap, kaya wala na silang magawa kundi mamuhay sa ilalim ng pagkokondisyon at gapos ng ideyang ito sa tradisyonal na kultura na buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihang natanggap. Ang resulta, masasama, may dalamhati ang buhay ng mga tao kung saan kumikilos sila nang labag sa sarili nilang mga paniniwala at hindi sila makapagsalita tungkol sa sarili nilang mga paghihirap. Sulit ba ang lahat ng abalang ito para dito? Hindi ba’t nagdulot ng pagdurusa sa mga tao ang ideyang ito ng buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihan?

Tungkol sa kasabihang, “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa kung ano mismo ang “kabutihan,” kung paano tinitingnan ng Diyos ang depinisyon ng tao sa kabutihan, kung paano dapat tratuhin ng tao ang kabutihang ito, kung paano tratuhin ang mga taong nagpakita ng kabutihan sa iyo o nagligtas sa iyong buhay, kung ano talaga ang tamang pananaw at landas at kung paano dapat iposisyon ang mga ito sa iyong buhay, kung paano dapat gampanan ng mga tao ang kanilang mga obligasyon, at kung paano dapat pangasiwaan ng tao ang mga partikular na espesyal na sitwasyon at kung mula sa anong perspektiba dapat tingnan ang mga ito. Ang mga ito ay medyo komplikadong usapin na hindi malilinaw sa ilang maikling komento lamang, ngunit ibinahagi Ko na sa inyo ang mahahalagang isyu, ang diwa ng mga isyu sa paksang ito, at iba pa. Kung mahaharap ulit kayo sa ganitong uri ng isyu, hindi ba’t nararamdaman ninyong medyo malinaw na sa inyo ngayon kung ano ang perspektibang dapat ninyong gamitin at kung ano ang landas ng pagsasagawang dapat ninyong tahakin? Sinasabi ng ilang tao, “Sa teorya, malinaw sa akin, ngunit ang mga tao ay may dugo’t laman. Sa pamumuhay sa mundong ito, tiyak na maiimpluwensiyahan kami ng mga moral na pamantayang ito at ng opinyon ng madla. Maraming tao ang namumuhay sa ganitong paraan, nagpapahalaga sa mga gawa ng kabutihan at buong-pasasalamat na nagsusukli sa anumang kabutihang natanggap. Kung hindi ako mamumuhay sa ganitong paraan, tiyak na kakastiguhin at tatanggihan ako ng iba. Nangangamba akong babatikusin ako ng mga tao bilang hindi tao, mamumuhay na parang isang taong ipinagtabuyan, at hindi ko makakayanan iyon.” Ano ang problema rito? Bakit napipigilan ang mga tao rito? Madali bang lutasin ang ganitong problema? Oo, at sasabihin Ko sa iyo kung paano. Kung pakiramdam mo ay mamumuhay ka na parang isang taong ipinagtabuyan ng lipunan kapag hindi ka namuhay ayon sa pananaw ng tradisyonal na kultura na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian; kung pakiramdam mo ay hindi ka na katulad ng isang tradisyonal na Tsino, na sa paglihis mula sa tradisyonal na kultura ay hindi ka namumuhay na parang tao at wala ka ng mga katangian para maging isang tao; kung nag-aalala kang hindi ka magiging kabilang sa lipunang Tsino, na kasusuklaman ka ng mga kapwa Tsino mo at makikita ka nila bilang isang kasiraan; kung gayon ay piliin mong sumunod sa mga kalakaran ng lipunan—walang pumipilit sa iyo at walang kokondena sa iyo. Gayunpaman, kung pakiramdam mo ay walang masyadong naidulot sa iyo na pakinabang sa mga nagdaang taon, at na nakapapagod ang pamumuhay nang ayon sa paraang idinidikta ng tradisyonal na kultura at ang palaging pagpapahalaga sa mga gawa ng kabutihan, at kung determinado kang bitiwan ang ganitong pamumuhay at subukang tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos nang pawang naaayon sa Aking mga salita, kung ganoon, siyempre, magiging mas mainam iyon. Kahit na ngayon ay naiintindihan na ninyo ang mga bagay na ito sa prinsipyo at malinaw na ninyong nauunawaan ang sitwasyon, kung paano talaga ninyo titingnan ang mga tao at bagay at kung paano kayo mamumuhay at aasal simula ngayon ay nasa sa inyo na. Desisyon mo na at ikaw na ang bahala kung hanggang sa anong antas mo matatanggap ang mga sinabi Ko, kung hanggang saang antas mo maisasagawa ang lahat ng ito, at kung hanggang saan mo ito paaabutin. Hindi kita pinipilit. Ipinakikita Ko lang sa iyo ang daan. Gayunpaman, isang bagay ang tiyak: Sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan sa pagsasabing kung mamumuhay ka alinsunod sa tradisyonal na kultura, lalong magiging hindi pantao at walang dignidad ang iyong buhay, at makikita mong lalo pang magiging manhid ang katwiran ng iyong konsensiya. Unti-unti, magiging miserable ang buhay mo kung saan hindi ka na magmumukhang tao o multo. Gayunpaman, kung magsasagawa ka alinsunod sa Aking mga salita at sa mga prinsipyong Aking sinabi, tinitiyak Kong mamumuhay ka nang may higit pang wangis, konsensiya, katwiran at dignidad ng tao—tiyak ito. Kapag kalaunan ay naharap ka sa gayong mga sitwasyon, makapamumuhay ka nang malaya at maginhawa at makararamdam ka ng kapayapaan at kagalakan. Mababawasan ang mga kadiliman at pasanin sa iyong puso, at magkakaroon ka ng kumpiyansa at makatitindig nang taas-noo. Hindi ka na mababagabag, malilihis, o maiimpluwensiyahan ng mga gawi ng sekular na mundo, at mamumuhay ka nang may dignidad. Araw-araw ay magiging praktikal ang pakiramdam mo at tatratuhin at pangangasiwaan mo ang bawat gawain sa pinakatumpak na paraan, maiiwasan mo ang maraming pasikot-sikot at malaking pagdurusa na hindi mo kinakailangang pagdaanan. Hindi ka gagawa ng anumang bagay na hindi mo nararapat na gawin, hindi ka rin magbabayad ng anumang halagang hindi mo dapat bayaran. Hindi ka na mamumuhay para sa ibang tao. Hindi ka na maiimpluwensiyahan ng mga pananaw at opinyon ng mga tao. Hindi ka na mapipigilan ng mga opinyon at pagkondena ng lipunan. Hindi ba’t isa itong buhay na may dignidad? Hindi ba’t isa itong malaya at maginhawang buhay? Sa oras na ito ay mararamdaman mong ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos ang tanging tamang landas sa buhay, at sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan nagtataglay ang isang tao ng wangis ng isang tao at ng kaligayahan. Dahil namumuhay ka sa loob ng maitim na ulap ng tradisyonal na kultura, hindi mo makita nang malinaw ang landas at nagkakamali ka sa paniniwalang patungo ka sa isang idealistikong yutopyang matatagpuan sa mundo ng tao. Gayunpaman, sa huli, ikaw ay naililigaw, at naloloko at napahihirapan ni Satanas. Sa araw na ito, ngayong narinig mo na ang tinig ng Diyos, natuklasan ang katotohanan, at nakitang dumating ang liwanag sa mundo ng tao, nahawi mo na ang maitim na ulap at malinaw mo nang nakita ang landas at direksyong dapat mong tahakin sa buhay. Dali-dali kang aabante at babalik sa harapan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang biyaya at pagpapala ng Diyos? Kung gayon, ngayon ba ay nahawi na ninyo ang maitim na ulap na iyon at nakita na ang maaliwalas na kalangitan sa itaas? Marahil ay may sinag na kayong nabanaag at papalapit na kayo sa liwanag—ito ang pinakamalaking pagpapala. Kung kaya ninyong dinggin ang tinig ng Diyos, tanggapin at unawain ang katotohanan, hawiin ang maitim na ulap, talikuran ang lahat ng maling bagay na ito sa tradisyonal na kultura, at alisin ang lahat ng balakid, makatatahak kayo sa landas tungo sa kaligtasan. Iyon lang ang masasabi Ko hinggil sa kasabihan ng wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Sa pagpapatuloy, maaaring pagbahaginan pa ninyo nang sama-sama ang tungkol sa mga salitang ito, at lubusan ninyo itong mauunawaan. Hindi makapagtatamo ang isang tao ng agarang pagpasok sa mga usaping ito pagkatapos lamang ng isang pagtitipon para sa pagbabahaginan. Kahit na tinapos Ko na ngayon ang Aking pagbabahagi sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at nauunawaan ninyo ito sa teorya at prinsipyo, sa tunay na buhay ay hindi madali ang pagwawaksi sa mga luma, tradisyonal na kuru-kurong ito. Posibleng panghawakan pa rin ninyo ang mga lumang ideyang ito at mahirapan kayo sa mga ito sa loob ng ilang panahon. Sa pinakamababa, aabutin ng ilang panahon bago ninyo lubusang matalikuran ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura at ganap na matanggap ang katotohanan ng mga salita ng Diyos. Kailangan ay unti-unti kayong dumanas, dumaan, at humanap ng kumpirmasyon sa tunay na buhay at kapag humaharap sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, unti-unti ninyong malalaman ang mga salita ng Diyos at maiintindihan ang katotohanan. Sa paggawa niyon, magsisimula kang makinabang, makakuha ng mga benepisyo, at mag-ani ng mga gantimpala, at maitatama mo ang mga maling pananaw at ideya mo tungkol sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Ito ang proseso at landas ng paghahangad sa katotohanan.

Susunod naman, magbabahagi Ako tungkol sa kasabihang, “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba.” Tinutukoy ng kasabihang ito ang isang birtud sa tradisyonal na kulturang Tsino na sa tingin ng mga tao ay marangal at dakila. Siyempre, medyo eksaherado at hindi makatotohanan ang mga opinyong ito, ngunit gayunpaman, kinikilala ito sa buong mundo bilang isang birtud. Sa tuwing maririnig ng sinuman ang tungkol sa birtud na ito, naglalaro sa isipan niya ang mga partikular na eksenang tulad ng: mga taong pinagsasandok ng pagkain ang isa’t isa kapag nagsasalo-salo sa pagkain at inilalaan ang pinakamasasarap na pagkain para sa iba; mga taong pinauuna ang iba sa pila sa pamilihan; mga taong pinauuna ang ibang bumili ng tiket sa istasyon ng tren o sa paliparan; mga taong nagpapaubaya sa iba kapag naglalakad o nagmamaneho at pinapauna ang mga ito…. Ang lahat ng ito ay “napakagagandang” halimbawa ng “lahat para sa isa, at isa para sa lahat.” Ang bawat isa sa mga eksenang ito ay nagpapakita kung gaano kabuti, katiwasay, kasaya, at kapayapa ang lipunan at ang mundo. Sa sobrang taas ng antas ng kaligayahan ay nag-uumapaw na ito. Kung may magtatanong sa kanila, “Bakit napakasaya mo?” tutugon sila, “Ipinapanukala ng tradisyonal na kulturang Tsino ang pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba. Isinasagawa naming lahat ang ideyang ito, at hindi talaga ito mahirap gawin para sa amin. Pakiramdam namin ay lubos kaming pinagpala.” Sumagi na ba sa isipan ninyo ang gayong mga eksena? (Oo.) Saan ba matatagpuan ang ganitong mga eksena? Matatagpuan ang mga ito sa mga larawan ng kapistahan ng tagsibol na dating nakadikit sa mga pader tuwing Bagong Taon ng mga Tsino bago ang dekada nobenta. Matatagpuan ang mga ito sa isipan ng mga tao at maging sa kanilang mga guni-guni o imahinasyon. Sa madaling salita, ang gayong mga eksena ay hindi umiiral sa tunay na buhay. Ang “isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba” ay, siyempre, hiningi rin ng mga moralista batay sa mga pamantayan ng moralidad. Isa itong kasabihan tungkol sa wastong asal ng tao na hinihingi sa mga tao na dapat muna nilang isaalang-alang ang iba kaysa ang sarili nila bago sila kumilos. Dapat muna nilang isaalang-alang ang mga interes ng ibang tao at hindi ang sa sarili nila. Dapat nilang isipin ang iba at matutuhang isakripisyo ang sarili nila—ibig sabihin, kailangan nilang talikuran ang sarili nilang mga interes, hinihingi, pagnanais, at ambisyon, at talikuran pa nga ang lahat ng sa kanila at isipin muna ang iba. Magagawa man ng tao ang hinihinging ito, kailangan munang maitanong: Anong uri ng mga tao ang mga nagpapanukala sa pananaw na ito? Nauunawaan ba nila ang pagiging tao? Nauunawaan ba nila ang mga likas na gawi at pagkataong diwa nitong nilalang na tao? Wala silang ni katiting na pagkaunawa. Malamang na lubhang hangal ang mga taong nagpanukala sa kasabihang ito sa pagpapataw sa tao ng hindi makatotohanang hinihingi na isakripisyo ang mga interes ng isang tao alang-alang sa iba, sa isang makasariling nilalang na bukod sa may mga kaisipan at kalayaang magpasya, ay puno rin ng mga ambisyon at pagnanais. Hindi mahalaga kung kaya man ng mga taong tuparin ang hinihinging ito, kung isasaalang-alang ang diwa at mga likas na gawi ng mga tao bilang mga nilalang, tunay na hindi makatao ang mga moralistang nagpanukala sa hinihinging ito. Bakit Ko sinasabing hindi sila makatao? Halimbawa, kapag nagugutom ang isang tao, likas niyang mararamdaman sa sarili niya na gutom siya at hindi niya isasaalang-alang kung nagugutom man ang ibang tao. Sasabihin niya, “Nagugutom ako, gusto kong kumain.” Ang una niyang naiisip ay “Ako.” Normal, natural, at angkop ito. Walang sinumang nagugutom ang sasalungat sa mga tunay niyang damdamin at magtatanong, “Ano ang gusto mong kainin?” Normal ba para sa isang taong magtanong sa iba kung ano ang gusto nitong kainin gayong siya mismo ay nagugutom? (Hindi.) Sa gabi, kapag ang isang tao ay pagod at nahahapo, sasabihin niya, “Pagod ako. Gusto ko nang matulog.” Walang sinumang magsasabing, “Pagod ako, kaya pwede ka bang humiga at matulog para sa akin? Kapag natutulog ka, nababawasan ang pagod ko.” Hindi ba’t magiging abnormal kung ipapahayag niya ang kanyang sarili sa ganitong paraan? (Oo.) Ang lahat ng bagay na likas na kayang isipin at gawin ng mga tao ay para sa sarili nilang mga kapakanan. Mabuti na ang lagay nila kung naaalagaan nila ang kanilang sarili—likas na gawi ito ng tao. Kung nakakapamuhay ka nang nagsasarili, umabot na sa puntong kaya mo nang mamuhay at pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang mag-isa, alagaan ang iyong sarili, kung nagpupunta ka sa doktor kapag nagkasakit ka, kung nauunawaan mo kung paano magpagaling mula sa karamdaman, at kung paano lutasin ang lahat ng isyu at suliraning dumarating sa buhay, kung gayon ay medyo mabuti na ang kalagayan mo. Gayunpaman, hinihingi sa iyo ng pagsasakripisyo sa sarili mong mga interes alang-alang sa iba na talikuran mo ang mga pangangailangan mong ito para sa mga interes ng iba; na wala kang gawin para sa iyong sarili, sa halip ay hinihingi sa iyong isaalang-alang muna ang mga interes ng iba at gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa iba—hindi ba’t hindi ito makatao? Ang tingin Ko rito, talagang ipinagkakait nito sa mga tao ang kanilang karapatang mabuhay. Ang mga pangunahing pangangailangan ng buhay ay isang bagay na dapat mong pangasiwaan nang mag-isa, kaya bakit dapat isakripisyo ng iba ang sarili nilang mga interes para gawin at pangasiwaan ang mga bagay na ito para sa iyo? Anong uri ka ng tao kung gayon? Ikaw ba ay may kakulangan sa pag-iisip, may kapansanan, o masyado ka bang nakaasa sa iba? Lahat ito ay mga bagay na dapat na likas na gawin ng mga tao—bakit dapat talikuran ng iba ang mga bagay na nararapat nilang gawin at isakripisyo ang kanilang lakas upang gawin ang mga bagay na ito para sa iyo? Angkop ba iyon? Hindi ba’t kayabangan lang ang hinihinging ito na isakripisyo ang mga interes ng isang tao alang-alang sa iba? (Oo.) Ano ba ang palagay mo sa pananalitang ito, at saan ba ito nagmumula? Hindi ba’t dala ito ng mga diumano’y moralistang ito na walang ni katiting na pagkaunawa sa mga likas na gawi, pangangailangan, at diwa ng tao, at ng kanilang pananabik na ipagyabang ang pagiging mas mataas ng kanilang moralidad? (Oo.) Hindi ba’t hindi ito makatao? (Oo.) Kung isasakripisyo ng lahat ng tao ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba, kung gayon ay paano nila pangangasiwaan ang sarili nilang mga usapin? Talaga bang ang tingin mo sa iba ay may kapansanan, walang kakayahang pamahalaan ang sarili nilang buhay, mga hangal, may kapansanan sa pag-iisip, o mahina ang pag-iisip? Kung hindi, bakit kailangan mong isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba, at hingiin na talikuran ng iba ang sarili nilang mga interes para sa iyo? Kahit ang ilang taong may kapansanan ay ayaw magpatulong sa iba, sa halip ay nais nilang maghanapbuhay at pamahalaan ang sarili nilang buhay—hindi nila kailangan na magbayad ng karagdagang halaga ang iba para sa kanila o magbigay sa kanila ng karagdagang tulong. Gusto nilang tratuhin sila nang maayos ng iba; isa itong paraan upang mapanatili nila ang kanilang dignidad. Ang kailangan nila sa iba ay respeto, hindi simpatya at awa. Lalo naman para sa mga taong kayang alagaan ang kanilang sarili, hindi ba? Sa gayon, ang hinihinging ito na isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba ay walang batayan para sa Akin. Nilalabag nito ang mga likas na gawi ng tao at ang katwiran ng kanyang konsensiya, at, sa pinakamababa, hindi ito makatao. Kahit pa ang layunin ay mapanatili ang mga nakagawian na sa lipunan, pampublikong kaayusan, at normal na pag-uugnayan ng mga tao, hindi kinakailangang hingiin sa ganitong hindi makatwiran at hindi makataong pamamaraan na labagin ng lahat ng tao ang kanilang kalooban at mamuhay sila para sa iba. Hindi ba’t medyo magiging buktot at abnormal kung mamumuhay ang mga tao para sa iba at hindi para sa kanilang sarili?

Sa aling mga sitwasyon ba akma ang hinihinging isakripisyo ang sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba? Ang isang sitwasyon ay kapag kumikilos ang mga magulang alang-alang sa kanilang mga anak. Malamang ay magagawa ito sa limitadong panahon lamang. Bago umabot sa hustong gulang ang mga anak, dapat na gawin ng mga magulang ang kanilang makakaya upang alagaan ang mga ito. Upang palakihin ang kanilang mga anak hanggang sa hustong gulang at masigurong malusog, masaya, at puno ng kagalakan ang buhay ng mga ito, isinasakripisyo ng mga magulang ang kanilang kabataan, ginugugol ang kanilang lakas, isinasantabi ang mga kasiyahan ng laman, at isinasakripisyo pa nga ang kanilang mga propesyon at libangan. Ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang mga anak. Isa itong responsabilidad. Bakit ba kailangang tuparin ng mga magulang ang responsabilidad na ito? Dahil ang bawat magulang ay may obligasyong palakihin ang kanilang mga anak. Ito ang kanilang hindi matatakasang responsabilidad. Gayunpaman, walang ganitong obligasyon ang mga tao sa lipunan at sangkatauhan. Kung inaalagaan mo ang iyong sarili, hindi ka namemerwisyo, at hindi ka nakapeperwisyo sa ibang tao, kung gayon ay medyo maayos na ang iyong ginagawa. May isa pang sitwasyon kung saan hindi kayang alagaan ng mga taong may mga pisikal na kapansanan ang kanilang sarili at kailangan nila ang kanilang mga magulang, kapatid, at maging ang mga organisasyon para sa panlipunang mga pagtulong upang tulungan sila sa kanilang buhay at tulungan silang makaraos. Ang isa pang espesyal na sitwasyon ay kapag ang mga tao o mga rehiyon ay nasalanta ng isang likas na kalamidad, at hindi nila kayang mabuhay nang walang tulong sa panahon ng dagliang kagipitan. Isa itong sitwasyon kung saan kailangan nila ng tulong ng iba. May iba pa bang sitwasyon bukod sa mga ito, kung saan dapat na isakripisyo ng mga tao ang sarili nilang mga interes alang-alang sa pagtulong sa iba? Marahil ay wala na. Sa tunay na buhay, mahigpit ang kompetensya sa lipunan, at kung hindi ibubuhos ng isang tao ang lahat ng lakas ng kanyang isipan sa paggawa nang maayos sa kanyang trabaho, mahirap ang makaraos, ang manatiling buhay. Hindi kayang isakripisyo ng sangkatauhan ang sarili nitong mga interes alang-alang sa iba; medyo mabuti na kung matitiyak nito ang pananatiling buhay nito at hindi ito manghihimasok sa mga interes ng iba. Sa katunayan, ang tunay na mukha ng sangkatauhan ay mas tumpak pang nasasalamin sa mga alitan at ganting pagpatay na kinasasangkutan nila sa konteksto ng lipunan at ng mga sitwasyon sa tunay na buhay. Sa mga palakasan, makikita mo na kapag ginamit ng mga atleta ang kahuli-hulihang enerhiya upang ipakita kung sino sila at sa huli ay nagwagi sila, walang ni isa sa kanila ang magsasabing, “Ayaw ko ng titulong kampeon. Sa palagay ko ay dapat sa iyo na lang ito.” Walang sinumang gagawa niyon. Likas na gawi ng mga taong makipagkompetensya upang manguna, maging pinakamagaling, at maabot ang tugatog. Sa realidad, sadyang hindi kaya ng mga taong isakripisyo ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba. Wala sa likas na gawi ng tao ang pangangailangan o kaloobang magsakripisyo ng kanyang mga interes alang-alang sa iba. Kung ikokonsidera ang diwa at kalikasan ng tao, makakikilos at kikilos lamang siya para sa kanyang sarili. Kung ang isang tao ay kikilos para sa sarili niyang mga interes at, sa paggawa niyon, ay natatahak niya ang tamang landas, mabuti ito, at maituturing ang taong ito na isang mabuting nilikha sa gitna ng mga tao. Kung, sa pagkilos para sa sarili mong interes, nagagawa mong tahakin ang tamang landas, hangarin ang katotohanan at mga positibong bagay, at magkaroon ng positibong impluwensiya sa mga taong nakapaligid sa iyo, mabuti na ang ginagawa mo. Ang pagtataguyod at pagsusulong ng ideya ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba ay walang iba kundi kayabangan lamang. Hindi ito naaayon sa mga pangangailangan ng tao, lalong hindi sa kasalukuyang kalagayan ng sangkatauhan. Sa kabila ng katunayang ang hinihinging isakripisyo ang mga interes ng isang tao alang-alang sa iba ay hindi naaayon sa realidad at hindi makatao, may puwang pa rin ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at, sa iba’t ibang antas, naiimpluwensiyahan at naigagapos pa rin nito ang kanilang mga kaisipan. Kapag ang mga tao ay kumikilos lang para sa kanilang sarili, hindi kumikilos para sa iba, hindi tumutulong sa iba, o hindi iniisip ang iba o nagpapakita ng konsiderasyon para sa mga ito, madalas ay inuusig ang mga puso nila. Nararamdaman nila ang hindi nakikitang panggigipit at kung minsan ay maging ang kritikal na pagtitig sa kanila ng iba. Pawang lumilitaw ang gayong mga damdamin dahil sa impluwensiya ng tradisyonal na moral na ideolohiyang nakatanim sa kaibuturan ng kanilang puso. Naimpluwensiyahan na rin ba kayo sa magkakaibang antas ng pag-oobliga sa inyo ng tradisyonal na kultura na kailangan ninyong isakripisyo ang sarili ninyong mga interes alang-alang sa iba? (Oo.) Marami pa ring tao ang sumasang-ayon sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura, at kung nakasusunod ang isang tao sa mga hinihinging ito, magiging maganda ang tingin sa kanya ng mga tao at walang pupuna o kokontra sa kanya, kahit ilan pa sa mga hinihinging ito ang kanyang tuparin. Kung makita ng isang tao na natumba ang isang tao sa kalsada at hindi niya ito tinulungang makatayo, ang lahat ay hindi matutuwa sa taong iyon, sasabihin nilang hindi makatao ang taong iyon. Ipinakikita nitong ang mga pamantayang hinihingi ng tradisyonal na kultura na itinatakda sa mga tao ay may puwang sa puso ng mga tao. Kaya, kung susukatin ang isang tao batay sa mga bagay na ito mula sa tradisyonal na kultura, tumpak ba ito? Kailanman ay hindi lubos na maiintindihan ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ang isyung ito. Masasabing naging bahagi na ng buhay ng tao ang tradisyonal na kultura sa loob ng libu-libong taon, ngunit ano ba talaga ang naging epekto nito? Nabago ba nito ang espirituwal na pananaw ng sangkatauhan? Nakapagdulot ba ito ng sibilisasyon at pag-usad sa lipunan? Nakalutas ba ito ng mga isyu ng pampublikong kaligtasan sa lipunan? Naging matagumpay ba ito sa pag-eeduka sa sangkatauhan? Wala itong nalutas sa mga ito. Hindi talaga naging epektibo ang tradisyonal na kultura, kaya talagang masasabi nating ang mga hinihingi nitong pamantayan na itinatakda sa tao ay hindi maituturing na mga batayan—mga pagpipigil lamang ang mga ito na naglalayong gapusin ang mga kamay at paa ng mga tao, limitahan ang kanilang mga kaisipan, at kontrolin ang kanilang kilos. Tinitiyak ng mga ito na saanman magpunta ang tao, siya ay may magandang asal, sumusunod sa mga panuntunan, may wangis ng pagkatao, gumagalang sa matatanda at nangangalaga sa mga bata, at marunong gumalang sa mga nakatataas. Tinitiyak ng mga ito na hindi mapasasama ng isang tao ang loob ng iba sa pamamagitan ng pagmumukhang walang-muwang at walang galang. Sa pinakamainam, ang tanging ginagawa ng mga pamantayang ito ay pagmukhaing medyo mas presentable at pino ang mga tao—sa realidad, wala itong kinalaman sa diwa ng mga tao at kapaki-pakinabang lamang sa pagkuha ng panandaliang pagsang-ayon ng iba at pagpapalugod sa banidad ng isang tao. Labis kang natutuwa kapag sinasabi ng mga tao kung gaano ka kabuti dahil sa pag-aasikaso mo ng mga gawain para sa kanila. Kapag ipinakikita mong kaya mong magmalasakit sa mga bata at matanda sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng upuan mo sa bus, at sinasabi ng iba kung gaano ka kabuting bata, at na ikaw ang kinabukasan ng bayan, natutuwa ka rin. Natutuwa ka rin kapag nakapila ka para bumili ng mga tiket at pinauuna mo ang tao sa likod mo, at pinupuri ka ng iba sa pagiging mapagmalasakit mo. Pagkatapos sumunod sa ilang panuntunan at magpakita ng ilang gawa ng mabuting pag-uugali, pakiramdam mo ay marangal na ang karakter mo. Kung naniniwala kang mas mataas na ang katayuan mo sa iba pagkatapos ng ilang minsanang mabuting gawa—hindi ba’t kahangalan ito? Dahil sa kahangalang ito, maaari kang maligaw at mawalan ng katwiran. Hindi kapaki-pakinabang na gumugol ng masyadong maraming oras sa pagbabahaginan tungkol sa kasabihang ito ng wastong asal na isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba. Ang mga problemang nauugnay rito ay medyo madali namang kilatisin, dahil labis nitong pinasasama at ginagawang buktot ang pagkatao, karakter, at dignidad ng mga tao. Dahil dito, lalo silang nagiging hindi sinsero, hindi praktikal, kampante sa sarili, at walang kakayang malaman kung paano sila dapat mamuhay, kung paano kumilatis ng mga tao, pangyayari, at bagay sa tunay na buhay, at kung paano humarap sa iba’t ibang problemang nangyayari sa kanila sa tunay na buhay. Kaya lang ng mga taong magbigay ng kaunting tulong at ibsan ang mga alalahanin at problema ng iba, ngunit hindi nila alam ang landas na dapat nilang tahakin sa buhay, namamanipula sila ni Satanas at nagiging tampulan ng pangungutya nito—hindi ba’t isa itong tanda ng kahihiyan? Ano’t anuman, itong diumano’y moral na pamantayan ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba ay isang hindi sinsero at masamang kasabihan. Siyempre, sa aspektong ito, hinihingi lang ng Diyos sa mga tao na tuparin nila ang mga obligasyon, responsabilidad, at tungkuling iniatas sa kanila, na hindi sila manakit, maminsala, o magpahamak ng mga tao, at na kumilos sila sa paraang makabubuti at magiging kapaki-pakinabang sa iba—sapat na iyon. Hindi hinihingi ng Diyos na umako ang mga tao ng anumang karagdagang responsabilidad o obligasyon. Kung kaya mong tuparin ang lahat ng iyong gawain, tungkulin, obligasyon, at responsabilidad, mabuti na ang lagay mo—hindi ba’t ang simple niyon? (Oo.) Madali itong magawa. Yamang napakasimple nito at nauunawaan ito ng lahat, hindi na ito kailangang pagbahaginan pa nang mas detalyado.

Susunod naman, tatalakayin Ko ang pahayag tungkol sa wastong asal na, “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal.” Ang kaibahan ng pahayag na ito sa ibang mga hinihinging pamantayan para sa wastong asal ay na partikular na patungkol sa mga babae ang pamantayang ito. “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” ay isang hindi makatao at hindi praktikal na hinihingi sa mga babae na ipinanukala ng mga diumano’y moralista. Bakit Ko sinasabi iyon? Hinihingi ng pamantayang ito na ang lahat ng babae, mga anak man sila o mga asawa, ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Upang makonsidera bilang isang mabuti at kagalang-galang na babae, kailangan nilang isagawa ang ganitong uri ng wastong asal at taglayin ang moral na karakter na ito. Ang ipinahihiwatig nito sa mga lalaki ay na kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng mga babae, samantalang ang mga lalaki ay hindi—hindi kailangan ng mga lalaki na maging malinis o mabait, at lalong hindi nila kailangang maging malumanay o mabuti ang asal. Ano ang kailangang gawin ng mga lalaki? Kung hindi magiging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng kanilang asawa, maaari nila itong idiborsyo o iwanan. Kung hindi makaya ng isang lalaki na iwan ang kanyang asawa, ano ang dapat niyang gawin? Dapat ay gawin niya itong isang babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal—ito ang kanyang responsabilidad at obligasyon. Ang responsabilidad ng mga lalaki sa lipunan ay ang mahigpit na pamahalaan, gabayan at pangasiwaan ang mga babae. Kailangan nilang lubos na katawanin ang kanilang papel bilang ang nakatataas, kailangan nilang supilin ang mga babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, tumayo bilang panginoon ng mga ito at bilang ulo ng tahanan, at siguraduhing gagawin ng mga babae kung ano ang nararapat gawin ng mga ito at tutuparin ang mga nararapat na obligasyon ng mga ito. Ang mga lalaki naman, sa kabaligtaran, ay hindi kailangang isagawa ang ganitong uri ng wastong asal—hindi sila kasali sa panuntunang ito. Yamang hindi kasali ang mga lalaki sa panuntunang ito, ang pahayag na ito tungkol sa wastong asal ay isa lamang pamantayan na maaaring gamitin ng mga lalaki upang husgahan ang mga babae. Ibig sabihin, kapag gustong pakasalan ng isang lalaki ang isang babaeng may wastong asal, paano niya dapat husgahan ang babae? Maaaring tukuyin na lang niya kung ang babae ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Kung ito ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, maaari niya itong pakasalan—kung hindi, hindi niya ito dapat na pakasalan. Kung pakakasalan niya ang gayong babae, mamaliitin ng iba ang babaeng ito at sasabihin pang hindi ito isang mabuting tao. Kaya, anong mga partikular na hinihingi ang sinasabi ng mga moralista na kailangang tuparin ng mga babae upang makonsidera silang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal? May mga partikular na kahulugan ba ang mga pang-uring ito? Maraming kahulugan sa likod ng bawat salitang “malinis,” “mabait,” “malumanay,” at “mabuti ang asal,” at wala sa mga katangiang ito ang madaling isabuhay para sa sinuman. Walang tao o intelektuwal ang makapagsasagawa sa mga katangiang ito, subalit hinihingi pa nilang gawin ito ng mga pangkaraniwang babae—masyado itong hindi makatarungan sa mga babae. Kaya, ano ang mga pangunahing pag-uugali at partikular na uri ng wastong asal ang kailangang ipakita ng mga babae upang makonsidera silang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal? Una, kailangan ay hinding-hindi tatapak ang mga babae sa labas ng kanilang tirahan, at kailangan nilang balutin ang kanilang mga paa sa haba ng humigit-kumulang na apat na pulgada, na mas maikli sa haba ng palad ng isang maliit na bata. Nililimitahan nito ang mga babae at tinitiyak na hindi sila makapupunta saanman nila naisin. Bago magpakasal, hindi pinahihintulutan ang mga babaeng lumabas ng kanilang tirahan, kailangan nilang magkulong sa kanilang mga tagong silid-tulugan, at kailangan ay hindi sila magpakita sa publiko. Kung makasusunod sila sa mga panuntunang ito, taglay nila ang moral na karakter ng isang dalagang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Pagkatapos magpakasal, kailangang ipakita ng isang babae ang pagkamasunuring anak sa kanyang mga biyenan at tratuhin nang maganda ang ibang kamag-anak ng kanyang asawa. Kahit paano pa siya tratuhin o abusuhin ng pamilya ng kanyang asawa, kailangan niyang pagtiisan ang paghihirap at pamumuna, na gaya ng isang matapat na kabayong pantrabaho. Bukod sa kailangan niyang pagsilbihan ang lahat ng miyembro ng pamilya, kapwa bata at matanda, kailangan din niyang magkaanak upang ipagpatuloy ang linya ng angkan, at gawin ang lahat ng iyon nang walang kahit katiting na reklamo. Kahit gaano pa siya mabugbog o dumanas ng mga pang-aabuso sa mga kamay ng kanyang mga biyenan at kahit gaano pa siya kapagod at kahit gaano pa niya kailanganing magsikap, hinding-hindi siya maaaring magreklamo sa kanyang asawa tungkol sa alinman sa mga ito. Kahit gaano pa siya inaapi ng kanyang mga biyenan, hindi niya maaaring hayaan ang sinumang hindi miyembro ng pamilya na malaman ito at magpakalat ng anumang tsismis tungkol sa kanyang pamilya. Kahit gaano pa siya naagrabyado, hindi siya maaaring magsalita at kailangan niyang tiisin nang tahimik ang mga insulto at pamamahiya. Bukod sa kailangan niyang pagtiisan ang paghihirap at pamumuna, kailangan din niyang matutuhan na maamong magpasakop sa pang-aapi, kimkimin ang kanyang galit, at tiisin ang kahihiyan at ang bigat ng responsabilidad—kailangan niyang matutuhan ang sining ng pagtitiis at pagtitimpi. Anuman ang masasarap na pagkain sa hapag-kainan, kailangan muna niyang hayaang makakain niyon ang ibang miyembro ng pamilya; upang ipakita ang kanyang pagsunod bilang anak, kailangan muna niyang paunahing makakain ang mga biyenan niya, pagkatapos ay ang kanyang asawa at mga anak. Pagkatapos makakain ng lahat at maubos na ang lahat ng masarap na pagkain, saka siya magpapakabusog sa anumang natirang pagkain. Dagdag pa sa mga hinihingi na katatapos Ko lang talakayin, sa makabagong panahon, inaasahan din ang mga babae na “maging mahusay sa pakikisalamuha at gayundin sa kusina.” Nang marinig Ko ang mga katagang ito, napaisip Ako, ano ba ang ginagawa ng lahat ng lalaki kung ang mga babae ang inaasahang tahananmaging mahusay sa pakikisalamuha at gayundin sa kusina? Kailangan na ang mga babae ang nagluluto para sa buong pamilya, gumagawa ng mga gawaing-bahay at nag-aalaga ng mga anak sa tahanan, at pumunta sa mga bukid at magtrabaho—kailangan nilang maging mahusay kapwa sa tahanan at sa labas nito, sa pamamagitan ng pagtapos sa lahat ng trabahong ito. Sa kabaligtaran naman, kailangan lang ng mga lalaking pumasok sa trabaho, pagkatapos ay umuwi at sayangin ang kanilang oras sa paglilibang at hindi sila gumagawa ng anumang gawaing-bahay. Kung may ikinagagalit sila sa trabaho, ibinubunton nila ito sa kanilang asawa at mga anak—makatarungan ba ito? Ano ang napansin ninyo sa mga usaping ito na Aking tinalakay? Walang sinumang nagpapataw ng anumang hinihingi sa wastong asal ng mga lalaki, subalit inaasahan ang mga babae na maging mahusay sa pakikisalamuha at gayundin sa kusina bukod pa sa pagpapanatili ng karakter na malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Ilang babae ba ang nakatutupad sa gayong mga hinihingi? Hindi ba’t hindi makatarungan na hingiin ang gayon sa mga babae? Kung makagawa ang isang babae ng kahit katiting na pagkakamali, siya ay binubugbog, iniinsulto, at maaari pa siyang iwanan ng kanyang asawa. Kailangan talagang tiisin ng mga babae ang lahat ng ito, at kung talagang hindi na nila ito makayanan, ang maaari lang nilang gawin ay ang magpatiwakal. Hindi ba’t mapang-api ang partikular na hingiin ang gayong mga hindi makataong bagay sa mga babae, gayong mas mahina ang kanilang pisikal na katawan, at mas mahina ang kapangyarihan at pisikal nilang kakayahan kaysa sa mga lalaki? Sa mga babaeng naririto ngayon, hindi ba’t iisipin ninyo na labis-labis na kung gayon ang hihingiin sa inyo ng mga tao sa tunay na buhay? Talaga bang nakatadhanang magkaroon ng kontrol ang mga lalaki sa mga babae? Nakatadhana ba ang mga lalaki na maging panginoon ng mga babae at pilitin ang mga babae na magtiis ng paghihirap? Kung isasaalang-alang ang masamang kalagayang ito ng mga bagay-bagay, hindi ba’t maipagpapalagay natin na ang kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” ay epektibong nagdudulot ng mga hidwaan sa lipunan? Hindi ba’t malinaw nitong itinataas ang katayuan ng mga lalaki sa lipunan, habang sadyang pinabababa ang katayuan ng mga babae? Dahil sa hinihinging ito, matibay ang paniniwala ng mga lalaki at babae na ang katayuan at halaga sa lipunan ng mga babae ay mas mababa, sa halip na kapantay, sa mga lalaki. Samakatuwid, ang mga babae ay nararapat na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, dumanas ng pagmamaltrato, at madiskrimina, mapahiya, at mapagkaitan ng mga karapatang pantao sa lipunan. Sa kabaligtaran naman, nababalewala na ang mga lalaki ang dapat na maging ulo ng tahanan at makatwirang hingiin na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng mga babae. Hindi ba’t ito ay sadyang pagdudulot ng alitan sa lipunan? Hindi ba’t ito ay sadyang paglikha ng mga hidwaan sa lipunan? Hindi ba’t maghihimagsik ang ilang babae pagkatapos dumanas ng pagmamalupit sa loob ng mahabang panahon? (Oo.) Saanman mayroong kawalan ng katarungan, magkakaroon ng paghihimagsik. Patas at makatarungan ba sa mga babae ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Sa pinakamababa, hindi ito patas at makatarungan sa mga babae—pinahihintulutan lang nito ang mga lalaki na mas kumilos nang garapalan, pinalalalim nito ang hidwaan sa lipunan, pinapataas ang katayuan ng mga lalaki sa lipunan at pinapababa ang katayuan ng mga babae, habang mas pinagkakaitan din ang mga babae ng kanilang karapatang umiral, at tusong pinalalala ang hindi pagkakapantay-pantay ng katayuan ng mga lalaki at babae sa lipunan. Maibubuod Ko ang papel na ginagampanan ng mga babae sa tahanan at sa buong lipunan, pati na ang uri ng wastong asal na kanilang ipinakikita, sa tatlong salita lamang: tagasalo ng pang-aabuso. Hinihingi ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” na igalang ng mga babae ang mga nakatatanda sa pamilya, mahalin at pagmalasakitan ang mga nakababatang miyembro ng pamilya, maging labis na magalang sa kanilang asawa, at pagsilbihan ito nang husto. Kailangan nilang pangasiwaan ang lahat ng usapin ng pamilya sa loob at labas ng tahanan, at kahit gaano pa karaming paghihirap ang kanilang tiisin, hinding-hindi sila maaaring magreklamo—hindi ba’t pagkakait ito sa mga babae ng kanilang mga karapatan? (Oo.) Pagkakait ito sa mga babae ng kanilang kalayaan, ng kanilang karapatan sa malayang pananalita, at ng kanilang karapatang mabuhay. Makatao bang ipagkait sa mga babae ang lahat ng kanilang karapatan at hingiin pa rin na tuparin nila ang kanilang mga responsabilidad? Katumbas ito ng pagyurak sa mga babae at pagpapataw ng sumpa sa kanila!

Napakalinaw naman na ang mga moralistang nagpataw ng hinihinging ito sa mga babae, at kasabay nito ay nagpataw sa kanila ng sumpa, ay mga lalaki at hindi mga babae. Hindi pipiliin ng mga babaeng yurakan ang sarili nilang mga kabaro, kaya tiyak na gawa ito ng mga lalaki. Nag-aalala sila na kung magiging masyadong mahusay ang mga babae, magtatamo ng labis-labis na awtoridad at magkakaroon ng sobra-sobrang kalayaan, magiging kapantay na sila ng mga lalaki maliban na lang kung sila ay mahigpit na pangangasiwaan at kokontrolin. Unti-unti, ang mahuhusay na babae ay magkakaroon ng mas mataas na katayuan kaysa sa mga lalaki, titigil sila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin sa tahanan, at ito—sa paniniwala ng mga lalaki—ay makaaapekto sa pagiging magkakasundo ng mga miyembro ng pamilya. Kung walang pagkakasundo sa indibidwal na mga tahanan, mawawala ang pagkakasundo sa buong lipunan at nakababahala ito para sa mga tagapamahala ng bansa. Nakita mo na, kahit ano pang talakayin natin, tila bumabalik ang usapan sa naghaharing uri. May masasama silang layunin at nais nilang pangasiwaan ang mga babae at kumilos laban sa mga ito—hindi ito makatao. Hinihingi nila na, sa tahanan man o sa buong lipunan, ang mga babae ay kailangang maging lubos na masunurin, maamong magpasakop sa pang-aapi, magpakumbaba at magpakababa, lunukin ang lahat ng insulto, magkaroon ng mataas na pinag-aralan at maging praktikal, maamo at mapagmalasakit, at magtiis sa lahat ng paghihirap at pamumuna, at iba pa. Malinaw na inaasahan talaga nilang maging tagasalo ng pang-aabuso at maging sunud-sunuran ang mga babae—kung gagawin nila ang lahat ng ito, magiging tao pa rin ba sila? Kung masusunod talaga nila ang lahat ng hinihinging ito, hindi na sila magiging tao; magiging tulad na sila ng mga diyos-diyosang sinasamba ng mga walang pananampalataya na hindi kumakain o umiinom, nakahiwalay sa mga materyal na usapin ng mundo, hindi kailanman nagagalit, at walang personalidad. O maaaring maging tulad sila ng mga papet o makinang hindi nag-iisip o tumutugon nang malaya. Ang sinumang aktuwal na tao ay magkakaroon ng mga opinyon at pananaw tungkol sa mga kasabihan at limitasyon ng mundo sa labas—imposibleng maamo silang makapagpasakop sa lahat ng pang-aapi. Ito ang dahilan kung bakit lumitaw sa makabagong panahon ang mga kilusan para sa mga karapatan ng mga babae. Unti-unting tumaas ang katayuan sa lipunan ng mga babae sa nakalipas na humigit-kumulang na ilang daang taon, at sa wakas ay nakawala na sila sa mga tanikalang dating gumagapos sa kanila. Ilang taon bang sumailalim ang mga babae sa panggagapos na ito? Sa Silangang Asya, kinontrol sila sa loob ng hindi bababa sa libu-libong taon. Napakalupit at napakabagsik ng panggagapos na ito—binabalot ang kanilang mga paa hanggang sa puntong ni hindi na sila makalakad at kailanman ay walang sinumang nagtanggol sa mga babaeng ito laban sa kawalan ng katarungan. Nabalitaan Kong noong ikalabimpito at ikalabing-walong siglo, naglagay rin ang ilang Kanluraning bansa ng mga partikular na limitasyon sa kalayaan ng mga babae. Paano nila nilimitahan ang mga babae noong mga panahong iyon? Pinagsusuot nila ang mga ito ng mga biluhabang paldang nakakabit sa baywang ng mga ito gamit ang mga metal na kawit at sinusuportahan ng mabibigat, umuugoy na bilog na bakal. Dahil dito ay naging napakahirap para sa mga babae na umalis ng bahay o maglakad-lakad at lubha nitong nalimitahan ang pagkilos nila. Samakatuwid ay naging napakahirap para sa mga babaeng maglakad nang mas malayo o umalis sa kanilang tahanan. Ano ang ginawa ng mga babae sa mahihirap na kalagayang ito? Ang tanging nagawa nila ay tahimik na sumang-ayon at manatili sa bahay, at hindi sila makapaglakad nang malayo. Imposible ang lumabas upang maglakad-lakad, tingnan ang mga tanawin, palawakin ang kanilang mga karanasan, o bisitahin ang mga kaibigan. Ito ang pamamaraang ginamit sa Kanluraning lipunan upang limitahan ang mga babae—ayaw nitong umalis ang mga babae sa bahay at makipag-ugnayan sa sinumang naisin ng mga ito. Noong mga panahong iyon, maaaring sumakay ang mga lalaki sa kanilang mga karwaheng hinihila ng mga kabayo tungo sa kung saanman nila naisin nang walang anumang limitasyon, subalit ang mga babae ay sumasailalim sa lahat ng uri ng limitasyon kapag umaalis ng bahay. Sa makabagong panahon, paunti na nang paunti ang mga limitasyong ipinapataw sa mga babae: Ipinagbawal na ang pagbabalot ng paa at ang mga babaeng taga-Silangan ay malaya nang pumili kung sino ang gusto nilang makarelasyon. Medyo malaya na ang mga babae ngayon at unti-unti nang nakakaahon mula sa kalupitan ng pang-aalipin. Sa pag-ahon nila mula sa kalupitang ito, pumasok na sila sa lipunan at unti-unti nang nagsimulang akuin ang makatwirang bahagi ng responsabilidad. Nagkamit na ang mga babae ng medyo mataas na katayuan sa lipunan, at nagtatamasa sila ng mas maraming karapatan at pribilehiyo kaysa noon. Unti-unti, nagsisimula nang mahalal ang mga babaeng punong ministro at pangulo sa ilang bansa. Mabuti ba o masama para sa sangkatauhan na unti-unti nang tumataas ang katayuan ng mga babae? Sa pinakamababa, ang pagtaas ng katayuang ito ay nagbigay sa mga babae ng kaunting kalayaan at kaginhawahan—mabuti talaga ito para sa mga babae. Kapaki-pakinabang ba sa lipunan na maging malaya ang mga babae at magkaroon ng karapatang ipahayag ang kanilang sarili? Ang totoo, kapaki-pakinabang ito; kayang gawin ng mga babae ang maraming bagay na hindi nagagawa nang maayos o ayaw gawin ng mga lalaki. Nangingibabaw ang mga babae sa maraming larangan. Sa panahon ngayon, bukod sa nakapagmamaneho na ang mga babae ng mga sasakyan, nakapagpapalipad na rin sila ng mga eroplano. Ang ilang babae ay naglilingkod din bilang mga opisyal o pangulo na pinangangasiwaan ang usapin ng mga bayan, at ginagawa nila ang kanilang mga trabaho nang kasinghusay ng mga lalaki—isa itong malinaw na pagpapamalas na ang mga babae ay kapantay ng mga lalaki. Ngayon, ang mga karapatang dapat tamasahin ng mga babae ay lubos nang naitataguyod at napoprotektahan, na isang normal na penomena. Siyempre, tama lang na tamasahin ng mga babae ang sarili nilang mga karapatan, ngunit pagkatapos mabaluktot ang sitwasyon sa loob ng libu-libong taon, ngayon lang ito muling naging normal, at na sa pangkalahatan ay nakamit na ang pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae. Sa pagtingin dito mula sa perspektiba ng tunay na buhay, unti-unti nang dinaragdagan ng mga babae ang presensiya nila sa lahat ng antas sa lipunan at sa lahat ng industriya. Ano ang ipinahihiwatig nito sa atin? Ipinahihiwatig nito sa atin na ang mga babaeng may iba’t ibang uri ng kadalubhasaan ay unti-unti nang ginagamit ang kanilang mga talento at nag-aambag ng kabuluhan sa sangkatauhan at lipunan. Paano man tingnan ng isang tao ang sitwasyong ito, talagang kapaki-pakinabang ito sa sangkatauhan. Kung hindi naibalik ang mga karapatan at katayuan sa lipunan ng mga babae, anong uri ng trabaho ang gagawin nila? Nasa bahay lang sila, inaasikaso ang kanilang asawa at itinataguyod ang kanilang mga anak, inaasikaso ang mga gawain sa tahanan, at ipinapakita ang kanilang malinis, mabait, malumanay, at mabuting asal—hindi talaga nila matutupad ang mga responsabilidad nila sa lipunan. Ngayong itinataguyod at pinoprotektahan na ang kanilang mga karapatan, nakapag-aambag na nang normal sa lipunan ang mga babae, at natatamasa na ng sangkatauhan ang pakinabang ng kabuluhan at ang mga iniaambag ng mga babae sa lipunan. Mula sa katunayang ito, ganap tayong nakatitiyak na magkapantay ang mga lalaki at babae, at na hindi dapat maliitin o pagmalupitan ng mga lalaki ang mga babae, at na dapat na tumaas ang katayuan ng mga babae sa lipunan, na pawang nagpapahiwatig na umuunlad ang lipunan. Ngayon ay mayroon nang mas may-kabatiran, tama, at maayos na pagkaunawa ang sangkatauhan tungkol sa kasarian, at ang resulta, nagsimula nang pumasok ang mga babae sa mga trabahong dati ay iniisip ng mga taong hindi nila kayang gawin. Bukod sa madalas na ngayong magtrabaho ang mga babae sa mga pribadong kompanya, naging karaniwan na rin sa kanilang punan ang mga posisyon sa mga departamento ng siyentipikong pananaliksik, at nadaragdagan din ang porsiyento ng mga babaeng naglilingkod sa mga tungkulin ng pambansang pamumuno. Mayroon na ring mga babaeng manunulat, mang-aawit, negosyante, at siyentista, marami nang babae ang naging mga kampeon at pumapangalawa sa mga palakasan, at nagkaroon na nga rin ng mga babaeng bayani sa mga panahon ng digmaan, ang lahat ng ito ay nagpapatunay na may kakayahan din ang mga babae na tulad ng sa mga lalaki. Tumataas ang porsiyento ng mga babaeng nagtatrabaho sa bawat industriya at normal lang ito. Sa lahat ng larangan at propesyon sa kasalukuyang lipunan, paunti na nang paunti ang pagkiling laban sa mga babae, mas patas na ang lipunan at may tunay na pagkakapantay-pantay sa mga lalaki at babae. Hindi na napipigilan at nahuhusgahan ang mga babae ng mga parirala at pamantayan ng wastong asal na gaya ng “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” o “Ang isang babae ay kailangang magkulong sa kanyang tagong silid-tulugan.” Medyo mas protektado na ngayon ang mga karapatan ng mga babae, na tunay na sumasalamin sa panlipunang kalagayan ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.

Tila mga lalaki lang ang nakikita nating humihingi na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ng mga babae, ngunit kailanman ay hindi natin nakikita ang mga babae na hinihingi ang gayon sa mga lalaki. Isa itong lubhang hindi patas na paraan ng pagtrato sa mga babae, at medyo makasarili, kasuklam-suklam, at walang kahihiyan pa nga. Masasabi rin na ilegal at mapang-abuso ang tratuhin nang ganito ang mga babae. Sa kasalukuyang lipunan, marami nang bansa ang nagtakda ng mga batas na nagbabawal sa pang-aabuso sa mga babae at bata. Sa katunayan, walang anumang partikular na sinasabi ang Diyos hinggil sa mga kasarian ng sangkatauhan, dahil ang mga lalaki at babae ay parehong mga nilikha ng Diyos at mula sa Diyos. Gaya nga ng pariralang sinasabi ng sangkatauhan, “Magkasinghalaga ang palad at ang likod ng kamay”—walang partikular na pagkiling ang Diyos sa mga lalaki o babae, wala rin Siyang partikular na mga hinihingi sa anumang kasarian, magkapareho lang ang mga kasariang ito. Samakatuwid, ginagamit ng Diyos ang parehong iilang pamantayan upang hatulan ka, lalaki ka man o babae—titingnan Niya kung anong uri ng pagkataong diwa ang taglay mo, kung ano ang landas na iyong tinatahak, kung ano ang saloobin mo sa katotohanan, kung minamahal mo ang katotohanan, kung ikaw ay may-takot-sa-Diyos na puso, at kung kaya mong magpasakop sa Kanya. Kapag pumipili ng isang tao at nililinang siya upang gumawa ng isang partikular na tungkulin o magsakatuparan ng isang partikular na responsabilidad, hindi tinitingnan ng Diyos kung isa siyang lalaki o babae. Itinataas ng Diyos ang ranggo ng mga tao at ginagamit sila, lalaki man sila o babae, sa pamamagitan ng pagtingin kung mayroon silang konsensiya at katwiran, kung katanggap-tanggap man ang kakayahan nila, kung tinatanggap nila ang katotohanan at kung ano ang landas na kanilang tinatahak. Siyempre, kapag inililigtas at ginagawang perpekto ang sangkatauhan, hindi humihinto ang Diyos upang isaalang-alang ang kanilang kasarian. Kung isa kang babae, hindi isinasaalang-alang ng Diyos kung ikaw ay malinis, mabait, malumanay, o kung mabuti ang asal mo, at hindi Niya sinusuri ang mga lalaki batay sa kanilang kalakasan at pagkalalaki—hindi ito ang mga pamantayan sa pagsusuri ng Diyos sa mga lalaki at babae. Gayunpaman, sa hanay ng natiwaling sangkatauhan, palaging mayroong mga taong nangdidiskrimina sa mga babae, na nagpapataw ng mga partikular na imoral at hindi makataong hinihingi sa mga babae upang ipagkait sa kanila ang kanilang mga karapatan, ang kanilang karapat-dapat na katayuan sa lipunan, ang kabuluhang dapat na mayroon sila sa lipunan, at na nagsisikap na limitahan at pigilan ang positibong pag-unlad at pag-iral ng mga babae sa lipunan, binabaluktot ang kanilang mga mentalidad. Dahil dito, nalulugmok sa depresyon at kapighatian ang mga babae sa buong buhay nila, wala silang magawa kundi magtiis sa isang kahiya-hiyang paraan ng pamumuhay sa mga baluktot at nakapipinsalang panlipunan at moral na kapaligirang ito. Kaya lang ito nangyari ay dahil kontrolado ni Satanas ang lipunan at buong mundo, at ang sangkatauhan ay walang pakundangang nililihis at ginagawang tiwali ng lahat ng uri ng demonyo. Bilang resulta, hindi nakikita ng mga tao ang tunay na liwanag, hindi nila hinahanap ang Diyos, at sa halip ay sapilitan o walang kamalay-malay silang namumuhay sa ilalim ng panlalansi at pangmamanipula ni Satanas, hindi sila makawala rito. Ang tanging paraan nila upang makawala ay ang hanapin ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang pagpapakita at ang Kanyang gawain upang magkaroon sila ng pagkaunawa sa katotohanan at makita nila nang malinaw at makilatis ang iba’t ibang kabulaanan, maling pananampalataya, maladiyablong salita, at katawa-tawang pahayag na pawang nagmumula kay Satanas at sa masamang sangkatauhan. Saka lang sila makakawala sa mga pagpipigil, panggigipit, at impluwensiyang ito. At sa pamamagitan ng pagtingin sa mga tao at bagay at pag-asal at pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay saka lamang makapagsasabuhay ang isang tao ng isang wangis ng tao, makapamumuhay nang may dignidad, makapamumuhay sa liwanag, magagawa ang nararapat niyang gawin, matutupad ang mga obligasyong dapat niyang tuparin at, siyempre, makapag-aambag ng kanyang kabuluhan, at matatapos ang kanyang misyon sa buhay sa pangunguna ng Diyos at sa gabay ng mga tamang kaisipan at pananaw—hindi ba’t lubhang makabuluhan ang mamuhay sa ganitong paraan? (Oo.) Habang nagbabalik-tanaw kayo sa kung paano ginamit ni Satanas ang kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” upang magpataw ng mga hinihingi sa mga babae at limitahan, kontrolin, at alipinin pa nga sila sa loob ng maraming milenyo, anu-ano ang mga nararamdaman ninyo? Kapag lahat kayong mga babae ay nakarinig ng mga taong nagbanggit sa pariralang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” agad ba kayong nakararamdam ng pagtutol dito at nagsasabing, “Huwag mong banggitin iyan! Wala iyang kinalaman sa akin. Bagama’t babae ako, sinasabi ng mga salita ng Diyos na walang kinalaman ang pariralang ito sa mga babae”? Sasabihin ng ilang lalaki: “Kung wala itong kinalaman sa iyo, kanino nakapatungkol ang pariralang ito? Hindi ba’t babae ka?” At tutugon ka naman: “Babae ako, totoo iyan. Ngunit hindi galing sa Diyos ang mga salitang iyan, ang mga iyan ay hindi ang katotohanan. Galing ang mga salitang iyan sa diyablo at sa sangkatauhan, niyuyurakan nila ang mga babae at pinagkakaitan ang mga ito ng karapatang mabuhay. Hindi makatao at hindi makatarungan sa mga babae ang mga salitang iyan. Naghihimagsik ako!” Ang totoo ay hindi na kinakailangang maghimagsik. Ang kailangan mo lang gawin ay magkaroon ng tamang pagharap sa ganitong mga uri ng parirala, tanggihan mo ang mga ito, at huwag magpaimpluwensiya at magpapigil sa mga ito. Kung, sa hinaharap, may magsasabi sa iyong, “Hindi ka mukhang babae, at napakagaspang mong magsalita, para kang lalaki. Sino ba ang magkakagustong magpakasal sa iyo?” paano ka dapat tumugon? Maaari mong sabihin, “Kung walang magpapakasal sa akin, eh di sige. Ang ibig mo ba talagang sabihin, ang tanging paraan upang mamuhay nang may dignidad ay ang magpakasal? Ang ibig mo bang sabihin, ang mga babae lang na malinis, mabait, malumanay, mabuti ang asal, at minamahal ng lahat ang mga tunay na babae? Mali yata iyon—hindi dapat malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ang mga salitang tunay na tumutukoy sa mga babae. Hindi dapat tukuyin ang mga babae batay sa kanilang kasarian, at hindi dapat husgahan ang kanilang pagkatao batay sa kung sila ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, kundi sa halip, dapat silang husgahan gamit ang mga pamantayan ng pagsusuri ng Diyos sa pagkatao ng tao. Ito ang patas at obhetibong paraan ng pagsusuri sa kanila.” Ngayon ba ay may pangkalahatang pagkaunawa ka na sa kasabihang ito, “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal?” Dapat ay nalinaw na ngayon ng Aking pagbabahagi ang mga nauugnay na katotohanan sa kasabihang ito at ang mga tamang perspektiba kung paano ito dapat harapin ng mga tao.

May isa pang kasabihang nagsasaad na: “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon.” Ayaw Kong magbahagi tungkol sa kasabihang ito. Bakit ayaw Kong magbahagi tungkol sa kasabihang ito? Ang kasabihang ito ay katulad sa diwa ng pariralang “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba,” at medyo may masama rin tungkol dito. Gaano kalaking abala kung kakailanganin ng isang taong alalahanin ang naghukay sa isang balon sa tuwing pupunta siya upang kumuha ng tubig mula rito? Ang ilang balon ay napapalamutian ng mga pulang laso at anting-anting—hindi ba’t medyo kakatwa naman kung magsusunog din ang mga tao ng insenso at mag-aalay ng prutas dito? Kung ihahambing sa pariralang “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon,” mas gusto Ko ang kasabihang, “Matatamasa ng mga susunod na henerasyon ang lilim ng mga punong itinanim ng mga dating henerasyon,” dahil sinasalamin ng kasabihang ito ang isang realidad na talagang personal na mararanasan at pagdaraanan ng mga tao. Inaabot ng sampu hanggang dalawampung taon bago lumaki ang isang itinanim na puno sa sukat kung kailan makapagbibigay na ito ng lilim, kaya hindi na makapagpapahinga nang matagal sa lilim nito ang taong nagtanim nito, at ang mga kasunod na henerasyon na lang ang makikinabang dito sa kanilang buong buhay. Ito ang natural na kaayusan ng mga bagay. Sa kabaligtaran naman, may kaunting kahibangan sa pag-alala sa taong naghukay sa isang balon sa tuwing iinom dito ang isang tao. Hindi ba’t magmumukhang isang kahibangan kung kakailanganing gunitain at alalahanin ng bawat tao ang naghukay sa balon sa tuwing pupunta sila rito upang mag-igib ng tubig? Kung may tagtuyot sa taon na iyon at maraming tao ang nangangailangang mag-igib ng tubig sa balong iyon, hindi ba’t mapipigilan nito ang mga taong makakuha ng tubig nila at makapagluto ng pagkain, kung kakailanganin ng lahat na tumayo roon at pagnilayan ang naghukay ng balon bago sila mag-igib ng tubig? Talaga bang kailangan ito? Maaantala lang nito ang lahat ng tao. Nananahan ba sa may balon ang kaluluwa ng naghukay nito? Maririnig ba niya ang paggunita nila? Hindi makukumpirma ang ni isa rito. Kaya ang pariralang, “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon” ay katawa-tawa at talagang walang katuturan. Maraming gayong kasabihan tungkol sa wastong asal ang ipinanukala ng tradisyonal na kulturang Tsino, karamihan dito ay katawa-tawa, at lalong katawa-tawa ang partikular na kasabihang ito kumpara sa karamihan. Sino ba ang naghukay sa balon? Para kanino ba niya ito hinukay at bakit? Talaga bang hinukay niya ang balon alang-alang sa lahat ng tao at sa mga susunod na henerasyon? Hindi naman talaga. Ginawa lang niya ito para sa sarili niya at upang tulutan ang pamilya niyang magkaroon ng mapagkukunan ng maiinom na tubig—hindi niya isinaalang-alang ang mga susunod na henerasyon. Kung gayon, hindi ba’t nakalilihis at nakaliligaw sa mga tao na hikayatin ang lahat ng kasunod na henerasyon na gunitain at pasalamatan ang naghukay sa balon at ipaisip sa kanilang hinukay nito ang balon para sa lahat ng tao? Samakatuwid, ipinipilit lang ng taong nagpanukala sa kasabihang ito ang sarili niyang mga kaisipan at pananaw sa iba at inuudyukan ang iba na tanggapin ang mga ideya niya. Imoral ito at dahil dito ay marami pang tao ang masusuklam, maririmarim, at mamumuhi sa gayong kasabihan. Ang mga taong nagsusulong sa ganitong uri ng kasabihan ay talagang may mga partikular na diperensiya sa pag-iisip kaya hindi maiiwasang makapagsabi at makagawa sila ng ilang katawa-tawang bagay. Anu-ano ang epekto sa mga tao ng mga ideya at pananaw mula sa tradisyonal na kultura, na tulad ng mga kasabihang “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon” at “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal”? Ano ba ang napapala ng mga edukadong tao at ng mga taong may kaunting kaalaman sa mga kasabihang ito sa tradisyonal na kultura? Talaga bang naging mabubuting tao sila? Nakapagsabuhay na ba sila ng wangis ng tao? Hindi talaga. Ang mga dalubhasa sa moralidad na ito na sumasamba sa tradisyonal na kultura ay nagmamataas sa tugatog ng moralidad at nagpapataw ng mga moral na hinihingi sa mga tao na kahit kaunti ay hindi naaayon sa tunay na kalagayan ng mga buhay ng mga ito—imoral ito at hindi makatao sa lahat ng taong naninirahan sa mundong ito. Dahil sa mga moral na perspektiba mula sa tradisyonal na kulturang kanilang isinusulong, ang isang taong medyo normal ang katwiran ay maaaring maging isang taong may abnormal na katwiran, na nakapagsasabi ng mga bagay na imposible at mahirap intindihin para sa iba. Buktot ang pagkatao ng gayong mga tao at masama ang kanilang mga pag-iisip. Kung gayon, hindi na nakapagtataka na maraming Tsino ang may tendensiyang magsabi ng mga bagay sa mga kaganapang pangpalakasan, sa mga pampublikong lugar at sa mga opisyal na tagpo na medyo kakatwa at na hirap intindihin ng mga tao. Ang lahat ng sinasabi nila ay walang katuturan, katawa-tawang teorya at hindi naglalaman ng kahit katiting na taos-puso o praktikal na pananalita. Ito ang tunay na katibayan, ang resulta ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan, at ang bunga ng pagtuturo ng tradisyonal na kultura sa mga Tsino sa loob ng maraming milenyo. Dahil sa lahat ng ito, ang mga taong namumuhay nang taos-puso at tapat ay naging mga taong nagsisinungaling, at mahusay sa pagbabalat-kayo at pagpapanggap upang manlinlang ng iba, mga taong mukhang labis na edukado at mahusay na nakapagpapahayag ng opinyon tungkol sa teorya, subalit sa realidad ay buktot ang mga mentalidad nila at wala silang kakayahang makapagsalita nang matino o makisalamuha at makipag-ugnayan sa mga tao—sa pangkalahatan ay ganito ang kalikasan nilang lahat. Sa tuwirang pananalita, ang gayong mga tao ay malapit nang masiraan ng bait. Kung hindi mo kayang tanggapin ang mga salitang ito, hinihikayat kitang danasin ang mga ito. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan sa araw na ito.

Abril 2, 2022

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang pahayag na ito ay.”

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito