Kabanata 22

Ang paniniwala sa Diyos ay hindi madaling gawin. Naguguluhan ka, kinakain mo ang lahat at iniisip mo na lahat ng iyon ay lubhang kawili-wili, napakasarap! May mga iba pa ngang pumapalakpak—wala silang pagkahiwatig sa kanilang espiritu. Ito ay isang karanasan na nararapat sa inyong masusing pagpapaliwanag. Sa mga huling araw, lumilitaw ang lahat ng klase ng mga espiritu upang gampanan ang kanilang papel, na lantarang nilalabanan ang pag-unlad ng mga anak ng Diyos at nakikibahagi sa pagsira sa pagtatayo ng iglesia. Kung hindi ninyo ito sineseryoso at binibigyan ninyo si Satanas ng mga pagkakataong makaimpluwensya, guguluhin nito ang iglesia, magkakagulo at magiging desperado ang mga tao, at sa mga seryosong sitwasyon ay maglalaho ang mga pangitain ng mga tao. Sa gayon, ang maingat na pagbabayad Ko ng halaga sa loob ng maraming taon ay mauuwi sa wala.

Ang panahon na itatayo ang iglesia ay panahon din na pinakabalisa si Satanas. Malimit magsanhi ng kaguluhan at paggambala si Satanas sa pamamagitan ng ilang tao, at yaong hindi nakakakilala sa espiritu at yaong mga bagong mananampalataya ang maaaring pinakamadaling gumanap sa papel ni Satanas. Kadalasan, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kumikilos sila nang walang-pakundangan, ganap na naaayon sa sarili nilang mga kagustuhan, sa sarili nilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at sa sarili nilang mga kuru-kuro. Pigilan mo ang iyong dila—para ito sa sarili mong proteksyon. Makinig at sumunod na mabuti. Ang iglesia at lipunan ay magkaiba. Hindi mo maaaring basta sabihin ang gusto mo; hindi mo maaaring sabihin ang anumang iniisip mo. Hindi iyan maaari rito, dahil ito ang bahay ng Diyos. Hindi tinatanggap ng Diyos ang paraan ng paggawa ng mga tao sa mga bagay-bagay. Kailangan mong gawin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagsunod sa Espiritu; kailangan mong isabuhay ang mga salita ng Diyos, at sa gayon hahangaan ka ng iba. Kailangan mo munang lutasin ang lahat ng paghihirap sa iyong kalooban sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos. Wakasan ang iyong masamang disposisyon at kayanin na tunay na maunawaan ang iyong sariling kalagayan at alamin kung paano ka dapat kumilos; patuloy na makibahagi tungkol sa anumang bagay na hindi mo nauunawaan. Hindi katanggap-tanggap na hindi makilala ng isang tao ang kanyang sarili. Paghilumin mo muna ang sarili mong karamdaman, at, sa pagkain at pag-inom ng Aking mga salita nang mas madalas at pagbubulay-bulay tungkol sa mga ito, mabuhay at gawin ang iyong mga gawa batay sa Aking mga salita; nasa bahay ka man o nasa ibang lugar, dapat mong tulutan ang Diyos na gumamit ng kapangyarihan sa iyong kalooban. Iwaksi ang laman at pagiging natural. Laging hayaang magkaroon ng kapamahalaan ang mga salita ng Diyos sa iyong kalooban. Hindi kailangang mag-alala na hindi nagbabago ang buhay mo; pagdating ng panahon, madarama mo na malaki ang ipinagbago ng iyong disposisyon. Dati, sabik kang maging sikat, hindi mo sinunod ang sinuman o kaya nama’y ambisyoso ka, mapagmagaling, o mapagmataas—unti-unting maaalis sa iyo ang mga bagay na ito. Kung nais mong iwaksi ang mga iyon ngayon mismo, imposible iyan! Ito ay dahil hindi hahayaan ng dati mong pagkatao ang iba na salingin ito, napakalalim ng mga ugat niyon. Kaya, kailangan mong magsagawa ng sariling pagsisikap, positibo at aktibong sundin ang gawain ng Banal na Espiritu, gamitin ang iyong kalooban upang makipagtulungan sa Diyos, at maging handang isagawa ang Aking mga salita. Kung magkasala ka, didisiplinahin ka ng Diyos. Kapag bumalik ka at nakaunawa, maaayos kaagad ang lahat sa iyong kalooban. Kung nagsasalita ka nang walang-pakundangan, didisiplinahin kaagad ang iyong kalooban. Nakikita mo na hindi nalulugod ang Diyos sa gayong mga bagay, kaya’t kung titigil ka kaagad, daranas ka ng kapayapaan ng kalooban. May ilang bagong mananampalataya na hindi nauunawaan kung ano ang mga damdamin ng buhay o kung paano mabuhay ayon sa mga damdaming iyon. Kung minsa’y nagtataka ka, kahit wala kang nasabi, kung bakit balisang-balisa ang iyong kalooban. Sa gayong mga pagkakataon, ang iyong mga iniisip at isipan ang may mali. Kung minsan may sarili kang mga pagpapasya, sariling mga kuru-kuro at palagay; kung minsan itinuturing mo na mas hamak ang iba kaysa iyo; kung minsan makasarili ang ginagawa mong mga kalkulasyon at hindi ka nagdarasal o hindi mo sinusuri ang iyong sarili. Ito ang dahilan kaya hindi mapakali ang iyong kalooban. Marahil ay alam mo kung ano ang problema, kaya, agad kang tumatawag sa pangalan ng Diyos sa puso mo, lumalapit ka sa Diyos, at gumagaling ka. Kapag lalong nagulumihanan at nabagabag ang puso mo, talagang hindi mo dapat isipin na tinutulutan ka ng Diyos na magsalita. Dapat ay lalong pansining mabuti ng mga bagong mananampalataya ang pagsunod sa Diyos sa bagay na ito. Ang mga damdaming inilalagay ng Diyos sa kalooban ng tao ay kapayapaan, kagalakan, kalinawan, at katiyakan. Madalas, may mga taong hindi nakakaunawa, na manggugulo at kikilos nang walang-pakundangan—panggagambala ang lahat ng ito; pansinin itong mabuti. Kung madali kang magkaganito, dapat kang uminom ng “pangontrang gamot” para mapigilan ito; kung hindi, lilikha ka ng mga paggambala at hahagupitin ka ng Diyos. Huwag kang magmagaling; humugot sa mga kalakasan ng iba para mapunan ang sarili mong mga kakulangan, panoorin kung paano nabubuhay ang iba ayon sa mga salita ng Diyos; at tingnan kung nararapat tularan ang kanilang buhay, kilos, at pananalita. Kung itinuturing mong mas hamak ang iba kaysa sa iyo, ikaw ay mapagmagaling, palalo, at walang pakinabang sa iba. Ang mahalaga ngayon ay magtuon sa buhay, kumain at uminom pa ng Aking mga salita, danasin ang Aking mga salita, alamin ang Aking mga salita, gawing tunay na buhay mo ang Aking mga salita—ito ang mga pangunahing bagay. Kung hindi kaya ng isang tao na mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, lalago ba ang kanilang buhay? Hindi, hindi nito kaya. Kailangan mong mamuhay ayon sa Aking mga salita sa lahat ng oras at gawing panuntunan ng pag-uugali sa buhay ang Aking mga salita, upang madama mo na ang pagkilos ayon sa panuntunang iyon ay nakakagalak sa Diyos, at ang pagkilos sa ibang paraan ay kinamumuhian ng Diyos; at unti-unti, makakatahak ka sa tamang landas. Kailangan mong maunawaan kung ano ang nagmumula sa Diyos at kung ano ang nagmumula kay Satanas. Ang nagmumula sa Diyos ay nagbibigay sa iyo ng mas malinaw pang mga pangitain at mas naglalapit pa sa iyo sa Diyos; nagbabahagi ka ng taimtim na pagmamahal sa iyong mga kapatid, kaya mong isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at mayroon kang pusong nagmamahal sa Diyos na hindi naglalaho kailanman. Mayroong daan sa bandang unahan na iyong lalakaran. Ang nagmumula kay Satanas ay nagsasanhi ng pagkawala ng mga pangitain kasama mo, at nagsasanhi ng pagkawala ng lahat ng mayroon ka dati; napapawalay ka sa Diyos, wala kang pagmamahal sa iyong mga kapatid, at mayroon kang pusong nakakamuhi. Nagiging desperado ka, ayaw mo nang ipamuhay ang buhay-iglesia, at naglaho na ang puso mong nagmamahal sa Diyos. Kagagawan ito ni Satanas, at bunga rin ng pag-akay ng masasamang espiritu.

Ang ngayon ay isang napakahalagang sandali. Kailangan ninyong manatili sa inyong puwesto hanggang sa inyong huling rilyebo, linawin ang mga mata ng inyong espiritu upang makatukoy kayo sa pagitan ng mabuti at masama, at gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya sa pagtatayo ng iglesia. Alisin ang mga kampon ni Satanas, paggambala ng relihiyon at gawain ng masasamang espiritu. Padalisayin ang iglesia, ipatupad ang Aking kalooban nang walang balakid, at sa loob ng napakaikling panahong ito bago sumapit ang mga kalamidad, tunay na gagawin Ko kayong ganap sa lalong madaling panahon, at dadalhin kayo sa kaluwalhatian.

Sinundan: Kabanata 21

Sumunod: Kabanata 23

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito