Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos

Una, makikinig tayo sa isang himno ng mga salita ng Diyos: “Sundin ang mga Salita ng Diyos at Hindi Ka Maliligaw.”

1  Umaasa ang Diyos na makakaya ninyong kumain at uminom nang mag-isa, at lagi kayong mabubuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos, at hindi kailanman lumayo sa mga salita ng Diyos sa iyong buhay; saka ka lamang mapupuspos ng mga salita ng Diyos. Sa bawat salita at gawa mo, ang mga salita ng Diyos ang tiyak na gagabay sa iyo pasulong. Kung tapat kang lalapit sa Diyos sa ganitong antas, at palaging makikipagbahaginan sa Diyos, kung gayon ay wala kang gagawin na anuman na mauuwi sa kalituhan o mag-iiwan sa iyo na hindi alam ang gagawin. Siguradong makakatabi mo ang Diyos, lagi kang makakakilos alinsunod sa salita ng Diyos.

2  Sa bawat tao, pangyayari at bagay na nakakaharap mo, ang salita ng Diyos ay magpapakita sa iyo anumang oras, na ginagabayan ka na kumilos alinsunod sa Kanyang mga layunin at sumunod sa Kanyang salita sa lahat ng ginagawa mo. Aakayin ka ng Diyos nang pasulong sa bawat kilos mo; hindi ka kailanman maliligaw, at magagawa mong mamuhay sa bagong liwanag, na may higit at mas bagong mga kaliwanagan. Hindi mo maaaring gamitin ang mga kuru-kuro ng tao para pag-isipang mabuti ang dapat mong gawin; dapat kang pasakop sa paggabay ng salita ng Diyos, magkaroon ng malinis na puso, maging tahimik sa harapan ng Diyos, at lalo pang magbulay-bulay. Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.

3  Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, na sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.

—Pagbabahagi ng Diyos  

Katatapos ninyo lang patugtugin ang himnong “Sundin ang mga Salita ng Diyos at Hindi Ka Maliligaw.” Matapos mapakinggan ang himnong ito, nagkamit ba kayo ng anumang liwanag o landas ng pagsasagawa? Sa aling mga salita kayo nakatanggap ng inspirasyon at liwanag? “Sundin ang mga Salita ng Diyos at Hindi Ka Maliligaw”—tama ba ang mga salitang ito? Katotohanan ba ang mga ito? (Oo.) Aling mga linya mula sa himnong ito ang partikular na makakatulong sa iyong karanasan sa totoong buhay? Simulan ang pagbabasa sa linyang: “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.” (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, na sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Aling mga linya sa siniping bahaging ito ang nagbibigay ng landas ng pagsasagawa? Alin sa mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagharap sa mga sitwasyon sa totoong buhay na ipinabatid ng Diyos sa tao? Kaya ba ninyong hanapin ang mga ito? Ang mga pahayagan, lathalain, at iba’t ibang aklat na binabasa ng mga tao, lahat ng ito ay may mga bahagi na itinuturing nilang mahalaga. Aling mga bahagi ito? Ang mga bahaging pinapahalagahan ng mga tao, ang mga bahaging iniisip ng mga tao na pinakamahalaga, at ang mga bahaging nagbibigay ng mahahalagang impormasyon na kailangang malaman ng mga tao sa pang-araw-araw nilang mga buhay. Kaya aling mga bahagi sa sipi na ito ng mga salita ng Diyos ang maituturing na mahalaga? Aling mga bahagi ang nagsasaad ng mga hinihingi ng Diyos para sa mga tao? Alin ang naglalaman ng mga prinsipyong tinukoy ng Diyos para isagawa at sundin ng mga tao kapag humaharap sila sa mga sitwasyon sa pang-araw-araw nilang mga buhay? Nakikita ba ninyo kung alin ang mga ito? (Hindi masyado.) Basahin ninyo itong muli. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, na sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Nauunawaan ba ninyo ang kahulugan ng bawat linya sa siping ito? (Oo.) Isinulat sa mga simpleng salita na madaling maunawaan ang siping ito. Hindi ito abstrakto. Madaling unawain ang literal na kahulugan ng mga salitang ito, kaya ano ang prinsipyong nakapaloob sa mga ito? Mahahanap ba ninyo ito kapag binabasa ninyo ang mga salitang ito? Ano ba ang isang prinsipyo? Sa mas masaklaw na pananalita, ang mga salita ng Diyos at katotohanan ay mga prinsipyo. Subalit, medyo hungkag pakinggan kapag ganito ang pagkakasabi at medyo abstrakto pa nga. Para maging mas partikular, ang isang prinsipyo ay ang landas at batayan ng pagsasagawa na dapat mayroon ang isang tao kapag ginagawa niya ang mga bagay-bagay. Ito ang tinatawag nating isang prinsipyo. Ngayon naman, ano ang prinsipyo sa siping ito? Para maging tumpak, naglalaman ang siping ito ng landas ng pagsasagawa. Sinabi na ng Diyos sa mga tao kung papaano magsasagawa at kung papaano kikilos kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay. Basahing muli ang pahayag na ito at pakinggang mabuti ang mga salita. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, na sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Nabasa na ninyong lahat nang tatlong beses ang siping ito. Nagkaroon ba ito ng epekto sa inyo? Pagkatapos itong mabasa nang tatlong beses, may naramdaman ba kayong kakaiba kaysa noong pinapakinggan ninyo ang awiting ito nang hindi ito pinagtutuunang mabuti ng pansin gaya ng normal ninyong ginagawa? (Mayroon.) Sa siping ito, anong mga prinsipyo ng pagsasagawa ang nahahanap at naiintindihan ninyo? Anong aspeto ng katotohanan ang inilalahad dito ng Diyos? May kaugnayan ang aspetong ito ng katotohanan sa isang prinsipyo ng pagsasagawa, pero ano nga ba mismo ang prinsipyo rito? Anong uri ng mga totoong isyu ang tinatalakay nito? Tumatalakay sa totoong isyu ang unang linya—tinatalakay rito ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan. Kabilang sa mga bagay na ito na hindi ninyo nauunawaan ang mga isyung may kaugnayan sa katotohanan, sa inyong pagsasagawa, sa pagbabago ng disposisyon, sa mga problemang may kaugnayan sa larangan ng inyong trabaho at sa mga personal na kalagayang nararanasan ninyo habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, pati na ang isyu ng kung paano kikilatisin ang diwa ng mga tao, at iba pa. Talaga namang nangyayari ang gayong mga bagay sa paligid mo, at nakita at narinig mo na ang mga ito. Subalit hindi mo nauunawaan ang diwa ng mga isyung ito o ng mga katotohanang binabanggit ng mga ito, at lalong hindi mo nalalaman ang landas ng pagsasagawa at ang mga prinsipyong may kaugnayan dito. Natural lang na hindi mo rin alam ang mga layunin ng Diyos sa usaping iyon, at sa iba pang gayong mga bagay. Kapag hindi naiintindihan, nalalaman, o lubos na nauunawaan ng isang tao ang mga bagay na ito, ang mga ito ang nagiging pinakamalaki niyang suliranin, at dapat malutas ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos—“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas.” Maraming bagay ang hindi mo nauunawaan, ang mga bagay sa mundong nasa labas at ang mga bagay sa loob ng sambahayan ng Diyos. Dahil hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, ano ang dapat mong gawin? Una, dapat mong hanapin ang katotohanan at tingnan kung ano ang nakasaad sa salita ng Diyos at kung anong mga katotohanang prinsipyo ang masusumpungan doon. Dapat maingat mo itong pag-isipan, at basahin ang mga salita ng Diyos nang maraming beses. Una, hanapin mo ang realidad ng katotohanan, at pagkatapos ay unawain kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, sunod, alamin mo ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng katotohanan—sa ganoong paraan, magiging madali para sa iyo na maunawaan ang katotohanan. Ito ang proseso ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos para hanapin ang katotohanan. Kaya mo bang unawain ang mga sinabi Ko? (Oo.) Isinaayos ng Diyos ang iyong kapaligiran, at ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo. Kaya, ano ang saloobin ng Diyos patungkol dito? Makikita mo ito sa salita ng Diyos. Sinasabi sa iyo ng Diyos na huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon, huwag magmadaling bigyan ng pakahulugan ang mga bagay-bagay, magbigay ng pasya, o gumawa ng anumang paghatol. Bakit ganito? Dahil hindi mo pa nauunawaan ang pangyayaring ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Kapag sinasabi sa iyo ng Diyos na huwag kang magmadali, ano ang ibig nitong sabihin? Ibig sabihin nito ay nangyari na ang kaganapang ito, na inilatag ito ng Diyos sa harapan mo at inilagay ka sa kapaligirang ito, at napakalinaw ng saloobin ng Diyos. Sinasabi sa iyo ng Diyos na, “Hindi Ako nagmamadaling maunawaan mo nang lubos kung ano ang nangyayari sa sitwasyong ito. Hindi Ako nagmamadali na magbigay ka kaagad ng pasya, magbigay ng iyong kongklusyon, o maghain ng anumang uri ng solusyon para dito.” Hindi pamilyar sa iyo ang bagay na ito at hindi mo ito nauunawaan, isa itong bagay na hindi mo pa kailanman nakaharap, at isa itong aral na hindi mo pa natututunan, higit pa rito, wala kang kaalaman na bunga ng karanasan o tagubilin ukol dito, at hinding-hindi mo pa ito naranasan noon, kaya hindi ka pinagmamadali ng Diyos na makaisip ng sagot para dito. Itinatanong ng ilang tao: “Dahil isinaayos na ng Diyos ang kapaligirang ito, bakit hindi Siya nagmamadaling makita ang mga resulta nito?” Nakikita rin dito ang mga layunin ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapaligiran ay hindi para makabuo ka kaagad ng teoretikal na paghatol o kongklusyon tungkol dito. Gusto ng Diyos na maranasan mo ang gayong kapaligiran at pangyayari, at gusto Niyang maunawaan mo ang mga tao, pangyayari, at bagay na nilalaman nito, nang sa gayon ay matutunan mo ang aral ng pagpapasakop sa Diyos. Sa sandaling matamo mo na ang gayong pagkaunawa at personal na karanasan, magiging makabuluhan sa iyo ang pangyayaring ito, at magkakaroon ito ng malaking saysay at halaga para sa iyo. Sa bandang huli, pagkatapos mong maranasan ang bagay na ito, ang matatamo mo ay hindi isang teorya, kuru-kuro, imahinasyon, o paghatol, ni hindi nga isang kaalamang buhat sa karanasan o isang aral na ibinuod ng tao, kundi isang personal, at direktang karanasan, at tunay na kaalaman ukol dito. Magiging malapit ang kaalamang ito sa katotohanan o magiging alinsunod ito sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagdanas sa gayong mga bagay, makikita mo na ang saloobin ng Diyos ukol sa tao ay napakalinaw at ipinahayag sa paraang madaling maintindihan. Para sa Diyos, hindi Siya nagmamadali na ibigay mo kaagad ang iyong sagot o ipasa ang iyong tugon. Gusto ng Diyos na maranasan mo ang kapaligirang ito. Ito ang saloobin Niya. At dahil ito ang saloobin ng Diyos, mayroon Siyang hinihingi at pamantayan para sa tao. Ang pamantayang ito ay isang prinsipyong dapat isagawa ng mga tao. Ano ba ang isang prinsipyo ng pagsasagawa? Ito ang hakbangin, metodo, at mga kaparaanan na ginagamit mo kapag nahaharap ka sa isang partikular na pangyayari. Kapag nauunawaan mo ang layunin at saloobin ng Diyos ukol sa isang pangyayari, dapat mong isagawa ang mga hinihingi ng Diyos. At ano ang mga hinihingi sa iyo ng Diyos? Sinabi ng Diyos na, “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.” May ibig sabihin sa likod ng “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon”. Kaya bakit nagtatakda ang Diyos ng gayong hinihingi at pamantayan sa tao? Malinaw ba sa inyo ang puntong ito? Ito ay dahil isa kang ordinaryong tao. Hindi ka isang superman, ang pag-iisip mo ay katulad ng sa isang normal na tao. Isa kang pangkaraniwang tao. Kahit mabuhay ka pa nang hanggang apatnapu, limampu, o kahit walumpung taon, patuloy ka pa ring lalago. Hindi ka habambuhay na mananatili sa kalagayang gaya noong ipinanganak ka. Ang kasalukuyan mong mga karanasan, mga karanasan batay sa kaalaman, pagkaunawa, ang mga bagay na nakikita at naririnig mo, ang mga karanasan mo sa buhay, at iba pa—lahat ng ito—pati na ang lahat ng bagay na nalalaman at nauunawaan mo sa iyong puso at isip, ito ang lahat ng naipong mga resultang bunga ng ilang taon na pag-unlad. Ang tawag dito ay normal na pagkatao. Ito ang proseso ng normal na paglago ng tao na itinakda ng Diyos para sa tao at ito ay isang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Kaya, kapag may nakaharap kang isang bagay na hindi mo nauunawaan, isang bagay na hindi pamilyar sa iyo, hindi hinihingi ng Diyos na magbigay ka kaagad ng sagot dito, at tumugon nang napakabilis sa bagay na ito na para bang isa kang robot. Dahil sabay-sabay na ipinapasok ng isang robot ang lahat ng impormasyon sa memorya nito, kapag hiningan mo ito ng sagot, tumutugon ito pagkatapos ng isang paghahanap—basta’t matatagpuan ang sagot sa memorya nito. Hindi ito katulad ng sa mga normal na tao. Kahit kapag naranasan na nila ang isang bagay noon, hindi ibig sabihin na nasa memorya na nila ito kaagad. Pagdating sa mga tao, tanging ang mga bagay na may kaugnayan sa normal na pagkatao gaya ng kaalamang batay sa karanasan, mga eksperyensya, karanasan sa buhay, at tunay na direktang kaalaman ang kaibahan nila sa mga superman, robot, at taong may ispesyal na kapangyarihan.

Nagtakda ang Diyos ng mga hinihingi at pamantayan para sa mga tao batay sa kung ano ang kailangan at nararapat taglayin ng mga may normal na pagkatao, at itinuro Niya ang isang landas ng pagsasagawa. Ano ang landas na ito ng pagsasagawa? Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan. Sinasabi nito sa iyo na walang silbing magmadali kang makahanap ng mga solusyon. Bakit? Isa ka lamang ordinaryong tao. Bagama’t maaaring may kaunti kang kaalamang batay sa karanasan at pagkaunawa mula sa mga dati mong karanasan, kung mangyayari ulit ang ganoong bagay sa hinaharap, baka hindi mo magawang lubos na maintindihan ang mga layunin ng Diyos, magsagawa nang ganap na alinsunod sa katotohanan, o makakuha ng matataas na marka. Mas malamang na hindi mo magawa ang mga ito pagdating sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, kaya sa mga pagkakataong iyon, lalong hindi ka dapat magmadali na makahanap ng solusyon. Ano ang ipinapaunawa sa mga tao ng tagubiling huwag mabalisa na makahanap ng mga solusyon? Ang punto rito ay ang maipaunawa sa mga tao kung ano ang normal na pagkatao. Hindi katangi-tangi, di-pangkaraniwan, o espesyal ang normal na pagkatao. Ang pagkaunawa, kaalamang batay sa karanasan, pagkilala, at pagkakaintindi ng mga tao ukol sa iba’t ibang bagay, pati na ang kanilang mga pananaw ukol sa diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, ay nakakamit lahat sa pamamagitan ng kanilang pagdanas sa iba’t ibang kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay. Ito ang normal na pagkatao. Walang espesyal tungkol sa bagay na ito, at isa itong pagsubok na hindi maiiwasan ninuman. Kung nais mong higitan ang mga kautusang ito na ginawa ng Diyos para sa tao, hindi magiging normal iyon. Sa isang banda, ipapakita lamang nito na hindi mo alam kung ano ang normal na pagkatao. At sa kabilang banda, ibubunyag nito ang labis mong kayabangan at kawalan ng praktikalidad. Sinabihan na ng Diyos ang mga tao na huwag mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. At dahil isa kang normal na tao, kailangan mo ang Diyos para magsaayos pa ng mas maraming kapaligiran para sa iyo, nang sa gayon ay maranasan, maunawaan, at makilala mo ang katiwaliang ipinapakita ng tao roon, at para maunawaan mo rin ang mga kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito. Ito ang dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao. Kaya ngayon, anong landas ng pagsasagawa ang makikita sa “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan”? (Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.) Kapag nahaharap sa isang sitwasyon ang isang tao at hindi niya lubos na maintindihan o maunawaan ang kalikasan nito, kapag hindi pa niya ito kailanman nakaharap o napag-isipan, at kapag imposible para sa kanya na pag-isipan man lang kung paano lutasin ang bagay na ito sa pamamagitan ng pagsalalay sa kuru-kuro ng tao, ano ang dapat niyang gawin? Ano ang prinsipyong hinihingi ng Diyos? (Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.) Hinihingi ito ng Diyos sa iyo, kaya paano ka ba dapat magsagawa? Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa pagharap sa gayong mga bagay? Kapag nakakaharap ng mga taong may taglay na normal na pagkatao ang mga bagay na hindi nila lubusang maunawaan, hindi maintindihan, at wala silang anumang karanasan ukol dito, o kahit ang mga sitwasyon na wala silang anumang magawa, dapat muna silang magkaroon ng wastong saloobin at sabihing, “Hindi ko naiintindihan, hindi ko lubusang maunawaan, at wala akong anumang karanasan ukol sa ganitong uri ng bagay, hindi ko rin alam kung ano ang aking gagawin. Isa lamang akong ordinaryong tao, kaya may mga limitasyon sa kung ano ang kaya kong makamit. Hindi nakakahiya kung hindi ko man lubos na maunawaan o maintindihan ang ilang bagay, at lalong hindi nakakahiya kung wala man akong karanasan sa mga ito.” Kapag napagtanto mo na hindi ito nakakahiya, iyon na ba ang katapusan ng problema? Malulutas na ba ang problema? Ang hindi pag-aalala na mabigyan ng kahihiyan ang iyong sarili ay isa lamang pagkaunawa at saloobin na maaaring iukol ng mga tao sa gayong mga bagay. Hindi ito katulad ng pagsasagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya paano makapagsasagawa ang isang tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos? Sabihin nang iniisip mo na, “Hindi ko pa kailanman naranasan ang ganitong uri ng bagay, at hindi ko ito lubusang maunawaan. Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng pagsasaayos ng Diyos ng gayong kapaligiran, o kung ano ang kalalabasang dapat nitong makamit. Hindi ko rin alam ang saloobin ng Diyos. Samakatuwid, wala akong makitang dahilan para intindihin ko pa ito. Hahayaan ko na lang ito, at hindi papansinin”—ano ang masasabi mo sa gayong saloobin? Saloobin ba ito ng paghahanap ng katotohanan? Saloobin ba ito ng pagsasagawa ayon sa mga layunin ng Diyos? Saloobin ba ito ng pagsunod sa salita ng Diyos? (Hindi.) Kapag nahaharap ang ibang tao sa gayong sitwasyon, iniisip nila na, “Hindi ko lubusang maunawaan o maintindihan ang bagay na ito, at hindi ko pa ito kailanman naranasan. Hindi ito kailanman naituro sa mga klase ko sa unibersidad. May master degree ako, isang Ph.D., at nagtrabaho pa nga ako bilang propesor—kung hindi ko ito maunawaan, sino pa kaya ang makakaunawa rito? Hindi ba’t masyadong nakakahiya na malaman ng lahat ng tao na hindi ko ito lubos na maunawaan at na wala akong karanasan ukol dito? Hindi ba’t hahamakin nila akong lahat? Hindi, hindi ko maaaring sabihin na isa itong bagay na hindi ko lubusang maunawaan. Dapat kong sabihin na, ‘Hinggil sa ganitong mga bagay, bumaling ka sa salita ng Diyos, maghanap, at makikita mo ang kasagutan.’ Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa amining hindi ko lubusang maunawaan o maintindihan ang mga ito.” Ano ang masasabi ninyo sa ganitong saloobin? (Hindi ito maganda.) Ano ba ang tingin ng taong ito sa sarili niya? Ang tingin niya sa sarili niya ay isang santo, isang perpektong tao. Iniisip niya, “May mga bagay nga kayang hindi lubusang nauunawaan o naiintidihan ng isang kagaya kong kagalang-galang na estudyante sa unibersidad, isang kilalang iskolar, may masters degree at Ph.D., at isang dakila at sikat na tao? Imposible! At kung mayroon man, isa itong bagay na walang sinuman sa inyo ang makakaunawa, kaya hindi iyon problema. Kahit hindi ko pa ito lubos na maunawaan, siguradong hindi ako papayag na malaman ninyo iyon. ‘Hindi ko ito lubusang maunawaan,’ ‘hindi ko maintindihan,’ ‘hindi ko kaya,’ ang gayong mga salita ay hinding-hindi dapat lumabas sa aking bibig!” Anong uri ng tao ito? (Isang mapagmataas na tao.) Isa itong taong mapagmataas at palalo na wala sa katwiran. Kung babasahin ng ganitong uri ng tao ang mga salitang “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan,” magtatamo ba siya ng landas ng pagsasagawa? Makakatanggap kaya siya ng kislap ng inspirasyon? Kung hindi, mawawalang saysay ang pagbabasa niya ng mga salitang ito. Payak ang pagkakasulat sa mga salitang ito at madaling unawain, kaya bakit hindi nila maunawaan ang mga ito? Walang silbi ang mahabang panahong iyon na ginugol mo sa pag-aaral at pagkatuto ng mga salita. Kung hindi mo man lang maunawaan ang simple at tuwirang mga salitang ito, tunay na wala kang silbi!

Ngayon, tingnan ulit natin kung anong landas ng pagsasagawa ang nakapaloob sa linyang “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.” Una sa lahat, dapat kang magkaroon ng saloobing hindi nababalisa sa paghahanap ng mga solusyon, sa halip, kilalanin mo muna kung ano ang maaaring makamit ng likas mong mga kakayahan, kilalanin kung ano ang normal na pagkatao, at unawain kung ano ang ibig ipakahulugan ng Diyos kapag nagsasalita Siya tungkol sa normal na pagkatao. Dapat mong maunawaan kung ano talaga ang ibig ipakahulugan ng Diyos kapag sinasabi Niya na ayaw Niyang maging mga superman o espesyal, at di-pangkaraniwang indibidwal ang mga tao, at na gusto lang Niyang maging mga regular na tao ang mga ito. Dapat mo munang maunawaan ang mga bagay na ito. Walang saysay na magkunwaring nalalaman mo ang mga bagay na hindi mo naman talaga nauunawaan. Kahit gaano ka pa magkunwari, hindi mo pa rin malalaman ang mga ito. Kahit maloko mo pa ang iba, hindi mo malilinlang ang Diyos. Kapag nangyayari sa iyo ang gayong mga bagay, kung hindi mo nauunawaan ang mga iyon, sabihin mo na lang na hindi mo nauunawaan ang mga iyon. Dapat magkaroon ka ng tapat na saloobin at madasaling puso, at hayaan ang mga taong nasa paligid mo na makita na may mga bagay na hindi mo alam at hindi mo lubusang nauunawaan, mga bagay na hindi mo pa naranasan, at na ikaw ay isa lamang ordinaryong tao, walang ipinagkaiba sa iba pang tao. Walang nakakahiya roon. Pagpapamalas ito ng normal na pagkatao, at dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Pagkatapos mong tanggapin ang katunayang ito, ano na ang kasunod? Sabihin mo ito sa lahat, sabihin mong, “Hindi ko pa naranasan ang bagay na ito kailanman, hindi ko ito lubusang maunawaan, at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Katulad lang ninyo ako, bagama’t posibleng nahihigitan ko kayo sa isang aspeto: Nakita ko na ang liwanag at nahanap ko na ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, may pag-asa ako, at alam ko kung paano magsasagawa.” Saan nakasalig ang pag-asang ito? Nakasalig ito sa mga salita ng Diyos na: “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Ibig sabihin nito ay isapuso ang usapin, at dalhin ito sa harapan ng Diyos paminsan-minsan para siyasatin. Dapat mong isapuso ang usapin, gawin mo itong isang uri ng obligasyon para maunawaan mo ang katotohanan at ang layunin ng Diyos na nakapaloob dito, at gawin mo itong responsabilidad mo at ang direksyon at pakay ng iyong paghahanap. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, lalapit ka sa Diyos, magagawa mong lutasin ang problema mo, at makakapasok ka sa realidad ng mga salitang ito. Paano mo ba ito dapat partikular na isagawa? Dapat kang lumapit sa Diyos para manalangin at maghanap, at dapat ka ring maghanap ng mga oportunidad para ibahagi ang bagay na ito habang nagbabahagi ka sa mga pagtitipon, at para makipagniig tungkol dito kasama ng lahat at pagbulay-bulayan ito nang magkakasama. “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Dapat maging tapat at totoo ang iyong puso. Hindi mo dapat iraos lang ito at hindi ka dapat kumilos nang pabasta-basta, at dapat totoo sa puso mo ang mga bagay na sinasabi mo. Dapat tumanggap ka ng pasanin ukol sa bagay na ito, at magkaroon ng pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, na gustong maunawaan ang layunin ng Diyos sa bagay na ito at makita kung ano talaga ang diwa ng bagay na ito, habang ninanais na lutasin ang mga problema at kalituhan na kinakaharap ng mga tao kapag nakahaharap nila ang bagay na ito, pati na ang mga problemang tulad ng sarili mong tiwaling disposisyon o ang iba’t ibang abnormal na kalagayan. “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Isa itong kumpletong landas ng pagsasagawa na sinabi ng Diyos sa tao. Ano ang nakikita mo sa linyang ito? Na sa isang banda, ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapaligiran para sa tao ay para hayaan ang mga tao na maranasan ang iba’t ibang bagay sa napakaraming paraan, para matuto ng mga aral mula sa mga ito, para makapasok sa iba’t ibang katotohanang realidad na nakapaloob sa salita ng Diyos, para pagyamanin ang mga karanasan ng mga tao, at para tulungan silang makapagtamo ng isang mas komprehensibong pagkaunawa sa iba’t ibang aspeto ng Diyos, ng kanilang sarili, ng kanilang kapaligiran, at ng sangkatauhan. Sa kabilang banda naman, gusto ng Diyos na panatilihin ng mga tao ang isang normal na kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng pangangasiwa ng ilang natatanging kapaligiran at pagsasaayos ng ilang espesyal na aral para sa kanila. Sa ganitong paraan, mas mapapadalas ang paglapit ng mga tao sa Kanya, sa halip na namumuhay sila sa isang kalagayan na wala silang kinikilalang Diyos, sinasabi nilang naniniwala sila sa Diyos, pero kumikilos naman sa paraan na walang kaugnayan sa Diyos o sa katotohanan, na hahantong sa gulo. Samakatuwid, sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, may pag-aatubili at pasibong dinadala ng Diyos Mismo ang mga tao sa Kanyang harapan. Ipinapakita nito ang maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos. Kapag mas kulang ang iyong pag-unawa sa isang partikular na bagay, mas dapat kang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos at maka-Diyos, at madalas kang lumapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin at ang katotohanan. Kapag hindi mo nauunawaan ang mga bagay-bagay, kailangan mo ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, kailangan mong hilingin sa Diyos na higit na gumawa sa iyo. Ito ang maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos. Kapag mas lumalapit ka sa Diyos, mas lalong mapapalapit ang puso mo sa Diyos. At hindi ba totoo na kapag mas malapit ang puso mo sa Diyos, mas lalong mananahan dito ang Diyos? Kapag mas nasa puso ng isang tao ang Diyos, mas nagiging mabuti ang kanyang paghahangad, ang landas na kanyang tinatahak, at ang kalagayan ng kanyang puso. Kapag mas malapit ang kaugnayan mo sa Diyos, mas magiging madali para sa iyo na lumapit nang madalas sa Diyos para ialay ang tapat mong puso, at mas magiging tunay ang iyong pananampalataya sa Diyos. Kasabay niyon, magkakaroon ng disiplina ang iyong buhay, mga kilos, at asal. Paano lumilitaw ang gayong disiplina? Lumilitaw ito kapag madalas na nananalangin ang mga tao sa Diyos, hinahanap ang katotohanan, at tinatanggap ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kaya, sa anong konteksto at sa anong mga kondisyon maaaring tanggapin ng isang tao ang pagsisiyasat ng Diyos? (Kapag mayroon siyang normal na kaugnayan sa Diyos.) Tama iyan, kapag mayroon siyang normal na kaugnayan sa Diyos. Kung may normal kang kaugnayan sa Diyos, hindi ba’t mangangahulugan ito na nasa puso mo ang Diyos at malapit na malapit ka sa Kanya? Mangangahulugan ito na laging may puwang ang Diyos sa puso mo, at na inookupa ng Diyos ang isang napakaprominenteng posisyon sa puso mo. Bunga nito, lagi mong iisipin ang Diyos, iisipin ang salita ng Diyos, iisipin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, iisipin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at iisipin ang lahat ng bagay na sa Diyos. Sa madaling salita, ang Diyos ang mag-uumapaw sa puso mo, at magkakaroon ang Diyos ng napakataas na posisyon sa puso mo. Kung ang Diyos ang pumupuno sa puso mo, magkakaroon ka ng normal na kaugnayan sa Diyos, magagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at kasabay nito, magkakaroon ka rin ng may-takot-sa-Diyos na puso. Saka mo lamang magagawang kumilos nang may disiplina. Isang simpleng pangungusap ang “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas,” pero naglalaman ito ng patung-patong na kahulugan. Naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at ang saloobin na hinihingi ng Diyos sa mga tao sa kanilang pagkilos, habang ipinababatid din ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya naman, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Na huwag kang sumuko, tumakas, o magkaroon ng saloobing walang pakialam sa mga bagay na nangyayari sa iyo. Ano ang dapat mong gawin kung nahaharap ka sa isang bagay na hindi mo naiintindihan at lubos na nauunawaan, o hindi mo mapagtagumpayan, o nakapagpapahina pa nga sa iyo? Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon. Hindi pinupuwersa ng Diyos ang mga tao nang higit sa kanilang mga abilidad. Hindi kailanman hinihingi ng Diyos sa mga tao na gawin ang mga bagay na higit sa kakayahan ng tao. Ang mga ipagagawa ng Diyos sa iyo at ang mga bagay na hinihingi Niya sa iyo ay pawang mga bagay na maaaring makamit, matamo, at maisakatuparan ng mga taong may normal na pagkatao. Samakatuwid, hinding-hindi hungkag o malabo ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa tao. Ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay isa lamang pamantayan na sumasaklaw sa kung ano ang maaaring makamit ng mga taong may normal na pagkatao. Kung lagi mong susundin ang iyong mga imahinasyon, at gusto mong maging mas mahusay, magaling, at may kakayahan kaysa sa iba, kung gusto mong laging higitan ang iba, kung gayon ay nagkamali ka ng pagkaunawa sa ibig ipakahulugan ng Diyos. Madalas na ganito ang mga mapagmataas at mapagmagaling na tao. Sinasabi ng Diyos na huwag mabalisa na makahanap ng mga solusyon, sinasabi Niyang hanapin ang katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo, pero hindi isinasaalang-alang nang mabuti ng mga mapagmataas at mapagmagaling na tao ang mga hinihinging ito ng Diyos. Sa halip, ipinagpipilitan nilang subukang isakatuparan ang mga bagay sa isang bugso ng lakas at enerhiya, na gawin ang mga bagay sa maayos at magandang paraan, at higitan ang iba sa isang kisap-mata. Gusto nilang maging superman at ayaw nilang maging ordinaryong tao. Hindi ba’t sumasalungat ito sa mga batas ng kalikasan na inilatag ng Diyos para sa tao? (Oo.) Halata namang hindi sila mga normal na tao. Wala silang normal na pagkatao, at masyado silang mapagmataas. Binabalewala nila ang mga hinihingi na nasa saklaw ng normal na pagkatao na inilatag ng Diyos para sa sangkatauhan. Binabalewala nila ang mga pamantayan na maaaring maabot ng mga taong may normal na pagkatao na itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Samakatuwid, hinahamak nila ang mga hinihingi ng Diyos at iniisip na, “masyado namang mababa ang mga hinihingi ng Diyos. Paanong magiging normal na tao ang mga mananampalataya sa Diyos? Dapat mga katangi-tangi silang mga tao, mga indibiduwal na nangingibabaw at nakahihigit sa mga regular na tao. Dapat mga dakila at bantog silang tao.” Binabalewala nila ang mga salita ng Diyos, iniisip na bagama’t tama at katotohanan ang mga salita ng Diyos, masyadong karaniwan at ordinaryo lang ang mga ito, kaya hindi nila pinapansin ang Kanyang mga salita at hinahamak nila ang mga ito. Pero sa mga normal at ordinaryong salitang ito mismo na lubhang hinahamak ng mga diumano’y superman at dakilang tao, itinuturo ng Diyos ang mga prinsipyo at landas na dapat sundin at isagawa ng mga tao. Lubhang tapat, obhektibo, at praktikal ang mga salita ng Diyos. Hindi talaga mataas ang hinihingi ng mga ito sa mga tao. Lahat ng ito ay mga bagay na kaya at dapat makamit ng mga tao. Hangga’t may kaunting normal na katwiran ang mga tao, hindi sila dapat mag-alangan, sa halip ay dapat nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan nang matatag, gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin, mamuhay sa harapan ng Diyos, at ituring ang katotohanan bilang prinsipyo ng kanilang pag-uugali at mga kilos. Hindi sila dapat maging sobrang ambisyoso. Sa linyang “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas,” dapat mas maunawaan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at na ang mga katotohanan ang mga prinsipyong dapat isagawa ng mga tao. Sino ang tinutukoy dito na “mga tao”? Tumutukoy ito sa mga normal na tao na may normal na katwiran at normal na panghusga, na nagmamahal sa mga positibong bagay, at nakauunawa kung ano ang obhektibo, ang praktikal, ang pangkaraniwan, at ang ordinaryo. Namnamin mo munang mabuti ang mga salitang “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas.” Bagama’t payak at ordinaryo ang mga salitang ito, inilalarawan ng mga ito ang isang bagay na dapat magawa ng mga taong taglay ang katwiran ng normal na pagkatao at ang mga ito rin ang katotohanang prinsipyo na pinakanararapat isagawa ng isang taong may normal na pagkatao kapag nahaharap siya sa mga paghihirap sa totoo niyang buhay. Mga katotohanan ito na pinakakinakailangan ng mga taong nagtataglay ng katwiran ng normal na pagkatao. Hinding-hindi hungkag ang mga salitang ito. Maraming beses na ninyong inawit at pinakinggan ang mga ordinaryong salitang ito, pero wala ni isa sa inyo ang tumuring sa mga salitang ito bilang mga katotohanan na dapat pagbulay-bulayang mabuti at matiyagang pagbahaginan. Sa ganitong gawi, sinayang ninyo ang mahahalagang salitang ito. Sa katunayan, naglalaman ang mga salitang ito ng mga layunin ng Diyos, ng mga paalala at payo ng Diyos sa mga tao, at ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Napakaraming nilalaman ng mga ito. Ang mga tao ay walang puso at hindi makatwiran, at itinuturing nilang mga ordinaryong salita ang mga salitang ito; hindi nila pinapahalagahan, pinagbubulay-bulayan o isinasagawa ang mga ito, at sino ang mga magdurusa at mawawalan sa huli dahil dito? Ang mga tao mismo. Hindi ba’t isa itong aral?

Napakadali para sa mga normal na tao na isagawa ang mga hinihingi na itinakda ng Diyos sa siping ito. Walang mahirap o nakakapagod tungkol sa pagsasagawang ito, at epektibo ito. Sa huli, mabibigyang-kakayahan ka nitong unti-unting lumago at umusad. Siyempre, pagkatapos mong maisagawa ang prinsipyong “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso,” uusad ka pagdating sa katotohanan, sa pagbabago sa disposisyon, sa pagkaunawang nakakamit mo mula sa pagdanas ng iba’t ibang kapaligiran, at iba pa. Napakaganda ng mga salitang ito! Kung may katwiran ang mga tao at kung isinasagawa nila ang mga salitang ito, sa ilalim ng patnubay at direksyon ng mga salita ng Diyos, malalaman nila kung ano ang mga layunin ng Diyos kapag isinasaayos Niya ang iba’t ibang kapaligiran. Pagkaraan ng ilang panahon, magagawa na nilang anihin ang mga gantimpala, magtamo ng karanasan, at maunawaan ang katotohanan sa mga kapaligirang iyon. Kapag umaani ka ng gayong mga gantimpala, malalaman mo kung bakit isinaayos ng Diyos ang mga kapaligirang ito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang ninanais ng Diyos na matamo ng mga tao mula sa mga ito. Dagdag pa rito, unti-unting malalantad at mabubunyag ang lahat ng maling daan na tinatahak ng mga tao, ang mga hadlang na nararanasan nila, ang mga baluktot na pagkaunawang kinikimkim nila, ang mga di-makatotohanang ideya na taglay nila, ang mga kuru-kuro at paglaban sa Diyos na lumitaw sa kalooban nila, at iba pa, habang nararanasan nila ang mga kapaligirang ito. Positibo o negatibo man ang mga bagay na ito, mangangailangan ng ilang panahon ng karanasan para malinaw na makita at maunawaan ang mga bagay na nalantad at nabunyag sa pamamagitan ng mga kapaligirang ito. Sa ganitong paraan, natutupad ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos na “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.” Ibig sabihin, kapag isinasaayos ng Diyos ang isang bagay na hindi mo makilatis o maunawaan nang lubusan, at hindi mo pa naranasan noon, hindi makakamit sa loob lang ng ilang araw ang mga bagay na gusto ng Diyos na maunawaan, matamo, at personal mong maranasan mula sa sitwasyong iyon. Sa pagdaan lamang ng ilang panahon at sa pamamagitan ng direksyon, kaliwanagan, at patnubay ng Diyos sa bawat hakbang na unti-unti kang magtatamo ng pagkaunawa at magkakamit ng mga resulta. Hindi ito katulad ng inaakala ng mga tao, hindi mo biglang mauunawaan ang lahat ng bagay sa isang bugso ng kaliwanagan o malalaman kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa isang iglap lamang ng pahiwatig. Hindi ginagawa ng Diyos ang gayong mga bagay sa pamamagitan ng mga mahiwagang paraan, hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Ganito gumagawa ang Diyos. Itinutulot ng Diyos na maranasan mo ang mga sanhi at bunga ng isang sitwasyon, at unti-unti mong matatanto: “Ganito pala ang diwa ng ganitong uri ng tao, at ganito pala ang realidad at diwa ng ganoong bagay, at natutupad nito ang mga partikular na linya ng salita ng Diyos. Nauunawaan ko na sa wakas kung ano ang ibig ipakahulugan ng Diyos nang sabihin Niya iyon. Nauunawaan ko na sa wakas kung bakit sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay tungkol sa ganitong mga isyu at ganoong mga tao.” Itinutulot ng Diyos na matanto mo ang mga iyon sa pamamagitan ng iyong mga karanasan. Hindi ba’t inaabot ng ilang panahon bago mapagtanto ang mga bagay na ito? (Oo.) Ang kaalamang natatamo mo at ang mga katotohanang naunawaan mo sa paglipas ng ilang panahon ng karanasan ay hindi mga doktrina o teoretikal na bagay, kundi mga personal mong karanasan at tunay na kaalaman. Ito ang katotohanang realidad na papasukin mo. Narito ang sanhi at ang pinagmulan ng mga salita ng Diyos na “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.” Kapag itinutulot ng Diyos na umani ka ng mga gantimpala mula sa mga pangyayaring nararanasan mo, ayaw Niyang sumailalim ka lang sa isang proseso o matuto ng isang teorya, bagkus ay nais Niya na ikaw ay magtamo ng pagkaunawa, ng ilang kaalaman, ng positibong pananaw, at ng tamang pamamaraan sa pagsasagawa. Bagama’t iilang linya lang ang nilalaman ng pahayag na ito at kaunti lang ang nilalaman nito, napakahalaga ng mga hinihingi na inilalatag ng Diyos sa pahayag na ito at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na ibinibigay Niya sa mga tao sa pamamagitan nito. Hindi dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos gamit ang parehong saloobin na mayroon sila sa kaalaman ng tao at mga doktrina. Upang maisagawa ang mga salita ng Diyos, dapat mayroon kang mga prinsipyo. Ibig sabihin nito ay dapat magkaroon ka ng isang prinsipyo, isang pamamaraan, na isasagawa kapag nahaharap ka sa isang partikular na sitwasyon. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan. Ito ang tinatawag nating isang prinsipyo. Samakatuwid, hindi ito mga simpleng salita lang. Bagama’t ang pagkakapahayag at pagkakapresenta sa mga ito ay payak at mauunawaan ng lahat, at madaling maintindihan ang mga salita, at wala itong magagara at mabubulaklak na wika, o mga eleganteng termino, o sopistikadong mga pahayag, at tiyak na hindi sinasalita ang mga ito nang may tonong nanghahamak, sa halip, ang mga ito ay mga sinserong payo at mga hinihingi na sinalita nang harap-harapan at taos-puso, sinasabi talaga ng mga ito sa mga tao ang mga pinakamahalagang prinsipyo at landas ng pagsasagawa.

Hinding-hindi sineseryoso ng maraming tao ang mga pinakaordinaryong salita na sinabi ng Diyos. Ang malalalim at mahihiwagang salita lamang na sinasabi ng Diyos ang itinuturing nila na Kanyang mga salita. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng baluktot na pagkaunawa? Ang bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Mga ordinaryong salita man ang mga ito o malalalim na salita, lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng mga katotohanan at hiwaga, at nangangailangan ng ilang taon ng karanasan at isang partikular na tayog para maunawaan at malaman ang mga ito. Tulad na lamang ng mabubuti at mahahalagang salita ng Diyos na nakapaloob sa himnong kaaawit lang ninyo—walang sumiseryoso sa mga salitang iyon. Bagama’t isinamusika ang mga ito at ilang taon na itong inaawit ng lahat, walang nakatuklas sa pinakamahalagang prinsipyong ito ng pagsasagawa na nakapaloob sa mga ito. Kahit may nararamdaman pa ang ilang tao sa kanilang kamalayan na tila sinasabihan sila ng mga salita ng Diyos na, “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso,” at nararamdaman nilang ito ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, sino nga ba ang tunay na nagsagawa, nagsakatuparan, at pumasok sa realidad ng mga salitang ito ng Diyos sa totoo nilang buhay? May nakagawa ba nito? (Wala.) Walang nakagawa nito. Ang mga salitang ito ng Diyos ay napakasimple, pero walang makasunod sa mga ito. Hindi ba’t may mahalagang problema na nakapaloob dito? (Mayroon, ipinapakita nito na tutol ang mga tao sa katotohanan.) May iba pa ba? (Napakapraktikal ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos sa atin. Pawang mga salita ito ng prinsipyo. Pero hindi namin sineryoso ang mga salita ng Diyos, hindi namin binigyang-atensyon ang mga ito, at hindi namin isinagawa ang mga ito.) Paano ba ninyo karaniwang binabasa ang mga salita ng Diyos? (Kapag binabasa namin ang mga salita ng Diyos, karaniwan ay pinapahapyawan lang namin ng basa ang mga ito. Pagkatapos naming maunawaan ang literal na kahulugan ng mga salita, iyong kasunod na ang babasahin namin. Hindi namin nauunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga salitang iyon o kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat naming isagawa. Hindi namin pinagbulay-bulayan nang mabuti ang mga ito nang ganyan.) Tumugon kayo gamit ang ilang teoretikal na ideya at mukhang tama naman ang mga sinasabi ninyo, pero hindi ninyo makilatis kung ano talaga ang ugat nito, na ito ay dahil hindi pinapahalagahan ng mga tao ang salita ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, matutuklasan mo ang mga kayamanan, ginto, at diyamante na nakapaloob sa mga ito at tatamasahin mo ang mga bagay na ito habambuhay. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makukuha ang mga kayamanang ito. Ano ba ang ibig sabihin ng hindi pahalagahan ang mga salita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay hindi mo pinakaiingatan ang mga salita ng Diyos. Pakiramdam mo ay napakarami ng mga salita ng Diyos, at na ang lahat ng iyon ay katotohanan, at hindi mo alam kung alin ang mga dapat mong pahalagahan. Pakiramdam mo ay ordinaryo itong lahat, at problema ito kung gayon. Ano ba ang ibig sabihin na pahalagahan ang mga salita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay alam mong katotohanan lahat ang mga salita ng Diyos, at na ang mga katotohanang ito ang pinakakapaki-pakinabang at pinakamahalagang kayamanan para sa buhay at pamumuhay ng mga tao. Ibig sabihin nito ay tinatrato mo ang mga salita ng Diyos bilang mga kayamanan na masyado mong minamahal at hindi mo maiiwan. Ang ganitong saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos ay tinatawag na pagpapahalaga. Ang pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos ay nangangahulugang natuklasan mo na pinakamahalagang kayamanan ang lahat ng salita ng Diyos, na ang mga ito ay isandaan, isanlibong beses na mas mahalaga kaysa sa mga kasabihan sa buhay ng sinumang sikat o dakilang tao. Ibig sabihin nito ay natamo mo na ang katotohanan ng mga salita ng Diyos at nadiskubre mo na ang mga pinakadakila at pinakamahalagang kayamanan sa buhay. Makakatulong sa iyo ang pagtatamo ng mga kayamanang ito para mapataas ang iyong halaga at matamo mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kadahilanang ito, lalo mong pahahalagahan ang mga katotohanang ito. Magbibigay Ako ng halimbawa nito sa totoong buhay. Sabihin nang bumili ang isang babae ng magandang damit, at pagkauwi niya ng bahay, isinuot niya ito sa harap ng salamin. Habang tinitingnan ang kanyang sarili sa kaliwa at sa kanan, iniisip niya: “Napakaganda ng damit na ito, maganda ang tela nito, mahusay ang pagkakayari nito, at komportable ito at malambot suotin. Napakapalad ko naman para makabili ng ganito kagagandang mga damit. Ito ang paborito kong damit pero hindi ko ito masusuot sa lahat ng pagkakataon. Susuotin ko ito kapag dadalo ako sa magagarbong pagdiriwang at kapag makakasalamuha ko ang mga pinakatanyag na tao.” Kapag may libre siyang oras, madalas niyang inilalabas ang damit para hangaan ang ganda nito at isukat ito. Pagkaraan ng anim na buwan, ganoon pa rin siya kasabik sa naturang damit at hindi niya ito maiwan-iwanan. Ito ang ibig sabihin ng pahalagahan ang isang bagay. Nakaabot na ba sa ganitong antas ang saloobin ninyo sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kaawa-awa naman na hindi pa ninyo pinapahalagahan ang mga salita ng Diyos gaya ng pagpapahalaga ng isang babae sa kanyang paboritong damit! Hindi na nakapagtataka na napakarami na ninyong nabasang mga salita ng Diyos pero bigo kayong matuklasan ang napakaraming katotohanan, at hindi ninyo kailanman nagawang makapasok sa realidad. Lagi ninyong sinasabi na katotohanan ang lahat ng salita ng Diyos, pero hanggang teorya at salita lamang ang mga pahayag na ito. Kung pag-uusapan ang isa sa mga pinakasimple at unang ipinahayag na sipi ng mga salita ng Diyos, at tinanong kayo kung anong mga katotohanan ang nasa mga salitang iyon, kung ano ang mga layunin ng Diyos, o kung anong mga hinihingi at pamantayan ng Diyos sa tao, hindi kayo makapagsasalita at hindi kayo makakasambit ng kahit isang salita bilang tugon. Napakaraming beses ninyo nang binasa at pinakinggan ang mga salita ng Diyos, kaya bakit wala kayong tunay na pagkaunawa sa mga ito? Nasaan ang ugat ng problema? Ang totoo, hindi sapat ang pagpapahalaga ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Sa kasalukuyang antas ng pagpapahalaga ninyo sa mga salita ng Diyos, malayo pang matuklasan ninyo ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at malayo pang matuklasan ninyo ang mga hinihingi, prinsipyo, at landas ng pagsasagawa na ipinagkaloob ng Diyos sa tao sa pamamagitan ng mga ito. Kaya kayo laging naguguluhan kapag may mga bagay na nangyayari sa inyo at hindi ninyo kailanman mahanap ang mga prinsipyo. Ito ang dahilan kung bakit marami kayong mga bagay na nararanasan, pero hindi ninyo kailanman nalalaman ang mga layunin ng Diyos, o hindi kayo masyadong lumalago o nagbabago, o umaani nang marami-raming gantimpala. Hindi ba’t lubhang nakakaawa ang ganitong mga tao?

Basahing muli ang pahayag na ito. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, na sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Hayaan ninyong dalhin Ko ang atensiyon ninyo sa mahahalagang punto at ipaliwanag Ko sa inyo ang mga prinsipyo sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at kung paano maghahanap ng landas ng pagsasagawa sa mga ito. Basahing muli ang bawat linya ng sipi. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.”) Naglalaman ang linyang ito ng prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao. Ito ay ang: Huwag magmadali, huwag mataranta, huwag magmadali na makakita ng mga resulta. Isa itong saloobin. Nakasaad sa unang linyang ito ang tamang saloobin na dapat mayroon ang mga tao sa mga bagay-bagay. Nasa saklaw ng katwiran ng normal na pagkatao ang tamang saloobing ito; nasasaklaw ito ng katwiran at mga abilidad ng mga taong nagtataglay ng normal na pagkatao. Ngayon, basahin naman ninyo ang pangalawang linya. (“Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.”) Ano ang ibig sabihin nito? (Ito ang landas ng pagsasagawa na ibinibigay ng Diyos sa tao.) Tama, ganoon ito kasimple. Ito ang landas ng pagsasagawa. Ang “mas madalas” dito ay nangangahulugan na hindi mo ito dapat gawin kung kailan mo lang maibigan, at lalo namang hindi nang sobrang minsan lang; ibig sabihin nito ay sa sandaling sumagi sa isip mo ang mga bagay na ito, dapat mong dalhin ang mga iyon sa harapan ng Diyos para ikaw ay manalangin at maghanap. Kung nagdadala ka ng pasanin sa mga bagay na ito, kung may puso kang nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran, kung sabik kang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa mga usaping ito, pati na ang diwa ng mga problemang gusto mong makilatis, kung gayon ay dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas, ibig sabihin ay madalas na madalas. Depende sa kapaligirang kinalalagyan mo, kapag abala ka, maglaan ka ng libreng oras para isaalang-alang ang mga bagay na ito, na para bang pinag-iisipan mo ang tungkol sa mga ito, o nananalangin ka sa Diyos at naghahanap sa mga ito. Hindi ba’t malinaw na malinaw ang ganitong paraan ng pagsasagawa? (Malinaw nga.) Halimbawa, kapag nagpapahinga ka pagkatapos kumain, magbulay-bulay at manalangin ka, sabihin mo, “O Diyos, nakaranas na ako ng kung anong kapaligiran. Hindi ko maunawaan ang Iyong layunin, at hindi ko makilatis kung bakit nangyari ito sa akin. Ano nga ba talaga ang layunin ng taong ito? Paano ko ba dapat lutasin ang ganitong uri ng problema? Ano ang gusto Mong maunawaan ko mula sa usaping ito?” Sa ilang simpleng salitang ito, nananalangin ka at hinahanap mo sa Diyos ang tungkol sa mga usapin na nais mong hanapin at ang mga diwa ng mga problemang gusto mong maunawaan. Ano ang layon sa pananalangin nang ganito? Hindi mo lang basta inilalatag ang problema sa harapan ng Diyos, hinahanap mo ang katotohanan mula sa Diyos, sinusubukan mong hilingin sa Diyos na magbukas ng daan palabas para sa iyo at para sabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin tungkol sa bagay na ito, at hinihiling mo sa Diyos na bigyan ka ng kaliwanagan at na gabayan ka. Ano ang mga kondisyon na kinakailangan para magawa mo ito? (Hindi ako dapat maligalig na makahanap ng mga solusyon.) Ang hindi maligalig sa paghanap ng mga solusyon ay isa lamang saloobin—hindi naman sa hindi ka naliligalig na makanap ng mga solusyon, kundi sa ilalim ng matinding paunang kondisyon sa iyo na hindi maligalig na makahanap ng mga solusyon, may puso kang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at nagdadala ka ng pasanin sa bagay na ito. Sa madaling salita, ang bagay na ito ay nagsisilbing isang uri ng pamemresyur sa iyo, at ang presyur na iyon ang naglalagay ng pasanin sa iyong mga balikat, nang sa gayon ay magkaroon ka ng problema na gusto mong maunawaan at malutas. Ito ang iyong landas ng pagsasagawa. Sa libre mong oras, sa mga oras ng regular na debosyonal, o kapag nakikipagkuwentuhan ka sa mga kapatid, maaari mong sabihin ang iyong mga paghihirap at problema, at makipagbahaginan at maghanap kasama ng mga kapatid. Kung hindi mo pa rin malutas ang mga problema, dalhin mo ang mga ito sa harapan ng Diyos para manalangin at hanapin ang katotohanan. Kapag ginagawa mo ito, sabihin mo, “O Diyos, hindi ko pa rin alam kung paano ko dapat maranasan ang kapaligirang isinaayos Mo para sa akin. Wala pa rin akong pagkaunawa tungkol dito, at hindi ko alam kung saan ako magsisimula o kung paano ako magsasagawa. Maliit ang tayog ko at maraming katotohanan ang hindi ko nauunawaan. Bigyan Mo nawa ako ng kaliwanagan at gabayan Mo nawa ako. Hindi ko alam kung ano ang gusto Mong makamit o maunawaan ko mula sa kapaligirang ito, o kung ano ang gusto Mong mabunyag tungkol sa akin sa pamamagitan ng kapaligirang ito. Bigyan Mo nawa ako ng kaliwanagan at pahintulutan akong maunawaan ang Iyong layunin.” Ito ang landas ng pagsasagawang matatagpuan sa linyang: “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas.” Magsagawa ka nang ganito, paminsan nag-iisip sa iyong puso, paminsan nananalangin sa Diyos nang tahimik at paminsan naman ay malakas, at paminsan ay nakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid. Kung mayroon ka ng mga pagpapamalas na ito, pinatutunayan nito na namumuhay ka na sa harapan ng Diyos. Kung madalas kang nakikipag-usap sa Diyos nang ganito sa iyong puso, kung gayon ay may normal kang ugnayan sa Diyos. Pagkalipas ng maraming taon ng gayong karanasan, likas kang makakapasok sa katotohanang realidad. May anumang suliranin ba sa pagsasagawang ito? (Wala.) Mabuti iyan. Halimbawa, minsan kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, habang lalo kang nagbabasa, lalo namang lumiliwanag ang puso mo—ibig sabihin nito ay nakapagbasa ka ng mga salita na mayroon ka nang karanasan, at ang mga dati mong kuru-kuro at imahinasyon ay sabay-sabay na guguho. Sa pagkakataong ito, dapat kang manalangin sa Diyos at sabihing, “O Diyos, sa pagbabasa ko sa siping ito ay sumigla ang aking puso. Ang mga problema ko noon ay biglang naging malinaw na sa akin ngayon. Alam kong ito ang Iyong kaliwanagan, at nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagpapahintulot sa akin na maunawaan ang siping ito ng Iyong mga salita.” Hindi ba’t muling pananalangin at paglapit ito sa harapan ng Diyos? (Oo.) Mahirap ba itong gawin? Maaari mo ba itong paglaanan ng panahon? (Oo.) Mula sa simula ng iyong paghahanap hanggang sa panalanging ito, hindi ba’t palagi mong maisasagawa ang prinsipyo ng mga salita ng Diyos na: “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas”? Kapag palagi kang namumuhay sa pagsasagawa ng mga salitang ito, at lagi kang kumakapit sa prinsipyo ng pagsasagawa na nakapaloob sa mga ito, at lagi kang namumuhay sa ganitong uri ng realidad, tinatawag ito na pagsunod sa isang prinsipyo ng pagsasagawa. Mahirap ba ito? (Hindi ito mahirap.) Hinihingi lamang nito na gamitin mo ang iyong puso, igalaw ang iyong bibig, maglaan ng ilang oras at kaunting pag-iisip, humahanap paminsan-minsan ng oras para makipag-usap sa Diyos at para ipagtapat at ibahagi ang mga salitang nasa puso mo. Ito ang paglapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas. Ganoon ito kasimple, kawalang kahirap-hirap, at kadali. Walang mahirap sa bagay na ito. May bagay kang dinadala na itinuturing mong napakahalaga sa iyong puso, at itinuturing mo ito bilang isang pasanin, at hindi ito kailanman kinalilimutan o binibitiwan—may ganoong bagay ka sa iyong puso, at paminsan-minsan kang lumalapit sa harapan ng Diyos para manalangin sa Kanya, at para makipag-usap at makipagkuwentuhan sa Kanya tungkol dito. Anong uri ng puso ang dapat mayroon ka kapag nakikipag-usap ka sa Diyos? (Isang tapat na puso.) Tama iyan, dapat mayroon kang tapat na puso. Kung nagdadala ka ng pasanin, magiging tapat ang puso mo. Kapag nagkukuwentuhan ang iba, ikaw naman ay mananalangin at makikipagbahaginan sa Diyos sa iyong puso. Minsan, kapag pagod ka sa trabaho at nagpapahinga, maaalala mo ang naturang usapin, at sasabihin mo, “Hindi ito maganda, hindi ko pa rin nauunawaan ang usaping ito. Kailangan ko pa ring makipag-usap sa Diyos tungkol dito.” Bakit mo maaalala ang bagay na ito sa tuwing may oras ka? Dahil lubhang sineseryoso mo ito sa iyong puso, itinuturing mo ito bilang sarili mong pasanin at isang uri ng responsabilidad, at gusto mong maunawaan ito at lutasin ito. Kapag lumalapit ka sa Diyos at nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan sa Kanya nang taos-puso, likas na magiging tapat ang iyong puso. Kapag nakikipagbahaginan ka sa Diyos sa ganitong konteksto at sa ganitong mentalidad, mararamdaman mong hindi na kasinglamig at kasinglayo ng dati ang ugnayan mo sa Diyos, sa halip ay mararamdaman mo na lalo kang nagiging malapit sa Kanya. Ganito kaepektibo sa mga tao ang mga landas ng pagsasagawa na ibinibigay ng Diyos sa tao. Ano sa palagay mo, mahirap bang makipag-ugnayan sa Diyos nang ganito? Sineseryoso mo ang isang bagay, kinakausap mo paminsan-minsan ang Diyos tungkol dito, lumalapit ka sa Diyos at binabati siya paminsan-minsan, kinakausap mo ang Diyos tungkol sa kung ano ang laman ng puso mo at tungkol sa mga paghihirap mo, sinasabi mo kung anong mga bagay ang gusto mong maunawaan, ang mga bagay na iniisip mo, mga alinlangan mo, mga paghihirap mo, at mga responsabilidad mo—kung kinakausap mo ang Diyos tungkol sa lahat ng bagay na ito, hindi ba’t namumuhay ka sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng ganitong paraan ng pagsasagawa? Pagsasagawa ito ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung magsasagawa ka nang ganito sa loob ng ilang panahon, hindi ba’t makakakita ka ng mga resulta at makakaani ng mga gantimpala nang napakabilis? (Oo.) Pero hindi ito ganoon kasimple, isa itong proseso. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, lalong magiging malapit ang ugnayan mo sa Diyos, lalong bubuti ang mentalidad mo, lalong magiging normal ang kalagayan mo, at lalong titindi ang interes mo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ay pagkakaroon ng normal na ugnayan sa Diyos. Kung kaya mong unawain ang ilang katotohanan at isagawa ang mga ito, magsisimula ka nang makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Subalit hindi ito makakamit sa loob lamang ng maikling panahon. Maaaring tumagal ito nang anim na buwan, isang taon, o maaaring dalawa o tatlong taon pa nga bago ka makakita ng malilinaw na resulta. Mawawala ba ang katiwalian at paghihimagsik ng mga tao sa panahong ito? Hindi. Kahit makailang beses ka nang nanalangin sa Diyos, at nagsagawa sa ganitong paraan, ibig bang sabihin niyon ay tiyak nang makakakuha ka ng mga resulta? Dapat bang magpakita sa iyo ang Diyos ng resulta? Dapat ka ba Niyang bigyan ng kasagutan? Hindi kinakailangan. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi siguradong makakakuha ako ng mga resulta at kung hindi garantisado ang mga resulta, bakit kumikilos pa rin ang Diyos nang ganito? Bakit pinagsasagawa Niya ang mga tao sa ganitong paraan?” Huwag kang mag-alala, tiyak na may ibubunga ang pagsasagawa sa ganitong paraan. Kahit magsagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng isa o dalawang taon at hindi isiping nakakuha ka ng anumang resulta sa mabilis o maikling panahon, maaaring makalipas ang lima o sampung taon, kapag muling nagsasaayos ang Diyos ng isang kaparehong kapaligiran para sa iyo, mabilis mong matatanto ang isang aspekto ng katotohanan na hindi mo natanto noon. Subalit, ang katotohanang ito na napagtanto at naunawaan mo pagkalipas ng lima o sampung taon ay nangangailangan ng pundasyong itinayo ng kasalukuyan mong mga karanasan, kaalaman, at pagkaunawa. Ang pagkakatantong ito ay dapat na nakabatay sa pundasyong ito. Sa tingin mo ba ay madali para sa mga tao na maunawaan ang isang aspekto ng katotohanan? (Hindi ito madali.) Ito ang saysay at halaga ng pagbabayad ng halaga upang maisagawa ang katotohanan. Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa na nakasaad sa pangalawang linya. “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso”—nasusulat ang linyang ito sa wikang simple at madaling maunawaan, at napakadali nitong maintindihan. Ibig sabihin nito ay dapat manalangin ka nang mas madalas at magtaglay ng tapat na puso, dahil ang tapat na puso ang nagbibigay katuparan sa mga bagay-bagay. Ganoon ito kasimple. Gayunpaman, ang mga salitang ito ay isang katotohanang realidad na dapat pasukin ng bawat tao at ang tanging landas kung saan makalalapit sila sa harapan ng Diyos at makapagtatamo ng kaligtasan sa huli. Bagama’t sinabi ang linyang ito sa payak at simpleng mga salita, kailangang dumanas at pumasok ang lahat sa ganitong paraan. Katulad ito ng pagtatayo ng gusali. Kahit mayroon pa itong 30 palapag, 50 palapag, o kahit pa nga isandaang palapag, dapat mayroon itong pundasyon. Kung hindi matibay ang pundasyon ng gusali, kahit gaano pa kataas ang gusali, hindi ito tatagal nang mahabang panahon, guguho ito sa loob lamang ng ilang taon. Ibig sabihin, habang nabubuhay sa mundong ito, dapat magkaroon ng katotohanan ang mga tao bilang kanilang pundasyon. Ito lamang ang tanging paraan para makatayo sila nang matatag at makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung gusto ng mga taong maunawaan ang mas malalim at mas matataas na antas ng katotohanan, dapat magkaroon sila ng mga pinakapangunahing bagay—ibig sabihin, ang mga bagay na bumubuo sa isang pundasyon. Ang pagkakaroon ng hindi matibay na pundasyon ang pinakadelikadong bagay. Huwag mong hamakin ang mga pinakapangunahing katotohanang ito, ang mga pinakapangunahing prinsipyo at landas na ito ng pagsasagawa. Hangga’t katotohanan ang mga ito, ito ang mga bagay na dapat taglayin at isagawa ng mga tao. Malaki man ito o maliit, mataas man ito o mababa, hindi ito mahalaga. Dapat magsimula ka sa mga saligan. Ito lamang ang tanging paraan para makapaglatag ng matibay na pundasyon.

Ngayon, basahin mo ang pangatlong linya. (“Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.”) Ano ang tinutukoy ng “Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat”? Tumutukoy ito sa pananampalataya at pangitain. Kapag sinusuportahan at ginagabayan ka ng pangitaing ito, magkakaroon ka ng landas sa harapan mo. Magkakaroon ba ng epekto ang pagsasagawa sa ganitong paraan? Sinasabi ng ilang tao, “Nabagot na ako sa lahat ng pagsasagawang ito, at hindi pa rin ako binigyan ng Diyos ng kaliwanagan o wala pa ring Siyang sinabi sa akin. Hindi ko maramdaman ang presensya ng Diyos? Mayroon ba talagang Diyos?” Hindi ka maaaring mag-isip nang ganito. Makapangyarihan ang Diyos sa lahat, kausapin ka man Niya o hindi. Kapag gusto ng Diyos na kausapin ka, at kinakausap ka Niya, Siya pa rin ang makapangyarihan sa lahat. Kapag ayaw ng Diyos na kausapin ka, at hindi ka Niya kinakausap, makapangyarihan pa rin Siya sa lahat. Makapangyarihan ang Diyos sa lahat itulot man Niya na maunawaan mo ang mga bagay-bagay o hindi. Hindi maaaring magbago ang diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Ito ang pangitain na dapat maunawaan ng mga tao. Ito ang pangatlong linya, at napakasimple nito. Bagama’t simple ito, dapat maranasan ito mismo ng mga tao. Kapag naranasan ito ng mga tao, kukumpirmahin nito sa kanila na ang mga salitang ito ay talagang ang katotohanan at hindi na nila pangangahasan pang pagdudahan ang mga ito sa anupamang paraan.

Ituloy ang pagbabasa sa pang-apat na linya. (“Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos.”) “Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos,” ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng “napakalaki.” Ang pagmamayabang at pagpapakitang-gilas ba, ang pagkakaroon ng pusong puno ng ambisyon, ang pagiging mapagmataas at mapagmagaling, ang pagiging dominante at diktatoryal, at ang hindi ba pagsunod sa kaninuman ay “napakalaki”? Paano ba dapat unawain ang linyang “isang napakalaking paghahangad para sa Diyos”? Paano ka ba magkakaroon ng “paghahangad para sa Diyos”? Gaya ito ng nakasaad sa naunang linya, dapat mong “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso”—dapat mayroon kang pagnanais at pag-aasam na hangaring maunawaan ang katotohanan, at hangarin ang kaligtasan, at dapat mayroon ka ring pagnanais na tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga pangangasiwa ng Diyos, para magtamo ng pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Tinatawag ito na napakalaking paghahangad para sa Diyos. Bagama’t gumagamit ang Diyos ng wika ng mga tao para malinaw na mailarawan ang bagay na ito, dapat maarok ng mga tao ang kahulugan nito sa dalisay na paraan, at hindi ito bigyan ng interpretasyon sa sukdulang paraan. Hindi tumutukoy ang salitang “napakalaki” rito sa artipisyal na paggamit ng malabis na puwersa para gawin ang mga bagay-bagay nang walang paghuhunos-dili. Hindi ito kinapapalooban ng karahasan, lalo naman ng kamangmangan o kawalan ng ingat. Ang “napakalaki” ay pangunahing tumutukoy sa paghahangad ng isang tao. Para itong kapag labis na pinapahalagahan ng isang tao ang isang bagay hanggang sa puntong kailangang-kailangan niyang makuha ito, at kapag determinado siyang maging pag-aari ito at hindi siya susuko hangga’t hindi niya nakukuha ito. Ang “napakalaking paghahangad para sa Diyos” ay isang ganap na positibong bagay at maaari lamang makapagkamit ng mga positibong resulta. Kaya, ano ang eksaktong kahulugan ng “napakalaking paghahangad para sa Diyos”? (Ang ibig sabihin nito ay ang humarap sa Diyos nang mas madalas at ang magkaroon ng pagnanais at kapasyahan na maunawaan ang katotohanan at ang maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na nakakaharap ng isang tao.) Tama iyan, ganyan lang ito kasimple. Ang ibig sabihin lang nito ay ang talikuran ang mga interes at layaw ng iyong laman, at isakripisyo din ang iyong pribadong oras ng paglilibang, at gamitin ang panahong ito para sa mga positibong bagay, gaya ng paghahanap mula sa Diyos, pagdarasal sa Diyos, pagharap sa Diyos, at para hangaring maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Tungkol ito sa makatwirang pananalangin para sa isang bagay, at sa paghahanap, paggugol ng iyong oras at lakas, at pagbabayad ng partikular na halaga upang maunawaan ang isang aspeto ng katotohanan. Tinatawag ito na napakalaking paghahangad para sa Diyos. Tumpak na paraan ba ito para ilarawan ito? Nakaayon ba ito sa katwiran ng normal na pagkatao? Madali bang maunawaan ang mga salitang ito? (Oo.) Kaya, ang mga pagpapamalas bang ito ay kinapapalooban ng pagiging agresibo at ng marahas na pagkuha sa mga bagay na gusto ng isang tao? Naipapamalas ba ito sa kawalan ng galang, ingat at karunungan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “napakalaki”? Ulitin nga ninyo ang mga bagay na kasasabi Ko lang sa inyo. (Ibig sabihin nito ay ang magawang humarap sa Diyos nang mas madalas, ang pagkakaroon ng paghahangad na maunawaan ang katotohanan, ang magawang talikuran ang ilan sa mga layaw ng laman, paggugol ng mas maraming panahon at lakas sa paghahanap ng katotohanan, at ang magawang gumugol ng lakas at magbayad ng halaga para dito.) Kaya paano ba ito kongkretong naisasagawa? Magbibigay Ako ng halimbawa. Minsan ay bigla mo na lang maiisip na matagal-tagal na palang panahon ang nakalipas mula nang makita mo ang paborito mong aktor at napapaisip ka tuloy kung saang mga pelikula siya kasama. Gugustuhin mong maghanap ng balita tungkol sa kanya sa kompyuter, pero magbubulay-bulay at mapag-iisip-isip mo, “Hindi iyon tama, ano naman ang kinalaman sa akin ng mga pelikula niya? Ang panonood lagi ng mga pelikula ay tinatawag na pagpapabaya sa nararapat na trabaho ng isang tao. Kailangan kong humarap sa Diyos at manalangin.” Pagkatapos nito, hihinahon ka at sa presensya ng Diyos ay maaalala mo ang problemang hinahanapan mo ng kasagutan. Wala ka pa ring anumang kabatiran tungkol sa bagay na iyon at hindi mo talaga ito nauunawaan, kaya patatahimikin mo na lang ang iyong puso sa harapan ng Diyos, at mananalangin ka sa Kanya. “O Diyos, handa akong ialay ang puso ko sa harapan Mo. Lubha akong naapektuhan ng kapaligirang nararanasan ko nitong mga nakaraan. Gayunpaman, hindi pa rin ako makapagsakop, at hindi ko pa rin makita nang malinaw na ito ang Iyong kataas-taasang kapangyarihan. Bigyan nawa ako ng kaliwanagan, gabayan nawa ako, at ibunyag ang aking katiwalian at paghihimagsik sa kapaligirang isinasaayos Mo para sa akin, nang sa gayon ay maunawaan ko ang Iyong layunin at makapagpasakop ako.” Pagkatapos mong manalangin, magbubulay-bulay ka at maiisip mo, “Hindi pa rin nalulutas ang problema ko. Kailangan ko pang magbasa ng mga salita ng Diyos para makahanap ng solusyon.” Pagkatapos, ipagpapatuloy mo kaagad ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang ilang oras. Pagtingin mo sa orasan, sasabihin mo, “Kalahating oras na pala ang nakalipas! Talagang mabuti ang mga salita ng Diyos, pero wala man lang kaugnayan ang pahayag na nabasa ko sa aking problema, kaya hindi pa rin naresolba ang aking isyu. Hindi ko alam kung ano ang gusto ng Diyos na maunawaan ko sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kapaligirang ito para sa akin at hindi ko alam ang Kanyang layunin. Dapat asikasuhin ko na kaagad ang paggampan sa aking tungkulin at hindi ko dapat ipagpaliban ang mahahalagang bagay. Baka sakaling isang araw ay mabasa ko na ang mga angkop na salita ng Diyos at malutas ko na ang aking problema.” Paggugol ba ito ng oras at lakas? (Oo.) Ganoon lang ito kasimple. Habang naghihimagsik ka laban sa sarili mong mga kagustuhan at tinatalikdan ang iyong kasiyahan at oras sa paglilibang, magkakaroon ka ng gapatak na sinseridad at magsasagawa ka ng kaunti sa napakalaking paghahangad para sa Diyos. Makakaramdam ka sa iyong puso ng matinding kapanatagan at kapayapaan. Sa pinakaunang pagkakataon sa buhay mo, personal mong mararanasan ang dakilang kapayapaan at pagpapalakas na dulot ng paghihimagsik laban sa laman at paglayo sa layaw ng sarili mong laman. Personal mo ring matitikman kung paanong nakapagbibigay sa iyo ng kapayapaan at kaligayahan ang pananahimik sa harapan ng Diyos, ang pagbabasa ng Kanyang mga salita, ang pagbubukas ng iyong puso sa Diyos, at ang pagsasabi ng nilalaman ng iyong puso sa Kanya—na hindi maibibigay ng pagpapahalaga sa mga bagay na nauuso at sa mga usaping panlipunan—at maaari ka ring may matamo mula rito, at mauunawaan mo ang katotohanan at malinaw na maiintindihan ang maraming bagay. Bunga nito, mararamdaman mo na talagang mabubuti ang mga salita ng Diyos, na tunay na mabuti ang Diyos, at na ang pagtatamo ng katotohanan ay talaga ngang pagtatamo ng kayamanan. Maliban sa malinaw mong mauunawaan ang maraming bagay nang hindi nalilito, magagawa mo ring makapamuhay sa harapan ng Diyos at makapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang mga epektong maaaring makamit ng napakalaking paghahangad para sa Diyos. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan, ang pagbuhos ng iyong panahon at lakas, at pagtalikod sa layaw ng iyong laman—isa ito sa mga pagpapamalas ng napakalaking paghahangad para sa Diyos. Kaya, ano sa palagay ninyo? Hungkag ba ang pagpapamalas na ito? (Hindi ito hungkag.) Madali ba itong makamit? (Oo.) Napakadali nitong makamit. Isa itong bagay na maaaring makamit ng mga taong may normal na pagkatao.

Kapag may mga saloobin ang mga tao, may pagpipilian sila. Kung may mangyari sa kanila at magkamali sila ng desisyon, dapat silang magbago at magdesisyon nang tama; hinding-hindi nila dapat panindigan ang kanilang pagkakamali. Matalino ang ganitong mga tao. Pero kung alam nilang nagkamali sila ng desisyon at hindi sila nagbago, sila ay isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi talaga gusto ng gayong tao ang Diyos. Halimbawa, sabihin nang gusto mong maging pabasta-basta kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinusubukan mong magpakatamad, at sinusubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: “Bakit ba ako nananalig sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong pagpapabasta-basta, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananalig ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito kaibig-ibig sa Diyos. Hindi, maaaring magpakatamad ako at gawin ang gustuhin ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsiyensiya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano dapat ako kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang, pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganito, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.” Kapag nagtatrabaho ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: “O Diyos! Tamad at tuso akong tao, nagsusumamo po ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, upang makaramdam ang konsiyensiya ko, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Nagsusumamo po ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.” Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, dahil dito ay uusbong ang pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan sa iyong puso ay magsisimulang magbago, at magagawa mong pagmuni-munihan ito at sabihin sa iyong sarili, “Bakit ako pabasta-basta? Bakit lagi kong sinusubukang magpakatamad? Ang kumilos nang ganito ay walang kakonse-konsensiya o katwiran—isa pa rin ba akong taong nananalig sa Diyos? Bakit hindi ko sineseryoso ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan nang kaunti pang panahon at pagsisikap? Hindi naman ito mabigat na pasanin. Ito ang nararapat kong gawin; kung hindi ko man lang ito magagawa, karapat-dapat ba akong tawaging isang tao?” Bunga nito, magpapasya at mangangako ka: “O Diyos! Nabigo Kita, tunay ngang lubos akong nagawang tiwali, wala akong konsensiya o katwiran, wala akong pagkatao, gusto ko sanang magsisi. Nagsusumamo po ako na patawarin Mo ako, tiyak na magbabago po ako. Kung hindi ako magsisisi, parusahan Mo po ako.” Pagkatapos nito, magbabago ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Kikilos at gaganap ka ng iyong mga tungkulin nang may katapatan, nang hindi na masyadong pabasta-basta, at magagawa mo nang magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mong napakasarap gawin ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, at ang iyong puso ay magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan. Kapag kayang tanggapin ng mga tao ang pagsusuri ng Diyos, kapag kaya nilang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, magbabago ang kanilang kalagayan sa madaling panahon. Kapag nabaligtad ang negatibong kalagayan ng puso mo, at tinaghimagsik ka laban sa sarili mong mga layunin at sa mga makasariling pagnanasa ng laman, kapag nagagawa mong bitiwan ang kaginhawahan at layaw ng laman, at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi ka na padalos-dalos at walang ingat, magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso at hindi ka uusigin ng iyong konsiyensiya. Madali bang maghimagsik laban sa laman at kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa ganitong paraan? Hangga’t may napakalaking paghahangad para sa Diyos ang mga tao, maaari silang maghimagsik laban sa laman at maisasagawa nila ang katotohanan. At hangga’t nagagawa mong magsagawa sa ganitong paraan, magugulat ka na lang na nakakapasok ka na pala sa katotohanang realidad. Hinding-hindi ito magiging mahirap. Siyempre, kapag isinasagawa mo ang katotohanan, kailangan mong dumaan sa proseso ng tunggalian at sa proseso ng pagbabago sa iyong pag-iisip, at dapat malutas ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kung isa kang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, mahihirapan kang lutasin ang negatibo mong kalagayan, at hindi mo magagawang maunawaan at isagawa ang katotohanan. Ang tindi ng hirap na kinakaharap ng isang tao sa proseso ng pagbabago sa kanyang pag-iisip ay nakadepende sa kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan, masyadong magiging mahirap para sa kanya na baguhin ang kanyang pag-iisip. Sa kabilang banda naman, hindi man lang mahihirapan ang mga taong kayang tumanggap ng katotohanan. Likas silang makapagsasagawa at makapagpapasakop sa katotohanan. Makakaasa sa Diyos ang mga taong talagang nagmamahal sa katotohanan para mapagtagumpayan ang kahit anong klase ng paghihirap. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng patotoong batay sa karanasan, at isa itong pusong may napakalaking pag-aasam para sa Diyos. Dahil ang puso mo ay may napakalaking pag-aasam para sa Diyos, ibig bang sabihin nito ay hindi ka pinapahintulutang magkaroon ng katiwalian at paghihimagsik? Hindi. Dahil may puso kang may napakalaking pag-aasam para sa Diyos, ibig sabihin nito ay makakakilos ka kahit papaano nang ayon sa iyong konsiyensiya at katwiran, at mahahanap mo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, makapagdedesisyon ka nang tama sa anumang sitwasyon, at makapagsasagawa at makakapasok ka sa tamang direksyon. Tinatawag ito na pusong may napakalaking pag-aasam para sa Diyos. Hungkag ba ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi hungkag ang mga ito.) Hindi hungkag o malabo ang mga ito, napakapraktikal at napakakongkreto ng mga ito, at hindi abstrakto. Sinasabi ng ilang tao: “Maraming taon na akong naniniwala sa Diyos, pero lagi akong nahaharap sa mga paghihirap tuwing kailangan nang isagawa ang katotohanan. Pinagpapawisan ako nang husto sa sobrang pagkabalisa, pero wala pa rin akong landas. Gusto ko laging isagawa ang katotohanan nang hindi humaharap sa anumang pisikal na hirap o nang hindi nadedehado ang aking mga interes, at bunga nito, hindi ako makahanap ng landas. Ngayon ko lamang napagtatanto na napakasimple lang palang magkaroon ng pusong may napakalaking pag-aasam para sa Diyos. Kung nalaman ko lang sana ito noong una pa lang at isinagawa ang mga salitang ito nang mas maaga!” Sino ang dapat mong sisihin sa hindi mo pagsasagawa ng mga salita ng Diyos? Sino ang pumilit sa iyo na huwag pahalagahan ang mga salita ng Diyos sa loob ng mahabang panahong ito, at sa halip ay kumilos nang walang direksyon? Ngayon, mabubuod na natin ang isang pangungusap: Kapag nananalig ka sa Diyos, kailangan mong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan; kapag narating mo lamang ang punto kung saan hinaharap mo ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay saka mo lamang matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Hinding-hindi mo dapat gawin ang mga bagay ayon sa sarili mong kalooban, o hangarin ang kasikatan at kapakinabangan, at hindi ka dapat bumuo ng mga barkadahan o maghanap ng mga padrino sa loob ng iglesia. Walang magandang kahahantungan ang mga gumagawa nito. Ang mga hindi tumututok sa pagganap nang mabuti sa kanilang mga tungkulin, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ang mga laging tumitingala at umaasa sa ibang tao, at ang mga mahilig sumunod sa mga huwad na lider at anticristo sa paglikha ng mga walang katuturang kaguluhan, ay idinudulot ang sarili nilang pagkawasak sa pamamagitan ng pagkilos nang walang direksyon, at dahil dito ay nawawalan sila ng pagkakataong mailigtas. Ikinagugulat nila ito. Kung gusto mong pigilan ang iyong sarili na tumahak ng sarili mong daan, dapat mas madalas ka pang humarap sa Diyos, at manalangin sa Kanya at hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan mo matatamo ang resulta ng pagkaunawa sa katotohanan, matatahak ang landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at mapapasok ang realidad ng katotohanan. Ang mahalagang punto rito ay na hindi ka dapat sumunod o makiayon sa ibang tao kailanman, sumusunod sa taong ito isang araw dahil iniisip mong mahusay siya, at pagkatapos ay susunod naman sa ibang tao sa sumunod na araw dahil iniisip mong tama siya, gumugugol ng napakaraming oras sa pagkilos nang walang direksyon nang walang natatamong katotohanan. Kahit anong mga problema pa ang makaharap mo, dapat mong hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga iyon ayon sa mga salita ng Diyos. Kung bulag kang susunod sa ibang tao, sinusunod ang sinumang mahusay magsalita at gumagamit ng mga salitang maganda sa pandinig, malamang na malilinlang ka. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat manalig lamang na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, dapat makinig lamang sila sa mga salita ng Diyos, at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag ginawa mo ito, maiiwasan mong sumunod sa ibang tao at sumama sa kanila sa maling landas.

Ituloy ang pagbabasa sa kasunod na linya. (“Sabik na sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas.”) Tungkol din ito sa pagsasagawa. Tumutukoy ang “Sabik na sabik na naghahanap” sa kagustuhang maisagawa ang katotohanan pero wala namang landas, at sa kagustuhang mapalugod ang Diyos pero hindi naman alam kung paano magsasagawa—kapag ganito ka kasabik, maghahanap ka at mananalangin. Palagi mong nararamdaman na masyadong maraming kulang sa iyo, lalo na kapag nakikita mo ang iyong sarili na walang landas kapag may mga nangyayari sa iyo, hindi nalalaman kung ano ang gagawin para mapalugod ang Diyos, laging nagrerebelde at ginagawa ang mga bagay-bagay sa paraang gusto mo, nang may maligalig na puso, nagnanais na isagawa ang katotohanan, pero hindi alam kung paano gagawin ito—ito ang pakiramdan ng pagiging sabik na sabik. Kung sabik na sabik ka, dapat kang maghanap. Kung hindi ka maghahanap, hindi ka magkakaroon ng landas. Kung hindi ka maghahanap, mahuhulog ka sa kadiliman. Kung hindi ka kailanman maghahanap, magiging katapusan mo na. Ikaw ay magiging isang hindi mananampalataya. Ano ang ibig sabihin ng “tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas”? Ang ibig sabihin nito ay kapag nahaharap ang mga tao sa mga sitwasyon, palagi silang may sariling kalooban, palagi nilang naiisip ang mga interes ng sarili nilang laman, at palagi silang naghahanap ng palusot para sa kanilang laman. Sa ganitong mga pagkakataon, uusigin ka ng iyong konsiyensiya, uudyukan kang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Sa gayong mga sitwasyon, magtatalo ang iyong kalooban, at dapat mong tanggihan ang mga pagdadahilan ni Satanas at tanggihan ang iba’t ibang dahilan ng laman. Ang ibig sabihin ng “pagtanggi” ay ang magawang makilatis at lubos na maunawaan ang iba’t ibang palusot at dahilan na mayroon ang mga tao kung bakit hindi nila isinasagawa ang katotohanan, na siyang mga intensyon at panloloko ni Satanas, at pagkatapos ay maghimagsik laban sa mga ito. Ito ang proseso ng pagtanggi. Minsan, lumilitaw sa mga tao ang ilang partikular na tiwaling ideya, intensyon, at mithiin, pati na ang ilang kaalaman ng tao, pilosopiya, teorya, at mga gawi, kaparaanan, panloloko, at pakana sa pakikisalamuha sa iba, at iba pa. Kapag nangyayari ito, dapat mabatid kaagad ng mga tao na ang mga ito ay mga tiwaling bagay na nabubunyag nila, at dapat nilang makontrol ang mga ito, hanapin ang katotohanan, suriin ang mga ito nang lubusan, makita ang realidad ng mga ito nang malinaw, at lubusang tanggihan at maghimagsik laban sa mga ito, nang sinusugpo ang mga ito kaagad. Kahit kailan pa ito mangyari, hangga’t lumilitaw sa isang tao ang mga tiwaling ideya, kaisipan, intensyon, o kuru-kuro, dapat niyang makontrol kaagad ang mga iyon, kilatisin at malinaw na maunawaan ang mga ito, maghimagsik laban sa mga ito, at pagkatapos ay magbagong-buhay. Ganoon ang proseso. Ganito dapat isagawa ang pagtanggi kay Satanas at ang paghihimagsik laban sa laman. Hindi ba’t napakasimple nito? Sa katunayan, natalakay na ang prosesong ito sa dalawang halimbawang kababanggit lang. Isa itong prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagharap sa mga hindi wastong kalagayan na lumilitaw sa mga tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila.

Ituloy ang pagbabasa. (“Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.”) Ang ibig sabihin nito ay maghanap at maghintay nang buong puso at isip. Ang apat na simpleng pangungusap na ito na “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso” ay may dalawang kahulugan. Ano ang dalawang kahulugang ito? (Ang una ay huwag mawalan ng pag-asa at huwag manghina. Ibig sabihin, huwag kang panghinaan ng loob o masiraan ng loob kapag nahaharap ka sa mga paghihirap o pansamantala mong hindi maunawaan ang mga bagay-bagay sa proseso ng iyong paghahanap. Ang pangalawa ay na dapat kang maghanap at maghintay nang buong puso. Ibig sabihin, dapat may tiyaga ka sa proseso ng iyong paghahanap, dapat patuloy kang maghanap at manalangin kapag hindi mo nauunawaan, at hintayin mong mahayag ang mga layunin ng Diyos. Ito ang pangalawang kahulugan.) Ang ibig sabihin ng “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina.” ay dapat panatilihin ng mga tao ang tunay na pananampalataya sa Diyos, manalig na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, at na maaari silang bigyan ng Diyos ng kaliwanagan at maipaunawa sa kanila ang katotohanan. Kaya bakit hindi mo maunawaan ang katotohanan ngayon? Bakit hindi ka binibigyan ng Diyos ng kaliwanagan ngayon? Tiyak na may dahilan ito. Ano ang isang pangunahing dahilan? Ito ay dahil sadyang hindi pa dumarating ang oras na itinakda ng Diyos. Sinusubok ng Diyos ang pananampalataya mo, at kasabay nito, gusto Niyang gamitin ang pamamaraang ito para palakasin ang iyong pananampalataya. Ito ang pangunahing bagay na dapat maunawaan at malaman ng mga tao. Ipagpalagay nang kumilos ka alinsunod sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, nanalangin ka, naghanap ka, may puso kang may napakalaking pag-aasam para sa Diyos, sinimulan mong pahalagahan ang mga salita ng Diyos, interesado ka sa mga salita ng Diyos, at madalas mong pinapaalalahanan ang iyong sarili na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, na humarap sa Diyos, na huwag lumayo sa Kanya, at na maghanap kapag ginagawa ang mga bagay-bagay. Subalit iniisip mo, “Sa tingin ko, hindi ko pa malinaw na naramdaman na binigyan ako ng Diyos ng anumang espesyal na kaliwanagan, pagtanglaw, o patnubay, at hindi ko nga malinaw na nararamdamang binigyan ako ng Diyos ng anumang natatanging kaloob, talento, o mga espesyal na abilidad para sa tungkuling ginagampanan ko. Sa halip, pakiramdam ko ay mas nakakaunawa pa ang mga taong hindi ko naman kapantay, mas mahusay sila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mas mahusay magsalita sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bakit hindi ako kasinghusay ng ibang tao? Bakit narito pa rin ako sa lugar na ito at hindi gaanong umuusad?” May dalawang dahilan ito: Ang isang dahilan ay dahil maraming problema ang mga tao, gaya ng kanilang mga indibidwal na pamamaraan, intensyon, at pakay sa paghahanap, pati na ang mga intensyon at motibo nila sa pananalangin sa Diyos at sa paghiling sa Diyos, at iba pa. Sa lahat ng bagay na ito, kailangan mong magnilay-nilay, magtamo ng kaalaman, tuklasin ang mga problema sa loob, at agarang baguhin ang tinatahak mong landas. Hindi na kailangan pang idetalye ang tungkol dito. Ang pangalawang dahilan ay na may sariling pamamaraan ang Diyos sa kung gaano karami ang ibinibigay ng Diyos sa iba’t ibang tao, at kung paano Niya ito ipinagkakaloob sa kanila. Sinabi ng Diyos ang mga salitang: “Ako ay magkakaloob ng biyaya sa kanino mang Aking ibig pagkalooban, at Ako ay magpapakita ng awa sa kanino mang Aking ibig kaawaan” (Exodo 33:19). Baka ikaw ang pakay ng pagiging mapagbigay ng Diyos, baka ikaw ang pakay ng Kanyang awa, o marahil hindi ka isa sa dalawang uri na ito ng mga tao na tinutukoy ng Diyos. Baka iniisip ng Diyos na mas malakas ka kaysa sa ibang tao, o na nangangailangan ng mas mahabang panahon kaysa sa iba ang pagsubok at pagpapatibay sa iyo. Maraming dahilan, pero kahit ano pa ang dahilan, anuman ang gawin ng Diyos ay tama. Hindi dapat humingi ng anumang magagarbong kahilingan ang mga tao sa Diyos. Ang tanging dapat mong gawin ay ang maghanap nang buong puso at maghintay nang buong puso. Bago ka pahintulutan ng Diyos na makaunawa at bigyan ng mga kasagutan, ang tanging dapat mong gawin ay maghanap, habang hinihintay ang panahon kung kailan may ibibigay sa iyo ang Diyos, ang panahon kung kailan bibiyayaan ka ng Diyos, at ang panahon kung kailan bibigyan ka ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Taliwas sa mga kuru-kuro ng tao, hindi pantay-pantay na ipinamamahagi ng Diyos ang mga bagay sa mga tao, kaya hindi mo maaaring gamitin ang salitang “pantay-pantay” para humiling sa Diyos. Kapag may ibinibigay sa iyo ang Diyos, iyon ang oras kung kailan dapat mo itong tanggapin. Kapag hindi ibinibigay sa iyo ng Diyos ang isang bagay, tiyak namang hindi pa akma o tama ang panahon sa paningin ng Diyos, kaya naman hindi mo ito dapat tanggapin sa panahong iyon. Kapag sinasabi ng Diyos na hindi ka dapat tumanggap ng isang bagay at ayaw ng Diyos na ibigay ito sa iyo, ano ang dapat mong gawin? Sasabihin ng isang taong may katwiran, “Kung hindi ito ibibigay ng Diyos sa akin, magpapasakop ako at maghihintay. Hindi ako karapat-dapat na tanggapin ito sa kasalukuyan, baka dahil hindi ito makakaya ng aking tayog, pero kayang magpasakop ng puso ko sa Diyos nang walang reklamo o paghihinala, at nang tiyak na walang anumang pagdududa.” Sa pagkakataong ito, hindi dapat mawala ang katwiran ng mga tao. Paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat mong piliin, nang may katwiran, na magpasakop sa Diyos. Isang saloobin lamang ang dapat mayroon ang mga nilikha hinggil sa Diyos—ang makinig at magpasakop, wala nang iba pang pamimilian. Subalit, maaaring magkaroon ng iba’t ibang saloobin ang Diyos patungkol sa iyo. May batayan ito. May sariling mga layunin ang Diyos. Siya ang gumagawa ng sarili Niyang mga pasya at may sarili Siyang mga pamamaraan pagdating sa kung paano gagawin ang mga bagay na ito at sa saloobing ginagamit Niya sa bawat tao. Siyempre, ang mga layon ng Diyos ang batayan ng mga kapasyahan at pamamaraang ito. Bago magkaroon ng pagkaunawa ang mga tao tungkol sa mga layong ito, ang tangi nilang dapat at maaaring gawin ay ang maghanap at ang maghintay, habang iniiwasang makagawa ng anumang bagay na pagrerebelde sa Diyos. Ang huling bagay na dapat gawin ng mga tao sa mga pagkakataong ito—ibig sabihin, kapag hindi nila nararamdaman ang kaliwanagan, patnubay, kagandahang-loob, at awa ng Diyos—ay ang lumayo sa Diyos at sabihing hindi Siya matuwid, o ang sigawan ang Diyos, o ang itatwa pa nga ang Diyos kapag hindi nila nararamdaman ang Kanyang kaliwanagan at patnubay. Ito ang bagay na pinaka-ayaw ng Diyos na makita. Siyempre, kung talagang umabot ka na sa puntong itinatatwa mo ang Diyos, itinatatwa ang Kanyang pagiging matuwid, itinatatwa ang Kanyang pagkakakilanlan at ang Kanyang diwa, at sinisigawan mo ang Diyos, kukumpirmahin nito na tama ang Diyos na magtaglay, sa una pa lang, ng saloobing huwag kang pakinggan. Kung hindi mo man lang makayanan ang maliit na pagsubok at pagsusulit na ito, kung gayon ay wala kang katiting man lang na pananampalataya sa Diyos at lubhang hungkag ang pananalig mo. Kapag hindi nararamdaman ng isang tao ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, ang pinakamahalagang dapat niyang gawin ay ang maghanap at maghintay nang buong puso. Responsabilidad ng mga tao ang paghahanap at paghihintay, at ang mga ito rin ang katwiran, saloobin, at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat magkaroon ang mga tao patungkol sa Diyos. Kapag naghahanap at naghihintay, huwag kang magkimkim ng mentalidad na nakabatay sa sapalaran. Huwag mong isipin lagi na, “Baka sakaling kung maghihintay ako, pagkakalooban ako ng Diyos ng malilinaw na salita. Kailangan ko lang maging tapat pa nang kaunti at titingnan ko kung bibigyan ba ako ng Diyos ng kaliwanagan o hindi. Marahil ay bigyan Niya ako ng kaliwanagan. Kung hindi, mag-iisip ako ng iba pang paraan.” Huwag magkimkim ng ganitong mentalidad na nakabatay sa sapalaran. Kinamumuhian ng Diyos ang ganitong uri ng saloobin sa mga tao. Anong uri ng saloobin ito? Isa itong saloobin ng sapalaran na may kasamang pagsubok. Ito ang pinakakinapopootan ng Diyos. Kung maghihintay ka, gawin mo ito nang taos-puso. Magtaglay ka ng pag-iisip na nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran habang nananalangin ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan, habang nilulutas mo ang mga praktikal mong problema, at habang nagsusumamo ka sa Diyos na bigyan ka ng kaliwanagan at patnubay. Paano ka man tratuhin ng Diyos o kung itulot man Niyang magtamo ka ng ganap na pagkaunawa sa huli, dapat mong sundin ang prinsipyo ng pagpapasakop nang walang anumang paglihis. Sa ganitong paraan, makakahawak ka nang mahigpit sa katayuan at tungkuling nararapat mayroon ang isang nilikha. Ikubli man ng Diyos ang Kanyang mukha sa iyo sa huli, kung likod lamang Niya ang ipakita Niya sa iyo, o kung magpakita man Siya sa iyo, hangga’t kumakapit ka nang mahigpit sa iyong tungkulin at sa orihinal mong posisyon bilang isang nilikha, makapagpapatotoo ka at magiging mananagumpay ka. “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.” Ang apat na maiikling pahayag na ito ay napakahalaga. Ang mga ito ang bumubuo sa katwiran na dapat taglayin ng tao, sa orihinal na posisyon kung saan dapat tumayo ang tao, at ang landas ng pagsasagawa na dapat sundin ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Lahat tayo ay naghahanap at naghihintay nang buong puso at isip, kaya bakit hindi tayo binibigyan ng kaliwanagan ng Diyos? Bakit hindi Niya ako binibigyan ng anumang inspirasyon?” May sariling mga layunin ang Diyos. Huwag kang gumiit ng anuman sa Diyos. Ito ang katwiran ng normal na pagkatao; ito ang katwiran na pinakanararapat taglayin ng mga nilika. Ayon sa mga karunungan, isipan, at kuru-kuro ng tao, napakaraming bagay ang hindi nauunawaan ng mga tao, at dapat sabihin ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga tao. Subalit sinasabi ng Diyos, “Hindi Ko responsabilidad o obligasyon na sabihin sa iyo ang mga bagay na iyon. Kung gusto Kong malaman mo ang isang bagay, may kaunti kang malalaman, at ito ay isang pabor Ko sa iyo. Kapag ayaw Kong malaman mo ang isang bagay, wala Akong sasabihing kahit isang salita tungkol dito, at huwag mo nang isipin pang magagawa mo itong maunawaan!” Sinasabi ng ilang tao: “Bakit Ka nakikipag-alitan sa amin sa bagay na ito?” Hindi nakikipag-alitan ang Diyos sa inyo. Ang Lumikha ay mananatiling ang Lumikha, at may sarili Siyang mga gawi at pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay. Bagama’t ang Kanyang mga paraan at pamamaraan ay hindi umaayon sa kagustuhan, o mga ideya at kuru-kuro ng tao, at tiyak na hindi umaayon sa tradisyonal na kultura ng tao, kahit sa ano pang mga aspeto ng tao hindi umaayon ang mga ito, sa madaling sabi, kahit hindi pa umaayon ang mga ito sa mga hinihingi at pamantayan ng mga tao—kahit ano pa ang gawin ng Lumikha, at kahit na maunawaan pa ito ng mga tao o hindi, hindi kailanman magbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha. Hindi dapat gamitin kailanman ng mga tao ang wika ng tao, mga kuru-kuro ng tao, o anumang pamamaraan ng tao para sukatin ang Lumikha. Ito ang katwirang nararapat taglayin ng mga tao. Kung wala ka man lang ng ganitong katiting na katwiran, kung gayon ay tatapatin na kita—wala kang kakayahang kumilos gaya ng isang nilikha. Balang araw, sa malao’t madali, may mangyayaring masama sa iyo. Kung wala ka ng kahit ganitong katiting na katwiran, isang araw, sa malao’t madali, sasambulat ang sataniko mong disposisyon. Sa pagkakataong iyon, pagdududahan mo ang Diyos, pagsasalitaan mo ng masama ang Diyos, itatatwa ang Diyos, at pagtataksilan ang Diyos. Kung magkagayon, katapusan mo na talaga, at dapat kang matiwalag. Samakatuwid, napakahalaga ng katwirang dapat taglayin ng mga nilikha. “Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.” Ang apat na pahayag na ito ay ang katwiran at mga prinsipyong nararapat magkaroon ang mga nilikha kapag hinaharap ang iba’t ibang kapaligirang madalas na kinakaharap ng mga tao sa totoo nilang buhay, at para paunlarin ang kanilang kaugnayan sa Diyos.

Sinasabi sa unang bahagi ng siping ito, “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan,” at sinasabi naman ng linya na pangalawa sa huli na, “Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.” Sinasabi ng ilang tao: “Ang ipinapahiwatig ba ng mga salitang ‘Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon’ ay na hindi maiiwasan ang kalalabasan sa huli? Kung naghahangad at naghihintay kami nang buong puso, nagtataglay ng pusong may napakalaking paghahangad para sa Diyos, at nananabik sa mga salita ng Diyos, kinakailangan bang ibigay sa amin ng Diyos ang kasagutan at tulutan Niya kaming maunawaan ang katotohanan sa naturang usapin?” Ito ang sagot Ko sa iyo: Hindi ito tiyak at hindi kinakailangang ganoon. Ang bawat salita sa siping ito ay isang hinihingi na ipinapanukala ng Diyos para sa mga tao, isang prinsipyo sa pagsasagawa na dapat sundin ng mga nilikha. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng landas sa pagsasagawa, mga prinsipyong dapat isagawa at sundin sa mga sitwasyong kinakaharap nila sa pang-araw-araw na buhay. Subalit, hindi sinabi ng Diyos sa mga tao, “Kahit gaano pa ninyo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hangga’t sinusunod ninyo ang mga prinsipyong ito, dapat Kong sabihin sa inyo ang mga katunayan, dapat Kong ibigay sa inyo ang kasagutan, at dapat Akong magpaliwanag sa inyo sa bandang huli.” Walang ganitong responsabilidad ang Diyos. Wala Siyang gayong “obligasyon.” Hindi dapat humingi sa Diyos ang mga tao ng gayong mga di-makatwirang bagay. Isa itong bagay na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Isang katunayan ang sinasabi sa mga tao ng “hindi kinakailangang ganoon” na ito: Hindi kailanman susunod ang Diyos sa mga tuntunin ng laro na inilatag ng mga tao ayon sa mga kuro-kuro ng tao, pilosopiya ng tao, at karanasan at aral ng tao, ni hindi Siya susunod sa batas ng tao. Sa halip, dapat sumunod ang mga tao sa mga prinsipyo ng mga hinihingi ng Diyos at pumasok sila sa realidad ng bawat katotohanan na ipinanukala ng Diyos. Naunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Malinaw na ipinapaliwanag sa siping ito ang mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao. Simulan sa unang linya. (“Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.”) Isa itong prinsipyo na madaling isagawa at maunawaan. Hindi lumilikha ng anumang pasanin o anumang presyur sa iyo ang pagsasagawa nito. Sobrang dali nito. Paano naman ang pangalawang linya? (“Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Diyos ng tapat na puso.”) Isa kang normal na tao na nabubuhay sa mundo. Iyon lang ang kailangan mo para magawa ang “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Hangga’t mayroon kang puso, kaya mo itong gawin. May dalawampu’t apat na oras ka sa isang araw. Dagdag sa normal mong trabaho, oras ng pahinga, pagkain, at personal na mga espirituwal na debosyon, madali ba na “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso”? (Madali itong gawin.) Magagawa ito habang naglalakad, nakikipagkuwentuhan, o nagpapahinga, hindi ito makakaistorbo sa normal mong mga gawain, sa paggawa mo ng iyong tungkulin, o sa trabahong kasalukuyan mong ginagawa. Simpleng bagay lang talaga ito! Kahit ano pa ang kakayahan ng isang tao, hangga’t nag-aalay siya ng tapat na puso at pinagsisikapang matamo ang katotohanan, unti-unti niyang mauunawaan ang katotohanan at mapapasok ang realidad na ito nang walang kahirap-hirap.

Ano ang kasunod na linya? (“Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.”) Ngayon, babaligtarin Ko ito at tatanungin Ko kayong lahat, sumasampalataya ba kayo na “Ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat”? Kailan mo sinimulang sampalatayanan ito? Sa anong mga bagay mo ito sinampalatayanan? Pinatotohanan mo ba ito? Nagkaroon ka na ba ng ganitong karanasan? Paano kung tanungin ka ng isang tao, “Sumasampalataya ka bang ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat?” Marahil sa teorya, walang pag-aalinlangang sasabihin mo na, “Ang Diyos ang aking Makapangyarihan sa lahat! Paanong hindi ko magiging Makapangyarihan sa lahat ang Diyos?” Paano kung tanungin ka niya ulit, “Ang Diyos ba ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Sa anong mga bagay mo inasahan ang Diyos at nasaksihan ang mga gawa ng Diyos? Hanggang sa anong antas personal na nahayag sa iyo ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos? Kailan mo natuklasan na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Sa anong mga bagay mo nararamdaman na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Kung inaamin mong ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat at, kung kasama Siya, walang imposible, bakit may mga pagkakataong napakahina mo? Bakit negatibo ka pa rin? Bakit hindi mo mamaghimagsik laban sa ang laman at maisagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo? Bakit palagi kang namumuhay ayon sa satanikong pilosopiya sa pakikitungo mo sa iba? Bakit madalas ka pa ring nagsisinungaling nang hindi nararamdaman ang pananaway ng Diyos? Talaga nga bang ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? Sa tingin mo, ano ba mismo ang tinutukoy ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos? Nakaayon ba ito sa diwa ng Diyos?” Kung itatanong sa iyo ang mga katanungang ito, mangangahas ka pa rin bang sumagot nang ganoon katiyak? Kapag nagtatanong Ako nang ganito, hindi makapagsalita ang mga tao. Wala kang gayong karanasan, wala ka pang nabuong ugnayan sa Diyos sa ganitong antas. Sa buong panahon na sinampalatayanan mo ang Diyos, hindi mo pa kailanman naranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi kailanman nakita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman nakita ang kataas-taasang kapangyarihang hawak ng makapangyarihang kamay ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi mo pa ito kailanman nakita, narinig, at lalo namang hindi mo pa naranasan o personal na naramdaman. Samakatuwid, sa katanungang “Ang Diyos ba ang aking Makapangyarihan sa lahat?” Hindi mo alam at hindi ka nangangahas magsalita. Pinatutunayan nito na wala kang gayong pananampalataya. Para sa iyo, ang linyang ito ang dapat mong maging pangitain. Ito dapat ang pinakamakapangyarihang katibayan na sumasampalataya ka sa Diyos at na sinusunod mo Siya. Isa rin itong aspekto ng pangitain na sumusuporta sa iyo habang nagpapatuloy ka. Subalit hindi ka nangangahas na sumagot nang may katiyakan. Bakit? Dahil ang pananampalataya mo sa Diyos ay isa lamang paniniwala na mayroon ngang Diyos. Dahil hanggang ngayon, hindi mo pa tunay na sinusunod ang Diyos, hindi ka pa totoong nakabuo ng ugnayan sa Diyos, hindi ka pa nakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, hindi ka pa nakabahagi sa karanasan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi mo pa napagtanto mismo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi mo nakita o naranasan ang mga bagay na ito, lalong hindi mo nauunawaan ang mga ito. Kung tinanong ka lang, “Ang Diyos ba ang iyong Makapangyarihan sa lahat?” tiyak na sasagot ka ng “oo.” Kung tatanungin ka naman kung paano mo ito naranasan at kung paano ka nagkaroon ng ganitong pagkaunawa, tiyak na mapapayuko ka at hindi makakapagsalita, at hindi mangangahas na sumagot. Ano ang dahilan ng katunayang ito? (Wala kaming karanasan ukol dito.) Nagsasalita ka batay sa teoretikal na pananaw. Ang totoo, berbal mong idinedeklara ang iyong sarili bilang tagasunod ng Diyos at isang nilikha. Subalit, mula noong araw na magsimula kang sumunod sa Diyos, hindi mo kailanman tinupad ang mga responsabilidad ng isang nilikha. Ang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon ng iyong pag-iral, ang kilalanin ang mga salita ng Diyos bilang prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa paggawa ng iyong tungkulin, at ang pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos: Responsabilidad mo ito. Kung hindi ka pa nakakapasok sa mga katotohanang realidad na ito, ano ang ipinapahiwatig nito? Ito ay na kahit sinusunod mo ang Diyos, kahit inabandona mo ang pamilya, trabaho, at propesyon at nagagawa mong sumunod sa Diyos hanggang ngayon, hindi pa tinatanggap ng puso mo ang katotohanan at ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan, sa halip, hinahangad mo ang mga bagay na gusto mo mismo at hindi mo kailanman binitiwan ang mga ito. Maituturing ba itong pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos? Kung sa puso mo, hindi mo tinatanggap ang mga mithiin sa buhay, direksyon, at ang batayan sa buhay at pamumuhay na itinakda ng Diyos para sa mga tao kundi inuulit mo lang mga salitang naririnig mo at nagsasalita ka lang ng ilang doktrina, maituturing ba itong pagtanggap sa katotohanan? Bagama’t sinusunod mo ang Diyos at mukhang magagampanan mo naman ang iyong tungkulin, hindi pa tinatanggap ng puso mo ang katotohanan. Bagama’t maraming taon ka nang sumasampalataya sa Diyos, ang mga prinsipyong sinusunod mo, ang mga pamamaraan mo, at ang landas na sinusunod ng iyong buhay ay mga kay Satanas pa rin. Katulad ka pa rin ng dati, namumuhay ka pa rin ayon sa sataniko mong disposisyon at paraan ng tiwaling tao, at hindi mo pa tinatanggap ang mga hinihingi at prinsipyong mula sa Diyos. Batay sa napakahalagang perspektibang ito, hindi tunay na pagsunod sa Diyos ang ginagawa mo. Inaamin mo lang na isa kang nilikha at ang Lumikha ang iyong Diyos. Sa teoretikal na pundasyong ito, gumagawa ka nang kaunti para sa Diyos at inaalayan Siya ng ilang munting handog. Batay rito, nang may pag-aatubili mong inaamin na ang Diyos ang iyong Diyos at ikaw ay tagasunod Niya, pero hindi kailanman tunay na tinanggap ng puso mo ang Diyos bilang iyong buhay, iyong Panginoon, at iyong Diyos. Babalik ulit tayo sa katatanong Ko lang, “Ang Diyos ba ang iyong Makapangyarihan sa lahat?” Dahil sa mga kadahilanang nabanggit sa itaas, hindi ka nangangahas na sumagot nang may katiyakan. Sa lahat ng bagay at sa buong sansinukob, ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, pero para sa iyo, maaamin mo, bilang isang teorya lamang, na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, pero ang totoo, hindi mo ito naranasan o nakita. Sa usapin ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, may malaking tanong sa puso mo. Kailan makukumpirma ng mga tao ang salitang “Ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat” at magagawang pundasyon ng kanilang pananampalataya sa Kanya ang pangitaing ito? Kapag tinanggap ng mga tao ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, at ang katayuan ng Diyos sa kanilang puso, kapag pumasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at ginawang pundasyon ng kanilang pag-iral ang mga salita ng Diyos, ay saka lamang nila tunay na kikilalanin na na “Ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.” Ang totoo, ang mga salitang ito ang pinakamahirap makamit, pero inihayag na ng Diyos ang mga ito, ipinapakita ang kahalagahan ng mga ito para sa mga tao. Dapat gugulin ng isang taong nagnanais maranasan at matanto ang mga salitang ito ang kanyang buong buhay para magawa ito. Para makapagbigay ng isang totoo at tiyak na sagot sa katanungan ng mga salitang ito mula sa kaibuturan ng kanyang puso, kailangan niyang gugulin ang kanyang buong buhay para magkaroon ng isang normal na ugnayan sa pagitan niya at ng Diyos, ibig sabihin, ang ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha sa kanya. Makakamit ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Madali lang talaga itong isagawa, pero hindi madali na tunay na makamit ang mithiing hinihingi ng Diyos. Dapat gumugol ang isang tao ng panahon at pagsisikap at magbayad ng halaga para dito.

Ano ang kasunod na linya? (“Dapat kang magkaroon ng napakalaking paghahangad para sa Diyos, sabik na sabik na naghahangad.”) Lahat ito ay mga hinihingi na itinatakda ng Diyos para sa mga tao. Kung gusto ng mga taong maunawaan ang katotohanan at maligtas, dapat asamin ito ng kanilang puso, dapat magkaroon sila ng kagustuhang hangarin ito, at dapat silang magkaroon ng totoong pananabik. Pagkatapos, dapat silang magsagawa at pumasok alinsunod sa landas ng pagsasagawang inilatag ng Diyos. Unti-unti, dadalhin ng Diyos ang mga taong ito sa katotohanang realidad at sa isang tama at normal na kalagayan. Lalo pang mauunawaan ng gayong mga tao ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos sa lalong praktikal na paraan. Sa huli, ang maraming hindi normal na kalagayang taglay ng mga taong ito, ang katiwaliang nabunyag sa kanila, at ang kanilang paghihimagsik ay unti-unting malulutas sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan ng gawain ng Diyos na nasa maraming iba’t ibang kapaligirang isinasaayos Niya. Kaya, ano ang dapat ninyong maunawaan? Ito iyon: Ang mga bagay na dapat gawin ng mga tao, ang mga bagay na dapat nilang isagawa, ay dapat maisakatuparan ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kapag nagsasagawa at kumikilos ang mga tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos, makalalakad sila sa tamang landas na itinuro ng Diyos sa kanila. Kapag lumalakad ang mga tao sa tamang landas na ito, magkakaloob ang Diyos, ayon sa Kanyang paraan at ayon sa Kanyang mga hinihingi at prinsipyo, ng isang angkop na bahagi para sa kanila sa takdang panahon. Ano ang dapat maunawaan ng mga tao rito? Ang pakikipagtulungan ng mga tao, ang halagang binabayad nila, at ang kanilang mga ginugugol ay hindi maiiwasan. Dapat kumilos at magsagawa ang mga tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi sila dapat kumilos nang ayon sa mga kagustuhan ng tao o batay sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao. Kung ano ang resultang makakamit sa huli, kung gaano makapagbabago ang isang tao, kung gaano karami ang matatamo ng isang tao: natutukoy ba ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga kagustuhan ng indibidwal na tao? Hindi, ang Diyos ang bahala roon, at wala itong kinalaman sa iyo. Sa huli, kung ano at kung gaano karami ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, kung kailan Niya ito ibibigay sa iyo, at kung anong edad mo tatanggapin ang mga ibibigay Niya sa iyo: Ang Diyos na ang bahala roon, at wala itong kinalaman sa iyo. Ano ang ipinapakahulugan Ko sa bagay na ito? Ito ay na kailangan mo lamang tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan, pumasok ayon sa landas na ibinibigay ng Diyos sa iyo, kumilos nang angkop para sa isang nilikha, at makipagtulungan nang nararapat. Pagdating naman sa kung ano at kung gaano karami ang matatanggap mo, kung kailan mo ito matatanggap, at kung paano gagawin ng Diyos ang mga bagay na ito, ang Diyos na ang bahala roon at mangyayari iyon sa takdang oras ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kung isasagawa ko ito, maliligtas ba ako sa huli?” Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ba ninyo ay maliligtas sila? Ang mga salita at katotohanang ito na ipinagkaloob at itinustos ng Diyos sa tao ay ang landas ng tao tungo sa kaligtasan. Kung nagsasagawa ka alinsunod sa mga salita at sa mga katotohanang ito ng Diyos at pumapasok ka sa realidad ng salita ng Diyos, kailangan mo pa rin bang mag-alala na baka hindi ka maligtas? Ginugugol mo pa rin ba ang bawat araw mo sa pag-aalala at pagkabalisa dahil sa takot na aabandonahin ka ng Diyos? Hindi ba’t dahil ito sa masyadong maliit na pananampalataya at kabiguang maunawaan ang mga layunin ng Diyos? Kung tunay ka ngang nakapasok sa katotohanang realidad, kung may kapayapaan at kaligayahan ang iyong puso, kung kaya mong magbigay ng tunay na patotoong batay sa karanasan at mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa iyong puso, mag-aalala ka pa rin ba na hindi ka maliligtas? Huwag kang mag-alala, hindi mo ito kailangang intindihin. Dapat magsagawa at pumasok ka lang sa salita ng Diyos. Sa salita ng Diyos, walang linyang hindi mahalaga. Ang kabuuan ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang katotohanan ang buhay na dapat taglayin ng tao. Ang kabuuan ng mga salita ng Diyos ang kailangan at dapat taglayin ng mga tao para makamit ang kaligtasan. Kung sinusunod mo ang mga salitang ito ng Diyos sa pagsasagawa pero nag-aalala ka pa rin na hindi ka maliligtas, hangal ka ba at mangmang? Masyado ka bang sensitibo? Mas masisiyahan ka kung isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, sa halip na isipin ang gayong mga walang-kwentang kaisipan. Kung lumalakad ka sa tamang landas, ang huling destinasyon mo ang tiyak na tama—ang destinasyong itinakda ng Diyos para sa iyo. Hindi ka magkakamali. Samakatuwid, kung isinasagawa mo at pumapasok ka sa mga hinihingi ng Diyos, hindi mo na kailangang alalahanin kung maliligtas ka ba o hindi. Isagawa at hangarin mo lang ang landas sa kaligtasan na itinuro ng Diyos, iyon ang tamang paraan. Sinasabi ng ilang tao: “Ano ang pakiramdam na matamo ang kaligtasan? Mararamdaman ba namin na parang lumulutang kami sa hangin? Iba ba ang mararamdaman namin sa kung ano ang nararamdaman namin ngayon?” Masyado pang maaga na tanungin ito. Hindi ito isang bagay na kailangan mo nang malaman ngayon. Malalaman mo ito kapag tunay ka nang naligtas. Sinasabi ng ilang tao: “Kapag naligtas ako, magpapakita ba ang Diyos sa akin gaya ng ginawa Niya kay Job?” Makatwirang kahilingan ba ito? Huwag mo itong hilingin. Hindi mo pa alam kung maliligtas ka nga, kaya ano ang saysay na hilingin mo ito? Wala. Halimbawa, sabihin nang kasalukuyan kang nasa mababang paaralan. Dapat mong pagbutihan sa lahat ng iyong klase at tapusin ang mga ipinagagawa ng iyong guro. Huwag mong laging pag-isipan kung “Saang unibersidad ako papasok pagdating ng araw? Anong uri ng trabaho ang papasukin ko pagdating ng panahon?” Walang kwentang pag-isipan ang mga bagay na iyon. Masyado pa itong malayo sa hinaharap at hindi makatotohanan. Hangga’t nagsasagawa ka at pumapasok sa mga tamang pamamaraan at landas, tiyak na makakamit mo ang pinakaminimithi mo. Maliban dito, kapag may patnubay ng Diyos, ano pa ba ang kinakatakutan ninyo? Nananalig ka bang ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? (Nananalig ako.) Ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, kaya mahirap ba para sa Diyos na iligtas ang isang munting taong kagaya mo? Hindi mahirap para sa Diyos na kuhain ang buong mundo at ibigay ito sa iyo, kaya paanong magiging mahirap na iligtas ang isang munti at tiwaling tao? Kaya, kailangan mo pa rin bang mabalisa? Huwag kang mag-alala kung maililigtas ka ba ng Diyos, huwag kang mag-alala kung maililigtas ka ba ng mga salita ng Diyos. Sa halip, dapat kang mag-alala kung mauunawaan mo ba ang mga salita ng Diyos at kung makakahanap ka ba ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Dapat kang mag-alala kung nakapasok ka na ba sa realidad ng mga salita ng Diyos at kung, sa mga kilos mo, lumalakad ka ba sa landas na itinuro ng Diyos. Mas mabuti iyon. Praktikal at makatotohanan ang pag-isipan ang mga bagay na ito. Walang silbi ang mag-alala tungkol sa iba pang bagay.

Ano ang kasunod na linya? (“Tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas.”) Katatapos lang natin pagbahaginan ang linyang ito, kaya madali na dapat lutasin ang problemang ito. Kailangan lang maunawaan ng mga tao na, kadalasan, ang “mga pagdadahilan, intensyon, at panlalansi ni Satanas” ay bunga ng iba’t ibang dahilan, palusot, intensyon, at panlalansing likha ng tiwaling disposisyon ng mga tao pati ng mga pamamaraang ginagamit ng iba’t ibang masasamang tao at hindi mananampalataya na nakakasalamuha mo. Tungkol naman sa kung paano mo makikilala at matatanggihan ang gayong mga bagay at ang mga dapat mong piliin, personal mong paghahangad iyon. Basahin ang kasunod na linya. (“Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.”) Katatapos lang din natin pagbahaginan ang linyang ito nang detalyado. Para sa tao, ang bawat linya ay isang babala at paalala, at isang uri din ng suporta, tulong, at pagtustos. Siyempre, nakapaloob sa mga salitang ito ang mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at taglay ng mga ito ang nag-uumapaw Niyang pag-asa para sa sangkatauhan. Kapag nahaharap ang mga tao sa kahinaan at paghihirap, ayaw ng Diyos na makita silang mawalan ng pag-asa, mawalan ng pananalig, na mawala ang kanilang pag-aasam na mahangad ang katotohanan at kaligtasan, at mawalan sila ng oportunidad na matamo ang katotohanan at magawang perpekto ng Diyos. Ayaw ng Diyos na maging duwag ang mga tao. Sa halip, kahit gaano pa karaming paghihirap ang makaharap nila, kahit gaano pa sila kahina, at kahit gaano karami pa sa katiwalian nila ang mabunyag, umaasa ang Diyos na hindi kailanman susuko ang mga tao, na magpupursige sila sa kabila ng lahat ng ito, magpapatuloy sa paghahangad sa katotohanan, susunod sa mga landas ng pagsasagawa na tinukoy ng Diyos para sa kanila sa kanilang paghahangad, at magkakaroon pa rin ng pusong may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Dapat lalong lumago ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos kasabay ng kanilang karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at hindi sila dapat umiwas kapag nahaharap sila sa kahinaan, maging negatibo kapag nahaharap sa mga paghihirap, humikbi kapag may kaunting katiwalian na nabubunyag, at umurong sa halip na sumulong. Ayaw ng Diyos na makakita ng ganitong eksena. Umaasa ang Diyos na buong puso nilang dadalhin ang kanilang sarili patungo sa Diyos, nang hindi binabago ito kailanman nang dahil sa oras, kapaligiran, pisikal na lokasyon, o anumang sitwasyon na maaaring mangyari. Kung hindi nagbabago ang paghahangad mong hanapin ang Diyos at hindi humihina ang paninindigan mo sa paghahanap sa Diyos, makikita at malalaman ng Diyos ang tapat mong puso. Sa huli, tiyak na mahihigitan ng mga bagay na ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng maaaring nais mo. Sa loob ng ilang dekadang naranasan ni Job ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi siya kailanman nangahas na isiping ang Diyos ay kakausapin siya o personal na magpapakita sa kanya. Hindi siya kailanman nangahas na isipin ito, pero nagpakita nga ang Diyos sa kanya pagkatapos ng kanyang huling pagsubok, kinakausap siya nang personal mula sa isang ipo-ipo. Hindi ba’t higit pa ito kaysa sa anumang mahihiling ng tao? (Oo.) Higit pa ito sa anumang mahihiling ng isang tao, at walang sinumang nangangahas na isipin man lang ang naturang ideya. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat tumayo ang tao sa tama niyang lugar, gawin ang mga bagay na dapat niyang gawin, lumakad sa landas na dapat niyang lakaran, gawin ang mga tungkuling ibinigay sa kanya nang hindi humihigit sa kung ano ang hinihingi sa kanya, at tumigil sa paggawa ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos. Tuwing nararamdaman mong humihingi ka nang labis-labis sa Diyos, na ang mga kahilingan mo ay bunga ng mga ambisyon at kawalan ng katwiran, dapat kang lumapit kaagad sa harapan ng Diyos, magpatirapa sa harapan Niya, at ikumpisal ang iyong mga kasalanan. Dapat tunay kang magsisi at magbagong-buhay mula sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan at ang inaasahan Niya sa bawat taong sumusunod sa Kanya at nagmamahal sa katotohanan.

Dito na natin tinatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa siping ito. Matapos ang napakaraming pagbabahaginan, iniutos Ko na ang mga dapat iutos at ipinaunawa sa inyo kung ano ang angkop para sa tao na maunawaan. Ang ganitong uri ng pagbabahagi ay para sabihin sa inyo kung paano basahin ang mga salita ng Diyos, para ituro sa inyo ang paraan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, at ipaalam sa lahat na walang sipi mula sa salita ng Diyos ang sinalita nang walang kabuluhan. Puno ng mga layunin ng Diyos ang lahat ng ito at dala ang mga pag-asa ng Diyos. Kung titingnan sa ganitong paraan, ang lahat ng salita ng Diyos ay mga bagay na, malalim man o simple, dapat taglayin at sundin ng tao. Ilang simpleng salita lamang ay naglalaman ng mga prinsipyo sa pagsasagawa na dapat pakasundin ng tao, subalit walang nakakagawa nito. Walang sinuman ang nagpapahalaga sa mga salitang ito ng Diyos at walang sinuman ang may pagsasaalang-alang sa mga ito. Sabihin ninyo sa Akin, gaano ba kamanhid ang tao? Ang totoo, maganda-ganda pang sabihin na manhid. Sa katunayan, dahil sa walang hanggang kayabangan ng mga tao kaya inaalipusta nilang lahat ang mga salitang ito at hindi nila nais na makita o mabasa ang mga ito. Ano ang gusto nilang basahin? Gusto nilang basahin ang mga malalim, mataas, pilosopikal, at sistematikong salita. Huwag nang pag-usapan ang matataas at malalalim na salita, sapat na kung mauunawaan ng mga tao ang ilang simpleng salitang ito. Maaaring mukhang simple ang mga salitang ito at sinumang nakakabasa ng mga ito ay mauunawaan ang mga ito, pero sino nga ba talaga ang nagsasagawa sa mga ito? Sino nga ba ang makapagdadala ng mga bagay na nangyayari sa kanila sa harapan ng Diyos at makakapanalangin? Sino ang naghihintay sa itinakdang oras ng Diyos nang hindi naliligalig na makahanap ng mga solusyon? Gaano karaming tao ang makapagsasagawa nito? Hanggang ngayon, wala pa Akong nakitang nagsakatuparan at nagsagawa sa mga salitang ito ng Diyos, ni wala pa Akong nakita na naakit sa mga salitang ito, na nagpahalaga sa mga salita ng Diyos matapos makita kung gaano kataos-puso, katapat, at kahalaga ang mga ito. Matapos marinig na pinatutugtog ninyo ang himnong ito ngayon-ngayon lang, tinanong Ko kayo kung paano ninyo kinain at ininom ang siping ito ng salita ng Diyos. May nakatuklas na ba sa layunin ng Diyos mula sa ilang simple, payak, at tuwirang salitang ito sa pamamagitan ng pagdadasal-pagbabasa sa mga ito? May nagdasal-nagbasa na ba sa mga ito para hanapin ang landas sa pagsasagawa na dapat maunawaan at pasukin ng mga tao? May nakaunawa ba ng anumang katotohanan mula sa mga ito? Ang tinatanong Ko ay kung natupad na ba sa mga indibidwal na tao ang mga katotohanang nakapaloob sa mga ito? Nagkaroon ba ng epekto ang mga ito? Ipinakita sa ating pagbabahaginan na hindi talaga nagkaroon ng epekto ang mga ito. Masyadong maliit ang inyong tayog. Tila hindi pa tunay na nag-ugat sa inyong puso ang karamihan sa mga salitang sinabi ng Diyos nitong mga nagdaang taon. Hindi pa ninyo naabot ang antas kung saan pinapahalagahan ninyo ang mga ito bilang mga katotohanan. Hindi ito isang magandang pahiwatig. Hindi ito isang magandang palatandaan. Sinasabi ng ilang tao: “Masyado kaming abala sa pagganap sa aming mga tungkulin araw-araw. Wala kaming panahon para pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos.” Ang totoo, hindi sa wala silang panahon, kundi hindi nila ito pinagsisikapan o pinag-uukulan ng atensyon. Kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, makakaapekto ba ito sa kung paano niya pinagbubulay-bulayan ang mga salita ng Diyos sa kanyang puso? Hindi ba niya mapagbubulay-bulayan ang mga salita ng Diyos habang kumakain at namamahinga? Nakadepende ang lahat ng ito sa kung mayroon ba siyang pagnanais. Inaakala ng mga tao na ang pagiging abala ng isang tao ay nangangahulugang kontento na siya sa kanyang buhay. Ang totoo, kapag may libre kang oras para makapag-isip, mapagtatanto mo na hindi mo kailanman tunay na pinagbubulay-bulayan ang alinman sa mga salita ng Diyos sa iyong puso. Walang anumang tumatak sa iyo at ang mga ito ay hindi naging gabay sa iyong buhay at hindi naging saligan sa iyong pagsasagawa. Kapag napag-isip-isip mo ito, mahihiya ka. Isang ilusyon lang na lumilinlang sa iyo ang pagiging abala mo. Dahil sa pananalig mo sa Diyos, pakiramdam mo tuloy ay kumpleto ang buhay mo sa halip na hungkag, na naiiba ka sa mga tao sa mundo, na hindi mo ninanasa ang mga kalakaran sa mundo. Bagkus, kabilang ka sa mga pinakamakatarungang tao, nakikipagtulungan ka sa gawain ng Diyos, at gumagawa ka ng mga gawang makatarungan. Pakiramdam mo ay ligtas ka na, o nasa daan ka na tungo sa kaligtasan. Iniisip pa nga ng ilang tao na mga mananagumpay na sila. Sa lahat ng ito, ganito pa nga ang inyong saloobin sa ganoon kasimpleng himno at sa ilang simpleng salita ng Diyos, na mga pinakaunang ipinahayag ng Diyos. Walang nagtamo ng anuman o walang nakahanap ng anumang kaliwanagan sa mga salitang ito, o nagsagawa sa mga ito sa anupamang paraan. Wala Akong makitang sinuman na nagtamo ng anumang kapakinabangan o resulta para sa kanyang sarili. Mabuting bagay ba ito o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Sa mga nagdaang taong ito, abala kayong gumagawa ng inyong mga tungkulin, at nagpakaabala kayo lalong-lalo na sa gawain ng ebanghelyo. May nakamit na kayong tagumpay at masayang-masaya ang inyong mga puso. Ano’t anuman, lumaganap na ang salita ng Diyos at ang gawain ng ebanghelyo. Nakarating ang salita ng Diyos sa bawat bansa at rehiyon, at mas maraming tao na ang kumakain at umiinom ng salita ng Diyos. Kung titingnan sa labas, mukhang nagtagumpay na kayo, pero may ideya ba kayo tungkol sa bagay na iyon na mahalaga sa buhay, sa inyong kaligtasan? Kung pagbabatayan ang saloobin ng mga tao ukol sa siping ito ng salita ng Diyos, wala silang ideya. Ika nga sa isang lokal na kasabihan, wala pang naisusulat ang panulat. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang pakiramdam Ko na makita kayong ganito? Ilang simpleng salita lang ito, pero kailangan Ko pa ring ipaliwanag at talakayin ang mga ito nang detalyado sa inyo. Ang Aking mga salita ay masyadong komprehensibo at sobrang detalyado. Handa ba kayong makinig? Sasabihin ba ninyong masyado Akong nangungulit? Ayaw Ko ring mangulit nang ganito. Mukhang matuwid kayong lahat. May kaunting utak at kaalaman naman kayong lahat, at ang karamihan sa inyo ay may kasanayan. Gayunman, hindi kayo nakikinig sa mga munting salita ng himnong ito at hindi ninyo isinasapuso ang mga ito. Hanggang ngayon, walang kahit isang tao ang nakapasok sa realidad ng mga salitang ito. Talagang masakit sa ulo iyon at nakakainis! Kaya, ano ang saysay ng lahat ng gawaing ginagawa ninyo sa iglesia? Para ba ito sa layuning sinasabi ni Pablo nang sabihin niyang, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran”? Kung ito talaga ang mithiin, mga Pablo kayong lahat at hindi magiging maganda ang mga susunod na mangyayari! Iyon na ba iyon? (Oo.) Kung hindi ka nagsisikap sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa malao’t madali, matitiwalag ka, at wala kang matatamo. Sa araw na matiwalag ka, sasabihin mo, “Ano ang natamo ko?” Wala kang anumang natamo, kaya sobrang hiyang-hiya ka, at nanaisin mo pa ngang mamatay. Masyado itong nakakaawa. Ang mga salita ng Diyos ay mayaman at masagana, tinatalakay ang lahat ng bagay. Nakakapanghinayang naman na hindi mo pa kailanman isinapuso ang paghahangad sa mga ito, na hindi mo pa kailanman taimtim na binasa ang mga salita ng Diyos. Sa dinami-rami ng mga salita ng Diyos, ni isang linya ay walang puwang sa puso mo. Kung hindi ka ititiwalag, sino naman kaya? Ganito ba ang lagay ng mga bagay-bagay? (Oo.) Ang pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, ang gawing realidad mo ang mga salita ng Diyos: iyan ay isang napakahalagang pangyayari. Mas mahalaga pa ito kaysa sa anumang bagay, mas mahalaga pa kaysa sa pagsilang sa susunod na henerasyon, mas mahalaga pa kaysa sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, mas mahalaga pa kaysa matutuhan ang isang propesyonal na kasanayan, mas mahalaga pa kaysa sa ipalaganap ang ebanghelyo, mas mahalaga pa kaysa sa lahat ng bagay. Kung hindi ka pa nakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, kahit ano pa ang mga tungkuling ginagampanan mo, kahit gaano pa kalayo ang takbuhin mo, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng ito. Sa huli, wala kang makakamtang resulta at lahat ng gagawin mo ay mauuwi sa wala. Kahit gaano ka pa magpakahirap sa pagtakbo ngayon, kahit ano pa ang kasalukuyan mong posisyon, ang trabahong ginagawa mo, o kung anong engrandeng mga bagay ang nakamit mo, isa lang itong usok na mapapawi kalaunan. Kapag pumasok ang isang tao sa realidad ng mga salita ng Diyos, natamo ang katotohanang nakapaloob sa mga ito, at nakita ang mga prinsipyo, landas, at direksyon ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, saka lamang walang makakaagaw ng mga bagay na ito mula sa kanya. Kapag nakapasok na siya sa mga katotohanang realidad na ito, saka lamang magkakaroon ng kabuluhan at katuturan ang paggampan sa kanilang mga tungkulin at ang halagang ibinayad nila para sa lahat ng bagay. Saka lamang ito matatanggap ng Diyos. Pagkatapos mong makapasok sa realidad ng salita ng Diyos at maisagawa ang mga prinsipyo at pamantayang hiningi ng salita ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, hindi mawawalan ng kabuluhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin at isang bahagi nito ay matatanggap ng Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung umaasa ka lang sa sarili mong pagpipigil sa sarili, sa pagtitiyaga ng tao, sa talino at mga kaloob ng tao, at sa mga gawi at pamamaraan ng tao para magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga, kung gayon, walang kinalaman ang lahat ng ginagawa mo sa mga salita ng Diyos. Dapat maging malinaw sa iyo ang pinal na resulta. Makukuwenta ng maraming tao ang mga gastusin nila at ang mga account ukol sa gastos at kita, pero walang makakakwenta sa account na ito. Mukhang matalino naman kayo sa pag-aasikaso ng mga panlabas na gawain, may mga gawi at pamamaraan kayo, at medyo tuso kayo, pero ipinagwalang-bahala ninyo ang usapin ng inyong pananampalataya sa Diyos at sa kaligtasan at ang usapin ng kung paano tratuhin ang mga salita ng Diyos, hindi ninyo kailanman binibigyang pansin ang mga bagay na ito. Sa tingin mo ba ay dahil sa kawalan ng atensyon ay matatakasan mo na ang kautusan na hinihingi ng Diyos? Sa tingin mo ba, sa pamamagitan lang ng kaunting pagsisikap, ay susuwertehin ka at matatakasan mo ang matuwid na paghatol ng Diyos? Huwag mong lokohin ang sarili mo! Ang lahat ng batas na ginawa ng tao ay produkto ng kaalaman at kabatiran ng tao. Lahat ng ito ay katalinuhan ng tao. Hindi ito mga kautusang nilikha ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Huwag kang magtaglay ng mentalidad na nakasalig sa sapalaran pagdating sa iyong kaligtasan. Malilinlang mo lang ang sarili mo, pero hindi mo malilinlang ang Diyos.

Ano ang unang magandang bagay na dapat mong gawin sa paghahangad mo sa kaligtasan? Kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang sa gayon ay maunawaan mo ang katotohanan at makapasok ka sa realidad. Ito ang unang mabuting bagay. Kahit gaano ka pa kaabala sa paggawa mo ng iyong tungkulin, kahit gaano pa karami ang nakatambak mong trabaho, dapat maglaan ka pa rin ng oras para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, para hanapin sa mga ito ang mga prinsipyo at landas para sa pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at para makapasok sa katotohanang realidad. Ito ang tanging layunin ng pananalig sa Diyos. Kapag nakapasok ka na sa katotohanang realidad at natamo mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, lahat ng gagawin mo ay magiging kalugod-lugod sa pagganap ng iyong tungkulin, at magiging mahalaga at makahulugan ito. Kung hindi naman, pawang pagtatrabaho lang ang ginagawa mo at hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin. Ni hindi ka tutulungan ng pagtatrabahong ito na maligtas ka. Kung hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi mo isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi sineseryoso ang pagpasok sa katotohanang realidad, at kontento ka na sa paggugol lamang ng iyong sarili at sa paggawa ng mga bagay-bagay nang hindi isinasaalang-alang ang pagsasagawa sa katotohanan, hindi ka ba magiging hangal niyan? Iniisip ng lahat na matalino at maaasahan sila sa kanilang trabaho. “Ngayong nandito na ako, siguradong magagawa nang maayos ang trabahong ito. Hangga’t naririto ako para magbantay, walang makakagambala sa gawain ng iglesia. Hangga’t nagtatrabaho ako, hangga’t ginagawa ko ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos, maliligtas ako.” Huwag mong lokohin ang sarili mo. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na, hangga’t ginagawa palagi ng isang tao ang kanyang tungkulin, maliligtas siya. Mula ito sa sariling imahinasyon at pananaginip nang gising ng tao. Ang mga nagsasabi nito ay hindi nakakakilala sa kanilang sarili, at hindi nila nauunawaan ang diwa at katotohanan ng lalim ng pagkatiwali ni Satanas sa tao. Ito ang dahilan kaya nakakapagsalita sila ng gayong kalokohan. Sa lahat ng kapanahunan, hindi ba’t ginagawa naman ng mga tagasunod ng Diyos ang kanilang mga tungkulin? Naligtas ba sila? Hindi. Kwalipikado ba silang pumasok sa kaharian ng langit? Hindi. Malinaw na ibinunyag ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang katotohanan sa katiwalian ng mga tao. Tinutulutan nito ang lahat na makaunawa, magbago ng landas, at magtamo ng katotohanan at makapasok sa realidad, na sumasailalim sa mga totoong pagbabago. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Makakamit mo ba ang totoong pagbabago kung nakatutok ka lang sa lagi mong pagganap ng iyong tungkulin? Matatamo mo ba ang katotohanan? Makakamit mo ba ang pagsunod sa Diyos? Imposible. Ang pinakamahalaga ay na dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan, magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tamuhin ang katotohanan upang maging ayon sa mga layunin ng Diyos. Sa pagsasabi ng mga salitang ito, ang pinangbabayad ng Diyos sa halaga ay ang sariling dugo ng Kanyang puso at iniaalay Niya ang Kanyang buhay para sa tao. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga ito, bagkus ay lagi mong binabalewala at kinasusuklaman ang mga ito sa iyong puso, at hindi mo kailanman sineseryoso ang mga salita ng Diyos, maaari ka bang maligtas? Posible kayang maging maganda ang resulta sa huli? Ni hindi mo ito kailangang isipin. Ano ang unang magandang bagay kapag sumasampalataya ka sa Diyos? Ito ay ang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan, at sa pamamagitan nito, pumasok sa katotohanang realidad nang walang pagkaantala. Simulan mo sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid mo, sa makikita at mararamdaman mo. Gamitin mo ang salita ng Diyos para magnilay-nilay sa iyong sarili, hanapin ang katotohanan at lutasin ang lahat ng mga problema, at magkamit ng mga totoong pagbabago. Kung hindi ka kumakain at umiinom ng salita ng Diyos at hindi pumapasok sa realidad ng salita ng Diyos, wala kang pag-asang maligtas. Ganap ka nang nawalan ng anumang pagkakataon sa kaligtasan. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, sasabihin mo, “Dati, noong panahon ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ng Diyos, ginawa ko ang aking bahagi. Sa panahon ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, binayaran ko ang halaga at inilaan ko ang aking oras at pagsisikap sa kung anong mahalagang hakbangin.” Pero hanggang sa araw na iyon, hindi mo pa rin natamo ang katotohanan, hindi ka makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang normal, at hindi mo magampanan ang iyong tungkulin nang normal. Sa esensya, hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos. Saka mo lamang mauunawaan na nawalan ka na pala ng pagkakataon na maligtas. Huli na ba ang lahat? Wala ka nang pagkakataon pa, nahulog ka na sa sakuna, at hindi na maiiwasan pa ang iyong kamatayan. Samakatuwid, bihira lang talaga ang pagkakataong ito para sa kaligtasan, at dapat mong pahalagahan ang bawat araw at ang bawat minuto. Magsimula muna sa mga munting bagay na nasa paligid mo, pagkatapos ay unti-unti kang lumipat sa mas maraming bagay at mas malalaking bagay. Hanapin ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan, at pumasok sa mga salita ng Diyos at sa katotohanang realidad. Dapat kang manalangin sa Diyos nang madalas sa iyong puso at maging malapit sa Kanya. Huwag mong kailanman hayaang maokupa ang iyong puso ng mga kagustuhan ng laman, ng mga kalakaran sa mundo, at ng iba pang gayong mga satanikong bagay. Sa halip, hayaan mong magkaroon ng kapangyarihan ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa iyong puso, at magsisimulang pahahalagahan ng iyong puso ang mga salita ng Diyos. Hangga’t may puwang sa puso mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan at inaakay nito ang buhay mo, magkakaroon ng mithiin ang buhay mo at ng liwanag para gabayan ito, at makasusumpong ng kasiyahan ang puso mo. Kung mauunawaan mo ang tatlo at pagkatapos ay lima sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay sampung salita, at pagkatapos ay isandaang salita, maiipon ang mga salitang ito at, unti-unti, lalong ookupahin ng mga salita ng Diyos ang iyong puso, aakayin ang iyong mga kaisipan, aakayin ang iyong mga kilos, at aakayin ang iyong buhay. Lalo kang papasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, at lalo mong maiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi na babatay ang mga kilos mo sa sarili mong kalooban at mga indibidwal na kagustuhan. Paunti nang paunti ang mahahalong karumihan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, at lalo mong tatratuhin ang Diyos nang may tapat na puso. Unti-unting magiging katotohanang realidad ang mga doktrinang nauunawaan mo. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng totoong pagbabago sa disposisyon mo sa buhay. Hindi na magiging alanganin o hindi makita-kita ang pag-asa mo sa kaligtasan, kundi lalo itong mararamdaman at magiging malaki. Kapag nakikita mo ang liwanag na ito, ito na ang panahong magkakainteres ka na sa mga salita ng Diyos at mamumuhunan ng malaking pag-asa sa usapin ng kaligtasan. Sa panahong iyon, lalong ipauunawa sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga salita, papapasukin ka sa Kanyang mga salita, poprotektahan ka laban sa pagkahulog sa tukso, poprotektahan ka laban sa mga panlalansi at masamang impluwensiya ni Satanas, at poprotektahan ka laban sa mga gusot, alitan, selos, at pagtatalo, at iba pang mga bagay. Sa ganitong paraan, itutulot ng Diyos na makapamuhay ka sa liwanag at makapamuhay sa ilalim ng patnubay ng Kanyang mga salita. Ito ay kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan. Ang pagsasakatuparan sa lahat ng ito ay nagsisimula sa pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos at sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan. Sa katunayan, hindi ito mahirap. Kung madalas kang nakikinig sa mga sermon at kaya mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan. Sa ganitong paraan, unti-unti kang makapagbabago at makakasulong, hindi ka mahihirapan. Ang mahalaga ay kung mahal ba o hindi ng isang tao ang katotohanan. Kung mahal mo ang katotohanan, kung gayon, nang may pananampalataya sa Diyos, maaasikaso mo ang mga tamang usapin, mahahangad ang katotohanan, at makakatutok sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos. Matutong pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos at matutong dasalin-basahin ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay magagawa mo nang maunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, makakahanap ka na ng mga landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, magagawa mo nang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at mauunawaan mo na ang katotohanan. Pagkatapos, pagnilay-nilayan at kilalanin mo ang sarili mong tiwaling disposisyon batay sa pagkaunawa mo sa katotohanan, himayin ang diwa ng tiwali mong disposisyon, at pagkatapos ay gamitin ang katotohanan para lutasin ito. Kung magsasagawa at papasok ka sa ganitong paraan, tunay mong makikilala ang iyong sarili, at magiging madali na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Sa pamamagitan ng unti-unting pagtatamo ng kaalaman, unti-unting pagtatamo ng karanasan, unti-unting pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at unti-unting pagwawaksi sa kanilang tiwaling disposisyon, magsisimulang magbago ang mga tao nang hindi nila namamalayan. Ito ang proseso ng karanasan sa buhay. Ang maunawaan ang katotohanan ang pinakamahalaga. Sa sandaling maunawaan na ng isang tao ang katotohanan, malalaman na niya ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos na sundin ng tao. Malalaman din niya kung bakit gusto itong sabihin ng Diyos at ang epektong hinahangad Niyang makamit. Malalaman din niya na ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao ay maaari talagang makamit ng mga tao. Ang lahat ng ito ay mga bagay na makakamit ng konsensiya at katwiran ng tao. Ang lahat ng prosesong ito ay usapin ng buhay pagpasok. Hinihingi sa iyo ng buhay pagpasok na masipag na gampanan ang iyong mga tungkulin, masipag na hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan, at manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Sa pamamagitan ng gayong karanasan at pagsasagawa, magkakaroon ka ng lalong magagandang resulta. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay walang interes sa gayong mga bagay. Hindi sila nakakaramdam ng pasanin hinggil sa buhay pagpasok at wala silang interes na gawin ito. Samakatuwid, bagama’t maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, hindi sila makapagsalita tungkol sa patotoo nilang batay sa karanasan. Hindi ganito ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kaya nilang isulat ang mga patotoo tungkol sa lahat ng naranasan nila at sa bawat yugto ng kanilang mga karanasan. Tunay na nakikinabang sila mula sa lahat ng kanilang karanasan, kung saan ang mga pakinabang na ito ay naiipon sa paglipas ng mga araw at buwan. Pagkalipas ng sampu o dalawampung taon, sasailalim sila sa matitinding pagbabago. Sa pagkakataong iyon, maisusulat nila ang kanilang mga patotoong batay sa karanasan nang walang kahirap-hirap, at para sa kanila, hindi mahirap ang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Sa paggawa nila ng kanilang tungkulin, ginagawa nila ang lahat nang maayos.

Mga tao ba kayong nagmamahal sa katotohanan? May mga puso ba kayong may napakalaking paghahangad para sa Diyos? Mayroon ba kayong tapat na puso? Mahirap itong sagutin, hindi ba? Sa katunayan, sa puso ninyo, malinaw sa inyong lahat ang puntong ito. Kapag gusto ninyong gawin ang inyong tungkulin nang pabasta-basta, kapag gusto ninyong maging padaskol-daskol o tatamad-tamad, kapag gusto ninyong maging sutil at padalus-dalos, mababatid ba ninyo ito? Makapaghihimagsik ba kayo laban sa laman? Ano ang nagiging pasya mo? Pinipili mo bang isagawa ang katotohanan o pinipili mo ang mga nais ng laman? Pinipili mo ba ang positibo o ang negatibo? Pinipili mo bang magdusa at magbayad ng halaga upang matamo ang katotohanan, o pinipili mong hangarin ang kaginhawahan ng laman? Ito ang mga katanungang gagamitin para sukatin kung may puso ka bang tunay na nagmamahal at nagpapasakop sa Diyos, at kung taos-puso mo bang ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos. Kung wala kang tapat na puso para sa Diyos, gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay nang sutil at padalos-dalos, masaya ka hangga’t kontento ka at nagagalit at nagmamaktol naman kapag hindi, at umaalis ka kapag hindi umaayon sa kagustuhan mo ang mga bagay-bagay, ganito ba ang tamang pag-iisip? Ito ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos? Tapat ba itong paggawa sa iyong tungkulin? Bakit hindi mo isinasagawa ang katotohanan? Dahil ba sa hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos? O dahil ba sa hindi mo minamahal ang katotohanan? Iniisip ng ilang tao, “Ang mga salita ng Diyos ay simple, pero mahirap isagawa ang mga ito. Laging hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan, pero mahirap ito para sa mga tao at nagdudulot ito ng napakaraming problema para sa kanila. Kung hindi komportable ang aking puso, hindi ko isinasagawa ang katotohanan. Hangga’t hindi ako pinapaalis o tinitiwalag ng iglesia, pipiliin kong maging malaya at panatag at gagawin ko ang anumang maibigan ko.” Isa ba itong taong tunay na sumasampalataya sa Diyos? Hindi ba’t isa itong hindi mananampalataya? Ito ang saloobing taglay ng mga hindi mananampalataya kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, mahilig sila sa kalayaan at sa pagiging walang disiplina at mahilig silang maging pabaya. Kahit paano pa sila tabasan at iwasto, wala itong silbi. Wala silang dinidinig kapag ibinabahagi ang tungkol sa katotohanan. Wala nang magagawa pa kundi ang tanggalin at itiwalag sila. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan bagkus ay mga taong tutol sa katotohanan, sila ay mga walang pananampalataya, at hindi sila ililigtas ng Diyos. Para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, kahit mabunyag pa ang kanilang tiwaling disposisyon, matatanggap nila ang mapungusan, kaya nilang hanapin ang katotohanan, pagnilay-nilayan ang kanilang sarili, at kilalanin ang kanilang sarili, at kaya nilang matutong magsisi. Ito ang mga tao na gusto ng Diyos na iligtas. Kapag hindi nagmamahal ang isang tao sa katotohanan, mahirap para sa kanya na tanggapin ang katotohanan. Ano ang pinakamalaking panganib kapag walang kakayahan ang isang tao na tanggapin ang katotohanan? Ito ay pagkakanulo sa Diyos. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang pinakamalamang na magkanulo sa Diyos, at maaaring ipagkanulo nila ang Diyos sa anumang oras at lugar. Maaari nilang ipagkanulo ang Diyos kapag may munting bagay na hindi umaayon sa gusto nila. Maaari nilang ipagkanulo ang Diyos dahil hindi nila kayang tanggapin ang mapungusan nang minsan. Kapag nahaharap sa isang sakuna, mas malamang pa na lalo silang magreklamo at magkanulo sa Diyos. Anuman ang mangyari, ang mga hindi nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan ang nasa pinakapanganib. Nakadepende kung maaari bang maligtas ang isang tao sa kung gaano niya kamahal ang katotohanan at ang mga positibong bagay pati na kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Gamitin mo ang mga hinihingi ng katotohanan para sukatin ang tunay mong tayog, para makilatis ang iyong sarili, at para malaman ang katotohanan ukol sa sarili mong katiwalian at kilalanin kung ano talaga ang kalikasan mo. Sa isang banda, natutulungan ka ng gayong pagkilatis na makilala ang iyong sarili at makamit ang tunay na pagsisisi. Sa kabilang banda naman, tinutulutan nitong makilala mo ang Diyos at maunawaan ang Kanyang mga layunin. Ang kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan ay pagpapamalas ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Matutulungan ka ng malinaw na pagkaunawa sa problemang ito para makalakad sa tamang landas ng kaligtasan. Kapag tunay na nagmamahal ang isang tao sa katotohanan, maaari siyang magkaroon ng pusong may napakalaking paghahangad para sa Diyos, ng tapat na puso, at pagnanais na isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Kapag nagtataglay ng totoong lakas, nagagawa niyang magbayad ng halaga, ilaan ang kanyang lakas at oras, talikdan ang mga personal niyang pakinabang, at bitiwan ang lahat ng bagay na kinasasangkutan ng laman, inaalis ang balakid sa daan para sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, sa pagsasagawa ng katotohanan, at pagpasok sa realidad ng salita ng Diyos. Kung, para makapasok sa realidad ng salita ng Diyos, mabibitiwan mo ang sarili mong mga kuru-kuro, mabibitiwan ang mga interes ng sarili mong laman, reputasyon, katayuan, katanyagan, at kasiyahang panlaman—kung mabibitiwan mo ang lahat ng gayong bagay, lalo kang makakapasok sa katotohanang realidad. Hindi mo na poproblemahin pa ang anumang paghihirap at kaligaligang mayroon ka—madaling malulutas ang mga ito—at madali kang makakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Para makapasok sa katotohanang realidad, ang pagkakaroon ng tapat na puso at pusong may napakalaking paghahangad para sa Diyos ang dalawang kondisyong hindi maaaring mawala. Kung tapat na puso lang ang mayroon ka, pero lagi kang naduduwag, wala kang napakalaking paghahangad para sa Diyos, at umuurong ka kapag may nakakaharap kang mga paghihirap, hindi ito sapat. Kung mayroon ka lamang isang napakalaking paghahangad para sa Diyos sa iyong puso, at medyo mapusok ka, at may ganito ka lang na paghahangad, pero wala kang tapat na puso kapag may nangyayari sa iyo, at umuurong ka, at pinipili mo ang sarili mong mga interes, hindi rin ito sapat. Pareho mong kailangan ang isang tapat na puso at isang pusong may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Ang antas ng katapatan sa iyong puso at ang tindi ng napakalaking paghahangad mo para sa Diyos ang tumutukoy sa kapangyarihan ng iyong pagnanais na isagawa ang katotohanan. Kung wala kang tapat na puso at walang napakalaking paghahangad para sa Diyos sa iyong puso, hindi mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos at hindi ka magkakaroon ng pagnanais na isagawa ang katotohanan. Kapag ganito, hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad at mahihirapan kang magtamo ng kaligtasan.

Hindi maliwanag sa maraming tao ang ibig sabihin ng maligtas. Naniniwala ang ilang tao na kung maraming taon na silang naniniwala sa Diyos, mas malamang na maligtas sila. Iniisip ng ilang tao na kung nauunawaan nila ang maraming espirituwal na doktrina, mas malamang na maligtas sila, o iniisip ng ilan na tiyak na maliligtas ang mga lider at manggagawa. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi ay dapat maunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng kaligtasan. Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una, na makalaya mula sa kasalanan, makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal na siyang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung nagtataglay siya ng mga kaloob o kalakasan, o kung gaano siya nagdurusa. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya sa kasalukuyan, gaano karaming katotohanan ang tunay na naunawaan mo? At gaano karami sa mga salita ng Diyos ang isinabuhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin ang nakamit mo ang pagpasok? Sa mga taon ng paniniwala mo sa Diyos, gaano ka na nakapasok sa realidad ng salita ng Diyos? Kung hindi mo alam, o kung hindi mo nakamit ang pagpasok sa realidad ng anumang salita ng Diyos, kung gayon ay sa totoo lang, wala kang pag-asa sa kaligtasan. Imposibleng maligtas ka. Hindi mahalaga kung nagtataglay ka ng mataas na uring kaalaman, o kung matagal ka nang naniniwala sa Diyos, may maayos na kaanyuan, kayang magsalita nang mahusay, at naging isang lider o manggagawa sa loob ng ilang taon. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo maayos na isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, at wala kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay wala ka ngang pag-asang maligtas. Wala Akong pakialam kung ano ang hitsura mo, kung gaano karaming siyentipikong kaalaman ang mayroon ka, kung gaano ka na nagdusa, o kung gaano kalaking halaga na ang ibinayad mo. Sinasabi Ko ito sa iyo: Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi kailanman pinapasok ang realidad ng mga salita ng Diyos, hindi ka maliligtas. Sigurado ito. Kung sasabihin mo sa Akin kung gaano mo napasok ang realidad ng mga salita ng Diyos, sasabihin Ko sa iyo kung gaano kalaki ang pag-asa mo na mailigtas. Ngayong nasabi Ko na sa inyo ang pamantayan sa pagsusukat nito, masusukat na dapat ninyo ito nang mag-isa. Anong katunayan ang sinasabi ng mga salitang ito sa inyo? Gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang mundo, gumamit Siya ng mga salita para magawa ang bawat uri ng katunayan, para maisakatuparan ang lahat ng katunayan na ninais ng Diyos na matupad, at gumamit ang Diyos ng mga salita para isagawa ang dalawang yugto ng Kanyang gawain. Sa kasalukuyan, ginagawa ng Diyos ang ikatlong yugto ng Kanyang gawain, at mas marami ang sinalita ng Diyos sa yugtong ito kaysa sa iba pang yugto ng gawain. Ito ang panahon kung kailan pinakamaraming sinalita ang Diyos sa Kanyang gawain sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Na nakagamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang mundo, para magawa ang lahat ng katunayan, para mula sa wala ay umiral ang lahat ng katunayan, at mula sa pag-iral tungo sa wala—ito ang awtoridad ng mga salita ng Diyos, at sa huli, gagamit din ang Diyos ng mga salita para magawa ang katunayan ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ngayon, nakikita na ninyong lahat ang katunayang ito, walang ginawang gawain ang Diyos sa panahon ng mga huling araw na walang kaugnayan sa Kanyang mga salita, nagsalita Siya sa buong panahon, gumamit ng mga salita sa buong panahon para gabayan ang tao hanggang sa kasalukuyan. Siyempre, habang nagsasalita, gumamit din ng mga salita ang Diyos para panatilihin ang Kanyang kaugnayan sa mga sumusunod sa Kanya, gumamit Siya ng mga salita para gabayan sila, at napakahalaga ng mga salitang ito para sa mga nagnanais na maligtas, o sa mga ninanais ng Diyos na maligtas, gagamitin ng Diyos ang mga salitang ito para magawa ang katunayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Maliwanag naman na kahit tingnan pa sa aspeto ng kanilang nilalaman o sa dami ng mga ito, kahit anong uri pa ito ng mga salita, at kahit anong bahagi pa ng mga salita ng Diyos ang mga ito, napakahalaga ng mga ito sa bawat taong nagnanais na maligtas. Ginagamit ng Diyos ang mga salitang ito para makamit ang pinakamahalagang epekto ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Para sa sangkatauhan—sa sangkatauhan man ng kasalukuyan o ng hinaharap—ay napakahalaga ng mga ito. Gayon ang saloobin ng Diyos, gayon ang layon at kahalagahan ng Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng sangkatauhan? Dapat makipagtulungan ang sangkatauhan sa mga salita at sa gawain ng Diyos, at huwag balewalain ang mga ito. Pero hindi ganoon ang paraan ng pananalig ng ilang tao sa Diyos: Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga salita ng Diyos. Hinahangad pa rin nila kung ano ang gusto nila, ginagawa kung ano ang gusto nila, at hindi hinahanap ang katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Hindi ganito ang pagdanas sa gawain ng Diyos. May iba na hindi nakikinig kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, na may iisang paninindigan lamang sa kanilang puso: “Gagawin ko ang anumang hinihingi ng Diyos, kung sinasabi ng Diyos na pumunta ako sa kanluran, pupunta ako sa kanluran, kung sinasabi Niyang pumunta ako sa silangan, pupunta ako sa silangan, kung sinasabi Niya na mamatay ako, ipapakita ko sa Kanya ang pagkamatay ko.” May isa nga lang problema: Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Iniisip nila, “Napakarami ng mga salita ng Diyos, dapat mas madaling unawain ang mga ito, at dapat sabihin ng mga ito sa akin kung ano ang eksaktong dapat gawin. Magagawa kong magpasakop sa Diyos sa puso ko.” Kahit gaano pa karaming salita ang sabihin ng Diyos, sadyang nananatiling walang kakayahan ang gayong mga tao na maunawaan ang katotohanan, ni hindi sila makapagsalita tungkol sa kanilang mga karanasan at kaalaman. Para silang mga karaniwang tao na walang espirituwal na pang-unawa. Sa tingin ba ninyo ay mahal ng Diyos ang gayong mga tao? Nais ba ng Diyos na maging maawain sa gayong mga tao? (Hindi.) Siguradong ayaw Niya. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Sinasabi ng Diyos, “Nagsalita na Ako ng libu-libong salita na hindi pa nasasabi. Paanong, gaya ng isang bulag at bingi, hindi mo pa nakita ni narinig ang mga ito? Ano ba talaga ang iniisip mo sa iyong puso? Nakikita kita bilang isang taong labis lamang na naghahangad sa mga pagpapala at sa magandang hantungan—hinahangad mo ang mga layon na katulad ng kay Pablo. Kung ayaw mong makinig sa Aking mga salita, kung hindi mo nais sumunod sa Aking daan, bakit ka sumasampalataya sa Diyos? Hindi kaligtasan ang habol mo, ang habol mo ay ang magandang hantungan at ang paghahangad para sa mga pagpapala. At dahil ito ang binabalak mo, ang pinakaangkop para sa iyo ay ang maging trabahador.” Sa katunayan, ang pagiging tapat na trabahador ay pagpapamalas din ng pagpapasakop sa Diyos, pero ito ang pinakamababang pamantayan. Ang pamamalagi bilang tapat na trabahador ay mas mainam kaysa sa malugmok sa kapahamakan at pagkawasak gaya ng isang walang pananampalataya. Lalo na’t kailangan ng sambahayan ng Diyos ng mga trabahador, at ang makapagtrabaho para sa Diyos ay itinuturing din bilang isang pagpapala. Mas mabuti ito—hindi hamak na mas mabuti—kaysa maging alipores ng mga haring diyablo. Subalit hindi ganap na nakalulugod sa Diyos ang pagtatrabaho sa Diyos, dahil ang gawain ng paghatol ng Diyos ay para iligtas, linisin, at gawing perpekto ang mga tao. Kung kontento na ang tao sa pagtatrabaho lamang para sa Diyos, hindi ito ang layuning nais makamit ng Diyos sa paggawa sa mga tao, ni hindi ito ang epektong nais makita ng Diyos. Pero matindi ang pagnanais ng mga tao, mga hangal at bulag sila: Nagayuma, nilamon sila ng ilang maliit na pakinabang, at binabalewala nila ang mahahalagang salita ng buhay na sinambit ng Diyos. Ni hindi nila sineseryoso ang mga ito, lalong hindi pinapahalagahan ang mga ito. Ang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos o ang hindi pagpapahalaga sa katotohanan: matalino ba ito o hangal? Makakamit ba ng mga tao ang kaligtasan sa ganitong paraan? Dapat maunawaan ng mga tao ang lahat ng ito. May pag-asa lang sila sa kaligtasan kung isasantabi nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at tututok sa paghahangad sa katotohanan.

Tinatanong ng ilang tao: “Hinihingi ng mga salita ng Diyos sa tao na kilalanin ang kanyang katayuan bilang isang nilikha at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Hindi hinihingi sa atin na maging isang superman o dakilang tao, pero lagi akong nakakaramdam ng gayong mga ambisyon at paghahangad. Hindi ako kontento na maging isang ordinaryong tao. Ano ang dapat kong gawin kung gayon?” Napakasimple ng problemang ito. Bakit hindi ka handang maging isang ordinaryong tao? Kung huhukayin mo muna ang ugat ng katanungang ito, madaling malulutas ang iyong problema. Hinihingi ng Diyos sa tao na maging tapat na tao. Ito ang pinakamakabuluhang bagay. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ng pagiging isang tapat na tao, malalaman mo na ang pagiging isang tapat na tao ay ang maging isang taong nagtataglay ng normal na pagkatao, isang tunay na tao. Ano ang mga panlabas na palatandaan ng isang tapat na tao? Ang maging tapat na tao ay ang maging normal na tao. Ano ang natural na gawi, isipan, at katwiran ng mga normal na tao? Paano nagpapakita ang mga salita at gawa ng mga normal na tao? Makakapagsalita ang isang normal na tao mula sa kanyang puso. Sasabihin niya anuman ang nasa puso niya nang walang kabulaanan o panlilinlang. Kung mauunawaan niya ang isang bagay na nakaharap niya, kikilos siya nang ayon sa kanyang konsiyensiya at katwiran. Kung hindi niya ito makikita nang malinaw, magkakamali at mabibigo siya, papasukin siya ng mga maling kaisipan, kuru-kuro, at personal na kathang-isip, at bubulagin siya ng mga ilusyon. Ito ang mga panlabas na palatandaan ng normal na pagkatao. Natutupad ba ng mga panlabas na palatandaang ito ng normal na pagkatao ang mga hinihingi ng Diyos? Hindi. Hindi matutupad ng mga tao ang mga hinihingi ng Diyos kung wala sa kanila ang katotohanan. Ang mga panlabas na palatandaang ito ng normal na pagkatao ay mga pag-aari ng ordinaryo at tiwaling tao. Ito ang mga bagay na taglay ng tao nang siya ay ipinanganak, mga bagay na likas sa kanya. Kailangan mong hayaan ang iyong sarili na ipakita ang mga panlabas na palatandaan at pagbubunyag na ito. Habang hinahayaan mo ang iyong sarili na ipakita ang mga panlabas na palatandaan at pagbubunyag na ito, dapat mong maunawaan na ganoon ang likas na gawi, kakayahan, at kalikasan sa pagkapanganak ng tao. Ano ang dapat mong gawin sa sandaling maunawaan mo ito? Dapat mo itong ikonsidera nang tama. Pero paano mo isasagawa ang tamang pagkonsidera na ito? Ginagawa ito sa pamamagitan ng higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, higit pang pagsasangkap ng katotohanan sa iyong sarili, pagbibigay-pansin sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, mga bagay na may kuru-kuro ka, at mga bagay kung saan maaari kang magkamali ng paghatol sa Diyos nang mas madalas para pagnilay-nilayan ang mga ito at hanapin ang katotohanan upang lutasin ang lahat ng iyong problema. Kung ganito ka daranas nang ilang panahon, hindi mahalaga kung mabigo o madapa ka nang ilang beses. Ang pinakamahalagang bagay ay na nakikita mo nang malinaw ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos at marunong kang magsagawa alinsunod sa mga prinsipyo at mga layunin ng Diyos. Ipinapakita nito na may natutunan kang aral. Pagkatapos mong dumaan sa maraming taon ng mga kabiguan at pagkadapa, kung malinaw mong nauunawaan ang diwa ng tiwaling tao, nakikita ang ugat ng kadiliman at kasamaan sa mundo, at nakikilatis ang iba’t ibang uri ng tao, pangyayari at bagay, makakakilos ka nang ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dahil hindi ka isang superman, ni isang dakilang tao, hindi mo mapapasok at mauunawaan ang lahat ng bagay. Imposible para sa iyo na malinaw na makita sa isang sulyap ang mundo, malinaw na makita sa isang sulyap ang sangkatauhan, at malinaw na makita sa isang sulyap ang lahat ng nangyayari sa paligid mo. Isa kang ordinaryong tao. Dapat kang dumaan sa maraming pagkabigo, maraming panahon ng pagkalito, maraming pagkakamali sa paghusga, at maraming pagkalihis. Lubusang mabubunyag nito ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kahinaan at kakulangan, ang iyong kamangmangan at kahangalan, tinutulutan kang masuring muli at makilala ang iyong sarili, at magkaroon ka ng kaalaman tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat, lubos na karunungan, at disposisyon ng Diyos. Magkakamit ka ng mga positibong bagay mula sa Kanya, at mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa realidad. Marami kang mararanasan na hindi aayon sa gusto mo, kung saan mararamdaman mo na wala kang magawa. Pagdating sa mga ito, dapat kang maghanap at maghintay; dapat mong makamit mula sa Diyos ang kasagutan sa bawat bagay, at maunawaan mula sa Kanyang mga salita ang pangunahing diwa ng bawat bagay at ang diwa ng bawat uri ng tao. Ganito umasal ang isang ordinaryo at normal na tao. Dapat matuto kang magsabi ng, “Hindi ko kaya,” “Higit ito sa aking kakayahan,” “Hindi ko ito mapasok,” “Hindi ko pa naranasan ito,” “Wala akong anumang nalalaman,” “Bakit napakahina ko? Bakit wala akong silbi?” “Gayon kababa ang kakayahan ko,” “Napakamanhid at napakahangal ko,” “Napakamangmang ko na anupa’t aabutin ako ng ilang araw bago ko maunawaan ang bagay na ito at maasikaso ito,” at “Kailangan ko munang kausapin ang iba tungkol dito.” Dapat matutunan mong magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang panlabas na palatandaan ng pagtanggap mo na isa kang normal na tao at ng hangarin mong maging normal na tao. Iyong mga itinuturing ang kanilang sarili bilang dakila at makapangyarihan, na iniisip na hindi sila ordinaryo kundi nakakaangat at superhuman, hindi nila kailanman sinasabing “Hindi ko kaya,” “Higit ito sa aking kakayanan,” “Hindi ko ito mapasok,” “Hindi ko alam, kailangan kong matuto, kailangan ko itong aralin, kailangan kong maghanap ng mga taong makakabahaginan ko, kailangan kong sumangguni mula sa Itaas.” Hindi nila kailanman sinasabi ang gayong mga salita. Lalo na kapag nagtamo na sila ng katayuan, ayaw ng ganitong tao na isipin ng mga tao na siya ay isang ordinaryong tao at na, gaya ng iba, may mga bagay na hindi niya kaya, malinaw na makita, o maunawaan. Sa halip, gusto niyang lagi siyang mapagkamalan ng mga tao na isang superman. Samakatuwid, kapag may nangyayari sa kanya, hindi niya kailangang dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi niya kailangang maghanap. Nauunawaan, natututuhan, at nakikita niya nang malinaw ang lahat ng nangyayari sa kanya sa loob lamang ng ilang minuto. Wala siyang katiwalian o kahinaan. Walang bagay na hindi niya malinaw na makikita, at walang bagay na hindi pa niya nararanasan. Kahit may bagay pa siyang hindi naranasan, malinaw niyang makikita ito sa isang sulyap lamang. Talagang isa siyang perpektong superman. Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kung ganoon, isa ba siyang normal na tao? Siguradong hindi. Hindi inaamin ng ganitong tao na isa siyang ordinaryong tao, na mayroon siyang mga kahinaan, kapintasan at isang tiwaling disposisyon. Kaya mas madalas ba siyang makakaharap sa Diyos nang may tapat na puso para maghanap at manalangin? Siguradong hindi. Ipinapakita nito na kulang pa rin siya sa konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao, o na hindi niya isinasabuhay ang normal na pagkatao.

Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo magiging ordinaryo at normal na mga tao? Gaya ng sinasabi ng Diyos, paano kayo tatayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano ninyo magagawang hindi subukang maging isang pambihirang tao, o maging kung sinong dakilang tao? Paano ka dapat magsagawa upang maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? Sino ang sasagot? (Una sa lahat, kailangan naming aminin na ordinaryong tao kami, na lubha kaming karaniwan. Maraming bagay ang hindi namin nauunawaan, hindi naiintindihan, at hindi malinaw na makita. Dapat naming aminin na kami ay tiwali at may kapintasan. Pagkatapos niyon, kailangan naming magkaroon ng tapat na puso at humarap nang mas madalas sa Diyos para maghanap.) Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, “Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.” Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Ibaba mo muna ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, “Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,” o “Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.” Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod mabuhay ay idinulot ito sa kanilang mga sarili. Huwag kang magkunwari o magpanggap. Magtapat ka muna tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawala lahat. May iba pang nakahahadlang sa iyo. Palagi mong itinuturing ang sarili mo na pinuno ng grupo, isang lider, isang manggagawa, o isang taong may titulo, katayuan, at posisyon: Kung sasabihin mong mayroon kang hindi nauunawaan, o hindi kayang gawain, hindi ba’t nilalait mo ang iyong sarili? Kapag isinantabi mo ang mga gapos na ito sa iyong puso, kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao, na katulad ng lahat, at na mayroong ilang aspeto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, gayundin ang atmospera. Kung sa iyong puso, palagi kang may mga pag-aalinlangan, kung palagi kang namomroblema at nahahadlangan, at kung gusto mong alisin sa iyo ang mga bagay na ito pero hindi mo magawa, dapat ay seryoso kang magdasal sa Diyos, pagnilay-nilayan ang iyong sarili, tingnan ang iyong mga pagkukulang, at pagsumikapan ang katotohanan. Kung maisasagawa mo ang katotohanan, magkakamit ka ng mga resulta. Anuman ang gawin mo, huwag kang magsalita at kumilos mula sa isang partikular na posisyon o gamit ang isang partikular na titulo. Isantabi mo muna ang lahat ng ito, at ilagay mo ang sarili mo sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kapag sinasabi ng isang tao, “Hindi ba’t ikaw ang lider? Hindi ba’t ikaw ang namamahala sa pangkat na ito? Dapat mong maunawaan ito.” Bilang tugon, sinasabi mo: “Saan sa mga salita ng Diyos sinasabi na, kung isa kang lider o lider ng pangkat, mauunawaan mo ang lahat? Hindi ko ito nauunawaan. Huwag mo akong husgahan gamit ang iyong mga mata. Masyado kang maraming hinihingi. Totoo ngang isa akong lider, pero masyado pa ring mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan at hindi ko alam kung ano ang magiging pasya ko dahil hindi ko pa naranasan ang bagay na ito at hindi ko pa rin ito makita nang malinaw. Kailangan kong manalangin at maghanap. Ang sabi ng Diyos, huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan. Gusto mo laging makaunawa ako kaagad at magdesisyon ako kaagad. Paano kung magkamali ako ng desisyon? Sino ang mananagot? Mapananagutan mo ba ito? Gusto mo bang magkamali ako? Kapag ginawa mo ito, ikaw ba ang mananagot para sa akin? Dapat magtulungan tayo, magkasamang manalangin at maghanap, at pangasiwaan nang mabuti ang bagay na ito.” Kaya mo ba itong gawin? Madali ba itong gawin? Kung kaya mong kausapin ang iba nang taos sa puso, puwede mong sabihin na, “Ang totoo, napakaliit din ng tayog ko. Kung hindi ako maghahanap at mananalangin, maaari akong magkamali anumang oras. Minsan ay hindi ko maiwasang magkamali. Gaano ba kalaki sa tingin mo ang tayog ko? Masyadong naging mataas ang pagtingin mo sa akin.” Kapag narinig ng taong kasama mo ang mga sinasabi mo, mararamdaman niya sa kanyang puso na isa kang napakamatapat na tao na nakakapagsalita nang mula sa puso. Pagkatapos, hindi na siya hihingi nang sobra-sobra sa iyo, bagkus ay makikipagtulungan sa iyo. Kung isasagawa mo ito, mas magiging makatwiran ka sa mga bagay na ginagawa mo, hindi ka malilimitahan o matatalian ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at makakalaya ang puso mo. Makakapagsalita at makakakilos ka nang may bukas na puso, at magagawa mong makipagtulungan nang matiwasay sa iba at tratuhin ang mga kapatid nang tama. Sa pagkakataong ito, lalong magiging normal ang kalagayan mo, at lalong magiging makatwiran ang mga kilos mo. Makikita ito ng lahat at sasabihin nila, “Tunay na nagbago na ang lider na ito. Tunay siyang nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at naisabuhay niya ang normal na pagkatao. Kapag ganitong klase ng tao ang ating lider, magtatamo rin tayo ng maraming kapakinabangan!” Sa pagkakataong ito, kapag muli kang nakibahagi sa gawain, ito man ay sa paghahanap at pananalangin o pagpunta sa iba para makipagbahaginan, ang ginagawa mo ay tama at wasto, at hindi ka magkakaroon ng anumang agam-agam. Sa lahat ng ginagawa mo, magiging matibay at matatag ka. Hindi ka naliligalig na makahanap ng mga solusyon, bagkus ay hinahayaan mong mangyari nang kusa ang mga bagay-bagay. Kahit ano pa ang makaharap mo, madadala mo ito sa harapan ng Diyos at maiaalay mo ang tapat mong puso. Isa itong prinsipyo na maisasagawa mo sa lahat ng bagay. Ang lahat, sila man ay lider at manggagawa o mga kapatid, ay ordinaryong tao. Dapat isagawa nilang lahat ang prinsipyong ito. May bahagi at responsabilidad ang lahat sa pagsasagawa ng salita ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang lider, isang manggagawa, ang pinuno ng pangkat, isang taong nangangasiwa, o isang taong lubos na iginagalang sa grupo. Kahit sino ka pa, dapat matuto kang magsagawa sa ganitong paraan. Alisin mo ang katayuan at titulong dala-dala mo, alisin ang mga koronang ipinatong sa iyo ng iba. Pagkatapos, magiging madali sa iyong maging isang normal na tao at, nang walang kahirap-hirap, kikilos ka nang batay sa konsensiya at katwiran. Siyempre, pagkatapos niyon, hindi sapat na aminin lang na hindi mo nauunawaan at hindi mo alam. Hindi ito ang pinakasolusyon na lumulutas sa problema. Ano ang pinakasolusyon? Dalhin ang mga bagay-bagay at paghihirap sa harapan ng Diyos para manalangin at maghanap. Hindi sapat na manalangin lang nang mag-isa ang isang tao. Sa halip, kasama ang lahat, dapat mag-alay ka ng mga panalanging tungkol sa bagay na ito at pasanin ang responsabilidad at obligasyong ito. Isang magandang paraan iyon para gawin ang mga bagay-bagay! Maiiwasan mong tahakin ang landas na subukang maging isang dakilang tao at superman. Kung magagawa mo ito, malalagay ka sa tamang lugar ng isang nilikha nang hindi mo namamalayan at mapapalaya mo ang iyong sarili mula sa mga tanikala ng ambisyon at paghahangad na maging isang superman at isang dakilang tao.

Ang pagtayo sa tamang lugar ng isang nilikha at ang maging isang ordinaryong tao: Madali ba itong gawin? (Hindi ito madali.) Ano ang mahirap dito? Ito iyon: Pakiramdam lagi ng mga tao na maraming limbo at titulo ang nakapatong sa kanilang ulo. Binibigyan din nila ang kanilang sarili ng identidad at katayuan ng mga dakilang tao at superman at nakikibahagi sila sa lahat ng pakunwari at huwad na pagsasagawa at pakitang-taong palabas na iyon. Kung hindi mo bibitiwan ang mga bagay na ito, kung laging napipigilan at nakokontrol ng mga bagay na ito ang iyong mga salita at gawa, mahihirapan kang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos. Magiging mahirap na huwag kang maligalig na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan at dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi mo ito magagawa. Ito ay dahil mismo ang iyong katayuan, mga titulo, identidad, at ang lahat ng gayong mga bagay ay huwad at hindi totoo, dahil sinasalungat at kinokontra ng mga ito ang mga salita ng Diyos, kaya nagagapos ka ng mga bagay na ito para hindi ka makalapit sa harapan ng Diyos. Ano ang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo? Dahil sa mga ito, nagiging mahusay kang magbalatkayo, magkunwaring nakakaunawa, magkunwaring matalino, magkunwaring isang dakilang tao, magkunwaring isang sikat na tao, magkunwaring may-kakayahan, magkunwaring marunong, at magkunwari pa nga na alam mo ang lahat ng bagay, na may kakayahan ka sa lahat ng bagay, at na kaya mong gawin ang lahat ng bagay. Ginagawa mo ito para sambahin at hangaan ka ng iba. Lalapit sila sa iyo dala-dala ang lahat ng kanilang problema, umaasa sa iyo at tinitingala ka. Kaya, para bang isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Sabihin mo sa Akin, masarap bang masalang sa apoy? (Hindi.) Hindi mo nauunawaan, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo nauunawaan. Hindi mo makita kung ano ang totoo, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo makita kung ano ang totoo. Halata namang nagkamali ka, pero wala kang lakas ng loob na aminin ito. Namimighati ang iyong puso, pero wala kang lakas ng loob na sabihin, “Sa pagkakataong ito ay kasalanan ko talaga, may pagkakautang ako sa Diyos at sa aking mga kapatid. Nakapagdulot ako ng matinding kawalan sa sambahayan ng Diyos, pero wala akong lakas ng loob na tumayo sa harapan ng lahat at aminin ito.” Bakit hindi ka naglalakas loob na magsalita? Naniniwala ka, “Kailangan kong ingatan ang reputasyon at limbo na ibinigay sa akin ng aking mga kapatid, hindi ko maaaring madismaya ang mataas na pagtingin at tiwala nila sa akin, lalo na ang mga inaasahan nila sa akin na pinanghawakan nila sa loob ng maraming taon. Samakatuwid, kailangan kong patuloy na magkunwari.” Anong klaseng pagbabalatkayo iyon? Matagumpay mong ginawang dakilang tao at superman ang iyong sarili. Gusto kang lapitan ng mga kapatid para pagtanungan, konsultahin, at hingan pa nga ng payo tungkol sa anumang problemang kinakaharap nila. Tila hindi nila kayang mabuhay nang wala ka. Pero hindi ba’t namimighati ang iyong puso? Siyempre, hindi nararamdaman ng ibang tao ang kapighatiang ito. Hindi nararamdaman ng isang anticristo ang kapighatiang ito. Sa halip, naaaliw siya rito, iniisip na ang kanyang katayuan ay nakahihigit kaninuman. Subalit, ang isang pangkaraniwan at normal na tao ay nakakaramdam ng pighati kapag nasasalang siya sa apoy. Pakiramdam niya ay wala siyang kwenta, na tulad lamang siya ng isang ordinaryong tao. Hindi siya naniniwala na mas malakas siya kaysa sa iba. Hindi lamang niya iniisip na hindi niya maisakatuparan ang anumang praktikal na gawain, kundi maaantala rin niya ang gawain ng iglesia at maaantala ang mga hinirang ng Diyos, kaya aakuin niya ang sisi at magbibitiw siya. Isa itong taong may katwiran. Madali bang lutasin ang problemang ito? Madali para sa mga taong may katwiran na lutasin ang problemang ito, pero mahirap ito para sa mga walang katwiran. Kung, sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, tinatamasa mo nang walang kahihiyan ang mga kapakinabangang dulot ng katayuan na ang resulta ay mabubunyag at matitiwalag ka dahil sa kabiguan mong gumawa ng totoong gawain, ikaw mismo ang may kagagawan nito at nararapat lamang na mangyari ito sa iyo! Ni hindi ka marapat tumanggap ng kahit katiting na awa at habag. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil nagpupumilit kang tumayo sa isang mataas na lugar. Isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Ikaw ang may gawa ng iyong sugat. Kung ayaw mong masalang sa apoy at maihaw, dapat mong isuko ang lahat ng titulo at limbo na ito at sabihin sa iyong mga kapatid ang tunay na mga kalagayan at mga kaisipan sa iyong puso. Sa ganitong paraan, matatrato ka nang tama ng mga kapatid at hindi mo na kailangang magbalatkayo. Ngayong nasabi mo na ang iyong saloobin at nabigyang linaw mo na ang tunay mong kalagayan, hindi ba’t lalong nakakaramdam ang puso mo ng kapanatagan, at kapahingahan? Bakit ka maglalakad nang may ganoong kabigat na pasan sa iyong likod? Kung ipagtatapat mo ang tunay mong kalagayan, magiging mababa nga ba ang pagtingin sa iyo ng mga kapatid? Talaga bang aabandonahin ka nila? Hinding-hindi. Sa kabaligtaran, sasang-ayunan at hahangaan ka ng mga kapatid dahil sa lakas ng loob mong sabihin kung ano ang laman ng iyong puso. Sasabihin nilang isa kang tapat na tao. Hindi nito hahadlangan ang gawain mo sa iglesia, ni hindi magkakaroon ng bahagya mang negatibong epekto rito. Kung talagang nakikita ng mga kapatid na may mga paghihirap ka, kusa ka nilang tutulungan at sasamahan sa paggawa. Ano ang masasabi ninyo? Hindi ba’t ganito ang mangyayari? (Oo.) Ang palaging magbalatkayo para tingalain ka ng iba ang pinakahangal na bagay. Ang pinakamainam na paraan ay ang maging ordinaryong tao na may karaniwang puso, ang magawang magtapat sa mga hinirang ng Diyos sa dalisay at simpleng paraan, at ang madalas na makibahagi sa mga taos-pusong usapan. Huwag na huwag mong tanggapin kapag ikaw ay tinitingala, hinahangaan, labis na pinupuri, o binobola ng mga tao. Dapat tanggihang lahat ang mga bagay na ito. Halimbawa, maaaring sabihin ng ilang tao: “Hindi ba’t isa kang propesor sa unibersidad? Dahil napakarunong mo, nauunawaan mo siguro nang husto ang katotohanan.” Sabihin mo sa kanila: “Anong klase ba ako na propesor sa unibersidad? Walang anumang kaalaman ang makakapalit sa katotohanan. Nagdulot ng matinding pagdurusa sa akin ang kaalamang ito. Wala itong kakwenta-kwenta. Huwag ninyo akong tingalain, isa lamang akong ordinaryong tao.” Siyempre, may ilang taong nahihirapang bitiwan ang kanilang katayuan. Gusto nilang maging ordinaryo, pangkaraniwang tao at tumayo sa tamang lugar ng isang nilikha. Ayaw nilang magdusa nang gayon, pero hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Lagi nilang nakikita ang kanilang sarili bilang nakakataas na tao at hindi nila kayang magpakumbaba. Problema ang dulot nito. Gustong-gusto nila kapag sila ang sentro ng atensyon ng mga tao, kapag minamasdan sila nang mga ito nang may paghanga. Gusto nilang pinupuntahan sila ng mga tao kapag may mga problema ang mga ito, kapag ang mga ito ay umaasa sa kanila, nakikinig sa kanila, at tumitingala sa kanila. Gusto nila na naniniwala ang mga tao na nakakataas silang mga tao na mga eksperto sa lahat ng bagay, na alam nila ang lahat kaya walang bagay na hindi nila nauunawaan, at iniisip pa nga nila na napakabuti at napakaganda kung ituturing sila ng mga tao bilang mga mananagumpay. Wala nang lunas para dito. Tinatanggap ng ilang tao ang mga papuri at koronang ipinagkakaloob ng iba at ginagampanan ang papel ng isang superman at dakilang tao pansamantala. Pero hindi sila komportable at namimighati sila. Ano ang dapat nilang gawin? Sinuman na gustong mambola sa iyo ay isinasalang ka talaga sa apoy, at dapat mo silang layuan. O kung hindi naman, maghanap ka ng oportunidad para ibunyag sa kanila ang katotohanan ng katiwalian mo, makipag-usap sa kanila tungkol sa tunay mong kalagayan, at ilantad ang iyong mga kapintasan at pagkukulang. Sa ganitong paraan, hindi ka nila sasambahin o titingalain. Madali ba itong gawin? Ang totoo, madali itong gawin. Kung hindi mo talaga kayang gawin ito, pinatutunayan nito na masyado kang mapagmataas at palalo. Talagang itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang superman, isang dakilang tao, at hindi mo talaga kinamumuhian at kinasusuklaman ang ganitong uri ng disposisyon sa iyong puso. Kapag ganito, naghihintay ka na lang na madapa at mapahiya sa paningin ng iba. Kung isa kang taong tunay na may katwiran, masusuklam at maririmarim ka sa tiwaling disposisyong palaging gustong gumanap na superman at dakilang tao. Kahit papaano man lang, dapat mayroon kang ganitong pakiramdam. Saka ka lamang mamumuhi sa iyong sarili at makapaghihimagsik laban sa laman. Paano ka ba dapat magsagawa para maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang normal na tao? Una, dapat mong itatwa at bitiwan ang mga bagay na iyon na iniingatan mo na sa tingin mo ay napakabuti at napakahalaga, pati na ang mabababaw, magagandang salita na ginagamit ng iba para hangaan at purihin ka. Kung, sa iyong puso, malinaw sa iyo kung anong klaseng tao ka, kung ano ang diwa mo, kung ano ang iyong mga kapintasan at kung anong katiwalian ang inilalantad mo, dapat mo itong hayagang ibahagi sa ibang tao, upang makita nila kung ano ang tunay mong kalagayan, kung ano ang mga saloobin at opinyon mo, upang malaman nila kung ano ang kaalaman mo sa gayong mga bagay. Anuman ang gawin mo, huwag kang magkunwari o magpanggap, huwag mong itago ang sarili mong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nang sa gayon walang sinumang makaalam sa mga iyon. Ang ganitong uri ng huwad na pag-uugali ay isang hadlang sa iyong puso, at isa rin itong tiwaling disposisyon at mapipigilan nito ang mga tao na magsisi at magbago. Dapat kang magdasal sa Diyos, at itaas para sa pagninilay at paghihimay ang mga huwad na bagay, tulad ng papuri na ibinibigay sa iyo ng ibang tao, ang karangalang ibinubuhos nila sa iyo, at ang mga koronang ipinagkakaloob nila sa iyo. Dapat mong makita ang pinsalang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo. Sa paggawa niyon ay masusukat mo ang iyong sarili, magkakamit ka ng pagkakilala sa sarili, at hindi mo na makikita ang iyong sarili bilang isang superman, o kung sinong dakilang tao. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kamalayan sa sarili, magiging madali na sa iyong tanggapin ang katotohanan, tanggapin sa iyong puso ang mga salita ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, tanggapin ang pagliligtas sa iyo ng Lumikha, matatag na maging isang pangkaraniwang tao, isang tao na matapat at maaasahan, at para magkaroon ng normal na ugnayan sa pagitan mo—na isang nilikha, at ng Diyos—na ang Lumikha. Ito mismo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ay isang bagay na talagang kaya nilang makamit. Mga ordinaryo at normal na tao lamang ang pinapayagan ng Diyos na lumapit sa harapan Niya. Hindi Siya tumatanggap ng pagsamba mula sa mga nagkukunwari o huwad na tanyag na tao, dakilang tao, at superman. Kapag binitiwan mo ang mga huwad na limbo na ito, inamin na isa kang ordinaryo at normal na tao, at lumapit ka sa Diyos para hanapin ang katotohanan at manalangin sa Kanya, lalong magiging tunay ang pusong mayroon ka para sa Kanya, at lalo kang mapapanatag. Sa gayong pagkakataon, mararamdaman mong kailangan mo ang Diyos para suportahan at tulungan ka, at magagawa mong lumapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas para maghanap at manalangin sa Kanya. Sabihin mo sa Akin, sa tingin mo ba ay mas madaling maging isang dakilang tao, isang superman, o isang ordinaryong tao? (Isang ordinaryong tao.) Sa teorya, madaling maging ordinaryong tao, pero mahirap maging isang dakilang tao o superman, na laging nagdudulot ng pighati. Subalit, kapag nagdedesisyong mag-isa ang mga tao at isinasagawa ito, hindi nila maiwasang gustuhing maging isang superman o dakilang tao. Hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Sanhi ito ng kanilang kalikasang diwa. Kaya, kailangan ng tao ang pagliligtas ng Diyos. Sa hinaharap, kapag tinatanong kayo ng isang tao, “Paano mapipigilan ng isang tao na huwag maging superman at dakilang tao?” Masasagot mo ba ang katanungang ito? Ang kailangan lang ninyong gawin ay isagawa ang pamamaraang inilatag Ko. Maging isang ordinaryong tao, huwag magbalatkayo, manalangin sa Diyos, at matutuhang ilantad ang iyong sarili sa isang simpleng paraan at magsalita sa iba nang mula sa puso. Natural na magbubunga ang gayong pagsasagawa. Unti-unti, matututuhan mong maging isang normal na tao, hindi ka na mababagot sa buhay, hindi na mahahapis, at hindi na masasaktan. Ang lahat ng tao ay ordinaryong mga tao. Wala silang pagkakaiba, maliban sa magkakaiba ang kanilang mga personal na kaloob at maaaring magkaiba-iba ang kanilang kakayahan. Kung hindi dahil sa pagliligtas at proteksyon ng Diyos, lahat sila ay gagawa ng kasamaan at magdurusa ng parusa. Kung maaamin mo na ordinaryo kang tao, kung makakalabas ka mula sa mga imahinasyon at hungkag na ilusyon ng tao at kaya mong hangaring maging isang tapat na tao at gumawa ng matatapat na gawa, kung kaya mong magpasakop sa Diyos nang ayon sa iyong konsensiya, hindi ka magkakaroon ng anumang problema at ganap mong maisasabuhay ang wangis ng tao. Ganoon ito kasimple, kaya bakit walang landas? Napakasimple ng bagay na kasasabi Ko lang. Sa katunayan, ganoon lang talaga iyon. Kaya itong tanggapin nang buo ng mga nagmamahal sa katotohanan, at sasabihin din nila, “Ang totoo, hindi masyadong hinahanapan ng Diyos ang tao. Matutugunang lahat ang Kanyang mga hinihingi sa pamamagitan ng konsensiya at katwiran ng tao. Hindi mahirap para sa isang tao na gampanang mabuti ang kanyang tungkulin. Kung kumikilos ang isang tao nang mula sa puso at may lakas ng loob at paghahangad na isagawa ito, madali itong makamit.” Pero hindi ito makamit ng ilang tao. Para sa mga laging may mga ambisyon at hinahangad, sa mga laging gustong maging superman at dakilang tao, bagama’t gusto nilang maging ordinaryong tao, hindi ito madali para sa kanila. Pakiramdam lagi nila na nakakaangat at mas mahusay sila kaysa sa iba, kaya nilalamon ng paghahangad na maging superman o dakilang tao ang kanilang buong puso at isip. Bukod sa hindi sila handang maging ordinaryong tao at manatili sa kanilang katayuan bilang mga nilikha, nangangako rin silang hindi sila kailanman susuko sa paghahangad na maging superman o dakilang tao. Hindi na malulunasan ito.

May ilang tao na hindi naghahanap sa katotohanan at hindi nananalangin sa Diyos kahit ano pa ang makaharap nila. Kumikilos lang sila batay sa sarili nilang mga kagustuhan, kaloob, at kakayahan. Kahit kapag nananalangin sila sa Diyos, walang sigla nila itong ginagawa, at sa kanilang puso, iniisip nila, “Ang Diyos na ang bahala kung bibigyan Niya ako ng kaliwanagan o hindi. Kikilos na lang ako sa paraang iniisip kong pinakamainam.” Pakiramdam nila ay kayang-kaya nilang harapin ang mga bagay na ito nang sila lang at na ganap silang may-kakayahan sa gawaing ginagawa nila. Para sa kanila, ang pananalangin sa Diyos ay isang bagay na iniraraos lang. Anong klase ang gayong mga tao? Kaya ba nilang aminin na sila ay ordinaryo, normal na tao? Makakapasok ba sila sa realidad ng salita ng Diyos? (Hinding-hindi.) Iniisip ba ng gayong mga tao na kaya nilang gawin ang anumang bagay? (Oo.) Naniniwala sila na, kahit hindi pa sila kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, kaya nilang pangasiwaan ang anumang bagay, at magagawa nila ang lahat nang walang anumang aberya o hirap nang hindi hinahanap ang mga salita ng Diyos. Anong landas ang tinatahak ng mga ganitong tao? Landas ba ito ng paghahangad na maging superman at dakilang tao? (Oo.) Kahit gaano pa kalaking gulo ang gawin nila o kahit gaano karaming pagsalangsang ang gawin nila, wala lang ito sa kanila. Hangga’t marami silang nagawa, hangga’t may nakakamit sila, at naramdamang nakakaangat sila, pakiramdam nila ay nagtataglay na sila ng mga rekurso at abilidad. Iniisip nila na sila ay mga taong nagsikap at marami nang nakamit para sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila kailangan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila kailangan ang gawain ng Diyos. Kaya nila mismong gawin ang anumang bagay. Hindi kailanman lalapit ang gayong mga tao sa harapan ng Diyos. Nagyayabang sila na walang bagay na hindi nila kayang gawin. Kapag may nakakaharap silang isang bagay, hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos, ni hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, lalo namang hindi sila nakikipagbahaginan kasama ng mga kapatid. Ni hindi sila kailanman naghahanap mula sa Itaas, lalong hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Iniisip nilang maraming bagay ang hindi natalakay at hindi nabigyan ng kongkretong paliwanag sa mga salita ng Diyos, kaya ayos lang na sila lang ang lumutas sa gayong mga bagay. Nang hindi nila nalalaman, naisantabi na pala nila ang Diyos. Nang hindi nila nalalaman, hinahamak na pala nila ang iba at niyuyurakan ang lahat. Ang daang tinatahak nila ay ang daan tungo sa pagiging isang tanyag na tao, isang dakilang tao, at isang superman. Sa huli, hindi matatag na makatatayo ang ganitong uri ng tao. Kung hihilingin mo sa kanila na matutuhang aminin na ordinaryo silang tao, na posibleng sila ay magkamali, makagawa ng mga pagsalangsang, at mabigo, at na marami silang mga pagkukulang at kapintasan, magagawa ba nila ito? (Hindi nila magagawa.) Kung sinabihan mo silang tanggalin ang mga limbo at koronang iyon, na bitiwan ang mataas na pagtingin sa kanila ng kanilang mga kapatid, at isuko ang kanilang katanyagan at katayuan sa iglesia, papayag ba sila? (Hindi sila papayag.) Sasabihin nila, “Paano ko maisusuko nang ganoon-ganoon lang ang katanyagan at mga koronang pinaghirapan ko? Hindi ako ganoon kahangal!” Gusto pa nila na mas maraming tao ang magturing sa kanila bilang superman at dakilang tao. Ayaw nilang makita ng mga tao ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan at tratuhin sila bilang normal na tao. Lalong ayaw nila kapag inilalantad ng mga tao ang kanilang mga pagkakamali, kabiguan, at asal. Makalalapit ba ang gayong mga tao sa harapan ng Diyos nang madalas para manalangin at hanapin ang katotohanan? (Hindi.) Kahit lumapit pa sila sa harapan ng Diyos para manalangin, magkakaroon ba sila ng tapat na puso? Hindi. Lahat ng sabihin at gawin nila ay para sa korona sa kanilang ulo at para sa sarili nilang katanyagan. Ginagawa nila ang mga bagay para makita ng lahat, pero hindi nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at hindi nila kayang mag-alay sa Diyos ng tapat na puso, dahil wala sila nito. Hindi nila maintindihan sa anupamang paraan ang mga layunin ng Diyos sa salita ng Diyos at hindi sila makakilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, kahit gusto pa ng ganitong tao na hanapin ang katotohanan at gusto niyang alisin ang pagnanasang maging tanyag na tao o dakilang tao, hindi siya tapat. Hindi makapaghimagsik laban sa laman, ni hindi niya maisagawa ang katotohanan. Anong klase siya ng tao? Siya ay hindi mananampalataya. Mga anticristo sila. Sa sandaling magkaroon ng katayuan, impluwensiya, at kaunting katanyagan ang mga anticristo sa mga tao, pagsisikapan nilang magtayo ng nagsasariling kaharian, tatahakin nila ang isang landas na wala nang balikan. Kahit ilang beses ka pang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan o kahit ilang beses mo silang pungusan, mawawalan ito ng saysay. Sa sambahayan ng Diyos, ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang pag-usapan ang tungkol sa mga karanasan batay sa patotoo, ang paghahangad na mahalin ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, at ang pakikipagbahaginan tungkol sa dalisay na pagkaarok at mga prinsipyo ng katotohanan—epektibo lamang ang mga positibong bagay na ito para sa mga nagmamahal sa katotohanan at may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, mga naghahangad lamang ng mga pagpapala, at mga mahilig gumanap sa papel ng superman at dakilang tao, wala talagang silbi ang mga ito. Anumang katotohanan, tamang salita, at positibong bagay ay para sa lahat ng nagmamahal sa katotohanan, nagmamahal sa salita ng Diyos, at may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Matapos mapakinggan ang katotohanan, sasabihin din ng mga hindi nagtataglay ng mga kwalipikasyong ito na tama ang katotohanan at mabuti ang katotohanan, pero pagbubulay-bulayan nila ito at iisipin, “Para saan at nabubuhay ako? Nabubuhay ako para sa katanyagan, katayuan, mga korona, limbo, at mga gantimpala ng Diyos. Kung wala ang mga ito, may dignidad pa rin ba ako? Ano ang kabuluhan ng buhay ko? Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay isang paraan lamang para makakuha ng mga gantimpala at korona? Ngayong nagbayad na ako ng halaga nang higit pa sa puso at dugo ko, at matapos maghintay nang napakatagal, dumating na sa wakas ang panahon para gantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parusahan ang masasama. Ito ang panahong dapat akong koronahan at dapat kong tanggapin ang aking gantimpala. Paano ko ito isusuko sa iba? Ang maging isang normal na tao, isang ordinaryong tao, gaya ng ibang karaniwang tao, ano ang saysay ng mamuhay nang ganoon? Hindi ako ganoon kahangal!” Hindi ba’t wala nang lunas ang gayong tao? (Oo.) Huwag mo nang hangaring himukin ang gayong mga tao. Hindi para sa kanila ang katotohanan, at hindi katotohanan ang gusto nila. Mga pagpapala at korona lang ang hinahangad ng ganitong uri ng tao. Lampas na sa nararapat para sa normal na tao ang kanyang mga hinahangad at ambisyon. Hindi lubos maisip ng ilang tao kung bakit kumakapit ang ganitong uri ng tao sa katayuan at kapangyarihan at ayaw bumitiw. Ito ang diwa at likas na kalikasan ng ganitong uri ng tao. Hindi mo mauunawaan ito dahil iba ang diwa mo sa kanila, at hindi ka rin nila maaarok. Hindi nila alam kung bakit napakahangal mo. Ayaw mo ng mga nakahanda nang korona, limbo, at katanyagan, at sa halip ay gusto mong maging ordinaryong tao. Hindi ka nila lubos na maintindihan. Iniisip ng ganitong uri ng tao, “Masikap mong hinahangad ang katotohanan, isinasagawa mo kung ano ang sinasabi ng Diyos sa iyo, ginagawa mo kung ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos, at nagpapasakop ka sa anumang sabihin ng Diyos na gawin mo. Bakit napakahangal mo?” Iniisip nila na ang pagiging isang tapat na tao at ang pagsasagawa ng katotohanan ay kahangalan, kamangmangan, at kapurulan ng utak. Inaakala nila na sila ay matalino sa paghahangad ng kaalaman at sa pagganap ng papel ng isang mataas na tao. Dahil iniisip nilang nauunawaan nila ang lahat ng bagay, ang nagiging kongklusyon nila ay na “walang kabuluhan ang buhay ng isang taong walang katayuan at katanyagan, walang suot na korona sa kanyang ulo, at wala siyang halaga sa mga tao at walang awtoridad na magsalita. Kung hindi namumuhay ang isang tao para sa katanyagan, dapat siyang mamuhay para sa pakinabang. Kung hindi para sa pakinabang, dapat siyang mamuhay para sa katanyagan.” Hindi ba’t lohika ito ni Satanas? Kung namumuhay siya sa lohika ni Satanas, wala nang lunas para sa kanya. Hindi niya kailanman kayang tanggapin ang alinman sa mga salita ng Diyos, positibong bagay, o tamang payo. Kung hindi niya kayang tanggapin ito, may magagawa pa ba? Hindi para sa kanila ang mga salitang ito. Ang mga salitang ito ay para lamang sa mga taong may normal na pagkatao, para lamang sa mga taong may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Ang mga ito ay para lamang sa mga taong ito. Ang mga taong ito lamang ang taimtim na makikinig at makapagbubulay-bulay ng mga salita ng Diyos, makapagtatamo ng pagkaunawa sa katotohanan, makakakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, makakaganap ng kanilang mga tungkulin batay sa hinihingi ng Diyos, makapagsasagawa at makararanas ng mga salita ng Diyos sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, at unti-unting makapapasok sa katotohanang realidad. Para naman sa mga nagkikimkim ng pag-alipusta at galit sa kanilang puso para sa mga positibong bagay at sa mga salita ng Diyos, hindi sila nakokontento na mamuhay ng isang hindi katangi-tangi at hindi tanyag na buhay, na maging pangkaraniwang tao, lumapit sa harapan ng Diyos nang may konsensiya, at maghangad at maghintay nang buong puso ukol sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. Hindi sila kontento na maging gayong tao. Kaya, imposible para sa gayong tao na maligtas. Hindi inihanda ang kaharian ng langit para sa mga taong ito. Nauunawaan ba ninyo? (Nauunawaan namin.) Sinuman na magagawang maging ordinaryo, at normal na nilikha na sinasabi ng Diyos, at tumayo sa tamang lugar ng isang nilikha, sinuman na handang maging ang hangal na taong iyon na hinahamak ng iba, at kayang tanggapin at magpasakop sa mga salita ng Diyos anuman ang sabihin Niya, madalas na lumalapit sa harapan ng Diyos, madalas na naghahangad, at nagtataglay ng tapat na puso, ay maaaring maging isa sa mga mananagumpay na sinasabi ng Diyos. Sinumang magiging isa sa mga mananagumpay na sinasabi ng Diyos ay tatanggap sa wakas ng ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Sigurado ito.

Kapag tinitimbang ng Diyos kung mabuti ba o masama ang isang indibidwal, kung hinahangad ba nito ang katotohanan, at kung matatamo ba nito ang pagliligtas ng Diyos, isinasaalang-alang Niya ang pagkarook nito tungkol sa Kanyang mga salita at ang saloobin nito patungkol sa Kanyang mga salita. Isinasaalang-alang Niya kung kaya ba nitong isagawa ang mga katotohanang nauunawaan nito. Isinasaalang-alang Niya kung kaya ba nitong tanggapin ang katotohanan kapag pinupungusan ito at kapag dumaraan ito sa mga pagsubok. Isinasaalang-alang Niya kung hinahangad at tinatanggap ba nito ang Diyos nang may tapat na puso. Hindi hinuhusgahan ng Diyos ang antas ng edukasyon ng taong ito, ang kakayahan nito, kung gaano karaming kaloob ang taglay nito, kung gaano kalayo na ang nilakbay nito, o kung gaano karaming gawain na ang nagawa nito. Hindi isinasaalang-alang ng Diyos ang mga bagay na ito, ni hindi Niya hinahangad ang mga bagay na ito. Sabihin nang gusto mong laging ilapit ang iyong mga ninanasa at ambisyon sa Diyos at ipagpalit ang mga ito para sa mga gantimpala at korona, pero lagi mong ipinagwawalang-bahala at binabalewala ang mga salita ng Diyos. Bagama’t libu-libong salita na ang sinalita ng Diyos, wala ni isang salitang mula sa Diyos ang nananatili sa iyong puso. Kahit isang salita ng pagpapayo ng Diyos, ng Kanyang mga babala, o Kanyang mga paalala, o kahit Kanyang mga paghatol, pagkastigo, o mga aral—wala kang kahit isa sa mga ito sa iyong puso. Hindi mo ginagamit bilang alituntuning pamatnubay sa iyong puso ang kahit isang salitang sinabi ng Diyos. Hindi naaalala ng puso mo ang kahit isang salitang mula sa Diyos at, kasabay nito, hindi ka rin nagbabayad ng anumang halaga para magsagawa at pumasok sa mga salita ng Diyos. Kung totoo itong lahat, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, nakatakda na ang iyong kalalabasan at hantungan. Kung, sa presensiya ng Diyos, sa presensiya ng Lumikha, hindi ka kontento na maging isang ordinaryo o pangkaraniwang tao; kung, sa presensiya ng Lumikha, nangangahas kang kumilos nang walang paggalang; kung gusto mong laging umasta bilang dakilang tao, superman, pambihirang indibidwal, at hindi ka nananatili sa posisyong ibinigay sa iyo ng Diyos, kung gayon, ano pa ba ang gusto mong matamo mula sa Diyos? Ibibigay ba ito sa iyo ng Diyos? Kung gusto ng mga taong matamo ang ipinangako ng Diyos sa tao, dapat muna silang sumunod sa daan ng Diyos. Ito ang pangkalahatang oryentasyon. Para sa partikular na oryentasyon, dapat nilang pakinggan at isagawa ang mga salita ng Diyos. Hindi sila kailanman ililigaw ng landas na ito. Pakinggan at isagawa ang mga salita ng Diyos, gawing realidad ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos, gawing batayan, mga prinsipyo, direksyon, at layon ng iyong sinasabi, kung paano ka umaasal, kung paano mo titingnan ang mga bagay-bagay, at kung paano mo gagawin ang mga bagay. Ibig sabihin, dapat batay sa mga salita ng Diyos ang mga sinasabi mo at ang mga paghusga mo. Sa tuwing pinipili mong makisalamuha sa isang uri ng tao at iwasan o tanggihan ang isa pang uri ng tao, dapat ang pagbatayan mo ay ang mga salita ng Diyos. Kahit galit at minumura mo pa ang iba, dapat may mga prinsipyo at konteksto ang iyong mga kilos, at naaayon dapat sa katotohanan. Sa ganitong paraan, isasabuhay mo ang realidad ng salita ng Diyos at tatanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang paghahangad na makapasok sa katotohanang realidad ay isang proseso ng paghahangad sa katotohanan at pagsasabuhay ng normal na pagkatao para maging isang karapat-dapat na nilikha. Isa rin itong proseso ng pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tangkang maging isang superman, isang pambihirang tao, at isang tanyag o dakilang tao. Kung gusto mong makatakas mula sa landas ng pagsusumikap na maging isang superman, isang tanyag na tao, at isang dakilang tao, o mula sa ganitong pamamaraan ng paghahangad, dapat mo munang ibaba ang iyong sarili, dapat kang magpakumbaba, aminin na isa kang tao, isang taong hindi mahalaga, at isang taong walang magagawa kung wala ang patnubay ng Diyos—isang ordinaryong tao lamang. Dapat mong aminin na wala kang halaga kung wala ang Diyos at ang mga salita ng Diyos. Isa kang taong handang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Lumikha. Kung wala ang hininga na ibinigay sa iyo ng Diyos—kung wala ang lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos—isa kang bangkay at wala kang kwenta. Siyempre, habang kinikilala ang mga bagay na ito, dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos at tanggapin ang lahat ng salita ng buhay na sinalita Niya. Higit sa lahat, dapat kang pumasok sa realidad ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos, gamitin ang mga salita ng Diyos sa iyong buhay, gawing pundasyon at batayan ang mga ito ng iyong buhay at pag-iral, at gamitin ang mga ito bilang pagkukunan at suporta para manatili kang buhay sa iyong buong buhay. Ito ang layunin ng Diyos at ang pinakamataas Niyang hinihingi para sa tao.

Ngayon, ang naging pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan ay kung paano ituring ang mga salita ng Diyos, kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, kung paano dapat pahalagahan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at kung paano nila dapat isagawa ang mga salita ng Diyos para makapasok sa katotohanang realidad at magtamo ng kaligtasan. Pangunahin na nagbahaginan tayo tungkol sa kahalagahan ng salita ng Diyos. Ito mismo ang mga bagay na wala kayo, at ang mga bagay na dapat taglayin ng tao. Kung hindi Ako nagbahagi sa ganitong paraan, hindi ninyo makikita nang malinaw ang gayong mga bagay. Tila may kaunti kayong nalalaman sa kailaliman ng inyong isipan, pero hindi ninyo maipaliwanag nang malinaw kung ano ang alam ninyo. Para itong pagsusulat ng artikulo, kapag nakahanda na ang balangkas pero wala ka pa ring maisulat na nilalaman. Ito ang aktuwal na sitwasyon ninyo. Ang naging pagbabahagi ngayon tungkol sa mga bagay na ito ay isang paalala at babala para sa inyo. Para sa bawat tao, ang mga salita ng Diyos ang pinakamahalagang bagay, at walang kapalit ang katotohanan. Sa sandaling maunawaan na ninyo ang puntong ito, dapat magkaroon kayo ng landas sa kung paano magsasagawa. Lalo kayong dapat magsikap na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at isagawa ang mga salita ng Diyos upang makapasok kayo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kung pakiramdam mo ay masyadong maliit ang tayog mo, kung kulang ang iyong abilidad na makaarok, at hindi mo mapasok o maabot ang malalalim na salita ng Diyos at hindi mo mailapat ang mga ito sa iyong sarili? Magsimula sa pagkain at pag-inom mula sa mabababaw na bahagi. Sa puso mo, kabisaduhin ang mga salitang simple at madaling unawain na kaya mong isagawa nang mag-isa, gawin itong mga prinsipyong sinusunod mo sa pagsasagawa, at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na pumunta ka sa silangan, pumunta ka sa silangan. Kung sinasabi ng Diyos na pumunta ka sa kanluran, pumunta ka sa kanluran. Kung sinasabi ng Diyos na manalangin ka pa, manalangin ka pa. Gawin mo ang anumang sinasabi ng Diyos. Mas mabuti pang mapagkamalang hangal ng iba kaysa maituring ni Satanas na isang matalino at marunong na tao. Tanging ang mga nagpapasyang isagawa ang katotohanan na ang tanging layon ay ang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos ang siyang tunay na matatalino at marurunong.

Setyembre 25, 2021

Sinundan: Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga

Sumunod: Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito