Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan
Ngayong araw, ang paksa natin para sa pagbabahaginan ay ang pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan, ang Kapanahunan ng Kaharian, at kung paano dapat mamuhay ang mga tao sa Kapanahunan ng Kaharian, kung paano nila dapat danasin ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian at tunay na tumawid sa bagong kapanahunan. Ano ang pangunahing pinagtutuunan ng talakayang ito sa paksa ng kung paano tumatawid ang tao sa bagong kapanahunan? Nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming salita sa Kapanahunan ng Kaharian at ginagawa Niya ang gawain ng paghatol at pagkastigo, dapat na eksaktong malaman ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos kung paano dapat manalig ang tao sa Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Karamihan sa mga tao noon ay nanalig sa Panginoon at nagtamasa ng napakalaking biyaya mula sa Diyos. Ngayon, nagsisimula na silang maranasan ang gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, kaya paano sila lilipat mula sa dati nilang pananaw sa pananampalataya sa Diyos tungo sa isang bagong pananaw na tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos? Tama man o mali ang iyong dating pananaw sa pananampalataya sa Diyos, hindi ito isang usapin na dapat siyasatin, at dapat mong harapin ang realidad, at dapat kang matuto kung paano manalig at kung paano maghangad ngayon. Kung patuloy kang maghahangad batay sa kung paano ka nanampalataya noong Kapanahunan ng Biyaya, at patuloy kang nananampalataya sa Diyos batay sa iyong mga dating pananaw, hindi ka makapapasok sa bagong kapanahunan. Hayaan munang sabihin Ko ang isang pariralang nagpapatunay na siyang magpapaliwanag sa isyung ito. Ano ang pariralang iyon? Ang pariralang ito ay madalas na binibigkas sa Kapanahunan ng Biyaya: “Kapag nananalig ang isang tao sa Diyos, pinagpapala ang buong pamilya niya.” Ibig sabihin, kapag ang isang tao ay nananalig kay Jesus, ang kanyang buong pamilya, mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, ay nakikinabang dahil sa kanilang kaugnayan sa kanya, at lahat sila ay nagtatamasa ng kapayapaan at kagalakan. Dahil isinagawa ni Jesus ang gawain ng pagtubos, walang katapusan ang Kanyang pagiging mapagparaya, matiyaga, mapagpatawad, at nagpapawalang-sala Siya sa tao. Ano man ang iyong pagpasok sa buhay noon, o kung ano ang iyong kakayahan noon, o gaano karaming kasalanan ang nagawa mo noon, ang kailangan mo lang gawin ay magtapat sa Panginoon at ang lahat ay mapapatawad, at ipagkakaloob sa iyo ang kapayapaan at kagalakan. Ang kinailangan mo lang gawin ay “manalig” at sapat na iyon—napakasimple nito. Ganito ba ang kaso ngayon na kapag nananalig sa Diyos ang isang tao, pinagpapala ang kanyang buong pamilya? Hindi. Bakit hindi ginagawa ang gawaing iyon ngayon? Dahil dumating na ang oras, at narito ang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol at tuluyan nang iligtas ang sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas. Kaya ngayon, hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging tapat at sinsero sa Kanya, na sambahin Siya at magpasakop sa Kanya, at na magkaroon ng may takot sa Diyos na puso—ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga tao. Kung ang mga nananalig sa Diyos ay naaarok ang katotohanan, nakatatanggap sa katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, at nakakakamit ng katotohanan, sila ay lubos na maliligtas. Subalit, yaong mga hindi tumatanggap sa katotohanan at nagnanasa lamang sa biyaya ng Diyos, sila ay ititiwalag. Kung iginigiit mo pa rin ngayon na gampanan ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, iniisip pa rin na kapag nanalig ka sa Diyos ay pagpapalain ang buong pamilya mo, iyon ay isang malaking kahangalan! Hindi na ginagawa ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Tapos na ang kapanahunang iyon. Naiintindihan mo naman ito, hindi ba?
Itong diumano’y “pagtawid sa bagong kapanahunan” ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian sa kasalukuyan, at ang mga pananaw mo sa pananampalataya sa Diyos, ang iyong mga intensiyon, ang iyong pananalig, ang paraan mo ng pamumuhay, at kung paano mo danasin ang mga bagay-bagay ay dapat magbago lahat. Kung isang bagay lang ang babaguhin mo, kung dati kang nananalig kay Jesus ngunit ngayon ay nananalig ka sa Makapangyarihang Diyos, at tanging ang pangalan ng Diyos na pinaniniwalaan mo ang nagbago, kung gayon, sa realidad, ang pamamaraan mo ng pananalig, ang landas na tinatahak mo, at ang mga bagay na hinahangad mo ay hindi nagbago. Ibig sabihin, kailangang may ilang pagbabago sa hangarin mo, sa iyong pag-unawa, at sa iyong mga pananaw. Tanging kapag hinangad mo ang katotohanan sa batayang ito magiging dalisay at totoo ang pananalig mo. Bakit palaging negatibo ang ilang tao ngayon, iniisip na walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, at hindi kasingsigla gaya ng pananampalataya nila dati? Ito ay dahil hindi pa nababago ang kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos. Kumakapit pa rin sila sa mga dating pananaw nila noong nananalig pa sila kay Jesus, nakatuon lamang sa pagkakaroon ng kaunting biyaya o paggugol nang higit pa at pagpapakaabala nang higit pa; tumutuon sila sa mga kaloob, sa mababaw na gawain at mabababaw na sermon, at sa kasigasigan. Pero hindi sila nakikisabay sa kasalukuyang gawain ng Diyos, hindi sila tumutuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at hindi sila binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, kaya palagi silang negatibo. Ang ganitong mga tao ay parang nananalig sa Diyos kung titingnan, ngunit sa katunayan, hindi nila tinanggap ang katotohanan sa puso nila, at iyon ang dahilan kung bakit hindi nalulutas kailanman ang negatibong kalagayan nila. Wala silang anumang buhay pagpasok, kumakapit pa rin sila sa kanilang mga dating pananaw sa pananampalataya sa Diyos, nang walang anumang pagbabago. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Nagbago na ang gawain ng Banal na Espiritu, at dapat magbago ang pananampalataya ng tao sa Diyos kasabay ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang paghahangad mo, ang paraan mo ng pamumuhay, ang paraan mo ng pagdanas, ang iyong saloobin sa pananampalataya sa Diyos, at ang iyong mga intensiyon at pananaw sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi nagbago, ipinapakita niyon na hindi ka nakasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais ng mga tao na makasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, na magbago tungo sa mga bagong pamamaraan, at magkamit ng mga bagong pagkaunawa, dapat nilang hanapin ang katotohanan, pumasok, at magbago ng maliliit na detalye tulad ng kanilang bawat kilos at galaw, kanilang mga kaisipan at ideya, ang bawat intensiyon at pananaw nila—saka lamang sila uusad. Kung ang mga tao ay magaling lang sa salita pero wala sa gawa, at binabago lang nang kaunti ang kanilang pag-uugali, hindi ito maituturing na pagbabago. Ang pinakamahalagang bagay ay na dapat kang sumailalim sa pagbabago sa iyong mga kaisipan at pananaw at sa paraan ng iyong pamumuhay. Kung maiwawaksi mo ang iyong mga dating kuru-kuro at imahinasyon, at magkakaroon ng pagkakilala at kaalaman sa iyong mga dating pananaw sa pananampalataya sa Diyos, magpapatunay ito na nagbago ka na. Suriin ang inyong sarili upang makita kung aling mga parte sa inyo ang hindi pa nababago, kung pinananatili pa rin ninyo ang mga lumang pamamaraan ng pagsasalita o pagsisiyasat sa mga bagay-bagay, at kung ano ang malalalim na nakabaong bagay ng nakaraan ang mayroon pa rin kayo na hindi pa natutuklasan. Kung hindi ka gagawa ng anumang paghuhukay, maaari mong isipin na wala namang naroon, pero kapag naghukay ka nang maigi, makikita mo na marami pang matutuklasan. Bakit ang ilang tao ngayon ay talagang hindi nakasasabay sa mga hakbang ng gawain ng Diyos? Ito ay dahil maraming bagay sa loob ng mga tao ang pumipigil sa kanila na gawin ito, dahil walang pagkaunawa ang mga tao sa mga bagong bagay at hindi nila maarok ang mga ito. Bakit palaging nagkikimkim ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos? May mga kuru-kuro sila tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, mayroon din silang mga kuru-kuro tungkol sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi nila maarok kung sinong mga tao ang inililigtas ng Diyos at kung sinong mga tao ang itinitiwalag Niya, at hindi nila matanggap ang katunayan na hindi nagpapakita ng mga palatandaan at kababalaghan ang Diyos. Ano nga ba ang dahilan nito? Ang isang dahilan ay na natutukoy ito ng mapagmataas at mapagmatuwid na kalikasan ng tao, ito ay dahil palaging may sariling mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa bawat bagay—ito ang ugat ng isyu; ang isa pang dahilan ay obhektibo, at ito ay na nagkikimkim ang mga tao ng maraming maling kuru-kuro tungkol sa pananampalataya sa Diyos na hindi pa nabago, ito ay dahil hindi pa rin nababago ang mga bagay na malalim na nakabaon. Ang mga lumang pamamaraan ng pagsasabi ng mga bagay-bagay mula sa kanilang pananalig kay Jesus o kay Jehova ay nakaugat pa rin sa kanilang mga puso, kaya kapag nakatagpo sila ng bagong gawain ng Diyos, tinatanggap nila ang tunay na daan, pero hindi nila kayang maarok ang mga bagong pamamaraan ng Diyos sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay-bagay. Bakit hindi mo kayang maarok ang mga bagong bagay na ito? Ito ay dahil kumakapit ka pa rin sa mga lumang bagay na iyon ng nakaraan at hindi mo kayang bitiwan ang mga ito, na nagdudulot sa iyong labanan ang mga bagong bagay na ito. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na iyon ng nakaraan, matatanggap mo kung ano ang ginagawa ng Diyos ngayon. Kung hindi mo kayang bitiwan ang mga bagay na iyon ng nakaraan, malamang na magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at maghihimagsik laban sa Kanya, at magdurusa ng kawalan bilang resulta. Kung ilalagay mo ang iyong sarili laban sa Diyos, manganganib kang itiwalag ng Diyos, at parurusahan ka ng Diyos.
Dapat kayong maghukay at magsuri upang makita kung anong mga lumang pamamaraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, mga lumang pamamaraan ng pag-unawa sa mga bagay-bagay, at mga lumang pananaw mula sa nakaraan ang malalim pa ring nakaugat sa loob ninyo. Hayaan Akong bigyan kayo ng isang simpleng halimbawa. Ang ilang tao ay hindi pa kailanman nakita si Cristo o narinig Siyang magsalita. Nabasa lamang nila ang mga salita na ipinahayag ni Cristo, at sinasabi nila na ang mga salitang ito ay mabuti at may awtoridad, at na ang mga ito ay mga salita ng paghatol, pero pagkatapos nilang makipag-ugnayan kay Cristo sa realidad, nagsisimulang lumitaw ang mga kuru-kuro sa loob nila, at iniisip nila, “Bakit napakahigpit magsalita ng Diyos? Bakit pinapangaralan nang husto ng Diyos ang mga tao? Bakit Siya nagsasalita nang napakaringal? Nakakatakot ang paraan ng Kanyang pagsasalita, palaging inilalantad at hinahatulan ang mga tao. Sino ang makakatanggap niyon? Iba ang pananampalataya natin kay Jesus. Ang bawat isa ay nagsasalita nang malumanay at nagkakasundo-sundo. Walang nagsasalita nang tulad Niya. Sadyang hindi ko matatanggap ang gayong uri ng Diyos at hindi ko matitiis ang isang Diyos na katulad Niya. Kung magsasalita Siya nang malumanay at kaaya-aya tulad ng Panginoong Jesus, kung mabait at magiliw Siya sa mga tao, matatanggap ko Siya. Ngunit hindi ko matatanggap ang ganitong uri ng Diyos. Ni hindi ko kayang makipag-ugnayan sa Kanya!” Kinikilala mo na ito ang tunay na daan, na ito ang mga salita ng pagkakatawang-tao, at buong puso kang kumbinsido, kaya bakit, kapag nakikipag-ugnayan ka kay Cristo, nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanyang tono, sa mga salitang ginagamit Niya, at sa paraan ng Kanyang pagsasalita, na hindi mo kayang iwaksi? Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang mga lumang bagay na iyon sa puso mo ang may kontrol na at naging mga kuru-kuro at patakaran na ang mga ito. Sa katunayan, nagmumula ang lahat ng bagay na ito sa tao, ang lahat ng ito ay mga hatol at imahinasyon ng tao, at hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan. Kung susubukan ng isang tao na ipataw ang mga bagay na ito sa Diyos ng kasalukuyan, bukod sa hindi niya ito magagawa, malamang din na lalabanan niya ang Diyos. Magkakaiba ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iba’t ibang kapanahunan, kaya magkakaiba ang disposisyon na Kanyang ipinapahayag, at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya na Kanyang inihahayag ay magkakaiba rin. Hindi mo maaaring gamitan ng mga patakaran ito; kapag ginawa mo ito, malamang na magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at magagawa mong labanan ang Diyos. Kung hindi ka magninilay-nilay sa iyong sarili at lubusang tatangging magsisi, kokondenahin ka ng Diyos at parurusahan Niya. Ganito ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan—palaging may ilang tao na tumatanggap at nagpapasakop sa Diyos, na pinagpapala Niya, at palaging mayroong mga lumalaban at kumokondena sa Diyos, na nililipol Niya. Ang Diyos ay nagsasalita ng napakaraming salita at nagpapahayag ng napakaraming katotohanan sa Kanyang gawain sa mga huling araw. Hindi ito nababahala na maaaring magkimkim ng mga kuru-kuro ang mga tao; ang nakakabahala ay kapag hindi binabasa ng mga tao ang Kanyang mga salita, o hindi tatanggapin ang mga katotohanang ipinapahayag Niya—ito ang pinakanakatatakot na bagay. Kung hindi naaayon sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ang iyong mga kuru-kuro at pananaw, kung gayon, salungat ang mga ito sa katotohanan, sumasalungat ang mga ito sa Diyos, at walang kapatawaran ang mga ito. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, sila ay mapanghimagsik at mapanlaban, at mayroon silang mga kaisipan—ano ang nangingibabaw sa kanilang mga iniisip? Sila ay pinangungunahan ng mga intensiyon ng mga tao, at ng anggulo at perspektibo ng mga tao sa pagtingin sa mga bagay-bagay, kaya ang mga iniisip mo ay hindi nagmumula sa Banal na Espiritu, ni nagmumula sa pundasyon ng katotohanan. Bakit Ko sinasabi na ang mga kuru-kuro at pananaw mo ay mga usapin ng tao at ng laman? Ito ay dahil ang mga iniisip mo ay hindi pinangingibabawan ng katotohanan, ni nanggagaling sa pagninilay-nilay na nakabatay sa katotohanan. Ang ilang iniisip ng mga tao ay nagmumula sa pagninilay-nilay na batay sa Bibliya, at mas lalong mali iyon. Hindi natin sinasabing mali ang Bibliya mismo, kaya lang ay hindi tamang ihambing ang gawaing isinagawa ng Diyos noong nakaraan sa Kanyang bagong gawain—hindi mo dapat ihambing ang gawain Niya sa ganitong paraan. Halimbawa, magiging angkop ba kung inihambing ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya ang gawain ni Jehova sa gawain ng Panginoong Jesus? Naaangkop ba kung ihahambing mo ang gawain ng Panginoong Jesus sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan, sa Kapanahunan ng Kaharian? Siyempre hindi, hindi sila maihahambing. Ito ay dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay higit na nakatataas kaysa sa huli, at hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Bakit sa tuwing nagsasagawa ang Diyos ng bagong yugto ng gawain at nagsisimula ng bagong kapanahunan, palaging may grupo o mayorya ng mga tao na lumilitaw para kontrahin ang gawain ng Diyos at itinatakda ang kanilang sarili laban sa Kanya? Bakit nangyayari ito sa bawat kapanahunan? Ito ay dahil tanggapin man ng mga tao ang bagong gawain ng Diyos o hindi, ang kanilang mga dating interpretasyon sa Bibliya, pati na ang kanilang mga pananaw tungkol sa pangalan at imahe ng Diyos, at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at ang mga paraan ng pananampalataya nila sa Diyos ay nabuo na sa puso nila. Bukod dito, pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito, at, sa paniniwalang may mga nakamit na sila, nagiging masyadong mayabang sila, at iniisip nilang kamangha-mangha sila at napakadakila, at kapag nakikita nila kung gaano kaiba ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon sa gawaing ginawa Niya sa nakaraan, hinuhusgahan nila ito. Palagi nilang isinasaalang-alang ang mga bagay mula sa Kapanahunan ng Biyaya at inihahambing ang mga ito sa Diyos ng kasalukuyan, sa gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, at sa mga katotohanan ng kasalukuyan—maihahambing ba ang mga ito? Huwag gamitan ng mga patakaran ang mga bagay-bagay, sa halip ay dapat magkaroon ka ng ganitong kamalayan: “Tinanggap ko na ngayon ang bagong gawain ng Diyos pero may ilang bagay na hindi ko magagawang maarok. Dadanasin at unti-unti kong aalamin ang mga ito, unti-unti kong hahangarin ang mga ito, unti-unti kong aarukin ito katulad ng isang langgam na ngumangatngat ng buto, at sa paglipas ng panahon ay mauunawaan ko ang mga ito.” Walang katapusan ang hiwaga ng gawain ng Diyos, at hindi ito maaarok; hindi ito kailanman matutukoy ng tao. Pagkatapos itong maranasan sa loob ng isa o dalawang taon, maaaring magkaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao; pagkatapos ng tatlo o apat na taon, maaaring magkaroon ng kaunti pang pagkaunawa ang mga tao, at unti-unti silang lalago at magbabago. Unti-unting magbabago ang kanilang mga pananaw sa mga lumang bagay na iyon at unti-unti nilang iwawaksi ang mga ito; saka lang mauunawaan ng mga tao ang mga bagong bagay kapag naitakwil na nila ang mga lumang bagay na iyon. Ang mga lumang bagay na iyon ay malalim pa ring nakabaon sa iyo, at hindi mo pa nga nasisimulang hukayin ang mga ito, gayunpaman, nangangahas kang ipalaganap ang iyong mga kuru-kuro at ipahayag ang sarili mong mga opinyon, at nagsasalita ka sa kahit anong paraang gusto mo—walang katuturan ito. Bakit Ko sinasabing nagiging masyadong mayabang ang mga tao? Ito ang dahilan. Ang mga bulok na bagay na iyon sa loob ng mga tao ay walang kuwenta, subalit nangangahas pa rin silang ipahayag at ipalaganap ang mga ito. Hindi ba’t ganap itong walang katuturan? Samakatuwid, tinanggap ng ilang tao ang yugtong ito ng gawain at nabasa ang mga salita ng Diyos, pero hindi talaga nila binitiwan ang mga lumang bagay na dala-dala nila sa loob nila. Bakit ang mga lider at manggagawa sa ilang lugar ay nagagawa at naisasakatuparan ang gawaing naaayon sa kanilang mga kuru-kuro, pero kapag hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro ang gawain at ayaw nilang gawin ito, hindi nila ito ipinatutupad? Paano nagkakaroon ng ganitong sitwasyon? Ito ay dahil hindi kayang bitiwan ng mga tao ang mga lumang bagay na dala-dala nila sa loob nila. Kapag mas nabubuo ang mga lumang bagay na iyon sa loob mo, mas matindi kang lumalaban. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Bakit may ilang lider sa mundo ng relihiyon ngayon, na nagiging mas mayabang at lalong hindi kinakayang tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw habang mas tumataas ang posisyong hawak nila, at mas dumarami ang taong pinamumunuan nila? Ito ay dahil palaging kumakapit ang mga tao sa mga bagay ng nakaraan, hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at bilang buhay, at hindi nila kayang dakilain ang Diyos bilang ang pinakamataas at dakila sa lahat ng bagay. Sa halip, itinuturing nila ang sarili nilang mga kuru-kurong panrelihiyon at ang sarili nilang mga kaisipan at pananaw bilang ang katotohanan at ang tunay na daan—hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Sa ganitong paraan, mahahanap mo ba ang katotohanan kahit saan? Kung naniniwala ka na ang mga bagay na iyon sa iyo ay ang katotohanan, makakamit mo pa rin ba ang katotohanan mula sa Diyos? Magagawa mo pa bang hanapin ang katotohanan at panabikan ito?
Sabi ng ilang tao, “Nabasa ko na ang maraming salita ng Diyos, narinig ko na ang tinig ng Diyos, tinatanggap ko ang tunay na daan at alam ko kung paano basahin ang mga salita ng Diyos. Nilulutas ko ang sarili kong mga problema, hindi ko kailangan ang tulong ng iba, at dahil dito ay tiyak na lalago ang buhay ko.” Nagiging eksaherado ka sa mga bagay-bagay kapag nagsasalita ka nang ganoon. Kung binabasa mo ang mga salita ng Diyos nang umaasa lamang sa iyong sarili at hindi ka binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, maiintindihan mo ba ang mga ito? Kung hindi ka inilantad ng mga salita ng Diyos at hindi sinuri ang katiwalian sa loob mo, hindi ka makakapagbago at makakaunawa—mahihirapan kang magkaroon ng anumang pagkaunawa. Kapag nagbabasa ang mga tao ng mga nobela, naiintindihan nila ito nang husto at naaalala ang maraming eksena, at kapag natapos na nilang basahin ang isa, kaya nilang agad sabihin sa iba ang tungkol dito. Pero walang katulad ang mga usapin sa buhay. Ang mga usapin sa buhay ay napakalalim, at dapat ka munang manalig nang maraming taon bago ka magkaroon ng kahit kaunting pagkaunawa. Maaari mong maranasan ang isang pagbigkas ng Diyos sa buong buhay mo at hindi mo pa rin ito mararanasan nang sapat. Ano man ang pagbigkas na gagawin ng Diyos, hindi mo ito kailanman mararanasan nang sapat habang ikaw ay nabubuhay; gaano man kahusay ang kakayahan mo, dapat ka pa ring umasa sa pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos bago mo maunawaan ang katotohanan. Gamitin nating halimbawa ang pagiging isang matapat na tao. Ilang taon ang dapat mong maranasan bago mo malutas ang problema ng pagsasabi ng mga kasinungalingan? Hindi totoo na kailangan mo lang ng isa o dalawang taon na karanasan at pagkatapos ay iyon na iyon, hindi ka na magsisinungaling, hindi ka na manlilinlang, at isa ka na ngayong matapat na tao. Hindi ito posible. Dapat kang magkaroon ng ilang dekadang karanasan bago mo makita ang resultang ito. Ito ay dahil napakakomplikado ng mga tao, malalim na nakaugat sa loob nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pinipigilan sila ng kanilang mga kuru-kuro na makapasok sa katotohanan, na makilala ang Diyos, pinipigilan ng kanilang mga intensiyon ang kanilang mga disposisyon na magbago, pinipigilan sila sa pagsasagawa ng katotohanan, at ang mga pananaw at mga posisyon na ginagamit nila sa kanilang mga kilos at pananalita ay pinipigilan silang maunawaan ang katotohanan. Kung nakapagsasalita at nakakikilos ka sa panig ng katotohanan, sa panig ng katotohanan na hinihingi ng Diyos na matamo ng tao sa Kapanahunan ng Kaharian, kung gayon ay madali kang makapagpapasakop sa Kanyang gawain at makapapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Kung hindi ka pumapanig sa katotohanan, malalayo ka sa Diyos, o kung hindi, sasalungat ka sa Diyos. Huwag isipin na dahil lang nakapakinig ka na sa napakaraming sermon at nanalig sa Diyos nang mahabang panahon ay hindi na malaki ang kakulangan sa tayog mo! Ang paghahangad sa katotohanan ay isang usapin ng pagkamit ng buhay, ito ay upang magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang katotohanan ay hindi nababago magpakailanman, ito ay naaangkop palagi, hindi kailanman maiwawaksi, hindi mapabubulaanan, hindi maikakaila—ito ang halaga at kabuluhan ng katotohanan. Ang katotohanan ang pinakamataas, pinakamalalim, at pinakamahalagang bagay. Natatangi ito, at may limitasyon sa kung ano ang kayang maunawaan at makamit ng isang tao pagkatapos ng isang buong buhay na karanasan.
Sinasabi ng isang tao, “Nananalig ako sa Makapangyarihang Diyos at isinasagawa ko ang aking pananampalataya nang mag-isa sa bahay, at umaawit din ako ng mga himno at nagdarasal sa Diyos. Sinusundan ko ang gawain kahit nasaang yugto pa ito, at sa pamamagitan ng pagpapanatili nitong pananampalataya hanggang sa huli, hindi ako aabandonahin ng Diyos.” Ano ang tingin mo rito? Paano mo mahahangad ang katotohanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa bahay? Paano mo mararanasan ang gawain ng Diyos nang hindi ginagampanan ang iyong tungkulin? Kung hindi mo gagampanan ang iyong tungkulin, hindi mabubunyag ang ilang tiwaling disposisyon, at paano mo pagninilay-nilayan ang iyong sarili kung gayon? Paano mo mararanasan ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos? Paano ka ilalantad at pupungusan ng mga salita ng Diyos? Hindi nararanasan ng mga tao ang mga bagay na ito sa bahay. Maaari mo bang talagang makilala ang iyong sarili nang walang praktikal na karanasan? Kaya mo ba talagang magbago? Imposible ang pagbabago. Upang maranasan ang gawain ng Diyos, dapat kang mamuhay ng buhay-iglesia, at sa pamamagitan lamang ng pagganap ng iyong tungkulin mo mararanasan nang tama ang mga bagay-bagay. Kung isasagawa mo ang iyong pananampalataya sa bahay mo sa loob ng sampung taon o higit pa, dalawampung taon o higit pa, at bumagsak na ang malaking pulang dragon at natapos na ang malalaking sakuna, makapagsasalita ka kaya ng tunay na patotoong batay sa karanasan? Magdurusa ka ba tulad ng pagdurusa ng Diyos? Ang mga tao ng Diyos, na magbibigay ng gayon kagandang patotoo, ay tunay na mababago, tunay na makapagpapasakop sa Diyos at magiging tunay na tapat sa Kanya—magagawa mo ba ang gayong patotoo? Natatakot Ako na, sa oras na iyon, lubos kang mapapahiya. Bakit sinabi ng Diyos na marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili? Ito ay dahil sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, napakakaunti lang ng mga nagmamahal sa katotohanan. Karamihan sa mga tao ay hindi mahal ang katotohanan, lalong hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Bakit Ko ito sinasabi? Nananalig ang ilang tao sa Diyos, at habang maayos ang lahat sa tahanan, hindi sila nagrereklamo. Gayunpaman, kapag nagkakaproblema, kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya at na-admit sa ospital, o hindi nakapasok sa kolehiyo ang kanilang anak, o may nangyaring sakuna, hinahampas nila ang mesa at nagrereklamo sila sa Diyos, sinasabing, “Humph! Ano ang napala ko sa pananalig sa Diyos? Hindi ako pinagpala ng Diyos! Dapat Mo akong pagpalain, pagpalain ang lahat sa akin, kasama ang aking buong pamilya, ang mga anak ko, asawa ko, pati na rin ang aking ina at ama, lahat sila. Kung hindi ito nangyari sa pamilya ko, hindi ba’t taimtim kong hahangarin ang katotohanan?” Gumagawa sila ng gayong mga pagdadahilan sa hindi nila pagkakamit sa katotohanan! Mapapalitan ba ng kanilang mga pagdadahilan ang katotohanan? Naniniwala sila na ganap na sapat at matibay ang kanilang mga pagdadahilan, at na tama lang na magreklamo. Hindi nagrereklamo ang mga tao tungkol sa Diyos kapag hindi sila dumaranas ng mga pagsubok at kapighatian. Ipinagsisigawan nila kung gaano kadakila at kahanga-hanga ang Diyos. Ngunit sa sandaling sumapit ang mga pagsubok at kapighatian, maaaring umusbong anumang minuto ang kanilang pagnanais na magreklamo tungkol sa Diyos. Hindi nila pinagninilay-nilayan ang mga bagay-bagay at hindi nila ito pinag-iisipan; likas lang silang nagbubulalas ng kanilang damdamin. Para sa ilang tao, ito ay isang bagay na hindi nangyayari sa kanilang pamilya kundi sa kanilang mga alagang hayop lamang at nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Hindi ba’t napakawalang-saysay nito? Kung maaabot ng isang tao ang punto kung saan anumang mangyari sa kanyang pamilya o anumang sakuna na dumating sa kanya ay hindi siya nagrereklamo tungkol sa Diyos o masyadong naaapektuhan ng bagay na ito, kapag hindi siya nagdudulot ng mga pagkaantala sa kanyang tungkulin o ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos ano man ang mangyari, kapag hindi naaapektuhan ang kanyang pagpapasakop sa Diyos, at kapag hindi siya nahahadlangan ng bagay na nangyari sa pagpuri sa Diyos, nagpapatunay ito na dalisay ang kanyang pusong nananalig sa Diyos. Ang pananaw na “Kapag nananalig ang isang tao sa Diyos, pinagpapala ang buong pamilya niya” ay mali. Kung palagi kang kumakapit sa pananaw na ito sa iyong pananalig sa Diyos, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan. Tingnan mo ang iyong mga kapamilya at mga kamag-anak na walang pananampalataya, abala sa pamumuhay araw-araw; kapag sumapit ang mga sakuna, makakatakas kaya sila sa mga ito? Hindi, hindi sila makakatakas. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan sa iyong pananalig sa Diyos at mananatili kang kagaya ng iyong mga kamag-anak, na hindi makatakas sa parusa ng mga sakuna, mamamatay ka kasama nila. Subalit, kung hahangarin mo ang katotohanan, at makikilala mo ang kanilang diwa, magagawa mong tanggihan ang mga Satanas, at iisiping, “Hindi sila nananalig sa Diyos. Sila ay mga demonyo at dapat na malipol sa mga sakuna. Sinisikap nilang pigilan ako noon sa pananalig sa Diyos, at nagsabi sila ng mga bagay na sumusuway sa Diyos, na kalapastanganan sa Diyos. Nakuha nila ang nararapat na parusa sa kanila nang mamatay sila sa mga sakuna. Sa ganito, ang mga salita ng Diyos ay tunay na natupad.” Wala kang ganitong pananampalataya noon at hindi ka naglakas-loob na sumpain ang mga demonyo. Ngayon, nakikita mo ang tunay na mukha ng mga demonyo at namumuhi ang puso mo sa mga demonyong ito na lumalaban sa Diyos, at kapag namatay sila, ang kailangan mo lang gawin ay ilibing sila. Ang magawang harapin sila sa ganitong paraan ay nagpapakita na tunay nang bumaling sa Diyos ang puso mo. Kung nagtataglay ka pa rin sa puso mo ng mga kuru-kuro at imahinasyon, palaging pinaniniwalaan na “kapag nananalig ang isang tao sa Diyos, pinagpapala ang buong pamilya niya, na maging ang mga hayop na inaalagaan ng pamilya ay pinagpapala, na ang bahay ay pinagpapala, at ang mga pananim sa lupa ay pinagpapala,” kung gayon, hahadlangan ka ng mga bagay na ito sa paghahangad sa katotohanan at sa pagsunod sa Diyos at sa pagganap ng iyong tungkulin. Kung dalisay na babaling sa Diyos ang puso ng isang tao, tanging sa Diyos, magiging napakadalisay at napakasimple ng kanyang puso, at pagdating ng panahong iyon, kakaunti lang ang kanyang paghihirap. Bakit labis kang nagdurusa ngayon? Ito ay dahil ginugugol mo ang buong araw sa pagmamadali at pagiging abala para sa iyong pamilya, para sa iyong mga anak, gumugugol ng labis na pagsisikap para sa kanila. Kung ginugol mo ang sarili mo para lamang sa iglesia, sa palagay Ko ay magiging mas maluwag ka, hindi ba? Tiyak na dahil masyado kang abala ngayon sa mga bagay na pampamilya at hindi masyadong abala sa mga bagay pang-iglesia, at dahil masyadong nagiging mabigat ang mga gawain sa bahay na hindi ka na makatiis, kaya ka nagsisimulang magreklamo tungkol sa Diyos. Pero sa katunayan, gaano karami na ang naialay mo sa Diyos? Wala ka man lang naibigay na kapuri-puri! Nagmamadali at nagpapakaabala ka pa rin sa mga bagay-bagay sa bahay at para sa iyong sariling laman, kaya paanong nagrereklamo ka sa Diyos? Hindi ka na dapat magreklamo tungkol sa Diyos. Ang sinumang nananalig sa Diyos ay may kakayahang makamit ang katotohanan at may pagkakataong makilala ang Diyos—napakamahalaga nito, mas mahalaga kaysa anupaman, at direkta itong nauugnay sa isyu kung makakamit mo o hindi ang kaligtasan. Gayunpaman, unang-una ay kailangan mong tingnan ang iyong mga maling intensiyon, mga pananaw, at pagkaunawa mula sa nakaraan, gayundin iyong mga bagay na hinahangad mo sa loob ng iyong sarili, at himay-himayin at kilalanin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag nakita mo na nang malinaw ang mga bagay na ito, maaari ka nang magsanay na bawasan ang mga ito at bitiwan ang mga ito. Kapag mas malinaw at matalas mong nakikita ang mga bagay na ito, mas maraming bagay ang mabibitiwan mo, hanggang sa magawa mong talikuran ang lahat ng luma at maling bagay na ito. Pagkatapos ay higit na mas magiging maluwag ang pakiramdam mo, at kapag isinagawa mo ang mga katotohanang nauunawaan mo at nakapagpatotoo ka sa mga ito, unti-unti kang magbabago. Dapat ka na ngayong magsimulang magsagawa at magsanay sa direksiyong ito, at unti-unti ay hindi ka na mapipigilan at maaabala ng mga bagay na iyon—mapapasok mo na ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.
Naunawaan ba talaga ninyo ang lahat ng sinabi Ko? Alam ba ninyo kung paano tumawid sa bagong kapanahunan? At alam ba ninyo kung anong mga aspeto ang kailangan ninyong baguhin, kung mula sa anong mga aspeto papasok? Marahil ay hindi ninyo nauunawaan ito. Bagamat nagkaroon ng kaunting pagpasok ang mga tao noon, kulang pa rin sila sa maraming aspeto at hindi nila natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Ngayon, nagsasalita ng napakaraming salita ang Diyos upang akayin ang mga tao sa bagong kapanahunan. Bakit palaging nagkikimkim ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang gawain? Ipinapakita nito na hindi nila nakamit ang katotohanan noon at na wala silang katotohanang realidad. Bagamat nagagawa mong tanggapin ang mga salita ng Diyos kapag binabasa mo ang mga ito ngayon, bakit sa iyong totoong buhay ay hindi mo maisagawa ang katotohanan, at sa halip ay palagi kang kumikilos nang mapaghimagsik sa Diyos at sumasalungat sa Kanya? Bakit kapag nangyayari ang mga bagay sa iyo, palagi kang may sariling mga ideya at kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, ngunit hindi mo kayang magpasakop sa Diyos? Ito ay dahil napakaraming bagay ng laman at bagay ng sariling kagustuhan sa loob mo, palaging iniisip na ang daan mo ang tamang daan. Maganda ang pakiramdam ninyo kapag nakikinig sa isang sermon at wala kayong kinikimkim na mga kuru-kuro, ngunit kapag may nangyayari sa inyo, gusto ninyong isagawa ang katotohanan, pero nawawalan kayo ng kontrol, at kusang lumilitaw ang mga mapanghimagsik na bagay sa loob ninyo. Sinasabi Ko na masyado kayong mapanghimagsik, at kung hindi kayo nananalig sa Akin, maaari kayong gumawa ng isang talaan. Sa tuwing makaririnig ka ng isang pagbigkas ng Diyos, itala mo kung anong mga kuru-kuro ang umuusbong sa puso mo at kung ano ang iyong mga iniisip, at pagkatapos ay ilantad ang mga bagay sa loob mo, himay-himayin ang mga ito, ihambing ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at malalaman mo kung hanggang saan ang iyong paghihimagsik. Ang pagsasagawa nang ganito ay kapaki-pakinabang para sa iyong buhay pagpasok. Dapat kang maglakas-loob na harapin ang mga katunayan at maglakas-loob na ilantad ang iyong sarili. Kapag naglakas-loob kang ilantad ang iyong sarili, pinapatunayan nito na mayroon kang pusong tumatanggap sa katotohanan, isang pusong bumibitiw sa mga kuru-kuro at nagpapasakop sa Diyos. Dapat kang maghimagsik laban sa iyong sarili; huwag paulit-ulit na maghimagsik laban sa Diyos, sapagkat mali iyon. Hindi maaari na nananalig sa Diyos ngunit hindi marunong magpasakop sa Kanya. Sa oras na madali na para sa iyo na magpasakop sa Diyos, magkakaroon na ng kapayapaan at kagalakan sa iyong puso; labis ka nang matutuwa kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, mahahanap mo na ang mga salitang sasabihin kapag nananalangin ka sa Diyos, at magiging mas malapit ka sa Kanya. Yaong mga palaging naghihimagsik laban sa Diyos ay hindi kailanman nagnanais na isagawa ang katotohanan, at kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila lubos na naiintindihan ang mga salita—magkakaroon pa ba ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang puso? Kapag nakatatagpo ng mga isyu ang mga tao, lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi nila maiwasan ang mga ito. Dapat kang magbulay-bulay at magnilay-nilay, iniisip na, “Paano nangyari ang problemang ito? Paano lumitaw ang ganitong uri ng kuru-kuro? Saan matatagpuan ang pinagmulan nito?” Dapat kang magdasal sa Diyos, magbasa ng mga salita ng Diyos, unawain ang usaping ito, at kapag nalutas na ang problema, magkakaroon ka ng buhay pagpasok. Kung hindi mo praktikal na lulutasin ang iyong mga problema sa ganitong paraan, palaging paniniwalaan na hindi isang malaking bagay ang magkimkim ng ilang kuru-kuro, na kusang mawawala ang mga ito matapos ang ilang araw, at na sa sandaling mawala na ang mga ito, mangangahulugan na hindi ka nagkikimkim ng mga kuru-kuro, palagi mong iisipin na wala kang mga kuru-kuro, samantalang sa katunayan ay kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro, binabalewala mo ang mga ito at hinahayaan na lang. Pakiramdam mo noong oras na iyon ay walang pinsalang nagawa, at pagkatapos ay tumatanggi kang aminin na mayroon kang anumang pinsala. Karaniwan, kapag hindi sumasailalim ang mga tao sa pagpupungos, kapag hindi nila kinakailangang harapin ang anumang hindi kanais-nais na sitwasyon, wala silang kinikimkim na mga kuru-kuro at nakakalimutan nilang mayroon sila niyon. Iniisip nila na kamangha-mangha sila, na talagang wala silang mga kuru-kuro. Subalit kapag nangyayari ang isang bagay, lumilitaw ang mga kuru-kuro at sumasalungat sila sa Diyos, at pagtagal-tagal ay naglalaho ang mga kuru-kuro at nakakalimutan nila ang tungkol dito, at muli nilang nararamdaman na mayroon silang magandang kalagayan at na wala silang kinikimkim na mga kuru-kuro tungkol sa Diyos—ano ang problema sa kanila? Iyon ay na hindi nila tunay na nauunawaan ang katotohanan at hindi nalutas ang pinagmulan ng kanilang mga kuru-kuro. Kaya naman paulit-ulit na lumilitaw ang ganitong mga uri ng kuru-kuro, hanggang sa oras na may isang taong masusing magbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, at tuluyan nang malulutas ang kanilang mga kuru-kuro. Pagdating sa paglutas ng mga kuru-kuro ng isang tao, hindi maaaring hindi hanapin ang katotohanan nang taimtim—walang silbi ang basta lang na pag-unawa sa doktrina. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay may limitado, mababaw na kaalaman sa kanilang sarili. Minsan kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro sa kanila, hindi nila natutuklasan ang mga ito, ni nararamdaman man lang ang mga ito. Ang isang maliit na kuru-kuro na hindi nalulutas ay hindi magsasanhing magkamali ang isang tao, ngunit ang isang malaking kuru-kuro na hindi nalulutas ay agad na magpapabagsak sa kanya. Upang makilala ang iyong sarili, kailangan mo munang lutasin ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, at lutasin ang iyong mga maling pananaw na madalas lumilitaw. Pagkatapos ay lutasin ang lahat ng iyong iba’t ibang tiwaling disposisyon, mula sa mabababaw hanggang sa mga mas malalim, at sa paggawa nito ay unti-unti kang makapapasok sa katotohanang realidad. Ang pagkilala sa iyong sarili ay nagsisimula sa pagkilala muna sa mga kuru-kuro at imahinasyon na umiiral sa loob mo. Habang mas lumalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, mas lalalim din lalo ang pagkakilala mo sa iyong sarili. Pagdating sa pagkilala sa iyong sarili, dapat kang maging metikuloso. Kung hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili, hindi ka magkakamit ng buhay pagpasok; ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pagkilala sa iyong sarili. Kung nais mong magkamit ng buhay pagpasok, dapat maingat mong hanapin ang katotohanan, samantalahin ang mga pagkakataong malutas ang iyong mga isyu, at huwag palampasin ang kahit isa. Sa sandaling naitala mo na ang iyong mga kuru-kuro, kailangan mong hanapin ang katotohanan, buksan ang iyong sarili at makisali sa pagbabahagi, at suriin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, ganap na malulutas ang mga ganitong uri ng kuru-kuro. Kung muli kang mahaharap sa parehong isyu at muling lilitaw ang iyong mga kuru-kuro, at pinipigilan pa rin ng mga ito ang puso mo, ipinapakita nito na hindi mo tunay na naunawaan ang katotohanan, bagkus ay naunawaan mo lamang ang doktrina, at kaya nananatili ang iyong mga kuru-kuro. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, saka lamang ganap na maglalaho ang iyong mga kuru-kuro, at kahit na lumitaw muli ang mga ito sa hinaharap, madaling malulutas ang mga ito at hindi ka mapipigilan ng mga ito, dahil nauunawaan mo na ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, mahirap bang isagawa ang pagkilala sa iyong sarili at pagpasok sa katotohanan sa ganitong paraan? Kailangan ba nito ng labis na pagsisikap? Oo! Kung ang iyong kaalaman sa sarili ay mayroon lamang pahapyaw na pagkakilala sa mabababaw na bagay—kung sasabihin mo lang na mayabang at mapagmatuwid ka, na naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos—kung gayon, hindi ito tunay na kaalaman, kundi doktrina. Dapat mong isama ang mga katunayan dito: Dapat mong isiwalat ang alinmang mga usapin na may pinanghahawakan kang mga maling intensiyon at pananaw o mga baluktot na opinyon para sa pagbabahagi at pagsusuri. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi ka dapat magkaroon ng pagkaunawa sa iyong sarili batay lamang sa iyong mga kilos; dapat mong maarok kung ano ang susi at lutasin ang ugat ng problema. Sa sandaling lumipas ang isang panahon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at ibuod kung aling mga problema ang nalutas mo, at kung alin ang nananatili pa rin. Kaya, dapat mo ring hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problemang ito. Hindi ka dapat maging pasibo, hindi mo dapat palaging kailangan ang iba na hikayatin o himukin ka na gawin ang mga bagay-bagay, o kontrolin ka pa nga; dapat mayroon kang sariling landas para sa buhay pagpasok. Dapat madalas mong suriin ang iyong sarili para makita kung anong mga bagay na nasabi at nagawa mo ang salungat sa katotohanan, kung alin sa mga intensiyon mo ang mali, at anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo. Kung palagi kang nagsasagawa at pumapasok sa ganitong paraan—kung mataas ang hinihingi mo sa iyong sarili—kung gayon, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon ng buhay pagpasok. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, makikita mo na isa ka lang talagang hamak na tao. Una, mayroon kang malubhang tiwaling disposisyon; pangalawa, malaki ang kakulangan mo, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanan. Kung darating ang araw na tunay ka nang magtataglay ng gayong kaalaman sa sarili, hindi ka magiging mapagmataas, at sa maraming usapin, magtataglay ka ng katinuan, at makakaya mong magpasakop. Ano ang pangunahing isyu ngayon? Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri sa diwa ng mga kuru-kuro, naunawaan na ng mga tao ang dahilan kung bakit sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro; nagagawa nilang lutasin ang ilang kuru-kuro, pero hindi ito nangangahulugan na nakikita nila nang malinaw ang diwa ng bawat kuru-kuro, nangangahulugan lamang ito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili, pero hindi pa sapat na malalim o malinaw ang kanilang kaalaman. Sa madaling salita, hindi pa rin nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling kalikasang diwa, ni hindi nila nakikita kung anong mga tiwaling disposisyon ang nag-ugat sa puso nila. May limitasyon sa kung gaano kalaki ang makakamit na kaalaman ng isang tao sa kanyang sarili sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na, “Alam ko na masyadong mayabang ang disposisyon ko—hindi ba’t nangangahulugan ito na kilala ko ang sarili ko?” Masyadong mababaw ang gayong kaalaman; hindi nito malulutas ang problema. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili, bakit hinahangad mo pa rin ang pansariling pagsulong, bakit ninanais mo pa rin na magkaroon ng katayuan at maging katangi-tangi? Ibig sabihin, hindi pa napupuksa ang mayabang mong kalikasan. Kaya, dapat magsimula ang pagbabago mula sa mga kaisipan at pananaw mo, at sa mga intensiyon sa likod ng iyong mga salita at kilos. Kinikilala ba ninyo na karamihan sa mga sinasabi ng mga tao ay may tinik at kamandag, at na mayroong elemento ng pagmamayabang sa tonong ginagamit nila? Nasa kanilang mga salita ang kanilang mga intensiyon at personal na opinyon. Makakakilala yaong mga may kabatiran kapag naririnig nila ito. Ang ilang tao ay madalas na may partikular na paraan ng pagsasalita at may partikular na mga ekspresyon kapag hindi nabubunyag ang kanilang kayabangan, pero ang kanilang pag-uugali ay ibang-iba kapag nabubunyag ang kanilang kayabangan. Kung minsan ay patuloy silang nagdadaldal tungkol sa kanilang tila mga importanteng ideya, kung minsan ay nananakot sila at nagmamalaki. Iniisip nila na sobrang importante nilang tao, at nalalantad dito ang pangit na mukha ni Satanas. Lahat ng uri ng intensiyon at tiwaling disposisyon ay nasa loob ng bawat tao. Katulad lang ng kung paanong kumikindat ang mga mapanlinlang na tao kapag nagsasalita sila, at palihim na sumusulyap sa mga tao—may tiwaling disposisyon na nakatago sa mga kilos na ito. Ang ilang tao ay nagsasalita nang hindi tuwiran, at talagang hindi malaman ng iba ang ibig nilang sabihin. Palaging may mga nakatagong kahulugan at panlalansi sa loob ng kanilang mga salita, pero sa panlabas, sila ay napakakalmado at panatag. Ang ganitong mga tao ay mas mapanlinlang at mas lalong mahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Napakahirap nilang iligtas.
Noon, kapag nananalig sa Diyos ang mga tao, palagi silang kontento na sa pagkakaroon ng isang mapayapang tahanan at pagiging maayos ng lahat ng kanilang ginagawa, at naniwala sila na nangangahulugan ito na tiyak na mahal sila ng Diyos at nalulugod Siya sa kanila. Kung nakokontento ka lang sa mga bagay na ito, hinding-hindi ka makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Huwag makontento sa kung gaano kahusay o kaayos ang buhay mo sa panlabas; hindi mahalaga ang mabababaw na bagay na iyon. Ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ngayon ay kinasasangkutan ng paglilinis at pagbabago sa mga bagay na malalalim nang nakabaon sa mga tao na nauukol kay Satanas, hinuhukay ang ugat ng mga ito, at inilalantad ang mga ito mula sa diwa at kalikasan ng tao. Bakit palaging sinusuri ng Diyos ang mga pananaw at intensiyon ng tao? Ito ay dahil ang kalikasan ng tao ay napakalalim na nakabaon. Hindi tinitingnan ng Diyos kung paano mo ginagawa ang mga bagay-bagay, o kung ano ang hitsura mo, o kung gaano ka katangkad, ni hindi Siya tumitingin sa kung anong uri ng pamilya ang mayroon ka o kung may trabaho ka o wala—hindi tumitingin ang Diyos sa mga bagay na ito. Ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos ay ang iyong diwa, upang malutas ang diwa at ugat ng iyong mga problema. Samakatuwid, huwag maging kontento lamang sa isang mapayapang tahanan at pagiging maayos ng lahat ng bagay, iniisip na pinagpapala ka ng Diyos—mali ito. Huwag hangarin ang mga panlabas na bagay na ito at huwag hayaan ang iyong sarili na masyadong masangkot sa mga ito. Kung makokontento ka na lang sa mga bagay na ito, ipinapakita nito na masyadong mababa ang layon na hinahangad mo sa iyong pananampalataya sa Diyos, at labis kang nagkukulang sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat kang tumutok sa pagbabago ng disposisyon, simula sa iyong disposisyon at pagkatao, pati na sa iyong mga layon at pananaw na pinanghahawakan mo sa iyong pananampalataya sa Diyos. Sa ganitong paraan, kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga taong kasisimula pa lang manalig sa Diyos o hindi pa tumanggap sa Kanya, makikita nila sa iyong anyo na sumailalim ka na sa pagbabago, at na talaga ngang iba ang hinahangad mo. Sinasabi nila, “Sa aming pananampalataya sa Diyos, hinahangad naming kumita ng mas maraming pera, magkaroon ng katayuan, makapasok sa kolehiyo ang mga anak namin, at makahanap ang aming mga anak na babae ng nararapat na kapareha. Bakit hindi mo hinahangad ang mga bagay na ito? Tinitingnan mo ang mga bagay na ito na para bang mga dumi ito at ganap na walang halaga. Kung gayon, paano ka nananalig sa Diyos?” Pagkatapos ay magbabahagi ka sa kanila kung kumusta ang karanasan mo, kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, kung paano ka pinupungusan ng Diyos, pinarurusahan at hinahatulan ka, kung paano mo pinagninilayan ang iyong sarili at nauunawaan ang mga bagay-bagay, at kung paano ka nagsisisi at nagbabago. Kapag nagkita kayo ng mga tao, nararamdaman nila kung gaano kapraktikal ang pagbabahagi mo, na medyo nagtutustos ito sa kanila at kapaki-pakinabang para sa kanila, at na hindi ka basta lang nagbibigay ng mabababaw na sermon para hikayatin at payuhan ang mga tao. Magagawa mong magsalita tungkol sa buhay pagpasok at kaalaman sa sarili, at patutunayan nito na tunay kang isang tao na nasa bagong kapanahunan, tunay na isang bagong tao. May ilan ngayon na pinag-uusapan pa rin ang mga bagay ng nakaraan, sinasabing, “Nananalig ako noon sa Panginoong Jesus, at saanman ako magpunta para gumawa, gumagawa ng dakilang gawain ang Banal na Espiritu. Kapag ipinapalaganap ko ang ebanghelyo, marami ang handang makinig sa akin, at kung sino man ang ipinagdarasal ko ay mabilis na gumagaling….” Pinag-uusapan pa rin nila ang mga bagay na ito, at masyado itong paurong! Dapat kayong gumugol ng mas maraming oras sa pagbabahagi ng katotohanan, sa pagsasalita tungkol sa mga bagay gaya ng buhay pagpasok, mga pagbabago sa disposisyon, kaalaman sa sarili at ibang mahahalagang bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok. Huwag pag-usapan ang mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Kung madalas kayong magsasagawa sa ganitong paraan, magkakamit kayo ng ilang katotohanang realidad. Dahil sa inyong kasalukuyang tayog, hindi kayo nakakagawa ng gawaing nagbibigay ng buhay o nakakagamit ng katotohanan upang malutas ang mga suliranin. Ang nagagawa lang ninyo ay hikayatin at payuhan ang mga tao, sinasabing, “Huwag maghimagsik o labanan ang Diyos. Sa kabila ng ating pagiging lubhang tiwali, inililigtas pa rin tayo ng Diyos, kaya dapat nating pakinggan ang Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanya.” Matapos itong marinig, nauunawaan ng mga tao ang mga doktrina, ngunit kulang pa rin sila sa lakas at hindi alam kung paano isasagawa o dadanasin ang mga salita ng Diyos. Pinatutunayan nitong kayo, bilang mga pinuno at manggagawa, ay hindi rin nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung kayo mismo ay hindi nakamit ang pagpasok, paano kayo makapagbibigay sa iba kung gayon? Hindi mo mauunawaan ang sanhi ng mga paghihirap at tiwaling disposisyon ng ibang tao, hindi mo maiintindihan kung ano ang susi, sapagkat hindi mo pa rin kilala ang iyong sarili. Dahil dito, ang paglalaan ng buhay sa inyong gawain sa iglesia ay hindi ninyo maabot, at sa paghihikayat lamang sa mga tao, pagsasabi sa kanilang maging mabuti at taimtim na sumunod, wala kayong kakayahang lumutas ng mga tunay na suliranin. Ito ay sapat na katibayang hindi kayo tunay na nakaunawa ng katotohanan o nakakamit ng anumang buhay pagpasok. Ang alam lamang ng karamihan sa inyo ay kung paano ipangaral ang mga doktrinang espirituwal at mga hungkag na teoryang teolohiko, ngunit hindi ninyo kayang magbigay ng buhay; dahil dito, napakababa ng inyong tayog. Mayroon pang dapat mabago sa iyong pananaw sa pananampalataya sa Diyos. Ang iyong pag-unawa at mga layon ay nananatiling pareho. Magkakaroon ka ba ng landas pasulong sa paghiling sa iba na magbago kung ikaw mismo ay hindi pa nakalutas sa sarili mong mga isyu? Matutustusan mo ba ang iba? Magagawa mo bang lutasin ang kanilang mga problema? Anong mga resulta ang makakamit mo sa paghiling sa iba na magbago kung hindi mo kayang gawin ang alinman sa mga bagay na ito? Kung ang tanging nagagawa mo ay mangaral ng mga salita at doktrina para pangaralan at payuhan ang mga tao, maipapaunawa mo ba sa iba ang katotohanan? Kung ikaw mismo ay walang tunay na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, mauunawaan kaya ng hinirang na mga tao ng Diyos ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa iyong pagbabahagi? Paano mo mahihikayat ang hinirang na mga tao ng Diyos na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin kung ikaw mismo ay gumaganap sa iyong tungkulin nang walang mga prinsipyo? Paano sila magkakaroon ng lakas para sundan ang Diyos? Yaong mga kumikilos bilang mga lider at manggagawa ay dapat na makaunawa at maging dalubhasa sa mga kalagayan ng lahat ng iba’t ibang uri ng tao sa iglesia, kung sino sa kanila ang may karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at sa gawain ng Diyos, at kung sino sa kanila ang tunay na may kaalaman sa sarili at tunay na nagsisisi. Yaong mga lider at manggagawa na may kakayahan na lubos na maunawaan ang mga bagay na ito ay magkakaroon ng kakayahang gampanan ang ilang praktikal na gawain. Kung ang mga katuwang mo sa iyong tungkulin ay katulad mo lamang, sinesermunan ang iba nang walang anumang kaalaman sa sarili, kung gayon ay pinapatunayan niyon na wala rin sa iyo ang katotohanang realidad, na hindi mo kilala ang iyong sarili at na wala kang ipinagkaiba sa kanila. Naisip na ba ninyo ang mga bagay na ito dati? Ang alam lang ninyo ay “Nabigyan ako ng kapangyarihan dito, may katayuan ako, isa akong opisyal sa iglesia at mayroon na akong posisyon kung saan makakapangaral ako sa iba.” Tumutuon ka lang sa katayuan at katanyagan, sa kung paano mangaral sa iba at magbigay ng mga sermon, kung ano ang sasabihin para makinig ang iba sa iyo, para magkaroon ka ng impluwensya sa ilang iglesia at magtamo ng mataas na katanyagan, at para matibay na maitatag ang iyong posisyon. Ang pagtutok lamang sa mga bagay na ito ay nagpapatunay na naligaw ka na. Ang pagpasok sa isang bagong kapanahunan mula sa isang lumang kapanahunan ay hindi lamang nangangahulugan na nagbabago ang mga paraan ng paggawa at pagsasabi ng mga tao, bagkus ay nangangailangan din ito na magkaroon sila ng mas mataas na pagpasok, na magbayad ng higit pang halaga, upang tuluyan nang makapaghimagsik laban sa kanilang laman, upang bitiwan ang mga pagtatangi ng laman, upang hangarin lamang ang katotohanan bilang kanilang buhay at isabuhay ang isang tunay na wangis ng tao. Sa ganitong paraan lamang sila tunay na makakaranas ng puspusang pagbabago. Sa paggawa ng bagong gawain, kinakailangang gumawa ang Diyos ng mga bagong kahilingan sa tao, at sa pagkapit sa mga luma, tradisyonal na mga kuru-kurong iyon, pinababagal lamang ng tao ang mga bagay-bagay. Ang ilang tao ay may bulag na pananampalataya sa Bibliya at hindi kailanman humihiwalay rito—kaya ba nilang magkamit ng buhay at makilala ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi, talagang hindi. Sa loob ng maraming henerasyon, binasa ng mga Pariseo ang Bibliya, at sa huli ay ipinako nila sa krus ang Panginoong Jesus na nagpapahayag ng katotohanan—paanong nangyari iyon? Kung talagang naunawaan nila ang Bibliya, dapat ay nakilala nila ang Diyos, at nang dumating ang Panginoong Jesus, dapat ay sinalubong nila Siya at hindi Siya kinondena. Marami pa ring mga tao ang hindi kayang maarok ang bagay na ito. Sa puso nila, lagi nilang iniisip na kahit gaano pa karami ang binibigkas ng Diyos ngayon, dapat pa rin nilang basahin ang Bibliya at hindi sila dapat humiwalay rito. Nangangahulugan ito na sa huli ay naaalala nila ang maraming nakasulat sa Bibliya, ngunit hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos o naisasagawa ang mga ito. Sa huli, wala silang anumang tunay na patotoong batay sa karanasan at sila ay itinitiwalag. Hindi ba’t nakakahiya ito? Sa katunayan, marami na ngayon ang madalas na nagbabasa ng Bibliya ngunit napakakaunti ang binabasang mga salita ng Diyos—matalinong bagay ba na gawin ito o isang kahangalan? Noon, kapag nananalig sila sa Panginoon, naniniwala ang mga tao na ang labis na kasigasigan ay nangangahulugan ng isang magandang buhay at mabuting pananampalataya. Kapag sinabi ngayon na, kung may kasigasigan lamang at walang pagbabago sa disposisyon, hindi dapat sang-ayunan ng Diyos ang isang tao, palaging iniisip ng ilan na hindi makatarungan ang pakikitungo ng Diyos sa gayong mga tao. Pinungusan Ko na noon ang ilang taong may kasigasigan lang pero walang pagbabago sa disposisyon, at hindi ito tinanggap ng ilan sa mga taong nag-isip na hindi makatarungan ang pakikitungo Ko sa gayong mga tao, at ipinagtanggol nila ang mga taong iyon, sinasabing, “Napakatagal na nilang nananalig sa Diyos. Nagbayad sila ng halaga at nagdusa nang husto, at nagsumikap sila kahit na hindi sila nakagawa ng anumang kontribusyon. Bakit Mo sila tinatrato nang ganito?” Hindi nagagawang ituwid ng ilang tao ang kanilang mga pananaw. Mahirap bang unawain ito? Nakikita ng mga tao kung paano ginagawa ng iba ang mga bagay sa panlabas, samantalang nakikita ng Diyos ang kanilang diwa, at ibang-iba ang bagay na iyon. Nakikita mo lang kung gaano kamaka-Diyos ang isang tao sa panlabas, kung gaano siya kahusay magsalita, at kung gaano siya nagpapakaabala at nagbabayad ng halaga. Paanong hindi mo sinasabi kung gaano karaming kuru-kuro ang kinikimkim niya, o kung gaano siya ka-mapagmatuwid at kayabang? Bakit hindi mo nakikita ang mga bagay na iyon? Iyon ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na masyadong luma at paurong ang mga pananaw ninyo sa mga bagay-bagay. Hindi na tinitingnan ngayon ng Diyos ang halagang binabayaran ng mga tao sa panlabas; hindi Siya nagsasalita tungkol sa halagang nabayaran o sa iyong kapital, o kung gaano ka nagdusa—tinitingnan Niya ang iyong diwa. Ano ang mga prinsipyo sa paggamit ng mga tao sa nakaraang kapanahunan? Ang sinumang labis na masigasig, sinumang nagpapakaabala at gumugugol sa kanyang sarili, sinuman ang pinakamatagal nang nananalig sa Diyos, at sinuman ang pinakamatanda at walang asawa—kapag mas umaangkop ang isang tao sa paglalarawang ito, mas mataas ang katanyagang mayroon siya at mas may kakayahang maging lider. Hindi na mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang diwa ng isang tao ang mahalaga, dahil ang susi sa pananalig sa Diyos ay kung ano ang diwa ng isang tao, kung kaya ba niyang sambahin ang Diyos, at kung kaya niyang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Kung ngayong pumarito na ang Diyos sa katawang-tao ay hindi mo Siya kilala, ano ang ipinapahiwatig niyon tungkol sa diwa mo? Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na ang diwa mo ay lumalaban sa Diyos? Depende ito sa kung umaayon sa Diyos o hindi ang iyong mga pananaw at intensiyon. Kung kaya mong tanggapin ang tunay na daan at maghimagsik laban sa mga dati mong intensiyon at kuru-kuro, matatanggap at pagpapalain ng Diyos ang mga taong katulad mo. May mga prinsipyo sa kung paano ginagamit ng Diyos ang mga tao sa Kanyang gawain. Hindi Niya tinitingnan ang iyong kapital, pinanggalingang pamilya, katanyagan o katayuan. Hindi Niya ginagamit ang mga lumalaban sa Kanya—hindi ba’t maaantala lamang niyon ang Kanyang gawain? Palaging pinag-uusapan ng mga tao ang kanilang kapital, labis ang kayabangan nila—sila ay mga diyablo! Hindi natin pinag-uusapan ang mga bagay tulad ng paghahandog, paggugol sa sarili, kapital, at katanyagan—walang saysay na pag-usapan ang mga bagay na iyon! Sinuman ang pinakasinsero sa Diyos at pinakahandang magpasakop sa Diyos ay magtataglay ng katotohanang realidad, at sinasang-ayunan natin ang gayong mga tao. May saysay pa bang tingnan ang panlabas? Maaaring magbago ang ilang bagay sa panlabas ng isang tao, ngunit maraming bagay sa loob ng kalikasan nila ang hindi magbabago, at darating ang panahon na lilitaw ang mga ito. Kaya, dapat mong malaman ang mga bagay na ito at malantad ang mga ito. Napakaraming bagay sa kalikasan ng isang tao! Siyempre, ang kalikasan ng tao ay mayabang, mapagmatuwid, at mapaghimagsik, at ito ang pinakamalaki, pinakanakaugat na mga problema. Bukod sa mga ito, mayroon ding ilang tiwaling disposisyon sa loob ng tao. Samakatuwid, ang pagkilala sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Yaong mga may kaunting kakayahan ay madaling mamamalayan at mauunawaan kapag may nagagawa silang mali o nagkakasala sila. Gayunpaman, ang mga bagay na nasa kalikasan nila, ang mga bagay na nasa disposisyon nila, at lalo na ang mga bagay na nauugnay sa kanilang malulubhang kahinaan, ay ang mga bagay na para sa kanila ay pinakamahirap makita at malaman. Huwag isipin na, kapag gumawa ka ng mali at nagdasal ka sa Diyos, o nakagawa ka ng kasalanan at ipinagtapat mo ito sa Diyos, ibig sabihin ay kilala mo ang iyong sarili—malayong-malayo iyan sa kamalayan sa sarili! Kung hindi ka naniniwala sa Akin, gawin mo ang gusto mo at tingnan mo ang mangyayari. Marahil ay darating ang isang araw na may haharapin kang isyu at malulugmok ka, o marahil ay darating ang panahon na maaaresto ka at sa loob ng isang gabi, magiging isa kang Hudas, at masisiraan ka ng loob. Kung nais mong magkaroon ng buhay pagpasok, dapat mo munang kilalanin ang iyong sarili; kung nais mong magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kung gayon ay mas lalong dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Kapag nagkaroon ka ng isang daan pasulong sa pagkakilala sa sarili, kapag mas lumalalim ang pagkilala mo sa sarili, at kapag natuto ka kung paano isagawa ang katotohanan, likas kang magkakaroon ng buhay pagpasok. Nagsisimula rin ang pagbabago sa disposisyon sa puntong ito. Kung tunay mong nakikilala ang iyong sarili, magkakaroon ka ng daan pasulong sa buhay pagpasok at pagbabago sa disposisyon, at magiging mas madali para sa iyo ang mga bagay na ito.
Huling bahagi ng 1995