Tatlong Paalaala

Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat sa Kanya ka lamang maging tapat sa lahat ng bagay, at magawa mong umayon sa kalooban Niya sa lahat ng bagay. Gayunman, kahit na naiintindihan ng lahat ang mensaheng ito, dahil sa sari-saring suliranin ng tao—halimbawa, dahil sa kanyang kamangmangan, pagiging kakatwa, at katiwalian—ang mga katotohanang ito, na pinakamalinaw at pinakabatayan sa lahat, ay hindi ganap na nakikita sa kanya, kaya naman, bago maitaga sa bato ang katapusan ninyo, nararapat Kong sabihin muna sa inyo ang ilang bagay na pinakamahalaga sa inyo. Bago Ako magpatuloy, dapat muna ninyong maintindihan ito: Ang mga salitang sinasabi Ko ay mga katotohanang nakatuon sa buong sangkatauhan; ang mga ito ay hindi lamang para sa isang partikular na tao o uri ng tao. Samakatuwid, dapat ninyong tutukan ang pag-intindi sa mga salita Ko mula sa pananaw ng katotohanan, at dapat kayong magkaroon ng saloobin na nakatutok ang inyong atensiyon at mayroon kayong sinseridad; huwag ninyong balewalain ang isa mang salita o katotohanang sinasabi Ko, at huwag tratuhin nang basta-basta ang lahat ng salitang sinasabi Ko. Sa mga buhay ninyo, nakikita Kong marami kayong ginawang walang kinalaman sa katotohanan, kaya naman partikular Kong hinihiling na maging mga tagapaglingkod kayo ng katotohanan, na huwag kayong magpaalipin sa kabuktutan at kapangitan, at huwag ninyong yurakan ang katotohanan o dungisan ang alinmang sulok ng sambahayan ng Diyos. Ito ang paalaala Ko sa inyo. Ngayon nama’y magsasalita Ako tungkol sa ating kasalukuyang paksa.

Una, para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hangaring masang-ayunan ng Diyos. Ibig sabihin, yamang kinikilala ninyong kasapi kayo ng sambahayan ng Diyos, dapat kayong magdala ng kapayapaan ng isip sa Diyos at magbigay-lugod sa Kanya sa lahat ng bagay. Sa madaling salita, dapat kayong maging maprinsipyo sa mga kilos ninyo at sumunod sa katotohanang nasa mga iyon. Kung hindi mo ito magagawa, kamumuhian at tatanggihan ka ng Diyos at itataboy ka ng bawat tao. Kapag nalagay ka sa gayong mahirap na sitwasyon, hindi ka na mabibilang na kasama sa sambahayan ng Diyos, na siyang mismong kahulugan ng hindi sinang-ayunan ng Diyos.

Pangalawa, dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat nang nakakubli, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap ka nang nagpasakop sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, nananatili sa loob mo ang pagsuway, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil malayo sa pagiging tapat ang puso mo, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inihahayag mong lubha kang tapat, ngunit hindi mo kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kahibangan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong tatanggapin sa sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

Ito ang pangatlong bagay na nais Kong sabihin sa inyo: Ang bawat tao, habang ipinamumuhay ang kanyang buhay ng pananampalataya sa Diyos, ay nakagawa ng mga bagay na lumalaban at nanlilinlang sa Diyos. Hindi kailangang itala bilang pagkakasala ang ilang masamang gawa, ngunit walang kapatawaran ang ilan; sapagkat maraming gawa na lumalabag sa mga atas administratibo, na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Marami sa mga nababahala sa kanilang sariling mga kapalaran ay maaaring magtanong kung anu-ano ang mga gawang ito. Dapat ninyong malamang likas kayong mapagmataas at mayabang, at ayaw magpasakop sa mga katotohanan. Sa dahilang ito, sasabihin Ko sa inyo nang paunti-unti pagkatapos ninyong pagnilayan ang mga sarili ninyo. Hinihimok Ko kayong magkaroon ng mas mahusay na pag-unawa sa nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong malayang dadaldal nang may magarbong pananalita, at hindi sinasadyang malalabag ninyo ang disposisyon ng Diyos at masasadlak sa kadiliman, na mawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, sapagkat ginagawa at sinasabi mo ang hindi dapat, tatanggap ka ng naaangkop na ganti. Dapat mong malamang kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Pagkakasala sa Diyos, hindi sa isang tao, ang dahilan ng pagkakatanggap mo ng ganti. Kung sa buhay mo ay marami kang nagawang paglabag sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Gayunpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, ay walang ipinakitang tanda ng pagsisisi, wala nang ibang pagpipilian kundi masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. May maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang maiwasto at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mga mananatili hanggang sa huli. Gayunpaman, ang mga tapat ang hinahanap Ko; kung isa kang tapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa mga ikinikilos mo ay hindi mo nalalabag ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang kalooban ng Diyos, at mayroon kang pusong may takot sa Diyos, kung gayo’y abot sa pamantayan ang pananampalataya mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa kilabot ay malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga kahihinatnan ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting layunin, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinalalayas sila, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay tapos na. Gumagawa ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting layunin, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, iniisip nang may kahambugan na madaling magagamit ang mga ito dito. Hindi nila kailanman naipagpalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatuwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa malapit na pagtitiwala ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos. Sa ngayon ay dapat nabatid mo nang hindi tulad ng pag-aaral ng teolohiya ang paniniwala sa Diyos!

Bagama’t maikli ang mga salitang ginagamit Ko upang paalalahanan kayo, ang lahat ng inilarawan Ko ang siyang pinakakulang sa inyo. Dapat ninyong malaman na para sa kapakanan ng huling gawain Ko sa piling ng tao ang sinasabi Ko ngayon, alang-alang sa pagtukoy sa katapusan ng tao. Hindi Ko ninanais na gumawa pa ng mas maraming gawaing wala namang layunin, ni hindi Ko ninanais na ipagpatuloy ang paggabay sa mga taong walang pag-asa na gaya ng bulok na kahoy, lalong hindi na ipagpatuloy ang pag-akay sa mga palihim na nagkikimkim ng masasamang layunin. Marahil mauunawaan ninyo balang araw ang taimtim na mga layunin sa likod ng mga salita Ko at ang mga naiambag Ko para sa sangkatauhan. Marahil maiintindihan ninyo balang araw ang mensaheng magbibigay-daan sa inyo upang pagpasyahan ninyo ang sarili ninyong katapusan.

Sinundan: Tungkol sa Hantungan

Sumunod: Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito