Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—Kabanata 29
Sa araw na muling nabuhay ang lahat ng bagay, pumarito Ako sa piling ng tao, at nakagugol Ako ng kamangha-manghang mga araw at gabi kasama siya. Sa puntong ito lamang nadarama nang kaunti ng tao na madali Akong lapitan, at habang dumadalas ang pakikipag-ugnayan niya sa Akin, nakikita niya ang ilan ng kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako—dahil dito, nagtatamo siya ng kaunting kaalaman tungkol sa Akin. Sa lahat ng tao, nagtataas Ako ng Aking ulo at nagmamasid, at nakikita nila Akong lahat. Subalit kapag sumasapit ang kalamidad sa mundo, agad silang nababalisa, at naglalaho sa kanilang puso ang Aking larawan; takot na takot sa pagsapit ng kalamidad, hindi nila pinapansin ang Aking mga paghimok. Maraming taon Kong nakapiling ang tao, subalit palaging hindi niya ito namamalayan, at hindi niya Ako nakilala kailanman. Ngayon sinasabi Ko ito sa kanya mula sa sarili Kong bibig, at pinahaharap Ko ang lahat ng tao sa Akin para tumanggap ng isang bagay mula sa Akin, ngunit lumalayo pa rin sila sa Akin, kaya nga hindi nila Ako nakikilala. Kapag tumahak ang Aking mga yapak sa buong sansinukob at sa mga dulo ng daigdig, magsisimulang magnilay-nilay ang tao sa kanyang sarili, at lahat ng tao ay lalapit sa Akin at yuyuko sa Aking harapan at sasambahin Ako. Ito ang araw na magtatamo Ako ng kaluwalhatian, ang araw ng Aking pagbabalik, at ang araw din ng Aking paglisan. Ngayon, sinimulan Ko na ang Aking gawain sa buong sangkatauhan, pormal na Akong nagsimula sa buong sansinukob sa pagwawakas ng Aking plano ng pamamahala. Mula sa sandaling ito, sinumang hindi maingat ay nanganganib na malublob sa gitna ng walang-awang pagkastigo, at maaari itong mangyari anumang sandali. Hindi ito dahil sa wala Akong puso; sa halip, isang hakbang ito ng Aking plano ng pamamahala; kailangang magpatuloy ang lahat ayon sa mga hakbang ng Aking plano, at walang sinuman na maaaring baguhin ito. Kapag pormal Kong sinimulan ang Aking gawain, lahat ng tao ay gagalaw tulad ng Aking paggalaw, kaya mag-aabala ang mga tao sa buong sansinukob sa pagsabay sa Akin, mayroong “kasayahan” sa buong sansinukob, at nauudyukan Kong sumulong ang tao. Dahil dito, nilalatigo Ko ang malaking pulang dragon mismo hanggang sa magdeliryo ito at malito, at nakakatulong ito sa Aking gawain, at, kahit ayaw nito, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanasa, kundi wala itong mapagpilian kundi magpasakop sa Aking pamamahala. Sa lahat ng plano Ko, ang malaking pulang dragon ang Aking panghambing, Aking kaaway, at Akin ding alipin; dahil dito, hindi Ko kailanman niluwagan ang Aking “mga kinakailangan” dito. Samakatuwid, ang huling yugto ng gawain ng Aking pagkakatawang-tao ay natatapos sa sambahayan nito. Sa ganitong paraan, mas nakakagawa ng maayos na paglilingkod ang malaking pulang dragon para sa Akin, at sa pamamagitan nito’y lulupigin Ko ito at tatapusin ang Aking plano. Habang gumagawa Ako, lahat ng anghel ay magsisimula sa pangwakas na pakikibaka na kasama Ko at magpapasyang tuparin ang Aking mga naisin sa huling yugto, kaya ang mga tao sa lupa ay susuko sa Aking harapan kagaya ng mga anghel, at mawawalan ng hangaring salungatin Ako, at hindi gagawa ng anumang pagsuway sa Akin. Ito ang mga dinamika ng Aking gawain sa buong sansinukob.
Ang layunin at kabuluhan ng Aking pagdating sa piling ng tao ay para iligtas ang buong sangkatauhan, para ibalik ang buong sangkatauhan sa Aking sambahayan, para pagsamahing muli ang langit at lupa, at para hikayatin ang tao na iparating ang “mga hudyat” sa pagitan ng langit at lupa, sapagkat iyon ang likas na tungkulin ng tao. Sa panahon nang likhain Ko ang sangkatauhan, naihanda Ko na ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at kalaunan, tinulutan Ko ang sangkatauhan na matanggap, ayon sa Aking mga kinakailangan, ang mga kayamanang ibinigay Ko sa kanya. Kaya naman, sinasabi Ko na nasa ilalim ng Aking patnubay ang narating ng buong sangkatauhan ngayon. At lahat ng ito ay plano Ko. Sa buong sangkatauhan, hindi mabilang ang dami ng mga taong umiiral sa ilalim ng proteksyon ng Aking pagmamahal, at hindi mabilang ang dami ng namumuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Aking poot. Bagama’t lahat ng tao ay nagdarasal sa Akin, hindi pa rin nila kayang baguhin ang kasalukuyan nilang kalagayan; kapag nawalan na sila ng pag-asa, maaari lamang nilang hayaang ang likas na takbo ng mga pangyayari at tumigil sa pagsuway sa Akin, sapagkat ito lamang ang magagawa ng tao. Pagdating sa kalagayan ng buhay ng tao, hindi pa natatagpuan ng tao ang tunay na buhay, hindi pa rin niya natatalos ang kawalan ng katarungan, lagim, at miserableng mga kundisyon ng mundo—kaya nga, kung hindi dahil sa pagsapit ng kalamidad, yayakapin pa rin ng karamihan sa mga tao ang Inang Kalikasan, at aabalahin pa rin ang sarili nila sa mga kasarapan ng “buhay.” Hindi ba ito ang realidad ng mundo? Hindi ba ito ang tinig ng kaligtasan na sinasabi Ko sa tao? Bakit, sa sangkatauhan, wala pang tunay na nagmahal sa Akin kailanman? Bakit minamahal lamang Ako ng tao sa gitna ng pagkastigo at mga pagsubok, subalit walang sinumang nagmamahal sa Akin habang nasa ilalim ng Aking proteksyon? Maraming beses Ko nang iginawad ang Aking pagkastigo sa sangkatauhan. Tinitingnan nila ito, ngunit pagkatapos ay hindi nila ito pinapansin, at hindi nila ito pinag-aaralan at pinag-iisipan sa oras na ito, kaya nga lahat ng sumasapit sa tao ay walang-awang paghatol. Isa lamang ito sa Aking mga pamamaraan ng paggawa, ngunit ito ay para baguhin pa rin ang tao at hikayatin siyang mahalin Ako.
Naghahari Ako sa kaharian, at, bukod dito, naghahari Ako sa buong sansinukob; Ako’y kapwa Hari ng kaharian at Pinuno ng sansinukob. Mula sa oras na ito, titipunin Ko ang lahat ng hindi hinirang at sisimulan ang Aking gawain sa mga Hentil, at ibabalita Ko ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, upang matagumpay Kong masimulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Gagamit Ako ng pagkastigo para ipalaganap ang Aking gawain sa mga Hentil, ibig sabihin, gagamit Ako ng puwersa laban sa lahat ng Hentil. Natural, ang gawaing ito ay isasagawa kasabay ng Aking gawain sa mga hinirang. Kapag namumuno at gumagamit ng kapangyarihan sa lupa ang Aking mga tao, iyon din ang araw na lahat ng tao sa lupa ay nalupig na, at, bukod dito, iyon ang panahon na magpapahinga Ako—at saka lamang Ako magpapakita sa lahat ng nalupig na. Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang Aking Sarili mula sa lupain ng karumihan. Lahat ng nalupig na at nagiging masunurin sa Aking harapan ay nakikita ang Aking mukha gamit ang sarili nilang mga mata, at naririnig ang Aking tinig gamit ang sarili nilang mga tainga. Ito ang pagpapala sa mga isinilang sa mga huling araw, ito ang pagpapalang Aking itinadhana, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Ngayon, gumagawa Ako sa ganitong paraan alang-alang sa gawain ng kinabukasan. Lahat ng Aking gawain ay magkakaugnay, sa lahat ng ito, may isang panawagan at tugon: Hindi kailanman tumigil nang biglaan ang anumang hakbang, at hindi kailanman na naisakatuparan ang anumang hakbang nang hiwalay sa iba pa. Hindi ba ganoon iyon? Hindi ba ang gawain ng nakalipas ang pundasyon ng gawain ng ngayon? Hindi ba ang mga salita ng nakalipas ang pasimula sa mga salita ngayon? Hindi ba ang mga hakbang ng nakalipas ang pinagmumulan ng mga hakbang ng ngayon? Kapag pormal Ko nang binuksan ang balumbon, iyon ang panahon kung kailan kakastiguhin ang mga tao sa buong sansinukob, kapag isinailalim ang mga tao sa buong mundo sa mga pagsubok, at ito ang rurok ng Aking gawain; lahat ng tao ay nabubuhay sa isang lupaing walang liwanag, at lahat ng tao ay nabubuhay sa gitna ng mga banta sa kanilang paligid. Sa madaling salita, ito ang buhay na hindi pa kailanman naranasan ng tao mula noong panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyang araw, at walang sinuman sa buong kapanahunan ang “nagtamasa” kailanman ng ganitong uri ng buhay, kaya nga sinasabi Ko na nagawa Ko na ang gawaing hindi pa nagagawa kailanman. Ito ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, at ito ang nakapaloob na kahulugan. Dahil papalapit na ang Aking araw sa buong sangkatauhan, dahil hindi ito malayo sa tingin kundi nasa harap mismo ng mga mata ng tao, sino ang hindi matatakot dahil dito? At sino ang hindi matutuwa rito? Sa wakas, dumating na ang katapusan ng maruming lungsod ng Babilonia; nakitang muli ng tao ang isang bagung-bagong mundo, at ang langit at lupa ay nabago na at napanibago.
Kapag nagpapakita Ako sa lahat ng bansa at lahat ng tao, umiikot ang mga puting ulap sa himpapawid at binabalot Ako. Gayon din, nag-aawitan at nagsasayawan ang mga ibon sa lupa sa galak para sa Akin, na nagbibigay-diin sa kapaligiran sa lupa, at sa gayo’y sumisigla ang lahat ng bagay sa lupa, upang hindi na “dahan-dahang matangay pababa,” kundi sa halip ay mabuhay sa gitna ng kapaligirang puno ng sigla. Kapag Ako ay nasa mga ulap, di-gaanong nawawari ng tao ang Aking mukha at Aking mga mata, at sa oras na ito ay medyo takot siya. Noong araw, nakarinig na siya ng mga tala ng kasaysayan tungkol sa Akin sa mga alamat, at dahil dito ay medyo naniniwala at medyo nagdududa lamang siya sa Akin. Hindi niya alam kung nasaan Ako, o kung gaano kalaki ang Aking mukha—kasinglapad ba ito ng dagat, o walang-hangganang tulad ng mga luntiang pastulan? Walang sinuman ang nakaaalam ng mga bagay na ito. Kapag nakikita ngayon ng tao ang Aking mukha sa mga ulap, saka lamang niya nadarama na ang Ako na nasa alamat ay totoo, kaya nga siya ay medyo mas tanggap niya Ako, at dahil lamang sa Aking mga gawa kaya medyo nadaragdagan ang kanyang paghanga sa Akin. Ngunit hindi pa rin Ako kilala ng tao, at isang bahagi Ko lamang sa mga ulap ang kanyang nakikita. Pagkatapos niyon, inuunat Ko ang Aking mga bisig at ipinapakita ang mga iyon sa tao. Namamangha ang tao, at itinatakip ang kanyang mga kamay sa kanyang bibig, takot na takot na mahampas ng Aking kamay, kaya nga dinaragdagan niya ng kaunting takot ang kanyang paghanga. Ipinipirmi ng tao ang kanyang mga mata sa bawat kilos Ko, labis na natatakot na hahampasin Ko siya kapag hindi siya nakatingin—subalit hindi Ako nalilimitahan dahil sa pinagmamasdan Ako ng tao, at patuloy Kong ginagawa ang gawaing nasa Aking mga kamay. Sa lahat ng gawa lamang na Aking ginagawa nagkakaroon ng kaunting pagtanggap ang tao sa Akin, at sa gayo’y unti-unting lumalapit sa Aking harapan para makisama sa Akin. Kapag nahayag sa tao ang Aking kabuuan, makikita ng tao ang Aking mukha, at mula noon ay hindi na Ako magtatago o magkukubli ng Aking Sarili mula sa tao. Sa buong sansinukob, magpapakita Ako nang hayagan sa lahat ng tao, at lahat ng may laman at dugo ay mapagmamasdan ang lahat ng Aking gawa. Lahat ng nasa espiritu ay tiyak na mananahan nang payapa sa Aking sambahayan, at siguradong magtatamasa ng kamangha-manghang mga pagpapala kasama Ko. Lahat ng Aking kinakalinga ay tiyak na matatakasan ang pagkastigo at tiyak na maiiwasan ang hapdi ng espiritu at ang paghihirap ng laman. Magpapakita Ako nang hayagan sa lahat ng tao at mamumuno at gagamit ng kapangyarihan, upang hindi na lumaganap pa sa sansinukob ang amoy ng mga bangkay; sa halip, lalaganap ang Aking sariwang halimuyak sa buong mundo, dahil papalapit na ang Aking araw, gumigising ang tao, nasa ayos ang lahat sa lupa, at wala na ang mga araw ng pakikibaka sa lupa para mabuhay, sapagkat dumating na Ako!
Abril 6, 1992