Kabanata 3
Yamang kayo ay tinatawag na Aking mga tao, hindi na katulad ng dati ang mga bagay-bagay; dapat ninyong pakinggan at sundin ang mga pagbigkas ng Aking Espiritu, at matamang sundan ang Aking gawain; hindi ninyo maaaring paghiwalayin ang Aking Espiritu at Aking katawang-tao, sapagkat Kami ay likas na iisa, at likas na hindi magkabukod. Sinumang maghahati sa Espiritu at sa persona at magtutuon sa alinman sa persona o sa Espiritu ay daranas ng kawalan, at makakaya lamang uminom mula sa sarili nilang mapait na saro, na wala nang anumang mapagpipilian. Yaon lamang mga nakakatingin sa Espiritu at sa persona bilang isang buo na hindi mapaghihiwalay ang may sapat na kaalaman tungkol sa Akin; ang buhay sa loob nila ay daranas ng unti-unting pagbabago. Upang makapagpatuloy nang maayos at walang sagabal ang susunod na hakbang ng Aking gawain, gumagamit Ako ng pagpipino ng mga salita upang subukin ang lahat ng nasa Aking sambahayan, at gumagamit Ako ng mga pamamaraan ng paggawa upang subukin yaong mga sumusunod sa Akin. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, maaaring sabihin na nawawalan silang lahat ng pag-asa; bilang mga tao, walang isa man sa kanila na ang mga kundisyon ay hindi negatibo at pasibo, na para bang ang kanilang buong espasyo ay nagbago na. Ang ilang tao ay dumaraing laban sa Langit at lupa; ang ilan, sa kanilang kawalang-pag-asa, ay pinatitibay ang kanilang sarili at tinatanggap ang pagsubok ng Aking mga salita; ang ilan ay tumitingala sa kalangitan at bumubuntung-hininga nang malalim, puno ng luha ang mga mata, na para bang naguguluhan sa wala-sa-panahong pagkamatay ng isang bagong-silang na sanggol; nadarama pa ng ilan ang kahihiyan sa pamumuhay nang gayon, at nagdarasal na kunin na sila ng Diyos sa lalong madaling panahon; ang ilan ay ginugugol ang buong maghapon na nakatulala, na para bang kagagaling pa lamang nila sa malubhang karamdamam at hindi pa bumabalik ang kanilang katinuan; ang ilan, matapos magreklamo, ay tahimik na lumilisan; at ang ilan ay pinupuri pa rin Ako mula sa sarili nilang lugar, bagama’t nanatili silang medyo negatibo. Ngayon, kapag nahayag na ang lahat, hindi Ko na kailangang magsalita pa tungkol sa nakaraan; ang mas mahalaga ay na dapat pa rin kayong magkaroon ng kakayahang lubos na maging matapat mula sa lugar na ibinibigay Ko sa inyo ngayon, upang lahat ng inyong ginagawa ay makatugon sa Aking pagsang-ayon, at lahat ng inyong sinasabi ay ang produkto ng Aking kaliwanagan at pagtanglaw, na ang inyong isinasabuhay sa huli ay maging Aking larawan, at ganap na Aking pagpapamalas.
Ang Aking mga salita ay inilalabas at ipinapahayag anumang oras o saanman, kaya nga, dapat din ninyong makilala ang inyong sarili sa Aking harapan sa lahat ng oras. Sapagkat ang ngayon naman ay hindi katulad noong nauna, at hindi mo na maisasakatuparan ang anumang nais mo. Sa halip, sa patnubay ng Aking mga salita, kailangan mong kayaning supilin ang iyong katawan; kailangan mong gamitin ang Aking mga salita bilang iyong tagapagtaguyod, at hindi ka maaaring kumilos nang padalus-dalos. Lahat ng landas sa tunay na pagsasagawa para sa iglesia ay matatagpuan sa Aking mga salita. Yaong mga hindi kumikilos ayon sa Aking mga salita ay tuwirang nagkakasala sa Aking Espiritu, at pupuksain Ko sila. Dahil nakarating na ang mga bagay-bagay sa isang sitwasyong tulad ngayon, hindi ninyo kailangang masyadong malungkot at magsisi tungkol sa inyong nakaraang mga gawa at kilos. Ang Aking kadakilaan ay walang hangganan tulad ng mga dagat at himpapawid—paanong hindi magiging pamilyar sa Akin ang mga kakayahan at kaalaman ng tao sa Akin na tulad ng likod ng sarili Kong kamay? Sino sa tao ang hindi hawak ng Aking mga kamay? Akala mo ba hindi Ko alam kung gaano kataas ang iyong tayog, na walang-wala Akong alam tungkol dito? Imposible iyan! Sa gayon, kapag walang-wala nang pag-asa ang lahat ng tao, kapag hindi na sila makapaghintay at nais nilang magsimulang muli, kapag nais nilang itanong sa Akin kung ano ang nangyayari, kapag nagugumon sa pagwawaldas ang ilan at naghihimagsik ang iba, kapag tapat pa ring naglilingkod ang ilan, sinisimulan Ko ang ikalawang bahagi ng kapanahunan ng paghatol: pagdadalisay at paghatol sa Aking mga tao. Nangangahulugan din iyan na opisyal Kong sinisimulang sanayin ang Aking mga tao, na tinutulutan kayong hindi lamang magbahagi ng magandang patotoo sa Akin, kundi, higit pa riyan, magkamit ng magandang tagumpay sa pakikibaka para sa Akin mula sa luklukan ng Aking mga tao.
Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin; dapat nilang matulungan ang isa’t isa at tustusan ang isa’t isa, upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi. Bakit Ko kayo sinasanay nang may ganitong pagmamadali? Bakit Ko sinasabi sa inyo ang mga katunayan ng espirituwal na mundo? Bakit Ko kayo paulit-ulit na pinaaalalahanan at pinapayuhan? Napag-isipan na ba ninyo ito kahit kailan? Nalinawan na ba ninyo ito sa inyong pagninilay? Kaya, hindi lamang ninyo kailangang sanayin ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagbatay sa pundasyon ng nakaraan, kundi, higit pa riyan, maalis ang mga dumi sa inyong kalooban sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng ngayon, na tinutulutan ang bawat isa sa Aking mga salita na mag-ugat at mamukadkad sa iyong espiritu, at ang mas mahalaga, higit pang mamunga. Iyan ay dahil ang Aking hinihingi ay hindi matitingkad at mayayabong na bulaklak, kundi saganang bunga, bungang hindi nawawala ang pagkahinog. Nauunawaan mo ba ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? Bagama’t ang mga bulaklak sa isang greenhouse ay di-mabilang na tulad ng mga bituin, at inaakit ang lahat ng taong humahanga, kapag nalanta na ang mga iyon, nasisira ang mga iyon tulad ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, at walang sinumang nagpapakita ng anumang interes sa kanila. Subalit lahat ng hinampas ng mga hangin at sinunog ng araw na nagpapatotoo sa Akin, bagama’t hindi maganda ang pamumulaklak, ay magbubunga kapag nalanta na ang mga bulaklak, sapagkat kinakailangan Kong mangyari iyon sa kanila. Kapag sinasambit Ko ang mga salitang ito, gaano ang nauunawaan ninyo? Kapag nalanta at namunga na ang mga bulaklak, at kapag masisiyahan Ako sa lahat ng bungang ito, tatapusin Ko ang lahat ng Aking gawain sa lupa, at sisimulan Kong tamasahin ang pagkabuo ng Aking karunungan!
Pebrero 22, 1992