144 Ang Kahalagahan ng Pangalan ng Diyos
1 Sa bawat kapanahunan at bawat yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang batayan, kundi may kinakatawang kabuluhan: Bawat pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan.
2 Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian.
3 Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy.
4 Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw.
5 Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”