Ang Landas … 3

Sa Aking buhay, lagi Akong nagagalak na ibigay ang Aking buong isip at katawan sa Diyos. Saka lang walang panunumbat ang Aking konsensiya at mapayapa kahit paano. Ang mga naghahangad ng buhay ay dapat munang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos; ito ay patiunang kundisyon. Nais Ko na ang Aking mga kapatirang lalaki at babae ay kasama Kong manalangin sa Diyos: “O Diyos! Nawa ang Iyong Espiritu sa langit ay magkaloob ng biyaya sa mga tao sa lupa, upang ang Aking puso ay maaaring lubos na bumaling sa Iyo, upang ang Aking Espiritu ay maaaring maantig Mo, upang maaaring makita Ko ang Iyong pagiging kaibig-ibig sa Aking puso at Aking Espiritu, at upang ang mga nasa lupa ay maaaring pagpalaing makita ang Iyong kagandahan. Diyos! Nawa ang Iyong Espiritu ay minsan pang antigin ang aming mga espiritu, upang ang aming pag-ibig ay maaaring maging walang hanggan at di-nababago!” Sa ating lahat, sinusubok muna ng Diyos ang ating mga puso—at kapag ibinuhos na natin ang ating mga puso sa Kanya, nagsisimula Siyang antigin ang ating mga espiritu. Sa mga espiritu lang natin makikita ang pagiging kaibig-ibig, kataas-taasan, at kadakilaan ng Diyos. Ito ang landas ng Banal na Espiritu sa mga tao. Mayroon ka ba ng ganitong uri ng buhay? Naranasan mo na ba ang buhay ng Banal na Espiritu? Naantig na ba ng Diyos ang iyong espiritu? Nakita mo na ba kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao? Naibigay mo na ba ang iyong buong puso sa Diyos? Kapag naibigay mo na ang iyong buong puso sa Diyos, makakaya mong tuwirang maranasan ang buhay ng Banal na Espiritu, at ang Kanyang gawain ay patuloy na maipahahayag sa iyo. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu. Nais mo ba na maging ganoong uri ng tao? Naaalala Ko kung paano, noong Ako ay naantig ng Banal na Espiritu at ibinigay ang Aking puso sa Diyos sa unang pagkakataon, nagpatirapa Ako sa harapan Niya at humiyaw: “O Diyos! Binuksan Mo ang Aking mga mata at pinahintulutan Akong malaman ang Iyong pagliligtas. Nais Kong ibigay ang Aking buong puso sa Iyo, at hinihiling Ko lang na mangyari ang Iyong kalooban, nais Ko lang na makamit ng Aking puso ang Iyong pagsang-ayon sa Iyong presensya, at hinihiling Ko lang na masunod ang Iyong kalooban.” Hinding-hindi Ko malilimutan ang panalanging iyon; Ako ay lubos na naantig, at napahagulhol Ako sa pagdadalamhati sa harapan ng Diyos. Iyon ang Aking unang matagumpay na panalangin sa presensya ng Diyos bilang isang taong nailigtas, at ito ang unang pagnanais ng Aking puso. Pagkatapos noon, malimit Akong naaantig ng Banal na Espiritu. Nagkaroon ka na ba ng ganitong uri ng karanasan? Paano gumawa ang Banal na Espiritu sa iyo? Sa palagay Ko, kahit sa paano, ang karanasang ito ay nararanasan ng lahat ng naghahangad na ibigin ang Diyos—kaya nga lang ay nakalilimutan nila. Kung sinasabi ng isang tao na hindi pa sila nagkaroon ng ganitong karanasan, pinatutunayan nito na sila ay hindi pa naililigtas, at nasa ilalim pa rin ng kapangyarihan ni Satanas. Ang gawain ng Banal na Espiritu na karaniwan sa ating lahat ay ang landas ng Banal na Espiritu, at ito rin ang landas ng mga naniniwala at naghahanap sa Diyos. Ang unang hakbang ng gawain na ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga tao ay ang pag-antig sa kanilang mga espiritu, matapos ito, nagsisimula silang mahalin ang Diyos, at maghangad ng buhay, at ang lahat ng tumatahak sa landas na ito ay nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang mga ito ay hindi lang ang mga dinamiko ng gawain ng Diyos sa kalakhang-lupain ng Tsina, bagkus ay sa buong sansinukob. Samakatuwid ay gumagawa Siya sa lahat. Kung ang isang tao ay hindi pa naantig kailanman, pinatutunayan nito na siya ay nasa labas ng daloy ng pagpapagaling. Sa Aking puso, nananalangin Ako sa Diyos nang walang patid, hinihiling na antigin Niya ang lahat ng tao, na ang lahat ng nasa ilalim ng araw ay maantig Niya at lumakad sa landas na ito. Marahil ito ay isang napakaliit na kahilingan Ko sa Diyos, ngunit naniniwala Ako na gagawin Niya ito. Umaasa Ako na lahat ng Aking mga kapatirang lalaki at babae ay mananalangin para rito, upang maaaring mangyari ang kalooban ng Diyos, at nang maaaring matapos ang Kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang makapamahinga ang Kanyang Espiritu sa langit. Ito ang Aking sariling maliit na pag-asa.

Naniniwala Ako na yamang napasimulan na ng Diyos ang Kanyang gawain sa isang kuta ng mga demonyo, tiyak na kaya Niya ring gawin iyon sa di-mabilang na iba pa sa buong sansinukob. Tayong nasa huling kapanahunan ay tiyak na makikita ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos, tulad ng sinabi na “ang sumusunod hanggang sa katapusan ay maliligtas.” Walang sinuman ang makapapalit sa Diyos sa yugtong ito ng Kanyang gawain—ang Diyos Mismo lang ang makagagawa ng gawaing ito, sapagkat ang yugtong ito ng gawain ay di-pangkaraniwan, ito ay isang yugto ng gawain ng paglupig, at hindi kayang lupigin ng mga tao ang ibang tao. Nalulupig lang ang mga tao kapag ang Diyos ay nagsasalita gamit ang sarili Niyang bibig at kumikilos gamit ang sarili Niyang kamay. Sa buong sansinukob, ginagamit ng Diyos ang bansa ng malaking pulang dragon bilang isang dakong subukan, pagkatapos nito ay pasisimulan Niya ang gawaing ito sa buong sansinukob. Sa gayon ay isasakatuparan Niya ang lalong mas malaki pang gawain sa buong sansinukob, at ang lahat ng tao ng sansinukob ay tatanggap ng gawain ng paglupig ng Diyos. Ang mga tao ng bawat relihiyon at bawat denominasyon ay dapat tanggapin ang yugtong ito ng gawain. Ito ay landas na dapat tahakin—walang sinumang makatatakas dito. Handa ka bang tanggapin itong ipinagkatiwala ng Diyos? Lagi Kong nadarama na ang pagtanggap sa tagubilin ng Banal na Espiritu ay isang maluwalhating bagay. Ang tingin Ko rito, ito ang pinakadakilang tagubiling ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan. Umaasa Ako na ang Aking mga kapatirang lalaki at babae ay gagawa nang masigasig kaagapay Ko at tatanggapin ang tagubiling ito mula sa Diyos, upang ang Diyos ay maaaring magtamo ng kaluwalhatian sa buong sansinukob at sa dako sa itaas, at ang ating mga buhay ay hindi mawawalan ng kabuluhan. Dapat tayong gumawa ng isang bagay para sa Diyos, o dapat tayong manumpa. Kung ang mga tao ay hindi naghahangad ng anumang mithiin kapag naniniwala sila sa Diyos, walang saysay ang kanilang mga buhay, at kapag dumating ang sandali ng kanilang kamatayan, ang makikita lang nila ay ang asul na kalangitan at ang maalikabok na lupa. Iyan ba ay makabuluhang buhay? Kung kaya mong matupad ang mga hinihingi ng Diyos habang nabubuhay ka, hindi ba ito isang mainam na bagay? Bakit lagi kang nagdudulot ng gulo sa sarili mo at bakit lagi kang nanlulumo? Nakapagkamit ka na ba ng kahit ano mula sa Diyos, sa ganyang pagkilos? At ang Diyos ba ay makapagkakamit ng anuman mula sa iyo? Sa Aking panata sa Diyos, mayroon lang pangako ng Aking puso; hindi Ko sinusubukang linlangin Siya sa mga salita. Hindi Ko gagawin ang gayong bagay kailanman—nais Ko lang na aliwin ang Diyos na iniibig Ko ng Aking puso, upang ang Kanyang Espiritu sa langit ay maaaring maaliw. Maaaring mahalaga ang puso, nguni’t mas mahalaga ang pag-ibig. Ibibigay Ko ang pinakamahalagang pag-ibig sa Aking puso sa Diyos upang Kanyang matamasa ang pinakamagandang bagay na mayroon Ako, at upang Siya ay maaaring malugod sa pag-ibig na inihahandog Ko sa Kanya. Handa ka bang ibigay ang iyong pag-ibig sa Diyos upang tamasahin Niya? Handa ka ba na gawin itong puhunan ng iyong pag-iral? Sa Aking mga karanasan, nakita Ko na habang mas higit ang pag-ibig na ibinibigay Ko sa Diyos, mas higit ang nasusumpungan Kong kagalakan sa pamumuhay; bukod pa rito, walang limitasyon sa Aking kalakasan, at magalak Kong inihahandog ang Aking buong katawan at isipan, at laging nadarama na hindi maaaring maibig Ko nang sapat ang Diyos. Kaya ang pag-ibig mo ba ay pag-ibig na napakaliit, o ito ba ay walang hangganan, di-masukat? Kung tunay na nais mong ibigin ang Diyos, palagi kang magkakaroon ng higit pang pag-ibig na maisusukli sa Kanya—at kung gayon, sinong tao at anong bagay ang maaaring maging hadlang sa iyong pag-ibig para sa Diyos?

Itinatangi ng Diyos ang pag-ibig ng bawat tao. Sa lahat ng umiibig sa Kanya, muling dinoble ang Kanyang mga pagpapala, sapagka’t ang pag-ibig ng tao ay napakahirap makuha, at napakakaunti lang nito, halos hindi ito masusumpungan. Sa buong sansinukob, sinubukan na ng Diyos na hingin sa mga tao na mahalin din Siya, subalit sa lahat ng kapanahunan magpahanggang sa ngayon, tanging iilan—sandakot—ang nakapagsukli ng tunay na pag-ibig sa Kanya. Sa abot ng natatandaan Ko, isa rito si Pedro, ngunit siya ay personal na ginabayan ni Jesus at sa panahon lang ng kanyang kamatayan niya ibinigay ang kanyang buong pag-ibig sa Diyos, at pagkatapos ay nagwakas ang kanyang buhay. At sa gayon, sa ilalim ng ganitong karumal-dumal na mga kalagayan, pinakitid ng Diyos ang sakop ng Kanyang gawain sa sansinukob, at ginamit ang bansa ng malaking pulang dragon bilang isang lugar ng pagpapakitaan, na itinutuon ang lahat ng Kanyang lakas at Kanyang pagsisikap sa isang dako, upang gawing mas epektibo ang Kanyang gawain, at mas kapaki-pakinabang sa Kanyang patotoo. Sa ilalim ng dalawang kundisyong ito na inilipat ng Diyos ang Kanyang gawain ng buong sansinukob sa mga taong ito sa kalakhang-lupain ng Tsina, na may pinakamahinang kakayahan sa lahat, at sinimulan ang Kanyang mapagmahal na gawain ng paglupig. At matapos Niyang magawang mahalin Siya ng lahat ng taong ito, isasakatuparan Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain, na siyang plano ng Diyos. Sa gayon ang Kanyang gawain ay nagtatamo ng pinakamainam na epekto. Ang sakop ng Kanyang gawain ay may kapwa sentro at mga limitasyon. Maliwanag kung gaano kalaki ang halaga na binayaran na ng Diyos at kung gaano kalaki ang pagsisikap na ginugol na Niya sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain sa atin, upang dumating ang ating araw. Ito ang ating pagpapala. Ang nakagugulo sa mga kuru-kuro ng mga tao, samakatuwid, ay na ang mga Kanluranin ay naiinggit sa atin sa pagiging isinilang sa isang magandang lugar, subalit nakikita nating lahat ang ating mga sarili bilang mababa at dukha. Hindi ba’t ito ay pagtataas ng Diyos sa atin? Ang mga inapo ng malaking pulang dragon, na palagi nang niyuyurakan, ay tinitingala ng mga Kanluranin—ito ay tunay na ating pagpapala. Kapag iniisip Ko ito, Ako ay napupuspos ng kabaitan ng Diyos, at ng Kanyang kagiliwan at pagiging malapit. Ipinakikita nito na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay hindi katugma ng mga kuru-kuro ng tao. Bagaman isinumpa ang lahat ng taong ito, hindi Siya nalilimitahan ng mga paghihigpit ng kautusan at sinadya Niyang ilipat ang sentro ng Kanyang gawain sa bahaging ito ng lupa. Ito ay kung bakit Ako ay nagsasaya, bakit Ako nakadarama ng di-masukat na kasiyahan. Bilang isang nangunguna sa gawain, gaya ng mga punong saserdote sa mga Israelita, nakakaya Ko na tuwirang isakatuparan ang gawain ng Espiritu at tuwirang paglingkuran ang Espiritu ng Diyos; ito ang Aking pagpapala. Sinong mangangahas na mag-isip ng gayong bagay? Subalit ngayon, ito ay di-inaasahang dumating na sa atin. Ito ay tunay na isang napakalaking kagalakan na nararapat nating ipagdiwang. Umaasa Ako na patuloy tayong pagpalain ng Diyos, at itaas tayo, upang ang mga kasama nating namumuhay sa tumpok ng dumi ay maaaring magamit nang mahusay ng Diyos, at sa gayon ay masuklian ang Kanyang pag-ibig.

Ang pagsusukli sa pag-ibig ng Diyos ang landas na Aking tinatahak ngayon, subalit lagi Kong nadarama na hindi ito ang kalooban ng Diyos, ni ito ang landas na dapat Kong nilalakaran. Na magamit Ako nang mahusay ng Diyos—ito ang kalooban ng Diyos, at ito ang landas ng Banal na Espiritu. Marahil ay nagkakamali Ako, subali’t iniisip Ko na ito ang Aking landas, sapagkat matagal na Akong nanumpa sa Diyos na hiniling Kong gabayan Niya Ako, upang Ako ay makatapak sa landas na dapat Kong tahakin kaagad-agad, at mapasiyahan ang kalooban ng Diyos sa lalong madaling panahon. Anuman ang iniisip ng iba, naniniwala Ako na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga. Wala nang mas mahalaga pa sa Aking buhay, at walang sinuman ang makapagkakait sa Akin ng karapatang ito. Ito ang Aking pansariling pananaw, at marahil ay may ilang hindi makauunawa rito, ngunit hindi Ko iniisip na kailangan Ko itong pangatwiranan kahit kanino. Tatahakin Ko ang landas na dapat Kong tahakin—sa sandaling makita Ko ang landas na dapat Akong naroon ay tatahakin Ko ito at hindi uurong. Sa gayon, bumabalik Ako sa mga salitang ito: Itinalaga Ko na ang Aking puso sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Nakatitiyak Ako na hindi Ako pipintasan ng Aking mga kapatirang lalaki at babae! Sa pangkalahatan, sa personal Kong nakikita rito, masasabi ng ibang tao ang gusto nila, subalit nadarama Ko na ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga, at walang dapat na makapigil sa Akin dito. Hindi kailanman magiging mali ang pagsunod sa kalooban ng Diyos! At hindi ito pagkilos batay sa sariling mga interes ng isang tao! Naniniwala Ako na tiningnan ng Diyos ang loob ng Aking puso! Kaya paano mo ito uunawain? Handa ka bang ialay ang iyong sarili para sa Diyos? Handa ka bang magpagamit sa Diyos? Nanunumpa ka bang susundin ang kalooban ng Diyos? Umaasa Ako na makatutulong kahit paano ang Aking mga salita sa Aking mga kapatirang lalaki at babae. Bagaman walang malalim patungkol sa Aking mga kabatiran, sinasabi Ko pa rin ang mga ito sa iyo, upang maibahagi natin ang ating kaloob-loobang mga damdamin, nang walang anumang mga hadlang sa pagitan natin, upang mapasa-atin ang Diyos magpakailanman. Ito ang mga salita mula sa Aking puso. Sige! Iyon lang ang kailangan Kong sabihin mula sa Aking puso ngayong araw. Umaasa Ako na ang Aking mga kapatirang lalaki at babae ay magpapatuloy na gumawa nang masigasig, at umaasa Ako na palagi tayong pangangalagaan ng Espiritu ng Diyos!

Sinundan: Ang Landas … 2

Sumunod: Ang Landas … 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito