Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)

Sa panahong si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa at nagsasalita Ako sa gitna ninyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga Hentil. Ang Aking gawain sa gitna ninyo ay sarado sa mga nasa labas. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay alam lamang ninyo at hindi ng iba pa. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa gitna ninyo at inihahayag lamang sa inyo; wala sa mga Hentil ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang magawang ganap ang mga taong narito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, natatago ang Diyos na nagkatawang-tao, ngunit sa mga nasa daloy na ito, maaaring sabihin na Siya ay hayag. Bagama’t ang lahat ay bukas sa Diyos, ang lahat ay inihahayag, at ang lahat ay napapalaya, totoo lamang ito sa mga taong nananampalataya sa Kanya; kung ang mga nalalabi, ang mga Hentil, ang pag-uusapan, walang ipinaaalam sa kanila. Ang gawaing kasalukuyang isinasagawa sa gitna ninyo at sa Tsina ay mahigpit na nakasarado, upang hindi nila malaman. Kung malalaman nila ang gawaing ito, pagkondena at pag-uusig lamang ang gagawin nila rito. Hindi sila maniniwala rito. Ang paggawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi isang madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, magiging imposibleng magpatuloy ito. Ang yugtong ito ng gawain ay sadyang hindi maisasagawa sa lugar na ito. Kung ang gawaing ito ay isasagawa nang lantaran, paano nila pahihintulutan itong sumulong? Hindi ba ito magdadala ng mas malaking panganib sa gawain? Kung hindi itinago ang gawaing ito, at sa halip ay isinagawa tulad sa panahon ni Jesus, nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi kaya matagal na itong “sinunggaban” ng mga diyablo? Kaya ba nilang tulutan ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga sinagoga upang mangaral at magbigay ng sermon sa tao, hindi kaya matagal na Akong nagkadurug-durog? At kung nangyari ito, paano patuloy na maisasagawa ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi ipinapamalas nang lantaran kahit kaunti ay para sa pagkukubli. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, malaman, o matuklasan ng mga Hentil. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging napakatatag gaya ngayon. Kaya, ang paggawa nang patago sa paraang ito ay kapaki-pakinabang sa inyo at sa buong gawain. Kapag ang gawain ng Diyos sa lupa ay dumarating na sa katapusan, ibig sabihin, kapag ang lihim na gawaing ito ay natatapos na, ang yugtong ito ng gawain ay biglang mahahayag. Malalaman ng lahat na may isang grupo ng mga mananagumpay sa China; malalaman ng lahat na nagkatawang-tao ang Diyos sa China at na dumating na sa pagtatapos ang Kanyang gawain. Doon lamang magliliwanag sa tao: Bakit hindi pa nagpapakita ang China ng paghina o pagbagsak? Lumalabas na ang Diyos ay personal na nagsagawa ng Kanyang gawain sa Tsina at ginawang perpekto ang isang grupo ng tao para maging mga mananagumpay.

Ipinapakita lamang ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang sarili sa isang bahagi ng mga tao na sumusunod sa Kanya sa panahong ito kung kailan personal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain, at hindi sa lahat ng nilikha. Naging tao lamang Siya upang makompleto ang isang yugto ng Kanyang gawain, hindi upang ipakita sa tao ang Kanyang wangis. Gayumpaman, dapat na isakatuparan Niya mismo ang Kanyang gawain, kaya kinakailangan Niya itong gawin sa katawang-tao. Kapag natapos na ang gawaing ito, aalis na Siya mula sa daigdig ng mga tao; hindi Siya maaaring manatili nang mahabang panahon sa gitna ng sangkatauhan dahil baka mahadlangan nito ang darating na gawain. Ang ipinapamalas Niya sa di-mabilang na mga tao ay ang Kanyang matuwid na disposisyon lamang at ang lahat ng Kanyang gawa, at hindi ang mga wangis ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao, dahil ang wangis ng Diyos ay maaari lamang maibunyag sa pamamagitan ng Kanyang disposisyon, at hindi mapapalitan ng wangis ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Ibinubunyag lamang sa limitadong bilang ng mga tao ang wangis ng Kanyang katawang-tao, tanging sa mga taong sumusunod sa Kanya habang gumagawa Siya sa katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit ang gawaing isinasakatuparan ngayon ay ginagawa nang lihim. Halimbawa, ipinamalas lamang ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga Hudyo noong ginawa Niya ang Kanyang gawain, at hindi kailanman hayagan na inihayag ang Kanyang sarili sa anumang ibang bayan. Kaya, sa sandaling nakompleto Niya ang Kanyang gawain, kaagad Niyang nilisan ang mundo ng mga tao at hindi nanatili; pagkatapos, hindi Siya, ang wangis na ito ng tao, ang nagpakita ng Kanyang sarili sa tao, kundi ang Banal na Espiritu na direktang nagsakatuparan ng gawain. Kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, aalis na Siya mula sa mortal na mundo, at hindi na Siya kailanman muling gagawa ng anumang gawain na katulad ng Kanyang ginawa noong Siya ay nagkatawang-tao. Pagkatapos nito, ang gawain ay pawang direktang gagawin ng Banal na Espiritu. Sa panahong ito, halos hindi makikita ng tao ang Kanyang wangis sa katawang-tao; hindi Niya ipapamalas ang Kanyang sarili sa tao sa anumang paraan, kundi mananatiling nakatago magpakailanman. May limitadong oras para sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Isinasakatuparan ito sa isang tiyak na kapanahunan, oras, bansa at sa gitna ng mga partikular na tao. Ang gawaing ito ay kumakatawan lamang sa gawain sa panahong ang Diyos ay nagkatawang-tao. Ito ay kumakatawan sa isang kapanahunan, at kumakatawan ito sa gawain ng Espiritu ng Diyos sa isang partikular na kapanahunan, at hindi sa kabuuan ng gawain ng Espiritu ng Diyos. Samakatwid, hindi maipapamalas sa di-mabilang na mga tao ang wangis ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang naipapakita sa di-mabilang na mga tao ay ang pagiging matuwid ng Diyos at ang Kanyang buong disposisyon, sa halip na ang Kanyang wangis nang dalawang beses Siyang naging tao. Ang naipapakita sa tao ay hindi lamang iisang wangis, ni ang dalawang wangis na pinagsama. Samakatwid, kinakailangang umalis sa daigdig ang laman ng nagkatawang-taong Diyos kapag nakompleto na ang gawain na kailangan Niyang gawin, sapagkat dumarating lamang Siya upang kompletuhin ang gawain na dapat Niyang gawin, at hindi upang ipamalas sa mga tao ang Kanyang wangis. Kahit na ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay natupad na sa pamamagitan ng dalawang beses na pagiging tao ng Diyos, hindi pa rin Niya lantarang ipapakita ang Kanyang sarili sa anumang bayan na hindi pa nakakakita sa Kanya kailanman. Hindi na kailanman muling ipapakita ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga Hudyo bilang ang Araw ng katuwiran, at hindi na rin Siya tatayo sa tuktok ng Bundok ng mga Olibo at magpapakita ng Kanyang sarili sa di-mabilang na mga tao; ang nakita lamang ng mga Hudyo ay ang larawan ni Jesus sa Kanyang panahon sa Judea. Ito ay dahil ang gawain ni Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay natapos na dalawang libong taon na ang nakakaraan; hindi Siya babalik sa Judea sa wangis ng isang Hudyo, lalo nang hindi Niya ipapakita ang Kanyang sarili sa wangis ng isang Hudyo sa alinman sa mga bayan ng Hentil, sapagkat ang wangis ni Jesus na nagkatawang-tao ay ang wangis lamang ng isang Hudyo, at hindi ang wangis ng Anak ng tao na nakita ni Juan. Bagama’t ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na Siya ay muling darating, hindi Niya basta ipapakita ang Kanyang sarili sa wangis ng isang Hudyo sa lahat ng nasa mga bayan ng Hentil. Dapat ninyong malaman na ang gawain ng Diyos na naging tao ay ang magbukas ng isang kapanahunan. Ang gawaing ito ay limitado sa loob ng ilang taon, at hindi Niya matatapos ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos, kapareho ng kung paanong ang wangis ni Jesus bilang isang Hudyo ay maaari lamang kumatawan sa wangis ng Diyos noong gumawa Siya sa Judea, at ang maaari lamang Niyang gawin ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Noong panahon na si Jesus ay nagkatawang-tao, hindi Niya kayang gawin ang gawain ng paghahatid ng kapanahunan sa isang katapusan o paglipol sa sangkatauhan. Samakatwid, pagkatapos Niyang maipako sa krus at matapos ang Kanyang gawain, umakyat Siya sa kaitaasan at ikinubli ang Kanyang sarili mula sa tao magpakailanman. Mula noon, ang mga tapat na mananampalataya sa mga bayan ng Hentil ay hindi nakakita ng pagpapakita ng Panginoong Jesus, at nakita lamang ang larawan Niya na idinikit nila sa pader. Ang larawan na ito ay isa lamang guhit ng tao, at hindi ang wangis na ipinapakita ng Diyos Mismo sa tao. Hindi lantarang ipapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa di-mabilang na mga tao sa mga wangis ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao. Ang gawaing ginagawa Niya sa gitna ng sangkatauhan ay ang tulutan silang maunawaan ang Kanyang disposisyon. Itong lahat ay ipinapamalas sa tao sa pamamagitan ng gawain ng iba’t ibang kapanahunan; natutupad ito sa pamamagitan ng disposisyon na ipinaalam Niya at ng gawaing Kanyang isinakatuparan, sa halip na sa pamamagitan ng pagpapakita ni Jesus. Ibig sabihin, ang wangis ng Diyos ay ipinapaalam sa tao hindi sa pamamagitan ng nagkatawang-taong wangis, kundi sa pamamagitan ng gawain na isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao na may kapwa wangis at anyo; at sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ang Kanyang wangis ay ipinapamalas at ang Kanyang disposisyon ay ipinapaalam. Ito ang kabuluhan ng gawain na nais Niyang gawin sa katawang-tao.

Sa sandaling ang gawain ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay matapos na, sisimulan na Niyang ipamalas ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng mga bayan ng Hentil, na magtutulot sa di-mabilang na mga tao na makita ang Kanyang wangis. Ipapamalas Niya ang Kanyang disposisyon at sa pamamagitan nito ay ibubunyag ang mga kalalabasan ng iba’t ibang kategorya ng tao, sa gayong paraan ay madadala ang buong lumang kapanahunan sa katapusan. Ang dahilan kung bakit ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay hindi napakalawak (katulad noong gumawa lamang si Jesus sa Judea, at ngayon ay gumagawa lamang Ako sa gitna ninyo) ay dahil ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at limitasyon. Isinasagawa lamang Niya ang isang maikling panahon ng gawain sa wangis ng isang karaniwan at normal na katawang-tao; hindi Niya ginagamit ang laman na ito na nagkatawang-tao para isakatuparan ang gawain ng walang hanggan o ang gawain ng pagpapakita sa di-mabilang na mga tao ng mga bayan ng Hentil. Ang gawain sa katawang-tao ay maaari lamang malimitahan sa saklaw (gaya ng paggawa lamang sa Judea o sa gitna lamang ninyo), at pagkatapos, ang saklaw nito ay maaaring palawakin sa pamamagitan ng gawain na isinasakatuparan sa loob ng mga hangganan na ito. Siyempre, ang gawain ng pagpapalawak ay direktang isasagawa ng Kanyang Espiritu at hindi na magiging gawain ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Sapagkat ang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at hindi umaabot sa lahat ng sulok ng sansinukob—ito ay hindi nito magagawa. Sa pamamagitan ng gawain sa katawang-tao, isinasakatuparan ng Kanyang Espiritu ang susunod na gawain. Samakatwid, ang gawain na ginawa sa katawang-tao ay panimula pa lamang na isinasakatuparan sa loob ng mga hangganan; pagkatapos nito, ang Kanyang Espiritu ang nagpapatuloy sa gawaing ito, at ginagawa Niya ito sa mas malawak na saklaw.

Dumarating ang Diyos upang gumawa sa lupa para lamang gabayan ang kapanahunan; ang tanging layunin Niya ay ang magbukas ng isang bagong kapanahunan at dalhin ang luma sa katapusan. Hindi Siya pumaparito upang isabuhay ang buong buhay ng isang tao sa lupa, upang maranasan Niya Mismo ang mga kasiyahan at kalungkutan ng buhay sa mundo ng tao, o upang gawing perpekto ang isang tao sa pamamagitan ng Kanyang kamay o personal na panoorin ang isang partikular na tao habang siya ay lumalaki. Hindi Niya ito gawain; ang Kanyang gawain lamang ay ang simulan ang bagong kapanahunan at tapusin ang luma. Ibig sabihin, personal Siyang magsisimula ng isang kapanahunan, personal na dadalhin ang isa pa sa katapusan, at tatalunin si Satanas sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain. Tuwing isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain nang personal, tila inilalagay Niya ang isa Niyang paa sa lugar ng digmaan. Una, nilulupig Niya ang mundo at nagwawagi laban kay Satanas habang nasa katawang-tao; nagkakamit Siya ng lahat ng kaluwalhatian at sinisimulan ang kabuuan ng gawain ng dalawang libong taon, ito ay upang ang lahat ng tao sa mundo ay magkaroon ng tamang landas na susundan, at isang buhay na payapa at masaya. Gayunman, ang Diyos ay hindi maaaring mamuhay na kasama ng tao sa mundo nang matagal, dahil ang Diyos ay Diyos, at hindi tulad ng tao matapos ang lahat. Hindi Niya maaaring ipamuhay ang haba ng buhay ng isang normal na tao, ibig sabihin, hindi Siya maaaring tumira sa mundo bilang isang taong ordinaryo lamang, dahil mayroon lamang Siyang napakaliit na bahagi ng normal na pagkatao ng isang normal na tao para tustusan ang Kanyang buhay bilang tao. Sa madaling salita, paano makakapagsimula ang Diyos ng pamilya, makapagtatatag ng karera, at magkakaroon at makapagpapalaki ng mga anak sa mundo? Hindi ba ito magiging isang kahihiyan sa Kanya? Ang pagkakaroon Niya ng normal na pagkatao ay para lamang sa layunin na isakatuparan ang gawain sa normal na paraan, hindi upang bigyan Siya ng kakayahang magkaroon ng isang pamilya at propesyong tulad ng sa isang normal na tao. Ang Kanyang normal na katwiran, normal na isipan, at ang normal na pagkain at pagdadamit ng Kanyang katawang-tao ay sapat na upang patunayang mayroon Siyang normal na pagkatao; hindi na Niya kailangang magkaroon ng pamilya o karera upang patunayang Siya ay pinagkalooban ng normal na pagkatao. Ito ay ganap na hindi kinakailangan! Ang pagdating ng Diyos sa mundo ay ang pagiging tao ng Salita; pinahihintulutan lamang Niya ang tao na maintindihan ang Kanyang Salita at makita ang Kanyang Salita, ibig sabihin, pinapahintulutan ang tao na makita ang gawaing isinasagawa ng katawang-tao. Ang Kanyang layunin ay hindi para tratuhin ng mga tao ang Kanyang katawang-tao sa isang partikular na paraan, kundi para lamang ang tao ay maging mapagpasakop hanggang sa katapusan, iyon ay, upang magpasakop sa lahat ng salita na lumalabas mula sa Kanyang bibig, at para magpasakop sa lahat ng gawain na Kanyang ginagawa. Siya ay gumagawa lamang sa katawang-tao; hindi Siya sadyang humihingi sa tao na purihin ang kadakilaan at kabanalan ng Kanyang katawang-tao, kundi ipinapakita sa tao ang karunungan ng Kanyang gawain at lahat ng awtoridad na Kanyang hawak. Samakatwid, kahit na Siya ay may katangi-tanging pagkatao, hindi Siya gumagawa ng mga anunsyo, at nakatuon lamang sa gawain na dapat Niyang gawin. Dapat ninyong malaman kung bakit ang Diyos ay naging tao at gayunman ay hindi kailanman inihahayag o pinatototohanan ang Kanyang normal na pagkatao, kundi isinasagawa lamang ang gawain na layon Niyang gawin. Kung gayon, ang lahat ng inyong makikita mula sa nagkatawang-taong Diyos ay kung ano ang Kanyang pagka-Diyos; ito ay dahil hindi Niya inihahayag kailanman kung ano ang Kanyang pagkatao upang tularan ng tao. Nagsasalita lamang ang tao kung ano ang pagkatao kapag pinamumunuan niya ang ibang mga tao, upang mas makamit niya ang kanilang paghanga at matibay na paniniwala at nang sa gayon ay mapamunuan sila. Kabaligtaran nito, nilulupig ng Diyos ang tao sa pamamagitan lamang ng Kanyang gawain (na ang ibig sabihin ay ang gawaing hindi natatamo ng tao); hindi mahalaga kung Siya man ay hinahangaan ng tao, o kung pinapasamba Niya sa Kanya ang tao. Ang ginagawa lamang Niya ay ikintal sa tao ang damdamin ng pagkatakot sa Kanya o ang pakiramdam ng Kanyang pagiging di-maarok. Hindi kailangan ng Diyos na mapahanga ang tao; ang kailangan lang Niya ay ang matakot ang tao sa Kanya pagkatapos masaksihan ang Kanyang disposisyon. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay sarili Niyang gawain; hindi ito maaaring gawin ng tao bilang kahalili Niya, ni maaabot ng tao. Tanging ang Diyos Mismo ang makakagawa ng Kanyang sariling gawain at makapagbubukas ng isang bagong kapanahunan upang pangunahan ang tao sa isang bagong buhay. Ang gawain na Kanyang ginagawa ay ang bigyang kakayahan ang tao na magkaroon ng isang bagong buhay at pumasok sa isang bagong kapanahunan. Ang lahat ng iba pang gawain ay ipinapasa sa mga tao na mayroong normal na pagkatao at hinahangaan ng iba. Kung kaya, sa Kapanahunan ng Biyaya, tinapos Niya ang gawain ng dalawang libong taon sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon ng Kanyang tatlumpu’t tatlong taon na nasa katawang-tao. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa upang isakatuparan ang Kanyang gawain, palagi Niyang tinatapos ang gawain ng dalawang libong taon o ang isang buong kapanahunan sa loob ng pinakamaiksing panahon ng ilang taon. Hindi Siya nagmamatagal, at hindi Siya nag-aantala; pinaiikli lamang Niya ang gawain ng maraming taon upang ito ay matapos sa loob lamang ng ilang maiikling taon. Ito ay dahil ang gawain na Kanyang personal na ginagawa ay ganap na para magbukas lamang ng isang bagong daan palabas at pamunuan ang isang bagong kapanahunan.

Sinundan: Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Sumunod: Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito