Ang pinakamalaking pag-asa para sa mga mananampalataya sa Panginoon ay ang salubungin ang Kanyang pagbabalik at madala paitaas sa kaharian ng langit. Ngayong nagsimula na ang malalaking kalamidad, isang bagay na may sukdulang pagkaapurahan ang pagsalubong sa Panginoon. Ang mundo ng relihiyon, batay sa mga salita sa Bibliya, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo’y nakatayong nakatingala sa langit? Ang kaparehong Jesus na ito, na kinuha mula sa inyo patungong langit, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon Niya sa langit” (Mga Gawa 1:11), ay naniniwala na dahil umakyat ang Panginoong Jesus sa langit sa isang espirituwal na katawan sakay ng ulap pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, magbabalik din Siya sa isang espirituwal na katawan, na bumababa sakay ng ulap. Naghihintay silang lahat na makita ang espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus na bumaba mula sa langit sakay ng ulap para dalhin sila sa kaharian ng langit. Pero magtatagumpay ba talaga sila sa pagsalubong sa Panginoon sa ganitong paraan? Bakit ibinabatay ng mga mananampalataya ang kanilang paniniwala at pagsalubong sa Panginoon sa mga salita ng mga anghel sa halip na sa mga salita ng Panginoong Jesus? Sino nga ba ang Panginoon, at sino ang Diyos? Pagdating sa napakahalagang usapin ng pagsalubong sa pagbabalik ng Panginoon, dapat ba tayong maniwala sa mga salita ng Panginoon o sa mga salita ng mga anghel? Ang mga salitang sinipi ko lang ay malinaw na sinabi ng mga anghel. Sinabi lang nila na magbabalik ang Panginoong Jesus sa parehong paraan ng Kanyang pag-alis, pero wala na silang sinabing iba pa. Makatitiyak ba tayo mula rito na magbabalik ang Panginoon sa isang espirituwal na katawan? Sinabi ng Panginoong Jesus: “Ngunit tungkol sa araw o oras na iyon ay walang taong nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama” (Marcos 13:32). Kaya paano malalaman ng mga anghel kung paano magbabalik ang Panginoon? Dahil dito, tumpak kaya ang propesiya ng mga anghel? Hindi kailanman sinabi ng Panginoong Jesus na magbabalik Siya at magpapakita sa tao bilang isang espirituwal na katawan. Sa halip, paulit-ulit Niyang sinabi na paparito Siya bilang “ang Anak ng tao” at bilang “ang kasintahang lalaki.” Halimbawa: “Sapagkat gaya ng kidlat na kumikislap sa silanganan, at nagliliwanag hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27). “Sapagkat gaya ng kidlat, na kumikislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay, at itakwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25). “At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya’” (Mateo 25:6). Batay sa mga propesiya ng Panginoong Jesus, makatitiyak tayo na kapag nagbalik ang Panginoon, magkakatawang-tao Siya bilang ang Anak ng tao, magpapakita at magpapahayag ng katotohanan para gawin ang Kanyang gawain, at isasagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw para iligtas ang isang grupo ng mga tao at gawin silang mga mananagumpay. Ipalalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian sa lahat ng bansa sa mundo, para maisakatuparan ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ang Diyos, na nagpapakita sa katawang-tao para isagawa ang Kanyang gawain, ay tatalo kay Satanas at sa lahat ng puwersa ng kaaway, itinatatag ang Kanyang kaharian sa lupa. Ganap nitong ibinubunyag ang malaking kapangyarihan at karunungan ng Diyos, at ganito nagkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos.
Gayumpaman, wala talagang pagkaunawa ang mga tao sa gawain ng Diyos. Umaasa lang sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, nililimitahan nila ang pamamaraan ng pagbabalik ng Panginoong Jesus, iniisip na paparito Siya sa isang espirituwal na katawan. Tatanggapin lang nila Siya kapag nakita na nila ang Kanyang espirituwal na katawan na bumababa sa ulap. Isa itong nakamamatay na pagkakamali. Kapag nakita ng mga tao ang pagdating ng Kanyang espirituwal na katawan, iisipin nilang nasalubong na nila ang Panginoon, pero sa realidad, haharap sila sa kaabahan. Katulad lang ito noong nakita ni Tomas na nagpakita sa kanya ang espirituwal na katawan ng Panginoon; saka lang siya naniwala at nagsabing, “Panginoon ko at Diyos ko.” Hindi siya sinang-ayunan ng Panginoong Jesus, kundi sa halip ay sinabi: “Sapagkat Ako ay nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya” (Juan 20:29). Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Panginoon bilang ang Anak ng tao, nagpapahayag ng katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol. Kung hindi mo ito paniniwalaan o tatanggapin, bagkus ay igigiit mong maghintay hanggang sa makita mo ang espirituwal na katawan ng Panginoon na bumababa sakay ng ulap bago maniwala, mapapalagpas mo ang iyong pagkakataong maligtas ng Diyos sa mga huling araw. Kapag bumaba na ang espirituwal na katawan ng Panginoon, iyon ang oras na tapos na ang gawain ng paghatol ng Diyos at kung kailan gagantimpalaan Niya ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Tutuparin niyon ang propesiya sa Aklat ng Pahayag: “Narito, Siya ay pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Sa panahong iyon, huli na ang lahat. Iyon ang oras na tatangis ang mga tao at magngangalit ng kanilang mga ngipin, hahampasin ang kanilang mga dibdib sa kawalan ng pag-asa. Magbasa tayo ng isang sipi: “Maraming tao ang maaaring walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat diumano’y banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ninyo mismo si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging panahon ng pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo. Gayumpaman, dapat mong malaman na sa sandaling masaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit, iyon din ang sandali ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan, ang panahon kung kailan ang katapusan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay naproklama na, at kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nadala na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng buhay at ng tunay na daan. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan na Siyang nagbalik sakay ng puting ulap” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Mula sa siping ito, makikita natin na kaabahan ang naghihintay sa bawat isa na naghihintay lang sa pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap sa halip na tanggapin ang pagpapakita at paggawa ng Panginoon sa katawang-tao.