Talaga Bang Makakapasok Ka sa Kaharian ng Langit sa Pamamagitan ng Pagkapit sa Bibliya?

Marso 31, 2026

Binabasa ng maraming mananampalataya ang mga salita ni Pablo sa 2 Timoteo: “Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos(2 Timoteo 3:16) at ang konklusyon nila, lahat ng salita sa Bibliya ay kinasihan ng Diyos at galing sa Kanya. Naniniwala silang ang anumang salita sa Bibliya, sinuman ang nagsabi nito, ay mga salita ng Diyos. Iniisip pa nga nilang kinakatawan ng Bibliya ang Panginoon, at sa pamamagitan lang ng pagkapit sa Bibliya, makakapasok na sila sa kaharian ng langit. Pero tama ba ang pagkaunawang ito?

Ang pahayag na, “Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” ay sinabi ni Pablo. Noong sinabi niya ito, wala pa ang Bagong Tipan, dahil ang mga kasulatan nito ay hindi pa natitipon sa isang aklat hanggang mahigit 300 taon pagkatapos ni Cristo. Kaya, malinaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang Lumang Tipan. Ngayon, tumpak ba talaga ang pahayag ni Pablo? Hindi tayo sigurado, pero hindi pa natin kailanman nakitang sinabi iyon ng Panginoong Jesus, ni hindi natin nakitang sinabi iyon ng Banal na Espiritu, at tiyak na wala pa tayong nakitang propeta na naghatid ng mensaheng iyon. Alam nating lahat na naglalaman ang Bagong Tipan ng mga salita ng maraming iba’t ibang tao, kabilang na ang sa mga apostol, mga Pariseo, at kay Judas, at mayroon pa ngang mga salita ni Satanas dito. Tiyak naman na ang mga salita nila ay hindi kinasihan ng Diyos. Tama man o mali ang pahayag na ito ni Pablo, isang bagay ang tiyak: Kung ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay kumakapit lang sa Bibliya at tinatrato nila ito na parang Diyos, tiyak na nagkakamali sila. Minsang sinabi ng Panginoong Jesus: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay(Juan 5:39–40). Napakalinaw ng mga salita ng Panginoon: Ang Bibliya ay isa lamang talaan ng nakaraang gawain ng Diyos at isang patotoo sa Kanya. Ang Bibliya mismo ay walang taglay na buhay na walang hanggan. Ang Diyos lang ang may taglay ng daan ng buhay na walang hanggan; ang Diyos lang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Diyos ang Lumikha at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Siya ay may kataas-taasang kapangyarihan sa langit, sa lupa, at sa lahat ng bagay, at ang Kanyang panustos ng buhay para sa sangkatauhan ay walang katapusan at hindi nauubos. Ang Bibliya, gayumpaman, ay isa lamang aklat ng kasaysayan na nagtatala ng nakaraang gawain ng Diyos. Paano ito posibleng maipantay sa Diyos? Dahil dito, ang ilang salita ng Diyos na matatagpuan sa Bibliya, kung ihahambing sa Diyos Mismo, ay parang isang patak lang sa karagatan. Ang sabihing makakapasok ang isang tao sa kaharian ng langit sa simpleng pagkapit sa Bibliya ay isa lamang pangangarap nang gising. Isinasagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain sa Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, at nagsasalita Siya ng mas marami pang salita. Lalo na sa gawain ng paghatol sa mga huling araw, kung saan nagpahayag ang Makapangyarihang Diyos ng kasaganahan ng mga katotohanan. Ang mga salitang nakatala sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay pumupuno na sa pitong volume—maraming beses na mas higit kaysa sa mga salita sa Bibliya. Ganap nitong tinutupad ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). “Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:48). Nariyan din ang mga propesiya sa Aklat ng Pahayag: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag 2:7). Napakalinaw ng mga propesiyang ito: Kapag nagbalik ang Panginoon sa mga huling araw, magsasalita Siyang muli sa mga iglesia, ipinapahayag ang lahat ng katotohanan para hatulan ang sangkatauhan. Ibig sabihin, gagamitin Niya ang katotohanan para hatulan at dalisayin ang mga tao, inililigtas sila mula sa pagtitiwali ni Satanas at pinalalaya sila mula sa pagkakagapos sa kasalanan. Isa itong yugto ng gawain na hindi pa nagagawa at ito ang huling yugto sa gawain ng pagliligtas ng Diyos. Mula rito, makikita natin na hindi kailanman nagsalita ang Diyos ayon sa Bibliya. Napakaraming gustong sabihin ng Diyos sa sangkatauhan; ang mga salita ng Diyos sa Bibliya ay parang isang patak lang sa karagatan. Sa mga huling araw, nagpapahayag ang Diyos ng mas matataas na katotohanan, at mas maraming katotohanan. Sa partikular, ang mga salitang humahatol sa mga tao, dumadalisay sa kanila, at gumagawa sa kanilang perpekto ay ipinapahayag lahat ng Diyos sa panahon ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Kung ipinahayag ang mga salitang ito noong Kapanahunan ng Biyaya, hindi sana ito kinaya ng mga tao o hindi sila naging handa para rito. Kaya, ang isipin ng mga tao na maliligtas sila at makakapasok sa kaharian ng langit sa pamamagitan lang ng pagkapit sa Bibliya ay talagang isang pangangarap nang gising. Inaakala ng mga tao na ang pagpasok sa kaharian ng langit ay higit na simple kaysa sa kung ano talaga ito. Puno sila ng karumihan at katiwalian, namumuhay sa kasalanan at hindi makawala. Wala talaga silang kaalaman sa gawain ng Diyos, lalo na sa disposisyon ng Diyos. Kahit matapos manampalataya sa Panginoon sa loob ng maraming taon, madalas pa rin silang nagkakasala at lumalaban sa Diyos. Wala silang takot o pagpapasakop sa Diyos, pero umaasa silang makapasok sa kaharian ng langit sa simpleng pagkapit sa Bibliya at sa pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? Ngayon, matagal nang nagbalik ang Panginoong Jesus. Nagpakita na Siya at nagpapahayag ng katotohanan para isagawa ang Kanyang gawain. Ang lahat ng matatalinong dalaga na nakarinig sa tinig ng Diyos ay nadala na paitaas sa harap ng Kanyang trono. Kinikilala nilang lahat na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan at ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Nakadalo na sila sa piging ng kaharian ng langit at nakapagbigay ng maganda at matunog na patotoo para sa Diyos. Kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos at pinupuri nila Siya araw-araw, nakararamdam ng lubos na kasiyahan. Isa itong katunayan na nakikita ng lahat. Tulad ng sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Hindi mapipigilan at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa luma at naghihintay na dumating na lang sa iyo ang mga bagay. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang Diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salita lamang na makapagbibigay ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo; ang mga ito ay hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, ang mga ito ay lalong hindi ang landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman