Bakit Hindi Ko Mapanghawakan ang mga Prinsipyo?
Noong Agosto 2021, nagsimula akong magsagawa bilang lider ng iglesia. Sa mga pakikipag-ugnayan ko kay Lillian, na namamahala sa gawain ng ebanghelyo, napansin kong madalas niyang pinalalaki ang maliliit na problema ng mga tao, at sinasabi sa lahat ang tungkol sa mga ito. Hindi siya makapagtrabaho nang maayos kasama ang iba at palagi siyang nagsasabi ng mga bagay na salungat sa mga katunayan. Minsan, sa isang pagtitipon, sinabi niya na ang isang lider ng iglesia na inilipat sa amin ay hindi tumuon sa gawain ng ebanghelyo at hindi kailanman nagtanong sa kanya kung kumusta ang kanyang gawain. Pero sa katunayan, palaging sinusubaybayan ng lider na iyon ang kanyang gawain. Isa pa, iniulat niya na talagang maayos ang takbo ng gawain kaya naisip ng mga tao na ang kanyang pinamamahalaan ay normal na umuusad. Pero ang totoo, wala siyang nagawang anumang tunay na gawain. Sa isang pagtitipon, paulit-ulit niyang binibigyang-diin ang mga paghihirap sa kanyang gawain, sinasabing hindi magaling ang mga miyembro ng kanyang grupo, ngunit nang siyasatin ko ang mga detalye, nalaman kong maraming gawain na hindi niya nagawa, kaya wala siyang basehan para sabihin iyon. Pinuna ko siya sa hindi paggawa ng praktikal na gawain at pagpapasa ng sisi. Wala siyang sinabi bilang tugon. Akala ko ay pagninilayan niya ang kanyang sarili, ngunit ang nakagugulat, pinadalhan niya ang aking kapareha na si Sister Maya ng isang mensahe na nagsasabing hindi na niya gustong makipag-ugnayan pa sa akin, na basta-basta ko siyang iwinasto nang makakita ako ng problema at hindi ko naintindihan ang kanyang mga aktwal na paghihirap. Sinabi rin niya na hindi siya pwedeng maging katulad ko, bagkus ay kailangan niyang tratuhin ang mga kapatid nang may pagmamahal at pasensya. Pagkabasa ko nito, natulala lang ako nang saglit. Napakaraming problema sa kanyang tungkulin. Ipinaaalam ko lang ang mga iyon—malayo ito sa pagtatabas at pagwawasto sa kanya. Paano niya nasasabing basta-basta ko siyang iwinasto? Hindi iyon ang nangyari. Paano niya nagawang maging napakadaya at tuso? Nais kong ipaliwanag ang mga bagay-bagay kay Maya, pero nasa kalagitnaan na ako ng aking mensahe sa kanya tapos ay nag-alangan ako. Kung magpapadala ako ng mensahe na nagpapaliwanag o naglalarawan sa mga isyu ni Lillian, baka isipin ni Maya na wala akong kamalayan sa sarili sa harap ng mga problema, at hindi ko tinatrato nang tama ang mga tao. Sa isiping iyon, hindi ko ipinadala ang mensahe. Nabalitaan ko pagkatapos na ginagamit ni Lillian ang pagtatapat niya sa iba bilang dahilan para sabihing basta-basta ko siyang iwinasto nang hindi ko inaalam ang sitwasyon, at nanlumo siya dahil dito. Talagang sumama ang loob ko nang marinig ko ito. Hindi ko alam kung paano ko makukumusta ang kanyang gawain sa hinaharap, at naramdaman kong napakahirap niyang pakisamahan. Makalipas ang ilang araw, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, gusto naming maglipat ng ilang tao mula sa grupo ni Lillian para magsagawa ng gawain ng pagdidilig. Ang nakagugulat, sa sandaling sabihin ko sa kanya iyon, nakasimangot niyang sinabing, “Kung gusto mo silang ilipat, gawin mo na lang. Wala akong pakialam. Sabagay, sigurado akong hindi magiging maganda ang resulta ng gawain ko.” Kalaunan ay lantaran niyang sinabi sa akin na nagkaroon siya ng isyu sa sister na namamahala sa gawain ng pagdidilig, at iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang malipat ang mga ito. Sinabi rin niya na hindi siya masisisi kung hindi siya masyadong magiging mabait kung magdudulot ang sister na iyon ng mas maraming problema para sa kanya. Nang marinig ang pagbabanta sa kanyang mga salita, naramdaman kong hindi lang siya mahirap pakisamahan, kundi may masamang pagkatao rin siya, at kailangan kong mag-ingat kapag kinukumusta ko ang kanyang gawain, kung hindi ay makahahanap siya ng magagamit laban sa akin.
Minsan, inatasan kami ng isang nakatataas na lider na gawin ang gawain ng paglilinis, upang siyasatin at alamin kung may masasamang tao o mga anticristo sa iglesia, at kung may sinumang mabubunyag, alisin sila at itiwalag sa iglesia. Pumasok sa isip ko si Lillian. Ang kanyang pagkatao ay hindi mabuti at tumanggi siyang tanggapin ang katotohanan. Nagkikimkim siya ng sama ng loob sa sinumang nagbabanggit ng mga problema sa kanya, at binabaluktot niya ang mga bagay-bagay, nililito ang tama at mali, at ikinakalat ang kanyang pagkiling kapag nakatalikod ito. Naisip ko na dapat kong siyasatin ang kanyang pangkalahatang pag-uugali. Pero naisip ko kung gaano katutol si Lillian na siyasatin ko ang gawain niya at sinabi niya nang nakatalikod ako na basta-basta ko siya iwinasto. Kung mangongolekta ako ng mga pagsusuri sa kanya sa oras na ito, iisipin ba ng mga kapatid na ginagamit ko ang pagkakataong iyon para maghiganti sa kanya? Iisipin ba ng kapareha ko na labis ang pagmamahal ko sa katayuan, at maghahanap ako ng mga pagkakataon para atakihin ang sinumang magpapaalam sa aking mga problema? Kung gayon, ang lahat ay matatakot at iiwas sa akin, at magiging malaking problema kung susubukan nilang tukuyin ang aking mga isyu at iuulat ako bilang isang huwad na lider. Naisip ko, hindi bale na nga. Pwede ko iyong asikasuhin kapag may ibang tao nang tumukoy sa kanyang mga problema, kung hindi, kapag ako ang pangunahing magsasalita tungkol dito, baka mali ang maging pagkaunawa rito. Kaya, hindi ko binanggit ang isyu. Hindi nagtagal, binanggit ni Maya na hindi maganda ang pagkatao ni Lillian at gusto niyang siyasatin ang pag-uugali nito. Natuwa ako at medyo nakonsensya nang sabihin niya iyon. Alam ko na ang tungkol kay Lillian, at dapat ay inimbestigahan ko kaagad ang kanyang pag-uugali, pero hindi ako umimik, natatakot na baka maling isipin ng iba na inaatake ko siya. Hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Pero buti na lang, may iba nang nagsalita tungkol dito, kaya hindi ko na kailangan pang alalahanin iyon. Pagkatapos makolekta ang mga pagsusuri kay Lillian, nakita namin na karamihan sa mga taong sumulat sa mga ito ay hindi siya lubos na kilala at nagbigay sila ng napakakaunting impormasyon. Iilang tao lang ang nakapansin sa mga problema niya. Alam kong ang tamang gawin sa sitwasyong ito ay ang maghanap ng mga tao na nakasalamuha niya sa mahabang panahon, ngunit nag-alala ako na sasabihin ng iba na pinupuntirya ko siya, ginagamit iyon para personal na maghiganti, kaya ayokong magsalita. Sa sandaling ‘yon, sinabi ni Maya na dapat naming bantayan kung ano ang mangyayari, at wala na akong sinabi pa.
Nang maglaon, nalaman ko na ang ibang mga kapatid ay nagbigay ng mga mungkahi kay Lillian at hindi lamang niya hindi tinanggap ang mga ito, kundi gumawa rin siya ng mga ganting-paratang laban sa kanila. Minsan, nagbigay ang isang tagadilig ng komento kay Lillian na ang ilan sa mga taong pinangaralan ng mga manggagawa ng ebanghelyo ay may masamang pagkatao at hindi angkop sa mga prinsipyo. Hindi lamang tumanggi si Lillian na tanggapin iyon, kundi naglabas din siya ng kanyang mga pagkiling at hinaing sa harap ng mga kapatid sa grupo ng ebanghelyo, sinasabing sumusunod naman silang lahat sa mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, ngunit dahil ang mga tagadilig ay hindi malinaw na nagbahagi tungkol sa katotohanan sa mga taong pinaghirapan nilang mapagbalik-loob, ilang bagong mananampalataya ang nailigaw ng mga sabi-sabi at umurong. Sa isang pagtitipon, nagbahagi kami ni Maya tungkol sa diwa ng problemang ito, na pinupuntirya ang pag-uugali ni Lillian. Ilang beses pa kaming nagbahagi sa kanya pagkatapos niyon. Akala ko ay magninilay siya sa sarili, ngunit hindi talaga siya natinag, at patuloy niyang ibinabahagi ang mga pagkiling na ito laban sa mga tagadilig. Sinabi niya na nanlulumo siya at hindi niya alam kung paano niya magagawa ang kanyang trabaho. Dahil sa hidwaang ito na kanyang inihasik, ang ilang kapatid ay nagrereklamo sa isa’t isa, at walang anumang maayos na pagtutulungan. Alam kong hindi nababagay si Lillian na maging superbisor at dapat siyang matanggal kaagad. Nagsisi talaga ako na hindi ako nag-imbestiga kaagad at tinanggal siya sa simula pa lang. Alam kong masama ang pagkatao niya, ngunit binigyan ko siya ng maraming pagkakataon para patuloy na gambalain ang gawain ng iglesia. Sumama ang loob ko. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako na magnilay sa sarili at makilala ang aking sarili.
Sa aking paghahanap, nakita ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Anong disposisyon ba ito kapag hindi umaako ng responsibilidad ang mga tao sa kanilang tungkulin, ginagawa ito sa paraang walang-ingat at pabasta-basta, kumikilos na parang mga taong oo lang nang oo, at hindi pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Katusuhan ito, ito ang disposisyon ni Satanas. Ang pinaka-kapansin-pansing bagay sa mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay ay ang pagiging tuso. Iniisip ng mga tao na masasaktan nila ang damdamin ng iba at hindi mapangangalagaan ang kanilang mga sarili kung hindi sila tuso; iniisip nila na kailangan nilang maging tuso upang hindi makapanakit o makapagpasama ng loob ng sinuman, sa gayon ay mapananatili nilang ligtas ang kanilang mga sarili, mapangangalagaan ang kanilang mga kabuhayan at magkakaroon ng matatag na katatayuan sa mga tao. Ang mga hindi mananampalataya ay namumuhay lahat ayon sa pilosopiya ni Satanas. Silang lahat ay mga taong oo lang nang oo at hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman. Narito ka na sa sambahayan ng Diyos, binasa ang salita ng Diyos, at nakinig sa mga sermon ng sambahayan ng Diyos. Kaya bakit lagi ka na lang oo nang oo? Pinoprotektahan lang ng mga taong oo lang nang oo ang sarili nilang mga interes, at hindi ang mga interes ng iglesia. Kapag may nakikita silang isang taong gumagawa ng masama at pinipinsala ang mga interes ng iglesia, hindi nila ito pinapansin. Nais nilang maging mga taong oo lang nang oo, at ayaw nilang makapagpasama ng loob ng sinuman. Iresponsable ito, at ang ganoong uri ng tao ay masyadong tuso at hindi mapagkakatiwalaan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Naunawaan ko mula sa paghahayag ng mga salita ng Diyos na, sa takot na mapasama ang loob ni Lillian, sa pagsisikap na mapanatili ang aking imahe at katayuan, nang makita kong ginagambala niya ang gawain ng iglesia ay hindi ako nanindigan upang ipagtanggol ito. Sa halip naging isa akong taong mahilig magpalugod ng mga tao, na nagbubulag-bulagan. Iyon ay iresponsable at tusong pag-uugali. Ang mga hindi mananampalataya ay namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya upang maprotektahan nila ang kanilang sariling mga interes. Maingat nilang pinagmamasdan ang iba kapag nagsasalita sila at inaalam ang opinyon ng nakararami—talagang tuso sila. Sa aking tungkulin, katulad ng sa mga hindi mananampalataya ang saloobin ko. Malinaw kong nakita na hindi maganda ang pagkatao ni Lillian at nakagambala na siya sa gawain ng iglesia. Dapat ay natanggal na siya. Pero ayokong isipin ng iba na hinahanapan ko siya ng mali at naghihiganti ako, kaya iniwasan ko ang isyu sa pamamagitan ng pagsisikap na huwag gumawa ng anumang bagay na maaaring mapaghinalaan, at ipinagpaliban ang pagharap kay Lillian. Gusto kong maghintay hanggang sa magkaroon ng pagkakilala sa kanya ang ibang mga kapatid. Dahil nais kong protektahan ang aking reputasyon at katayuan, kahit alam kong nakagagambala siya sa gawain ng iglesia, mas pinili ko pa rin na mapinsala ang mga interes ng iglesia at hindi sundin ang mga prinsipyo, hindi ko siya inilantad o hinarap. Napakatuso, makasarili, at kasuklam-suklam ko. Sa isiping ito ay talagang nagsisi ako at nakonsensya. Alam ko na hindi ko pwedeng ipagpatuloy ang paggawa sa mga bagay-bagay nang nagbubulag-bulagan, bagkus ay kailangan kong asikasuhin ang isyu ni Lillian ayon sa prinsipyo—hindi ko pwedeng patuloy na protektahan ang sarili kong mga interes.
Nagpunta kami ni Maya para kausapin si Lillian pagkatapos nun, inilantad namin kung paano niya binaluktot ang mga bagay-bagay at di-makatwirang ipinakalat ang kanyang mga maling palagay tungkol sa iba, sinasabotahe at sinisira ang relasyon sa pagitan ng mga kapatid, at na siya ay naging isang gambala sa gawain ng iglesia. Nagulat ako na hindi man lang niya ito tinanggap, kundi nagalit pa sa amin, paismid na sinabing, “Nagbahagi ako ng mga isyu sa inyo, at hindi lamang ninyo hindi nilutas ang mga ito, hinanapan pa ninyo ako ng mali. Nakikita kong hindi kayo gumagawa ng anumang praktikal na gawain.” Nakikita kung gaano siya kamapaniil, na walang-walang kamalayan sa sarili, sinuri namin ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanyang mga salita at kilos gamit ang mga nauugnay na salita ng Diyos, ngunit hindi niya tinanggap ang alinman sa mga ito—patuloy siyang nakipagtalo at nagreklamo.
Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang diwa ni Lillian. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang lahat ng madalas na nanggugulo sa gawain at buhay ng iglesia, na labis na nangingialam sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, ay mga hindi mananampalataya, at sila ay masasamang tao. Dapat silang paalisin ng iglesia. Basta’t ang isang tao ay madalas na ginugulo ang gawain at buhay ng iglesia, at hindi tinatanggap kapag tinatabas at iwinawasto siya, laging nagbibigay ng sarili niyang baluktot na pangangatwiran, kung gayon, maging sino man siya at paano man siya umasal sa nakaraan, dapat siyang paalisin sa iglesia. Ang tanging layon ng paggawa nito ay upang mapanatili ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, upang maprotektahan ang mga interes ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang paggawa nito ay lubos na nakaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at lubos na nakaayon sa kalooban ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Sa mga taong may malupit na disposisyon, anuman ang nagawa nilang pagkakamali o masamang bagay na kanilang ginawa, walang sinumang makapaglantad sa kanila, at walang sinumang makapagwasto o makapagtabas sa kanila. Kung may maglalantad sa kanila at magpapasama sa loob nila, magagalit sila; maghihiganti sila, at hindi nila hahayaang matapos ang isyu. Wala man lang silang pasensya, pagpaparaya, o pagtanggap sa iba. Sa anong prinsipyo nakabatay ang kanilang ugali? ‘Mas gusto ko pang mapasama ang loob ng lahat ng nasa silong ng langit, kaysa may isa sa kanilang magpasama ng loob ko.’ Hindi nila naaatim na may sinumang nagpapasama ng loob nila. Ito ba ang lohika ng masasama? Gayon nga ang lohika ng masasama. Walang pwedeng magpasama ng loob nila. Para sa kanila, kahit na ang pinakamagaan na sanggi ay hindi katanggap-tanggap, at kapopootan nila ang sinumang sasanggi sa kanila. Hindi nila tatantanan ang taong iyon, hindi nila ito pakakawalan—ganito ang masasamang tao” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang masasamang tao ay may malupit na disposisyon at ayaw talagang tanggapin ang katotohanan. Napopoot sila sa sinumang naglalantad at nagpapaalam ng mga problema nila, tapos ay kaaway na ang tingin nila rito, at maaari pa ngang umatake pabalik at maghiganti. Ikinumpara ko roon si Lillian. Hinding-hindi niya pinagninilayan o kinikilala ang kanyang sarili sa harap ng mga problema, at kinapopootan niya ang sinumang nagbibigay sa kanya ng mga mungkahi, kaaway ang tingin niya rito, binabaluktot ang katotohanan, nililito ang tama at mali, paulit-ulit na ipinakakalat ang masasamang palagay at reklamo niya tungkol sa iba, nag-uudyok ng mga problema sa relasyon ng mga kapatid. Dahil dito ay hindi na sila makapagtulungan nang maayos at nagambala at nahadlangan ang gawain ng ebanghelyo. Maraming beses siyang binigyan ng mga payo at tinulungan ng iba, pero ayaw niya iyong tanggapin. Naging mapanlaban siya sa kanila at gumawa ng mga maling ganting-paratang, nang wala ni katiting na pagsisisi. Likas siyang napopoot sa katotohanan at sawa na rito. Nabunyag na isa siyang masamang tao, at kung hahayaan namin siyang manatili sa iglesia, magdadala lang iyon ng mas maraming problema sa gawain ng iglesia. Kung kaya, ibinahagi namin ni Maya ang aming pagkakilala sa pag-uugali ni Lillian alinsunod sa mga prinsipyo at tinanggal siya pagkatapos ng pagsang-ayon ng mga kapatid sa pamamagitan ng isang botohan. Inatasan namin siyang bumukod at magnilay sa kanyang sarili, at patatalsikin namin siya kung magkaroon pa ng karagdagang mga paggambala.
Kalaunan, sunud-sunod na sinabi ng ilang kapatid, na talagang nakapipigil makipagtrabaho kay Lillian. Palagi siyang dominanteng naninita ng mga tao at maraming tao ang natatakot sa kanya. Kapag dumarating siya para siyasatin ang kanilang gawain, maagang naghahanda ang lahat, natatakot na pagagalitan niya kung meron silang hindi maipapaliwanag nang maayos. Labis akong nabalisa. Napakaraming nagawang kasamaan ni Lillian, na labis na nakakapinsala sa mga kapatid. Bagamat isa akong lider ng iglesia, hindi ko pa rin hinarap iyon nang matuklasan ko ang isang masamang tao. Kung gayon, hindi ba’t wala akong praktikal na pakinabang? Wala akong nagagawang tunay na gawain.
Sa loob ng ilang araw ay paulit-ulit kong pinagninilayan kung bakit kaya kong harapin nang tama ang ibang masasamang tao at mga anticristo, pero iniwasan at ayaw kong harapin ang usapin tungkol kay Lillian. Nakabasa ako ng ilan sa mga salita ng Diyos. “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi nila tunay, taos, at talagang sinusunod ang katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga prinsipyo ng katotohanan, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tuparin ang kalooban ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapapalugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang sarili nilang reputasyon at mapagtatanto sa maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasan at diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang paggawa ng praktikal na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasan at diwa ng mga anticristo. Hindi ba makasarili at napakasama nito?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang sundin o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng katanyagan at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba sila upang maisulong ito? Malinaw na hadlang sila; hindi nila ito napapasulong. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang katanyagan at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagampanan ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa totoo lang, ay nakakagambala, nakakaantala, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng katayuan at katanyagan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan sila nitong pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay pagbuwag, paggambala at pagpinsala. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa katanyagan at katayuan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na isinasaalang-alang lang ng mga anticristo ang sarili nilang reputasyon at katayuan sa kanilang mga kilos. Kung may magagawa siya na makapagpapaganda sa reputasyon niya, iyon mismo ang gagawin ng isang anticristo. Kung masisira ang kanyang reputasyon o katayuan sa paggawa ng mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo, isasantabi ng isang anticristo ang mga prinsipyo at iisipin lang kung ano ang magpoprotekta sa personal niyang mga interes, kung ano ang magiging kapaki-pakinabang sa kanya. Talagang makasarili at kasuklam-suklam siya. Kumikilos akong tulad mismo ng isang anticristo. Matagal ko nang natuklasan na masama ang pagkatao ni Lillian, na hindi niya hinahangad ang katotohanan. Kinamumuhian niya ang sinumang nagbibigay sa kanya ng mga mungkahi, naghahanap ng mali sa kanila, hinuhusgahan at inaatake sila. Mahahadlangan ang gawain ng iglesia kung hindi siya agad tatanggalin at hindi aasikasuhin ang mga bagay-bagay. Pero dahil may pagkiling siya laban sa akin, natakot akong siyasatin at alamin ang tungkol sa kanya sa ganoong kalagayan, na baka maling iisipin ng iba na pinarurusahan ko siya, o iisipin pa ngang isa akong huwad na lider. Pakiramdam ko ay manganganib ang posisyon ko. At dahil sa disposisyon ni Lillian, nag-alala ako na kung tatanggalin ko siya, huhusgahan niya ako ‘pag nakatalikod ako, o kokondenahin o iuulat pa nga ako. Pakiramdam ko’y mapapahamak lang ako sa pagharap sa kanya, sa halip na matulungan ako, at madaling maaapektuhan niyon ang reputasyon at posisyon ko, kaya umiral sa akin ang mapag-atubiling saloobin at hindi ko inasikaso ang mga bagay-bagay. Napakatuso at napakamakasarili ko, walang anumang pagkatao. Nang makatuklas ako dati ng mga taong dapat paalisin, itiwalag sa panahon ng gawain ng paglilinis, nagawa ko iyong harapin alinsunod sa prinsipyo. Iyon ay dahil hindi ko kilala ang karamihan sa mga taong iyon. Higit sa lahat, hindi sila maituturing na banta sa aking reputasyon at katayuan. Kung paaalisin ko sila sa iglesia, iisipin ng mga kapatid na bilang isang lider, nauunawaan ko ang katotohanan at mayroon akong pagkakilala, na kaya kong gumawa ng praktikal na gawain. Pero sa pagharap kay Lillian, nang makita kong may direktang kinalaman iyon sa sarili kong posisyon, para akong ostrich na binabalewala ang problema, sinusubukang protektahan ang sarili kong mga interes. Nagawa ko dating panghawakan ang mga prinsipyo, na nakasalalay sa hindi pagkakaroon niyon ng kaugnayan sa mga personal kong interes, hindi dahil gusto ko talagang gawin nang mabuti ang gawain ng iglesia. Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na ang paggawa para protektahan ang sarili mong reputasyon at katayuan, sa diwa, ay pananabotahe at panggagambala sa gawain ng iglesia. Paghadlang iyon sa normal na pag-usad ng gawain. Dahil gusto kong protektahan ang reputasyon at posisyon ko, hindi ko agad hinarap ang isang masamang tao. Talagang malubha ang kalikasan ng problemang iyon. Hindi lang iyon pagpapakita ng isang munting katiwalian, kundi pagkakanlong iyon ng isang masamang tao, pangungunsinti sa paggambala nito sa gawain ng iglesia. Pagkilos iyon bilang kampon ni Satanas at paggawa rin ng masama. Talagang nakaaantig ang bahaging ito: “Ang dapat na paraan ng pagtrato sa isang masamang tao, basta’t natuklasang mayroon siyang masamang diwa, ay ang pigilan siya o paalisin habang hindi pa siya gumagawa ng malaking kasamaan, para mabawasan ang kanyang pinsala. Ito ang matalinong desisyon. Magiging reaktibo kung maghihintay pa na maging sakuna ito para ayusin ito. Mapapatunayan nito na ang mga lider at manggagawa ay mga hangal, at walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sumama ang loob ko at labis akong nakonsensya habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos. Bilang isang lider, ang trabaho ko ay protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa paniniil at mga panggugulo ng masasamang tao, at protektahan ang isang maayos na buhay ng iglesia para makausad nang tama at maayos ang gawain ng iglesia. Pero nang lumitaw ang isang masamang tao sa iglesia, nagpaliban-liban ako at walang ginawa. Hindi ko tinutupad ang mga responsibilidad ng isang lider, na nangangahulugang napigilan at nagambala ng masamang tao ang iba, at napinsala ang kanilang mga buhay. Nagambala rin ang gawain ng iglesia. Labis na kasuklam-suklam sa Diyos ang nagawa ko!
Sa loob ng ilang araw ay paulit-ulit kong pinag-isipan ang mga bagay-bagay. Alam na alam kong ginagambala ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia at ang mabilis na pagharap sa masasamang tao ay naaayon sa mga prinsipyo. Kaya bakit ba lagi akong natatakot na magkakamali ng pagkaunawa ang iba at sasabihing inaatake ko siya? Ano ba talaga ang pag-atake sa isang tao? Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Napakakaraniwang bagay na sa mga anticristo na manggulo at magpahirap ng iba, at ipinapamalas nila ito sa isang kongkretong paraan. Upang mapanatili ang kanilang katayuan, laging hinihingi ng mga anticristo na sundin at pakinggan sila ng iba. Kapag nakita nilang may hindi nakikinig sa kanila o tumututol at lumalaban sa kanila, magmamaniobra sila para pigilan at pahirapan ang taong iyon, para supilin ito. Ang mga anticristo ay madalas na sinusupil ang mga taong may mga opinyong naiiba sa opinyon nila. Madalas na pinipigilan nila ang mga taong naghahangad ng katotohanan at matapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Madalas nilang sinusupil ang mga taong medyo disente at matuwid na hindi yumuyukod o sumisipsip sa kanila. Pinipigilan nila ang mga hindi nila kasundo o hindi nagpapaubaya sa kanila. Ang pagtrato ng mga anticristo sa iba ay hindi nakabatay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Hindi nila kayang tratuhin nang patas ang mga tao. Kapag hindi nila nagustuhan ang isang tao, kapag ang isang tao ay tila hindi pa buong-pusong nagpapaubaya, naghahanap sila ng mga pagkakataon at mga palusot, at kahit pa nga mga pagpapanggap, upang atakihin at pahirapan ang taong iyon, umaabot pa sa puntong nagkukunwari silang ginagawa nila ang gawain ng iglesia upang supilin siya. Hindi sila tumitigil hanggang sa maging masunurin at hindi maka-hindi sa kanila ang mga tao; hindi sila tumitigil hangga’t hindi kinikilala ng mga tao ang kanilang katayuan at awtoridad, at binabati sila nang may ngiti, nagpapahayag ng pag-endorso at pagsunod sa kanila, hindi nangangahas na pag-isipan sila nang hindi maganda. Sa anumang sitwasyon, anumang grupo, ang salitang ‘patas’ ay hindi angkop sa pagtrato ng isang anticristo sa iba, at ang salitang ‘mapagmahal’ ay hindi angkop sa pagtrato niya sa kanyang mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos. Itinuturing niya ang sinumang banta sa kanyang katayuan bilang tinik sa kanyang tagiliran, at hahanap siya ng mga pagkakataon at mga dahilan para pahirapan sila. Tinutumbasan niya ng pagpapahirap ang pagsuway, at hindi tumitigil hangga’t hindi nasusupil ang taong ito. Ang paggawa niya nito ay hindi naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at laban sa katotohanan. Kung gayon, dapat ba siyang iwasto at tabasan? Hindi lang iyon—walang mas mababa pa sa paglalantad, pagtutukoy, at paglalarawan sa kanya ang sasapat. Tinatrato ng isang anticristo ang lahat ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, layunin at pakay. Sa ilalim ng kanyang awtoridad, sinumang may nadaramang pagkamatuwid, sinumang kayang magsalita nang makatarungan, sinumang nangangahas na labanan ang kawalang-hustisya, sinumang nagtataguyod ng mga prinsipyo ng katotohanan, sinumang tunay na may talento at marunong, sinumang kayang magbigay ng patotoo para sa Diyos—lahat ng gayong tao ay haharapin ang inggit ng anticristo, at sila ay susupilin, ibubukod, at tatapak-tapakan ng anticristo. Gayon ang poot sa pagtrato ng anticristo sa mabubuting tao, mga taong naghahangad ng katotohanan. Masasabing ang karamihan sa mga taong kinaiinggitan ng anticristo at kanyang sinusupil ay mga positibo at mabubuting tao. Karamihan sa kanila ay mga taong ililigtas ng Diyos, na magagamit ng Diyos, at gagawing perpekto ng Diyos. Sa paggamit ng gayong mga taktika para supilin at ihiwalay ang mga ililigtas, gagamitin, at gagawing perpekto ng Diyos, hindi ba’t kalaban ng Diyos ang mga anticristo? Hindi ba’t lumalaban sila sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagwawasto at Pagtatabas, ni Hindi Sila Nagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Haka-haka at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pag-atake sa isang tao at pagsunod sa mga prinsipyo ay dalawang magkaibang bagay. Ang isang aspeto ay kailangan nating tingnan ang mga motibo ng isang tao sa kanyang mga kilos, at ang isa naman ay kailangan nating tingnan kung ang pagtrato niya sa iba ay nakabatay sa mga salita ng Diyos. Kung matukoy na isa siyang masamang tao o anticristo batay sa mga prinsipyo ng katotohanan, ang pagpapaalis sa kanya, pagtitiwalag sa kanya sa iglesia ay paglalayo sa iba sa panganib at pagsunod sa mga prinsipyo. Hindi ito pag-atake. Pero kapag sinusupil at inaatake ng mga anticristo at masasamang tao ang iba, ganap na galing iyon sa malulupit nilang motibasyon. Naiinggit sila sa mga naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pagkaunawa sa katarungan. Napopoot sila sa mga may pagkakilala sa kanila at naglalakas-loob na punahin sila. Inaalis nila ang mga sumasalungat para protektahan ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Sinusunggaban nila ang kaliit-liitang problema ng iba at pinalalaki iyon. Binabaluktot pa nga nila ang mga katunayan at sinisiraan ang iba, ibinabato ang lahat ng uri ng paratang laban sa mga ito para mapatalsik ang mga ito. Ang mga motibo at layunin nila ay ganap na salungat sa katotohanan at sa Diyos. Kinokondena at isinusumpa sila ng Diyos. Inilalantad at tinatanggal ko si Lillian batay sa pagkakilala ko sa kanya bilang isang masamang tao alinsunod sa mga salita ng Diyos. Hindi iyon dahil sa personal na hinanakit, at hindi ko siya inaatake. Hindi ko naunawaan kung ano ba talaga ang pag-atake, at sa panlabas lang ako nakatingin. Pakiramdam ko, kung may taong may hinanakit sa akin, kung haharapin ko ang isang problema sa kanya, pag-atake iyon. Hindi ko tiningnan kung isa ba siyang masamang tao at kung anong papel ang ginagampanan niya sa iglesia. Bilang resulta, hindi ako makakilos dahil sa mali kong pananaw. Kahangalan iyon! Talagang nakapagpapalaya para sa akin ang pag-unawa sa lahat ng ito.
Pagkatapos nun, sadya kong isinagawa ang pagtupad sa tungkulin ko alinsunod sa mga prinsipyo. Kung may makita akong problema sa isang kapatid, hahanapin ko siya at gagawin ang makakaya ko para magbahagi at tumulong sa kanya. Lalo na pagdating sa gawain ng paglilinis, kung matutukoy na ang isang tao ay kandidato sa pagtitiwalag, may pagkiling man siya laban sa akin o wala, haharapin ko iyon alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Nang isagawa ko iyon, lalo pa akong napanatag. Ngayon ay personal ko nang naranasan na sa isang tungkulin, kailangan nating bitiwan ang mga motibo at kalkulasyon natin tungkol sa reputasyon at katayuan, itaguyod ang mga prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia para makadama ng kapayapaan at kagalakan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.