Muntik na Akong Ipahamak ng Isang Paghahangad sa Kaginhawahan

Pebrero 24, 2024

Ni Noelle, Timog Korea

Ako ang responsable sa paggawa ng video noong 2019 habang naglilingkod din bilang isang lider ng iglesia. Nangako akong gagawin ko nang mabuti ang aking tungkulin. Pagkatapos niyon, talagang inilagay ko ang puso ko sa aking tungkulin at natutuhan ko kung paano gawin ang gawain ng iglesia mula sa kapareha kong sister. Ginawa ko ang makakaya ko para makadalo sa bawat pagtitipon, malaki man o maliit, at kapag hindi maganda ang lagay ng mga kapatid, nagsasaliksik ako sa mga salita ng Diyos para maibahagi sa kanila at malutas ang kanilang mga isyu. Maliban pa rito, nirepaso ko ang mga video na natapos ng aking mga kapatid araw-araw. Bawat araw ay abalang-abala ako. Makalipas ang ilang panahon ay napagod ako, at unti-unting nawala ang gana na taglay ko noong una. Habang tumatagal ay lalo kong inaayawan ang pagkakaroon ng ganoon kaabalang buhay. Lalo na kapag nagsusuri ako ng mga video, talagang kailangan kong magtimbang at mag-isip nang mabuti, at pagkatapos ay magbigay ng mga angkop na mungkahi para malutas ang anumang mga problemang nakita ko. Masyado itong nakakapagod sa katawan at isipan. Nang ganito ako mag-isip, nagsimula na akong maging pabaya habang nagsusuri ng mga video at para sa ilan ay tumutugon lang ako matapos ang madaliang pagtingin. Minsan ay nagbubulag-bulagan na lang ako kahit malinaw na may mga problema dahil kung hindi ay kakailanganin kong mag-isip ng solusyon, kaya’t tumatahimik na lang ako. Lumala nang lumala ang pagiging pabaya ko sa aking tungkulin, na nangangahulugang laging pabalik-balik na ipinapadala ang mga video para baguhin. Nasayang niyon ang pagod ng maraming tao. Matindi ang mga bungang ito, pero hindi ko pinagnilayan ang aking sarili. Pakiramdam ko pa nga ay wala itong direktang kaugnayan sa akin, at na iyon ay dahil masyadong maraming problema sa mga video ng iba.

Minsan, naharap ako sa isang tunay na malaking problema sa isang video na hawak ko na nangangailangan ng ilang bagong ideya. Naisip ng aking mga kapatid ang lahat ng uri ng ideya na nagpahilo sa akin. Naisip ko, “Nakakapagod pag-isipan nito, hahayaan kong sila ang magplano.” Ipinasa ko ang gawain na nagdadahilan na ako ang namahala sa buong gawain, para mapangatwiranan ko ang hindi pangangasiwa at pangungumusta tungkol sa video. Pero yamang wala pang naharap sa ganitong klase ng mga problema noon, at hindi nila naunawaang masyado ang ilan sa mga prinsipyo, hindi nila alam kung paano humawak ng ganoon kakomplikadong gawain. Dahil dito, hindi nagkaroon ng anumang pag-usad, at sa huli ay itinigil na lang ang video. Nakita ng kapareha ko na si Leah na hindi kami nagiging epektibo at mabagal ang aming pag-usad, kaya’t inalerto niya kami at inudyukan na mas bilisan ang trabaho. Nagreklamo ako na masyado siyang mahigpit sa amin, at sumang-ayon sa akin ang ibang mga kapatid, tinututulan ang kanyang mga pagsasaayos. Labis nitong napigilan si Leah at naging masyado siyang maingat sa tuwing magtatalakay sa amin ng mga pagsasaayos ng gawain. Nagdulot ito ng sunud-sunod na abala, na nakaantala sa aming pag-usad. Kadalasan ay hindi ko masyadong inaalala ang pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan, at pakiramdam ko lang ay talagang abalang pagsama-samahin ang mga materyal sa pagsasanay, kaya’t palagi ko iyong ipinapasa kay Leah. Minsan ay hindi ako nakikibahagi sa pagsasanay sa katwiran na masyado akong abala sa aking tungkulin. Sa ganitong paraan, naging pabaya at tamad ako sa aking tungkulin araw-araw. Minsan, hindi man lang ako naghanda nang maaga para sa isang talakayan tungkol sa gawain, na nagsayang sa oras ng lahat.

Tapos isang araw, nadapa ako at napilipit ang bukong-bukong ko nang malaktawan ko ang isang baitang habang bumababa ng hagdan. Hindi ko pinagnilayan kung bakit nangyari iyon sa akin, at inisip ko lang na makapagpapahinga ako nang mabuti dahil nasaktan ang bukong-bukong ko. Ilang beses akong inilantad at iwinasto ni Leah, sinasabi sa akin na wala akong pasanin sa aking tungkulin, na naaantala niyon ang gawain ng iglesia at nagkakaroon iyon ng negatibong epekto sa iba. Pagkatapos ng kanyang pagbabahagi ay magiging mas maagap ako nang ilang araw, at pagkatapos ay magsisimula na namang magpabaya. Hindi ko inisip na napakalubha ng isyu, at patuloy ko lang pinalalagpas ang ginagawa ko, na iniisip na, “Medyo tinatamad lang ako, pero hindi ako nagmamayabang, nakapipigil, o naniniil ng iba sa pagiging mapandikta, kaya hindi iyon malaking bagay. Ano’t anuman, mayroon akong kakayahan at ilang propesyonal na kasanayan, kaya hindi ako matatanggal.” Kaya nga, nagbingi-bingihan ako sa mga paalala ni Leah, at hindi ko talaga sineryoso ang mga iyon. Ipinagpatuloy ko ang pagiging pabaya sa aking tungkulin at ang tingin ko pa nga sa ilang gawain ay pabigat, at bagahe. Ang pagiging masyadong pabaya ay nangahulugan na maraming video ang kinailangang ibalik para ayusin at napakatagal bago maipalabas ang mga iyon.

Isang umaga, hindi inaasahang bumisita sandali ang isang nakatataas na lider at sinabi niya na hindi nagbubunga ng anumang resulta ang aming tungkulin, at na palaging lumilitaw ang mga problema na nabanggit na. Itinanong niya kung ano talaga ang problema. Itinanong din niya kung kaya naming isagawa ang tungkuling ito, at sinabi na kung magpapatuloy nang gayon ang mga bagay-bagay, lahat kami ay matatanggal. Natakot ako nang marinig ko iyon. Isa akong lider ng iglesia at ako rin ang namumuno sa aming gawain, kaya’t ako ang direktang responsable sa pagiging magulo ng lahat. Ang lahat ng iyon ay dahil sa kapabayaan ko. Habang lalo kong pinag-isipan iyon, lalo kong natanto ang kalubhaan ng problema. Hindi nagtagal ay natuklasan ng nakatataas na lider kung paano ko ginagawa ang aking tungkulin at tinanggal niya ako. Matindi rin niya akong iwinasto, na sinasabi, “Ipinagkatiwala sa iyo ng iglesia ang mahalagang gawain, pero wala ka talagang pakialam kapag nakakakita ka ng napakaraming problema at paghihirap. Inalala mo lang ang kaginhawahan ng sarili mong katawan, na inaantala ang pag-usad ng mga video nang ilang buwan. Walang-wala ka talagang konsiyensya! Matagal ka nang nililinang ng iglesia, pero wala ka talagang pakialam sa kalooban ng Diyos, at nakakadismaya iyong masyado. Isa kang lider pero hindi mo tinutupad nang maayos ang tungkulin mo. Wala kang natututuhan at wala kang kakayahang umunlad, at hindi ka karapat-dapat na linangin. Matitiwalag ka kung hindi ka magsisisi at magbabago.” Isang napakatinding dagok sa akin ang kanyang mga salita. Nablangko ang isip ko, at paulit-ulit kong tinanong sa sarili ko: Ano bang ginagawa ko sa lahat ng buwang ito? Paano umabot ang mga bagay-bagay sa puntong ito? Nang marinig kong sabihin niya na hindi ako karapat-dapat na linangin, pakiramdam ko talaga ay parang wala akong kinabukasan. Masamang-masama ang loob ko at pakiramdam ko ay nasaid ang lahat ng lakas ko. Napoot ako sa sarili ko dahil sa simula pa lang ay hindi ko na pinahalagahan ang aking tungkulin, pero ngayon ay huli na ang lahat.

Matapos matanggal, nalugmok ako sa isang negatibong kalagayan ng kalungkutan. Pakiramdam ko ay tiyak na nakita na ng lahat ang tunay kong pagkatao, at isasantabi nila ako bilang isang masamang halimbawa, at kasusuklaman din ako ng Diyos. Labis na nasaktan ang damdamin ko sa pag-iisip sa sinabi sa akin ng lider nang iwinawasto niya ako. Pakiramdam ko ay nailantad na ako at natiwalag. Napakasakit ng mga araw na iyon para sa akin. Tapos isang araw, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang umantig sa akin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay tapat sa Diyos, at ginagampanan mo nang may sinseridad ang iyong tungkulin, maaari ka pa rin bang maging negatibo at mahina kapag iwinasto ka at pinungusan? Ano ba ang dapat gawin kung ikaw ay talagang negatibo at mahina? (Dapat tayong manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos, sikapin nating isipin kung ano ang hinihingi ng Diyos, pagnilayan kung ano ang kulang sa atin, kung anong mga pagkakamali ang nagawa natin; kung saan tayo nadapa, doon tayo dapat bumangong muli.) Tama iyan. Hindi malalaking problema ang pagiging negatibo at mahina. Hindi kinokondena ng Diyos ang mga ito. Basta’t kaya ng isang tao na bumangong muli kung saan siya nadapa, at matutuhan ang kanyang leksyon, at normal na gampanan ang kanyang tungkulin, iyon na iyon. Walang sinumang maninisi sa iyo, kaya huwag kang maging negatibo nang walang katapusan. Kung iwawaksi mo ang iyong tungkulin at tatakasan iyon, mapapahamak ka nang tuluyan. Lahat ay negatibo at mahina kung minsan—hanapin lamang ang katotohanan, at madaling malulutas ang pagiging negatibo at mahina. Ang kalagayan ng ilang tao ay lubos na nagbabago sa pagbabasa lamang ng isang kabanata ng mga salita ng Diyos o pagkanta ng ilang himno; kaya nilang ipagtapat ang nilalaman ng kanilang puso sa pagdarasal sa Diyos, at kaya nila Siyang purihin. Hindi ba nalutas na ang kanilang problema pagkatapos niyon? Sa katunayan, ang maiwasto at mapungusan ay talagang mabuting bagay. Kahit pa ang mga salitang nagwawasto at nagpupungos sa iyo ay medyo mabagsik, medyo masakit, iyon ay dahil kumilos ka nang walang katinuan, at nilabag mo ang mga prinsipyo nang hindi mo namamalayan—paanong hindi ka iwawasto sa gayong sitwasyon? Ang pagwawasto sa iyo sa ganitong paraan ay para tulungan ka talaga, ito ay pagmamahal para sa iyo. Dapat mong maunawaan ito at huwag kang magreklamo. Kaya, kung nagdudulot ng pagkanegatibo at reklamo ang pagwawasto at pagpupungos, kahangalan at kamangmangan iyon, pag-uugali ito ng isang taong walang katinuan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa sa mga salita ng Diyos, tuluy-tuloy lang na umagos ang mga luha sa aking mukha. Tama ang lider sa lahat ng sinabi niya nang iwinawasto niya ako, at ganoon ako kalupit na pinuna dahil lahat ng nagawa ko ay labis na nakagagalit. Pero hindi ko dapat sukuan ang sarili ko. Kailangan kong tunay na magnilay kung bakit ako nabigo, at magbago at magsisi sa lalong madaling panahon. Iyon ang tama kong gawin. Kaya’t nagdasal ako, na hinihiling sa Diyos na gabayan ako sa pagninilay-nilay at pagkilala ko sa aking sarili sa pamamagitan ng kabiguang ito.

Isang araw, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos na naglalantad at nagsusuri sa mga huwad na lider na nakatulong sa akin na maunawaan nang kaunti ang aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, ngunit alam nila kung paano maging isang opisyal. Ano ang unang bagay na ginagawa nila kapag nagiging lider sila? Sinisimulan nilang subukang makuha ang loob ng mga tao. Ginagamit nila ang pamamaraang ‘Kailangang mapabilib ng isang bagong tagapamahala ang mga tao’: Una ay gumagawa sila ng ilang bagay para magpalakas sa mga tao, nagpapakita sila ng ilang bagay para mapagaan ang buhay ng mga tao, sinisikap nilang makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao, na maipakita sa lahat na kaayon sila ng masa, para purihin sila ng lahat at sabihin na ‘para silang magulang sa amin!’ Pagkatapos ay opisyal na silang mamumuno. Pakiramdam nila ay taglay na nila ngayon ang popular na suporta at sigurado na ang kanilang posisyon, na tama at angkop lamang na tamasahin nila ang mga pakinabang ng katayuan. Ang kanilang mga kasabihan ay, ‘Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,’ ‘Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,’ at ‘Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala.’ Nagpapakaligaya sila sa bawat araw pagdating nito, nagpapakasaya sila hangga’t kaya nila, at hindi nila iniisip ang hinaharap, lalong hindi nila iniisip kung anong mga responsibilidad ang dapat tuparin ng isang lider at kung anong mga tungkulin ang dapat nilang gampanan. Nangangaral sila ng ilang salita at doktrina at ginagawa ang ilang gawain para magpakitang-tao tulad ng karaniwan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila sinisikap na tuklasin ang mga tunay na problema sa iglesia upang lubos na malutas ang mga iyon. Ano ang silbi ng paggawa ng gayong paimbabaw na gawain? Hindi ba panlilinlang ito? Maipagkakatiwala ba ang mabibigat na responsabilidad sa ganitong uri ng huwad na lider? Naaayon ba sila sa mga prinsipyo at kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Walang anumang konsiyensya o katwiran ang mga taong ito, wala silang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad, subalit nais pa rin nilang maglingkod sa isang opisyal na puwesto bilang isang lider ng iglesia—bakit masyado silang walang kahihiyan? Para sa ilang taong may pagpapahalaga sa responsabilidad, kung mahina ang kanilang kakayahan, hindi sila maaaring maging lider—maliban pa riyan ang taong basura na wala talagang pagpapahalaga sa responsibilidad; lalong hindi sila kwalipikadong maging mga lider. Gaano ba katamad ang gayong mga batugang huwad na lider? May natuklasan silang isyu, at alam nila na isyu ito, ngunit binabalewala nila ito at hindi pinapansin. Napaka-iresponsable nila! Bagamat magaling silang magsalita at tila may kaunting kakayahan, hindi nila kayang lumutas ng iba’t ibang problema sa gawain ng iglesia, na humahantong sa biglaang paghinto ng gawain, at sa pagkakapatong-patong ng mga problema. Ngunit sa kabila nito, ang mga lider na ito ay hindi nababahala sa mga problemang ito, at patuloy nilang isinasagawa ang ilang walang kabuluhang gampanin gaya ng nakagawian na. At ano ang resulta sa huli? Hindi ba’t ginugulo nila ang gawain ng iglesia, hindi ba’t sinisira nila iyon? Hindi ba’t nagsasanhi sila ng kaguluhan at pagkakawatak-watak sa iglesia? Ito ang hindi-maiiwasang kalalabasan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). “Ang lahat ng huwad na lider ay hindi kailanman gumagawa ng praktikal na gawain, at umaakto sila na parang ang kanilang papel sa pamumuno ay isang opisyal na posisyon, lubos na tinatamasa ang mga pakinabang ng kanilang katayuan. Ang tungkuling nararapat gampanan at gawaing nararapat gawin ng isang lider ay itinuturing nilang isang hadlang, isang abala. Sa puso nila, nag-uumapaw ang paglaban nila sa gawain ng iglesia: Kung hihilingin mo sa kanila na bantayan ang gawain o alamin ang mga isyung umiiral dito na kinakailangang masubaybayan at malutas, sila ay mapupuno ng pag-aatubili. Ito ang gawain na dapat ginagawa ng mga lider at manggagawa, ito ang trabaho nila. Kung hindi mo ito gagawin—kung ayaw mong gawin ito—bakit gusto mo pa ring maging lider o manggagawa? Ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin para isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, o para maging isang opisyal at magtamasa sa mga palamuti ng katayuan? Hindi ba’t kahiya-hiyang maging isang lider kung nais mo lang na humawak ng kung anong opisyal na katungkulan? Wala nang mas mababa pa ang karakter—ang mga taong ito ay walang paggalang sa sarili, wala silang kahihiyan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, napahiya ako nang husto. Hindi ba gayong uri ako mismo ng tamad na lider na binabanggit ng Diyos? Mula noong umpisa, pakiramdam ko ay hindi lang nasa taong namamahala ang huling salita, kundi nasa kanya rin ang paggalang ng iba, kaya’t nagsikap at nagdusa ako alang-alang sa katayuang ito. Binigyan ko ang lahat ng maling impresyon, ipinaisip sa kanila na kaya kong humawak ng malaking responsibilidad. Sa sandaling nakuha ko ang posisyong ito at pinagkatiwalaan na ako ng iba, ipinakita ko na ang tunay kong kulay. Nagsimula akong manabik sa mga tukso ng katayuan, at nang makita ko ang dami ng gawain at lahat ng paghihirap na iyon, ayaw kong mag-abala. Pakiramdam ko ay mabigat iyon, kaya’t inisip ko kung paano mapagagaan ang trabaho at mababawasan ang mga alalahanin. Kinainisan ko kung gaano nakapapagod sa isip ang suriin ang mga video, kaya’t basta-basta lang akong nagbigay ng mga hindi maaasahang mungkahi at paulit-ulit na pinag-edit ang mga tao, na nagsayang ng pagod ng mga manggagawa. Nang magkaroon ng mga problema sa mga video na pinamamahalaan ko, hindi ako nagpakahirap mag-isip ng isang solusyon, sa halip ay ginamit ko ang katayuan ko para manlinlang, at ipinaasikaso ang mga iyon sa ibang mga tao, at pinabayaan at binalewala ko sila. Naiwan niyon na hindi nalulutas ang mga problema at walang nangyayaring pag-usad sa aming gawain. Nag-isip ako ng lahat ng klase ng dahilan para makaiwas sa teknikal na pagsasanay ng grupo at ipasa iyon hangga’t maaari. Nagpapatay-patay rin ako sa mga apurahang pagpaplano ng gawain at puro ako reklamo, na nakapigil sa kapareha ko. Nahadlangan ang aming pag-usad dahil hindi ko agad inaasikaso ang maraming gawain. Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng nagawa ko, talagang gusto kong sampalin ang sarili ko. Nang magkaroon ako ng kaunting katayuan, naghangad lang ako ng kaginhawahan at palagi akong naging mapanlinlang at tuso. Laro-laro lang ang tingin ko sa gawain ko at wala ako ni katiting na responsibilidad. Hindi ko kaagad nilutas ang mga problema at nanatili akong walang pakialam nang makita ko na nahihirapan ang gawain ng iglesia. Anong ipinagkaiba ng mga kilos ko roon sa mga opisyal ng Partido Komunista? Gumagamit sila ng lahat ng klase ng taktika para magkaroon ng katayuan, at kapag nagawa na nila ito, hindi nila nilulutas ang mga problema ng mga karaniwang tao. Gusto lang nilang mandaya para makakain at makainom, at gamitin ang kanilang kapangyarihan para sa pansariling pakinabang. Masama at walang kahihiyan iyon. Ganoong-ganoon ako. Binigyan ako ng gayon kahalagang gawain ng iglesia, pero ang inalala ko lang ay ang kaginhawahan at kaalwanan ng laman, at wala akong ginawang anumag tunay na gawain. Ngayon mismo ang pinakamahalagang panahon para ipalaganap ang ebanghelyo, at kapag mas maagang nailagay ang mga videong ito ng patotoo online, mas maraming taong maghahangad at magsisiyasat sa tunay na daan. Pero hindi ko isinaalang-alang talaga ang kalooban ng Diyos. Pinabayaan ko ang aking tungkulin, na malubhang nakaantala sa gawain ng iglesia. Makasarili at kasuklam-suklam ako, at talagang walang pagkatao. Tapos ay malinaw kong nakita kung gaano ako katamad, kamakasarili at kasuklam-suklam. Nandaya ako para makakuha ng isang posisyon pero hindi ako gumawa ng anumang praktikal na gawain. Mababa ang pagkatao ko at hindi ako karapat-dapat pagkatiwalaan. Talagang wala akong diwa ng moralidad. Ang pagninilay tungkol sa lahat ng ito ay nagdulot ng sunud-sunod na kirot sa puso ko. Nagdasal ako, “Diyos ko, kulang na kulang ang pagkatao ko. Tinanggap ko ang tungkuling ito pero hindi ko ginawa nang wasto ang aking trabaho, na nakahadlang sa gawain ng iglesia. Diyos ko, ang pagkakatanggal sa akin ay Iyong pagiging matuwid. Gusto kong magsisi at magbago—gabayan Mo sana akong makilala ang aking sarili.”

Sa pagninilay ko, naalala ko kung paano nagbahagi sa akin nang maraming beses ang iba, na itinuturo ang aking mga problema, at iwinasto at inilalantad pa nga ako, pero hindi ko talaga iyon sineryoso. Parang gusto pa ring magpakatamad at ang mag-alala tungkol sa mga kaginhawahan ng katawan ay hindi masyadong malaking problema, na wala akong sinasaktan o napipigilan. Bukod pa roon, yamang mayroon akong kakayahan at alam ko ang trabaho, naisip kong hindi ako tatanggalin ng iglesia dahil sa pagiging tamad. Hindi ko napagtanto na sariling kuru-kuro at guniguni ko lang ang mga ito hanggang sa mabasa ko na ang mga salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Sino ang may mas malalang problema: mga taong tamad, o mga taong mahina ang kakayahan? (Mga taong tamad.) Bakit malala ang problema ng mga taong tamad? (Ang mga taong mahihina ang kakayahan ay hindi maaaring maging mga lider o manggagawa, ngunit maaari silang maging medyo epektibo kapag gumaganap sila ng tungkulin na tugma sa kanilang mga abilidad. Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa; kahit mayroon pa silang kakayahan, hindi nila iyon ginagamit.) Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Sa madaling salita, basura sila, nawalan ng silbi dahil sa katamaran. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; walang silbi ang kanilang mahusay na kakayahan. Ito ay dahil napakatamad nila, alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila iyon ginagawa; kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito; alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ngunit ayaw nilang tiisin ang gayon kahalagahang pagdurusa. Dahil dito, hindi sila nagkakamit ng anumang mga katotohanan, at hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Ayaw nilang tiisin ang mga paghihirap na dapat tinitiis ng mga tao; ang alam lamang nila ay kasibaan sa kaginhawahan, ang pagtatamasa sa mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at ang pagtatamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi nararapat mabuhay. Sinuman ang laging nagnanais na mabuhay na parang linta ay isang taong walang konsiyensya o katwiran; isa siyang hayop, na ang uri ay ni hindi angkop na gumawa ng serbisyo. Dahil hindi niya kayang tiisin ang paghihirap, ang serbisyo na kanyang ginagawa ay walang kuwenta, at kung nais niyang makamit ang katotohanan, mas lalong wala siyang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang basura, ni hindi nga kuwalipikadong gumawa ng serbisyo. Isa siyang hayop, na wala ni katiting na pagkatao. Wala nang ibang aayon pa sa kalooban ng Diyos kundi ang palayasin ang gayong mga tao(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay talagang natural at makatuwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos natanto ko na kahit mukhang wala akong nasaktan, hindi ko sineryoso ang aking tungkulin at naantala ko ang gawain ng iglesia. Isa iyong malaking pagtataksil sa Diyos, higit pang karima-rimarim kaysa kay Judas. Kinikilabutan ako sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng nagawa ko sa aking tungkulin. Napakaraming beses kong nabalewala ang pagbabahagi at payo ng iba, at mali ko pa ngang inisip na yamang alam ko ang trabaho at mayroon akong kakayahan, hindi ako tatanggalin ng iglesia dahil sa katamaran ko. Masyado akong walang interes at matigas. Kapwa iyon kaawa-awa at katawa-tawa, at hindi ko nakita kung gaano iyon kapanganib. Malinaw na sinabi ng Diyos na napopoot Siya sa mga tao na may kakayahan, pero tamad at mapanlinlang, na kasuklam-suklam sila at may mababang pagkatao, at hindi karapat-dapat sa tiwala ng Diyos. Mas mabuti pa sa kanila ang mga taong may mas mababang kakayahan pero matino, masipag, at handang magdusa. Totoo sila sa kanilang tungkulin. Inilalagay nila ang puso nila roon at matapat sila at responsable. Pero ako naman, mukhang may kaunti akong kakayahan, samantalang ang totoo, ni hindi ko kayang gawin ang pinakasimpleng mga bagay na dapat gawin ng isang nilalang sa kanyang tungkulin. Anong klaseng pagkatao at kakayahan iyon? Sa puntong iyon talagang nakita ko ang katotohanan tungkol sa aking sarili, at naunawaan ko kung bakit sinabi ng lider na hindi ako karapat-dapat linangin, at na matitiwalag ako kung hindi ako magsisisi at magbabago. Sa ganoong klase ng pagkatao, kapwa tamad at mapanlinlang, walang responsibilidad sa aking tungkulin, hindi ako karapat-dapat sa tiwala at dapat akong tanggalin at itiwalag. Pakiramdam ko ay talagang may pagkakautang ako sa Diyos nang maisip ko ang lahat ng oras na nasayang ko. Gusto ko na lang hangaring matamo nang husto ang katotohanan mula noon, at gawin ang aking tungkulin nang wasto para suklian ang pagmamahal ng Diyos.

Kalaunan, nagsimula akong gumawa ng tekstuwal na gawain. Maraming bagay na gagawin at abala ako araw-araw, kaya’t lagi kong pinaaalalahanan ang sarili ko na gawin nang mabuti ang tungkulin ko at huwag na ulit pagbigyan ang laman. Sa simula, naging responsable ako para sa aking tungkulin. Pakiramdam ko medyo nagbago na ako. Pero nang dumami ang trabaho namin at nagkaroon ng ilang suliranin at problema, muling lumitaw ang aking likas na pagkatao. Naiisip ko, “Nakapapagod sa isip ang paglutas sa mga problemang ito, ayos na siguro ang minsanang mabilis na pagtingin sa mga ito, at hahayaan ko nang lutasin ng ibang mga tao ang mas kumplikadong mga isyu.” Madalas sabihin ng isang sister na gumagawa ako nang kahit paano lang, at pinaalalahanan niya ako na mas seryosohin ang tungkulin. Sasabihin kong gagawin ko iyon, at gagalingan ko sa loob ng ilang araw, pero pagkatapos ay mababalisa ako kapag may nangyaring komplikado at iisipin kong napakalaking abala niyon, masyadong nakapapagod na harapin, kaya hinahayaan ko na lang iyon nang ganoon. Araw-araw ay ganoon ang nangyari. Dalawang sister sa pangkat namin ang nalipat kalaunan dahil hindi sila nagkakaroon ng magagandang resulta at bigla akong nagkaroon ng masamang kutob. Hindi nalalayo sa kanila ang ginagawa ko sa aking tungkulin, at napansin ko na lahat ng iba ay mas umuusad kaysa sa akin. Ako na ang naging pinakamahina sa grupo. Kahit na ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko, balisang-balisa ang pakiramdam ko at nag-aalala ako na ako na ang susunod na malilipat. Kinausap ko ang isang sister tungkol sa kalagayan ko, at sinabi niya na kaya hindi gaanong magaganda ang mga resultang nakukuha ko sa aking tungkulin ay hindi dahil sa wala akong kakayahan, kundi dahil masyado akong pabaya. Matagal-tagal na ako sa tungkuling iyon pero nagagawa ko pa rin ang talagang pangkaraniwang mga pagkakamali, kaya’t ibig sabihin niyon ay may problema sa pag-uugali ko roon. Talagang nakapukaw ang sinabi niya ng ilang damdamin sa kaibuturan ko. Akala ko ay nagpasya na ako na gagawin nang mabuti ang tungkulin ko, kaya’t bakit hinaharap ko pa rin ito nang ganito? Lumapit ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap.

Isang araw, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na kalinawan tungkol sa problema kong ito. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, hindi nila kayang magtagumpay roon, napakabigat niyon para sa kanila, hindi nila kayang tuparin ang anuman sa mga obligasyon o responsibilidad na nararapat tuparin ng mga tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging mga tao? Maliban sa mga utu-uto, may kapansanan sa pag-iisip, at may mga pisikal na kapansanan, mayroon bang nabubuhay na hindi nararapat gampanan ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsibilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging nakikipagsabwatan at nandaraya, at ayaw tuparin ang kanilang mga responsibilidad; ang implikasyon ay na ayaw nilang umasal na tulad ng isang mabuting tao. Binigyan sila ng Diyos ng kakayahan at mga kaloob, binigyan Niya sila ng oportunidad na maging tao, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa pagganap sa kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang tamasahin ang lahat. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang walang ingat at pabasta-basta, laging tamad at tuso. Kapag nagkakaroon ng mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsibilidad sa ibang mga tao; ayaw nilang managot, na ninanais na patuloy na mabuhay na parang mga linta. Hindi ba mga walang-silbing basura sila? Sa lipunan, sino ang hindi umaasa sa kanilang sarili para mabuhay? Kapag lumaki na ang isang tao, kailangan na niyang tustusan ang kanyang sarili. Natupad na ng kanyang mga magulang ang kanilang responsibilidad. Kahit handa ang kanyang mga magulang na suportahan siya, maaasiwa siya roon, at dapat magawa niyang kilalanin na, ‘Natapos na ng aking mga magulang ang trabaho nilang magpalaki ng mga anak. Nasa hustong gulang na ako, at malusog ang katawan ko—dapat magawa kong mamuhay nang hindi umaasa sa iba.’ Hindi ba ito ang pinakamababang pag-unawa na nararapat taglayin ng isang taong nasa hustong gulang? Kung talagang matino ang isang tao, hindi niya kakayaning patuloy na samantalahin ang kabaitan ng kanyang mga magulang; matatakot siya na pagtawanan ng iba, na mapahiya. Kaya, matino ba ang isang taong tatamad-tamad lamang? (Hindi.) Lagi niyang gustong makuha ang isang bagay nang walang kapalit, ayaw niyang managot kailanman, naghahanap siya ng libreng tanghalian, gusto niyang makakain nang tatlong beses sa isang araw—at pagsilbihan siya ng iba, at maging masarap ang pagkain—nang wala siyang ginagawang anuman. Hindi ba ganito ang pag-iisip ng isang parang linta? At may konsiyensya ba at katinuan ang mga taong parang linta? Mayroon ba silang dignidad at integridad? Talagang wala; lahat sila ay mga walang silbi na nakaasa sa iba, lahat ay mga hayop na walang konsiyensya o katwiran. Walang sinuman sa kanila ang angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Natutuhan ko sa mga salita ng Diyos na ibinibigay ng mga taong may konsensya at katwiran ang lahat nila sa kanilang tungkulin at ginagampanan nila iyon nang tama. Samantalang ang mga walang normal na pagkatao at katwiran ay hindi handang magdusa o maabala kailanman, at nanlilinlang lang sila at nagtitiyaga sa kahit ano, nang hindi man lang iniisip ang kanilang mga responsibilidad o obligasyon. Kahit na binibigyan sila ng Diyos ng kakayahan at mga kaloob, at ng isang pagkakataon para gumawa ng tungkulin, yamang wala silang natututuhan, at ang tanging gusto nila ay magtamasa ng mga kaginhawahan ng katawan, at hindi sila nakararamdam ng responsibilidad, sa huli ay wala silang magagawa at mawawalan sila ng silbi. Isa ako sa mga taong ito na inilalarawan ng Diyos. Pagkatapos akong tanggalin, pinahintulutan ako ng iglesia na gumawa ng gawaing pangteksto, na nagbigay sa akin ng pagkakataong magsisi, pero hindi ko alam kung paano ito pahalagahan. Ayaw kong pagbutihin ang pagganap sa aking tungkulin, at nang maharap ako sa mga tunay na problema, ipinasa ko lang ang mga iyon sa iba, na ayaw ko talagang pahirapan ang utak ko o gugulin ang panahon ko para pag-isipan ang mga bagay-bagay. Dahil dito, wala akong anumang pag-usad sa aking tungkulin. Talagang nabagabag ako: Bakit ako umaatras sa anumang problema, at nagtatago sa anumang hirap?

Minsan ay nabasa ko ang ilang salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa ugat ng problema. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? … Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Paulit-ulit kong binasa ang siping ito. Sa tuwing mababasa ko ang partikular na mga salitang “mga hayop,” “isang baboy o isang aso,” at “walang-dangal” para iyong sampal sa mukha. Tinanong ko ang sarili ko: “Bakit ba talaga ako nananalig sa Diyos? Para lang ba magtamasa ng kaginhawahan? Bakit mayroon akong napakabababang hinahangad sa buhay, kahit matapos makabasa ng napakaraming salita ng Diyos?” Pakiramdam ko ay talagang malalim akong nagawang tiwali ni Satanas. Ang mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,” “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,” at “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala” ang mga salitang ipinamumuhay ko. Nakita ko na pisikal na kaginhawahan at kasiyahan ang pangunahin kong mga hangarin sa buhay. Naalala ko na lahat ng kaklase ko ay matinding nag-aaral bago ang mga pagsusulit para makapasok sa mataas na paaralan, pero pakiramdam ko ay masyado iyong nakaka-stress, kaya’t pumupunta na lang ako sa palaruan para maglibang. Pakiramdam ko ay kailangan kong tratuhin nang mabuti ang sarili ko sa buhay at namnamin ang bawat sandali sa pagdating nito, anuman ang dala ng bukas. Sinabi ng mga kaklase ko na masyado akong mapagwalang-bahala at pakiramdam ko ay isa iyong magandang paraan para mamuhay. Araw-araw ay masaya ako, walang anumang problema o mga alalahanin. Iyon ang buhay na gusto ko. Hindi ko binago ang pananaw na ito matapos kong magsimulang manampalataya at tumanggap ng tungkulin. Kapag may nangyayaring komplikado o mahirap na bagay, iniisip kong isa iyong abala at gusto kong iwasan iyon, hindi handa na magkaroon ng kaunting hirap ng katawan o problema. Gusto ko na walang ginagawa, magpagala-gala nang malaya at maginhawa. Pero ano ba talaga ang natamo ko sa pamumuhay sa ganoong paraan? Hindi ako nagkaroon ng pag-usad sa aking tungkulin, at inaksaya ko ang pagkatao at dignidad ko dahil iresponsable ako at inantala ko ang gawain ng iglesia. Nasuklam sa akin ang Diyos, at nainis ang mga kapatid. Ang mga satanikong pananaw na ito sa pamumuhay ay nakagagawa ng napakalaking pinsala! Sa pamumuhay nang ganito, wala akong anumang integridad o dignidad, at walang anumang tamang mga layunin sa buhay. Napakasama niyon! Ang totoo, nang maharap ako sa mga problema sa tungkulin ko, kalooban ng Diyos na hanapin ko ang katotohanan at maunawaan at matamo ko ang katotohanan. Pero hindi ko pinahalagahan ito at sinayang ko ang napakaraming pagkakataong matamo ang katotohanan. Sabi sa Bibliya: “Ang kasaganaan ng mga hangal ang wawasak sa kanila” (Kawikaan 1:32). Totoong-totoo iyon. Sinasabi sa mga salita ng Diyos: “Ang laman ng tao ay tulad ng ahas: Ang diwa nito ay ang mapinsala ang kanilang buhay—at kapag ito nga ay ganap na nagtagumpay, mawawala ang iyong buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Naisip ko kung paano ko paulit-ulit na hindi sineryoso ang tungkulin ko, paano ko nasira ang gawain, at nadama ko na may pagkakautang ako sa Diyos. Napuno ako ng kalungkutan at pagsisisi, at nagsimula akong umiyak nang walang tigil. Ang mga bagay na ito ay mga bahid lahat sa kasaysayan ng pananampalataya ko sa Diyos na hindi na mabubura kailanman, at lagi ko iyong pagsisisihan! Kinamuhian ko ang aking sarili mula sa kaibuturan ng aking puso. Nagdasal ako habang lumuluha, “Diyos ko, nabigo Kita. Ilang taon na akong mananampalataya nang hindi kailanman hinahanap ang katotohanan, mga pansamantalang kaginhawahan lang ng laman. Napakasama ko! Diyos ko, sa wakas ay nakita ko na ang diwa ng laman at kahit na maaaring hindi na ako makabawi sa aking mga paglabag kahit kailan, gusto kong magsisi, hanapin ang katotohanan, at magsimula nang panibago.”

Kalaunan ay pinadalhan ako ng isang sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagtulot sa akin na makahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa at pagpasok. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag may mga saloobin ang mga tao, may pagpipilian sila. Kung may mangyari sa kanila at magkamali sila ng desisyon, dapat silang magbago at magdesisyon nang tama; hinding-hindi nila dapat panindigan ang kanilang pagkakamali. Matalino ang ganitong mga tao. Pero kung alam nilang nagkamali sila ng desisyon at hindi sila nagbago, sila ay isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi talaga gusto ng gayong tao ang Diyos. Halimbawa, sabihin nang gusto mong maging pabaya at walang-ingat kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinusubukan mong magpakatamad, at sinusubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: ‘Bakit ba ako nananalig sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong kapabayaan, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananalig ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito kaibig-ibig sa Diyos. Hindi, maaaring magpakatamad ako at gawin ang gustuhin ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsiyensiya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabaya at pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano dapat ako kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabaya at pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang, pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganito, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.’ Kapag nagtatrabaho ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: ‘O Diyos! Tamad ako at mapanlinlang, nagsusumamo po ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, upang makaramdam ang konsiyensiya ko, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabaya at pabasta-basta. Nagsusumamo po ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.’ Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, dahil dito ay uusbong ang pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan sa iyong puso ay magsisimulang magbago, at magagawa mong pagmuni-munihan ito at sabihin sa iyong sarili, ‘Bakit ako pabaya at pabasta-basta? Bakit lagi kong sinusubukang magpakatamad? Ang kumilos nang ganito ay walang kakonse-konsiyensiya o katwiran—isa pa rin ba akong taong nananalig sa Diyos? Bakit hindi ko sineseryoso ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t kailangan ko lang maglaan nang kaunti pang panahon at pagsisikap? Hindi naman ito mabigat na pasanin. Ito ang nararapat kong gawin; kung hindi ko man lang ito magagawa, karapat-dapat ba akong tawaging isang tao?’ Bunga nito, magpapasya at mangangako ka: ‘O Diyos! Nabigo Kita, tunay ngang lubos akong nagawang tiwali, wala akong konsiyensiya o pag-unawa, wala akong pagkatao, gusto ko sanang magsisi. Nagsusumamo po ako na patawarin Mo ako, tiyak na magbabago po ako. Kung hindi ako magsisisi, parusahan Mo po ako.’ Pagkatapos nito, magbabago ang iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Kikilos at gaganap ka ng iyong mga tungkulin nang may katapatan, nang hindi na masyadong pabaya at pabasta-basta, at magagawa mo nang magdusa at magbayad ng halaga. Mararamdaman mong napakasarap gumanap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, at ang iyong puso ay magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pinakasimpleng bagay na dapat nating gawin bilang mga tao ay ang masigasig na gawin ang ating tungkulin. Gaano man iyon kahirap, simple man iyon o komplikado, dapat nating tuparin ang ating mga responsibilidad at gawin ito nang seryoso at buong-puso. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya. Iyon ang tamang pag-uugali sa tungkulin. Ang mga salita ng Diyos ay nagtuturo ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag gusto nating magsimulang magtaksil at maglihim, kailangan nating tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, magdasal, at talikdan ang laman. Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, nararamdaman ko ang Kanyang pag-unawa at awa sa mga tao. Napakalinaw Niya tungkol sa mga landas na ito ng pagsasagawa at pagpasok upang maisabuhay natin ang isang wangis ng tao. Matapos maunawaan ang kalooban at hinihingi ng Diyos, nagdasal ako at sadyang tinalikdan ang laman.

Minsan, nang maharap na naman ako sa isang mahirap na problema, at sa oras na iyon, gusto kong gumawa nang kahit paano lang at gumawa nang wala sa loob, nagdasal ako: “Diyos ko, iniisip ko na namang maging tuso sa aking tungkulin, pero ayaw ko itong harapin nang ganoon. Pakiusap, patnubayan Mo ako na talikdan ang laman, isagawa ang katotohanan, at gawin nang mabuti ang aking tungkulin.” Pagkatapos kong magdasal, naisip ko na kahit na maaaring hindi ako makita ng ibang tao na nagiging mapanlinlang at tuso, makikita ako ng Diyos. Makikita Niya kung isinasagawa ko ang katotohanan o sumusunod sa tawag ng laman. Sa ideyang ito, pinayapa ko ang puso ko para pagnilayan kung paano ko dapat lutasin ang problema, at naging mas malinaw sa akin ang ilang prinsipyo nang hindi ko namamalayan. Talagang mabilis na nalutas ang problema. Matapos magsagawa nang ganoon nang ilang beses, talagang kumalma ang puso ko at nadama ko na magandang paraan iyon para gawin ang tungkulin ko. Isa pa, ang mga sandali ng pangamba na malilipat ako ng tungkulin na dati kong naramdaman ay naglaho.

Ang magawang magbago nang kaunti ay pagliligtas sa akin ng Diyos, at unti-unti akong natauhan sa pamamagitan ng paghatol, paghahayag, at pagtustos ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagliligtas ng Diyos

Ni Yichen, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay...

Pag-Iwan sa Pag-aaral Ko

Ni Lin Ran, Tsina Simula noong bata ako, sinabi sa akin ng mga magulang ko na dahil wala silang anak na lalaki, kami lang dalawa ng kapatid...