Ang Tinatawag na Pagkakilala sa Sarili
Pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, lagi akong nakikipagtipon sa mga kapatid na matagal nang nananampalataya sa Diyos. Nang makita ko na kapag nagbabahaginan sa mga salita ng Diyos ay kayang magsalita ng lahat tungkol sa katiwalian na kanilang ipinapakita, at kaya nilang suriin at pagnilayan ang kanilang sarili at himayin ang kanilang katiwalian ayon sa mga salita ng Diyos, talagang nainggit ako at nagsimulang gayahin sila. Unti-unti, nagawa ko ring suriin ang aking sarili kumpara sa mga salita ng Diyos at kilalanin ang aking katiwalian sa mga pagtitipon. Inakala kong pagkakilala na ito sa sarili. Nakita ng ilang kapatid na dalawa o tatlong taon pa lang akong nananampalataya sa Diyos, pero kapag nagsasalita ako tungkol sa pagkilala sa sarili, nagsasalita ako sa paraang medyo organisado at malalim, at tinitingnan nila ako nang may paghanga. Nakaramdam ako ng labis na pagmamalaki, iniisip na may mahusay akong kakayahan at na alam ko kung paano kilalanin ang aking sarili at na kung magpapatuloy akong maghangad nang ganito, hindi ako malalayo sa pagbabago ng disposisyon at sa kaligtasan. Pagkatapos noon, tinutukan kong pagsikapan ang pagbabahagi ng aking pagkakilala sa sarili, madalas na binabanggit ang mahihigpit na salita ng Diyos na naglantad sa mga tao para suriin ang aking sarili para maipakita sa iba na malalim at tumatagos ang aking pagkaunawa, at na mas maganda ang buhay pagpasok ko kaysa sa iba. Hindi ko kailanman pinagnilayan kung tama ba ang paraang ito ng pag-unawa, at sa dakong huli na lang, pagkatapos akong pungusan nang ilang beses, na napagtanto ko na peke ang lahat ng aking pagkakilala sa sarili.
Noong Nobyembre 2020, sinusuri namin ng dalawa pang kapatid ang mga video na ginawa ng ilang kapatid. Noong panahong iyon, maraming video ang isinumite at maraming isyu ang napuna ng mga kapatid, at may ilan sa mga iyon na hindi ko alam kung paano lutasin. Sa puntong iyon, lumitaw ang aking pabasta-bastang saloobin. Naisip ko, “Responsabilidad ko ang ilang grupo, kaya medyo abala ako at mayroon pa akong ilang video na kailangang suriin. Kung maingat kong pag-iisipan at susuriin ang bawat video ayon sa mga prinsipyo, at susubukang masigasig na lutasin ang bawat isyung napuna ng mga kapatid, kakailanganin ko ng matinding pagsisikap. Gaano karaming libreng oras ang maiiwan nito sa akin? Isasantabi ko na lang muna ang ilan sa mga isyu na hindi ko maarok. Gayundin, medyo mas mabagal ang dalawang kapatid na katuwang ko sa pagsusuri ng mga video, kaya kung mabilis kong susuriin ang mga video, hindi ba’t madedehado lang ako? Sasabayan ko na lang ang bilis ng iba. Bukod dito, walang sinuman ang nakakagawa ng kanyang tungkulin nang perpekto. Marami ring katotohanan ang hindi ko lubusang nauunawaan. Imposibleng ganap na lutasin ang bawat isyu, kaya ayos na kahit hindi ganap na malutas.” Dahil dito, hindi ako nagsumikap na lutasin ang ilang isyu sa mga video o ang mga pagkalito ng mga kapatid. Kalaunan, natapos kong suriin ang lahat ng video na mayroon ako, at dahil mas marami akong sinuring video kaysa sa mga katuwang kong kapatid, medyo nasiyahan ako sa sarili ko at inisip kong medyo masipag at responsable ako sa aking tungkulin. Pero pagkaraan ng ilang panahon, nirepaso ng superbisor ang mga video na aming isinumite, nakahanap siya ng maraming isyung may kinalaman sa prinsipyo, at sumulat siya sa amin ng isang seryosong liham para pungusan kami, “Napakatagal na ninyong ginagawa ang tungkulin na ito, pero paulit-ulit itong mga pangunahing isyu ng prinsipyo. Hindi talaga dapat ito nangyayari! Hindi sa hindi ninyo maarok ang mga prinsipyo—mas maituturing ito na isang malalang kaso ng basta-bastang pag-uugali. Kailangan ninyong pagnilayan nang mabuti ang inyong saloobin sa inyong tungkulin!” Nang marinig ko ang masakit na pagpupungos ng superbisor, nakaramdam ako ng pagkaagrabyado at paglaban. Naisip ko, “Labis akong nagsisikap sa aking tungkulin kamakailan. Bakit hindi ka nagbabanggit ng anumang positibo tungkol sa amin at tumututok ka lang sa paglalantad ng aming mga problema? Bukod dito, walang sinuman ang nakakagawa ng kanyang tungkulin nang perpekto, at laging may mga kakulangan. Mayroon kaming mababaw na pang-unawa sa katotohanan at hindi namin maarok ang ilang isyu, kaya normal lang na may mga isyu sa ilang video na aming isinumite—bakit hindi mo maunawaan iyon?” Sa puso ko, patuloy akong nakikipagtalo. Habang nakikipag-usap sa mga katuwang kong kapatid, naipahayag ko ang aking mga pananaw, sinasadya man o hindi, sinabi ko, “Masyadong maraming hinihingi ang superbisor. Wala namang perpekto. Ilang beses mo man suriin ang isang video, magkakaroon pa rin ng mga isyu….” Kalaunan, nang makita ko ang dalawang kapatid na nagsusulat tungkol sa kanilang pagninilay at kaalaman, napagtanto ko na naging ganap akong mapanlaban at ginusto kong makipagtalo noong pinungusan ako, at na hinding-hindi ito pagkakilala sa sarili! Nanggaling sa Diyos ang pagpupungos na ito, at kailangan ko itong tanggapin, kailangan kong magnilay, at kilalanin ang aking sarili. Kaya, naghanap ako ng mga nauugnay na salita ng Diyos para tugunan ang aking pabasta-bastang kalagayan sa aking tungkulin, at pinag-isipan ko nang mabuti kung paano ako makakapagsulat nang mas malalim tungkol sa aking pagninilay sa sarili. Sinipi ko ang mas mahihigpit na salita ng Diyos na naglalantad sa pagiging pabasta-basta ng mga tao, na nagsasabi ng mga bagay tulad ng ang walang-ingat na pagtrato sa aking tungkulin ay isang malubhang pagkakanulo sa Diyos, na nangangahulugan ng mababang uri ng pagkatao ang pagiging pabasta-basta sa aking tungkulin, at na ginawa akong bulok na mansanas ng pagkakalat ng mga panlilinlang para manglihis ng mga tao. Pagkatapos magsulat, inihambing ko ang aking mga pagninilay sa mga pagninilay ng dalawang kapatid at naramdaman kong mas malalim ang aking mga pagninilay. Medyo nasiyahan ako sa aking sarili, iniisip na kaya kong pagnilayan at kilalanin ang aking sarili kapag pinungusan, na kaya kong malalim na himayin ang aking sarili ayon sa mga salita ng Diyos, at naniwala akong may natutunan akong aral. Medyo nagmalaki rin ako, iniisip na pagkatapos basahin ang aking mga pagninilay, siguradong mararamdaman ng superbisor na bilang lider ng pangkat, mas malalim ang pang-unawa ko kaysa sa mga katuwang kong kapatid, at mas maganda ang aking buhay pagpasok kaysa sa kanila. Dagdag pa, nagsulat ako nang napakanegatibo tungkol sa aking sarili, kaya wala nang masyadong masasabi ang superbisor sa pagkakataong ito. Pero laking gulat ko, pagkaraan ng ilang araw, nakatanggap ako ng isa pang liham mula sa superbisor. Lalong mas masakit ang liham na ito kaysa sa nauna, direktang inihahayag na mababaw ang aking pagninilay at pagkakilala sa sarili, na hindi ko talaga kilala ang aking sarili, at na inilihis ng aking mga nakalilinlang na pananaw ang mga kapatid at idinulot sa lahat na mapabayaan ang pagkakilala sa kanilang sarili. Sinabi rin nito na malubha ang mga kinahinatnan nito, at na kinailangan kong magnilay pa. Nahirapan akong tanggapin ang masasakit na salitang ito ng paglalantad, inisip kong, “Paanong hindi ko pa talaga kilala ang aking sarili? Humuhugot ako sa mga salita ng Diyos para pagnilayan at himayin ang aking katiwalian, at mas malalim ang aking pang-unawa kaysa sa pang-unawa ng mga katuwang kong kapatid. Hindi ba’t tunay na pagkakilala sa sarili ito? Kung hindi kilala ng mga kapatid ang sarili nila, paanong nalihis ko sila? Kaswal lang naman akong nagsasalita—paano ko sila nililihis?” Sa loob ng ilang araw, nakaramdam ako ng paglaban at labis na pagkaagrabyado, naniniwalang pinupuntirya ako ng superbisor at sinusubukan niya akong pahirapan. Lubusan akong tumutok sa kanya at hindi ko maayos na pinagnilayan o kinilala ang aking sarili. Lalong nagdilim at nanlumo ang puso ko, hindi ko mapakalma ang puso ko sa tungkulin ko, at hindi mahanap ng mga dasal ko ang Diyos. Napagtanto ko na may mali sa kalagayan ko. Sa puntong ito, naalala ko ang liham na isinulat ko para sa superbisor. Maayos ang pagkakasulat ko sa liham na ito, at inamin kong nagkalat ako ng pagkanegatibo at inakay ko ang mga katuwang kong kapatid na kumampi sa akin at hindi masiyahan sa superbisor, at inamin ko rin na ginawa akong bulok na mansanas ng pagkakalat ng mga panlilinlang at ng panlilihis ng mga tao, pero bakit, noong inilantad at pinungusan ako ng superbisor nang ganito, hindi ko ito kayang tanggapin at nakaramdam ako ng labis na paglaban? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay huwad ang dati kong pagkaunawa? Hindi ito tunay na pagkakilala sa sarili! Napagtanto ko rin na pinilit ko lang ang aking sarili na magsulat ng ilang salita para suriin at kilalanin ang aking sarili para makapagbigay ako ng magandang impresyon sa superbisor. Hindi ba’t huwad at mapanlinlang ang ganitong uri ng pagkakilala sa sarili? Sa puntong ito, unti-unti kong napagtanto na hindi ko talaga tinanggap na mapungusan ako, na wala talaga akong anumang tunay na pagkakilala sa sarili, at na ang kadiliman at panlulumo na naramdaman ko sa aking puso ay dahil nasusuklam ang Diyos sa ginawa ko at itinatago Niya mula sa akin ang Kanyang mukha. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, humihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para makita ko nang malinaw ang mga problemang nakapaloob sa aking sarili.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag pinagbabahaginan ng ilang tao ang pagkakilala nila sa kanilang sarili, ang unang lumalabas sa kanilang mga bibig ay, ‘Isa akong diyablo, isang buhay na Satanas, isang taong lumalaban sa Diyos. Naghihimagsik ako laban sa Kanya at pinagtataksilan Siya; isa akong ulupong, isang masamang tao na dapat sumpain.’ Tunay ba itong pagkakilala sa sarili? Pangkalahatang ideya lang ang sinasabi nila. Bakit hindi sila nagbibigay ng mga halimbawa? Bakit hindi nila inilalantad ang mga nakakahiyang bagay na ginawa nila para himayin ang mga ito? Naririnig sila ng ilang taong hindi marunong kumilatis at iniisip, ‘Aba, tunay na pagkakilala iyon sa sarili! Ang makilala ang kanilang sarili bilang isang diyablo, si Satanas, at sumpain pa ang kanilang sarili—napakataas naman ng naabot nila!’ Madaling malihis ng ganitong pananalita ang maraming tao, lalo na ang mga bagong mananampalataya. Akala nila dalisay at may espirituwal na pang-unawa ang taong nagsasalita, na isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, at kwalipikadong maging lider. Subalit, sa sandaling makasalamuha na nila siya nang ilang panahon, nalalaman nilang hindi pala ganoon, na hindi pala gaya ng inisip nila ang taong iyon, kundi ubod ng huwad at mapanlinlang, mahusay sa pagkukunwari at pagpapanggap, na talaga namang nakakadismaya. … Halimbawa, maaaring alam ng isang tao na siya ay mapanlinlang, na marami siyang mga walang kapararakang pakana at balak, at maaari din niyang mahalata kapag naghahayag ng panlilinlang ang iba. Kaya dapat mong suriin kung tunay niyang pinagsisisihan at iwinawaksi ang kanyang panlilinlang matapos niyang aminin na siya ay mapanlinlang. At kung muli siyang maghayag ng panlilinlang, suriin kung makararamdam ba siya ng pagsisisi at kahihiyan sa paggawa nito, kung taimtim ba siyang nagsisisi. Kung wala siyang kahihiyan, lalo nang walang pagsisisi, ang kanyang kamalayan sa sarili ay pahapyaw at basta-basta lang. Iniraraos lang niya ang mga bagay-bagay; wala siyang tunay na kamalayan. Hindi niya nararamdaman na ang panlilinlang ay napakasamang bagay o na ito ay malademonyo, at tiyak na hindi niya nararamdaman kung gaano kawalanghiya at kahindik-hindik na pag-uugali ang panlilinlang. Iniisip niya, ‘Mapanlinlang ang lahat ng tao. Tanging ang mga hangal ang hindi mapanlinlang. Hindi ka magiging masamang tao sa kaunting panlilinlang. Wala akong ginawang masama; hindi ako ang pinakamapanlinlang na tao.’ Kaya bang tunay na makilala ng gayong tao ang sarili niya? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala siyang kamalayan sa mapanlinlang niyang disposisyon, hindi niya kinamumuhian ang panlilinlang, at lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagkakilala sa sarili ay mapagkunwari at hungkag. Ang hindi pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon ay hindi tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi tunay na nakikilala ng mga mapanlinlang na tao ang mga sarili nila, dahil para sa kanila, hindi madaling tanggapin ang katotohanan. Kaya, gaano man karaming mga salita at doktrina ang nasasabi nila, hindi talaga sila magbabago” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan). “Paano matutukoy ng isang tao kung mahal ng isang tao ang katotohanan? Sa isang banda, dapat tingnan kung kayang kilalanin ng taong ito ang kanyang sarili batay sa salita ng Diyos, kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili at makadama ng tunay na pagsisisi; sa kabilang banda, dapat tingnan kung natatanggap at naisasagawa nito ang katotohanan. Kung natatanggap at naisasagawa nito ang katotohanan, isang tao ito na nagmamahal sa katotohanan at na nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos. Kung kinikilala lang niya ang katotohanan, ngunit hindi niya ito tinatanggap o isinasagawa kailanman, tulad ng sinasabi ng ilang tao, ‘Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko ito kayang isagawa,’ nagpapatunay ito na hindi siya isang taong nagmamahal sa katotohanan. Inaamin ng ilang tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan at na mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at sinasabi rin nila na handa silang magsisi at panibaguhin ang kanilang sarili, pero pagkatapos niyon, wala namang anumang pagbabago. Pareho pa rin ng dati ang mga salita at kilos nila. Kapag tinatalakay nila ang pagkilala sa kanilang sarili, para silang nagbibiro o bumubulalas ng isang salawikain. Hindi nila talaga pinagninilayan o kinikilala ang sarili nila sa kaibuturan ng puso nila; ang pangunahing isyu ay wala silang saloobin ng pagsisisi. Lalong hindi sila bukás na nagtatapat tungkol sa katiwalian nila para tunay nilang mapagnilayan ang sarili nila. Sa halip, nagkukunwari sila na kilala nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nagpapakita na may pagkakakilanlan nga sila. Hindi sila mga taong tunay na kilala ang kanilang sarili o tumatanggap sa katotohanan. Kapag nagsalita ang gayong mga tao tungkol sa pagkakilala sa kanilang sarili, nakikiayon lang sila; nagbabalatkayo sila at nanloloko, at huwad ang kanilang espirituwalidad. Ang ilang tao ay mapanlinlang, at kapag nakikita nila na ibinabahagi ng iba ang pagkaalam ng mga ito sa kanilang sarili, iniisip nila, ‘Lahat ng iba pa ay nagtatapat at hinihimay ang sarili nilang panlilinlang. Kung wala akong sasabihin, iisipin ng iba na hindi ko kilala ang sarili ko. Kung gayon, kailangan kong makiayon!’ Pagkatapos niyon, inilalarawan nila na napakalubha ng sarili nilang panlilinlang, ipinapaliwanag iyon nang madamdamin, at ang kanilang pagkakilala sa sarili ay tila napakalalim. Pakiramdam ng lahat ng nakaririnig ay talagang kilala nila ang kanilang sarili, at kaya naman naiinggit ang mga ito sa kanila, at dahil dito pakiramdam ng mga ito ay para bang maluwalhati sila, na para bang pinalamutian nila ng sinag ang sarili nilang ulo. Ang ganitong pagkakilala sa sarili na nakamtan sa pamamagitan ng wala sa loob na pagsasabi nang gayon, na may kasamang pagkukunwari at panlilinlang, ay lubos na naililihis ang iba” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan). Sa pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, at pagsusuri sa aking sarili kumpara dito, napagtanto ko na ang aking pagkakilala sa sarili ay walang iba kundi pagpapaimbabaw at panlilinlang. Pakitang-tao lang ang aking pagkakilala sa sarili para malugod ang superbisor ko. Naisip kong binanggit niya ang mga isyu namin, sinabing iresponsable at pabasta-basta kami sa mga tungkulin namin, at sa pagninilay ng mga katuwang kong kapatid sa sarili nila, kung hindi ko kilala ang aking sarili, magmumukhang hindi ko tinatanggap na mapungusan ako. Kung ang pagninilay ko bilang lider ng pangkat ay mas mababaw kaysa sa iba, hindi ba’t magmumukhang mababang uri ang buhay pagpasok ko? Dahil sa layuning ito, napilitan akong magsulat ng ilang salita ng pagninilay at pagkilala sa sarili, pero hindi ito tunay na pagkilala mula sa puso, ni totoong pag-unawa mula sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Wala akong naramdamang pasakit o pagkakautang. Ito ay para lang makita ng iba, na parang bumibigkas lang ako ng mga islogan at paghahambog. Pasalita kong kinilala ang aking pabasta-bastang saloobin, pero sa puso ko, hindi ko talaga ito pinaniwalaan. Inisip ko pa nga, “Hindi malaking isyu kung may ilang problema o paglihis sa tungkulin ko. Sino ba ang kayang gumampan ng tungkulin nila nang walang anumang mga isyu? Sinasamantala lang ng superbisor ang isang maliit na problema sa tungkulin ko para pungusan at pangaralan ako. Masyado siyang maraming hinihingi!” Nagkakalat din ako ng pagkadismaya sa superbisor kapag nakatalikod siya. Sa anong paraan ito totoong pagkakilala sa sarili? Ang mas malala pa, kahit na malinaw na hindi ko tinanggap sa loob-loob ko ang pagpupungos ng superbisor, kumilos ako na para bang tinanggap ko iyon, inilapat ko sa aking sarili ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa pagiging pabasta-basta ng mga tao. Nakita ko na ang aking mga panloob at panlabas na kalagayan ay magkasalungat, na lumilinlang sa iba at nagbibigay sa kanila ng isang huwad na impresyon. Talagang mapanlinlang ako! Ganap lang akong nakumbinsi sa pamamagitan ng paghahayag ng mga katunayan. Talagang wala akong pagkaunawa sa aking sarili. Ang aking pagkakilala sa sarili ay mga pormal at hungkag na salita lang, walang iba kundi pagkukunwari at panlilinlang. Kahit gaano pa kalalim o kasinsin ang pagninilay ko, ang lahat ng iyon ay huwad at peke lang. Nang mapagtanto ko ito, natauhan ako sa wakas. Sa lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos, palagi kong tinatalakay ang pagkakilala sa sarili at hinihimay ang aking sarili sa mga pagtitipon, pero sa kabila ng lahat ng pagkakilalang ito, wala pa ring gaanong pagbabago. Ang aking pagkakilala sa sarili ay para lang makuha ang paghanga at papuri ng iba, maipagmayabang ang aking tinatawag na mabuting buhay pagpasok, at palihim pa ngang maikumpara sa mga kapatid ko ang aking pagbabahagi at kaalaman kapag nakikipagtipon ako, para makita kung sino ang may mas malalim at mas masinsinang pang-unawa. Sa teorya lang ang aking pagkakilala sa sarili, at kahit na puno ako ng mga dakilang islogan at malupit kong inilalantad ang aking sarili, sinasabi pa nga minsan na ako ay isang diyablo, isang Satanas, at isang anticristo, hindi ito tunay na pagtanggap sa paghatol ng mga salita ng Diyos, at hindi ito galing sa puso. Sa halip, sinisipi ko lang ang mga salita ng Diyos para makabigkas ako ng mga dakilang doktrina na malalim pakinggan, pero ang totoo ay hungkag naman at walang gaanong totoong pagkaunawa sa tiwaling kalagayan ko. Nilinlang ng ganitong uri ng pagkakilala sa sarili ang iba at binulag ako nito. Palagi kong inakala na sa pag-amin ko ng katiwalian ko at pagsuri sa aking sarili kumpara sa kung ano ang inilalantad ng mga salita ng Diyos tungkol sa tiwaling diwa ng mga tao, ay talagang kinikilala ko ang aking sarili, at hinangaan ko pa nga ang sarili ko dahil dito. Pero ang totoo, hindi ko man lang matanggap ang kahit isang tamang opinyon, at kapag pinupungusan, nakikipagtalo ako at sinusubukan kong mangatwiran. Kung magpapatuloy ako nang ganito, kahit pa manampalataya ako sa Diyos sa buong buhay ko at araw-araw akong magsalita tungkol sa pagkakilala sa sarili, hindi ko pa rin makakamit ang tunay na pagsisisi o pagbabago, at sa huli, mananatiling hindi nagbabago ang satanikong disposisyon ko, at tiyak na aabandonahin at ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nakita ko kung gaano talaga ako kahangal at gaano ako nanganganib!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Labis na bihasa ang ilang anticristo sa pagpapanggap, pandaraya sa mga tao, at pagkukunwari. Kapag nakakatagpo nila ang mga tao na nakauunawa ng katotohanan, nagsisimula silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, at sinasabi ring isang diyablo sila at si Satanas, na masama ang kanilang pagkatao, at na nararapat silang isumpa. Ipagpalagay na itatanong mo sa kanila, ‘Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at Satanas, anong masasamang gawa ang ginawa mo?’ Sasabihin nilang: ‘Wala akong ginawa, ngunit isa akong diyablo. At hindi lang ako diyablo, ako rin si Satanas!’ Pagkatapos tatanungin mo sila, ‘Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at Satanas, aling masasamang gawa ng isang diyablo at Satanas ang ginawa mo, at paano mo nilabanan ang Diyos? Masasabi mo ba ang katotohanan tungkol sa masasamang bagay na ginawa mo?’ Sasabihin nilang: ‘Wala akong ginawang anumang masama!’ Pagkatapos ay higit mo pang ididiin at itatanong, ‘Kung wala kang ginawang anumang masama, bakit mo sinasabing isa kang diyablo at Satanas? Ano ang sinisikap mong makamit sa pagsasabi nito?’ Kapag naging seryoso ka sa kanila nang tulad nito, wala silang masasabi. Sa totoo lang, nakagawa sila ng maraming masasamang bagay, ngunit hindi nila lubos na ibabahagi sa iyo ang mga katotohanan tungkol dito. Magsasalita lang sila ng ilang kabulastugan at maglilitanya ng ilang doktrina para mangusap ng kanilang kaalaman sa sarili sa isang hungkag na paraan. Pagdating sa kung paano nila partikular na nahikayat ang mga tao, dinaya ang mga tao, ginamit ang mga tao base sa kanilang damdamin, nabigong seryosohin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lumaban sa mga pagsasaayos ng gawain, dinaya ang Itaas, inilihim ang mga bagay-bagay sa mga kapatid, at kung gaano nila napinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi sila magsasabi ng kahit isang salita tungkol sa mga katotohanang ito. Isa ba itong tunay na kaalaman sa sarili? (Hindi.) Sa pagsasabing sila ay isang diyablo at Satanas, hindi ba sila nagkukunwaring sila ay may kaalaman sa sarili para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi ba ito isang kaparaanan na ginagamit nila? (Oo.) Hindi mauunawaan ng isang pangkaraniwang tao ang kaparaanang ito. … Paminsan-minsang inililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nito, at paminsan-minsan ay kaya nitong aminin ang mga pagkakamali nito sa pasikot-sikot na paraan kapag wala na itong ibang pagpipilian, ngunit pagkukunwari ang lahat ng ito, at ang layon nito ay makamit ang simpatya at pang-unawa ng mga tao. Sasabihin pa nga nito, ‘Walang sinumang perpekto. May mga tiwaling disposisyon ang lahat at nagkakamali ang lahat. Hangga’t kayang itama ng isang tao ang kanyang mga pagkakamali, mabuting tao siya.’ Kapag naririnig ito ng mga tao, pakiramdam nila ay tama ito, at patuloy na sumasamba at sumusunod kay Satanas. Ang kaparaanan ni Satanas ay ang maagap na pagkilala sa mga pagkakamali nito, at palihim na pinupuri ang sarili nito at itinataas ang posisyon nito sa puso ng mga tao, para tanggapin ng mga tao ang lahat tungkol dito—kahit ang mga kamalian nito—at pagkatapos ay patawarin ang mga kamaliang ito, unti-unting kalimutan ang mga ito, at sa kalaunan ay ganap na tanggapin si Satanas, nagiging tapat dito hanggang kamatayan, hinding-hindi iiwan o tatalikuran ito, at sinusundan ito hanggang sa dulo. Hindi ba’t ito ang kaparaanan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay? Ganito kumikilos si Satanas, at ginagamit din ng mga anticristo ang ganitong uri ng kaparaanan kapag kumikilos sila para tuparin ang kanilang mga ambisyon at layon na pasambahin at pasunurin sa kanila ang mga tao. Ang mga kahihinatnan nito ay magkapareho, at hindi masyadong naiiba sa kahihinatnan ng paglilihis at pagtitiwali ni Satanas sa mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Sa pagninilay sa aking sarili, ako ay mismong tulad ng inilantad ng Diyos. Noong pinungusan ako, malinaw na nakikipagtalo ako at tumatangging magpasakop ang kalooban ko, pero para sabihin ng iba na kaya kong tanggapin ang katotohanan, at para mapalitan ng magandang impresyon ang negatibong impresyon sa akin ng superbisor, hinimay at inalam ko ang mga problema ko nang walang pag-aalinlangan at gumamit ako ng ilang masasakit na salita para suriin ang aking sarili, sinasabi na ako ay “walang pagkatao,” “nanlilihis ng iba,” at “nanggugulo at nanggagambala ng gawain ng iglesia,” para isipin ng iba na malalim at masinsinan kong nauunawaan ang aking sarili. Ang totoo, umaatras ako nang isang hakbang para sumulong nang dalawang hakbang, ginagamit ang aking agarang pag-amin ng pagkakamali para patahimikin ang iba at para sang-ayunan at hangaan ako ng lahat, at sabihin ng lahat na kaya kong tanggapin ang katotohanan, na may buhay pagpasok ako, at na itinatama ko ang mga pagkakamali ko sa oras na malaman ko ang mga ito. Nagpanggap ako at gumamit ng hungkag na doktrina para pagandahin ang aking sarili, pero ang totoo, gusto ko lang magpakitang-gilas, dakilain ang aking sarili, at linlangin ang iba. Nakita ko na ang aking pagkakilala ay maraming itinatagong kahiya-hiyang motibo at pakana na naglalayong pagtakpan ang aking sarili, ilihis ang iba, at pahangain sila sa akin. Talagang nakakasuklam ako! Bukod pa rito, hindi ko naman talaga inisip na ganoon kalubha ang mga problema ko, pero inilarawan ko ang aking sarili bilang nakakapangilabot at kasuklam-suklam. Sa diwa, ang ginagawa ko ay huwad na pagpapatotoo para ilihis ang iba. Sa pamamagitan lang ng pagbubunyag na ito na nakita ko kung gaano talaga kamapanlinlang ang kalikasan ko na kaya kong pekein at gawing huwad ang aking pagkakilala sa sarili. Ang paglalantad at pagpupungos ng superbisor ay tama talaga!
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa maling landas na tinatahak ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa mga naghahangad ng buhay, si Pablo ay isang taong hindi alam ang sarili niyang diwa. Hindi siya mapagpakumbaba o mapagpasakop, sa anumang paraan, ni hindi niya alam ang kanyang kakanyahan, na salungat sa Diyos. Kaya nga, siya ay isang taong hindi pa sumailalim sa mga detalyadong karanasan, at isang taong hindi nagsagawa ng katotohanan. Iba si Pedro. Alam niya ang kanyang mga pagkakamali, kahinaan, at tiwaling disposisyon bilang isang nilikha, kaya nga nagkaroon siya ng isang landas ng pagsasagawa na naging daan upang magbago ang kanyang disposisyon; hindi siya isa sa mga mayroon lamang doktrina ngunit hindi nagtaglay ng realidad. Yaong mga nagbabago ay mga baguhan na naligtas na, sila yaong mga karapat-dapat sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Ang mga taong hindi nagbabago ay kabilang sa mga natural na laos na; sila yaong mga hindi naligtas, ibig sabihin, yaong mga itinaboy ng Diyos. Hindi sila maaalaala ng Diyos gaano man kadakila ang kanilang gawain. Kapag ikinumpara mo ito sa sarili mong pagsisikap, kapareho ka man ni Pedro o ni Pablo sa huli ay dapat maging malinaw. Kung wala pa ring katotohanan sa iyong hinahanap, at kung kahit ngayon ay mayabang ka pa rin at walang-pakundangan na kagaya ni Pablo, at magaling ka pa ring magsalita at mayabang na katulad niya, walang duda na isa kang masamang tao na nabibigo. Kung hinahangad mo ang hinangad ni Pedro, kung hinahangad mo ang mga pagsasagawa at tunay na mga pagbabago, at hindi ka mayabang o matigas ang ulo, kundi hinahangad mong gampanan ang iyong tungkulin, ikaw ay magiging isang nilikha na kayang magtagumpay. Hindi alam ni Pablo ang sarili niyang kakanyahan o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang paghihimagsik. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na paglaban kay Cristo, ni hindi siya masyadong nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang sumuko sa Diyos. Bagama’t nahulog siya sa daan patungong Damasco, hindi siya tumingin sa kanyang sariling kaibuturan. Kuntento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga problema ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Masaya na siya sa pagsasalita lamang ng katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsiyensya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang kanyang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang mithiing kanyang pinagsikapang matamo ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at panandaliang gawain, ang mithiing kanyang pinagsikapang matamo ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi siya naghangad na maunawaan nang mas malalim ang katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samatuwid ay masasabi na ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang sarili ay mali, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay mayroon siyang kaalaman tungkol sa kanyang sariling likas na pagkatao o kakanyahan; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasiyang gawin, ni hindi ito gawaing naganap matapos niyang matanggap ang pagtatabas ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi naging bayad para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang papel sa mga iglesia noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nagkamit ng kaligtasan, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinanggap ng Panginoong Jesus” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga landas na tinahak nina Pedro at Pablo. Ang tagumpay ni Pedro sa pananampalataya sa Diyos ay nasa kanyang masigasig na paghahangad sa katotohanan at pagtuon sa pagkilala sa sarili. Mahigpit niyang sinuri ang sarili niya kumpara sa mga salita ng Panginoong Jesus na naglantad sa sangkatauhan, pinagnilayan niya ang sarili niya ayon sa mga salita ng Diyos, at kalaunan ay nakamit niya ang tunay na pagkakilala sa sarili. Ang pagkabigo ni Pablo ay dahil sa kanyang kawalan ng kaalaman sa kanyang tiwaling diwa. Kontento na siya sa pasalitang pagkilala lang, tinatawag ang sarili niya na isang makasalanan at ang pinuno ng mga makasalanan. Pero hindi niya kailanman hinimay o inilantad kung paano niya pinaghimagsikan at nilabanan ang Panginoong Jesus, o kung anong kasamaan ang kanyang ginawa. Hungkag at huwad ang kanyang pagkakilala sa sarili. Bukod sa nabigo itong magdulot sa kanya ng pagbabago sa buhay disposisyon, lalo pa siyang naging mas mapagmataas dahil dito, at sa huli, tahasan siyang nagpatotoo sa sarili niya, sinasabi na nabubuhay siya bilang si Cristo. Sa pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na tinatahak ko ang landas na pareho ng kay Pablo. Sa lahat ng taon na ito ng pananampalataya sa Diyos, nagsalita ako tungkol sa pagkakilala sa sarili sa mga pagtitipon at sa harap ng mga kapatid, sinasabi na ako ay mapagmataas, makasarili, ubod ng sama, at walang pagkatao, sinasabi pa nga na isa akong diyablo at isang Satanas, na madaling dumadaloy mula sa bibig ko ang mga salita ng pagkakilala sa sarili, at kahit aling aspekto pa ng tiwaling disposisyon ko ang kinikilala ko, kaya kong magsalita tungkol dito sa loob ng sampu hanggang dalawampung minuto. Pero sa puso ko, hindi ako nakaramdam ng anumang pasakit o pagkabalisa. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko, “Sa lahat ng pagkakilalang ito sa sarili, sa lahat ng mga taong ito, talaga bang tinanggap ko ang paghatol ng alinman sa mga salita ng Diyos? Namuhi ba talaga ako sa sarili ko? Anong aspekto ng aking tiwaling disposisyon ang talagang nagbago?” Sa tuwing may mga pagtitipon o kapag inilalantad ako ng iba, nagtatalakay ako ng ilang kaalaman sa doktrina para lang iraos ang gawain, pero wala akong nararamdamang pagkakonsensiya o pagkakautang sa puso ko, at pagkatapos, hindi ko kailanman iniisip kung paano maghangad ng pagbabago. Habang lalo kong nakikilala ang aking sarili sa ganitong paraan, lalo akong nagiging pabaya at nawawala ang motibasyon ko na umusad sa mga tungkulin ko. Talagang hindi nagdulot ng anumang pagbabago sa akin ang aking pagkakilala sa sarili. Sa halip, nasiyahan na ako sa sarili ko at hinangaan ko ang sarili ko. Inisip ko na kinilala ko ang aking pagiging pabasta-basta, pagiging makasarili, at pagiging kasuklam-suklam, at na nakilala ko ang aking kawalan ng pagkatao. Inisip ko pa nga na mas malalim at mas masinsinan ang pang-unawa ko kaysa sa iba at na ang ibig sabihin nito ay nakapasok na ako sa katotohanan. Ang gayong mapagpaimbabaw na pagkakilala sa sarili ay hindi lang nakalinlang ng iba kundi nakalihis din sa akin, at sa huli, ako ang dumanas ng kawalan. Ang totoo, ilang kapatid ang kumilatis nitong aking tinatawag na pagkakilala sa sarili. Sinabi pa nga ng isang kapatid sa akin, “Mukhang dakila at hindi maaabot ng karamihan ng tao ang sinasabi mong pagkakilala sa sarili, at noong una, hinangaan ko ito, pero kalaunan, hindi kita nakitang nagtamo ng gaanong pagbabago o pagpasok!” Sa pagninilay, talagang kaawa-awa ito! Sa paglipas ng mga taon, habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, nagsaayos ang Diyos ng maraming kapaligiran para sa akin at naharap din ako sa maraming pagpupungos, pero pinalampas ko ang lahat ng oportunidad na ito at hindi ko maayos na pinagnilayan o kinilala ang aking sarili sa mga usaping ito. Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming salita, inilalantad ang lahat ng aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng tao sa pag-asang talagang matatanggap ng mga tao ang paghatol ng Kanyang mga salita, maiwawaksi nila ang mga tiwaling disposisyon nila, at makakamit nila ang kaligtasan. Pero ginamit ko lang ang mga literal na salita ng Diyos bilang isang kasangkapan sa pagpapakitang-gilas, sinasangkapan ang aking sarili ng napakaraming doktrina, pero hindi ko talaga binago ang tiwaling disposisyon ko. Kagaya lang ako ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Sa pag-iisip nito, nakaramdam ako ng krisis, at napagtanto ko na hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganito, kaya nagdasal ako sa Diyos, humihiling sa Kanya na gabayan ako para maitama ko ang mga maling hangarin ko at tunay kong makilala ang aking sarili.
Sa pagdarasal at paghahanap, nakakita ako ng landas ng pagsasagawa at pagpasok sa mga salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kung ang iyong kaalaman sa sarili ay mayroon lamang pahapyaw na pagkakilala sa mabababaw na bagay—kung sasabihin mo lang na mayabang at mapagmatuwid ka, na naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos—kung gayon, hindi ito tunay na kaalaman, kundi doktrina. Dapat mong isama ang mga katunayan dito: Dapat mong isiwalat ang alinmang mga usapin na may pinanghahawakan kang mga maling intensiyon at pananaw o mga baluktot na opinyon para sa pagbabahagi at pagsusuri. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi ka dapat magkaroon ng pagkaunawa sa iyong sarili batay lamang sa iyong mga kilos; dapat mong maarok kung ano ang susi at lutasin ang ugat ng problema. Sa sandaling lumipas ang isang panahon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at ibuod kung aling mga problema ang nalutas mo, at kung alin ang nananatili pa rin. Kaya, dapat mo ring hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problemang ito. Hindi ka dapat maging pasibo, hindi mo dapat palaging kailangan ang iba na hikayatin o himukin ka na gawin ang mga bagay-bagay, o kontrolin ka pa nga; dapat mayroon kang sariling landas para sa buhay pagpasok. Dapat madalas mong suriin ang iyong sarili para makita kung anong mga bagay na nasabi at nagawa mo ang salungat sa katotohanan, kung alin sa mga intensiyon mo ang mali, at anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo. Kung palagi kang nagsasagawa at pumapasok sa ganitong paraan—kung mataas ang hinihingi mo sa iyong sarili—kung gayon, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon ng buhay pagpasok. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, makikita mo na isa ka lang talagang hamak na tao. Una, mayroon kang malubhang tiwaling disposisyon; pangalawa, malaki ang kakulangan mo, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanan. Kung darating ang araw na tunay ka nang magtataglay ng gayong kaalaman sa sarili, hindi ka magiging mapagmataas, at sa maraming usapin, magtataglay ka ng katinuan, at makakaya mong magpasakop. Ano ang pangunahing isyu ngayon? Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri sa diwa ng mga kuru-kuro, naunawaan na ng mga tao ang dahilan kung bakit sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro; nagagawa nilang lutasin ang ilang kuru-kuro, pero hindi ito nangangahulugan na nakikita nila nang malinaw ang diwa ng bawat kuru-kuro, nangangahulugan lamang ito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili, pero hindi pa sapat na malalim o malinaw ang kanilang kaalaman. Sa madaling salita, hindi pa rin nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling kalikasang diwa, ni hindi nila nakikita kung anong mga tiwaling disposisyon ang nag-ugat sa puso nila. May limitasyon sa kung gaano kalaki ang makakamit na kaalaman ng isang tao sa kanyang sarili sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na, ‘Alam ko na masyadong mayabang ang disposisyon ko—hindi ba’t nangangahulugan ito na kilala ko ang sarili ko?’ Masyadong mababaw ang gayong kaalaman; hindi nito malulutas ang problema. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili, bakit hinahangad mo pa rin ang pansariling pagsulong, bakit ninanais mo pa rin na magkaroon ng katayuan at maging katangi-tangi? Ibig sabihin, hindi pa napupuksa ang mayabang mong kalikasan. Kaya, dapat magsimula ang pagbabago mula sa mga kaisipan at pananaw mo, at sa mga intensiyon sa likod ng iyong mga salita at kilos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan). Matapos magbasa ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting kalinawan tungkol sa landas patungo sa pagkakilala sa sarili. Pinagnilayan at nakilala ko ang aking sarili sa usaping ito, tinatanong ang aking sarili, “Bakit ba napakapabasta-basta ko sa tungkulin ko? Bakit ba ayaw kong tanggapin noong inilantad at pinungusan ako ng superbisor dahil sa aking pagiging iresponsable? Ano bang mga layunin at pananaw ang nagtutulak nito?” Sa pagninilay ko, napagtanto ko ito: Sa isang banda, masyado kong isinaalang-alang ang laman ko, at gusto ko lang magpakatamad sa tuwing kailangan kong magtiis ng pagdurusa ng laman. Dagdag pa, nagkaroon ako ng kasuklam-suklam na kaisipan na dahil pinaghahatian ng tatlong tao ang tungkulin, kung mas marami akong susuriin, kung mas magsusumikap ako, at mas magdurusa ako kaysa sa mga kapatid ko, isa akong hangal at madedehado ako. Tinrato ko ang tungkulin ko na para bang nagtatrabaho ako para sa isang amo, palaging nagkakalkula ng mga pakinabang at kawalan at nakakaramdam ng pagkadehado kung medyo mas marami akong ginagawa o medyo mas nagdurusa ako kaysa sa iba. Tila ba ginagampanan ko ang tungkulin ko, pero ang totoo, puno ako ng mga buktot na pakana at iniisip ko lang ang sarili kong kapakanan. Labis akong makasarili at kasuklam-suklam! Higit pa rito, nalaman ko na may isa pa akong maling pananaw, na naniwala akong walang sinuman ang perpekto, na walang sinuman ang kayang gampanan ang tungkulin niya nang perpekto, at na normal ang pagkakaroon ng ilang problema o paglihis, kaya noong pinungusan ako, hindi ko pinagnilayan o kinilala ang aking sarili, at sa halip ay inisip ko lang na masyadong maraming hinihingi ang superbisor. Noong talagang pinagnilayan at hinimay ko ang aking sarili, napagtanto ko na hindi naaayon ang pananaw na ito sa katotohanan. Kahit na hindi hinihingi ng Diyos sa atin na gampanan natin nang perpekto ang mga tungkulin natin, umaasa naman Siya na maibibigay natin sa mga tungkulin natin ang lahat ng ating makakaya. Ito ang prinsipyong dapat nating sundin sa mga tungkulin natin. Pero kumapit ako sa mga maling pananaw at ayaw kong magsumikap kahit na maiiwasan ang mga problema kung magbibigay lang ng kaunti pang atensyon. Hindi ko sinusubukan ang lahat ng makakaya ko, lalong hindi ko ito isinasapuso. Dahil dito, nagkaroon ng parami nang paraming isyu sa tungkulin ko, na direktang humadlang at nagdulot ng mga kawalan sa tungkulin ko. Nang mapagtanto ko ito, medyo naunawaan ko ang kalagayan ng kalooban ko.
Noong nagkakaroon na ako ng kaunting pagkaunawa, dumating ang superbisor para makipagtipon sa amin, tinatanong kung paano namin naunawaan ang aming pagkakapungos at pagkakabunyag kamakailan. Sinimulan kong ayusin sa isip ko ang sasabihin ko, napapaisip na, “Paano ba ako magsasalita para isipin ng superbisor na mayroon akong pagkakilala sa sarili? Paano ko mapagmumukha na mayroon akong malalim na pagkaunawa? Kung mukhang masyadong mababaw ang pang-unawa ko, mamaliitin ba ako ng superbisor at ng mga katuwang kong kapatid dahil sa pagkakaroon ko ng mababang-uri na buhay pagpasok?” Noong mag-isip ako nang ganito, agad kong napagtanto, “Hindi ba’t sinusubukan ko pa ring magbalatkayo gamit ang malalalim na doktrina para makamit ang paghanga ng iba?” Alam kong pagkakataon ito na inihanda sa akin ng Diyos para isagawa ko ang katotohanan at maging matapat akong tao, kaya nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, nagpapasya na anuman ang maging tingin sa akin ng mga kapatid, kailangan kong sabihin ang katotohanan mula sa puso ko at ibahagi ang lahat ng nauunawaan ko. Pagkatapos, ibinahagi ko ang aking pag-uugali na pagandahin ang aking sarili at ilihis ang iba, at ang mga layunin sa likod nito. Inamin ko rin na sa sandaling iyon, nakikilala ko lang na ang dati kong pagkaunawa ay huwad at peke, at batid ko ang layunin kong maging pabasta-basta, pero hindi ko pa ganap na napagtatanto ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging pabasta-basta ko. Pagkatapos kong ihayag ang aking mga tunay na kaisipan at pagkaunawa, nakaramdam ako ng ginhawa sa puso ko, dahil sa wakas ay naipakita ko na sa iba ang tunay kong sarili, at hindi ko na kailangang pigain ang utak ko para pagandahin ang aking sarili. Kalaunan, madalas akong kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ng paghatol at paglalantad tungkol sa kalagayan kong maging pabasta-basta sa tungkulin ko, at pinagninilayan at kinikilala ko ang aking kalagayan at pag-uugali. Kung hindi ko nauunawaan ang isang bagay, kumokonsulta ako sa mga kapatid ko. Sa pamamagitan ng patnubay at tulong ng lahat, nagkaroon ako ng kaunting totoong pagkaunawa sa aking sarili, at nabawasan ang pagiging pabasta-basta ko noong ginampanan ko ulit ang tungkulin ko. Kapag nakakatagpo ako ng mga problema at paghihirap sa tungkulin ko at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga ito, ipinagdarasal ko sa Diyos ang mga problemang ito at umaasa ako sa Kanya, naghahanap ng mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, o kaya ay nakikipagbahaginan ako sa mga katuwang kong kapatid, o kumokonsulta sa superbisor, nagsusumikap na ganap na maunawaan at linawin ang mga isyung ito. Kahit na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nangailangan ng mas maraming oras at pagsisikap at nagdulot sa akin na medyo magdusa pa kaysa sa nakasanayan, sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan, mas malinaw kong naunawaan ang ilang katotohanan, nalutas agad ang mga problema, at unti-unting bumuti ang pagiging epektibo ng gawain.
Sa karanasang ito, nakahanap ako ng ilang landas ng pagsasagawa na may kaugnayan sa pagkakilala sa sarili. Napagtanto ko rin na sa pamamagitan lang ng pag-arok sa aking mga kaisipan, layunin at pagpapakita ng katiwalian, at pagninilay at pag-unawa sa mga ito ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit ko ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, makikita ko ang kalikasan ng mga problema, makikilala ko ang aking tiwaling disposisyon at diwa, talagang kamumuhian ko ang aking sarili, at magiging handa akong magsisi at magbago. Ang pagbansag sa sarili, pagsunod sa mga regulasyon, at mapagpaimbabaw na pagkilala sa sarili, ay mga bagay na ginagawa para mapahanga ang iba at hindi nagdudulot ng tunay na pagsisisi. Ang pinakamalaki na nitong maidudulot ay ang pagsunod sa regulasyon at pagpipigil sa sarili, pero pagkalipas ng ilang panahon, mauulit lang ang mga lumang problema. Para itong mga relihiyosong tao na nagkakasala tapos umaamin. Kahit gaano karaming taon pa silang manampalataya sa Diyos, hindi nila makakamtan ang pagbabago sa disposisyon. Napagtanto ko kung gaano kahalaga na talagang makilala ang sarili, dahil may direkta itong kaugnayan sa kung tayo ba ay makakapagsisi, makakapagbago, at maliligtas. Sa pagbabalik-tanaw sa aking mga taon ng pananampalataya sa Diyos, tila kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos at ginagampanan ko ang mga tungkulin ko araw-araw, pero hindi ko talaga tinanggap ang paghatol o pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kung hindi dahil sa karanasang ito ng pagkakapungos, mamumuhay pa rin ako sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi ko makikilala ang aking sarili. Pinapasalamatan ko ang Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para maitama ang mga paglihis sa aking paghahangad.