Huwag Magpakana ng mga Alternatibong Plano sa Isang Tungkulin
Ni Jingmo, USA Gumawa ako ng gawain ng pagmamarka ng musika para sa mga video nang mahigit apat na taon sa iglesia. Dahil sa mga...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Ilang panahon na ang nakalipas, itinalaga ng superbisor ko si Sister Xiang Zhen na gumawa ng mga video kasama namin. Medyo palakaibigan si Xiang Zhen at napalapit ako sa kanya mula noong una kaming nagkita. Medyo mas matanda siya sa akin at mapagmalasakit, tulad ng isang nakatatandang kapatid. Kapag nagbubunyag ako ng katiwalian, tinutukoy rin niya ito para matulungan ako. Noong panahong iyon, may alitan kami ngkapareha kong si Sister Ding Yi. Pakiramdam ko ay medyo dominante si Ding Yi at masyado siyang prangka magsalita. Minsan nakakasakit sa pride ko ang mga salita niya. Sa pakikipagpareha sa kanya, pakiramdam ko ay hindi man lang ako nakikita, at parang hindi ako pinahahalagahan. Mas higit akong natutuwa kapag si Xiang Zhen ang kapareha ko. Hindi siya masakit magsalita at kahit na tukuyin niya ang mga problema ko, sinasabi niya ito sa paraang kaya kong tanggapin. At saka, kapag nagkaka-isyu si Xiang Zhen, kaagad siyang lumalapit sa akin, at handang ibahagi sa akin ang anumang kalagayan niya. Ipinaramdam nito sa akin na pinahahalagahan at napapansin ako. Isang beses, napansin ni Xiang Zhen na nagkamali ng pagkaunawa si Ding Yi sa akin at tumulong siya na linawin ang mga bagay-bagay. Pagkatapos niyon, lalo kong naramdaman na maunawain at makatwiran siya. Handa akong magbahagi nang mas marami sa kanya at naging mas malapit kami. Pero matapos gawin ang tungkulin niya rito nang mahigit isang buwan, hindi pa rin gaanong bumuti ang gawain ni Xiang Zhen. Pinayuhan siya ng mga lider namin na mas magsikap pa sa kanyang trabaho at ipinasuri sa amin ni Ding Yi ang video na ginagawa niya at ipinasumite lamang ito pagkatapos ma-edit. Inabot kami ng isang buong araw para i-edit ang kanyang video. Dahil napakarami naming ginawang pagbabago sa video, napaisip ko: “Kung makikita ng mga lider kung gaano karaming problema ang mayroon, iisipin ba nilang hindi karapat-dapat si Xiang Zhen na linangin at ililipat nila siya? Mula nang dumating si Xiang Zhen, tuwang-tuwa siya na tulungan ako, ito man ay tungkol sa pagpasok sa buhay o sa buhay sa pangkalahatan. Nasisiyahan talaga ako kapag kasama siya. Kung aalis siya, mawawalan ako ng isang taong mapagkakatiwalaan ko. Isa pa, hindi ba sasama ang loob niya kung malilipat siya pagkatapos niyang gawin ang tungkulin niya rito nang wala pang dalawang buwan? Mas mabuting huwag kong ipasa ang gawa niya sa mga lider.” Kalaunan, nalaman ito ni Ding Yi at pinaalalahanan ako, sinasabing: “Dapat nating ipasa ang ginawang video ni Xiang Zhen sa mga lider. Nang sa gayon ay magkaroon sila ng malinaw na pagkaunawa kung kumusta siya sa trabaho.” Medyo nakonsensya ako nang sabihin niya iyon, iniisip na: “Kung ibang tao lang siguro ito, ipinadala ko na sana ang hindi na-edit na video sa mga lider nang walang pag-aalinlangan. Pero iba ang pagtrato ko kay Xiang Zhen. Hindi ba’t pinoprotektahan ko siya at pinapaboran? Hindi iyon naaayon sa kalooban ng Diyos.” Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Hinihiling ng Diyos na magtakda tayo ng tamang mga layunin sa ating mga salita at kilos, at huwag kupkupin at protektahan ang iba batay sa emosyon. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng sinumang mananampalataya. Kung hindi ako matapat sa mga lider ko, bagkus ay magsimulang kupkupin at protektahan ang mga tao sa iglesia, isa itong napakaseryosong problema. Nang mapagtanto ko ito, medyo natakot ako. Hindi ako pwedeng kumilos batay sa emosyon, at hindi ko dapat kupkupin at protektahan ang mga nakakasundo ko. Kailangan kong gawin ang nararapat gawin. Kaya, ipinasa ko ang ginawang video ni Xiang Zhen sa mga lider. Pero pagkatapos, hindi ko pinagnilayan at kinilala ang sarili ko, at dahil hindi ko nakilala ang ugat ng aking mga isyu, nakagawa na naman ako ng parehong mga pagkakamali.
Hindi nagtagal, pinasulat kami ng mga lider namin ng pagsusuri sa pagganap ni Xiang Zhen. Gusto nilang malaman kung angkop siya sa paggawa ng video at kung isa siyang mahusay na kandidato para sa paglilinang. Medyo nagtalo ang kalooban ko: Talagang hindi gaanong nakagawa ng pag-usad si Xiang Zhen, pero kung gagawa ako ng matapat na pagsusuri, maaari siyang mailipat. Talagang sasama ang loob niya sa gayon. Kung hindi ko siya tutulungan sa kritikal na sandaling ito, hindi na kami magiging magkapareha. Habang iniisip ko ito, sinabi sa akin ni Ding Yi: “Wala talagang mahusay na kakayahan si Xiang Zhen at hindi pasok sa pamantayan ang mga video niya. Kung may mas mahusay siyang kakahayan, nakagawa sana siya ng kaunting pag-usad nitong nakalipas na isa o dalawang buwan….” Habang mas marami akong naririnig, mas lalo akong nagagalit: “Bakit ba paulit-ulit mong pinupuna ang mga kakulangan ni Xiang Zhen? Dahil ba sa tingin mo ay magiging sobrang matrabaho na sanayin siya kaya mas gugustuhin mong mailipat siya?” Kaya’t nayayamot akong sumagot: “Walang mali sa sinabi mo, pero wala kang binanggit na anuman sa mga kalakasan niya. Dapat natin siyang suriin nang obhektibo at patas. Hindi natin pwedeng banggitin lang ang mga kahinaan niya. Maaaring walang mahusay na kakayahan si Xiang Zhen, pero hindi naman siya ganap na walang nagawang pag-usad tulad ng sinasabi mo. Kung tutukuyin mo ang ilang maliliit na isyu sa kanya, maaari pa rin niyang mapabuti ang mga ito.” Nang makitang medyo tutol ako, hindi na nagsalita pa si Ding Yi. Medyo nakakaasiwa na ang sitwasyon. Nang mapagtanto ko na nagpakita ako ng init ng ulo, medyo nakonsensya ako: “Ano ba ang problema sa akin? Bakit ako naging sobrang tutol sa sandaling nabanggit ni Ding Yi ang mga isyu ni Xiang Zhen? Totoo ang mga isyung binanggit ni Ding Yi—hindi niya binabaluktot ang mga katunayan. Kaya bakit ako nagagalit? Kumikilos ba ako batay sa emosyon?” Kaya, kinalma ko ang sarili ko at hinayaang patuloy na magsalita si Ding Yi. Pagkatapos ng kaunting talakayan, napagpasyahan namin na hindi pa rin pamilyar si Xiang Zhen sa ilang prinsipyo at inirekomenda naming hayaan muna siyang patuloy na magsanay nang ilang panahon. Kahit tapos na kaming pag-usapan si Xiang Zhen, nababagabag pa rin ako sa sandaling iyon na nagpakita ako ng init ng ulo kay Ding Yi. Naisip ko: “Nagalit ako sa sandaling may sinabi siyang masama tungkol kay Xiang Zhen. Kinukupkop at pinoprotektahan ko ba si Xiang Zhen? Noong huling beses, hinayaan kong diktahan ng mga emosyon ko ang mga kilos ko, ayaw ibigay ang video niya sa mga lider. Ngayon, kumikilos na naman ako nang ganoon. Kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang isyung ito.”
Sa aking paghahanap, nakita ko ang mga siping ito. “Ano ang mga emosyon, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga emosyon ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, sobrang pagprotekta, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, pagkiling; ito ang mga emosyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Realidad ng Katotohanan?). “Sentimental ka ba sa mga taong malalapit sa iyo, o kapareho mo ng mga interes? Wala kayang kikilingan at walang papanigan ang iyong ebalwasyon, pakahulugan, at tugon sa kanilang mga kilos at pag-uugali? At ano kaya ang magiging reaksyon mo kung idinikta ng prinsipyo na kailangang gumawa ng kaukulang hakbang ang iglesia laban sa isang taong may emosyonal kang koneksyon, at salungat ang mga hakbang na ito sa sarili mong mga kuru-kuro? Susunod ka kaya? Patuloy ka bang palihim na makikipag-ugnayan sa kanila, magpapalinlang ka pa rin ba sa kanila, masusulsulan ka pa rin ba nilang magdahilan para sa kanila, na mangatwiran at ipagtanggol sila? Ilalagay mo kaya ang iyong sarili sa alanganin upang tulungan ang mga naging mabait sa iyo, nang hindi alintana ang mga prinsipyo ng katotohanan at walang pakialam sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? May kinalaman sa lahat ng ito ang iba’t ibang isyung may kaugnayan sa mga emosyon, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2). “Kung walang pagpipitagan ang mga tao sa Diyos, at kung walang puwang ang Diyos sa kanilang puso, hindi sila kailanman makakakilos ayon sa prinsipyo anumang tungkulin ang ginagampanan nila o mga problema ang kinakaharap nila. Walang kakayahan ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang mga intensyon at makasariling hangarin na pumasok sa realidad ng katotohanan. Dahil dito, tuwing dumaranas sila ng problema, hindi nila sinusuri ang mga intensyon nila at hindi nila matukoy kung saan nagkakamali ang mga intensyon nila. Sa halip, ginagamit nila ang lahat ng uri ng pagdadahilan upang bumuo ng mga kasinungalingan at mga palusot para sa sarili nila. Medyo magaling sila sa pagprotekta sa mga sarili nilang interes, reputasyon, at personal na relasyon sa iba, ngunit ang totoo, hindi pa sila nakapagtatag ng anumang relasyon sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paboritismo at pagpapanatili ng mga relasyon ay lahat dahil sa pagkagiliw, at ito ay mga tiwaling disposisyon. Para naman sa sarili kong pag-uugali, pinaboran ko si Xiang Zhen dahil inalagaan niya ako at nagmalasakit siya sa akin, at sa tuwing may katanungan siya, lumalapit muna siya sa akin, na nagparamdam sa akin na mahalaga ako. Kaya nang mapansin kong maraming problema sa video niya, ayaw kong ipaalam ito sa mga lider namin. At saka, nang bigyang-diin ni Ding Yi ang mga kakulangan ni Xiang Zhen, hindi ko ito matanggap at galit pa ngang ipinagtanggol si Xiang Zhen at sinubukang pagtakpan ang mga kakulangan niya. Hindi ba’t hinahayaan kong diktahan ng mga emosyon ko ang mga kilos ko? Alam kong hindi pa nakausad si Xiang Zhen, pero hindi ko hinayaang sabihin ni Ding Yi ang totoo, at sinubukang makipagtalo sa kanya, sinasabing hindi naman ganap na walang pag-usad si Xiang Zhen. Ang totoo, ang prinsipyo ng iglesia sa paglinang ng mga tao ay nakasentro sa pagsusuri kung mayroon silang kakayahan, talento o potensyal at kung kaya nila ang gampaning hawak nila. Kaya’t ang pagsasabi na nakagawa ng kaunting pag-usad si Xiang Zhen ay wala talagang saysay. Sinasabi ko lang ito para pagtakpan ang kanyang mga kakulangan at impluwensyahan ang panghusga ng mga tao. Sa paggunita sa mga bagay-bagay tungkol kay Xiang Zhen kamakailan, nakita ko na may motibo sa likod ng ginawa at sinabi ko—gusto kong manatili si Xiang Zhen, para patuloy niya akong maalagaan, at matugunan ang aking ego at pagpapahalaga sa katayuan. Ang ipagtanggol siya ay hindi batay sa paghahanap ng mga prinsipyo o pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Hindi ko isinaalang-alang kung anong paraan ng pagkilos ang pinakamainam para sa gawain ng iglesia, sa halip ay hinayaan ko ang aking makasarili at kasuklam-suklam na mga motibo na diktahan ang aking mga salita at kilos. Kung nakagamit ng maling tao ang iglesia dahil sa aking maling patnubay, hindi ba’t maaantala niyon ang gawain ng iglesia? Iniuna ko ang pansarili kong emosyon kaysa sa mga prinsipyo ng katotohanan at sa gawain ng iglesia. Para bang walang puwang ang Diyos sa puso ko.
Kalaunan, nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hindi namamagitan ang Diyos; hindi Siya nadudungisan ng mga ideya ng tao. Para sa Kanya, ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa; ang tama ay tama at ang mali ay mali. Walang anumang kalabuan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Tunay na Pagsunod Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pananampalataya ang Isang Tao). “Kahit mahal ng Diyos ang mga tao, hindi Niya sila kinukunsinti. Ibinibigay Niya sa mga tao ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpapaubaya, nguni’t hindi Niya kailanman pinamihasa sila; ang Diyos ay mayroong Kanyang mga prinsipyo at Kanyang mga hangganan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang disposisyon ng Diyos ay banal at matuwid. Tinatrato ng Diyos ang mga tao ayon sa prinsipyo at hindi Siya sentimental kaninuman. Halimbawa, si David na hari ng Israel. Ang pinakaaasam-asam niya sa buhay ay ang magtayo ng templo kung saan maaaring sumamba ang mga tao sa Diyos. Si David ay isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos, pero nang nakiapid siya, hindi siya kinampihan o kinupkop ng Diyos. Dinisiplina at pinarusahan siya ng Diyos, at hindi kailanman humiwalay ang tabak sa bahay niya. Sa pamamagitan nito, makikita natin na tinatrato ng Diyos ang lahat ng tao nang patas at makatarungan, samantalang tinatrato ko ang mga tao batay sa mga emosyon at kagustuhan. Pinapaboran at kinukupkop ko ang sinumang nakakasundo ko at tumutugon sa mga interes ko. Handa akong higit pang makaugnayan at pinoprotektahan ko pa nga ang mga taong nagugustuhan ko nang walang prinsipyo. Nang suriin ni Ding Yi si Xiang Zhen batay sa prinsipyo, sumama pa nga ang loob ko kaya’t nag-alinlangan siyang magpatuloy sa pagsasalita. Kinasusuklaman ng Diyos ang gayong pag-uugali! Sa sekular na mundo, ang lahat ay nakabatay sa mga relasyon, pero iba ang sambahayan ng Diyos—inuutusan tayo ng Diyos na tratuhin ang mga tao nang patas batay sa prinsipyo, sabihin kung ano ang totoo. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay matapat at matuwid at nagpapagaan ng isipan.
Kalaunan, habang nagninilay-nilay kung bakit palagi kong hinahayaang diktahan ng emosyon ang sinasabi at ginagawa ko, nakita ko ang mga siping ito. “Sa ating pang-araw-araw na buhay, madalas nating binibigyang-diin ang mga interes ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, madalas na hindi isinasaalang-alang ng ilang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip ay inuuna at isinisentro nila ang sariling mga interes sa lahat ng bagay. Talagang makasarili ang mga taong ito. Higit pa rito, sa pangangasiwa nila sa mga gawain, madalas nilang pinangangalagaan ang sarili nilang mga interes na nakapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hanggang sa punto na gagawa pa nga sila ng hindi direktang kahilingan sa sambahayan ng Diyos para matugunan ang sarili nilang mga pagnanais. Ano ang pinakamahalagang salita rito? Ano ang pangunahing tinutukoy rito? (Interes.) Ano ang ibig sabihin ng ‘interes’? Ano ang kasama sa terminong ito? Ano ang itinuturing ng iba bilang mga interes ng mga tao? Ano ang saklaw ng mga interes ng mga tao? Katayuan, reputasyon, at mga bagay na may kinalaman sa mga materyal na interes. Halimbawa, kapag inililihis ng isang tao ang iba para hangaan at sambahin siya, hinahangad lang niya ang sariling sikolohikong mga interes; mayroon ding mga materyal na interes, na hinahangad ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasamantala sa iba, pagkuha ng mga benepisyo para sa sarili nila, o pagnanakaw ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos, bilang ilang halimbawa. Palaging naghahanap ng pakinabang ang mga anticristo. Naghahangad man sila ng sikolohiko o materyal na interes, sakim at walang kabusugan ang mga anticristo, at susubukan nilang kunin ang mga bagay na ito lahat para sa sarili nila. Ang mga bagay na may kinalaman sa mga interes ng isang tao ang pinakanagbubunyag sa kanila. Ang mga interes ay malalim na nauugnay sa buhay ng bawat tao, at ang lahat ng bagay na nakakasalamuha ng isang tao sa bawat araw ay may kinalaman sa mga interes nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). “Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga hangarin ni Satanas—ang mga ito ay mga hangarin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng katanyagan at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging daluyan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Matapos gawing tiwali ni Satanas, naging makasarili at kasuklam-suklam ang ating mga kalikasan. May makasariling motibo sa likod ng lahat ng sinasabi at ginagawa natin—ginawa ang lahat ng ito para protektahan ang ating pansariling mga interes. Kapag nagsasalita at kumikilos tayo nang may mga makasariling motibo, hindi sinasadyang nagsisilbi tayong mga alipores ni Satanas, ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia. Sa pagninilay-nilay sa pag-uugali ko, nakita ko na dahil madalas nagpapakita ng malasakit si Xiang Zhen sa akin at inaalagaan niya ako, tinatamasa ko ang pakiramdam ng kaginhawahan at natutugunan ang pagnanais ko para sa katayuan. Kung aalis siya, mawawala sa akin ang lahat ng pakinabang na ito, kaya ayaw kong ilipat siya ng mga lider. Hindi ko siya tinatrato nang naaayon sa prinsipyo, sa halip, isinasaalang-alang ko muna ang pansarili kong mga interes. Hiniling sa amin ng mga lider na sumulat ng pagsusuri kay Xiang Zhen upang mapagpasyahan kung kailangan niyang mailipat ayon sa prinsipyo, para mapabuti ang kahusayan sa gawain ng iglesia at mapakinabangan ang pinakamakakaya ng bawat miyembro. Pero hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia, iniisip lang kung paano tugunan ang pagnanais ko para sa katayuan. Bukod sa hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia, mapanlinlang din ako at sinubukang pigilan ang mga lider na malaman ang totoong sitwasyon ni Xiang Zhen. Sa totoo lang, hindi angkop si Xiang Zhen sa paggawa ng video, pero kung ipipilit kong papanatilihin siya, hindi lang siya mabibigong makakuha ng mga resulta, kakailanganin din naming gumugol ng maraming oras sa pag-eedit ng mga video niya—mas marami pang kawalan kaysa sa mga pakinabang. Napagtanto ko ang kahalagahan ng pagkilos ayon sa prinsipyo gaya ng hinihingi ng Diyos—ito ay kapaki-pakinabang para sa mga miyembro at sa gawain ng iglesia. Ang hayaang diktahan ng mga emosyon ang ating mga kilos ay nakakagulo at nakakagambala lang sa gawain ng iglesia at alam kong hindi ako pwedeng magpatuloy na kumilos batay sa mga emosyon.
Hindi nagtagal, gumawa ng isa pang video si Xiang Zhen. Habang sinusuri ko ito, nagtataka ako kung bakit pagkatapos magsanay nang dalawang buwan, napakarami pa ring isyu sa video niya. Ngayong inoobserbahan ng mga lider si Xiang Zhen para makita kung angkop ba siya sa tungkulin, kung tutukuyin ko lahat ng kamalian niya, baka mailipat siya. Naisipan kong kaunti lang ang tutukuyin ko sa mga kamalian niya. Pero naisip ko kung paanong tinrato ko siya batay sa emosyon noon, at hindi ko na dapat ulitin iyon. Kailangan kong tukuyin ang lahat ng isyu niya batay sa mga obhektibong katunayan, para mapagpasyahan ng mga lider kung angkop siya sa tungkulin batay sa prinsipyo. Nang sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa emosyon ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. At higit sa lahat, ang ibig sabihin ng pagiging matapat ay pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. … Kung hindi mo sinabi ang totoo, may mapapala ka ba na ipagdiinan na sinusunod mo ang daan ng Diyos at binibigyan mo ng kasiyahan ang Diyos? Pakikinggan kaya ng Diyos ang pagsigaw mo? Papansinin kaya ng Diyos kung paano ka sumigaw, kung gaano ka kalakas sumigaw, o kung gaano katindi ang pagnanais mo? Papansinin kaya Niya kung ilang beses kang sumigaw? Hindi Niya papansinin ang mga ito. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung isinasagawa mo ba ang katotohanan, kung ano ang pinipili mo at kung paano mo isinasagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo. Kung ang pinili mo ay ang panatilihin ang mga ugnayan, panatilihin ang sarili mong mga interes at reputasyon, at para lang pangalagaan ang sarili mo, makikita ng Diyos na ito ang pananaw at saloobin mo kapag may nangyayari sa iyo, at kikilatisin ka Niya: Sasabihin Niyang hindi ka isang taong sumusunod sa Kanyang daan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Hinihiling sa atin ng Diyos na matakot sa Kanya at iwasan ang kasamaan, at maging matapat sa lahat ng bagay na kinakaharap natin, malaki man o maliit. Maaaring mukhang maliit na bagay lang ang pagsusuri sa isang tao, pero maihahayag nito kung ang isang tao ay may paggalang sa Diyos, at maipapakita kung ang isang tao ay matapat at mapagkakatiwalaan. Bagamat wala pa rin akong paggalang sa Diyos, handa akong isagawa ang Kanyang mga salita at maging maaasahan at mapagkakatiwalaan sa salita at gawa. Nagdasal ako sa Diyos, sinasabing: “Diyos ko, ayaw ko nang kumilos batay sa emosyon, gusto ko pong kumilos nang may paggalang sa Iyo sa puso ko.” Kaya’t tinukoy ko ang lahat ng kamalian na nakita ko sa video ni Xiang Zhen. Makalipas lamang ang ilang araw, nailipat nga siya. Bagamat medyo masama ang loob ko, kapag naiisip ko kung paanong magiging kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia at kay Xiang Zhen mismo, medyo gumagaan ang pakiramdam ko.
Noon, akala ko na ang pagkagiliw ko ay simbuyo lang ng isipan o damdamin, at hangga’t hindi ko malinaw na nilalabag ang prinsipyo o nagdudulot ng pinsala sa gawain ng iglesia, hindi iyon isang malaking bagay at hindi ko na kailangan pang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sa totoo lang, mali ang iniisip ko. Sa kabila ng panlabas na pagsunod sa mga tuntunin at hindi paggawa ng halatang kasalanan, sa loob-loob ko, hindi ko mapigilan ang aking mga ideya, paniniwala at satanikong disposisyon. Kung hindi ko hahanapin ang katotohanan at lulutasin ang isyung ito, tiyak na di-maiiwasang magdudulot ako ng pagkagambala. Kaya’t ang pagkilala sa mga iniisip at katiwalian ko, paghahanap sa katotohanan at pagninilay-nilay sa aking sarili ay lahat napakahalaga. Ito ang daan tungo sa disposisyonal na pagbabago.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Jingmo, USA Gumawa ako ng gawain ng pagmamarka ng musika para sa mga video nang mahigit apat na taon sa iglesia. Dahil sa mga...
Ni Felix, Timog KoreaSa isang pulong, tinanong ako ng isang lider kung kumusta ang pagdidilig sa mga baguhan ng iglesiang pinangangasiwaan...
Ni Xinliang, Germany Noong nagsisimula pa lang akong maglingkod bilang pinuno ng grupo ng pagdidilig, ang mga kapatid sa tungkuling iyon ay...
Ni Kelvin, PeruAng buong pamilya ko ay Katoliko, at gayundin ang karamihan ng ibang mga tao sa aming nayon, pero dahil walang paring...