Ang Nagiging Bunga ng Hindi Kailanman Magduda sa mga Taong Kinukuha Mo sa Trabaho

Marso 15, 2025

Ni Xunqiu, Amerika

Noong nakaraang taon, isa akong tagapangasiwa ng gawain ng pagdidilig at ebanghelyo ng iglesia. Dahil kasisimula ko pa lang, hindi ako pamilyar sa maraming detalye ng gawain, kaya masyado akong umaasa sa mga lider ng grupo. Akala ko ay bihasa sila sa mga larangang iyon at mas mahusay kaysa sa akin sa lahat ng bagay, kaya dapat akong matuto sa kanila, lalo na kay Sister Lily, na may napakahusay na kakayahan at isang bihasang manggagawa. Palagi niyang pinangungunahan ang mga talakayan ng gawain sa mga pagtitipon at medyo mas matagumpay ang gawain ng ebanghelyo ng kanyang grupo kaysa sa iba. Dahil dito, mataas ang tingin ko sa kanya at nagtitiwala ako sa kanya. Kadalasan ay simple lang ang pagkaunawa ko sa gawain niya at hindi kailanman inuusisa ang mga detalye. Napakalaki ng tiwala ko sa kanya. Noong panahong iyon, pinaalalahanan ako ng aking mga kapatid na dapat akong maglaan ng kaunting oras bawat linggo para suriin ang gawain ni Lily, at bagamat sumang-ayon ako, naisip ko: “Minsan ay matigas ang ulo ni Lily, pero medyo mahusay naman siya sa bawat aspeto ng gawain at siya ang pinakabihasa sa larangang ito, kaya malamang na hindi siya magkakaroon ng anumang malaking problema. Kung palagi akong mag-uusisa sa gawain niya, magmumukhang wala akong tiwala sa kanya.” Kaya, hindi ko sineryoso ang mga mungkahi nila. Isang araw, sinabi sa akin ng dalawang sister na hindi gumagawa si Lily ng praktikal na gawain. Sinabi nila na madalas ay hindi siya nangungumusta sa gawain ng grupo o nagbabahagi para malutas ang mga problema at paghihirap ng mga kapatid, at kapag nangungumusta nga siya paminsan-minsan, hindi naman ito gaanong nakakatulong, kaya nababawasan ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo ng grupo. Nabigla ako nang mabalitaan ko ito. Paanong hindi gumagawa si Lily ng praktikal na gawain? Sinabi niya sa akin na kinukumusta niya ang gawain ng grupo, at sa tuwing nagtatanong ako, sinasabi niya na wala namang mga problema. Kaya bakit sinasabi ng iba na hindi niya kinukumusta ang gawain nila? Pero pagkatapos ay naisip ko: “Maganda ang takbo ng grupo ni Lily sa pangkalahatan, baka hindi alam ng mga sister na ito ang buong kwento. Hindi ako pwedeng magbatay lang sa mga sinasabi nila. Isa pa, may ilang problema rin sa mga sister na ito—kahit na nagkakaroon ng mga problema si Lily sa kanyang tungkulin, normal lang iyon. Walang taong perpekto!” Kaya hindi ko na masyadong inisip ang mga reklamo nila at pribadong pinaalalahanan lang si Lily nang mabilisan, sinasabi sa kanya na sa hinaharap ay tumuon sa pagsusubaybay sa gawain ng grupo, at doon na iyon natapos. Sa gulat ako, hindi nagtagal, lumitaw ang malalaking problema sa gawain ni Lily.

Isang araw, sinabi ng isang lider na iniulat muli si Lily dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain. Hindi niya kinukumusta ang gawain ng ebanghelyo, kahit na hindi maayos ang takbo nito, at hindi siya kaagad tumutugon sa grupo niya kapag nagkakaproblema sila sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Hindi rin siya kailanman nagtitiyaga kapag nagpapatupad ng gawain—naglalatag siya ng mga plano sa mga pulong, pero hindi niya ito sinusubaybayan pagkatapos, kaya naman hindi naisasagawa ang mga ito, na direktang nakakaapekto sa mga resulta ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Nang marinig ko ito, nagulat na naman ako—alam kong may kaunting problema si Lily sa tungkulin niya, pero hindi ko alam na ganito kalubha ang mga ito. Mahusay ang kakayahan niya at napaka-agap sa kanyang tungkulin, paanong hindi siya gumagawa ng anumang praktikal na gawain? Hindi talaga ako makapaniwalang totoo ito. Kalaunan, nagbahagi sa kanya ang lider at tinukoy ang mga isyu niya. Akala ko ay magninilay-nilay siya sa sarili niya at matututo ng leksyon sa pamamagitan nito, pero sa gulat ko, hindi siya nagnilay-nilay at ganap na wala siyang saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop. Sinabi lang niya na hindi siya naaangkop na maging lider ng grupo at nagmungkahing bumaba sa puwesto. Hindi lamang siya hindi gumagawa ng praktikal na gawain, ayaw niya ring tumanggap ng pagwawasto. Sa huli ay napagpasyahang hindi siya angkop bilang lider ng grupo batay sa mga prinsipyo at inilipat siya. Pagkatapos niyon, sumama ang loob ko. Paanong hindi ko napansin na ang isang lider ng grupo ay hindi gumagawa ng praktikal na gawain? Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, at sinabing: “Diyos ko, masyado akong naging bulag. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako na mahanap ang dahilan ng aking pagkabigo.”

Isang araw, sa mga debosyonal, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi susuriin ng mga huwad na lider ang mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o nagpapabaya sa kanilang mga responsibilidad. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at magiging maayos na ang lahat; pagkatapos niyon, bahala na ang superbisor sa lahat ng usapin sa gawain, at ang kailangan lang nilang gawin ay magdaos ng pagtitipon nang madalas, hindi nila kailangang bantayan ang gawain o kumustahin iyon, maaari silang hindi makialam. Kung may nagpapaalam na may problema sa isang superbisor, sasabihin ng huwad na lider na, ‘Maliit na problema lang iyon, ayos lang. Kaya mo nang mag-isa iyan. Huwag mo na akong tanungin.’ Sasabihin ng taong nagpapaalam sa isyu na, ‘Tamad ang masibang superbisor na iyon. Wala siyang ginagawa kundi kumain at libangin ang sarili niya, at napakatamad niya. Ayaw niyang mahirapan kahit kaunti sa tungkulin niya, at lagi siyang naghahanap ng mga paraan para mandaya at magdahilan para makaiwas sa kanyang gawain at mga responsibilidad. Hindi siya karapat-dapat na maging superbisor.’ Sasagot ang huwad na lider ng, ‘Ayos lang siya noong piliin siyang maging superbisor. Hindi totoo ang sinasabi mo, o kahit pa, pansamantala lang ang ipinamamalas niya.’ Hindi sinusubukang tuklasin ng huwad na lider ang iba pa tungkol sa sitwasyon ng superbisor, pero hinuhusgahan at pinagpapasyahan ang usapin batay sa kanyang mga nakaraang impresyon sa taong iyon. Sino man ang nagpapaalam ng mga problema tungkol sa superbisor, hindi iyon pinapansin ng huwad na lider. Hindi na alam ng superbisor ang gagawin, hindi sapat ang kakayahan niya para kumpletuhin ang kanyang gawain, at malapit na niyang magulo ang lahat—ngunit walang pakialam ang huwad na lider. Masama na nga na kapag may nagsusumbong tungkol sa mga isyu ng superbisor, ay hindi niya iyon pinapansin. Ngunit ano ang pinakanakasusuklam sa lahat? Kapag sinasabi sa kanya ng mga tao ang talagang mabibigat na isyu ng superbisor, hindi niya sinusubukang ayusin ang mga ito, at gumagamit pa nga siya ng lahat ng uri ng pagdadahilan: ‘Kilala ko ang superbisor na ito, talagang nananalig siya sa Diyos, hindi siya magkakaroon ng anumang problema kahit kailan. At kung magkaroon man, poprotektahan at didisiplinahin siya ng Diyos. Kung makagawa siya ng anumang pagkakamali, nasa kanila na ng Diyos iyon—hindi natin kailangang makialam.’ Ganito gumawa ang mga huwad na lider: ayon sa sarili nilang mga haka-haka at imahinasyon. Nagkukunwari sila na nauunawaan nila ang katotohanan, at na may pananampalataya sila—na ang resulta ay nagugulo nila ang gawain ng iglesia, o napapatigil pa nga ito, habang nagkukunwari silang walang alam. Hindi ba’t mga kawani sa opisina lamang sila? Ang mga huwad na lider ay walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, at hindi rin nila seryosong hinaharap ang gawain ng mga lider ng grupo at ng mga superbisor. Ang pananaw nila sa mga tao ay batay lamang sa sarili nilang mga impresyon at imahinasyon. Kapag nakita nilang naging mahusay ang isang tao sa loob ng maikling panahon, naniniwala sila na ang taong ito ay magiging mahusay magpakailanman, na hindi ito magbabago; hindi sila naniniwala sa sinumang nagsasabi na may problema sa taong ito, hindi nila pinapansin kapag may nagsasabi ng isang bagay tungkol sa taong iyon. … May malaki ring kamalian ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano inihahayag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit kailangan nilang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Sa halip na husgahan ang mga tao ayon sa kaanyuan, palaging inoobserbahan ng Diyos ang kanilang mga puso—kaya bakit kailangan ng mga huwad na lider na maging napakakaswal kapag hinuhusgahan nila ang iba at pinagkakatiwalaan sila? Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga huwad na lider, hindi ba? Iniisip nila na, ‘Hindi ako nagkamali sa pagpili sa taong ito. Wala naman sigurong magiging problema; tiyak na hindi siya isang taong manloloko, na gustong magpakasaya at ayaw magtrabaho nang mabuti. Lubhang maaasahan at mapagkakatiwalaan siya. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Natatanging kasanayan mo ba ito? Maaaring makasama mo ang taong ito nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasan at diwa? Kung hindi siya inilantad ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasan at diwang mayroon siya. At gaano pa kaya katotoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-basta ka nagtitiwala sa kanya batay sa isang panandaliang impresyon o positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at naglalakas-loob na ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa ganoong mga tao. Sa bagay na ito, hindi ka ba nagiging bulag na bulag? Hindi ka ba nagiging padalos-dalos? At kapag ganito sila magtrabaho, hindi ba nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, at bago nila matamo ang katotohanan at mabago ang kanilang mga disposisyon, lahat sila ay hindi maaasahan at wala sa kanila ang mapagkakatiwalaan. Pero hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi sila nakakikilala sa diwa ng mga tao, at basta-basta silang nagtitiwala sa iba, nabibigong pangasiwaan o subaybayan ang gawain ng mga ito sa mahabang panahon. Napakayabang at iresponsable nila. Ganoon din ang inaasal ko. Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi ko pinangasiwaan o kinumusta ang gawain ni Lily ay dahil masyado akong nagtiwala sa kanya. Nakita ko na mahusay ang kakayahan niya at may karanasan at epektibo siya sa pagbabahagi ng ebanghelyo, kaya lubos ko siyang pinagkatiwalaan at pinahalagahan, hindi kailanman nag-aabalang pangasiwaan ang kanyang gawain. Nang iulat sa akin ng iba ang mga problema niya, hindi ko sila pinansin, at inisip ko pa nga na sila ang may mga problema. Bilang resulta, lumitaw ang malalaking problema sa gawain nang hindi ko namamalayan. Hindi ko tiningnan ang mga tao at bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagtiwala lang ako sa sarili kong mga mata, na para bang isa akong eksperto na may pambihirang kabatiran. Talagang labis ang pagtingin ko sa aking sarili. Ang totoo, walang tiwaling tao ang lubos na mapagkakatiwalaan—walang sinuman ang nakaaalam kung ano ang mismong gagawin nila sa anumang oras. Dahil lamang ang isang tao ay may pansamantalang tagumpay at gumagawa ng ilang praktikal na gawain, hindi iyon nangangahulugan na ganap siyang mapagkakatiwalaan. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, kaya maaari silang kumilos nang gusto nila at lumabag sa mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, maaari silang magpakatamad at gumawa nang wala sa loob, at magdulot ng pinsala sa gawain. Higit pa roon, maikling panahon ko lang nakilala si Lily at hindi ko talaga siya nauunawaan, subalit masyado akong nagtiwala sa kanya, sa pag-aakalang magaling siya sa lahat ng bagay at hindi na kailangan pang pangasiwaan para gumawa nang maayos. Napakayabang at napakabulag ko! Hindi kailanman sumagi sa isip ko na napakamakasarili ni Lily. Isa siyang lider ng grupo, pero ang inaalala lang niya ay makagpabalik-loob ng mga tao nang mag-isa, at binalewala ang gawain ng grupo niya. Kapag may mga problema ang iba sa kanilang gawain, hindi siya nagbabahagi para malutas ang mga ito. Hindi niya ginawa ang alinman sa mga gawaing hinihingi sa isang lider ng grupo. Inakala ko noon na magaling siyang manggagawa na may mahusay na kakayahan, kayang gumawa ng praktikal na gawain, kaya hinangaan ko siya. Noon ko lang napagtanto na hindi pala iyon totoo. Likas na makasarili si Lily, inaalala lamang niya ang sarili niyang gawain, at hindi pinoprotektahan ang pangkalahatang interes ng iglesia. Nababagay lamang siya sa pagpapalaganap ng ebanghelyo nang mag-isa, hindi sa pagiging lider ng grupo. Dahil bulag akong nagtiwala kay Lily, hindi ko sinuri ang gawain niya, at hindi ko agad nakita ang mga paglihis at pagkakamali rito. Dahil dito, naantala ang gawain ng ebanghelyo. Bilang superbisor, wala itong kapatawaran. Habang mas nagninilay-nilay ako, mas lalo akong nakokonsensya, kaya nagdasal ako sa Diyos, nagnanais na talagang pagnilayan at baguhin ang aking maling kalagayan at mga pananaw.

Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Ligtas na sabihin na halos lahat ng tao ay itinuturing ang kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’ bilang katotohanan, at nalilinlang at nakatali sila rito. Naguguluhan at naiimpluwensiyahan sila nito kapag pumipili o nagtatalaga sila ng mga tao, at hinahayaan pa nila itong diktahan ang kanilang mga kilos. Dahil dito, maraming lider at manggagawa ang palaging nahihirapan at nag-aalala tuwing sinusuri nila ang gawain ng iglesia at itinataas nila ng ranggo at itinatalaga ang mga tao. Sa huli, ang tanging magagawa nila ay aliwin ang sarili nila sa mga salitang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Tuwing nagsisiyasat sila o nagtatanung-tanong tungkol sa gawain, iniisip nila na, ‘“Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Dapat akong magtiwala sa aking mga kapatid, tutal naman, nakamasid ang Banal na Espiritu sa mga tao, kaya hindi ako dapat magduda at sumubaybay palagi sa iba.’ Naimpluwensiyahan na sila ng kasabihang ito, hindi ba? Ano ang mga resultang dulot ng impluwensiya ng kasabihang ito? Una sa lahat, kung aayon ang isang tao sa ideyang ito na ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,’ iinspeksyunin ba niya at gagabayan ang trabaho ng iba? Nagagawa ba niyang pangasiwaan at subaybayan ang trabaho ng mga tao? Kung may tiwala ang taong ito sa lahat ng kinukuha niya at hindi iniinspeksyon o ginagabayan ang mga ito sa trabaho kailanman, tapat ba niyang ginagawa ang kanyang tungkulin? Magagawa ba niya ang gawain ng iglesia sa mahusay na paraan at maipapatupad ang naipagkatiwala sa kanya ng Diyos? Tapat ba siya roon sa naipagkatiwala sa kanya ng Diyos? Pangalawa, hindi lang ito kabiguang sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, ito ay pagtrato sa mga pakana at pilosopiya sa pamumuhay ni Satanas na para bang ang mga ito ang katotohanan, at pagsunod at pagsasagawa ng mga iyon. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa isang satanikong pilosopiya, hindi ba? Ang paggawa nito ay nangangahulugan na hindi ka isang taong sumusunod sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Isa kang lito. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay sinusunod ang isang satanikong kasabihan at isinasagawa ito bilang katotohanan, ay pagtataksil sa katotohanan at sa Diyos! Nagtatrabaho ka sa sambahayan ng Diyos, pero kumikilos ka ayon sa satanikong pag-iisip at pilosopiya sa pamumuhay, anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong sumusuway sa Diyos at isang taong labis na hinihiya ang Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyan ang diwa nito? Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong lumaganap sa iglesia ang mga kamalian ni Satanas at ang mga satanikong pilosopiya sa pamumuhay. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at tinutulungan mong kumilos si Satanas sa iglesia. Malubha ang diwa ng problemang ito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pariralang “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho” ay hindi positibo o ang katotohanan. Ito ay pilosopiya ni Satanas. Ang pinakadahilan kung bakit pinagkatiwalaan ko si Lily at hindi ko pinangasiwaan ang kanyang gawain ay dahil namuhay ako ayon sa pilosopiyang ito at labis akong nagtiwala sa kanya. Kahit na gusto ko siyang kumustahin, nag-alala ako na kung masyado akong mabusisi, iisipin niya na wala akong tiwala sa kanya. Dahil kung tutuusin, matagal na niyang ginagawa ang tungkuling ito at marami na siyang karanasan, mas mahusay siya kaysa sa akin sa maraming bagay at katanggap-tanggap ang mga resulta niya. Ano kayang malalaking problema ang maaaring taglay ng isang taong tulad niya? Inakala ko na hindi ko na kailangang siyasatin ang maliliit na bagay, na kung aatasan ko siya ng gawain, dapat ko siyang pagkatiwalaan, na hindi magkakaroon ng anumang problema. Dahil pinangingibawan ako ng satanikong pilosopiyang iyon sa pamumuhay, hindi ko kailanman pinangasiwaan o sinuri ang gawain niya. Kahit nang iniulat ng mga tao ang mga problema sa kanya, hindi ako naniwala sa kanila o higit pa iyong siniyasat. Dahil dito, nagdusa ang gawain ng ebanghelyo, hindi na maaayos ang pinsalang nagawa ko. Sa katunayan, hinihingi ng Diyos na mangasiwa at sumubaybay ang mga lider at manggagawa sa gawain para mabilis nating makita at malutas ang mga problema at paglihis. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa mga tungkulin ng mga tao at sa gawain ng iglesia. Pero, sa halip, namuhay ako sa satanikong pilosopiya ng “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho” at hindi ko pinangasiwaan o kinumusta ang mga tao pagkatapos silang atasan ng gawain, lalong hindi sila ginabayan o tinulungan. Nagiging pabasta-basta ako sa aking tungkulin at hindi gumagawa ng praktikal na gawain—ito ang ugali ng isang huwad na lider. Pinanatili ko ang isang lider ng grupo na hindi gumagawa ng praktikal na gawain sa mga manggagawa, bukod sa hindi ito nakatulong sa gawain ng iglesia, talagang lubha pa nitong nagambala ang gawain. Gumagawa ako ng masama! Noon ko lang nakita na lubhang nakapipinsala itong satanikong pananaw na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho.” Kung palagi tayong mamumuhay ayon sa ideyang iyon, malamang na maaantala natin ang gawain ng iglesia. Habang mas nagninilay-nilay ako, mas lalo akong nagsisisi, kaya nagdasal ako sa Diyos: “Ayaw ko na pong tratuhin ang mga tao at ang tungkulin ko ayon sa pilosopiya ni Satanas. Handa po akong magsikap na tuparin ang aking tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ayaw ko nang gumawa ng iba pang bagay na pagsisisihan ko.”

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Naniniwala ka ba na tama ang kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’? Katotohanan ba ang kasabihang ito? Bakit gagamitin ng isang tao ang kasabihang ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pagtupad sa kanyang tungkulin? Ano ang problema rito? Malinaw na mga salita ito ng mga hindi nananalig, mga salitang nagmumula kay Satanas—kaya bakit nila itinuturing na katotohanan ang mga iyon? Bakit hindi nila masabi kung tama o mali ang mga iyon? Malinaw na mga salita ito ng tao, mga salita ng tiwaling sangkatauhan, talagang hindi katotohanan ang mga ito, lubos na salungat ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at hindi dapat magsilbing pamantayan sa mga kilos, ugali, at pagsamba sa Diyos ng mga tao. Kaya paano nararapat unawain ang kasabihang ito? Kung talagang kaya mong magpakita ng pagkakaiba, anong klaseng pamantayan ang dapat mong gamitin sa halip na ito para magsilbing prinsipyo mo sa pagsasagawa? Ang nararapat na pamantayan ay ‘isagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong isipan mo.’ Ang kumilos nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo ay ang hindi mapipigilan ninuman; ito ay ang magkaroon ng iisang puso’t isipan, at wala nang iba pa. Ito ang iyong responsabilidad at iyong tungkulin, at dapat mo itong gampanan nang maayos, gaya ng inorden ng Langit at kinilala ng lupa. Anumang mga problema ang maranasan mo, dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Pamahalaan ang mga ito sa anumang paraang nararapat; kung kailanganin mang magpungos at magwasto, sige lang, at kung kailanganin mang magpaalis, gawin mo ito. Kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang prinsipyo? Hindi ba’t ito mismo ang kabaligtaran ng kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’? Ano ang ibig sabihin ng huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin ang mga taong pinagdududahan mo? Ang ibig sabihin nito ay na kung nakuha mo sa trabaho ang isang tao, hindi mo siya dapat pagdudahan. Kung nakuha mo sa trabaho ang isang tao, dapat mo siyang bigyan ng laya, huwag siyang pangasiwaan, at hayaan siyang gawin ang gusto niya; at kung pinagdududahan mo siya, hindi mo siya dapat kuhain sa trabaho. Hindi ba’t ito ang kahulugan nito? Maling-mali ito. Lubha nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Bawat tao ay may satanikong disposisyon, at kayang suwayin ang Diyos at labanan ang Diyos. Masasabi mo na walang sinumang maaasahan. Kahit na sumumpa pa nang husto ang isang tao, walang saysay ito dahil ang mga tao ay napipigilan ng kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi nila makontrol ang kanilang mga kilos. Kailangan nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos bago nila malutas ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon, at lubusang lutasin ang problema ng paglaban at pagtataksil nila sa Diyos—lutasin ang ugat ng mga kasalanan ng mga tao. Lahat ng hindi pa nagdaan sa paghatol at pagdadalisay ng Diyos at nagtamo ng kaligtasan ay hindi maaasahan. Hindi sila nararapat na pagkatiwalaan. Samakatwid, kapag kinuha mo sa trabaho ang isang tao, kailangan mo itong subaybayan, gabayan, pungusan at iwasto, at madalas bahaginan tungkol sa katotohanan. Sa ganitong paraan mo lamang makikita nang malinaw kung maaari itong magpatuloy sa trabaho. Kung may ilang taong magagawang matanggap ang katotohanan, matanggap na mapungusan at maiwasto, tapat na magampanan ang kanilang tungkulin, at patuloy na umuunlad sa kanilang buhay, ang mga taong ito lamang ang tunay na dapat tanggapin sa trabaho(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Hinihiling ng Diyos na buong-buo nating isapuso ang ating mga tungkulin. Sa lahat ng gawain sa ilalim ng pangangasiwa ko, pamilyar man ako sa isang tao o hindi, o kung ano man ang tingin ko sa kanila, dapat ko pa ring isakatuparan ang aking tungkulin batay sa mga prinsipyong inilatag ng Diyos para sa mga lider at manggagawa, at gawin ang lahat ng inaasahan sa akin, pangasiwaan ang gawain ng lahat, lubusang unawain ito, hanapin ang mga problema at lutasin kaagad ang mga ito, at iwasto at tabasan ang mga may malulubhang problema. Ang mga iyon ang mga prinsipyo ng aking tungkulin at ang tanging paraan para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin. Matapos ko itong mapagtanto, mas nalinawan ako at nagkaroon ng landas pasulong sa aking tungkulin.

Pagkatapos niyon, inatasan si Lily ng iglesia na magdilig ng mga baguhan, at masaya niyang ginawa iyon. Naisip ko: “Maaari siyang matuto sa kanyang pagkakatanggal at magawa nang maayos ang tungkulin niya sa pagkakataong ito.” Pero hindi nagtagal, marami sa mga baguhang diniligan niya ang hindi nagtitipon nang normal. Kakatwa ito para sa akin, kaya tinanong ko siya ng higit pang mga detalye kung bakit ito nangyayari. Nagulat ako na nagdahilan lang siya tungkol sa hindi pagkakaroon ng oras para subaybayan ang mga ito. Sumama talaga ang loob ko nang marinig ito. Akala ko na pagkatapos matanggal, magninilay-nilay siya sa kanyang sarili at gagawa ng ilang praktikal na gawain, pero mali pala ako. Alam kong hindi ko pwedeng patuloy na ituring ang mga tao batay sa sarili kong mga kuru-kuro. Bilang isang tagapangasiwa, kailangan kong pangasiwaan, suriin at patnubayan ang gawain, at tuparin ang aking mga responsibilidad. Sa oras na iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang kumilos nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo ay ang hindi mapipigilan ninuman; ito ay ang magkaroon ng iisang puso’t isipan, at wala nang iba pa. Ito ang iyong responsabilidad at iyong tungkulin, at dapat mo itong gampanan nang maayos, gaya ng inorden ng Langit at kinilala ng lupa. Anumang mga problema ang maranasan mo, dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Pamahalaan ang mga ito sa anumang paraang nararapat; kung kailanganin mang magpungos at magwasto, sige lang, at kung kailanganin mang magpaalis, gawin mo ito. Kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). Tama iyan. Kailangan kong gawin ang tungkulin ko alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Pagkatapos niyon, ipinaalam at inilantad ko kay Lily ang lahat ng problema niya, at nagbahagi sa kanya, sinusuri ang pabayang saloobin niya sa kanyang tungkulin at ang mga mapanganib na kahihinatnan nito. Noon lang napagtanto ni Lily sa wakas ang kanyang mga problema. Kalaunan, pana-panahon kong inuusisa at sinusuri ang gawain ni Lily at kapag may napapansin akong problema, nagbabahagi ako sa kanya para ituwid ito. Pagkatapos niyon, nakakuha ng mas magagandang resulta si Lily sa pagdidilig ng mga baguhan. Tuwang-tuwa akong makita ito at talagang nagkaroon ako ng pag-unawa sa kung paano nagbubunga ng pinakamagagandang resulta sa aking tungkulin ang pagtratosa mga bagay-bagay at pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos. Mas naging magaan at payapa rin ang pakiramdam ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen