Bakit Ako Natatakot na Mahigitan?
Ni Rena, PilipinasNoong Hunyo 2019, tinanggap ko ang bagong gawain ng Diyos, at makalipas ang ilang panahon, sinimulan kong magdilig ng mga...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Noong Hunyo 2023, nahalal ako sa grupo ng mga tagapagpasya ng distrito, at namahala sa gawain ng pagdidilig kasama ni Jenny. Sa tuwing may ipapatupad na gawain ang superbisor, nagpapadala siya ng message o tumatawag muna siya sa akin, at pagkatapos ay hihilingin niya sa akin na ipatupad ito sa mga iglesia. Pakiramdam ko ay mataas ang pagpapahalaga sa akin ng superbisor, at malamang ay nakita niya ako bilang isang tao na karapat-dapat linangin, kaya napakasaya ko at ginawa ko nang buong sigla ang tungkulin ko. Noong Abril 2024, may dumating na bagong superbisor, at napansin kong nakatuon siya sa paglilinang kay Jenny. Karaniwan niyang ipinapamahala kay Jenny ang pagpapatupad ng gawain, at pagkatapos niyang magbahagi sa mga pagtitipon, palagi niyang tinatanong si Jenny kung mayroon itong idadagdag. Minsan, lubos ding sinusuportahan ng mga kapatid ang mga mungkahi ni Jenny. Napakasama ng loob ko, iniisip na, “Bakit hindi ako ang kinukuha niyang mamahala sa pagpapatupad ng gawain? Bakit nililinang niya si Jenny at hindi ako? Hindi ako nakabababa kay Jenny!” Gusto kong patunayang hindi mas mababa ang kakayahan ko kaysa kay Jenny, kaya aktibo akong nagbahagi sa mga pagtitipon. Gayumpaman, dahil mali ang mga intensiyon ko, naging magulo ang pagbabahagi ko. Sobrang sama ng loob ko; balak ko sanang ipakita sa superbisor na may kakayahan ako, pero napahiya lang ako sa huli, at nakaramdam ako ng labis na pagkanegatibo. Nang maglaon, gumagawa ako ng mga dahilan para hindi makibahagi kapag hinihiling sa amin ng superbisor na ipatupad ang gawain. Pakiramdam ko kasi, sa tuwing may ipapatupad na gawain, kay Jenny lang nakatuon ang superbisor, kaya kahit nandoon ako, hindi rin naman ako papahalagahan. Bagama’t tinatanong ko kalaunan ang katuwasng ko kung anong gawain ang ipinatupad ng superbisor, nangahulugan ito na may ilang gawain na hindi naipatupad sa napapanahong paraan, at hindi ako agad nagbahagi para lutasin ang isyu ng ilang baguhan na hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Noong panahong iyon, pakiramdam ko ay wala akong masyadong natatapos sa tungkulin ko, na para bang isa akong alalay na puwedeng balewalain. Ayaw ko na ngang manatili roon para gawin ang tungkulin ko. Napagtanto kong namumuhay ako sa kalagayan ng pagiging mapagkompetensiya at pagkainggit, kaya nanalangin ako, “O Diyos, kamakailan ay namumuhay ako sa isang tiwaling disposisyon, at nakadarama ako ng matinding sakit sa aking puso. Hindi ko alam kung paano makakalaya. Pakiusap, gabayan Mo ako para makilala ko ang sarili kong mga problema.”
Kalaunan, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi dapat isipin ng tao na napakaperpekto ng sarili niya, napakabantog, napakarangal, o napakanatatangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan niya. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging superyor sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba dahil sa pagiging mapagprotekta mo sa iyong pride, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na nalilimitahan ka, at hindi mo pa nga nanaising gawin ang iyong tungkulin at magiging pabasta-basta ka sa paggawa nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Ang kalagayan ko ay eksaktong katulad ng inilantad ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging negatibo at pagnanais kong tumakas ay dahil sa kayabangan ko? Palagi kong pakiramdam na may mahusay akong kakayahan at kapabilidad sa gawain—na sa sambahayan ng Diyos, isa akong pambihirang talento na dapat iangat at bigyan ng mahalagang gawain. Nang makita ko ang superbisor na nakatuon sa paglilinang kay Jenny sa halip na sa akin, talagang nadismaya ako at nawalan ng ganang gawin ang tungkulin ko. Gumawa ako ng mga dahilan para hindi dumalo sa mga pagtitipon para ipatupad ang gawain, at ni ayaw ko na ngang manatili roon para gawin ang tungkulin ko. Sa katunayan, ang mga resultang nakamit ko sa tungkulin ko noon ay dahil lahat sa gabay ng Diyos; wala akong dapat ipagmalaki. Gayumpaman, itinuring ko ang mga bagay na ito bilang sarili kong puhunan, iniisip na mas magaling ako kaysa sa iba. Nang makita kong hindi ako pinapahalagahan, hindi ako nakuntento at naging mapanlaban. Talagang wala akong katwiran! Ang pagkatanto rito ay nagdulot ng labis na sama ng loob sa akin, kaya tahimik akong tumawag sa Diyos sa puso ko, hinihiling na gabayan Niya ako para mas maunawaan ko ang mga problema ko.
Sa isa sa aking mga debosyonal sa umaga, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anumang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa mataas na posisyon, sa isang nangungunang posisyon. Hindi sila kailanman makokontento sa kanilang posisyon bilang isang ordinaryong tagasunod. At ano ang pinakakinahuhumalingan nila? Iyon ay ang tumayo sa harap ng mga tao at inuutusan at pinagagalitan ang mga tao, ipinagagawa sa mga tao ang kanilang sinasabi. Hindi nila iniisip kailanman kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin—lalo nang hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, upang isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, pinipiga nila ang kanilang utak sa kaiisip ng mga paraan para mapatanyag ang sarili, para tumaas ang tingin sa kanila ng mga lider at iangat sila, upang sila mismo ay maging lider o manggagawa, at mamuno sa ibang mga tao. Ito ang pinag-iisipan at inaasam nila buong araw. Hindi pumapayag ang mga anticristo na pamunuan ng iba, ni ayaw nilang maging ordinaryong tagasunod, lalo na ang manahimik na lamang habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang ingay. Anuman ang kanilang tungkulin, kung hindi sila maaaring maging bida, kung hindi sila maaaring maging mataas sa iba at maging lider ng ibang tao, nagiging nakababagot para sa kanila ang paggawa ng kanilang tungkulin, at nagiging negatibo sila at nagsisimulang magpabaya. Kung walang papuri o pagsamba ng iba, lalong hindi ito interesante sa kanila, at lalong wala silang pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit kung maaari silang maging bida habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin at sila ang may huling salita, napapasigla sila, at handang danasin ang anumang paghihirap. Palagi silang may personal na mga intensiyon sa paggampan sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palaging mamukod-tangi bilang isang pamamaraan para matugunan ang kanilang pagnanais na talunin ang ibang tao, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Habang ginagawa ang kanilang tungkulin, dagdag pa sa pagiging masyadong mapagkompetensiya—nakikipagkompetensiya, sa lahat ng bagay, para mamukod-tangi, manguna, mangibabaw sa iba—iniisip din nila kung paano mapanatili ang kanilang kasalukuyang katayuan, reputasyon at prestihiyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na nagpapakana ang mga anticristo para sa sarili nilang reputasyon at katayuan sa lahat ng bagay, pinipiga ang utak nila para malaman kung paano mamumukod-tangi sa iba at mamumuno sa kanila, at kung paano sila maiiangat at mabibigyan ng mahalagang gawain, nang hindi man lang isinasaalang-alang kung paano magagawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Ang hinahangad ko ay walang ipinagkaiba sa hinahangad ng isang anticristo. Naalala ko noong nanampalataya ako sa Panginoon sa iglesia. Sa tuwing nakikita ko ang mga pastor at elder na nangangaral sa pulpito, na pinalilibutan ng maraming tao na tumitingin sa kanila nang may pagsamba, nakaramdam ako ng labis na pagkainggit, at palihim kong sinabi sa sarili ko na dapat akong magpunta sa Thailand para mag-aral ng teolohiya, para balang araw, makapangaral din ako sa pulpito. Noong panahong iyon, labis ang sigla ko. Pagkatapos kong dumalo sa mga pagtitipon sa simbahan sa loob ng isang taon, sinimulan na akong linangin ng pastor, kaya naging mas aktibo pa ako sa pagdalo sa mga pagtitipon, umaasang maiangat at mabigyan ng mahalagang gawain sa hinaharap. Pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, masigasig akong naghangad, at umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko nang full-time anim na buwan pa lang matapos akong manampalataya sa Diyos. Habang ginagawa ko ang aking tungkulin, lubos kong pinagtuunan kung paano ko patitingalain ang mga kapatid sa akin. Ginawa ko ang lahat para tapusin ang anumang gawaing iniatas ng superbisor, dahil gusto kong makita ng mga kapatid na nagdala ako ng pasanin at may pagpapahalaga sa responsabilidad. Nang makatanggap ako ng papuri mula sa mga kapatid at pinahalagahan ako ng superbisor, napuno ako ng sigla sa tungkulin ko at handa kong tiisin ang anumang hirap; pero nang makita kong pinapahalagahan ng bagong superbisor si Jenny, sumama ang loob ko at nainggit ako, at palagi kong gustong patunayan ang sarili ko. Nang hindi ko siya mahigitan, naging negatibo ako, nagsimulang maging pabasta-basta sa tungkulin ko, ayaw makilahok kapag nagpapatupad ng gawain ang superbisor, at hindi ko agad sinubaybayan at nilutas ang mga paghihirap ng mga baguhan. Gusto ko na lang tumakas at hindi na gawin ang tungkulin ko roon. Nakita kong hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos, kundi para sa sarili kong kasikatan, pakinabang, at katayuan, nang hindi man lang isinasaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Napakamakasarili ko! Paano iyon naging paggawa ng aking tungkulin? Maliwanag na gumagawa ako ng masama at nilalabanan ko ang Diyos, na tinatahak ang landas ng isang anticristo! Kung ipagpapatuloy ko ang paghahangad nang ganito, nakikipagkompetensiya sa iba araw-araw, at gustong sa akin umikot ang lahat, tingalain ako at purihin ako, tatahak ako sa landas ng paglaban sa Diyos, at sa huli ay mabubunyag at matitiwalag ako ng Diyos, mawawalan ng pagkakataong maligtas.
Kalaunan, ipinagtapat ko ang kalagayan ko kay Sister Jessie, umaasang matutulungan niya akong makalaya rito. Ipinaalala niya sa akin, “Napagtanto mo na naghahangad ka ng katayuan, pero hindi ba dapat tingnan mo rin kung ano ang mga kakulangan mo? Kung palagi mong pakiramdam na nakahihigit ka sa iba, mahirap mong isantabi ang sarili mo. Talaga bang kasinghusay tayo ng inaakala natin? Napansin ko kamakailan na palagi kang umaatras kapag nahaharap sa mga paghihirap. Nagsisimula ka sa gawain nang may matinding determinasyon, ngunit pagkatapos ay nawawala ito. Panandaliang sigla lang iyan—hindi ka nakakapagtrabaho sa praktikal na paraan. Kung may tunay tayong pagkaunawa sa mga problemang ito sa ating sarili, hindi natin palaging mararamdaman na mas magaling tayo kaysa sa iba.” Ang sama ng pakiramdam ko nang marinig ko siyang sabihin ito, pero ang tinukoy niya ay talagang problema ko. Pakiramdam ko ay talagang wala akong katwiran. Kahit pa maiangat at malinang ang isang taong katulad ko, magagawa ko ba nang maayos ang tungkulin ko?
Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubos na nakaantig sa akin. Sabi ng Diyos: “May ilang tao na hindi pa kailanman tunay na tumanggap sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso; hindi nila tinatanggap kahit isang salita ng Diyos. Kapag hindi sila inaangat o ginagamit ng sambahayan ng Diyos, nagrereklamo sila: ‘Paano nangyaring hindi ako gusto ng Diyos? Bakit hindi ako kailanman inaangat o inilalagay ng sambahayan ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Nakakaunawa ako ng ilang katotohanan, mayroon akong mga adhikain at determinasyon, at handa akong gugulin ang sarili ko para sa Diyos! May pinag-aralan ako at may lakas, at kaya kong magdusa at magbayad ng halaga—kaya bakit hindi ako binibigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Hindi patas ang pagtrato sa akin sa ganitong paraan! Nagkakaroon ng mga pagkakataon ang iba, kaya bakit ako ay hindi? Hindi matuwid ang Diyos!’ Kung gayon, bakit hindi mo tingnan kung umaayon ka ba sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat at paggamit ng mga tao? Sarado ang puso mo sa Diyos, at lumalaban ka sa mga salitang sinasabi ng Diyos—naisapuso mo na ba ang sinasabi ng Diyos? Hinanap mo na ba kailanman ang mga salita ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay? Hindi ka nakikinig sa sinasabi ng mga salita ng Diyos, at hindi mo kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo, kaya paano ka gagamitin ng sambahayan ng Diyos? Kahit pa maghanda ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, at bigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong maiangat at magamit, sa anong gawain ka ba magiging kalipikado? Anong gawain ang kaya mong akuin? Kung gagamitin ang gayong tao para sa gawain ng iglesia, tiyak na susundin niya ang sarili niyang kalooban para walang-pakundangang gumawa ng mga maling gawa, at magdulot ng mga paggambala at panggugulo, na maaari lang humantong sa isang bagay: Ititiwalag siya” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (20)). Tumagos sa puso ko ang pagbasa sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na hindi kailanman tinatanggap ng ilang tao ang katotohanan at sarado ang puso nila sa Diyos; hindi nila kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Kahit pa mabigyan ng pagkakataon ang gayong mga tao na gumawa ng gawain sa iglesia, hindi rin nila ito kayang pasanin. Itinanong ko sa sarili ko, “Isa ba akong taong naghahangad sa katotohanan? Isa ba akong taong tumatanggap sa katotohanan? Hindi!” Napakatigas ng ulo ko, at ginagawa ko ang lahat ayon lang sa sarili kong gusto. Kapag may ginagawa ang mga kapatid ng mga bagay na hindi ayon sa gusto ko, ayaw kong makipag-usap at ibinubunton ko sa aking tungkulin ang inis ko. Nahihirapan din akong tanggapin kapag itinuturo nila ang mga problema ko. Sa tungkulin ko, palagi kong hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kapag hindi natutupad ang mga ambisyon at pagnanais ko, nagiging negatibo ako at nagpapabaya, at naisip pa ngang isuko na ang aking tungkulin. Nagpakita na ang Diyos ng pambihirang pagtataas at biyaya sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa isang katulad ko, na walang konsensiya at katwiran, na gumawa ng ganoon kahalagang tungkulin sa iglesia. Gayumpaman, hindi ko ito pinahalagahan, at hindi ko rin hinangad ang katotohanan para magawa nang maayos ang aking tungkulin. Sa halip, palagi akong nakikipagkompetensiya sa iba. Talagang hindi ko alam kung ano ang makabubuti sa akin! Kung hindi dahil sa pagbubunyag na ito, hindi ko sana napagtanto ang tunay kong sukat. Kalaunan, nang makita ko si Jenny na namamahala sa mga pagtitipon o nagpapatupad ng gawain, o marinig ang mga kapatid na pinupuri siya, nagawa ko na itong tratuhin nang tama at hindi na sumama ang loob ko o nasikil gaya ng dati.
Kalaunan, nalaman kong nahalal bilang superbisor ang katuwang kong si Sister Jean. Kumabog ang dibdib ko at naisip ko, “Kadalasan ay mas aktibo ako kaysa sa kanya sa pagpapatupad ng gawain. Bakit siya ang inihalal nilang superbisor at hindi ako?” Napagtanto kong nakikipagkompetensiya na naman ako sa iba, kaya tahimik akong nanalangin, “O Diyos, panatilihin Mo po akong mapagpasakop. Maiangat man ako o hindi, ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos. Pakiusap, gabayan Mo ako na ituon ang puso ko sa aking tungkulin.” Pagkatapos manalangin, naging lalong mas payapa ang pakiramdam ko. Kalaunan, nang makipagtulungan ulit ako kay Jean, nakita kong marami siyang kalakasan na wala ako. Kaya niyang pangasiwaan ang gawain nang mag-isa, at minsan, kapag nakakaharap ng mga problema ang mga manggagawa ng ebanghelyo, kusa niya silang nilalapitan para makipagbahaginan sa kanila upang lutasin ang mga isyu. Sinubaybayan niya ang gawain nang napakadetalyado at nagtamo siya ng mga resulta sa kanyang tungkulin. Lahat ng ito ay mga bagay na kulang sa akin. Isang umaga sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na napakalaking tulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangan mong manatili sa iyong wastong posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na panghawakan ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag hangarin na maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ang lahat ng ito ay mga kahilingan na hindi dapat taglayin ng tao. Ang paghahangad na maging isang dakilang tao o isang superman ay katawa-tawa. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang tunay na mahalaga, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging layon na dapat hangarin ng lahat ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lalong naging mas maliwanag ang puso ko. Naunawaan kong hinihiling ng Diyos na umasal tayo nang maayos, na tinutupad ang ating tungkulin sa praktikal na paraan. Hindi Niya hinihingi sa atin na maghangad na maging superhuman o isang dakilang tao. Pinagnilayan ko kung paano, simula nang gawin ko ang aking tungkulin, hindi ko kailanman pinag-isipang mabuti kung paano ito gagawin nang maayos, o kung paano hangaring maging isang tunay na nilikha at manatili sa aking tamang posisyon. Sa halip, bulag akong naghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, iniisip lamang kung paano ako papahalagahan ng mga superbisor at sasambahin ng aking mga kapatid. Gusto kong mamukod-tangi sa karamihan—napakalaki ng aking ambisyon! Kaya nagpasya ako sa aking sarili: Mula ngayon, seryoso ko nang hahangarin ang katotohanan, at tutuparin ko ang aking tungkulin sa praktikal na paraan. Naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos, “Isa Lamang Akong Napakaliit na Nilikha”: “Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang sarili ko. Kung mataas ang katayuan ko, iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung mababa ito, iyon ay dahil sa Iyong paunang pag-orden. Ang lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang pagpipilian, ni anumang reklamo. Pauna Mong inorden na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang tanging magagawa ko ay maging ganap na mapagpasakop sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil ang lahat ng bagay ay ang pauna Mong inorden” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Hambingan?). paulit-ulit kong pinakinggan ang himnong ito, sinasabayan ng pag-awit. Bawat liriko ay tumagos mismo sa puso ko. Isa lang akong hamak na nilikha, na puno ng mga tiwaling satanikong disposisyon. Ang magawa ko ang tungkulin ng isang nilikha sa iglesia ngayon ay isang natatanging karangalan; isa itong pagtataas at biyaya ng Diyos. Anuman ang tungkuling gawin ko, handa akong magpasakop. Kalaunan, hindi ako naapektuhan sa pagkahalal kay Jean bilang superbisor, at nagpatuloy akong makipagtulungan sa mga kapatid araw-araw para gawin ang gawaing kailangang gawin. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa paggabay sa akin sa mga pagkaunawa at pakinabang na ito, at sa pagdudulot ng kaunting pagbabago sa akin.
Ni Rena, PilipinasNoong Hunyo 2019, tinanggap ko ang bagong gawain ng Diyos, at makalipas ang ilang panahon, sinimulan kong magdilig ng mga...
Ni Qinmo, TsinaNoong 2016, gumagawa ako ng mga video sa iglesia. Napansin ko na mas maraming nagawang video si Sister Xin Cheng, at sa...
Ni Han Jiuyi, TsinaMahigit dalawang taon na akong nagkukumpuni ng mga kagamitang elektroniko sa iglesia. Noong una kong inako ang...
Ni Su Can, TsinaNoong Hunyo ng 2021, nagsimula akong magsanay sa pagdidilig ng mga baguhan. Alam kong marami akong kakulangan, kaya madalas...