Isang Pagbabago Matapos Maiwasto

Enero 25, 2023

Ni Yong Zhi, Timog Korea

Nung Marso, namahala ako sa paggawa ng video ng iglesia. ‘Di ko nauunawaan nang lubos ang marami sa mga prinsipyo dahil bago pa lang ako sa tungkuling ‘yon, kaya tensyonado ako araw-araw, takot na may makaligtaang importanteng hakbang sa proyekto at maantala nito ang aming gawain. Lagi akong nagdarasal at sumasandig sa Diyos sa aking tungkulin, at sa tuwing may nakikita akong isyu sa gawain, pag-uusapan at lulutasin namin ito agad ng mga kapatid. Matapos ang kaunting panahon ng pagsisikap sa trabaho nang ganito, naging mas produktibo kami at nagawa naming pag-iba-ibahin ang aming mga video. Ang sabi ng ibang mga kapatid, humuhusay ang kalidad at bilis namin sa produksyon ng video. Masaya talaga akong marinig ‘yon. Kahit na hindi ko pa ginagawa nang matagal ang trabaho, nakakakuha na kami ng magagandang resulta, kaya naisip kong basta ipagpapatuloy namin ang ganito araw-araw, ayos na ‘yon. Pero unti-unting nagbago ang saloobin ko sa aking tungkulin. ‘Di ko na nararamdaman na kailangang magmadali gaya nang dati, at bago ko pa mamalayan, naging kampante na ako. Pagtagal-tagal, napansin ng partner ko na bumabagal ang produksyon namin at kulang sa pagkamalikhain ang mga video namin, kaya nilapitan niya ako para pag-usapan ang solusyon sa mga problemang ito. Naisip kong pinalalaki niya lang ang isang maliit na bagay at hindi ko siya pinansin, ganap na hindi ako nabahala. Nanatili akong kampante gaya dati, walang sigasig na ginagawa ang trabaho ko.

Makalipas ang ilang araw nang tingnan ng lider ang aming gawain, napansin niyang bumaba ang kalidad at bilis namin sa produksyon ng video nitong huli, kaya nakipagbahaginan siya sa amin. Tinanong niya kami, “Nag-aalala ba kayo sa pagiging produktibo n’yo? Nasaan ang inyong debosyon? Natatakot kayong mapagod sa kaunting gawain. Bakit hindi kayo magsumikap pa nang kaunti para dito? Nag-uusad-pagong kayo, nananamlay at walang disiplina. Isinasaalang-alang ba n’yo ang kalooban ng Diyos? Ang paggawa n’yo sa tungkulin nang ganito ay pagbibigay lamang ng serbisyo at kung hindi kayo matapat sa inyong serbisyo, baka sa huli’y mapalayas kayo.” Nabigla ako sa pagpuna niya at naramdaman kong ginawan ako ng mali. Totoong ‘di na kasing-epektibo ang mga video namin nitong huli, pero mas maganda pa rin ang mga ‘to kaysa sa dati. Paano niya nasabing hindi kami matapat? Na serbisyo lang ‘yon? Hindi namin sinasadyang pabagalin ang mga bagay-bagay o maging tamad. Kasabay nito, alam kong ang pagtatabas na ito’y ginagawa nang may pahintulot ng Diyos, kaya alam kong kailangan kong harapin ito nang may masunurin at naghahanap na puso, kahit na hindi ko kinikilala ang problema ko. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, pinuna ako ngayon ng lider, pero hindi ko pa rin alam kung saan ako nagkamali. Pakiusap, gabayan Mo akong mapagnilayan at makilala ang aking sarili, para malaman ko ang Iyong kalooban at matuto ng aral sa pamamagitan nito.” Pagkatapos manalangin, napagtanto kong anumang makatwirang palusot ang mayroon ako, totoong bumagal ang produksyon namin ng video at nagkulang kami sa pagkamalikhain. ‘Di pinupuna ng lider ang panlabas naming asal, tinutukoy niya ang maling kalagayan namin at mga saloobin sa tungkulin, kaya kailangan kong suriing mabuti ang aking kalagayan.

May nabasa ako sa mga salita ng Diyos pagkatapos nun. “Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Kahit isa ka pang taong naghahangad ng katotohanan, dapat lagi kang umasa sa iyong konsiyensya at katwiran at talagang magsikap nang mabuti kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, ito ay wala nang iba kundi pagiging walang ingat at walang interes—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaisip ang kalooban ng Diyos, matakot na suwayin ang Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung may puso kang nagmamahal sa Diyos sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging walang ingat at walang gana, at iraraos mo lang ang gawain, nang hindi lumilikha ng anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsibilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsiyensya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang maingat, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga inaasahan mula sa iyo, ito ay tunay na pagsusumikap. Nauunawaan mo na ba ngayon? Kung iniraraos mo lamang ang pagganap sa iyong tungkulin at hindi mo hinahangad na magkaroon ng mga resulta, isa kang mapagpaimbabaw, isang lobo na nakadamit tupa. Maaaring maloko mo ang mga tao, ngunit hindi mo malilinlang ang Diyos. Kung walang tunay na halaga at walang katapatan kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, kung gayon ay hindi ito umaabot sa pamantayan. Kung hindi mo tunay na inilalaan ang sarili mo sa iyong pananampalataya sa Diyos at sa pagganap sa iyong tungkulin; kung palagi kang kumikilos nang walang pagsisikap at walang interes sa iyong mga kilos, tulad sa isang hindi mananampalataya na gumagawa para sa kanilang amo; kung gumagawa ka lamang ng isang walang-katuturang pagsisikap, hindi ginagamit ang iyong isip, iniraraos mo lang ang bawat araw na dumarating, hindi iniuulat ang mga problema kapag nakikita mo ang mga ito, nakikita ang isang ligwak at hindi ito nililinis, at walang patumanggang iwinawaksi ang lahat-lahat ng hindi mo na mapakikinabangan—hindi ba ito kaguluhan? Paanong magiging kasapi ng sambahayan ng Diyos ang isang tao na katulad nito? Hindi mananampalataya ang gayong mga tao; hindi sila nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang kinikilala ng Diyos. Kung ikaw man ay nagpapakatotoo at kung inilalaan mo man ang iyong sarili kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, tinatandaan iyon ng Diyos, at alam na alam mo rin ito. Kaya, nailaan na ba talaga ninyo ang inyong sarili sa pagganap ng inyong tungkulin? Sineryoso na ba ninyo ito? Itinuring na ba ninyo ito bilang inyong pananagutan, inyong pasanin? Inangkin na ba ninyo ito? Dapat wasto ninyong pagnilay-nilayan at alamin ang mga bagay na ito, na magpapadaling harapin ang mga problemang umiiral sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, at magiging kapaki-pakinabang ito sa pagpasok ninyo sa buhay. Kung palagi kayong iresponsable kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, at hindi ninyo iniuulat ang mga problema sa mga lider at manggagawa kapag nadidiskubre ninyo ang mga ito, ni hindi hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito nang mag-isa, laging iniisip na ‘mas mainam kapag walang gaanong mga problema,’ laging namumuhay ayon sa mga makamundong pilosopiya, laging pabaya at pabasta-basta kapag ginagampanan ninyo ang iyong tungkulin, walang anumang debosyon kailanman, at hindi man lang tinatanggap ang katotohanan kapag tinatabasan at iwinawasto—kung ganito ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin, nasa panganib kayo; isa kayo sa mga tagapagsilbi. Hindi mga miyembro ng sambahayan ng Diyos ang mga tagapagsilbi, kundi mga empleyado, mga bayarang manggagawa. Kapag tapos na ang gawain, palalayasin sila, at natural na masasadlak sa kapahamakan. … Ang totoo ay ninanais ng Diyos sa Kanyang puso na ituring kayo bilang miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan, at lagi kayong pabaya, pabasta-basta, at iresponsable sa pagganap sa inyong tungkulin. Hindi kayo nagsisisi, kahit paano pa ibahagi sa inyo ang tungkol sa katotohanan. Kayo ang siyang naglagay sa inyong sarili sa labas ng sambahayan ng Diyos. Nais ng Diyos na iligtas kayo at gawin kayong mga miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo ito tinatanggap. Kaya naman, nasa labas kayo ng Kanyang sambahayan; hindi kayo mga mananampalataya. Sinumang hindi tumatanggap ng kahit katiting mang katotohanan ay maaari lamang tratuhing gaya ng isang hindi mananampalataya. Kayo ang siyang nagtakda ng sarili ninyong kahihinatnan at kalalagyan. Itinakda ninyo ito sa labas ng sambahayan ng Diyos. Bukod sa inyo, sino pa ba ang dapat sisihin para diyan?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensya at Katwiran). Nahiya ako matapos mabasa ang mga salita ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang pagiging kontento sa pagdurusa ng kaunting pisikal na paghihirap ay hindi mabibilang na pagiging tapat sa ating tungkulin. Ang susi ay ang magkaroon ng tunay na pasanin at makaramdam ng pananagutan sa ating tungkulin, ituring ang bawat bagay na ginagawa natin bilang bahagi ng sarili nating responsibilidad, ibigay ang lahat ng makakaya natin para makakuha tayo ng magagandang resulta sa ating tungkulin. Ang taong may tunay na pasanin ay hindi nangangailangan ng magtutulak sa kanya, kundi may sariling motibasyon sa loob niya. Pagkatapos niya ng kanyang pang-araw-araw na gawain, iniisip niya kung ano ang hindi nagawa nang tama, at kung paano niya ‘yon magagawa nang mas mahusay. Gano’n isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at maging karapat-dapat na tawaging bahagi ng sambahayan ng Diyos. Pero hindi inilalagay ng mga taga-serbisyo ang puso nila sa kanilang tungkulin. Kontento na sila sa mga mababaw na pagsisikap, pero walang pasanin sa kanilang puso. Hinding-hindi nila pinagninilayan kung paano gagawing mahusay ang kanilang tungkulin at hindi sila nakararamdam ng pagkabahala o pagmamadali ‘pag may mga problemang lumilitaw sa kanilang gawain. Sinasabi nilang gumagawa sila ng tungkulin, pero hindi nila iniisip man lang ang kalooban ng Diyos. Para lang silang mga walang pananampalatayang gumagawa ng trabaho, nagsisikap nang kaunti kapalit ng suweldo. Ang gano’ng uri ng tao ay hindi tunay na gumagawa ng tungkulin, kundi nagbibigay lang ng serbisyo. Hindi ito magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Nang pag-isipan ko ang asal at saloobin ko sa aking tungkulin, natanto kong katulad lang ako ng isang taga-serbisyo. Mula nang napahusay namin ang produksyon namin ng video, napako na ako sa pagiging kampante. Naisip kong nagpapakaabala naman kami, kaya basta’t itutuloy lang naman ang ginagawa namin at ‘di kami gagawa ng malalaking pagkakamali, sapat na ang paggawa ng tungkulin sa gano’ng paraan. Kaya nang makita kong ang aming mga video ay ‘di masyadong malikhain at gaya pa rin ng dati ang format, hindi man lang ako nag-alala. Mukhang ginugugol ko ang lahat ng oras ko sa aking tungkulin, pero wala akong tunay na pasanin sa aking puso. Inakala kong dahil medyo mas bumilis kami kaysa dati, maituturing na ‘yong pag-unlad, at tagumpay sa aming tungkulin. Nagsimula akong masiyahan sa aking sarili at napako ako sa nakagawian. Hinding-hindi ko inisip kung may kaunti pa kaming magagawa, o kung mapabubuti pa namin nang kaunti ang aming mga resulta, at kung madaragdagan pa namin ang aming pag-usad at bilis. At saka, hindi ko pinagninilayan kung sumusunod ba ako sa mga prinsipyo sa aking tungkulin, o kung anong mga pagkalingat o pagkakamali ang naroon. Sa diwa, ang paggawa ko ng tungkulin sa gano’ng paraan ay pagbibigay ng serbisyo. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos na kapag hindi taos-puso ang mga tao sa kanilang tungkulin, nagraraos lang sila, at dinaraya ang Diyos. Nang suriin ko ang lahat ng aking inasal, nakita kong dinaraya ko ang Diyos at talagang wala akong pagkatao. Pagkatapos ko lang maiwasto saka ko nakitang ang pagiging sobrang pabaya at iresponsable ko sa aking tungkulin, ang pagtrato rito kung paano ito tatratuhin ng isang taga-serbisyo habang naghahangad pa rin ako ng pagsang-ayon ng Diyos, ay tunay na katawa-tawa! Ang pagtrato sa tungkulin ko sa gano’ng paraan ay hindi lang umantala sa gawain ng iglesia, kundi ako mismo ay hindi rin nagkaroon ng anumang pag-unlad. Kung nagpatuloy ‘yon nang napakatagal, siguradong mapalalayas ako. Talagang nakakabalisa sa akin ang pag-iisip tungkol do’n, kaya lumapit ako sa Diyos sa panalangin, handa nang magsisi, para baguhin ang mali kong pag-iisip at gawin nang maayos ang aking trabaho. Habang nagninilay, natuklasan ko ang isa pang dahilan ng pagkabigong ito. Masyadong matigas ang ulo ko. Ginagabayan ako ng sarili kong kalooban sa aking tungkulin, sa halip na hinahanap ko ang mga tamang prinsipyo. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang tungkulin ay hindi mo pribadong gawain; hindi mo ito ginagawa para sa sarili mo, hindi ka nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, hindi mo ito personal na gawain. Sa sambahayan ng Diyos, anuman ang ginagawa mo, hindi ka nagtatrabaho sa sarili mong proyekto; ito ay gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay gawain ng Diyos. Dapat palagi mong isaisip ang kaalaman at kabatirang ito at sabihin, ‘Hindi ko ito sariling gawain; ginagawa ko ang aking tungkulin at ginagampanan ko ang aking responsibilidad. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay gampaning ipinagkatiwala ng Diyos sa akin at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko sariling pribadong gawain.’ Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung tinatrato mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan kapag kumikilos ka, at isinasakatuparan ito nang ayon sa sarili mong mga motibo, pananaw, at binabalak, malamang na magkakamali ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Nakita ko sa mga salita ng Diyos na ang paggawa ng tungkulin ay hindi isang personal na bagay, kundi isang atas mula sa Diyos. Ang tungkulin ng isang tao’y dapat gawin ayon sa mga hinihingi ng Diyos at mga prinsipyo ng katotohanan. Saka lang ito aayon sa kalooban ng Diyos. Kapag itinuring mong tulad ng personal na bagay ang iyong tungkulin, ginagawa ang anumang gusto mo nang hindi man lang hinahanap ang kalooban ng Diyos o ang mga prinsipyo ng katotohanan, hindi talaga ‘yon paggawa ng tungkulin. Gaano ka man kasipag tingnan, gaano ka man maghirap at magsakripisyo, hindi sasang-ayon ang Diyos. Natanto kong ganoon ko mismo ginagawa ang aking tungkulin. Kunwari’y abala akong gaya ng bubuyog, pero lagi kong ginagawa ang mga bagay kung paano ko maibigan, ayon sa sarili kong mga kagustuhan. Hindi ko mahigpit na sinusunod ang mga prinsipyo. Paulit-ulit na sinabi sa atin ng sambahayan ng Diyos na sa produksyon ng video, kailangan nating siguraduhing maging mabilis habang pinagbubuti rin ang kalidad. Nung simula, pumayag ako rito, pero nang lumitaw ang mga aktuwal na problema, hindi ko na inisip ang mga prinsipyong ito’t ginawa ko ang mga bagay kung paano ko gusto. Nang punahin ng aking sister na bumagal ang aming produksyon at ‘yung dati at nakakasawang format pa rin ang ginagamit namin, hindi ko ito masyadong inisip. Kahit nang iwinasto na ako’y hindi ko pa rin naisip na ako ang may kasalanan; pakiramdam ko ay ginawan ako ng mali. Napakamanhid ko’t napakatigas, at hindi ko man lang kilala ang aking sarili. Kontento na akong alam ko sa teorya kung ano ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, pero sa pagsasagawa nito, lumabag ako sa mga prinsipyo’t gumawa ayon sa sarili kong paraan, na sa huli ay humadlang sa paggawa ng video. Noon ko napagtantong mayroon akong malalang problema. Ang pagpuna sa akin ng lider ay ganap na para itaguyod ang gawain ng iglesia, at isaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Nararapat sa akin ang pagpunang ‘yon. Iyon ay dahil pabasta-basta ako sa aking tungkulin, ginagawa ang anumang gusto ko, at nilalabag ang mga prinsipyo. Ginawa ‘yon ng lider para makita ko ang aking mga pagkakamali at magawa ko ang tungkulin ko alinsunod sa mga prinsipyo sa hinaharap. Nang matanto ko ito, naunawaan ko na ang pagwawasto, sa katunayan, ay pagmamahal at proteksyon ng Diyos.

Pagkatapos nun, natuklasan ko ang isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ngayon, may mga nagsimula nang magtiyaga sa pagganap sa kanilang tungkulin, nagsimula na silang mag-isip kung paano maisasagawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilalang upang mapalugod ang puso ng Diyos. Hindi sila negatibo at tamad, hindi sila pasibong naghihintay na magbigay ng mga utos ang Itaas, kundi may pagkukusa. Sa pagtingin sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, medyo mas epektibo kayo kaysa noon, at kahit wala pa rin sa pamantayan, nagkaroon na ng kaunting paglago—na mabuti. Pero hindi kayo dapat masiyahan sa kasalukuyang sitwasyon, dapat kayong patuloy na maghanap, patuloy na lumago—saka lamang ninyo magagampanan nang mas maayos ang inyong tungkulin, at maaabot ang katanggap-tanggap na pamantayan. Pero kapag ginagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap nang husto at hindi nila ibinibigay ang lahat-lahat nila, 50-60% lamang ng kanilang pagsisikap ang ibinibigay nila, at nasisiyahan na lamang doon hanggang sa matapos ang ginagawa nila. Hinding-hindi nila napapanatili ang isang normal na kalagayan: Kapag walang sinumang nagbabantay sa kanila o nag-aalok ng suporta, kumukupad sila at pinanghihinaan ng loob; kapag mayroong nagbabahagi ng katotohanan, sumisigla sila, pero kung matagal-tagal silang hindi nabahaginan ng katotohanan, nawawalan sila ng interes. Ano ang problema kapag palagi silang pabalik-balik nang ganito? Ganito ang mga tao kapag hindi pa nila natatamo ang katotohanan, namumuhay silang lahat ayon sa silakbo ng damdamin—isang silakbo ng damdamin na napakahirap panatilihin: Kailangan ay may nangangaral at nagbabahagi sa kanila araw-araw; kapag walang sinumang nagdidilig at tumutustos sa kanila, at walang sinumang sumusuporta sa kanila, nanlalamig ulit ang mga puso nila, kumukupad silang muli. At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas nagkakaroon ng bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, at mas marami silang nakakamit. … Ang totoo, ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay kayang gawing lahat ng mga tao; basta’t ginagamit ninyo ang inyong konsiyensya, at nagagawa ninyong sundin ang dikta ng inyong konsiyensya sa pagganap sa inyong tungkulin, magiging madaling tanggapin ang katotohanan—at kung matatanggap ninyo ang katotohanan, magagampanan ninyo nang sapat ang inyong tungkulin. Dapat kayong mag-isip sa ganitong paraan: ‘Sa paniniwala sa Diyos sa mga taon na ito, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos sa mga taon na ito, napakalaki ng nakamtan ko, at napagkalooban ako ng Diyos ng malalaking biyaya at pagpapala. Namumuhay ako sa mga kamay ng Diyos, namumuhay ako sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan, at ibinigay Niya sa akin ang hiningang ito, kaya dapat kong gamitin ang aking isipan, at magsikap gampanan ang aking tungkulin nang buo kong lakas—ito ang mahalaga.’ Dapat magkaroon ng pagkukusa ang mga tao; iyon lamang mga may pagkukusa ang maaaring tunay na magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan nila ang katotohanan, saka lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at mapapalugod ang Diyos, at maghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Kung mayroon kang ganitong klaseng sinseridad, at hindi ka nagpaplano para sa sarili mong kapakanan, kundi para magtamo lamang ng katotohanan at magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, magiging normal ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at mananatiling di-nagbabago sa kabuuan; anumang sitwasyon ang makaharap mo, mapupursigi mong gampanan ang iyong tungkulin. Kahit sino o kahit ano pa ang dumating para iligaw o guluhin ka, maganda man o masama ang lagay ng loob mo, magagampanan mo pa rin nang normal ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, mapapanatag ang isipan ng Diyos tungkol sa iyo, at mabibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu sa pag-unawa sa mga prinsipyo ng katotohanan, at magagabayan ka sa pagpasok sa realidad ng katotohanan, at dahil dito, siguradong aabot sa pamantayan ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Basta’t taos kang gumugugol para sa Diyos, gumagawa ng iyong tungkulin sa praktikal na paraan, at hindi ka kumikilos nang tuso o nanloloko, magiging katanggap-tanggap ka sa Diyos. Inoobserbahan ng Diyos ang mga isipan, saloobin, at motibo ng mga tao. Kung ang puso mo ay nananabik sa katotohanan at kaya mong hanapin ang katotohanan, bibigyang-liwanag at tatanglawan ka ng Diyos. Sa anumang bagay, bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos hangga’t hinahanap mo ang katotohanan. Gagawin Niyang bukas ang iyong puso sa liwanag at pagkakalooban ka Niya ng isang landas ng pagsasagawa, at kung magkagayon ay magbubunga ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang kaliwanagan ng Diyos ay Kanyang biyaya at Kanyang pagpapala(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Natutunan ko sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos na kahit papaano man lang ay dapat umasa ang mga tao sa kanilang konsensya sa kanilang tungkulin, at kapag may problema, maagap na hanapin ang kalooban ng Diyos at hanapin ang mga prinsipyo, ibuhos ang lahat sa pagsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos para makamit nila ang patnubay ng Diyos at makamit ang magagandang resulta sa kanilang tungkulin. Ang pagkakaroon ng pagkakataong pangasiwaan ang paggawa ng video ay biyaya ng Diyos. Dapat sana’y ginawa ko lahat para sa aking tungkulin at patuloy na isinulong ang aming pag-usad at mga resulta. ‘Di ako dapat nagpakatamad sa gawain o masyadong nagpabaya. Nang matanto ko ito, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “O Diyos ko, nakita kong sa aking tungkulin, ugali kong sumunod lang sa nakagawian at hindi magsumikap umusad. Pakiusap, gabayan Mo ako para kahit gaano karaming paghihirap ang harapin ko, susubukan kong gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Kapag naantala ko uli ang pag-usad ng aming gawain, mangyaring disiplinahin Mo ako.” Pagkatapos nun, pinag-usapan namin ng mga kapatid ang mga paraan kung saan kami naantala’t nagkulang sa pagganap sa aming tungkulin, at bumuo kami ng plano para sa bawat video. Sinubukan din naming makabuo ng mga ideyang pinag-isipang mabuti para sa produksyon. Sa pagtutulungan ng bawat isa, kapansin-pansin na mas naging matagumpay kaysa dati ang produksyon namin ng video, at napag-iba-iba namin ang aming mga estilo. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos sa kinalabasang ito. Bukod sa naging masaya, nakonsensya ako at sinisi ko rin ang sarili ko dahil sa dati kong saloobin sa aking tungkulin. Noon ko lang napagtanto kung gaano kalala ang dati kong kapabayaan sa tungkulin kung ikukumpara. Hindi ako nagmadali, nag-usad-pagong ako, at sinubukang mairaos lang ang araw, pero naniwalang matapat ako. Hindi ko kilala ang sarili ko ni bahagya. Kung hindi ako iwinasto nung panahong ‘yon, kundi nagpatuloy ako sa paggawa sa aking tungkulin nang may gano’ng kaswal at kampanteng saloobin, sino’ng nakakaalam kung gaano ko sana naantala ang aming gawain? Nadama ko sa kaibuturan ng puso ko na dumating sa tamang oras ang pagpuna ng lider. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon kalaunan: “Ang naging saloobin ni Noe sa utos ng Lumikha ay pagsunod. Mayroon siyang pakialam dito, at walang paglaban sa kanyang puso, ni walang pagwawalang-bahala. Sa halip, masigasig niyang sinikap na unawain ang kalooban ng Lumikha nang itala niya ang bawat detalye. Nang maunawaan niya ang nagmamadaling kalooban ng Diyos, nagpasya siyang bilisan ang kilos, upang makumpleto ang naipagkatiwala sa kanya ng Diyos nang buong pagmamadali. Ano ang ibig sabihin ng ‘nang buong pagmamadali’? Ibig sabihin nito ay kumpletuhin, sa loob ng maikling panahon, ang trabaho na aabutin sana dati ng isang buwan, tapusin ito ng marahil ay tatlo o limang araw na mas maaga kaysa sa itinakdang panahon, nang hindi man lang nagpapaliban o nagpapakatamad, kundi tuloy-tuloy na tinatrabaho ang buong proyekto sa abot ng kanyang makakaya. Natural na habang isinasakatuparan niya ang bawat trabaho, sisikapin niyang mabuti na walang masayang at walang maging mali, at hindi siya gagawa ng anumang trabaho na mangangailangan pang ulitin; matatapos din niya ang bawat gawain at proseso nang nasa tamang oras at magagawa niya ang mga ito nang maayos, na ginagarantiyahan ang kalidad nito. Isa itong tunay na pagpapamalas ng hindi pagpapaliban ng trabaho. Kaya, ano ang paunang kinailangan para hindi niya maipagpaliban ang trabaho? (Narinig niya ang utos ng Diyos.) Oo, iyon ang paunang kinailangan at konteksto para sa kanyang nagawa. Ngayon, bakit nagawa ni Noe na hindi ipagpaliban ang trabaho? Sinasabi ng ilang tao na taglay ni Noe ang tunay na pagsunod. Kung gayon, ano ang mayroon siya na nagdulot sa kanya na magkaroon ng gayong tunay na pagsunod? (Isinaisip niya ang kalooban ng Diyos.) Tama iyan! Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng puso! Ang mga taong may puso ay kayang isaisip ang kalooban ng Diyos; yaong mga walang puso ay mga hungkag na lalagyan, kakatwa, hindi sila marunong isaisip ang kalooban ng Diyos: ‘Wala akong pakialam kung gaano ito kahalaga para sa Diyos, gagawin ko ang gusto ko—ano’t anuman, hindi ako nagiging batugan o tamad.’ Ang ganitong uri ng saloobin, ang ganitong uri ng pagiging negatibo, ang lubos na kawalan ng pagiging maagap—hindi ito isang taong isinasaisip ang kalooban ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan kung paano isaisip ang kalooban ng Diyos. Kung ganyan ang kaso, nagtataglay ba siya ng tunay na pananampalataya? Talagang hindi. Isinaisip ni Noe ang kalooban ng Diyos, may tunay siyang pananampalataya, kaya’t nagawa niyang tapusin ang atas ng Diyos. Kaya naman, hindi sapat na tanggapin lang ang atas ng Diyos at maging handang magsikap nang kaunti. Dapat isaisip mo rin ang kalooban ng Diyos, ibuhos ang lahat ng makakaya mo, at maging matapat—kung saan kailangan ng mga tao na magkaroon ng konsiyenya at katinuan; ito ang dapat taglayin ng mga tao, at ito ang nasumpungan kay Noe(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Ikalawang Bahagi)). Naantig din ako nang mabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Nakinig si Noe sa Diyos, naunawaan ang Kanyang kalooban, at hindi pinabayaan ni bahagya ang Kanyang atas. Nakita kong gusto ni Noe na isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at nang utusan siya ng Diyos na buuin ang arka, nadama niya ang pagmamadali ng kalooban ng Diyos, at masigasig na nagpatuloy sa kung ano ang itinuring ng Diyos na pinakakailangan. Sa bawat isang gawain, ginawa niya ang lahat para maiwasan ang pagkaantala, sinisigurong magawa ang lahat ng kaya niya para umusad pasulong. At sa lahat ng ginawa niya, sinubukan niya ang makakaya niya para mabawasan ang mga pagkakamali at kawalan. Ang saloobin ni Noe sa kanyang tungkulin ay nagpakita ng tunay na pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos. Ang karanasan ni Noe ay talagang nakapagpasigla sa akin. Natulungan din ako nitong maunawaan ang kalooban ng Diyos at binigyan ako ng landas ng pagsasagawa. Kailangan kong maging tulad ni Noe at isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, gumawa ng listahan ng lahat ng detalye sa aking gawain, ayusin ang mga ito nang naaangkop, at gawin ang lahat ng aking makakaya para makompleto nang maayos ang bawat gawain. Kapag nahaharap sa mga paghihirap sa aking gawain, nagkaroon ako ng pananampalatayang malampasan ang mga ito at hindi mapako sa mga ito, naniniwalang sa Diyos, walang imposible. Kaya nanalangin at tumawag ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng higit pang pasanin, at gabayan akong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Pagkatapos nun, madalas kaming nagbubuod ng aming gawain, mabilis na nagtatama ng anumang mga pagkakamali at pagkalingat, at nagtutulungan sa aming tungkulin. Labis kaming bumilis pagkatapos nun.

Minsan, kailangan naming gumawa ng isang uri ng proyektong talagang hindi pamilyar sa amin at kailangan iyong tapusin sa loob ng napakaikling panahon. Medyo kinabahan ako. Hindi ko alam kung magagawa namin ‘yon sa pagkakataong ito. Wala akong sinabing anuman, pero sa loob-loob ko, nangangamba ako. Natanto kong muli kong isinasaalang-alang ang mga interes ng aking laman, kaya nanalangin ako: “Diyos ko, naging pabaya ako sa gawain ko dati. Hindi ako matapat sa aking tungkulin at naantala ko ang pag-usad ng aming gawain. Ngayong ang gawain namin ay hinihinging magdusa ako at magsakripisyo, hindi pwedeng sariling ginhawa ko lang uli ang aking isipin. Pakiusap bigyan Mo ako ng matatag na kapasyahang magdusa at tapusin nang mahusay ang gawaing ito.” Medyo kumalma ako pagkatapos ng aking panalangin. Handa na akong baguhin ang saloobin ko at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Pagkatapos nun, natutunan ko kasama ng iba ang mga kinakailangang kasanayan sa produksyon ng video, pinag-usapan namin ang proyekto, at pinanatili namin ang iskedyul namin ng produksyon sa loob ng inilaang oras. Pagtagal-tagal, natapos namin ang video. Sa pag-alala sa mga karanasang ito, nakita kong napakadalas akong nagraraos lang ng aking tungkulin at nagiging tuso. Medyo nagdusa ako sa tungkulin ko no’ng panahong ‘yon, pero mapayapa ako, at napakasarap no’n sa pakiramdam. Sa pagtitipon namin sa pagtatapos ng buwan, nagbahagi ang bawat isa tungkol sa kanilang mga bagong karanasan at mga nakamit. Talagang naramdaman ng lahat na kung walang pagwawasto, at kung walang paghahayag ng mga salita ng Diyos, hindi sana namin makikita ang mga pagkakamali at katiwalian namin, at hindi sana kami magkakaroon ng anumang pag-usad gaano man katagal kaming gumawa. Ito’y kapaki-pakinabang sa amin nang husto, kapwa sa aming tungkulin at sa aming pagpasok sa buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Kapaki-pakinabang Na Ulat

Ni Ding Li, Estados Unidos Tag-init noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Narinig ko na si Sister Zhou, isang lider, ay itinalaga si...