Ang mga Kahihinatnan ng Mahilig Magpalugod ng Tao

Enero 24, 2022

Ni Bai Hua, Tsina

Ginampanan ko ang tungkulin bilang isang lider ng iglesia noong 2018. Alam kong isa sa mga pinakakritikal na parte ng pagiging isang lider ay ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at paglutas ng mga problema ng iba sa kanilang pagpasok sa buhay. Sa gayon, magkakaroon tayo ng isang napakagandang buhay-iglesia. Pero sobrang gusto kong magpalugod ng tao at takot na may makasamaan ng loob, kaya palagi kong ginagawa ang taktika ng pagbibigay ng mabuti at malumanay na payo. Noong panahong iyon, napansin kong ang diyakono ng pagdidilig na si Brother Liu ay nagpapabaya sa kanyang tungkulin. Tinatamad siyang tulungan sa pagbabahagi ang mga baguhan kapag may mga problema ang mga ito, iniiwang negatibo at mahina ang ilan. Batid ko kung gaano kabigat ang problemang ito, at na dapat akong magbahagi sa kanya at himayin sa kanya kung paanong nawawalan na siya ng pakialam at dinadaya ang Diyos. Kapag nagpatuloy siya nang walang pagsisisi, tiyak na ikasusuklam ito ng Diyos. Pero nang sandaling makita ko siya sa isang pagtitipon, gusto ko nang umatras. Tingin ko’y mukha talaga siyang sensitibo. Kapag pinuna ko ang mga isyung ito sa kanya at talagang nasaktan ko ang kanyang kalooban, siguradong hindi magiging maganda ang tingin niya sa akin. Kapag tumanggi siyang tanggapin ito at maubos ang kanyang pasensya, bukod sa kung gaano ako mapapahiya, magiging mahirap nang makisama pagkatapos noon. Tapos, kung paniwalaan ng ibang tao na kinagagalitan ko na ang mga tao ngayong naging isang lider na ako, ano na lang ang iisipin nila sa akin bilang isang tao? Kaya pinabayaan ko na lang ito at hindi na tinalakay ito. Malumanay ko siyang pinayuhan, na nagpapaligoy-ligoy sa isyu, “Kailangan nating isapuso ang ating mga tungkulin, paghirapan ito …” Ang resulta, hindi nakita ni Brother Liu ang diwa ng kanyang kapabayaan sa kanyang tungkulin at nagpatuloy siya gaya ng dati. At ’di ako mapalagay na makita ito. Bilang isang lider ng iglesia, nakita kong iniraraos lang ng isang kapatid ang kanyang tungkulin, nakita ko ang epekto nito sa gawain ng iglesia, pero hindi ko sinolusyunan ito gamit ang katotohanan. Paano naging paggawa iyon ng praktikal na gawain? Ito’y kapabayaan sa tungkulin. Mas nabagabag ako nang lalo ko itong inisip, pero hindi pa rin ako makapagsalita at wala akong masabing kahit ano sa kanya. Nag-aalala akong baka masyado akong malupit at sabihin niyang wala akong habag, at kapag pinili niyang magbitiw, baka isipin ng mga kapatid na hinila ko siya pababa. Makakasira ito sa pangkalahatang ugnayan namin at sa reputasyon ko. Matapos pag-isipan ito, hinayaan ko na lang ito. Dahil nakausap ko na si Brother Liu, hinayaan kong pagnilayan niya ito sa paglipas ng panahon. Kaya, hindi ko kailanman nailantad o nahimay ang kanyang problema. Hm. May isa pang beses na napansin kong ’yong dalawang kapatid na kasama kong gumagawa ay palaging nagkokontrahan dahil mayroon silang magkakaibang mga ideya tungkol sa mga bagay-bagay. Walang sinuman sa kanila ang nagpakumbaba at hindi kailanman naging produktibo ang mga talakayan nila. Minsan, pagkatapos magtalo, mananatili sila sa mga tiwaling disposisyon nila. Nakasagabal ito sa gawain ng iglesia. Nakita ko kung gaano kabigat ang problema at naisip kong hindi ako dapat mag-aksaya ng panahon at agad magbahagi sa kalikasan at kahihinatnan ng kayabangan nila at ang kabiguan nilang isagawa ang katotohanan Pero, umatras ulit ako pagkakitang-pagkakita ko sa kanila. Naisip kong pareho silang matagal nang mga lider, kaya hindi ba’t nauunawaan nila iyon? Hindi ko masyadong nauunawaan ang katotohanan, makikinig kaya sila? At sobrang bait pa naman nilang dalawa sa akin, kaya kapag nagbahagi ako tungkol sa kalikasan at mga kahihinatnan ng problema nila, baka isipin nilang hinahanapan ko lang silang dalawa ng mali at sabihing kulang ako sa pagkatao. Tapos magiging mahirap nang makisama sa kanila. Matapos mag-isip-isip, pinili kong kalimutan ito. Sabagay, palagi silang kakain at iinom ng mga salita ng Diyos, kaya pag-iisipan nila ito. Kaya binigyan ko sila ng ilang payo, hinihimok na humihinahon sila nang hindi sila direktang inilalantad.

Isang araw, isang sister ang nakakita sa akin at nagsabing, “Hindi masyadong maganda ang takbo ng ating buhay-iglesia. Hindi n’yo tinutugunan ang mga praktikal na problema.” At sinabi niya sa akin, “Hindi ba’t ginagawa kayo nitong mga huwad na lider?” Sobrang nakakadismayang marinig iyon mula sa kanya. Kitang-kita ko na maraming problema sa iglesia. Nanatiling tikom ang bibig ko. Hindi ko tinutupad ang tungkulin ng isang lider. Hindi ba’t pagiging isang huwad na lider iyon? Alam kong kapag patuloy akong nabigong isagawa ang katotohanan, itataboy at tatalikuran ako ng Diyos. Talagang natakot ako sa posibilidad na ito at umusal ako ng isang dasal: “Mahal na Diyos, itinaas ako para gampanan ang pagiging isang lider. Nakita ko ang mga kapatid na namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang aming buhay-iglesia at ilang bahagi ng gawain nito ay apektado, pero hindi ko isinagawa ang katotohanan para ayusin ito. Mahal na Diyos, pakiusap, tulungan mo ako nang sa gayon ay makilala ko ang sarili ko at maisagawa ko ang katotohanan.”

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos ng aking dasal. “Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pagsasabi ng mga walang-saysay na salita at pagbigkas ng mga takdang parirala. Sa halip, nangangahulugan ito na anuman ang maaari mong makaharap sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, mga pananaw sa mga pangyayari, mga usapin ng paniniwala sa Diyos, ng mga prinsipyo ng katotohanan, o ng pagkilos kung saan ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin, ang lahat ay dapat na mamili—dapat na magkaroon ang lahat ng isang landas kung saan magsasagawa. Halimbawa, kung ang orihinal mong pananaw ay na hindi mo dapat mapasama ang loob ng sinuman, kundi mapanatili ang kapayapaan at maiwasang mapahiya ang sinuman, upang sa hinaharap, maaaring magkasundo ang lahat, kung gayon, napipigilan ng pananaw na ito, kapag nakakita ka ng isang taong gumagawa ng masama, nagkakamali, o gumagawa ng kilos na sumasalungat sa mga prinsipyo, mas gugustuhin mong dalhin ito sa sarili mo kaysa harapin ang taong iyon. Napipigilan ng iyong pananaw, naging tutol ka sa pagpapasama ng loob ng sinuman. Hindi mahalaga kung sino ang kaharap mo, dahil nahahadlangan ka ng mga isipin ng karangalan, ng mga emosyon at relasyon, o ng mga damdaming lumago sa maraming taon ng pakikipag-ugnayan, palagi kang magsasabi ng magagandang bagay upang pangalagaan ang dignidad ng taong iyon. Kapag may mga bagay kang nakikitang hindi kasiya-siya, inilalabas mo lamang ang iyong galit sa likuran nila at gumagawa ng mga pribadong salaysay, sa halip na mapinsala ang kanilang karangalan. Ano ang palagay mo sa gayong pag-uugali? Hindi ba ganito ang sa isang taong pala-oo na madaya? (Oo.) Nilalabag nito ang mga prinsipyo; hindi ba pagiging hamak ang kumilos sa gayong pamamaraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, ni hindi sila marangal. Gaano ka man nagdusa, at gaano mang halaga ang iyong binayaran, kung kikilos ka nang walang mga prinsipyo, kung gayon ay nabigo ka at hindi makatatanggap ng pagsang-ayon sa harap ng Diyos, ni hindi ka Niya maaalala, ni hindi mo Siya mabibigyang-kaluguran” (“Ang Kinakailangan sa Pagganap ng Tungkulin Nang Mabuti, Kahit Papaano, ay Konsensiya” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga mahilig magpalugod ng tao ay medyo nakakabagabag sa akin. Hindi ko nilulutas ang mga problema sa iglesia hindi dahil hindi ko nakikita ang mga ito, kundi dahil ayokong bumaba ang tingin sa akin ng sinuman. Sinusubukan kong protektahan ang sarili kong imahe at katayuan. Nakita kong kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong tulad ko na hindi kumikilos nang ayon sa prinsipyo, o isinasagawa ang katotohanan. Ang makasarili at tuso. Naisip ko ang naging pag-uugali ko. Nakita kong palaging pabaya sa kanyang tungkulin si Brother Liu, at pinabagal niya ang gawain ng pagdidilig namin, dapat ay inilantad at hinimay ko ang kanyang pag-uugali. Pero sa takot na maging malupit sa kanya at mabago kung ano ang tingin sa akin ng mga tao, iniisip na sasabihin nilang binibigyan ko ng leksyon at pinapagalitan ko ang mga mga tao ngayong isa na akong lider, hindi ko kailanman hinimay ang kalikasan ng kanyang problema para protektahan ang imaheng mayroon ako sa iba. Kagyat lang akong nagsabi ng kung ano na wala namang nagawa para lutasin ang problema. Kahit no’ng nakita kong hindi nagkasundo ang dalawang kapatid, at ang naging epekto nito sa aming gawain sa iglesia, hindi ko kailanman tinugunan ito o siniyasat ang isyu para tulungan sila. Bilang resulta, ang gawain ng iglesia at pagpasok sa buhay ng mga kapatid ay nagdusa. Namuhay ako sa mga satanikong panuntunan tulad ng, “Ang pagkakasundo ay yaman,” “Ang isa pang kaibigan ay nangangahulugan ng isa pang landas,” at, “Ang hindi pagpuna sa mga kamalian ng mabubuting kaibigan ay nagbubunga ng mahaba’t mabuting pagkakaibigan.” Sa kagustuhang protektahan ang reputasyon ko’t katayuan at magmukhang mabuting tao sa lahat, malinaw ang mga bagay pero wala akong anumang sinabi. Hindi lang nito ipinahamak ang ibang miyembro, kundi gumawa ng kapinsalaan sa iglesia. Nakita kong kulang ako sa konsensya at katwiran, at wala ni katiting na debosyon sa Diyos. Paanong pagiging mabuting tao iyon? Pagiging makasarili iyon, kasuklam-suklam, at kulang sa pagkatao. Nakasundo ko ang lahat sa panlabas lang. Sinasabi ng iba na isa akong mabuting tao at maganda ang tingin nila sa akin, pero hindi ko tinutupad ang tungkulin na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, isa talaga akong di-matapat at di-magpagkakatiwalaang tao. Gumagawa ako ng maraming paglabag, at dinidismaya at ginagalit ang Diyos. Nang mapagtanto ito, mabilis akong nagsisi sa Diyos at alam kong hindi ako maaaring magpatuloy nang ganoon, at kailangan kong hanapin ang katotohanan para ayusin ang problema kong ito.

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos noon: “Kung pagbabatayan ang iba’t ibang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng kayamanan at katanyagan, kahit gaano pa hindi agaw-pansin ang paghahangad ng mga tao ng kayamanan at katanyagan, at gaano man tila lehitimo sa tao ang gayong paghahangad, at gaano man kalaki ang isakripisyo nila, ang kalalabasang resulta ay upang buwagin, gambalain, at pinsalain ang gawain ng Diyos. Hindi lamang ginugulo ng pagganap ng kanilang tungkulin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sinisira rin nito ang pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos. Ano ang kalikasan ng ganitong uri ng gawain? Ito’y pagbuwag, paggambala at pagpinsala. Hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kanilang mga interes, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang maging malaya, at hindi Niya ninanais na makihati sila sa mga interes ng Diyos; bagkus, dahil ito sa napipinsala ng mga tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos, nagagambala nila ang normal na pagpasok ng mga kapatid, at napipigilan pa ang mga tao na magkaroon ng normal na buhay-iglesia at normal na buhay-espirituwal habang hinahangad nila ang sarili nilang mga interes. At ang lalong mas seryoso pa nito ay, kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang katanyagan, kayamanan, at katayuan, mailalarawan ang gayong pag-uugali bilang pakikipagtulungan kay Satanas na pinsalain at hadlangan, sa pinakasukdulang antas, ang normal na pag-unlad ng gawain ng Diyos at pigilan ang kalooban ng Diyos na maisakatuparan nang normal sa mga tao. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng sarili nilang mga interes. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng pansarili nilang mga interes. Ibig lang sabihin, ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga hangarin ni Satanas—ang mga ito ay mga hangarin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga interes na ito, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging daluyan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, at sa iglesia, isang negatibong papel ang ginagampanan nila; ang epektong dulot nila ay guluhin at pinsalain ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga kapatid sa iglesia; mayroon silang negatibong epekto(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). May nakita akong isang bagay sa siping ito. ’Yong mga mahilig magpalugod ng tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan at pinapangalagaan lamang ang kanilang mga sariling interes ay ginagambala at hinahadlangan ang gawain ng Diyos at nagiging mga tauhan sila ni Satanas. Kung nanatili akong ganoon nang hindi nagsisisi, hindi lang ako hindi maliligtas kundi tatanggihan at tatalikuran ako ng Diyos. Itinaas ako ng Diyos sa katayuan ng pagiging isang lider para matuto akong magbahagi ng katotohanan para lutasin ang mga problema ng mga kapatid sa pagpasok nila sa buhay at bantayan ang buhay-iglesia. Pero sa halip, nang nakita ko ang mga problema ng mga tao, wala ako sa panig ng Diyos at hindi ko inilantad at hinimay ang kanilang pag-uugali. Pinoprotektahan ko ang sarili kong katayuan at reputasyon, na mahilig magpalugod ng tao, kumikilos bilang alagad ni Satanas. Nagkaroon ito ng negatibong epekto sa buhay-iglesia ng mga kapatid, pati na sa pagpasok nila sa buhay. Malungkot kong napagtanto na ginagampanan ko ang parte ni Satanas, dahilan para mamuhi ang Diyos. Nang mapag-isip-isip ang pag-uugali ko nang panahong iyon, nakita kong mahigpit akong kinokontrol ng mga tiwaling disposisyon ko, napakahina ko para maisagawa ang katotohanan at mapanindigan ang pagiging matuwid. Tagasunod ako ni Satanas, mahina at walang kakayahan. Namumuhay ako nang labis na kahamak-hamak, kalunos-lunos. Alam kong ’pag hindi ko sinimulang isagawa ang katotohanan at talikdan ang aking sarili, hindi ituturing ng Diyos na karapat-dapat akong mabuhay. Kaya dapat akong maparusahan at isumpa. Mahirap para sa akin na tanggapin ang mga napagtanto kong ito, pero alam kong dinala ng Diyos ang liwanag na ito para sa aking kaligtasan. Kung walang paghatol at paghahayag ng Kanyang mga salita, hindi ko kailanman makikita ang sarili kong katiwalian at ang epekto ng hilig na magpalugod ng tao at hindi pagsasagawa ng katotohanan. Nagpapasalamat ako na isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para matuto ako ng aral. Handa akong talikuran ang sarili kong katiwalian at tumigil sa pagiging isang “mabuting tao,” at sa pagsalungat sa Diyos.

Mas nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos kalaunan na nagbigay sa akin ng ilang paraan ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). “Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang ‘mabait na tao,’ lagi kang babagsak at mabibigo sa mga bagay na tulad nito. Kaya ano ang dapat mong gawin sa gayong mga sitwasyon? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos. Hilingin sa Kanya na bigyan ka ng lakas, na tulutan kang masunod ang prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, manindigan, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain sa bahay ng Diyos. Kung kaya mong talikdan ang sarili mong mga interes, reputasyon, at kinatatayuan ng isang ‘mabait na tao,’ kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, natalo mo na si Satanas, at matatamo na ang aspetong ito ng katotohanan. Gayunman, kung pinipilit mong igiit ang sarili mong pananaw at mga relasyon sa mga tao, hindi mo madaraig kailanman ang mga bagay na ito sa huli. Magagawa mo bang daigin ang ibang mga bagay? Wala ka pa ring lakas at at kumpiyansa sa sarili. Hindi mo matatamo ang katotohanan sa ganitong paraan, at kung hindi mo matamo ang katotohanan, hindi ka maliligtas. Ang pagtatamo ng katotohanan ay isang kinakailangang kundisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, paano matatamo ng tao ang katotohanan? Kapag nagsasagawa at pumapasok ka sa isang aspeto ng katotohanan, at nagiging ugat ito ng iyong buhay, at nabubuhay ka alinsunod dito, matatamo mo ang aspetong iyon ng katotohanan at makakamit ang bahaging iyon ng kaligtasan(“Kapag Kilala Mo ang Iyong Sarili, Saka Mo Lamang Hahangaring Matamo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagbabasa nito, nakita kong gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Hindi sila nakatuon sa pagprotekta sa mga relasyon nila o wala silang pakialam kung anong tingin ng iba sa kanila, pero may puwang sa kanilang mga puso ang Diyos. Pinaninindigan nila ang mga prinsipyo sa lahat ng bagay, may pagkaunawa sa hustisya, at tapat sa Diyos. Pero nang tingnan ko ang sarili ko, ako’y makasarili at tuso, sobrang inaalala ang mga personal kong relasyon, kung anong tingin ng iba sa akin. Nang mangyari ang mga bagay na nangailangan ng pagprotekta sa gawain ng iglesia at pagsasagawa ng katotohanan, palagi akong nasa panig ni Satanas, hindi tinatangkang gumawa nang ayon sa mga prinsipyo. Nagrebelde ako at nilabanan ang Diyos, sinasaktan at dinidismaya Siya. Pagkatapos noon, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang tulungan akong talikuran ang mga ganoong uri ng isipin at pananaw, na mapanindigan ko ang mga prinsipyo anuman ang isipin ng iba. ’Yon lang ang tanging paraan para pumanig sa Diyos at panindigan ang gawain ng iglesia. Sa totoo lang, ang pagsasabi ng katotohanan at pagpuna sa problema ng iba ay hindi nagpapasama sa reputasyon nila. Ang paggawa nito ay talagang kapaki-pakinabang, tungkol man ito sa isang kapatid, o sa gawain ng iglesia. Kung may napansin tayong isang taong nagbubunyag ng katiwalian pero hindi natin pinupuna ang kalikasan nito at kahihinatnan, hindi nila kailanman mapagtatanto kung gaano talaga kabigat ang kanilang problema. Hindi lang nito hinahadlangan ang kanilang pagpasok sa buhay pero naaapektuhan din nito ang gawain ng iglesia, at masama ito sa Diyos dahil namumuhay din tayo sa katiwalian. Palagi akong sobrang nakatuon sa reputasyon at katayuan ko noon, palaging iniisip kung anong iniisip ng iba nang hindi inuuna ang sa Diyos. Hindi ko isinasaalang-alang kung paano sumunod sa katotohanan at tiisin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Kontrolado ako ng sarili kong katiwalian—isa akong hangal. Hindi ko maaaring hayaan na manguna ang katiwalian ko at ayoko nang maging katawa-katawang tauhan ni Satanas. Kailangan kong maging isang tapat na tao na may pagkaunawa sa pagiging matuwid. Nang maunawaan ito, nagpasya akong isagawa ang katotohanan at talikdan ang laman, nagpasya akong kausapin ang dalawang kapatid at ibunyag ang diwa ng kanilang pagmamataas at palagiang ’di pagkakasundo, at kung paano nito nasira at nagambala ang gawain ng iglesia, na mahalaga.

Nakita ko sila noong sumunod na araw at nang naghahanda na akong magsalita, nagsimula akong mag-alala nang kaunti. “Paano kung hindi nila matanggap ito at magalit sila sa akin? Anong mukha ang ihaharap ko sa kanila?” Napagtanto kong pinipigilan ako ng tiwali kong disposisyon, kaya umusal ako ng isang dasal, hinihiling sa Diyos na tulungan akong isagawa ang katotohanan. Tapos naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Ang kawalan ng kakayahang pagtibayin ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1). Noon ko naunawaan na kung magpapatuloy ang hilig ko na magpalugod ng tao na hindi isinasagawa ang katotohanan o pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, pinagtataksilan ko ang Diyos. Alam kong dapat kong tigilan ang pagprotekta sa mga relasyon ko, at anuman ang isipin nila matapos kong piliing magsalita tungkol sa kanilang problema, kailangan kong harapin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, at ipahiya si Satanas! Kaya, nagawa kong ilantad ang kayabangan nila at ang ugali nilang ’di nakikipagtulungan, at ang diwa at mga kahihinatnan ng lahat ng bagay na ito. Nakahanap din ako ng mga salita ng Diyos para basahin sa kanila. Laking gulat ko dahil matapos makinig, nagawa nilang pagnilayan ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at ginustong magsisi at magbago. Tuwang-tuwa akong makita na nakilala nila ang kanilang mga sarili, pero nakonsensya rin ako. Kung isinagawa ko ang katotohanan dati pa, nakita sana nila kung gaano kalubha ang problema nila at naayos ang mga bagay-bagay nang mas maaga. Hindi sana sila patuloy na namuhay sa katiwalian, ipinapahamak at pinaglalaruan ni Satanas, at hindi nila pababagalin ang gawain ng Diyos. Dati rin akong takot na punahin ang mga pagkakamali ng iba, takot na mainis sila at ’di ako magustuhan. Pero sa totoo lang, ang lahat ng iyon ay nasa isip ko lang. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, hindi sila magkakaroon ng mga maling palagay, kaya nilang dalhin ito nang maayos at makakuha ng aral. Ang pamamaraang ito ay mabuti para sa iba at para sa ating mga sarili.

Mas nagkakumpyansa ako sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang tapat na tao pagkatapos noon. Hindi na ako napigilan ng mga isipin tungkol sa katayuan at reputasyon. Nang makita ko ang mga problema ng mga kapatid, nagawa kong magbahagi at tulungan sila kaagad, na hinihimay ang problema. At bumuti rin ang aming buhay-iglesia. Talagang naramdaman ko ang pagmamahal at kaligtasan ng Diyos sa pamamagitan ng mga karanasang ito. Isinaayos ng Diyos ang mga pagkakataong ito para linisin at baguhin ako nang sa gayon ay mapalaya ako mula sa aking pagkamakasarili. Naramdaman kong ang pagsasagawa ng katotohanan ay lubhang nakakapagpakalma at nagbibigay ng tunay na kapayapaan sa isip, mas mabuti kaysa palaging umaatras, palaging takot na makapagpasama ng loob. Ito ang paraan para mamuhay nang may bahagyang wangis ng tao. Napagtanto ko ring tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Maaari tayong bigyan ng mga ito ng mga direksyon sa ginagawa natin o sa kung sino tayo. Ang pamumuhay bilang isang tapat na tao ayon sa mga salita ng Diyos ay ang nag-iisang paraan para maging isang mabuting tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply