Ano Ang Nasa Likod ng “Pagmamahal”
Bago maging isang mananampalataya, inakala ko na ang “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” at “Ang mabuting salita ay nakakapagpainit sa taglamig, at ang isang masama naman ay nakakapagpaginaw sa tag-araw” ay lahat mga kasabihang dapat ipamuhay. Hindi ko kailanman itinuro ang pagkukulang ng mga tao, at sa salita at gawa lagi kong isinaalang-alang ang damdamin ng iba at nakiramay sa kanilang mga paghihirap. Lahat ng mga kaibgan at kaklase ko ay gusto ko at talagang natuwa ako sa’king sarili dahil sa galing kong makitungo sa lahat. Napanatili ko ang ganitong gawi kahit pa noong sumali na ako sa pananampalataya, hindi ko itinuturo kailanman ang mga problemang nakikita ko sa mga kapatid. Kahit na makita ko na ang isang tao ay nagdadala ng pinsala sa iglesia mula sa pamumuhay sa kanyang katiwalian, wala pa rin akong sasabihing kahit ano. Pakiramdam ko ay para bang sa pagiging mapagparaya, mapagpatawad, at mapagmahal sa iba, nagiging mabuting tao ako. Iyon ay hanggang sa ako ay hatulan at kastiguhin ng Diyos, tapos nakita kong ang nakatago sa likod ng “pagmamahal” ko ay masasamang layunin. Nakita kong hindi talaga ako tunay na mabuting tao, kundi makasarili ako, kasuklam-suklam at tuso, nagbabalatkayo bilang mabuting tao. Dahil sa paghatol at pagkastigo ng Diyos at sa gabay ng Kanyang mga salita kung kaya’t natutunan ko ang mga prinsipyo ng pagiging isang mabuting tao.
Nagsimula ito noong Hulyo 2018, noong nagsisilbi ako bilang lider ng iglesia. Nalaman kong si Sister Liu na nagtatrabaho sa video production, ay pabaya sa tungkulin niya at laging mabagal, at tila ba hindi nakararamdam ng responsibilidad. Sa isang pagtitipon, nakahanap ako ng nababagay na mga salita ng Diyos at nagbigay ako ng simpleng pagbabahagi, at tinanggap niya na pabaya siya sa kanyang tungkulin at sinabing gusto niyang magbago, pero matapos noon ay pabaya pa rin siya tulad ng dati. Noong panahong iyon naisip ko na kapag hindi niya binago ang saloobin niya sa kanyang tungkulin, tiyak na makakaapekto ito sa husay ng gawain at hindi rin ito makakatulong sa sarili niyang pagpasok sa buhay. Pakiramdam ko’y parang kailangan kong ilantad at malinaw na magbahagi tungkol sa kalagayan niya at pag-uugali, at sa kalikasan at mga kahihinatnan ng paggawa sa kanyang tungkulin sa ganoong paraan, nang sa gano’n ay makita niya ang kaseryosohan ng problema at magbago kalaunan. Pero naisip ko, “Kapag inilantad ko ang mga problema niya, matatanggap niya kaya ito? Sasabihin ba niyang wala akong pagmamahal at iisiping pinapahirapan ko lang siya? Kung sumama ng loob niya sa akin at nagkaroon ng pagkiling laban sa akin, magiging mahirap nang makisama sa kanya simula noon. Huwag na lang. Hindi ako dapat maging sobrang prangka tungkol dito. Babanggitin ko lang nang kaunti, at magiging sapat na iyon para makita niya ang kalagayan niya. Sa ganoong paraan hindi ito masyadong magiging kahiya-hiya para sa kaniya, at ang mga bagay-bagay ay hindi masyadong magiging nakakaasiwa sa pagitan namin.” Kaya pahapyaw ko lang itong binanggit at sinabing, “Kapag hindi natin hinarap ang kalagayan ng kapabayaan, malabong magawa natin nang maayos ang tungkulin natin. Ang oportunidad na ito para gumawa ng tungkulin ay mahalaga, kaya kailangan nating pag-ingatan ito.” Patuloy niyang ginawa ang tungkulin niya nang walang ingat, na hindi lang nakapagpabagal ng video production namin kundi nagkaroon din ng negatibong epekto sa ibang mga kapatid. Nagsimula na ring magtrabaho nang mabagal ang ibang tao sa kanilang tungkulin nang walang pagkaramdam na dapat magmadali, at ’di nila gustong magsikap na harapin ang mga paghihirap na naranasan nila. At nang pinungusan at iwinasto siya ng isang sister kalaunan, hindi siya nagsisi o nagbago. Kinabahan ako nang kaunti dahil dito at naisip ko, “Si Sister Liu ay may pagkapabaya at hindi siya nakagawa ng anumang pagbabago. Wala siyang natatapos na kahit ano sa kanyang tungkulin. Ayon sa mga prinsipyo, dapat siyang paalisin, pero kapag pinaalis ko siya nang ganoon lang, baka sabihin niyang wala man lang akong pagmahahal o pasensya, na wala akong pagkatao.” Matapos pag-isipan ito, napagdesisyunan kong hindi paalisin si Sister Liu, pero susubukan ko ang makakaya ko para mailipat siya sa ibang tungkulin. Sa ganoong paraan hindi siya magkakaroon ng negatibong opinyon sa akin at iisipin pa rin niya na mapagmahal akong tao. Kaya, gamit ang katwiran na kung paaalisin si Sister Liu ay magiging negatibo siya at malulumbay, itinalaga ko na lang siya na magtrabaho sa pag-aayos ng footage na kailangan sa video production. Pero dahil wala siyang anumang tunay na pagkaunawa sa kanyang sarili, lalo siyang naging walang disiplina at pabaya sa kanyang tungkulin. Nagsimula pa nga siyang manamlay sa kanyang mga debosyonal at dasal. Dahil hindi siya nakaramdam ng responsibilidad para sa kanyang tungkulin, ang footage na binuo niya ay medyo magulo at kinailangang ayusin ng ibang tao matapos niyang ihanda ito. Isang beses, aksidente pa niyang nabura ang ilang napakaimportanteng footage.
Noong nalaman ng lider ko ang tungkol dito, iwinasto niya ako dahil sa ’di ko paggawa ng trabaho ko nang naaayon sa prinsipyo o sa pagsasagawa ng katotohanan, sa halip ay pinoprotektahan ang sarili kong imahe at katayuan, na nakaapekto sa gawain ng iglesia. Nadurog ako noong marinig iyon. Nakakadismaya talaga ito. Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos noon na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa kalikasan ng paggawa ng mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasiya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o nakatatagpo ng mga taong buktot at masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay dumaranas ng mga pagkalugi ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Wala iyon sa mga ito; ito ay na ikaw ay kontrolado ng iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga disposisyong ito ay ang pagiging tuso. Inuuna mong isipin ang iyong sarili, na nag-iisip ng, ‘Kung magsasalita ako, paano ako makikinabang dito? Kung magsasalita ako at may sumama ang loob, paano kami magkakasundo sa hinaharap?’ Tusong pag-iisip ito, hindi ba? Hindi ba’t bunga ito ng isang tusong disposisyon? Ang isa pa ay makasarili at masamang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan ng mga kapakinabangan sa sambahayan ng Diyos? Bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Kahit na makita at marinig ko itong mangyari, hindi ko kailangang gumawa ng kahit ano. Hindi ko ito pananagutan—hindi ako pinuno.’ Nasa loob mo ang mga gayong bagay, na tila umusbong ang mga ito mula sa iyong walang malay na isip, at tila ba sumasakop ang mga ito ng mga permanenteng kalagayan sa iyong puso—ito ang mga tiwali at satanikong disposisyon ng tao. Kinokontrol ng mga tiwaling disposisyong ito ang iyong saloobin at itinatali ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol ng mga ito ang iyong bibig. Kapag may nais kang sabihin na nasa iyong puso, umaabot sa iyong mga labi ang mga salita ngunit hindi mo binibigkas ang mga ito, o, kung magsalita ka, paliguy-ligoy ang iyong mga salita, na nag-iiwan ng puwang upang makapanlinlang—sadyang hindi ka talaga nagsasalita nang malinaw. Walang naramdaman ang iba pagkatapos kang marinig, at ang suliranin ay hindi nalutas ng sinabi mo. Iniisip mo sa iyong sarili: ‘Nagsalita naman ako. Maalwan ang aking budhi. Natupad ko ang aking tungkulin.’ Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, at nananatili ang pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi mo natupad ang iyong responsibilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsibilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Hindi ka ba ganap na nasasailalim ng kontrol ng iyong tiwali at mga satanikong disposisyon kung gayon?” (“Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sobrang nahiya akong makita kung gaano nailantad ng mga salita ng Diyos ang aking makasarili at tusong disposisyon. Nakita kong si Sister Liu ay pabaya sa tungkulin niya at hindi nagbabago matapos punahin nang maraming beses, pero natakot ako na baka sabihin niyang hindi ako mapagmahal, kaya napakaingat ko na lang na pinuna ang kanyang mga isyu para maprotektahan ang imahe at katayuan ko sa puso niya, at bilang resulta, hindi ito nakatulong ni katiting kay Sister Liu, at ang video production namin ay naantala. Hinihingi ng mga prinsipyo na paalisin ko siya sa kanyang tungkulin, pero gusto kong magmukhang mabuti at mapagmahal na tao, kaya hindi ko ginawa iyon. Sa halip, inatasan ko siyang mag-ayos ng footage para sa mga video, na matinding nakapinsala sa gawain ng iglesia. Napagtanto ko na masaya akong mailagay ang mga kapatid sa isang ’di magandang sitwasyon at mapinsala ang mga interes ng iglesia kapalit ng posisyon ko sa puso ng iba. Paano iyon naging pagiging mabuting tao? Iyon ay pagiging makasarili, kasuklam-suklam, tuso, at masama. Paanong hindi iyon ikasusuklam ng Diyos? Pagkatapos noon, wala kaming sinayang na oras sa pagpapaalis kay Sister Liu mula sa kanyang tungkulin, at binahagian ko siya ng mga salita ng Diyos, inilalantad ang patuloy na pag-uugali niya sa kanyang tungkulin. Kalaunan, nagkaroon siya ng pagkakilala sa sarili sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan, at nabago niya ang kalagayan niya. Bumalik siya sa paggawa ng kanyang tungkulin at nahalal na mamuno sa isang grupo. Noong marinig ko ang balita, naging tunay na masaya ako para sa kanya, pero nahiya rin ako at nagsisi. Dati, inisip ko lang na pangalagaan ang sarili kong reputasyon at katayuan, hindi ang pagsasagawa ng katotohanan, na humadlang sa paglago niya sa buhay at nakapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Napakasama noon! Alam kong mula noon, hindi na ako puwedeng maging tagapagpalugod ng mga tao kung makakapinsala ito sa mga kapatid at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero noong dumating na ang oras para isagawa ang katotohanan, nakita ko pa rin ang sarili ko na napipigilan ng aking katiwalian.
Noong Oktubre 2020, napagtanto ko na si Sister Lin, na nakaatas sa tungkulin ng pagdidilig, ay hindi nakakakuha ng anumang resulta dahil kulang siya sa kakayahan, kaya ililipat ko na sana siya sa ibang tungkulin. Tapos nalaman ko na talagang mayabang siya, at kapag ’di siya sumasang-ayon sa iba, imbes na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, gusto n’yang makinig na lang ang lahat sa kanya. Naisip ko, “Kung ang mapagmataas niyang disposisyon ay hindi malulutas, hindi siya kailanman makagagawa nang maayos kasama ang iba, at hindi n’ya magagawa nang maayos ang anumang tungkulin na ginagawa niya. Hindi iyon makabubuti sa kanya o sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dapat ko siyang kausapin tungkol sa problema niyang ito at magbahagi sa kanya sa abot ng makakaya ko.” Pero kalaunan sa pakikipagbahagian ko sa kanya, sinabi ko, “Mula pa nung makilala kita, nakita ko na may problema ka sa pagiging mapagmataas. Hindi ka tumatanggap ng suhestiyon ng iba o gumagawa nang maayos kasama ang iba, at naaapektuhan nito ang resulta ng iyong tungkulin. Anong tingin mo rito?” Nang sandaling lumabas ito sa bibig ko, malungkot na sinabi ni Sister Lin, “Ang hindi pagiging maayos gumawa kasama ang iba ay nangangahulugang hindi ako magiging magaling sa anumang tungkulin. Gusto kong isantabi ang tungkulin ko at magnilay muna nang saglit sa sarili ko.” Nang marinig kong sabihin niya ito, naisip ko, “Wala siya sa magandang kalagayan sa simula pa lang. Kapag inilantad at sinuri ko ang kanyang problema, iisipin kaya niyang masyado akong malupit at sinasadya kong targetin siya? Maaari niyang sabihin na wala akong pakiramdam at walang puso. Baka magkaroon siya ng masamang impresyon sa akin bago siya umalis. Hindi ako masyadong magiging prangka, kundi palalakasin ko lang ang loob niya. Iiklian ko lang ang tungkol sa kanyang problema, dapat sapat na ’yon. Maaaring sa pagninilay niya ay makakakuha siya ng pag-unawa at magagawang magbago. Hindi iyon mag-iiwan ng sama ng loob, at makikita niya ako bilang isang mapagmahal at mapagparayang lider ng iglesia.” Kaya, binago ko ang tono ko at inalo siya, sinasabing, “Ang totoo, itong pagbabago ng tungkuling ito ay pagmamahal din ng Diyos. Maaari kang magpatuloy sa pagpapabuti ng sarili mo, at kapag nagawa mong baguhin ang iyong kayabangan matapos ang ilang panahon, puwede ka nang bumalik sa tungkuling pagdidilig. Kailangan natin itong harapin nang maayos.” Pagkatapos ay nakahanap ako ng ilang salita ng Diyos na nagpapayo at nag-aalo sa mga tao para sa pagbabahagian, at habang nakikinig siya, nawawala ang pag-aalala sa mukha niya. Sinabi niya na mula noon, gusto na niyang gawin ang tungkulin niya nang maayos at magsumikap na gumaling pa.
Isinasaalang-alang ko rin ’yon matapos akong umuwi. Naisip ko, “Sa pag-aalo sa kanya sa ganoong paraan, hindi na siya negatibo noon, pero nakakuha ba siya ng anumang tunay na pag-unawa sa kanyang tiwaling disposisyon? Ang pagbabago ba sa kanyang tungkulin ay nakatulong para maudyukan siya, na magbago siya? Ilang araw na lang ay lilipat na siya sa ibang tungkulin. Kapag umulit pa rin ang mga problemang iyon, hindi ba iyon magkakaroon ng direktang epekto sa kanyang galing?” Hindi ako lubos na palagay, kaya’t tinanong ko si Sister Fang na nakatrabaho ko, kung ano ang naiisip niya tungkol dito. Sinabi niyang, “Sang-ayon ako sa’yo na si Sister Lin ay walang tunay na pag-unawa sa kanyang tiwaling disposisyon. Hindi siya gaanong nakararamdam ng panghihinayang at pagkakautang para sa pinsalang nagawa niya sa gawain ng iglesia. Nung sandaling narinig mong sinabi niyang ayaw na niyang gawin ang tungkulin niya, inalo mo lang siya pero hindi ka malinaw na nagbahagi tungkol sa kanyang kayabangan at sa ugat ng kawalan niya ng abilidad na gumawa nang maayos kasama ang iba. Hindi iyon makatutulong sa kanya para sa kanyang pagninilay at pagpasok.” Nagpatuloy si Sister Fang na sabihing, “Sa buong panahong ito na nakilala kita, naramdaman ko na para kang isang ‘yaya.’” Noong marinig ko siyang tawagin akong ganito, hindi ko talaga alam kung tatawa ba ako o iiyak. Napaisip ako kung papaano niya nagawang ilarawan ako sa ganoong paraan. Nang mapansin ang kaasiwaan, agad niyang ipinaliwanag ang sarili niya: “Sa tuwing naaapektuhan ang tungkulin ng mga kapatid dahil sa katiwalian, dumarating ka para aluin sila, hindi nangangahas magsabi ng ni isang katotohanan para ilantad sila. Pinababayaan mo silang makalusot sa mga bagay-bagay at hindi ito kapaki-pakinabang sa kanilang buhay sa anumang paraan. Nakapagtrabaho na ako kasama ang maraming lider ng iglesia, pero kahit kailan ay hindi pa ako nakakita ng isang katulad mo …” Pero talagang nasapul ng sinabi niya ang isang bagay na matagal ko nang problema, at ipinaalala nito sa akin ang ilang bagay na nangyari noon. May ibang sister nang nakapagsabi nito sa akin dati, sinasabing, “Matagal-tagal na kitang nakatrabaho, pero kahit kailan ay wala kang anumang binanggit sa aking mga isyu o pagkukulang. Hindi mo ako natulungan kailanman tungkol doon.” Ang pagkilatis ng dalawang sister na ito sa akin ay talagang nakakalungkot at naramdaman kong mayroon akong sala. Matagal-tagal ko nang nakatrabaho ang ibang tao pero hindi ako kailanman nagbigay sa kanila ng anumang tunay na kapaki-pakinabang. Bakit ba ako laging natatakot na punahin ang anumang kapintasan ng mga kapatid? Nagdasal ako sa Diyos sa paghahanap: “Diyos ko, madalas ay hindi ako nagtatangkang punahin ang mga problema ng sinuman, sa takot na mapasama ang loob nila. Hindi matututo ang mga tao ng anuman sa ganoong paraan. Diyos ko, ayaw kong maging ganitong klase ng tao, pero hindi ko maintindihan ang ugat ng problema. Pakiusap gabayan Mo ako na makilala ang sarili ko at matutunan ang aral na ito.”
Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo na naglilinang ng mabuting pagsasamahan matapos noon. Nakatulong ito nang sobra sa’kin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Hindi pinagsasabihan ng ilang lider ng iglesia ang mga kapatid na nakikita nilang walang-ingat at wala sa puso kung tumupad ng kanilang mga tungkulin, bagama’t dapat nila iyong gawin. Kapag nakakakita sila ng isang bagay na malinaw na makapipinsala sa mga interes ng bahay ng Diyos, nagbubulag-bulagan sila at hindi nag-uusisa, upang hindi makapagdulot ng bahagya mang sama ng loob sa iba. Ang tunay nilang layunin at pakay ay hindi ang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga kahinaan ng iba—alam na alam naman nila kung ano ang kanilang intensyon: ‘Kung ipinagpatuloy ko ito at hindi ako nakapagdulot ng sama ng loob sa kahit kanino, iisipin nila na mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng mabuti at mataas na pagtingin sa akin. Kikilalanin at magugustuhan nila ako.’ Gaano man kalaki ang magiging pinsala sa mga interes ng bahay ng Diyos at gaano man katinding mahahadlangan ang pagpasok sa buhay ng mga hinirang na tao ng Diyos, o gaano man katinding magagambala ang kanilang buhay-iglesia, namamalagi ang gayong mga tao sa sataniko nilang pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Kailanman ay walang diwa ng paninisi sa sarili sa kanilang mga puso; at kung mayroon man, maaaring pahapyaw na kaswal nilang mabanggit ang isang usapin, at hanggang doon na lamang. Hindi nila ibinabahagi ang katotohanan, ni hindi rin nila sinasabi ang diwa ng mga suliranin ng iba, at lalong hindi nila sinusuri ang kalagayan ng mga tao. Hindi nila ginagabayan ang mga tao na makapasok sa realidad ng katotohanan, at hindi nila kailanman ipinababatid kung ano ang kalooban ng Diyos, o ang mga pagkakamaling madalas na ginagawa ng mga tao, o ang mga uri ng tiwaling disposisyong ibinubunyag ng mga tao. Hindi nila nilulutas ang mga praktikal na suliraning tulad nito; sa halip, lagi nilang pinalalagpas ang mga kahinaan at pagiging negatibo ng iba, maging ang kawalan nila ng ingat at kawalan ng gana. Palagi nilang pinalalagpas ang mga kilos at pag-uugali ng mga taong ito nang hindi natutukoy kung ano ang mga iyon, at, dahil nga ginagawa nila iyon, naiisip ng karamihan sa mga tao na, ‘Parang ina na natin ang ating lider. Mas malawak pa nga ang pang-unawa niya sa mga kahinaan natin kaysa sa Diyos. Maaaring napakaliit ng ating tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos, pero sapat iyon para makatugon tayo sa mga hinihingi ng ating lider. Mabuti siyang lider para sa atin. Kapag dumating ang araw na papalitan na ng Itaas ang ating lider, kung gayon, dapat tayong magsalita, at imungkahi ang iba’t-iba nating opinyon at kahilingan. Dapat nating subukang makipagnegosasyon sa Itaas.’ … Kapag nagawa ng mga anticristong ito ang kanilang gawain sa mga tao sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, nagkakaroon ng magandang impresyon ang mga tao tungkol sa kanila, nagkakaroon ng tiwala sa kanila, at natututong umasa sa kanila—ngunit ano ang magiging kalalabasan nito? Hindi mauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi sila umuunlad sa kanilang pagpasok sa buhay. Sa halip, itinuturing sila ng mga taong ito na mapagkukunan ng kanilang kabuhayan, bilang kahalili ng Diyos. Inaagaw nila ang puwang ng Diyos sa puso ng mga tao” (“Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Napagtanto ko mula sa inihayag ng mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay hindi nagpapasama ng loob ng mga tao o naglalantad ng katiwalian ng iba upang makakuha ng pabor sa iba at patatagin ang posisyon nila sa puso ng ibang tao. Hindi ba’t eksaktong ako iyon? Sa pangkalahatan, kapag nakakakita ako ng mga kapatid na gumagawa ng isang bagay na hindi umaayon sa katotohanan, na maaaring makapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ako nagtatangkang ituro ang diwa ng problema, sa takot na masira ang imahe ko sa kanila bilang isang mapagbigay at makatwirang tao. Kaya lagi akong nagpapaligoy-ligoy at hinahayaan ang iba sa kanilang mga katiwalian at kahinaan. Nililigaw ko ang mga tao at naglilinang ng mabuting samahan gamit ang panlabas na kabaitan para mapanatili ang katayuan na mayroon ako sa iba. Nakapipinsala ito sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ko tinutulungan ang iba pero nagsasalita pa rin sila ng mabuti tungkol sa’kin. Hindi ba’t iyon ay pagdadala sa mga kapatid sa harap ko? Ano’ng kaibahan sa pagitan ng diwa ng mga aksyon ko at ng isang anticristo? Hindi ko mapigilang makaramdam ng takot nang matanto ko ito. Iniangat ako ng Diyos sa posisyon ng lider nang sa gayon ay maisagawa ko ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema at mga paghihirap ng iba sa pagpasok nila sa buhay, hanapin ang katotohanan at makilala ang sarili sa harap ng mga isyu, tapos ay magsisi sa Diyos, isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Sa halip, para akong tulisan, gumagamit ng kasuklam-suklam na pamamaraan para makakuha ng pabor at itayo ang posisyon ko sa ibang tao. Hindi ba’t iyon ang mismong gagawin ng isang anticristo? Kinakalaban ko ang Diyos para sa Kanyang mga tao, na matinding lumalabag sa Kanyang disposisyon! Nakita ko kung gaano nakakatakot ang diwa at mga kahihinatnan ng pagiging isang taong mapagpasaya ng mga tao, at kung hindi ko iyon babaguhin, maaari akong mapaalis. Noong mapagtanto ko ito, dumulog ako sa Diyos at nagdasal: “O Diyos ko, ngayon nakikita ko na na hindi talaga ako mabuting tao, isang tao lang na gustong magustuhan ng lahat. Lagi kong sinusubukang protektahan ang imahe ko sa iba, inililigaw at nililinlang ang mga kapatid. Ito ay nakasusuklam sa Iyo. Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo, talikdan ang sarili ko, at itigil na ang pagiging mapagpasaya ng mga tao.”
Matapos noon, nag-usap pa kami ni Sister Fang tungkol sa isyu ni Sister Lin, pagkatapos ay lumapit para magbahagi sa kanya at tulungan siya. Napag-usapan namin ang tungkol sa kanyang pagpapahayag ng kayabangan at pagpilit sa kanyang mga opinyon. Nakahanap din kami ng mga salita ng Diyos na tungkol sa mga mapanganib na kahihinatnan ng pamumuhay nang mapagmataas at sa landas sa pagpasok at pagsasagawa. Hindi siya nainis sa amin matapos ang pagbabahagian namin, at hindi rin siya kasingsensitibo ng naisip ko. Taos-puso niyang sinabi, “Lubos na tama kayong dalawa tungkol sa mga problema ko. Sa susunod, pagtutuunan ko ng pansin ang pag-aayos ng mapagmataas kong disposisyon….” Napakasaya kong marinig na sinabi niya ito. Nakita ko na ang pagtrato sa mga tao na ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at pagdadala sa kanila sa harap ng Diyos ay tunay na pagmamahal at kabutihan. Lagi kong inaakala dati na ang pagtulong sa mga kapatid mula sa pagmamahal ay pagpapaalala at pagpayo sa kanila, pagsuporta at pagtustos sa kanila, hindi pagiging masyadong direkta tungkol sa katiwalian nila. Akala ko’y mahihirapan silang tanggapin ito at maaaring maging negatibo. Ngayon napagtanto ko na ang tunay na pagiging mapagmahal ay pagtulong na malutas ang katiwalian, mga problema, at mga paghihirap ng iba nang ayon sa katotohanan at mga salita ng Diyos. Ang pagsuporta at pagtustos ay isang paraan, pero ang pagpungos at pagwawasto sa kanila ay isa pa. Halimbawa, minsan kapag ang isang tao ay mayroong matinding katiwalian sa isang aspeto at hindi siya nagbago matapos ang maraming pagbabahagian, ang diwa, ugat at tindi ng mga kahihinatnan ay kailangang suriin ayon sa mga salita ng Diyos. kung kaya’t kailangan nilang lumapit sa Diyos para magnilay at kilalanin ang sarili. Tapos sa wakas ay sila’y tunay na makapagsisisi. Iyon lamang ang tanging paraan para makakuha ng resulta. Ang pagmamahal ko kuno sa iba ay nakabase sa makamundong pilosopiya at dala nito ang sarili kong kasuklam-suklam na mga motibo. Gusto ko lang maprotektahan ang imahe ko sa iba. Hindi ako umaako ng anumang responsibilidad para sa buhay ng mga kapatid—walang pagkakataon para maging tunay na mapagmahal. Nahiya ako nang sobra noong napagtanto ko ito at naging handa ako na itama ang mga mali kong gawain.
Pagkatapos ay nagsimula kong isipin kung bakit napakahirap para sa’kin na magsabi ng isang tapat na salita kapag natutuklasan ko ang mga kapintasan at katiwalian ng iba, at kailangan kong isagawa ang katotohanan, na ilantad sila. Para bang mahigpit na nakasara ang bibig ko, at wala akong paraan para buksan ito. Minsan mayroong nasa dulo na ng dila ko, tapos ay lulunukin ko ito at magsasabi ng diplomatikong bagay. Sa tuwing nagsasabi ako ng hindi umaayon sa realidad, nakakaramdam ako ng pagkasuklam, na ang naramdaman ko at ang nasabi ko ay lubos na hindi magkatugma. Nagkunwari akong mabait sa mga kapatid, pero sadyang hindi ko maisagawa ang katotohanan. Nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos kinalaunan na nagpakita sa’kin ng ugat ng problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “May pinag-aralan kayong lahat. Binibigyang-pansin ninyong lahat ang pagiging pino at payak sa inyong pananalita, at maging sa paraan ng inyong pagsasalita: Maingat kayong magsalita, at natuto na kayong hindi sirain ang paggalang sa sarili at ang dangal ng iba. Sa inyong mga salita at kilos, tinutulutan ninyo ang mga tao na makakilos nang malaya. Ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapanatag ang mga tao. Hindi ninyo inilalantad ang kanilang mga pilat o pagkukulang, at sinisikap ninyong huwag silang masaktan o mapahiya. Gayon ang prinsipyong pinagbabatayan ng kilos ng karamihan sa mga tao. At anong klaseng prinsipyo ito? Ito ay tuso, madulas, mapanlinlang, at mapanira. Nakatago sa likod ng nakangiting mukha ng mga tao ang maraming malisyoso, mapanira, at kasuklam-suklam na bagay. … Kaya nga, maaasahan ba ang mga salita ng mga tao? Mapagkakatiwalaan ba sila? Lubhang hindi kapani-paniwala at hindi mapagkakatiwalaan ang mga tao, at iyan ay dahil ang kanilang buhay, at mga kilos, at mga salita, ang bawat gawa nila at pinakainiisip, ay batay sa kanilang satanikong kalikasan, satanikong diwa at tiwaling disposisyon ni Satanas” (“Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal; halos wala man lamang silang taglay na katotohanan. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakakita nang malinaw sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos” (“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nalaman ko mula sa inihayag ng mga salita ng Diyos na ang hindi pagtatangkang maglantad ng katiwalian ng mga kapatid ay dahil sa pagkontrol at pamiminsala ng mga satanikong lason. Nag-isip ako ng mga bagay tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” “Ang mabuting salita ay nakakapagpainit sa taglamig, at ang isang masama naman ay nakakapagpaginaw sa tag-araw,” at “Mag-isip bago magsalita at magsalita nang may pagtitimpi,” na namuhay ako gamit ang mga satanikong pilosopiya na ito. Lagi ko lang pinapanatili ang sarili kong imahe at katayuan. Matapos kong magkaroon ng pananampalataya, nagpatuloy lang akong ipamuhay ang mga kautusan na ito ni Satanas, naging sobrang maingat sa aking mga relasyon, hindi pinasama ang loob ng sinuman, inisip na maitatayo ko ang sarili ko sa ganitong paraan at magkakaroon ng lugar para sa sarili ko sa puso ng iba. Kinontrol ako ng mga lasong ito ni Satanas, at sa harap ng mga problema ay palagi kong tinitimbang ang mga panganib at mga benepisyo, isinasaalang-alang ang pangalan ko at katayuan. Kapag naisip ko na mayroong posibilidad na makakasira sa personal kong imahe, isasantabi ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at poprotektahan ang sarili kong mga interes. Sinabi ko pa nga na sinusubukan kong pigilan ang iba na maging negatibo, nililinlang ang mga tao para isipin nila na mapagmahal at responsable ako. Nakita ko kung gaano ako naging makasarili at tuso para ipamuhay ang mga satanikong pilosopiya na ito. Iba ang pakitungo ko sa mga tao kaysa sa nararamdaman ko. Hindi ko hinarap ang Diyos nang may tapat na puso, at hindi man lang ako naging totoo sa mga kapatid. Naging demonyo ako. Nakakapinsala ako sa iba at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ilang taon na akong mananampalataya at nabasa ko na ang mga salita ng Diyos, pero hindi ko isinasagawa ang mga katotohanang prinsipyo sa mga interaksyon ko, at hindi ko itinataguyod ang gawain ng iglesia. Isinasagawa ko ang mga maling paniniwala at kasinungalingan ni Satanas, hindi tumatanaw ng utang na loob, naglulublob sa putik kasama ni Satanas. Hindi ba’t isa ako sa mga naniniwala sa Diyos pero lumalaban sa Kanya? Kapag hindi ako nagbago, alam kong kasusuklaman ako ng Diyos at parurusahan Niya. Nang matanto ito, nagpasya akong hindi na ako kailanman mamumuhay sa mga satanikong pilosopiya na ito, kundi kapag nahaharap sa mga problema, sasadyain kong maisagawa ang katotohanan.
Makalipas ang ilang buwan, nalaman ko na si Sister Zhao, na nasa tungkulin ng pagho-host, ay nagkaroon ng agwat sa iba dahil sa ilang maliliit na bagay. Kapag may ginagawa ang iba na hindi niya gusto, magsusungit siya sa kanila, na nakakapigil para sa iba. Nakaapekto ito sa ilan sa kanila sa tungkulin nila, at kinailangan niya ng agarang pagbabahagian. Tinanong ako ni Sister Fang kung gusto ko bang asikasuhin ito at naisip kong, “Limang taon ko nang kilala si Sister Zhao ngayon. Maganda ang tingin niya sa akin, kaya kapag inilantad ko siya bilang mapagmataas at may ’di magandang pagkatao, magagalit kaya siya sa’kin? Masisira kaya noon ang relasyon namin? Siguro dapat ay mag-isa na lang pumunta si Sister Fang.” Pero bigla kong naalala ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pag-aayos at pagpapaganda para sa lahat ng iyong nakakasalubong, at pagpapagaan sa pakiramdam ng lahat. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Kinabibilangan ito ng pagtrato sa Diyos, sa ibang tao, at sa mga pangyayari nang may isang tunay na puso, pagkakaroon ng kakayahang umako ng pananagutan, at paggawa ng lahat ng ito sa paraang maliwanag para makita at maramdaman ng lahat. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at kinikilala sila bawat isa” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang pagkakaroon ng magandang pagkatao ay hindi nangangahulugang pagiging laging magiliw at madaling pakisamahan ng lahat, kundi nangangahulugan ito na magawang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos sa iyong mga salita at gawa, at maisagawa ang katotohanan at maging tapat na tao. Ito ay paglapit sa Diyos at mga kapatid nang mayroong tunay na puso. Ito lang ang tunay na mabuting pagkatao. Nagnilay ako: Tinatrato ko ba nang may pagmamahal ang mga kapatid? Isinasagawa ko ba ang katotohanan? Alam kong hindi nakita ni Sister Zhao ang sarili niyang mga problema, at ang pagkakaroon ng pagitan at hinanakit sa iba ay masakit. Kapag nagkunwari ako na hindi ito nakikita at sa halip nag-astang mabait at mapanulsol, hindi ba’t pamumuhay iyon sa isang mapanlinlang at tusong satanikong disposisyon? Nang maisip ko ito, nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos ko, mapagpasaya ako ng mga tao at talagang walang pagkatao. Nakita ko ang isang sister na namumuhay sa katiwalian at pinaglalaruan ni Satanas, pero nagbubulag-bulagan ako. Hindi talaga iyon pagmamahal. Diyos ko, gusto kong talikdan ang sarili ko at hindi na kailanman mamuhay sa tuso kong disposisyon, kundi magtapat sa pagbabahagian para tulungan si Sister Zhao sa problemang nakikita ko. Pakiusap gabayan Mo ako.” Sa aming pagbabahagian, nagdala ako ng ilang salita ng Diyos para ituro kung paano naipapahayag ang kanyang kayabangan at ang kawalan niya ng pagkatao, at nagbahagi ako tungkol sa mga mapanganib na kahihinatnan ng pagpapatuloy nang gano’n. Nakita niya na siya ay mapagmataas at na gusto niya laging masunod ang gusto niya, na nakakapigil sa mga kapatid. Sinabi rin niya na ang gano’ng klase ng pagbabahagian ay talagang nakatulong sa kanya. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos sa paggabay sa’kin para makalaya sa mga gapos ng katiwalian ko, at para sa pagpaparanas na ang pagsasagawa ng katotohanan at pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos ang tanging paraan para tunay na magpakita ng pagmamahal sa mga kapatid. Ito lang ang malinis at maginhawang paraan para mamuhay.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.