Patotoo sa Gitna ng Pagpapahirap

Enero 24, 2022

Ni Liu Yi, Tsina

Disyembre 2002 ako unang naaresto. Isinumbong ako ng isang taong mapaghangad ng masama habang nasa ibang bayan ako, nagbabahagi ng ebanghelyo sa ilang relihiyosong tao. Nang dumating ang mga pulis, pinagsusuntok at pinagsisipa nila ako, tapos ay ipinosas ako at dinala sa interrogation room sa Public Security Bureau ng lalawigan, kung saan nakita ko ang mga posas at malalaking bakal na kadena, pati na mga aparato sa pagpapahirap tulad ng de-kuryente at gomang batuta na nakasabit sa dingding. Kumuha ng gomang batuta mula sa dinging ang kapitan ng pulisya na nasa 20 pulgada ang haba, at may salbaheng ekspresyon sa mukha niya na talagang nagdala ng takot sa akin. Hindi ko alam kung papaano nila ako pahihirapan. Kumakabog ang puso ko. Tapos, biglang sumagi sa isip ko ang bersikulong ito sa Biblia: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siya na makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Alam kong ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos, na wala kay Satanas ang huling pagpapasya. Handa akong ibigay ang sarili ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Umusal ako ng tahimik na dasal, handang sumandal sa Diyos para tumayong saksi.

Tapos ay dinuro ako ng kapitan ng pulisya gamit ang gomang batuta at sinabing, “Alam mo bang ang Kidlat ng Silanganan ay isang pangunahing target na nilalabanan ng gobyerno? Ang Tsina ay pag-aari ng Partido Komunista, at ginagambala ng pangangaral mo ng ebanghelyo ang kaayusan sa lipunan at nilalabag ang mga polisiya ng Partido. Kaya kayo pinarurusahan ng gobyerno.” Sabi ko, “Ginagarantiya ng Konstitusyon ang kalayaan sa relihiyon. Aling batas ang nilalabag ng aking pananampalataya at pangangaral ng ebanghelyo na naging dahilan para arestuhin n’yo ako? Ang lupa, ang sansinukob, lahat ay nilikha ng Diyos, at tama at natural na naniniwala at sumasamba kami sa Diyos. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba ay isang mabuting gawa. Pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng tao, kaya ang pagkakaroon ng pananampalataya at pagsamba sa Diyos ay ang tanging paraan para makalaya sa katiwalian at kapahamakan ni Satanas, at mailigtas ng Diyos. Ang lipunan ay magiging payapa kung susundin ng lahat ang Diyos, kaya paano mo nasasabing ang pangangaral ko ng ebanghelyo ay nakakagambala sa kaayusan ng lipunan?” Galit siyang sumagot, “Talagang ang lakas ng loob mo, nangangahas na ipangaral sa akin ang ebanghelyo!” Tapos ay parang baliw na inumpisahan akong gulpihin ng tatlong pulis, iniwan akong duguan ang bibig at ilong. Pero hindi pa rin nakuntento ang kapitan. Kinuha niya ang gomang batuta mula sa mesa at sinimulan akong hampasin mula sa likod, iniwan akong labis na masakit ang buong katawan. Sinipa nila ako sa lulod hanggang sa magkapasa at mamaga ang mga ito, at sobrang sakit ng mga paa ko na hindi ko maiapak ang mga ito sa sahig. Tapos ay tinanong ako ng kapitan, “Saan ka nanggaling? Ilang tao ang kasama mong pumunta sa lalawigan namin? Sinong pinuno? Sagutin mo ang aming mga katanungan at pauuwiin ka namin. ’Pag hindi ka nagsalita, may mga paraan ako para harapin ka, at ’pag tapos na ako, makukulong ka pa rin.” Natakot ako nang marinig ko ito. Naisip ko ang isang tao na mula sa aming barangay na naaresto at nakulong dahil lang sa pagbibigay ng mungkahi sa gobyerno. Sa huli, namatay siya sa kulungan. Puno na ako ng sugat dahil sa kanilang pagmamaltrato, kaya kung patuloy nila akong pahihirapan sa kulungan, mamamatay ba ako roon? Lalo’t lalo akong natakot dahil sa mga isiping ito at hindi na ako nagtangkang ipagpatuloy pa ang pag-iisip noon. Iniisip ko na kung may kaunti akong sabihin sa kanila, baka pauwiin nila ako at hindi ko na kailangang magdusa. Tapos sa isiping ito, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi pahihintulutan ng Kanyang matuwid na disposisyon ang paglabag at ’yong mga nagkakanulo sa Kanya ay pinarurusahan hanggang sa walang hanggan. Pansamantala lang ang pagdurusa ko mula sa pambubugbog at pagpapahirap, pero kapag ipinagkanulo ko ang Diyos tulad ni Judas, mapaparusahan ako magpakailanman. Kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, salamat po sa pagprotekta Mo sa akin mula sa pagkahulog sa panlalansi ni Satanas. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng lakas ng loob at karunungan para makatayo akong saksi para sa Iyo sa harap ni Satanas.” Nakita ng pulis na wala akong anumang sinasabi, kaya sinabunutan niya ako at sumigaw, “Puwede nating gawin ito sa santong dasalan o santong paspasan. Magsasalita ka ba o ano?” Hindi ko siya pinansin, kaya kinuha niya ang gomang batuta at ilang beses akong hinampas sa binti, tapos ay sinimulan akong hampasin sa buong katawan. Sobrang sakit. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, “O Diyos, paano man ako pahirapan ng mga pulis, nasa Iyong mga kamay ang buhay ko, at susundin ko ang itinakda Mo, nangangahulugan man ito ng buhay o kamatayan. Hangga’t may natitira pa akong hininga, hindi ako kailanman susuko kay Satanas, kundi ay magpapatotoo ako sa Iyo.” Naalala ko ang ilang salita ng Diyos pagkatapos ng aking dasal: “Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Nakita kong umaasa ang Diyos na bibigyan natin Siya ng patotoo sa panahon ng mga paghihirap at pagsubok. Sa mga nakalipas na kapanahunan, nagbabahagi na ng ebanghelyo ng Diyos ang mga banal at propeta, ang ilan ay namatay sa espada, ang ilan ay binato hanggang mamatay. Sa harap ng paghihirap at pang-uusig, inihandog nila ang sarili nilang buhay at matunog na nagpatotoo. Marami akong tinamasang pagdidilig at pagtustos mula sa mga salita ng Diyos, tumatanggap ng napakaraming bagay mula sa Kanya, kaya alam kong dapat kong sundan ang kanilang ehemplo. Paano man ako pinahirapan at sinaktan ng mga demonyong iyon, kailangan kong tumayong saksi at bigyang-kasiyahan ang Diyos, kahit ito’y huling hininga ko na.

Patuloy nila akong pinahirapan, pero kahit anong gawin nila, wala akong anumang sinabi. Mas lalo silang ginaganahan habang lalo nila akong binubugbog, hanggang sa bawat parte ng katawan ko’y matindi nang nahihirapan at humihiyaw ako, ’di makagalaw sa sahig. Pagod na pagod at hinihingal na sinabi ng kapitan, “Kapag ’di ka tumigil sa kakaatungal, magiging katapusan mo na! Walang may pakialam kung bugbugin namin kayong mga mananampalataya hanggang mamatay kayo! Magsasalita ka ba o ano?” Hindi ako umimik. Kinuha niya ang gomang batuta tapos sobrang lakas akong pinalo sa ulo nang tatlo o apat na beses. Sumigaw ako sa sakit at pagkatapos ay nawalan ng malay. Hindi ko alam kung ilang oras ang lumipas bago nila binuhusan ng malamig na tubig ang ulo ko at unti-unti akong nagkamalay. Kinaladkad ako ng dalawang pulis sa isang mahabang bangko at ipinosas ang mga kamay ko sa paanan nito gamit ang studded na posas, tapos ay lumabas ng silid. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon? Talaga bang tunay ninyong kinamumuhian ito? Bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong? Bakit Ko ba palaging itinatanong sa inyo ang bagay na ito, nang paulit-ulit? Anong imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Talaga bang naalis na ito? Talaga bang hindi ninyo ito itinuturing na inyong ama?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28). Hindi ko talaga kailanman naunawaan ang diwa ng Partido Komunista noon, at nadala pa rin ako sa huwad na imahe nito. Akala ko, ang mga pulis ay nariyan para paglingkuran ang mga tao, na mayroon silang mabuting bahagi. Pero matapos kong personal na maranasan ang kanilang kalupitan at pang-aapi, nakita kong ang Partido ay isa lamang grupo ng mga satanikong demonyo na kinamumuhian at nilalabanan ang Diyos. Sila’y mga naghihinanakit na kalaban ng Diyos at ng Kanyang hinirang na mga tao, at nagsimula akong tunay na kamuhian ang mga halimaw na iyon. Habang lalo nila akong inaapi, mas lalo ko silang tinatanggihan at tinatalikuran, at determinado akong tumayong saksi at ipahiya si Satanas.

Bandang alas-tres ng hapon, apat na pulis ang bumalik, lasing na lasing, at nawawalan ng pag-asang sinabi ng kapitan, “Hindi na talaga natin alam kung anong gagawin sa mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Lahat sila’y nahuhumaling sa librong iyon, Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Nakakasira lang ng bait!” Nakita kong napahiya si Satanas, at paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos. Tapos makalipas ang dalawang oras, bandang humigit-kumulang alas-singko, nakita nilang ’di pa rin ako nagsasalita at dinala ako sa isang detention house.

Pagdating ko roon, tinanggal ng isang pulis ang mga posas ko. May dalawang madugong uka sa mga pulsuhan ko kung saan nakalagay ang mga ito, at ang laman ay nagkaluray-luray. Sinabi ng hepe ng detention house sa ibang bilanggo, “Alagaan n’yo nang mabuti ang bagong salta. Naniniwala siya sa Makapangyarihang Diyos.” Tapos, dinala ako ng corrections officer sa isang selda. Sinabi ng amo ng mga bilanggo, “Paliguan n’yo siya at palitan ang kanyang damit!” Kaagad na lumapit ang tatlong bilanggo at sinimulan akong suntukin at sipain hanggang sa nahihilo na ako, at sobrang sakit ng nararamdaman ko na ni hindi ako makatayo. Tapos ay pinahubad nila sa akin ang damit ko, pero sobrang sakit ng mga pulsuhan ko na hindi ko ito mahubad, kaya hinila ako sa kuwelyo ng dalawa sa kanila at itinayo ako, tapos ay pinunit ang damit ko at itinulak ako palabas sa isang maliit na patyo. Sinimulan akong sabuyan ng malamig ng tubig ng apat sa kanila, at ang ilan ay malakas akong tinatapunan ng pala-palangganang tubig sa mukha, dahilan para masamid ako at maghabol ng hininga. Taglamig no’ng panahong iyon, kaya nanginginig ako sa ginaw at ang aking buong katawan ay namula. Patuloy nila akong sinasabuyan at kinukutya, sinasabing, “Siguradong mas nakakapresko ito kaysa sa paliligo sa loob, hm?” Tawa nang tawa ang lahat ng nasa selda.

Doon, mayroon akong isang mangkok ng lugaw sa umaga at gabi, at isang inaamag na siopao na minsan ay hindi pa nga lutong-luto. May labing-anim na bilanggo sa isang selda na lagpas lang nang kaunti sa isang daang talampakang parisukat ang laki, kung saan kailangan naming kumain, uminom, at umihi. Kailangan naming hingin ang permiso ng amo para gumamit ng banyo at pinatulog niya ako sa harap mismo nito. Ipapakuskos niya sa akin ang banyo pagkakain na pagkakain ko at ’pag tapos na ako ay susuriin niya iyon. Kapag sinabi niyang hindi pa ito sapat, kailangan kong ipagpatuloy ang pagkukuskos. Kinailangan kong gumising ng alas-singko ng umaga para bigkasin ang mga panuntunan sa bilangguan, at kapag nagkamali ako, mabubugbog ako at mumurahin. Kinailangan kong gumawa ng limangdaang piraso ng foil laminate araw-araw, at kung minsan, pinagtatrabaho nila ako hanggang hatinggabi, tapos kailangan kong magbantay sa loob ng dalawa pang oras. Palagi akong nahahanapan ng mali ng corrections officer, sinasabing hindi ko tinapos ang trabaho ko o kaya’y nakatulog ako habang nagbabantay, at pagkatapos ay inilabas ako para bugbugin at sigawan. Isang umaga, bandang alas-otso, tinawag niya ako at takot na takot ako. Hindi ko alam kung anong gagawin nila sa akin sa pagkakataong ito, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, gaano man ako bugbugin o sigawan ng corrections officer, hindi ako yuyuko sa kanya.” Dinala niya ako sa isang maliit na silid, dalawang beses akong sinampal, at sinabing, “Hindi namin hahayaan na mabusog o makapagpahinga nang maayos kayong mga relihiyosong tao. Pahihirapan namin ang inyong katawan at sisirain ang inyong espiritu, at tingnan natin kung gusto n’yo pa rin ang inyong Diyos!” Galit akong sumagot, “Walang anumang batas na nilalabag ang pananampalataya ko. Bakit n’yo ako tinatrato nang ganito?” Sabi niya, “Ang iyong pananampalataya ay nangangahulugan ng pagsalungat sa Partido, at mas malala ’yon sa paglabag ng kahit anong batas.” Sinampal niya ulit ako habang sinasabi niya ito, pinatanggal sa akin ang sapatos ko, at inilagay ang mga paa ko sa sementadong bangko. Tapos ay kumuha siya ng isang kawayang pamalo na mga isang talampakan ang haba at sobrang lakas na sinimulang paluin ang mga daliri at ibabaw ng mga paa ko, hinahampas ako at sumisigaw, “Naniniwala ka pa rin ba sa Diyos?” Sabi ko, “Puwede mo akong bugbugin hanggang mamatay at maniniwala pa rin ako!” Ang nagawa ko na lang ay walang tigil na magdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng pananampalataya at lakas, at ng pagpapasya na matagalan ang pagdurusa. Kahit na bugbugin nila ako hanggang mamatay, hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Tumigil siya noong pulang-pula at namamaga na ang mga paa ko, tapos sinabing, “Talagang matigas ka!” Tahimik akong nagpasalamat sa Diyos—lubos na dahil iyon sa pananampalataya at lakas na ibinigay Niya sa akin. Nararamdaman kong nasa tabi ko ang Diyos, ginagabayan at pinoprotektahan ako, at pagkatapos ay nagkaroon ako ng pananampalataya para sumandal sa Diyos para malagpasan ang sitwasyon.

Isang sipi ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko pagkabalik ko sa aking selda: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? … Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Tumpak ang mga salita ng Diyos. Iwinawagayway ng Partido Komunista ang watawat ng kalayaan sa relihiyon para sa mga tagalabas, habang pinagmamalupitan ang mga mananampalataya. Gusto nitong makita na mabura tayong lahat. Ang Partido ay ang diyablong si Satanas na namumuhi sa Diyos at gumagawa laban sa Kanya, at ang bilangguan nito ay talagang impiyerno sa lupa! Pisikal akong nagdurusa, pero talagang nakikita ko ang masamang diwa ng Partido, at nagkakamit ako ng pagkakilala sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, ano ang matuwid at ano ang hindi matuwid, sa pagitan ng mabuti at masama. Natututo rin akong sumandal sa Diyos at tumingin sa Kanya, at magkamit ng pananampalataya at lakas mula sa Kanya. Pagkatapos noon, sa tuwing inaabuso ako ng isa sa mga demonyong iyon, tumatawag ako sa Diyos sa puso ko at bibigyan Niya ako ng lakas at abilidad para magdusa nang sa gayon ay matagalan ko ang mga panunukso at kalupitan ni Satanas. May isang himno ng mga salita ng Diyos na talagang tumatak sa akin: “Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at katapatan ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan(“Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Maraming beses ko itong inihihimig sa sarili ko noong panahong ’yon. Talagang lubhang nakasisigla ito para sa akin.

Noong Hulyo 2003, dinala nila ako sa Public Security Bureau ng lalawigan at inilagay ako sa mga kamay ng lokal na pulisya, na nagdala sa akin sa interrogation room sa ikalawang palapag. Payat na payat ako at ni hindi nga ako makatayo nang maayos. Sumimangot ang isang pulis, ikinatok ang kanyang kamao sa noo ko at sinabing, “Ikaw na payatot ka, napakatigas ng ulo mo. Minsan ka nang naaresto sa pagsunod sa Panginoong Jesus, nagtago ng ilang buwan, at pinagmulta ka. Hindi ka pa rin kuntento? Ngayon, nasa Makapangyarihang Diyos ka naman, at ang bago mong iglesia ay isang pangunahing pambansang target. Hindi mo ba alam ’yon?” Pagtapos na pagkatapos noon, kumuha ng lubid ang isang pulis mula sa dingding, pinilipit ng dalawa sa kanila ang mga braso ko sa aking likuran, tapos ay pinaikot ang lubid pababa sa aking mga balikat at itinali nang magkasama ang mga braso at pulsuhan ko. Tapos hinatak nila ang lubid—pakiramdam ko’y mababali sa gitna ang mga braso ko at humiyaw ako sa sakit. Dinala nila ako sa dingding at ibinitin ako mula sa isang kawit doon. Halos hindi maabot ng mga paa ko ang sahig. Ikinandado nila ang pinto at umalis nang may masasamang ngiti sa kanilang mukha. Nanakit ang buong katawan ko at pakiramdam ko’y mapuputol na ang mga braso ko. Lumipas ang higit sampung minuto. Tumutulo na ang pawis sa noo ko, at basang-basa na rin ng pawis ang buong katawan ko. Mabilisan akong tumatawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya ang kalooban para matagalan iyon nang hindi bumibigay kay Satanas. May iniisip akong isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Labis itong nakagiginhawa at nakapagpapalakas ng loob para sa akin. Ang ating pananampalataya ay nangangahulugan na kailangan nating pagdaanan ang paghihirap at pang-aapi, pero ang lahat ng pagdurusa ay pansamantala. Kung makakatayo tayong saksi sa lahat ng iyon at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ang lahat ng ito ay may kabuluhan at mahalaga. Hindi ko sigurado kung ilang oras na ang lumipas, tapos ay may naulinigan akong tunog ng isang bumubukas na pinto. Kinalas nila ang tali ko at ibinaba ako, at paralisado lang akong umupo sa sahig, masakit na masakit ang mga braso at balikat ko. May madudugong marka sa mga pulsuhan at katawan ko kung saan bumaon ang lubid. Bandang alas-kuwatro ng hapong iyon, nakita nila kung gaano na ako kahina, kaya pinauwi na nila ako, natatakot na mamamatay ako sa kanilang kustodiya.

Makalipas ang isang buwan, noong Agosto 2003, habang papunta na sana ako sa bukid para tapusin ang ilang gawain, isang sasakyan ng Public Security Bureau ng lalawigan ang tumigil sa harap ng bahay ko. Tatlong pulis ang lumabas, at kinaladkad ako sa kanilang sasakyan, pinosasan ako, at dinala ako sa isang detention center ng lalawigan. Sinabi nilang naroon ako para hintayin ang pagpoproseso. Matapos ang dalawang linggong pagkakakulong doon, pinaratangan nila ako ng krimen ng ilegal na pangangaral ng ebanghelyo at paggambala sa kaayusan ng lipunan, at sinentensyahan ako ng isang taon at siyam na buwan ng muling pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Tapos napagtanto kong pinauwi nila ako para lumakas ako, dahil kung hindi, hindi ako tatanggapin sa labor camp. Sinasabi ng labor camp na may walong oras kada araw ng trabaho, pero sa katunayan, kailangan naming magtrabaho ng higit sa labing-apat na oras sa isang araw. Binibigyan nila kami ng sobrang daming gawain, kaya madalas na kailangan naming magtrabaho hanggang ala una ng madaling araw o higit pa, at may isang beses na buong gabi akong nagtrabaho pero hindi ko pa rin natapos ang mga gawain ko. Pinabigkas din sa amin ng mga guwardiya ang mga panuntunan sa bilangguan, at ’pag nagkamali kami, paparusahan kami ng dagdag na trabaho o pagbabantayin. Partikular silang istrikto sa mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Hindi nila kami pinapayagang mag-usap, at pinapabantayan kami sa ibang bilanggo. Isang araw, bandang tanghalian, nakasandal ako sa isang bato, nagpapahinga, nang dumating ang isang kapatid at umupo sa tabi ko. Nakita kami ng isang bilanggo at isinumbong kami sa mga guwardya ng bilangguan na ipinatawag kami sa kanilang opisina at sinabing, “Nilabag n’yo ang mga panuntunan sa bilangguan. Bawal kayong magtalakay ng anumang relihiyoso rito!” Sumagot ako na ni hindi nga kami nag-usap at sinampal nila kami sa mukha, tapos ay kumuha ng isang de-kuryenteng batuta at sinimulang kuryentehin ang kapatid na iyon sa buong dibdib at likod nito. Sa huli, dinagdagan nila ng apat na buwan ang sentensya namin. Noong 2005, sa wakas ay natapos na ang pagsisilbi ko at nakalaya na ako.

Tapos, isang araw ng Agosto 2006, habang nasa isang pagtitipon ako kasama ang dalawang miyembro ng iglesia na nasa kanilang edad na lampas setenta, naisumbong kami sa mga pulis. Dinala kami ng mga pulis sa Public Security Bereau ng lalawigan at pinaghiwalay kami para tanungin. Sa interrogation room, nakita ko ang malupit na ekspresyon sa mukha ng mga pulis at ang lahat ng uri ng mga aparato sa pagpapahirap, tulad ng mga de-kuryenteng batuta, kadena, at isang tiger chair. Naisip ko sa sarili ko, “Walang awa at walang pagkatao ang mga taong ito. Hindi sila mangingiming gawin akong baldado o patayin ako gamit ang anuman sa mga aparatong ito, at hindi ko alam kung paano nila ako pahihirapan.” Medyo natakot ako. Nang sandaling iyon, pumasok sa isip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Napakasimple nito ngayon: Tumingin ka sa Akin gamit ang iyong puso at kaagad magiging malakas ang iyong espiritu. Magkakaroon ka ng landas sa pagsasanay, at gagabayan Ko ang bawat hakbang mo. Mabubunyag sa iyo ang Aking salita sa lahat ng sandali at sa lahat ng dako. Saanman o kailanman, o gaano man kasalungat ang kapaligiran, bibigyan Kita ng malinaw na pagtingin, at mabubunyag sa iyo ang Aking puso kung titingin ka sa Akin gamit ang iyong puso; sa ganitong paraan, tatakbo ka sa daang nasa harapan at hindi kailanman maliligaw(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Gaano man maging kalupit ang mga pulis ay nasa mga kamay na ng Diyos, at wala silang magagawa sa akin nang hindi ito pinahihintulutan ng Diyos. Alam kong kailangan kong umasa sa Diyos para tumayong saksi. Inusal ko ang dasal na ito sa Diyos sa aking puso: “Diyos ko, pakiusap, bantayan Mo po ang puso ko nang sa gayon ay makayanan ko ang lahat ng mga pagdurusa. Kahit mamatay ako, hinding-hindi Kita ipagkakanulo o tatraydurin ang mga kapatid.” Mas kumalma ako matapos kong magdasal. Hindi na ako masyadong takot. Tapos ay itinuro ako ng kapitan at sinabing, “Ilang araw ka pa lang nakakaalis sa labor camp. Talagang hindi ka matuto-tuto! Maliwanag na isa kang lider, kaya sabihin mo sa akin, sino ang lider na nakatataas sa iyo? Sinong nagtatago ng pondo ng iglesia? Saan mo nakuha ang mga librong iyon?” Sinabi kong wala akong alam. Itinaas ng pulis ang kanyang kamay at ilang beses akong sinampal, dahilan para mamula ang mukha ko sa sakit at dumugo ang bibig ko. Ang dalawa pang pulis, na nasa magkabilang gilid ko, ay inaapakan ang mga daliri ko sa paa. Umiiyak ako sa sakit. No’ng hindi ko na talaga matiis ang sakit, tumalungko ako para subukang maginhawaan. Walang tigil kong tinatawag ang Diyos, humihiling sa Kanya ng pananampalataya at lakas para makatayo akong saksi. Tapos may naisip ako na mula sa mga salita ng Diyos: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na kapag umaatake si Satanas, ang makatayong saksi para ipahiya ito at hindi kailanman mawalan ng pananampalataya sa Diyos ay ang tanging paraan para maging isang mananagumpay. Inilagay ako ng mga pagsubok at paghihirap na ito sa pisikal na paghihirap at pagdurusa, pero kalakip nito ang pagmamahal at mga pagpapala ng Diyos. Ginagawang perpekto ng Diyos ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng ganoong klase ng kapaligiran. Napatibay ng isiping ito ang pananampalataya at lakas ko, at nagpasya akong paano man nila ako pahirapan, hindi ako kailanman susuko kay Satanas, kundi ay iaalay ko ang buhay ko para tumayong saksi para sa Diyos. Pagkatapos na pagkatapos kong tumalungko, hinila ako sa kuwelyo ng isang pulis at itinayo, tapos binitiwan niya ako’t pinagsusuntok at pinagsisipa nila ako. Sobrang lakas nila akong sinisipa sa lulod na napapahiyaw na ako sa sakit at bumagsak ako, hindi makagalaw. Hinihingal sila, napagod sa pambubugbog sa akin nang ganoon. Sinipa ako sa binti ng kapitan ng pulisya at sinabing, “Kahit pa gawa sa bakal iyan, pipilitin kong buksan ’yang bibig mo ngayong araw. Halika na, hinihintay ka na ng tiger chair!” Hinila ako ng dalawang pulis paupo sa tiger chair, inilagay ang bawat kamay ko sa isang uka, at itinali ang mga pulsuhan ko gamit ang mga bilog na bakal. Nagtali rin sila ng isang bilog na bakal sa bawat bukong-bukong ko, tapos ay hinila paatras ang bawat paa ko at ipinuwesto ang harap ng mga ito na lumalapat sa sahig. Pakiramdam ko’y may kung anong tumatama sa mga bukong-bukong ko. Talagang kakaibang pakiramdam ’yon na ’di ko mailarawan. Kakila-kilabot iyon. Makalipas ang kalahating oras, masakit ang buong katawan ko at namanhid na, at para bang pinaghihiwalay ang mga buto at laman ko. Bago matapos ang isang oras, pakiramdam ko’y hindi ko na talaga kaya ito. Pawisang-pawisan na ako, at walang tigil akong tumatawag sa Diyos. Tapos ay hinila ng kapitan ang buhok ko sa sentido at sinabing, “Pinag-isipan mo na ba? Kausapin mo lang kami at pauuwiin ka na namin at makakasama mo na ang iyong pamilya. Kung hindi, makukulong ka ng pinakamababa na ang tatlo hanggang limang taon.” Hindi ko maiwasang isipin kung paano ko kaya malalagpasan ito kung ilang taon akong nakakulong. Ang isipin pa lang na mapahirapan sa ganoong paraan ay sobrang nakakatakot na. Tapos may naalala akong mula sa mga salita ng Diyos na talagang nakapagbibigay-liwanag: “Gusto mo ba ang laman, o nais mo ang katotohanan? Hinihiling mo ba ang paghatol, o kaginhawahan? Yamang napakalawak ng iyong karanasan sa gawain ng Diyos, at yamang namasdan mo ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos, paano ka dapat naghahabol? Paano ka dapat lumalakad sa landas na ito? Paano mo dapat isagawa ang iyong pag-ibig sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Ipinaalala sa akin nito na ang tanging paraan para makamit ang katotohanan ay sa pamamagitan ng pagtitiis ng mga paghihirap at pagdurusa. Labis kong pinahahalagahan ang laman at ayaw magbayad ng ganoong uri ng halaga, pero paano ko makakamit ang katotohanan at maliligtas sa ganoong paraan? Naisip ko rin kung paanong dalawang beses na nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas tayong tiwaling sangkatauhan, at tiniis Niya ang lahat ng uri ng pagkapahiya at sakit. Napakalaki ng pagmamahal Niya sa atin! ’Yong kaunting pagdurusa ko ay walang anumang sinabi. Hindi ko puwedeng patuloy na saktan ang puso ng Diyos, kundi ay kailangan kong tumayong saksi at paginhawain Siya. Tahimik akong nagdasal, “Makapangyarihang Diyos! Ayoko nang pahalagahan ang laman. Paano man ako pahirapan ni Satanas, gaano man ako magdusa, hindi ako susuko rito hangga’t may natitira pa akong hininga. Nangangako akong tatayo akong saksi at ipapahiya si Satanas!” Pakiramdam ko’y mas lumakas ang pananampalataya ko pagkatapos ng aking dasal at hindi na rin ako masyadong miserable. Alam kong Diyos ang nagbibigay sa akin ng lakas at nararamdaman kong nasa tabi ko Siya, inaalagaan ako at pinoprotektahan ako. Paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos sa aking puso. Walang tigil akong pinahirapan ng mga pulis sa loob ng anim na oras at ’di mabilang na beses akong sinampal, pero hindi ako kailanman sumuko. Nakaisip sila ng bagong paraan pagkatapos noon. Halos takipsilim na nang dalhin nila sa interrogation room ang nakatatandang brother at sister na kasama kong naaresto. Dalawang beses ako sinampal ng isang pulis, at sinabing, “Hindi ka nagsalita, pero sila, oo. Sinabi nilang isa kang lider ng iglesia.” Tiningnan ko silang dalawa at nakita kong pinanlilisikan nila ng tingin ang pulis, may mga marka ng dugo sa kanilang mga bibig at ilong. Masasabi ko, mula sa ekspresyon ng mga ito, na walang dudang nagsisinungaling siya. Galit na galit ako. Ni ayaw pakawalan ng mga halimaw na iyon ang mga nakatatanda—kinasusuklaman ko sila sa bawat hibla ng aking pagkatao.

Noong madilim na, dinala nila kaming tatlo sa isang detention house. Dalawang buwan akong nakakulong doon at pagkatapos ay dinala nila ako sa isang detention center. Makalipas ang dalawampung araw doon, inilahad sa akin ng pulis ang isang hatol para pirmahan. Pinaratangan nila ako ng ilegal na pagtitipon at paggambala sa kaayusan sa lipunan, at pagpapabagsak sa kapangyarihan ng estado. Sinentensyahan ako ng isang taon at siyam na buwan ng muling pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Galit na galit ako, at sinabi ko sa kanila, “Nagtipon lang kami at nagbasa ng mga salita ng Diyos. Ni katiting ay hindi namin ginambala ang kaayusan sa lipunan. Gumagawa ng kung ano-ano ang gobyerno, binabaluktot ang katotohanan, at gumagawa ng mga paratang laban sa amin. Ayokong pumirma!” Galit na pinagtagis ng pulis ang kanyang mga ngipin at sumagot, “Walang may pakialam sa kung anong gusto mong sabihin! Sa tingin mo hindi mo pagsisilbihan ang sentensya mo ’pag ’di ka pumirma? Nasentensyahan ka pa rin, at pupunta ka sa labor camp na iyon.” Kinabukasan ng umaga, ipinosas ako ng dalawang pulis, isinakay ako sa isang van ng pulisya, at inihatid ako sa labor camp. Habang papunta roon, tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, ayoko nang pagdaanang muli ang buhay sa labor camp, ipinapahiya at pinapahirapan, pero handa akong magpasakop sa Iyong mga pangangasiwa at pagsasaayos. Kung gusto Mo po akong bumalik sa kulungan para magpatotoo sa Iyo, walang pagtutol ko itong tatanggapin.” Sobrang bumuti ang pakiramdam ko matapos kong magdasal, at pagkatapos noon, nakita ko ang mga gawa ng Diyos. Nagsimula akong makaramdam ng hirap sa paghinga, na parang medyo hinihingal ako. Nanunubig ang mga mata at bibig ko at tumutulo ang sipon ko. Nang makarating kami roon, nakita ng pulis na sumusuri sa akin na payat ako at marumi, at patuloy na inuubo at dumudura, kaya sinabi niyang wala ako sa mabuting kondisyon, na may sakit ako, at hindi ko kayang magtrabaho. Tumanggi siyang tanggapin ako. Galit na nagtiim-bagang ang dalawang pulis na nagdala sa akin doon, wala silang ibang pagpipilian kundi ang ibalik ako sa detention center. Makalipas ang dalawampung araw, matapos makahanap ang asawa ko ng magsisilbing guarantor at gumastos siya ng 2,000 yuan para sa mga hapunan at regalo, at 5,000 pa para sa multa, nagawa kong pagsilbihan ang nalalabing sentensya ko sa labas ng bilangguan. Sa sandaling nakabalik ako sa bahay mas lalo akong kinokontrol ng pamilya ko, dahil nadala na sila ng mga kasinungalingan ng Partido Komunista, at binabantayan ng mga pulis ang bawat galaw ko. Wala akong ibang pagpipilian kundi ang lisanin ang lugar, at nagtrabaho ako habang ginagawa ang aking tungkulin. Doon na nagsimulang magkaproblema ang mga braso ko. Sumasakit ang mga ito sa tuwing may itinataas akong kung ano sa ulo ko, at may konti pa akong concussion. May kung anong umuugong sa ulo ko sa lahat ng oras, parang kung anong de-kuryente.

Pisikal akong nagdusa sa lahat ng mahihirap na sandaling iyon, pero malinaw kong nakita ang masamang diwa ng malaking pulang dragon, at nakita kong ang Diyos lang ang nagmamahal at makapagliligtas sa atin. Personal ko ring naranasan ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at sobrang lumago ang pananampalataya ko sa Kanya. Nakita ko kung paanong sa totoo ay ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para pagsilbihan Siya, para gawing perpekto ang pananampalataya at pagmamahal ko. Ito’y ang Diyos na pinagpapala ako! Gaano man karaming lubak sa daan o gaano man ako magdusa, susundan ko hanggang sa huli ang Diyos.

Mga Talababa:

1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.

2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Mga Kayamanan ng Buhay

Wang Jun Lalawigan ng Shandong Sa paglipas ng mga taon mula nang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ang...

Noong Ako’y Bente Anyos

Ni Liu Xiao, Tsina Noong bente anyos ako, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pananampalataya sa Diyos at pinahirapan. Hindi ko...

Pagtakas sa Pangil ng Kamatayan

Ni Wang Cheng, Tsina Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng...