Isang Sikretong Interogasyon sa Hotel

Pebrero 24, 2024

Ni Song Ping, Tsina

Isang araw noong Pebrero 2013, nagkasundo kami ng isang sister na pumunta sa isang pagtitipon. Bandang alas dos ng hapon, habang hinihintay ko siya malapit sa isang tindahan ng sapatos, may nakita akong lalaking titingin-tingin sa akin habang may kausap sa telepono, at kinutuban ako na may mali. Nang papaalis na ako, narinig ko ang, “Huwag kang gagalaw!” Nakakita ako ng apat o limang taong sumusugod sa akin, at naisip kong, “Naku po, mga pulis ito!” Sinubukan kong tumakbo, pero naabutan ako ng dalawang lalaki, pinadapa nila ako sa sahig, at pagkatapos ay itinulak papasok sa isang sasakyan, kung saan nakita ko ang tatlo pang sister na inaaresto kasama ko.

Dinala kami ng mga pulis sa istasyon ng pulis at inutusan kaming tumayo sa tabi ng mga pader ng bakuran. Kabadong-kabado ako. Taimtim akong nanalangin sa Diyos, at naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Tunay nga, kapag nasa tabi ko ang Diyos, ano ang dapat kong katakutan? Kailangan kong sumandig sa Diyos para maranasan ang kapaligirang ito. Unti-unti, nagawa kong pakalmahin ang sarili ko. Pagkatapos niyon, pinuwersa ako ng isang babaeng pulis na maghubad para kapkapan, at sinadya akong patalungkuin nang nakabukaka. Napahiya at nagalit ako.

Noong sumunod na gabi, dinala ako ng mga pulis sa isang anim na palapag na hotel. Inupahan nila ang tatlong itaas na palapag ng hotel at ginawa ang mga iyong isang sikretong sentro ng interogasyon para magkulong at magpahirap ng mga mananampalataya ng Diyos. Nang makarating ako sa ikaanim na palapag, nakita ko ang mahigit dalawampung kapatid na nakatayo sa isang hanay, at nagulat ako: Napakaraming tao ang naaresto! Mukhang sabay-sabay silang inaresto ng Partido Komunsta. Hindi ko alam kung paano kami tatratuhin ng mga pulis, kaya’t tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Diyos na protektahan kami upang makapanindigan kami. Pagkatapos ay pinaghiwa-hiwalay kami ng mga pulis para sa interogasyon.

Alas singko ng umaga noong ikatlong araw, pumasok ang isang matabang pulis at sinabi sa isang naninitang tono, “Ang lalaking kinukwestyon ko ay isang lider, at matigas siya. Alas dos o alas tres na natapos ang interogasyon.” Nagmamalaki niyang iniarte habang nagpapatuloy, “Una, sinipa ko siya nang malakas sa mukha, at pagkatapos ay sinipa ko siya nang malakas sa kabilang panig ng mukha niya, at pagkatapos, paulit-ulit ko siyang sinampal gamit ang dalawang kamay.” Iwinagwag niya ang mga kamay niya at ipinagpatuloy ang galit na pagrereklamo, “Napakalakas ng paghampas ko sa kanya na nanakit ang mga kamay ko, kaya’t kumuha ako ng kalahating bote ng mineral na tubig at hinampas ang mukha niya hanggang sa hindi ko na maigalaw ang mga braso ko. Nasira ang porma ng buong mukha niya. Talagang hindi na siya makilala.” Kinilabutan ako sa pagkukuwento ng pulis. Kumakabog ang puso ko, at galit na galit talaga ako, “Napakalupit ng mga pulis na ito, kung bubugbugin nila ako katulad ng pambubugbog nila sa brother ko, makakayanan ko kaya ito?” Hindi na ako nangahas na isipin pa iyon. Agad akong nagdasal sa Diyos para hilingin sa Kanyang protektahan ang brother na binugbog, at protektahan din ako, upang magkaroon kami ng lakas ng loob sa pagdanas ng kapaligirang ito.

Noong umaga ng ikaapat na araw, dinala ako ng mga pulis sa istasyon ng pulis. Tinanong ako ng isang pulis na Wu ang apelyido kung ano ang posisyon ko sa iglesia. Sinabi kong isa akong pangkaraniwang mananampalataya. Bigla siyang tumayo at nagsabing, “Palagay ko’y hindi ka magsasabi ng totoo kung hindi ka makakaramdam ng kaunting sakit!” Inutusan niya akong iunat ang mga braso ko, tumalungko, tumayo, at pagkatapos ay ulitin ang galaw na iyon. Matapos itong gawin nang matagal, sa sobrang pagod ko ay tumatagaktak na ang pawis ko, at masakit na ang mga binti ko. Natumba ako sa sahig. Umismid siya at nagsabing, “Alam mo ba? Gaano man kalakas ang mga tao, dito, kailangan nilang yumukod sa akin. Isa ka bang lider? Sino ang taong nakatataas sa iyo?” Nang hindi ako magsalita, inutusan niya akong tumalungko. Matapos lang tumalungko ng ilang minuto, nagsimula nang manginig ang mga binti ko, maga ang mga iyon, at hindi nagtagal, natumba ako. Pinatayo niya ako at ipinatuloy niya sa akin ang pagtalungko, at inulit ko iyon nang mahigit walong daang beses. Naninindak na sinabi ng isang pulis, “Tingnan mo kung gaano ka kapawis. Kaawa-awa ang itsura mo. Bakit ka nagdurusa nang ganito? Nasaan ang Diyos na ito? Kung sasabihin mo sa amin ang nalalaman mo, hindi mo na kakailanganing magdusa. Kung hindi, magdudusa ka nang higit pa sa inaakala mo.” Habang pinakikinggan ang mga salita ng pulis, nasuklam ako. Lumingon ako sa kanya at sinabing wala akong nalalaman. Ipinosas nila ang mga kamay ko sa likuran ko sa tiger bench. Matapos lang maposasan nang sandali, nakadama ako ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga. Halos hindi na ako makahinga. Sinabi ko sa kanilang tanggalin ang mga posas, at pagkalipas ng matagal na oras, sa wakas ay binuksan na nila ang mga iyon. Kalaunan, pumasok ang isang pulis at nagsabing, “Subukan mong unawain ang sitwasyon mo. Umamin na ang lahat. Walang silbi ang maupo rito at magtiis nang mag-isa, hindi ba? Sabihin mo na sa akin ngayon kung ano ang nalalaman mo at hahayaan ka naming umalis.” Tapos ay naglabas siya ng ilang litrato at inutusan akong kilalanin ang mga tao sa mga iyon. Sabi niya, “Naaresto ang lahat ng mga taong ito, at sinabi nilang kilala ka nila. Kilala mo ba sila? Anu-ano ang mga trabaho nila sa iglesia?” Naisip ko, “Kung talagang inamin ng mga kapatid na kilala nila ako, pero sinabi kong hindi ko sila kilala, tiyak na hindi ako paaalisin ng mga pulis. Pero kung sasabihin kong kilala ko sila, ipagkakanulo ko ang mga kapatid ko. Dahil doon ay magiging isa akong Judas na nagtataksil sa Diyos. Ano ang dapat kong gawin?” Sa oras na ito, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Napagtanto ko na isa ito sa mga pandaraya ni Satanas. Maaaring ginagamit ng mga pulis ang pamamaraang ito para linlangin ako at pagtaksilin ako sa mga kapatid ko, at pagtaksilin ako sa Diyos. Hindi ako pwedeng mabiktima nito. Kahit pa inamin ng mga kapatid ko na kilala nila ako, hindi ko pa rin sila pwedeng ipagkanulo. Iniisip ito, sinabi kong hindi ko sila kilala.

Nakita ng pulis na Wu ang apelido na hindi ako naloko at galit nitong sinabing, “Gusto kong makita kung gaano ka talaga katigas!” Tapos ay inutusan niya akong tumayo at ipinosas ang mga kamay ko sa mga metal na rehas na nakatakip sa bintana ng pasilyo. Nakabitin ang katawan ko sa hangin, at napakasakit ng mga pulso ko, at samantala, tiningnan ako ng mga pulis at tinawanan. Pagkaraan ng ilang sandali, ibinaba nila ako at sinabihang ipagpatuloy ang pagtalungko. Noong gabing iyon, ibinalik ako ng mga pulis sa hotel. Kinaumagahan, sinabi ng pulis na Wu ang apelyido, “Simula sa araw na ito, ipoposas kita sa bintana. Kung hindi mo sasabihin ang totoo, ni hindi ka makakakain.” Pagkatapos niyon, ipinosas nila ang isa sa mga kamay ko sa mga bakal na rehas. Paminsan-minsan ay pumupunta sila para tanungin ako tungkol sa mga detalye ng iglesia ko. Nang makita ng isa sa mga pulis na hindi pa rin ako nagsasalita, sinampal niya ako nang malakas gamit ang isang folder, at sadyang binuksan ang pinto para marinig ko ang mga tunog ng pagpapahirap sa mga ibang sister. Naririnig ang mga sigaw nila ng paghihirap, nalungkot ako at labis na nagalit.

Makalipas ang apat na araw, kinuha ng isang pulis na Mu ang apelyido ang kwaderno ko, itinuro ang mga numero doon, at itinanong sa akin kung ang mga iyon ay numero ng cell phone ng mga kapatid ko. Nang hindi ako sumagot, malakas niyang isinigaw, “Kahit na wala kang sabihing kahit ano, sapat na ang kwadernong ito para masentensyahan ka!” Naglabas siya ng litrato, itinuro ang taong nandoon, at itinanong sa akin kung ito ang lider ng iglesia. Pagkatapos ay naglabas siya ng tatlong litrato ng mga bahay-tuluyan para sa iglesia, at pagkatapos ay inutusan akong tukuyin ang mga iyon. Alam ko ang lahat ng mga bahay na ito, pero sinabi kong hindi ko alam ang mga iyon. Idinagdag niya, “Isasakay ka namin sa kotse at dadalhin ka roon. Kailangan mo lang ituro sa amin ang lokasyon. At isisikreto namin ito para sa iyo, walang makakaalam na ikaw ang nagbigay ng impormasyon.” Nakikitang hindi pa rin ako nagsasalita, sinabi niya sa pulis na katabi niya, “Hubaran mo siya, ibitin mo siya nang nakaharap sa bintana, para makita ng mga nagdaraan. Tapos, kuhanan mo siya ng litrato at i-post mo iyon sa Internet, sabihin mong isa siyang Judas, at sabihin mong sinabi niya sa atin ang lahat.” Pagkatapos noon, lumapit siya para hubarin ang mga damit ko. Takot na takot ako. Kung gagawin talaga niya ito at ilalagay ang litrato ko sa Internet, makikita iyon ng mga kamag-anak at kaibigan ko. Paano ako makakapamuhay pagkatapos niyon? Nagmakaawa ako sa kanyang huwag hubarin ang mga damit ko, pero umismid siya at nagsabing, “Ano? Natatakot ka ba?” Tapos ay naghagalpakan silang lahat ng tawa. Nakikita ang kampante nilang mga itsura, napagtanto kong isa pa ito sa mga pandaraya ni Satanas, kaya’t agad akong kumalma at dumaing sa Diyos. Sa oras na ito, naalala ko ang isang awit ng salita ng Diyos na pinamagatang “Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan”: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng kumpyansa at lakas. Sumampalataya ako sa Diyos at sinunod ang tamang landas sa buhay. Ang mapahirapan at mapahiya dahil sa paniniwala ko sa Diyos ay hindi dapat ikahiya. Inuusig ako dahil sa pagiging matuwid, at pinahintulutan ito ng Diyos. Kung susuko ako kay Satanas at pagtataksilan ang Diyos para protektahan ang reputasyon ko, iyon ang magiging pinakanakahihiyang bagay na magagawa ko, at talagang mawawalan ako ng dignidad bilang tao. Napoot ako sa sarili ko sa kawalan ko ng paninindigan at pagmamakaawa kay Satanas, sa gayon ay ginagawa ang sarili kong katatawanan ni Satanas. Sumumpa ako sa sarili ko na paano man ako ipahiya ng masasamang pulis na ito, kahit pa talagang hubarin nila ang mga damit ko, hinding-hindi ako yuyukod sa kanila at magmamakaawa, at hinding-hindi ako magiging isang Judas. Nang makita ng mga pulis na hindi na ako natatakot, sa sobrang galit nila ay ipinosas nila ang parehong kamay ko sa mga bakal na rehas. Sumigaw ang isang babaeng pulis, “Hindi ba’t huhubaran ninyo siya? Hubarin ninyo lahat, para makita ninyo ang lahat.” Humagalpak sa tawa ang grupo ng mga pulis na parang mga demonyong galing sa impiyerno. Noong oras na iyon, nakabitin ang mga paa ko, at nasa mga pulso ko ang bigat ko, na nananakit na para bang mababali na ang mga ito. Taimtim akong nagdasal sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng lakas ng loob at lakas upang matagalan ko ang pagpapahirap ng mga pulis at hindi ako makipagkompromiso kay Satanas. Makalipas ang mahigit kalahating oras, ibinaba ako ng mga pulis. Manhid at walang pakiramdam ang mga paa ko, at sa sandaling sumayad sa sahig ang mga paa ko ay natumba ako. Malupit na sinabi ng isang pulis, “Pag-isipan mo ang sitwasyon mo. Kung hindi ka pa rin magsasalita, marami pa kaming pamamaraan para pakitunguhan ka.” Pagkatapos noon, umalis na sila.

Makalipas ang dalawang araw, pumasok ang isang matabang pulis. Sa sandaling makapasok siya, sinabi niya sa dalawang pulis na nagbabantay sa akin, “Alam ba ninyo kung bakit hindi ninyo masira ang loob ng babaeng ito? Dahil masyado kayong malambot, at hindi kayo gumagamit ng tamang mga pamamaraan. Ngayong araw, tuturuan ko kayo ng ilang pamamaraan, at ipakikita ko sa inyo kung paano ko ito ginagawa!” Pinatalungko niya ako, at pagkatapos ay pintalungko nang bahagya, at pagkatapos ay ipinaulit iyon sa akin hanggang sa puntong naubos na ang lahat ng lakas ko at natumba. Pagkatapos ay sinabi niya sa dalawang pulis na tig-isang hawakan ang mga braso ko, itulak ako pababa at iangat ako, at paulit-ulit na ipagpatuloy ang pagpapahirap nang ganito sa akin. Tinitingnan ang mababangis nilang ekspresyon, alam kong susunod na darating ang mas matinding pagpapahirap. Naisip ko ang hamak kong itsura noong yumukod at nagmakaawa ako kay Satanas dalawang araw ang nakararaan dala ng takot ko sa kahihiyan, kaya’t nagpasya ako na sa araw na ito, sasandig ako sa Diyos at magpapatotoo sa Kanya sa harap ni Satanas. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, hindi ko po alam kung ano pang ibang pamamaraan ang gagamitin ng mga pulis para pahirapan ako, pero nais ko pong magbigay ng isang matibay at matunog na patotoo sa Iyo, kaya’t hinihiling ko po na bigyan Mo po ako ng lakas ng loob at lakas.” Pagkalipas lang ng ilang sandali, labis na silang napagod at pinagpawisan na hindi na nila ako maiangat. Sa sandaling bitiwan nila ako, mabigat akong bumagsak sa sahig. Inutusan nila akong tumayo at tumalungko nang paulit-ulit. Umismid ang matabang pulis at nagsabing, “Mukhang init na init siya. Buhusan niyo siya ng kaunting malamig na tubig. Sigurado akong magugustuhan niya iyon.” Tapos ay binuhusan nila ako ng malamig na tubig hanggang sa basang-basa na ako. Pero ang nakamamangha ay nakadama ako ng mainit na singaw na umaahon sa akin, at hindi ako gininaw kahit kaunti. Alam ko na proteksyon ito ng Diyos sa akin. Tuluy-tuloy kong pinasalamatan ang Diyos sa aking puso, at naramdaman kong lumago ang pananampalataya ko sa Diyos.

Tapos ay kinaladkad ako pataas ng dalawang pulis at ipinosas ang kaliwang kamay ko sa mga bakal na rehas. May pinsala na ang pulso ko sa pagkakabitin ko noong nakaraan, kaya’t nang iposas ako sa pagkakataong ito, mas lalo pa itong sumakit. Tumawa ang mga pulis nang makita nilang nasasaktan ako, at ayaw kong makita nila ang kahinaan ko, kaya’t tiniis ko ang sakit nang hindi nag-iingay. Para mabawasan ang sakit, pinaghirapan kong tumayo nang nakatingkayad. Naaabot pa rin ng isang daliri ng paa ko ang sahig, pero bahagya lang, pero nang makita ito ng isang pulis, idiniin niya ang paa niya sa sakong ko, sandaling ibinitin niya ang katawan ko, at pagkatapos ay iniurong ang paa niya, na nagdudulot ng marahas na paghatak sa kamay ko na labis na nananakit. Nakikitang tahimik pa rin ako, tinalian ng mga pulis ng lubid ang isa sa mga paa ko, hinila pataas ang lubid para ibitin ang katawan ko sa hangin, at pagkatapos ay biglang binitiwan ang lubid. Paulit-ulit nila iyong ginawa. Ganoon-ganoon lang, gumewang-gewang ang katawan ko nang pakabi-kabila, at ang pakiramdam noon ay parang may kutsilyong humihiwa sa pulso ko. Habang nagpapatuloy ito, agad akong nagdasal sa Diyos sa aking puso. Kalaunan, nagdala ang matabang pulis ng isang ratan na upuan. Tig-isang hinawakan ng dalawang pulis ang mga binti ko, ipinatong ang mga iyon sa itaas ng sandalan ng upuan, at pagkatapos ay hinablot palayo ang upuan. Lahat ng bigat ko ay bumagsak sa pulso ko. Halos hindi ko makayanan ang sakit. Makalipas ang tatlumpu o apatnapung minuto, ibinaba ng mga pulis ang kaliwang kamay ko, ipinosas ang kanang kamay ko sa mga bakal na rehas, at ipinagpatuloy ang pagpapahirap. Nagsimula akong kapusin ng hininga, at naisip ko, “Hindi ko alam kung gaano pa ako katagal pahihirapan ng mga pulis. Kung pananatilihin nila akong nakabitin nang ganito, mapipinsala ang mga kamay ko, at kung mapipinsala na talaga ang mga kamay ko, paano ako mabubuhay sa hinaharap?” Nang mas inisip ako, lalong naging miserable ang pakiramdam ko, hanggang sa nahirapan na rin akong huminga. Pakiramdam ko ay hindi ko na ito makakayanan, kaya’t taimtim akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, masyado na pong mahina ang laman ko. Hindi ko na po kayang magtiis. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng lakas, upang makapanindigan ako at maipahiya ko si Satanas.” Noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng lakas. Para tubusin ang sangkatauhan, ang Panginoong Jesus ay ipinako sa krus at nagdanas ng matinding kahihiyan at sakit, gayunman ay ginawa Niya iyon nang hindi nag-aalinlangan. Napakalaki ng pagmamahal ng Diyos para sa mga tao, at dito, nagpakita na Siya ng halimbawa para sa atin. Pero nang harapin ko ang pagpapahirap ng mga pulis, hindi ko inisip kung paano tatayong saksi. Sa halip, inisip ko ang sarili kong katawan. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Iniisip ito, nakonsensya at nahiya ako. Sa pagkakataong ito, determinado ako na mapapalugod ko ang Diyos. Ang pag-iisip sa pagmamahal ng Diyos ay nagbigay sa akin ng inspirasyon at lakas ng loob para labanan si Satanas hanggang sa huli. Sa oras na ito, nakita ng isa sa mga pulis na nakapikit ako at sinabi nitong, “Nagdadasal siya sa Diyos nila, at nagkakaroon siya ng bugso ng lakas sa tuwing ginagawa niya iyon.” Tinusok ng isa pa ang mga talukap ng mata ko gamit ang isang manipis na bakal na patpat. Habang tinutusok niya ang mga mata ko, sinabi niya, “Dumilat ka. Hindi ka pwedeng magdasal sa Diyos mo.” Nang makita niyang tahimik pa rin ako, sinampal niya ang mukha ko ng sinturon nang tatlo o apat na beses, pero wala akong naramdamang kahit anong sakit. Pagkalipas ng mahigit kalahating oras, sabi ng isang pulis, “Iposas niyo siya nang mas mataas, para hindi niya maabot ang sahig. Tingnan natin kung paano niya magugustuhan iyon.” Tapos, iniangat ako ng dalawang pulis, pero nang buksan na ng isa pa ang posas at isasara na ang mga iyon sa isang mas mataas na rehas, biglang nasira ang mga posas at hindi maisara. Sumubok sila ng isa pang pares, pero hindi pa rin gumana ang mga iyon. Alam kong proteksyon ito ng Diyos, at pinasalamatan ko ang Diyos sa aking puso. Masyado nang pagod ang mga pulis para hawakan pa ako, kaya’t bumitaw na sila, at bigla akong nahulog sa sahig. Halos dalawang oras nila akong pinahirapan, at sa sobrang pagod ko ay humiga ako roon nang hindi gumagalaw. Sa pagbabaliktanaw sa buong proseso ng pagpapahirap sa akin ng mga pulis, malinaw kong nakita ang kasuklam-suklam at masamang kalikasan ng mga pulis. Naramdaman ko rin ang malasakit ng Diyos sa akin, at lalo akong nagkaroon ng kumpiyansa sa Diyos. Hindi nagtagal, dumating ang isang pulis at sinipa ako nang ilang beses. Nakikitang hindi pa rin ako gumagalaw, nagpahid siya ng isang buong bote ng malamig na pamahid sa mga mata ko, pero wala akong naramdaman. Nakita ng pulis na hindi ako tumutugon at umalis. Alam kong proteksyon ito ng Diyos sa akin.

Bandang alas siete ng gabi, pumasok ang isang pulis. Nang makita niyang basang-basa ako at nanginginig sa lamig, pinagalitan niya ang ibang mga pulis. Nagbabait-baitan, inutusan niya ang mga ito na magdala ng mga tuyong damit para ipampalit ko, at pagkatapos ay binigyan niya ako ng isang mangkok ng noodles, pagkatapos noon ay sinubukan niyang bilugin ang ulo ko. Sabi niya, “Napakalayo mo sa bahay mo, at ngayon ay hindi ka pwedeng bumalik. Hindi ba nangungulila sa’yo ang mga anak mo? Anong ginagawa mo’t sumasampalataya ka sa Diyos nang ganyan kabata? Nabalitaan kong isa kang lider, kaya sabihin mo na lang sa amin ang gusto naming malaman, at ipinapangako kong pakakawalan ka namin. Makakauwi ka na at makakasama mo ang pamilya mo.” Sa sandaling marinig ko ito, napagtanto kong sinusubukan niya akong linlangin para pagkatiwalaan ko siya at sabihin ko sa kanya ang impormasyon tungkol sa iglesia. Sabi ko, “Nasabi ko na sa inyo ang lahat ng nalalaman ko. Wala na akong ibang nalalaman.” Bigla niyang hinampas ang mesa, tumayo siya, at malupit na sinabing, “Huwag mong isiping wala kaming pwedeng gawin sa’yo kapag hindi ka nagsalita! Inutusan kami ng sentral na pamahalaan na lubusang lipulin ang mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Aalisin namin ang samahan ninyo. Kung hindi ka magsisimulang makipagtulungan, masesentensyahan ka.” Tapos ay umalis na siya. Noong oras na ito, sinabi ng pulis na Wu ang apelyido, “Gawin mo na lang ang matalinong bagay at ibigay sa amin ang impormasyong gusto namin. Sa ganoong paraan ay hindi mo na kailangang magdusa nang sobra.” Naisip ko, “Hindi titigil ang mga pulis kung hindi nila makukuha ang impormasyong gusto nila. Kung hindi ko makakayanan ang pagpapahirap at magiging isa akong Judas, magiging pagtataksil iyon sa Diyos, kaya’t mas mabuti pang magpakamatay na lang ako.” Nakakaisip akong magpakamatay. Sa sandaling iyon, napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya’t tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Mahina po ang laman ko, at gusto kong makatakas sa sitwasyong ito sa pamamagitan ng pagkamatay. Masyado akong mahina, at masyadong mababa ang tayog ko. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan at patnubayan Mo po ako, at ibigay Mo po sa akin ang lakas ng loob at lakas para manindigan.” Pagkatapos kong magdasal, bigla kong napagtanto na may mga file ako ng salita ng Diyos sa MP5 player ko. Sabi ko sa batang pulis, “Ibigay mo sa akin ang MP5 ko. May gusto akong ipakita sa’yo roon.” Akala niya ay aamin na ako, kaya’t inabot niya iyon sa akin. Binuksan ko ang MP5 player, kung saan nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kalooban ng Diyos. Kapag nakahaharap ako ng pag-uusig at kapighatian, ang gusto ng Diyos ay ang pananampalataya at katapatan ko. Gusto ng Diyos na matagumpay akong magpatotoo habang nasa ilalim ng pagsalakay ni Satanas. Pinahirapan ako nang ganito ng masasamang pulis na ito para pwersahin akong magtaksil sa Diyos. Kung magpapakamatay ako, mawawala ang patotoo ko, pagiging biktima iyon ng mga pandaraya ni Satanas, at pagkabigong tumbasan ang pagsisikap na iginugol ng Diyos para sa akin—masyado niyong masasaktan ang Diyos. Hindi ako pwedeng mamatay, kailangan ko pang mabuhay, maging malakas, manindigan at magbigay-lugod sa Diyos. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng kalakasan. Lumuhod ako at nag-alay ng dasal ng pasasalamat sa Diyos. Gulat na sinabi ng batang pulis, “Matapang ka rin, nangangahas na lumuhod at magdasal dito!” Binalewala ko siya. Pagkatapos kong magdasal, tinanong niya ako, “Nakapagdesisyon ka na ba? Kapag napag-isipan mo na iyon nang mabuti, sabihin mo sa akin kung ano ang nalalaman mo.” May paninidigan kong sinabi, “Nasabi ko na ang lahat ng kailangan kong sabihin. Wala na akong ibang sasabihin.” Sa sobrang galit ng pulis na Wu ang apelyido ay kinuha niya ang mga posas at ipinosas ang isa sa mga kamay ko sa mga bakal na rehas. Sinabi ng batang pulis, “Talagang makapangyarihan ang panalangin. Parang nagiging ibang-ibang tao siya dahil doon. Wala siyang kinatatakutan, at walang sinasabi.” Nang marinig ko iyon, nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso, at lalong lumakas ang loob ko na kaya kong manindigan.

Kinaumagahan, nang makita ng mga pulis na wala sa mga taktika nila ang gumana sa akin, sinabi nila, “Magmula sa araw na ito, ipoposas ka namin sa bintana araw-araw, at hindi ka namin pakakainin, paiinumin, o patutulugin. Tingnan natin kung ilang araw ang itatagal mo.” Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, naniniwala po ako na ang buhay at kamatayan ko ay nasa Iyong mga kamay. Pakiusap po, protektahan Mo po ako. Kahit pa mamatay ako, maninindigan at magpapatotoo po ako para sa Iyo!” Pagkatapos niyon, naghalinhinan ang mga pulis sa pagbabantay sa akin, at maingay nila akong ginigising kapag nakikita nilang nakakatulog ako. Noong ikatlong araw, isang lalaki sa tapat ng kalsada ang nakapansin na nakaposas ako sa bintana at sinigawan niya ako, “Dinukot ka ba ng kung sino? Kung ganoon nga, kumaway ka sa akin, at tatawagan ko ang 110 para sa’yo.” Naisip ko, “Ikinulong ako rito ng mga pulis. Sa palagay mo ba ay gumagawa ang mga pulis ng mabuti para sa mga pangkaraniwang tao? Ang mga pulis ng Partido Komunista ay isang pangkat lang ng mga halimaw na demonyo.” Makalipas ang ilan pang araw, parami nang paraming tao sa ibaba ang nakapansin na nakaposas ako sa bintana. Tumuturo sila sa akin at nag-uusap-usap, kaya’t inilipat ako ng mga pulis sa katapat na kwarto.

Isang gabi, bandang Marso 20, dinala ako sa isang espesyal na tanggapan ng imbestigasyon. Doon, isinailalim ako ng tatlong pulis sa brainwashing hanggang sa pasado alas kwatro ng umaga, nang sabihin sa akin ng isang pulis na Liu ang apelyido na, “Dumami na ngayon sa ilang milyong tao ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at direkta nitong inilalagay sa panganib ang mga interes ng Partido Komunista. Kung hindi namin ito pipigilin, sino ang makikinig sa Partido Komunista? Personal na iniutos ni Pangulong Xi na ganap na lipulin ang ‘Kidlat ng Silanganan,’ at na tumanggap ang mga sumasampalataya sa Makapangyarihang Diyos ng muling pagtuturo, upang isuko nila ang mga paniniwala nila at tanggapin nila ang pagtuturo at pamumuno ng Partido. Kung tatanggi sila, masesentensyahan sila na makulong, at walang makikialam kung bugbugin sila hanggang sa mamatay.” Nagpatuloy siya, “Sa ngayon, ang buong probinsya at ang buong bansa ay nag-aaresto ng mga miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Paglaon, malilipol ito. Kung sa tingin mo ay pwede mong ipagpatuloy ang pagsampalataya sa Makapangyarihang Diyos, sinasabi ko sa’yo ngayon na imposible iyon!” Sabi ko, “Kaming mga mananampalataya ng Diyos ay pumupunta lang sa mga pagtitipon, nagbabasa ng salita ng Diyos, naghahangad ng pagbabago ng disposisyon para maging matatapat na tao, at sumusunod sa tamang landas sa buhay. Paano namin mapipinsala ang mga interes ng Partido Komunista? Kung hindi ka naniniwala sa akin, basahin mo ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at malalaman mo. Napakaraming libro ng salita ng Makapangyarihang Diyos ang kinumpiska ninyo, kaya’t bakit hindi ninyo buklatin ang isa sa mga iyon at tingnan ito?” Malakas na sinabi ng isang pulis, “Huwag mong sabihin sa amin ang tungkol sa paniniwala sa Diyos! Hindi kami naniniwala rito, naniniwala lang kami sa Partido Komunista at kay Pangulong Xi.” Tapos ay pinagbantaan niya ako, “Pag-isipan mo itong mabuti. Kapag sinabi mo sa amin ang gusto naming malaman, ipinapangako kong hindi ka namin sesentensyahang makulong. Pauuwiin ka namin agad-agad. Kung hindi mo pa rin naiintindihan ang sitwasyon mo, ipadadala kita sa ospital ng mga may sakit sa isip. Iiniksyunan ka ng doktor araw-araw, para mawala ka sa tamang pag-iisip. Mamumuhay ka kasama ng lahat ng klase ng taong may sakit sa pag-iisip, tapos ay bubugbugin at pagagalitan ka nila araw-araw. Tingnan natin kung hanggang kailan ka makatatagal doon.” Matapos na marinig ito, takot na takot ako. Kung dadalhin ako sa ospital ng mga may sakit sa isip, araw-araw kong makakasama ang mga taong may sakit sa pag-iisip. Sa pamumuhay kasama ng ganoong mga tao, kahit ang isang normal na tao ay mababaliw. Nang makita ng mga pulis na tahimik ako, pinagbantaan nila ako ulit, “Bumalik ka at pag-isipan mo ito. Isulat mo ang lahat ng dapat naming malaman. Base sa ebidensyang mayroon kami, pwede ka naming sentensyahan ng hindi bababa sa tatlo hanggang pitong taon.”

Doon sa hotel, habang pinag-iisipan ang sinabi ng mga pulis, hindi talaga ako makatulog. Ang maisip na hinahabol at binubugbog ako ng mga may sakit sa pag-iisip, at ang imahe ng aking sarili na nababaliw at nagtatatakbo sa kalsada nang nakahubad ay nagdulot sa aking pagpawisan ng malamig at mapabangon sa kama. Umiyak at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Natatakot po akong mabaliw. Pakiusap, tulungan Mo po ako, akayin Mo po ako, at pakalmahin Mo po ako. Ano mang klase ng sitwasyon ang hinaharap ko, hinding-hindi Kita pagtataksilan.” Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, unti-unti akong kumalma. Kung handa akong ibuwis ang aking buhay, anong pagdurusa ang hindi ko kayang tiisin? Ang aking buhay at kamatayan ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi ako magkakaroon ng sakit sa pag-iisip nang wala ang pahintulot ng Diyos. Nang magbukang-liwayway, naglabas ako ng panulat at papel, at nagsulat ng isang linya, “Matataas na pader at malalaking bakuran, habangbuhay na nabubulok sa kulungan.” Nang makita iyon ng pulis, nagbago ang mukha niya. Sa sobrang galit niya ay ibinagsak niya ang pinto at umalis siya.

Pagkalipas ng mahigit isang buwan, ipinadala ako sa kulungan. Dahil wala pa ring resulta ang interogasyon, sininstensyahan nila ako ng anim na buwan ng pagmamanman sa bahay, at binalaan akong, “Isa ka na ngayong akusado sa krimen, at wala kang kalayaan kahit saan. Kapag sumampalataya ka pa ulit sa Diyos, masesentensyahan ka kapag nahuli ka namin.” Tumatawag ang mga pulis sa bahay ko paminsan-minsan, at pumunta ang mga tao mula sa Kagawaran ng Gawaing Panrelihiyon sa bahay ko para kuwestyunin ako tungkol sa paniniwala ko sa Diyos. Hindi ako nangahas na makipag-ugnayan sa mga kapatid ko, at hindi ko pwedeng isabuhay ang buhay-iglesia. Dahil sa pagpapahirap ng mga pulis ay hindi ko maibaluktot ang mga daliri sa parehong kamay ko, at sa sobrang sakit ng mga pulso ko ay hindi ko maigalaw ang mga iyon. Ni wala akong lakas para humawak ng suklay, at hanggang ngayon ay wala akong kahit kaunting lakas sa mga pulso ko.

Matapos maaresto, mausig, at mapahirapan ng Partido Komunista, malinaw kong nakita ang malupit, masama, at lumalaban sa Langit na kalikasan nito. Malinaw ko ring nakita na si Satanas iyon, na lumalaban sa Diyos at pumipinsala sa mga tao. Kasabay nito, nakita ko na makapangyarihan at matalino ang Diyos, at naramdaman ko ang proteksyon at malasakit ng Diyos sa akin. Ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin, paunti-unti, para magtagumpay ako laban kay Satanas, at manindigan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Buhay na nasa Bingit

Ni Wang Fang, TsinaNoong 2008, ako ang responsable sa pagbibiyahe ng mga lathalain ng iglesia. Isa itong napakapangkaraniwang uri ng...

Leave a Reply