Ang Mga Salita ng Diyos ay Nagbigay sa Akin ng Pananampalataya sa Mahihirap na Panahon

Pebrero 5, 2022

Ni Zheng Lan, Tsina

Nang panahong iyon, ilang kapatid ang nasentensyahan ng “muling pagkatuto sa pamamagitan ng pagtatrabaho” na kasama ko. Kailangan naming magtrabaho nang labis sa oras araw-araw, nang hindi bababa sa labing tatlong oras kada araw. Kapag hindi nasiyahan ang mga bantay, gumagamit sila ng de-kuryenteng batuta para kuryentehin kami, o kaya’y sinusuntok at sinisipa kami. Ginugol namin ang bawat araw sa kalagayan ng matinding pagkabalisa, at kinailangan naming kumuha ng mga klaseng pambrainwash at sumulat ng mga ideyolohikal na ulat. Ang pangmatagalang pagdurusang iyon ay tunay na miserable, at labis kong pinanabikan ang pagtustos ng salita ng Diyos. Sa panahong iyon, umaasa lang kami sa mga piraso ng salita ng Diyos at mga himno na aming naaalala upang suportahan at tulungan ang isa’t isa. Naaalala ko minsan, sinabi sa akin ng deputy chief guard na kung magsisikap ako, mababawasan ng isang buwan ang sentensiya ko. Sa totoo lang, ayokong manatili sa kampo ng paggawa na iyon nang kahit isang araw. Kaya nagtrabaho ako nang husto. Bihira akong uminom ng tubig dahil takot akong masayang ang oras sa pagpunta sa banyo. Manu-manong trabaho ang ginawa ko na kinakailangang may hawak na tiyani araw-araw, at sa paglipas ng panahon, nagsimulang sumakit nang matindi itong hinlalaki ko, ngunit ang tanging nagawa ko’y uminom lang ng pampawala ng sakit. Ngunit kahit anong pagsisikap ko, hindi kailanman lumitaw ang pangalan ko sa listahan ng pagbabawas. Kalaunan, nagkaroon ako ng tenosynovitis sa kamay, at ni hindi ko malabhan ang sarili kong damit. At saka, katambal ng katotohanang napakasama ng kondisyon ng pamumuhay sa kampo ng paggawa, nagkaroon ako ng enteritis at rayuma. Sa kabila nito, kailangan ko pa ring magtrabaho. Kung babawasan ko ang pagtatrabaho, pagagalitan ako, at hindi mababawasan ang sentensiya ko. Talagang miserable ako do’n. Kalaunan, nalaman ng mga kapatid na ako’y may sakit, at naghanap sila ng paraan para tulungan at suportahan ako. Naaalala ko minsan, nang walang nakatingin, tahimik na binigkas ni Sister Li ang isang sipi ng salita ng Diyos para sa akin. “Lahat, mula sa kapaligirang nakapalibot sa atin hanggang sa mga tao, pangyayari, at bagay, ay umiiral sa pahintulot ng luklukan ng Diyos. Huwag hayaang magkaroon ng hinaing sa inyong puso sa anumang dahilan, kung hindi ay hindi ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang Kanyang biyaya. Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabubuting layunin ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ang mga salita ng Diyos ay tila isang pampagising. Totoo, pinahintulutan ng Diyos na magkasakit ako. Ang pamumuhay sa paghihirap at depresyon dahil sa aking karamdaman ay hindi pagsunod sa Diyos ni katiting. Nagnilay ako kung gaano ako nagsumikap sa panahong ’yon at kung paanong ang gusto ko lang gawin ay lisanin ang kapaligirang ’yon, ngunit ang totoo, inaresto ako at inilagay doon nang may pahintulot ng Diyos, kaya dapat ko iyong maranasan. Ang Diyos ang may huling salita kung kailan ako makakaalis, ngunit palagi akong merong sariling plano at pangangailangan, na nagpahintulot para ako’y gamitin at paglaruan ni Satanas. Ang malaking pulang dragon ay palaging gumagamit ng ganitong uri ng mga kasinungalingan para linlangin at saktan ang mga tao. Paano ko nagawang hayaan ang sarili ko na maniwala sa mga kasinungalingan nito? Sa sandaling napagtanto ko ang mga bagay na ito, hindi ko na sinubukang gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan, binitiwan ko ang sarili kong mga plano at pangangailangan, at ipinaubaya sa Diyos ang pagpapasya kung kailan ako lalabas.

Ito’y dahil nang panahong iyon, napakakaunti ng naaalala namin sa salita ng Diyos at pagkatapos ng napakatagal na panahon sa gano’n kahirap at nakalulumbay na kapaligiran nang walang panustos ng salita ng Diyos, lalong naging miserable at mahina ang pakiramdam ko. Madalas kong naiisip kung paano, noong bago ako naaresto, nababasa ko ang mga salita ng Diyos anumang oras, nauunawaan ang katotohanan mula sa salita ng Diyos, nakahahanap ng paraan ng pagsasagawa, at nakahahanap ng liwanag at paglaya sa aking puso. Ngunit sa kulungang iyon, hindi lang ako nahiwalay sa salita ng Diyos, naharap din ako sa lahat ng uri ng pagdurusa, at hindi ko alam kung paano ko titiisin ang tatlong taong ’yon sa kulungan. Nang panahong iyon, ang lahat ng kapatid ko ay nasa parehong kalagayan. Naaalala ko isang gabi, katatapos pa lang naming magtrabaho, tahimik na sinabi sa akin ng isang kapatid, “Napakahirap ng maging narito, at hindi ko alam kung paano ito danasin. Magiging napakaganda kung makakapagbasa ako ng salita ng Diyos! Nanghinayang talaga ako na hindi ako nagbasa ng mas maraming salita ng Diyos noon. Sana nakapagsaulo ako ng kahit isa pang talata.” Ganoon din ang naramdaman ko, at nagsimula akong mag-isip na magiging napakaganda kung muli akong makakapagbasa ng salita ng Diyos. Nang panahong iyon, ilan sa ’king mga kapatid ay mahina ang kalusugan. Ang isa’y mataas ang presyon ng dugo at ni hindi makalakad nang hindi nahihirapan, ang isa’y may malubhang sakit sa puso, at si Sister Zhao, na may malubhang diabetes, ngunit kailangan pa ring magtrabaho araw-araw. Nang panahong iyon, lalo akong umasa na magkakaroon ang lahat ng salita ng Diyos, dahil tanging salita ng Diyos ang makapagbibigay sa mga tao ng tiwala at lakas at aakay sa amin sa gitna ng mga paghihirap. Isang gabi, habang nananalangin ako sa higaan, biglang sumagi sa isip ko na may dalawang kapatid na nagtatrabaho sa silid ng pagbisita. Madalas silang nakikipag-ugnayan sa mga tao mula sa labas, at malamang na meron silang salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi ko alam kung paano makikipag-ugnayan sa kanila. Sa hindi inaasahan, pagkaraan no’n, nagbukas ang Diyos ng daan para sa akin.

Isang araw, dumating ang hepe ng mga bantay para kausapin ako para tanungin kung gusto kong maging isang “tagapag-alaga.” Ang mga tagapag-alaga’y nagsisilbi sa mga bantay. Mga bagay tulad ng paglalaba ng kanilang mga damit, pagluluto, paglilinis ng kanilang mga silid, at anumang maruming gawain ay mga tagapag-alaga ang gumagawa. Kaya noong una, ayoko ’tong gawin, dahil mas nakakapagod ito kaysa sa mga tungkulin ko sa pagawaan. Lalo na sa pagsisilbi sa mga bantay, pagagalitan ka kapag hindi mo ito nagawang mabuti. Minsan, nakita ng isang kapatid na masama ang timpla ko at kinausap ako tungkol dito. Sabi niya, “Ang mabubuting layunin ng Diyos ay nasa lahat ng bagay, kaya dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos.” Nang marinig kong sabihin niya iyon, naisip ko, “Tama ’yon. Bakit sariling damdamin ko lang ang isinasaalang-alang ko at hindi hinahanap ang kalooban ng Diyos? Bilang tagapag-alaga, maaari akong pumunta at magtrabaho sa labas, na magbibigay sa akin ng pagkakataong makipagkita sa mga kapatid sa silid ng pagbisita. Hindi ba ito isang landas na binuksan ng Diyos para sa akin? Bilang tagapag-alaga, malaya rin akong makakapagparoo’t parito. Maaari kong pagtakpan ang aking mga kapatid kapag nagbabahagian sila sa selda, at magagawa kong harapin ang mga guwardiya kapag may sitwasyong dumating. Hindi ba magandang bagay iyon?” Isa pa, sa mahigit dalawang daang bilanggo sa aking yunit, apat lang ang maaaring piliing tagapag-alaga. Ito’y isang pambihirang pagkakataon, at isang kahanga-hangang pagsasaayos ng Diyos.

Ngunit bago pa ako makipag-ugnayan sa dalawang kapatid sa silid ng pagbisita, isa sa amin ang tumanggap ng salita ng Diyos. Isang gabi, kahihiga ko pa lang, isang batang kapatid ang lumuhod at bumulong sa aking tenga na ang mga kapatid sa labas ay nagpadala ng liham para sa amin, na inilagay niya sa pagawaan. Nang gabing iyon, sa sobrang saya ko hindi ako makatulog. Kinaumagahan, pagdating ko sa pagawaan, palihim na inilabas ng batang kapatid ang liham. Ang papel ay halos ganito kalapad. Nang makita ko ang unang pangungusap: “Mga kapatid sa kulungan…,” dumaloy agad ang luha sa aking mukha. Labis na nakaantig sa akin ang mga salitang ito. Binasa ko habang pinupunasan ang luha mula sa’king mga mata. Maraming sipi ng mga salita ng Diyos sa liham, ngunit may dalawa na talagang tumimo sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay tapos na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Talagang naantig at naging inspirado ako nang panahong iyon. Nadama ko na talagang minamasdan ng Diyos kung ano ang nasa puso namin, lubusang nauunawaan ang aming kalagayan at sitwasyon, at ginamit ang mga kapatid na ito para padalhan kami ng pagdidilig at panustos ng Kanyang salita. Ito’y pag-ibig ng Diyos. Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos at naunawaan na ang pagtalikod sa pamilya at karera para ipangaral ang ebanghelyo at gampanan ang aming tungkulin, gaano man kami magdusa, ay isang patotoo. Ang pahirapan nang hindi nagtataksil sa Diyos ay patotoo rin. Ang pagsampalataya pa rin at pagsunod sa Diyos matapos ang matagalang paghihirap ay mas malakas na patotoo. Na ako ngayo’y may pagkakataong magpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas ay pagtataas at pag-uusig ng Diyos para sa pagkamatuwid. Nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, umiyak ako at nanalangin sa Diyos. Sinabi kong, “O Diyos! Ipamumuhay ko ang Iyong pagmamahal sa akin. Kahit na magiging napakatagal ng tatlong taong ito, paano man ako pahirapan ng mga pulis o gaano man ako magdusa, maninindigan ako, magpapatotoo para sa Iyo, at ipahihiya si Satanas.” Labis din silang naging inspirado matapos mabasa ang salita ng Diyos. Naaalala ko si Sister Liu na laging nag-aalala na masyadong mataas ang presyon ng kanyang dugo. Natatakot siya na kung walang napapanahong tamang paggamot, baka mamatay siya sa kampo ng paggawa, kaya gusto niyang makalabas sa lalong madaling panahon. Pagkatapos basahin ang salita ng Diyos, napagtanto niyang wala siyang taos na pananampalataya sa Diyos at walang patotoo. Sinabi pa niya na, “Nakikita kong napakaliit ng aking pananampalataya, at pakiramdam ko’y tila napakalaki ng utang ko sa Diyos. Kahit mamatay ako dito sa kampo ng paggawa, gusto ko pa ring manindigan at magpatotoo para sa Diyos.” Naroon din si Sister Gao, na nag-aalalang kukutyain at aapihin siya ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kanyang pagkakakulong, at na pagtsitsismisan nila siya. Matapos mabasa ang salita ng Diyos, naunawaan niya na ang pagkakakulong dahil sa paniniwala sa Diyos ay pag-uusig para sa pagkamatuwid, na hindi isang bagay na kahiya-hiya, at na ang pagdurusa para manindigan at magpatotoo para sa Diyos ay mahalaga at makabuluhan.

Pagkatapos no’n, nagtalakayan kami, at napagpasyahan naming ipasa ang mga salitang ito ng Diyos sa iba naming kapatid, upang sila ri’y matustusan ng Kanyang mga salita. Napakahigpit ng mga patakaran sa kampo. Hindi kami pinapayagang makipag-usap o mag-abot ng mga bagay-bagay sa mga bilanggo mula sa ibang yunit. Ni hindi maaaring magtagpo ang aming mga mata. Kahit na minsan nakakasalubong namin sila, hindi kami pinapayagang masyadong lumapit. Kaya, kung gusto naming ipasa ang mga note sa mahigit isang daang kapatid sa pitong iba pang yunit, lubha itong mapanganib. Higit pa rito, hinahalughog ng mga guwardiya ang higaan namin at kinakapkapan ang katawan namin linggo-linggo. Hinahalughog nila ang bawat sulok. Kung may anumang detalye kung saan hindi kami naging maingat at ito’y natuklasan, hahantong pabalik sa akin ang imbestigasyon. Binalaan pa ako ng isa sa mga bantay, “Kung mangangahas kang ipalaganap ang mga salita ng iyong Makapangyarihang Diyos, bibigyan kita ng tatlo pang taon at ipadadala ka sa kulungan ng mga babae.” Naaalala ko na may isang mananampalataya na natuklasang nagpapasa ng Kasulatan. Kinaladkad siya ng mga bantay sa pamamagitan ng kanyang mga posas. Kinaladkad nila siya sa kahabaan ng aspalto sa loob ng mahabang panahon, napunit ang malaking piraso ng damit sa kanyang likod, at ang kanyang balat ay nakayod at nagdugo. May isa naman na pinarusahan sa pamamagitan ng pag-utos sa kanyang manatiling nakaupo sa sementong sahig nang hindi kumikilos sa loob ng sampung araw. Nang panahong ’yon, naisip ko, “Hindi ito biro. Kapag nalaman nila, mas malala ang daranasin ko.” Habang mas iniisip ko ito, parang mas naging mahirap ito, at medyo natakot ako. Ngunit naalala ko ang mga salita ng Diyos, “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ang mga salita ng Diyos ay talagang nagbibigay-pag-asa. Hindi ba’t nasa kamay din ng Diyos ang mga bantay? Nasa kamay ng Diyos kung ako’y matutuklasan. Naniniwala akong walang imposible kung aasa tayo sa Diyos. Nagkaroon ako ng mga nakakatakot na saloobin na ito dahil gunugulo ako ni Satanas. Dahil natatakot akong parusahan at pahirapan, sinamantala ni Satanas ang kahinaan ko para gambalain at hadlangan ako. Kung susuko ako dahil takot ako sa pagpapahirap, hindi ba ako mahuhulog sa panlalansi ni Satanas? Samantala, ang mga kapatid ko’y nasa masakit na kapaligirang iyon at lahat sila’y nangangailangan ng panustos ng salita ng Diyos, kaya tungkulin kong ipasa ang salita ng Diyos sa kanila. Sa takbo ng aming karaniwang gawain, mahirap makipag-ugnayan sa aming mga kapatid sa ibang yunit. Ang tanging oras na nakikita namin sila’y kapag sabay kaming kumakain sa malaking canteen. Kaya, pinlano naming ipasa ang mga note sa oras ng pagkain. Ang bulwagang kainan ay puno ng kamerang pangseguridad, at hindi kami pinapayagang makipag-usap o maglakad-lakad habang kumakain. Kailangan naming tapusin ang pagkain sa loob ng limang minuto. Kaya napakahirap ipasa ang salita ng Diyos. Ngunit, sa proseso ng pagpasa ng salita ng Diyos, totoong nasaksihan ko ang mahimalang mga gawa ng Diyos. Nang araw na ’yon, binalak kong ipasa ang mga note sa mga kapatid sa ika-Apat at ika-Pitong Yunit. Habang naghuhugas ng pinggan, tumingin ako kay Sister Min mula sa ika-Apat na Yunit. Hindi inaasahan, iniangat din niya ang kanyang ulo at napatingin sa aking direksyon. Ginamit ko ang aking mga mata para muwestrahan siyang lumapit at maghugas ng pinggan. Nag-alala ako na baka hindi niya maunawaan ang ibig kong sabihin, ngunit salamat sa Diyos, naunawaan niya agad. Sabay kaming lumakad papunta sa lugar na pinaglalagyan ng mga kutsara’t tinidor, at dali-dali kong inilabas ang isang note at isinilid ito sa kanyang bulsa. Tumagal lang ito ng ilang segundo. Sa oras na ’yon, lubos akong nagpasalamat sa Diyos.

Isang masuwerteng pagkakataon na isang kakilala kong kapatid mula sa ika-Pitong Yunit ang nakaupo sa aking hilera, halos isang metro lang mula sa sarili kong upuan. Ang panuntunan sa kampo ng paggawa ay kailangan naming hintayin ang mga monitor mula sa bawat yunit na utusan kaming tumayo bago kami makaalis. Nang oras na ’yon labis akong nag-aalala na kung ang dalawa naming yunit ay hindi sabay tatayo, hindi ako makakalapit sa kanya. Kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos sa aking puso. ’Di nagtagal, halos magkasabay kaming inutusang tumayo ng mga monitor ng dalawa yunit. Pagkatayo ko, dali-dali kong isinuksok ang isang note sa kamay ng aking kapatid. Nangyari ito sa isang kisap-mata, at hindi man lang napansin ng mga bantay. Salamat sa Diyos! Sa tulong ng aking mga kapatid, lahat ng aming kapatid sa ibang yunit ay nakatanggap ng salita ng Diyos. Hindi ko talaga inaasahan na maipapasa nang maayos ang salita ng Diyos. Nakita ko talaga na walang mahirap sa Diyos. Sa pamamagitan ng prosesong ito ng pagpasa ng salita ng Diyos, ang aking mga kapatid ay lalong nagkaroon ng pananampalataya sa Diyos.

Wala pang kalahating buwan matapos ipasa ang salita ng Diyos, hiningi ng kampo ng paggawa sa lahat ng nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos na sumulat ng liham ng pagtalikod. Hiningi sa’ming mangako na hihinto kami sa paniniwala sa Makapangyarihang Diyos. Ilang araw bago ito, kababasa pa lang ng mga kapatid ng salita ng Diyos, kaya lahat sila’y may pananampalataya upang manindigan at magpatotoo para sa Diyos. Binigyan namin ang isa’t-isa ng mga pahiwatig at pampalakas-loob na kailanma’y huwag susuko kay Satanas. Ngunit makalipas ang isang linggo, narinig ko ang tungkol sa mga kapatid sa ibang yunit na hindi sumulat ng liham ng pagtalikod. May ilang pinahirapan, may ilang pinilit tumalungko sa maliliit na hawla, at ang ila’y binigyan ng karagdagang sentensya sa kulungan. Noong panahong iyon, mas lalong naging mapang-api ang kapaligiran sa kampo ng paggawa. Palaging may pakiramdam ng pagkatakot, na parang may napipintong sakuna anumang oras. Ito’y dahil hindi namin alam kung kailan matatapos ang sitwasyong ito o kung anong mga paraan ang susunod na gagamitin ng mga bantay para pahirapan kami. Kaya nang panahong iyon, ang lahat ay lubhang miserable at nalulumbay. Patuloy lang kaming nananalangin sa Diyos at hinihiling sa Diyos na magbukas ng daan para sa amin. Nang panahong iyon, lahat ng kapatid ay naniniwala na: Anuman ang mangyari, hindi kami maaaring sumulat ng liham ng pagtalikod, at kailangan naming manindigan at magpatotoo para sa Diyos. Halos kalahating buwan kaming nakipagmatigasan sa aming bantay, tapos, nang makitang hindi gumagana ang kanyang pamamaraan, nakipag-kompromiso siya. Bilang paraan para maisagawa ang kanyang mga utos, pinahintulutan niya kaming magsulat ng kahit ano, kahit anuman ’yon. Alam naming lahat na nagbukas ang Diyos ng daan para sa amin, at lahat kami’y lubos na nagpapasalamat sa Diyos.

Masyadong kaunti ang natanggap naming salita ng Diyos sa unang pagkakataon, kaya sa paglipas ng panahon, muling nagutom ang mga puso namin para sa salita ng Diyos. Lalo na sa ganoong uri ng miserable at nakalulumbay na kapaligiran kung saan napakaraming bagay ang maaaring mangyari, mas higit naming kailangan ng panustos ng salita ng Diyos. Naaalala ko minsan, isang nakababatang kapatid ang lumapit sa akin na may luha sa kanyang mga mata at sinabing gusto ng kanyang ama na pagsilbihan niya ang kanyang sentensiya sa labas ng kulungan, ngunit sinabi ng kapulisan na hindi kwalipikado ang mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Sabi niya dalawamput-tatlong taong gulang lang siya at kinakailangang manatili sa kampo ng paggawa ng mahigit sa isang libong araw, at hindi niya alam kung paano niya ito malalampasan. Wala siyang ibang gusto kundi ang umalis. Matapos marinig ang sinabi niya, nalungkot din ako para sa kanya, kaya nagbigkas ako ng isang sipi ng salita ng Diyos para sa kanya. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, naunawaan niya ang kahalagahan ng pagdurusa, natagpuan ang pananampalataya, at hindi na nag-isip kung paano tatakasan ang kapaligirang ito. Sa isa pang pagkakataon, sa araw ng pagbisita, nakita ko ang mga kapamilya ng iba na bumibisita sa bilangguan at labis akong nangulila sa aking pamilya. Naisip ko ang aking may-edad na mga magulang, at hindi ko alam ang kanilang kalagayan. Noong panahong iyon, madalas akong magbalik-tanaw sa mga alaala ng aking tahanan, at habang lumilipas ang panahon, naging negatibo ang pakiramdam ko dahil doon. Nang makita ng isang kapatid sa parehong selda na ako’y nasa negatibong kalagayan, bumulong siya ng isang sipi ng salita ng Diyos sa aking tainga. “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, mananatili ka pa rin bang isang nilikha? Sa madaling sabi, paano man gumagawa ang Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay para sa kapakanan ng tao. Ipagpalagay, bilang halimbawa, ang kalangitan at lupa at ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos upang magsilbi sa tao: Ang buwan, ang araw, at ang mga bituin na ginawa Niya para sa tao, ang mga hayop at mga halaman, ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig, at iba pa—ang lahat ay ginagawa para sa kapakanan ng pag-iral ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos, at naunawaan ko na ang kapalaran ng lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya kung maayos man ang kalagayan ng pamilya ko ay lubos na nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Kung ibinigay ko ang pamilya ko sa Diyos, ano ang dapat kong ipag-alala? Hindi ko talaga dapat ibalisa ang sarili ko dahil dito. Pinahintulutan ako ng salita ng Diyos na huminto sa pagiging negatibo at binigyan ako ng lakas, at tunay kong napagtanto na hindi kami maaaring mawalan ng patnubay ng salita ng Diyos. Kaya nanalangin ako sa Diyos para tanungin kung paano makakakuha ng higit pang salita ng Diyos at para pangunahan Niya kami sa kung ano ang darating. Pagkatapos no’n, naalala ko ang dalawang kapatid sa silid ng pagbisita. Kung magagawa kong makipag-ugnayan sa kanila, may tsansang makakakuha ako ng higit pang salita ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos tungkol dito at hiniling sa Kanya na bigyan kami ng mga angkop na pagkakataon.

Isang umaga, tinawag ako ng punong bantay. “Sumama ka sa akin, kailangan naming linisin mo ang silid ng pagbisita.” Nang marinig kong pupunta ako sa silid ng pagbisita, nagliwanag ang puso ko. Ito na ang pagkakataon ko. Ito ang tanging pagkakataon sa loob ng tatlong taon ko doon na nagpunta ako sa silid ng pagbisita, kaya sa oras na ’yon, natitiyak ko na isa itong pagkakataon na isinaayos ng Diyos para sa akin. Nang makarating kami sa silid ng pagbisita, umalis ang punong guwardiya para makipagkwentuhan sa iba pang mga guwardiya. Nagmadali akong pumunta sa kusina sa likod. Nakita ko ang dalawang kapatid na abalang nagluluto, kaya nagmamadali kong tinanong kung may anumang makakain. Naintindihan nila agad ang ibig kong sabihin at sumagot ng, “Oo meron.” Tapos, isa sa kanila ang kumuha ng nakabolang papel mula sa bag na tela at ibinigay ito sa akin. Napagtanto ko na sa wakas, nakuha ko na ang pinakahihintay naming salita ng Diyos, at hindi ko talaga alam kung paano ilalarawan ang mood ko. Pero medyo nag-aalala rin ako, dahil ang sulat-kamay na nakabolang papel ay mas malaki pa sa malaking itlog ng gansa. Inilagay ko ito sa aking damit panloob, pero masyadong halata ang umbok. Sinubukan ko itong ilagay sa bulsa ng pantalon ko, pero hindi ito nagkasya at nahulog. Nang makitang walang mapagtaguan nito sa aking katawan, nataranta ako. Tumingala ako at nakita ang mga kamerang pangseguridad sa paligid, at labis akong nabalisa. Kapag natuklasan ako, tapos na ang lahat. Magiging kakila-kilabot ang kahihinatnan. Ngunit kasabay nito, naisip ko na kung mapalampas ko ang pagkakataong ito, maaaring hindi na ako magkaroon ng pagkakataong matanggap ang salita ng Diyos. Kailangang-kailangan namin ang salita ng Diyos, at hindi ko kayang ibalik iyon. Nang sandaling iyon, kabadong-kabado ako na hindi ko alam ang gagawin. Biglang, isang linya ng salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko nang may perpektong kalinawan, “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Totoo ’yan. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, kaya kung matutuklasan man ako’y nasa Kanyang mga kamay. Kung ang Diyos ang nasa likod ko, ano ang dapat kong ikatakot? Nang mapagtanto ko ito, naging mas kalmado ang pakiradam ko. Naisip ko ang mga kapatid na nagdadala ng mga aklat ng salita ng Diyos. Kahit sa ilalim ng mahigpit na pagsubaybay ng malaking pulang dragon, nakapaghatid sila ng napakaraming aklat ng salita ng Diyos sa mga kapatid. Hindi ba’t umasa rin sila sa Diyos para danasin ang kanilang kapaligiran? Kaya naisip ko, “Kung umaasa ako sa Diyos, magbubukas din Siya ng daan para sa akin.” Nang naisip ko iyon, hindi na ako nagdalawang-isip pa, at nagpasya akong dalhin pabalik ang salita ng Diyos. Kaya, muli kong isinuksok ang bolang papel ng salita ng Diyos sa aking panloob, hinatak ang kamiseta mula sa aking dibdib, at bahagyang yumuko mula sa baywang, tapos no’n hindi na masyadong halata ang umbok. Naisip ko sa aking sarili, “Kailangan ko munang dalhin pabalik sa pagawaan ang salita ng Diyos, tapos bumalik para maglinis.” Naaalala ko na ang pintong papunta sa pagawaan ay binabantayan ni Section Chief Zhang. Pinagagawa niya ako dati ng kung anu-anong trabaho para sa kanya, kaya may kaugnayan ako sa kanya. Sa sandaling iyon, malinaw kong napagtanto na ito ang daang binuksan ng Diyos para sa akin. Kaya dumiretso ako sa opisina ni Section Chief Zhang at sinabi sa kanya sa mahinang boses, “Chief Zhang, nireregla ako. Gusto ko sanang bumalik sa itaas sandali.” Nang marinig niyang gusto kong bumalik mag-isa sa itaas, agad naging dismayado ang ekspresyon niya. Sinabi niyang, “Hindi, magpahatid ka pabalik sa bantay na nagdala sa iyo rito. Nasaan ang bantay mo?” Tumingin siya sa paligid para hanapin ang bantay namin. Naramdaman kong may masamang mangyayari, kaya kinabahan ako. Kapag dumating ang bantay para samahan ako pabalik, tapos na ang lahat. Ang bantay nami’y higit na mahigpit sa mga bilanggo. Kapag nalaman niyang gusto kong bumalik, hindi lang sa hindi siya papayag, susuriin pa niya ako para makita kung talagang nireregla ako. Kapag natagpuan niya ang salita ng Diyos sa akin, gugulpihin niya ako nang husto. Nang sandaling iyon, parang nasa lalamunan ko ang puso ko. Hindi ko mapigilang humiyaw at magdasal sa Diyos. Sa sandali ring ’yon, bigla kong naalala na gumawa akong ng ilang bag na tela para kay Section Chief Zhang ilang araw ang nakararaan. Mabilis ko siyang tinanong, “Chief Zhang, masaya ka ba sa mga bag na telang ginawa ko para sa iyo? Tanungin mo lang ako kung may iba ka pang kailangan.” Nang marinig niyang sabihin ko ito, agad nabawasan ang tensyon niya. Napagtanto kong nagbubukas ang Diyos ng daan para sa akin. Sinabi ko sa kanya, “Chief Zhang, huwag kang mag-alala, babalik ako nang wala pang isang minuto.” Hindi siya sumagot kaya dali-dali akong tumakbo paakyat. Habang paakyat, bigla kong naalala na kailangan kong dumaan sa isang pintong bakal para makarating sa pagawaan. Ayon sa mga panuntunan, ang pintong ito’y karaniwang dapat nakakandado, ngunit sa puntong iyon, wala akong lakas ng pag-iisip para isaalang-alang iyon, at hindi rin ako nakaramdam ng labis na takot, dahil sa prosesong ito, malinaw kong nakita na kasama ko ang Diyos at ginagabayan ako sa bawat hakbang. Nang marating ko ang pintong bakal, nagulat akong makita na hindi ito nakakandado, at sa kabilang panig, walang mga bantay sa pasilyo. Paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos sa aking puso. Humangos ako sa pagawaan at ibinigay ang salita ng Diyos sa aking kapatid, at sa isip ko’y para bang nagbaba ako ng malaking batong dala-dala ko. Naisip ko ang sinabi ng Diyos na si Jehova kay Joshua, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang nang mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay: sapagka’t si Jehova mong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon(Josue 1:9). Totoo ’yan, ang Diyos ang Lumikha, lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang lahat ng tao, pangyayari at bagay ay nagsisilbi sa gawain ng Diyos. Ang karanasang ito’y nagbigay daan na makita ko ang mga mahimalang gawa ng Diyos, at totoong makita na ang awtoridad ng Diyos ay nakahihigit sa lahat. Sa pagbabalik-tanaw dito, nakita ko kung paanong matalinong isinaayos ng Diyos ang mga bagay sa bawat hakbang. Halimbawa, napakahirap para sa mga bilanggo na makipag-ugnayan kay Section Chief Zhang. Sa mahigit isang libong bilanggo, ako lang ang hinilingan niyang magtrabaho para sa kanya. Ito’y isang bagay na inihanda ng Diyos para sa akin. Ang punong bantay na nagmamasid sa amin tuwing nagtatrabaho ay hindi nagmamasid sa akin sa oras na ito, at maging ang pintong bakal na karaniwang nakakandado ay hindi nakakandado sa oras na ito. Lahat ng bagay tungkol dito ay hindi pangkaraniwan. Ito’y tulad ng sinasabi ng Biblia, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis ng tubig: ikinikiling Niya ito saanman Niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Ang lahat ng salitang ito’y totoong-totoo! Hindi ko maiwasang purihin ang kapangyarihan ng Diyos. Salamat sa Diyos! Tatlong bagong kabanata ng salita ng Diyos, “Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa,” “Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao,” “Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat,” at daan-daang himno. Sa gano’ng kapaligiran, kami ay espirituwal na uhaw, kaya ang makita ang alinmang salita ng Diyos ay napakaganda sa pakiramdam, ngunit ang pagbabasa ng siping ito’y lalong mabuti: “Lahat ng bagay sa mundong ito ay mabilis na nagbabago kasabay ng mga iniisip ng Makapangyarihan sa lahat at habang Siya’y nakamasid. Biglang dumarating ang mga bagay na kailanma’y hindi pa naririnig ng sangkatauhan, samantalang hindi nila alam na ang mga bagay na matagal na nilang taglay ay unti-unting naglalaho. Walang nakakaarok sa kinaroroonan ng Makapangyarihan sa lahat, lalo nang walang nakakaramdam sa kahusayan at kadakilaan ng Kanyang impluwensya. Siya ay walang-katulad dahil nadarama Niya ang hindi nadarama ng tao. Siya ay dakila dahil Siya Yaong tinatalikuran ng sangkatauhan subalit inililigtas Niya sila. Alam Niya ang kahulugan ng buhay at kamatayan, at higit pa riyan, alam Niya ang mga kautusan sa pag-iral na dapat sundin ng sangkatauhan, na nilikha. Siya ang pundasyon ng pag-iral ng tao, at Siya ang Manunubos na muling binubuhay na mag-uli ang sangkatauhan. Pinalulungkot Niya ang masasaya at pinasasaya ang malulungkot, lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at alang-alang sa Kanyang plano. … Ang Makapangyarihan ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nanghihinawa na Siya sa mga taong ito na walang kamalayan, dahil kinailangan Niyang maghintay ng sagot sa napakatagal na panahon mula sa mga tao. Hangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, bigyan ka ng tubig at pagkain upang gisingin ka, upang hindi ka na mauhaw at magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman ang labis na kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. Tatanggapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik. Hinihintay niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at minsa’y nawalan ka ng direksyon, at minsa’y nawalan ka ng malay sa daan at minsa’y nagkaroon ng ‘ama,’ at na iyong matatanto, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagbabantay, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Noon pa man ay binabantayan ka at lubhang umaasam, naghihintay ng tugon na walang kasagutan. Ang Kanyang pagmamasid at paghihintay ay hindi matutumbasan, at ang mga ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang pagmamasid at paghihintay na ito ay walang tiyak na katapusan, at marahil ang mga ito ay malapit nang magwakas. Nguni’t dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ilan sa mga kapatid ang napaluha. Nadama namin ang pag-ibig at awa ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos. Ang Diyos lang ang tunay na nagmamalasakit sa atin at nag-aalala sa ating kinabukasan at tadhana. Sino pa ang may ganoon kalaking pag-ibig? Nang panahong iyon, naghanap ako ng pagkakataon na maibigay ito sa isang kapatid na may malubhang karamdaman. Lubhang masama ang kanyang kalagayan, ngunit naunawaan niya ang kalooban ng Diyos mula sa mga salita ng Diyos, at napagtanto na walang patotoo nang nagreklamo siya tungkol sa sarili niyang pagdurusa, na nagpasakit sa puso ng Diyos. Pinagsisihan niya ang kanyang mga ikinilos at umasang mahanap ang kalooban ng Diyos sa kanyang karamdaman, at tumayong saksi upang mapaginhawa ang puso ng Diyos. Labis din akong naantig nang panahong ’yon, lalo na nang nabasa ko ang bahaging ito ng salita ng Diyos: “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gawin ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pagsasaayos at plano ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, hindi ko napigilan ang mga luhang dumadaloy sa ’king mukha. Naisip ko ang pagkagusto ng pamilya ko sa mga anak na lalaki, kaya lumaki akong dumaranas ng kalungkutan at diskriminasyon. Tapos dumaan ako sa dalawang bigong pag-aasawa, at ilang ulit nagtangkang magpakamatay. Naisip ko, “Mula sa malawak na karagatan ng sangkatauhan, pinili ako ng Diyos na pumasok sa Kanyang sambahayan. Ngayon nauunawaan ko na nakaligtas ako dahil pinrotektahan Niya ako. Meron Siyang atas para sa akin, at meron akong misyon sa buhay at papel na gagampanan. Tinalikdan ko ang aking pamilya para ipangaral ang ebanghelyo, inaresto ako’t ikinulong sa kampo ng paggawa, at naging isang tagapag-alaga, lahat ng ito’y ipinahintulot ng Diyos. May pagkakataon akong ipalaganap ang salita ng Diyos dito at nagagawa kong tulungan at suportahan ang mga kapatid na iyon. Ibinibigay sa akin ng Diyos ang pasanin na ito, at ito ang aking misyon.” Nang maisip ko ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng init sa aking puso. Nadama kong mapalad ako na makasunod sa Makapangarihang Diyos, gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, maranasan ang gawain ng Diyos, at makita ang mga mahimalang gawa ng Diyos. Talagang pinagpala ako! Alam kong kasama ko ang Diyos, nasa aking tabi. Ang Diyos ang Pinakamataas na Puno ng aking kapalaran, kaya ano pa ang mahihiling ko? Nang naisip ko ang mga bagay na ito, hindi ko naramdamang napakahirap ng nasa kampo ng paggawa, at hindi ko naramdamang ako’y nag-iisa.

Nagbahagian kami tungkol sa kalooban ng Diyos sa isa’t isa, at lahat kami’y nabigyang-inspirasyon ng pag-ibig ng Diyos. Nakaramdam kami ng labis na pasasalamat, at ang determinasyon naming tumayong saksi para sa Diyos ay lalo lang lumago. Tapos noon, agad naming kinopya ang salita ng Diyos. Ginamit ko ang aking tungkulin sa bulwagan upang kumilos bilang bantay para sa’king mga kapatid, para makopya nila ang salita ng Diyos nang hindi nababahala, at ang ila’y nagsulat hanggang hatinggabi. Ang bilanggong kasama ko sa tungkulin ay walang pakialam sa anumang bagay. Nagkunwari siyang walang anumang nakikita. Kaya sa loob ng tatlong araw, kinopya namin ang salita ng Diyos nang walang insidente, at napakabilis na naihatid namin ito sa dose-dosenang iba pang kapatid. Sa loob ng mga araw na iyon, habang ang mga kapatid ay nagbigayan at nagbahagian tungkol sa salita ng Diyos, pinalakas naming lahat ang loob ng isa’t isa at nakahanap ng higit na pananampalataya upang tumayong saksi para sa Diyos sa mahirap na kapaligirang ito.

Inaalala ko ang bawat sandali ng proseso ng pagpapalaganap ng salita ng Diyos sa kampo ng paggawa, at alam kong hinding-hindi ko ito makakalimutan. Sa pamamagitan ng mga praktikal na karanasang ito, personal kong nakita at naranasan ang mga mahimalang gawa ng Diyos, tunay na nasaksihan ang awtoridad, pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, at tunay na nadamang ang salita ng Diyos ay ang nagbibigay ng lakas sa buhay ng mga tao. Sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito, labis akong naaantig at nabibigyang-inspirasyon, at pinasasalamatan at pinupuri ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Mailarawang Sakit

Ni Zhang Lin, Tsina Isang hapon, noong Disyembre 2012, nasa bus ako sa labas ng bayan para tuparin ang aking tungkulin. Nakatulog na ako...