Tunay Bang Birtud ang “Pagiging Mahigpit sa Iyong Sarili at Mapagparaya sa Iba”?

Oktubre 22, 2024

Ni Li Jia, Tsina

Dati, palagi kong iniisip na dapat akong maging mapagparaya at mapagbigay sa iba, isaalang-alang ang mga damdamin nila at unawain ang mga paghihirap nila. Mas pipiliin kong magambala kaysa gambalain ang iba dahil alam kong iyan ang ginawa ng mga mapagbigay, bukas-palad na taong may mabuting karakter. Kalaunan, noong sinimulan ko ang pangangasiwa sa produksyon ng mga bidyo, naramdaman ko na bilang lider ng grupo, kailangan kong magpakita ng mabuting halimbawa at magkaroon ng pangunahing papel, may napakataas akong pamantayan para sa sarili ko, at naramdaman ko na hindi ako dapat masyadong maraming hinihingi at istrikto sa ibang miyembro ng grupo, ito ang mabait at mapagbigay na bagay na dapat gawin. Mararamdaman ng lahat ng tao na may dakilang pagkatao ako, na maunawain ako at magkakaroon sila ng mabuting impresyon sa akin. Kaya personal kong ginawa ang abot ng makakaya ko para sa grupo, at kung masyadong mahirap ang gawaing iniatas sa iba at hindi sila handang gawin iyon, ako na lang mismo ang gagawa niyon. Hangga’t kaya ay sinubukan kong hindi manggipit ng iba para hindi nila masabi na napakataas ng hinihingi ko at napakahigpit ko. Kahit na minsan ay naiisip ko na masyadong maraming gawain ang kinukuha ko at masyadong marami ang hinihingi nito. Magrerebelde pa rin ako laban sa aking laman at kukunin ko ang lahat ng gawaing kaya ko para hindi magkaroon ng mababang opinyon ang iba sa akin.

Kalaunan, sumali ang ilang bagong miyembro sa grupo namin, hindi sila pamilyar sa gawain at wala silang mga propesyonal na kasanayan, kaya kinailangan kong tingnan ang lahat ng bidyo na ginawa nila. Paminsan-minsan ay hinahanap din nila ako para pag-usapan ang mga problema nila. Napuno ng nag-iisang gawaing ito ang buong iskedyul ko, pero may iba pa akong gawaing kailangang gawin bukod dito. Mabilis na nagpatung-patong ang mga gawain, at lubos akong napuno ng gawain araw-araw. Paminsan-minsan kapag humihiling sila sa akin na tulungan ko silang lutasin ang mga napakakaraniwang isyu, iniisip ko sa sarili ko: “Madali ninyong malulutas ang isyung ito sa pamamagitan ng pag-uusap nang kayo lang, bakit kailangan pa ninyo akong lapitan para lutasin ang lahat ng bagay?” Pero pagkatapos iisipin ko: “Dahil tinanong nila ako, kung tatanggihan ko ang hiling nila, magmumukha akong iresponsable! Tutal, matatagalan din sila na pag-usapan ang bagay na ito. Di bale, siguro makakahanap ako ng oras para ako mismo ang umayos niyon.” At doon, sumang-ayon ako. Pagkatapos, naunawaan ko na ipinapasa lang ng isang kapatid ang gawain niya sa akin dahil sa katamaran at sa takot sa responsabilidad. Noong una naisip ko ang pagbabahagi sa kanya, pero nag-alala ako na iisipin niyang masyado akong maraming hinihingi, kaya hindi ko na itinuloy iyon. Paminsan-minsan kapag napansin ko na hindi gaanong marami ang gawain ng iba habang marami akong minamadaling bagay na dapat tapusin at nalulula na ako, gusto kong ipagawa sa iba ang ilang gawain para maaga kami sa iskedyul. Pero pagkatapos ko itong pag-isipan, hindi ko magawang tanungin sila. Naisip ko sa sarili ko: “Kung dadagdagan ko ang gawain nila, hindi ba nila iisipin na masyado akong maraming hinihingi at hindi ko sila binibigyan ng panahon para makapaglibang? Hindi bale na lang, mas mabuti kung ako na mismo ang gagawa nito.” Pero habang ginagawa ko ang gawain ay naramdaman ko na medyo hindi ito patas. Lalo na noong nakita ko silang nagpapahinga habang nagtatrabaho ako, lalong sumama ang loob ko at sinisi ko sila dahil wala silang pasanin. Kahit papaano hindi nila nakita kung gaano karaming gawain ang kailangang gawin. Pero nagreklamo lang ako sa sarili ko at wala akong sinabi nang malakas, nag-alala ako na kung may sinabi ako, magmumukhang may masama akong pagkatao at hindi ako mapagbigay. Kaya, kahit gaano ako kaabala, sinubukan kong gawin ang lahat ng kaya ko nang ako lang. Paminsan-minsan, kapag mag-aatas ako ng gawain batay sa iskedyul ng grupo, kung maayos silang tumugon ay magiging ayos iyon, pero kung mukha silang hindi masaya o kung nagreklamo sila, magdadalawang-isip ako na magbigay ng gawain sa kanila at buong gabi na lang akong magtatrabaho para mag-isa kong tatapusin ang lahat. Sa katunayan, habang gumagawa ako ng gawain, pakiramdam ko ay hindi ito patas at napupuno ako ng sama ng loob. Nadama ko na malinaw na gawain nila iyon, pero kailangan kong maglaan ng ekstrang oras para matapos iyon at minsan magiging masyado akong abala na wala na akong panahon para sa mga debosyonal. Pero hindi ako nangahas na malakas na iparating ang mga hinaing na ito. Kaya walang tutol na inaliw ko na lang ang sarili ko sa pagsasabing: “Pinakamabuti na maging mapagbigay at maalalahanin, na magmalasakit sa iba at hindi maging napakababaw, kung hindi, magmumukhang masama ang pagkatao ko.” Kalaunan, sinabi ng lahat ng kapatid sa grupo ko na responsable ako, na kaya kong pagdaanan ang pagdurusa at bayaran ang halaga, at mapagmahal at maalalahanin ako sa iba. Pagkarinig ko ng mga pagbibigay-halagang ito, pakiramdam ko kahit na dumaan ako sa paghihirap, sulit ang lahat ng ito para makuha ang mataas na papuri mula sa lahat. Pero dahil hindi ako kumilos ayon sa prinsipyo, patuloy kong pinaluguran ang laman ng iba at nagtalaga ako ng gawain sa isang di-makatuwirang paraan, nagsimulang magpatung-patong ang gawain at bumagal ang progreso namin bilang isang grupo. Tamad ang ilan sa mga kapatid, walang motibasyon, at masaya na sila sa pagtapos ng sarili nilang gawain. Hindi nanalangin sa Diyos ang iba ni hindi sila humanap ng mga katotohanang prinsipyo kapag may mga problema sila, mas gusto nilang umasa sa akin at hintayin akong lutasin ang mga isyu nila, na nagdulot para mabigo silang umunlad sa mga kasanayan nila.

Isang araw, dumating ang superbisor namin para tingnan ang gawain namin at nakita niyang hindi makatuwiran ang pagtatalaga ng gawain. Sinabi niyang puwedeng iatas sa mga miyembro ang ilang gawain at dapat mas maglaan ako ng panahon sa paggawa sa sarili kong gawain bilang lider ng grupo, kasama rito ang pagsuri ng progreso ng gawain at paglutas ng anumang lumitaw na isyu. Sa paraang ito, puwedeng kumuha ng responsabilidad ang lahat at magbalikat ng pasanin. Alam kong tama siya at kapaki-pakinabang sa gawain ang paraang ito ng pagtatalaga. Pero, naisip ko na napakahirap lang talaga ng pagsasagawa ng paraang ito, kaya nanalangin ako sa Diyos, humiling sa Kanya na gabayan ako para magkamit ng kaalaman ukol sa tiwali kong disposisyon. Sa oras ng mga debosyonal, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na nauugnay sa kasalukuyan kong kalagayan. Nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin ang isang sipi: “Ang ‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,’ tulad ng mga kasabihan tungkol sa ‘Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot’ at ‘Maging masaya sa pagtulong sa iba,’ ay isa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Sa parehong paraan, makakamit o magagamit man ng isang tao ang wastong asal na ito, hindi pa rin ito ang pamantayan o saligan sa pagsukat ng kanyang pagkatao. Maaaring talagang may kakayahan kang maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, at na kumikilos ka sa talagang matataas na pamantayan. Maaaring walang dungis ang iyong moralidad at maaaring palagi mong iniisip ang iba at nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang para sa kanila, nang hindi nagiging makasarili at naghahangad ng sarili mong mga interes. Maaaring tila talagang mapagbigay ka at hindi makasarili, at mayroon kang matibay na pagpapahalaga sa panlipunang responsabilidad at mga moralidad na panlipunan. Ang marangal mong personalidad at mga katangian ay maaaring naipapakita sa mga malapit sa iyo, at sa mga nakakaharap at nakakasalamuha mo. Maaaring ang pag-uugali mo ay hindi kailanman nagbibigay sa iba ng anumang dahilan para sisihin o batikusin ka, sa halip ay nagtatamo ng saganang papuri at paghanga pa nga. Maaaring ituring ka ng mga tao bilang isang taong tunay na mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba. Gayunpaman, ang mga ito ay walang iba kundi mga panlabas na pag-uugali. Ang mga kaisipan at hangarin ba sa kaibuturan ng iyong puso ay naaayon sa mga panlabas na pag-uugali na ito, sa mga pagkilos na ito na isinasabuhay mo sa panlabas? Ang sagot ay hindi, hindi naaayon ang mga ito. Ang dahilan kung bakit kaya mong kumilos nang ganito ay dahil may motibo sa likod nito. Ano ba talaga ang motibong iyon? Maaatim mo ba na umiral ang motibong iyon? Talagang hindi. Pinatutunayan nito na ang motibong ito ay isang bagay na hindi kabanggit-banggit, isang bagay na madilim at masama. Ngayon, bakit hindi kabanggit-banggit at masama ang motibong ito? Dahil ang pagkatao ng mga tao ay pinamamahalaan at kinokontrol ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng kaisipan ng sangkatauhan, sinasabi o ibinubulalas man ang mga ito ng mga tao, ay hindi maipagkakailang pinangingibabawan, kinokontrol, at minamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bilang resulta, pawang mapaminsala at masama ang mga motibo at intensyon ng mga tao. Nagagawa man ng mga tao na maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba, o ganap man nilang naipapahayag sa panlabas ang moralidad na ito o hindi, hindi maiiwasan na ang moralidad na ito ay hindi magkakaroon ng kontrol o impluwensiya sa kanilang pagkatao. Kung gayon, ano ang kumokontrol sa pagkatao ng mga tao? Ito ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang pagkataong diwa na nakatago sa ilalim ng moralidad na ‘Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba’—iyon ang tunay nilang likas na pagkatao. Ang tunay na likas na pagkatao ng isang tao ay ang kanyang pagkataong diwa. At ano ang bumubuo sa kanyang pagkataong diwa? Pangunahin itong binubuo ng kanyang mga kagustuhan, hinahangad, pananaw sa buhay at kanilang sistema ng pagpapahalaga, pati na ng kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at iba pa. Ang mga bagay na ito lang ang tunay na kumakatawan sa pagkataong diwa ng mga tao. Masasabi nang may katiyakan na karamihan sa mga taong humihingi sa kanilang sarili na tuparin ang moralidad ng pagiging ‘mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,’ ay nahuhumaling sa katayuan. Bunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi nila maiwasang hangarin ang reputasyon sa gitna ng mga tao, katanyagan sa lipunan, at katayuan sa paningin ng iba. Ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa kanilang pagnanais para sa katayuan, at hinahangad ang mga ito nang nakakubli sa kanilang wastong asal. At paano nangyayari ang mga paghahangad nilang ito? Ang mga ito ay ganap na nagmumula sa at ibinubunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, anuman ang mangyari, tuparin man ng isang tao ang moralidad ng pagiging ‘mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba’ o hindi, at kung nagagawa man niya ito nang perpekto o hindi, hinding-hindi nito mababago ang kanyang pagkataong diwa. Sa ipinapahiwatig nito, nangangahulugan ito na hindi nito mababago sa anumang paraan ang kanyang pananaw sa buhay o sistema ng pagpapahalaga, o magagabayan ang kanyang mga saloobin at perspektiba sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba iyon ang kaso? (Oo nga.) Kapag mas may kakayahan ang isang tao na maging mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba, mas nagiging mahusay siya sa pagkukunwari, pagpapanggap, at sa panlilihis sa iba sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali at kalugud-lugod na mga salita, at mas likas siyang nagiging mapanlinlang at buktot. Kapag mas ganitong uri siya ng tao, mas nagiging malalim ang kanyang pagmamahal at paghahangad sa katayuan at kapangyarihan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6). Nakita ko kung paanong ang mga “mahigpit sa sarili nila at mapagparaya sa iba” ay may malalim na pagkahumaling sa katayuan. Palagi silang humahanap ng lugar sa puso ng mga tao. Ang mga ganitong tao ay may mapanlinlang at buktot na kalikasan at mapagkunwari. Talagang nakakasakit ang ganitong paglalarawan. Inisip ko kung paano ko kinuha ang marami sa mga gawain ng grupo ko sa paglilingkod ko bilang lider ng grupo. Palagi kong isinasaalang-alang ang mga iskedyul ng ibang tao, ang dami ng trabaho nila at ang mga paghihirap na kinakaharap nila. Partikular akong maasikaso at mapagmalasakit sa iba, sinisigurado kong hindi sila kailanman magiging di-masaya. Sa panlabas, mukhang napakamaunawain ko, pero ang totoo, kumikilos lang ako nang ganyan para pagandahin ang reputasyon at katayuan ko. Palagi akong nag-aalala na baka makapagsabi o makagawa ako ng isang bagay na kaiinisan ng iba at mag-iwan ako ng masamang impresyon sa kanila. Mas marami akong pasan kumpara sa iba, naagdusa ako at nagbayad ng halaga, nagpakita ng pagpaparaya, pag-unawa at kakayahang magkompromiso, pero sa likod nito ang iniisip ko ay na mas magaling ako kaysa sa iba, na mas mataas ang tayog ko kaysa sa iba, na maunawain ako at mapagparaya sa kanila. Dahil dito tiningala nila ako at umasa sila sa akin. Hinintay nila akong lutasin ang mga isyu nila at hindi nila kayang umasa sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makamit ang resolusyon. Napagtanto ko na ginawa akong tiwali ni Satanas at puno ako ng mga satanikong disposisyon. Hindi talaga ako di-makasarili at mapagbigay! Nang magpasa ang kapatid ng gawain sa akin, masaya kong kinuha iyon, pero sa loob ay hindi ako masaya, at habang nagtatrabaho ako, masama ang loob ko sa kanya dahil hindi siya nagdala ng pasanin. Marami akong naging trabaho at matindi ang bigat sa akin, at habang wala akong sinasabing anumang bagay at kumikilos ako na parang hindi ako makasarili, sa loob pakiramdam ko ay hindi talaga patas ang lahat at hindi ko gustong magdusa o mag-isip tungkol sa kung ano pa mang bagay. Habang nagtatalaga ako ng gawain, kapag may kapatid na nagpalugod ng laman niya at ayaw magtrabaho nang maigi, hindi ko ibinahagi ang katotohanan para malutas ang isyu niya at sa halip ay kinuha ko ang trabaho niya. Sa katunayan, may mga opinyon ako tungkol sa kanya, nainis ako kung paanong dumami ang gawain ko dahil sa katamaran niya. Sa pag-iisip ko ng lahat ng iyon, napagtanto ko na peke pala ang lahat ng pagpaparaya ko sa iba, pagpapanggap lang ang lahat, at hindi talaga ako masayang tumulong sa kanila. Malinaw na makasarili lang ako, pero kumilos ako na parang dalisay at walang pagkamakasarili—niloko ko ang lahat ng tao. May isang motibo lang ako sa mga kilos ko—gusto ko lang makamit ang papuri, respeto, at komendasyon ng iba. Napakamapagpaimbabaw at peke ako! Nakita lang ng mga tao ang mapanlinlang kong mga kilos, pero hindi nila nakita ang mga aktuwal kong kaisipan. Naniwala silang lahat na may mabuting pagkatao ako at sobrang mapagparaya ako. Hindi ko ba sila nililinlang at dinadaya? Habang lalo kong iniisip ang tungkol dito, lalo kong kinasuklaman ang sarili ko. Nabuhay ako na nakasuot ng maskara, at hindi lang ako nagdusa nang matindi sa sarili ko, naantala ko pa ang gawain ng iglesia. Napinsala ko ang sarili ko at ang iba. Nagsimula akong magalit sa sarili ko at ginusto kong magsisi at magbago sa lalong madaling panahon.

Kalaunan, may nakita akong dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng bagong pananaw sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakikita ng isang lider ng iglesia ang mga kapatid na pabasta-bastang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, maaaring hindi niya sawayin ang mga ito, kahit na dapat. Kapag malinaw niyang nakikita na naaapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya nakikialam dito o nagtatanong, at hindi siya nagdudulot ng kahit kaunting sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga siya nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa kahinaan ng mga tao; sa halip, ang intensyon at layon niya ay ang makuha ang loob ng mga tao. Alam na alam niya na: ‘Basta’t ginagawa ko ito at hindi ako nagdudulot ng sama ng loob kanino man, iisipin nilang mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng maganda at mataas na pagtingin sa akin. Sasang-ayunan nila ako at magugustuhan nila ako.’ Wala siyang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang nagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano kalaking mga kawalan ang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, o kung gaanong labis na nagambalaang buhay iglesia niya, patuloy lang siya sa kanyang satanikong pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Walang anumang paninisi sa sarili sa puso niya. Kapag may nakita siyang isang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo, sa pinakahigit ay maaari niya itong kausapin tungkol dito, paliliitin ang isyu, at pagkatapos ay hindi na niya ito pakikialaman. Hindi siya magbabahagi tungkol sa katotohanan, o tutukuyin ang diwa ng problema sa taong iyon, lalong hindi niya hihimayin ang kalagayan niyon, at hindi siya kailanman magbabahagi tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman inilalantad o hinihimay ng isang huwad na lider ang mga pagkakamaling kadalasang ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas ibinubunyag ng mga ito. Wala siyang nilulutas na anumang totoong mga problema, kundi sa halip ay palaging kinukunsinti ang mga maling gawi at pagpapakita ng katiwalian ng mga tao, at gaano man kanegatibo o kahina ng mga tao, hindi niya ito sineseryoso. Nangangaral lang siya ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang salita ng panghihikayat para harapin ang sitwasyon sa isang pabasta-bastang paraan, sinusubukang panatilihin ang pagkakasundo. Dahil dito, hindi alam ng mga hinirang ng Diyos kung paano pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, walang solusyon sa anumang ibinubunyag nilang mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila sa gitna ng mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, nang walang anumang buhay pagpasok. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, ‘Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming lider sa mga kahinaan namin kaysa sa Diyos. Masyadong maliit ang aming tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lang naming tuparin ang mga hinihingi ng aming lider; sa pagpapasakop sa aming lider, nagpapasakop kami sa Diyos. Kung dumating ang araw na tanggalin ng Itaas ang aming lider, magsasalita kami upang marinig; upang mapanatili ang aming lider at mapigilang tanggalin siya, makikipagkasundo kami sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi namin. Ganito namin gagawin ang tama para sa aming lider.’ Kapag ang mga tao ay may ganoong mga saloobin sa kanilang puso, kapag nakapagtatag na sila ng ganoong relasyon sa lider nila, at nagkaroon na ng ganitong uri ng pagdepende, pagkainggit, at pagsamba sa puso nila para sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, at palagi nilang gustong makinig sa mga salita ng lider, sa halip na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang ganoong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nakakaramdam siya ng kasiyahan dito sa puso niya, at naniniwala siyang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga taong hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pinagkaiba ang lider na ito kay Pablo, nakatapak na siya sa landas ng isang anticristo, at nailihis na ng anticristong ito ang mga hinirang ng Diyos, at talagang wala silang pagkakilala(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao).

Maikukumpara ninyo ito sa ilang anticristo at masamang tao sa iglesia. Upang mapatibay ang kanilang katayuan at kapangyarihan sa iglesia, at upang magkamit ng mas magandang reputasyon sa iba pang miyembro, nagagawa nilang magdusa at magbayad ng halaga habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at maaari pa nga nilang talikuran ang kanilang trabaho at mga pamilya at ibenta ang lahat ng mayroon sila upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Sa ilang sitwasyon, ang mga halagang kanilang ibinabayad at ang pagdurusang kanilang dinaranas sa paggugol sa kanilang sarili para sa Diyos ay higit pa sa kung ano ang kaya ng isang pangkaraniwang tao; nagagawa nilang katawanin ang diwa ng matinding pagtitimpi upang mapanatili ang kanilang katayuan. Gayunpaman, gaano man sila magdusa o anumang halaga ang ibinabayad nila, wala sa kanila ang nangangalaga sa patotoo ng Diyos o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mithiing hinahangad nila ay ang magtamo lang ng katayuan, kapangyarihan, at mga gantimpala ng Diyos. Wala silang ginagawa na may kahit kaunting kaugnayan sa katotohanan. Gaano man sila kahigpit sa kanilang sarili, at gaano man sila kamapagparaya sa iba, ano ang kanilang pinakakahihinatnan? Ano ang iisipin ng Diyos sa kanila? Pagpapasyahan ba Niya ang kanilang kahihinatnan batay sa mga panlabas na mabuting pag-uugaling isinasabuhay nila? Tiyak na hindi. Tinitingnan at hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, at dahil hindi nila mahalata ang diwa ng ibang tao, nalilinlang sila ng mga ito sa huli. Gayunpaman, hindi kailanman nalilinlang ng tao ang Diyos. Hinding-hindi Niya pupurihin at tatandaan ang wastong asal ng mga tao dahil nagagawa nilang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba. Sa halip, kokondenahin Niya sila dahil sa kanilang mga ambisyon at dahil sa mga landas na tinahak nila sa paghahangad sa katayuan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6). Sa pag-iisip ko tungkol sa mga salita ng Diyos, mas naging malinaw sa akin ang tungkol sa kalikasan at mga kahihinatnan ng mga kilos ko. Para maprotektahan ang reputasyon at katayuan ko, palagi kong isinasaalang-alang ang paghihirap ng iba at ako ang gumawa ng lahat. Bilang resulta, hindi normal na natupad ng mga kapatid ang mga tungkulin nila. Pinaluguran ng ilan ang laman nila at hindi nagdala ng pasanin, natigilan ang ilan dahil sa paghanga at pag-asa sa akin, hinahanap nila ako tuwing may mga problema sila, at hindi nila kayang umasa sa Diyos at humanap ng katotohanan para malutas ang mga isyu. Walang lugar ang Diyos sa mga puso nila. Masama ang ginawa ko! Noong hindi handa ang kapatid na magdala ng pasanin sa trabaho at ipinasa niya ang trabaho niya sa akin, kung nagbahagi lang ako sa kanya nang kaunti at hinayaan na makita niya ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kasalukuyan niyang kalagayan, baka hindi siya nagrebelde laban sa laman niya at umasa siya sa Diyos para malutas ang isyu niya. Magdudulot ito ng pag-unlad sa buhay niya at mapapabuti ang mga propesyonal niyang kakayahan. Pero isinaalang-alang ko lang ang sarili kong reputasyon at katayuan, at hindi ako nagbahagi o nagbigay ng payo sa mga kapatid na lugmok sa mga tiwaling disposisyon. Sa panlabas, sumang-ayon ang paraang ito ng pagkilos sa makalamang alalahanin ng mga tao, pero wala silang naging pag-unlad sa buhay at lalo silang naging tiwali. Sa patuloy na pagpaparaya ko sa mga tao, naipahamak ko sila! Nabigo ang lahat na kilatisin ang pag-uugali ko at nailigaw ko sila sa pag-iisip na mabuti at maasikaso akong tao. Napakapeke ko, nailigaw ko silang lahat! Sa panlabas, mukhang nagdala ako ng malaking pasanin sa tungkulin ko at kaya kong magdusa at magbayad ng halaga. Nakita ako ng mga tao bilang isang mabuting tao, pero ang totoo ay kinondena na ako ng Diyos, dahil ang bawat kilos ko ay hindi ko ginawa para paluguran ang Diyos, sa halip ito ay para protektahan ang katayuan ko sa puso ng mga tao. Wala akong nagawang kahit anong halatang kasamaan, pero hindi ko naakay ang mga tao sa realidad ng mga salita ng Diyos, sa halip inakay ko sila sa laman nila at sa akin. Sinubukan kong makuha ang loob ng mga tao at ibinunyag ko ang anticristong disposisyon. Nang mapagtanto ko ito, nakita ko na nasa lubhang delikadong kalagayan ako. Ginawa ko ang tungkulin ko batay sa mga tradisyonal at kultural na pagpapahalaga at lumakad sa landas ng isang anticristo.

Kalaunan, may nakita akong isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay pa sa akin ng kalinawan tungkol sa mga isyu ko: “Sa alin mang grupo ipinapanukala ang mga pahayag tungkol sa wastong asal, hinihingi ng lahat ng iyon sa tao na magpigil sa sarili—pigilan ang sarili nilang mga pagnanasa at di-wastong asal—at magtaglay ng mga kaaya-ayang ideolohikal at moral na perspektiba. Gaano man naiimpluwensyahan ng mga pahayag na ito ang sangkatauhan, at positibo man o negatibo ang impluwensyang iyon, ang layunin ng mga diumano’y moralistang ito, sa maikli at malinaw na salita, ay ang limitahan at kontrolin ang wastong asal ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapanukala ng gayong mga pahayag, upang magkaroon ang mga tao ng pangunahing pamantayan kung paano sila dapat umasal at kumilos, kung paano nila dapat tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at kung paano nila dapat unawain ang kanilang lipunan at bansa. Kung titingnan ang positibo, ang paggawa sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal, ay nagkaroon ng papel sa paglimita at pagkontrol sa wastong asal ng sangkatauhan hanggang sa isang partikular na antas. Ngunit kung titingnan ang mga walang kinikilingang katunayan, naudyukan nito ang mga tao na tanggapin ang ilang di-tapat at mapagpanggap na kaisipan at perspektiba, na ginagawang mas mapaminsala, mas tuso, mas magaling magpanggap, at mas limitado sa kanilang pag-iisip ang mga taong naimpluwensyahan at nataniman ng tradisyonal na kultura. Dahil sa impluwensya at pagkatanim sa isip ng tradisyonal na kultura, unti-unti nang tinanggap ng mga tao ang mga maling pananaw at pahayag na iyon ng tradisyonal na kultura bilang mga positibong bagay, at sinamba bilang mga banal ang mga luminaryo at dakilang taong ito na nagliligaw sa mga tao. Kapag nailigaw na ang mga tao, nagiging magulo, manhid, at mapurol ang kanilang mga isip. Hindi nila alam kung ano ang normal na pagkatao, o kung ano ang dapat hangarin at sundin ng mga taong may normal na pagkatao. Hindi nila alam kung paano dapat mabuhay ang mga tao sa mundong ito o kung anong uri ng pamamaraan o mga panuntunan sa pag-iral ang dapat nilang gamitin, lalong hindi ang wastong layunin ng pag-iral ng tao. Dahil sa impluwensya, pagkatanim sa isip, at pati na paglilimita ng tradisyonal na kultura, ang mga positibong bagay, ang mga hinihingi at panuntunan mula sa Diyos, ay nasupil na. Sa diwang ito, sa isang malawak na antas ay matindi nang nailigaw at naimpluwensyahan ng iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng mga tao, nililimitahan ang kanilang mga naiisip at inililigaw sila, palayo sa tamang landas sa buhay, at palayo nang palayo sa mga hinihingi ng Diyos. Nangangahulugan ito na habang mas malalim kang naiimpluwensyahan ng iba’t ibang ideya at perspektiba tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at mas matagal kang natataniman ng mga iyon, mas napalalayo ka sa mga kaisipan, mga adhikain, layon na dapat hangarin, at mga panuntunan sa pag-iral na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at lalo kang napalalayo sa pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao. … Kailangang maunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang isang katunayan: ang salita ng Diyos ay salita ng Diyos, ang katotohanan ay katotohanan, at ang mga salita ng tao ay mga salita ng tao. Ang kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ay mga salita ng tao, at ang tradisyonal na kultura ay mga salita ng tao. Ang mga salita ng tao ay hindi kailanman ang katotohanan, ni kailanman ay magiging katotohanan ang mga iyon. Ito ay katunayan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos napagtanto ko na ang mga pananaw at ideyang itinanim sa atin ng tradisyonal na kultura ay katawa-tawa at walang kabuluhan at hindi sang-ayon ang mga ito sa konsensiya at katuwiran ng normal na tao at sa normal na pagkataong hinihingi ng Diyos na isabuhay ng tao. Naligaw at naimpluwensiyahan ng tradisyonal na ideya ng “pagiging mahigpit sa sarili at mapagparaya sa iba,” nagulo ang isip ko, nagkamali ako at hindi nakakilatis. Inakala ko na sa pamamagitan lang ng pagiging mapagparaya sa mga tao, pagsasaalang-alang sa kanila sa lahat ng paraan, at pamomroblema mag-isa sa halip na ang iba, magpakita ako ng mabuting katangian, malawak na pag-iisip, at pagiging mapagbigay. Hindi ako dapat humiling nang sobra sa kaninuman o maging masyadong mahigpit at dapat umiwas ako sa pagiging mababaw. Malalim ang ugat ng mga ideyang ito sa isipan ko, kinontrol ang bawat salita at kilos ko at inimpluwensyahan kung paano ako makisalamuha sa iba. Sa pag-iisip ko nito, nakita ko na ang pagpaparaya ko sa iba ay hindi ang pagpapahintulot ng normal na pagkatao, sa halip ito ay pagpapalayaw na walang prinsipyo o pamantayan. Bilang lider ng grupo, dapat makatuwiran akong nagtalaga ng gawain batay sa pangkalahatang iskedyul ng gawain at sa mga kasanayan ng bawat miyembro, para magkaroon ng parte ang lahat, magkaroon ng pagkakataong maisagawa ang kanilang tungkulin, at magamit ang mga kasanayan nila. Sa ganitong paraan lang normal na uunlad at mapapabuti ang gawain ng grupo namin. Para sa mga may mas mahinang kasanayan, may karaniwang kakayahan at mabagal matuto ng kaalaman, dapat ibatay ang mga pagtatalaga ng gawain sa aktuwal nilang tayog at paghihirap. Dapat ay atasan sila ng mas madaling gawain para masiguro na kaya nila ang gawain at hindi sila mapuwersang gawin ang isang bagay na hindi nila kaya. Para sa mga may mabuting kakayahan, may kakayahang matuto ng mga bagong bagay, at kayang umunawa ng mga prinsipyo at kasanayan, maaari silang bigyan ng mas maraming gawain na naaangkop, mahiling na lalo nilang pag-isipan ang gawain nila at magdala pa ng mas maraming pasanin—pahihintulutan sila nito na umunlad nang mas mabilis. Kung makatagpo sila ng paghihirap at makaramdam ng kaunting stress, normal ito at makakatulong ito sa kanila na lalong umasa sa Diyos, pagbutihin ang mga kasanayan nila at pabilisin ang kanilang pag-unlad. Higit pa rito, kung may sumama ang loob pagkatapos ko silang atasan ng gawain, puwede akong makipag-usap sa kanila para makita kung may mga totoo silang paghihirap o kung naghahanap lang ba sila ng kaaliwan at hindi handang magdusa at magbayad ng halaga. Puwede kong pangasiwaan ang mga bagay batay sa aktuwal na sitwasyon—ito ay pagkilos batay sa mga katotohanang prinsipyo. Sa katunayan, madalas makatwiran akong nag-aatas ng gawain sa mga miyembro ng grupo batay sa aktuwal na sitwasyon nila. Hindi ako humingi nang napakarami, hindi ako ganoon kahigpit at kayang pangasiwaan ng mga kamiyembro ko ang mga iniatas sa kanila. Kapag tinatamad sila paminsan-minsan, hindi handang magbayad ng halaga at magsumikap para magtagumpay, o natakot na kumuha ng responsabilidad at nagpasa ng trabaho sa iba, dapat nagbahagi ako at nagpayo sa kanila para ipaalam sa kanila ang kanilang tiwaling disposisyon. Sa mga mas seryosong kaso dapat pinungusan ko sila at hindi sila patuloy na pinalayaw at hinayaan lang ang pag-uugali nila nang walang panimulang punto ng pamantayan. Sa paggawa nito ko lang mapapanatili ang normal na pag-unlad ng gawain ng grupo namin. Kalaunan, nakatagpo ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na kalinawan sa aking landas ng pagsasagawa: “Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, maghimagsik ka laban sa mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). “Kaya, ano ang mga katotohanang prinsipyo na hinihingi ng Diyos? Na maging maunawain ang mga tao sa iba kapag sila ay mahina at negatibo, maging mapagsaalang-alang sa pasakit at mga paghihirap ng mga ito, at pagkatapos ay magtanong tungkol sa mga bagay na ito, mag-alok ng tulong at suporta, at basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos para matulungan silang lutasin ang mga problema nila, na nagbibigay sa kanila ng kakayahan na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi na maging mahina, at dinadala sila sa harapan ng Diyos. Hindi ba’t naaayon ang ganitong paraan ng pagsasagawa sa mga prinsipyo? Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Natural na ang mga ganitong ugnayan ay lalong nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag sinasadya ng mga taong magdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, o sinasadyang gawin ang tungkulin nila sa isang pabasta-bastang paraan, kung nakikita mo ito at nagagawa mong tukuyin ang mga bagay na ito sa kanila, pagsabihan sila, at tulungan sila ayon sa mga prinsipyo, kung gayon, nakaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung nagbubulag-bulagan ka, o kinukunsinti mo ang pag-uugali nila at pinagtatakpan mo sila, at umaabot pa nga hanggang sa pagsasabi sa kanila ng mabubuting bagay para purihin at palakpakan sila, ang ganitong mga paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, pagharap sa mga isyu, at pangangasiwa sa mga problema, ay malinaw na salungat sa mga katotohanang prinsipyo, at walang batayan sa mga salita ng Diyos. Kaya, ang mga paraang ito ng pakikisalamuha sa mga tao at pangangasiwa sa mga isyu ay malinaw na hindi wasto, at talagang hindi ito madaling matuklasan kung hindi hinihimay at kinikilatis ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 14). Pagkatapos kong pag-isipan ang mga salita ng Diyos, mas lumiwanag ang puso ko. Bilang isang mananampalataya, kailangang nasa puso ko ang Diyos kapag nagsalita at kumilos ako, at dapat kong ilagay ang puso ko sa harap ng Diyos para masuri Niya. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat kong gawin. Higit pa rito, habang nakikisalamuha sa iba at nakikipagpartner sa tungkulin ko, dapat akong magtakda ng mabubuting layunin, kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, umiwas sa paggawa ng anumang bagay na puwedeng makasira sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at palaging isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Dapat akong tumulong at sumuporta sa mga negatibo, mahina, at humaharap sa paghihirap, at dapat bahaginan ko, tulungan, payuhan o isiwalat ang sinumang nagbunyag ng tiwaling disposisyon nila o intensyonal na nanggulo at nanggambala sa gawain sa iglesia sa halip na magpaubaya sa kanila o hangal na mag-abot ng kabutihang-loob. Kapag nagtatalaga ako ng gawain, hindi ko dapat protektahan ang sarili kong reputasyon at isaalang-alang lang ang laman at damdamin ng mga tao. Kailangang makatuwiran akong mag-atas ng gawain batay sa mga prinsipyo at sa aktuwal na kalagayan ng grupo para siguruhin na hindi naaantala ang gawain. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa lahat ng mga miyembro. Pagkatapos niyan, kapag nakikisalamuha sa mga kapatid, nagsanay ako sa pagiging tapat, sinasabi ko ang tunay kong nararamdaman at pinararating ko sa mga tao kapag mayroon akong mga isyu. Kapag nagtatalaga ako ng trabaho, magtatalaga ako batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga tao para magawa ng lahat ng tao ang papel nila. Magtatalaga ako ng mga miyembro para mangasiwa ng mga madali-daling problema at makikialam lang ako kapag hindi nila malutas ang mga ito. Kapag hindi masaya ang mga tao sa mga itinalaga sa kanila at ayaw nilang magbayad pa ng halaga, ibabahagi ko ang layunin ng Diyos sa kanila, hahayaan ko silang magnilay at alamin ang tiwaling disposisyon nila at itama ang mga mali nilang saloobin. Kapag mas marami ang gawain ko kaysa sa kaya kong gawin o harapin, tinatalakay ko sa iba kung paano makatuwirang maitatalaga ang trabaho para maiwasan ang mga pagkaantala at titigil na ako sa pagkuha ng lahat ng iyon. Nagawa ng lahat na maagap na makibahagi sa gawain at mas masigasig sila sa mga tungkulin nila, at mas bumuti ang progreso ng gawain namin. Mas panatag ang pakiramdam ko. Minsan nagpapakita pa rin ako ng katiwalian, pero nagagawa kong sadyang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lang ng gabay ng mga salita ng Diyos kaya ko nabago ang mga bagay-bagay. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...

Ang Diyos ay Napakamatuwid

Ni Zhang Lin, JapanNoong Setyembre 2012, ako ang namamahala sa gawain sa iglesia nang makilala ko ang pinuno kong si Yan Zhuo. Nalaman kong...

Pagtalo kay Satanas sa Labanan

Chang Moyang    Lungsod ng Zhengzhou, Lalawigan ng Henan Sinasabi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nilalabanan mo ang laman,...