Nang Dumapo ang Hindi Inaasahang Sakit sa Mata

Hulyo 31, 2024

Ni Mengnuan, Tsina

Noong pagpasok ng 2002, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Hindi nagtagal, sinimulan kong ipalaganap ang ebanghelyo at magdilig ng mga baguhan, punong-puno ng pananampalataya sa Diyos at tuloy-tuloy na ginagawa ang mga tungkulin ko sa bawat araw. Umulan man o umaraw, mahangin o umuulan ng niyebe, walang nakapigil sa akin sa pagganap ng mga tungkulin ko. Naalala ko, isang beses habang ipinalalaganap ko ang ebanghelyo, hindi lang ako basta tinanggihan ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, dinuro at pinagalitan niya pa ako at nanakot na tatawag siya ng pulis. Sobra akong napahiya at naging negatibo noon, pero naisip ko, “Kung matitiis ko ang pangungutya at insulto dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, siguradong pagpapalain ako ng Diyos.” Dahil dito, bumuti ang pakiramdam ko at nakapagpatuloy sa mga tungkulin ko. Lumipas ang mga taon, at habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko, bagamat naapektuhan ang katawan ko at nasugatan ang tiwala ko sa sarili, nakatanggap din ako ng maraming biyaya at pagpapala mula sa Diyos. Sa mga taong ito ng paniniwala sa Diyos, nakaranas ang pamilya ko ng kapayapaan at naligtas mula sa mga sakuna o paghihirap. Naisip ko, “Paniguradong taos-puso ang pananampalataya ko sa Diyos.” Habang masaya ako, may nangyaring hindi inaasahan.

Hunyo 2008 iyon, at biglang bahagyang lumabo ang mga mata ko, na parang may nakaharang. Naisip ko na baka may iritasyon lang ako sa mata, kaya hindi ko na masyadong pinansin, at ipinagpatuloy ang paggawa sa mga tungkulin ko tulad ng dati. Naniwala ako na dahil nananampalataya ako sa Diyos, poprotektahan ako ng Diyos, at kung magkasakit man ako, hindi ko dapat ihinto ang paggawa sa mga tungkulin ko. Gagaling din naman sigurong mag-isa ang mga mata ko. Pero sa hindi inaasahan, lumubha ang kondisyon ko imbes na bumuti. Lalong lumabo ang paningin ko, at nawawala ako sa pokus kapag tumitingin sa malayo at nahihilo ako. Sa puntong ito, nagsimula akong matakot. Kung hindi ako agad magpapagamot, paano kung napalampas ko ang pinakamagandang panahon para magpagamot at mabulag ako? Dali-dali akong pumunta sa probinsyal hospital para magpatingin. Sinabi ng doktor na wala namang malubhang problema at magagamot ito ng ilang araw na iniksyon. Napanatag ako pagkatapos nito. Pero pagkatapos ng ilang araw ng iniksyon na hindi bumubuti, bumalik ang pag-aalala ko: Paano kung mabulag ako? Gayunpaman, naisip ko ulit, “Sa loob ng mga taon ng paniniwala sa Diyos, ipinalaganap ko ang ebanghelyo at diniligan ang mga baguhan. Paniguradong poprotektahan ako ng Diyos, dahil sa mga isinakripisyo ko at paggugol ng sarili. Hindi ako mabubulag; hindi ko dapat takutin ang sarili ko. Bukod dito, gamit ang makabagong teknolohiya ng medisina, paniguradong magagamot ang sakit ko sa mata.”

Kalaunan, dinala ako ng asawa ko sa ospital ng bayan para magpatingin sa isang espesyalista sa mata at magpa-CT scan sa mata. Na-diagnose ng doktor na may retinal edema ako. Noong simula, nagpakita ng bahagyang pagbuti ang ilang araw ng fluid therapy, pero hindi iyon nagtagal. Sa halip, lumala ang kondisyon ko sa pagsasagawa ng fluid therapy, at dahil nagreseta ang doktor ng hormonal na gamot, nagsimulang mamaga ang buong katawan ko. Lumabo ang paningin ko, at halos hindi ko na makilala ang mga tao. Limang beses akong pumunta sa ospital ng lungsod, at sa bawat pagpunta ko ay lumala ang kondisyon ng mata ko. Walang magawa ang doktor at napakaseryoso niyang sinabi sa akin na, “Mahirap gamutin ang sakit mo sa mata. Puwede itong maulit nang maraming beses sa isang taon, at ang maraming beses na pag-ulit nito ay maaaring humantong sa pagkabulag ng parehong mata. Bukod doon, maaaring malagas ang lahat ng buhok mo at mabingi ka. Dagdag pa riyan, maaaring mapahina ng matagalang paggamit ng mga hormonal na gamot ang mga buto mo. Kapag natumba ka, maaaring mabali ang mga buto mo sa iyong buong katawan.” Sobra akong nagulat sa mga sinabi ng doktor. Nanghina ang buong katawan ko, at hindi ako makapaniwala na totoo ang sinabi ng doktor. Tinanong ko ulit ang doktor, at iyon talaga ang sitwasyon. Sa sandaling iyon, nagsimulang kusang manginig ang buong katawan ko. Ito na iyon! Hindi na magagamot ang sakit ko! Noong bumalik ako sa bahay, nakaramdam ako ng matinding panlulumo at hindi ako mapakali. Nagsimula akong mag-isip na hindi ako pinoprotektahan ng Diyos, at ayaw kong magdasal sa Diyos. Patuloy na lumabo ang mga mata ko, na nagpahirap sa akin na makakita nang malinaw. Isang araw, pumunta ang pinsan ko para dalawin ako. Kung hindi siya nagsalita, hindi ko siya makikilala; ang nakita ko lang ay isang maitim na anino sa harap ko. Naisip ko, “Sobrang bata ko pa. Kung tuluyang mabubulag ang mga mata ko, hindi ba’t magiging walang silbi ako? Paano na ako mabubuhay mula ngayon?” Unti-unti, nagsimula akong lumayo sa iba, nagkukulong ako sa bahay at umiiwas sa mga tao. Madalas akong umiiyak, at sobrang tagal ng bawat araw. Ang asawa ko, na kapwa abala sa pagtatrabaho sa sakahan at sa bahay, ay nagsimulang magpakita ng kawalan ng pasensya. Ilang beses niyang sinabi sa akin na, “Hindi ka na makakita o makagawa ng anumang trabaho. Ano pang silbi mo? Siguro ay dapat na lang kitang iwan!” Lalo akong nakaramdam ng pagkabalisa at kalungkutan dahil dito. Sa gitna ng aking sakit at kawalan ng kakayahan, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, bakit ako nagkasakit nang ganito? Ngayong hindi na ako makakita, paano pa ako magpapatuloy sa pananalig sa Iyo at sa paggawa ng mga tungkulin ko? Kapag tuluyang nabulag ang mga mata ko, hindi ko na maaalagaan ang sarili ko, lalo nang hindi ako makagagawa ng anumang trabaho. Kung iaasa ko ang lahat sa asawa ko, paniguradong lalamig ang pakikitungo niya sa akin. Noon pa man ay mataas na ang kumpiyansa ko sa sarili ko at ayaw ko kailanman na maliitin ako ng iba. Paano na ako mabubuhay mula ngayon? Diyos ko, mawalan man ng silbi ang mga braso o binti ko, mas mabuti na iyon kaysa sa hindi na ako makakita! Diyos ko, sobrang sakit ng nararamdaman ko. Pakialis Mo ang sakit na ito. Kapag gumaling ako, gagawin ko ang anumang tungkulin na ipapagawa Mo.” Kalaunan, pagkatapos kong magdasal sa Diyos nang matagal na panahon at walang pagbuti, nawalan ako ng pananampalataya at tumigil na sa pagdarasal. Naniwala ako na dahil hindi ako pinrotektahan o iniligtas ng Diyos, at ayaw na sa akin ng asawa ko, ano pa ang dahilan para mabuhay? Nagsimula kong isipin ang kamatayan. Pero naisip ko, “Kapag namatay ako, anong mangyayari sa bata ko pang anak?” Kalaunan, may nalaman akong isa pang ospital na kilala sa paggagamot ng mga sakit sa mata, kaya mabilis kaming pumunta ng asawa ko roon. Nanatili kami sa ospital nang mahigit sampung araw para sa gamutan, pero sa huli, hindi ako gumaling. Lumipas ang anim na buwan, at naubos na namin ang lahat ng aming ipon. Hindi bumuti ang kondisyon ng mata ko; sa katunayan, lumala ito. Tuluyan akong nawalan ng pag-asa na gumaling ang sakit ko sa mata.

Noong nasasaktan ako at nawawalan ng pag-asa, nagkataon na may nakilala akong kapatid. Pinaalalahanan niya ako, at sinabi na, “Hindi ka dapat malugmok sa sakit mo. Kailangan mong hanapin ang layunin ng Diyos, pagnilayan ang iyong sarili, at matuto ng mga aral mula sa sakit na ito.” Nagising ako sa pangungusap na iyon, at naisip ko, “Tama. Magmula noong nagkasakit ako, hindi ako nagnilay sa sarili ko, at walang puwang ang Diyos sa puso ko. Nakatuon lang ako sa paghahanap ng mga doktor, iniisip na mga doktor at ang makabagong teknolohiya sa medisina lamang ang makakapagpagaling ng mga mata ko. Paano ko nakalimutan ang Diyos?” Pero, gusto kong basahin ang mga salita ng Diyos, at kahit anong pilit ko sa mga mata ko, hindi ko makita ang mga ito, na nagparamdam sa akin ng pagkabalisa. Kinailangan kong manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na gabayan ako. Kalaunan, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang kabutihang-loob ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko kailanman, at tatanglawan at bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Gaano ba ang pananampalataya ni Job? Ang Makapangyarihang Diyos ay isang manggagamot na makapangyarihan sa lahat! Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling. Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Oo, ang Makapangyarihang Diyos ay isang manggagamot na makapangyarihan sa lahat. Sa panahong ito, nabubuhay ako sa karamdaman at nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos. Hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos sa sakit ko, ni nagnilay sa aking sarili at natuto ng mga aral mula sa karamdaman ko. Tunay akong naging manhid! Nasa mga kamay ng Diyos ang aking karamdaman, at hindi ako puwedeng mawalan ng pananampalataya sa Kanya. Bagama’t hindi ko pa rin nauunawaan ang layunin ng Diyos, handa akong mas magdasal pa sa Diyos at hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag ako at gabayan ako upang lubusan kong pagnilayan at makilala ang aking sarili. Sa panahong ito, ang kaya ko lang gawin ay makinig sa ilang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Minsan, kapag naririnig ko ang ilan sa mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano magdasal sa Kanya kapag may karamdaman, isinasagawa kong manalangin ayon sa landas ng pagsasagawa na nasa mga salita ng Diyos. Nanalangin ako na, “Diyos ko, ang mga nauna kong panalangin ay hindi makatwiran. Hiniling ko pa sa Iyo na hayaan Mo na lang na mabaldado ang aking mga braso o binti kaysa mawala ang aking paningin. Hiniling ko rin sa Iyo na alisin ang sakit na ito at nangako akong gagawin ko ang anumang tungkulin kapag gumaling ako. Diyos ko, ang mga nauna kong panalangin ay talagang hindi makatwiran!”

Nang maglaon, narinig ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Gawing halimbawa ang mga panalangin ni Jesus. Sa Halamanan ng Getsemani, idinalangin Niya, ‘Kung baga maaari….’ Ibig sabihin, ‘Kung magagawa.’ Sinabi ito bilang bahagi ng isang talakayan; hindi Niya sinabing, ‘Nagsusumamo Ako sa Iyo.’ Taglay ang puso at kalagayang nagpapasakop, idinalangin Niya, ‘Kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa kalooban Ko, kundi ang ayon sa kalooban Mo.’ Ganito pa rin ang panalangin Niya sa pangalawang pagkakataon, at sa pangatlong pagkakataon idinalangin Niya, ‘Mangyari nawa ang Iyong kalooban.’ Nauunawaan ang mga layon ng Diyos Ama, sinabi Niya, ‘Mangyari nawa ang Iyong kalooban.’ Nagawa Niyang lubos na magpasakop, nang walang anumang personal na pagpili. … Gayunman, hindi talaga gayon manalangin ang mga tao. Sa kanilang mga panalangin, palaging sinasabi ng mga tao, ‘Diyos ko, hinihiling ko na gawin Mo ito at iyon, at hinihiling ko na gabayan Mo ako sa ganito at ganoon, at hinihiling ko na ihanda Mo ang mga kondisyon para sa akin….’ Marahil ay hindi maghahanda ang Diyos ng angkop na mga kondisyon para sa iyo. Marahil ay papagdusahin ka ng Diyos bilang paraan ng pagtuturo sa iyo ng aral. Kung palagi kang nananalangin nang ganito—‘Diyos ko, hinihiling ko na gumawa Ka ng mga paghahanda para sa akin at bigyan Mo ako ng lakas’—lubha itong hindi makatwiran! Kapag nananalangin ka sa Diyos, dapat kang maging makatwiran, at dapat kang manalangin sa Kanya nang may pusong masunurin. Huwag subukang tukuyin kung ano ang iyong gagawin. Kung susubukan mong tukuyin kung ano ang gagawin bago ka manalangin, hindi ito pagsunod sa Diyos. Sa panalangin, dapat na masunurin ang iyong puso, at kailangan mo munang maghanap sa Diyos. Sa ganitong paraan, natural na sisigla ang iyong puso kapag nananalangin, at malalaman mo kung ano ang nararapat gawin. Mula sa iyong plano bago ang panalangin hanggang sa pagbabagong nangyayari sa iyong puso pagkatapos ng panalangin ay resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung nakagawa ka na ng sarili mong desisyon at napagpasyahan kung ano ang gagawin, at pagkatapos ay nanalangin ka para humingi sa Diyos ng pahintulot o hilingin sa Diyos na gawin kung ano ang iyong gusto, hindi makatwiran ang ganitong uri ng panalangin. Maraming beses na hindi tumpak na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao dahil nakapagdesisyon na sila kung ano ang gagawin, at humihingi na lamang ng pahintulot sa Diyos. Sinasabi ng Diyos, ‘Yamang nakapagpasya ka na kung ano ang gagawin, bakit hihingi ka pa sa Akin?’ Ang ganitong uri ng panalangin ay parang pandaraya sa Diyos, at kaya, nagiging walang kabuluhan ang kanilang mga panalangin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang aking mga panalangin sa Diyos ay nakatuon lamang sa paghiling sa Kanya na alisin ang aking karamdaman. Hindi ako naging makatwiran! Paanong ako, na isang nilikha lamang, ay magiging karapat-dapat na humiling na pagalingin ako ng Diyos? Ninais ko pa nga na tuparin ng Diyos ang aking mga personal na interes ayon sa aking sariling kagustuhan. Wala talaga akong pusong may takot sa Diyos! Naisip ko tuloy ang panalangin ng Panginoong Jesus. Alam Niya na ang pagkapako sa krus ay magiging lubhang masakit, gayunman ay hindi sinubukan ng Kanyang panalangin na humingi ng mga kahilingan sa Diyos. Handa Siyang magpasakop sa kalooban ng Ama, kahit pa nangangahulugan ito ng pagdurusa. Dapat kong hanapin ang layunin ng Diyos at dapat akong magpasakop sa Kanya sa aking karamdaman. Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, handa akong manalangin nang may pusong nagpapasakop at hanapin ang Iyong layunin. Ang sakit na ito ay hindi nagkataon lang, ngunit hindi ko pa rin maunawaan ang Iyong layunin. Hindi ko alam kung anong mga aral ang dapat kong matutuhan sa sakit na ito. Diyos ko, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Kaya’t nagpatuloy akong manalangin sa Diyos sa ganitong paraan nang ilang panahon, at sa hindi inaasahan, unti-unting bumuti ang mga mata ko. Nang balikan ko ang mga salita ng Diyos, mas malinaw ko nang nakikita ang mga bagay.

Nang maglaon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng mas mabuting pagkaunawa sa naging kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming pagpupungos; sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, binibigyan Niya ang tao ng higit na kaalaman sa sarili niya at sa katotohanan, at binibigyan ang tao ng higit na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, ni hindi Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, at hindi rin nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang totoong pagsubok sa tao, at isang anyo ng totoong pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginamit ng Diyos ang sakit na ito upang ibunyag ang mga motibo at karumihan tungkol sa aking pananampalataya sa Kanya, pangunahin para linisin at baguhin ako. Ito ang layunin ng Diyos. Sa mga taong ito ng pananampalataya sa Diyos, lagi kong iniisip na hangga’t nagtitiis ako ng pagdurusa at nagbabayad ng halaga, tatandaan ako ng Diyos at tatanggap ako ng Kanyang mga pagpapala. Naniwala pa nga ako na ang aming mapayapang buhay pamilya na walang anumang sakuna o paghihirap sa mga taong ito ay tiyak na dahil sa aking mabuting pananampalataya, na nagtamo ng proteksyon ng Diyos. Pagkatapos, biglang hindi na makakita nang malinaw ang mga mata ko, at nanalangin ako sa Diyos na gumaling ako. Nang hindi kumilos ang Diyos ayon sa aking kahilingan, nawalan ako ng pananampalataya sa Kanya at nagsimula akong umasa sa mga doktor, sa paniniwalang ang makabagong teknolohiya sa medisina ang makapagpapagaling sa aking mga mata. Ngunit nang maging ang mga doktor ay wala nang magawa, nahulog ako sa kawalan ng pag-asa at naisip ko ang kamatayan. Sa panahong ito, hindi ko kailanman hinanap ang layunin ng Diyos, lalo nang hindi ko pinagnilayan ang aking sarili. Ngayon, nakita ko na noong akala ko ay nananalig ako sa Diyos at ginagawa ko ang aking tungkulin, ang aking mga motibo ay nabahiran. Ginagamit ko ang Diyos, niloloko ko Siya, at sinusubukan kong makipagtawaran sa Kanya! Salamat sa Diyos! Kung hindi dahil sa pagbubunyag sa pamamagitan ng sakit na ito, hindi ko makikilala ang mga bagay na ito tungkol sa aking sarili.

Nang maglaon, nagbasa ako ng ilan pang mga sipi ng mga salita ng Diyos at nagtamo ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa aking mga isyu. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para gantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa: Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang lahat ng ibinubunyag ng Diyos ay batay sa katunayan. Ang pananampalataya ko sa Diyos ay paghahangad lamang ng kapayapaan at kaligtasan para sa aking pamilya, sa paniniwalang ito ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos. Nabuhay ako ayon sa mga satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” at “Huwag tumulong kung walang gantimpala.” Kaya, nanalig ako sa Diyos para lamang humingi ng mga pagpapala at kapayapaan para sa aking sarili, at ginampanan ko ang mga tungkulin ko, tinalikuran ko ang mga bagay-bagay, at ginugol ko ang aking sarili upang makakuha ng mga gantimpala sa kaharian ng langit, ginagawa ang lahat para sa sarili kong kapakanan. Nang manalig ako sa Diyos at matamo ko ang Kanyang mga pagpapala at ang kapayapaan ng aking pamilya, nagawa kong talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang aking sarili para sa Diyos, iniisip na tapat ako sa Diyos at tunay akong nananalig sa Kanya, na isa akong taong nagmamahal sa katotohanan. Gayunpaman, nang ako ay magkasakit at ang mga panalangin kong gumaling ay hindi nasagot, inilayo ko ang aking sarili sa Diyos at tumigil ako sa pagdarasal o pag-asa sa Kanya. Kahit na hindi ako makakita gamit ang aking mga mata, makakapakinig pa rin naman ako sa mga pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Pero, kahit habang umiidlip dahil sa kawalan ng ginagawa, ayaw kong marinig ang mga salita ng Diyos. Ganap na sarado ang puso ko sa Diyos, at ayaw kong lumapit sa Kanya. Ano ang pagkakaiba ng aking pananampalataya sa Diyos at ng mga nasa relihiyon na gusto lamang mabusog ang tiyan? Nananalig sila sa Diyos para lamang maghanap ng materyal na mga benepisyo at ng kapayapaan, nagnanais ng magandang panahon at kalusugan para sa kanilang mga pamilya sa buong taon. Kapag hindi nila nakuha ang gusto nila, at minsan ay nakakaharap sila ng sakuna, inilalayo nila ang kanilang sarili sa Diyos at ipinagkakanulo Siya. Napagtanto ko na kapareho ko sila, makasarili at kasuklam-suklam, walang konsensiya o katwiran! Napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos, ngunit hindi ko ito hinangad, at hindi rin ako naghangad ng pagdadalisay o pagbabago. Kung gayon, ano ang pagkakaiba ko sa mga hayop tulad ng mga baboy at aso?

Nang maglaon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa kung ano ba ang tunay na pananampalataya sa Diyos at ang kabuluhan ng pananalig sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ‘paniniwala sa Diyos’ ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na ‘pananampalataya sa Diyos.’ Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga nananampalataya sa Diyos ngayon ayon sa mga salita at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng paniniwala sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang mga layunin ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang tunay na kahulugan ng pananalig sa Diyos. Napagtanto ko na sa lahat ng taon na ito, malabo akong nananalig sa Diyos nang may mga kuru-kuro, iniisip na ang pananalig sa Diyos ay para lamang magkaroon ng isandaang ulit sa buhay na ito at ng buhay na walang hanggan sa susunod. Mali ang aking pananaw sa pananalig sa Diyos, at naglalakad ako sa isang maling landas. Sa ganitong paraan, gaano katagal man ako manalig sa Diyos, hindi ko Siya makikilala. Ang isang taong tunay na nananalig sa Diyos ay nakakaranas ng mga salita ng Diyos at Kanyang gawain, nakikilala ang Diyos, naiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon, at nagiging kaayon Niya, lahat batay sa pagkilala na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pinagnilayan ko ang pananampalataya ni Pedro noong Kapanahunan ng Biyaya: Ang landas ng kanyang paghahangad ay naaayon sa layunin ng Diyos. Binigyang-diin niya ang paghahangad sa katotohanan at hinangad niyang maarok ang mga layunin ng Diyos kahit sa pinakamaliliit na detalye ng pang-araw-araw na buhay. Bukod dito, tumayo si Pedro sa posisyon ng isang nilikha at ginampanan ang kanyang mga tungkulin. Hinangad niya ang pag-ibig sa Diyos at pagpapasakop sa Diyos, sa huli ay ipinako siya nang pabaligtad para sa Diyos at nagbigay siya ng maganda at matunog na patotoo. Nang ikumpara ako kay Pedro, talagang nahiya ako. Nanalangin ako sa Diyos sa pagsisisi, “Diyos ko, handa akong magsisi sa harapan Mo. Sa natitirang oras na mayroon ako, nais kong taimtim na hangarin ang katotohanan, hanapin ang Iyong mga layunin sa paggawa ko ng aking mga tungkulin, pagnilayan ang aking sarili, at tumutok sa aking buhay pagpasok.” Sa pamamagitan ng sakit na ito sa mata, nagnilay ako at nalaman ko ang aking mga pananaw at ang landas na tinahak ko sa aking pananampalataya sa Diyos. Habang natututo ako ng ilang aral, unti-unting gumaling ang mga mata ko.

Mahigit sampung taon na ang lumipas, pero hindi pa umuulit ang sakit ko sa mata. Bagama’t halos mawalan ako ng paningin at nagtiis ako ng pagdurusa mula sa sakit, matapos itong pagdaanan, naranasan ko ang mabubuting layunin ng Diyos at malinaw kong nakita ang katotohanan na nagawa akong tiwali ni Satanas. Nagkamit din ako ng ilang praktikal na kaalaman sa paraan ng gawain ng Diyos at sa Kanyang maalalahanin na mga layunin sa pagliligtas ng mga tao. Ito ang hindi ko kailanman makakamit mula sa komportableng kapaligiran. Salamat sa Diyos para sa Kanyang pagliligtas!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

Hindi Ako Karapat-Dapat na Makita si Cristo

Ang mga salita ng Diyos ang tumulong sa akin para maunawaan na hindi ko mabatid ang tinig ng Diyos dahil ako ay masyadong arogante, masyadong rebelde, at masyadong mapagmataas, masyadong madaling matukso para makinig nang mabuti at tumango bilang pagsang-ayon sa mga nasa posisyon at estado, habang minamaliit ko ang mga walang posisyon at estado, kung kaya’t kahit na sinabi nila ang katotohanan, hindi ko ito naririnig.

Ang Katanyagan ay Isang Sumpa

Ni Xiaoen, Spain Noong nakaraan, isang superbisor na namamahala sa iglesia ay inilipat dahil sa pangangailangan sa gawain at kailangang...