Isang Kwento ng Pag-uulat ng Isang Huwad na Lider

Enero 11, 2022

Isang Kwento ng Pag-uulat ng isang Huwad na Lider

Ni Kaleb, Timog Korea

Noong 2010, madalas akong makipag-ugnayan sa isa sa mga lider ng iglesia na si Lucia. Madalas niyang sabihin sa amin, “Nitong huling ilang taon, naging laging mapagbigay sa akin ang Diyos. Palagi akong inililipat ng aking mga lider sa mga iglesia na mayroong mga paghihirap. Minsan, ayaw kong pumunta, pero alam kong atas ito ng Diyos kaya’t hindi ko pwedeng isaalang-alang ang mga interes ng laman ko. Kailangan kong maging tapat sa Diyos, kaya tinanggap ko. Sa bawat iglesia na pinupuntahan ko, nag-iikot ako, nagdaraos ng dalawang pagtitipon, at ang iglesia na dati ay nagkakagulo ay bumabalik sa normal, at ang buhay-iglesia at gawaing pang-ebanghelyo ay muling nagiging mabisa. Minsan, nahaharap ako sa mga paghihirap, pero nananalangin ako sa Diyos, nagbubukas ang Diyos ng isang daan pasulong, at nagiging maayos ang lahat. Nakikita ko na napakakamangha-mangha ng gawain ng Diyos….” Nang mapakinggan ko ang karanasan ni Lucia ay napahanga ako sa kanya. Naisip ko na kinaya niya ang mga pasanin at isa siyang lider na may kakayahan. Minsan, bago ang isang pagpupulong, kaswal akong nakikipagkuwentuhan, at sumabad si Lucia para sabihin na, “Mahalaga ang oras dito, kaya’t huwag tayong magkuwentuhan habang magkakasama tayo. Gamitin natin ang oras na ito para magbahaginan ng salita ng Diyos.” Nang narinig kong sinabi niya iyon, naisip ko, “Sa nakalipas na mga taon, marami akong nakilalang mga lider, pero si Lucia ang una kong nakilala na napakamaingat, napakarelihiyosa, at sobrang dedikado sa paghahanap ng katotohanan.” Lalo ko siyang tiningala at hinangaan. Pero matapos ang mahabang panahon ng pakikipag-ugnayan sa kanya, napagtanto ko na bagama’t ang kanyang pagbabahagi ay laging may mahusay na pangangatwiran, at kung titingnan ay mukha siyang isang taong naghahangad ng katotohanan, napakadalang niyang magbahagi sa kung paano niya pinagnilayan at nakilala ang kanyang sarili batay sa salita ng Diyos, o sa kanyang praktikal na karanasan sa salita ng Diyos. Karamihan ng kanyang pagbabahagi ay iba’t ibang anyo ng pagtataas sa kanyang sarili at pagpapasikat para isipin ng iba na siya ay isang taong nilinang at inilagay sa mahahalagang papel ng iglesia, upang tingalain siya ng iba. Pero mas seryoso kaysa roon ay ang katotohanan na sa ilang pangunahing bagay na may kinalaman sa mga interes ng iglesia, hindi niya isinagawa ang katotohanan, at nang may mulat na mulat na mga mata, siya ay nagsinungaling, nanlinlang, at umiwas sa responsibilidad. Halimbawa, si Finn na responsable sa gawain ni Lucia ay gumawa ng masasamang gawa sa iglesia. Dinispalko at nilustay niya ang pera ng iglesia, pagkatapos ay tinukoy na isang anticristo at itiniwalag. Batid na batid ni Lucia ang masasamang gawa ni Finn, at sa totoo ay nakisali siya sa mga iyon. Pero matapos itiwalag si Finn, hindi lang hindi nagnilay si Lucia sa kanyang sarili o nagsisi sa Diyos, hindi rin niya inamin na naging kabahagi siya ng kasamaan ni Finn. Pinalabas niyang lubos siyang malinis sa usapin, na para bang wala siyang alam tungkol dito at hindi sangkot dito. Sa sandaling iyon, natuklasan kong mapagpaimbabaw si Lucia. Dahil sanay si Lucia na magbalatkayo at manlinlang sa pamamagitan ng matatayog na salita, ang ilang kapatid na walang pagkakilala ay nagpapakita ng ekspresyon ng paghanga kapag nababanggit ang kanyang pangalan. Nang makita namin ng kapatid na aking katuwang ang pag-uugali ni Lucia at ang mga kinahihinatnan ng kanyang gawain at mga pangangaral, ginamit namin ang mga prinsipyo ng pagkilala sa huwad na mga lider, natukoy na si Lucia ay isang huwad na lider, at sumulat kami ng liham para iulat ang mga bagay na ito tungkol kay Lucia.

Pagkatapos naming ipadala ang liham, hinintay naming beripikahin at maunawaan ng mga lider ang mga sinabi namin tungkol kay Lucia, pero pagkalipas ng kalahating buwan, wala pa rin kaming natanggap na sagot. Nagtaka kami ng kapatid na aking katuwang hinggil dito. Isang araw, masayang dumating si Lucia para makipagpulong sa amin at sinabing balak ng mga nakatataas na lider na linangin siya. Hindi ako makapaniwala: “Sa halip na paalisin, ang huwad na lider na ito ay lilinangin at gagamitin pa sa mahahalagang gampanin? Nagkamali ba kami ng pag-ulat sa kanya dahil hindi namin naunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at wala kaming pagkilala?” Makalipas ang mahigit isang buwan, dumating muli si Lucia para sabihing nagpaplano ang iglesia na maghalal ng mga lider, at na karamihan sa mga kapatid ay may positibong pagtaya sa kanya at nagnanais na muli siyang ihalal. Natigilan ako nang marinig ko iyon. Naisip ko, “Mapanlinlang at tuso si Lucia. Hindi talaga siya karapat-dapat na maging lider. Dapat akong sumulat ng isa pang liham para isumbong siya.” Pero nang naghahanda na akong sumulat ng liham, nag-atubili ako. “Sa ngayon, napakaraming tao ang walang pagkakilala kay Lucia. Silang lahat ay nalinlang ng kanyang huwad na panlabas na ipinapakita. Kung susulat ako ng liham para isumbong siyang muli, at hindi naunawaan ng aming mga nakatataas na lider ang tunay na sitwasyon, iisipin kaya nila na hindi lang ako makabitaw sa usaping ito? Higit pa roon, kung matuklasan ni Lucia na ako ang sumulat ng liham, magkikimkim kaya siya ng galit sa akin at palihim na susubukang isabotahe ako? Siya ang responsible sa mga aklat ng salita ng Diyos, mga sermon at pagbabahagi mula sa sambahayan ng Diyos, kaya kung mapasama ko ang loob niya, hindi niya kailangang aktibo akong supilin sa anumang paraan; ang simpleng hindi pagpansin sa akin at hindi pagbibigay ng mga aklat ay magiging sapat na para malagay ako sa mahihirap na sitwasyon.” Ang pag-iisip sa mga bagay na iyon ay labis na gumulo sa isip ko. Dapat ko bang isumbong siyang muli, o kalimutan ang tungkol sa usapin? Habang isinasaalang-alang ko ang sarili kong mga interes, kinabukasan, at kapalaran, pakiramdam ko ay parang may hindi nakikitang madilim na impluwensiyang gumagapos at pumipigil sa akin. Saglit akong nagpumiglas, at para maprotektahan ang sarili ko mula sa pagsupil, sa huli ay nagdesiyong makipag-kompromiso. Nagdesisyon akong isantabi pansamantala ang pagsusumbong sa kanya. Inaliw ko ang aking sarili sa pagsasabing, “Buti ngayon may pagkakilala na kami kay Lucia, at hindi na niya kami malilinlang, kaya ayos na muna ito sa ngayon. Siguro balang araw, ilalantad siya ng Diyos, at makikilala siya ng lahat at makikita nila siya sa kung ano talaga siya. Tiyak naman na papalitan siya.”

Makalipas ang mahigit sa isang buwan, nakatanggap kami ng isang liham mula sa dalawang sister. Nakasaad sa sulat na nabatid nilang isang huwad na lider si Lucia at nais nilang isumbong siya, at hiningi nila ang aming mga opinyon at kung mayroon kaming anumang payo. Naisip ko, “Hindi pa kami nakatanggap ng sagot na sulat mula noong huling isinumbong namin si Lucia. Kung isusumbong namin siyang muli kasama ang mga sister na ito, sasabihin kaya ng aming mga nakatataas na lider na bumuo kami ng grupo para atakihin Lucia, at ginugulo namin ang gawain ng iglesia? Kung mangyari iyon, sa halip na mapaalis si Lucia, kami ang paaalisin.” Nang maisip ko ito, sumagot kami ng katuwang ko na brother sa dalawang kapatid sa pamamagitan ng isang sulat na nagsasabing, “Pwedeng kayo na lang ang magsumbong sa kanya. Minsan na namin siyang isinumbong dati, kaya ngayon, hindi na namin siya muling isusumbong.” Matapos naming sumagot, nakadama ako ng labis na pagsisisi. Napagtanto ko na nanlilinlang ako para protektahan ang sarili ko. Ito ay pagkompromiso at pagsuko sa isang madilim na impluwensya. Para iiwas ang sarili ko mula sa panloob na pagkondenang ito, ginamit ko ang parehong mga dahilan gaya ng dati para aluin ang aking sarili: “Sa ngayon, napakaraming tao ang walang pagkakilala kay Lucia. Kung magpupumilit kami na isumbong siya at isusulong ang pagpapaalis sa kanya, hindi ito papayagan ng mga kapatid. Sisikapin nilang protektahan siya. Dapat kaming maghintay hanggang sa magkaroon ng pagkakilala ang mga kapatid sa kanya. Kapag tama na ang panahon, tiyak na mapapalitan siya.” Kahit na iyon ang naisip ko, sa tuwing nakakakita ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga huwad na lider at anticristo, pakiramdam ko ay inuusig ako ng aking konsensya. Malinaw na nakakita ako ng isang huwad na lider, pero hindi ko siya iniuulat o inilalantad. Hindi ba’t kinukunsinti at pinagtatakpan ko si Satanas habang ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng iglesia? Ang mga kapatid na nangangasiwa sa amin ay humahangang lahat kay Lucia, at nang ilantad namin ang kanyang mga pag-uugali bilang isang huwad na lider, hindi nila sinubukang magkaroon ng pagkakilala sa kanya, sa halip nagalit pa sila at sinisi kami, iniisip na inaatake namin si Lucia. Nakita kong lubos na nalinlang ng huwad na lider na ito ang mga tao. Hindi ko alam kung gaano karaming mga kapatid ang naging biktima ng panlilinlang na ito, at lalo kong naramdaman na ang mga huwad na lider ay hadlang at katitisuran sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang na tao ng Diyos. Sa sandaling iyon, wala akong ibang ginusto kundi ang mapalitan si Lucia sa lalong madaling panahon, pero wala akong tapang na sumulat ng liham para muli siyang isumbong. Kahit para lang maiwasang mapasama ang loob ng mga kapatid na nangangasiwa sa amin, hindi ako nangahas na ilantad muli ang pag-uugali ni Lucia. Sa puso ko, kinondena at inakusahan ko ang aking sarili. Nagtataka ako kung paanong napakaduwag ko at walang silbi. Nakakita ako ng huwad na lider na ginugulo ang gawain ng iglesia at hindi ako nangahas na isumbong ito. Ni hindi ako nangahas na sabihin ang katotohanan. Hindi ba’t isa lang akong kampon ni Satanas? Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumagawa sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Ang bawat isa sa mga tanong ng Diyos ay nagparamdam sa akin ng pagkapahiya at panliliit. Karaniwan, magaling ako sa pagsigaw ng mga kasabihan, sinasabi na isasaalang-alang ko ang kalooban ng Diyos at maninindigan sa patotoo ko sa Diyos, at madalas akong manalangin, sinasabing nais kong isagawa ang katotohanan at bigyang-kaluguran ang Diyos. Pero sa sandaling may mangyari at kailangan kong manindigan at protektahan ang mga interes ng iglesia, umaatras ako. Alam na alam ko na kailangang iulat kaagad ang mga huwad na lider, pero dahil takot ako na masupil at mapaalis, hindi ako naglakas-loob na iulat muli si Lucia, at hinayaan ko siyang magpatuloy sa pamiminsala at panlilinlang sa aming mga kapatid. Ang mas malala ay ang katotohanan na nang nakita kong nalinlang ni Lucia ang mga kapatid na nangasiwa sa akin, hindi ako nag-isip kung paano sila matutulungan na magkamit ng pagkakilala sa isang huwad na lider. Sa halip, nagdahilan ako. Sa takot na ang paglalantad kay Lucia ay magpapalungkot sa kanila at hindi na nila pangangasiwaan ang aming mga pagtitipon, nanatili akong tahimik patungkol sa mga pag-uugali ng huwad na pamumuno na taglay ni Lucia. Ako ay napakamakasarili at kamuhi-muhi! Tinamasa ko ang lahat ng itinustos sa akin ng Diyos at ako ay pinangasiwaan at kinalinga ng aking mga kapatid, pero hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Umasta ako na parang wala itong kinalaman sa akin at hinayaan na magkaroon ng kapangyarihan ang isang huwad na lider sa loob ng iglesia at gambalain nito ang gawain ng iglesia. Nasaan ang konsensya at katwiran ko? Ganap akong hindi karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos!

Matapos niyon, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Hindi tinutulutan ng pamilya ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili yaong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagtitiwalag; ilalantad at aalisin lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang yaong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang katapusan ng bawat tao, yaong mga nanggugulo sa iglesia at nakakagambala sa gawain ng Diyos ay isasantabi muna sa ngayon, upang pakitunguhan kalaunan. Kapag tapos na ang gawain, ilalantad ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay aalisin sila. Samantala, habang ipinagkakaloob ang katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ibinunyag sa sangkatauhan ang buong katotohanan, dapat maalis ang mga taong iyon; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang walang-kuwentang mga panloloko ng mga walang pagkakilala ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang mababanaag sa masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at kasuklam-suklam na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba pare-pareho silang likas na masuwayin sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang pagkasuwail ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ito ang wakas na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Nakita ko na ako ang uri ng tao na inilantad ng salita ng Diyos, ang uri ng tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan. Ako ay isang taong kinamumuhian ng Diyos. Sa lahat ng bahay, sinikap kong pangalagaan at protektahan ang sarili ko. Nahaharap sa isang huwad na lider, hindi ako nangahas na isagawa ang mga prinsipyo, isumbong siya at ilantad siya. Hindi ba’t lumuluhod lang ako at nakikipagsabwatan kay Satanas? Sa panlabas, hindi ako pumapanig kay Lucia at pinoprotektahan siya, pero hindi ko siya iniulat o inilantad bilang isang huwad na lider. Hinayaan ko siyang lituhin at linlangin ang mga kapatid sa iglesia at guluhin at gambalain ang gawain ng iglesia. Sa paggawa nito, tumayo ako sa panig ni Satanas. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Alam na alam nila na ang mababanaag sa masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at kasuklam-suklam na mga bagay?” Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mismong ginawa ko. Naisip ko kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang hindi sumasa Akin ay laban sa Akin; at ang hindi nag-iimpok na kasama Ko ay nagkakalat(Mateo 12:30). Sa labanan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, ang hindi pagtayo sa panig ng Diyos ay pagtayo sa panig ni Satanas. Walang lugar sa gitna. Pero sa usapin ng pag-uulat sa huwad na lider, sinusubukan kong maging tuso, na maging walang pinapanigan, na maging maingat at protektahan ang aking sarili. Hindi ba’t pagpili lang ito sa panig ni Satanas at pagtataksil sa Diyos? Inakala ko na maraming tao ang walang pagkakilala kay Lucia, pero sa sandaling ganap na siyang ibinunyag ng Diyos at sa tamang panahon, tiyak na mapapalitan siya. Kung titingnan, parang napakamakatwiran ng ideyang iyon, pero ang totoo ay umiiwas ako sa aking responsibilidad, at naghahanap ng idadahilan para makaiwas sa pagsasagawa ng katotohanan. Naghihintay lang ako na ibunyag siya ng Diyos, sa halip na tuparin ang sarili kong responsibilidad na ilantad at isumbong siya. Ang diwa ng ginawa ko ay ang kunsintihin ang isang huwad na lider na gumagawa ng kasamaan at nanggagambala sa gawain ng iglesia. Hindi magiging kalabisan na tawagin akong kasabwat ng isang huwad na lider. Nang maisip ko ito, nasuklam ako sa sarili ko dahil sa aking pagiging labis na makasarili, kamuhi-muhi, mahina at walang kakayahan. Wala akong silbi, isang kampon ni Satanas! Wala talaga akong patotoo sa digmaan laban sa kasamaan. Tunay na kinamumuhian ito ng Diyos! Lumapit ako sa harap ng Diyos at nanalangin para magsisi. Humingi ako sa Diyos ng lakas na makawala sa control ng puwersa ng kadiliman, para tumayo sa panig ng Diyos, at makapagsabi ng “hindi” sa mga puwersa ni Satanas. Ninais kong sumulat ng liham na nagsusumbong tungkol kay Lucia pagkatapos kong makahanap ng iba pang patunay. Pero bago ko nagawa iyon, nagsiyasat na ang iglesia at natukoy na si Lucia ay isang huwad na lider na tumahak sa landas ng isang anticristo, at pinalitan siya. Kalaunan, nalaman ko na ang orihinal naming liham para isumbong siya ay naharang at napigil ng isa pang huwad na lider. Ang huwad na lider na iyon ay pinalitan din dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko ang balitang ito, pero nakonsensya rin ako, dahil kumilos ako na kampon ni Satanas sa bagay na ito, nabigo akong protektahan ang gawain ng iglesia o manindigan sa aking patotoo.

Matapos mapalitan si Lucia, isang bagong kapatid ang pansamantalang pumalit sa gawain ng iglesia, at akala ko ay iyon na ang katapusan ng usaping ito, pero hindi pala ganoon. Pagkaraan lang ng isang buwan, ang kapatid na katuwang ko ay nagsabi na si Lucia ay matigas pa rin ang ulo matapos palitan. Ikinakalat niya sa mga kapatid na ang bagong halal na lider ay isang huwad na lider para linlangin ang mga kapatid at makuha ang kanilang simpatiya, at bumubuo siya ng isang grupo sa palibot niya para mapatalsik ang bagong lider upang mabawi niya ang posisyon bilang lider. Nang marinig ko ang tungkol dito, nabalisa talaga ako. Kailangan kong makahanap ng paraan para masabi sa aming mga nakatataas na lider ang tungkol sa masasamang pag-uugali ni Lucia sa lalong madaling panahon. Noong panahong iyon, ang bagong lider ng iglesia ay sumusulat din ng isang liham na nagsusumbong sa sitwasyon ni Lucia sa mga nakatataas na lider at sinusubukang magdesisyon kung paano maipaliliwanag nang malinaw ang sitwasyon. Magaling akong magsulat, kaya nagkusa ako at nag-alok na ako ang susulat ng liham para sa kanya. Kinaumagahan, matapos maisulat ang liham ng pagsusumbong, biglang sinabi ng kapatid na katuwang ko: “Ilagay mo rin ang mga pangalan natin sa liham.” Natigilan ako nang marinig ko iyon, naiisip na “Si Lucia ay masama, mapanira at marunong manlinlang ng iba. Kung mabigo kaming iulat siya sa pagkakataong ito, at mabawi niya ang kapangyarihan at muling maging lider ng iglesia, kung isasaalang-alang ang kasaysayan niya ng pang-aabuso ng kapangyarihan niya noon sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa mga kinaiinisan niya, tiyak na papapalitan o patatalsikin niya kami. Pero hindi mabibigyang-katwiran ang hindi paglagda sa sulat, dahil kami ang lihim na sumulat nito.” Saglit akong nag-isip at pagkatapos ay nagsabi, “Lagdaan natin ang liham bilang mga lihim na may-akda.” Ang totoo ay gusto kong gawin ang lahat para idistansya ang sarili ko, para kahit na gipitin ako, hindi ito magiging ganoon kasama. Iwinasto ako ng aking katuwang na kapatid, “Bakit ka nahihirapang ilagay ang pangalan mo? Masyado kang nagiging tuso!” Sumugat nang malalim sa puso ko ang pangungusap na iyon. Napagtanto ko na hindi na ako pwedeng maging tuso at subukang protektahan ang aking sarili, at na kailangan kong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao.

Kalaunan, nagnilay ako sa aking sarili. Bakit ba sa tuwing may nangyayari na may kinalaman sa mga interes ng iglesia na nangangailangan ng paghahayag ko ng aking opinyon, natatakot ako, umuurong, at sinusubukang protektahan ang aking sarili? Anong kalikasan ang kumukontrol sa akin kapag ginagawa ko ito? Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, linlangin, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Isipin na kunwari ay itinatanong mo sa kanila ang tanong na ito: ‘Naging napakahusay mo sa kapasidad na ito, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?’ Maaaring sabihin nila, ‘Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: “Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.”’ Ito ang satanikong pilosopiya na pinagbabatayan ng kanilang karera. Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa likas na pagkatao ng gayong mga tao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang mga layon. Marami pa ring satanikong lason sa buhay, pag-uugali at asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. … Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Habang binabasa ko ang salita ng Diyos, nakita ko na hindi ako nangahas na may tapang na komprontahin ang mga huwad na lider at anticristo dahil ipinamumuhay ko ang satanikong lohika, mga batas, at makamundong mga pilosopiya gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” at “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali.” Nariyan din ang “Inaasikaso ng bawat tao ang kanilang sarili; wala silang pakialam sa katabi.” Dahil namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito, lalo akong naging makasarili, kamuhi-muhi, duwag, at mapanlinlang. Sa lahat ng bagay, ang una kong isinaalang-alang ay ang pansarili kong interes at mga maaaring maging pakinabang at kawalan. Noong una kong ninais na isumbong si Lucia, hindi ako nangahas na gawin ito dahil nais kong protektahan ang sarili ko. Ngayon, bumubuo si Lucia ng isang grupo, nakikipaglaban para sa kapangyarihan sa iglesia at ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, at kulang pa rin ako sa tapang para manindigan at magsagawa ng katotohanan. Tulad ng isang pagong ay ipinasok ko ang ulo ko sa aking bahay, takot na takot na sa sandaling ilabas ko ang aking ulo, ako ay maparurusahan kapag nadiskubre ako ng huwad na lider at anticristo. Sa pangalan, nananampalataya ako sa Diyos at sumusunod sa Diyos, pero walang lugar sa puso ko ang Diyos. Itinuring ko pa nga ang sambahayan ng Diyos na tulad ng lipunan, naniniwala na ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar na walang pagiging patas o pagiging matuwid kung saan palagi dapat akong maingat at matutong protektahan ang aking sarili, kundi ay mahaharap ako sa panganib na masupil at maparusahan. Ang ganitong uri ng pananaw ay wala nang iba kundi paninira at kalapastanganan sa Diyos! Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang panlabas na mundo. Si Satanas ang naghahari sa mundo at ang kasamaan ang nangingibabaw, at ang mabubuti ay susupilin at aapihin lamang. Pero ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ni Cristo at ng katotohanan. Ang mga huwad na lider at anticristo ay hindi makahahanap ng lugar na tatayuan sa sambahayan ng Diyos, at habang ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan at pagkakilala, sila ay maisusumbong at maibubunyag na lahat, paaalisin at palalayasin. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang masama ay tiyak na parurusahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Ang salita ng Diyos ang katotohanan at ang patunay na maisasakatuparan ng Diyos. Nakakita na ako ng mga tunay na halimbawa ng mga huwad na lider at anticristo na pinapalitan at itinitiwalag. Hindi ba’t ito ang pagiging matuwid ng Diyos? Pero lubos akong nabulagan ng sarili kong mga interes, at ang inisip ko lamang ay kung paano protektahan ang aking sarili. Nananampalataya ako sa Diyos, pero hindi naniwala sa salita ng Diyos, sa Kanyang pagkamatapat, o sa Kanyang pagiging matuwid. Tiningnan ko ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng isang hindi mananampalataya. Ito ang pagpapamalas ng isang walang pananalig! Kung nagpatuloy akong mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi isinagawa ang katotohanan, at hindi pinrotektahan ang gawain ng iglesia, sa huli ay makokondena ako at maaalis ng Diyos. Habang iniisip ko ang mga bagay na ito, napagtanto ko na tungkol sa pagsusumbong kay Lucia, dapat kong tuparin ang mga responsibilidad ko sa abot nang aking makakaya, at kahit na balang araw ay pigilan o itiwalag ako ni Lucia, may mga aral din akong matututunan at may mabubuting layunin ang Diyos dito. Habang naiisip ito, napakakalmado kong inilagay ang pangalan ko sa liham ng pagsusumbong. Sa sandalling iyon, naramdaman kong ligtas at payapa ako, at nakaramdam din ako ng pagmamalaki. Pakiramdam ko ay nagawa ko nang manindigan sa wakas at naging isang disenteng tao.

Makalipas ang isang buwan, matapos maipadala ang liham ng pagsusumbong, tumanggap kami sa wakas ng mabuting balita. Napakaraming ginawang masasamang gawa ni Lucia at tumangging magbago, kaya’t tinukoy siya bilang isang anticristo at itiniwalag sa iglesia. Ang mga gumagawa ng masama na sumunod kay Lucia sa kanyang masasamang gawa at gumambala sa gawain ng iglesia ay itiniwalag din. Ang ilang nagpakita ng mga pagpapahayag ng pagsisisi ay hindi itinuring na mga gumagawa ng masama, at pinahintulutang manatili sa iglesia at binigyan ng pagkakataong magsisi. Ang kaguluhan na nagpatuloy nang ilang buwan ay natapos na rin sa wakas, at ang normal na buhay-iglesia ay nagpatuloy. Tuwang-tuwa akong makita ang resultang ito, pero nakaramdam din ako ng lungkot at pagsisisi, dahil sa usapin ng pagsusumbong sa isang huwad na lider at anticristo, ako ay naging makasarili at kasuklam-suklam, pinrotektahan ang sarili ko at pinagdudahan ko pa nga ang pagiging matuwid ng Diyos at ang paghahari ng katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Ang isang malaking bahagi ko ay wala pa ring pananampalataya. Nakita kong lubos akong tiwali at na napakalaki ng utang ko sa Diyos. Ako ay sumumpa na sa susunod na may mangyaring tulad nito, tatayo ako sa panig ng Diyos.

Makalipas ang apat na taon, may kahalintulad nito na muli na namang nangyari. Ang mga lider ng aking iglesia, si Kayden at dalawang iba pa, dahil sila ay nagsasabi ng mga salita at doktrina at hindi gumagawa ng praktikal na gawain, ay nahatulan bilang mga huwad na lider at pinaalis, at ang iglesia ay pansamantalang nagpadala ng dalawang lider sa aming iglesia para pumasan ng mga responsibilidad. Nang dumating ang dalawang sister na ito, ikinalat ni Kayden ang tsismis na ang aming iglesia ay hindi tumatanggap ng “mga donasyong pangkawang-gawa.” Ibig sabihin ay hindi niya tinanggap ang dalawang sister na inilipat mula sa labas para maging mga lider namin. Nagsimula silang humanap ng mga dahilan para atakihin ang dalawang kapatid na ito, at kinumbinsi ang ibang kapatid na tumayo sa kanyang panig at sumulat ng mga liham ng pagsusumbong na nagsasabing dapat silang paalisin. Kalaunan, hiningi din niya sa akin na makibahagi rito. Habang binabasa ko ang liham ng pagsusumbong na isinulat nila, nakita ko na ang ilan sa mga masasamang gawain na kanilang ibinigay ay mga karaniwang halimbawa ng paglalantad ng katiwalian, at hindi talaga masasamang gawa. Ang iba ay tahasang pagmamalabis, at ang ilan naman ay malinaw na mga maling akusasyon at kasinungalingan na binaligtad ang mga totoong pangyayari. Ang kanilang mga pagkondena sa liham ay pinalaki, malisyoso, at masama. Napagtanto ko na ang tunay na layunin ng kanilang liham ng pagsusumbong ay hindi para protektahan ang gawain ng iglesia, palayasin ang mga huwad na lider, o protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, ito ay para agawin ang kapangyarihan, bawiin ang kanilang mga posisyon bilang mga lider ng iglesia, kontrolin ang iglesia, at kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sila ay mga anticristo! Noong una, nais kong umiwas sa usapin, dahil nalinlang niya ang lider ng grupo ko at nakikibahagi sa sumbong, at ako ay isang ordinaryong mananampalataya lamang, kaya’t ang mga taong ito ay mga hindi ko pwedeng mapasama ang loob. Pero nang maisip ko kung paanong ang anticristong si Lucia ay naiulat at napalayas apat na taon na ang nakararaan, at kung paanong wala akong patotoo, nagdesisyon akong hindi na muling magtago o umurong. Nagbahagi ako sa mga kapatid na nasa paligid ko upang malinaw nilang maunawaan ang tunay na mga pakay at layunin ng mga tao na sumulat ng liham ng pagsusumbong na ito at magkaroon ng pagkakilala sa kanila. Pagkatapos niyon, isinumbong at inilantad ko sa iglesia ang masasamang gawa na ginawa ng grupong ito para makipaglaban para sa kapangyarihan. Inimbestigahan at bineripika ng iglesia ang sitwasyon, natukoy na ang mga taong ito ay mga anticristo at itiniwalag sila sa iglesia. Nang makita ko na ang paunawang nagtitiwalag sa grupong ito ng mga anticristo ay naglalaman ng ilang ebidensyang ibinigay ko, tuwang-tuwa ako at naginhawaan din. Nakadama ako ng karangalan na mapanindigan ang aking mga responsibilidad sa usaping ito.

Ang maranasan ang mga bagay na ito ay nagpahintulot sa akin na makita ang kamangha-manghang karunungan ng gawain ng Diyos! Pinahihintulutan ng Diyos na lumitaw ang mga huwad na lider at anticristo sa iglesia para magkaroon ako ng pagkakilala. Sa pamamagitan ng pagkakabunyag at pagtitiwalag sa kanila, nagkaroon akong ilang kaalaman sa matuwid na disposisyon ng Diyos, nakita ko na ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ni Cristo at ng katotohanan, at lumago ang pananampalataya ko sa Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagkalag sa mga Taling Gumagapos

Ni Cuibai, ItalySabi ng mga salita ng Diyos, “Para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hanapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Ibig...

Desidido Ako sa Landas na Ito

Ni Han Chen, TsinaIlang taon na ang nakararaan, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinentensyahan ako ng Partido...