Nasaktan Ko ang Aking Sarili sa Pamamagitan ng mga Balatkayo at Panlilinlang
Noong Setyembre 2021, inayos ng iglesia na makilahok ako sa proyekto ng paggawa ng isang bagong video—isang proyekto na mukhang medyo mahirap. Alam ko na kulang ako sa mga prinsipyo at kakayahang propesyonal. Kaya, nag-aral akong mabuti, at kapag dumadalo ako sa mga pagtitipon at tinatalakay ang mga problema, palagi akong aktibong nagsasalita, sa pag-asang makikita ng iba na medyo mahusay ang aking kakayahan, at iisipin nila na ako ay isang taong karapat-dapat na linangin. Pero, hindi nagtagal, sunud-sunod na mga problema ang nagsimulang lumitaw.
Isang beses, noong tinatalakay namin ang paggawa ng isang video, itinuro ko ang isang bagay na nakita ko bilang isang problema. Pero batay sa isang maprinsipyong pagsusuri, napagpasyahan ng lahat na hindi naman ito problema. Dahil dito ay nasiraan ako ng loob, na parang hindi ako magaling. Sa isa pang pagkakataon, noong may mungkahi ako para sa isang video, matagal ko muna itong pinag-isipan bago ko ibinahagi ang aking opinyon. Pero hindi ko pa rin ito nakuha nang tama. Nagsisi akong magsalita pagkatapos, iniisip ko na, “Kung alam ko lang na ganito ang magiging reaksiyon ng mga tao, hindi na sana ako nagsalita ng kahit ano!” Dati, kapag gumagawa ako ng mga simpleng proyekto, nakukuha ko kahit papaano ang pagsang-ayon ng aking mga kapatid sa tuwing nagbibigay ako ng mungkahi o nagpapahayag ng opinyon. Pero ngayon, hindi ko man lang makita nang malinaw ang mga problema at lagi akong nagkakamali. Iisipin kaya ng mga kapatid na hindi ganoon kahusay ang aking kakayahan? Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, magsisimula ba silang kuwestyunin kung akma ba ako o hindi na gawin ang trabahong ito? Mukhang kailangan kong maging mas maingat kapag nagmumungkahi o nagpapahayag ng opinyon sa hinaharap—kung hindi ako sigurado sa isang bagay, mas mabuting huwag na lang magsalita ng kahit ano, at iwasang magkamali hangga’t maaari, upang hindi makita ng iba ang katotohanan tungkol sa kung gaano ako kawalang-kakayahan. Ngunit pagkatapos, nangyari ang aking pinakakinatatakutan. Isang araw, nagbabahagi ako sa isang pagtitipon nang biglang sumabad ang lider ng pangkat. Sinabi niya na napalayo na ako sa aking paksa, at na dapat umiikot sa mga salita ng Diyos ang aking pagbabahagi. Napahiya ako—namula ang mukha ko, at gusto ko na lang maglaho sa ilalim ng lupa. Sa natitirang oras sa pagtitipon, nanatili lang akong nakayuko na parang isang nalantang bulaklak. Nakaramdam ako ng hiya, panghahamak, at kawalang-gana. Mula sa simula, mas malala kaysa sa iba ang aking propesyonal na kakayahan, at mababaw ang aking pananaw sa mga isyu. Pero ngayon, hindi ko man lang maipaliwanag ang mga pangunahing punto kapag nagsasalita ako. Ano na lang ang iisipin nilang lahat sa akin ngayon na isiniwalat ko ang napakaraming kakulangan sa napakaikling panahon? Iisipin ba nila na mahina ang kakayahan ko? Mula sa sandaling iyon, sa tuwing pinag-uusapan namin ang tungkol sa trabaho nang magkakasama, nababalisa ako, at kinakabahan. Gusto kong makapagmungkahi, pero sa tuwing nakakaisip ako ng mungkahi, mag-aatubili ako at hindi ito sasabihin, sa takot na kapag nakagawa ako ng mali, makikita ng lahat na wala akong kakayahan. Napagpasyahan ko na mas mabuti nang huwag magsalita kaysa may masabing mali. Kaya, kapag tinatalakay namin ang mga problema, hindi na talaga ako nagsasalita. Kung minsan, nakikita ko ang sarili kong humahanga sa iba, na palaging ipinapahayag ang anumang ideya na nasa isip nila. Pero hindi ko pa rin magawa ang parehong bagay—wala akong ganoong uri ng lakas ng loob. Sa totoo lang, alam kong mali ito. Hindi ako mapakali at nababagabag ako, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin. Nang maglaon, tinanggal ang isang lider ng aming iglesia. Nang isiwalat ng mga nakatataas na lider ang kanyang paggampan, binanggit nila na palagi niyang sinisikap na pagtakpan ang kanyang mga kapintasan at hindi kailanman nagtatapat kapag ginagawa ang kanyang tungkulin. Tinamaan ako sa kanilang mga salita, at hindi ko maiwasang isipin ang sarili kong mga kilos. Kailan lang ay pinipigilan ko ang aking sarili, itinatago ang aking sariling mga ideya at pananaw sa takot na makilatis ako ng mga tao. Sa sandaling iyon, napagtanto ko kung gaano kadelikado ang aking kalagayan, at alam kong kailangan kong hanapin ang katotohanan at lutasin kaagad ang aking problema.
Habang naghahanap ako, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na kinamumuhian ng Diyos. … Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at himayin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalino. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na tapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng kabatiran at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Nagmumukha kang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamagaling, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas kagalang-galang sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay kahangalan. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal at mangmang ka ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagnilay-nilay ako sa aking kalagayan kamakailan. Sa simula, inakala ko na ang mapili para makilahok sa bagong video project ay nangangahulugan na ang aking kakayahan at abilidad ay hindi naman masyadong masama, at ako ay karapat-dapat na linangin. Kaya, aktibo akong nagpahayag ng aking mga opinyon at nakisalamuha ako sa mga pagbabahaginan at mga talakayan, umaasa ako na makuha ang pagsang-ayon ng lahat. Subalit nang makita ko na palagi kong isinisiwalat ang aking mga isyu, napahiya ako. Nakikilatis ako ng mga tao at hindi ko iyon matanggap. Naisip ko na pinatunayan ng aking mga pagkakamali na hindi ako magaling, na hindi ako angkop para sa trabahong ito. Kaya, isinara ko ang aking sarili at nagbalatkayo, umaasang hindi makikita ng iba kung gaano ang aking kakulangan. Masyadong mapagmataas at mapanlinlang ang aking disposisyon! Sa totoo lang, ang pagkakatalaga ko sa tungkuling ito ay hindi naman nagpapatunay na magaling ako, binibigyan lang ako ng iglesia ng pagkakataon na makapagsagawa. Sa katunayan, marami pa akong mga kakulangan at kapintasan, at kinailangan kong matuto at umunlad habang ginagawa ang aking tungkulin. Pero hindi tama ang pagtrato ko sa mga isyung ito. Hindi ko pinagninilayan ang mga dahilan ng aking mga pagkakamali, at hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo upang mapunan ang aking mga kakulangan. Sa halip, pinag-iisipan kong mabuti na maghanap ng mga paraan para itago ang mga problema ko, para hindi ako makilatis ng iba. Paano ako naging sobrang mapanlinlang at hangal? Kalaunan, may nabasa pa akong mga salita ng Diyos: “Kapag ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila o ang anumang gawain sa harap ng Diyos, dapat na dalisay ang kanilang puso: Dapat na tila isang mangkok ito ng sariwang tubig—napakalinaw at walang karumihan. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang tama? Anuman ang iyong ginagawa, nagagawa mong ibahagi sa iba kung anuman ang nasa iyong puso, anuman ang mga ideya na maaaring mayroon ka. Kung may magsabing hindi gagana ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, at magmungkahi siya ng iba pang ideya, at sa tingin mo ay isa itong magandang ideya, isuko mo ang sarili mong paraan, at gawin mo ang mga bagay-bagay ayon sa iniisip niya. Sa paggawa nito, makikita ng lahat na kaya mong tumanggap ng mga mungkahi ng iba, pumili ng tamang landas, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at nang hayagan at malinaw. Walang kadiliman sa iyong puso, at kumikilos at nagsasalita ka nang taos-puso, umaasa sa isang saloobin ng katapatan. Sinasabi mo ang katotohanan nang diretsahan. Kung ano ang isang bagay, iyon ang sinasabi mo. Walang mga pandaraya, walang mga lihim, isang napakalantad na tao lamang. Hindi ba’t isa iyang uri ng saloobin? Isa itong saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at kumakatawan ito sa disposisyon ng isang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Dapat kong gawin ang aking tungkulin nang may tapat na saloobin. Anuman ang aking gawin o sabihin, dapat akong maging prangka at tapat, sinasabi kung ano ang aking iniisip, at kung lumitaw ang mga problema, dapat ay magawa kong aminin, at asikasuhin at lutasin ang mga ito sa wastong paraan. Kaya, isa-isa kong sinuri ang aking dating mga pagkakamali. Hinanap ko ang mga dahilan kung bakit naging mali ang mga bagay-bagay, at hinangad ko na maunawaan ang mga kaugnay na prinsipyo. Saka ko pa lang napagtanto na ang paggawa ng mga pagkakamali ay nagbibigay-daan sa atin na matuklasan ang sarili nating mga kahinaan at mapagbayaran ang mga ito sa napapanahong paraan, na isang magandang bagay. Ngunit palagi akong nag-aalala sa aking sariling imahe at katayuan, isinasara ang aking sarili, nagbabalatkayo, hindi sinasabi ang aking iniisip, at natatakot na isiwalat ang aking mga kapintasan. Sa paggawa nito, hinding-hindi ako makakabawi sa kung ano ang kulang sa akin, at magiging mabagal ang aking pag-unlad. Hindi ba’t naghuhukay lang ako ng sarili kong libingan? Matapos itong mapagtanto, sadya kong sinimulan na iwasto ang aking kaisipan. Kapag tinatalakay ang gawain kasama ang iba pang mga kapatid o nagmumungkahi para sa mga video, ipinapahayag ko ang anumang pananaw na nasa isipan ko nang hindi sinusubukang hulaan kung paano ito tatanggapin. Bagama’t ang ilan sa aking mga ideya at opinyon ay wala pa ring basehan, salamat sa mga pagwawasto at pagpatnubay ng aking mga kapatid, nagsimula kong maunawaan ang ilan sa mga prinsipyo na kasangkot. Unti-unti, nabawasan ang aking pagkapigil at mas naging panatag ako, at gumaan ang aking loob.
Hindi nagtagal, kinailangan naming gumamit ng ilang bagong teknolohiya para mapahusay ang kalidad ng video. Bago ako sa teknolohiyang iyon, pero sa pamamagitan ng pagtalakay at pag-aaral ng mga kinakailangang kasanayan kasama ng iba, kahit papaano ay unti-unti ko itong naunawaan. Nang makita ko kung paano nagpahayag ng kanyang mga ideya at nagmungkahi ang aking kaparehang sister, kung paano palaging lohikal at may batayan ang kanyang mga pagsusuri, at kung paano madalas hingin ng superbisor ang kanyang opinyon sa iba’t ibang bagay, nakaramdam ako ng sobrang inggit. Ako, sa kabilang banda, ay pangkaraniwan lamang. Iniisip ko kung kailan pa ako makikilala ng mga tao. Minsan, habang nasa talakayan sa trabaho, inisip ko kung paano gagamitin ang aking mga salita upang magkaroon ng magandang impresyon sa akin ang iba—para malaman nila na hindi ako lubos na walang kaalam-alam tungkol sa pinag-uusapan. Isang araw, tinatalakay namin ang isang plano sa paggawa ng video nang may mapansin akong problema. Upang makapagsalita nang maikli at deretso sa punto, at upang ipakita na may kaunti akong nalalaman tungkol sa bagong teknolohiya na ito, gusto kong maingat na piliin ang aking mga salita bago ako magsalita. Pero habang mas lalo ko itong inaalala, mas lalo akong walang masabi. Sa huli, ang kapareha ko na lang na sister ang sa halip ay nagpabatid ng isyu para sa akin. Kalaunan, may naisip akong solusyon. Maaari naming pag-usapan muna ng aking kapareha kung ano ang sasabihin. Pagkatapos, sa pagpupulong ay ibabahagi ko muna sa iba ang aking pananaw. Sa ganitong paraan, mas maayos kong maipapahayag ang aking sarili, at mararamdaman ko na may presensiya ako sa aming pangkat. Ang problema ay, noong mag-isa akong lumahok sa mga talakayan, hindi pa rin ako naglakas-loob na ilatag ang aking mga pananaw. Sa halip, hinihintay kong matapos ang lahat na magpahayag ng kanilang mga opinyon, pagkatapos ay magsasalita lang ako ng “Okay,” habang nagpapanggap na nauunawaan ko ang mga sinabi nila. Nagpatuloy ito hanggang sa punto kung saan hindi na ako nagdadala ng anumang pasanin kapag tinatalakay ang mga problema. Habang nakikinig ako sa kanilang pinag-uusapan, minsan ay lumilipad ang aking isip, o kaya ay nakakaidlip ako.
Isang araw, lumapit sa akin ang kapareha kong sister at pinunang hindi ko na ginagawa ang aking tungkulin nang kasing-aktibo ng dati. Tinanong niya ako kung ako ay nasa isang partikular na kalagayan, at ipinagtapat ko sa kanya ang aking mga paghahayag ng kamakailan. Ginamit niya ang kanyang karanasan para tulungan ako, at pinadalhan niya ako ng ilan sa mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Naniniwala ang mga anticristo na kung masyado silang magsasalita, palaging magpapahayag ng mga paniniwala nila at makikipagbahaginan sa iba, mahahalata sila ng lahat ng tao; iisipin nila na walang kalaliman ang anticristo, na isang ordinaryong tao lang ito, at hindi nila siya gagalangin. Ano ang ibig sabihin ng pagkawala ng paggalang sa anticristo? Ibig sabihin nito ay pagkawala ng kanilang iginagalang na katayuan sa puso ng iba, pagmumukhang pangkaraniwan, ignorante, at ordinaryo. Ito ang hindi nais makita ng mga anticristo. Samakatwid, kapag nakikita nila ang ibang tao sa iglesia na palaging nagtatapat at umaamin ng kanilang pagiging negatibo, paghihimagsik laban sa Diyos, mga pagkakamaling ginawa nila kahapon, o ang hindi matiis na sakit na nadarama nila sa hindi pagiging matapat ngayon, itinuturing ng anticristo ang mga taong ito na hangal at walang muwang, dahil hindi nila mismo kailanman inaamin ang mga ganitong bagay, itinatago nila ang mga kaisipan nila. Ang ilang tao ay hindi palaging nagsasalita dahil sa mahinang kakayahan o simpleng pag-iisip, dahil sa kakulangan ng mga komplikadong kaisipan, pero kapag hindi palaging nagsasalita ang mga anticristo, hindi ito para sa parehong dahilan; ito ay problema ng disposisyon. Madalang silang magsalita kapag nakikipagtagpo sa iba at hindi sila handang magpahayag ng mga pananaw nila sa mga usapin. Bakit hindi nila ipinapahayag ang mga pananaw nila? Una, tiyak na wala silang katotohanan at hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Kapag nagsalita sila, pwede silang magkamali at mahalata mismo; natatakot sila na maging mababa ang pagtingin sa kanila, kaya nagpapanggap sila na tahimik at may malalim na kaunawaan, kaya nagiging mahirap para sa iba na timbangin sila, nagmumukha silang marunong at namumukod-tangi. Sa panlabas na ito, hindi nangangahas ang mga tao na maliitin ang anticristo, at dahil nakikita nilang mukhang kalmado at mahinahon ang panlabas ng mga anticristo, mas tumataas ang tingin nila sa mga ito at hindi sila nangangahas na insultuhin ang mga ito. Ito ang tuso at buktot na aspekto ng mga anticristo. Hindi sila handang ipahayag ang mga pananaw nila dahil ang karamihan sa mga pananaw nila ay hindi naaayon sa katotohanan, kundi pawang mga kuru-kuro at imahinasyon lang ng mga tao, hindi karapat-dapat na ilantad sa labas. Kaya, nananatili silang tahimik. … Hindi nila gustong mahalata, dahil alam nila ang sarili nilang mga limitasyon; pero sa likod nito ay mayroong kasuklam-suklam na layunin—ang hangaan. Hindi ba’t ito ang pinakanakasusuklam?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Noon, kapag binabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsisiwalat sa mga disposisyon ng mga anticristo, halos hindi ko tinitingnan ang aking sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Inakala ko na wala akong anumang katayuan, lalo na ang anumang labis na ambisyosong mga pagnanais. Subalit ngayon, sa paghahambing ko sa aking sarili sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga anticristo ay madalas na nag-aatubili na ipahayag ang kanilang mga pananaw upang pagtakpan ang kanilang sariling mga kapintasan, at na sila ay madalas na nananatiling tahimik upang magpanggap na malalim. Ito ay upang ang lahat ng tao sa kanilang paligid ay ipagkamali na naiintindihan nila ang katotohanan, at sila ay tingalain ng mga ito. Hindi ba’t iyon ang ginagawa ko? Ang totoo, hindi ko talaga nauunawaan ang bagong teknolohiya na ito. Ngunit upang hindi ako mapahiya at magkaroon ako ng matatag na posisyon sa loob ng grupo, hindi ko kailanman hayagang sinasabi ang tungkol sa aking mga kapintasan o mga kakulangan. Nagbabalatkayo ako, nagkukunwaring nauunawaan ko ang mga bagay at hindi nangangahas na ibahagi ang aking opinyon sa harap ng lahat, sa takot na magkamali ako sa pagsasalita at makita nila na isa akong karaniwang tao. Nagawa ko ring pagtakpan ang mga kakulangan ko sa pamamagitan ng dali-daling pagmumungkahi ng mga bagay sa mga pagpupulong, na dati ko nang tinalakay sa aking kapareha. Hindi lamang nito pinahintulutan na madama kong bahagi ako ng mga bagay, kundi pinigilan din nito ang iba na matuklasan kung gaano kababa ang aking pamantayan. Napakamapanlinlang ko! Kung iisiping muli, napagtanto ko na binanggit ng maraming tao na hindi ako masyadong madaldal. Akala ko noon ay dahil lang ito sa personalidad ko. Tanging sa pamamagitan lang ng pagkakalantad sa mga salita ng Diyos kaya ko nakita na tumatahimik ako para hindi ako makilatis ng iba. Umakto na ako nang ganito dati, noong ginawa ko ang aking tungkulin. Minsan may matutuklasan akong mga problema, pero pipigilan kong magsalita kung hindi pa ito malinaw sa akin. Sa halip, maghihintay ako hanggang maunawaan ko nang malinaw ang problema, saka ko sistematiko at lohikal na ipapaliwanag ang aking pananaw. Sa paggawa nito, sa paglipas ng panahon, akala ng lahat ay mayroon akong talas ng mata na makakita ng mga problema, at paminsan-minsan ay naririnig ko silang pinupuri ako sa pagiging matalino at pagkakaroon ng mataas na kakayahan. Nakaramdam ako ng labis na kasiyahan sa aking sarili. Nang makita ko kung gaano kaprangka ang ilan sa aking mga sister, sinasabi kung ano ang iniisip nila at umaamin kapag hindi nila naiintindihan ang isang bagay, bumababa ang tingin ko sa kanila. Naisip ko na nagsalita sila nang hindi pinag-iisipan nang mabuti ang mga bagay, at na makikita agad ng iba kung gaano sila kawalang-husay. Alam kong hindi ako dapat kumilos nang ganito. Ngayon na napagtanto ko na ang lahat ng ito, alam ko na masyadong malubha ang anticristong disposisyon ko. Nagbabalatkayo ako para makakuha ng katayuan at maging mataas ang opinyon sa akin ng iba. Masyado akong nag-alala sa katayuan, at labis kong pinahalagahan ang aking sarili. Palagi kong gustong maging isang tao na walang mga kapintasan, at ayaw kong maging isang karaniwang tao. Talagang mapagmataas ako at hindi ako naging makatwiran. Naisip ko ang aking pakikilahok sa mga komplikadong video project na ito. Hindi lamang ako nagkaroon ng pagkakataong paunlarin ang aking propesyonal na mga abilidad, kundi naintindihan ko rin ang mas maraming prinsipyo sa paggawa nito. Ang galing niyon! Pero sa halip na magtrabaho ako nang mabuti upang matutuhan ang mga bagong kasanayan at prinsipyo kasama ang aking mga kapatid, ginugol ko ang aking mga araw sa pagwawalang-bahala sa aking tungkulin. Nag-iisip ako sa mga baluktot na paraan, nag-aalala tungkol sa pagkakaroon at pagkawala ng papuri ng iba, at sinisikap kong protektahan ang aking sariling imahe. Naging sobrang hangal ko! Matapos maniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi ko pa rin alam kung saan ko dapat ituon ang aking mga hangarin. Nag-aksaya ako ng napakaraming mahalagang oras, at sa huli, wala akong napala mula rito. Hindi ko na nga nagawa nang maayos ang aking tungkulin, kinamuhian at kinasuklaman pa ako ng Diyos. Habang iniisip ko ang tungkol dito, mas lalong sumasama ang pakiramdam ko. Ikinahihiya ko ang aking sarili. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi.
Pagkatapos niyon, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Paano lumilitaw ang mga salita at gawa ng mga normal na tao? Makakapagsalita ang isang normal na tao mula sa kanyang puso. Sasabihin niya anuman ang nasa puso niya nang walang kabulaanan o panlilinlang. Kung mauunawaan niya ang isang bagay na nakaharap niya, kikilos siya nang ayon sa kanyang konsensiya at katwiran. Kung hindi niya ito makikita nang malinaw, magkakamali at mabibigo siya, papasukin siya ng mga maling kaisipan, kuru-kuro, at personal na kathang-isip, at bubulagin siya ng mga ilusyon. Ito ang mga panlabas na palatandaan ng normal na pagkatao. Natutupad ba ng mga panlabas na palatandaang ito ng normal na pagkatao ang mga hinihingi ng Diyos? Hindi. Hindi matutupad ng mga tao ang mga hinihingi ng Diyos kung wala sa kanila ang katotohanan. Ang mga panlabas na palatandaang ito ng normal na pagkatao ay mga pag-aari ng ordinaryo at tiwaling tao. Ito ang mga bagay na taglay ng tao nang siya ay ipinanganak, mga bagay na likas sa kanya. Kailangan mong hayaan ang iyong sarili na ipakita ang mga panlabas na palatandaan at pagbubunyag na ito. Habang hinahayaan mo ang iyong sarili na ipakita ang mga panlabas na palatandaan at pagbubunyag na ito, dapat mong maunawaan na ganoon ang likas na gawi, kakayahan, at kalikasan sa pagkapanganak ng tao. Ano ang dapat mong gawin sa sandaling maunawaan mo ito? Dapat mo itong ikonsidera nang tama. Pero paano mo isasagawa ang tamang pagkonsidera na ito? Ginagawa ito sa pamamagitan ng higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, higit pang pagsasangkap ng katotohanan sa iyong sarili, pagbibigay-pansin sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, mga bagay na may kuru-kuro ka, at mga bagay kung saan maaari kang magkamali ng paghusga sa Diyos nang mas madalas para pagnilay-nilayan ang mga ito at hanapin ang katotohanan upang lutasin ang lahat ng iyong problema. … Dahil hindi ka isang superman, ni isang dakilang tao, hindi mo mapapasok at mauunawaan ang lahat ng bagay. Imposible para sa iyo na malinaw na makita sa isang sulyap ang mundo, malinaw na makita sa isang sulyap ang sangkatauhan, at malinaw na makita sa isang sulyap ang lahat ng nangyayari sa paligid mo. Isa kang ordinaryong tao. Dapat kang dumaan sa maraming pagkabigo, maraming panahon ng pagkalito, maraming pagkakamali sa paghusga, at maraming pagkalihis. Lubusang mabubunyag nito ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kahinaan at kakulangan, ang iyong kamangmangan at kahangalan, tinutulutan kang masuring muli at makilala ang iyong sarili, at magkaroon ka ng kaalaman tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat, lubos na karunungan, at disposisyon ng Diyos. Magkakamit ka ng mga positibong bagay mula sa Kanya, at mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa realidad. Marami kang mararanasan na hindi aayon sa gusto mo, kung saan mararamdaman mo na wala kang magawa. Pagdating sa mga ito, dapat kang maghanap at maghintay; dapat mong makamit mula sa Diyos ang kasagutan sa bawat bagay, at maunawaan mula sa Kanyang mga salita ang pangunahing diwa ng bawat bagay at ang diwa ng bawat uri ng tao. Ganito umasal ang isang ordinaryo at normal na tao. Dapat matuto kang magsabi ng, ‘Hindi ko kaya,’ ‘Higit ito sa aking kakayahan,’ ‘Hindi ko ito mapasok,’ ‘Hindi ko pa naranasan ito,’ ‘Wala akong anumang nalalaman,’ ‘Bakit napakahina ko? Bakit wala akong silbi?’ ‘Gayon kababa ang kakayahan ko,’ ‘Napakamanhid at napakahangal ko,’ ‘Napakamangmang ko na anupa’t aabutin ako ng ilang araw bago ko maunawaan ang bagay na ito at maasikaso ito,’ at ‘Kailangan ko munang kausapin ang iba tungkol dito.’ Dapat matutunan mong magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang panlabas na palatandaan ng pagtanggap mo na isa kang normal na tao at ng hangarin mong maging normal na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ako ay isang ordinaryong tao na may katamtamang kakayahan, na may kaunting karanasan at kaunting pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nahaharap sa isang bagong piraso ng teknolohiya at mga bagong problema, kung minsan ay hindi ko naiintindihan ang mga bagay o nagkakamali ako—pero ito ay normal. Kinailangan kong aminin at tanggapin ang sarili kong mga kapintasan at pagkukulang, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo upang malutas ang isyu. Sa pamamagitan lamang nito magagawa kong patuloy na umunlad. Matapos kong maunawaan ang lahat ng ito, naliwanagan ang aking isipan. Handa akong magsagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, tumigil sa pagpapanggap at pagiging mapanlinlang, umasal at gawin ang aking tungkulin nang may kababaang-loob.
May isang pagkakataon na nag-uusap kami ng grupo kasama ang aming superbisor kung paano ayusin ang isang video. Matapos maibigay ng lahat ang kanilang mga mungkahi, nakakita ako ng isa pang problema—pero hindi ako sigurado kung tama ba ako o hindi, at may ilang alalahanin ako. Naisip ko, “Dapat ko bang banggitin ito, o hindi? Kung ipababatid ko ang isang isyu na hindi naman talaga problema, ilalantad nito na ako ay ignorante at bobo.” Noon din, napagtanto ko na gusto kong itago ang aking sarili at magpanggap muli para hindi mapahiya. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, humihingi sa Kanya ng lakas upang maghimagsik laban sa aking maling layunin, at pagkatapos ay ipinagtapat ko sa iba ang tungkol sa aking mga pananaw. Nag-alok din ng kanilang mga opinyon ang superbisor at ang iba pang mga sister. Bagama’t hindi naman pala isang alalahanin ang bagay na aking ipinabatid, sa pamamagitan ng aming talakayan ay nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga prinsipyo. Sa paglipas ng panahon, kapag sama-sama kaming nag-uusap at nagtatalakayan sa trabaho, nababawasan ang aking pagkabalisa at pangamba. Minsan may napapansin akong mga problema, pero hindi ako sigurado kung paano lulutasin ang mga ito. Kaya tapat kong ibinabahagi ang mga problema sa iba at hinahayaan ko ang lahat na pag-isipan kung paano lulutasin ang mga ito nang sama-sama. Kung minsan ay nagmumungkahi ako ng solusyon, pero matutuklasan sa pamamagitan ng talakayan na hindi ito angkop. Sa mga ganitong pagkakataon, inaamin ko na mali ako, at tinatalakay sa lahat kung paano ito aayusin para makamit ang mas magagandang resulta. Nang magsagawa ako nang ganito, naging mas kalmado at mas payapa ang aking puso, at nakaya kong gawin ang aking maliit na bahagi sa aking tungkulin. Natutuhan ko sa pamamagitan ng personal na karanasan na kapag umaasal ako at gumagawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan, nakadarama ako ng kapayapaan, kaginhawahan, at kalayaan!