Nakagapos

Marso 28, 2022

Ni Li Mo, Tsina

Noong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Noong araw na ’yon, nagtatrabaho ako sa ospital, at sinabi sa’kin ng kasamahan ko na hinahanap ako ng direktor ng ospital. Pumunta ako sa opisina ng direktor at may nakita akong dalawang unipormadong pulis na nakatayo ro’n. Sabi nila sa’kin, “May isang taong nagsumbong na naniniwala ka sa Kidlat ng Silanganan at ipinapangaral mo kung saan-saan ang ebanghelyo. Pangunahing puntirya ng pambansang pagsugpo ang Kidlat ng Silanganan, at lahat ng naniniwala sa Kidlat ng Silanganan ay mga kriminal na politikal na sesentensyahang makulong!” Pinagbantaan din nila ako, sinasabing kapag ipinagpatuloy ko ang paniniwala sa Diyos, puwede nila akong ipatanggal sa trabaho ko anumang sandali, at kahit pumasok ako sa trabaho, maaaring hindi ako suwelduhan para ro’n. Maging ang trabaho ng asawa ko at ang pagiging karapat-dapat ng anak ko na pumasok sa unibersidad, maging isang sundalo, o pumunta sa ibang bansa ay maaapektuhan. Sabi nila kung mahuli nila ako isang araw na nangangaral ng ebanghelyo, ikukulong ako. Noong panahong ’yon, medyo nag-alala ako. Naisip ko, “Kapag hindi ko isinuko ang paniniwala ko sa Diyos, hindi ’yon tatantanan ng pulis. Pag nawalan ako ng trabaho at maapektuhan ang negosyo ng asawa ko, pa’no kami mabubuhay sa hinaharap? At kung maaresto ako at makulong, sino’ng mag-aalaga sa anak ko? Pag naapektuhan ang kinabukasan ng anak ko ng paniniwala ko sa Diyos, malaki ang magiging utang ko sa kanya …” Habang lalo ko ’yong iniisip, mas lalong akong nabalisa. Hiniling ko sa Diyos na protektahan ako. Noong sandaling ’yon, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos, at saka ko naunawaan: Nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos ang kapalaran ng lahat. Anuman ang mangyari sa pamilya namin ay nasa mga kamay ng Diyos, at walang tao ang makakapagdesisyon no’n. Ang Diyos ang Lumikha, at natural at tama na naniniwala ang mga tao sa Diyos at sumasamba sa Diyos. Gustong gamitin ng mga pulis ang trabaho ko at ng asawa ko at ang kinabukasan ng anak ko para pagbantaan ako, para pilitin ako na talikuran ang tunay na daan at ipagkanulo ang Diyos. Kasuklam-suklam ito! Noong panahong ’yon, nagdesisyon ako na anuman ang kahinatnan ng buhay ko sa hinaharap, hindi ako kailanman makikipagkompromiso kay Satanas. Tapos hiniling sa’kin ng mga pulis isumbong ang aking mga kapatid, pero tumanggi ako, at kinailangan nilang umalis.

Matapos ’yon, madalas silang pumunta sa ospital para itanong kung naniniwala pa rin ako sa Diyos o nagpapalaganap ng ebanghelyo. Minsan nagsasagawa ako ng operasyon sa isang pasyente, pero gaano man kaapurahan, kailangan ’yong magambala. Nagsimula akong magalit dahil do’n. Naisip ko, “Naniniwala lang ako sa Diyos at sumusunod sa tamang landas, at wala akong ginawang masama, kaya bakit pumupunta ang mga pulis para guluhin ako, kaya hindi man lang ako makapagtrabaho nang mapayapa?” Nagdulot ng kaguluhan sa buong ospital ang patuloy na mga imbestigasyon sa’kin. Nakita ako ng mga kasamahan ko bilang isang mapanganib na tao. May ilang pinag-usapan ako habang nakatalikod ako, at may ilang direktang nagtanong sa’kin, “Ano’ng ginawa mo habang naniniwala sa Diyos? Bakit palaging pumupunta ang mga pulis para imbestigahan ka? Ang paniniwala mo sa Diyos ang nagdala sa mga pulis dito sa’tin. Isa ’tong seryosong bagay.” Nagbago rin ang pag-uugali sa’kin ng direktor. Sineseryoso niya ako dati, pero matapos ang insidenteng ’yon, tuwing makikita niya ’ko, lagi niya ’kong tinatanong, “Hindi ka naman lumabas para mangaral, ’di ba?” Sinabi niya rin sa’kin na lagi kong i-on ang telepono ko 24 oras, para palagi akong matatawagan. Minsan, sinabi sa’kin ng direktor, “Maraming beses na pumunta rito ang mga pulis dahil sa paniniwala mo sa Diyos. Huwag ka nang maniwala sa Diyos. Palaging maayos ang paggawa mo sa trabaho mo, at maganda ang opinyon ng lahat tungkol sa’yo. Huwag mong sirain ang kinabukasan mo dahil sa paniniwala mo sa Diyos. Kapag naaresto ka o mas malala pa ang kahantungan, bilang amo mo, hindi rin magiging madali para sa’kin ang magpaliwanag …” Noong panahong ’yon, habang araw-araw na nahaharap sa patuloy na pagmamanman ng amo ko at ng mga kakaibang tingin ng mga kasamahan ko, masyado akong nalungkot at naging miserable. Nanalangin ako sa Diyos para humingi ng pananalig at lakas, at hiniling sa Kanya na tulungan akong makatayong matatag sa kapaligirang ’yon. Tapos, nakabasa ako ng isang sipi ng salita ng Diyos, “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi…. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko ang kalooban Niya. Ang Tsina ay isang bansang pinaghaharian ng Partido Komunista, at ang lugar na pinakaseryoso sa paglaban sa Diyos. Ang mga naniniwala sa Diyos sa Tsina ay tiyak na uusigin at ipapahiya, pero ginagamit ng Diyos ang Partido Komunista bilang isang taga-serbisyo para gawing perpekto ang pananalig natin, at sa gayon ay makagawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Ito ang karunungan ng Diyos. Naisip ko kung paanong, dahil naniniwala ako sa Diyos at tumatahak sa tamang landas, ginulo ako at sinubaybayan ng mga pulis at nagtiis din ng kahihiyan at kritisismo mula sa mga kasamahan at kaibigan, at napagtanto ko na ito ay pag-uusig para sa pagiging matuwid at isa itong maluwalhating bagay. Nang naunawaan ko ito, hindi na ’ko gano’n kamiserable, at ipinangako ko sa sarili ko gaano man subukin ng Partido Komunista na hadlangan at usigin ako, susundin ko ang Diyos hanggang sa wakas.

Noong panahong ’yon, may pinuntahan ang asawa ko sa ibang rehiyon para sa negosyo. Takot akong mag-alala siya sa’kin, kaya hindi ko kailanman sinabi sa kanya. Noong Enero 2005, bumalik ang asawa ko mula sa biyahe niya, at nang nalaman niya ang tuungkol do’n, masyado siyang naalarma. Sinabi niya sa’kin na may seryosong ekspresyon, “Sabi ng gobyerno ang mga taong naniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay mga kriminal pamppulitika at puwedeng mahuli at ikulong anumang oras, at kung mahuli ka ng CCP, bubugbugin ka nila hanggang halos mamatay ka at sisiraiin ang buhay ng pamilya mo.” Sabi niya parehong maaapektuhan ang kinabukasan ng anak namin at ang negosyo niya, at hiniling niya sa’king tumigil na sa paniniwala sa Makapangyarihang Diyos. Naisip ko, “Sa pangalan lang ang paniniwala ng asawa ko sa Panginoon. Wala talaga siyang nauunawaang anuman. Normal lang na mayroon siyang ilang pag-aalala. Labis na inuusig ng Partido Komunista tayong mga naniniwala sa Diyos, at hinahabol pa nila ang mga miyembro ng pamilya natin. Sino’ng hindi matatakot?” Naisip ko rin kung paanong nakalayo siya para sa isang business trip noong buong panahong ’yon. ’Di pa ’ko nagkakaro’n ng panahon para ipatotoo sa kanya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, kaya dapat kong gamitin ang pagkakataong ito para mas magbasa sa kanya ng salita ng Makapangyarihang Diyos. Marami akong ibinahagi sa kanya. Hindi man lang siya nakinig. Walang ingat niya lang na sinabi, “Maayos ang buhay natin, kaya tamasahin lang natin ang biyaya ng Panginoong Jesus. Hindi natin kailangang tanggapin ang gawain ng paghatol.” Takot siya na madamay kung maaaresto ako, kaya nagsimula siyang subuking pigilan ako sa paniniwala sa Diyos. Matapos ’yon, nagsimula siyang bantayan ako nang mabuti. Kapag hindi ako nakauwi sa tamang oras pagkagaling sa trabaho, tumatawag siya para tanungin kung nasa’n ako at hinihimok niya ’kong umuwi, at itinigil niya na ang paglabas para makipagkita sa mga kaibigan niya sa gabi, na hindi pangkaraniwan. Sa halip, nauupo lang siya sa bahay at binabantayan ako. Kapag oras na para umalis ako papunta sa mga pagtitipon, sinasadya niyang humingi sa’kin ng tulong sa mga bagay-bagay. Talagang sinubukan niya ang lahat ng paraan para pigilin ako sa paniniwala sa Diyos at pagganap sa’king mga tungkulin. Noong umpisa, ramdam kong talagang pinipigilan ako, pero kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, Sabi ng Diyos, “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaang ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, naunawaan ko na, sa labas, sinusubukan ng asawa ko na hadlangan ang paniniwala ko sa Diyos, pero ang mga panlilinlang ni Satanas ang nasa likod nito, at hindi ako puwedeng sumuko kay Satanas. Kalaunan, nakahanap ako ng mga dahilan para maiwasan ang pagmamatyag ng asawa ko, at makapunta sa mga pagtitipon at matupad ang mga tungkulin ko nang palihim. Kasabay no’n, naghanap din ako ng mga pagkakataon na makausap ang asawa ko, hinahangad na hahanapin at sisiyasatin niya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Pero paulit-ulit ’yong iniwasan ng asawa ko, sinasabing maniniwala siya kapag nagsimulang maniwala ang mga pari at madre. Hiniling niya rin sa’kin na huwag akong pumunta sa mga pagtitipon o magpalaganap ng ebanghelyo para maiwasan na maaresto ako at madala sa kulungan. Nakita kong hindi man lang interesado ang asawa ko sa katotohanan o sa pagtanggap sa pagdating ng Panginoon, kaya itinigil ko ang pakikipag-usap ko sa kanya tungkol do’n. Naisip ko, “Anuman ang mangyari, kailangan kong maniwala sa Diyos at tuparin ang tungkulin ko. Hindi niya ako puwedeng mapigil.”

Noon, pumupunta siya sa mga business trip pagkatapos ng Chinese New Year, pero wala siyang pinuntahan noong taong ’yon. Isang araw, bigla siyang lumuhod sa lupa at umiiyak na nagmakaawa sa’kin, “Madalas kang lumalabas sa mga pagtitipon at para ipangaral ang ebanghelyo. Kapag inaresto ka at ikinulong, papa’no kami makakaraos sa hinaharap? Ano’ng mangyayari sa pamilyang ito, at sa anak natin? Kailangan mong isipin ang tungkol sa pamilya natin, at ang kinabukasan ng anak natin …” Hindi ko pa kailanman nakita ang asawa ko na umiyak sa loob ng mga taong ’yon. Nang makita ko siyang umiiyak habang nakaluhod at nagmamakaawa sa’kin, hindi kanais-nais ang naramdaman ko, at nagsimula rin akong umiyak. Para palubayin ang loob niya, sinabi kong, “Nasa mga kamay ng Diyos ang lahat. Kung maaaresto man ako, ani ang mangyayari sa anak natin sa hinaharap, nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng ’yon. Ang magagawa lang natin ay umasa sa Diyos para dumanas ng mga bagay. Hindi tayo dapat masyadong mag-alala.” Umiling ang asawa ko nang may luha sa kanyang mga mata at sinabing, “Nahanap ka na ng mga pulis. Kung patuloy kang maniniwala nang ganito, hindi magtatagal maaaresto ka, at pagkatapos ay mawawasak ang lahat.” Talagang nalungkot ako at nagalit nang makita ko ang asawa ko sa gano’ng pagdurusa. Kagagawan ang lahat ng ito ng Partido Komunista! Naniniwala tayo sa Diyos at ipinangangaral ang ebanghelyo para matanggap ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw at makaligtas sa sakuna. Pagliligtas ito sa mga tao, at wala nang mas tama pa ro’n, Pero desperadong sinusubok na hadlangan at gambalain tayo ng Partido Komunista. Sila ay isang grupo ng mga Satanas at demonyo na lumalaban sa Diyos! Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa panlabas, isinusulong ng Partido Komunista ang kalayaang panrelihiyon, pero gumagamit talaga sila ng lahat ng uri ng pamamaraan para pigilin at arestuhin ang mga naniniwala sa Diyos, at ginagamit pa nila ang trabaho at pamilya para puwersahin ang mga tao na itanggi ang Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Napakakasuklam-suklam no’n! Kung hindi dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista, hindi ako susubukang pigilin ng asawa ko dahil sa takot. Saan man ang nararating ng masamang kamay ng Partido Komunista, nagdadala ’yon ng sakuna. Noong sandaling ’yon, sinusunod ng asawa ko ang Partido Komunista at tinutulak akong isuko ang paniniwala sa Diyos para protektahan ang trabaho niya at pamilya, kaya hindi ako puwedeng makinig sa kanya.

Matapos ’yon, nagbasa rin ang asawa ko online ng napakaraming paninira ng Partido Komunista laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, talagang tumigil na siya sa pagpunta sa mga business trip at nanatili sa bahay para bantayan ako. Nagtanung-tanong din siya para malaman kung kanino ako nakipag-ugnayan at sino ang tinawagan ko. Pumunta pa nga siya sa telecom company para ipa-print ang anim na buwan kong call log, at pagkatapos ay tinanong niya sa’kin isa-isa ang tungkol sa mga numero. Para subaybayan ako, hinatid-sundo niya ako sa trabaho araw-araw, at sinundan niya ako saan man ako pumunta. Pakiramdam ko nakakadena ako, walang anumang kalayaan. Hindi ko maipamuhay ang buhay-iglesia at hindi ko matupad ang tungkulin ko, na talagang nagpalungkot sa’kin, kaya sinamantala ko ang kawalang-ingat ng asawa ko para tumakas at ipangaral ang ebanghelyo. Matapos matuklasan ng asawa ko, galit niyang sinabi, “Kung kaya mo pa ring lumabas at ipangaral ang ebanghelyo kahit binabantayan kita nang ganito, hindi na talaga kita matutulungan. Ang Partido Komunista na ang may kapangyarihan ngayon, kaya kung patuloy kang maniniwala gaya nito, hindi magtatagal maaaresto ka, at masisira ang pamilyang ito. Kaya, mag-diborsyo na lang tayo. Pag na-diborsyo na tayo, puwede mo nang paniwalaan ang anumang gusto mo, at hindi na ’yon makakasakit sa anak natin o sa kanino man.” Nang narinig kong gusto niya akong idiborsyo, hindi ako makapaniwala ro’n. Ang ginawa ko lang ay maniwala sa Diyos. Pa’no ’yon umabot sa punto ng pakikipag-diborsyo? Wala bang halaga ang lahat ng taon na pinagsamahan namin? Ang ideya kung pa’no masisira ng Partido Komunista ang perpekto at mabuti kong pamilya ang naging dahilan para maging miserable ako, at isa ’yong katotohanan na hindi ko magawang tanggapin. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas, para makatayo ako nang matatas sa kapaligirang ito.” Matapos manalangin, naalala ko ang siping ito ng salita ng Diyos. “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos, at naunawaan ko na sa gawain Niya sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita at iba-ibang mga pagsubok at pagpipino para gawing perpekto ang pananalig ng mga tao. Naisip ko ang mga panunukso ni Satanas kay Job. Nawalan siya ng mga anak at kayamanan sa isang iglap, at napuno ng matitinding pigsa. Sa gitna ng isang malaking pagsubok gaya no’n, hindi kailanman nagreklamo si Job laban sa Diyos, kundi patuloy na pinuro ang pangalan ng Diyos. Nanindigan siya at nagpatotoo para sa Diyos sa kanyang pagsubok. Tapos inisip ko ang tungkol sa sarili ko. Nasisira ang pamilya ko dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista, at nagrereklamo na ako. Nakita ko na talagang napakababa ng tayog ko, at wala akong patotoo. Nang maisip ko ’yon, talagang nagsisi ako, kaya nanalangin ako sa Diyos para mangako na kahit idiborsyo ako ng asawa ko, hindi ko isusuko ang paniniwala ko sa Diyos.

Hindi inaasahan, matapos ang ilang araw, humingi ng tawad sa’kin ang asawa ko at sinabing nagkamali siya. Sabi niya hindi niya na dapat binanggit ang diborsyo, at pakiramdam niya pinuwersa siya ng Partido Komunista. Matapos ang ilan pang sandali, biglang sinabi sa’kin ng asawa ko, “Kung hindi kita mahihimok, sasama na lang ako sa’yo sa paniniwala sa Makapangyarihang Diyos.” Masyado rin akong nagulat noong panahong ’yon. Akala ko talagang pinag-isipan niya ’yon, kaya sabay kaming dalawa na nagbasa ng salita ng Diyos sa bahay. Matapos ang isang linggo, hiniling niya sa’king dalhin ko siya sa isang pagtitipon. Naisip kong medyo kakaiba ang kinikilos niya, kaya hindi ako pumayag. Nagulat ako nang humarap siya sa’kin at sinabing, “Kung hindi mo ’ko dadalhin sa pagtitipon, hindi ako maniniwala.” Sinabi niya rin na ginawa niya ito para himukin ako na magbago ng isip. Doon ko lang napagtanto na nagpapanggap lang ang asawa ko na naniniwala sa Diyos, at ang layunin niya ay ang mahanap kung saan namin ginaganap ang mga pagtitipon para masubaybayan at makontrol niya ako. Talagang hindi ko inaasahan na gagawin ng asawa ko ang gano’ng bagay. Matapos ’yon, naging malamig na ang pagtitinginan naming dalawa. Isang araw, nagbabasa ako ng salita ng Diyos sa bahay, nang biglang magsimulang kalampagin ang pinto ng asawa ko habang sinasabi niyang, “Hindi ko na kayang mabuhay nang ganito. Pa’no tayo umabot sa ganitong punto?” Binuksan ko ang pinto, at sinugod niya ako na parang baliw, sinunggaban ang leeg ko, at sinigawan ako, “Bakit napakadeterminado mong maniwala sa Makapangyarihang Diyos? Hindi ba importante sa’yo ang pamilya at anak natin? Talaga bang mas mahalaga sa mga ’yon ang Diyos na pinaniniwalaan mo?” Mahigpit ang pagkakasakal niya sa’kin kaya hindi ako makahinga, kaya desperada akong tumawag sa Diyos para maligtas ako. Nagpumiglas ako, at pinakawalan niya ’ko. Noong oras na ’yon, masyado akong nasaktan, at masyado ring nadismaya. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, tinanong ko ang sarili ko, “Talaga bang mahal ako ng asawa ko?” Inalala ko ang lahat ng mga taon ng pagsasama namin. Ang asawa ko ang pinakanakakaalam tungkol sa mga sakripisyong ginawa ko para sa pamilya namin at alam niyang naniniwala na ’ko sa Panginoon simula pagkabata ko at inaasam ko ang pagdating ng Panginoon, pero nang tanggapin ko ang Panginoon, hindi lang hindi niya ako sinuportahan, pumanig siya sa Partido Komunista at nilabanan ako para protektahan ang sarili niyang mga interes, pinagbantaan ako ng diborsyo, at malupit din na sinakal ako. Wala na sa’min maski ang pinakamaliit na respeto sa pagitan ng isang mag-asawa. Papa’no ito matatawag na tunay na pagmamahal? Naisip ko rin kung papa’nong, bagaman naniniwala ang asawa ko sa Panginoong Jesus, ginawa niya lang ’yon bilang paraan para makahingi ng biyaya. Hindi niya hinihintay ang pagdating ng Panginoon. Nang pumarito ang Diyos sa mga huling araw para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng kaligtasan, dahil sa takot na maaresto ng Partido Komunista at ng rehimen ni Satanas, hindi niya tinanggap ang bagong gawain ng Diyos, at sinunod niya ang Partido Komunista sa pamumuwersa sa’kin na tumigil sa paniniwala. Nakita kong hindi isang tinay na mananampalataya ng Diyos ang asawa ko. Isa siyang walang pananalig. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ako at ang asawa ko ay hindi tumatahak sa parehong landas, kaya hindi ko siya puwedeng hayaan na pigilin ako.

Matapos ’yon, maraming beses akong pinagbantaan ng asawa ko na ididiborsyo para puwersahin ako na tumigil sa paniniwala sa Diyos. Nang inakala ko na baka talagang mawalan na ’ko ng pamilya, hindi ko pa rin ’yon magawang bitawan. Noong panahong ’yon, araw-araw akong nanalangin para hilingin sa Diyos na gabayan ako. Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng salita ng Diyos. “Bilang isang normal na tao, na naghahangad ng pag-ibig sa Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Akala ko dati ang pagkakaro’n ng isang masayang pamilya, isang magandang relasyon sa’king asawa, at pagkakatupad ng mga materyal kong pangangailangan ang depinisyon ng kaligayahan, at makahulugan ang pamumuhay sa ganitong paraan. Pero ngayon, malinaw kong nakikita ang tinatawag na pagmamahal sa pagitan ng mag-asawa ay nababatay lang sa hindi pagbabanggaan ng personal na interes ng isa’t isa. Gaya ng kasabihang, “Ang mag-asawa ay mga ibong nagmamahalan hanggang sa pilitin sila ng paghihirap na lumipad nang kanya-kanya.” Noon, nang nagsisipag ako para sa pamilya ko at sa asawa ko, talagang pinahahalagahan ako ng asawa ko, pero ngayong naniniwala ako sa Diyos, nakita niya na nanganganib ang mga interes niya, kaya nagsimula siyang usigin ako, at ginustong idiborsyo ako. Sa totoo lang, ang tinatawag na pagmamahal sa pagitan ng isang mag-asawa ay ang paggamit lang sa isa’t isa. Ano’ng kaligayahan mayroon sa gano’ng klaseng buhay? Naisip ko kung pa’no niya ’ko sinubaybayan noong mga nakalipas na ilang buwan, at kung paano niya ’ko binawalan na pumunta sa mga pagtitipon at pagganap sa mga tungkulin ko. Hindi ko magawang makipagkita sa mga kapatid, hindi payapa ang puso ko habang binabasa ko sa bahay ang salita ng Diyos, at kinailangan kong mag-isip ng mga paraan para manipulahin ang asawa ko kapag lumabas ako para ipangaral ang ebanghelyo. Wala akong kalayaan, na para bang nakagapos at sinasakal ako ng isang hindi nakikitang lubid, at kung nagpatuloy ang mga bagay sa ganitong paraan, hindi lang maghihirap ang buhay ko, mawawalan din ako ng pagkakataong makamit ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos. Hindi sulit ang lahat. Dito ko napagtanto nang mas malinaw na ang pagmamahal ng mag-asawa sa buhay-pamilya ay hindi ang tunay na kaligayahan. Makakapamuhay lang ako ng isang makabuluhang buhay sa paghahanap ng katotohanan at paggawa ng mga tungkulin ng isang nilalang. Naalala ko rin ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa Akin, ay hindi karapat-dapat sa Akin(Mateo 10:37–38). Naisip ko ang maraming banal sa lahat ng kapanahunan, at paanong, para magawa ang atas ng Diyos, ay tinalikdan nila ang kanilang mga tahanan at karera at naglakbay sa mga karagatan para ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, nagtiis ng paghihirap, at ibinigay pa ang kanilang mga buhay. Nakamit ng kanilang patotoo ang pagsang-ayon ng Diyos. Itinakda ng Diyos na isisilang ako sa mga huling araw at pinili ako na lumapit sa Kanya para magkamit ako ng pagliligtas Niya. Isa itong napakapambihirang oportunidad, at biyaya at pagtataas ng Diyos para sa’kin. Kung hindi ko maisagawa nang tama ang mga tungkulin ko dahil sa mga pangpipigil ng asawa ko, napakalaki ng magiging utang ko sa Diyos, at mawawalan ako ng konsiyensya! Nang mapagtanto ’yon, sumumpa ako na gagawin ko ang ginawa ng mga banal noon at tatalikdan ang lahat, susundin ang Diyos, at gagawin ang mga tungkulin ng isang nilalang.

Isang gabi, pagkauwi ko sa bahay mula sa isang pagtitipon, binuksan ko ang pinto at nakita kong maraming tao ang pumunta sa bahay ko, ang mga kasamahan ko at mga kaibigan at kamag-anak ng asawa ko, at sa sandaling nakita nila ako, kinausap ako nilang lahat para himukin akong tumigil sa paniniwala sa Diyos. Sabi ng ilan nakakita sila ng mga broadcast sa TV na nang-aresto kamakailan ang Partido Komunista ng maraming naniniwala sa Makapangyarihang Diyos, at sinintensyahan ng mga 10 taon ang ilan sa kanila. Sinabi ng iba na hindi lang sisintensyahang makulong ang mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos pag naaresto sila, marami ang nalulumpo o namamatay sa kustodiya, at naghihirap pati ang mga pamilya nila. Inulit din ng ilan ang mga kamalian at tsismis mula sa Partido Komunista para siraan ang Iglesia, at sinabing iniiwan ng mga naniniwala sa Diyos ang kanilang mga pamilya. Galit na galit ako nang marinig ang lahat ng ito. Kung hindi dahil sa pang-uusig ng Partido Komunista, hindi ako sasalungatin at aatakihin nang ganito ng pamilya at mga kaibigan ko. Binabaluktot ng Partido Komunista ang mga katotohanan at nagpapalaganap ng mga tsismis para ang mga taong hindi nakakaalam sa mga katotohanan ay lalaban sa Diyos kasama nila at kokondenahin ng Diyos, at sa huli ay mawawasak kasama nila. Wala ’yong iba kundi kasamaan! Habang iniisip ang lahat ng ’yon, pinasinungalingan ko sila, “Kung hindi niyo nauunawaan kung ano ang maniwala sa Diyos, huwag kayong magsalita nang walang katuturan tungkol dito. Alam niyo ba kung bakit ko ipinipilit na maniwala sa Diyos sa kabila ng mga panganib na ito? Dahil dumating na ang Tagapagligtas at nagpahayag ng maraming katotohanan para iligtas ang mga tao, tulungan tayong makatakas sa impluwensya ni Satanas, at tulungan tayong makatakas sa sakuna. Isa itong napakapambihirang pagkakataon! Hindi pinapayagan ng Partido Komunista ang mga tao na maniwala sa Diyos, galit na galit na pinahihirapan at inuusig ang mga taong naniniwala sa Diyos, nang-aaresto at kumukulong sa napakaraming tao. Napakaraming tao ang hindi makauwi, napakarami ang nalumpo at namatay sa bugbog, at napakaraming Kristiyano ang may tahanang nawasak. Hindi ba kagagawan ng Partido Komunista ang lahat ng ’yon? Halatang ang Partido Komunista ang nang-uusig ng mga taong naniniwala sa Diyos at sumisira sa mga pamilyang Kristiyano, pero binabaligtad nila ang mga bagay-bagay at sinasabing tinatalikuran ng mga naniniwala sa Diyos ang mga pamilya nila. Hindi ba pagbabaluktot ’yon ng tama at mali? Hindi niyo lang hindi kinamumuhian ang CCP, sinusubukan niyo rin akong pigilan na maniwala sa Diyos. Hindi niyo ba alam ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali? Sarili kong kagustuhan ang landas ng paniniwala sa Diyos. Kahit makulong ako, determinado ako na sumunod sa Makapangyarihang Diyos.” Nang nakita nilang hindi nila ako mahihimok, nagpasiya silang lahat na wala silang magagawa kundi ang umalis. Walang magawang sinabi sa’kin ng asawa ko, “Mukhang walang makakapagpabago sa isip mo, kaya magdiborsyo na tayo. Naniniwala ka sa Makapangyarihang Diyos, at nagsasagawa ang gobyerno ng mga pagsugpo sa mga taong gaya mo. Kapag nangyari ’yon, hindi mo mapapanatili ang trabaho mo, at baka pati na ang buhay mo. Pero gusto naming patuloy na mabuhay, kaya mukhang wala nang ibang mapagpipilian. Nilalagay ng Partido Komunista ang mga tao sa imposible at mahihirap na sitwasyon”. Medyo nalungkot ako matapos marinig ito, pero alam ko na dumating na ang panahon para pumili. Pinili kong maniwala sa Diyos, sumunod sa Diyos, at kamtin ang katotohanan at ang buhay, at pinili ng asawa kong sumunod sa Partido Komunista para protektahan ang trabaho at kinabukasan niya. Kailangan nga naming maghiwalay. Noong oras na ’yon, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, anumang uri ng kapaligiran ang kasadlakan ko, susundin Kita hanggang sa katapusan.”

Noong sumunod na umaga, pumunta kami ng asawa ko sa Civil Affairs Bureau para tapusin ang pamamaraan ng diborsyo, na tumatapos sa labindalawang taon ng buhay may asawa. Simula noon, nagawa ko nang pumunta sa mga pagtitipon, at gawin ang mga tungkulin ko nang normal, at nakaramdam ako ng katatagan at kapayapaan. Sa tingin ko ang tanging makabuluhang buhay ay pagganap sa mga tungkulin ng isang nilalang.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pasakit Ng Pagsisinungaling

Ni Ni Qiang, Myanmar No’ng Oktubre 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa mga pagtitipon, nakita...

Kumikilos ang Banal na Espiritu sa Maprinsipyong Paraan

Ngayon ko lamang ito napagtanto, bagama't may oras na liliwanagan ng Diyos ang bawat tao, ito ay totoo, may prinsipyo sa likod ng gawain ng Banal na Espiritu sa tao. Ang tao mismo ay dapat na magkaroon ng nagnanasang, naghahanap na puso upang maging positibo at aktibong makasama sa gawain ang Diyos. Pagkatapos lamang magagawa ng Banal na Espiritu na kumilos sa tao at liwanagin at palinawin ang pag-unawa ng tao sa kalooban ng Diyos, upang maunawaan nila ang katotohanan sa Kanyang mga salita.