Paglisan sa Ospital ng mga Baliw

Marso 28, 2022

Ni Xiaocao, Tsina

Noong Enero 2012 ay tinanggap ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Matapos manalig, ang iniinda kong malubhang lumbar muscle strain at naninigas na balikat dahil sa labis na pagtatrabaho sa negosyo ko ay himalang bumuti. Tuwang-tuwa ang asawa at anak ko—dati, sobrang sakit ng mga braso ko na halos hindi ko maiangat ang mga ito, kahit ang pagsusuklay ng buhok o pagbibihis ay naging mahirap, at walang nagagawa ang gamot. Nang makitang bumuti ang lagay ko, talagang suportado nila ang pananampalataya ko. Pero makalipas ang ilang buwan, nakita ng asawa ko ang ilang kasinungalingan na ipinakalat ng Partido Komunista online upang dungisan, atakihin at kondenahin ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at mula noon ay nagsimula siyang tutulan ang pananampalataya ko. Sabi niya, “Ang gobyerno ay kontra sa Diyos mong ito. Kapag naaresto ka dahil dito, maaaring maapektuhan nito ang karera ng ating anak. Dapat mo na itong isuko.” Isang beses, noong kauuwi ko lang mula sa pagbabahagi ng ebanghelyo, sinabi niya nang may bakas ng galit sa kanyang mukha, “Ipinatawag ako ng Brigada ng Pambansang Seguridad at tinanong kung isa kang mananampalataya, at kung oo, kailangan mong ibigay ang iyong mga libro tungkol sa Diyos. Sinabihan din nila akong kilalanin ang mga tao mula sa isang bungkos ng litrato. Tiyak na maaaresto ka kapag ipinagpatuloy mo ang paniniwala.” Sumagot ako, “Ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay, at wala akong anumang ilegal na ginawa. Wala silang karapatan!” Sabi niya, “Napakawalang-muwang mo! Pinag-iinitan nga ng CCP kayong mga mananampalataya. Kung patuloy kang maniniwala, pwede ka nilang arestuhin at bugbugin, at makikita mo kung gaano sila kalupit. Hindi ka na pwede pang maniwala!” Sa pagtutol ng asawa ko sa pananalig ko, tiyak na mas magiging mahirap na tahakin ang landas na ito. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso at hiniling sa Kanyang gabayan ako sa tatahaking landas. Nagpasya rin ako na gaano man ako pigilan ng asawa ko, hindi ko kailanman isusuko ang aking pananampalataya.

Isang araw noong Disyembre 2012, inaresto ako at ikinulong dahil isinumbong ako ng isang masamang tao dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Noong araw na pinakawalan nila ako, binalaan ako ng isang pulis, “Pagkauwi mo, mas mabuting isuko mo na ang pananalig mo. Kung hindi, tiyak na sesentensyahan ka kapag nahuli ka!” Makalipas ang humigit-kumulang kalahating oras, dumating ang asawa ko para sunduin ako na mukha talagang masama ang loob, na hindi maipinta ang mukha. Dumeretso siya sa opisina ng mga pulis. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila roon. Nang makarating kami sa bahay, nakita ko ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at bayaw na nakatayo lahat sa bakuran. Isang panlalawigang lider ang kapatid kong lalaki, at nakita na niya ang lahat ng uri ng kasinungalingan ng Partido Komunista online na kinokondena at nilalapastangan ang Iglesia. Sinubukan niya akong himukin na isuko ang pananalig ko, at sinabing kung hindi ko ito isusuko ay madadamay ang anak ko, at madadamay rin siya at hahantong sa pagkawala ng kanyang posisyon bilang isang opisyal. Alam kong tiyak na naroon sila para subukan akong pilitin na isuko ang aking pananampalataya, kaya mabilisan akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na protektahan ako mula sa mga panggugulong ito. Ngiting-ngiti na sinabi sa akin ng kapatid kong lalaki, “Dapat mong isuko na ang mga bagay-bagay na ito tungkol sa Diyos. Manatili ka sa bahay at magpakabait ka. Ang pag-aalaga nang mabuti sa pamilyang ito ang pinakamabuting magagawa mo. May magandang trabaho ang anak mo, at malalagay iyon sa alanganin kapag ipinagpatuloy mo ito. Habambuhay ka niyang kamumuhian.” Tapos sinigawan ako ng bayaw ko, na kumukumpas-kumpas, “Pananampalataya sa Diyos? Nasaan ang Diyos? Hindi ako naniniwala sa Kanya pero mayroon akong isang ganap na magandang buhay!” Tapos galit na sinabi ng asawa ko, “Hindi madali para sa anak natin na makakuha ng magandang trabaho, na mamukod-tangi. Paano kung mawalan siya ng trabaho dahil sa pananampalataya mo?” Lumapit ang kapatid kong babae at hinimok ako, “Dapat mo nang bitiwan ito. Napakabait sa iyo ng asawa mo at may magandang trabaho ang anak mo. Dapat sapat na iyon. Alagaan mo na lang nang mabuti ang pamilya mo.” Nang marinig ko ang lahat ng ito, naisip ko, “Nagsumikap kami nang husto ng asawa ko para kumita ng sapat na pera para sa edukasyon ng anak namin, at ngayon nakahanap na siya ng magandang kabuhayan, na hindi madaling gawin. Ginagamit ng CCP ang trabaho ng anak ko para takutin akong ipagkanulo ang Diyos, at kung talagang mawalan nga siya ng trabaho dahil dito, hindi ba’t buong buhay niya akong kamumuhian?” Pero kung isusuko ko ang pananampalataya ko, pagkakanulo iyon sa Diyos! Bilang isang mananampalataya ay may natutuhan akong kaunting katotohanan, at alam kong ang pagsamba sa Diyos bilang isang nilikha ay ganap na likas at may katwiran, at ang tamang landas na dapat tahakin. Pinagaling ng Diyos ang mga dinaramdam ko. Dahil tinamasa ko ang napakaraming pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos, hindi ako pwedeng sobrang mawalan ng konsensya. Kaya, tahimik akong nagdasal sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, sinusubukan akong pwersahin ng pamilya ko na isuko ang pananampalataya ko, at ang sama ng loob ko. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas.” Tapos naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Nakita kong ang totoo, ang nasa likod ng pagkakampihan ng pamilya ko laban sa akin ay si Satanas na tinutukso at inaatake ako. Nalinlang na ng mga sabi-sabi at kasinungalingan ng Partido ang pamilya ko at ginagamit nila ang trabaho ng anak ko para takutin ako nang sa gayon ay ipagkanulo ko ang Diyos. Hindi ako maaaring mahulog sa panlilinlang ni Satanas, at kailangan kong tumayong saksi para sa Diyos. Anumang trabaho ang mayroon ang anak ko ay ganap na pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos. Walang sinuman ang makakapagbago noon. Kaya sinabi ko, “Tama at wasto ang pagkakaroon ng pananampalataya, at ito ang tamang landas sa buhay. Wala akong nilalabag na anumang batas. Ang pag-aresto sa akin ng Partido Komunista at pagdamay sa inyo rito ay sariling kasamaan ng Partido. Hindi niyo ako dapat inaapi kasabay nito o hinahadlangan ang pananampalataya ko. Alam ninyong lahat na bago ako naniwala sa Diyos, napakalubha ng mga dinaramdam ko na ni hindi ko maalagaan ang sarili ko. Lubos akong gumaling matapos magkaroon ng pananampalataya, at ito ay dahil lahat sa biyaya ng Diyos. Kung pagtataksilan ko ang Diyos, may konsensya man lang ba ako? Hindi lamang ako nakabawi mula sa mga dinaramdam ko nang magkaroon ako ng pananampalataya, kundi naunawaan ko rin ang napakaraming katotohanan, napuspos ang puso ko at nakaranas ako ng sobrang kagalakan. Lahat ng ito ay kamangha-manghang bagay. Pero hindi ninyo nauunawaan, at pumapanig kayo sa Partido Komunista, kumokontra sa aking pananampalataya. Nalilito lang kayo, at hindi ninyo alam ang tama sa mali! Gaano man kayo katutol, ako ay hindi susuko sa aking landas ng pananampalataya.” Inis na inis na dinuro ako ng asawa ko, sinasabing “Wala ka nang pag-asa!” Tapos nagpalitan sila ng tingin ng kapatid ko at magkasamang pumunta sa likod-bahay. Naguluhan ako. Ano kaya ang patagong pinag-uusapan nila? Hindi nagtagal, bumalik ang kapatid kong lalaki at tiningnan ang kapatid kong babae, tapos may palihim na ngiti na sinabing, “Tara, hanap tayo ng makakain!” Lumapit sa akin ang kapatid kong babae at ang manugang niya at tig-isa sa gilid na hinila nila ako sa kamay palapit sa sasakyan. Pakiramdam ko, may kung anong mali. Inalis ko ang mga kamay nila at sinabi kong ayokong sumama, pero itinulak lang nila ako papasok ng sasakyan. Huminto ang sasakyan makalipas ang mga kalahating oras ng pagmamaneho, at sa gulat ko, nakita kong nasa isang mental hospital kami. Bumaba ng sasakyan ang kapatid ko at ang asawa ko. Gusto kong tumakbo, pero nakulong ako sa loob. Nakita kong naglalakad sila patungo sa opisina ng ospital at nagalit at nasuklam ako. Hindi ako makapaniwalang dinala nila ako sa lugar na tulad nito. Napakawalang-puso nila. Mga mahal sa buhay kuno! Ginunita ko kung paanong, noong tinagpo ako ng asawa ko sa himpilan ng mga pulis, saglit na mag-isa siyang nakipag-usap sa pulis, at kung paanong nagpapalitan ng makakahulugang tingin ang pamilya ko noong sinabi nilang lalabas kami para kumain. Napagtanto kong malamang na isa itong plano na binuo ng mga pulis. Ginagawa nila ito para ipagkanulo ko ang Diyos. Sobrang sama ng loob ko, na nangingilid ang mga luha ko. Nanggagalaiti kong sinabi sa kapatid kong babae, “Dinala niyo ako rito para pahirapan ako, dahil lang naniniwala ako sa Diyos. Kayo ang mga baliw! Ang ginagawa ninyo ay lumalabag sa Langit at katwiran. Kakarmahin din kayo!” Nang sandaling iyon, dalawang attendant ang lumabas ng ospital, dala-dala ang mga pangpigil na ilalagay sa akin. Nakatayo lang doon ang asawa ko at kapatid kong lalaki, nakatingin sa akin at tikom ang bibig. Namimighati ako at puno ng kawalan ng pag-asa. Ni sa hinagap ay hindi ko kailanman naisip na para lang protektahan ang mga sarili nilang interes, para iwasang madamay, ang kapatid kong lalaki at ang asawa ko ay makikinig talaga sa mga kasinungalingan ng Partido Komunista at ilalagay ako sa isang mental hospital kung saan pahihirapan ako. Ni walang pakialam kung mabuhay man ako o mamatay, gayong ganap namang maayos ang kalagayan ko. Hindi sila anumang uri ng mahal sa buhay—sila ay mga demonyo! Nang maisip ko iyon, hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Ni ayaw ko silang tingnan. Napopoot kong sinabi sa mga attendant, “Walang mali sa akin! Nilinlang nila ako sa pagsama rito at ginagamot na parang isang baliw na pasyente dahil lang naniniwala ako sa Diyos. Ni hindi niyo man lang tiningnan ito. Bakit niyo ako pinipigilan?” Pero ganap nila akong hindi pinansin. Ipinasok nila ako bilang isang pasyenteng lubhang nasiraan ng bait at ikinulong ako sa Ward 1.

Lahat ng pasilyo, pinto, at bintana sa Ward 1 ay may bakal na rehas na nakakabit sa ibabaw ng mga ito. Nasa 40 o 50 talampakang parisukat ang kwarto ko at walang kalaman-laman ito. May isang higaan na pang-isahan lang na may maruming kumot na may mga bakas ng ihi. May mapanghi ring amoy. May isang unisex na palikuran sa pasilyo na palaging nakakandado. Kailangan kong maghanap ng attendant sa tuwing gusto kong gumamit ng palikuran, at kapag sila ay abala, hindi nila bubuksan ang pinto. Kailangan ko lang pigilin ito. Palaging puno ng taghoy ng mga baliw na pasyente ang ospital. Minsan, sila ay kakanta o iiyak, o magsisimulang sumigaw, “Palabasin niyo ako! Palabasin niyo ako!” Walang tigil din nilang hahampasin ang mga rehas. Para bang puno ng tumataghoy na multo at umaalulong na lobo ang buong lugar. Nanginginig ako sa takot dahil dito, “Anong klaseng lugar ito para sa mga tao? Sa sandaling pinalaya ako ng mga pulis, dinala ako ng sarili kong pamilya para pahirapan sa ospital ng mga baliw. Lalo lang itong lumala. Paano ako mabubuhay nang ganito? Kung hindi dahil sa pang-uusig ng CCP, hindi ako itatrato nang ganito ng pamilya ko.” Mas sumasama ang loob ko kapag lalo ko itong iniisip, at nagsimula akong umiyak nang may paghihinagpis. Habang umiiyak ako, naalala ko tayong mga kapatid sa mga pagtitipon, umaawit ng mga himno at pinupuri ang Diyos. Gustong-gusto kong basahin ang mga salita ng Diyos at gawin ang aking tungkulin kasama ng mga kapatid, pero hindi ako makaalis, at hindi ko alam kung gaano ako katagal na mananatili rito. Kailan matatapos ang paghihirap ko? Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nakakulong ako kasama ang mga baliw na pasyente. Napakamiserable ko. Diyos ko, hindi ko alam kung paano malalampasan ito. Pakiusap, gabayan Mo ako.” Matapos kong magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Naunawaan ko na sa Tsina, ang mga mananampalataya ay dapat sumailalim sa maraming pang-uusig ng CCP, dahil mortal na kaaway ng Diyos ang Partido, at hindi nito hahayaang magkaroon ng pananampalataya ang mga tao at sundan ang Diyos. Hibang na inaaresto at inuusig ng Partido ang mga mananampalataya, at nagpapakalat ng lahat ng uri ng tsismis at kasinungalingan, at kinokondena ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, para linlangin yaong mga hindi alam ang katotohanan. Idinadamay nito ang mga miyembro ng pamilya ng mga mananampalataya, sinisira ang kanilang mga trabaho at mga inaasam na karera, pumupukaw ng galit sa mga mananampalataya sa kanilang pamilya, at ginagamit ang pamilya nila para pilitin ang mga mananampalataya na ipagkanulo ang Diyos. Napakasama ng Partido! Kahit na nagdulot ng matinding pasakit sa akin ang pagdanas ng ganitong uri ng pang-uusig mula sa Partido, nagbigay-daan ito upang matukoy ko ang masamang diwa ng Partido Komunista, at pagsubok din ito ng Diyos sa pananalig ko. Kailangan kong kong sumandal sa Diyos at tumayong saksi sa Diyos. Nang maisip ito, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na manatili sa tabi ko at protektahan ako mula sa panggugulo ni Satanas at ng masasamang espiritu. Habang lalo akong inaapi ng malaking pulang dragon, lalong lumalaki ang pananalig ko sa Diyos.

Nang sumunod na araw, nagdala ng gamot ang attendant para inumin ko. Nanggagalaiti kong sinabi sa kanya, “Walang mali sa akin. Normal na normal ako, at hindi ko iinumin ito!” Iginiit ko na hindi ko ito iinumin. Sa ikatlong araw, isang taong lubhang nasiraan ng bait ang na-admit, at inilipat ako sa Ward 3 dahil walang reserbang higaan sa Ward 1. Hindi masyadong kontrolado ang ward na iyon—pwede akong lumabas ng kwarto para sa mga aktibidad. Nakita kong ang pantalon ng ilang pasyente ay punit na punit na nakikita na ang kanilang pigi, nanggigitata ang kanilang mga mukha at leeg, at ang kanilang buhok ay para nang pugad ng ibon. Ang iba ay sobrang nanlilimahid na sa dumi ang damit na mukha itong nagmamantika—talagang kasuka-suka ito. May dalawa akong cellmate sa ward na iyon. Ang isa ay malamlam ang mata at walang ekspresyon at minsan ay basta na lang bumubulong sa kanyang sarili. Ang isa pa ay walang-tigil na pabalik-balik na maglalakad sa pasilyo tuwing umaga, na naninigarilyo. Talagang natatakot ako sa kanila. Natatakot ako na baka sa isa sa kanilang mga sumpong ay saktan nila ako o sabunutan kapag hindi ako nakatingin, o sakalin nila ako hanggang mamatay habang natutulog ako, kaya kailanman ay hindi ako nakatulog nang mahimbing sa gabi. Tuwi-tuwina, paulit-ulit akong tahimik na nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanyang protektahan ako. Iyon lang ang tanging paraan para sapat na kumalma ako upang makatulog nang kaunti. Isang attendant ang araw-araw pumupunta at isa-isa kaming binibigyan ng aming gamot. Binabantayan niya kami, kaya kailangan ko itong inumin. Minsan, kapag hindi siya nakatingin ay itinatapon ko ito. Nakita ito ng isa pang pasyente at sinabi sa akin, “Hindi mo pwedeng gawin iyan. Isang beses na akong nahuli ng attendant na itinatapon ang gamot. Dalawang beses niya akong sinampal, tapos ay kumuha ng plastik na tubo at ipinasok iyon sa ilong ko, at pinwersa ang gamot sa pamamagitan noon. Napakasakit nun.” Hindi ko alam kung isinumbong ako ng babaeng iyon sa attendant tungkol sa pagtatapon ko ng gamot ko, pero mas binantayan ng mga kawani ng ospital ang pag-inom ng gamot ng mga pasyente pagkatapos nun. Tumatayo ang mga attendant araw-araw sa isang parisukat na mesa na dalawang pulgada ang taas para bantayan kami, ipinabubuka ang aming bibig at gumagamit ng flashlight para suriin kung nilunok namin ang gamot. Wala akong magawa kundi ang inumin ang mga gamot.

Makalipas ang ilang araw, dumating ang direktor ng ospital para siyasatin ang mga kwarto, at walang anu-anong tinanong ako, “Ang malaking sakuna ba ay mangyayari sa ika-21?” Naisip kong talagang hindi pangkaraniwan ito, at sinabing, “Tanging ang Diyos lang ang makapagsasabi kung kailan darating ang sakuna.” Ang sagot niya ay, “Mukhang talagang hindi maayos ang kalagayan mo. Kailangan nating taasan ang iyong dosage.” Pagkatapos nun, kailangan ko nang uminom ng dalawang gamot sa halip na isa. Galit na galit ako. Hindi naman talaga alam ng direktor kung may mali sa akin, basta lang niya dinoble ang dosage ko. Wala siyang malasakit sa buhay ng tao. Ang ospital ay isang lugar dapat para gamutin ang mga karamdaman, pero naging lugar ito kung saan maaaring usigin ng Partido Komunista ang mga Kristiyano. Sadya nila akong pinipinsala dahil lang sa pananampalataya ko. Lubos kong kinamumuhian ang Partido.

Sampung araw pagkatapos kong inumin ang gamot, nag-umpisa akong talagang manghina, at kahit paglalakad ay mahirap. Naisip ko kung paanong ilang araw ko pa lang iniinom ang gamot at ganito na ang lagay ko. Nag-alala ako na kung ipagpapatuloy kong inumin ito, magkakasakit ako kahit na wala naman talaga akong sakit. At sa pakikisalamuha sa mga baliw na pasyenteng iyon araw-araw, miserable at nalulumbay, pakiramdam ko ay malapit na akong masiraan ng bait mula sa pagpapahirap. Palagi akong nagdarasal sa Diyos habang nasa kapaligirang iyon, hinihiling na gabayan Niya ako at bigyan ako ng pananalig. Naalala ko, isang beses matapos kong magdasal, naisip ko ang Panginoong Jesus na pinalabas si Lazaro mula sa kanyang libingan. Apat na araw na siyang patay, at ang kanyang katawan ay masangsang na ang amoy, pero binuhay siyang muli ng Diyos gamit ang ilang salita. Makapangyarihan ang Diyos. Pinangangasiwaan Niya ang kapalaran ng sangkatauhan. Hindi ba’t ang buhay ko ay nasa mga kamay rin ng Diyos? Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Kung mabaliw man ako dahil sa mga gamot na iyon o kung kailan ako makakalabas ay nasa mga kamay lahat ng Diyos. Kailangan kong malagpasan ito gamit ang pananampalataya ko at sa pamamagitan ng pagsandal sa Diyos. Ang isiping ito ay binigyan ako ng pananalig at hindi na ako masyadong natakot.

Isang gabi makalipas ang dalawang linggo, naisip kong tawagan ang pamilya ko para tingnan kung makakalabas ako nang mas maaga. Kinabukasan ng umaga, nagmaneho papunta sa ospital ang asawa ko. Sinabi ko sa kanya na hindi ito isang lugar na akma para sa mga tao, na ang pananatili roon nang matagal ay makakasira ng bait ng isang matinong tao, at dapat niya akong ilabas doon. Tinawagan niya ang kapatid ko para pag-usapan ito, at naririnig ko ang sinasabi ng kapatid ko sa telepono, “Dapat niyang isuko ang pananalig niya! Papirmahin mo muna siya ng isang garantiya na isusuko na niya ang kanyang pananampalataya, at pagkatapos makakalabas na siya. Mamatay na lang siya riyan kung pananatilihin niya ang kanyang pananampalataya.” Hindi ko kailanman naisip na magsasabi ng ganoon ang kapatid ko. Talagang nakakakilabot. Anong klaseng kapamilya ito? Isa lamang itong diyablo! Nang makitang walang intensyon ang asawa ko na ilabas ako roon, naisip ko, “Kung iiwan niya lang ako rito at pababayaan ako, hindi kailanman makakalaya, paano ko isasagawa ang pananampalataya ko?” Kaya nagkunwari akong sumasang-ayon. Pagkatapos niya akong iuwi sa bahay, palagi niya akong sinusundan kahit saan araw-araw. Hindi niya ako pinapayagang dumalo sa mga pagtitipon o magbasa ng mga salita ng Diyos. Minsan, habang nagpapahinga ako sa hapon, pupuntahan niya pa ako para tingnan kung nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Ang nagagawa ko lang ay lihim na magbasa ng mga salita ng Diyos gamit ang MP5 player ko kapag hindi niya napapansin. Tapos isang umaga, nahuli niya ako noong china-charge ko ito. Kinuha niya ito at galit na galit na sinigawan ako, “Paano mo nagagawang maniwala pa rin? Kapag nahuli ka at nakulong, at nawalan ng trabaho ang anak natin dahil sa iyo, paano mo siya mahaharap? Bawal ka nang sumunod sa Diyos!” Habang sinasabi niya ito, malakas niya akong itinulak at may kalabog na tumama ang ulo ko sa gilid ng kama. Naisip ko: Naniniwala lang ako sa Diyos. Wala akong ginagawang mali, pero ganito niya ako tinatrato. Hindi lang niya ako ipinasok sa institusyon, kundi pinagbubuhatan na rin niya ako ng kamay ngayon, at hindi ako pinapayagang basahin ang mga salita ng Diyos. Pasama nang pasama ang pakiramdam ko kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos! Masyado akong pinupuwersa ng asawa ko, at mahina ako. Hindi ko alam kung paano mananatili sa landas na ito. Pakiusap, gabayan Mo ako!” Matapos kong magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at ang kanilang hinaharap ay malabo. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. … Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Sa pamamagitan ng pagninilay sa mga salita ng Diyos, naging malinaw sa akin na kahit na nagdudulot ng pagdurusa sa akin ang pamumuwersa at pagtitiis na hinaharap ko, kung wala ang pagbubunyag ng mga sitwasyong ito ay hindi ko makikita ang tunay kong tayog, ni hindi ako magkakaroon ng tunay na pananalig. May halaga ang pagdanas sa mga paghihirap na ito. Ngunit hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos, at dahil hindi ko matiis ang pagdurusa ay naging negatibo at mahina ako. Nakita ko kung gaano ako kaduwag. Ang paghahayag ng mga katunayan ay hinayaan din akong makita ang ilang bagay nang malinaw. Ang pilitin akong talikuran ang pananalig ko sa Diyos, walang pakialam ang asawa ko kung mabuhay man ako o mamatay, personal akong dinala sa institusyon ng mga baliw, at ngayon sinasaktan pa ako—talagang nakita ko na isa siyang nasusuklam sa Diyos, at laban sa Diyos na demonyo. Naalala ko ang sinabi ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Kami ng asawa ko ay dalawang magkaibang uri ng tao sa dalawang magkaibang landas. Patuloy kong susundan ang Diyos gaano man ako pagmalupitan ng asawa ko. Hindi na niya ako mapipigilan. Kaya sinabi ko sa kanya, “Magdiborsyo na tayo. Ikaw ay nasa makamundong landas, naghahabol ng pera, at ako ay nasa landas ng pananampalataya. Nasa magkaibang landas tayo at wala tayong anumang pagkakapareho. Natatakot ka para sa ating anak, kaya dapat tayong magdiborsyo. Tapos hindi na makakaapekto sa inyong dalawa ang pananampalataya ko. Hindi ko kailangan ang anuman sa mga ari-arian natin. Isang silid lang ang kailangan ko, isang tirahan. Basta’t masusundan ko ang Diyos, magiging ayos ako.” Sabi niya, “Alam kong isa kang mabuting babae. Ayoko ng diborsyo.” Sabi ko sa kanya, “Kung ayaw mo ng diborsyo, ibigay mo sa akin ang kalayaan ko. Isa akong mananampalataya, at hindi mo ako maaaring hadlangan.” Sabi niya, “Pwede mong makuha ang iyong kalayaan, pero kailangan mo munang pumirma ng isang kasunduan sa akin na titigil ka sa paniniwala sa Makapangyarihang Diyos!” Sinabi kong, “Kailangan kong panatilihin ang pananampalataya ko—hindi ko pwedeng pirmahan ang kasunduang iyan.” Wala siyang nasabi. Pagkatapos nun, nang makitang hindi niya ako mapipigilan sa paniniwala, hindi na niya ako masyadong pinigilan sa pagsasagawa ng pananampalataya ko. Nagawa kong mamuhay ng isang buhay ng iglesia at normal na gawin ang tungkulin ko.

Lumipas ang ilang panahon. Tapos, isang gabi, pinuntahan ko ang isang sister na nakatira sa malapit para pag-usapan ang pagdidilig ng mga bagong miyembro. Dumating ang anak ko pagkaupong-pagkaupo namin at galit na galit na sinabi sa sister, “Ikaw ang nagpasampalataya sa mama ko!” Tapos ay tinangka niyang suntukin ito. Nagmamadali ko siyang niyakap para pigilan siya. Sasabog sa galit na kinaladkad niya ako pabalik ng bahay at nanggagalaiting sinabing, “Kailangan mo nang isuko ito. Tingnan mo kung anong sinasabi nila tungkol sa Iglesia mo online!” Tapos ay inulit niya ang ilan sa mapanirang kasinungalingan ng Partido Komunista na sinisiraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pagkatapos nun, sumigaw siya, “Papa, tawagan mo ang mental hospital at ibalik natin siya roon!” Pakiramdam ko ay parang sasabog ang ulo ko nang marinig kong sabihin niya iyon. Hindi ko kailanman naisip na ipapadala ng anak ko ang sarili niyang ina sa mental hospital, alang-alang lang sa kanyang trabaho. Ang lupit nito! Naririnig kong tinatawagan ng asawa ko ang institusyon, at sa telepono ay narinig kong sinabi nilang puno na sila. Ibinaba ng asawa ko ang telepono at sinabing, “Tawagan natin ang mga pulis at hayaan na sila na lang ang kumuha sa kanya.” Sumagot ang anak ko, “Hindi siya pwedeng makulong doon. Kung ikulong na lang kaya natin siya doon sa madilim na silid kung saan dati nating pinaparami ang mga kuneho?” Tapos pilit nila akong dinala sa silid na iyon, ikinandado ang bakal na tarangkahan at umalis. Ang makitang nalinlang ng Partido ang anak at asawa ko na maging napakalupit sa akin ay talagang nakapanginginig, at lalo kong kinasusuklaman ang Partido Komunista mula sa kaibuturan ng aking puso. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo…. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Inaaresto at inuusig ng Partido ang mga Kristiyano, pinapakalat ang lahat ng uri ng tsismis at paninira tungkol sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at idinadamay ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Kaya ang pamilya ko ay nailigaw ng Partido at nakiayon sa pamimigil nito sa pananalig ko, personal pa akong dinala sa isang mental hospital kung saan pinahirapan ako, at ngayon ikinukulong naman nila ako. Nauwi sa ganito ang isang lubos na masayang pamilya. Ang Partido ang tunay na pasimuno at kinamumuhian ko ang diyablong ito mula sa kaibuturan ng aking puso. Hindi nagtagal, kumuha ng upuan ang anak ko, pumunta at naupo sa labas ng bakal na tarangkahan at sinabing, “Ma, dapat mo nang itigil ang paniniwala sa Diyos. Nagsikap ka nang husto noong nagnenegosyo ka at hindi madali ang pagpopondo sa edukasyon ko. Ngayon, nagtatrabaho na ako at may kaunti akong pera. Kung magbayad kaya ako para magbiyahe ka?” Noong sinabi niya ito, napagtanto ko na isa itong panlalansi mula kay Satanas, kaya sinabi ko sa kanya, “Bago ako maging isang mananampalataya, gusto ko lang kumita ng pera. Isa itong mahirap at nakakapagod na paraan para mabuhay. Ngayong nahanap ko na ang Diyos at naunawaan ang ilang katotohanan, mas malaya at masaya ang buhay ko. Hindi niyo ba ako pwedeng hayaan na dalawa? Pananatilihin ko ang pananampalataya ko kahit tanggihan mo ako bilang iyong ina at idiborsyo ako ng iyong ama. Hindi ako susuko sa landas na ito.” Hindi siya sumagot, sa halip ay umalis na lang. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagpapalakas ng pananampalataya ko, at talagang matatag at payapa ang pakiramdam ko. Sinimulan kong awitin ang himnong ito. “Makapangyarihang Diyos na tunay, Iyo ang puso ko. Makokontrol lang ng pagkakakulong ang aking katawan. Hindi nito mapipigil ang mga yapak ko sa pagsunod sa Iyo. Masakit na pagdurusa, isang baku-bakong daan, sa gabay ng Iyong mga salita, walang takot sa aking puso, kasama ang Iyong pagmamahal, busog ang aking puso” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Isang Pasyang Walang Pagsisisi). Sa pagkanta sa himnong ito, nararamdaman kong nasa tabi ko ang Diyos. Kahit na nakaupo ako sa maliit at madilim na silid na iyon kung saan wala akong nakikitang kahit na ano sa paligid ko, hindi miserable ang pakiramdam ko. Kinabukasan ng umaga, hindi inaasahang binuksan ng anak ko ang tarangkahan at pinalabas ako, at sinabing, “Mama, hindi ka na namin pakikialaman. Pwede mo nang gawin kung anong gusto mo.” Noong sinabi niya iyon, alam kong napahiya at natalo na si Satanas, at nagpasalamat ako sa Diyos.

Ang pagdaan sa pang-aaresto ng Partido Komunista at pagmamalupit ng pamilya ko ay tinulungan akong ganap na makita ang mala-demonyo at laban sa Diyos na diwa ng Partido. Inaaresto at inuusig nito ang mga mananampalataya at nagpapakalat ng lahat ng uri ng sabi-sabi at kasinungalingan para linlangin ang mga tao, na humahantong sa pagdanas ng mga mananampalataya ng pamumuwersa at paghadlang ng kanilang pamilya. Ito ang utak sa pagsira sa pamilya ng mga Kristiyano. Para sa sarili nilang mga interes, nakiayon sa Partido ang asawa at anak ko, pinipigil ang pananampalataya ko, at personal pa akong ipinadala sa institusyon nang walang pakialam kung mabuhay man ako o mamatay. Ganap kong nakita na ang kanilang diwa ay diwa ng paglaban sa Diyos, at hindi ko na hahayaang pigilan nila ulit ako. Ipinakita sa akin ng karanasang ito na tanging Diyos lang ang nagmamahal sa atin, at tanging Diyos lang ang makapagliligtas sa atin. Noong sobrang miserable ako at walang magawa, ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para liwanagan ako, para paginhawahin ako at palakasin ang loob ko, at gabayan ako sa mahihirap na araw na iyon. Ngayon, personal ko nang naranasan na ang pagmamahal lang ng Diyos ang totoo. Handa akong sundan ang Diyos at gawin nang maayos ang aking tungkulin, at hindi ko ito pagsisisihan kailanman.

Sumunod: Nakagapos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagliligtas ng Diyos

Ni Yichen, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay...