Mga Pagninilay-Nilay sa Pagnanais ng Katayuan

Marso 28, 2023

Ni Jianchi, Timog Korea

Noong 2019 ito, nang mapili ako bilang lider ng iglesia. No’ng panahong ‘yon, pangunahing pinangangasiwaan ko ang paggawa ng video. Sa pagkatuto mula sa ilang lider ng grupo, unti-unti akong nabihasa sa mga prinsipyo ng produksyon at nakabuo ng sarili kong perspektibo. Sa mga talakayan, sinasang-ayunan ng lahat ang ilang puntong binabanggit ko. Habang paganda nang paganda ang mga video na ginagawa namin, dumarating ang mga kapatid sa ibang mga iglesia para matuto mula sa amin. Pakiramdam ko’y malaki ang natamo ko, iniisip na: “Maliban sa napapangasiwaan ko ang gawain ng iglesia, natutukoy ko rin ang mga problema sa paggawa ng video. Kapag may mga kalituhan ang mga tao sa iglesia, madalas silang humihingi sa’kin ng payo. Sa kabuuan, tingin ko’y kwalipikado akong lider.”

Kalaunan, hindi nakayanan ng brother na nakapareha ko ang gawain at inilipat siya, at si Sister Lisa ang naging bagong kapareha ko. Nagsimula akong magkalkula: May higit na kabatiran ang pagbabahagi ni Lisa kaysa sa akin, pero mas matagal na akong nangangasiwa sa paggawa ng video at mas may karanasan. Hindi niya kayang pantayan ang mga kasanayan ko at medyo kaswal siya sa mga salita at kilos niya. Sa kabuuan, may lamang pa rin ako, at ako ang kadalasang gagabay sa gawain namin. Pero habang unti-unting nakasanayan ni Lisa ang gawain ng iglesia, naging mas mabisa siya sa kanyang pagbabahagi at sa paglutas ng mga isyu. Lumalapit na sa kanya ang mga kapatid para sa lahat ng katanungan nila, at hindi na ako ang tanging namumukod-tangi sa iglesia. Nang makita kong masipag at responsable si Lisa sa gawain niya at nagbibigay ng mas praktikal na pagbabahagi sa mga salita ng Diyos kaysa sa’kin, ‘di namamalayang nakaramdam ako ng pangamba. At lalo na nang mapansin kong madalas na sinasang-ayunan ng mga lider ng grupo ang mga ideya niya, lalo pa akong nainggit. Kung magpapatuloy ‘yon nang ganoon, sa malao’t madali ay masasapawan niya ako, at mas lalo akong magiging walang kuwenta. Hindi ‘yon maaari, naisip ko. Kailangan kong gumawa ng paraan para malampasan siya.

Pagkatapos nun, nang talakayin namin ang gawain kasama ang mga lider ng grupo, sinisiguro kong ako ang unang magbabahagi ng mga ideya. Isang beses, nang tinatalakay namin ang isang isyu sa isang video, nagbigay ako ng payo, pero sa tingin ng iba’y hindi ito isang isyu ng prinsipyo kaya iwinaksi nila ang ideya ko at binago ang paksa. Medyo napahiya ako. Meron akong magandang ideya, kaya bakit ‘di ko maipaintindi ang punto ko? Nasamid ako sa pinakamahalagang sandali. Ipinakita kong ‘di ako kapantay ni Lisa sa diskarte kong ‘to. Habang nagbabahagi si Lisa, pakiramdam ko’y sobrang napahiya ako nang husto, at lalo akong nainggit. Isang beses, pagkatapos ng talakayan, personal na lumapit sa’kin ang isang lider ng grupo at sinabing: “Mukhang medyo taranta ka nitong mga nakaraang araw. Nagmamadali kang maunang magsalita bago mo pa maunawaan kung ano ang tinatalakay, at nagagambala nito ang pag-iisip namin. Tapos, kailangan naming ipaliwanag ulit sa’yo ang lahat, at naaantala nun ang pag-usad ng gawain natin. Kailangan mong pagnilayan ‘to.” Talagang nasiraan ako ng loob. Noon, karamihan sa mga ideya ko ay nasasang-ayunan sa mga talakayan kasama ang mga lider ng grupo. Pero mula nang dumating si Lisa, unti-unting lumiit ang katayuan ko sa iba, wala nang may pakialam sa sasabihin ko at nagagambala ko pa nga ang gawain ng iglesia. May mukha pa ba akong maipapakita? Bukod sa ‘di ako nagnilay-nilay, isinisi ko ang lahat kay Lisa. Sa loob ng ilang araw, nagmukmok ako tungkol dito at lalo akong nanlumo, at unti-unting nabawasan ang pagkaepektibo ko sa gawain ko. Isang beses, dumating ang isang nakatataas na lider para sabihin sa’kin na parte ng gawaing pinangangasiwaan ko noon ay ililipat kay Lisa. Hindi ako natuwa rito, pero wala akong sinabi. Naisip ko: “Pagkatapos ng paglipat na ‘to, malinaw na pangangasiwaan ni Lisa ang karamihan sa gawain ng iglesia at magiging assistant ako. Iisipin ba ng iba na inilipat ang gawain dahil hindi ko ito kaya? Dati akong namumuno at naging bahagi sa lahat ng gawain ng iglesia, pero ngayon nasapawan na ako ni Lisa sa lahat. Hangga’t nandito siya, patuloy akong maisasantabi.” Habang mas iniisip ko ‘to, mas lalong sumasama ang loob ko at lumabas ako ng opisina na mabigat ang pakiramdam. Pagkabalik ko sa dorm, humiga ako sa kama, hindi ko matanggap ang bagong realidad na ‘to. Hindi mas mahusay kaysa sa’kin ang kakayahan at abilidad ni Lisa sa gawain. Matagal ko na ring pinangangasiwaan ang gawain ng video at may karanasan ako, kaya bakit natatalo niya ako? Hindi ako pwedeng madaig nang gano’n. Kailangan kong bawiin ang reputasyon at katayuan ko kahit ano’ng mangyari! Simula noon, hinihintay kong magkamali si Lisa para mapagsikapan kong makabalik sa dati. Isang beses, hindi ako kinontak ni Lisa nang makipagtalakayan siya sa mga lider ng grupo, at sinimulan ang gawain nang hindi ko nalalaman. Sinamantala ko ang pagkakataon para magsimula ng di-tuwirang pagbatikos sa kanyang mga di-makatwirang kilos, inilabas ang lahat ng kinikimkim kong sama ng loob. Sinabi ko na isa lang akong tau-tauhan at wala nang karapatan sa gawain ng mga lider ng grupo. Habang nagsasalita ako, namumula ang mukha ni Lisa. Sa kabila ng paggamit ng pagkakataon para mailabas ang mga sama ng loob ko, sa loob-loob ko ay nalulungkot at nanlulumo pa rin ako. Naglunsad ng proyekto ang lider namin pagkatapos, pero sa ilang kadahilanan, umusad lang ito nang kaunti. Sa totoo lang, marami akong oras para tumulong sa proyekto, pero naisip ko: “Si Lisa ang pangunahing superbisor sa proyektong ‘to, kaya’t kahit na magawa ito nang maayos, hindi ako mapupuri para dito. Mabuti pang hayaan ko na lang si Lisa rito. Mas mabuti pa nga kung mabibigo siya—nang sa gano’n ay mawawalan ng respeto ang mga tao sa kanya.” No’ng panahong ‘yon, palagi akong nakikipagkumpitensya para sa reputasyon at pansariling pakinabang. Hindi ako nagdala ng pasanin sa gawain ng iglesia at iniraraos lang ang tungkulin. Hindi ko rin malutas ang mga isyu sa gawain, at parami nang paraming problema ang lumitaw sa gawain ko. Nang maharap dito, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko at lalo lang akong nainis. Madalas kong pagtuunan ng pansin ang mga pagkakamali ng iba at pinagagalitan sila, na nakakagambala sa gawain. Nang malaman ‘to ng nakatataas na lider, nagbahagi siya sa’kin at inilantad niya ang isyu ko. Pero sa loob-loob ko, nagprotesta ako: “Hindi lang ako ang responsable kung bakit nabigong makakuha ng mga resulta ang gawain. Bakit ako ang pinupuntirya?” Wala akong kamalayan sa sarili ko noon, at isinisi ko kay Lisa ang lahat. Sinisi ko rin ang mga lider ng grupo sa hindi pagkilos ayon sa prinsipyo. Matapos akong mabigong tanggapin ang paulit-ulit na pagbabahagi ng lider at ‘di gumawa ng praktikal na gawain, tinanggal niya ako. Matapos matanggal, nakaramdam ako ng kahungkagan, hinagpis at panlulumo. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para matuto mula sa sitwasyong ‘to.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kamalayan sa sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “At ano ang tatak na kasabihan ng mga anticristo sa anumang grupo? Ito iyon: ‘Kailangan kong makipagkumpitensya! Makipagkumpitensya! Makipagkumpitensya!’ Sa katunayan, hindi naman talaga gusto ng gayong mga tao na matamo ang pinakamataas na katayuan o magkaroon ng malaking antas ng kontrol sa mga tao, kaya lamang sa kanilang kalooban, mayroon silang partikular na disposisyon, isang partikular na pag-iisip, na nagtuturo sa kanila na gawin iyon. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay ‘Kailangan kong makipagkumpitensya! Makipagkumpitensya! Makipagkumpitensya!’ Bakit tatlong ‘makipagkumpitensya,’ bakit hindi iisang ‘makipagkumpitensya’? (Kumpetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan. Iniisip nilang sila ang pinakamagaling sa lahat at napakalabis ng pagtingin nila sa kanilang sarili. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkumpitensya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkukumpitensyahan nila? Karaniwan, nakikipagkumpitensya sila para sa katanyagan, katayuan, paggalang, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa kanila, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang mithiin. Ang kagustuhan nilang makipagkumpitensya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkumpitensya sila para sa katanyagan at katayuan. Ngunit kung magtamo sila ng katayuan, ano ang silbi nito sa kanila? Anong buti ang idudulot sa kanila kung pakinggan, hangaan, at sambahin sila ng iba? Ni hindi nga ito maipaliwanag ng mga anticristo mismo. Ang totoo, gusto nilang magtamasa ng katanyagan at katayuan, na ngitian sila ng lahat ng tao, at batiin sila nang may pambobola at papuri. Kaya, tuwing pumupunta sa iglesia ang isang anticristo, isa lang ang ginagawa nila: nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya sa iba. Kahit magkaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, hindi pa sila tapos. Para maprotektahan ang kanilang katayuan at masiguro ang kanilang kapangyarihan, patuloy silang nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya sa iba. Gagawin nila ito hanggang sa mamatay sila. Kaya, ang pilosopiya ng mga anticristo ay, ‘Hangga’t buhay ka, huwag kang tumigil sa pakikipaglaban.’ Kung may isang masamang taong katulad nito sa loob ng iglesia, makakaistorbo ba ito sa mga kapatid? Halimbawa, kung tahimik na kumakain at umiinom ang lahat ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, ang kapaligiran ay magiging payapa at masaya ang kalooban. Sa panahong ito, magwawala sa galit ang isang anticristo. Maiinggit siya sa mga nagbabahaginan tungkol sa katotohanan at mamumuhi sa kanila. Sisimulan niyang tuligsain at husgahan ang mga ito. Hindi ba nito maiistorbo ang payapang kapaligiran? Masamang tao siya na dumating para gambalain at inisin ang iba. Ganyan ang mga anticristo. Kung minsan, walang balak ang mga anticristo na sirain o talunin ang mga kinukumpitensya at sinusupil nila; basta’t nagtatamo sila ng katanyagan, katayuan, pagpapahalaga sa sarili, at paggalang, at napapahanga nila ang mga tao, nakamit na nila ang kanilang mithiin(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang makakaramdam ng inggit at pagkamuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong hindi matatamo, at dahil hindi ka makapagtamo, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi sa sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang ititiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang pakikipagkumpitensya ko para sa reputasyon at pakinabang ay tulad mismo ng anticristong disposisyon na inilantad ng Diyos. Mula nang makita kong mas maganda ang mga resulta ni Lisa kaysa sa’kin at nakuha niya ang respeto ng mga kapatid, tahimik kong ninais na patunayan na hindi siya mas magaling kaysa sa’kin, na hindi niya ‘ko mahihigitan. Ang tanging naiisip ko ay kung paano siya malamangan. Kapag tinatalakay ang gawain, sumasabad ako para ipahayag ang mga pananaw ko, gusto ko lang mamukod-tangi at madaig si Lisa, nang hindi iniisip kung maaapektuhan ba nito ang gawain namin. At nang ilipat ng nakatataas na lider ang ilang gawain ko kay Lisa, lalo pa akong nainggit, iniisip na nasapawan na niya ako. Pagkatapos, lumabas ang mga mapanira kong layunin—naghanap ako ng mga pagkakataon para masunggaban ang mga paglihis at pagkalingat ni Lisa at mailabas ang mga sama ko ng loob para makamit ang mga layon ko, gaano man kalaking pinsala ang maidulot ko sa kanya. Nang ‘di umuusad ang isang partikular na proyekto, kahit malinaw kong nakikita kung nasa’n ang mga problema at may oras ako para tumulong, wala akong ganang makialam sa kanila, dahil alam kong si Lisa ang nangangasiwa. Ninais ko pa nga na mabigo siya at mapahiya. Nakita ko na labis kong ninanais ang reputasyon at katayuan, nagiging malupit, at hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Nakikipagkumpitensya ako para sa reputasyon at pakinabang, palaging sinusubukang lampasan ang iba, at ‘di iniisip ang tungkulin ko. Halos huminto ang gawaing pinangangasiwaan ko at nasadlak ako sa kadiliman. Naipit ako sa isang masamang siklo dahil sa “pakikipagkumpitensya” na ito. Gaya ng sinasabi ng Diyos, “Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang ititiwalag.” Isinadlak ko sa kaguluhan ang gawain ng iglesia at ‘di man lang ako nagnilay sa sarili. Kung nagpatuloy ako nang gano’n, anong nakakagambalang pag-uugali kaya ang maaari kong magawa. Ang pinakamalala, baka mapalayas pa ako. Buti na lang, natanggal ako bago ako nakagawa ng masama. Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong makapagnilay-nilay at makilala ang sarili ko, at harapin ang pagnanais ko sa reputasyon at katayuan. Natanto ko na pagliligtas ito ng Diyos sa’kin at paraan Niya ng pagprotekta sa’kin. Nagpasalamat ako sa Diyos at bumuti nang husto ang kalagayan ko. Nagpasya ako sa sarili ko na gawin ang tungkulin ko nang praktikal at itigil ang pakikipagkumpitensya para sa reputasyon at mga pakinabang.

Pagkatapos nun, mas naging mababang-loob ako sa tungkulin ko. Kahit nang italaga sa’kin ang pangkalahatang gawain at kinailangan kong gumawa ng ilang ordinaryo at simpleng trabaho, handa akong magpasakop, batid kong dahil binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong ito para magsisi, dapat kong gawin ang tungkulin ko nang praktikal. ‘Di nagtagal, isang bagong proyekto ng video ang inilunsad at sa gulat ko, pinili ako ng lahat para gawin ito. Pinahalagahan ko ang pagkakataon at masigasig akong nagsaliksik at naghanap ng mga nauugnay na prinsipyo. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimulang umayos ang video, at, nang makita ko ang kinalabasan nito, medyo nasiyahan ako sa sarili ko. Muling sumiklab ang pagnanais ko sa karangalan at katayuan. Naisip ko: “Maaaring natanggal ako bilang lider, pero palaging darating ang araw para sa isang taong may talento. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ‘to para ibuhos ang mga kalakasan ko at patunayan ang aking talento.” Nangatwiran ako: “Maaaring mas mahusay si Lisa kaysa sa’kin sa pagbabahagi sa katotohanan at paglutas ng mga isyu, pero mas lamang ako pagdating sa propesyonal na mga kasanayan. Hangga’t naglalaan ako ng oras at ginagawa nang maayos ang video na ito, makikita ng lahat ang paghusay ko at baka mapili ako ulit bilang lider at malampasan ko si Lisa.”

Isang araw, nabalitaan kong mabagal na umuusad ang gawain, at tinabasan ng lider ang mga tao dahil sa mga video na lumalabag sa prinsipyo. Nasiyahan ako nang kaunti sa kasawian nila. “Tingnan mo, hindi bumuti ang paggawa ng video simula nang matanggal ako. Mas masahol pa kaysa dati. Noon, nakakatuklas ako ng mga problema at nakakapagbigay ng mga ideya, kaya mas mabuti kung hindi sila umusad. Makikita nila na hindi lang ako ang hindi gumagawa nang maayos sa trabaho ko, kundi pati na si Lisa.” Kalaunan, nabalitaan kong nasa masamang kalagayan si Lisa kamakailan—walang liwanag ang pagbabahagi niya sa mga pagtitipon, at nababalot ang iba ng mga isyu at nagiging negatibo. Naisip ko: “Kung magpapatuloy ito, baka magkaroon ng seryosong isyu sa gawain ng video at matanggal si Lisa. Kung magkagayon, baka mapili ako bilang lider at maipagpatuloy ko ang pangangasiwa sa gawaing ito.” Kaya’t patuloy kong inaasikaso ang video, habang sinusubaybayan din ang sitwasyon ni Lisa. Nang mabalitaan kong natuto na si Lisa mula sa pagkakawasto at pagkakatabas, bumuti na ang kalagayan niya, naunawaan na ng mga kapatid ang ilang prinsipyo sa pamamagitan ng kabiguan at mga problema at nakakakuha na sila ng mas magagandang resulta, medyo nadismaya ako at nanlumo. Lalo na no’ng sa isang pagtitipon, ibinahagi ni Lisa ang kanyang nakamit at naranasan sa lahat ng ito, at sinang-ayunan siya ng lahat, mas lalo akong nadismaya. Nag-uumapaw ang inggit at poot sa isipan ko. Pakiramdam ko’y wala nang pag-asa sa pagbabalik ko. Pagkatapos nun, wala na akong motibasyon at lumilipad ang isip ko habang ginagawa ang video. Makalipas ang ilang araw, natapos na ang video. Pero sa gulat ko, napansin ng lider ko ang isang malaking problema nang suriin niya ‘to, nagtalaga siya ng ibang mag-e-edit nito at hindi na ako binigyan pa ng mga tungkulin. Talagang nabigla ako. Kung walang paggawa ng video, wala na ang isang bagay na maaari akong makapagpakitang-gilas. Habang abala ang lahat ng ibang kapatid sa kanilang mga tungkulin, wala akong ginagawa, at halatang-halata ito. Talagang masama ang loob ko—nalulumbay ako, nanlulumo at nahihirapan, at nababalot ng pagdurusa. Luhaan akong nagdasal sa Diyos: “Mahal na Diyos, alam kong sa pamamagitan ng katuwiran Mo kaya ako nahaharap sa sitwasyong ‘to. Matapos matanggal, hindi ako totoong nagnilay-nilay sa sarili at kinilala ang sarili ko, sa halip ay naghanap lang ako ng mga paraan para makabalik sa dati at mamukod-tangi. Naging mapaminsala at mayabang ako at nagsanhi ng pagkasuklam Mo. Ngayon ay ‘di ko magampanan ang anumang tungkulin at naging pabigat lang sa iglesia. O Diyos, ayoko na pong makipagkumpitensya para sa reputasyon at pakinabang. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo po ako at tulutang magkaroon ng tunay na kamalayan sa sarili ko para kamuhian at talikdan ko ang sarili ko at huwag nang bumalik pa sa mga dati kong gawi.”

Pagkatapos nun, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mga manloloko, nakikipagsabwatan, at tampalasan, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, lahat ng gawin nila ay mababang uri, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang naloloko, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Hindi lamang sila walang takot sa Diyos, wala rin sila ni katiting na pagsunod. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao. Kahit kapag ginaganap ang mga pagtitipon online, kung nakikita nila na maganda ang signal, tahimik silang napapamura at sinasabi sa kanilang sarili: “Sana humina ang signal! Sana humina ang signal! Mas maigi kung walang makarinig sa mga sermon!” Ano ang mga taong ito? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila! Talagang hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung gaano kasama ang kalikasan ng isang anticristo. Sa sandaling mawala ang kanilang katayuan at pagsuporta ng iba, bukod sa iniraraos lang nila ang kanilang mga tungkulin, napupuno rin sila ng poot, nagiging mainggitin at mapaghiganti, nananabik na lumitaw ang mga problema sa gawain ng iglesia para walang awa nilang mapagtawanan ang sambahayan ng Diyos at ang iba. Nakita ko na katulad mismo ng inihayag ng Diyos ang sarili kong pag-uugali. Matapos matanggal at mawalan ng katayuan, naging mainggitin at mapaghiganti ako. Nang mabalitaan kong lumitaw ang mga isyu sa gawaing pinangangasiwaan ni Lisa at na iwinasto siya, lihim akong natuwa, at nanabik akong lumitaw ang isang seryosong problema na magpapatanggal kay Lisa para mapalitan ko siya. Nang marinig kong bumuti na ang kalagayan ni Lisa, na may natutunan ang iba, at nakabawi ang gawain ng iglesia, nanlumo ako. Kumikilos ako katulad mismo ng isang anticristo. Tanging ang mga anticristo at ang diyablo na si Satanas ang napopoot sa Diyos at sa katotohanan, umaasa na mahihinto ang gawain ng iglesia, magiging negatibo ang lahat at mawawalan ng pagliligtas ng Diyos, at sa huli ay bababa sa impiyerno kasama nila. Sa kabila ng pagiging miyembro ng iglesia na nakatanggap ng labis na panustos ng mga salita ng Diyos, hinangad ko ang reputasyon at katayuan sa halip na ang katotohanan, ginambala ang gawain ng iglesia at nabigong magsisi. At dahil hindi natugunan ang pagnanasa ko sa katayuan, umasa akong lilitaw ang mga isyu sa gawain ng iglesia para hindi magmukhang mas magaling sa akin si Lisa. Ito ay mga nakalalason at kasuklam-suklam na mga kaisipan. Dapat na kaisang-puso ng Diyos ang mga tao ng sambahayan ng Diyos. Masaya sila kapag nakikitang mas maraming tao ang naghahanap sa katotohanan, gumagawa nang maayos sa kanilang mga tungkulin at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Kapag nahahadlangan ang gawain ng iglesia, naninindigan sila para mapanatili ang gawain. Pero ako, nakita kong lumitaw ang mga isyu sa paggawa ng video at naging pasibo ang iba, pero hindi ko sila tinulungang lutasin ang kanilang mga isyu at pinagtawanan pa nga sila. Nang bumuti ang kanilang mga kalagayan at nagsimulang umayos ang paggawa ng video, talagang nalungkot ako. Nakalalason talaga ang mga iniisip ko. Hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia at ‘di ako karapat-dapat magkaroon ng puwang sa sambahayan ng Diyos. Sobrang kahiya-hiya para isipin kong dapat akong gawing lider!

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking satanikong disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, o bantog at marangal, o namumukod sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Laging iniisip na namumukod ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanya, o maging mas mahusay sa kanya—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na maging mas mataas o mas malakas kaysa sa sarili niya—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanya, at kapag nagkaroon sila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay magagawa kang protektahan ang iyong reputasyon, hindi magawang tanggapin ang patnubay ng iba, hindi magawang harapin ang sarili mong mga pagkukulang, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging padaskol ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Pinagnilayan ko ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos: Ang dahilan kung bakit palagi akong nagsisikap na makipagkumpitensya kay Lisa ay dahil wala akong tunay na pagkaunawa sa aking mayabang na disposisyon, at hindi ko alam kung ano talaga ako. Mula pa noon, naniwala akong may kakayahan ako at maraming karanasan. Ipinagmamalaki ko ‘to at pakiramdam ko’y mas magaling ako kaysa kay Lisa sa mga aspetong ito. Inakala ko na sapat na ang mga kwalipikasyong ito para magawa nang maayos ang gawain, kaya nang makakuha ng mas magagandang resulta si Lisa kaysa sa’kin sa kanyang tungkulin, at inilipat ng nakatataas na lider ang ilang tungkulin ko sa kanya, sumama ang loob ko, iniisip na hindi siya mas magaling kaysa sa’kin. Ginusto ko pang bumalik sa dati pagkatapos matanggal. Sa paggunita, nakita kong medyo mas pamilyar at may karanasan lang ako sa gawain, at nakakapagbigay ng payo sa paggawa ng video, pero hindi ‘yon nangangahulugan na naaangkop ako maging lider. Ang pinakamahalagang trabaho ng isang lider ay ang gabayan ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa katotohanan, at lutasin ang lahat ng problemang lumilitaw sa iglesia para matiyak ang normal na daloy ng gawain ng iglesia. Pero, bilang isang lider, ‘di ko nilutas ang mga praktikal na isyu. Kapag hindi magkasundo ang mga lider ng grupo, madalas nagtatalo at walang nagpapakumbaba, hindi ko alam kung paano ibahagi ang katotohanan para malutas ang isyu at maibalik ang pagkakaisa. ‘Tsaka, kapag nagiging pasibo ang ilang kapatid at nangangailangan ng pagbabahagi ng mga salita ng Diyos para suportahan sila, wala akong karanasan, walang kalaliman ang pagbabahagi ko, at hindi ko nalulutas ang mga isyu nila. Hindi ako pasok sa pamantayan sa lahat ng aspeto ng gawain ng iglesia. Maaaring may mga kakulangan si Lisa sa mga kasanayan niya sa gawain, pero kaya niyang lutasin ang lahat ng uri ng suliranin na lumilitaw sa gawain ng iglesia. Inilipat sa kanya ng nakatataas na lider ang ilang gawain alang-alang sa kapakanan ng iglesia, pero masyado akong mayabang at walang mabuting pag-unawa sa mga kakayahan ko. Malinaw na ‘di ko mapapantayan si Lisa, pero iniisip ko pa rin na kaya ko at hindi ako nagpapakumbaba, laging nakikipagkumpitensya. Napakayabang ko talaga! Pagkatapos nun, nakita ko itong sipi ng mga salita ng Diyos: “Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at nililinis ng Diyos. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkumpitensya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa likas na katangian, hindi ba’t ang lahat ng ito ay pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mailalantad ka at mapapalayas, na walang kahahantungan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Pagkatapos basahin ‘to, nangilabot ako sa mga ikinikilos ko, lalo na nang mabasa ang seksyon na nagsasabing: “Kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mailalantad ka at mapapalayas, na walang kahahantungan.” Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko kung paanong di-nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong gawin ang tungkuling ‘to, para matuto akong hanapin ang katotohanan sa tungkulin ko at maging kwalipikadong nilikha sa huli. Pero sa halip, patuloy akong nakikipagkumpitensya para sa katayuan. Hindi ba’t sinasadya kong labagin ang mga hinihingi ng Diyos? Ito ang pinakakinasusuklaman ng Diyos. Kahit na matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito sa iglesia, nang hilingin sa akin na gumawa ng video, hindi ko ito magawa nang maayos. Kapag nakakakuha kami ng magagandang resulta sa mga video namin habang ako ang lider, lahat ‘yon ay dahil sa patnubay ng Banal na Espiritu at sa mga pagsisikap ng aming grupo, hindi dahil sa mga kontribusyon ko. Pero isinuot ko ang mga tagumpay na ‘to na parang korona sa aking ulo at hindi hinahayaan ang ibang nakawin ang aking kabantugan, walang humpay na nakikipagkumpitensya para sa reputasyon at isinasadlak sa kaguluhan ang gawain ng iglesia. Lahat ng ginawa ko ay masama at laban sa Diyos, at kasuklam-suklam sa Kanya. Nang sandaling ‘yon, naalala ko ang isang sister na nakapareha ko noong nakaraang taon. Matindi ang pagnanais niya sa katayuan at reputasyon, at kumapit siya sa kanyang kapangyarihan. Sinusupil at inaatake niya ang sinumang nagbabanta sa kanyang posisyon, at walang takot na sinasabotahe pa nga ang gawain ng iglesia para lang maprotektahan ang kanyang katayuan. Dahil dito, nalantad siya bilang isang anticristo dahil sa lahat ng kanyang kasamaan at itiniwalag siya. Samantalang ako, malinaw na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain, pero gusto ko pa ring makipagkumpitensya, na nakagambala at nakaabala sa gawain ng iglesia. Kung hindi ako magsisisi at sa halip ay magpapatuloy nang gano’n, malamang na palalayasin ako ng Diyos. Nang matanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos, binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong magsanay bilang lider, pero hindi ko inasikaso ang aking mga tungkulin at ‘di ako tumahak sa tamang landas, sa halip ay nakipagkumpitensya ako para sa karangalan at pakinabang. Masama ang lahat ng iniisip at ikinikilos ko, at kung parurusahan ako, ganap na nararapat ito. Mahal na Diyos, ayoko na pong mamuhay nang napakasama. Handa na po akong magsisi at magsimulang muli!”

Pagkalipas ng ilang araw, nagmensahe sa’kin ang lider ko, sinasabing naatasan akong gumanap ng isang parte sa isang video ng himno at hiniling sa akin na pag-aralan muna ang himno. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang mensahe. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko sa pagbibigay sa akin ng isa pang pagkakataon. Ang himnong dapat kong pag-aralan ay may pamagat na “Awa ng Diyos sa Sangkatauhan.” Nabasa ko ang mga salitang ‘to ng Diyos: “Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman, at imposibleng taglayin ng sinumang tao ang awa o pagpaparaya ng Diyos, o maging ang Kanyang tapat na damdamin sa sangkatauhan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang Kanyang layunin na iligtas ang sangkatauhan. Nagalit ang Diyos at lilipulin na Niya ang mga tao ng Ninive dahil sa kanilang katiwalian at kasamaan, pero nang taimtim na nagsisi sa Diyos ang mga taga-Ninive, pinatahimik Niya ang Kanyang galit at hindi sila nilipol. Sa pamamagitan nito, natanto ko na pinahahalagahan ng Diyos ang taos-pusong pagsisisi ng mga tao. Gaano man ako nanggambala sa gawain ng iglesia at lumabag, hindi pa rin ako pinalayas ng Diyos. Ginamit Niya ang pagkakatanggal ko at pagkakawasto’t pagkakatabas para obligahin akong magnilay-nilay. Ang lahat ng ito’y pagliligtas ng Diyos. Hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa panghihinayang at pagkapasibo. Kailangan kong magsisi sa Diyos, hanapin ang katotohanan at lutasin ang aking tiwaling disposisyon para maiwasang gumawa pa ng masama at labanan ang Diyos.

Minsan, sa mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—depende ito sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at makikilala ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang tunay na matatalikuran ng isang tao ang katayuan at reputasyon. Hindi madaling alisin sa sarili ang tiwaling disposisyon. Kinilala mo na marahil na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagbubunyag ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagbabalatkayo ka, pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay. Inilalagay ka nito sa panganib—mapapahamak ka nito sa malao’t madali. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mahina ka, nagbubunyag ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal ito—isa kang karaniwang tao, hindi ka pambihira o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. … Kapag palagi kang may pagnanasa at hangaring makipagkumpitensya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang bagay ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, alisin ang hangarin mong makipagkumpitensya para sa katayuan bago pa ito lumaki at lumala, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong hangaring makipagkumpitensya para sa katayuan, at hindi ka manghihimasok sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at pupurihin ng Diyos ang iyong mga ginawa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na para tunay na maisantabi ang pagnanais ng reputasyon at katayuan, kailangan mo munang magkaroon ng kamalayan sa sarili, aktibong aminin ang ‘yong mga pagkakamali at hayaan ang iba na makita ang tunay mong sitwasyon. Kapag nanumbalik ang pagnanais na makipagkumpitensya, dapat kang magdasal sa Diyos, talikdan ang sarili mo at makipagtulungan ka sa iba. Saka mo lang magagawang maayos ang tungkulin mo. Hindi ako tumuon sa pagninilay-nilay at kamalayan sa sarili. Sobra akong nainggit at hindi direktang ibinahagi ang kalagayan ko, at hindi ko hinanap ang katotohanan para sa paglutas. Bilang resulta, nagambala ang gawain ng iglesia dahil sa pakikipaglaban ko para sa karangalan at pakinabang. Kailangan kong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos magmula noon. Pagkatapos nun, sadya akong nagtapat tungkol sa kalagayan ko sa aking tungkulin, at masigasig na naghangad na matuto mula sa mga nakapareha ko. Pagkaraan ng ilang panahon, napansin kong may ilang kalakasan ang mga kapatid na wala sa akin. Lalo kong ikinahiya ang aking kayabangan at kamangmangan. Ginunita ko kung paanong naging mapagkumpitensya ako para sa reputasyon, pinipinsala ang gawain ng iglesia, at lalo pa akong nagsisi. Tahimik akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, sa pagkakalantad at pagkakatanggal, nagkaroon ako ng kaunting kamalayan. Noon, nakikipagkumpitensya ako para sa reputasyon at pakinabang nang hindi iniisip ang mga interes ng iglesia. Bukod sa ginambala ko ang gawain ng iglesia, pininsala ko rin ang mga kapatid ko. Hindi ako karapat-dapat na tawaging tao! Mula ngayon, handa na po akong magsagawa ayon sa mga salita Mo, matuto mula sa mga kalakasan ng iba, at makipagtulungan nang maayos sa kanila sa tungkulin ko.”

Kalaunan, lumitaw ang ilang problema sa isang bagong proyekto ng video, at inatasan kami ni Lisa ng nakatataas na lider na lutasin ang mga ito nang magkasama. Sa pagkakataong ‘to, hindi na ako nakipagkumpitensya kay Lisa. Aktibo akong nakikipagtalakayan at humihingi ng payo sa kanya kapag nagkakaproblema, saka lang ako umaaksyon kapag nagkasundo na kami. Minsan, kapag mas malinaw ang mga ideya ni Lisa at mas may kabatiran kaysa sa akin, di-sinasadyang sinusubukan kong patunayan ang sarili ko. Pero agad kong napagtatanto na muli akong nakikipagkumpitensya at nagdarasal ako sa Diyos at tinatalikdan ang sarili ko, tinatanggap ang mga mungkahi ni Lisa, at masigasig na pinagninilayan at hinahanap ang mga ito. Napagtanto kong talagang mas maganda ang mga ideya ni Lisa kaysa sa akin at nagawa kong buong-pusong tanggapin ang mga ito. Talagang mapayapa at magaan ang pakiramdam ko sa pagsasagawa nang ganito. Tinuruan ako ng mga salita ng Diyos kung paano makipagtulungan nang maayos at isabuhay ang wangis ng tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman