Ang Pakikipagkompetensiya ay Nagdudulot ng Pagdurusa

Setyembre 18, 2023

Ni Xinyi, Tsina

Noong Abril 2021, isinaayos ng iglesia na pangasiwaan namin ni Chen Xi ang gawain ng pagdidilig. Medyo hindi ako mapakali nang marinig ko ang balita. May kakayahan si Chen Xi at nagbibigay ng malinaw na pagbabahagi sa katotohanan. Natatakot ako na mahihigitan niya ako pagkatapos magsagawa nang kaunti. Pinangasiwaan ko noon ang gawain niya, kaya anong mukha ang maihaharap ko kung magiging mas magaling siya kaysa sa akin? Napansin ko kalaunan na binibigyan siya ng lider ng maraming tulong at suporta at pinagsasagawa siya ng ilang mahahalagang gampanin. Naisip ko na gusto siyang linangin ng lider. Nadismaya talaga ako at palihim akong nakipagkompetensiya sa kanya, gustong magsumikap para hindi niya ako malampasan. Ibinuhos ko ang lakas ko sa pagbabahagi sa iba sa mga pagtitipon, at tiniyak na matutunan at matugunan ang mga isyu sa gawain ng mga kapatid. Nagsasalita ako kaagad sa mga talakayan sa gawain, at kadalasang sumasang-ayon sa akin ang iba. Nagsimulang magkaroon ng mga resulta ang aming gawain ng pagdidilig pagtagal-tagal. Nasiyahan talaga ako sa sarili ko at pakiramdam ko ay talagang matagumpay ako. Dahil bago pa si Chen Xi sa ganoong uri ng gawain, hindi niya naunawaan ang mga bagay-bagay noong una, at naging mahirap ito para sa kanya. Alam kong dapat ko siyang tulungan na mabilis na maging pamilyar sa gawain at matutunan ang mga prinsipyo, pero natatakot akong mahihigitan niya ako, kaya binigyan ko na lang siya ng maikli at simpleng pangkalahatang ideya nang walang mga detalye. Lihim akong natuwa nang makita ko siyang nasa masamang kalagayan dahil sa mga hamon sa kanyang tungkulin, at naramdaman kong mas may kakayahan pa rin ako kaysa sa kanya. Pagtagal-tagal, unti-unting natutunan ni Chen Xi ang gawain at nakakuha ng mga resulta sa kanyang tungkulin. Madalas kong marinig ang pagbabahagi niya kung paano lutasin ang mga problema ng mga kapatid at nadama kong talagang praktikal at malinaw ito, na ikinabahala ko. Mas mataas pala talaga ang kakayahan niya kaysa sa akin. Kung magpapatuloy ito, mas huhusay siya nang huhusay sa kanyang tungkulin, at siguradong darating ang panahon na titingalain siya ng iba. Hindi ba’t pagmumukhain siya niyong mas magaling kaysa sa akin? Mas lalo pa akong nangamba. Sa tuwing nasa isang pagtitipon kami kasama ang iba, inoobserbahan ko ang pagbabahagi niya. Kapag napapansin kong nakakapagbigay-liwanag ito, sinusubukan kong mag-isip ng mga paraan para makapagbahagi nang mas mahusay kaysa sa kanya. Minsan, isang sister ang hindi nakapagtrabaho nang maayos kasama ng iba dahil sa kanyang pagmamataas, at nakakaapekto iyon sa gawain niya. Talagang pinag-isipan kong mabuti kung ano ang ugat ng kanyang problema, kung anong sipi ng mga salita ng Diyos ang gagamitin, at kung paano isasama ang sarili kong karanasan sa aking pagbabahagi. Pero dahil mali ang pag-iisip ko, hindi ko ito mapag-isipan nang mahinahon, at sa huli ay pilit ang naging pagbabahagi ko sa ilang mabababaw na pagkaunawa at hindi nalutas ang kalagayan niya. Pero pinagsama ni Chen Xi ang pagbabahagi sa mga salita ng Diyos at ang sarili niyang karanasan. Nakita ng sister ang kaugnayan nito sa kanya at naramdamang handa siyang baguhin ang kalagayan niya. Nakakasama ng loob na makita ito. Bakit si Chen Xi ang binigyang-liwanag ng Diyos, hindi ako? Naging sentro siya ng atensiyon, kaya’t hindi ba iisipin ng iba na mas magaling siya kaysa sa akin? Sa isiping ito, nagpasya ako. Talagang kailangan kong magpakitang-gilas sa susunod na may magkaroon ng isyu, para makita ng lahat na kaya kong magbahagi sa katotohanan para malutas ang mga problema. Kalaunan, inilarawan ng isang sister kung paano siya naging mapanuri sa iba pagkatapos maiwasto. Iniisip ko na nagkaroon ako ng parehong karanasan, kaya sa pagkakataong ito ay makakapagbahagi ako nang maayos. Pero bago ko pa man maibuka ang bibig ko, nagsimula nang magbahagi si Chen Xi at nagsalita nang napakalinaw, iniuugnay ito sa kanyang aktuwal na karanasan, at sinasabi ang mismong iniisip ko. Wala akong nagawa kundi magbigay ng simpleng salaysay ng aking pagkaunawa. Nang mapansin kong talagang maganda ang lagay ng loob ni Chen Xi pagkatapos ng pagtitipon, mas lalo akong nainggit at ayaw ko siyang pansinin. Noong gabing iyon, nakahiga ako sa kama at hindi ako makatulog. Talagang pinanghihinaan ako ng loob habang iniisip ko kung gaano nagustuhan ng iba ang pagbabahagi ni Chen Xi. Mukhang hinding-hindi ko siya mahihigitan. Noong panahong iyon, alam kong wala ako sa mabuting kalagayan. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan akong makilala ang aking sarili.

Sa isang pagtitipon kalaunan, nabasa ko na sinasabi ng Diyos: “Ang pagsunggab sa katanyagan at pakinabang ay ang tatak na pag-uugali ng mga taong mayroong masamang kalikasan ni Satanas. Walang eksepsiyon sa sinuman. Lahat ng tiwaling sangkatauhan ay nabubuhay para sa katanyagan, pakinabang at katayuan, at magbabayad sila ng anumang halaga sa kanilang pagpupursige para sa mga ito. Ganito rin sa lahat ng nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, ang hindi tumatanggap sa katotohanan o nauunawaan ang katotohanan, ang hindi makakilos alinsunod sa mga prinsipyo, ay isang taong nabubuhay sa gitna ng satanikong disposisyon. Dumating na ang satanikong disposisyon upang pangibabawan ang isipan mo at kontrolin ang iyong pag-uugali; ganap ka nang isinailalim ni Satanas sa kanyang kontrol at pang-aalipin, at kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan at tatalikdan si Satanas, hindi ka makatatakas. … Huwag mong isipin palagi na malampasan ang lahat ng tao, na gawin ang lahat ng bagay nang mas magaling kaysa sa iba, at mamukod-tangi sa karamihan sa lahat ng paraan. Anong klaseng disposisyon iyan? (Isang mayabang na disposisyon.) Laging nagtataglay ng mayabang na disposisyon ang mga tao, at kahit nais nilang magsumikap para sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos, nagkukulang sila. Mas malamang na malihis ng landas kapag kontrolado ng mayabang na disposisyon ang mga tao. … Kapag may ganoon kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi sa lahat. Magiging problema ito; ganito kumilos si Satanas. Kung talagang nais mong maging isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, huwag mo nang hangarin ang iyong sariling mga pangarap. Masama ang subukang maging higit pa at mas mahusay kaysa sa kung ano ka para makamit ang iyong mga pakay. Dapat kang matutong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at huwag kang humigit sa kung ano ang nababagay sa posisyon mo; ito lamang ang nagpapakita ng katuturan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Palagi kong gustong makipaglaban para maging una sa karamihan at ayaw kong maging mas mababa kaysa sa sinuman, kaya palagi akong nakikipagkompetensiya, nagnanais na maging mataas sa iba. Dahil napangasiwaan ko ang gawain ni Chen Xi noon, nang makipagpareha ako sa kanya, ayaw kong maging mas mababa sa kanya pagdating sa mga kakayahan sa gawain o pagbabahagi sa katotohanan. Labis akong nasiyahan nang hindi niya ako mahigitan noong una. Pero nang makita kong mabilis siyang umuusad, nilulutas ang ilang problema, at nakukuha pa nga ang pagsang-ayon ng mga kapatid, nainis ako at nainggit, at laging nakikipagkompetensiya sa kanya. Ginusto ko pa ngang magpakitang-gilas kapag nagbabahagi sa katotohanan at lumulutas ng mga problema, para tingalain ako ng iba. Pero hindi tama ang layunin ko. Tumuon lang ako sa karangalan at pakinabang, hindi sa seryosong pagninilay sa mga salita ng Diyos, kaya nakakapagbahagi lang ako sa ilang nakababagot na doktrina, na hindi man lang nakapagpapatibay para sa iba. Hindi ko pinagnilayan ang sarili ko tungkol dito, bagkus sinisi ko ang Diyos sa hindi pagbibigay-liwanag sa akin, at lumaban ako. Sa puntong ito ko lang napagtanto kung gaano ako kayabang at hindi makatwiran. Isinaayos ng iglesia na gampanan namin ni Chen Xi ang gawain ng pagdidilig, kaya dapat nagtrabaho kami para punan ang isa’t isa, ginamit ang aming mga sariling kalakasan, at ginawa nang maayos ang aming tungkulin nang magkasama. Malinaw na hindi kami magkapantay, pero wala akong anumang kamalayan sa sarili tungkol dito. Palagi kong sinisikap na maging mas mahusay kaysa sa kanya at maging sentro ng atensiyon, lihim na nagbibilang ng mga pakinabang at kawalan sa katayuan, hindi man lang isinasaalang-alang ang sarili kong tungkulin o ang gawain ng iglesia. Sobra akong mayabang at hindi makatwiran, at nagpapakita ng satanikong disposisyon, na kasuklam-suklam sa Diyos.

Kalaunan, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na itama ang aking saloobin at makipagtulungan nang maayos kay Chen Xi. Pagkatapos niyon, kapag nakikita kong mas malinaw ang pagbabahagi niya sa katotohanan kaysa sa akin at nararamdaman kong gusto kong makipagkompetensiya, sinisiguro kong magdasal at talikdan ang aking sarili. Sa pagsasagawa nang ganito, unti-unting napabuti ang kalagayan ko. Pero dahil wala akong tunay na pagkaunawa sa aking kalikasan at diwa, muling lumitaw ang katulad na problema pagkaraan ng ilang panahon. Sa mga pagtitipong pinangunahan namin ni Chen Xi para sa ilang kapatid, siya ang kadalasang nagbabahagi habang nagdadagdag lang ako nang kaunti paminsan-minsan. Ayos lang ang isa o dalawang beses, pero habang tumatagal ay nararamdaman kong parang hindi ako nakikita, at umaalis ako sa bawat pagtitipon na dismayado. Habambuhay na lang ba akong magiging pangalawa? Hindi ako nasiyahan dito, kaya lihim akong naging mapagkompetensiya. Dahil hindi ako makapagbahagi sa katotohanan at makalutas ng mga problema nang mas mahusay kaysa kay Chen Xi, pinagsikapan ko ang pangangasiwa at pagsusubaybay ng mga gampanin para gawing mas epektibo ang gawain ng pagdidilig. Maipapakita nito ang aking kakayahan. Kaya kapag may isang bagay na nangangailangan ng pagsusubaybay, mag-isa akong pumupunta nang hindi nakikipag-usap kay Chen Xi. Kalaunan, nagsimula akong maging mas mahusay nang kaunti sa kanya sa bagay na ito at muli akong yumabang. Hindi naman pala ako mas mababa kaysa sa kanya, kung tutuusin! Mula noon, gusto kong humanap ng paraan para mahigitan siya sa pagbabahagi at paglutas ng mga problema. Minsan sa isang pagtitipon, gusto kong mangasiwa at nang hindi siya ang laging nasa harapan, kaya nagsimula akong aktibong subukang tugunan ang mga isyu ng isang sister. Pero hindi tama ang layunin ko at nagmadali ako sa pagbabahagi bago ko maunawaan ang problema niya. Dahil dito, marami akong nabahagi nang walang anumang nalulutas. Nakita ng iba na nasa maling kalagayan ako at binahaginan ako na huwag makipagkompetensiya sa aking kapareha para sa karangalan at katayuan, dahil makakaapekto iyon sa pagiging epektibo namin. Talagang nakakahiya at nakakasama ng loob na marinig silang tukuyin ito. At dahil napakaraming oras ang naubos ko, wala nang natirang oras para matugunan namin ang mga problema sa gawain, at kinailangang tapusin nang madalian ang pagtitipon. Habang pauwi, iniisip ko kung paano ako kumilos sa pagtitipon. Mahirap itong tanggapin. Inisip ko lang na magpakitang-gilas para patunayan na mas magaling ako kay Chen Xi, at nag-aksaya ng maraming oras, kaya hindi nalutas ang mga isyu sa gawain namin at hindi naging mabunga ang pagtitipon. Nakakagambala ako sa gawain ng iglesia at buhay-iglesia. Mas lalong sumasama ang loob ko habang mas iniisip ito, at talagang nabalisa ako. Hindi ko alam kung paano lulutasin ang aking tiwaling disposisyon. Sa ilang panahon, dahil hindi ako makaalis sa isang kalagayan ng pakikipaglaban para sa karangalan at pakinabang, ayaw kong mag-alok ng tulong kay Chen Xi kapag nakikita kong nahihirapan siya sa kanyang gawain at kalagayan, at madalas kong ipinapahiwatig, nang direkta at hindi direkta, na hindi siya nagsisikap, kaya naging mas negatibo siya. Lumayo ang loob namin sa isa’t isa at naapektuhan ang takbo ng aming gawain. Nang malaman ng lider ang kalagayan ko, iwinasto niya ako dahil sa pakikipaglaban para sa karangalan at pakinabang at pagbubukod sa aking kapareha, sinasabing nagpapakita iyon ng masamang pagkatao. Tinamaan ako nang husto sa sinabi niya, kaya nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na bigyang-liwanag ako para tunay na makilala ang aking sarili, upang malutas ang mga isyu ko.

Tapos ay nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. “Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong padalus-dalos, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Malisyoso kayo at masama sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pagpipitagan para sa Akin sa inyong puso, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katungkulan, hindi ba mabaho ka pa ring maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo). Kung ihahambing ang sarili ko sa mga salita ng Diyos, nakita kong ganoon ako. Palaging mataas ang tingin ko sa sarili ko, iniisip na dapat mas mahusay ako kaysa kay Chen Xi sa lahat ng bagay dahil pinangasiwaan ko siya noon. Lumaban ako nang parehong hayagan at palihim para malampasan siya. Hindi ko tinalakay sa kanya ang pagsusubaybay sa gawain ng pagdidilig, kundi kumilos lang ako nang sarilinan, at ginusto kong gamitin ang paglutas ng problema sa mga pagtitipon para patunayan na mas mahusay ako kaysa sa kanya, nang hindi iniisip kung malulutas ko ba ang mga aktuwal na problema ng mga tao, o kung maaapektuhan ba nito ang pagiging epektibo ng pagtitipon. Nang mapansin kong nahihirapan siya sa gawain at hindi maganda ang kanyang kalagayan, hindi lang ako nabigong tulungan siya, bagkus nasiyahan pa ako sa paghihirap niya, sadyang minamaliit siya at ikinatutuwa ang kanyang pagdurusa. Dahil dito, mas lalo siyang naging negatibo. Nakita kong ganap akong walang pagkatao. Nakita ko rin na inilalantad ng Diyos ang mga uod na iyon na hindi alam ang sariling halaga, bagkus laging gustong lumipad na parang kalapati sa langit. Hiyang-hiya ako. Pakiramdam ko ay ganoon din ako kapangit, at walang-kahihiyan. Malinaw na wala akong gaanong realidad ng katotohanan at hindi nakakalutas ng mga praktikal na problema ng iba, pero gusto ko pa ring magpakitang-gilas at lampasan ang iba. Hindi lang iyon nakasakit sa sister ko, kundi nakaapekto rin iyon sa gawain ng iglesia. Mas lalo akong nakokonsensya at nakakaramdam ng pagkakautang habang mas iniisip ko ito. Nabasa ko rin ang ilan sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ano ang kasabihan ng mga anticristo, kahit nasaang grupo man sila? ‘Dapat akong makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Dapat akong makipagkompitensya upang maging pinakamataas at pinakamalakas!’ Ito ang disposisyon ng mga anticristo; kahit saan sila pumunta, sila ay nakikipagkompitensya at sumusubok na kamtin ang kanilang mga layon. Sila ang mga tagasunod ni Satanas, at ginagambala nila ang gawain ng iglesia. Ang disposisyon ng mga anticristo ay ganito: Nagsisimula sila sa pagtingin-tingin sa iglesia para makita kung sino ang maraming taon nang nananalig sa Diyos at mayroong kapital, sino ang may ilang kaloob o espesyal na kasanayan, sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa kanilang pagpasok sa buhay, sino ang lubos na pinahahalagahan, sino ang may mataas na ranggo, sino ang pinupuri ng mga kapatid, sino ang may mas maraming positibong bagay. Ang mga taong iyon ang magiging kakompitensiya nila. Sa kabuuan, tuwing nasa isang grupo ng mga tao ang mga anticristo, ito ang palagi nilang ginagawa: Sila ay nakikipagkompitensya para sa katayuan, nakikipagkompitensya para sa magandang reputasyon, nakikipagkompitensya para sa huling salita sa mga bagay-bagay at pinakamataas na kapangyarihan upang gumawa ng mga desisyon sa grupo, na, kapag nakamit na nila ito, ay nagpapasaya sa kanila. … Ganito kayabang, kamuhi-muhi, at hindi makatwiran ang disposisyon ng mga anticristo. Wala silang konsensya ni katwiran, ni wala sila kahit kaunting bahid ng katotohanan. Nakikita ng isang tao sa mga kilos at gawa ng isang anticristo na ang ginagawa niya ay wala sa katwiran ng isang normal na tao, at bagama’t maaaring magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya iyon tinatanggap. Gaano man katama ang sinasabi mo, hindi iyon katanggap-tanggap sa kanya. Ang tanging gusto niyang hangarin ay reputasyon at katayuan, na kanyang pinagpipitaganan. Basta’t natatamasa niya ang mga pakinabang ng katayuan, kontento na siya. Pinaniniwalaan niyang ito ang kahalagahan ng kanyang pag-iral. Anumang grupo ng mga tao ang kanyang kinabibilangan, kailangan niyang ipakita sa mga tao ang ‘liwanag’ at ‘init’ na ibinibigay niya, ang kanyang mga espesyal na talento, ang kanyang pagiging natatangi. At ito ay dahil naniniwala siyang espesyal siya kaya likas sa kanyang isipin na dapat siyang tratuhin nang mas mabuti kaysa sa iba, na dapat siyang tumanggap ng suporta at paghanga ng mga tao, na dapat siyang tingalain ng mga tao, sambahin siya—iniisip niyang ang lahat ng ito ay naaangkop sa kanya. Hindi ba garapal at walang kahihiyan ang gayong mga tao?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inihahayag ng Diyos na ang mga anticristo ay hindi kayang makipagtulungan sa sinuman. Gusto nila laging maging sentro ng atensiyon, at hangaan at sambahin sila ng iba. Ang ganoong uri ng tao ay may masamang disposisyon—kinasusuklaman at isinusumpa sila ng Diyos. Sa pagninilay-nilay, nakita kong nagpakita rin ako ng disposisyon ng isang anticristo. Isinaayos ng iglesia na magkasama kaming gumawa ni Chen Xi, pero gusto kong maging sikat at mag-isang mamukod-tangi. Nang makitang malinaw na nakakapagbahagi si Chen Xi at nakukuha niya ang pagsang-ayon ng iba, nainggit ako sa kanya, at pakiramdam ko ay hindi ako makakapagpasikat hangga’t nasa iglesia siya. Tinatrato ko siya na parang kalaban ko. Nakita kong nahihirapan siya sa gawain pero hindi ko siya tinulungan, at hinayaan pa siyang gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa, na nagsanhing maging negatibo siya. Dahil paulit-ulit ko siyang ibinukod, lumala ang kalagayan niya, pero hindi ako nakonsensya o nabahala. Sa halip, pakiramdam ko, ngayon ay mapapansin na ako at makakapagpasikat. Sinadya kong magsabi ng ilang mapanghamak na bagay para puntiryahin ang kanyang pagkamasigasig sa kanyang tungkulin, para hindi magamit ang mga kalakasan niya. Masakit talaga iyon para sa kanya. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Isa lang ang lalaking maaaring manguna” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa.” Gusto kong ako lang ang mamukod-tangi. Hindi ako tumigil sa pagbukod sa kanya at sinaktan ko siya para lang mahigitan ko ang iba. Wala man lang akong kahit katiting na konsensya. Naisip ko ang ilang anticristo sa iglesia. Pinahahalagahan lang nila ang kanilang katayuan sa iba, at ang pagkamit ng paghanga ng iba. Hindi nila kayang makitang may nakakahigit sa kanila, at sa sandaling manganib ang katayuan nila, gumagamit sila ng masasamang taktika para apihin at parusahan ang ibang tao. Sa huli ay inilantad at pinalayas sila ng Diyos dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila. Palagi kong ninanais ang paghanga at pagsang-ayon ng iba. Gusto kong panatilihing nasa baba ang kapareha ko, huwag siyang hayaang mamukod-tangi. Nasa landas ako ng isang anticristo. Kung hindi ako magbabago, bagkus ay patuloy na makikipaglaban para sa karangalan at pakinabang, at guguluhin ang gawain ng iglesia, hahantong ako na katulad ng mga anticristo, parurusahan at isusumpa ng Diyos! Nakakatakot para sa akin ang isiping ito, kaya nagmadali akong magdasal at magsisi.

Nabasa ko ang ilang sipi. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—depende ito sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at makikilala ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang tunay na matatalikuran ng isang tao ang katayuan at reputasyon. Hindi madaling alisin sa sarili ang tiwaling disposisyon. Kinilala mo na marahil na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagbubunyag ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagbabalatkayo ka, pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay. Inilalagay ka nito sa panganib—mapapahamak ka nito sa malao’t madali. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mahina ka, nagbubunyag ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal ito—isa kang karaniwang tao, hindi ka pambihira o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong puwesto, hanapin ang tamang lugar para sa inyo, at gampanan ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; ito lamang ang taong may katuturan. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa mga partikular na propesyunal na kasanayan at may pagkaunawa sa mga prinsipyo, at dapat nilang akuin ang responsabilidad at gawin ang panghuling pagsisiyasat sa larangang iyon; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, nagiging inspirasyon sa iba at tinutulungan silang mapabuti ang kanilang mga tungkulin—sa gayon ay dapat silang magbigay ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang lugar para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin, at umaasal ka ayon sa iyong puwesto(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). “Dahil hindi madali para sa kahit sino na magawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, anuman ang larangan na kanilang kinasasangkutan, o anuman ang kanilang ginagawa, laging mabuti na may isang taong naroon upang tukuyin ang mga bagay-bagay at mag-alok ng tulong—mas madali ito kaysa gawin ito nang mag-isa. Gayundin, may mga limitasyon kung ano ang kaya ng kakayahan ng mga tao o kung ano ang kaya nilang maranasan mismo. Walang sinuman ang kayang maging dalubhasa sa lahat ng bagay, imposible para sa isang tao na malaman ang lahat, matutunan ang lahat, magawa ang lahat—imposible iyon, at ang lahat ay dapat taglayin ang gayong pagkaunawa. Kung kaya, anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, dapat ay palaging may isang taong tutulong sa iyo, upang bigyan ka ng mga paalala, payo, o upang gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan upang masiguro na magagawa mo ang mga bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Kailangan kong bitiwan ang aking pagnanais na hangarin ang karangalan at katayuan, magawang harapin nang maayos ang aking mga pagkukulang at kapintasan, matutong lumugar, isaalang-alang ang mga interes ng iglesia at pagpasok sa buhay ng iba kapag may mga nangyayari, makipagtulungan nang maayos sa aking kapareha para maitaguyod namin ang gawain ng iglesia nang magkasama, at magawa nang maayos ang aming tungkulin. Naging responsable ako sa gawain ni Chen Xi dati at mayroon akong kaunting karanasan sa gawain, pero nagkukulang pa rin ako sa pagbabahagi sa katotohanan at paglutas ng problema. Wala akong praktikal na karanasan at hindi ko makita ang tunay na kalikasan ng maraming isyu o malutas ang mga ito. Ito ang mga pagkukulang ko. Dapat kong aminin at harapin ang mga ito. At nakakapagbigay-tanglaw at nakakatulong ang pagbabahagi ni Chen Xi sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Dapat ko siyang suportahan at hayaan siyang gamitin ang kanyang mga kalakasan. Sa ganoong paraan, matututo rin ako mula sa mga kalakasan niya para mapunan ang aking mga kahinaan, na makakabuti sa aking pagpasok sa buhay at sa gawain ng iglesia.

Kalaunan, kapag nakikipagtulungan ako kay Chen Xi para magbahagi sa mga pagtitipon, sinisiguro kong mayroon akong tamang layunin at nagbabahagi lang ng kung ano ang nauunawaan ko. Hinahayaan ko si Chen Xi na magbahagi sa kung ano ang nababatid niya, at dinadagdagan ko ito. Minsan kapag nakikita kong sinasang-ayunan ng iba ang pagbabahagi niya, nagiging mapagkompetensya ako, pero mabilis kong nakikita na wala ako sa tamang kalagayan, nananalangin ako at tinatalikdan ang sarili, at nagiging handang unahin ang gawain ng iglesia at makipagtulungan kay Chen Xi. Tapos, hindi na ganoon katindi ang inggit ko at tumigil na ako sa pag-iisip kung paano makipagkompetensiya sa kanya. Sa halip, iniisip ko kung paano makipagtulungan sa kanya para malutas ang mga problema ng iba. Hindi na ako napipigilan ng aking tiwaling disposisyon at nagagawa ko na ang parte ko. Sadya akong nakikipagtulungan kay Chen Xi sa gawain, at iniaalok ko ang tulong ko kapag nahihirapan siya. Pagkaraan ng ilang panahon, napabuti ang aming gawain ng pagdidilig at pareho kaming nakausad. Talagang nakaramdam ako ng kapayapaan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pinakamakabuluhang Pasya

Ni Víctor, Uruguay Noong kabataan, sinunod ko ang mga magulang ko sa pananalig sa Panginoon. Nang lumaki na ako, nagtrabaho ako sa...