Ang Hindi Pagsusumikap sa Aking Tungkulin ay Nakapinsala sa Akin

Enero 25, 2023

Ni Xiaowen, Spain

Noong 2018, nagtatrabaho ako sa iglesia bilang taga-edit ng video. Noong una, dahil wala akong background sa pag-eedit ng video at hindi pamilyar sa mga nauugnay na prinsipyo, nag-aral akong mabuti at sinubukang kabisaduhin ang mga nauugnay na kasanayan. Pagkaraan ng ilang panahon, humusay ang aking teknikal na kakayahan at napili ako bilang lider ng grupo. Tuwang-tuwa ako at naging mas handang magtrabaho nang husto para tuparin ang aking tungkulin. Kalaunan, nagkaroon ng problema sa isa sa aming mas kumplikadong mga proyekto ng video, at ipinadala ako ng lider ko para suriin ito at lutasin ang isyu. Nahaharap sa isang kumplikadong bigat ng gawain at sa aking mahihinang kasanayan, noong una ay nakipagtulungan ako sa mga kapatid para makaisip ng mga solusyon. Pero pagkatapos ng ilang panahon ng pagsusumikap kung kailan nagsimulang umayos ang takbo ng mga bagay-bagay at humusay ang sarili kong mga teknikal na kasanayan, nagsimula akong maging tamad. Naisip ko: “Maaaring hindi pa napakainam ng takbo ng proyektong ito, pero mas mabuti na ito kaysa dati. Kailangan ko lang panatilihing ganito ang takbo ng mga bagay-bagay. Hindi na ito kailangang madalas na subaybayan. Masyadong nakakapagod na kabahan sa lahat ng oras.” Pagkatapos niyon, bihira na akong maghanap ng mga bagong kasanayan at hindi na inabala pang mas aralin ang trabaho. Ilang beses na nagkaproblema sa mga video na na-edit ko at pinayuhan ako ng iba na pagbutihin ang trabaho ko. Kahit na alam kong tama sila, naisip ko: “Sapat na ang gawaing mayroon ako. Kung maglalaan pa ako ng dagdag na oras para mag-aral—bukod pa sa kung gaano ito magiging nakakapagod—paano kung, pagkatapos gugulin ang dagdag na oras at lakas na ito, hindi bumuti ang mga resulta ko? Hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng dagdag na trabahong iyon?” Kaya hindi ko pinansin ang payo ng iba. Pagkatapos niyon, napansin ng lider ko na mabagal ang pag-usad sa gawain namin at ipinatukoy sa akin kung ano ang problema. Paulit-ulit akong pinaalalahanan ng kapareha ko sa gawain na lutasin ang isyung ito. Noong panahong iyon, medyo tutol ako. Naisip ko: “Maaaring medyo mabagal ang pag-usad namin, pero nakakakuha kami ng mas magagandang resulta kaysa dati. Hindi namin ito dapat madaliin.” Pero sa loob-loob ko, alam ko na kung bubusisiin at paplanuhin ko nang mas maigi ang gawain, marami pa talagang pwedeng mapabuti. Pero sa tuwing naiisip ko ang tensyon sa trabahong mayroon na ako at kung gaano magiging nakakapagod gumugol ng mas marami pang oras sa proyektong ito, ipinagpapaliban ko na naman ito. Kalaunan, dalawang beses pang binanggit sa akin ng lider ko ang problema, at saka ko lang atubiling sinuri ang sitwasyon. Pero sa huli, hindi pa rin ako nakahanap ng angkop na solusyon.

Pagkatapos, ayaw ko nang pag-isipang mabuti ang gawain ng grupo o gumawa ng mga sakripisyo para umusad. Kapag may bakante akong oras, gusto ko lang magpahinga at sumusobra pa nga ang tulog ko sa ilang pagkakataon, inaantala ang aming gawain. Kapag lumalabas ako para may asikasuhin, kung minsan ay nagtatagal ako sa labas, iniiwasan ang tungkulin ko nang ilang oras. Sa mga oras ng pahinga sa aming gawain, hindi ko rin pinag-isipan kung paano pagbutihin ang mga kasanayan ko, sa halip ay nagpapahinga ako habang may pagkakataon. Nang ganoon-ganoon lang, naging patamad ako nang patamad, iniraraos lang ang gawain habang sinusubaybayan at itinatalaga ang gawain. Halos hindi ako tumutulong sa iba na suriin ang mga pagkakamali sa kanilang gawain, at kapag nagkakaproblema, ayaw kong pag-isipang mabuti kung paano lutasin ang mga ito. Bilang resulta, humantong kami sa pagpapaliban ng mga video na malinaw na pwede namang matapos nang maaga kaysa sa iskedyul. Sa panahong iyon, patuloy na lumilitaw ang mga problema sa mga video na na-edit ko at wala ni isa sa mga kapatid sa grupo ko ang humusay sa kanilang gawain. Kapag lumilitaw ang kahit pinakamaliit na paghihirap sa gawain, nagrereklamo ang lahat. Hindi lang ako nabigong lutasin ito sa pagbabahagi, bagkus ay sinabayan ko pa ang pagrereklamong ito. Dahil nabigo ako sa aking praktikal na gawain at hindi ako nagbago matapos magbahagi nang ilang beses ang lider ko, hindi nagtagal ay tinanggal ako sa posisyon ko bilang lider ng grupo. Matapos matanggal, nabalisa ako, kaya nanalangin ako sa Diyos at nagnilay.

Isang araw, sa mga debosyonal, nakita ko na sinabi ng mga salita ng Diyos: “May ilang taong ayaw talagang magdusa sa kanilang mga tungkulin, na laging nagrereklamo sa tuwing may nakakaharap silang problema at ayaw nilang magbayad ng halaga. Anong klaseng saloobin iyan? Iyan ay saloobing pabasta-basta. Ano ang bunga ng pagganap ng iyong tungkulin nang pabasta-basta, at itinuturing ito na tila walang halaga? Ito ang hindi magandang pagganap ng iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay hindi masisiyahan sa iyong pag-uugali sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nagkaroon ka ng kakayahan sa gayong kooperasyon, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat para sa iyo, upang lahat ay malagay sa lugar kapag ginawa mo iyon, at magiging maganda ang mga resulta. Hindi mo kailangan magpilit nang labis; kapag nakikipagtulungan ka nang mabuti, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay tuso at madaya, kung wala kang pakialam sa iyong tungkulin, at palaging naliligaw, hindi kikilos ang Diyos; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Ikaw ay hindi sapat, ikaw ay walang silbi. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at madaya, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay isang pagkatalo o isang panalo? (Isang pagkatalo.) Ito ay isang napakalaking kalugihan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagbalik-tanaw ako sa panahon ko bilang lider ng grupo. Nakita ko na katulad ako noon ng inihayag ng mga salita ng Diyos. Wala akong galang, iresponsable at pabaya sa aking tungkulin, hindi handang magsikap. Noong una akong maglingkod bilang lider ng grupo, naglaan ako ng oras at pagsisikap, pero nang humusay na ang mga kasanayan ko at nagtamo ako ng ilang resulta, naging kampante ako, kontento na sa aking mga tagumpay at palaging binibigyang-layaw ang laman. Inisip ko lang kung paano magpahinga at hindi mahirapan dito. Hindi ako handang maglaan ng anumang pagsisikap sa gawain para mas mapabuti ito. Kahit malinaw kong nakikita na may mga isyu, hindi ko agad nilutas ang mga ito, at nang tukuyin ito ng iba, hindi ko pinansin ang mga ito. Bilang lider ng grupo, nang makita ko ang iba sa grupo na nagrereklamo tungkol sa kanilang mga isyu, hindi lang ako nabigong magbahagi ng katotohanan para malutas ang kanilang mga isyu, nakisakay pa ako at sumang-ayon sa kanila. Para bang kahit gaano pa maantala ang paggawa ng video o gaano man karami ang problema ng mga tao, wala itong kinalaman sa akin. Gusto ko lang ng maginhawang pakiramdam at iwasang pagurin ang sarili ko. Bilang resulta, patuloy na nagkakaroon ng mga isyu sa mga video na nagawa namin na lubhang nakaantala sa pag-usad ng produksyon. Binabalewala ko ang isang napakahalagang tungkulin; alang-alang sa kaginhawahan at kaalwanan ng aking laman, handa akong kumilos nang pabasta-basta, linlangin ang Diyos at ang ibang tao. Nasaan ang paggalang ko sa Diyos? Kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga saloobin sa gawain. Kung gugunitain ang lahat ng isyu sa gawain ko, kung naglaan lang ako ng oras at gumawa ng mga sakripisyo, hindi sana naging ganoon kasama ang mga bagay-bagay. Pero tamad ako at ayaw kong magdusa o makaramdam ng pagod. Bilang resulta, napinsala ko ang paggawa ng video. Sobra akong makasarili, kasuklam-suklam at walang konsensya! Naging napakababa at napakatiwali ko at hindi ko man lang namalayan! Nagsaayos ang Diyos ng mga paalala sa akin at hindi pa rin ako nagnilay at nagsisi. Paanong naging masyado akong manhid at mapagmatigas? Nang mapagtanto ko ang lahat ng iyon, nakonsensya ako at nalungkot. Hindi talaga ako karapat-dapat maging lider dahil napakairesponsable ko at walang konsensya. Kasalanan ko kung bakit ako natanggal.

Isang araw, sa mga debosyonal, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Isipin ang isang taong may pagpapahalaga sa responsabilidad, tuwing sinasabihan o inaatasan siya ng isang bagay, ng isang lider man, manggagawa, o ng Itaas, lagi niyang iisiping, ‘Aba, dahil ganito kataas ang tingin nila sa akin, dapat kong asikasuhin nang mabuti ang usaping ito at hindi sila biguin.’ Mangangahas ka bang ipagkatiwala ang isang usapin sa gayong taong may konsiyensiya at katinuan? Ang taong mapagkakatiwalaan mong mag-asikaso sa isang usapin ay isang taong pinaniniwalaan mong mapagkakatiwalaan at iniisip mo na mabuti. Maganda ang opinyon mo sa ganitong uri ng tao, at mataas ang tingin mo sa kanya. Lalo na kung ang mga bagay na nagawa niya para sa iyo ay naisagawang lahat nang maingat at ganap na umabot sa iyong mga kinakailangan, iisipin mo na isa siyang taong nararapat pagkatiwalaan. Sa iyong kalooban, talagang hahangaan mo siya at tataas ang tingin mo sa kanya. Handang makisama ang mga tao sa ganitong uri ng tao, lalo naman ang Diyos. Palagay ba ninyo ay ipagkakatiwala ng Diyos ang isang tungkulin na obligadong gampanan ng isang tao sa isang hindi mapagkakatiwalaan? (Hindi, hindi Niya gagawin iyon.) Ano ang inaasahan ng Diyos sa isang taong inatasan Niya ng partikular na gampanin sa iglesia? Unang-una, umaasa ang Diyos na responsable at masipag siya, na tatratuhin niya ang gampanin nang may mataas na pagpapahalaga, at gagawin ito nang mabuti. Pangalawa, umaasa ang Diyos na siya ay isang taong mapagkakatiwalaan, na kahit gaano pa katagal ang abutin niya, at kahit gaano pa magbago ang kapaligiran niya, hindi magbabago ang pagpapahalaga niya sa responsabilidad, at masusubok na matibay ang kanyang karakter. Kung isa siyang mapagkakatiwalaang tao, panatag ang Diyos. Hindi na Niya susubaybayan o kukumustahin ang bagay na ito dahil sa kaibuturan Niya, may tiwala ang Diyos sa kanya. Kapag ibinibigay ng Diyos ang gampaning ito sa kanya, siguradong makukumpleto niya ito nang walang anumang pagkakamali(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na ang isang taong may pagkatao ay responsable sa kanyang gawain, kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at nakakapanindigan sa kanyang tungkulin, nakakapagpatuloy sa kanyang mga tungkulin nang naaayon mismo sa mga prinsipyo, anuman ang sitwasyong kinasasangkutan nila. Ito ang saloobin na dapat nating taglayin sa ating mga tungkulin. Dahil inatasan ako ng iglesia na mangasiwa sa paggawa ng video nito, kahit papaano ay dapat ginawa ko sana ang lahat sa abot ng aking makakaya, at tinukoy at nilutas ang mga problemang lumilitaw sa gawain sa tamang oras para masiguro na magpapatuloy nang normal ang gawain namin. Pero habang masaya kong tinanggap ang aking tungkulin, kalaunan, sariling kaginhawahan at kaalwanan lang ang inintindi ko at hindi ako gumawa ng anumang praktikal na gawain, kahit nang paulit-ulit akong hinimok at pinayuhan ng iba na gawin iyon. Hawak ko ang titulong “lider ng grupo” pero wala akong anumang natapos, at nabigo akong tuparin kahit ang pinakamaliit na dapat gawin sa mga tungkuling itinalaga sa akin. Bilang resulta, naantala ko ang paggawa ng video ng iglesia. Talagang wala akong konsensya at hindi maaasahan! Batay sa kung paano ako kumilos, dapat ay noon pa ako pinalayas. Sa awa at pagpapaubaya lang ng Diyos kaya ako pinahintulutang magpatuloy na gumawa sa grupong iyon. Noong panahong iyon, naisip ko: “Kailangan kong pahalagahan ang pagkakataong ito at gawin ang makakaya ko sa aking tungkulin.” Pagkatapos niyon, tumigil na ako sa pagiging kontento na sa kasalukuyang sitwasyon sa aking tungkulin at bukod sa pagkumpleto sa gawain sa mga videong itinalaga sa akin, patuloy akong naghanap ng mga paraan para madagdagan ang aking kahusayan, tinukoy ang aming mga isyu, at iniulat ang mga ito sa lider ng grupo sa tamang oras. Tinalakay ko rin sa lahat ang mga paraan para malutas ang mga problema. Kahit na mas nakakapagod magtrabaho sa ganitong paraan, mas payapa at mas magaan ang pakiramdam ko, dahil alam kong natupad ko na ang mga responsibilidad ko.

Hindi nagtagal, nakita ng lider ng iglesia na humusay ako at inatasan niya akong mangasiwa sa isang proyekto ng video. Pinahahalagahan ko ang pagkakataong magawa ang trabahong ito at gusto kong ibigay ang pinakamaigi kong pagsisikap. Araw-araw kong kinukumusta ang gawain at tinitipon ang lahat ng isyu na nararanasan namin. Kapag may napapansin akong mga isyu, naghahanap ako kaagad ng paraan para malutas ang mga ito at kung hindi ko malutas ang mga ito, sinasangguni at tinatalakay ko ito sa lider ng grupo. Pero makalipas ang ilang panahon, nang nagtatagumpay na kami sa aming gawain at humusay ang mga kasanayan ko, bumalik na naman ang dati kong katamaran. Naisip ko: “Sa mga araw na ito, nasa iskedyul lahat ang takbo ng gawain at walang malalaking isyu. Dapat akong magpahinga nang kaunti. Kung ganito karami ang ginagawa ko araw-araw at marami akong dapat alalahanin, sa huli ay hindi ko na ito kakayanin.” Sa sandaling naisip ko ito, naging kampante ako, iniraraos lang ang gawain ko, hindi na nag-aalala tungkol sa pagpapabuti ng mga kasanayan ko o paglutas ng mga isyu at pagkakamali, at hindi man lang nag-aabala na kumustahin ang iba sa estado ng kanilang gawain. Sa tuwing may libre akong oras, gusto ko lang magpahinga at kung minsan, sa oras ng pagtatrabaho o pag-aaral, nanonood ako ng mga nakakatuwang video o drama para magpalipas ng oras. Bilang resulta, naantala ang mga video na pwede naman sanang matapos nang maaga at nagsimulang bumagsak ang pagiging produktibo ko sa gawain. Noong mga araw na iyon, tulalang-tulala ako at magulo ang isip ko. Wala akong malinaw na pag-iisip sa pag-eedit ng video, hindi ako nasisiyahan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at nararamdaman kong nilulukob ako ng lungkot. Isa pa, kapag nananalangin ako sa Diyos, hindi ko maramdaman ang presensya Niya. Kahit alam kong delikadong magpatuloy nang ganoon, hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko at talagang nasasaktan at nahihirapan ako. Noong panahong iyon, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga hindi mananampalataya, mas masama pa sila kaysa mga hindi mananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Para bang inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong sitwasyon ko. Matagal na akong nananalig sa Diyos, pero nabigo pa rin akong asikasuhin ang mga tungkulin ko at naghanap ako ng mapaglilibangan kung kailan dapat ay nagtatrabaho ako. Hindi lang ito kawalan ng katapatan; ni hindi ko natutugunan ang mga pangunahing pamantayan na itinakda sa gawain namin. Sa sekular na mundo, kailangang sumunod ng isang tao sa mga tuntuning itinakda ng kanyang kompanya, at habang nasa trabaho, kailangan mong gawin ito nang masigasig at hindi magpakatamad. Pero habang ginagawa ko ang tungkulin ko sa iglesia, wala man lang akong pangunahing pagpapahalaga sa responsibilidad, at basta-basta kong isinasantabi ang mga tungkulin ko para lang bigyang-layaw ang aking laman. Dahil walang pakundangan at walang pagpipigil akong kumilos, karapat-dapat ba talaga akong tawaging Kristiyano? Hindi man lang ako nagbibigay ng serbisyo sa aking tungkulin, lalong hindi sapat na natutupad ang aking tungkulin. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagbibigay-layaw sa aking laman—bakit wala akong kahit katiting na determinasyong talikdan ang aking laman? Naisip ko ang mga kapatid ko sa China na ipinagsasapalarang maaresto at mapahirapan ng CCP bago talikdan ang kanilang mga tungkulin, samantalang ginagawa ko ang tungkulin ko sa isang malaya at demokratikong bansa, malaya sa China, at ayaw ko man lang pag-isipan nang mas mabuti ang gawain ko o gumawa ng mga sakripisyo. Umaakto ako na parang isang lubos na walang kuwentang tao—wala akong kahit katiting na dignidad o pagkatao. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nahihiya na harapin ang Diyos o ang ibang tao. Noong panahong iyon, nagsimula akong magnilay-nilay: “Minsan na akong nabigo noon dahil sa pagbibigay-layaw sa aking laman at pag-iwas sa aking mga tungkulin. Bakit hindi ako natuto sa mga dati kong pagkakamali? Bakit ba napaka-iresponsable ko at pabagu-bago ang isip sa gawain ko?” Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para mahanap ko ang ugat ng aking isyu.

Isang araw, sa mga debosyonal, nakita ko ang mga siping ito. “Bakit palaging walang disiplina at tamad ang mga tao, na para bang tinatahak nila ang buhay nang naglalakad nang tulog? May kinalaman ito sa problema sa kanilang likas na pagkatao. May isang uri ng katamaran sa likas na pagkatao ng tao. Anuman ang gawain, kailangan palagi ng mga tao ng isang taong susubaybay at uudyok sa kanila. Kung minsan ay sumusunod ang mga tao sa tawag ng laman at nagnanasa ng mga ginhawa ng laman, laging may itinatago. Masyado silang mapagkalkula, at talagang hindi mabubuting tao. Palagi nilang hindi ginagawa ang lahat ng kaya nila, anumang mahalagang tungkulin ang ginagampanan nila. Ito ay iresponsable at hindi tapat. Nasabi Ko ang mga bagay na ito ngayon para ipaalala sa inyo na huwag maging pasibo sa gawain. Dapat ninyong magawa ang anumang sabihin Ko(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, ngunit alam nila kung paano maging isang opisyal. Ano ang unang bagay na ginagawa nila kapag nagiging lider sila? Sinisimulan nilang subukang makuha ang loob ng mga tao. Ginagamit nila ang pamamaraang ‘kailangang mapabilib ng isang bagong tagapamahala ang mga tao’: Una ay gumagawa sila ng ilang bagay para makuha ang loob ng mga tao, nagpapakita sila ng ilang bagay para mapagaan ang buhay ng mga tao, sinisikap nilang makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao, na maipakita sa lahat na kaayon sila ng masa, para purihin sila ng lahat at sabihin na parang magulang sila sa mga ito, pagkatapos ay opisyal na silang mamumuno. Pakiramdam nila ay taglay na nila ngayon ang popular na suporta at sigurado na ang kanilang posisyon, na tama at angkop lamang na tamasahin nila ang mga pakinabang ng katayuan. Ang kanilang mga kasabihan ay, ‘Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,’ ‘Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,’ at ‘Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala.’ Nagpapakaligaya sila sa bawat araw pagdating nito, nagpapakasaya sila hangga’t kaya nila, at hindi nila iniisip ang hinaharap, lalong hindi nila iniisip kung anong mga responsibilidad ang dapat tuparin ng isang lider at kung anong mga tungkulin ang dapat nilang gampanan. Ginagaya nila ang ilang salita at parirala ng doktrina at ginagawa ang ilang gawain para magpakitang-tao tulad ng karaniwan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila sinisikap na busisiin ang mga tunay na problema sa iglesia upang lubos na malutas ang mga iyon. Ano ang silbi ng paggawa ng gayong paimbabaw na gawain? Hindi ba panlilinlang ito? Maipagkakatiwala ba ang mabibigat na responsibilidad sa ganitong uri ng huwad na lider? Naaayon ba sila sa mga prinsipyo at kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Walang anumang konsiyensya o katwiran ang mga taong ito, wala silang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad, subalit nais pa rin nilang maglingkod sa isang opisyal na puwesto bilang lider ng iglesia—bakit masyado silang walang kahihiyan? Ang ilang taong may pagpapahalaga sa responsibilidad ay mahihina ang kakayahan, at hindi maaaring maging mga lider—maliban pa riyan ang taong basura na wala talagang pagpapahalaga sa responsibilidad; lalong hindi sila kwalipikadong maging mga lider. Gaano ba katamad ang gayong mga batugang huwad na lider? May natuklasan silang isyu, at alam nila na isyu ito, ngunit binabalewala nila ito at hindi pinapansin. Napaka-iresponsable nila! Maaaring mahusay silang magsalita at tila may kaunting kakayahan, ngunit kapag nagsusulputan ang iba’t ibang problema sa iglesia, hindi nila kayang lutasin ang mga iyon. Bagama’t patuloy na nagpapatung-patong ang mga problema ng iglesia at nagiging parang mga pamana ng pamilya, walang pakialam dito ang mga lider na ito, subalit iginigiit pa rin nila na isagawa ang ilang walang kabuluhang gawain tulad ng karaniwan. At ano ang resulta sa huli? Hindi ba’t ginugulo nila ang gawain ng iglesia, hindi ba’t sinisira nila iyon? Hindi ba’t nagsasanhi sila ng kaguluhan at pagkakawatak-watak sa iglesia? Ito ang hindi-maiiwasang kalalabasan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang dahilan kung bakit ako naging kampante at walang pagkukusa sa aking tungkulin ay dahil likas akong tamad at naghahanap ng kasiyahan. Puno ang isipan ko ng mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” at “Kumain, uminom at magsaya, sapagkat maikli ang buhay.” Namuhay ako ayon sa mga satanikong maling paniniwala na ito, iniisip na sa buhay na ito sa lupa, dapat kong pasayahin ang sarili ko. Hindi ko mabigyang-katwiran ang patuloy na pagdurusa at pagkapagod. Bilang resulta, hindi ko nagawang magtiyaga sa anumang ginawa ko. Itinuring ko ang pinakamaliit na resulta sa gawain ko bilang kapital at naging kampante at tiwali ako. Katulad lang ito noong mga taong nag-aaral pa ako: Sa tuwing nakakakuha ako ng matataas na marka at pinupuri ng mga guro at kaklase ko, ayaw ko nang patuloy na pag-isipang mabuti at pagsikapan ang pag-aaral ko at gusto ko na lang magsaya. Hindi ko na iniintinding makinig sa klase o gumawa ng aking takdang-aralin, pero kapag nagsisimula nang maapektuhan ang mga grado ko at nagiging mas mahigpit sa akin ang mga magulang at guro ko, pinag-iibayo ko ang aking pag-aaral at nagsisikap hanggang sa muling tumaas ang mga grado ko, at sa pagkakataong iyon ay nagiging kampante na naman ako at gustong bumalik sa pagsasaya. Sa mga taong iyon, patuloy akong kinokontrol ng mga tiwaling pilosopiyang ito at naging mas lalong tamad, mas nasiraan ng loob at walang pagkukusa. Iresponsable at pabagu-bago ang isip ko sa lahat ng ginagawa ko, hindi handang magdusa o magsakripisyo at paunti-unting ayaw nang magsikap. Kapwa sa dati kong tungkulin bilang lider ng grupo at sa kasalukuyan kong papel bilang miyembro ng grupo na sumusuri sa pag-usad ng gawain, pareho akong tamad at walang pagkukusa. Binabawasan ko ang pagsisikap ko sa sandaling nagkakaroon ako ng mga resulta, gustong magpahinga sa halip na magtrabaho para hindi ako mawalan at mapagod. Kahit alam na alam kong may mga isyu sa gawain, hindi ko nilulutas ang mga ito, mas pinipiling sayangin ang oras ko sa hindi mahahalagang libangan kaysa magsakripisyo nang kaunti para sa aking tungkulin. Sapat lang ang ginagawa ko para magpakitang-tao at malinlang at maiwasan ang lider ko. Napagtanto ko na hindi lang ako tamad, tuso at mapanlinlang din ako, wala akong ibang ninanais kundi ang mamuhay nang maalwan at maginhawa. Natamasa ko nang husto ang pagdidilig ng mga salita ng Diyos pati na ang proteksyon ng Diyos, pero nabigo pa rin akong gawin kahit ang pinakamaliit na dapat gawin. Hindi ba’t isa lang akong walang silbi, isang linta sa iglesia? Nasaan ang pagkatao at pagkamakatwiran ko? Naalala ko ang isang linya mula sa Bibliya na nagsasabing: “At ang kasaganaan ng mga hangal ang wawasak sa kanila” (Kawikaan 1:32). Kung hindi ako magsisisi, kahit na hindi ako palayasin ng iglesia sa ngayon, sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay, at titigil ang Banal na Espiritu sa paggawa sa loob-loob ko. Sa malaon at madali ay mapapalayas ako.

Pagkatapos niyon, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sinimulan kong baguhin ang saloobin ko sa aking tungkulin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang kumpletuhin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa na dapat kumpletuhin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila; ito ang kanilang pinakamataas na responsibilidad, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan; sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano titingnan ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan na ang mga tagubiling ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagpupuri at natatanging pabor mula sa Diyos; ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang iwanan; kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). “Dapat sikapin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat pagsikapan ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang pagsikapan ang isang mas malalim, mas dalisay na pag-ibig sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay, sa ganito lamang magiging katulad ng tao si Pedro. Dapat kang tumuon sa pagiging maagap tungo sa iyong pagpasok sa positibong panig, at huwag basta na lang hayaan ang iyong sarili sa dumausdos pabalik para sa pagkakaroon ng panandaliang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas tiyak, at mas praktikal na mga katotohanan. Ang iyong pag-ibig ay dapat maging praktikal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-inaalalang uri ng pamumuhay na walang pinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos napagtanto ko na ang halaga at kahulugan ng buhay ay matatagpuan sa paggawa ng tungkulin bilang isang nilikha. Kung palagi kang naghahanap ng kaginhawahan at kaalwanan, walang pagkukusa at pabaya sa iyong mga tungkulin, isa itong pagkakanulo sa Diyos, at isinusumpa at kinasusuklaman Niya ang gayong pag-uugali. Naisip ko kung paanong masigasig na hinangad ni Pedro na mahalin at palugurin ang Diyos sa buong buhay niya, palaging mahigpit na iniaayon ang sarili niya sa mga salita ng Diyos at sinusubukang magpabuti. Palagi niyang sinisikap na isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sa huli ay ipinako siya nang patiwarik at nagbigay ng isang matunog na patotoo. Tapos, nandiyan si Noe. Matapos tanggapin ang atas ng Diyos, nagtrabaho siya sa loob ng 120 taon para itayo ang arka, hindi tumitigil kahit na nahaharap sa hindi mabilang na paghihirap at matitinding pagdurusa, walang katapusang nagsusumikap hanggang sa matapos ang arka. Habang ikinukumpara ko ang sarili ko sa kung paano tinrato nina Noe at Pedro ang Diyos at ang kanilang tungkulin, nakaramdam ako ng sobrang hiya. Napagtanto ko na kapwa ako makasarili at tamad at walang kahit katiting na pagkatao. Wala akong ni kaunting pagpapahalaga sa responsibilidad sa aking tungkulin, pabaya ako, at nagpapaliban ng gawain. Sa sandaling dumarami ang ipinapagawa sa akin o nagiging abala ang gawain, nagsisimula akong magreklamo na napapagod ako at nagpapakatamad at nagpapalayaw ng aking laman kahit na hinihimok ako ng lider ko. Wala akong ni katiting na paggalang sa Diyos. Wala akong ipinagkaiba sa isang walang pananampalataya! Sa paraan ng pagharap ko sa mga bagay-bagay, sa huli ay ipapahamak ko lang ang sarili ko. Pero lagi kong iniisip na tama ako at nasisiyahan na sa pinakamaliit na pagsisikap. Napakamanhid ko, napakahangal at napakamangmang. Kahit na ginagawa ko ang tungkulin ko sa ganitong paraan, hindi pa rin ako sinukuan ng Diyos at binigyan Niya ako ng mga pagkakataong magsisi. Hindi ko pwedeng patuloy na saktan ang damdamin ng Diyos sa pamamagitan ng pagkatiwali. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos, sinasabing: “Mahal na Diyos, nakikilala ko na ang kalikasan ko ay tamad at wala akong pagkatao. Ayaw kong patuloy na mamuhay nang ganito. Gusto kong taimtim na hanapin ang katotohanan at tuparin ang tungkulin ko. Suriin Mo sana ang puso ko.”

Mula noon, naglaan ako ng mas maraming oras at lakas sa tungkulin ko, at bagamat puno ang iskedyul ko halos araw-araw, naglalaan pa rin ako ng kaunting oras para mag-aral at pagbutihin ang mga teknikal kong kasanayan. Regular din akong nagbubuod ng mga problema sa gawain ko at walang tigil na nagsusumikap na pagbutihin ang mga kasanayan ko. Pagtagal-tagal, nagsimula akong makakuha ng mas magagandang resulta sa mga video na ginawa ko. Napansin ko na kapag ibinabahagi ko ang natutunan ko sa aking mga kapatid, tila nakakatulong din ito sa kanila. Talagang payapa at magaan ang pakiramdam ko. Medyo mas matrabaho na tuparin ang tungkulin ko sa ganitong paraan, at mas kaunti ang oras para magpahinga, pero hindi ako nakaramdam ng pagod o na parang nagdurusa ako. Sa katunayan, mas malinaw ang isip ko at mas masigla ang pakiramdam ko—hindi katulad dati na dumadaan ang mga araw na magulo at lumilipad ang isip ko. Naging mas madali ring makita ang anumang problema sa gawain namin at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa aking mga kapatid at ng kaliwanagan ng Diyos, nalutas namin ang maraming isyu sa tamang oras. Pero dahil masyado akong nagawang tiwali ni Satanas, ang mga pilosopiya ng katamaran nito ay nakakaapekto pa rin sa akin paminsan-minsan. Kapag nagsisimula akong makakuha ng magagandang resulta, medyo nagiging kampante na naman ako at gusto kong bigyang-layaw ang aking laman. Minsan, habang sinusuri ang isa sa mga video namin, napansin kong may lumabas na pelikulang aksyon sa feed ko. Naisip ko: “Sobrang nakaka-stress sa trabaho kamakailan—hindi masama kung manonood ako nang kaunti at magpapahinga.” Habang nanonood ako, bigla kong napagtanto na bumalik na naman ako sa dati kong masamang gawi. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Gusto mong maging pabaya at walang-ingat kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinubukan mong magpakatamad, at sinubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: ‘Bakit ba ako nananalig sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong kapabayaan, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananalig ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito kaibig-ibig sa Diyos. Hindi, maaari akong magpakatamad at gawin ang gusto ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsensya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabaya at pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano dapat ako kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabaya at pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganoon, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.’ Kapag nagtatrabaho ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: ‘O Diyos! Tamad ako at mapanlinlang, nagsusumamo po ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, nang sa gayon ay makonsensya ako, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabaya at pabasta-basta. Nagsusumamo po ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.’ Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, nagdudulot ito ng pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan sa iyong puso ay magsisimulang magbago, at magagawa mong pag-isipan ito at sabihin sa iyong sarili, ‘Bakit ako pabaya at pabasta-basta? Bakit ako laging tatamad-tamad? Ang kumilos nang ganoon ay walang kakonse-konsensya o pag-unawa—isa pa rin ba akong taong nananalig sa Diyos? Bakit hindi ko sineseryoso ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t dapat akong maglaan nang kaunti pang panahon at pagsisikap? Hindi naman ito mabigat na pasanin. Ito ang nararapat kong gawin; kung hindi ko man lang ito magagawa, karapat-dapat ba akong tawaging isang tao?’ Bunga nito, magpapasya at mangangako ka: ‘O Diyos! Nabigo Kita, tunay ngang lubos akong nagawang tiwali, wala akong konsensya o pag-unawa, wala akong pagkatao, gusto ko sanang magsisi. Nagsusumamo po ako na patawarin Mo ako, tiyak na magbabago po ako. Kung hindi ako magsisisi, parusahan Mo po ako.’ Pagkatapos nito, magkakaroon ng pagbabago sa iyong pag-iisip, at magsisimula kang magbago. Kikilos at gaganap ka ng iyong mga tungkulin nang may katapatan, nang hindi na masyadong pabaya at pabasta-basta, at magagawa mo na ngayong magdusa at magbayad ng halaga. Pakiramdam mo ay napakasarap gumanap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, at ang iyong puso ay payapa at masaya. Kapag kayang tanggapin ng isang tao ang pagsusuri ng Diyos, kapag kaya niyang manalangin sa Kanya at umasa sa Kanya, malapit nang magbago ang kanyang kalagayan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas pasulong. Likas akong tamad, mas gusto ko ang kaginhawahan at paglilibang, at hindi ako handang magdusa. Hindi ko malulutas ang isyung ito nang sarili ko lang; kailangan kong manalangin at umasa sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Sa susunod na gusto kong bigyang-layaw ang aking laman at magpakatamad, dapat akong manalangin kaagad sa Diyos at hilingin sa Kanya na disiplinahin at ituwid ako. Saka ko lang matatalikdan ang aking laman at magagawa nang maayos ang aking tungkulin. Kaya sinabi ko sa Diyos sa panalangin ang tungkol sa kalagayan ko at hiniling ko sa Kanya na disiplinahin ako. Pagkatapos kong magdasal, bigla akong huminahon at nagpatuloy ako sa pagrerepaso sa video, maingat na isinasaalang-alang ang mga prinsipyo at naghahanap ng nauugnay na impormasyon. Habang pinag-iisipan ko ang gawain ko, nararamdaman ko ang patnubay ng Diyos at mabilis kong natukoy ang mga isyu sa video at nakaisip ako ng paraan para malutas ang mga ito. Sa pamamagitan ng karanasang iyon, nagkaroon ako ng higit na kumpiyansa sa pagharap sa aking katamaran. Nakita ko na kailangan ko lang talagang umasa sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat sa aking gawain. Kung magsisimula na naman akong bigyang-layaw ang aking laman, maaari akong umasa sa Diyos para sadyang pigilan ang sarili ko. Sa ganoong paraan, magkakaroon ako ng lakas na magtagumpay at mapayapang tuparin ang aking tungkulin.

Sa mga araw na ito, bagamat madalas pa rin akong may tiwaling pagnanais para sa kaginhawahan at kaalwanan, alam ko na hangga’t sinusunod ko ang mga salita ng Diyos at walang tigil na isinasagawa ang mga ito, sa huli ay malilinis ko ang sarili ko sa tiwaling disposisyong ito at makakamit ang pagbabago.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Sandali ng Pagpili

Ni Li Yang, Tsina Isinilang ako sa probinsya at lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Mga simpleng magsasaka lang ang aking mga magulang...