Ginawa Ako ng Pag-uusig at Pagdurusa na Lalo pang Mahalin ang Diyos

Nobyembre 18, 2019

Ni Liu Zhen, Lalawigan ng Shandong

Ang pangalan ko ay Liu Zhen. Ako ay 78 taong gulang, at isa lamang akong karaniwang Kristiyano sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa pagpili sa akin, isang matandang babae mula sa isang kanayunan na pangkaraniwan sa tingin ng mundo. Pagkatapos kong tanggapin ang gawain sa mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos, araw-araw akong nanalangin sa Diyos, nakinig sa mga pagbigkas ng salita ng Diyos, at dumalo sa mga pulong at nakibahagi sa aking mga kapatid, at unti-unti kong naunawaan ang ilang katotohanan at nagkaroon ako ng malinaw na pagkaintindi tungkol sa ilang bagay. Napuspos ako ng galak, at namuhay sa kaligayahan na hindi ko pa naranasan kailanman. Dahil matanda na ako at nahihirapan na akong maglakad, hindi ko na kayang umalis ng bahay para dumalo sa mga pulong ng iglesia, kaya dahil sa malasakit sa akin, idinaos ng mga kapatid ang mga pulong sa aking tahanan. Hindi sila kailanman lumiban sa pulong dahil sa lamig o init ng panahon, at hindi sila kailanman napigil ng hangin, ulan, o niyebe sa pagpunta upang dalawin at alagaan ako, na isa lamang matandang babae na katulad ko. Lalo na kapag nagbasa kami ng salita ng Diyos, kung mayroong anumang bagay na hindi ko naintindihan, palagi silang matiyagang magpapaliwanag sa akin tungkol dito, at hindi nila ako kailanman binabalewala o minamaliit. Labis akong naantig nito, dahil kung hindi sa pagmamahal ng Diyos, sino ang magpapakita ng ganoong pagtitiyaga at pagmamahal sa akin? Sa aking mga pakikipag-ugnayan sa aking mga kapatid, nakita kong ibang-iba sila sa mga karaniwang tao. Ang kanilang isinabuhay ay pagpaparaya at pagmamahal, at nakaya nilang buksan ang kanilang puso at tratuhin ang isa’t isa nang may katapatan, nang walang anumang mga sagabal o agwat sa pagitan nila. Sila ay naging malapit tulad ng isang pamilya, at ito ang nagpadama sa akin ng higit na katiyakan tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos. Nang maunawaan ko ang mas maraming katotohanan, napagtanto ko na dapat kong tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilalang, kaya sinabi ko sa iglesia na gusto kong tumanggap ng mga tungkulin. Dahil pinigilan ako ng aking edad mula sa pagganap ng karamihan sa mga tungkulin, gayunman, itinalaga ako ng iglesia sa mga tungkuling pagpapatuloy sa aking tahanan. Tinanggap ko, na nagpapasalamat sa Diyos sa pagtatalaga sa akin ng isang tungkulin batay sa aking mga kakayahan. Kaya’t, nakasundo ko nang husto ang aking mga kapatid, at nakaramdam ako ng malaking kaginhawahan kapwa sa katawan at isip. Ang ilang karamdaman na nararanasan ko ay nagsimula ring gumaling, kaya’t lalo pa akong nagpasalamat sa Makapangyarihang Diyos para sa Kanyang biyaya at awa.

Gayunman, ang magagandang araw ay hindi nagtagal, dahil ako at ang aking mga kapatid sa nayon ay isinumbong ng isang masamang tao. Lahat ng aking mga kapatid ay inaresto ng pulisya, at inutusan nila ang kalihim ng Partido ng nayon na dalhin ako sa himpilan ng pulisya. Pagkarating ko roon, tinanong ako ng pulis, “Paano nangyaring naniwala ka sa Diyos? Bakit ka ba naniniwala sa Diyos?” Sinabi ko, “Ang paniniwala sa Diyos ay isang di-mababagong prinsipyo. Sa pagbabasa ng salita ng Diyos araw-araw, mauunawaan namin ang maraming katotohanan, magiging mabubuting tao kami ayon sa salita ng Diyos, at makakalakad sa tamang landas sa buhay. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay hindi nambubugbog o nagmumura ng ibang tao, at palagi kaming sumusunod sa batas, kaya’t ano ba ang mali sa paniniwala sa Diyos? Bakit ninyo kami inaaresto?” Tiningnan ako ng opisyal nang may panlalait at marahas na itinanong, “Sino ang nangaral sa iyo ng ebanghelyo? May iba pa ba sa pamilya mo na naniniwala?” Sinabi kong ako lamang sa aking pamilya ang naniwala. Nakita nilang wala silang makukuhang anumang impormasyon sa akin, kaya pinalaya nila ako sa araw ding iyon. Pagkatapos kong umalis, nagtaka ako kung bakit napakadali akong pinalaya ng pulisya. Nalaman ko lamang nang makauwi ako sa bahay na, nang nalaman ng aking pamilya na dinala ako sa himpilan ng pulisya, ginamit nila ang kanilang mga koneksyon at nagbayad ng 3,000 yuan sa pulisya upang palayain ako. Ngunit ang pulisya ay naghahasik pa rin ng di-pagkakasundo sa pagitan namin ng aking pamilya, dahil inutusan nila ang aking pamilya na hadlangan ako sa paniniwala sa Diyos. Inaway ng aking manugang na babae ang anak ko tungkol dito at nagbantang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng pestisidyo kung patuloy akong maniniwala sa Diyos. Doon ko napagtanto na ang pulisya ng CCP ay bulok sa kaibuturan. Mayroon akong ganap na payapang pamilya, ngunit ngayon pinukaw nila nang husto ang mga bagay kaya nag-away-away kaming lahat! Naniwala ako sa isang tunay na Diyos na lumikha ng lahat ng bagay sa langit at sa lupa, at ngayon, naparito ang Makapangyarihang Diyos upang iligtas tayo sa pamamagitan ng paghiling sa atin na unawain ang katotohanan, isabuhay ang wangis ng tao, magsalita at kumilos sa mga paraang naaayon sa ating konsiyensya at kung ano ang tama, at huwag gawin ang mga bagay na sumasalungat sa ating pagkatao o moralidad. Ang ginawa ko lamang ay mamalagi sa tahanan at magbasa ng salita ng Diyos, magdaos ng mga pulong, at tumupad sa aking tungkulin, ngunit talagang nagsabwatan ang pulisya ng CCP at pinaratangan ako ng “paggambala sa kaayusang pampubliko.” Maliwanag na binabaluktot nila ang mga pangyayari, sadyang binabaligtad ang katotohanan, di-makatwirang pinaparatangan ng hindi totoong mga krimen ang mga tao! Si Satanas ay tunay na kasuklam-suklam. Ganap itong walang kahihiyang pagpapasama sa kapwa at malisyosong paninirang-puri. Nalaman ng pulisya mula sa impormante na nagdaos ng mga pulong sa bahay ko, kaya hindi sila tumigil sa panliligalig sa akin pagkatapos noon. Pagkatapos niyon, dinala nila ako sa himpilan ng pulisya para tanungin, at pinagbantaan ako sa pagsasabing, “Sabihin mo sa amin ang mga pangalan ng mga pinuno ng inyong iglesia at ng mga tao na dumadalo sa mga pagpupulong na idinaraos mo. Kung hindi mo sasabihin sa amin, ipakukulong ka namin!” Matigas ngunit matuwid, sumagot ako, “Wala akong alam! Wala na akong sasabihin sa inyo!” Galit na galit ang pulisya, ngunit dahil iningatan ako ng Diyos, hindi sila nangahas na saktan ako.

Pagkaraang palabasin ako ng pulisya, patuloy sila sa kanilang pagmamanman sa akin, walang saysay na umaasang gamitin ako bilang pain upang makahuli ng isang “mas malaking isda.” Natakot akong madamay ang aking mga kapatid, kaya hindi na ako nangahas na makipag-ugnayan sa kanila, at pagkatapos noon ay hindi na ako nagkaroon ng buhay-iglesia. Dahil wala akong buhay-iglesia, ang puso ko ay nakaramdam ng kahungkagan at kawalan ng kanlungan, at unti-unti akong napalayo sa Diyos. Ginugol ko ang bawat araw na namumuhay sa takot at pangamba, lubhang natatakot na darating ang pulisya upang kunin akong muli. Dati-rati, nagugol ko ang bawat araw sa pakikinig sa salita ng Diyos at Mga Sermon at Pagbabahagi, ngunit imposible na iyan ngayon, dahil kapag nakita nila akong nananalangin o kahit banggitin ko lang ang salitang “Diyos,” makakarinig na ako ng maraming reklamo mula sa aking pamilya. Palaging malamig ang pakikipag-usap sa akin ng aking manugang na babae dahil pinagmulta ako ng pulisya, at pinagalitan ako ng asawa at anak ko sa tuwina. Ang pamilya na dating sumuporta sa aking paniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay tumututol at inuusig ako ngayon sa kahit anong paraang kaya nila. Nagpalungkot itong masyado sa akin, nadama ng aking espiritu ang sobrang pang-aapi, at nabuhay ako sa kadiliman at pasakit na hindi ko pa naramdaman kailanman. Dahil wala akong marinig na mga pagbigkas ng salita ng Diyos at hindi ko nagawang makitipon sa aking mga kapatid, tigang na tigang ang aking espiritu. Gabi-gabi ay pabiling-biling ako sa higaan at hindi makatulog, at malimit kong maalala ang masasayang sandaling nagugol ko sa mga pulong kasama ang aking mga kapatid. Sa ganitong mga pagkakataon, kinamuhian ko ang gobyernong CCP. Ito ang nagsanhi ng lahat ng matinding paghihirap na ito, ito ang nagsanhi na mawalan ako ng mga karapatan ng isang nilalang na malayang maniwala at sumamba sa Diyos, ito ang nagsanhi na mawala sa akin ang aking buhay-iglesia, pinatigil ako nito sa pakikibahagi sa salita ng Diyos kasama ang aking mga kapatid, at pinatigil akong gampanan ang aking mga tungkulin. Sa aking matinding paghihirap, tahimik na lang akong nanalangin sa Diyos: “Diyos ko! Nabubuhay ako sa kadiliman, pakiramdam ko tigang na ang aking espiritu, at nais kong mamuhay ng buhay-iglesia kasama ang aking mga kapatid. Diyos ko! Nagsusumamo ako na magbukas Ka ng isang landas para sa akin!”

Humarap ako sa Diyos at patuloy na nanawagan sa Kanya sa ganitong paraan, at tunay ngang dininig ng Diyos ang aking mga panalangin, nang isaayos Niyang bisitahin ako ng aking mga kapatid. Alam ng isa sa aking mga kapatid na babae na madalas akong pumunta sa taniman ng bulak upang mamitas ng bulak, kaya palihim siyang nakipagkita sa akin doon, at nagtakda kami ng oras para magdaos ng mga pulong doon. Sa tuwing magkikita kami, maaga akong nagpupunta sa bukid para mamitas ng bulak, at habang lahat ng iba pa ay nanananghalian, nakasalampak kami ng aking kapatid na babae sa bukid upang magbasa ng salita ng Diyos. Kapag nakikita ko ang aking kapatid na babae, parang nakikita ko ang isang kamag-anak na matagal na nawala. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng luha ng kaligayahan. Ikinuwento ko sa kanya ang kawalang-katarungan at matinding paghihirap na aking tiniis, pati na ang mga di-pagkakaunawaan namin ng aking pamilya. Inaliw niya ako samantalang dinilig ako ng mga salita ng Diyos, at ibinahagi niya sa akin ang kalooban ng Diyos, at unti-unti, nagsimulang bumuti ang kalagayan ko. Ganito ang ginawang pang-uusig ng gobyernong CCP upang sa taniman ng bulak lamang ako makapagdaos ng mga pulong na nakasalampak. Isang araw, binasa namin ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaghihigpitan ng batas. Ang mas malaking problema pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay pinabayaan ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa lupa, ngunit magkagayon man, hindi kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos, na siyang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos. … Ang mga pagpapala ay hindi matatanggap sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking sakripisyo. Ibig sabihin, kailangan kayong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananampalataya, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi tinatakot o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng pagmamahal sa Diyos na tuluy-tuloy hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng pagpapasya, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging masunurin kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Ipinaunawa sa akin ng salita ng Diyos na ang kasalukuyan kong pagdurusa ay isang bagay na kailangan kong tiisin. Ang China ay isang bansang pinaghaharian ng ateismo kung saan inuusig at pinapahiya ang mga mananampalataya sa Diyos, ngunit pansamantala at limitado ang pagdurusang ito, at maingat itong isinaayos ng Diyos para gawing perpekto ang aking pananampalataya at pagsunod sa Kanya, upang mas matatanggap ko ang pangako at mga pagpapala ng Diyos sa hinaharap. Wala na akong iba pang hinahangad, dahil sapat nang sumasaakin ang Diyos. Kasabay nito, nakita ko na ang mga batas na ipinanukala ng gobyernong CCP ay mga panloloko lamang upang linlangin ang mga tao. Sa tingin ng mga tagalabas, sumusuporta ito sa kalayaang pangrelihiyon, ngunit ang totoo, wala man lang karapatan ang mga mananampalataya sa Diyos na basahin ang salita ng Diyos o magdaos ng mga pulong. Talagang hindi ito pumapayag na umiral ang mga mananampalataya sa Diyos, at hindi nito tinutulutan ang mga tao na sundan ang Diyos o tumahak sa tamang landas sa buhay. Sabi nga sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Malawak ang langit at lupa na nilikha ng Diyos, ngunit sa China ay wala man lang maapakan ang mga mananampalataya sa Diyos. Sinumang naniniwala sa Diyos ay inaaresto at pinahihirapan ng CCP at nililimitahan ang kanilang kalayaan. Wala nang ibang mas gusto ang CCP kundi patayin ang bawat mananampalataya sa Diyos at gawing isang bansang walang diyos ang China. Ang CCP ay masyadong tiwali, masama, at ayaw ng pagbabago. Talagang hindi ito makakasundo ng Diyos, isang kaaway ng Diyos na hindi makakatiis sa Kanyang pag-iral!

Kaya nga, patuloy akong nakipagkita nang lihim sa aking kapatid na babae sa taniman ng bulak. Ngunit lumipas ang panahon, at di magtatagal at sasapit ang taglamig. Nalanta at nalagas ang mga dahon ng mga halamang bulak, at hindi na nakapaglaan ng kublihan ang taniman ng bulak para makapagdaos kami ng mga pulong, kaya muli na namang nawala sa akin ang aking mga kapatid na kasama ko sa pagbabahagi ng salita ng Diyos. Noong una, nagawa kong sundin ang salita ng Diyos at magkaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya, ngunit nang mawala ang pagtustos at pagdidilig ng salita ng Diyos, mas lalong naging tigang at tuyo ang aking espiritu, at hindi nagtagal, muli akong nahulog sa kadiliman. Pakiramdam ko na nakababa ako mula sa langit patungo sa impiyerno, at ganoon katindi ang paghihirap ko kaya mas gugustuhin ko pang mamatay. Naniwala ang aking pamilya sa mga kasinungalingan ng pulisya, kaya patuloy nila akong binantayan araw-araw, at binantaan akong bugbugin kung patuloy akong maniniwala sa Makapangyarihang Diyos. Sa bahay, hindi ako nangahas na manalangin. Maaari lamang akong manalangin habang nakatago sa ilalim ng aking mga kumot sa gabi o kapag walang ibang tao sa bahay, at nakaraos ako araw-araw sa ganitong paraan. Bukod sa pagtitiis sa mga paratang ng aking pamilya, kinailangan ko ring tiisin ang mga bulung-bulungan at tsismis ng mga taga-nayon. Sa harap ng lahat ng ito, lalo akong nakaramdam ng pagiging miserable, nakadama ako ng espirituwal na kahinaan at kawalan ng pag-asa, at araw-araw akong walang kasigla-sigla. Naramdaman ko na, pagkatapos mawala ang buhay-iglesia, hindi makabasa ng salita ng Diyos, at hindi makita ang aking mga kapatid, miserable talaga ang buhay, na nawala na ang lahat ng saya nito. Naisip ko kung paanong noong araw, kapag miserable at mahina ako, palagi akong inaliw ng mga salita ng Diyos, matiyaga akong sinuportahan ng aking mga kapatid, at pagkatapos kong maunawaan ang kalooban ng Diyos, agad akong makakaramdam ng kapanatagan at kalayaan, at muling sumisigla ang aking espiritu. Ngunit ngayon, dahil sa pag-uusig at pagmamanman ng pulisya, nawalan na ako ng karapatang basahin ang salita ng Diyos, at hindi ko pa maaaring makita ang aking mga kapatid. Bawat araw ay isang mahaba at masaklap na pakikibaka, at nakikita kung paano ako namuhay nang hindi nadaramang buhay ako, na para bang patay na ako, at iniisip kung gaano kasigla ang buhay ko noong araw nang mabuhay ako sa presensya ng Diyos sa iglesia, nagdalamhati ako at naging miserable. At nang maisip ko kung paano naloko at nalinlang ng CCP ang aking pamilya, kung paano nila ako hindi naintindihan, at kung paano sila nakiayon sa CCP sa paghihigpit sa aking kalayaan, lalo pa akong nasaktan. Ngunit nang madama ko na parang wala na akong masulingan, patuloy akong nanalangin sa Diyos at nagmakaawa sa Kanya na magbukas ng isang landas para sa akin: “Diyos ko! Ngayon, hindi na ako maaaring magbasa ng Iyong salita, ni hindi na ako makakapamuhay ng buhay-iglesia, at hindi ko makakayanan ang ganitong buhay. Diyos ko! Nalinlang ng gobyernong CCP ang pamilya ko at buong lakas nilang sinisikap na hadlangan ako sa paniniwala sa Iyo. Tulungan Mo sana ako, tulutan Mo akong patotohanan ang Iyong mga gawa, at pigilan silang palinlang at pagamit kay Satanas. Diyos ko! Nais kong ipagkatiwala ang aking pamilya sa Iyo, at hinihiling ko na ipakita Mo sa akin ang daan palabas dito.”

Salamat sa Diyos, tunay na dininig Niya ang aking mga panalangin. Maya-maya pa, bigla akong hinimatay sa harap ng aking kama isang gabi. Natakot nang husto ang aking asawa at hindi niya alam kung ano ang gagawin, kaya mabilis na tumawag ang anak kong lalaki ng serbisyong pang-emerhensiya. Nang marinig ng unang ospital na tumugon na isang matandang babae ang pasyente na malubha ang karamdaman, tumanggi silang tanggapin ako. Tumawag sa ibang ospital ang anak ko, at sinabi ng doktor na wala na akong pag-asang magkamalay pa, na wala nang saysay na gumawa ng anuman para iligtas ako, at na dapat maghanda ang aking pamilya para sa pinakamalubhang mangyayari. Ngunit ayaw sumuko ng anak ko, at nagmakaawa siya sa kanila hanggang sa wala na silang ibang magagawa kundi mahabag at dalhin ako sa ospital. Gayunman, kahit pagkatapos ng mga pamamaraan sa emerhensiyang pagsagip, nanatili akong walang malay. Wala nang magagawa ang mga doktor, at natiyak ng aking pamilya na hindi ako mabubuhay. Ngunit para sa Diyos, walang imposible, dahil dito naganap ang isang himala! Pagkaraan ng kawalan ng malay-tao nang 18 oras, unti-unti akong nagkamalay. Nagulat ang lahat ng naroon. Nang imulat ko ang aking mga mata at makita ko ang mga doktor, akala ko nakatingin ako sa mga anghel. Tinanong ko sila kung nasaan ako, sabi sa akin ng isa sa kanila na nasa ospital daw ako, at habang nagmamadali silang suriin ang vitals ko, panay ang bulong nila ng, “Talagang himala ito….” Maya-maya lang, umupo ako, at nadama kong gutom na gutom ako. Pinakain ako ng nars, at pagkatapos kong kumain, naramdaman ko na puno ako ng sigla at lakas. Batid ko na isa ito sa mahimalang mga gawa ng Makapangyarihang Diyos, na narinig ng Diyos ang aking mga panalangin at binuksan ang isang daan para sa akin. Habang nakaupo ako sa kama hindi ko napigilang umawit ng papuri sa Diyos. Hindi napigilan ng nagulat na doktor na magtanong, “Ma’am, sino itong Diyos na pinaniniwalaan mo?” Sinabi ko, “Naniniwala ako sa isang tunay na Diyos na lumikha sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa—ang Makapangyarihang Diyos!” Tumugon ang doktor sa pamamagitan ng pagtingin sa akin nang may pagkabigla, at nagulat at natuwa ang aking pamilya nang panoorin nila akong umaawit. Nang makalabas ako ng ospital, umuwi ako, at isa-isang dumalaw ang aking mga kapitbahay, na sinasabing, “Kamangha-mangha ito! Sinabi ng lahat ng doktor na wala ka nang pag-asa, pero talagang nagising ka. Isa itong himala!” Nagpatotoo ako sa Diyos sa kanila, na sinasabing dahil ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, na nailigtas ako ng Diyos, na kung hindi sa Diyos ay patay na sana ako ngayon, at na ang Diyos ang nagbigay sa akin ng pangalawang pagkakataon sa buhay. Sinabi ko sa kanila na nilikha ng Diyos ang buong sangkatauhan, na pinagkakalooban tayo ng Diyos ng buhay, na pinangangasiwaan at pinamumunuan ng Diyos ang ating buhay, at na hindi matatalikuran ng mga tao ang patnubay ng Diyos, dahil ang pagtalikod sa Diyos ay nangangahulugan ng kamatayan. Pagkatapos maranasan ito, hindi na kinontra ng aking pamilya ang paniniwala ko sa Diyos, at pinagkalooban din ako ng Diyos ng isang di-inaasahang pagpapala—tinanggap din ng aking asawa ang kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos. Matapos iyan, madalas nang sumama sa akin ang aking asawa sa mga pulong upang makibahagi, at napakasaya ko, napakapayapa, at tiwasay. Pagkatapos ay ginugol ko ang araw-araw sa pamumuhay sa galak, dahil tunay kong nakita ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, at pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sa pamamagitan ng aking karanasan, tunay kong napahalagahan na anuman ang ginagawa ng Diyos sa isang tao, ginagawa Niya ito dahil sa pagmamahal. Sa likod ng pagpapahintulot Niya kay Satanas na pahirapan ako, naroon ang mabubuting hangarin ng Diyos. Gusto ng CCP na gamitin ang pag-aresto at pagpapahirap sa akin para layuan at ipagkanulo ko ang Diyos, ngunit wala itong ideya na ang karunungan ng Diyos ay isinasagawa batay sa mga panloloko ni Satanas. Hindi lamang nabigo ang pang-aapi ng CCP na lumayo ako sa Diyos o ipagkanulo ko ang Diyos, kundi sa halip ay tinulutan ako nitong makita nang malinaw ang masamang diwa ng paglaban ng CCP sa Diyos at pagkilos laban sa Langit, at lalo pa nitong pinatatag ang aking katiyakan na ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tinulutan din ako nitong makita ang dakilang kapangyarihan at mahimalang mga gawa ng Diyos, sa gayon ay pinalakas nito ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos. Gaya ng sinasabi ng salita ng Makapangyarihang Diyos: “Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang hambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay naglilingkod sa Akin; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8). Habang mas mabagsik ang paglaban ng CCP sa Diyos at pagpapahirap sa mga taong hinirang ng Diyos, mas nakakaya nating mahiwatigan at talikdan ito, at mas nauunawaan natin ang katotohanan at nalalaman ang karunungan at mahimalang mga gawa ng Diyos. Lumalago rin ang ating pananampalataya sa pagsunod sa Diyos, at mas nakakaya nating gumawa ng mataginting na patotoo para sa Diyos. Sa pagdanas ng pag-uusig ng CCP, malinaw kong nakita na, sa gawain ng Diyos, kumikilos lamang si Satanas bilang isang hambingan, at isang gamit-pangserbisyo para sa Diyos, at nalaman ko rin nang mas malinaw ang masidhing pagnanais ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Sa hinaharap, anumang mga hirap o sagabal ang kinakaharap ko, sana’y magampanan ko ang aking mga tungkulin sa abot ng aking makakaya at magawa ko ang aking bahagi upang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pag-uusig at Paghihirap ay Tumulong sa Akin upang Lumago

Ang Diyos ay tunay na isang marunong na Diyos! Talagang ang gawain ng Diyos ay kahanga-hangang at di-inaasahan! Ang sitwasyong ito ngayon ay dumating sa akin at, sa ibabaw, ito ay mukhang waring bang tinangay ang aking ina nang malaking pulang dragon, kinuha ang aking tanging sandigan, ginawang mahirap para sa akin na bumalik nang bahay, sinubukan nang walang kabuluhan para gamitin ito para hadlangan ang aking paniniwala sa Diyos at upang ako ay gumuho