Pagkamulat sa Gitna ng Pagdurusa at Paghihirap

Nobyembre 24, 2019

Totoong Karanasan sa Pag-uusig ng Isang Kristiyanong Labimpitong taong Gulang

Ni Wang Tao, Probinsiya ng Shandong

Ako ay isang Kristiyano sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Ako ang pinakamapalad sa lahat ng mga batang kapareho ng edad, dahil sumunod ako sa mga magulang ko sa pagtanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw sa edad na walong taong gulang. Kahit na bata pa ako noong mga panahong iyon, masaya ako na manampalataya sa Diyos at basahin ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng patuloy na pagbabasa ng salita ng Diyos at pakikisama sa mas nakatatandang mga miyembro ng iglesia, pagkatapos ng maraming taon, may bahagya akong naintindihan sa mga katotohanan. Lalo pa nang makita ko ang aking mga kinakapatid na patuloy na pinag-aaralan ang katotohanan at nagsisikap na maging mga tapat na tao, at nakita kong payapang nagkakasundo ang mga tao, nadama ko na ito na ang pinakamasaya at pinakamaligayang panahon. Paglaon, narinig ko sa isang sermon, “Sa kalakhang-lupain ng Tsina, ang pananampalataya sa Diyos, paghahabol sa katotohanan, at pagsunod sa Diyos ay talagang paglalagay ng buhay mo sa panganib. Hindi ito labis na pananalita” (“Mga Tanong at mga Sagot” sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay III). Noong panahong iyon, hindi ko naintindihan ang ibig sabihin nito, pero sa pakikisama ko sa mga kapatid, natutunan ko na ang mga sumasampalataya sa Diyos ay inaaresto ng mga pulis, at dahil ang Tsina ay isang bansang ateista, walang kalayaan para sa paniniwalang pang-relihiyon. Gayunpaman, noong mga panahong iyon, hindi ako naniwala sa mga salitang ito. Akala ko na dahil bata ako, kung sakaling maaresto man ako, walang gagawin sa akin ang mga pulis. Nagbago ito nang araw na ako mismo ay nakaranas ng pag-aresto at kalupitan sa kamay ng mga pulis; saka ko lang nakita nang malinaw na ang mga pulis, na dati kong tinitingala na parang mga tiyuhin, ay isang grupo ng mararahas na diyablo!

Nang ako ay labimpitong taong gulang, noong gabi ng ika-5 ng Marso, 2009, pauwi ako kasama ang isang kuya mula sa pagpapalaganap ng ebanghelyo nang biglang hinarang kami ng isang sasakyan ng mga pulis. Biglang lumabas sa kotse ang limang pulis at walang-pakundangan na inagaw ang aming motorsiklong electric na parang mga magnanakaw, pinagsisipa kami hanggang matumba sa lupa at pwersahan nila kaming pinosasan. Natulala ako sa pagkabigla sa mga pangyayari. Madalas kong marinig noon ang mga kapatid na nagkukwento ng kung paano inaaresto ang mga nananampalataya sa Diyos, nguni’t hindi ko naisip ni minsan na pwede itong mangyari sa akin sa araw na iyon. Natakot ako nang husto; sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso ko na parang lulundag ito palabas sa dibdib ko. Paulit-ulit akong nanawagan sa Diyos sa puso ko, “Makapangyarihang Diyos! Inaresto ako ng mga pulis, at takot na takot ako. Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin o kung ano ang plano nilang gawin sa akin, kaya nagsusumamo ako sa Iyo na pangalagaan ang aking puso.” Mas kumalma ako pagkatapos magdasal. Inisip ko na walang gagawin ang mga pulis sa isang batang katulad ko, kaya hindi ako gaanong ninerbiyos. Nguni’t hindi pala kasing-simple ng akala ko ang sitwasyon. Nang makitaan kami ng pulis ng mga libro tungkol sa paniniwala sa Diyos, ginamit nila ito bilang ebidensiya na pagbabatayan para dalhin nila kami sa istasyon ng pulis.

Panahon iyon ng maagang tagsibol sa hilaga ng Tsina, at malamig na malamig pa ang panahon, na bumababa hanggang negative 3-4 Celsius sa gabi. Pwersahang tinanggal ng hepe ng istasyon ng pulis ang aming mga dyaket, sapatos at pati sinturon, at mahigpit na pinosasan ang mga kamay namin sa aming likuran. Napakasakit no’n. Inutusan ng hepe ang maraming pulis na diinan kami sa sahig, at pagkatapos ay marahas na nilatigo ang mga ulo at mukha namin gamit ang balat na panali, at dahil dito parang binibiyak ang ulo ko sa sakit—parang sasabog ang ulo ko at tumulo na lang ang luha sa mukha ko nang di ko sinasadya. Nang sandaling iyon, galit ako, dahil sa slogan na “Maging Sibilisado sa Paghawak ng mga Kaso” ay malinaw na nakasulat sa pader, nguni’t tinatrato nila kami na parang mga barbarong magnanakaw at mamamatay-tao! Hindi iyon sibilisado! Sa galit ko, isinumbat ko sa kanila, “Ano ang krimen na nagawa namin? Bakit niyo kami inaaresto at sinasaktan?” Habang patuloy niya akong hinahataw, sabi ng isang masamang pulis, “Hayop ka, huwag kang magsasalita nang ganyan sa akin! Andito kami para hulihin ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos! Isa kang binata na maraming ibang pwedeng gawin, bakit ito? Sino ang pinuno niyo? Saan niyo nakuha ang mga librong ito? Sagutin niyo ako! Kapag hindi kayo sumagot, gugulpihin ko kayo hanggang mamatay kayo!” Napansin ko ang kuya ko na mahigpit na isinasara ang kanyang bibig at ayaw magsalita ng kahit isang salita, kaya sumumpa ako sa sarili ko: “Hindi rin ako magiging isang Hudas! Maski gulpihin nila ako hanggang mamatay, hindi ako magsasalita! Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, at walang kapangyarihan sa akin si Satanas at ang mga demonyo!” Nang makita niya na pareho kaming ayaw magsalita, sumabog ang galit ng hepe, at sumigaw siya at dinuro kami, “Sige kung ganun! Gusto niyong magmatigas? Ayaw niyong magsalita? Pahirapan nang husto ang mga ito! Ipakita sa mga ito ano ang nararapat at ipatikim sa kanila ano ang totoong tigas!” Agad na pinagtulungan kaming gulpihin ng mga pulis, tinanganan kami sa baba at pinagsusuntok sa mukha nang sobrang lakas na nakakita ako ng mga estrelya at humapdi sa sakit ang mukha ko. Inalagaan ako nang mabuti ng mga magulang ko mula nang bata pa ako; ni minsan ay hindi ako nakaranas ng gano’ng karahasan. Masyado akong nakaramdam ng kahihiyan na hindi ko napigil na umiyak, at naisip ko, “Napakarahas ng mga pulis, at sobrang walang katwiran! Sa eskwelahan, ang turo ng mga guro sa amin ay pumunta sa pulis kung nasa masamang sitwasyon kami. Sabi nila ang pulis ay ‘nagsisilbi sa mamamayan’ at mga ‘bayani na nangangalaga sa mabubuting taumbayan laban sa karahasan,’ pero ngayon, dahil lang naniniwala kami sa Makapangyarihang Diyos at lumalakad sa tamang landas ng buhay, basta na nila kami inaresto at walang-awang sinasaktan. Paano masasabing ito ang mga ‘Pulis ng Taumbayan’? Sila’y walang iba kung isang kampon ng mga diyablo! Kaya naman pala sinabi sa sermon na, ‘Sabi ng iba na ang malaking pulang dragon ay isang masamang espiritu, sabi ng iba ito ay isang grupo ng mga gumagawa ng kasamaan, pero ano nga ba ang kalikasan at nilalaman ng malaking pulang dragon? Isa itong masamang demonyo. Sila ay kampon ng masasamang demonyo na lumalaban at umaatake sa Diyos! Ang mga taong ito ay pisikal na pagpapakita ni Satanas, Satanas na may laman, ang pagkakatawang-tao ng masasamang demonyo! Ang mga taong ito ay walang iba kundi si Satanas at masasamang demonyo’ (“Ang Tunay na Kahalagahan ng Pagtalikod sa Malaking Pulang Dragon sa Pagtanggap ng Kaligtasan” sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay III). Noong nakaraan, naloko ako ng mga kasinungalingan nila, naniwala na ang mga pulis ay ‘mababait na tao’ na nagtatrabaho para sa ikabubuti ng karaniwang tao. Hindi ko noon nakita na ito ay hindi totoong imahe, pero sa araw na ito nakita ko sila sa wakas na talagang isang grupo ng masasamang diyablo na lumalaban sa Diyos!” Hindi ko maiwasang kamuhian sila mula sa kaibuturan ng puso ko. Nang makita ng hepe na hindi pa rin kami nagsasalita, sumigaw siya, “Bigyan niyo pa ng isang matinding panggugulpi!” Sinugod kami ng dalawa sa alipores niya. Inutusan kaming umupo sa sahig na nakaunat ang mga binti, at sinipa nila nang malakas ang mga binti namin gamit ang sapatos nilang balat, at tinungtungan at tinadyakan nila ang binti namin nang buong lakas. Sa sobrang sakit ng mga binti ko, pakiramdam ko ay mababali na ang mga ito, at hindi ako nakapigil na mapasigaw, pero lalo akong sumisigaw, lalo nila akong sinasaktan. Wala akong magawa kundi tiisin ang sakit habang tumatawag sa Makapangyarihang Diyos mula sa puso ko, “Diyos ko! Masyadong malupit ang mga demonyong ito! Hindi ko kakayanin ito. Para Mo nang awa, bigyan Mo ako ng pananampalataya at ingatan Mo ako para hindi Kita ipagkanulo.” Nang mga sandaling iyon, biglang lumitaw sa isip ko ang mga linyang ito mula sa salita ng Diyos, “Alam mong ang lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan ito nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Ang mga salita ng Diyos ay siyang pinagkunan ko ng malaking pananampalataya at lakas. Naintindihan ko na ang sitwasyon na nararanasan ko noong mga sandaling iyon ay may pahintulot ng trono ng Diyos, at iyon ang pagkakataon na kinakailangan akong tumindig nang matatag at magpatotoo para sa Diyos. Kahit na bata pa ako, nasa akin ang malakas na suporta ng Diyos, kaya wala akong kailangang katakutan! Pursigido akong tumindig nang matatag at magpatotoo para sa Diyos, na hindi maging isang duwag, at hindi sumuko kay Satanas! Sa pamamagitan ng tagubilin at paggabay sa mga salita ng Diyos, nasumpungan ko ang lakas ng loob at determinasyon na tiisin ang paghihirap at tumindig nang matatag at magpatotoo para sa Diyos.

Nang gabing iyon pagkalipas ng alas siyete ng gabi, pinuntahan ako uli ng hepe para tanungin. Inutusan niya akong umupo sa sementong sahig na sinlamig ng yelo para sadya akong panigasin sa lamig. Hanggang umabot sa sobrang nilalamig ako na namanhid na ang pareho kong binti at nanginginig na ang buong katawan ko, saka lang niya inutusan ang mga alipores niya na bitbitin ako at isandal sa pader, at pagkatapos ay walang-awa namang kinuryente ang mga kamay ko at baba gamit ang de-kuryenteng batuta. Nagkasugat-sugat ang mga kamay ko dahil sa pangunguryente at namanhid sa sakit ang lahat ng mga ngipin ko (kahit hanggang ngayon masakit ang ngipin ko kapag ngumunguya). Pero maski noon, hindi pa nakuntento ang diyablo na puno ng galit; sinimulan niya gamitin ang de-kuryenteng batuta sa aking ari. Hindi masasabi ang sobrang sakit na idinulot nito sa akin, nguni’t lalo lang siyang tumawa. Nang sandaling iyon, mula sa kalooban ko puno ako ng pagkamuhi para sa demonyong ito, na lubusang walang pagkatao. Nguni’t maski paano ako pagtatanungin at pahirapan ng mga masasamang pulis na ito, nagtiim-bagang ako at hindi nagsalita. Nagpatuloy ito hanggang mga alas dos o alas tres ng umaga, kung kailan manhid na ang buong katawan ko—wala na akong maramdaman maski saan. Sa wakas, nang napagod na sila sa pagpapahirap sa akin, kinaladkad nila ako pabalik sa maliit na kwarto, pinosasan ako kakabit ng kuya ko na kasabay kong inaresto. Inutusan nila kaming umupo sa mala-yelo-sa-lamig na sahig, at dalawa sa kanila ang inatasang magbantay sa amin para siguradong hindi kami matulog. Sa sandaling may isa sa amin na pumikit, susuntukin at sisipain nila kami. Kalaunan nang gabing iyon, kinailangan kong pumunta sa banyo, pero sinigawan ako ng isa sa masasamang pulis, “Gago ka, hangga’t hindi mo sinasabi ang gusto naming malaman, hindi ka pwedeng umalis dito! Umihi ka sa pantalon mo!” Sa huli, hindi ko na talaga mapigil, at umihi nga ako sa pantalon ko. Sa sobrang lamig na panahong iyon, basang-basa sa ihi ang pantalon kong makapal kaya’t walang-tigil akong nanginig dahil sa sobrang lamig.

Pagkatapos kong tiisin ang gayong kalupit na pagpapahirap ng mga diyablong ito, sobrang sakit ng buong katawan ko, at hindi ko maiwasang magsimulang manghina at maging negatibo. “Hindi ko alam kung ano na namang pagpapahirap ang gagawin nila sa akin kinabukasan. Kakayanin ko kaya?” Nguni’t nang mga sandaling iyon, nag-aalala ang aking kuya na hindi ko na nga kakayanin ang paghihirap at masyado nang negatibo ang pakiramdam ko, kaya’t may malasakit siyang bumulong sa akin, “Tao, anong pakiramdam mo sa mga pagpapahirap na ginawa ng mga diyablong iyon sa atin ngayong araw? Nagsisisi ka bang naniwala ka sa Makapangyarihang Diyos at ginawa mo ang iyong tungkulin?” Sabi ko, “Hindi, lubos lang akong nakakaramdam ng kahihiyan sa pananakit ng mga diyablong iyon. Akala ko hindi nila ako sasaktan dahil bata lang ako. Hindi ko inisip na nakahanda silang patayin ako.” Taos-pusong nagsalita muli ang kuya ko, “Pinili natin ang landas ng pananampalataya sa Diyos, at lumalakad tayo sa tamang daan sa buhay salamat sa gabay ng Diyos, nguni’t ayaw ni Satanas na sumunod tayo sa Diyos o maligtas nang lubusan. Maski anong mangyari, kailangang tumindig tayo nang matibay sa ating pananalig. Ni kailanman ay hindi tayo dapat sumuko kay Satanas; hindi natin maaaring biguin ang Diyos.” Nabuhayan ako sa mga salitang ito ni kuya. Nakapagpalubag-damdamin sa akin, at hindi ko maiwasang isipin ang mga salita ng Diyos, “Ano ang isang mananagumpay? Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay kailangang maging matapang at manalig sa Akin upang maging malakas sa espirituwal; kailangan silang lumaban upang maging mga mandirigma at labanan si Satanas hanggang kamatayan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 12). Sa sandaling iyon, naintindihan ko ang kagustuhan ng Diyos at nadama ko ang lakas sa loob ng puso ko. Hindi ko na naramdaman ang kahihiyan at pagiging-kawawa, at sa halip ay naging handa akong harapin ang pagsubok na ito nang buong tapang. Maski paano ako pahirapan ni Satanas na diyablo, aasa ako sa Diyos para pagwagian si Satanas; ipapakita ko kay Satanas na ang lahat ng naniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay Kanyang mga pinakamahuhusay na sundalo, mga di-magigibang mandirigma hanggang sa huli.

Nang sumunod na araw, ibinalik ako ng masasamang pulis sa interrogation room at sinimulan na naman akong pilitin ng hepe na umamin. Kinalampag niya ang mesa at dinuro ako sa ilong at minura ako, at sabi niya, “Nag-isip ka ba nang mabuti kagabi, bata? Gaano ka na katagal nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos? Gaano karaming tao na ang napangaralan mo? Sagutin mo ang mga tanong namin, dahil kung hindi, lalo ka pang masasaktan!” Naisip ko, “Hindi na ako matatakot pa kay Satanas. Kailangang magpakalalaki ako at maging matapang!” Kaya buong loob ko na sinabi, “Wala akong alam!” Sumabog ang galit ng hepe at sinigawan niya ako, “Bata, gusto mo bang mamatay? Dahil papatayin kita bago tayo matapos dito, at pagkatapos talagang mananahimik ka!” Habang isinisigaw niya ito, nilusob niya ako, hinawakan ang buhok ko at inihampas ang ulo ko sa pader. Agad na umugong ang mga tainga ko, at sobra ang sakit kaya hindi ako nakatiis at napaiyak ako at tumulo ang luha sa aking mukha. Sa wakas, nang malaman ng mga diyablong iyon na hindi nila makukuha sa akin ang gusto nila, wala na silang magawa kundi ibalik ako sa maliit na kwarto. Kinuha naman nila si Kuya para tanungin. Hindi nagtagal, narinig ko siyang sumigaw sa sakit, at alam kong may ginawa silang karumaldumal sa kanya. Nasa isang sulok ako ng maliit na kwarto na parang isang tupa na napapaligiran ng mga mababangis na lobo, parang nadudurog ang puso at walang magawa, at habang tumutulo ang luha sa mukha ko, nagdasal ako sa Diyos para hingiin sa Kanya na protektahan ang kuya laban sa masasamang diyablo na pilit siyang pinapaamin sa pamamagitan ng pagpapahirap sa kanya. Tatlong araw at tatlong gabi nila kaming tinanong sa ganitong paraan, at ni hindi kami binigyan ng kaunti man lang na pagkain o isang patak ng tubig. Nilalamig ako at nagugutom, at tulala, at namamaga ang ulo ko at sobrang sakit. Natatakot din silang mapatay kami, kaya wala silang nagawa kundi itigil ang pagpapahirap sa amin.

Pagkatapos ng marahas at di-makataong pagpapahirap ng gobyernong CCP, tunay kong naranasan ang dati kong narinig sa isang sermon: “Sa mga kulungan ng malaking pulang dragon, maski lalaki o babae ka, naaabuso ka nila sa kung paanong paraan nila gusto. Sila ay mga tampalasan at hayop. Walang habas nilang inaabuso ang tao gamit ang kanilang de-kuryenteng batuta, at ginagawa sa iyo anuman ang pinakakinatatakutan mo. Sa ilalim ng paghahari ng malaking pulang dragon, ang tao ay hindi na tao at mas masahol pa kaysa mga hayop. Ganito talaga kalupit at di-makatao ang malaking pulang dragon. Sila ay mga hayop, mga diyablo, lubos na walang katwiran. Walang anumang paraan para mangatwiran sa kanila, dahil wala silang katwiran” (“Ang Tunay na Kahalagahan ng Pagtalikod sa Malaking Pulang Dragon sa Pagtanggap ng Kaligtasan” sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay III). Nang sandaling iyon, sa wakas ay nakita ko nang maliwanag ang pagiging totoong reaksiyonaryo ng gobyernong CCP bilang isang kalaban ng Diyos. Talagang ito ay pagpapamalas ni Satanas, isang demonyo na pumapatay nang hindi man lang kumukurap! Wala silang moralidad o prinsipyo, at hindi ako pinalampas maski menor de edad ako. Nakahanda silang lahat na patayin ako dahil lamang sa naniniwala ako sa Diyos at lumalakad sa tamang landas sa buhay. Sila’y walang iba kundi mga malulupit na halimaw na walang prinsipyo, mabuting-asal, o pagkatao. Hindi na ako umasa pa na kaaawaan ako ng mga pulis dahil sa aking edad; nagmakaawa lang ako sa Makapangyarihang Diyos na ingatan ako at akayin ako para mapagtagumpayan ko ang marahas na pagpapahirap ni Satanas at ng mga demonyo, na matiis ko ang lahat ng paghihirap, at na ako ay maging isang tunay na saksi para sa Diyos.

Noong hapon ng ika-9 ng Marso, nang makita ng masasamang pulis na wala talaga silang makukuha sa amin, hinawakan nila ang mga kamay namin at pinilit kaming pumirma sa mga pekeng pag-amin, at inakusahan kami ng mga krimen na “nakakapinsala sa pambansang batas, nakakagulo sa panlipunang kaayusan, at pagpapabagsak sa kapangyarihan ng estado,” at pagkatapos ay ipinadala na kami sa detention house. Pagkarating na pagkarating namin, kinalbo nila kami, hinubad ang aming mga damit, at ibinalik sa amin ang mga iyon pagkatapos gupit-gupitin hanggang sa animo’y mga laso. Wala na ang sinturon ko, kaya kinailangan kong maglubid ng mga plastic na bag para ibigkis sa pantalon ko at nang hindi mahulog. Kahit sa ganun na sobrang lamig na panahon, inutusan ng mga pulis ang ibang mga bilanggo na paliguan kami gamit ang mga palanggana ng malamig na tubig na ibinuhos sa mga ulo namin. Pakiramdam ko ay nagyeyelo na ako kaya’t nanginginig ako mula ulo hanggang paa, at parang nanigas na ang dugo ko sa mga ugat. Hindi na man lamang ako makatayo pagkatapos niyon. Ang mga bilanggo sa kulungang iyon ay mga manggagahasa, magnanakaw, holdaper, at mamamatay-tao…. Bawa’t isa ay mukhang mas malupit kaysa sa huli, at nang naisip ko na hindi ako makakalabas sa mala-impyernong lugar na iyon, lalo akong nanginig sa takot. Sa gabi, mahigit 30 kaming magkakasamang natutulog sa matigas na sahig, at napakabaho ng mga kumot kaya halos hindi kami makatulog. Walang ipinakain sa amin ang masasamang pulis kundi maliit na ininit na tinapay at kaunting malabnaw na nilugaw na mais, kulang na kulang para pakainin kami nang sapat, at sa araw, labis na pinahihirapan kami sa mabibigat na gawaing pisikal. Kapag hindi namin tinapos ang mga gawain sa araw na iyon, pinarurusahan nila kami sa pamamagitan ng pagpapatayo sa amin magdamag sa panggabing bantayan ng selda, na ang ibig sabihin ay apat na oras kaming nakatayo at dalawang oras lang ang tulog namin. Kung minsan pagod na pagod ako kaya nakatulog ako habang nakatayo. Sinabihan din ng masasamang pulis ang punong bilanggo ng selda na maghanap ng mga paraan para pahirapan ako, tulad ng pagbibigay sa akin ng mabibigat na trabahong higit sa nararapat, at pagpapatayo sa akin bilang bantay sa magdamag. Pakiramdam ko parang matutumba na lang ako. Sa sobrang dami ng pagkakataong napahirapan at naabuso ako ng mga demonyong iyon, pakiramdam ko ay mas malaya pa sa akin ang isang asong kalye, at mas mabuti pa ang kinakain ng baboy o aso kaysa akin. Sa pag-iisip sa mga bagay na ito, nangulila ako sa aking tahanan at magulang, at ang pakiramdam ko ang detention house ay hindi lugar para mabuhay ang tao. Ayaw ko nang tumagal pa roon ng isa pang sandali. Wala akong ibang hangad kundi makaalis doon sa karimarimarim na lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Sa kasukdulan ng aking paghihirap at kahinaan, wala akong magawa kundi magdasal nang taimtim sa Diyos, at ito ang pagkakataon nang ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay nagbigay liwanag at gumabay sa akin: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay…. Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Isang malaking pinagkuhanan ko ng pampalubag-loob at lakas ang mga salita ng Diyos. Tinulungan ako ng mga ito na maintindihan na ang pagdurusa at mga paghihirap na dinaranas ko ay pagpapala mula sa Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mahihirap na sitwasyong iyon para pinuhin at perpektuhin ako, at para gawin akong isang tao na ang pagmamahal at pagiging tapat sa Diyos ay karapat-dapat sa pangako ng Diyos. Sa pag-iisip tungkol sa kung paanong naging maginhawa ang pagpapalaki sa akin mula pa nang bata ako, at ni minsa’y hindi nakaranas ng pagdurusa o maski kaunting pang-iinsulto, nakita ko na kung nais kong makamtan ang katotohanan at buhay, kailangan kong maging matibay at buo-ang-loob na tiisin ang pagpapahirap at maging buo at matibay ang aking pananampalataya. Kung hindi ako daranas ng ganoong paghihirap, hindi kailanman madadalisay ang katiwalian sa kalooban ko. Tunay na ang paghihirap ko ay talagang pagpapala mula sa Diyos, kaya kailangang magkaroon ako ng pananampalataya, makipagtulungan sa Diyos, at hayaan ang Diyos na buuin ang katotohanan Niya sa loob ko. Nang maintindihan ko ang kagustuhan ng Diyos, basta na lang lumabas ang isang dasal sa Diyos mula sa kalooban ko, “Diyos! Hindi na ako nanghihina o negatibo. Titindig ako nang matibay, buong-pusong aasa sa Iyo, lalaban kay Satanas hanggang sa katapusan, at hahangarin na mahalin at paluguran Ka. Hinihiling ko sa iyo na bigyan ako ng pananampalataya at tibay ng loob.” Sa mga araw na nagdusa ako sa pang-aabuso at pagpapahiya sa detention house, nagdasal at umasa ako sa Diyos higit sa anupamang panahon mula nang nakamit ko ang pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos, at ito na ang panahong naging pinakamalapit ako sa Diyos. Sa panahong iyon, hindi iniwan ng puso ko ang Diyos maski isang sandali, at nadama kong lagi Siya sa piling ko. Maski gaano ang paghihirap na dinanas ko, hindi ko naramdaman na paghihirap talaga iyon, at malinaw kong naintindihan na ang lahat ng ito ay pag-aalaga at pagprotekta ng Diyos sa akin.

Isang umaga makalipas ang isang buwan, biglang tinawag kami ni kuya ng mga gwardiya ng bilangguan. Bigla akong nabuhayan nang narinig ko ang tawag, sa pag-iisip na baka palalayain na nila kami at hindi na kami magdurusa pa sa impyernong iyon. Malayo pala sa inaasam ko ang katotohanan. Binati kami nang nakangiting-aso ng hepe dala ang mga nakasulat na hatol, nagsasabing, “Kayong dalawa ay nasentensiyahan ng isang taon ng muling pag-aaral sa pamamagitan ng pagtatrabaho dahil sa inyong pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Maski ayaw niyong magsalita, pwede namin kayong sentensyahan. Ang Partido Komunista ang naghahari sa bayang ito, at maski magdemanda kayo’y walang mangyayari sa demanda niyo!” Nagalit ang kalooban ko nang makita kong natuwa siya sa kinasapitan namin: Ang gobyernong CCP ay walang sinusunod na batas o mabuting-asal, at higit pa sa basta malupit na pagpapahirap sa isang menor de edad na batang tulad ko, sinesentensyahan pa ako maski wala akong anumang krimen! Nang araw na iyon, dinala nila kami ni kuya sa labor camp sa probinsiya. Sa pagsusuri sa kalusugan namin, natuklasan ng doktor na si kuya ay may alta presyon, sakit sa puso, at iba pang mga sakit. Natakot ang mga bantay ng labor camp na kung mamatay siya sa pasilidad nila’y baka sila ang masisi, kaya ayaw nila siyang tanggapin; walang magawa ang mga pulis kund ibalik siya, kaya’t ang ibig sabihin ay naiwan akong mag-isa doon. Nagsimula akong umiyak noon—humagulgol ako. Nangungulila ako sa aking tahanan at mga magulang, at ngayong naiwan akong wala na rin si kuya para makasama ko, paano ako mabubuhay sa napakahabang isang taon? Sa nakaraang buwan ng karahasan at pagpapahirap ng mga diyablong iyon, kapag pakiramdam ko’y negatibo at nanghihina dahil hindi ko na makayanan ang kalupitan nila, sinasamahan niya ako’t binabahaginan ng salita ng Diyos para pasiglahin at paginhawahin, tinutulungan akong magkaroon ng lakas sa pamamagitan ng pag-intindi sa kagustuhan ng Diyos. At, dahil nakita ko ang kanyang determinasyon, nagbigay ito sa akin ng pananampalataya at lakas upang labanan at pagtagumpayan ang mga demonyo sa tabi niya. Pero nang sandaling iyon, naiwan na ako para lumaban nang mag-isa. Kaya ko ba talagang tumindig nang matibay? … Mas lalo kong pinag-isipan, mas lalong sumasama ang pakiramdam ko, at mas nag-ugat sa puso ko ang pagiging negatibo, kalungkutan, kapaitan, at kahihiyan. Nang sukdulan na ang kahirapan ko hanggang sa bingit ng kawalan ng pag-asa, agad akong nanawagan sa Diyos, “Diyos! Masyadong maliit ang katayuan ko. Paano ko kakayaning tiisin ang ganoon kalaking pagsubok? Paano ako makakaraos sa mahabang taon na ito ng muling edukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho? Diyos! Nagmamakaawa ako sa Iyo na gabayan at tulungan ako, bigyan ako ng pananalig at lakas.…” Umagos ang mga luha sa mukha ko habang impit akong umiiyak. Sa aking pagdarasal, naalala kong bigla ang karanasan ni Jose nang ibenta siya sa Ehipto sa edad na labimpitong tao. Bagaman nag-iisa siya sa Ehipto at tiniis niya ang kahihiyan at paghihirap, ni minsan ay hindi niya tinalikuran ang totoong Diyos o sumuko kay Satanas. Maski noong pinahihirapan ako ng mga demonyo sa kulungan, may pahintulot ito ng Diyos na mangyari, at hangga’t totoo akong umaasa sa Diyos at hindi bumibigay kay Satanas, gagabayan din ako ng Diyos para pagtagumpayan si Satanas at makaalis sa pugad ng mga demonyo. Sa sandaling iyon, muli kong naalala ang mga salita ng Diyos, “Huwag mong maliitin ang iyong sarili dahil ikaw ay bata. Dapat mong ialay ang iyong sarili sa Akin. Hindi Ko isinasaalang-alang kung ano ang panlabas na hitsura ng mga tao o kung ilang taon sila. Isinasaalang-alang Ko lamang kung minamahal nila Ako nang taos-puso, at kung sinusunod nila ang Aking daan, at isinasagawa ang katotohanan na binabalewala ang lahat ng iba pang bagay. Huwag mag-alala tungkol sa kung ano ang magiging bukas o kung paano ang magiging hinaharap. Hangga’t ikaw ay umaasa sa Akin upang mabuhay sa bawat araw, tiyak na ikaw ay Aking aakayin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 28). Pinainit ng mga salita ng Diyos ang puso ko na para itong araw sa tag-init. Hinayaan ako nitong makita na walang kinikilingan ang Diyos, at maski ako ay bata pa, basta’t mayroon akong puso na may taos-pusong pagmamahal para sa Diyos at kayang mabuhay sa salita ng Diyos, palagi kong matatanggap ang patnubay ng Diyos. Naisip ko kung paanong mula nang sandaling inaresto nila ako, naroon ang Diyos kasama ko sa bawa’t sandali, tinutulungan akong kayanin ang bawa’t paghihirap at ginagawang posible para sa akin na makatindig nang matibay. Kung wala roon ang presensya at patnubay ng Diyos, paano kong matitiis ang mararahas na panggugulpi at mabangis na pagpapahirap ng mga demonyong iyon? Kinaya ko lang ang ganoong katinding paghihirap dahil sa pag-asa ko sa Diyos, at ngayong hinaharap ko ang isang taon ng muling edukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho, bakit nagkukulang ako sa pananampalataya? Hindi ba’t Diyos lang ang kailangan kong asahan? Kasama ko ang Diyos, at Siya ang magbibigay sa akin ng patnubay sa bawat sandali, kung kaya’t bakit ako makakaramdam na nag-iisa o natatakot? Ang sitwasyon na iyon ay nagbigay sa akin ng pagkakataon upang isagawa ang buhay na independyente at pagiging magulang sa pagharap sa buhay. Hindi ko na pwedeng tingnan ang sarili ko na isang bata, at hindi na rin maaaring umasa sa ibang tao habang hindi tumitingala sa Diyos. Kailangan kong lumago, umasa sa Diyos para lakaran ang sarili kong landas, at magtiwala na kakayanin kong lakaran ang landas na iyon, nakasandal sa Diyos. Hindi kailanman tatalunin ni Satanas ang mga tao na may determinasyon na umasa sa Diyos at mahalin Siya! Panahon na para magkaraoon ako ng tapang at lakas ng loob ng isang lalaking nasa tamang edad, at hayaan ang Diyos na magkamit ng luwalhati sa aking mga kilos. Nang maintindihan ko ang kagustuhan ng Diyos, pakiramdam ko’y may malakas na pwersa na sumusuporta sa akin, at sa kaibuturan ng aking puso nagdesisyon akong harapin ang buhay ko sa bilangguan.

Nang malaman ng mga gwardiya sa labor camp na naniniwala ako sa Makapangyarihang Diyos sinimulan nila akong sadyang pahirapan. Inutusan nila akong gumawa ng mabigat at mahirap na trabahong pisikal, nagpapasan ng mabibigat na sakong higit 50 kilo mula ikatlong palapag pababa sa unang palapag mula alas singko ng umaga hanggang pasado alas onse ng gabi, at kung hindi ko natapos ang takdang trabaho, kailangan kong magtrabaho pa ng dagdag na oras sa kalaliman ng gabi. Ni minsan ay hindi pa ako nakaranas ng trabahong pisikal dati, at hindi rin sapat ang kinakain ko sa detention house, kaya palagi akong pagod na pagod. Sa simula, ni hindi ko maiangat ang mga sako, pero nang kinalaunan, sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos, unti-unti’y kinaya ko nang buhatin ang mga iyon. Dulot ng mabigat na trabaho palagi akong pagod na pagoda araw-araw, at nananakit ang baywang at mga binti ko. Madalas inuutusan ng mga gwardya ang ibang mga bilanggo na gulpihin ako, na nag-iiwan ng mga sugat at pasâ sa buong katawan ko. Minsan, inutusan ng gwardya ang punong bilanggo na bugbugin ako dahil naatrasado ako sa pagkuha ng tubig. Sa panggugulpi sa akin, nabutas at sumabog ang aking eardrum, at nagkaroon ito ng impeksyon, at halos nabingi ako. Nagngalit ang mga ngipin ko sa galit at sama ng loob dahil sa pagdanas ng ganitong pang-aapi at abuso, ngunit wala akong magawa upang lumaban. Lugmok ako at puno ng sama ng loob at reklamo, nguni’t wala akong mapagsabihan ng mga reklamo ko. Ang pwede ko lang lapitan ay ang Diyos at sa Kanya ibahagi ang paghihirap ko sa pagdarasal. Sa loob ng madilim na bilangguan, natutunan kong maging malapit sa Diyos, na umasa at tumingin sa Diyos sa lahat ng bagay—ang nagdala sa akin ng pinakamatinding ligaya sa buhay ay ang pagdarasal sa Diyos upang ibahagi ang pinakamalalim kong mga iniisip. Sa tuwing nalulungkot ako o nanghihina, ang pinakagusto kong kantahin ay ang kantang “Determinado Akong Mahalin ang Diyos”: “Diyos ko! Nakita ko na ang Iyong katuwiran at kabanalan ay lubhang kalugud-lugod. Nagpapasiya akong magsumikap na matamo ang katotohanan, at determinado akong mahalin Ka. Nawa’y buksan Mo ang aking espirituwal na mga mata at nawa’y antigin ng Iyong Espiritu ang puso ko. Nawa’y loobin Mo, sa pagharap ko sa Iyo, na maitapon ko ang lahat ng negatibo, huwag na akong papigil sa sinumang tao, pangyayari, o bagay, at lubos kong ilantad ang puso ko sa Iyong harapan, at loobin Mo na maihandog ko ang aking buong pagkatao sa Iyong harapan. Paano Mo man ako subukin, handa ako. Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay. Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manghimasok si Satanas, determinado akong mahalin Ka(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Sa pagkanta nang pagkanta, naluluha ako, at nagdadala ito ng malaking kasiyahan at kasiglahan sa puso ko. Muli’t muli, tinulungan at sinuportahan ako ng Makapangyarihang Diyos, at hinayaan akong tunay na maranasan ang totoong pag-ibig ng Diyos para sa akin. Tulad ng isang maawaing ina, binantayan ako ng Diyos sa aking tabi, pinagiginhawa at sinusuportahan ako sa lahat ng sandali, binibigyan ako ng pananalig at lakas, at ginagabayan ako sa buong taon na iyon na ni kailanman ay hindi ko malilimutan.

Pagkatapos kong maranasan ang dilim ng panahon ko sa loob ng kulungan, naging mas magulang ang pagharap ko sa buhay, at marami rin akong natamong kaalaman tungkol sa katotohanan. Hindi na ako isang inosente at walang muwang na bata. Muli’t muli, ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang gumabay sa akin na pagtagumpayan ang paulit-ulit na pagpapahirap at pagpapasakit ng masasamang pulis, at muli’t muli ay hinayaan akong kumawala sa panghihina at pagiging negatibo, bumangon at tumindig nang matibay. Hinayaan ako nitong maintindihan kung paano isaalang-alang at paginhawahin ang puso ng Diyos, at pati na rin kung paano umasa sa Diyos at tumindig nang matibay, at paano magpatotoo at magsilbing saksi para sa Diyos upang ibalik ang pagmamahal ng Diyos. Hinayaan din ako nitong makita nang malinaw ang karahasan at kasamaan ni Satanas at ng mga demonyo at pati ang kanilang masamang kaloobang reaksyonaryo bilang mga kalaban ng Diyos. Binigyan ako nito ng malinaw na pagtalos sa huwad na imahe ng “Pulis ng Taumbayan na nagmamahal sa mamamayan.” Hindi na ako muling naloko ng mga kasinungalingan ni Satanas. Hindi lang sa hindi ako nasira ng pag-uusig at paghihirap, bagkus ito pa ang naging pundasyon na nilakaran ko sa landas ng pananampalataya. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa pag-aakay sa akin sa mahirap at mabatong daang ito at hinayaan akong matutong tiisin ang mabagsik na pagpapahirap sa ganoong batang edad. Sa pamamagitan nito, nakita ko ang pagiging makapangyarihan at paghahari ng Diyos, at nakita kong ito ang espesyal na pagliligtas ng Diyos para sa akin! Malalim kong nadama na sa masamang mundo na pinaghaharian ng mga demonyo, tanging ang Diyos ang makapagliligtas sa mga tao, tanging ang Diyos ang maaari nating maging suporta at tutulong sa atin maski kailan natin Siya kailanganin, at tanging ang Diyos ang nagmamahal sa mga tao. Ang pag-uusig at pagpapahirap na tiniis ko ay naging napakahalagang kayamanan ng paglago sa buhay para sa akin, at nakatulong nang malaki sa pagkamit ko ng ganap na kaligtasan. Bagaman naghirap ako nang panahong iyon, ang paghihirap na iyon ay napakahalaga at makahulugan. Tulad lang ito ng sabi sa salita ng Diyos, “Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, mabuti kung gayon: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, Tsina Isang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mahabang mga Taon sa Bilangguan

Ni Anning, Tsina Isang araw noong Disyembre, 2012, halos isang taon na akong mananampalataya, at nasa daan kami ng isang nakababatang...