Ang Landas Tungo sa Kaharian ng Diyos ay Hindi Palaging Madali (II)
Noong panahong iyon, nung sinabi ito ng pastor, nakaramdam ako ng matinding pressure. Kapag kinuwestiyon ako ng Kataas-taasang Konseho ng simbahan, at haharap ako sa isang grupo ng mga taong umaatake sa akin, makakayanan ko ba ito? Kung ipipilit kong manalig sa Makapangyarihang Diyos, patatalsikin ba nila ako sa eskwelahan? Sasabihan ba nila ang lahat ng iba pang mananampalataya na tanggihan ako? Nang maisip ko ito, sobra akong nag-alala, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos at hiniling sa Diyos na akayin ako, at sinabing nais kong manindigan sa pagpapatotoo.
Matapos kong magdasal, nagbasa ako ng dalawa pang sipi ng salita ng Diyos. “Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 17). “Palaging nariyan si Satanas na nilalamon ang kaalaman tungkol sa Akin na nasa puso ng mga tao, na nagngangalit ang mga ngipin at nakaamba ang mga kuko sa huling yugto ng paghihingalo nito. Nais ba ninyong mapahamak sa mga tusong pakana nito sa pagkakataong ito? Nais ba ninyong sirain ang inyong buong buhay kapag natapos na sa huli ang Aking gawain?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 6). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na ang mga bagay na ito na nangyayari sa akin ay mga pakana ni Satanas. Gusto akong guluhin at pigilan ni Satanas na sumunod sa Diyos. Kahit na mababa lang ang tayog ko at kakaunti lang ang alam kong katotohanan, handa akong umasa sa Diyos para makapanindigan at maipahiya si Satanas. Kaya sabi ko sa kanila, “Hindi ako titigil sa pagdalo sa mga pagtitipon. Patuloy akong susunod sa Makapangyarihang Diyos.” Galit na galit ang mga magulang ko nung hindi ako nakinig sa pastor. Pinandilatan ako ng tatay ko at sumigaw siya, “Ang lakas ng loob mong tumanggi! Bago umalis ang pastor, kailangan mong sumumpa na titigil ka na sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos!” Binalaan ulit ako ng pastor, sinasabi na kapag hindi ako tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon sa loob ng isang linggo, dadalhin niya ako sa Kataas-taasang Konseho para kwestyunin. Gayunpaman, wala akong pinagsisisihan, dahil alam na alam kong tama ang desisyon ko. Bago ko tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nananalig ako sa Diyos, pero hindi ko nauunawaan ang mga kinakailangan para makapasok sa kaharian ng langit. Minsan, puno ng mga pantasya ang isip ko, at kung minsan, dahil madalas akong nagkakasala at hindi ko alam kung makakapasok ako sa kaharian, sobra akong naguguluhan. Ngayon, sa wakas ay nauunawaan ko na. Tanging ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ang makalulutas sa ating makasalanang kalikasan, at saka lang tayo maliligtas sa kasalanan, magkakamit ng kaligtasan, at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Tanging ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang nagbigay-daan sa akin na makita nang malinaw ang masamang mundo na ito, at maunawaan kung paano ginagamit ni Satanas ang mga makamundong pilosopiya para gawing tiwali ang sangkatauhan. Kung hindi ko nabasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, buong buhay ko sanang sinunod ang mga satanikong makamundong pilosopiya. Ni hindi ko malalaman kung paano makakatakas mula sa katiwalian ni Satanas. Kaya, gaano man nila ako hadlangan, hindi ko kailanman isusuko ang pagsunod sa Makapangyarihang Diyos. Mayamaya, napansin ng pastor na wala akong intensyong sumuko, kaya galit siyang umalis. Galit na galit din ang mga magulang ko na tinanggihan ko ang pastor, at nanggagalaiti nilang sinabi sa akin na, “Ang lakas ng loob mong tanggihan ang pastor at gawin ang isang bagay na ipinagbabawal ng simbahan. Ayon sa kinaugalian, dapat kang palayasin sa nayon. Kung tatanggihan ka ng mga taga-nayon, kapag kailangan mong humingi ng sertipiko balang araw, hindi ito pipirmahan ng puno ng nayon para sa’yo. Hindi ka rin makakahanap ng trabaho. Naisip mo na ba ang mga kahihinatnang ito? Saan ka pupunta kung gayon? Estudyante ka lang. Wala kang lugar na tutuluyan, at hindi ka makakapagtrabaho. Paano ka mabubuhay?” Sinabi rin ng tatay ko na ikinahihiya niyang may anak siya na tulad ko. Sabi niya, nagdala ako ng malaking kahihiyan sa kanila, at na hindi niya na ako anak. Sa buong buhay ko, ito ang unang beses na narinig kong pinagalitan ako nang ganito ng tatay ko. Sinabi pa nga niyang hindi na niya ako anak. Hindi ako makapaniwalang sasabihin ‘yon ng mga magulang ko. Malungkot na malungkot ako na nanatiling tikom ang bibig ko. Nagpatuloy ang tatay ko na sabihing, “Uulitin ko sa’yo, kung patuloy kang mananalig sa Makapangyarihang Diyos, mas mabuti pang bayaran mo sa’kin ang lahat ng perang iginugol ko sa pagpapalaki sa’yo.” Noong panahong iyon, hiyang-hiya ako at sobrang lungkot. Maganda ang trato sa akin ng mga magulang ko dati. Sa kanilang sampung anak, ako ang pinakagusto ng mga magulang ko at sa akin sila may pinakamataas na mga inaasahan. Kahit kailan ay wala silang sinabing anuman na napakalupit, pero lubos nang nagbago ang pag-uugali nila ngayon. Hinahanap-hanap ko ang kabaitan ng mga magulang ko sa akin, at ayoko silang makaaway. Sobrang nanghina ako, at hindi ko alam ang gagawin ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling na akayin Niya ako sa pagharap sa sitwasyong ito. Kalaunan, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at katapatan ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat sayangin ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal. Walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Ang salita ng Diyos ay nagbigay inspirasyon sa akin. Naunawaan ko na kailangan kong magdusa para sa katotohanan. Kahit na tinutulan ako ng pamilya ko, hinadlangan ako ng pastor, at hinusgahan ako ng mga taga-nayon, at nahirapan ako at bahagyang nanghina, anuman ang sabihin nila, hindi ko pwedeng isuko ang pagsunod sa Makapangyarihang Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagdalo sa mga pagpupulong, marami akong naunawaan na katotohanan, at natukoy ko na sa aking puso na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, si Cristo ng mga huling araw, kaya hindi ako pwedeng tumigil sa pagpunta sa mga pagpupulong. Alam ko na kapag tumigil ako sa pagdalo sa mga pagtitipon, matatahimik ang mga bagay-bagay. Hindi na ako tututulan ng pamilya ko at tatatruhin nila ako nang mabuti gaya ng dati, at wala nang sinumang tatawa sa akin, pero mawawalan ako ng pagkakataon na makamit ang katotohanan at maligtas ng Diyos. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko pwedeng isuko ang katotohanan, at hindi ko pwedeng pagtaksilan ang Diyos dahil sa hindi pagsang-ayon ng pamilya ko. Ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan. Tanging ang Makapangyarihang Diyos lang ang makapagsasabi sa atin kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at Siya lang ang tanging nakapagturo ng daan para makatakas tayo sa kasalanan at mailigtas ng Diyos. Sulit na nagawa kong magdusa ngayon para sa katotohanan. Kaya, napagpasyahan ko na hindi ko na pagdurusahan ang paglilimita ng aking pamilya. Kahit pa hindi na nila bayaran ang matrikula ko, kahit pa patalsikin ako sa nayon at maging mahirap ang buhay, hindi ko isusuko ang pananalig sa Diyos at paghahanap sa katotohanan.
Gayunpaman, sa sumunod na linggo, isinaayos ng pastor na gabi-gabi akong puntahan sa aming bahay ng dalawang kasamahan. Inulit nila ang parehong mga salita araw-araw para patigilin ako sa pagdalo sa mga pagtitipon. Gayunpaman, sa kabila ng sinabi nila, patuloy akong pumupunta sa mga pagtitipon. Sa mga araw na iyon, madalas akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na payapain ang puso ko at ilayo ako sa mga kaguluhang ito. Kalaunan, natakot ang tiyuhin ko na makukutya ang pamilya ko kapag ang bagay na ito ay masyadong nalaman, kaya pumunta siya sa pastor para talakayin ang isang bagong paraan. Dinala nila ako sa isang teologo na isang doktor ng teolohiya at pamilyar sa Biblia. Matapos naming magkita, tinanong ako ng teologo. Sabi niya, “Bakit ka naniniwala sa Makapangyarihang Diyos? Napagtatanto mo ba na ang Makapangyarihang Diyos ay isang pangkaraniwang tao lang? Bakit ka mananalig sa isang tao?” Sabi ko sa kanya, “Ang Makapangyarihang Diyos ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Mukha siyang isang pangkaraniwang tao, pero taglay Niya ang Espiritu ng Diyos sa Kanyang kalooban, at Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos, hindi lang Siya may normal na pagkatao, kundi may ganap ring pagka-diyos. Tulad ng Panginoong Jesus; sa panlabas, isa lang Siyang pangkaraniwang tao, pero ang totoo, Siya ang nagkatawang-taong Anak ng tao, ang Diyos Mismo. Kaya Niyang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Pumarito na ang Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at nagpahayag ng maraming katotohanan, gaya ng anim-na-libong taon ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang misteryo ng pagkakatawang-tao at kung paano ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw para dalisayin at iligtas ang tao. Ibinunyag Niya ang iba’t ibang misteryo ng katotohanan at ibinunyag din Niya ang pinag-ugatan kung bakit nagkakasala ang tao. Sa tingin mo ba, kayang magpahayag ng isang ordinaryong tao ng gano’n karaming katotohanan? Walang sikat o dakilang tao sa mundo ang kayang ipahayag ang mga katotohanang ito. Tanging ang Diyos Mismo ang makakapagpahayag ng mga katotohanang ito. Walang iba kundi ang Diyos ang makakagawa nito. Ang lahat ng katotohanang ito na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay sapat na para patunayang Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Diyos Mismo.” Matapos kong sabihin ang mga bagay na ito, ginambala ulit ako ng doktor ng teolohiya at sinabing, “Mali ka sa pagsasabi n’yan. Ang lahat ng salita ng Diyos ay nasa Biblia, at hindi pwedeng magkaroon ng mga bagong salita na wala sa Biblia. Ang mga salitang ito ng Makapangyarihang Diyos ay sadyang hindi pwedeng maging mga bagong salita ng Diyos.” Pinabulaanan ko siya sa pamamagitan ng pagsasabing, “Mayroon ka bang anumang biblikal na basehan para dito? May pruweba ba sa salita ng Panginoong Jesus? Sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan’ (Juan 16:12–13). Pinopropesiya ng Biblia na bubuksan ng Cordero sa mga huling araw ang balumbon. Ipinapakita ng lahat ng ito na ang Diyos ay magsasalita pagbalik Niya sa mga huling araw. Kung, gaya ng sinasabi mo, ang Diyos ay walang sinasabing bagong salita na wala sa Biblia, hindi ba’t pagtanggi ito sa lahat ng salita at gawain ng pagbabalik ng Panginoon?” Nang oras na iyon, ni hindi siya nakinig. May sinabi siyang ilang bagay para kondenahin ang Makapangyarihang Diyos at paulit-ulit niyang hiniling sa akin na tumigil na sa pakikinig sa Kidlat ng Silanganan. Tapos sinimulan niyang ipagyabang kung gaano kataas ang kanyang pinag-aralan sa teolohiya, kung gaano siya nagdusa para mangaral para sa Panginoon, at iba pa. Sinabi rin niya na masyado akong bata para maunawaan ang Biblia at dapat akong makinig sa kanya, at sinabihan niya akong itigil na ang pakikipagkita sa mga tao mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sumali ang tiyuhin ko at sinabing: “Hindi tayo dapat nananalig sa kinokondena ng mga relihiyosong grupo. Ang teologong ito ay kilala dahil sa kanyang biblikal na kaalaman, at maswerte ka na magkaroon ng pagkakataong makausap siya. Sana makinig ka sa kanya at tumigil na sa pagpunta sa mga pagtitipon.” Sabi ko sa kanila, “Dati akong naguguluhan tungkol sa pamumuhay sa kasalanan. Hindi ko mahanap ang dahilan kung bakit hindi magawang tanggalin ng tao ang kasalanan. Hindi ko maunawaan hanggang sa mabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos na ito’y dahil sa makasalanang kalikasan sa loob natin. Kung hindi matatanggal ang ating makasalanang kalikasan, hindi tayo kailanman makakalaya mula sa gapos ng kasalanan.” Pinatotohanan ko rin sa kanila ang tungkol sa katotohanan ng pagkakatawang-tao. Pagkatapos kong sabihin iyon, sinabi ng teologo na nabuhayan siya ng loob sa ibinahagi ko. Sinabi niyang napakaganda nito, at umaasa siyang magkakaroon kami ng pagkakataon na talakayin ito sa hinaharap, pero ipinilit niya na hindi ko dapat tanggapin ang Makapangyarihang Diyos. Nakita ko na kahit na pamilyar ang teologong ito sa Biblia, marami siyang teolohikal na kaalaman, at may magandang reputasyon, ang totoo, siya ay kulang sa espirituwal at walang nauunawaang anumang katotohanan. Napakayabang din niya, at hindi tinatanggap ang katotohanan, at walang interes na siyasatin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Tulad ng mga Fariseo na nilabanan ang Panginoong Jesus, patuloy niyang kinokondena ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Hindi nabago ng pag-uusap na iyon ang determinasyon kong sumunod sa Makapangyarihang Diyos. Bagkus, binigyan ako nito ng pag-unawa sa mga pastor at teologong ito sa mundo ng relihiyon. Tumigil na ako sa pagtingala at paghanga sa kanila. At sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng salita ng Diyos sa panahong ito, nagkamit din ako ng kaunting pag-unawa sa mga maling paniniwalang ito sa mundo ng relihiyon. Dahil dito, lalo akong nakasiguro na ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan at na ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagpapakita ng nag-iisang tunay na Diyos. Kalaunan, sa isang pagpupulong, kinausap ko ang mga kapatid tungkol sa mga pangyayari kamakailan, at nagbahagi sila ng ilang salita ng Diyos sa akin na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa tungkol sa mga huwad na pastol at mga anticristo sa espirituwal na labanang ito. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka’t kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok” (Mateo 23:13). “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili” (Mateo 23:15). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos at marinig ang kanilang pagbabahagi, mas nabuhayan ako ng loob. Nakita ko na ang mga pastor at lider na ito sa mundo ng relihiyon ay tulad lang ng mga Fariseong kinondena ng Panginoong Jesus. Nilalabanan at kinokondena nila ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at ginagawa nila ang lahat para pigilan ang mga tao na marinig ang tinig ng Diyos at salubungin ang Panginoon. Sila’y mga balakid sa mga tao para makapasok sa kaharian ng Diyos. Napakasama nila na bukod sa sila mismo ay hindi pumapasok, pinipigilan din nila ang iba na magawa ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘mahuhusay na konstitusyon,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). “Masdan mo ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang pakana. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, ‘Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa aming pananampalataya.’ Isang tao ang daanan ng kanilang pananampalataya sa Diyos; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kapareho ng uri ni Pablo” (“Tanging ang Paghahabol sa Katotohanan ang Tunay na Paniniwala sa Diyos” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Malinaw na ibinubunyag ng Diyos ang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at paglaban sa Diyos ng mga lider ng relihiyon! Nagpakita na ang Makapangyarihang Diyos at nagpahayag ng napakaraming katotohanan, pero ni hindi sila naghahanap. Sa halip na makinig sa tinig ng Diyos, nakikinig sila sa mga salita ng ateistang partido, ang CCP, kinokondena ang gawain ng Makapangyarihang Diyos, at nagpapakalat ng mga kasinungalingan para linlangin ang mga mananampalataya at pigilan tayong marinig ang tinig ng Diyos at salubungin Siya. Sinisira nito ang pagkakataon nating maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Kahit na madalas ipinapaliwanag ng mga pastor at lider na ito ang Biblia sa mga tao sa simbahan, wala sila ni katiting na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Wala rin silang takot sa Diyos. Ang kanilang diwa ay katulad ng sa mga Fariseo. Lahat sila ay mga anticristo na kinamumuhian ang katotohanan at nilalabanan ang Diyos. Tapos naalala ko kung paanong pikit-matang sinamba ng mga mananampalataya sa Judaismo ang mga lider ng relihiyon, at bilang resulta, sumunod sila sa mga Fariseo sa paglaban sa Panginoong Jesus at nawalan sila ng pagliligtas ng Diyos. Sinamba rin ng mga magulang ko ang mga pastor at elder. Kahit na maraming taon na silang nananalig sa Panginoon, walang lugar sa puso nila ang Diyos. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang pag-unawa. Iniisip nilang ‘yong mga sumusunod sa pastor at elder ay sinusunod at sinusundan ang Panginoon. Anuman ang sabihin ng mga pastor at elder, pinakikinggan ng mga magulang ko. Sa isang bagay na kasinghalaga ng pagsalubong sa Panginoon, wala silang anumang pag-unawa at pikit-mata silang nakikinig sa pastor, pero noong nagpatotoo ako sa kanila tungkol sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, hindi man lang sila nakinig, at inulit nila ang mga salita ng pastor at ng teologo para kondenahin ang Makapangyarihang Diyos. Sabi pa nga nila, “Kahit pa ito ang tamang daan, hindi namin ito tatanggapin maliban na lang kung tanggapin ito ng pastor.” Nakita ko na sobrang kaawa-awa ang mga magulang ko. Paano sila nananalig sa Panginoon? Hindi ba’t nananalig lang sila sa mga pastor at elder? Sinabi ko sa mga magulang ko, “Kung ipinanganak kayo sa Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang Panginoong Jesus para gumawa, magiging tulad kayo ng mga mananampalatayang iyon ng Judaismo sa nakaraan at susunod sa mga Fariseo sa paglaban at pagkondena sa Panginoong Jesus, dahil pastor lang ang pinapakinggan ninyo. Kapag kinondena ng mga pastor at elder ang isang bagay bilang huwad, pareho rin ang sinasabi n’yo, pero kayo mismo ay hindi man lang sinisiyasat ang tamang daan, o hinahangad na marinig ang tinig ng Diyos. Hindi ba’t tulad ito ng mga sumunod sa mga Fariseo at lumaban sa Panginoong Jesus? Makakakuha ba kayo ng magagandang resulta sa ganitong paraan?” May kaunti akong pag-unawa sa aking mga magulang, at hindi na ako napipigilan ng aking mga emosyon, kaya may determinasyon akong tumayong saksi para sa Diyos.
Noong panahong iyon, anuman ang gawin ko, binabantayan ako ng mga magulang ko. Hindi ako makadalo sa mga pagpupulong sa bahay nang payapa. Noong panahong iyon, kinakailangan kong pumuslit sa isang maliit na bahagi ng kagubatan malapit sa gilid ng aming nayon para sa mga pagtitipon. Napakaraming lamok at insekto. Sobra akong kinakagat ng mga lamok, at wala akong mahanap na komportableng lugar na pwedeng upuan. Kung minsan, nasa kakahuyan pa rin ako kahit na gabing-gabi na. Para maiwasan na malaman ng mga magulang ko na nasa mga pagpupulong ako, kailangan kong pumuslit pabalik ng bahay para matulog, at kailangan kong gumising nang mas maaga sa kanila para isipin nilang nakatulog ako nang maayos sa gabi. Sa araw, madalas akong pumupunta sa bukid para tulungan ang mga magulang ko. Pagtagal-tagal, mapapagod ako at aantukin. Sobrang nakakapagod ito. Nagsimula akong medyo manghina, at hindi ko alam kung kailan matatapos ang mga araw na ito. Minsan, naiisip ko pa nga na kapag nakinig ako sa mga magulang ko at tumigil na sa pagpunta sa mga pagtitipon, hindi ako masyadong magdurusa, hindi ako pagtatawanan ng mga kapitbahay ko, at hindi nito maaapektuhan ang paghahanap ko ng trabaho. Habang iniisip ang mga bagay na ito, medyo nagdadalawang-isip ako. Pero naisip ko na sa bawat pagtitipon, nakakaunawa ako ng ilang katotohanan, at ito ay mga katotohanan na hindi ko pa narinig kailanman. Nag-aatubili akong isuko iyon. Noong panahong ‘yon, may isang himno ng salita ng Diyos na nagpalakas ng loob ko, maraming beses ko itong pinakinggan. “Ang lubusang pananampalataya at pag-ibig ay hinihingi sa atin sa gawain ng mga huling araw. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na” (“Ang Ginagawang Perpekto ng Diyos ay ang Pananampalataya” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Naunawaan ko mula sa awit na ito na pwedeng maging mahina at miserable ang laman ko sa mga panahon ng kaguluhan, pero sa mga panahong ito, dapat akong matutong talikdan ang laman. Kapag sinunod ko ang sarili kong laman, hindi ko mapapasaya ang Diyos, at mawawalan din ako ng pananampalataya sa Diyos. Alam na alam ko na kapaki-pakinabang sa buhay ko ang bawat pagpupulong at ang katotohanang nakamit ko ay isang di-mabibiling kayamanan. Kahit na ang bawat pagtitipon na gabing-gabi sa kagubatan ay nakakapagod at mahirap sa katawan, isa rin itong pagsubok para sa akin, para makita kung kaya kong magdusa para sa katotohanan at kung may tunay akong pananampalataya. Gusto ng mga magulang ko na hangarin ko ang kasikatan at yaman sa mundo at maghanap ako ng isang magandang trabaho, para mabigyan ko ng magandang buhay ang pamilya ko at maipagmalaki nila ako. Ito ang gusto nila at ang inaasahan nila. Pero kapag nakinig ako sa mga magulang ko at tumigil ako sa pagpunta sa mga pagtitipon, kahit na hindi ko kailangang pagdusahan ang mga bagay na ito, hindi ko makakamit ang katotohanan. Magiging tulad pa rin ako ng dati, ang tanging iniisip lang ay kung paano libangin ang aking sarili at ang mga hinahangad ng laman, na walang saysay. Ang matanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at matamasa ang panustos ng napakaraming katotohanan ang pinakamalaking pagpapala para sa akin. Ang kakaunting pagdurusang tiniis ko ay walang sinabi kumpara sa maunawaan ang katotohanan, at ang lahat ng ito ay makahulugan. Sa pag-iisip nito, handa akong bitiwan ang kasiyahan ng laman at wala akong pakialam kung anong sinasabi ng pamilya ko tungkol sa akin. Umaasa lang ako na masasandalan ko ang Diyos para malagpasan ko ang mga paghihirap na ito.
Kalaunan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, unti-unting bumuti ang kalagayan ko. Unti-unti, naunawaan ko na tanging sa gano’n kahirap na kapaligiran ko mas mahahanap ang kalooban ng Diyos at magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at dahil dito, sobra akong nagpasalamat sa Diyos! Pagkatapos noon, nagpatuloy ako sa pagpunta sa mga pagpupulong sa kagubatan. Pero minsan, habang nasa isang pagpupulong ako, nalaman ito ng isang tao, hindi ko alam kung sino, at nagsumbong ito sa mga magulang ko. Sa almusal kinaumagahan, sinabi sa akin ng nanay ko, “Akala ko tumigil ka na sa pagdalo sa mga pagpupulong matapos mong makilala ang teologo. Hindi ko alam na pumupunta ka sa mga pagpupulong sa kagubatan sa gabi. Hindi ka ba natatakot?” Habang nagsasalita siya, nagsimula na siyang umiyak. ‘Yon ang unang pagkakataon na nakita kong umiyak ang nanay ko sa harap ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Nangingilid ang mga luha ko. Alam kong hindi ko pwedeng isuko ang pagsunod sa Makapangyarihang Diyos, pero ayokong saktan ang mga magulang ko. Pakiramdam ko’y isang espesyal na labanan ito. Kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ang Diyos ay gumagawa, ang Diyos ay nagmamalasakit sa isang tao, nagmamasid sa isang tao, at mga panahong ito ay binubuntutan ni Satanas ang Kanyang bawat hakbang. Sinuman ang pinapaboran ng Diyos, binabantayan din siya ni Satanas, at binubuntutan ito sa likod. Kung nais ng Diyos ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang masasamang kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at wasakin ang ginagawa ng Diyos, ang lahat ng ito ay upang makamit ang natatagong layunin nito. Ano ang layunin nito? Ayaw nito na makuha ng Diyos ang sinuman; nais nito para sa sarili nito ang lahat ng nais ng Diyos, gusto nitong sakupin sila, kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas? … Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagsunud-sunod sa likuran Niya, ang layunin ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makuha ng Diyos, ang ganap na puksain ang mga nais na makuha ng Diyos. Kung hindi sila mapupuksa, sila kung gayon ay aangkinin ni Satanas upang magamit nito—ito ang layunin nito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na. Gumagawa ang Diyos para iligtas ang tao, habang sinusubukan ni Satanas ang lahat ng makakaya nito para hadlangan ang Diyos at pigilan ang mga tao na sumunod sa Diyos at matanggap ang pagliligtas ng Diyos. Naalala ko kung paano tinukso si Job ng kanyang asawa na talikdan ang Diyos. Ito ay pakana ni Satanas. Sa panahong ito, ginulo ako ng mga kaibigan ko, hinadlangan at binalaan din ako ng pastor at ng pamilya ko para tumigil na ako sa pananalig sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga panunukso ni Satanas. Sabi ng pamilya ko, natatakot silang mapapalayas ako sa nayon at walang mapupuntahan. Sinabi rin ng nanay ko na nag-aalala siya sa akin. Parang nag-aalala siya sa mga salitang ito, pero ang totoo, ginagamit ni Satanas ang pamilya ko para pigilan akong sumunod sa Diyos. Gusto ni Satanas na pwersahin akong sumuko, patuloy na sumunod sa pastor, at manatili sa relihiyon, at mawalan ng pagliligtas ng Diyos. Hindi ako pwedeng mahulog sa mga pakana ni Satanas. Pagkatapos noon, patuloy akong dumalo sa mga pagtitipon at magbasa ng salita ng Makapangyarihang Diyos. Alam kong sa mga darating na araw, maaari pa rin akong maharap sa maraming panunukso ni Satanas, at baka makaranas ako ng maraming dagok, pero alam ko sa puso ko na ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan. Ang mabasa ang salita ng Makapangyarihang Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at makamit ang katotohanan ay napakalaga para sa akin. Gaano man ako magdusa, sulit ito!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.