Natutuhan Ko Kung Paano Makipagtulungan Nang May Pagkakasundo sa Iba

Pebrero 18, 2026

Ni Fang Zheng, Tsina

Noong Agosto 2021, sinabi sa akin ng superbisor na plano niyang magkatulungan kami ni Brother Wang Jin sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, at kapag nakahanap na ng angkop na pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay, isasaayos niya na pumunta kami roon. Pagkarinig ko nito, agad akong nakaramdam ng paglaban sa loob-loob ko, at napuno ang isip ko ng lahat ng hindi magagandang nangyari sa pagitan namin ni Wang Jin.

Noong ginagawa ko pa ang tungkuling nakabatay sa teksto, sa simula, ako ang nangunguna sa grupo namin. Ang mga kapatid na nakikipagtulungan sa akin ay bihirang kumontra o tumukoy ng mga problema sa mga liham-komunikasyon na isinulat ko, at palaging kumokonsulta sa akin ang superbisor tungkol sa mga bagay-bagay. Pero pagkatapos sumali ni Wang Jin sa grupo, madalas siyang may ibang opinyon tungkol sa mga liham na isinulat ko at tumukoy ng mga isyu. Kahit na tama siya, ayaw kong tanggapin iyon. Napakatagal ko na sa grupo, at wala pang sinumang tumukoy sa mga pagkukulang ko nang ganoon kaprangka. Dahil sa mga komento niya, parang lumabas na hindi ako kasinggaling niya. May dalawang beses na tinukoy niya ang mga problema sa mga artikulo ko sa harap mismo ng superbisor, at lalo itong naging mahirap tanggapin para sa akin. Naisip ko, “Iisipin kaya ng superbisor na kahit ganito na ako katagal sa paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, hindi ko pa rin maarok ang mga prinsipyo nang kasinghusay ng isang nagsisimula pa lang magsanay? Paano pa ako haharap sa kanila?” Nang mag-isip ako nang ganito, naramdaman kong sinasadya akong pag-initan ni Wang Jin, sinusubukang ipahiya ako sa harap ng lahat, at hindi ko maiwasang magkaroon ng masamang opinyon sa kanya. Pakiramdam ko ay nanganganib ako, lalo na kapag nakikita ko siyang nakikipagbahaginan nang napakalinaw at makatwiran sa harap ng superbisor. Pakiramdam ko, inagaw niya ang eksena ko at nawala ang puwesto ko sa puso ng superbisor. Kalaunan, noong sabay kaming nag-aaral ng mga kasanayan sa kompyuter, nagkaproblema si Wang Jin at humingi ng tulong sa akin. Naisip ko, “Hindi ba’t ang galing-galing mo? Hindi ba’t palagi mong sinasabing hindi ako magaling dito o hindi ko kaya iyon? Dahil mas mahina ako sa iyo sa lahat ng bagay, bakit sa akin ka pa nagtatanong?” Totoong ayaw ko siyang turuan, at kinausap ko siya sa naiinis na tono. Pagkalipas ng ilang panahon, sinabi sa akin ni Wang Jin, “Brother, sa panahong ito ng pakikisalamuha sa iyo, natuklasan ko na hindi lang mapagmataas ang disposisyon mo at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, kundi matindi rin ang pagnanais mo sa katayuan. Kung magpapatuloy ka nang ganito, natatakot akong magiging isa kang anticristo sa huli.” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, nag-init ang mukha ko sa hiya, na para bang nasampal ako. Labis na sumama ang loob ko, “Ayos lang na tawagin niya akong mapagmataas, pero paano niya nasabing magiging anticristo ako? Hindi ba’t basta-basta na lang niya akong binabansagan? Anong klaseng tao ba ang isang anticristo? Sila ang mga taong kinamumuhian at itinitiwalag ng Diyos, at itinatakwil ng mga kapatid. Kung malalaman ito ng aking mga kapatid, ano na lang ang iisipin nila sa akin?” Sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito, nakararamdam ako ng matinding pagtutol kay Wang Jin at ayaw na ayaw ko nang makipagtulungan uli sa kanya sa paggawa ng mga tungkulin.

Hindi ko kailanman inakala na isasaayos ng iglesia na magkatulungan uli kami. Naisip ko, “Hindi puwede. Kailangan kong humanap ng paraan para makumbinsi ang superbisor. Hindi ko puwedeng hayaang sumali sa grupo si Wang Jin, anuman ang mangyari.” Pero nag-alala ako na kung sasabihin ko ang katotohanan, iisipin ng superbisor na isa akong pakialamerong mapaghanap ng mali sa iba, at hindi ko talaga kilala ang sarili ko kahit kaunti. Kaya, nagpaligoy-ligoy ako at sinabing, “Bagama’t nakagawa na dati ng tungkuling nakabatay sa teksto si Wang Jin, hindi pa siya kailanman nag-edit ng mga sermon. Bukod diyan, medyo malubha ang hika at cervical spondylosis niya, at tumatanda na rin siya. Hindi na talaga siya angkop para sa tungkuling ito.” Pero sumagot ang superbisor, “Noong ginawa dati ni Wang Jin ang tungkuling nakabatay sa teksto, siya ang may pinakamahusay na propesyonal na kasanayan sa grupo, at may kaunti siyang pagkaarok sa mga prinsipyo. Magtulungan muna kayong dalawa sa ngayon.” Pagkarinig niyon, medyo nadismaya ako. Ang isiping araw-araw akong haharap sa isang taong laging tinutukoy ang mga problema ko ay nagpasikip sa loob ko; hindi ko man lang maipaliwanag kung ano ang pakiramdam. Pagkalipas ng ilang araw, dumating ang lider para sa isang pagtitipon, at sa harap niya, nagpanggap na naman akong nag-aalala para kay Wang Jin, sinasabing tumatanda na ito at mahina ang katawan, at natatakot akong hindi na nito kakayanin ang presyur ng paggawa ng tungkuling nakabatay sa teksto. Pagkasabi ko nito, nakaramdam ako ng bahagyang paninisi sa sarili, dahil alam kong hindi ko sinasabi ang tunay na nasa puso ko. Pero nang maisip kong baka makumbinsi ng mga salita ko ang lider na huwag nang isali si Wang Jin sa grupo, nawala ang kaunting pagkabagabag na iyon. Nagulat ako na parehong-pareho ang pananaw ng lider sa pananaw ng superbisor. Sobrang sama ng loob ko. Pagkauwi ko, nagsabi ako sa asawa ko ng ilang mapanghusgang bagay tungkol kay Wang Jin. Matapos makinig, pinaalalahanan niya ako, sinasabing, “Kahit sino pa ang makipagtulungan sa atin, palaging may aral na kailangan nating matutunan. Palagi ka na lang nakatuon sa iba—hindi iyan pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan!” Alam kong tama siya, pero ayaw ko pa ring makipagtulungan kay Wang Jin, ni hindi rin ako wastong nagnilay-nilay sa sarili ko. Umasa pa rin ako na hindi makahahanap ang lider ng angkop na pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay, para hindi ko na kailangang makipagtulungan kay Wang Jin.

Isang gabi, lampas alas-onse, bigla akong nagkaroon ng mataas na lagnat na 42 degrees Celsius. Para akong basang trapo, nakahiga sa kama na nanghihina at nahihilo, nakabaluktot at nanginginig sa ilalim ng kumot. Agad na pinunasan ng asawa ko ang katawan ko ng alkohol para bumaba ang lagnat ko. Habang nagpupunas siya, sinabi niya, “Bigla ka na lang nagkaroon ng ganyang kataas na lagnat, hindi mo ba naiisip na baka dapat kang magnilay-nilay sa sarili mo? Nitong mga nakaraang araw, puro ka na lang puna kay Wang Jin, pero hindi ba’t may sarili ka ring mga aral na dapat matutunan? Hindi kaya’t ang pagkakaroon ng ganito kalubhang sakit ay pagdidisiplina ng Diyos?” Napagtanto kong kailangan ko na talagang pagnilayan ang sarili ko. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong maunawaan ang sarili kong mga problema.

Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nahaharap sa isang problema, naghahanap ng sagot ang ilang tao mula sa iba, pero kapag nagsasalita ang ibang tao ayon sa katotohanan, hindi nila iyon tinatanggap, hindi sila makasunod, at sa puso nila, iniisip nilang, ‘Hindi hamak na mas magaling ako kaysa sa kanya. Kung makikinig ako sa mungkahi niya sa pagkakataong ito, hindi ba magmumukhang mas magaling siya sa akin? Hindi, hindi ako maaaring makinig sa kanya tungkol sa bagay na ito. Gagawin ko na lang ito sa aking paraan.’ Pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan at palusot para kontrahin ang pananaw ng ibang tao. Kapag may nakita silang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanila, sinusubukan nila itong pabagsakin, gumagawa ng walang batayang mga tsismis tungkol dito, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan ito at isabotahe ang reputasyon nito—inaapakan pa maging ang pagkatao nito—para maprotektahan niya ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao. Anong uri ng disposisyon ito? Hindi lang ito kayabangan at kapalaluan, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang mapaminsalang disposisyon. Na inaatake at ibinubukod ng taong ito ang mga taong mas mahusay kaysa sa kanya at mas superyor sa kanya ay lihim na mapanira at buktot. At na hindi siya tumitigil sa pagpapabagsak ng mga tao ay nagpapakita na matindi ang malademonyong kalikasan sa loob niya! Sa pamumuhay ayon sa disposisyon ni Satanas, minamaliit niya ang mga tao, sinusubukan niyang idiin ang mga ito, at pinapahirapan niya ang mga ito. Hindi ba’t ito ay paggawa ng kasamaan? At sa kabila ng pamumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos siya, na mabuti siyang tao. Subalit kapag may nakikita siyang mas superyor kaysa sa kanya, pinahihirapan at tinatapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong gumagawa ng ganoong masasamang gawa ay mga walang pakundangan at walang habas? Ang mga gayong tao ay isinasaalang-alang lamang ang sarili nilang mga interes at ang sarili nilang mga damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanais, ambisyon, at pakay. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi sila mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang gayong mga tao? Wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang takot, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga kahihinatnan nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas banayad na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na pagnanais para sa pansariling reputasyon at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at lihim na mapanira. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila natatakot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang sarili bilang mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at ng mga walang may-takot-sa-Diyos na puso? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay buong-sigla silang nagpapakaabala at gumugugol ng matinding pagsisikap, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng gayong mga tao na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at prestihiyo, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi na masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang may-takot-sa-Diyos na puso? Hindi ba’t mayabang sila? Hindi ba’t mga Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawalang may-takot-sa-Diyos na puso? Bukod sa mga halimaw, ito ay ang masasama at ang mga anticristo, ang mga diyablo at ang mga kauri ni Satanas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; lubos silang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang hinirang na mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Ang inilalantad ng siping ito ng mga salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Pagkatapos itong basahin, parang sinaksak ang puso ko at natakot ako. Naisip ko kung paanong noong nagtatalakayan kami ng mga isyu noon, kadalasang sumasang-ayon sa mga pananaw ko ang mga kapatid sa grupo. Kinokonsulta rin ako ng superbisor sa mga isyung hindi niya makilatis. Nagbigay ito sa akin ng pakiramdam na nakahihigit ako. Pero mula nang nagsimula akong makipagtulungan kay Wang Jin, at nakita ko kung gaano kalinaw at kamakatwiran ang kanyang pakikipagbahaginan sa harap ng superbisor habang tila mas naaarok niya ang mga prinsipyo kaysa sa akin, pakiramdam ko ay nanganganib ako. Dagdag pa riyan, palagi niyang nakikita ang mga problema ko, sinasabing may mga bahagi sa mga liham ko na mali o hindi angkop, at tinukoy pa niya ang mga problema sa mga artikulo ko sa harap ng superbisor. Nasaktan nito ang pride ko at nanganib ang katayuan ko. Kaya, nang isinaayos ng lider na magkatulungan kami sa pagkakataong ito, lalo akong lumaban, iniisip na, “Kung makikipagtulungan ako sa kanya sa pagkakataong ito at patuloy niyang tutukuyin ang mga problema ko tulad ng dati, hindi ba’t mapapahiya na naman ako?” Para hindi siya makasali sa grupo, sinabi kong hindi pa siya nakapag-edit ng mga sermon, at sa pagkukunwaring nag-aalala sa kalusugan niya, sinubukan kong kumbinsihin ang lider at superbisor na huwag siyang payagang magsanay sa grupo. Nang mabigo ang mga pagtatangka ko, nagsabi ako sa asawa ko ng mga mapanghusgang bagay tungkol kay Wang Jin para maibulalas ang kawalang kasiyahan ko. Desperado pa nga akong umasa na hindi makahahanap ang lider ng angkop na pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay para sa amin, para lang hindi ko na kailangang makipagtulungan sa kanya. Para protektahan ang sarili kong pride at katayuan, lubos kong binabalewala ang gawain ng iglesia. Napakamakasarili at kasuklam-suklam ko, talagang walang pagkatao! Sa pamamagitan lamang ng pagbubunyag ng mga katunayan ko nakita na may malalim akong pagnanais para sa reputasyon at katayuan, isang napakamapaminsalang kalikasan, at wala kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Ang totoo, walang perpektong tao, at walang tungkuling makokompletong mag-isa ng isang tao lang. Isinaayos ng lider na makapagtulungan kami ni Wang Jin dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Kung ako lang ang mag-isang susulat ng mga sermon, tiyak na magkakaroon ng maraming paglihis at mga pagkukulang. Kapag may dalawang taong napupunan ang kulang ng isa’t isa, mas magiging mahusay ang resulta ng aming gawain. Pero bigo akong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at sinubukan ko pa ngang gawin ang lahat para mapigilang sumali sa grupo si Wang Jin. Talagang hindi ko alam kung ano ang makabubuti sa akin. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at paninisi sa sarili, at nagpasya akong hindi na muling gagawa ng gayong kasamaan.

Pagkatapos, nagnilay-nilay ako, “Anong tiwaling disposisyon ang nagiging sanhi kung bakit labis akong lumalaban sa pakikipagtulungan kay Wang Jin?” Nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng higit na pagkaunawa sa aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang pangunahing layunin ng isang anticristo kapag binabatikos at inihihiwalay niya ang isang hindi sumasang-ayon? Hangad niyang gumawa ng sitwasyon sa iglesia kung saan walang tinig na kokontra sa kanya, kung saan ang kanyang kapangyarihan at ang kanyang katayuan bilang lider ay absoluto, kung saan ang lahat ng kanyang mga salita ay absoluto at dapat na pakinggan ng lahat, at kung saan kahit ang isang tao ay may ibang opinyon, hindi niya dapat ipahayag iyon, kundi hayaan iyong mabulok sa kanyang puso. Lahat ng nangangahas na hayagang sumalungat sa kanya ay nagiging kaaway niya, at gagamitin niya ang lahat ng posibleng paraan para pahirapan ang mga ito, at desperadong hinihingi na maglaho ang mga ito. Ito ang isa sa mga paraan ng pagbatikos at paghihiwalay ng anticristo sa isang hindi sumasang-ayon, pagpapatatag ng kanyang katayuan, at pagprotekta sa kanyang kapangyarihan. Iniisip nila, ‘Mabuti para sa iyo na magkaroon ng ibang mga opinyon, subalit hindi ka maaaring mag-ikot-ikot na nagsasalita tungkol sa mga ito gaya ng gusto mo, at lalong huwag mong ikompromiso ang aking kapangyarihan at katayuan. Kung mayroon kang pagtutol, maaari mo itong sabihin sa akin nang sarilinan. Kung sasabihin mo ito sa harapan ng lahat at mapahiya ako, nagmimitsa ka ng gulo, at humanda ka sa akin!’ Anong uri ng disposisyon ito? Hindi pinahihintulutan ng isang anticristo ang iba na malayang makapagsalita. Kung ang ibang tao ay may pagtutol sa anticristo o may opinyon tungkol sa iba pang bagay, hindi nila ito puwedeng malaya na lang na sabihin; kailangan nilang isaalang-alang ang pride ng anticristo. Kung hindi, ituturing silang kaaway ng anticristo, babatikusin at ihihiwalay sila. Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang kalikasan ng isang anticristo. At bakit nila ginagawa ito? Hindi nila hinahayaan ang iglesia na magkaroon ng anumang mga alternatibong opinyon, hindi nila hinahayaan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa kanila sa loob ng iglesia, at hindi nila hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na hayagang magbahagi tungkol sa katotohanan at kilatisin ang mga tao. Ang labis nilang kinatatakutan ay ang malantad at makilatis ng mga tao; gusto nilang tiyakin na ang kanilang kapangyarihan at ang katayuang hawak nila sa puso ng mga tao ay palaging napapatatag at hindi kailanman pinapahina. Hinding-hindi nila maaaring palampasin ang anumang nagbabanta o nakakaapekto sa kanilang pride, reputasyon, o sa kanilang katayuan at halaga bilang isang lider. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng mapaminsalang kalikasan ng mga anticristo? Dahil hindi sila kontento sa kapangyarihang taglay na nila, pinalalakas at pinatitibay nila ito at hinahangad nila ang walang hanggang pananakop. Hindi lamang nila gustong kontrolin ang pag-uugali ng iba, kundi maging ang puso ng mga ito. Ang mga pamamaraang ito na ginagamit ng mga anticristo ay lubos na para maprotektahan ang kanilang kapangyarihan at katayuan, at ganap na resulta ng kanilang pagnanasang kumapit sa kapangyarihan. … Lalong totoo ito kapag nariyan ang isang hindi sumasang-ayon, at natuklasan ng anticristo na ang hindi sumasang-ayon ay nagsalita tungkol sa kanila o pinintasan sila nito nang patalikod. Sa ganitong pagkakataon, lulutasin nila ang bagay na ito nang madalian, kahit mangahulugan pa ito ng kawalan nila ng isang gabing tulog at isang araw na pagkain. Paano nila nagagawa ang gayong pagsisikap? Iyon ay dahil pakiramdam nila ay nasa panganib ang kanilang katayuan, na nahamon ito. Pakiramdam nila, kung hindi sila kikilos nang gayon, manganganib ang kanilang kapangyarihan at katayuan—na kapag nalantad na ang kanilang masasamang gawa at nakakaiskandalong pag-uugali, hindi lamang sila hindi makakakapit sa kanilang katayuan at kapangyarihan, kundi maaalis o mapapatalsik pa sila sa iglesia. Kaya nga lubha silang hindi mapakali sa pag-iisip ng mga paraan para supilin ang usapin at iwaksi ang lahat ng nakatagong panganib sa kanila. Ito lamang ang paraan na makakakapit sila sa kanilang katayuan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). Sinasabi ng Diyos na ibinubukod ng mga anticristo ang mga hindi sumasang-ayon. Hindi nila pinahihintulutan ang anumang naiibang opinyon para umiral sa iglesia, dapat sila ang may huling salita sa lahat ng bagay, at dapat makinig sa kanila ang lahat. Sa sandaling may magmungkahi o tumukoy sa kanilang mga pagkukulang, na nagiging sanhi ng pagkapahiya nila at pagkawala ng kanilang katayuan sa puso ng iba, agad nilang itinuturing ang taong iyon bilang isang hindi sumasang-ayon at isang kaaway. Gumagamit pa nga sila ng anumang paraan para ibukod at supilin ang mga ito upang mapatatag ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Isa itong pagpapamalas ng mapaminsalang kalikasan ng mga anticristo. Pinagnilayan ko kung ano ang aking ibinunyag—hindi ba’t katulad din ako ng isang anticristo? Nang matuklasan ni Wang Jin ang mga problema sa aking tungkulin at prangka niyang tinukoy ang mga ito, hindi lang ako nabigong tanggapin ang mga ito sa positibong perspektiba, bagkus ay naramdaman ko pang sinasaktan niya ang pride ko. Gaano man siya katama o kung gaano man kaayon sa katunayan ang kanyang mga salita, hindi ko ito tinanggap, at nagkaroon pa nga ako ng masamang opinyon sa kanya at nagkimkim ako ng sama ng loob sa kanya. Kalaunan, nang nag-aaral siya ng mga kasanayan sa kompyuter at nahirapan siya, humingi siya ng tulong sa akin sa mabait at magiliw na paraan, pero hindi ko siya pinansin para pahupain ang kanyang sigasig. Ang mas malala pa, alam na alam kong nakagawa na dati ng tungkuling nakabatay sa teksto si Wang Jin at may kaunti siyang pagkaarok sa mga prinsipyo, at hindi naman nakaaapekto ang mahina niyang kalusugan sa abilidad niyang gawin ang kanyang tungkulin. Pero, dahil lang sa palagi niyang pagtukoy sa mga problema ko, na sumaling sa aking pride at sa aking katayuan, itinuring ko siyang isang hindi sumasang-ayon at isang kaaway. Ginamit ko ang mahina niyang kalusugan at kawalan ng karanasan sa pag-edit ng mga sermon bilang mga dahilan para subukang kumbinsihin ang lider at ang superbisor na huwag siyang payagang magsanay sa grupo. Para protektahan ang sarili kong pride at katayuan, napakarami kong nagawa para atakihin at ibukod ang isang hindi sumasang-ayon. Napakamapaminsala ng kalikasan ko! Ang pinakaugat kung bakit ko nagawa ang lahat ng kasuklam-suklam at ubod ng samang masasamang gawa ay dahil sa mga satanikong lason na ipinamuhay ko, gaya ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” at “Ang isang tunay na lalaki ay dapat malupit.” Naging kalikasan ko na ang mga bagay na ito, kaya gusto kong ako ang may huling salita sa anumang grupo na kinabibilangan ko. Sa tuwing may nakikita akong mas magaling sa akin, hindi ko siya kayang tratuhin nang patas. Lalo na kapag ang kanyang mga salita o kilos ay nasasaktan ang pride ko o nagbabanta sa katayuan ko. Itinuring ko siyang tinik sa lalamunan, sinusupil at ibinubukod siya, at itinuturing pa ngang kaaway. Naisip ko ang mga anticristo at masasamang taong pinatalsik mula sa sambahayan ng Diyos. Sila ay lubos na tutol sa katotohanan at kinamumuhian ang katotohanan, hindi kailanman tumatanggap ng mga tamang mungkahi mula sa iba. Sa sandaling may sumaling sa kanilang pride at katayuan, susupilin at pahihirapan nila ang mga ito, nagpapantasyang aalisin ang sinumang hindi susunod sa kanila at gagawing sarili nilang teritoryo ang iglesia. Pinatalsik sila dahil sa maraming masasamang gawa na kanilang ginawa at sa matinding kaguluhang idinulot nila sa gawain ng iglesia. Kung hindi ako magsisisi, at magpapatuloy na kumilos ayon sa aking mga tiwaling disposisyon, inaatake at ibinubukod ang mga hindi sumasang-ayon para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, sa huli ay tiyak na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng pagsisisi at takot, at agad akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, nagkamali ako. Masyado na akong ginawang tiwali ni Satanas. Para protektahan ang sarili kong pride at katayuan, ayaw kong makipagtulungan sa brother ko, at hinusgahan at ibinukod ko pa siya. Diyos ko, handa akong magsisi. Pakiusap, gabayan Mo akong makahanap ng landas ng pagsasagawa.”

Kalaunan, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at nalaman ko kung paano magsagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat kang maging malapit sa mga taong kayang makipag-usap nang totoo sa iyo; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito sa tabi mo ay lubos na malaking kapakinabangan sa iyo. Sa partikular, ang pagkakaroon ng gayong mabubuting tao sa paligid mo tulad ng mga iyon na, kapag natutuklasan nila ang isang problema sa iyo, ay may lakas ng loob na sawayin ka at ilantad ka, mapipigilan kang maligaw ng landas. Wala silang pakialam kung ano ang iyong katayuan, at sa sandaling matuklasan nilang gumawa ka ng isang bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sasawayin at ilalantad ka nila kung kinakailangan. Ang gayong mga tao lang ang matutuwid na tao, mga taong may pagpapahalaga sa katarungan. Gaano ka man nila ilantad at sawayin, ang lahat ng ito ay nakakatulong sa iyo, at ang lahat ng ito ay tungkol sa pangangasiwa sa iyo at pagtulak sa iyo pasulong. Dapat kang mapalapit sa gayong mga tao; nang may gayong mga tao sa tabi mo para tumulong sa iyo, magiging mas ligtas ka—ganito ang pagkakaroon ng pagprotekta ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan at nagtataguyod ng mga prinsipyo sa tabi mo araw-araw na nangangasiwa sa iyo ay lubhang kapaki-pakinabang sa paggawa mo ng iyong tungkulin at gawain nang maayos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakaroon ng isang taong nasa tabi ko na naglalakas-loob na magsalita nang totoo at maglantad at tumukoy ng mga problema ko ay napakalaking pakinabang para sa tungkulin ko at sa buhay pagpasok ko. Naisip ko noong nakipagtulungan ako kay Wang Jin. Sa tuwing may nakikita siyang problema sa artikulong isinulat ko, direkta niya itong tinutukoy. Bagama’t masakit ito sa pride ko noon, talagang mas naging maganda ang mga resulta pagkatapos magrebisa ayon sa mga mungkahi niya. Napagtanto kong dapat kong tanggapin ang mga payo at tulong ng iba; kahit na kapag pinupungusan, dapat ko muna itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop. Kung walang taong tulad niya na tutukoy sa mga problema ko at tutulong sa akin, tiyak na mapupuno ng mga paglihis at kapintasan ang tungkulin ko, na makapipinsala sa gawain ng iglesia. Bukod dito, hindi magiging madali para sa akin na maunawaan ang sarili kong mga tiwaling disposisyon. Naisip ko kung paanong ako dati ang may huling salita sa lahat ng bagay sa grupo, at wala ni isa sa mga kapatid ang nagbigay sa akin ng anumang mungkahi. Naniwala tuloy ako na magaling ako sa lahat ng bagay at naiintindihan ko ang lahat. Ginatungan lang nito ang mapagmataas kong disposisyon at naging dahilan para tingnan ko ang sarili ko na mas mataas sa lahat. Nang magsimulang makipagtulungan sa akin si Wang Jin, nagsasalita siya sa sandaling makakita siya ng problema. Nagbigay-daan ito sa akin para magkamit ng kaunting kamalayan sa sarili kong mga problema at sa katiwaliang aking ibinubunyag, at sa gayon ay mapigilan ang sarili ko at maiwasang gumawa ng mga bagay na sasalungat sa disposisyon ng Diyos. Hindi tinutukoy ni Wang Jin ang mga problema at pagkukulang ko sa harap ko para atakihin o supilin ako, at tiyak na hindi niya intensyong kondenahin ako. Ang layon niya ay pangalagaan ang gawain ng iglesia; tunay niyang sinusubukang tulungan ako. Pero nang maharap sa isang mabuting taong may pagpapahalaga sa katarungan, hindi lang ako naging walang utang na loob sa kanyang mga payo at tulong, Inakala ko pa ang mabuti niyang intensyon bilang malisya at gumamit ako ng kasuklam-suklam at mapaminsalang mga paraan para supilin at ibukod siya. Hindi lang ito nakasakit sa kanya kundi nagdulot din ng pagkagambala at panggugulo sa gawain. Talagang hindi ko makilala ang mabuti sa masama o ang tama sa mali! Nagpasya ako na kapag nakipagtulungan akong muli kay Wang Jin, sisiguraduhin kong tatanggapin ko nang maayos ang kanyang mga mungkahi.

Hindi nagtagal, nakahanap ang mga kapatid ng angkop na bahay, at nagsimula na kaming magkasamang magtulungan ni Wang Jin sa paggawa ng aming tungkulin. Sa simula, kapag tinutukoy ni Wang Jin ang mga problema ko, nahihirapan pa rin akong isantabi ang pride ko. Naisip ko, “Hindi pa siya kailanman nag-edit ng mga sermon. Kung makahahanap siya ng mga problema sa mga sermon na in-edit ko, hindi ba’t pinatutunayan niyon na hindi nga ako kasinggaling niya? Ano na lang ang iisipin niya sa akin?” Nang maisip ko ito, napagtanto kong namumuhay na naman ako para sa pride at katayuan, kaya sadya akong naghanap ng mga salita ng Diyos para basahin. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kailangan mo munang magsanay na maghimagsik laban sa iyong laman, bitiwan ang iyong sariling banidad at pride, bitiwan ang iyong sariling mga interes, ibuhos ang iyong sarili—kapwa katawan at isipan—sa tungkulin mo, gawin ang iyong tungkulin nang may mapagpasakop na puso, at isipin na ayos lang sa iyo na magdusa ng anumang paghihirap hangga’t binibigyang-kasiyahan mo ang Diyos. Kung makakaranas ka ng mga paghihirap, at nagdarasal ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan, tingnan mo kung paano ka pinapatnubayan ng Diyos, at kung mayroon kang kapayapaan at kagalakan sa puso mo o wala, kung mayroon ka ba nitong kumpirmasyon o wala(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas pasulong. Kailangan kong isantabi ang pride ko, ilagay ang puso at isip ko sa aking tungkulin, at gawin nang maayos ang aking tungkulin; doon ko lang maaasikaso ang wasto kong gawain. Ang totoo, lahat ay may iba’t ibang kalakasan. Sa paggamit lang ng kani-kanya nating kalakasan at pagkatuto mula sa kalakasan ng isa’t isa para mapunan ang ating mga kahinaan, saka lang tayo makakukuha ng magagandang resulta sa paggawa ng ating tungkulin. Ang reputasyon at katayuan ay mga hungkag na bagay lamang. Kahit na mataas ang tingin sa akin ng lahat, hindi ibig sabihin niyon ay nagtataglay ako ng katotohanang realidad, at lalong hindi ako nito bibigyang-daan na matamo ang kaligtasan. Kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ko naiwawaksi ang aking mga tiwaling disposisyon, sa huli, ipadadala pa rin ako sa impiyerno para parusahan. Pagkatapos itong mapagtanto, sa tuwing tinutukoy na naman ni Wang Jin ang mga problema ko, hindi na ako gaanong lumalaban. Sa halip, hinahanap ko ang mga kaugnay na prinsipyo batay sa mga problemang tinutukoy niya at pinag-aaralan ko ang mga ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi lang mabilis na nalutas ang mga problema, nakaramdam din ako ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ko. Lalo rin kaming naging magkasundo sa aming ugnayan. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman