Pagbangon sa Harap ng Kabiguan
Bago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano magiging matagumpay ang aking sarili at makakapagdala ng karangalan sa pamilya ko. Kinalaunan, nag-test ako sa graduate school, at pagkatapos ay naging abogado ako. Pakiramdam ko dati pa na nakatataas ako sa iba. Kaya, kahit saan man ako pumunta, lagi kong sinusubok na magpakitang-gilas, at inaasahan ko ang iba na makita ang lahat ng bagay sang-ayon sa paraan ko at gawin ang mga bagay ayon sa sinabi ko. Noon, hindi ko napagtanto na ito pala ay isang uri ng mapagmataas na disposisyon. Pakiramdam ko ay talagang mabuting-mabuti akong tao. Pagkatapos kong magsimulang maniwala sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Makapangyarihang Diyos, nakilala ko sa wakas ang sariling kong mapagmataas na disposisyon at nakita kong hindi lang ako ambisyoso at naghahangad, kundi pa-importante at mapagmagaling din. Kung minsan, kapag nagsasalita ako o gumagawa ng mga bagay, hindi ko tinatalakay ang mga ito sa iba pa, at ipinipilit ko ang sarili kong paraan. Kahit na nagkaroon ako ng kaunting pag-unawa sa sarili ko, naramdaman kong hindi malaking problema ang mga ito. Naaalala ko minsan sa mga salita ng Diyos na nabasa ko, “Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos,” at “Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos.” Inisip ko ang mga salitang ito, “Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos.” Kaya, paano ang mga taong may mabuting pagkatao? O mga taong masunurin sa Diyos? Kailangan pa rin bang magbago ang kanilang mga disposisyon? Ano nga ba ang ibig sabihin ng nagbagong disposisyon? Inisip kong naniniwala na ako kay Cristo, at si Cristo ay isang praktikal na Diyos, kaya hindi ba nangangahulugan ang paniniwala kay Cristo ng pagsunod kay Cristo? Kung kaya’t ang pagsunod kay Cristo ay nangangahulugan ng pagiging kaayon ni Cristo. Lalo na noong inisip ko kung paano ko tinalikuran ang aking karera at iniwan ang pamilya ko, sa pagpili kong gumugol sa Diyos, inisip ko, hindi ba ito isang senyales na ako ay naniniwala kay Cristo at kaayon ni Cristo? Pero sa oras na iyon, hindi ko alam, na kailangan kong magkamit ng pagbabago sa aking disposisyon sa buhay upang maging kaayon ni Cristo, kaya ginampanan ko ang mga tungkulin ko dahil lang sa sigasig. Hindi ko rin alam kung ano ang pagpasok sa buhay, at hindi ko alam kung ano ang pagbabago ng disposisyon. Masasabi mong wala talaga akong karanasan sa buhay. Kailan ako nagkaroon sa wakas ng kaunting tunay na pag-unawa? Ito ay pagkatapos kong makaranas ng isang lubhang malupit na pagtatabas at pakikitungo na napagnilayan ko sa aking sarili at nakita kong talagang lubos na mapagmataas ang sarili kong likas. Hindi ko alam kung paano hanapin ang katotohanan o pagtuonan ang pagsasagawa ng salita ng Diyos kapag may nangyayari sa akin, at wala akong anumang pagsunod sa Diyos. Masasabi mo talagang ako ay hindi isang taong kaayon ni Cristo. Pagkatapos kong maranasan ang pagtatabas at pakikitungong iyon, nagkaroon ako sa wakas ng totoong pagpapahalaga sa kung ano ang ibig sabihin ng Diyos kapag sinasabi Niyang, “Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos.”
Dahil naniwala ako sa Diyos, inusig ako ng pamahalaang CCP kaya’t napuwersa akong tumakas sa ibang bansa noong 2014. Nang makarating ako sa ibang bansa, nakita ng aking mga kapatid na masigasig kong ginugol ang aking sarili at may mahusay akong kakayahan, kaya pinili nila ako bilang pinuno ng iglesia, at madalas na nirekomenda nila sa aking lumahok sa ilang mga kaganapan at magbigay ng panayam sa media. Ngunit naging puhunan ko ang mga bagay na ito. Mapagmataas na ako, at gamit ang puhunang ito, naging lalo akong mapagmataas. Pakiramdam ko ay hindi makakakilos ang iglesia kung wala ako, at gumagawa ako ng mahalagang trabaho. Kapag gusto ng aking mga kapatid na makipag-usap sa akin tungkol sa mga bagay na nakita kong lubos na hindi mahalaga, hindi ko gustong intindihin pa ito at inisip kong nag-aabala sila sa wala. Kapag pinipilit nila akong tanungin tungkol dito, naiinis ako na iniisip, “Bakit mo ako tinatanong ng maliliit na bagay na ganyan? Sulit ba iyan sa oras ko? Ikaw na lang ang mag-asikaso niyan.” At kung tinatanong pa nila ako, nagiging patanong at mapamula agad ang tono ko, at pinapangaralan ko pa sila na para bang nakatataas ako. Sa katotohanan, kapag tinatrato ko ang aking mga kapatid tulad nito, pati ako ay nakakaramdam na mali ito. Naramdaman kong nasasaktan sila nito sa ilang paraan. Ngunit noong panahong iyon ako’y namumuhay sa loob ng mapagmataas na disposisyong iyon, at nawala ang lahat ng pagkatao. Pati ang katiting na kahihiyan sa sarili ay naglaho. Ganito ako kumilos noon sa trabaho at sa buhay. Sa lahat ng ginawa ko sa panahon ng aking mga tungkulin, gusto kong ako ang may huling salita. Kapag nagtatalakay ako ng mga bagay kasama ng aking mga kapatid at nakakarinig ako ng mga opinyon o mungkahi na hindi ko gusto, agad ko silang pinagsasalitaan nang hindi nag-iisip at minamaliit ko ang kanilang mga opinyon na parang wala silang halaga. Gusto kong mangyari ang lahat nang eksakto sa gusto ko. Bihira din akong magsabi ng mga problema sa trabaho sa mga kasamahan ko sa trabaho para sa pagtalakay at pagtatanong dahil inisip ko na pagkatapos kong gawin ang aking mga tungkulin sa tagal ng panahon, mayroon na akong sapat na karanasan upang maayos ang mga bagay sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-aaral sa mga ito, at hindi pamilyar ang mga kasamahan ko sa trabaho sa gawain, kaya hindi nila lubusang nauunawaan. Inisip ko na kung magsasalita ako sa kanila, hindi naman sila makakapagdagdag ng kahit ano, o hindi nila mauunawaan ang mga bagay nang mas mahusay kaysa sa akin. Inisip ko na ang pagsailalim sa proseso ng pagtalakay ay pag-aaksaya lang ng oras, na pagpapadala lang ito sa agos. Kaya dahan-dahan akong tumigil na gustuhing makipagtulungan sa kanila. Noong malaman ng mga pinuno ang tungkol sa gawain ko, lubos din akong nainis, at ayaw kong tanggapin ang pamamahala o paghimok ng ibang tao. Sa oras na iyon, naramdaman ko talagang hindi tama ang estado ko. Binalaan din ako ng aking mga kapatid, at sinabing, “Masyado kang mapagmataas at mapagmagaling, at ayaw mong makipagtulungan sa kahit sino. Tinatanggihan mo ang pamamahala at paghimok ng iba sa iyong mga tungkulin at gawain, at ayaw mong may nakikialam na kahit sino sa iyong gawain.” Sa katotohanan, ang mga babalang ito at tulong na ito mula sa aking mga kasamahan ay isang uri ng pagtatabas at pakikitungo, ngunit hindi ko pinansin ang mga ito. Ang pakiramdam ko, kahit na ako ay mapagmataas, wala pang gaanong nakamit na pagpasok sa buhay, at wala pang nakamit na pagbabago, nagagampanan ko pa rin ang aking mga tungkulin, kaya hindi ito malaking problema. Hindi ko sineryoso ang tulong at mga babala ng aking mga kapatid. Hindi ko ito gaanong inisip. Inisip ko na ang aking mapagmataas na disposisyon, o ang makademonyong likas ko, ay isang bagay na hindi ko mababago nang magdamag. Kaya, inisip ko na ito ay pangmatagalang proseso, at sa ngayon ay dapat akong makitungo sa aking gawain at gampanan nang mabuti ang mga tungkulin ko.
Noong nabubuhay ako sa loob ng gayong mapagmataas na disposisyon, hindi ibig sabihin nito na wala akong nararamdaman. Sa totoo lang, ramdam ko na labis na hungkag ang aking puso sa oras na iyon. Sa ilang pagkakataon, pagkatapos kong makumpleto ang isang gawain, magninilay ako at tatanungin ko ang aking sarili, “Habang ginagawa ko ito o pagkatapos itong makumpleto, anong mga katotohanan ang nakamit ko? Aling mga prinsipyo ang napasok ko? Nagbago ba ang disposisyon ko sa buhay sa anumang paraan?” Ngunit wala akong natapos na kahit ano. Araw-araw, nagkukumahog at nagpapakapagod ako upang matapos ang aking gawain, at kapag sobrang dami kong kailangang gawin, napupuno ako ng pagkabigo at galit. Para bang kaunting bagay lang at maaaring ganap na hindi ko na makontrol ang aking sarili. Tuwing nananalangin ako sa Diyos, nagpapadala lang ako sa agos. Wala akong nasasabi sa Diyos na galing sa puso. Wala rin akong nakukuhang paglilinaw o kaliwanagan mula sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa oras na iyon, pakiramdam ko ay lubos akong walang katuturan at nababalisa. Kapag mas ginagampanan ko ang aking mga tungkulin, mas napapalayo ako sa Diyos, at hindi ko nararamdaman ang Diyos sa aking puso. Natakot akong abandonahin ng Diyos. Kaya, agad akong humarap sa Diyos at nanalangin: “Diyos ko! Hindi ko mailigtas ang aking sarili, at hindi ko makontrol ang aking sarili, kaya hinihingi ko na iligtas Mo ako.” Hindi nagtagal, dumating sa akin ang biglaang pagtatabas at pakikitungo.
Minsan, noong nagtanong ang isa sa aking mga pinuno tungkol sa aking gawain, natuklasan niya ang isang problema sa kung paano ko hinawakan ang paggastos ng pera ng iglesia. Nalaman niyang noong nakapagdesisyon ako kung paano gagastusin ang perang ito, hindi ko ito tinalakay sa aking mga kasamahan o sa mga pinuno. Sinabi niya sa akin, “Usapin ito ng mga gastos ng iglesia, bakit hindi mo ito tinalakay sa iyong mga kasamahan o sa mga pinuno? Isa ba itong desisyon na magagawa mo lang sa sarili mo?” Naramdaman kong wala akong masabing sagot sa kanyang tanong. Sa oras na iyon, hindi ko talaga alam kung paano siya sasagutin. Hindi ko talaga alam kung bakit, dahil hindi ko naman talaga pinag-isipan ang tungkol dito. Pagkatapos niyon, nagsimula akong mag-isip muli. Sa panahong iyon, dahil nabubuhay ako sa loob ng aking mapagmataas na likas, wala talaga akong normal na katinuan, hindi ko alam na ang mga tungkulin ko ay tagubilin ng Diyos sa akin, at dapat kong ginampanan ang mga ito ayon sa mga prinsipyo at hinanap ang katotohanan. Hindi ko alam na dapat kong tinalakay at pinagpasyahan ang mga bagay kasama ang aking mga kasamahan at mga pinuno. Wala ako ng katinuan na iyon dahil nabuhay ako sa loob ng aking mapagmataas na disposisyon. At hindi ko talaga ito nabatid. Inisip ko pa na isa itong bagay na naunawaan ko at hindi ko kailangang hanapin ito o tumingin dito. Pinakitunguhan ako ng aking pinuno sa pamamagitan ng pagsabing, “Mapagmataas at mapagmagaling ka, at wala kang kahit anong katinuan. Ang mga handog na ito ay ibinigay ng Diyos sa Kanyang hinirang na bayan, at dapat makatwirang ginastos ang mga ito ayon sa prinsipyo. Ngayon ay nalustay na ang mga handog, kaya kailangan nating italaga ang responsibilidad ayon sa prinsipyo.” Wala akong isinagot sa kanya, ngunit sa loob ko, pakiramdam ko pa rin ay tama ako. Hindi ko ninakaw ang mga handog, ginastos ko ang mga ito sa panahon ng pagganap ng gawain ng iglesia, kaya bakit ko kailangang akuin ang anumang responsibilidad?
Pagkatapos niyon, dumating sa simbahan ang aking mga pinuno upang makipagkita sa amin, at nagbahaginan sila at sinuri nila ang problema ko gamit ang mga salita ng Diyos. Sa panahong iyon, ginamit ko rin ang mga salita ng Diyos upang ipaliwanag ang pagkakaunawa ko sa aking sarili, ngunit sa puso ko, alam kong ginagamit ko ang pagbabahaginang ito sa salita ng Diyos para lang mailabas ang pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at kawalan ng pag-unawa na napuno sa aking puso. Pakiramdam ko ay nagtrabaho ako nang mabuti kahit na hindi tumatanggap ng anumang pagkilala. Nakita ng aking mga pinuno na wala akong tunay na pag-unawa sa aking sariling likas, kaya pagkatapos humingi ng pagsang-ayon ng aking mga kapatid, agad nila akong inalis sa aking posisyon bilang pinuno ng iglesia. Ang totoo ay wala akong naramdamang pagsisisi sa sandaling iyon. Pero pagkatapos niyon, sinimulang banggitin ng mga pinuno ang mga detalye ng bawat gastos, at sa prosesong iyon, napagtanto ko na sa wakas na mayroon talagang ilang problema. Nang nagpatung-patong na ang mga nawala at lumaki ang halaga, lumampas na ito sa kaya kong mabayaran, at nagsimula akong makaramdam ng takot. Sinimulan kong isipin muli ang aking mga desisyon sa paggastos ng perang iyon at ang aking pagwawalang-pansin at pagwawalang-bahala, at tunay na nagsimulang maramdaman ko ang pagsisisi, at kinamuhian ko ang aking sarili. Hindi ko naisip na ang pagtitiwala ko sa sarili kong makademonyong likas sa aking mga tungkulin ay magsasanhi ng mga ganoong pagkawala sa iglesia. Kaharap ang mga katotohanan, wala akong magawa kundi itungo ang aking ulo, na mayabang ko dating itinataas, wala akong gustong gawin kundi sampalin ang sarili kong mukha. Hindi ako makapaniwala na nagawa ko talaga ang mga bagay na ito.
Pagkatapos niyon, nakinig ako sa isang sermon: “Ngayon, may ilang mga pinuno at manggagawa na naniniwala na sa Diyos sa loob ng 10 o 20 taon, ngunit bakit hindi sila nagsasagawa ng kahit kaunting katotohanan, at sa halip ay gumagawa ng mga bagay ayon sa kanilang sariling kalooban? Hindi ba nila napagtatanto na ang kanilang mga kuru-kuro at pagpapalagay ay hindi ang katotohanan? Bakit hindi nila mahanap ang katotohanan? Walang pahingang ginugugol nila ang kanilang mga sarili, at ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin mula araw hanggang gabi nang hindi natatakot sa mahirap na gawain o pagkapagod, pero bakit wala pa rin silang mga prinsipyo pagkatapos ng napakaraming taon ng paniniwala sa Diyos? Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin ayon sa kanilang sariling mga ideya, at ginagawa kung ano ang gusto nila. Minsan ay nagugulat ako kapag nakikita ko kung ano ang ginagawa nila. Madalas na lumalabas na lubos silang mabuti. Hindi sila gumagawa ng masama, at magaling silang magsalita. Mahirap isipin na kaya nilang gawin ang mga ganoong katawa-tawang bagay. Sa mga mahalagang bagay, bakit hindi sila naghahanap o humihingi ng payo? Bakit nila ipinipilit ang kanilang sariling paraan at ang pagkakaroon ng huling salita sa mga bagay? Ano ito kundi isang makademonyong disposisyon? Kapag humahawak ako ng mahahalagang bagay, madalas akong nakikipag-usap sa Diyos, at naghahangad at humihingi sa Kanya ng tulong. Minsan, nagsasabi ang Diyos ng mga bagay na kaiba sa sarili kong pagpapalagay, pero kailangan kong sundin at gawin ang mga bagay sa paraan ng Diyos. Sa mahahalagang bagay, hindi ko tinatangkang kumilos ayon sa aking mga sariling ideya. Ano ang mangyayari kung nakagawa ako ng pagkakamali? Pinakamabuting hayaan ang Diyos na pagpasyahan ang mga bagay. Ang batayang antas ng paggalang na ito para sa Diyos ay bagay na dapat mayroon ang lahat ng mga pinuno at manggagawa. Pero natuklasan kong lubos na walang galang ang ilang mga pinuno at manggagawa. Hinihingi nilang mangyari ang lahat ng bagay sa kanilang paraan. Ano ang problema rito? Talagang mapanganib kapag hindi nagbago ang ating mga disposisyon. … Bakit nagtatatag ang tahanan ng Diyos ng mga grupong tagapagdesisyon? Ang isang grupong tagapagdesisyon ay pawang ilang tao na tumatalakay, nag-iimbestiga, at nagpapasya ng isang bagay nang magkasama upang iwasan ang anumang malalaking pagkakamali o pagkawala. Ngunit iniiwasan ng ilang tao ang mga grupong tagapagdesisyon at gumagawa sila ng mga bagay sa kanilang sariling paraan. Hindi ba sila si Satanas, ang diyablo? Ang sinumang lumalaktaw sa mga grupong tagapagdesisyon at gumagawa ng mga bagay sa kanilang sariling paraan ay si Satanas, ang diyablo. Ano mang antas ng pinuno sila, kung nilalaktawan nila ang mga grupong tagapagdesisyon, hindi nagsusumite ng mga plano para aprobahan, at kumikilos nang kanilang mga sarili, sila ay si Satanas, ang diyablo, at kailangang alisin at itiwalag” (Mga Sermon at Pagbabahagi tungkol sa Pagpasok sa Buhay). Tumagos sa aking puso ang bawat salita ng sermon. Ganap nilang ibinunyag ang aking kondisyon. Lalo na noong narinig kong sinabi sa sermon na ang mga taong tulad nito ay si Satanas na diyablo na dapat paalisin at itiwalag, bigla akong natigilan. Ramdam kong para akong sinentensiyahan ng kamatayan. Inisip ko, “Katapusan ko na. Ngayon ay hindi na talaga ako maililigtas, ito na ang katapusan ng aking buhay ng paniniwala sa Diyos—tapos na ang paniniwala ko sa Diyos.” Sa oras na iyon, labis akong natakot. Ramdam ko simula pa dati na inalagaan ako nang husto ng Diyos. Nagkaroon ako ng magandang edukasyon at trabaho, napakahalaga ng mga tungkuling ginampanan ko sa tahanan ng Diyos, at iginalang ako ng aking mga kapatid, kaya lagi kong tiningnan ang sarili ko bilang isang tao na lubos na espesyal sa Diyos. Inisip ko na ako ang pangunahing tao na sasanayin sa tahanan ng Diyos. Hindi ko talaga inakala na kamumuhian at tatanggalin ako ng Diyos dahil nagkasala ako sa disposisyon ng Diyos. Mula sa sandaling iyon, nagsimulang maramdaman ko na matuwid ang disposisyon ng Diyos at hindi ito nagpapahintulot sa kasalanan, na pinamumunuan ang tahanan ng Diyos ng katotohanan at katuwiran, at hindi nito pinahihintulutan ang sinuman na makibahagi sa masamang asal. Sa iglesia, dapat nating tuparin ang ating mga tungkulin ayon sa prinsipyo at hanapin ang katotohanan, hindi lang gawin kung ano ang gusto natin o kumilos kung paano natin gusto. Inisip ko na, dahil nagdulot ako ng isang kapahamakan at padalus-dalos kong ginugol ang mga handog ng iglesia, nagkasala ako sa disposisyon ng Diyos, at wala sinumang makaliligtas sa akin. Kinailangan ko lang maghintay na tanggalin ng tahanan ng Diyos.
Sa mga araw na sumunod, sa bawat umagang minulat ko ang aking mga mata, nakaramdam ako ng sandali ng takot, at lubos akong nawalan ng lakas ng loob kaya wala ako ni lakas para bumangon sa kama. Ramdam ko na hindi ko alam kung saan ako mapaparoon sa susunod, na napakalaki ng nagawa kong pagkakamali, at walang makapagliligtas sa akin. Ang magagawa ko lang ay humarap sa Diyos, magdasal sa Diyos, at sabihin sa Kanya kung ano ang nasa aking puso. Sinabi ko sa Diyos, “Diyos ko, nagkamali ako. Hindi ko kailanman naisip na hahantong ang mga bagay sa ganito. Dati, hindi Kita kilala at hindi Kita ginalang sa puso ko. Sa Iyong presensiya ay mapagmataas at mapagmagaling ako, nakibahagi ako sa masamang gawi, at talagang wala ako sa katinuan, at kaya ngayon ay sumasailalim ako sa ganitong pagtatabas, pakikitungo, pagkastigo, at paghatol. Nakikita ko ang Iyong matuwid na disposisyon. Gusto kong sumunod at matuto ng mga aral mula sa sitwasyong ito. Hinihingi ko sa Iyo, Diyos ko, na huwag Mo ako iwan, dahil hindi ako maaaring umiral nang wala Ka.” Sa mga araw na sumunod, nagpatuloy akong manalangin nang ganito. Isang umaga, napakinggan ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Dapat ay mayroon ka ng ganitong uri ng pang-unawa sa tuwing may nagaganap: Anuman ang mangyari, bahaging lahat ito ng pagkakamit ko sa aking mihiin, at ito ay kagagawan ng Diyos. May kahinaan ako, ngunit hindi ako magiging negatibo. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa pagmamahal na ipinagkakaloob Niya sa akin at sa pagsasaayos ng gayong kapaligiran para sa akin. Hindi ko dapat talikdan ang aking hangarin at paninindigan; ang pagsuko ay katumbas ng pakikipagkompromiso kay Satanas, katumbas ng pagwasak sa sarili, at katumbas ng pagtatatwa sa Diyos. Ito ang uri ng takbo ng pag-iisip na dapat mong taglayin. Anuman ang sabihin ng iba o paano man sila kumikilos, at paano ka man pinakikitunguhan ng Diyos, ang iyong determinasyon ay hindi dapat manghina” (“Ang Paninindigang Kinakailangan sa Paghahanap ng Katotohanan” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nang mapakinggan ko ang himno ng mga salita ng Diyos na ito, ramdam kong nakakita ako ng pag-asa na mailigtas ang aking sarili. Inawit ko ito nang paulit-ulit, at habang lalo akong umaawit, mas nararamdaman ko ang lakas na sumisilakbo sa aking puso. Napagtanto ko na ako ay binunyag, tinabas, at pinakitunguhan sa paraang ito dahil gusto ng Diyos na makilala ko ang aking sarili upang magawa kong magsisi at magbago, hindi dahil gusto ng Diyos na itiwalag at alisin ako. Ngunit hindi ko kilala ang Diyos, mali ang pagkaunawa ko sa Diyos, at sarado ang aking sarili sa Diyos, at kaya nabuhay ako sa isang negatibong kalagayan ng ganap na kawalan ng pag-asa dahil inisip ko na hindi ako gusto ng Diyos. Ngunit noong araw na iyon ay nakita ko ang salita ng Diyos at napagtanto ko na ang kalooban ng Diyos ay hindi talaga gaya ng inakala ko. Alam ng Diyos na ang aking espirituwal na tayog ay masyadong hilaw, at alam Niya na magiging negatibo at mahina ako sa mga sitwasyong ito, at isusuko ko pati na ang aking determinasyong hanapin ang katotohanan. Kaya ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang aluin at hikayatin ako at magawang mapagtanto ko na laging kailangang hanapin ng mga tao ang katotohanan, anuman ang sitwasyon. Tuwing nabibigo at bumabagsak tayo, o tuwing tayo ay tinatabas at pinakikitunguhan, ang lahat ng mga ito ay mahahalagang hakbang sa proseso ng pagkaligtas. Hangga’t kaya nating pagnilayan at makilala ang ating mga sarili, at kaya nating magsisi at magbago, pagkatapos nating maranasan ang mga hakbang na ito, makakaranas tayo ng paglago sa buhay. Sa sandaling naunawaan ko ito, nabawasan na ang maling pagkaunawa ko sa Diyos, at hindi na ako gaanong sarado sa Diyos. Naramdaman ko na anuman ang pinlano at isinaayos ng Diyos, lahat ng ito ay tiyak na kapaki-pakinabang sa akin, at na inaako ng Diyos ang responsibilidad para sa buhay ko. Kaya, hinugot ko ang aking tapang at naghanda akong harapin anuman ang sunod na mangyayari.
Siyempre, kinalma ko rin ang sarili ko at nagnilay muli. Bakit ako lubhang nabigo at bumagsak? Ano ang ugat ng aking pagkabigo? Noon ko lang sa wakas naunawaan pagkatapos kong basahin ang salita ng Diyos. Sinasabi ng salita ng Diyos, “Kung talagang nasasaloob mo ang katotohanan, natural na magiging tama ang landas na iyong tinatahak. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang kayabangan at kahambugan, makikita mo na imposibleng hindi sumuway sa Diyos; mapipilitan kang sumuway sa Kanya. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na kayabangan at kahambugan. Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, lagi kang magpasikat, at, sa huli, papalit ka sa lugar ng Diyos at magpapatotoo para sa iyong sarili. Sa huli, gagawin mong mga katotohanan ang iyong sariling mga ideya, ang iyong sariling pag-iisip, at ang iyong sariling mga kuru-kuro para sambahin ka. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na kayabangan at kahambugan! Upang malutas ang kanilang masasamang gawa, kailangan muna nilang lutasin ang problema ng kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahabol sa Katotohanan Nakakamit ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Dati, teoretikal kong inamin ang sarili kong pagmamataas, ngunit wala akong tunay na pagkaunawa sa sarili kong likas, kaya hinangaan ko pa rin ang sarili ko, at nabuhay sa loob ng sarili kong mga kuru-kuro at pagpapalagay. Ramdam kong mapagmataas ako dahil kwalipikado akong maging ganoon, kung kaya noong tinabasan at pinakitunguhan ako ng aking mga kapatid, at sinubukang tulungan ako, hindi ko ito pinansin. Talagang binalewala ko ito. Ngunit noong binasa ko ang salitang ito ng Diyos, naunawaan ko sa wakas na ang aking mapagmataas at palalong likas ay siyang ugat ng aking pagkasuwail at paglaban sa Diyos. Isa itong klasikong makademonyong disposisyon. Kapag nabubuhay ang mga tao sa loob ng ganoong mapagmataas at palalong likas, nagiging natural na ang paggawa ng masama at paglaban sa Diyos. Inisip ko kung paano ko laging iniisip noon na napakataas ko mula nang simulan kong gampanan ang tungkulin ng isang pinuno ng iglesia. Inisip ko na magagawa ko ang kahit ano, na mas magaling ako sa lahat, at gusto kong masunod ang paraan ko sa lahat ng bagay. Hindi lang iyon, ngunit gusto kong pangunahan at pamunuan ang gawain ng buong grupo ko at ipagawa sa aking mga kapatid kung ano ang gusto ko. Hindi ko inisip kailanman kung tama ang aking mga kaisipan at desisyon, o kung may kinikilingan ang mga ito, o kung magdudulot ang mga ito ng pagkawala sa gawain ng iglesia hanggang narinig ko ang kapatid na iyon mula sa Itaas na sabihin sa kanyang sermon na kapag may nangyayari sa kanya, tatanungin niya ang Diyos, dahil takot siya na makagawa ng mali, at kikilos lang siya pagkatapos makatanggap ng malinaw na sagot mula sa Diyos. Ang kapatid mula sa Itaas ay isang taong nagtataglay ng katotohanan, na may pusong takot sa Diyos at gumagawa ng mga bagay ayon sa prinsipyo. Ngunit hindi pa rin siya naglalakas-loob na ganap na pagkatiwalaan ang kanyang sarili. Kapag may nangyayari sa kanya, tinatanong niya ang Diyos at hinahayaan niya ang Diyos na magdesisyon. Ang isang pinuno ng iglesia, higit sa sinuman, ay kailangang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ngunit hindi ko hinanap ang Diyos o nagkaroon ng pusong takot sa Diyos. Kapag may nangyayari sa akin, umaasa ako sa aking mga kuru-kuro at pagpapalagay upang patnubayan ako at tinuturing ko ang aking sariling mga ideya bilang katotohanan. Tinuring ko ang sarili ko na mataas at importante. Hindi ba’t isa iyong klasikong makademonyong disposisyon? Katulad ko lang ang arkanghel na gustong maging kapantay ng Diyos. At iyon ay isang bagay na lubhang pagkakasala sa disposisyon ng Diyos! Nang sa wakas ay naunawaan ko na ang mga bagay na ito, naramdaman kong nakakatakot ang mapagmataas at palalong likas ko. Dahil dito ay nabuhay ako nang wala sa katinuan, nakagawa ako ng maraming bagay na nakapinsala sa mga tao at nagkasala sa Diyos, at nabuhay ako na parang isang halimaw. Ngunit matuwid ang Diyos. Paano nagawa ng Diyos na pahintulutan ang isang taong katulad ko, na punong-puno ng mga makademonyong disposisyon, na maghuramentado at gambalain ang gawain ng tahanan ng Diyos? Kaya, karapat-dapat akong tanggalin mula sa aking tungkulin sa pamumuno. Ako ang gumawa nito sa sarili ko. Napagtanto ko na sa lahat ng taon na naniwala ako sa Diyos, umasa ako sa aking mga kaloob, at aking mga kuru-kuro at pagpapalagay para magampanan ang aking gawain, at bihira kong hinanap ang katotohanan. Kaya pagkatapos ng lahat ng oras na iyon, halos wala na akong realidad ng katotohanan, at sa totoo ay salat sa espiritu at dapat kaawaan. Inisip ko, bakit hindi ko magawang hanapin ang katotohanan? Bakit lagi kong iniisip na tama ang aking sariling mga ideya at paghatol? Sa totoo ay napatunayan nito na wala talaga akong lugar para sa Diyos sa aking puso, lalong hindi takot ang puso ko sa Diyos. Na ibinunyag ako ng Diyos sa aking tungkulin ngayon ay talagang paalala at babala ng Diyos para sa akin, at kung hindi ako nagbago, ang katapusan ko ay ang maalis at maipadala sa impiyerno. Sa sandaling naunawaan ko ang mga bagay na ito, naramdaman ko na ang paghatol, pagkastigo, pagtatabas, at pakikitungo ng Diyos ay talagang pag-ibig ng Diyos at pangangalaga ng Diyos sa mga tao at ang mabubuting intensiyon ng Diyos ang nasa likod ng lahat ng ito. Hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao hindi dahil kinamumuhian Niya sila, kundi upang iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas at ng kanilang makademonyong mga disposiyon. At sa sandaling naunawaan ko ito, naramdaman kong parang nabawasan ang maling pagkaunawa ko sa Diyos at mas hindi na ako sarado sa Diyos. Naramdaman ko rin na kahit anong sitwasyon ang ihanda ng Diyos para sa akin sa mga araw na darating, ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay magiging nasa likod nitong lahat, at gusto kong sundin ang mga ito.
Ang mga tungkulin ko ay may ilang karagdagang gawaing kailangan kong kumpletuhin, at naramdaman kong ito ay ang pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong magsisi, kaya nagpasya akong kailangan kong tuparin ang huling tungkuling ito nang mabuti. Pagkatapos niyon, sa pagsasagawa ng aking mga tungkulin, nang talakayin ko ang aking gawain sa aking mga kapatid, hindi na ako naglakas-loob na umasa sa aking mapagmataas na disposisyon na iniisip na tama ang sarili ko at ginagawa ang iba pa na makinig sa akin. Sa halip, hinayaan ko ang aking mga kapatid na ipahayag ang kanilang mga opinyon at sa wakas ay nagdesisyon ako kung ano ang gagawin sa pamamagitan ng pagtitimbang ng mga ideya ng lahat. Siyempre, kung nagkaiba ang aming mga pananaw, maaari pa rin akong maging mapagmataas at mapagmagaling, at naninindigan sa aking mga sariling pananaw, at hindi handang tanggapin ang mga opinyon at payo ng iba. Ngunit maaalala ko kung paano ako nabigo, bumagsak, at tinabas at pinakitunguhan, at makakaramdam ako ng takot, at pagkatapos ay haharap ako sa Diyos upang manalangin. Kusang-loob kong tatalikdan ang aking sarili, at pagkatapos ay hinanap ko ang katotohanan at mga prinsipyo nang may pusong takot sa Diyos kasama ang aking mga kapatid. Nakaramdam ako ng lubos na kapanatagan sa pagganap ng mga tungkulin ko sa ganitong paraan, at kayang manindigan ng ating mga desisyon sa pagsusuri. At noong nakipagtulungan ako sa aking mga kapatid, napagtanto kong hindi pala balanse ang ilan sa aking mga ideya. Ang pagbabahagi sa aking mga kapatid, at pagkatapos ay pag-usisa sa mga bagay, para sa akin man lang, sa mga usapin ng katotohanan, ng prinsipyo, at ng pagkaunawa, ay lubhang nakatutulong. Lalo na nang makita ko, noong may nangyari sa aking mga kapatid, kung paano sila nanalangin sa Diyos, naghanap, at nagbahagi, at hindi gayon-gayon lang ang pagtitiwala nila sa kanilang mga sarili, nagtaka ako kung bakit hindi ko hinanap ang katotohanan at lubos kong pinagkatiwalaan agad ang aking sarili. Nakita kong nagagawa ko ang kahit ano dahil sa aking pagmamataas at kapalaluan. Ako ay ginawang labis-labis na tiwali ni Satanas at hindi mas mabuti kaysa sa aking mga kapatid. Pagkatapos niyon ko lang napagtanto na maaaring mas may alam ako nang kaunti kaysa sa aking mga kapatid, ngunit sa kaibuturan ng aking espiritu, ni hindi ko sila mapapantayan. Mas kakaunti ang takot sa Diyos ng puso ko kaysa sa kanila. Lubos na nakahihigit ang mga kapatid ko rito. At nang makita ko iyon, napagtanto kong ang bawat isa sa aking mga kapatid ay may mga partikular na kalakasan, na naiiba sa kung paano ko nakita ang aking mga kapatid dati. Naramdaman kong sa totoo ay mas mabuti ang aking mga kapatid kaysa sa akin, at wala akong maipagmamalaki, kaya nagsimula akong magpakumbaba, at nagawa kong makisama sa aking mga kapatid at makatrabaho sila nang mabuti. Nang matapos ko na ang karagdagang gawain, mahinahon akong naghintay sa desisyon ng iglesia kung paano ako pakikitunguhan. Hindi ko kailanman inasahang sasabihin sa akin ng pinuno na maaari pa rin akong magpatuloy sa aking mga tungkulin dahil kaya ko pa ring ituloy ang mga bagay at gampanan ang aking mga tungkulin pagkatapos tabasin at pakitunguhan, at nakapagtamo ako ng kaunting pag-unawa sa aking sarili. Tinuro niya rin ang ilang mga problema sa pagganap ko sa aking mga tungkulin. Nang marinig kong sinabi niya na pahihintulutan akong ipagpatuloy ang aking mga tungkulin, sa sandaling iyon, wala akong ibang nasabi kundi ang pagpapasalamat sa Diyos. Naramdaman kong pagkatapos maranasan ito, pagkatapos akong mabunyag, pagkatapos maranasan ang ganitong pagtatabas at pakikitungo na tagos sa buto, nagkaroon ako sa wakas ng kaunting pag-unawa ng aking makademonyong likas. Ngunit napakataas ng halaga. Dahil umasa ako sa aking tiwali at makademonyong disposisyon sa mga tungkulin ko, nakapagdulot ako ng mga pagkawala sa iglesia, at ayon sa mga prinsipyo, dapat akong naparusahan. Ngunit hindi ako pinakitunguhan ng Diyos ayon sa aking mga paglabag, kundi sa halip ay binigyan ako ng pagkakataong ipagpatuloy ang mga tungkulin ko. Personal kong naranasan ang nakamamanghang awa at pagpapaumanhin ng Diyos!
Sa bawat pagkakataong iniisip ko ang karanasang ito, nakakaramdam ako ng panghihinayang sa mga pagkawalang idinulot ko sa iglesia dahil sa pagtitiwala sa aking makademonyong likas sa aking mga tungkulin. Ganap din akong sumasang-ayon sa mga salita ng Diyos na, “Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos.” Ngunit, lalong higit pa, ramdam ko na ang pagkastigo, paghatol, pagtatabas, at pakikitungo ng Diyos ay siyang pinakadakilang proteksiyon at pinakamatapat na pag-ibig ng Diyos para sa tiwaling sangkatauhan!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.