Ang Pagkilala sa Sarili Ko sa Pamamagitan ng mga Kabiguan at Balakid

Oktubre 24, 2022

Ni Song Yu, Netherlands

Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao.

mula sa “Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin

Sa tuwing kinakanta ko ang himnong ito, naiisip ko ang isang karanasan noong bago pa lang akong nananalig. Noong panahong ‘yon, ang mga salita ng Diyos na, “Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao,” ay hindi lubos na malinaw para sa akin. Pakiramdam ko’y talagang masakit siguro na dumaan sa paghatol at pagkastigo, kaya bakit sasabihin ng Diyos na iyon ay proteksyon at pagpapala para sa sangkatauhan? Kalaunan, talagang naranasan ko ang paghatol ng mga salita ng Diyos, at ako’y tinabasan at iwinasto kaya personal ko itong naunawaan at nadama ko kung gaano kapraktikal ang mga salita ng Diyos.

Naaalala ko noong bandang dulo ng Hunyo 2015, nahalal ako na maging mangangaral na maglilingkod sa limang iba’t ibang iglesia. Noong una, kinakabahan ako ‘pag nagtitipon kami ng mga lider at diyakono mula sa mga iglesiang iyon, nag-aalala ako na masyadong mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at na hindi ako magiging kapaki-pakinabang sa iba. Kaya, sinubukan kong maghanda bago ang bawat pagtitipon, seryosong isinasaalang-alang ang mga salita ng Diyos na tatalakayin nang may tunay na pasanin. Pagkatapos makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, tinatanong ko ang iba kung ano ang mga paghihirap nila. Nag-alala ako na magbabanggit sila ng mga isyu na hindi ko pa naranasan at hindi ko alam kung paano sasagutin, kaya nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na gabayan ako na maging isang matapat na tao at magbahagi lang kung ano ang nauunawaan ko. Kung hindi ko ito nauunawaan, nagiging prangka ako sa lahat na wala akong kabatiran dito, pagkatapos ay nagdarasal ako at mas naghahanap. Pagkatapos kong magsagawa nang ganito sa ilang panahon, unti-unti kong naunawaan ang ilang prinsipyo ng gawain ng iglesia at mas marami akong natutunan tungkol sa trabaho. Nakadama ako ng higit na motibasyon kaysa noong una, at nagtrabaho talaga nang mahabang oras. Hindi na ako ganoon katakot sa mga pagtitipon kasama ang mga lider ng iglesia at nagkaroon ako ng ilang ideya kung pa’no lutasin ang mga isyu. Minsan kapag naririnig ko ang mga kapatid na nagsasabing napakabata ko pa, hindi pa matagal sa pananampalataya, pero punung-puno na ng pananalig at kayang-kayang magdusa at magbayad ng halaga, na hinahangad ko ang katotohanan, talagang nasisiyahan ako sa sarili ko. Hindi nagtagal, pinangasiwaan ko ang ilang halalan ng iglesia. Ang lahat ng lider at manggagawa ng mga iglesiang pinangasiwaan ko ay sunod-sunod na napili. Nang makita kong gano’n ang kinalabasan, pakiramdam ko’y nagawa ko nang maayos ang trabaho ko, kaya hindi nakakapagtaka na napili ako bilang mangangaral! ‘Yon ay dahil may mahusay akong kakayahan at isa akong may talentong tao sa iglesia.

Tapos, noong magtatapos na ang Agosto 2015, kung kailan pakiramdam ko’y gumagawa ako ng mahusay na trabaho sa aking tungkulin, sinabi sa akin ng isang nakatataas na lider na dahil bata pa ako, hindi pa husto ang pag-iisip ko sa aking pagkatao, at kulang ako sa karanasan sa buhay, hindi ko kayang lumutas ng mga aktuwal na problema ng mga kapatid, kaya batay sa mga prinsipyo, hindi ako karapat-dapat na maglingkod bilang isang mangangaral, at dapat akong magsimulang magsanay na maging isang lider ng iglesia. Hindi ako nangahas na magsabi ng anuman noon, pero talagang naguluhan ako. Pakiramdam ko, kahit wala akong gaanong karanasan sa buhay, mabilis akong umusad simula nang maging isang mangangaral at natuto ako ng maraming prinsipyo ng gawain ng iglesia. Napangasiwaaan ko rin nang mag-isa kamakailan ang ilang halalan ng iglesia, at sinabi ng iba na hinahangad ko ang katotohanan. Pakiramdam ko ay hindi patas sa akin na baguhin ang tungkulin ko sa ganoong paraan. Isa pa, hindi naman masama ang pagkaunawa at kakayahan ko, at sa lahat ng nakatrabaho ko, ako ang pinakamabilis na tumugon at matuto, kaya siguradong ako ang may pinakamalaking potensyal na makasulong. Bukod dito, sa ilang mangangaral, ako lang ang walang gusot sa pamilya. Mayroon akong buong pusong pananampalataya at nagawa kong magdusa at magbayad ng halaga sa aking tungkulin, kaya bakit ako inilipat?

Sa loob ng ilang araw, iyon lang ang naiisip ko at hindi ako mapanatag. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, inilipat po ako mula sa tungkulin ko. Anong aral ang kailangan kong matutunan dito? Hindi ko makita ang sarili kong problema—pakiusap gabayan Mo po ako.” Pagkatapos nun, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, hawakan, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong angkinin upang ipakita ang iyong intensyong magpasakop, ang iyong pagnanais na magpasakop, at ang realidad ng iyong pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Una, dapat mong matutuhan ang maghintay; pagkatapos, dapat mong matutuhang maghanap; pagkatapos, dapat mong matutuhang magpasakop. Ang ‘paghihintay’ ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, hinihintay ang mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, naghihintay na unti-unting ibunyag ng Kanyang kalooban ang kanyang sarili sa iyo. Ang ibig sabihin ng ‘paghahanap’ ay pagmamasid at pag-unawa sa maalalahaning mga intensyon ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na inilatag Niya, pag-unawa sa katotohanan sa pamamagitan nila, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga daang dapat nilang sundan, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at ano ang mga gusto Niyang magawa sa kanila. Ang ‘pagpapasakop,’ mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay malaman kung paano idinidikta ng Lumikha ang kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya pinapagana ang katotohanan sa tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Napagtanto ko rin na ang aking tungkulin ay binago, at kahit na hindi ko nauunawaan ang kalooban ng Diyos o alam ang aral na dapat kong matutunan, dapat man lang ay mayroon akong saloobin ng pagpapasakop, at hintayin at hanapin ko ang kalooban ng Diyos. Kung mananatili akong dismayado sa buong panahong ito, hindi iyon pagpapahirap sa iba, kundi pagrerebelde sa Diyos. Kalaunan, nanalangin ako sa Diyos, handang magpasakop at gawin ang aking makakaya sa pagiging lider ng iglesia.

Pagkalipas ng dalawang buwan, sinabi sa akin ng partner kong si Sister Xu na maghahalal ang mga iglesia ng mangangaral, at nabalitaan niyang naghirang ng mga kandidato ang nakatataas na lider. Nang marinig ko ang sinabi niya, sadyang hindi ko mapakalma ang sarili ko. Agad akong sumagot, “Ano? Naghirang siya ng mga kandidato? Malinaw na isinasaad sa mga prinsipyo ng halalan na walang sinuman ang pwedeng maghirang ng mga kandidato, at iyon ang uri ng bagay na ginagawa ni Satanas, ng malaking pulang dragon. Ang paggawa nito ay paglabag sa mga prinsipyo.” Nagmadaling tumugon ang partner ko, “‘Yun ang narinig ko, pero hindi ko alam kung totoo ‘yon. Huwag mo na lang ipagkalat yan.” Nang sabihin niya ‘yon, verbal akong sumang-ayon, pero sa loob ko ay paulit-ulit ko itong iniisip. Walang usok kung walang apoy, kaya kung hindi ‘yon ginawa ng nakatataas na lider, bakit mag-iimbento ang isang tao nito? Tiyak na ginawa niya ito at natuklasan siya, kaya ito pinag-uusapan. Dati akong mangangaral at inilipat niya ako mula sa posisyong iyon, at ngayon ay nagtatalaga siya ng mga kandidato. Talagang kumikilos siya nang walang mga prinsipyo. At kaya, binanggit ko ito sa isang lider sa ibang iglesia, si Sister Lin. Ilang sandali pa, sinabi sa akin ni Sister Lin na naunawaan niya ang isyu sa isang pulong ng mga katrabaho. Pumili ang nakatataas na lider ng mga tao para sa halalan mula sa medyo mas magagaling na lider ng iglesia. Hindi ‘yon pagtatalaga ng mga kandidato. Sinabi rin ng nakatataas na lider na sa pagpapakalat basta-basta ng tsismis na iyon, ginagambala ko ang gawain ng iglesia. Pakiramdam ko’y tinrato ako nang masama nang marinig ko ‘yon, at para sa’kin, wala naman akong gano’ng motibo. Dagli ko lang sinabi kay Sister Lin ang nalalaman ko. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko matapos sabihin ng nakatataas na lider na may mga motibo ako, at suriin ako sa harap ng lahat? Lalo kong nararamdamang naagrabyado ako habang mas iniisip ko ito, at hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Paulit-ulit akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para matuto ng aral. Talagang nanlulumo at miserable ako nang ilang araw at wala akong lakas sa anumang gawin ko. Tapos, sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa “Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan” na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Yaong mga kapatid na palaging nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo ay mga utusan ni Satanas, at ginugulo nila ang iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang itiwalag at alisin. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang pusong nagpipitagan sa Diyos, kung wala silang pusong masunurin sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at sumusuway sa Kanya. … Ang Diyos ay palaging nasa puso ng mga taong tunay na naniniwala sa Kanya, at palagi silang may pusong nagpipitagan sa Diyos, isang pusong nagmamahal sa Diyos. Dapat gawin ng mga naniniwala sa Diyos ang mga bagay-bagay nang maingat at masinop, at lahat ng ginagawa nila ay dapat maging alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos at makalugod sa Kanyang puso. Hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo, na ginagawa ang anumang gusto nila; hindi iyan nababagay sa banal na kaangkupan. Hindi dapat magwala ang mga tao, na iwinawagayway ang bandila ng Diyos kung saan-saan habang nagyayabang at nanggagantso kahit saan; ito ang pinakasuwail na uri ng pag-uugali. May mga panuntunan ang mga pamilya, at may mga batas ang mga bansa—hindi ba lalo na sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba higit na mas mahigpit pa ang mga pamantayan nito? Hindi ba higit na mas marami pa itong atas administratibo? Ang mga tao ay malayang gawin ang gusto nila, ngunit ang mga atas administratibo ng Diyos ay hindi maaaring baguhin kung kailan gustuhin. Ang Diyos ay isang Diyos na hindi nagpapalampas ng kasalanan ng mga tao; Siya ay isang Diyos na nilalagay sila sa kamatayan. Hindi pa ba ito alam talaga ng mga tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Ang mga salita ng Diyos na “mga utusan ni Satanas” at “ginugulo ang iglesia” ay napakatindi at nakakatakot para sa’kin. Batay sa mga salita ng Diyos, ang pagsasabi kay Sister Lin na ang nakatataas na lider ay nagtatalaga ng mga kandidato nang hindi lubos na nauunawaan ang totoong sitwasyon ay basta-bastang pagpapakalat at paghahasik ng hidwaan. Malinaw na pinaalalahanan ako ni Sister Xu na ito ay isang bagay lamang na narinig niya, at hindi niya alam kung totoo ito, pero tumalikod lang ako at sinabi ito kay Sister Lin. Gusto kong isipin ng mas maraming tao na ang nakatataas na lider ay hindi ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, na sa isang bagay na kasinghalaga ng isang halalan, nagtatalaga siya ng mga kandidato, ginagawa ang mga bagay-bagay nang patago para magkaroon ng pagkiling laban sa kanya ang mga tao. Ang paggawa nun ay para na ring pagpapabagsak sa nakatataas na lider, pagkilos bilang kampon ni Satanas, paggambala sa gawain ng iglesia. Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan. “Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; ipinapasya ito ng kanilang mga likas na pagkatao. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan yaong mga naghahanap sa katotohanan na masustentuhan, at nawa’y masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t gusto nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang taong naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos na, “Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas,” nagsimula akong manginig sa takot. Kung hindi ako magsisisi, bagkus ay patuloy na gagawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili kong kapritso, kikilos bilang alipores ni Satanas, ilalantad at palalayasin ako ng Diyos. At pinagnilayan ko ito: “Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan.” Kung kaya kong hanapin ang katotohanan upang matugunan ang aking mga paglabag at makilala ang aking sarili, hindi ko ba matatamo ang awa ng Diyos? Tapos napaisip ako kung bakit ganoon katindi ang naging reaksyon ko nang sabihin ni Sister Xu sa akin na nagtalaga ang nakatataas na lider ng mga kandidato. Dalawang buwan bago iyon, noong binago ang tungkulin ko, talagang dismayado ako rito at nagkaroon ng pagkiling laban sa nakatataas na lider. Kaya nang may narinig akong nagsabi na nagtatalaga ng mga kandidato ang nakatataas na lider, pakiramdam ko’y tiyak na hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kaya sinabi ko ito kay Sister Lin, sa kagustuhang pumanig siya sa akin at magkaroon din ng pagkiling laban sa nakatataas na lider. Sinadya kong husgahan ang nakatataas na lider at ginusto ko ring maghiganti. Iyon ay isang kasuklam-suklam at mapanirang motibo! Napuno ako ng pagsisisi nang makita ko ang pangit na bahaging ‘yon ng sarili ko. Kung hindi kaagad na sinuri ng nakatataas na lider ang diwa ng mga kilos ko para makita ng lahat ang tunay kong mga motibo, sa sandaling kumalat sa mga kapatid ang maling balita, magkakaroon sila ng pagkiling laban sa nakatataas na lider at hindi nila magagawang makipagtulungan nang maayos sa kanya. Direktang makakaapekto iyon sa gawain ng iglesia. Pagkatapos, nagmadali akong lumapit sa Diyos para manalangin at magsisi. Sabi ko, “Diyos ko, kumilos ako bilang alipores ni Satanas, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Ayokong patuloy na magsalita at kumilos nang mula sa katiwalian. Gusto ko pong maunawaan ang aking mga paglabag at masasamang gawa, at tunay na magsisi. Gabayan Mo po ako.”

Nananalangin at naghahanap ako sa harap ng Diyos noong panahong iyon. Bakit ba ako masyadong tutol sa pagbago sa aking tungkulin noon, hanggang sa puntong nagtatrabaho ako para kay Satanas, lumilikha ng pag-aaway sa pagitan ng magkakapatid, hinuhusgahan ang nakatataas na lider? Sa aking mga debosyonal isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). “Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Ang mga salita ng paghatol at paghahayag ng Diyos ay diretsong tumagos sa puso ko. Ako mismo ang uri ng mapagmataas at mayabang na taong ‘yon. Naglingkod ako bilang isang mangangaral at natutunan ang ilang prinsipyo, kaya pakiramdam ko’y mayro’n akong mahusay na kakayahan at mabilis akong matuto, na isa akong taong may talento sa iglesia at dapat na linangin. Nang marinig kong pinupuri ako ng mga kapatid sa kakayahan kong magdusa, magbayad ng halaga sa tungkulin ko, at maghanap sa katotohanan sa napakamurang edad, nagsimulang tumaas ang tingin ko sa sarili ko. Binansagan ko ang sarili ko na ‘naghahanap ng katotohanan.’ Nakipagbahaginan sa akin ang nakatataas na lider tungkol sa mga prinsipyo, at sinabi na sa panahong ‘yon, dahil sa aktuwal kong sitwasyon, hindi ako angkop na maglingkod bilang isang mangangaral, pero hindi ko matanggap ‘yun. Pakiramdam ko pa nga na ang pagbago sa tungkulin ko ay paraan ng nakatataas na lider na subukang pahirapan ako, na hindi siya sumusunod sa mga prinsipyo. Masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko, akala ko dakila ako, nang hindi man lang nakikita kung ano talaga ako. Lubos din akong kumbinsido na angkop akong maging isang mangangaral, pero sa katunayan, hindi pa ako matagal nang nananampalataya at wala akong gaanong tunay na karanasan. Nang maharap sa ilang praktikal na problema, gaya ng mga lider ng iglesia na hindi nakikipagtulungan nang maayos, wala akong praktikal na karanasan para tulungan sila. Dalawang buwan matapos baguhin ang tungkulin ko, dismayado pa rin ako tungkol dito, at wala akong ni katiting na pagtanggap dito. Palihim ko pa ngang hinuhusgahan ang mga kilos ng nakatataas na lider bilang salungat sa mga prinsipyo. Wala na sa katwiran ang pagiging mapagmataas ko. Hindi ko malutas ang mga totoong problema gamit ang katotohanan at hindi ko alam kung paano maranasan ang gawain ng Diyos. Isa pa, hindi ako tunay na nagpapasakop o natututo ng mga aral kapag nahaharap sa mga isyu. Sapat na ang mga bagay na iyon upang ipakita na wala akong gaanong praktikal na karanasan, hindi nauunawaan ang katotohanan, at wala akong kaaalaman sa katiwaliang ipinakita ko. Paano ko malulutas ang mga aktuwal na problema sa mga iglesiang iyon? Nang baguhin ng nakatataas na lider ang tungkulin ko, sabi niya wala akong gaanong karanasan sa buhay at hindi ko kayang lumutas ng mga totoong problema. Kung hindi ito ibinunyag ng realidad, hinding-hindi ko makikita kung gaano ako kayabang.

Tapos, nabasa ko ang siping ito sa mga salita ng Diyos: “Ngayo’y hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao). Talagang naantig ako matapos basahin ang mga salita ng Diyos. Kung hindi binago ang tungkulin ko, hindi ko pa rin malalaman kung gaano ako kayabang. Talagang nasaktan ako sa paglalantad sa akin ng nakatataas na lider, at sa malupit na paghatol at paghahayag ng mga salita Diyos, pero tinulungan ako ng mga ito na makita ang kayabangan ko, ang kawalang-galang ko sa Diyos, na kumikilos ako bilang alipores ni Satanas para sa sarili kong katayuan at kapakinabangan, at ginagambala ang gawain ng iglesia.

Pagkatapos nun, ginawa ko lang ang makakaya ko bilang lider ng iglesia. Ang partner kong si Sister Xu ay nag-aalaga sa kanyang pamilya bukod pa sa gumagawa ng kanyang tungkulin. Wala akong ganoong mga responsibilidad sa bahay, kaya medyo mas marami akong libreng oras. Kapag nahihirapan ang mga kapatid, mas madalas akong pumupunta para makipagbahaginan at lutasin ang mga bagay-bagay. Noong una, naiintindihan at ipinagpapaumanhin ko si Sister Xu, pero kalaunan, nagsimula kong maramdaman na mas abala ako kaysa sa kanya. Minsan nakikita ko na kapag may nangyayari sa pamilya niya, hindi niya kinukumusta o inaasikaso agad ang mga gawain ng iglesia, kaya medyo nakakaramdam ako ng panghahamak sa kanya. Pakiramdam ko’y sobra ang pagmamahal niya sa pamilya niya, at sa paglipas ng panahon, maaantala nito ang gawain ng iglesia. Minsan nakikipagbahaginan ako kay Sister Xu, pero kapag nakikita kong medyo problemado siya, nagiging mapanghamak at mapanglait ang tono ko sa kanya. Naramdaman ni Sister Xu na napipigilan ko siya, at natakot na kung may gagawin siyang mali, pahihirapan ko siya. Dahil wala akong gaanong pagkaunawa sa sarili kong mayabang na disposisyon, hindi nagtagal ay muling lumitaw ang mga problema ko dati.

Kalaunan, naging kandidato bilang mangangaral si Sister Xu at pagkatapos ay nahalal. Mahirap para sa akin na tanggapin ‘yon nang malaman ko. Iniisip ko na hindi ako pwedeng maging kandidato dahil lang bata pa ako, pero paanong hindi ko mapantayan si Sister Xu? Mas mahusay ako kaysa sa kanya, mas may lakas ako sa aking tungkulin, at hindi ako nakatutok sa pamilya. Isa pa, kamakailan lang ay tinabasan at iwinasto ako, nabigo ako at inilantad, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Nagpapakita pa rin ako ng kaunting kayabangan, pero medyo nagbago na ako. Ngayon si Sister Xu ay nahalal bilang isang mangangaral, responsable sa gawain ng ilang iglesia, pero isang iglesia lang ang pinamamahalaan ko, kaya ibig ba talagang sabihin no’n ay kulang ako sa kakayahan? Napakabata ko pa—hindi ba’t pagsasayang sa talento ko ang manatili sa iglesiang ‘yon bilang isang lider lang? Sa kakayahan ko, isang iglesia lang ba talaga ang kaya kong pangasiwaan? Bakit hindi nakita ng nakatataas na lider ang pag-usad at pagbabago ko? Tinabasan at iwinasto rin ako ng isang mangangaral, si Sister Zhang, nang ilang magkakasunod na beses sa mga pagtitipon. Sabi niya, “Sa mga nakaraang pakikipag-ugnayan ko sa iyo, pakiramdam ko’y mayroon kang tunay na mabuting pagkatao. Nakakagulat na makita kung gaano ka kayabang at mapagpahalaga sa sarili. Kahit may kaunti kang kakayahan, minamaliit mo ang iba at pinipigilan sila sa bawat pagkakataon. Palagi kang nakasimangot sa mga tao. Ngayon nakikita ko nang wala kang mabuting pagkatao.” Nadurog ang puso ko nang marinig siyang sabihin ‘yon. Bakit kailangan niyang talakayin ang mga problema ko sa bawat pagtitipon? Bakit siya masyadong malupit sa akin? Nagpakita lang ako ng kaunting katiwalian, medyo mayabang ako, pero kailangan bang kausapin ako nang ganoon? Nang hindi ko na talaga matiis pa, tumakbo ako sa banyo para umiyak nang patago. Parang sinaksak ng kutsilyo ang puso ko. Tumatawag ako sa Diyos sa panalangin araw-araw, humihiling sa Kanya na gabayan akong matuto ng aral.

Noong panahong iyon, nagbasa ako ng maraming salita ng paghatol at paghahayag ng Diyos. Ang isa sa mga siping ‘yon ay partikular na tumagos sa’kin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang pinakamabuting gawin ay maglaan kayo ng higit na pagsisikap sa katotohanan ng pagkilala sa sarili. Bakit hindi kayo nagugustuhan ng Diyos? Bakit kasuklam-suklam sa Kanya ang inyong disposisyon? Bakit pinupukaw ng inyong pananalita ang Kanyang galit? Sa sandaling magpamalas kayo ng katiting na katapatan, pinupuri ninyo ang inyong sarili, at humihingi kayo ng gantimpala para sa maliit na ambag; hinahamak ninyo ang iba kapag nakapagpakita kayo ng kaunting pagsunod, at nawawalan kayo ng galang sa Diyos kapag may simpleng gawain kayong naisasakatuparan. Sa pagtanggap sa Diyos, humihingi kayo ng pera, mga regalo, at mga papuri. Masakit sa inyo ang magbigay ng isa o dalawang barya; kapag nagbigay kayo ng sampu, umaasam kayo ng mga pagpapala at nais ninyong kilalanin kayo. Ang pagkataong katulad ng sa inyo ay positibong masakit sabihin o pakinggan. Mayroon bang anumang kapuri-puri sa inyong mga salita at kilos? Yaong mga gumaganap sa kanilang tungkulin at yaong mga hindi; yaong mga namumuno at yaong mga sumusunod; yaong mga tumatanggap sa Diyos at yaong mga hindi; yaong mga nag-aabuloy at yaong mga hindi; yaong mga nangangaral at yaong mga tumatanggap ng salita, at iba pa: lahat ng taong iyon ay pinupuri ang kanilang sarili. Hindi ba ito nakakatawa sa inyo? Lubos na nababatid na naniniwala kayo sa Diyos, magkagayunma’y hindi kayo nakaayon sa Diyos. Lubos na nababatid na hindi kayo karapat-dapat, patuloy pa rin kayong nagyayabang. Hindi ba ninyo nadarama na nabawasan na nang kaunti ang inyong katinuan kaya wala na kayong kontrol sa sarili? Sa ganitong katinuan, paano kayo angkop na makikisama sa Diyos? Hindi ba kayo natatakot para sa inyong mga sarili sa puntong ito? Lumala na ang inyong disposisyon hanggang sa hindi na ninyo makayang umayon sa Diyos. Dahil dito, hindi ba nakakatawa ang inyong pananampalataya? Hindi ba kahibangan ang inyong pananampalataya? Paano mo haharapin ang iyong kinabukasan? Paano ka pipili kung anong landas ang iyong tatahakin?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos). Perpektong inihayag ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Matapos matutunan ang ilang prinsipyo sa aking tungkulin, nadama kong mayroon akong mahusay na kakayahan, na ako ay may talento. Nang gumawa ako ng ilang sakripisyo at nagbayad ng kaunting halaga, ipinagmalaki ko ang sarili ko, at pakiramdam ko’y hinangad ko ang katotohanan. Nang maging magkapartner kami ni Sister Xu sa aming tungkulin, mas marami nang kaunti-kaunti ang ginawa kong gawain at pakiramdam ko’y mas naghangad ako kaysa kanya, na mas magaling ako. Nang makita kong napipigilan si Sister Xu ng mga bagay na may kinalaman sa pamilya, hindi ko siya inunawa, kundi minaliit at hinamak ko siya, at gawi kong tingnan siya nang masama. Wala talaga akong pagmamahal sa kanya, bagkus palagi siyang pinipigilan. Lubos iyong nagbubunyag ng mayabang na disposisyon, at ito ay kasuklam-suklam para sa Diyos. Kahit na nagkaroon si Sister Xu ng mga gusot sa pamilya, may mabuti siyang pagkatao at matatag siya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Isa pa, talagang praktikal ang kanyang pagbabahagi, at kaya niyang lumutas ng mga paghihirap ng iba. Tulad noong mga abalang panahon sa pagsasaka, may mga taong nahuhuli sa mga pagtitipon o hindi regular na dumadalo. Nagbabahagi ako sa kanila na ito ang napakahalagang oras para hanapin ang katotohanan, wala silang makakamit sa pagiging laging abala sa buhay ng laman, at ang isang hangal ay sisirain lang ang kanyang sarili sa kanyang kasakiman para sa kaaliwan. Ibinabahagi ko ang lahat ng walang kabuluhang kasabihang ‘yon, at tumatango silang lahat sa pagsang-ayon, pero pagkatapos ay nananatili silang abala sa kanilang gawain ng pagsasaka at lagi pa ring nahuhuli sa mga pagtitipon. Pero nagkaroon ng ilang gusot sa pamilya si Sister Xu, kaya naiintindihan niya ang kanilang paghihirap sa totoong buhay. Nagbabahagi siya sa mga kapatid tungkol sa kanyang mga karanasan para tulungan sila. Nakikinig sila at nararamdaman na talagang praktikal ito, tapos ay kadalasang bumabalik sila sa regular na pakikipagtipon. Pareho kaming nakipagbahaginan sa mga kapatid. Hindi ko nalutas ang kanilang aktuwal na mga problema, pero nakakuha ng totoong mga resulta si Sister Xu sa kanyang pakikipagbahaginan. Mula rito ay makikita na mayroon talaga siyang praktikal na karanasan.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na nakatulong sa akin na maunawaan kung ano ang realidad. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang hawakan ang mga salita ng Diyos at magawang ipaliwanag ang mga ito nang hindi nahihiya ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang realidad; ang mga bagay ay hindi kasing-simple ng iyong iniisip. Kung nagtataglay ka ng realidad ay hindi nababatay sa kung ano ang iyong sinasabi; sa halip, nababatay ito sa iyong isinasabuhay. Kapag naging buhay at likas na pagpapahayag mo ang mga salita ng Diyos, saka lamang masasabi na taglay mo ang realidad, at saka ka lamang maituturing na nagkamit ng tunay na pagkaunawa at totoong tayog. Kailangan mong matagalan ang pagsusuri sa loob ng mahabang panahon, at kailangan mong maisabuhay ang wangis na hinihingi ng Diyos. Hindi ito dapat maging pakitang-tao lamang; kailangan itong likas na dumaloy mula sa iyo. Saka ka lamang tunay na magtataglay ng realidad, at saka ka lamang magkakamit ng buhay. … Kaawa-awa ang mayayabang at hambog, at kaawa-awa ang mga hindi nakakakilala sa kanilang sarili; ang gayong mga tao ay magaling magsalita, subalit pinaka-hindi magawa ang sinasabi nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, nagsisimulang magkaroon ng mga pagdududa ang mga taong ito, at sumasagi sa kanilang isipan ang pagsuko. Wala silang taglay na anumang realidad; ang tanging mayroon sila ay mga teorya na mas matayog pa sa relihiyon, na walang anuman sa realidad na kinakailangan ngayon ng Diyos. Ang labis Kong kinaiinisan ay yaong mga bumabanggit lamang ng mga teorya nang anumang taglay na realidad. Sila ang pinakamalakas sumigaw kapag nagsasagawa ng kanilang gawain, ngunit kapag naharap sila sa realidad, nababagabag sila. Hindi ba ito nagpapakita na walang realidad ang mga taong ito? Gaano man kabagsik ang hangin at mga alon, kung maaari kang manatiling nakatayo nang wala ni katiting na pagdududang pumapasok sa iyong isipan, at maaari kang manindigan at manatiling malaya sa pagtanggi, kahit wala nang iba pang natitira, ituturing kang mayroong totoong pagkaunawa at tunay na nagtataglay ng realidad. Kung magpapatangay ka sa ihip ng hangin—kung susundan mo ang karamihan, at matututo kang ulitin ang pananalita ng iba—gaano ka man kahusay magsalita, hindi iyan katibayan na taglay mo ang realidad. Kung gayon, iminumungkahi Ko na huwag kang sumigaw ng hungkag na mga salita nang wala sa panahon. Alam mo ba kung ano ang gagawin ng Diyos? Huwag kumilos na parang isa ka pang Pedro, kung hindi ay magdudulot ka ng kahihiyan sa iyong sarili at hindi ka na makapagtataas ng ulo; hindi iyon makabubuti kahit kanino. Karamihan sa mga tao ay walang totoong tayog. Bagama’t marami nang nagawang gawain ang Diyos, hindi pa Niya naihahatid ang realidad sa mga tao; para mas eksakto, hindi pa Niya nakastigo nang personal ang sinuman kailanman. Ang ilang tao ay nalantad na sa gayong mga pagsubok, ang kanilang makasalanang mga kamay ay palayo nang palayo, iniisip na madaling malamangan ang Diyos, na kaya nilang gawin ang anumang gusto nila. Yamang hindi nila kayang matagalan maging ang ganitong uri ng pagsubok, hindi na kailangang pag-usapan pa ang mas mahihirap na pagsubok para sa kanila, gayon din ang pagtataglay ng realidad. Hindi ba sinusubukan lamang nilang lokohin ang Diyos? Ang pagkakaroon ng realidad ay hindi isang bagay na maaaring dayain, ni hindi isang bagay ang realidad na makakamit mo sa pamamagitan ng pag-alam dito. Depende iyon sa iyong totoong tayog, gayon din kung kaya mong matagalan ang lahat ng pagsubok o hindi. Nauunawaan mo ba?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad). Ganap na malinaw ang mga salita ng Diyos. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng realidad ay hindi lamang tungkol sa kung ano ang kanyang sinasabi, kundi ito ay tungkol sa kung siya ay nagsasagawa ng katotohanan, kung siya ay nagpapatotoo sa Diyos sa kung ano ang kanyang isinasabuhay. Kung naiintindihan mo lang ang doktrina at iniisip mo na ibig sabihin nito ay taglay mo ang realidad, ‘yun ay kayabangan at kawalan ng pagkakilala sa sarili. Sa pangkalahatan, pakiramdam ko’y puno ako ng pananampalataya, naaasikaso ko sa oras ang gawain ng iglesia, masigasig ako sa aking tungkulin at tila kaya kong magpasakop sa Diyos, pero matapos mahalal si Sister Xu bilang mangangaral ay naguluhan ako. Pakiramdam ko’y mas magaling ako kaysa sa kanya, mas may kakayahan, kaya bakit hindi ako napili? Umusbong ang mga reklamo sa puso ko, at pakiramdam ko’y ‘di ito patas sa akin. Base sa ipinakita ko, hindi ko talaga kilala ang sarili ko at hindi ko magawang magpasakop sa sitwasyong isinaayos ng Diyos. Hinding-hindi ko taglay ang realidad ng katotohanan. May kaunting sigasig lang ako sa tungkulin ko at nakakapagsalita ng ilang doktrina. Napagkamalan ko ang mga bagay na iyon na aktuwal kong tayog, pero ang totoo’y hindi ko talaga nauunawaan ang paghihirap ng mga kapatid at hindi ko malutas ang kanilang mga tunay na problema. Ang pahintulutan akong maglingkod bilang lider ng iglesia ay pagbibigay na sa akin ng pagkakataon, pero hindi ko man lang kilala ang sarili ko at gusto kong makipaglaban para maging isang mangangaral. Wala na talaga sa katwiran ang kayabangan ko. Gusto kong labis na pahalagahan ng Diyos, pero imposible ‘yon. Hindi magugustuhan ng Diyos ang isang taong hindi mapigilan at walang katwiran. Nang makita kong may mayabang akong disposisyon at hindi ako gumawa ng anumang pagbabago, at ang pag-uugali ko ay kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi. Pakiramdam ko’y napakamanhid ko at hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Kung hindi ako iwinasto ni Sister Zhang, hindi ko pa rin makikita ang mga problema ko.

Pagkatapos nun, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kapag nagdurusa kayo ng kaunting paghihigpit o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinastigo, hinatulan, at isinumpa kayo kaya binigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi sinasadyang gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi pa ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para pukawin ang inyong espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, kailangan ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Kapag ang inyong kalikasan ay walang pagkastigo at pagsumpa, ayaw ninyong magyuko ng ulo, ayaw ninyong magpasakop. Kung hindi ninyo nakikita ang mga totoong pangyayari, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong pagkatao! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap kayong malupig, at mahirap daigin ang inyong kawalan ng katuwiran at pagsuway. Ang inyong dating likas na pagkatao ay nakaugat nang napakalalim. Kung iniluklok kayo sa trono, wala kayong ideya sa taas ng langit at lalim ng lupa, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Panginoon ng paglikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga sumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano kayabang kayo sa inyong paglaki, o gaano kayo magiging masama. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong buhay. Kung ‘tinuruan’ pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong ‘ama,’ sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala kayo talagang kakayahang kontrolin at pagbulay-bulayin ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at tatalima lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang panghihimasok o mga gambala, makakamtan ang Aking mga layunin. Hindi ba lalo kayong dapat magsumikap sa pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano ang iba pa ninyong mga pagpipilian?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 6). Habang binabasa ang mga salita ng Diyos, sunod-sunod na eksena ang sumagi sa isip ko, mula sa pagiging mangangaral hanggang sa pagbago sa aking tungkulin. Talagang naramdaman ko na pinrotektahan ako ng paghatol at pagtatabas ng mga salita ng Diyos. Napakayabang ko at walang kaalaman, ‘tsaka napakasutil ko at mapaghimagsik sa puso ko. Kung hindi dumating sa akin ang mga katunayan nang paulit-ulit sa gano’ng paraan, hindi ko alam kung hanggang saan aabot ang aking kayabangan. Ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito, “Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao,” ay isang bagay na medyo nauunawaan ko na talaga. Kung nais ng mga tao na malinis at mabago ang kanilang disposisyon, hindi talaga ‘yon mapaghihiwalay sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Nanalangin ako ng pagpasakop sa Diyos, handa na talagang manatili sa tungkuling iyon, at kahit pa hindi ako kailanman ma-promote, handa at sabik akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.

Kalaunan, nakatanggap ako ng sulat mula sa nakatataas na lider, sinasabi sa’kin na na-promote ako at gagawa ako ng isang tungkulin sa ibang lugar. Hindi ko akalain ‘yon. Napakalaki ng pasasalamat ko sa Diyos noong panahong iyon. Ang realidad ay na hindi tinatangka ng Diyos na manatili ako doon, na hindi makagawa ng iba pang tungkulin, kundi may problema lang sa akin at salungat ako sa lahat ng bagay, kaya kinailangan kong maranasan ang ganitong uri ng sitwasyon para malinis at mabago. Naranasan ko rin talaga ang taimtim na mga layunin ng Diyos na iligtas ako. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Tunay na Dahilan ng Hindi Epektibong Gawain

Ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga lider ang gawain ng pagtatampok sa Diyos, pagpapatotoo sa Diyos, pakikipagniig tungkol sa kalooban at mga kahilingan ng Diyos, na nagpapahintulot sa mga iba na kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at, sa huli, maunawaan at masunod ang Diyos.

Leave a Reply