Paalam sa Gawaing Walang Bunga
Tinanggap ko ang tungkulin ng pagdidilig ng mga baguhan dalawang taon na ang nakararaan. Nadama kong isa itong karangalan mula sa Diyos. Alam ko ring isa talaga itong mahalagang tungkulin, kaya gusto kong maglaan ng higit na pagsisikap sa katotohanan para maayos kong madiligan ang mga baguhan para matulungan silang mabilis na mahanap ang kanilang katayuan sa tunay na daan. Nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos upang sangkapan ang sarili ko ng katotohanan sa tuwing may oras ako, at sa mga pagtitipon, taimtim kong pinag-iisipan ang mga tanong at problema ng mga bagong mananampalataya, at naghanap ng mga salita ng Diyos para sa pagbabahagi at solusyon. Naghahanap ako kasama ang mga kapatid kapag may hindi ako maunawaan o malutas. Sa paglipas ng panahon, nagsimulang lumapit sa akin ang iba para sa pagbabahagi sa kanilang mga problema. Naisip ko na tinitingala na ako ng lahat kahit na bago pa lang ako sa pagdidilig. Sobrang saya ko talaga at mas nagkaroon ng sigasig para sa tungkulin ko.
Kalaunan, inatasan ng lider si Sister Cheng na gumawa kasama ko. Matapos ang kaunting panahon, nalaman ko na marami siyang tinanggap na responsibilidad sa kanyang tungkulin at mahusay sa pagsisiwalat ng mga isyu sa aming gawain. Ang kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon ay talagang malinaw at maayos, at nagawa niyang lutasin ang ilang problema. Gustong-gusto talaga siya ng lahat at nilalapitan siya para sa pagbabahagi kapag may mga problema sila. Nabahala ako nang makita ko ang lahat ng ito: “Medyo bago pa lang si Sister Cheng, pero mataas na agad ang tingin ng iba sa kanya. Kapag kailangan nila ng tulong, magsisimula na bang siya lang ang lalapitan nila, at hindi ako? Iisipin ba nilang wala akong binatbat sa kanya? Hindi, kailangan kong mas magsumikap para makita ng lahat na hindi ako pang-alalay, na may kakayahan pa rin akong lumutas pagda mga problema. ’Yon ang tanging paraan para mapanatili ang puwang ko sa puso ng lahat.” Nagsimula akong lumabas at magtanong tungkol sa mga kalagayan at paghihirap ng mga kapatid, at bago ang bawat pagtitipon, gumagawa ako para maghanap ng mga salita ng Diyos at magtala tungkol sa mga ito. Sa mga pagtitipon, abala ako sa kakaisip kung paano magbibigay ng mas magandang pagbabahagi kaysa kay Sister Cheng para isipin ng lahat na mas may kakayahan ako. Sa gulat ko, isang araw, sinabi sa amin ng lider na si Sister Cheng ay magsisilbi bilang isang lider ng grupo. Natigilan ako. Naisip ko, “Mali ba ako ng rinig? Magiging lider ng grupo si Sister Cheng? Bakit nagkaganito? Mas matagal na ako sa tungkulingito kaysa sa kanya. Anong iisipin ng iba kapag nalaman nila ito? Iisipin ba nilang mas magaling siya kaysa sa’kin? Paano pa ako magpapakita ulit?” Habang lalo ko itong naiisip, mas lalo kong nadama na tinrato ako nang masama, at hindi ko talaga matanggap ang katotohanang iyon. Talagang madilim at masakit ang naramdaman ko. Alam kong hindi ko ’yon dapat isipin sa ganoon paraan, na pamumuhay ’yon para sa karangalan at katayuan, pero hindi ko makontrol ang sarili ko. Sinubukan kong aluin ang sarili ko, na talagang ayos lang din iyon, at ang kailangan ko lang gawin ay gampanan nang maayos ang sarili kong tungkulin nang hindi masyadong nag-aalala. Sa panahong iyon, hindi ko talaga hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang aking sarili sa aspetong ito.
Tapos isang araw, nalaman ko na ang pamilya ni Sister Zhang ay nalinlang ng mga sabi-sabi at kasinungalingan ng CCP, at sinusubukan nilang pigilan siyang manampalataya. Pinigilan siya, at hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Nakipag-ugnayan ako sa kanya, umaasang makapagbabahagi sa kanya, pero sinabi niyang nakikipag-usap na siya kay Sister Cheng, na nagkaroon na sila ng paghahanap at pagbabahagi. Medyo nakakasama ng loob para sa akin na marinig ito. Palaging lumalapit dati sa akin si Sister Zhang kapag may mga problema siya, pero ngayon, diretso na siyang lumalapit kay Sister Cheng. Inisip ba niya na hindi ako kasing galing ni Sister Cheng? Makakalimutan na ba ng lahat ang tungkol sa’kin? Ang isiping ito ay talagang nagpahina ng loob ko. Inisip ko na inaagaw ni Sister Cheng ang atensiyon mula sa akin, at nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya. Tumigil ako sa pagiging labis na handa na sumagot sa kanyang mga mensahe, at minsan nagbibigay lang ako ng mabilis na “Sige” bilang sagot. At mayroong isang beses noong kami’y nasa isang online na pagtitipon kasama ang ilang kapatid. Nagbigay si Sister Cheng ng pagbabahagi bilang tugon sa tanong ng isang sister. Wala akong anumang naintindihan dito, nag-alala lang ako na ang kanyang pagbabahagi ay magiging sentro ng atensyon. Gusto ko lang ng isang pagkakataong makapagbahagi para makita ng iba na sineseryoso ko rin ang aking tungkulin, at kaya kong magsiwalat ng mga problema. Nang tapos na si Sister Cheng, sinabi ng kapatid na nagtanong na hindi nalutas ng kanyang pagbabahagi ang praktikal na problema. Natuwa akong makita siyang nasa isang mahirap na sitwasyon. Iniisip ko, “Medyo matagal kang nagsalita nang hindi nalulutas ang tunay na problema. Hindi ito matagumpay. Ngayon nahihiya ka. Nahahalata agad ito ng iba. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito para magpakitang-gilas para makita ng lahat na mas maganda ang pagbabahagi ko kaysa sa’yo.” Agad kong sinimulan ang pagbabahagi. Nang tapos na ako, naging malinaw na hindi ko talaga naunawaan ang katanungan ng kapatid na ito, at malayong-malayo ang sagot ko. Binigyan pa niya ako ng paunang babala. Pakiramdam ko’y isa akong hangal nang oras na iyon at gusto kong maghanap ng mapagtataguan. Ibinaba ko ang tawag nang sandaling ’yon dahil may mahalagang nangyari. Mayamaya, nakita kong online pa rin sila sa pagtitipon at isang mapaminsalang isipin ang pumasok sa isip ko: “Kung patuloy kang magsasalita nang ganito, sinong nakakaalam kung gaano katagal ka magpapatuloy. Kung hindi ako makakasama sa pagtitipon, walang ibang puwedeng makasama, kung hindi ikaw lang ang makikita.” Kaya, ipinadala ko ang mensaheng ito nang hindi talaga ito pinag-iisipan: “Tapos na ang oras ng pagtitipon, hindi na kailangang patagalin ang mga bagay. Puwede nating talakayin ang anumang problema sa susunod.” Sa loob ng ilang minuto, lahat sila’y offline na. Naupo ako ro’n sa harap ng kompyuter na sobrang balisa. Hiyang-hiya ako sa pagbabahagi na ginawa ko, at sumama ang pakiramdam ko nang maisip ko kung paano ko ikinatuwa ang kabiguan ni Sister Cheng. Anong ginagawa ko? Hindi ko sinusubukang makipagtulungan sa kanya para magawa nang maayos ang tungkulin namin, kundi ako’y nakikipaglaban sa inggit, kapwa lantaran at palihim, sinusubukang pahinain siya. ’Yon ba’y paggawa ng aking tungkulin? Hindi ko talaga mapakalma ang nararamdaman ko.
Pinagnilayan ko ang aking sarili pagkatapos no’n, sa kung ano talaga ang problema ko. Ang palaging pagkukumpara ng sarili ko kay Sister Cheng sa lahat ng bagay ay isang nakakapagod at masakit na paraan para mabuhay. Hindi ako nakakakuha ng anumang kaliwanagan sa mga salita ng Diyos, wala sa loob lang akong nagdarasal, ang mga pagtitipon ay matamlay at nakakabagot, walang-walang pagtanglaw. Puno ng kadiliman ang puso ko. Nasasaktan, lumapit ako sa harap ng Diyos para manalangin: “Diyos ko, namumuhay ako para sa karangalan at katayuan, palaging nakikipagkumpitensiya, ikinukumpara ang aking sarili sa iba, inaasam ang kanilang paghanga. Alam kong hindi ito ang tamang kalagayan, pero hindi ko ito matakasan. Diyos ko, pakiusap, gabayan Mo ako para makilala ang aking sarili.”
Isang araw, nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos sa isang pagtitipon: “Kapag tumutupad ng tungkulin ang katulad ng mga anticristo, anuman ito at kahit nasaang grupo pa siya, nagpapamalas siya ng kakaibang uri ng pag-uugali: May gawi silang laging pigilan ang mga tao at kontrolin sila. Lagi niyang gustong pamunuan ang mga tao at magkaroon ng huling salita. Gusto niyang lagi siyang nakikita, at napapansin; gusto niyang nakatuon sa kanya ang mga mata at atensyon ng mas maraming tao. Sa tuwing sumasali ang mga anticristo sa isang grupo, kahit gaano pa karami ang bilang nito, kahit sino pa ang mga miyembro ng grupo, kahit ano pa ang kanilang propesyon o identidad, ang unang titingnan ng mga anticristo ay kung sino ang mahusay magsalita, kung sino ang kahanga-hanga, kung sino ang kwalipikadong-kwalipikado, at kung sino ang may pinakamaraming puhunan. Tinitingnan nila kung sino ang kaya nilang talunin at kung sino ang hindi nila kaya, kung sino ang nakahihigit sa kanila at kung sino ang mahina. Ito ang mga unang bagay na inaalam nila. Matapos na mabilisang suriin ang sitwasyon, sinisimulan nila ang kanilang trabaho, isinasantabi ang mga nasa ilalim nila at binabalewala sila. Inuuna nila ang mga pinaniniwalaan nilang mas nakatataas, ang mga medyo may katanyagan at medyo may katayuan, ang mga may kaunting kaloob at medyo may kakayahan. Sinusukat muna nila ang kanilang sarili sa mga taong ito. Kung ang isa man sa mga taong ito ay iginagalang ng mga kapatid, matagal nang mananampalataya sa Diyos at nasa mabuting kalagayan, nagiging puntirya siya ng kanilang inggit. Siya’y nagiging kakumpitensya nila. Tapos, tahimik na ikinukumpara ng mga anticristo ang kanilang sarili sa taong ito na iginagalang, may katayuan, at ang pananalita’y nakapagpapasunod sa mga kapatid, habang tinitingnan kung ano ang kaya nilang gawin at kung saan sila nagpakadalubhasa. Habang nanonood at nagmamasid, napapag-iisip-isip ng mga anticristo na ang mga taong ito ay mga eksperto sa isang partikular na propesyon, at lubos silang iginagalang ng lahat, dahil mas matagal na silang naniniwala sa Diyos o dahil sa iba pa mang kadahilanan. Sa sandaling nakadiskubre sila ng gayong ‘masisila,’ na nakakilala ng gayong kakumpitensya, at nakahanap ng dahilan, bubuo ng planong pagkilos ang mga anticristo. Aalamin nila kung saan sila mahina kung ikukumpara sa kanilang katunggali, at doon sila tututok. Kung hindi sila ganoon kahusay sa isang propesyon gaya ng taong iyon, pag-aaralan nila ang propesyong iyon, gagawin ang lahat ng iba’t ibang paraaan para makakuha ng impormasyon at mababang-loob na hihingi ng panuto mula sa iba. Makikilahok sila sa iba’t ibang uri ng gawaing may kinalaman sa propesyong iyon, habang unti-unting nadaragdagan ang karanasan at nalilinang ang sarili nilang kapangyarihan. Sa sandaling pinaniniwalaan nilang mayroon na silang puhunan upang harapin ang kanilang kakumpitensya, madalas na silang tatayo upang ipaalam ang kanilang ‘mga naliwanagang pananaw.’ Madalas na sadya nilang kinokontra at minamaliit ang kanilang kakumpitensya upang pagmukhain silang hangal at dungisan ang kanilang mga reputasyon. Sa gayong paraan ay nagagawa nilang maipakita na sila ay hindi katulad ng iba at mas matalino kaysa sa kanilang katunggali. Makikilala ba ng karaniwang tao ang mga bagay na ito? Sa buong proseso, tanging ang mga anticristo lamang mismo ang nakakaalaman kung ano ang kanilang ginagawa—sila, at ang Diyos. Ang nakikita lamang ng mga ordinaryong tao ay ang kanilang kasigasigan, ang kanilang paghahangad, ang kanilang pagdurusa, ang kanilang sakripisyo, at ang tila mabuti nilang pag-uugali. Ngunit ang katotohanan ng mga bagay-bagay ay malalim na nakatago sa kanilang mga puso. Ano ang pinakalayunin nila? Ito’y ang magtamo ng katayuan. Ang hindi nila alam, ang pinupuntirya ng lahat ng kanilang ginagawa, lahat ng kanilang pagtatrabaho, at lahat ng kanilang pagsasakripisyo ay ang bagay na iyon na nasa kanilang mga puso na hindi nila kailanman makakalimutan at hindi kailanman matatalikuran: ang katayuan” (“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Talagang tumama sa akin ang mga salita ng Diyos, at sumama ang pakiramdam ko. Naramdaman ko rin na napakalinaw na nakikita ng Diyos ang aking saloobin at mga nararamdaman. Nang mapag-isip-isip ito, simula nang tanggapin ko ang tungkulin ng pagdidilig, tinrato ko ito bilang isang pagkakataon na magpakitang-gilas. Gusto kong gamitin ang paglutas sa mga problema ng iba bilang isang paraan para makamit ang kanilang paghanga at pagsang-ayon. Matapos italaga ng lider si Sister Cheng na gumawa kasama ko, ang aking inalala ay hindi kung paano namin magagawa nang maayos ang aming tungkulin nang magkasama, kundi ay pakikipagkumpitensya sa kanya, ikinukumpara ang sarili ko sa kanya. Nahumaling ako sa kung sinong nilalapitan ng mga kapatid para magpatulong, sino sa amin ang mas may katanyagan, mas may katayuan kumpara sa iba. Nakaramdam ako ng panganib nang makita ko kung paanong tinitingala ng lahat si Sister Cheng at pakiramdam ko’y naisantabi ako, kaya nagsimula akong makita siya bilang isang kakumpitensiya. Ginusto kong talunin siya, lampasan siya sa lahat ng aking sinabi at ginawa, at sinubukan ang lahat para isipin ng iba na mas magaling ako. Nadala ako ng aking ambisyon at pagnanasa at ikinatuwa pa ang kanyang pagkabigo sa paghahangad ko ng katayuan. Mukhang ginagawa ko ang aking tungkulin, pero ang mga saloobin ko ay malayo sa kung paano ito gagawin nang maayos, paano susulitin ang mga pagtitipon, o kung paano matutulungan ang mga kapatid sa kanilang mga problema. Bawat isang bagay na ginawa ko ay para lang sa reputasyon at katayuan. Hindi ba’t isa iyong anticristong disposisyon? Ang katayuan at katanyagan ang pinakapinahahalagahan ng mga anticristo. Naiinggit sila, nakikipaglaban, at ikinukumpara ang kanilang mga sarili sa kahit sinong mas magaling sa kanila. Hindi sila titigil para yurakan, maliitin, at dungisan ang sinuman alang-alang sa katayuan, para itaas ang kanilang sarili at magpakitang-gilas. Sa lahat ng ginagawa ko, hindi ba’t ang mga lihim kong motibo ay katulad ng sa mga anticristo? Ang paggawa sa aking tungkulin nang may ganoong uri ng pakay ay pagtahak sa landas ng isang anticristo, nilalabanan ang Diyos. Sa pagkatanto nito, napuno ako ng pagsisisi at alam kong kailangan kong magbago. Talagang kailangan kong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang sarili para malutas ang aking tiwaling disposisyon.
Nag-isip-isip ako at naghanap din tungkol dito, at nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako para maunawaan ang sanhi nito para tunay akong makapagsisi. May isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko isang araw. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa kampo ni Satanas, maliit man iyan na opisina o isang malaking organisasyon, nasa gitna man ng madla o sa mga opisina ng pamahalaan, ano ang kalagayan ng paligid kung saan sila kumikilos? Ano ang mga prinsipyo at panuntunan para sa kanilang mga kilos? Bawat isa ay batas sa kanilang sarili; nagkakanya-kanya ng landas ang bawat isa. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang interes at iniintindi ang sarili nila. Sinuman ang may awtoridad ang siyang may huling salita. Hindi nila iniintindi ang iba kundi ginagawa ang maibigan nila, nagpupunyagi para sa katanyagan, kayamanan, at katayuan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan ni isinasagawa ito, hindi ka ba matutulad sa kanila kung nasa sitwasyon ka na hindi ka napagkalooban ng mga salita ng Diyos? Hinding-hindi—tiyak na magiging katulad ka rin nila. Lalaban ka katulad ng paraan ng paglaban ng mga hindi mananampalataya. Mahihirapan ka katulad ng paghihirap ng mga hindi mananampalataya. Mula umaga hanggang gabi, maiinggit at makikipagtalo ka, magpaplano at gagawa ng mga pakana. Ano ang ugat ng problemang ito? Lahat ng ito’y dahil pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Ang paghahari ng mga tiwaling disposisyon ay ang paghahari ni Satanas; nananahan ang sangkatauhang ginawang tiwali sa loob ng satanikong disposisyon, nang walang eksepsyon. Kaya, hindi mo dapat isipin na masyado kang mabuti o masyadong maamo at matapat para magpunyagi para sa kapangyarihan at kapakinabangan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi inaakay ng Diyos, tiyak na hindi ka isang eksepsyon, at sa anumang paraan, dahil sa iyong katapatan o kabaitan, o dahil sa iyong kabataan, ay hindi mo mapipigilan ang iyong sarili na huwag makipaglaban at mang-agaw para sa sarili mong reputasyon at katayuan. Pakikipaglaban, pang-aagaw, pagpupunyagi—ang lahat ng ito’y pag-uugaling palatandaan ng masamang kalikasan ni Satanas. Ang lahat, sa anupamang paraan, ay nakikipaglaban, nakikipagbuno, at nakikipagtunggali para sa katanyagan, kayamanan, at katayuan, walang eksepsyon dito. Sa pagsisikap nilang makamit ang layuning ito, naibubunyag ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, hangga’t ikaw ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, hindi tumatanggap ng katotohanan, at hindi makakilos nang ayon sa prinsipyo, mananaig ang mga tiwaling disposisyong ito sa iyong isipan at didiktahan nito ang iyong mga kilos. Hindi mo ito matatakasan. Ngayon, habang tinutupad mo ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, medyo masunurin ka, medyo matatag ang puso, medyo seryoso, at medyo mayroon kang diwa ng responsibilidad, o nakakaya mong isantabi ang pag-aalala para sa sarili mong katayuan at madalas ay nagagawa mong pigilang makipaglaban, may kakayahang maging mahinahon at makipagtulungan nang payapa, nakapaghahanap at nakapaghihintay. Paano makakamtan ng isang tao ang gayong saloobin? May kinalaman ito sa pagkakaloob at pagtuturo ng Diyos. Kung wala ang mga iyon, hindi nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Simula pa pagkabata, itinuturo sa mga tao na, ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Itinuturo ng maraming magulang sa kanilang mga anak: ‘Kailangan mong lumaban para maging numero uno. Kung hindi ka lalaban para manguna, isa kang walang-kuwentang duwag, at mamaliitin ka ng lahat at tatakut-takutin ka nila!’ Kapag medyo malaki na ang mga bata, ganito na silang mag-isip sa sarili nila, nang hindi na tinuturuan pa ng kanilang mga magulang. Saanman sila mapunta, makikipag-away sila. Iniisip nilang magiging mga hangal sila kung hindi sila lalaban. Sa loob ng isang grupo ng mga tao, pakiramdam nila’y wala silang mga kuwenta kung hindi sila makapagpapakita ng kredibilidad at wala ni kaunti mang kasikatan. Samakatuwid, higit pa sa imahinasyon, mga kuru-kuro, at kaalaman, tiwaling disposisyon lamang ang mayroon ang tao. Ang sangkatauhan, na ang diwa ay tiwaling disposisyon, ay nagsasabuhay ng imahe ni Satanas. Ang bawat kilos at gawa nila ay nakasentro sa disposisyon ni Satanas at sa mga iniisip ni Satanas. Walang sinumang nakakatakas dito” (“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko kung bakit ’di ko mapigilan ang sarili ko sa pakikipaglaban para sa karangalan at pakinabang. Ito ay dahil ako’y nababad at nagawang tiwali ng mga satanikong pananaw at lason, naturuan ng mga bagay-bagay sa bahay at eskuwelahan tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Kung walang hirap, walang sarap.” Kaya gusto ko ang paghanga ng iba anumang grupo ako mapabilang, at ikinatuwa ko ang pakiramdam ng hinahangaan at sinasang-ayunan. Akala ko ’yon lang ang tanging marangal at makatuturang buhay. Ang pagiging mas mababa sa isang tao ay nagparamdam sa akin na wala akong halaga, hindi maipakita ang aking mukha. Habang ginagawa ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, sinusunod ko pa rin ang mga satanikong ideya at konseptong ito, hinahangad ang paghanga ng iba. Pero ang paggawa ng tungkulin kasama ang mga kapatid ay tungkol sa pagsuporta sa isa’t isa at pagpuno sa kakulangan ng bawat isa nang sa gayon maaari tayong maging mas epektibo. Dapat tayong maging taga-tulong, higit pa, maging katambal para sa isa’t isa. Pero tinatrato ko si Sister Cheng bilang aking kalaban, nahumaling sa kung paano ko siya mahihigitan. Nang hindi ko nagawa, gumamit ako ng mga palihim na paraan para gambalain ang kanyang pagbabahagi sa pagtitipon. Ipinakita sa akin ng paggawa ng mga ’di makataong bagay na ito kung anong masamang, mapaminsalang disposisyon ang mayroon ako. Lagi kong inisip na ang pagtaas ng ranggo at mahangaan ay ang tanging marangal na paraan para mabuhay. Sa pamumuhay sa mga satanikong lason na ito, tumaas nang tumaas ang ambisyon ko, at kumitid nang kumitid ang pananaw ko, hanggang sa hindi na maganda ang pag-uugali ko sa ibang tao at partikular na nakasusuklam sa Diyos. Nasaan ang dignidad doon? Nakita ko na sa wakas kung gaano ako kalalim na nagawang tiwali ng mga lason ni Satanas. Hindi ko masabi ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, at nawalan ako ng konsensya at katwiran. Ang mga anticristo na napatalsik sa iglesia ay hindi talaga hinanap ang katotohanan, karangalan at katayuan lang, at nalantad at naalis sila sa huli. Ang palaging paghahangad sa mga bagay na ito ay isang landas ng paglaban sa Diyos, ng pagkasira. Nakita ko kung gaano kanakakatakot ang mga kahihinatnan ng pamumuhay sa ganoong paraan, at na kung wala ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa akin, hindi ko makikilala ang sarili ko, at sinong nakakaalam kung anong uri ng kasamaan ang gagawin ko?
Isang umaga, binasa ko ang isa pang sipi: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi ang kakayahang tapusin ang ilang gawain o isakatuparan ang anumang dakilang pagsasagawa, at hindi rin Niya kailangan sila na magpasimula ng anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, at hindi rin Niya kailangan na magsagawa ka ng anumang mga himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang makinig ka sa Kanyang mga salita at, matapos mong marinig ang mga ito, isapuso mo ang mga ito at sundin ang mga ito habang nagsasagawa ka sa isang praktikal na pamamaraan, upang ang mga salita ng Diyos ay maaaring maging ang isinasabuhay mo, at maging ang buhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at dignidad; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at ayaw Niyang tingnan ito. Habang lalo kang naghahabol ng mga bagay gaya ng kadakilaan; karangalan; at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, kamumuhian ka ng Diyos at tatalikdan ka Niya. Tiyaking hindi ka magiging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan sa isang tapat na paraan, sa pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, sa matatag na pag-asa sa salita ng Diyos para maging isang matapat na tao at gampanan ang mga tungkulin, at sa pagsasabuhay sa wangis ng isang tunay na tao. Sapat na ito. Siguruhing huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na mga pangarap, huwag kang maghangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, huwag mong subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at ginagawa ang iba na sambahin sila. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga nilalang. Kung naghahangad pa rin ang ilang tao ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan at tumatangging magsisi, wala nang lunas para sa kanila, at mayroon lang isang kalalabasan para sa kanila: ang alisin” (“Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).
Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi hinihingi ng Diyos na maging sikat o mahusay ang mga tao, o makagawa ng anumang kamangha-mangha. Gusto lang ng Diyos na isagawa natin ang Kanyang mga salita, at tuparin ang tungkulin at responsibilidad ng isang nilalang. ’Yon lang ang uri ng tao na karapat-dapat sa dignidad sa paningin ng Diyos, na nakalulugod sa Diyos. Pero ang paghahangad ko ay hindi para gawin ang aking tungkulin bilang isang nilalang. Sa simula pa lang, ito’y para tingalain ako ng mga tao at sang-ayunan ako, para magkamit ng katayuan sa iba, ang ganap na kabaligtaran ng kung anong hinihingi ng Diyos. Ang ating mga puso ay dapat templo para sa Diyos, kung saan sinasamba at dinadakila natin Siya. Sa harap ng mga problema, dapat tayong magdasal at umasa sa Diyos, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Pero palagi akong naghahanap ng puwang sa puso ng mga tao para tingalain nila ako at mahalin. Nakikipaglaban ako para sa puwesto ng Diyos, nilalabag ang Kanyang disposisyon. Ganap na wala akong katotohanang realidad. Maraming bagay na hindi ko kayang maunawaan o malutas, bagkus kaya ko lang bumulalas ng ilang doktrina. Inisip ko pa rin na mahusay ako at mataas ang tingin ko sa aking sarili. Walang kahihiyan kong ginustong mapalakpakan at igalang ng iba, at nakipaglaban para dito nang hindi ito nangyari. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko, at wala akong kahihiyan! Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha at Siya ay lubos na kataas-taasan. Siya’y personal na naging tao at dumating sa lupa, ipinapahayag ang katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Nakagawa siya ng napakapambihirang gawain, pero hindi pa rin Siya nagyayabang o ipinoposisyon ang Kanyang sarili bilang Diyos. Siya’y nakatago at mapagpakumbaba. Kaibig-ibig ang diwa ng Diyos. Mas lalo akong napahiya sa isiping ito, mas nabalisa. Nagpasya akong talikdan ang aking laman at isagawa ang katotohanan. Lumapit ako sa harap ng Diyos at nagdasal: “O Diyos ko, ang aking malalang ambisyon ay ’di makontrol. Palagi akong nakikipagbuno, ikinukumpara ang sarili ko sa iba, naghahangad na tingalain. Hindi ito isang mabuting landas, at kinamumuhian Mo ito.” “Ayoko nang mamuhay sa ganitong paraan. Gusto kong mamuhay ayon sa Iyong mga salita at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Pakiusap, gabayan Mo ako.” Pagkatapos no’n, hinanap ko si Sister Cheng at ipinagtapat sa kanya ang tungkol sa aking kalagayan at katiwalian. Nagbahagian kami tungkol sa kahalagahan ng magkasundong kooperasyon. Napakatibay at payapa ang pakiramdam ko sa sandaling iyon.
Mula noon, mayroon pa rin akong udyok na makipagkumpetensiya kay Sister Cheng sa aming gawain, pero nakikita ko ito, mabilis na nagdarasal, tinatalikdan ang laman, at sinusunod ang mga salita ng Diyos. Minsan, nang si Sister Cheng na ang mangangasiwa ng isang pagtitipon, nakita kong masyado siyang abala para maghanda, kaya nakahanap ako ng ilang salita ng Diyos upang lutasin ang ibang isyu. Naisip ko, “Ako ang nakahanap ng mga siping ito. Kung maging maayos ang pagtitipon, iisipin ba ng mga kapatid na si Sister Cheng ang gumawa ng lahat ng gawain? Iisipin ba nilang mas marami siyang tinanggap na pasanin kaysa sa akin? Baka dapat ako ang mangasiwa ng isang ito.” Pero, nang sinusubukan ko nang isipin kung anong sasabihin, napagtanto ko na nakikipaglaban na naman ako para sa karangalan at pakinabang. Pumasok sa isip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kailangan mong matuto na hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling manamantala sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataong mamukod-tangi o mapuri. Kailangan mong matuto na umatras, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong gumagawa nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong binitiwan ang iyong kasikatan at katayuan, lalo mong bibitiwan ang sarili mong mga interes, mas mapapayapa ka, at magkakaroon ng mas malaking puwang sa iyong puso at bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpumilit at nakipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo! Kung gusto mong baligtarin ang ganitong klaseng kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mo munang isantabi at isuko ang mga ito” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Kailangan nating matutunan na bumitaw, na isuko ang anumang pagkakataon para magpakitang-gilas at hayaang mapansin ang ibang tao. Hindi tayo makakapagpakitang-gilas o hahangaan ng iba, pero sa loob ay napakalaya ng pakiramdam. Hindi tayo kontrolado ng katiwalain at nakakamit natin ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang pinakamalaking gantimpala. Kaya pinadalhan ko siya ng mensahe sinasabing, “Sige at ikaw ang mangasiwa bukas, tutulong ako sa pagbabahagi.” Sa pagtitipon kinabukasan, hindi ko iniisip kung paano ako nakikita, kundi kung paano magbabahagi sa mga salita ng Diyos para makatulong sa mga problema ng mga tao. Nagbahagi kami nang magkasama ni Sister Cheng, ang bawat isa’y nag-aambag ng aming parte. Pagkatapos, sinabi ng lahat na ang pagtitipon ay talagang nakabuti para sa kanila. Nagpasalamat ako sa Diyos para dito at naramdam ang saya ng pagsasagawa ng katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.