Hindi Madali ang Pagsuko sa Katayuan

Pebrero 2, 2021

Ni Li Zheng, Tsina

Ipinanganak ako sa pamilya ng mga magsasaka. Noong bata pa ako, naulila ako, kaya kinailangan naming sumandal ng kuya ko sa isa’t isa. Napakahirap namin at mababa ang tingin sa amin ng mga tao. Iniisip ko noon: “Mag-aaral ako, at isang araw ay magiging angat ako sa lahat.” Sa kasamaang-palad, kinailangan kong tumigil sa pag-aaral noong nasa pangalawang taon ako ng high school dahil wala kaming pera. Nasira ang pangarap kong makaangat sa lahat, at nanlumo talaga ako.

Noong 1990, natagpuan ko ang pananampalataya ko sa Panginoong Jesus. Sinabi ng mangangaral na sa pamamagitan ng paniniwala sa Panginoon, hindi lang tayo makakahanap ng kapayapaan sa buhay na ito, kundi magtatamo tayo ng buhay na walang hanggan sa buhay na darating. Sinabi rin niya na kapag mas maraming tao ang mapapabalik-loob natin sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, mas pagpapalain tayo, at matatanggap natin ang ating gantimpala at korona at mamumuno tayo bilang mga hari sa tabi ng Diyos. Noong panahong iyon, nabasa ko ito sa Biblia: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Kaya nagpasya akong isuko ang pamilya ko at magpalaganap ng ebanghelyo para sa Diyos. Punong-puno ako ng lakas noon, at wala pang isang taon ay ilang daang tao na ang napabalik-loob ko. Sa paglago ng bilang ng mga bagong nagbabalik-loob, pagsapit ng 1997 ay nakapagtatag na kami ng daan-daang simbahan na may mahigit 30,000 na tao. Ako ang may huling pasya sa lahat ng bagay na may kinalaman sa mga simbahan at anumang simbahan ang puntahan ko para magtrabaho, palagi akong magalang na binabati ng mga kapatid at ipinagmamaneho nila ako saan ko man gustong pumunta. Nagbibigay sila ng masasarap na pagkain at ng magandang lugar na matutuluyan, at sinasagot din nila ang mga gastos ko sa pagbabyahe. Natutuhan kong ikasiya ang mga bagay na ito.

Isang araw, pinadalo kami sa pagtitipon ng isang mataas na lider at sinabi niyang mayroon na ngayong denominasyong tinatawag na Kidlat ng Silanganan na nangangaral na nagbalik na ang Panginoong Jesus bilang Makapangyarihang Diyos at sinabi sa amin na mapagmataas ang mga sermon nila. Sinabi niyang maraming mabubuting miyembro ng mga kongregasyon ng simbahan ang naagaw nila, at pati na ang dalawang katrabaho namin sa simbahan na sina Brother Wang at Brother Wu ay tinanggap na ang Kidlat ng Silanganan. Hiniling sa amin ng lider na lubusang tanggihan ang dalawang kapatid na ito at sinabi na kapag may iba pa kaming nalaman na nakikinig sa mga sermon ng Kidlat ng Silanganan, ititiwalag namin sila agad-agad. Namangha ako sa lahat ng ito. Kilalang-kilala ko ang dalawang kapatid na ito; bihasa sila sa Biblia at taos-pusong sumasampalataya sa Diyos. Hindi ko lang maintindihan kung paano nila nagawang tanggapin ang Kidlat ng Silanganan. Nang papalapit na ang pagtatapos ng taon, sorpresang bumisita ang dalawang kapatid na ito sa bahay ko. Matagal akong nag-atubili bago nagpasyang pagbuksan sila ng pinto, nangangambang pumunta sila para linlangin ako. Pero naisip ko, “Kung ano man ang sitwasyon, sumasampalataya ako sa Panginoon, at hindi ko maaaring itaboy ang dalawang kapatid na ito sa bahay ko.” Kaya pinatuloy ko sila sa loob. Sabi nila na para salubungin ang Panginoon, kailangan kong magtuon sa pakikinig sa tinig ng Diyos, at hindi ako dapat tumanggi sa paghahanap o pagsisiyasat sa tunay na daan dahil sa takot na mailigaw. Tapos ay nagbigay sila ng detalyadong pagbabahagi kung paano maging isang matalinong dalaga na nakakarinig sa tinig ng Diyos, at kung paano malaman ang pagkakaiba ng tunay na daan sa mga maling daan. Naisip kong bago at nakapagbibigay-liwanag ang sinabi nila. Lubos akong nakumbinsi. Nang umalis sila, binigyan nila ako ng libro, sinasabing nilalaman nito ang mga pagbigkas ng Makapangyarihang Diyos at hinimok nila akong basahin iyon at huwag palampasin ang aking pagkakataon na masalubong ang Panginoon. Pagkaalis nila, nagsimula akong mag-alala na naililigaw ako, at na kapag nalaman ng mataas na lider na pinatuloy ko ang mga kapatid na ito sa bahay ko ay matitwalag ako sa simbahan. Pero naisip ko, “Kung ang Makapangyarihang Diyos nga talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus at hindi ko iyon inusisa sa takot na matiwalag, hindi ba’t magiging isa akong taong tumatanggi at lumalaban sa Diyos?” Naiisip ito, nagpasya ako noon na siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw.

Pagkatapos noon, binasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos araw-araw. Samantala, nagbahagi sa akin ang dalawang kapatid tungkol sa tatlong yugto ng gawain para iligtas ang sangkatauhan, ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos, kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw para linisin at iligtas ang tao, kung paano winawakasan ng Diyos ang mga kapanahunan, kung paano natutupad ang kaharian ni Cristo sa lupa, at marami pang iba. Noon lang ako nakarinig ng ganoon sa lahat ng taon ko ng pananampalataya sa Panginoon, at habang mas marami akong naririnig, tila mas nagiging may awtoridad at makapangyarihan ang mga salita ng Diyos para sa akin. Patindi nang patindi ang pakiramdam ko na maaari ngang ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus at na kailangan ko itong siyasatin. Pero palaging nagtatalo ang loob ko. Maraming taon nang kinokondena ng mga pastor at elder ang Kidlat ng Silanganan, at ako rin ay sumang-ayon sa kanila sa mahigpit na pagsasara sa simbahan at hindi pagpapahintulot sa sinumang magkaroon ng anumang ugnayan sa Kidlat ng Silanganan, at itinitiwalag ang sinumang tumatanggap sa landas nila. Kapag tatanggapin ko ang Kidlat ng Silanganan, ano ang iisipin ng mahigit 30,000 na mananampalatayang nasa ilalim ko sa simbahan? Kung silang lahat ay sumunod sa akin at tinanggap din ang Kidlat ng Silanganan, mabuti iyon, pero kung hindi, siguradong tatanggihan nila ako. Naisip ko kung paano ako sumuong sa lahat ng panahon, nangangaral at gumagawa araw at gabi, at nanganganib na tugisin ng CCP, itinatatag ang lahat ng mga simbahang ito gamit ang aking dugo, pawis, at luha. Malaki ang kinailangan para makarating sa kinalalagyan ko at matingala ng napakaraming tao—paano ko ito maitatapon nang ganoon kadali? Isa pa, kahit na tanggapin ng lahat ng nasa ilalim ko ang Makapangyarihang Diyos, ako pa rin ba ang magiging lider nila? Pero naisip ko, “Kung ang Makapangyarihang Diyos nga talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus at hindi ko Siya tinanggap, hindi ba’t mapapalagpas ko ang aking pagkakataong salubungin ang Panginoon?” Paulit-ulit ko iyong pinag-isipan, hindi makapagpasya kung ano ang gagawin. Noong oras na iyon, bigla na lang akong sinurpresa ng asawa ko sa masayang paghangos palapit sa akin matapos pakinggan ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos na sinasabing, “Napakinggan ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at naniniwala akong iyon ang tinig ng Diyos. Kung ang Makapangyarihang Diyos nga ang nagbalik na Panginoong Jesus, kailangan natin iyong siyasatin at tanggapin sa lalong madaling panahon!” Masungit akong sumagot, “Alam ko iyon, pero hindi iyon ganoon kasimple. Sinara ng mga lider at katrabaho natin sa simbahan kaya wala nang iba ang pinahihintulutang magsiyasat sa Kidlat ng Silanganan. Kung tatanggapin ko ang landas nila, siguradong tatanggihan ako ng mga nasa simbahan.” Pero nabagabag lang nito ang asawa ko, at sinabi niya, “Para saan ba ang pagsampalataya natin sa Diyos sa lahat ng mga nagdaang taon? Hindi ba’t inaasam natin ang pagdating ng Panginoon upang madala tayo sa kaharian ng langit? Ngayon ay nagbalik na ang Panginoon, kahit na hindi ka lider, kailangan mo pa ring tanggapin ang gawain ng Diyos at salubungin ang Panginoon!” Sinabi kong sumasang-ayon ako sa kanya, pero sa loob ko ay nag-iisip ako, “Ang isip mo ay simpleng pag-iisip lamang ng isang babae. May mahigit 30,000 na tao ang dapat kong isaalang-alang. Kailangan kong maging maingat. Kailangan ko pa itong pag-isipan.” Maraming buwan ang lumipas nang hindi ko tinatanggap ang Kidlat ng Silanganan. Sa panahong ito, madalas akong pinupuntahan ng mga kapatid mula sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Matiyaga silang nagbabahagi sa akin, at sa totoo ay malinaw kong naramdaman sa aking puso na ito nga ang gawain ng Diyos, pero dahil hindi ko maisuko ang posisyon ko, ipinagpaliban ko pa rin ang pagtanggap dito. Paglaon ay napagtanto ng mga kapatid ang kalagayan ko. Minsan, habang nagtitipon kami nina Brother Bai at Brother Song, ibinahagi ni Brother Song ang mga karanasan niya sa akin. Sinabi niyang dati rin siyang lider ng simbahan na namamahala sa ilang dosenang mga simbahan. Matapos may mangaral ng ebanghelyo sa kanya, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, natiyak niya na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Pero nang dumating ang oras para tunay na tanggapin ito, nagsimula siyang magdalawang-isip, iniisip na, “Kapag tinanggap ko ang Makapangyarihang Diyos, pwede pa rin ba akong maging lider? Pwede pa rin ba akong manguna sa maraming tao?” Tapos ay naalala niya ang talinghaga ng Panginoong Jesus tungkol sa masasamang magsasaka sa Mateo kapitulo 21, bersikulo 33 hanggang 41: “May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain. At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga. At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa’y pinatay, at ang isa’y binato. Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan. Datapuwa’t pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak. Datapuwa’t nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya’y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana. At siya’y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya. Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon? Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya’y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.” Sinabi ni Brother Song kung paano siya nakaramdam ng matinding pagsisisi. Ipinagkatiwala ng Panginoon sa kanya ang Kanyang kawan, at ngayong nagbalik na ang Panginoon, sa halip na akayin ang mga kapatid sa pagsalubong sa Panginoon, sinusubukan niyang agawin ang kawan ng Panginoon at tanggihan ang Panginoon. Sinabi niyang ginawa niya ang eksaktong ginawa ng masasamang magsasakang iyon at isa siyang masamang alipin na lumalaban sa Panginoon. Tinanong niya ang kanyang sarili, “Naniniwala ba ako sa Diyos para maging lider ako? Ginagawa ko ba iyon para sa katayuan at sa aking kabuhayan? Tunay ba akong mananampalataya ng Diyos?” Nakadama siya ng matinding pagsisisi habang iniisip ang mga bagay na ito, kaya nangumpisal siya at nagsisi sa Diyos, at pagkatapos ay tinanggap ang Makapangyarihang Diyos. Tapos ay ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa lahat ng kapatid na nasa ilalim niya. Nang marinig ko ang pagbabahagi niyang ito, hiyang-hiya ako at ang bigat ng loob ko. Para ingatan ang sarili kong katayuan, ipinagpaliban ko ang pagtanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos kahit na alam kong ito talaga ang gawain ng Diyos. Hindi ko rin pinayagan ang mga kapatid na siyasatin iyon; tumatanggi akong ibigay ang mga tupa ng Diyos sa Kanya. Isa akong masamang alipin, at nararapat akong masumpa at maparusahan! Pero nang maisip ko kung gaano kahigpit ang pagsasara ko sa simbahan, at kung paanong walang ni isa sa simbahan ko ang tumanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, naisip ko, “Kung tatanggapin ko ito, hindi ba’t ipinapahamak ko lang ang sarili ko? Sino pa ang mahaharap ko? Kung malaman ng mga tao sa simbahan ko na tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, siguradong kamumuhian at tatanggihan nila ako, at mawawala na sa akin ang lahat.” Kaya nagpasya akong pinakamabuti na ang huwag itong tanggapin.

Makalipas ang ilang araw, sa isa pang pagtitipon kasama ng dalawang kapatid, sinabi ko sa kanila ang mga ipinag-aalala ko. Masyado akong mapanlinlang noon, at nagpaliguy-ligoy ako, tinatanong sila, “Kung naniwala rin sa Makapangyarihang Diyos ang mga taong pinangungunahan ko, sino ang mangunguna sa kanila? Ang pareho bang mga lider at katrabaho nila ngayon?” Ang ibig ko talagang sabihin dito ay: “Ako pa rin ang dapat na manguna at mamahala sa kanila.” Pero ginulat ako ni Brother Bai sa pagsasabing, “Pagkatapos nating tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling ataw, ang Diyos Mismo ang mangunguna sa atin, magdidilig sa atin, at magpapastol sa atin. Sa iglesia namin, si Cristo at ang katotohanan ang nasusunod. Hinahalal ang mga lider ng iglesia, kaya kung sinumang nakauunawa sa katotohanan at nagtataglay ng realidad, at sinuman ang may kakayahang magdilig sa mga kapatid at lutasin ang mga praktikal nilang problema ang nahahalal.” Nagpatuloy siya, “Kapag hinanap mo ang katotohanan, pwede ka ring mapili na maging lider. Maraming iba’t ibang klase ng tungkulin sa iglesia: Mga lider, mangangaral ng ebanghelyo—ang lahat ay may gampanin. Walang itinuturing na ‘importante’ o ‘hindi importante,’ o ‘mataas’ o ‘mababa’ na katayuan pagdating sa mga tungkulin. Iyon ay dahil ang lahat ay pantay sa harap ng Diyos, na ibang-iba sa pagpapatakbo sa mga relihiyosong denominasyon.” Habang nakikinig ako kay Brother Bai, lalo akong nanlulumo hanggang sa bumagsak na ang mukha ko. Naisip ko, “Palagay ko ay hindi na ulit ako magiging lider sa napakaraming tao pagkatapos nito.”

Napansin ni Brother Song ang nararamdaman ko at ibinahagi sa akin ang karanasan ng hari ng Nineve. Sabi niya, “Ang hari ng Nineve ay pinuno ng isang bayan. Nang marinig niya si Jonas na nangangaral ng mga salita ng Diyos, na sinasabing mawawasak ang Nineve, bumaba siya mula sa kanyang trono at pinangunahan ang buong bayan na takpan ang kanilang mga sarili ng telang sako at abo, at lumuhod upang mangumpisal at magsisi sa Diyos. Kinaawaan sila ng Diyos, at naligtas ang bayan.” Nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Bilang isang lider ng iglesia, hindi ba’t dapat ay subukan mong tularan ang hari ng Nineve ngayon na isang malaking pangyayari tulad ng pagdating ng Panginoon ang kinakaharap mo, at pangunahan ang mga kapatid na mangumpisal at magsisi sa Diyos?” Talagang naantig ako sa sinabi niya. Tama siya; ang hari ng Nineve ay pinuno ng isang bayan. Kung kaya ng isang taong may ganoon kataas na posisyon na magpakumbaba at mangumpisal at magsisi sa Diyos, bakit hindi ko maisuko ang katayuan ko at tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw? Nagpatuloy si Brother song, sinasabing, “Nang ginawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, ang gusto ng mga Fariseo ay pag-ingatan ang kanilang mga posisyon at kabuhayan kung kaya ginawa nila ang makakaya nila para labanan at kondenahin ang Panginoong Jesus, pinananatili ang mga mananampalataya sa ilalim ng kanilang kontrol. Sinaway sila ng Panginoong Jesus, sinasabing, ‘Datapuwa’t sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka’t kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok(Mateo 23:13).” Tapos ay sinabi niya sa akin, “Ang pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan at paggawa ng gawain ng paghatol sa mga huling araw ang ebanghelyo ng pagdating ng kaharian ng langit. Sa simula, naniwala ka sa mga kasinungalingang sinabi sa iyo at umayon ka sa mga relihiyosong lider sa pagsasara sa simbahan, pinipigilan ang mga kapatid na tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Sa paggawa nito, nilabanan mo ang Diyos. Ngayon, nabasa mo na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at nahinuha na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus. Kung ipagpapatuloy mo ang matigas na pagtanggi sa pagtanggap sa gawain ng Diyos o sa pagbabalita sa mga kapatid tungkol sa pagbalik ng Panginoon, pinananatili silang nasa labas ng kaharian ng langit, kung gayon ay sinasadya mong gawin ang mali, at gumagawa ng isa pang pagkakamali.” Sabi niya, “Isa itong malaking kasamaan laban sa Diyos! Kung nawalan ang mga kapatid ng pagkakataong maligtas dahil pinigilan natin sila, kung gayon ay pagkakautangan natin sila ng dugo! Hindi natin mababayaran ang pagkakautang na ito kahit pa paulit-ulit tayong mamatay. Pero, kung aakayin mo ang mga kapatid sa harap ng Diyos, hindi ka lang nila hindi kamumuhian, kundi magpapasalamat pa sila sa iyo sa pagbabahagi sa kanila ng ebanghelyo ng kahiran sa langit at ng daan ng walang hanggang buhay.”

Tapos ay binasahan kami ni Brother Bai ng ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarhang Diyos. “Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang tatalima sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). “Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesya at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘mahuhusay na konstitusyon,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). Pagkatapos niyang basahin ang mga siping ito, talagang nabagabag ako. Pakiramdam ko ay sinampal ako sa mukha at namula ako nang todo. Gusto kong bumuka ang lupa at lamunin ako. Alam na alam kong nagbalik na ang Panginoong Jesus, at nagpapahayag Siya ng maraming katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa tao. Pero para maingatan ang posisyon at kabuhayan ko, tumanggi akong tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw at isinara pa ang simbahan para hindi marinig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig at lumapit sa Kanya. Ano ang ipinagkaiba ko sa mga Fariseo na lumaban sa Panginoong Jesus noong unang panahon? Ang Panginoon ang ating Pastol, at ngayon ay nagbalik na Siya para tawagin ang Kanyang mga tupa pabalik sa Kanya; kailangan kong ibalik ang mga tupa ng Diyos sa Kanya. Paano ko nagagawang subukan pa ring protektahan ang posisyon ko? Dapat ko bang hintaying dumating sa akin ang parusa ng Diyos? Nagpasya akong hindi ko na kayang labanan pa ang Diyos. Kahit na hindi na ako lider at tanggihan ako ng lahat, kailangan ko pa ring tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw, akayin ang mga kapatid sa harap ng Diyos, at ibalik ang kawan ng Diyos sa Kanya. Habang iniisip ko ito, nagpasya ako na tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw at simulan ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga pinangungunahan ko.

Pagkalipas ng ilang panahon, sa patnubay ng Banal na Espiritu, mahigit 10,000 na tao sa simbahan ko ang tumanggap sa gawain ng Diyos ng mga huling araw. Salamat sa Diyos, sa wakas ay naakay ko na ang kawan ng Diyos sa harapan Niya, at ako ay naging labis na payapa at panatag.

Makalipas ang anim na buwan, parami nang paraming tao sa isang malaking lugar ang umanib sa iglesia, kaya kinailangang hatiin ang mga iglesia kada rehiyon at maghalal ng mga lider at manggagawa. Pero napakamapagmataas ko, iniisip na “Paano man ninyo hatiin ang mga iglesia, magiging lider pa rin ako dahil sa kakayahan at karanasan ko sa trabaho. Kaya kong mamahala ng maraming iglesia, walang problema.” Gayunman, makalipas ang ilang araw, nasa isang pagtitipon ako kasama ng dalawang kapatid na lalaki nang lumapit ang isang lider ng iglesia at sinabing, “Ngayon ang panahon para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Kailangan namin ng ilang kapatid na may mataas na kakayahan at maraming alam sa Biblia para ipalaganap ang ebanghelyo sa ibang lugar. Napakahalaga ng trabahong ito. Handa ba kayong tatlo na pumunta?” Masayang sumang-ayon ang dalawang kapatid na lalaki, pero hindi ako masyadong masaya tungkol doon, iniisip ko, “Ilang taon akong nanguna sa mga simbahan sa dati kong denominasyon, namamahala ng libo-libong tao. Ngayon ay balik na naman ako sa pangangaral ng ebanghelyo habang naging lider ang ibang katrabaho sa ilalim ko. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Nakakahiya!” Inisip ko ang mga taong nagsilbi ako bilang lider, ang tingalain at idolohin saan man ako magpunta, ang maibigay sa akin ang lahat ng gustuhin ko. Ngayon ay wala nang natira sa akin, at kailangan kong magdusa para muling ipangaral ang ebanghelyo. Hindi ko talaga ito matanggap. Pero masyadong magiging kahiya-hiya na tumanggi sa harap ng iba, kaya bantulot akong sumang-ayon. Naisip ko, “Kailangan kong ipangaral nang mabuti ang ebanghelyo. Basta’t makapagpabalik-loob ako ng maraming tao, titingalain pa rin ako ng mga kapatid.” At nang simulan ko ito, nagawa kong pagbutihan ang pangangaral ng ebanghelyo. Hindi nagtagal, mahigit 400 na tao ang tumanggap sa bagong gawain ng Diyos. Pakiramdam ko noong panahong iyon, saan man ako pumunta ay masaya akong binabati at tinitingala ng mga kapatid. Nararanasan ko na naman ang kasiyahang dala ng posisyong hawak ko, at nadagdagan pa ang kasiglahan kong ipalaganap ang ebanghelyo.

Noong Agosto 2000, nagbyahe ako palabas ng siyudad kasama si Brother Liu para magpalaganap ng ebanghelyo. Mas matagal nang mananampalataya si Brother Liu ng Makapangyarihang Diyos kaysa sa akin at malinaw siyang magbahagi ng katotohanan. Masaya rin ako, iniisip ko kung gaano kabuti na magamit ko ang mga kalakasan niya para mapunan ang sarili kong mga kakulangan. Minsan, nangaral siya ng ebanghelyo sa isang grupo ng mga taong mula sa isang relihiyosong denominasyon. Nagbanggit sila ng ilang relihiyosong kuru-kuro, at gusto kong magbahagi sa kanila. Pero dahil kulang na kulang pa ang sarili kong pagkaunawa sa katotohanan, gustung-gusto kong tumulong pero hindi ko magawa. Sa huli, kalmadong nagbahagi sa kanila si Brother Liu para pabulaanan ang mga kuru-kuro nila, nangungusap nang makatotohanan at makatuwiran. Sa simula ay hindi ito tinanggap ng mga taong binabahagian namin, pero nakinig sila, at nagsimula nilang matiyak na totoo ang sinasabi ni Brother Liu, hanggang sa wakas ay tumatango na sila sa pagsang-ayon. Habang pinapanood ko iyon na mangyari, nakaramdam ako ng inggit at paghanga kay Brother Liu. Naisip ko: “Napakalinaw magbahagi ni Brother Liu. Kapag nagpatuloy ito, ang magiging papel ko lang ay pagmukhain siyang magaling, at sasabihin ng ibang mas magaling siya sa akin. Hindi pwede iyon! Kailangan kong sangkapan ang aking sarili ng katotohanan at subukang higitan si Brother Liu.” Pagkauwi ko, sinimulan kong basahin ang mga salita ng Diyos mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, sinasangkapan ang aking sarili ng mga katotohanan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kahit sa mga oras ng pagkain, iniisip ko kung paano magbahagi si Brother Liu para malaman ko kung paano magbahagi sa mga pakay na pangaralan ng ebanghelyo sa susunod na pagkakataon, para kahit paano ay maging kasing galing ako ni Brother Liu.

Pero nagulat ako nang sa susunod na pumunta kami para mangaral sa mga taong iyon, may mga bago silang tanong, at muli ay hindi ko nagawang magbahagi nang malinaw. Hiyang-hiya ako na makita silang hindi maunawaan ang sinasabi ko. Noong sandaling iyon, nagmamadaling humalili si Brother Liu. Atentibo silang nakinig kay Brother Liu, tumatango paminsan-minsan, at sa huli ay naintindihan nilang mabuti ang lahat. Ako naman ay nagtagumpay lang sa pamamahiya sa sarili ko at gusto ko nang bumuka ang lupa at lamunin ako nang buo. Naisip ko: “Sumama ako kay Brother Liu, pero hindi ko kayang magbahagi nang malinaw at wala akong silbi. Kailangan pa nilang mamagitan siya at tumulong na lutasin ang kanilang mga problema. Nakakahiya naman!” Para makabawi ng kaunting dignidad, naalala kong sinamantala ko ang patlang sa pagbabahagi ni Brother Liu para mangusap nang kaunti. Makalipas ang isang araw, tinanggap nilang lahat ang ebanghelyo. Ang saya-saya ko dahil dito, pero sa loob ko ay nanlumo ako. Pakiramdam ko ang pagtanggap nila sa ebanghelyo ay hindi dahil sa akin, at hindi maganda ang ipinakita ko. Pagkatapos naming magsalo-salo sa pagkain, hiniling ng mga bagong kaanib na magkwento kami ng aming mga karanasan. Naisip ko: “Karaniwan ay si Brother Liu ang namumukod-tangi, pero sa pagkakataong ito ay dapat kong kuhanin ang pagkakataong magkwento tungkol sa sarili kong mga karanasan para hindi nila isipin na hindi ako importante.” Kaya nagsimula akong magkwento nang magkwento tungkol sa gawaing nagawa ko, sa pagdurusang tiniis ko, at kung paano ko napabalik-loob ang 10,000 na tao sa Diyos. Talagang eksaherado ang pagkukwento ko. Namangha ang ilan sa mga kapatid na iyon, ang ilan ay tiningnan ako nang may paghanga, habang ang ilan ay atentibo lang na nakinig. Natuwa ako. Tuwid ang tayo ko at may kumpiyansa ang pagsasalita ko.

Nang makauwi ako noong araw na iyon, naisip ko, “Kulang ako ng maraming katotohanan pagdating sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Dapat ko bang lapitan si Brother Liu tungkol dito?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kapag nilapitan ko si Brother Liu tungkol dito, hindi ba’t ipapakita noon na mas magaling siya sa akin? Dapat kong kalimutan iyon, ipagpapatuloy ko na lang ang palihim na pagsasangkap ng katotohanan sa sarili ko. Hindi ko siya pakikiusapan.” Kalaunan, nang umalis kami para ipangaral muli ang ebanghelyo, mainit na binati ng mga kapatid si Brother Liu. Pinalibutan nila siya, nagtatanong ng kung anu-ano sa kanya. Ikinasama ito ng loob ko at tumungo na lang ako at tumayo sa isang tabi, iniisip, “Ano bang punto ng pagpunta ko rito kung napakagaling magbahagi ni Brother Liu? Hindi ba’t etsapwera lang ako sa mga mata ng iba? Siya ang palaging namumukod-tangi at kapag nagpatuloy iyon ay wala nang titingala sa akin kahit isa.” Isang suwail na saloobin ang bigla kong naisip, na ayoko na talagang gawin ang tungkulin ko kasama si Brother Liu. Matapos itong maisip, sa tuwing aalis kami ni Brother Liu para ipangaral ang ebanghelyo, nagsimula akong makaisip ng mga dahilan, sinasabi kong masama ang pakiramdam ko at gusto kong magpaiwan. Minsan, kahit na sumasama ako sa kanya, hindi ako nagbabahagi, at kapag may nagtatanong sa akin ay saka lang ako bantulot na nagbabahagi nang kaunti. Ayaw ko lang talagang makipagtrabaho sa kanya. Inabot ng dalawang buwan ang pagtatrabaho namin nang magkasama, na palagi akong nakikipagkompetensya para sa katanyagan at nagpapakahirap para sa mga personal kong interes. Ang kalagayan ko ay padilim nang padilim, pasama nang pasama, pero hindi pumasok ni minsan ang pagsisisi sa isip ko. Sa panahong ito ay kinastigo at dinisiplina ako ng Diyos.

Isang araw, sinabihan akong magpunta sa hilagang silangan ng China para ipalaganap ang ebanghelyo roon. Nang marinig ko ito, tuwang-tuwa ako, iniisip ko, “Sa wakas, hindi ko na kailangan makipagtrabaho kay Brother Liu. Oras ko na para sumikat, at kapag napabalik-loob ko ang mga tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa kanila, dahil lang iyon sa akin. Siguradong titingalain ako ng mga kapatid.” Ang hindi ko alam ay, sa byahe ko papunta roon, nakita ng mga pulis na wala akong dalang ID card at inaresto ako, iniisip na isa akong tumatakas na mamamatay-tao. Gaano ko man subukang magpaliwanag, ayaw talaga nilang makinig, at pinahirapan nila ako ng tatlong araw at gabi. Hindi ako pwedeng kumain ng kahit ano, o matulog, o kahit uminom ng isang lagok ng tubig. Binugbog nila ako hanggang sa magdugo ang bibig at ilong ko at mamaga nang labis ang mga mata ko na hindi ko na maimulat ang mga ito. Binugbog ako nang labis. Natatandaan kong maraming beses akong nawalan ng malay; magiging malaking ginhawa sana ang kamatayan. Punong-puno ng paghihirap ang puso ko at kinamuhian ko ang mga demonyong ito sa kasamaan nila. Hindi sila nag-imbestiga nang maayos at wala silang kahit na anong ebidensya, pero brutal nila akong kinuwestyon. Noong panahong iyon, paulit-ulit lang akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanyang protektahan at patnubayan ako. Napagtanto kong ipinahihintulot ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito sa akin, at kailangan kong hanapin ang katotohanan at matuto sa nangyayari. Tapos ay nagsimula akong magnilay sa aking sarili: “Bakit ito nangyayari sa akin?” Tapos ay bigla kong naisip ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pakitunguhan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pakitunguhan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Habang binubulay ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko kung gaano kalaki ang paghahangad ko sa katayuan. Inisip ko ang panahong ginugol ko sa pangangaral ng ebanghelyo kasama si Brother Liu. Nang makita kong maganda ang pagbabahagi niya at tinitingnan siya ng lahat nang may paghanga, nainggit ako at ninais kong makipagkompetensya sa kanya, para makita kung sino ang mas magaling. Ikinuwento ko ang sarili kong mga karanasan sa harap ng mga bagong kaanib para purihin ang aking sarili at magpasikat para tingalain at idolohin nila ako. Nang wala akong matanggap na paghanga sa mga kapatid, ako ay naging negatibo at lumalaban, at ayaw ko nang makipagtrabaho kay Brother Liu, at wala sa loob ko ang paggawa sa tungkulin ko. Nakita ko na hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para magpatotoo sa Diyos kundi ginagamit ko ito para makakuha ng katanyagan at katayuan bilang kapalit; kasuklam-suklam ako! Wala akong ginawa kundi hangarin ang katanyagan at ang personal kong mga interes, at hindi kailanman sumagi sa isip ko ang pagsisisi, sa kabila ng pagkalugmok ko sa kadiliman. Napakasuwail ko! Habang iniisip ko iyon, lalo akong namuhi sa aking sarili, kaya nagdasal ako sa Diyos. Sabi ko, “Mahal kong Diyos, noon pa ay palagi ko nang hinahangad ang katayuan sa aking tungkulin at nakikipagkompetensya ako para sa katanyagan at pakinabang. Siguradong labis Mo iyong kinasusuklaman! Ngayon ay itinutuwid at dinidisiplina Mo ako, at gusto kong taimtim na magnilay sa aking sarili, at sundin ang Iyong pasya at mga pagsasaayos. Kung mabubuhay ako pagkatapos nito, nais kong isuko ang aking katayuan at taimtim na hanapin ang katotohanan.” Nagulat ako na nang magpasakop ako at matutuhan ang ilang aral, ipinakita sa akin ng Diyos ang Kanyang awa. Nahanap ng mga pulis ang ID ko sa talaan nila at, nang mapagtanto nilang hindi ako mamamatay-tao, pinakawalan nila ako.

Nang makauwi ako, pumunta ako sa ospital para magpatingin. Bali ang kanan kong binti, ganoon din ang isa sa mga tadyang ko. Sa mga sumunod na buwan, kinain at ininom ko ang mga salita ng Diyos at nagnilay ako sa aking sarili habang nagpapagaling sa bahay. Isang araw, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para iwasto ang inyong hangaring magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: ‘Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan makalamang kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.’ Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang isipan at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? ‘Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.’ Hindi ka nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa iyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang pag-iisip mong makipagkasundo. Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. … Mahirap para sa inyo na isantabi ang inyong mga inaasam at tadhana. Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahanap kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahanap. Palagi ninyong iniisip ang mga pagpapala ng katayuan. Bakit hindi maialis ng karamihan sa mga tao ang pagiging negatibo? Hindi kaya dahil palaging malabo ang mga maaasahan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?).

Nakinig din ako ng isang himno ng mga salita ng Diyos. “Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos maaaring magising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol!(“Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Umiyak ako nang umiyak nang mapakinggan ko ang himnong ito. Sa wakas ay napagtanto ko na humahatol at nagkakastigo ang Diyos hindi dahil galit Siya sa tao, kundi dahil gusto Niyang iligtas ang tao. Gusto Niyang itama ang mali kong pananaw sa paghahangad ng katanyagan at katayuan. Mula nang bata pa ako, namuhay ako sa mga satanikong lason na “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa iyong mga ninuno,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa.” Gusto kong mamukod-tangi sa lahat sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataon, at pinangarap ko pa nga iyon. Pagkatapos kong sumampalataya sa Panginoon, nagsakripisyo ako at ginugol ang aking sarili para lang makakuha ng mataas na katayuan para tingalain at idolohin ako ng mga kapatid. Gusto ko pa ngang mamuno na parang hari sa tabi ni Cristo. Walang hanggan ang mga ambisyon ko! Nang marinig ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos, nalaman ko na noon na dumating na ang Panginoon, pero dahil hindi ko maisuko ang posisyon ko bilang lider, ayaw kong tanggapin iyon, at muntik na akong maging masamang alipin na pumipigil sa mga mananampalataya na makapasok sa kaharian ng Diyos. Sa nakaraang dalawang taon mula nang tanggapin ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos, sa panlabas ay mukhang isinuko ko na ang posisyon ko bilang lider, pero kontrolado pa rin ng katanyagan at katayuan ang puso ko. Kapag hinahangaan at iniidolo ako ng mga kapatid, masaya at ganado ako sa aking tungkulin. Pero kapag malamig sila sa akin, nalulungkot ako at sumasama ang loob ko, at ayaw ko nang gawin ang tungkulin ko. Nakita ko na hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para hanapin ang katotohanan at mabago ang aking disposisyon, o para purihin ako ng Diyos, kundi para mamukod-tangi sa lahat para tingalain ako ng iba, at para tuparin ko ang sarili kong mga ambisyon at hangarin. Hindi ba’t lantaran kong ginagamit ang Diyos at sinusubukan Siyang dayain? Nilalabanan ko ang Diyos! Namumuhay ako sa mga satanikong lason na ito, lalong nagiging mapagmataas, nang walang katiting na pagkatao o katinuan. Kung hindi dahil sa paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos, at sa pagtutuwid at pagdidisiplina Niya, hindi ko mapapagtanto kung gaano katindi ang ginawang pagkatiwali sa akin ni Satanas, o kung gaano katindi ang paghahangad ko sa katayuan. Lalo ko lang hahangarin ang mga pagpapala ng katayuan at lalo akong magiging masama, hanggang sa wakas ay masusumpa at mapaparusahan ako ng Diyos. Sa wakas ay ipinagpasalamat ko na anumang ginagawa ng Diyos, iyon man ay paghatol, pagkastigo, pagtutuwid, o pagdidisiplina, lahat ng iyon ay pagliligtas at pag-ibig para sa sangkatauhan.

Tapos ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang pananaw ng Diyos ay upang hilingin na mabawi ng tao ang kanyang orihinal na tungkulin at katayuan. Ang tao ay isang nilalang ng Diyos, kaya nga hindi dapat magmalabis ang tao sa paghingi ng anuman sa Diyos, at wala na siyang dapat gawin maliban sa gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). “Ang tao, bilang isang nilalang ng Diyos, ay kailangan ding gampanan ang tungkulin ng tao. Siya man ang panginoon o tagapag-alaga ng lahat ng bagay, gaano man kataas ang katayuan ng tao sa lahat ng bagay, maliit na tao pa rin siya sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at isang tao lamang na walang kabuluhan, isang nilalang ng Diyos, at hindi mangingibabaw sa Diyos kailanman. Bilang isang nilalang ng Diyos, dapat hangaring gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka masunurin kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o aalisin ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na isa akong nilikha na dapat tumayo sa aking tamang lugar, hangaring ibigin ang Diyos, sundin ang Diyos, iwaksi ang aking mga tiwaling disposisyon, at gawin nang mabuti ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Iyon lang ang tamang hangarin. Napagtanto ko rin na makamit man ng tao ang kaligtasan o hindi at magawa man siyang perpekto o hindi ay walang kinalaman sa kung mayroon siyang katayuan o wala. Anumang tungkulin ang ginagawa ng isang tao, ang tinitingnan ng Diyos ay ang kanilang sinseridad at pagsunod, tinitignan kung hinahanap nila ang katotohanan at kung nagbago ang buhay-disposisyon nila. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos: “Anumang tungkulin ang gawin ko sa hinaharap, may katayuan man ako o wala, nais kong taimtim na hanapin ang katotohanan at gawin nang mabuti ang tungkulin ko bilang isang nilalang.” Makalipas ang mahigit dalawang buwan ay nagsimula nang bumuti ang mga sugat ko at nakalabas na ako para muling mangaral ng ebanghelyo. Ang naging pagbabago ay hindi ko na nararamdaman na wala akong katayuan, at kapag nagtatrabaho ako kasama ng iba, hindi na ako nakikipagkompetensya para maging pinakamagaling. Pakiramdam ko ay sa paggawa ko lamang sa aking tungkulin ay nagpapakita na iniangat na ako ng Diyos.

Nagdaan ang mga taon, at akala ko ay malaya na ako sa mga gapos at kadena ng katayuan. Pero nang magsaayos ang Diyos ng bagong sitwasyon para sa akin, muling umiral ang paghahangad ko sa katayuan. Taglamig iyon ng 2012. Nagkukumahog ang mga pulis na mag-aresto ng mga Kristiyano, at napakasama ng panahong iyon. Isang araw, nagtipon-tipon ang mga lider at diakono sa nayon namin. Nakita ng isa sa mga lider na may libre akong oras, kaya hinilingan niya akong tumayo sa kanto ng kalye para magsilbing bantay. Hindi ko ito ikinatuwa, pero isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga kapatid, pumayag ako. Pagkaalis ng lider, naisip ko: “Ilang taon akong naging lider at palagi akong nasa labas para mangaral ng ebanghelyo. Mas mabuti pa kung humanap na lang ng ilang pangkaraniwang mananampalataya para gawin itong mababang trabaho ng pagbabantay. Bakit kailangang ako ang gumawa nito? Lahat kayo ay nagtitipon sa loob habang nandito ako sa labas sa lamig, nilalagay ang sarili ko sa panganib. Dahil ba wala akong katayuan? Kung isa akong lider, hindi ko kailangang magbantay nang ganito.” Bigla kong napagtanto na nagsisimula na naman ang paghahangad ko sa katayuan, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos, sinasabing, “Mahal kong Diyos, ngayon ay kailangan kong gawin ang mababang trabahong ito at muli na namang umiral ang paghahangad ko sa katayuan. O Diyos, ayaw ko na muling maigapos ng katayuan. Patnubayan Mo ako para maiwaksi ko ang mga tanikala ng katayuan.” Tapos ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Masyadong iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at umiikot sa kanila. Gusto nilang magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Pag-aralan natin ang kanilang likas na pagkatao mula sa mga pag-uugaling ito: Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at hambog. Ni hindi man lang nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin sila, at magkaroon ng katayuan sa kanilang isipan. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang likas na pagkatao ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na palagi kong hinahangad ang matataas na posisyon, palaging hinahangad na ako ay tingalain ng iba at idolohin. Gusto kong magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao, at sa kabuuan, ang ibig nitong sabihin ay gusto kong sakupin ang puso ng mga tao. Nakikipagkompetensya ako sa Diyos para sa mga tao! Masyadong mapagmataas ang kalikasan ko! Naisip ko kung paano nagdadakila at nagpapatotoo palagi si Pablo sa kanyang sarili, para hangaan at idolohin siya ng iba, kaya nga sinabi niyang, “Sapagka’t sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21). Dahil dito ay hinangaan at sinamba siya ng karamihan, ganoon na lang na nalagpasan pa nga ng lugar niya sa mga puso ng tao ang Panginoong Jesus. Hindi ba’t para lang akong si Pablo sa iniisip at hinahangad ko noon? Tunay ngang naroroon ako sa landas ng mga anticristo sa paglaban sa Diyos; talagang nasuklam sa akin ang Diyos at mga tao, at nararapat sa aking maparusahan. Sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para linisin at iligtas ang mga tao, pero pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya, wala akong anumang ginawa para hanapin ang katotohanan o pag-isipang hangaring baguhin ang sarili ko para maging isang taong sumusunod at sumasamba sa Diyos. Sa halip, ginugol ko ang buong isip at lakas ko sa paghahangad sa katayuan. Kapag nagpatuloy ako sa ganoong landas, masusumpa at mapaparusahan ako ng Diyos. Ang laki kong hangal!

Tapos ay nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Ang mga tao ay mga nilalang na walang nararapat na ipagmayabang. Dahil kayo ay mga nilalang ng Diyos, kailangan ninyong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang. Wala nang iba pang mga hinihiling sa inyo. Ganito kayo dapat manalangin: ‘Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na masunurin sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga. Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilalang. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilalang. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilalang. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilalang. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilalang. Isa lamang akong napakaliit na nilalang na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong hambingan dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.’ Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghanap nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paghihigpit(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung ang isang tao ay may mataas na katayuan, itinaas sila ng Diyos, at kung ang isang tao ay may mababang katayuan, ito ang itinadhana ng Diyos. Paano man Niya itinuturing ang mga tao at saan man Niya tayo ilagay, dapat ay lagi tayong magpasakop, gawin nang mabuti ang sarili nating tungkulin, at huwag magreklamo. Ito ang makatuwirang bagay na dapat gawin, at ang ginagawa ng isang tunay na nilalang. Nang maunawaan ko ito, naging handa akong magpasakop at magsagawa ng katotohanan, at mula noon, ibinuhos ko ang aking sarili sa pagiging bantay. Sinisigurado kong nakabantay ako para maidaos ng mga lider at diakono nang payapa ang mga pagtitipon nila. Ilang beses pa akong inutusan ng lider na magbantay para sa mga pagtitipon pagkatapos noon pero hindi ko na inisip kung mataas o mababang katayuan iyon; ang pakiramdam ko lamang ay naging napakalaya at napakapayapa ko.

Sa mga nagdaang taong iyon, paulit-ulit nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para ilantad ako at ginamit Niya ang Kanyang mga salita para hatulan at kastiguhin ako para makita ko talaga kung gaano kalalim ang pagkatiwaling ginawa sa akin ni Satanas, at kung gaano katindi ang paghahangad ko sa katayuan. Malinaw ko ring napagtanto na ang katayuan ay isang bagay na ginagamit ni Satanas para panatilihing nakagapos ang mga tao: Habang hinahangad mo ang katayuan, lalo kang pinipinsala at pinaglalaruan ni Satanas, at lalo mong sinusuway at nilalabanan ang Diyos. Naunawaan ko rin kung ano ang dapat hangarin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos para maligtas. Matapos magkaroon ng matinding paghahangad sa katayuan at malalaking ambisyon, na nagawa kong magbago tulad ngayon, para sundin ang mga pagsasaayos at pasya ng Diyos, at masunuring gawin ang aking tungkulin ay dahil lahat sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gumawa ang Diyos ng mga mabusising hakbang para sa akin at mula sa kaibuturan ng aking puso ay nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa pagliligtas sa akin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Pagninilay sa Paghihiganti

Ni Yang Yue, Tsina Noong Pebrero ng 2021, ginagampanan ko sa iglesia ang tungkulin ko sa gawaing nakabatay sa teksto. Nang panahong iyon,...

Pagtatanggal ng Maskara

Ni Tinghua, France Noong nakaraang Hunyo, nung kasisimula ko pa lang na tuparin ang tungkulin ko bilang isang lider. Sa simula, dahil...

Leave a Reply