Itinigil Ko Na sa Wakas ang Pagbabalatkayo at Pagpapanggap

Hulyo 17, 2026

Ni Cole, Italya

Noong Hunyo 2018, isinaayos ng mga lider na sanayin ko ang mga kapatid sa pag-arte. Tuwang-tuwa ako. Naisip ko, “Mukhang kinilala na ng mga lider ang galing ko sa pag-arte, kaya kailangan kong makipagtulungan nang taimtim.” Noong una, responsable lang ako sa pagsasanay sa paggampan ng mga kapatid sa aming pangkat. Pero kalaunan, isinaayos ng direktor na makipagtulungan ako sa dalawang sister para sanayin ang mga aktor mula sa ibang bansa at mag-organisa ng mga group study. Mas lalo akong natuwa at taas-noo na ako saanman ako magpunta. Sa tuwing may mga tanong sa akin ang mga kapatid tungkol sa pag-arte, hindi ko mapigilan ang tuwa ko kapag nakikita ko sa mga mata nila ang inggit at paghanga. Noong Enero 2024, isinaayos ng mga lider na gampanan ko ang papel ng pangunahing karakter sa isang pelikula. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko ang balita, pero medyo nag-alala rin ako. “Palaging kontrabida ang papel ko noon, at kahit gumanap ako ng mga positibong karakter, maliliit na papel lang ang mga iyon at saglit lang ang screen time. Pero ngayon, ako na ang bida. Napakahalaga ng papel na ito; kapag pumalpak ako, sobrang nakakahiya! Isa pa, maraming emosyonal na karanasan ang pinagdadaanan ng pangunahing karakter sa pelikulang ito na hindi ko pa naranasan. Kung hindi ko ito magagampanan nang maayos, hindi ba’t mamaliitin ako ng mga kapatid? Sasabihin nila na matapos ang ilang taon ng paggawa ng tungkulin bilang aktor at pagsasanay pa nga sa iba, hindi ko man lang magampanan nang maayos ang sarili kong papel at hindi talaga sapat ang kakayahan ko.” Pero naisip ko, “Ang paghiling sa akin ng mga lider na gampanan ang papel ng bida ay nagpapakita na sinasang-ayunan nila ang kakayahan ko sa pag-arte at naniniwala silang kaya ko ang papel na ito. Dahan-dahan ko na lang lulutasin nang palihim ang anumang problema; hindi puwedeng maliitin ako ng mga kapatid. Bukod dito, ang pagganap sa papel na ito ay pagtataas sa akin ng Diyos. Kailangan kong magkaroon ng konsensiya, at hindi ko puwedeng iwasan ang tungkulin ko.” Kaya, sumama ako sa mga kapatid, at ibinuhos namin ang aming sarili sa mga rehearsal at sa pag-fi-film.

Sa isang eksenang madamdamin, hindi ko makuha ang tamang emosyon at talagang nababalisa na ako. “Napakalahalaga ng eksenang ito. Kung hindi ako makakaarte nang maayos, ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Hindi pa ako nakaarte sa ganitong eksena dati, at hindi ko talaga maintindihan ang ilang detalye. Ano’ng gagawin ko?” Nagmadali akong manood ng mga katulad na eksena sa pelikula at mga video, takot na takot na baka maantala ko ang shoot dahil hindi ko mahanap ang tamang emosyon. Napansin ng isang brother ang suliranin ko at iminungkahi niya, “Kung hindi ka sigurado kung paano gagampanan ang bahaging ito, puwede mong tanungin ang mga kapatid na gumanap na ng mga positibong papel dati. Siguradong alam nila ang ilang detalye, at magkakaroon ka ng direksyon sa pagganap mo.” Nang marinig ko ito, naisip ko, “Magtanong sa kanila? Paano ko lulunukin ang pride ko? Ang paghingi ng tulong noong gumanap ako ng maliliit na papel—ayos lang ‘yon, pero ngayon, ako ang bida. Nakuha ko ang papel ng bida dahil magaling akong umarte. Kung hihingi ako ng tulong, ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin kapag nalaman nila? Tiyak na sasabihin nila, ‘Wala kang alam, at hindi ka naman pala ganoon kagaling umarte!’ Saka, ako dati ang nagsasanay sa pagganap nila. Ngayon, kung hihingi ako ng payo sa kanila, hindi ba’t lalabas lang na mahina ang kakayahan ko sa pag-arte at puro teorya lang ang lahat ng itinuro ko noon? Kung ganoon, talagang mabubuko na nila ako.” Bagama’t sinabi kong sumasang-ayon ako, hindi naman talaga ako nagtanong kahit kanino. Kalaunan, ilang beses akong pinaalalahanan ng direktor na humingi ng tulong sa mga kapatid, pero palagi akong napipigilan kapag naiisip kong mapapahiya ako. Para hindi ako maliitin ng iba, piniga ko ang utak ko para lang mailabas ang mga emosyon ko, ginaya ko pa kung paano umarte ang mga aktor na di-nananampalataya. Naisip ko, “Kailangan kong makuha nang tama ang eksenang ito, anuman ang mangyari. Hindi puwedeng makita nila na hindi sapat ang galing ko sa pag-arte. Kapag pumalpak ako rito, wala na talaga akong mukhang ihaharap!” Habang nagshu-shoot, ibinigay ko ang lahat para mailabas ang emosyon ko, pero wala pa ring dating ang pagganap ko. Nakita ng direktor na nahihirapan ako at nakipagbahaginan siya sa akin tungkol sa mga emosyon sa eksena. Para hindi mahalata ng mga tao na hindi sapat ang kakayahan ko sa pag-arte, sinabi ko, “Alam ko na ang lahat ng emosyong ‘yan. Hindi ko pa lang lubos na maramdaman. Kailangan ko lang ng kaunting oras pa para madama ang eksena.” Pero anuman ang subukan ko, walang umubra nang maayos. Pagkatapos ng shoot, sinabi ng direktor na artipisyal, tensiyonado, at masyadong malungkot ang pag-arte ko. Sobrang sama ng loob ko nang marinig ko ‘to. Gusto ko sanang magampanan nang maayos ang papel, pero bago ito, bihira kong pagnilayan ang kaisipan at emosyon na dapat mayroon ang ganitong uri ng karakter, kaya hindi ko talaga ito magawa nang tama. Alam kong dapat akong humingi ng tulong sa mga kapatid, pero sa isipin pa lang na magtatanong ako sa iba, gusto ko nang umatras. “Tutal, ako dati ang nagsasanay sa iba sa pag-arte, at ngayon ako ang bida. Hindi ko puwedeng hayaan na makita ng lahat na hindi ko kaya. Hayaan na nga. Aaralin ko na lang ‘to nang mag-isa. Hindi ko lang talaga naramdaman nang husto ang mga emosyon ko kanina. Kapag nagkaroon ako ng kaunting panahon para makuha ang eksena, malulutas din ang mga problemang ito.”

Isang beses, kinausap ng direktor ang isang sister na gumanap na bilang bida dati para talakayin ang mga problema sa pag-arte namin at ibahagi sa amin ang natutunan niya sa kanyang mga pagganap. Pero hindi talaga ako nakikinig. Naisip ko, “Ako dati ang nangunguna sa pag-aaral ng lahat, at ngayon, baliktad na: Ipinatawag nila ang sister na ito para turuan akong umarte. Sobrang nakakahiya ito! Kung tatanungin ko siya tungkol sa mga simpleng bagay sa pag-arte, ano na lang ang iisipin niya sa akin? Hindi ba’t sasabihin niyang ni hindi ko pa pala gamay ang mga teknik sa pag-arte na itinuturo ko sa lahat sa loob ng maraming taon, at puro teorya lang pala lahat ng sinasabi ko? Lubusan akong mapapahiya!” Kaya, kahit nakaupo ako roon at nakikinig, hirap na hirap ang kalooban ko. Gusto ko talagang aminin ang mga suliranin ko at makipag-usap sa sister, pero naisip ko, “Kung sasabihin ko sa kanya ang mga suliranin ko, hindi ba’t mabubuko niya ako? Hindi puwede! Wala akong dapat sabihin.” Kaya, hindi ko talaga magawang magtanong, wala akong naunawaan sa lahat ng ibinahagi niya, at ginusto ko na lang matapos ang sesyon. Kalaunan, nang mag-shoot kami ulit, hindi pa rin nalutas ang mga problema ko. Napakabagal ng pag-usad ng shoot. Paulit-ulit na naaantala ang orihinal na iskedyul ng shooting. Ang ilang eksena na natapos na ay kinailangang kunan ulit ng ilang bahagi o ulitin nang buo pagkatapos dahil hindi tama ang paggampan at emosyon ko. Nang matapos ang unang rough cut, napatulala ako nang makita ko ang na-edit na video. Mukha akong miserable, at pilit at hindi natural ang pag-arte ko. Hindi ko man lang naipalabas ang mahahalagang katangian ng karakter. Nagmukha pa nga akong kaawa-awa at walang paninindigan. Hindi talaga nakamit ng pagganap ko ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos. Lalo akong tinamaan nang sinabi ng isang sister, “Nakikita kong umiiyak ka nang malungkot, pero sadyang hindi ako naantig.” Talagang natigilan ako. Naisip ko, “Pero nagsumikap naman ako nang husto. Bakit ganito ang kinalabasan? Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Siguradong magtataka sila kung bakit ako ang gumanap na bida gayong hindi naman ako ganoon kagaling umarte!” Noong mga araw na iyon, iniiwasan ko ang mga kapatid sa tuwing nakikita ko sila. Sobrang hiyang-hiya ako at wala akong mukhang maiharap. Talagang nasiraan ako ng loob at wala na akong lakas para sa tungkulin ko. Kalaunan, nagnilay-nilay ako sa sarili ko. Alam kong may mga kakulangan ako, pero hindi ko lang talaga kayang magtapat sa iba. Ano ba ang ugat ng problemang ito?

Isang beses, habang nagde-debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga tao ay likas na mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng pagiging omnipotente? Kaya ba nilang maging perpekto at walang kapintasan? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa loob ng mga tao, mayroong tiwaling disposisyon at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kapabilidad sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Anuman ang tunay nilang halaga, gusto nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang isang sikat o pambihirang indibidwal, upang maging isang medyo kilalang tao, at ipaisip sa iba na sila ay perpekto at walang kapintasan, na walang kahit isang depekto; nais nilang makita sila ng ibang tao bilang isang may kakayahan, makapangyarihan, pambihira, o sikat at dakilang indibidwal, na may maringal at kahanga-hangang imahe, may abilidad na gawin ang anumang bagay, at na walang bagay na hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila na kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kapabilidad at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin kahit na sa katunayan ay hindi naman talaga. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutunan kung paano ito gawin, ngunit lumabas na pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta na ang takbo nito, sinasabi nila, ‘Malapit na akong matapos, malapit na!’ Pero sa kanilang puso, iniisip nila, ‘Malayo pang matapos ito, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ko puwedeng isiwalat ang sikreto, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!’ Anong problema ito? Ito ay pagdurusa para lang hindi mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging karaniwang mga tao, ayaw nilang maging ordinaryong mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o mga taong may kapabilidad. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pagkaunawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao—patuloy silang magpapanggap. … Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ang mga ganitong uri ng tao ay palaging namumuhay sa kalituhan? Hindi ba’t nananaginip sila? Hindi nila kilala ang kanilang sarili, hindi nila alam kung sino sila, at hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Hindi pa nila kailanman nagawa ang dapat gawin ng mga tao sa praktikal na paraan, ni hindi pa sila kailanman namuhay tulad ng isang normal na tao. Kung palagi kang namumuhay sa kalituhan at sa paraang magulo ang isip, hindi ginagawa ang mga bagay-bagay sa praktikal na paraan, at palagi kang namumuhay ayon sa iyong mga imahinasyon, problema ito—hindi mo alam kung paano umasal, at mali ang landas ng buhay na pinili mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Napatigagal ako nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos. Eksakto sa kalagayan ko ang isiniwalat ng Diyos. Sinasabi ng Diyos, kapag may natutunan nang kasanayan ang isang tao, iniisip niyang may kakayahan na siya at gusto niyang magpanggap, ipinepresenta ang sarili bilang isang eksperto. Kahit na may mga kakulangan sila, ayaw nilang humingi ng tulong sa iba, dahil itinuturing nila itong isang kahinaan na magiging dahilan para maliitin sila ng iba. Kaya, nagbabalatkayo sila. Hindi ba’t ganoon ako mismong uri ng tao? Itinaas ko ang sarili ko bilang isang eksperto at hindi na ako makababa. Inakala ko na ang pagkakapili sa akin bilang bida sa pelikulang ito ay nagpapakita na magaling ang pag-arte ko, kaya nang mahirapan ako, sinubukan kong lutasin ang mga bagay-bagay nang mag-isa sa halip na humingi ng tulong, dahil pakiramdam ko, ibababa ko ang sarili ko kung magtatanong ako sa iba. Para hindi nila ako mabuko at maliitin, ayaw kong aminin ang mga kakulangan at hirap ko. Dahil doon, hindi ko kailanman nahanap ang tamang emosyon habang nagshu-shoot. Pinaalalahanan ako ng isang brother na magtanong sa mga kapatid na may karanasan, pero nag-alala akong malaman nila na kahit ganoong kaliit na problema ay hindi ko malutas at na mamaliitin nila ako, kaya hindi ako nagtanong. Nang makita ng direktor na nahihirapan ako, tinulungan niya akong suriin ang emosyon ng karakter. Pero natakot akong maliitin niya ako, kaya nagdahilan ako, sinabing hindi ko ito magawa dahil hindi ko lubos na maramdaman ang mga emosyon. Ang ibig kong sabihin, hindi ang pag-arte ko ang problema—kung mararamdaman ko lang nang maayos ang emosyon, siguradong magagampanan ko ang eksena. Palagi kong sinusubukang iligtas ang reputasyon ko, ayaw kong may magsabi na wala akong kakayahan. Kalaunan, nang magdala ang direktor ng isang sister para ibahagi ang karanasan niya sa pag-arte, mas lalo kong naramdaman na kapag nagtapat ako at nagtanong sa kanya, mas marami pa sa mga kakulangan ko ang malalantad. Kaya kahit marami akong tanong na gustong itanong, hindi ko magawang ibuka ang aking bibig. Paulit-ulit akong nagbalatkayo at nagpanggap. Dahil dito, hindi kailanman nalutas ang mga problema ko, at ang patuloy na pag-uulit ng mga eksena ay nakaantala sa pag-usad ng pelikula. Sabi ng Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging karaniwang mga tao, ayaw nilang maging ordinaryong mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o mga taong may kapabilidad. Napakalaking problema nito!” Palagi kong iniisip na dahil ako ang bida at dating nagsasanay sa mga kapatid kung paano umarte, isa ako sa pinakamagagaling, kaya hindi ko dapat hayaang makita ng sinuman ang aking mga kakulangan o kahinaan. Sobrang yabang ko! Isa lang akong nilikha; normal lang na magkaroon ng mga kakulangan. Saka, bihira akong gumanap ng mga positibong papel. Dapat ay tinrato ko nang tama ang kawalan ko ng kakayahang gumanap at ang mga problema ko, at dapat nagtapat at humingi ako ng tulong sa mga kapatid. Iyon lang ang paraan para mapunan ko ang aking mga kakulangan at magawa nang maayos ang aking tungkulin. Pero dahil sa sobrang yabang ko, nawalan ako ng katwiran. Inakala ko na dahil nagsanay ako sa iba at gumanap bilang bida, mas magaling ako sa lahat at kailangang higitan ko sila sa lahat ng paraan. Kaya palagi akong nagbabalatkayo at nagpapanggap. Sa huli, hindi lang ako nabigong gawin nang maayos ang tungkulin ko, kundi naantala ko pa ang gawain ng iglesia. Nang mapagtanto ko ito, talagang nagsisi ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos, naging napakamapagtaas ako. Hindi ko kinayang harapin ang sarili kong mga problema at kakulangan sa panahong ito. Palagi akong nabubuhay sa kalagayan ng pagbabalatkayo at pagpapanggap, at malubha kong naantala ang pag-usad ng pelikula. O Diyos, handa akong magsisi. Pakiusap, akayin Mo akong pagnilayan nang mas malalim ang sarili ko at matuto ng mga aral.”

Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng karagdagang pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang kanyang bahagi na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, at ito ay upang mapanatili ang kanyang banidad at pride, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, at ang tungkol sa kanyang bahagi na mapaghimagsik at tiwali, malubha nitong mapipinsala ang kanyang katayuan at reputasyon, at magiging mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. Kahit dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang mga tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kaya lubos siyang mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan kaninuman; sa halip, makikipagkompetensiya siya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Sabi ng Diyos, para protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan, hindi kailanman nagtatapat ang mga anticristo sa iba tungkol sa kanilang negatibo, mahina, mapaghimagsik, o tiwaling panig. Naniniwala sila na kapag ginawa nila iyon ay magmumukha silang mababa at mawawala ang kanilang katayuan at magandang imahe sa puso ng ibang tao. Nagbabalatkayo sila at nagpapanggap sa bawat pagkakataon, at kahit mabuko pa sila, patuloy pa rin silang nagbabalatkayo. Ang nailantad ko ay disposisyon din ng isang anticristo. Palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” at “Ang reputasyon ay walang kasing-halaga,” nararamdaman na anuman ang mangyari, hindi ko puwedeng hayaan na maliitin ako ng mga tao at kailangan kong magpanatili ng magandang imahe sa kanilang puso. Naaalala ko na madalas sabihin sa akin ng nanay ko noong bata pa ako, “Palagi mong ipakita ang pinakamagaling mong panig.” “Hindi ba’t ang buong buhay ng isang tao ay para lang sa reputasyon? Hindi natin puwedeng hayaan na maliitin tayo ng mga tao. Kahit ano ay sulit, basta’t hahangaan ka ng mga tao dahil dito.” Dahil sa ganitong pagpapalaki ng nanay ko, pinahalagahan ko ang reputasyon ko sa bawat pagkakataon, palaging sinusubukang ipakita ang pinakamagaling kong panig sa iba. Kahit hindi ko naiintindihan o hindi ko alam kung paano gawin ang isang bagay, nagpapanggap akong alam ko at pipilitin ko ang sarili kong gawin ito. Ganoon din ako pagkatapos kong manampalataya sa Diyos. Nang ipagawa sa akin ng mga lider ang pagsasanay sa mga kapatid sa kanilang pagganap at ang pag-oorganisa ng aming pag-aaral, nakita kong tinitingala nila akong lahat, at nagsimula akong maniwala na beterano na talaga ang kakayahan ko sa pag-arte. Nang ako ang ginawang bida sa pagkakataong ito, hindi ako kusang nangahas na magtanong sa iba, kahit na may mga suliranin ako. Nagbalatkayo ako sa abot ng aking makakaya, takot na takot na mawala ang magandang imahe ko sa mata ng mga kapatid. Kalaunan, nang anyayahan ng direktor ang isang sister para ibahagi ang karanasan niya at tulungan ako, hindi ako nagtapat at humingi ng tulong kahit na malinaw na marami akong suliranin, lahat ito ay para lang protektahan ang magandang imahe ko. Dahil hindi ko makuha ang karakter, malubha kong naantala ang pag-usad ng pelikula. Sa tungkulin ko, hindi lang ako nabigong dakilain ang Diyos o magpatotoo sa Kanya; sa halip, palagi kong pinoprotektahan ang magandang imahe ko sa mata ng mga kapatid. Handa pa nga akong maantala ang shoot kaysa tanggapin ang tulong ng sister. Wala talaga akong konsensiya o katwiran! Tinatahak ko na ang landas ng isang anticristo! Kung magpapatuloy ako nang ganito, ang kahahantungan ko ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Kinailangan kong agad na baguhin ang perspektiba sa likod ng aking paghahangad at itigil na ang pagprotekta sa aking imahe at katayuan. Nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, binigyan Mo pa rin ako ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko ngayon. Ito ang Iyong dakilang awa. Hindi na ako maaaring patuloy na maghimagsik at lumaban sa Iyo. Pakiusap, akayin Mo ako para makapagbukas ako, maging isang matapat na tao, at tuparin ang tungkulin ko at mapalugod Ka.”

Kalaunan, nagkaroon ng ilang pagbabago sa iskrip, at kinailangang ulitin ang pagshoot sa pelikula. Hinayaan ako ng Iglesia na patuloy na gampanan ang papel. Nagpapasalamat ako pero sobrang nahihiya rin. Naging determinado akong taimtim na magsisi, baguhin ang aking pag-iisip, at ibigay ang lahat ko sa gawain. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sabihin ninyo sa Akin, paano ka magiging isang taong ordinaryo at normal? Paano ka, gaya ng sabi ng Diyos, mananatili sa wastong lugar ng isang nilikha, nang hindi sinusubukang maging isang dakilang tao o higit sa tao? Paano ka dapat magsagawa para maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito makakamit? Sino ang gustong magsalita? (Una sa lahat, kailangan naming aminin na kami ay mga ordinaryong tao, mga napakakaraniwang tao, at na maraming bagay kaming hindi naiintindihan, hindi nauunawaan, at hindi makilatis. Dapat naming aminin na kami ay tiwali at may mga kapintasan. Pagkatapos niyon, kailangan naming magkaroon ng sinserong puso at madalas na humarap sa Diyos para maghanap.) Una, huwag mong bigyan ang iyong sarili ng isang titulo at pagkatapos ay hayaan itong limitahan ka, sinasabi, ‘Ako ang lider, ako ang lider ng pangkat, ako ang superbisor, o ako ang pinakamaalam at pinakabihasa sa teknikal sa larangan.’ Huwag kang magpalimita sa titulong itinalaga mo sa iyong sarili. Sa sandaling mangyari ito, igagapos ka nito nang mahigpit; maaapektuhan nito ang iyong mga salita at kilos, pati na rin ang iyong normal na pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili mula sa mga limitasyon ng katayuang ito. Una, bumaba ka mula sa posisyon ng opisyal na titulong ito, at tumayo sa posisyon ng isang ordinaryong tao. Ang iyong pag-iisip ay magiging medyo normal. Kailangan mo ring aminin: ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko iyon nauunawaan—kailangan kong magsaliksik at mag-aral,’ o ‘Hindi ko pa ito naranasan kailanman, kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin.’ Kapag nasasabi mo kung ano talaga ang iniisip mo at nagsasalita ka nang matapat nang ganito, magtataglay ka ng normal na katwiran. Kung hahayaan mong makilala ng iba ang tunay na ikaw, magkakaroon sila ng normal na pananaw sa iyo, at hindi mo na kakailanganing magpanggap. Hindi ka na makakaramdam ng matinding presyur, at magagawa mo nang makipag-usap sa iba nang normal. Ang mamuhay nang ganito ay malaya at maginhawa. Sinumang nakakaramdam na masyadong nakakapagod ang buhay ay sarili lang niya ang dapat sisihin. Huwag magpanggap o magtago ng anuman. Una, maging bukas ka tungkol sa kung ano ang iniisip mo sa iyong puso at sa iyong mga tunay na kaisipan, upang malaman at maunawaan ng lahat ang mga ito. Sa ganitong paraan, ang iyong mga alalahanin, pati na rin ang mga hadlang at hinala sa pagitan mo at ng iba, ay mawawala lahat. Dagdag pa rito, mayroon pang ibang bagay na gumagapos din sa iyo, iyon ay na palagi mong itinuturing ang iyong sarili bilang pinuno ng pangkat, isang lider o isang manggagawa, isang taong may titulo, may katayuan at posisyon—kung sasabihin mo na hindi mo ito nauunawaan at wala kang kakayahang gawin iyon, hindi ba’t pagmamaliit iyon sa iyong sarili? Kapag binitiwan mo ang mga tanikalang ito sa iyong puso, kapag tumigil ka sa pag-iisip sa iyong sarili bilang isang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka sa pag-iisip na mas magaling ka kaysa sa ibang tao at sa halip ay nararamdaman mong isa kang ordinaryong tao, kapareho ng lahat ng iba pa, at na may ilang larangan kung saan mas mababa ka kaysa sa iba, kung gayon, kapag nakikipagbahaginan ka sa katotohanan at sa mga bagay na may kaugnayan sa gawain nang may ganitong pag-iisip, magiging iba kapwa ang mga resulta at ang atmospera. … Ang lahat, sila man ay lider at manggagawa o mga kapatid, ay ordinaryong tao. Dapat isagawa nilang lahat ang prinsipyong ito. May bahagi at responsabilidad ang lahat sa pagsasagawa ng salita ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang lider, isang manggagawa, ang pinuno ng pangkat, isang superbisor, o isang taong lubos na iginagalang sa grupo. Kahit sino ka pa, dapat matuto kang magsagawa sa ganitong paraan. Alisin mo ang limbo at titulong dala-dala mo, alisin ang mga koronang ipinatong sa iyo ng iba. Pagkatapos, magiging madali sa iyong maging isang normal na tao at, nang walang kahirap-hirap, kikilos ka nang batay sa konsensiya at katwiran. Siyempre, pagkatapos niyon, hindi sapat na aminin lang na hindi mo nauunawaan at hindi mo alam. Hindi ito ang pinakasolusyon na lumulutas sa problema. Ano ang pinakasolusyon? Dalhin ang mga bagay-bagay at paghihirap sa harapan ng Diyos para manalangin at maghanap. Hindi sapat na manalangin lang nang mag-isa ang isang tao. Sa halip, kasama ang lahat, dapat mag-alay ka ng mga panalanging tungkol sa bagay na ito at pasanin ang responsabilidad at obligasyong ito. Isang magandang paraan iyon para gawin ang mga bagay-bagay! Maiiwasan mong tahakin ang landas na subukang maging isang dakilang tao at superman. Kung magagawa mo ito, aakuin mo ang tamang lugar ng isang nilikha nang hindi mo namamalayan at mapapalaya mo ang iyong sarili mula sa mga pagpipigil ng ambisyon at paghahangad na maging isang superman at isang dakilang tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Ginawa itong napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Isa lang akong napakaliit na nilikha. Wala akong natutunang anumang propesyonal na kaalaman sa pag-arte. Ang makagawa ng tungkulin bilang aktor sa sambahayan ng Diyos ngayon ay pagtataas sa akin ng Diyos, at imposible ito kung walang kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu. Naaalala ko sa isang shoot kung saan hindi sapat na buo ang mga emosyon ko. Sinubukan ko ang lahat, pero walang nangyari. Ang tanging nagawa ko ay taimtim na manalangin sa Diyos. Kalaunan, sa pamumuno ng Diyos, nakuha ko ang emosyon ng karakter, at naging matagumpay ang shoot. Hindi ko kailanman magagawa iyon kung wala ang kaliwanagan at gabay ng Diyos. Ngayon kailangan kong bitawan ang aking pride at katayuan, harapin nang direkta ang aking mga kakulangan, at gawin ang aking buong makakaya sa mga bagay na kaya ko, at kung mayroon mang bagay na hindi ko kayang gawin o hindi ko naiintindihan, dapat akong magtanong pa sa mga kapatid, at dapat din akong mas manalangin at umasa sa Diyos. Kaya gumawa ako ng listahan ng mga problema sa pagganap ko at ipinadala ito sa ilang kapatid, humihingi ng kanilang tulong. Sa sandaling naipadala ko ang mensahe, parang may nabunot na malaking tinik sa dibdib ko, at napanatag ang puso ko. Napakabilis kong natanggap ang kanilang mga sagot. Lahat sila ay nagbigay sa akin ng ilang mungkahi para sa aking mga problema at ibinahagi rin kung paano nila hinahanap ang tamang emosyon habang nagfi-film. Naglatag sila ng ilang landas ng pagsasagawa para sa akin at hinikayat akong taimtim na gampanan ang papel. Sobrang naantig ako at nakaramdam ng kalinga habang binabasa ang kanilang mga mungkahi at pagpapalakas ng loob. Malaki ang naitulong sa akin ng kanilang payo, at nalaman ko na kung paano lulutasin ang mga problema sa aking pagganap.

Mabilis kong ibinuhos ang sarili ko sa panibagong round ng mga shoot. Nang oras na para i-shoot ulit ang mga madamdaming eksena, sinunod ko ang mga pamamaraang itinuro sa akin ng mga kapatid at tinalakay ko muna ang mga partikular na detalye ng pagganap sa direktor. Kapag hindi ko makuha ang emosyon ng karakter, nagtatapat ako tungkol dito, at ang direktor at mga kapatid ay pawang lumalapit para tulungan ako. Pagkatapos mag-film, ipinapadala ko ang video sa mga kapatid at tatanungin sila kung anong mga problema pa ang natitira sa aking paggampan. Kapag may tinutukoy silang mga isyu, agad akong gumagawa ng mga pagsasaayos at pagpapabuti. Sa sumunod na pag-arte ko, mas naging buo ang emosyon ko. Mabilis kong nakuha ang emosyon ng karakter, at mas naging maganda ang mga resulta ng shoot kaysa dati. Ang ilan sa mga eksena ay sobrang nakaantig sa mga kapatid na nakapanood, at bumilis nang husto ang pag-usad ng shoot.

Ngayon, sa tuwing may hindi ako naiintindihan at naiisip kong magbalatkayo at magpanggap, sinasadya kong isagawa ang pagiging isang matapat na tao. Nagtatapat ako tungkol sa aking mga problema at hinahanap ang mga prinsipyo at daan pasulong kasama ng aking mga kapatid, at ang mga problemang hindi ko naiintindihan ay mabilis na nalulutas. Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na walang nalulutas na anumang problema ang pagpapanggap at pagbabalatkayo. Tanging sa pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, pagbubukas nang totoo, at pagiging isang matapat na tao mo malulutas ang mga problema at magagampanan ang tungkulin mo; saka lang magkakaroon ng tunay na kapayapaan at kapanatagan sa puso. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman