Pagbibigay ng Aking Puso sa Diyos

Pebrero 2, 2021

Ni Xinche, South Korea

Dalawang taon na ang nakalipas, sumali ako sa pag-eensayo para sa pagtatanghal sa koro ng Awit ng Kaharian. Ikinararangal at ipinagmamalaki kong makakanta sa entablado, nagpupuri at nagpapatotoo sa Diyos. Nanalangin din ako sa Diyos, nangangako na magsasanay at gagawin nang maayos ang aking tungkulin. Noong una akong nagsimulang mag-ensayo, talagang masigasig at nagsumikap ako dito, ngunit dahil hindi ako magaling sa pagkanta at pagsayaw, medyo hindi naging natural ang aking mga ekspresyon at ang aking mga kakayahan ay hindi kayang makipagsabayan sa iba. Palaging sinasabi ng tagapagturo ang mga mali ko. Paglaon, nagsimula na akong panghinaan ng loob, pakiramdam ko kahit gaano ako magsikap, kailanman ay hindi na ako gagaling; kapag itinalaga na ang mga posisyon, ang mga kapatid na magaling kumanta at sumayaw ay mapupunta sa harapan, at ako’y magiging tagapuno lamang sa likod. Dahil dito, hindi na ako naging masyadong aktibo sa pag-eensayo at sinadya kong mahuli sa pagdating hangga’t maari. Sa una naming pagsasapelikula, inilagay ako sa likurang hilera, sa isang tabi. Medyo sumama ang loob ko, “Hindi ako magaling dito at hindi ko kayang makipagkumpitensya sa mga magagaling kumanta at sumayaw. Kahit anong pilit kong subukan, hindi ako kailanman makakasabay sa kagalingan nila at kahit kaila’y hindi ako makakasama sa kuha. Bakit kailangan ko pang magpursigi sa mga ensayo? Ayos na ang katiting na pagsisikap.” Mula noon, mas lalo akong nawalan ng gana. Alam kong mali ang aking mga galaw ngunit hindi ko na sinubukang itama ang mga ito. Minsan sasabihin ng tagapagturo na mas pagsikapan pa naming ayusin, at kapag may isang taong nagkamali, makokompromiso nito ang buong programa at maaantala ang paggawa ng pelikula. Nagkaroon iyon ng epekto sa akin at naisip ko na dapat kong isaalang-alang ang kalalabasan ng lahat. Sinubukan ko muli itong pagsikapan, at pagkatapos ay muli akong nalubog pabalik sa kawalan ng gana. Matamlay kong inensayo ang kanta at mga galaw nang hindi nararamdaman ang patnubay ng Diyos. May ilang galaw na sinanay ko, pero hindi ko makuha nang tama. Ang bawat isa ay nagbahagi ng kani-kanilang pag-unawa sa mga liriko, ngunit hindi ko ito magawa. Hindi rin ako naantig noong ako ay kumakanta, at walang emosyon sa mukha ko sa pelikula. Walang masisiyahan sa panonood sa akin. Nakaramdam na ako ng pagka-inip sa mga ensayo at hindi na ako makahintay na matapos iyon upang makagawa ako ng iba pang tungkulin.

Nang lumabas ang aming mga posisyon sa entablado, nalaman kong mayroon akong ilang eksena na off-camera, at lalo akong nawalan ng gana. Naisip ko, “Hindi ako magaling, ngunit hindi rin naman ako ganoon kalala. Kahit wala ako sa harap na hilera, makuhanan man lang sana ako ng kamera. Bakit ako ibinukod? Nag-eensayo lang ba ako para sa wala? Kung alam ko lang, hindi ko na sana sinanay ang mga galaw na ito.” Pagkatapos noon, tuwing on-camera lang ako masayang sumasabay, at kung hindi nama’y pinapasadahan ko na lamang ang mga galaw ko sa mga ensayo. Nang matapos ang paggawa ng pelikula, nakakabalisang marinig silang nag-uusap sa isang pagtitipon tungkol sa kung ano ang mga nakamit nila. Parehong tungkulin naman ang aming ginawa, at lahat sila’y may nakuha, pero bakit ang puso ko ay tila walang laman, na para bang wala man lang akong napala sa aking ginawa? Nakaramdam ako ng takot, iniisip kong kinamumuhian ako ng Diyos. Pagkatapos noon ay hinanap at nanalangin ako sa Diyos, humihingi sa Kanya ng patnubay. Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Laging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay tumitingin nang malalim sa puso ng isang tao at pinagmamasdan ang lahat. Gayunpaman, hindi kailanman alam ng mga tao kung bakit ang ilan ay hindi kailanman nakapagkakamit ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, kung bakit hindi nila nakakamtan kailanman ang biyaya, kung bakit hindi sila kailanman nagkakaroon ng kagalakan, kung bakit lagi silang negatibo at nalulumbay, at kung bakit hindi nila kayang maging positibo. Tingnan ang kanilang mga kalagayan. Tiyak na walang isa sa mga taong ito ang may gumaganang budhi o isang pusong tapat(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ang pinakapangunahin at pinakamahalagang mga bahagi ng pagkatao ng sinuman ay ang konsiyensya at katwiran. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong masama ang pagkatao. Suriin natin itong mabuti. Paano nagpapakita ng tiwaling pagkatao ang taong ito para sabihin ng mga tao na wala siyang pagkatao? Anong mga katangian ang taglay ng gayong mga tao? Anong partikular na mga paghahayag ang ipinapakita nila? Ang gayong mga tao ay basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos ni nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang pinapasang kabigatan ukol sa pagpapatotoo sa Diyos o sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila responsable. Ano ang iniisip nila tuwing mayroon silang ginagawa? Ang unang iniisip nila ay, ‘Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Nakikita ba ito ng ibang mga tao? Kung hindi nakikita ng ibang mga tao na ginugugol ko ang lahat ng pagsisikap na ito at gumagawi nang tunay, at kung hindi rin ito nakikita ng Diyos, kung gayon walang silbi ang aking paggugol ng gayong pagsisikap o pagdurusa para dito.’ Hindi ba pagkamakasarili ito? Kasabay nito, isa rin itong napakahamak na uri ng layunin. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang konsiyensya? Mayroon bang anumang bahagi ng konsiyensya rito? May iba pa ngang mga tao na, kapag nakakakita ng problema sa pagganap sa kanilang tungkulin, nananatiling tahimik. Nakikita nila na ang iba ay nagsasanhi ng mga pag-antala at mga paggambala, datapuwa’t wala silang ginagawa para pigilan ito. Hindi nila isinasaalang-alang kahit man lamang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos, ni iniisip man lamang ang kanilang sariling mga tungkulin o pananagutan. Sila ay nagsasalita, kumikilos, namumukod-tangi, nagpupunyagi, at gumugugol ng lakas para lamang sa kanilang sariling kalayawan, karangalan, katungkulan, mga kapakanan, at karangalan. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas ang mga ito tuwing may pagkakataong maparangalan o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakatong maparangalan, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? Nakadarama ba ng pagsisisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensya at katwiran na ganitong kumilos? Walang silbi ang konsiyensya ng ganitong klaseng tao, at hindi sila kailanman nakadama ng pagsisisi sa sarili. Kaya, mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ako ay naantig nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos. Hindi ko nakamit ang gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi ako naging tapat sa aking puso. Inisip ko lamang ang sarili kong kalagayan at katayuan sa halip na kapakanan ng tahanan ng Diyos. Kinamumuhian ng Diyos ang ganitong pag-uugali pagdating sa tungkulin. Sa pagbabalik tanaw, nang makita kong hindi ako kasing galing ng iba, at nang mailagay ako sa likuran, naging negatibo ako at hindi aktibo at hindi ko ginustong sanayin ang aking mga ekspresyon at galaw. Naging masaya na ako sa katiting na pagsisikap, at hindi ko inisip kung paano pa ito mas lalong pagbutihin. Kapag hindi ako kasama sa kuha ay gusto kong magreklamo at makipagtalo, iniisip kong walang kabuluhan ang pagsisikap ko. Ayoko nang mag-ensayo pa. Sa paggawa ng pelikula, sa tuwing makakasama ako sa kuha ay ginawa ko ang aking bahagi, pero kapag hindi, matamlay ako at kumikilos nang kahit paano na lang. Nakonsensya ako nang maisip ko iyon. Isinasapelikula namin ang mga gawaing pangkoro upang magpatotoo sa Diyos, kaya ang aking pakikilahok ay pag-aangat ng Diyos sa akin. Dapat ay pinagsikapan ko sa abot ng aking makakaya na magampanan nang mabuti ang aking tungkulin. Sa halip, ang aking pagnanasa para sa kalagayan at katayuan ang naging rason ng aking pagiging pabaya, negatibo, at tamad. Wala akong konsensya o katinuan. Ako ay isang makasarili at mababaw na tao. Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, kaya paanong hindi Siya masusuklam sa ugali ko? Nang aking mapagtanto ito, ako’y nakaramdam ng pagsisisi at pagkakonsensya, at nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos ko! Nagkamali ako. Mayroon akong mga pinagsisisihan sa naging bahagi ko sa programang ito at ngayon ay hindi ko na magagawang makabawi rito. Mula ngayon, pawang katotohanan na lamang ang aking hahangarin at titigilan ko na ang pag-iisip sa pansariling kalagayan at katayuan. Gusto kong gawin nang matatag ang aking tungkulin.”

Noong oras na iyon, akala ko ang tanging magagawa ko na lang ay mapuno ng pagsisisi, ngunit sa aking pagkagulat, kinailangan naming gumawa ng karadagdagang eksena para sa pelikula. Iba’t ibang emosyon ang naramdaman ko nang marinig ko iyon. Pakiramdam ko ito na ang pagkakataon kong magsisi. Napagpasyahan kong gawin nang maayos ang aking tungkulin upang masiyahan ang Diyos. Ibinuhos ko lahat ng aking pagsisikap sa pag-eensayo, at paglaon, nakita kong mas naging mahusay ang aking galaw. Magsisimula na sana kami sa paggawa ng pelikula, ngunit kinailangan itong ipagpaliban dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari. Sinabi sa amin ng direktor na magpatuloy sa pagsasanay. Noong una, nagagawa kong sanayin nang husto ang aking sarili araw-araw, ngunit nagsimula akong mag-isip, “Hindi namin alam kung kailan kami gagawa muli ng pelikula o kung ilang beses ang pagsasanay. Tulad noong nakaraan, marahil ay hindi ulit ako makakasama sa ibang kuha. Mayroon na akong simpleng kaalaman sa mga kanta at mga galaw, sapat na siguro na ang mga iyon lamang ang aking sanayin.” Binalaan kami ng tagapagturo na huwag ihinto ang pagsasanay bago maisagawa ang pelikula at maaaring magbago ang mga kinaukulang posisyon sa entablado. Ngunit hindi ko inintindi iyon, inisip ko, “Walang pagkakataon na mailagay ako sa harap, kaya kahit na magsikap ako, hindi pa rin ako makikita sa kamera. Bakit pa ako mag-aabala?” Sa tuwing babanggitin ng tagapagturo ang mga mali sa akin, hindi ako handang ayusin ang mga iyon, at nagdadahilan ako: “Ang mga kapatid sa harap ang mapapanood sa pelikula, kaya sila dapat ang mas sasanayin. Ngunit nasa likuran lang naman ako, hindi ako makikita. Hindi na kailangang busisiin pa iyong ginagawa ko.” Pagkatapos noon, nakaramdam ako ng pagod sa mga ensayo, na tila ba’y nakakapagod iyon. Maraming beses na ayaw ko nang magpunta. Napagtanto kong bumalik na naman ang dati kong problema at hindi ito maganda sa pakiramdam. Tinanong ko ang aking sarili, “Bakit ba wala akong gana sa tungkulin ko? Bakit hindi ko magawang pagtuunan ng pansin ang pagbibigay lugod sa Diyos?” Nanalangin ako sa Diyos tungkol sa aking tunay na kalagayan, at humingi sa Kanya ng patnubay.

Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang isipan at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. … Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahanap kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahanap. Palagi ninyong iniisip ang mga pagpapala ng katayuan. Bakit hindi maialis ng karamihan sa mga tao ang pagiging negatibo? Hindi kaya dahil palaging malabo ang mga maaasahan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). “Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong tao; kailangan ninyong makita ang kanyang ipinamumuhay, ang kanyang ipinapakita, at ang kanyang saloobin kapag ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin, pati na ang kalagayang panloob niya at ang kanyang minamahal. Kung ang pagmamahal niya sa kanyang sariling katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa kanyang katapatan sa Diyos, kung ang pagmamahal niya sa kanyang sariling katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa mga interes ng Diyos, o kung ang kanyang pagmamahal sa sarili niyang katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa konsiderasyong ipinapakita niya para sa Diyos, hindi siya isang taong may pagkatao. Nakikita ng iba at ng Diyos ang kanyang paggawi; samakatuwid, napakahirap para sa gayong tao na matamo ang katotohanan(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salita ng Diyos ang siyang nagsiwalat sa aking malalim at kasuklam-suklam na mga motibo, at ipinakita sa akin kung bakit ako naging pabaya noong hindi ako makapagpakitang-gilas sa aking tungkulin at kung bakit wala akong pakialam sa aking tungkulin at responsibilidad. Masyadong matindi ang aking pagnanasa para sa kalagayan at katayuan. At dahil nga wala akong talento noong simula pa lamang, hindi naging halata ang motibo kong magpasikat. Hinangad kong magpakitang gilas sa kabila ng kawalan ko ng talento. Nang makita kong wala akong pagkakataon na mahigitan ang iba, na hindi ako mapupunta sa harap na hilera, naging negatibo ako sa lahat ng bagay at bahagya lang pinagsikapan ang aking tungkulin. Basta ko na lang ginawa ang mga paggalaw nang hindi iniisip na pagbutihin ito. Naisip ko, yamang hindi rin naman ako makapagpapakitang-gilas, mas mabuti nang hindi ko masyadong pahirapan ang aking sarili, sa ganoong paraan hindi ako malulugi. Ang mga lason ni Satanas katulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay malalim na nakatanim sa akin. Nasa ilalim ako ng kanilang kontrol kaya pansariling pakinabang lang ang nasa isip ko sa lahat ng aking ginagawa. Ginagawa ko lang ito para sa sariling pangalan at pakinabang. Na totoo rin sa aking tungkulin. Nagsisikap ako kapag may pagkakataong makapagpasikat, ngunit nang hindi ko matupad ang aking mga hangarin, ay kahit paano na lamang ang paggawa ko, na hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos o ang tahanan ng Diyos. Namumuhay ako sa mapanlinlang kong kalikasan, nagpaplano para sa pansariling pangalan at posisyon. Matamlay at mapanlinlang ako sa aking tungkulin, na walang anumang responsibilidad o anumang konsensya, katinuan, o dignidad. Ako ay ganap na hindi maaasahan. Naisip ko kung gaano karami ang mga kapatid na alam kong dalisay at matapat, na saan man ang kanilang posisyon sa entablado ay binibigay nila sa Diyos ang lahat ng kanilang makakaya. Sa paglipas ng panahon, bumuti ang kanilang pagkanta at pagsayaw at nakikita nila ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos. At saka mayroong mga nasa likod lang ng mga eksena, na tahimik na ginagampanan ang kanilang bahagi kahit na hindi sila kailanman makikita. Sabi nila, sulit lahat ng ginagawa nila kapag nakikita nila na nasa internet ang programa. Subali’t noong hindi ako nakapagpasikat hindi ko na ginawa ng mabuti ang aking tungkulin. Nagkulang ako sa pagkatao ko. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, kaya’t kinasusuklaman at kinamumuhian Niya ang pagkatao at mga hangarin na katulad ng sa akin. Hindi ko nakamit ang gawain ng Banal na Espiritu sa aking tungkulin, at hindi ako makasulong sa buhay. Alam ko na kung hindi ako magsisisi, hindi ako kailanman magkakamit ng anumang katotohanan. Ako ay maaalis ng Diyos! Nakaramdam ako ng takot sa aking pagninilay at ako’y nanalangin sa Diyos. “O Diyos ko, nakita ko kung gaano ako naging kahiya-hiya, namumuhay sa aking tiwaling disposisyon, walang pagkatao. Diyos ko, nais kong magsisi at magbago. Gabayan Niyo po ako upang baguhin ang aking disposisyon at pagtuunan ng pansin ang aking tungkulin.”

Nang maglaon ay binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung nais mong maging tapat sa pagtugon sa kalooban ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, hindi maaaring gampanan mo lamang ang iyong tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang utos na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong mga panlasa at kasama sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo o hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at sundin. Hindi mo lamang kailangang tanggapin ito, kundi kailangan ay aktibo kang makipagtulungan, at matuto tungkol dito at makapasok dito. Kahit nagdurusa ka at hindi pa namumukod-tangi at sumisikat, kailangan ka pa ring maging tapat. Kailangan mo itong ituring na tungkulin mong tutuparin; hindi bilang personal na bagay, kundi bilang tungkulin mo. Paano dapat unawain ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Ito ay kapag may ipinagawa ang Lumikha—ang Diyos—sa isang tao, at sa puntong iyan, nagsisimula na ang tungkulin ng taong iyon. Ang mga gawaing ibinibigay sa iyo ng Diyos, ang mga inuutos sa iyo ng Diyos—iyan ang mga tungkulin mo. Kapag itinuring mong mga mithiin mo ang mga ito, at talagang taos-puso ang pagmamahal mo sa Diyos, makatatanggi ka pa ba? Hindi mo dapat tanggihan ang mga ito. Dapat mong tanggapin ang mga ito. Ito ang landas ng pagsasagawa(“Makakaya Lamang ng Mga Tao na Maging Totoong Masaya sa Pamamagitan ng Pagiging Matapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Napagtanto ko na ang tungkulin ko ay utos ng Diyos sa akin, at makapagpakitang-gilas man ako o hindi, dapat kong bitiwan ang aking mga pansariling motibo, ituring ito bilang aking tungkulin, at gawin ang aking makakaya ayon sa hinihiling ng Diyos. Sa totoo lang, sa anumang pagkakaayos, may mga tao na nasa harap at may nasa likuran, ngunit kahit nasaan man sila, ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Tinitingnan ng Diyos ang ating motibo at pag-uugali sa ating tungkulin, kung ang ating puso ba ay nandoon, at kung isinasagawa natin ang katotohanan upang malugod ang Diyos. Naisip ko na bagaman hindi ako likas na magaling katulad ng ibang mga kapatid, binigyan pa rin ako ng Diyos ng pagkakataong magsanay upang umunlad sa aking mga kasanayan at sa aking pagpasok sa buhay. Iyan ang pag-ibig ng Diyos! Alam ko nang hindi ako dapat maging makasarili at walang puso katulad noon, na sinasaktan ang puso ng Diyos at binibigo Siya. Kung nasa harap man ako o nasa likod, kung nakikita man ako o hindi, tatanggapin ko ang aking pwesto bilang isang nilikha upang gawin nang dalisay ang aking tungkulin at gantihan ang pag-ibig ng Diyos.

Siniguro kong manalangin at umasa sa Diyos at nagsumikap ako anuman ang i-ensayo namin. Kapag nagbabasa kami ng mga salita ng Diyos bago mag-ensayo, naiisip ko ang tungkol sa mga hinihingi ng Diyos, at isinasagawa ang Kanyang mga salita sa pagsasanay. Kapag sinasabi ng tagapagturo ang aking mga pagkakamali, nakikinig ako at isinasama ito sa aking pagsasanay. Tinatandaan ko ang aking mga kakulangan at ginagamit ang aking libreng oras para sa pagsasanay. Itinigil ko na ang paggawa nang bahagya lang. Gamit ang tamang mga motibo para sa pag-eensayo, araw-araw akong nakakaramdam ng kasiyahan. Nararamdaman ko talaga ang patnubay ng Diyos sa aking tungkulin at hindi ako napapagod. Paglaon, bumuti ang aking mga galaw at ekspresyon, at sinabi sa akin ng mga kapatid na bumuti ang aking kakayanan. Naramdaman ko kung gaano kahalaga na harapin ang aking tungkulin na may matapat na puso.

Nasa likuran pa rin ako sa malaking bahagi ng pelikula, at minsan hindi ko gustong gawin ang makakaya ko. Kaya’t mananalangin ako sa Diyos at iisipin kung paano isasaalang-alang ang Kanyang kalooban, kung paano ibibigay ang aking sarili. Medyo nagtagal ito, ngunit bumuti ang aking pag-iisip. Kapag ako’y nasa likuran, ipinagdarasal ko ang mga kapatid ko sa harap. Kapag wala ako sa harap ng kamera, tinutulungan ko ang aking mga kapatid sa pag-ayos ng kanilang mga kasuotan at buhok, ginagawa ko ang aking makakaya para sa aking tungkulin. Kapag may nakikita akong mga kapatid na nagiging negatibo dahil nasa likuran sila, inaalok ko ang aking pakikisalamuha sa kalooban ng Diyos. Ang paggawa ng aking tungkulin sa ganoong paraan ay nagpagaan at nagpabuti sa aking kalagayan. Ang pagsasantabi sa katanyagan at katayuan at pagsasagawa ng katotohanan ay nanggaling sa patnubay ng mga salita ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...