Ang Pagtupad sa Tungkulin ay Hindi Tungkol sa Tagal Na ng Pananalig

Setyembre 5, 2022

Ilang taon na akong kasama sa pagre-record ng mga himno. Dahil mahaba-habang panahon na akong nananalig sa Diyos, lumalapit sa akin ang ilang kapatid bago mag-record ng mga kanta para hilingin sa akin na magbahagi tungkol sa pagkaunawa ko sa mga liriko ng mga himno ng salita ng Diyos. Minsan, sinasabihan ng lider ng grupo ang mga batang kapatid na makipagbahaginan sa akin tungkol sa salita ng Diyos. Sa paglipas ng panahon, nalaman ko na pagdating sa pagbabahagi tungkol sa salita ng Diyos, nakamit ko na ang pagsang-ayon ng mga kapatid ko at ng lider ng grupo, at masayang-masaya ako. Kahit na ang pagkanta ko ang pinakapangit, ang pagkaunawa ko naman sa salita ng Diyos ang pinakamahusay sa aking mga kapatid. Para makamit ang paghanga ng aking mga kapatid, sa tuwing hinihiling nilang ibahagi ko ang pagkaunawa ko sa mga liriko ng himno, maaga kong pinag-iisipan ang mga bagay-bagay, at naghahanap din ako ng ilang pagbabahagi o mga video na may kinalaman sa mga liriko bilang sanggunian. Sa gano’ng paraan, mas magiging mataas ang pagkaunawa sa pagbabahagi ko kaysa sa iba. Isa pa, kahit na sinabi kong ang kakayahan ng lahat na makatanggap ay limitado, at na dapat lang tayong magbahagi tungkol sa kung anong nauunawaan natin, kapag nagbabahagi ang iba, ni hindi ako nakikinig nang mabuti. Sa halip, ang iniisip ko lang ay kung paano ako makakapagbahagi ng mas naiibang pagkaunawa kaysa sa iba. Minsan, sinasabi ko sa mga kapatid na mauna na silang magbahagi, at kapag tapos na silang magbahagi, pinupuna ko ang mga kakulangan at sinasabi ko sa kanila kung paano ko nauunawaan ang liriko ng kantang iyon. Pagkatapos ko, masayang sinasabi ng ilang kapatid, “Napakalaking tulong ang pagbabahagi mo sa amin.” Sabi naman ng iba, “Kakaunti lang ang karanasan at pagkaunawa ko sa salita ng Diyos. Sa hinaharap, hihingi ako ng pagbabahagi sa iyo bago ang bawat kantang ire-record ko.” Matapos marinig ang mga bagay na ito, kahit na pinaaalalahanan ko silang huwag umasa sa iba, at na kailangan pa rin nilang magsumikap na pagnilayan ang salita ng Diyos, sa puso ko, ‘di ko namamalayang pinapahalagahan ko pa rin ang sarili ko.

May ilang pagtitipon din kung saan nagbahagi kami tungkol sa pagkakilala sa mga anticristo, at sinabi ng ilang kapatid sa akin, “Brother, medyo mababaw ang aming pagkaunawa sa mga salita ng Diyos na nagbubunyag sa mga anticristo, at hindi namin kayang kumilala batay sa aktuwal na sitwasyon. Pakiusap, magbahagi ka sa amin!” Sa mga ganitong pagkakataon, sinabi kong kakaunti lang ang alam ko, pero naramdaman ko pa rin sa puso ko na nakatataas ako. Pakiramdam ko, matagal na akong nananalig sa Diyos, na marami na akong nakilalang tao at naranasang bagay, kaya mas malalim ang pagkaunawa ko sa salita ng Diyos kaysa sa aking mga kapatid. Pagkatapos nun, nagbahagi ako tungkol sa mga narinig ko noong insidente ng panlilinlang ng mga anticristo sa mga tao. Nang makita ko na ang lahat ay nakikinig nang mabuti, talagang nasiyahan ako na maramdamang pinapahalagahan ako. Unti-unti kong nadiskubre na bihira nang pagnilayan ng ilang kapatid ang kahulugan ng mga liriko ng mga himno, at hinihintay na lang nila ang pagbabahagi ko. Medyo manhid ako nung panahong iyon, at hindi ko alam kung paano pagnilayan ang sarili ko. May malabo lang akong pakiramdam na hindi ito tama. Naisip ko pa nga na ang ibinabahagi ko lang naman ay kung paano ko nauunawaan ang salita ng Diyos, at nakatutulong ito sa mga kapatid ko, kaya hindi ito dapat maging problema. Kaya hindi ko na ito masyadong inisip pa. At sa isang iglap, itinaas ko ang sarili ko nang hindi ko namamalayan.

Minsan, bago mag-record, isang nakababatang kapatid ang nagsabi sa akin, “Brother, kuwentuhan mo kami ng istorya sa Bibliya na may kinalaman sa himnong ito!” Para gawing mas malinaw ang kuwento, noong nagsasalita ako, ginaya ko ang tono ng mga salita ng Diyos na si Jehova. Pagkasabi na pagkasabi ko ng ilang salita, sobra akong nabalisa. Naisip ko, “Tama ba na gayahin ko ang tono ng mga salita ng Diyos?” Pero muli, ginagawa ko ito para tulungan ang mga tao na mapunta sa estado ng pagre-record, kaya hindi ko naisip na may problema. Gayunpaman, matapos kong magsalita sa loob lang ng ilang saglit, sinabi sa akin ng nakababatang kapatid, “Brother, inaantok ako sa’yo.” Nang marinig kong sabihin niya iyon, nag-init ang mukha ko, at agad akong tumigil sa pagsasalita. Dahil wala sa magandang kondisyon ang lahat nung oras na iyon, hindi masyadong maganda ang kalidad ng recording, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Kinagabihan, biglang sumumpong ang mga sakit ko sa tiyan. Kahit pagkatapos kong uminom ng gamot, panaka-naka pa rin akong nakakaramdam ng sakit sa tiyan ko. Bandang alas dos ng madaling-araw, bigla akong nakaramdam ng sobrang sakit sa tiyan ko. Napakasakit nito na pagulong-gulong ako sa higaan. Pakiramdam ko, mamamatay na ako anumang oras. Sa sandaling iyon, malinaw kong naisip ang mga salita ng Diyos, “Ngunit sa anumang malalang karamdaman—kapag pinabagsak ka ng sakit, at kapag bigla na lamang hindi makayanan ang buhay—ang ganoong uri ng pakiramdam o karamdaman ay hindi aksidenteng nangyayari(“Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pamamagitan ng pagpapaalala ng salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi aksidente ang biglang pagsumpong ng sakit na ito, nangyari ito nang may pahintulot ng Diyos, kaya pinagnilayan ko kung anong pinakahuli kong inilantad. Napagtanto ko na bago mag-record, para maikwento nang mas malinaw ang istorya sa Bibliya at mapatingala sa akin ang mga kapatid ko, sinadya kong gayahin ang tono ng boses ng Diyos. Nagulat ako sa mga ikinilos ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Dapat kayong magpitagan sa patotoo ng Diyos. Huwag ninyong balewalain ang gawain ng Diyos at ang mga salitang nagmumula sa Kanyang bibig. Huwag ninyong gayahin ang tono at mga layunin ng mga pahayag ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Kautusan ng Bagong Kapanahunan). “Dapat mong ingatan ang iyong mga paghakbang upang maiwasang labagin ang mga hangganang itinakda ng Diyos para sa iyo. Kung lumabag ka, magiging dahilan ito upang tumayo ka sa posisyon ng Diyos at magsalita ng mga salitang mapagmataas at mapagmalaki, at sa gayon ay kamumuhian ka ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Kautusan ng Bagong Kapanahunan). Nang maisip ko ito, takot na takot ako. Pinaalalahanan tayo ng Diyos noon pa man na tumayo sa mga sarili nating pwesto, maging maingat sa ating mga sinasabi, at huwag gayahin kailanman ang tono ng mga pagbigkas ng Diyos, kundi, kamumuhian tayo ng Diyos. Sa kabila nito, para tingalain ako ng mga tao, ginaya ko ang tono ng Diyos. Hindi ba’t sa paggawa nito, tumatayo ako sa pwesto ng Diyos? Ito ay isang bagay na lubos na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Nung sandaling iyon ko lamang napagtanto na ito ay pagdidisiplina sa akin ng Diyos. Agad akong nagdasal sa Diyos. “Diyos ko, sobra akong walang kahihiyan. Para makamit ang paghanga ng aking mga kapatid, ginaya ko talaga ang tono ng Iyong boses para magpasikat. Sa sobrang yabang ko, nawalan na ako ng katinuan. Diyos ko, gusto kong magsisi, at hilingin sa Iyo na gabayan ako sa pagkilala sa aking sarili.” Patuloy akong nagnilay, nagdasal, at naghanap kasama ang Diyos, at bago ko pa namalayan, medyo nabawasan na ang sakit ko.

Pagkatapos nun, napaisip ako, papaano ko nagawa ang bagay na ‘yon? Sa pagninilay-nilay ko, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa ngayon, nahaharap kayo sa isang napakalaking problema. Anong problema iyon? Iyon ay na, dahil may kakayahan kayong mangaral ng kaunting doktrina, at may naiintindihan kayong partikular na mga espirituwal na kasabihan, at kaya ninyong magsalita nang kaunti tungkol sa inyong mga karanasan sa pagkilala sa inyong sarili, iniisip ninyo na nauunawaan ninyo ang katotohanan, na nakaabot na sa isang partikular na antas ang inyong pananampalataya sa Diyos, na nakakaangat kayo sa karamihan. Ngunit ang totoo, hindi pa kayo nakapasok sa realidad ng katotohanan, at kung walang mga taong susuporta at maglalaan para sa inyo, kung walang mga taong magbabahagi ng katotohanan sa inyo at gagabay sa inyo, hihinto kayo, at magiging masama. Wala kayong kakayahang isagawa ang gawaing magpatotoo sa Diyos, hindi ninyo nagagawang kumpletuhin ang atas ng Diyos, subalit sa inyong kalooban, mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, iniisip ninyo na mas marami kayong nauunawaan kaysa sa karamihan—ngunit ang totoo, wala kayong tayog, hindi pa kayo nakapasok sa realidad ng katotohanan, at naging mayabang kayo dahil lamang sa nagagawa ninyong unawain ang ilang salita at pahayag ng doktrina. Sa sandaling pumasok ang mga tao sa ganitong kalagayan, kapag iniisip nila na natamo na nila ang katotohanan, at naging kampante, anong uri ng panganib ang pinasukan nila? Kung talagang lumitaw nga ang kapani-paniwalang huwad na lider o anticristo, siguradong makukumbinsi kayo at magsisimulang sumunod sa kanya. Mapanganib ito, hindi ba? Malamang na maging mayabang, may labis na pagtingin sa sarili, at kampante kayo—kung magkagayon, hindi ba kayo mapapalayo sa Diyos? Hindi ba kayo tatalikod sa Diyos at tatahak sa sarili ninyong landas? Kung wala ang realidad ng katotohanan, hindi ninyo magagawang magpatotoo sa Diyos; patototohanan lamang ninyo ang inyong sarili at ipagmamalaki ang inyong sarili—at kung magkagayon ay hindi ba manganganib din kayo? ... Maaaring nagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa loob ng ilang taon, ngunit walang kapansin-pansing pag-unlad sa inyong pagpasok sa buhay, nauunawaan lamang ninyo ang ilang mababaw na doktrina, at wala kayong tunay na kaalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos, walang mga kabatirang masasabi—at kung ito ang inyong tayog sa ngayon, ano ang malamang na gagawin ninyo? Anong mga katiwalian ang ipapakita ninyo? (Kayabangan at kapalaluan.) Titindi ba ang inyong kayabangan at kapalaluan, o hindi magbabago? (Titindi ang mga iyon.) Bakit titindi ang mga iyon? (Dahil iisipin natin na lubhang kwalipikado tayo.) At ano ang pinaniniwalaan ng mga tao na pinagbabatayan ng kanilang pagiging lubhang kwalipikado? Sa kung ilang taon na nilang nagagampanan ang isang partikular na tungkulin, sa kung gaano karaming karanasan na ang kanilang natamo, hindi ba? At dahil sa ganitong sitwasyon, hindi ba kayo unti-unting magsisimulang mag-isip ayon sa tagal ng panunungkulan? Halimbawa, maraming taon nang naniwala sa Diyos ang isang partikular na brother at matagal na siyang nakaganap sa tungkulin, kaya siya ang pinaka-kwalipikadong magsalita tungkol sa tungkuling ito; may isang partikular na sister na hindi pa gaanong matagal dito, at bagama’t maliit ang kanyang kakayahan, wala siyang karanasan sa pagganap sa tungkuling ito, at hindi pa natatagalan ang paniniwala niya sa Diyos, kaya siya ang pinakamababa ang kwalipikasyon para magsalita. Ang taong pinaka-kwalipikadong magsalita ay iniisip sa kanyang sarili na, ‘Dahil mas matagal na ako sa tungkulin, ibig sabihin niyan ay nakaabot na sa pamantayan ang pagganap ko sa aking tungkulin, at nakarating na sa tugatog ang aking paghahangad, at wala na akong sapat pagsumikapan o pasukin pa. Nagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, humigit-kumulang ay nakumpleto ko na ang gawaing ito, dapat ay nasiyahan na ang Diyos.’ At sa ganitong paraan nagsisimula silang makampante. Nagpapahiwatig ba ito na nakapasok na sila sa realidad ng katotohanan? Hindi na sila umuunlad. Hindi pa rin nila natatamo ang katotohanan o ang buhay, subalit iniisip nila na lubha silang kwalipikado, at nagsasalita ayon sa tagal ng kanilang panunungkulan, at naghihintay ng gantimpala ng Diyos. Hindi ba ito pagpapakita ng mayabang na disposisyon? Kapag hindi ‘lubhang kwalipikado’ ang mga tao, alam nila na dapat silang mag-ingat, ipinapaalala nila sa kanilang sarili na huwag magkamali; kapag naniwala na sila na lubha silang kwalipikado, nagiging mayabang sila, at nagsisimulang maging mataas ang tingin nila sa sarili, at malamang na maging kampante. Sa gayong mga pagkakataon, hindi ba malamang na humingi sila ng mga gantimpala at ng isang putong mula sa Diyos, tulad ng ginawa ni Pablo? (Oo.) Ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? Hindi ito ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang. Ito ay walang iba kundi isang relasyong transaksyonal. At kapag gayon ang sitwasyon, walang relasyon ang mga tao sa Diyos, at malamang na ikubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila—na isang mapanganib na senyales” (“Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang salita ng Diyos, ikinumpara ko ito sa sarili kong kalagayan. Pagkatapos kong simulan ang tungkulin ko sa grupo ng himno, nung nakita kong maraming kapatid sa paligid ko na sandali pa lang nananalig sa Diyos, hindi ko sinasadyang magsimula na maramdamang mas nauna akong nanalig. Pakiramdam ko, sobrang tagal ko nang nananampalataya sa Diyos, kaya ako ang pinakamatagal nang nananalig sa grupo. Kaya itinaas ko ang sarili ko. Sa tuwing nakikipag-usap ako sa mga kapatid ko, pakiramdam ko palagi, mas marami akong karanasan at mas matagal na akong nananalig kaysa sa kanila. Kapag nagbabahaginan kami tungkol sa aming pagkaunawa sa mga liriko, nagdedesisyon na ako na kakaunti ang karanasan nila, na mababaw ang pagkaunawa nila sa salita ng Diyos, at na wala masyadong liwanag o pagkaunawa sa kanilang pagbabahagi, kaya kapag nagbabahagi sila, hindi ako kailanman nakikinig nang mabuti. Palagi kong pinapaunang magbahagi ang aking mga kapatid, at pagkatapos ay tinatalakay ko ang ilang pagkaunawa na hindi nila naintindihan, na dahilan para magmukhang mas marami akong alam kaysa sa iba. Mula sa mga naisip kong ito, nakita ko na ang kalikasan ko ay masyadong mapagmataas. Itinuring ko ang mga taon ko ng pananalig sa Diyos at pakikinig sa mga sermon bilang kapital, ginamit ko ito para magpasikat, at ni wala akong naramdamang pagkabagabag. Talagang wala akong kahihiyan! Naisip ko kung paano ko natatalakay ang tungkol sa kakaunti kong pagkaunawa sa salita ng Diyos. Hindi ba’t dahil ito sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Pero sa halip na dakilain at patotohanan ang Diyos, sinubukan kong nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos at ginamit ko ang gawain ng Banal na Espiritu bilang kapital para makapagpasikat ako. Talagang wala akong kahihiyan!

Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos. “Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo; kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya. Kung sinasabi mo na sa pagkakaroon ng kaunting karanasan at kaalaman ay mayroon ka nang katotohanan, nagtamo ka na ba ng kabanalan? Bakit nagpapakita ka pa rin ng katiwalian? Bakit hindi ka makakilala sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga tao? Bakit hindi ka makapagpatotoo sa Diyos? Kahit nauunawaan mo ang ilang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang Diyos? Maisasabuhay mo ba ang disposisyon ng Diyos? Maaaring mayroon kang kaunting karanasan, kaalaman, at liwanag tungkol sa isang partikular na aspeto ng katotohanan, ngunit ang maibibigay mo sa mga tao ay lubhang limitado at hindi magtatagal. Ito ay dahil hindi kumakatawan sa diwa ng katotohanan ang pagkaunawa at liwanag na iyong natamo, at hindi ito kumakatawan sa kabuuan ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa isang bahagi o isang maliit na aspeto ng katotohanan, isang antas lamang ito na maaaring makamtan ng mga tao, at malayo pa ito sa diwa ng katotohanan. Ang kaunting liwanag, kaliwanagan, karanasan, at kaalamang ito ay hinding-hindi makakapalit sa katotohanan. Kahit makaranas ang lahat ng tao ng isang katotohanan, at pagsama-samahin ang lahat ng kanilang karanasan at kaalaman, hindi iyon aabot sa kabuuan at diwa ng kahit isang linya ng katotohanang ito. … Sinasabi ng ilang tao na nasa kanila ang katotohanan sa sandaling naunawaan na nila ang tekstuwal na kahulugan ng salita ng Diyos. Hindi ba kalokohan ito? Pagdating sa kapwa liwanag at kaalaman, mayroong usapin ng kalaliman. Ang mga realidad ng katotohanan na maaaring pasukan ng isang tao sa loob ng isang habambuhay ng paniniwala ay limitado. Samakatuwid, dahil lamang taglay mo ang kaunting kaalaman at liwanag ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang mga realidad ng katotohanan. Ang pangunahing bagay na dapat mong tingnan ay kung nauugnay sa liwanag at kaalamang ito ang diwa ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Nadarama ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan kapag nakapagpapaliwanag sila o nakapag-aalok sila ng kaunting mababaw na pagkaunawa. Pinasasaya sila nito, kaya nagiging mayabang sila at may labis na pagtingin sa sarili. Sa katunayan, malayo pa rin silang makapasok sa realidad ng katotohanan. Anong katotohanan ang maaaring taglayin ng mga tao? Maaari bang ang mga taong may katotohanan ay mabuwal kahit kailan at kahit saan? Kung mayroon katotohanan ang mga tao, paano pa nila malalabanan at mapagkakanulo ang Diyos? Kung sinasabi mo na mayroon kang katotohanan, pinatutunayan nito na sa loob mo ay ang buhay ni Cristo—kung gayon kakila-kilabot iyan! Naging Panginoon ka na, naging si Cristo ka na? Isang kakatwang pahayag ito, at lubusang hinuha ng mga tao; hinggil ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at hindi isang mapaninindigang katayuan sa Diyos(“Alam Mo Ba Kung Ano Talaga ang Katotohanan?” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Napakalinaw ng salita ng Diyos. Kahit pa ang isang tao ay may ilang nalalaman tungkol sa katotohanan, kinakatawan lang nito ang kanyang personal na karanasan. Hindi nito kayang tustusan ang buhay ng mga tao, at hindi nito kailanman mapapalitan ang katotohanan! Nahaharap sa katotohanan, ang kakaunting kaalaman ng tao ay isang patak lang sa dagat. Hindi ito gaanong mahalaga. Kung wala ang Diyos para ipahayag ang katotohanan at ang kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, hindi natin kailanman malalaman ang katotohanan. Lalong hindi tayo magkakaroon ng praktikal na pagkaunawa sa katotohanan. ‘Yung katotohanan na may kaunti akong pagkaunawa sa salita ng Diyos ay dahil marami akong narinig na pagbabahagi at karanasan mula sa iba sa mga pagtitipon. Natutuhan ko ang ilang doktrina sa pamamagitan ng pakikinig sa pagbabahagi ng iba. Kahit na may kaunting kaliwanagan ang pagbabahagi ko, hindi ito aktuwal na kaalaman na nakamit ko mula sa pagsasagawa ng katotohanan at pagdanas sa mga salita ng Diyos, ang mga ito ay mga salita lang ng iba na natutuhan ko. Sa kabila nito, ginamit ko ang mga bagay na ito bilang kapital para magpasikat, walang kahihiyan akong nagyabang sa harap ng aking mga kapatid, at nasiyahan ako sa pakiramdam na tinitingala. Ganap akong wala sa katwiran! Matagal na akong nananalig sa Diyos, pero wala pa halos akong naisasagawang katotohanan. Kontento na ako sa pagkakaroon ng kaunting mababaw na pagkaunawa sa salita ng Diyos, at tinrato ko pa nga ito bilang kapital, sa pag-iisip na mas marami akong nauunawaan at mas malawak ang aking kabatiran sa mga salita ng Diyos kaysa sa iba, pero ang totoo, hindi ako umuusad sa pagpasok ko sa buhay at sa paghahangad ko sa katotohanan. Napakamangmang ko!

Isang araw, sa aking debosyonal, nakabasa ako ng isang sipi ng salita ng Diyos na nagbubunyag sa mga anticristo na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang sarili ko. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang patuloy na gumamit ng iba’t ibang mga diskarte at pamamaraan upang makamit ang kanilang mithiin na magkaroon ng katayuan, makuha ang suporta ng mga tao at pasunurin ang mga ito at ipagpitagan sila. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna nila. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan upang hanapin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanila sa mga puso nila na magkakamit sila ng lehitimong katayuan, sa pamamagitan ng pagkamit ng pagsang-ayon at paghanga ng iba. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na binubuo ng isang pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang bunga nito ay ang linlangin ang mga tao, pasambahin sila at pasunurin sa kanila—kaya nga, ang pagganap sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia—ay hindi kailanman magbabago. Ito ay walang pasubaling isang anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa Kanyang mga pagbigkas at sa kaunti ng kahulugan ng katotohanan. Nananatili pa rin ang kanilang ambisyon at mga pagnanasa, nananahan pa rin ang mga ito sa kanilang mga puso at kinokontrol ang kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Ito ay isang totoong anticristo(“Nililito, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Mula sa ibinunyag ng salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting kaalaman at pagkakilala sa diwa ng kung anong ginagawa ng mga anticristo. Gaano man kasigasig gumawa, gumugol, magdusa, at magbayad ng halaga ang mga anticristo, o tulungan ang kanilang mga kapatid dahil sa pagmamahal, ang kanilang mga motibo ay palaging pareho. Ang lahat ng ginagawa nila ay para lang makuha ang loob ng kanilang mga kapatid bilang paraan para makamit ang kanilang mithiin na mapahanga at mapasamba sa kanila ang mga tao. Gumagamit sila ng iba’t ibang paraan para magpasikat, at sa gayon ay dinadala ang mga tao sa kanilang harapan nang hindi namamalayan ng iba. Ang diwa ng ginagawa ng mga anticristo ay kapareho ng sa arkanghel. Palagi nilang gusto na magkaroon ng mataas na posisyon at makipagkumpitensya sa Diyos para sa mga tao at sa katayuan. Ang kanilang mga ambisyon para sa katayuan at kapangyarihan ay hindi kailanman nagbabago. Ginamit ko ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo para pag-isipan ang mga sarili kong kilos. Kahit na hindi ko intensyon na makipagkumpitensya sa Diyos para sa mga tao, kapag nagbabahagi ako sa iba, palagi kong iniisip kung paano ako magbabahagi para tingalain at sambahin nila ako. Gusto ko pa ngang lumapit sila sa akin kapag nahihirapan silang unawain ang mga salita ng Diyos. Para makamit ang mithiing ito, labis akong nagsikap na unawain ang mga liriko ng mga himno nang palihim. Dahil hindi ko itinaas o pinatotohanan ang Diyos, o kaya ay inakay ang aking mga kapatid para umasa sa Diyos, ang kanilang mga puso ay mas malayo na sa Diyos, at hindi na sila umaasa sa Diyos para pagnilayan ang mga liriko. Sa halip, hinihintay nila ang pagbabahagi ko. Hindi ba’t dinadala ko lang ang lahat sa harap ko? Tinatahak ko ang landas ng anticristo! Matapos manalig sa loob ng napakaraming taon, kahit na kaya kong tumalakay ng kaunting pagkaunawa sa salita ng Diyos, hindi pa talaga nagbago ang disposisyon ko sa buhay. Sa panlabas, hindi ako nangahas na lantarang makipagkumpitensya sa Diyos para sa mga tao at sa katayuan, pero sa puso ko, hindi ko kailanman isinuko ang paghahangad ng reputasyon at katayuan. Sa tamang kapaligiran, ‘di sinasadyang nagpasikat ako para tingalain ako ng mga tao. Sobrang kaawa-awa ako. Pagkatapos ng maraming taon ng pananalig sa Diyos, kaya ko lang magsabi ng mga doktrina at wala akong taglay na mga realidad, pero mayabang ko pa ring naisip na magaling ako. Wala talaga akong kamalayan sa sarili. Naisip ko ang mga nakababatang kapatid sa paligid ko. Kahit na ang ilan ay sandali pa lang na nananalig sa Diyos at mababaw ang pagkaunawa sa salita ng Diyos, masidhi silang naghahangad. Oras na maunawaan nila ang salita ng Diyos, kaya na agad nila itong isagawa at pasukin sa kanilang mga buhay, at kapag sila ay naglalantad ng mga tiwaling disposisyon, kaya nilang agad na hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Habang lalo kong ikinukumpara ang sarili ko sa kanila, lalo akong nahihiya. Wala akong kwenta, pero palagi kong ipinagyayabang sa harap ng aking mga kapatid na mas matagal na akong nananalig. Talagang labis akong walang kahihiyan! Sa pagkakataong ito, kung hindi ginamit ng Diyos ang sakit ko para paalalahanan at disiplinahin ako, tinahak ko na sana ang landas ng paglaban sa Diyos nang hindi ko man lang namamalayan!

Kalaunan, nakabasa ako ng ilang sipi ng salita ng Diyos. “Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). “Ito ang uri ng kapaligirang dapat na mayroon sa loob ng iglesia—ang lahat ay nakatuon sa katotohanan at nagsusumikap na ito ay makamit. Hindi mahalaga kung gaano katanda o kabata ang mga tao, o kung sila man ay matatagal nang mananampalataya o hindi. Ni hindi mahalaga kung mahusay ang kanilang kakayahan o hindi. Ang mga bagay na ito ay walang halaga. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay. Ang mga bagay na kailangan mong tingnan ay kung sino ang nagsasalita nang tama at naaayon sa katotohanan, kung sino nag-iisip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung sino ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakakaunawa nang mas malinaw sa katotohanan, na may diwa ng pagiging matuwid, at handang magdusa. Ang gayong mga tao ay dapat suportahan at palakpakan ng kanilang mga kapatid. Ang kapaligirang ito ng katuwiran na nagmumula sa paghahangad na matamo ang katotohanan ang kailangang mamayani sa loob ng iglesia; sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu, at pagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala at patnubay(“Ang Pagkakaroon ng Wangis ng Tao ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtupad ng Iyong Tungkulin Nang Buong Puso, Isip, at Kaluluwa” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na gusto ng Diyos na umasal tayo at tuparin ang ating mga tungkulin bilang mga nilikha sa isang praktikal na paraan. Ito ang paghahangad na dapat mayroon ang mga tao, at ang katwiran na dapat taglay ng mga tao. Hindi ko dapat ipinagyabang na mas matagal na akong nananalig. Gaano man ako katagal nang nananalig sa Diyos at gaano man karaming tungkulin ang nagampanan ko na sa iglesia, o gaano man karaming karanasan at kaalaman tungkol sa salita ng Diyos ang mayroon ako, palagi akong magiging isang nilikha, at dapat kong hangarin ang katotohanan at isagawa ang aking tungkulin nang kapantay ng aking mga kapatid. Ito ang tanging paraan para matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu.

Sa sandaling naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, medyo nagkaroon ako ng direksyon sa kung anong landas ang dapat kong tahakin sa hinaharap. Pagkatapos nun, kapag nagbabahagi ako tungkol sa mga liriko o sa mga pagtitipon kasama ang aking mga kapatid, hindi na ako basta-bastang nagpapasikat, at nakikinig ako nang mabuti sa pagbabahagi ng lahat. Nalaman ko na ang ilan ay nagpapakita ng liwanag at kaliwanagan sa pagsasalita tungkol sa kanilang mga karanasan at kaalaman na hindi ko nauunawaan, at mas lalo akong nahiya dahil dito. Dati-rati, akala ko palagi ay pinakamalalim ang pagbabahagi ko, pero ngayon nakita ko na na hindi ako mas magaling sa pagbabahagi kaysa sa aking mga kapatid. Masyado akong mayabang at nagpupugay sa sarili noon, kaya palagi kong inisip na ako ang pinakamagaling, at hindi ko alam ang sarili kong kakayahan. Alam kong kailangan kong tumayo sa sarili kong pwesto, mas makinig sa pagbabahagi ng iba, at matutong tanggapin ang kaliwanagan at liwanag mula sa Diyos. Ito lang ang paraan para lumago ako.

Tapos isang hapon, biglang nagpadala sa akin ng mensahe ang isang kapatid, hinihiling na ibahagi ko ang pagkaunawa ko sa mga liriko ng dalawang himno, pero medyo kapos na sa oras, kaya wala akong panahon para pag-aralan muna ito. Alalang-alala ako, “Kung pangit ang pagbabahagi ko, anong iisipin ng kapatid ko tungkol sa akin?” Sa oras na iyon, bigla kong napagtanto na gusto kong gamitin ang pagbabahagi tungkol sa salita ng Diyos para patingalain na naman sa akin ang mga tao, kaya agad akong nagdasal sa Diyos, at sinabing gusto kong talikdan ang mga mali kong layunin. Pagkatapos nun, sinabi ko sa kapatid ko, “Hindi ko rin ganap na nauunawaan ang dalawang himno, kaya wala akong masyadong alam, pero pwede tayong magbahaginan nang magkasama.” Nang ituon ko ang isip ko sa tamang direksyon, nakita ko ang patnubay ng Diyos, nakakuha ako ng ilang inspirasyon mula sa pagbabahagi ng aking kapatid, at sa batayan ng kanyang pagbabahagi, nagkuwento ako nang kaunti tungkol sa mga sarili kong kabatiran. Sa ganitong paraan, pinunan namin ang isa’t isa, at habang nagbabahaginan kami, mas nagliwanag ang aming mga puso.

Tunay kong naranasan na kapag hindi tayo nagpapasikat, at nagbabahagi tayo tungkol sa katotohanan nang kapantay ng ating mga kapatid, natatanggap natin ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang ating mga puso ay gumagaan at napapayapa. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman